Hindi na Ako Nalulugmok sa Maling Pagkaunawa Dahil sa Aking Pagsalangsang

Oktubre 3, 2025

Ni Su Tian, Tsina

Noong Agosto 2018, bente-dos anyos na ako. Dahil palaging inuusig at inaaresto ng CCP ang mga Kristiyano, nagplano akong pumunta sa isang malaya at demokratikong bansa para manampalataya sa Diyos. Pero sa hindi ko inaasahan, naaresto ako sa airport. Para pilitin akong ipagkanulo ang impormasyon tungkol sa iglesia, pinatayo ako ng mga pulis nang magkadikit ang mga paa mula alas-sais ng umaga hanggang alas-dose ng hatinggabi araw-araw, sa loob ng anim o pitong araw nang tuloy-tuloy. Napakatagal kong tumayo na nahilo na ako; nanakit at namanhid ang mga binti ko, at bumilis ang paghinga ko. Tinakot din ako ng mga pulis, “Kung hindi ka magsasalita, ibibitin ka namin at ipapatikim sa iyo ang ‘kambal na silab ng yelo at apoy.’ Papasuin ka muna namin gamit ang isang high-temperature machine, pagkatapos ay puwersahan ka naming paiinumin ng tubig, paulit-ulit namin itong gagawin. Pagkatapos niyon, hindi ka na makakapagsalita kahit gustuhin mo pa.” Nang maisip ko ang mga kapatid na pinahirapan ng mga pulis, bigla akong nakaramdam ng takot sa puso ko, “Kakayanin ko kaya kung pahirapan nila ako?” Tahimik akong nagdasal sa puso ko, hinihiling sa Diyos na bigyan ako ng lakas at pananalig. Nang makitang hindi pa rin ako nagsasalita, idinukdok ng mga pulis ang ulo ko at idiniin ang nagbabagang upos ng sigarilyo sa mga butas ng ilong ko. Pumasok ang makapal na usok at init sa mga butas ng ilong ko, bumabara sa lalamunan ko nang matindi na hindi ako makahinga. Pakiramdam ko ay malalagutan ako ng hininga. Sinunog din nila ang balat sa ilalim ng mga butas ng ilong ko, at nakaramdam ako ng sunod-sunod na bugso ng matinding sakit. Pagkatapos, hinila nila pataas ang braso ko, sinindihan ang lighter, at pinaso ang braso ko gamit ang apoy nito. Agad kong sinubukang bawiin ang kamay ko, pero mahigpit itong hinawakan ng pulis at hindi ako hinayaang gumalaw. Pinaso nila ang mga braso ko nang dose-dosenang segundo. Hindi matiis ang sakit. Ang balat sa ilalim ng aking mga braso ay nangitim sa pagkasunog at pagkalapnos; kalaunan ay nagnaknak ito, nag-iiwan ng mga peklat na kasinglaki ng mga itlog. Pagkatapos, nagpakita ang mga pulis ng masasamang ngiti at tingin, at napuno ako ng matinding galit, pagkamuhi, at takot, iniisip na, “Kahit ano ay kayang gawin ng mga diyablong ito. Sino ang nakakaalam kung paano nila ako pahihirapan sa susunod?” Hinang-hina ako at gusto kong umalis sa mala-impiyernong lugar na iyon sa lalong madaling panahon. Pero alam ko na hindi ako puwedeng maging Hudas at ipagkanulo ang mga kapatid ko para lang mapahaba ang kaawa-awa kong pag-iral. Kaya nanalangin ako sa Diyos sa puso ko, sumusumpang kahit mamatay ako, hindi ko ipagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hinding-hindi ako magiging Hudas. Pagkalipas ng ilang araw, isinama ng mga pulis ang pamilya ko para papirmahin ako sa Tatlong mga Pahayag, sinasabing palalayain nila ako kung pipirma ako. Ang tatay ko, na nailihis ng malaking pulang dragon, ay nagsabing itatakwil niya ako bilang anak kung hindi ako pipirma. Alam kong pakana ito ni Satanas at tumanggi akong pumirma. Pagkatapos ay tinakot ako ng mga pulis, sinasabing, “Bibigyan ka namin ng isang huling gabi, pero kung hindi ka pa rin pipirma bukas, dadalhin ka namin sa isang lugar at pahihirapan ka namin!” Natakot ako nang marinig ko ito. “Kaya nilang gawin ang kahit ano, lalo na pagdating sa mga nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, mas brutal pa nga sila. Kung patuloy akong tatanggi na pumirma, sino ang nakakaalam kung paano nila ako pahihirapan?” Nakakatakot isipin ang pagdurusang masahol pa sa kamatayan. Naisip ko, “Paano kung hindi ko makayanan ang pagpapahirap at maging Hudas ako? Kung ganoon, sasalungatin ko ang disposisyon ng Diyos at hinding-hindi na ako magkakaroon muli ng pagkakataong maligtas. Kung pipirmahan ko ang Tatlong mga Pahayag dahil sa karunungan ko, pero hindi naman ipagkakanulo ng puso ko ang Diyos, bibigyan kaya ako ng Diyos ng isa pang pagkakataon?” Sa huli, hindi ko nalampasan ang kahinaan ng aking laman at pinirmahan ko ang Tatlong mga Pahayag. Pagkatapos kong pirmahan ang Tatlong mga Pahayag, pinauwi na ako ng mga pulis.

Pagkauwi, hindi ako mapakali. Bagama’t naisip kong gumamit ng karunungan, pumirma pa rin ako sa Tatlong mga Pahayag, at sa paningin ng Diyos, isa itong tanda ng pagkakanulo. Ililigtas pa kaya ako ng Diyos? Kalaunan, gusto akong isama ng tatay ko para magtrabaho, at nagsama pa siya ng mga kamag-anak at kaibigan para himukin ako. Naisip ko, “Hindi ako puwedeng umalis. Kung aalis ako, hindi ako mahahanap ng aking mga kapatid. Kung ganoon, hindi na ako magkakaroon muli ng pagkakataong bumalik sa sambahayan ng Diyos.” Pakiramdam ko ay para akong isang nawawalang ibon, mag-isang naghihintay sa isang hindi matukoy na sagot. Pagkalipas ng kalahating buwan, nahanap ako ng mga kapatid at nakipagbahaginan sila sa akin tungkol sa paggawa ng aking mga tungkulin. Nang makitang puwede pa rin akong bumalik sa sambahayan ng Diyos at gawin ang aking mga tungkulin, sobra akong naantig na halos maiyak ako, mabilis akong tumango bilang pagsang-ayon. Pagkatapos niyon, anuman ang tungkuling itinalaga sa akin ng iglesia, ginagawa ko ang lahat para tuparin ito. Pero paminsan-minsan ay naririnig ko ang mga kapatid na tinatalakay ang tungkol sa pagpirma sa Tatlong mga Pahayag. Sinasabi nila, “Hinding-hindi natin puwedeng pirmahan ang Tatlong mga Pahayag. Ang pagpirma sa Tatlong mga Pahayag ay pagkakanulo sa Diyos, at tinatatakan tayo nito ng tanda ng halimaw.” Tuwing naririnig ko ang mga salitang ito, parang pinipiga ang puso ko sa sakit, lalo na kapag nababasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong kagustuhan sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang lubusang wawasak sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng habag mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging tapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Nakita ko na ang disposisyon ng Diyos ay matuwid, maharlika, at hindi nalalabag, at hindi na muling magpapakita ng awa ang Diyos sa sinumang magkakanulo sa Kanya at susugat sa Kanyang puso. Naisip ko, “Pinirmahan ko ang Tatlong mga Pahayag at ipinagkanulo ko ang Diyos. Itiniwalag na ba ako ng Diyos? Ibig sabihin ba nito, kahit manampalataya ako hanggang sa dulo, hinding-hindi ako maliligtas ng Diyos?” Lalo na, sa mga video ng patotoong batay sa karanasan mula sa sambahayan ng Diyos, nakita ko ang mga kapatid na, matapos mahuli, ay nanindigan sa kanilang patotoo sa harap ng lahat ng uri ng pagpapahirap, matatag na tumatangging pumirma sa Tatlong mga Pahayag. Pero pumirma ako sa Tatlong mga Pahayag para maiwasan ang pagpapahirap. Hindi lang ako nabigong magpatotoo para sa Diyos, kundi nag-iwan pa ako ng tanda ng kahihiyan, hinahayaang tuyain ako ni Satanas. Pakiramdam ko, siguradong lubusan nang nadismaya sa akin ang Diyos. Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong naging negatibo; sumasakit ang puso ko na parang sinasaksak ng kutsilyo, at sana hindi ko na lang pinirmahan ang Tatlong mga Pahayag. Pero nangyari na ang nangyari, kagaya ng natapon na tubig na hindi na maibabalik. Kalaunan, sinimulang imbestigahan ng sambahayan ng Diyos ang mga pumirma sa Tatlong mga Pahayag; isa rin ako sa mga inimbestigahan. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi ba’t ang mga pumipirma sa ‘Tatlong mga Pahayag’ ang mga nagpasabog ng bomba at sumabog hanggang sa magkapira-piraso?(Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (5)). Kinasusuklaman ng Diyos ang mga pumirma sa Tatlong mga Pahayag at nagkakanulo sa Kanya. Dahil pumirma ako sa Tatlong mga Pahayag, siguradong kinondena at itiniwalag na ako ng Diyos. Paaalisin na kaya ako sa susunod? Kalaunan, kahit na hindi ako pinaalis ng iglesia, namuhay pa rin ako sa pagkanegatibo. Maraming beses, kapag nakikita ko ang mga kapatid na katuwang ko na nag-uusap tungkol sa pagsusulat ng mga artikulong batay sa karanasan o buhay pagpasok, pakiramdam ko ay iba ako sa kanila, na silang lahat ay magkakapatid, at na lahat sila ay may pagkakataong hangarin ang katotohanan at maligtas. Pero iba ako. Ipinagkanulo ko ang Diyos, at siguradong lubusan na akong kinasusuklaman ng Diyos. Pakiramdam ko, ang mga taong tulad ko ay walang karapatang hangarin ang katotohanan, at na kahit manampalataya ako hanggang sa huli, magiging walang-saysay ang lahat, at baka isa lang akong trabahador, at wala nang kinalaman sa akin ang kaligtasan. Namuhay ako sa negatibong kalagayan, at araw-araw, wala sa loob kong ginagawa ang aking mga tungkulin, habang ang puso ko ay puno ng di-maipaliwanag na pasakit. Noong panahong iyon, madalas akong makinig sa isang himno ng mga salita ng Diyos, ang “Kung Isa Kang Tagapagserbisyo.” Tinatanong tayo ng Diyos: “Kung tunay kang isang tagapagserbisyo, makakapagserbisyo ka ba sa Akin nang deboto, nang walang anumang bahid ng pagpapabaya o pagiging negatibo? Kung malaman mong hindi kita napahalagahan kailanman, makakayanan mo pa rin bang manatili at magserbisyo sa Akin habambuhay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (2)). Tuwing naririnig ko ang kantang ito, labis akong naaantig. Isa akong nilikha, at ang pananampalataya sa Diyos at paggawa ng aking mga tungkulin ay ganap na likas at may katwiran, at kahit ayaw na sa akin ng Diyos, mananampalataya pa rin ako sa Kanya hanggang sa wakas. Hangga’t may isa pa akong araw para gawin ang aking mga tungkulin, kailangan kong gawin ang lahat ng aking makakaya para matupad ang aking mga tungkulin!

Isang araw, nakakita ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na perpektong tumukoy sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May isa pang ugat na sanhi kung bakit nalulugmok ang mga tao sa pagkasira ng loob, at ito ay na may ilang partikular na bagay na nangyayari sa mga tao kapag wala pa sila sa hustong gulang o pagkatapos nilang tumuntong sa hustong gulang, ibig sabihin, gumagawa sila ng mga paglabag o ng mga bagay na walang kabuluhan, mga bagay na pawang kahangalan, at mga bagay na pawang kamangmangan. Nasisiraan sila ng loob dahil sa mga paglabag na ito, dahil sa mga bagay na kanilang ginawa na pawang walang kabuluhan at mangmang. Ang ganitong uri ng pagkasira ng loob ay isang pagkondena sa sarili, at ito rin ay isang uri ng paglalarawan sa kung anong uri sila ng tao. … Ang ilang tao ay nagagawa minsan na bitiwan at talikdan ang kanilang pagkasira ng loob. Ginagamit nila ang kanilang sinseridad at ang lahat ng kanilang naiipong lakas sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin, mga obligasyon, at mga responsabilidad, at ibinubuhos pa nga nila ang kanilang buong puso at isipan sa paghahangad sa katotohanan at pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, at sa pagsusumikap na maunawaan ang mga salita ng Diyos. Gayumpaman, sa sandaling may maganap na partikular na sitwasyon o pangyayari, muli silang nasisiraan ng loob, at nararamdaman nilang muli sa kaibuturan ng kanilang puso na inakusahan sila. Iniisip nila, ‘Ginawa mo ang bagay na iyon dati, at ganoon kang uri ng tao noon. Makapagkakamit ka ba ng kaligtasan? May saysay pa ba ang pagsasagawa ng katotohanan? Ano ang tingin ng Diyos sa nagawa mo? Patatawarin ka ba ng Diyos sa nagawa mo? Mababawi ba ang paglabag na iyon sa pamamagitan ng pagbabayad ng halaga sa ganitong paraan?’ Madalas nilang sinasaway ang kanilang sarili at nakakaramdam ng pag-aakusa sa loob-loob nila, at madalas silang nagdududa at nagkukuwestiyon sa kanilang sarili. Hindi nila kailanman maiwaksi ang pagkasira ng loob na ito, at sa kanilang puso, palagi silang nababagabag sa nakakahiyang bagay na kanilang nagawa. Kaya, maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos at tila ba hindi nila narinig ang anumang sinabi ng Diyos, ni tila naunawaan ang alinman dito. Para bang hindi nila alam kung ang pagkakamit ng kaligtasan ay may kinalaman sa kanila, kung maaari ba silang mapatawad at matubos, o kung sila ba ay kalipikado na matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at ang Kanyang pagliligtas. Wala silang kaalam-alam tungkol sa lahat ng bagay na ito. Dahil hindi sila nakakatanggap ng anumang mga kasagutan, at dahil hindi sila nakakatanggap ng anumang tumpak na hatol, sa kaibuturan nila ay palagi silang nasisiraan ng loob. Sa kaibuturan ng kanilang puso, paulit-ulit nilang inaalala ang kanilang ginawa, paulit-ulit nila itong inuulit sa kanilang isipan, inaalala kung paano nagsimula ang lahat at kung paano ito natapos, inaalala kung ano ang nangyari dati at ang nangyari pagkatapos. Paano man nila ito alalahanin, palagi silang nakakaramdam ng pagkakasala, at kaya patuloy silang nasisiraan ng loob tungkol sa bagay na ito sa loob ng ilang taon. Kahit na ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, kahit na naglilingkod sila bilang isang superbisor para sa isang partikular na aytem ng gawain, pakiramdam pa rin nila ay wala silang pag-asa na maligtas. Samakatwid, hindi nila kailanman direktang hinaharap ang usapin ng paghahangad sa katotohanan bilang isang bagay na pinakatama at pinakamahalaga. Naniniwala lang sila na ang pagkakamaling nagawa nila o ang bagay na ginawa nila noon ay lubhang minamasama ng karamihan, o kinokondena at itinataboy ng mga tao, o kinokondena pa nga ng Diyos, at na kahit hangarin pa nila ang katotohanan sa hinaharap, hindi sila maliligtas. Anuman ang hakbang ng gawain ng Diyos o gaano karaming salita ang Kanyang nasabi, hindi nila kailanman hinaharap ang usapin ng paghahangad sa katotohanan sa tamang paraan. Bakit ganito? Ito ay dahil mali ang huling kongklusyong nabuo nila mula sa pagdanas ng ganitong uri ng bagay, at kaya, wala silang kakayahang iwan ang kanilang pagkasira ng loob(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (2)). Inilarawan ng Diyos ang eksaktong kalagayan ko. Mula nang pirmahan ko ang Tatlong mga Pahayag, para nang tinik sa puso ko ang bagay na iyon, at madalas kong maramdaman ang pagkadurog ng puso ko at ang pagkabagabag. Hindi lang isang beses kong tinanong ang sarili ko, “Dahil pinirmahan ko na ang Tatlong mga Pahayag at natatakan na ako ng tanda ng halimaw, ililigtas pa kaya ng Diyos ang isang tulad ko? Gusto ng Diyos ng mga taong makapagpapatotoo para sa Kanya, pero hindi na nga ako nakapagpatotoo para sa Diyos, pumirma pa ako sa Tatlong mga Pahayag at ipinagkanulo ko ang Diyos, na naging isang tanda ng kahihiyan. Itiniwalag na kaya ako ng Diyos?” Sa tuwing ganito ang naiisip ko, parang hinihiwa ng patalim ang puso ko. Hindi ko na nga alam kung ano pa ang sasabihin sa mga panalangin ko. Bagama’t binigyan pa rin ako ng pagkakataon ng iglesia na gawin ang aking mga tungkulin, at lubos akong nagpapasalamat at gustong tuparin ang mga iyon sa abot ng aking makakaya, hindi pa rin talaga maalis ang pagkabalisa sa puso ko. Tuwing naririnig ko ang mga kapatid na pinag-uusapan ang mga pumirma sa Tatlong mga Pahayag, bahagyang kumikirot ang puso ko. Nang makita ang mga karanasan ng mga kapatid na nanindigan sa kanilang patotoo matapos maaresto, lalo pa nitong pinakirot at pinasakit ang puso ko. Naisip kong ang mga taong ito ay sinang-ayunan ng Diyos, pero pumirma ako sa Tatlong mga Pahayag at ipinagkanulo ko ang Diyos, kaya hindi ako naging karapat-dapat sa Kanyang pagliligtas. Dahil hindi ko maiwaksi ang anino ng pagpirma sa Tatlong mga Pahayag, madalas akong namumuhay sa negatibong kalagayan, at hindi ako makakuha ng sigla para hangarin ang katotohanan o magkaroon ng buhay pagpasok. Pakiramdam ko ay para akong isang katawang walang kaluluwa, na ang alam lang ay tapusin ang mga gawain sa bawat araw. Tila sa maayos lang na paggawa ng mga bagay-bagay ako makakabawi sa aking mga pagsalangsang, at doon lang makakaramdam ng kaunting kaginhawahan ang puso ko. Habang pinag-iisipan ko nang mabuti ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi naman pala inalis ng Diyos ang pagkakataon kong hangarin ang katotohanan. Pinahintulutan pa nga Niya akong magsanay sa paggawa ng tungkulin ng isang lider. Kung itiniwalag ako ng Diyos, paano pa ako magkakaroon ng pagkakataong gawin ang tungkulin ko? Lalong hindi ko na matatamasa ang pagdidilig at pagtutustos ng mga salita ng Diyos kung ganoon. Pero patuloy akong nagkakamali ng pagkaunawa sa Diyos at nagsasayang ng napakahabang panahon sa pamumuhay sa pagkanegatibo! Kung magpapatuloy akong maging ganito kanegatibo, hindi ang Diyos ang magtitiwalag sa akin, kundi ako mismo ang sisira sa sarili ko sa pamamagitan ng hindi paghahangad sa katotohanan. Kailangan kong pagnilayang mabuti ang aking sarili at hanapin ang katotohanan para makaalis sa negatibong kalagayang ito.

Kalaunan, nakakita ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa aking mahanap ang ugat ng problema. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Nananampalataya ang lahat ng tao sa Diyos para makakuha ng mga pagpapala, gantimpala, at korona. Hindi ba’t bawat tao ay may ganitong intensiyon sa puso? Sa realidad, mayroon ang bawat tao. Isa itong katunayan. Bagama’t hindi ito madalas tinatalakay ng mga tao, at pinagtatakpan pa nga ang kanilang intensiyon at pagnanais na magtamo ng mga pagpapala, ang pagnanais na ito, ang intensiyon at motibong ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay hindi kailanman natinag. Gaano man karaming espirituwal na teorya ang nauunawaan ng mga tao, anumang kaalaman na batay sa karanasan ang mayroon sila, anumang tungkulin ang kaya nilang gawin, gaano mang pagdurusa ang tinitiis nila, o gaano man ang halagang binabayaran nila, hinding-hindi nila binibitiwan ang intensiyon na magkamit ng mga pagpapala na nakatago sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at palagi silang tahimik na nagpapakapagod at nagpapakaabala para magserbisyo rito. Hindi ba’t ito ang bagay na nakabaon sa pinakakaibuturan ng puso ng mga tao? Kung wala ang intensiyong ito na magkamit ng mga pagpapala, ano ang mararamdaman ninyo? Sa anong saloobin ninyo gagawin ang inyong tungkulin at susundan ang Diyos? Ano kaya ang mangyayari sa mga tao kung ganap na aalisin ang intensiyong ito na magkamit ng mga pagpapala na nakatago sa kanilang puso? Posible na magiging negatibo ang maraming tao, at ang ilan ay mawawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin, at mawawalan ng interes sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Para bang naglaho ang kanilang kaluluwa, at magmumukhang kinuha ang kanilang puso. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang intensiyon na magkamit ng mga pagpapala ay isang bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Marahil, habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin o ipinamumuhay ang buhay ng iglesia, nararamdaman nilang naunawaan nila ang ilang katotohanan at nagagawa nilang talikdan ang kanilang mga pamilya at masayang igugol ang kanilang sarili para sa Diyos, at na mayroon na silang kaalaman ngayon sa kanilang intensiyon na magkamit ng mga pagpapala, at natalikuran na nila ang intensiyong ito, at hindi na sila napamumunuan o nalilimitahan nito. Pagkatapos, iniisip nilang wala na silang intensiyon na magkamit ng mga pagpapala, pero kabaligtaran ang pinaniniwalaan ng Diyos. Mababaw lang kung tingnan ng mga tao ang mga bagay-bagay. Kapag walang mga pagsubok, maganda ang pakiramdam nila sa kanilang sarili. Basta’t hindi sila umaalis sa iglesia o hindi nila itinatatwa ang pangalan ng Diyos, at nagpupursigi silang gumugol ng kanilang sarili para sa Diyos, naniniwala silang nagbago na sila. Pakiramdam nila ay hindi na kasiglahan o pabugso-bugsong damdamin ang nagtutulak sa kanila sa paggampan ng kanilang tungkulin. Sa halip, naniniwala silang kaya na nilang hangarin ang katotohanan, at kaya na nilang patuloy na hanapin at isagawa ang katotohanan habang ginagawa ang kanilang tungkulin, nang sa gayon ay madalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon at makamit nila ang ilang tunay na pagbabago. Gayumpaman, kapag may mga nangyayari na tuwirang may kinalaman sa hantungan at kinalabasan nila, ano ang mga pagpapamalas nila? Nabubunyag ang totoong sitwasyon nila sa kabuuan nito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Inilantad ng Diyos ang tunay kong kalagayan. Napakanegatibo ko dahil ang pagnanais ko para sa mga pagpapala ay nasira. Matapos kong matagpuan ang Diyos, naging masigasig ako sa paggugol ng aking sarili para sa Kanya at sinimulan kong gawin ang tungkulin ko nang full-time pagkatapos na pagkatapos ng high school, iniisip na kung magpapatuloy akong maghangad tulad nito, tiyak na makakapasok ako sa kaharian at matatamasa ang mga pagpapala ng kaharian ng langit. Nang mahuli ako at pumirma sa Tatlong mga Pahayag dahil sa takot sa pagpapahirap, pakiramdam ko ay wala na akong pag-asang makatanggap pa ng mga pagpapala, at nagsimulang lumitaw ang lahat ng pagdududa at maling pagkaunawa ko sa Diyos. Napaisip ako, “Matapos pumirma sa Tatlong mga Pahayag, mapapatawad pa kaya ako ng Diyos? Kung hindi ako ililigtas ng Diyos, may pag-asa pa ba akong pagpalain? Kung walang pag-asang pagpalain, ano pa ang silbi ng pananampalataya hanggang sa huli?” Naging sobrang negatibo ako sa loob-loob ko. Lalo na kalaunan, nang siyasatin ng mga lider ang tungkol sa pagpirma ko sa Tatlong mga Pahayag, nagsimula akong maghinala na baka paalisin ako ng iglesia anumang oras, at pakiramdam ko, kahit na natatamasa ko pa ang pagtutustos ng salita ng Diyos at nagagawa ang aking mga tungkulin, hindi ko matatakasan ang kapalaran na matiwalag. Akala ko wala na akong pag-asang makatanggap ng mga pagpapala, at para bang dinudurog ng mabigat na bato ang puso ko. Pakiramdam ko ay para akong nawalan ng kaluluwa. Madalas akong nababalot ng pagkanegatibo at pasakit, at wala akong mahugot na lakas para hangarin ang katotohanan o buhay pagpasok. Nakita ko na napakatindi ng pagnanais ko sa mga pagpapala. Sa lahat ng taon na ito, ang mga paggugol at sakripisyo ko ay hindi para palugurin ang Diyos kundi para subukang makipagtawaran sa Kanya. Kapag may mapapala, ginaganahan ako sa aking mga tungkulin, pero kapag hindi ako makakatanggap ng mga pagpapala, sobra-sobra akong nagiging negatibo. Ano ang ipinagkaiba ng paghahangad ko at iyong sa mga hindi mananampalataya? Isa lang akong nilikha, ni hindi man lang kapantay ng alabok, pero nagagawa kong pumunta sa sambahayan ng Diyos, gawin ang aking mga tungkulin, at tamasahin ang lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos. Sobra-sobra na ang natanggap ko mula sa Diyos. Pero wala akong kahit katiting na pasasalamat sa lahat ng ibinigay sa akin ng Diyos. Walang kahihiyan pa akong humingi sa Diyos ng mga pagpapala ng kaharian ng langit, at kung hindi ako makatanggap ng mga pagpapala, nagiging negatibo ako at lumalaban. Talagang wala akong pagkatao! Nang mapagtanto ito, lubos akong nagsisi, kaya nanalangin ako sa Diyos, handang bitiwan ang aking mga intensyon para sa mga pagpapala at magsisi.

Pagkatapos niyon, nagbasa ako ng dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng mas malinaw na pagkaunawa sa Kanyang layunin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Karamihan sa mga tao ay nakagawa ng mga pagsalangsang at nagdulot ng ilang mantsa sa kanilang sarili. Halimbawa, ang ilang tao ay lumaban sa Diyos at nagsalita ng mga bagay na lumalapastangan; tinanggihan ng ilang tao ang atas ng Diyos at tumangging gawin ang kanilang tungkulin, at itinaboy ng Diyos; ipinagkanulo ng ilang tao ang Diyos nang maharap sila sa mga tukso; ang ilan ay lumagda sa ‘Tatlong mga Pahayag’ noong arestuhin sila, ipinagkakanulo ang Diyos; ang ilan ay nagnakaw ng mga handog; ang ilan ay naglustay ng mga handog; ang ilan ay madalas na nanggulo sa buhay iglesia at nagdulot ng pinsala sa mga taong hinirang ng Diyos; ang ilan ay bumuo ng mga pangkat at pinahirapan nila ang iba, kaya nagkagulo sa iglesia; ang ilan ay madalas na nagpakalat ng mga kuru-kuro at kamatayan, na nakapinsala sa mga kapatid; at ang ilan ay nakipagrelasyon nang hindi naaangkop sa kasalungat na kasarian at gumawa ng kahalayan, at naging kahindik-hindik na impluwensiya. Sapat nang sabihin na lahat ay may kani-kanyang mga pagsalangsang at dungis. Pero nagagawa ng ilang tao na tanggapin ang katotohanan at magsisi, samantalang ang iba ay hindi matanggap ang katotohanan at mas gusto pang mamatay kaysa magsisi. Kaya dapat silang tratuhin ayon sa kanilang kalikasang diwa at sa kanilang palagiang mga pagpapamalas. Ang mga kayang magsisi ay ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos; pero para sa mga ayaw talagang magsisi, dapat silang paalisin o patalsikin ayon sa nararapat. … Ang pagtrato ng Diyos sa bawat tao ay batay sa mga aktuwal na sitwasyon at konteksto sa panahong iyon, pati na rin sa mga kilos at pag-uugali ng taong iyon at sa kanyang kalikasang diwa. Hindi kailanman inaagrabyado ng Diyos ang sinuman. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Halimbawa, natukso si Eba ng ahas na kumain ng bunga mula sa puno ng kaalaman ng mabuti at masama, ngunit hindi siya sinumbatan ni Jehova sa pagsasabing, ‘Sinabi Ko sa iyo na huwag kainin iyan, kaya bakit ginawa mo pa rin? Dapat ay nagkaroon ka ng pagkilatis; dapat ay nalaman mo na nagsalita lang ang ahas para tuksuhin ka.’ Hindi sinumbatan ni Jehova si Eba nang ganoon. Ito ay dahil ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at alam Niya kung ano ang kanilang likas na mga kapabilidad at kung ano ang itinutulot ng mga ito na gawin ng mga tao, kung hanggang saan kayang kontrolin ng mga tao ang kanilang sarili, at kung gaano kalaki ang maaaring makamit ng mga tao. Alam na alam ng Diyos ang lahat ng ito. Ang pagtrato ng Diyos sa isang tao ay hindi kasingsimple ng inaakala ng mga tao. Ang saloobin ng Diyos sa isang tao—kung gusto Niya ito, tutol dito, o kinasusuklaman ito—ay pangunahing nakabatay sa saloobin ng taong iyon sa katotohanan. Anuman ang sabihin ng isang tao sa anumang konteksto, sinisiyasat at nauunawaan ito ng Diyos, dahil sinisiyasat ng Diyos ang puso at diwa ng tao. Palaging naniniwala ang mga tao: ‘Taglay ng Diyos ang pagka-Diyos lang. Siya ay matuwid at hindi nalalabag ng tao. Hindi Niya isinasaalang-alang ang mga paghihirap ng tao o inilalagay ang Kanyang sarili sa kanilang kalagayan. Kung lalabanan ng isang tao ang Diyos, parurusahan Niya ito.’ Hindi talaga ganoon ang mga bagay-bagay. Kung ganoon ang pagkaunawa ng mga tao sa gawain ng Diyos, sa Kanyang mga prinsipyo sa pagtrato sa mga tao, at sa Kanyang pagiging matuwid, isa itong malubhang pagkakamali. Ang pagtatakda ng Diyos sa kalalabasan ng bawat tao ay hindi batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, kundi sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Susuklian Niya ang bawat tao ayon sa kanilang nagawa. Matuwid ang Diyos, at sa malao’t madali, gagawin Niyang lubos na kumbinsido ang lahat ng tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “May kuwento sa Bibliya tungkol sa pagbabalik ng alibughang anak—bakit ginamit ng Panginoong Jesus ang parabulang ito? Ito ay para ipaunawa sa mga tao na ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan ay taos-puso, at na binibigyan Niya ang mga tao ng pagkakataon na magsisi at magbago. Sa buong prosesong ito, nauunawaan ng Diyos ang mga tao, mayroon Siyang malalim na kaalaman sa kanilang mga kahinaan at sa antas ng kanilang katiwalian. Alam Niyang madarapa at mabibigo ang mga tao. Tulad lamang ng isang batang nag-aaral na maglakad, gaano man kalakas ang kanyang katawan, may mga pagkakataon na matutumba at madarapa siya, at may mga pagkakataong tatama siya sa mga bagay at matatalisod. Nauunawaan ng Diyos ang bawat tao tulad ng pagkaunawa ng isang ina sa kanyang anak. Nauunawaan Niya ang mga paghihirap ng bawat tao, ang kanilang mga kahinaan, at kanilang mga pangangailangan. Higit pa roon, nauunawaan ng Diyos kung ano-ano ang mga paghihirap, kahinaan, at kabiguang kahaharapin ng mga tao sa proseso ng buhay pagpasok at pagbabago ng disposisyon. Ang mga ito ang mga bagay na pinakanauunawaan ng Diyos. Kung gayon, nasasabi na sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Gaano ka man kahina, basta’t hindi mo itinatakwil ang pangalan ng Diyos, o iniiwan Siya at ang landas na ito, lagi kang magkakaroon ng pagkakataong magtamo ng pagbabago sa disposisyon. Kung mayroon ka ng pagkakataong ito, may pag-asa kang manatiling buhay, at sa gayon ay mailigtas ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag hinahatulan ng Diyos kung ang isang tao ay maliligtas o hindi, hindi Niya kinokondena o itinitiwalag ang isang tao batay sa isang panandaliang pagsalangsang. Alam ng Diyos ang ating tayog at nagpapakita Siya ng pag-unawa sa ating mga kahinaan. Sinusukat ng Diyos ang isang tao na pangunahing nakabatay sa palagiang mga pag-uugali ng taong ito at kung kaya nitong tanggapin ang katotohanan. Kung palaging mabuti ang mga pag-uugali nito sa tungkulin, at kung pagkatapos gumawa ng isang pagsalangsang ay kaya nitong tanggapin ang katotohanan at tunay na magsisi, magkakaroon ng habag at magpapakita ng pagpapaubaya ang Diyos sa taong ito. Halimbawa, napuno si David ng pagsisisi matapos angkinin ang asawa ni Urias at hindi na siya kailanman muling nakiapid. Kahit noong matanda na siya, may isang dalagang dinala para painitin ang kanyang kama, pero hindi niya ito nilapitan. Bagama’t sumalangsang si David, taos-puso siyang nagsisi, at sinang-ayunan pa rin siya ng Diyos. May ilang kapatid na pinatalsik dahil sa pagtahak sa landas ng isang anticristo at dahil sa matinding panggugulo sa gawain ng iglesia, pero pagkatapos, tunay silang nagsisi at muling tinanggap sa sambahayan ng Diyos, at nagsulat pa nga sila ng mga artikulong batay sa karanasan na nagpapatotoo sa gawain ng pagliligtas ng Diyos sa kanila. Mula sa kanila, nakita ko na ang awa at pagliligtas ang saloobin ng Diyos sa mga tunay na nagsisisi at kayang tumanggap sa katotohanan. Sa kabaligtaran, para sa mga palaging hindi maganda ang pagganap, hindi tumatanggap sa katotohanan, o hindi tunay na nagsisi, ang saloobin ng Diyos ay kondenahin at itiwalag sila. Halimbawa, may ilang taong pumirma sa Tatlong mga Pahayag na walang anumang pagkaunawa o pagsisisi sa kanilang pagkakanulo sa Diyos pagkatapos, at ipinagkanulo rin nila ang iglesia at ang kanilang mga kapatid. Hindi na binibigyan ng Diyos ng karagdagang pagkakataon ang gayong mga tao dahil tutol sila sa katotohanan at wala silang konsensiya o katwiran. Naisip ko kung paanong hindi pa ako gaanong katagal na gumagawa ng tungkulin ko nang maaresto ako, mababaw ang karanasan ko, at maliit ang tayog ko. Pinirmahan ko ang Tatlong mga Pahayag sa isang sandali ng kahinaan, ngunit pagkatapos, nakaramdam ako ng matinding paninisi sa sarili at pagsisisi, at ginusto kong magsisi at magbago. Binigyan ako ng pagkakataon ng iglesia batay sa aking palagiang mga pag-uugali sa aking tungkulin. Awa ito ng Diyos at ibinunyag nito ang Kanyang pagiging matuwid. Ngunit hindi ko naunawaan ang disposisyon ng Diyos at patuloy akong nagkakamali ng pagkaunawa sa Kanya, iniisip na ako ay nagtatrabaho lamang at matitiwalag kapag tapos na akong magtrabaho—na para bang ginagamit Niya ako para magtrabaho. Inakala ko na magpapakana ang Diyos laban sa mga tao sa bawat pagkakataon, tulad ng tiwaling sangkatauhan. Hindi ba’t kalapastanganan ito sa Diyos? Wala talaga akong may-takot-sa-Diyos na puso! Ganap kong itinanggi ang katuwiran ng Diyos, at itinanggi ko rin ang Kanyang layunin na iligtas ang sangkatauhan hanggang sa sukdulan. Napagtanto kong sa aking pananalig, hindi ko kilala ang Diyos kahit kaunti. Talagang bulag ako! Kung magpapatuloy ako nang ganito, hinding-hindi ako makakatanggap ng kapatawaran ng Diyos. Kailangan kong tularan ang halimbawa ni David, harapin nang mahinahon ang aking mga pagsalangsang, at tunay na magsisi. Hindi mahalaga kung sa huli ay mayroon akong magandang kinalabasan o hindi, kailangan kong tumanggap at magpasakop at hindi mag-alala tungkol sa aking sariling kinabukasan o landas.

Pagkatapos, napaisip ako, “Ano ba talaga ang ugat ng pagkabigo ko sa usapin ng pagpirma sa Tatlong mga Pahayag matapos akong maaresto?” Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Umaasa ka na ang iyong pananalig sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga paghihirap o kapighatian, o ng kahit katiting na pagdurusa. Lagi mong hinahangad ang mga bagay na iyon na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling malabis na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw ay napakawalang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay pawang mga hayop? Hindi ba’t ang mga patay na walang mga espiritu ay mga naglalakad na bangkay? Gaano na karaming salita ang nasambit sa gitna ninyo? Kaunting gawain lamang ba ang nagawa sa gitna ninyo? Gaano na karami ang naipagkaloob Ko sa inyo? Kaya bakit hindi mo ito nakamit? Ano ang iyong mairereklamo? Hindi ba’t wala kang natamo dahil sa iyong labis na pag-ibig sa laman? At hindi ba’t dahil ito sa ang iyong mga kaisipan ay masyadong maluho? Hindi ba’t dahil ito sa ikaw ay napakahangal? Kung mabibigo kang makamit ang mga pagpapalang ito, masisisi mo ba ang Diyos sa hindi pagliligtas sa iyo? … Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka naghahangad. Hindi ba’t kauri ka ng mga baboy o aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naipagkaloob Ko na sa iyo ang tunay na daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan, wala kang anuman. Handa ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano pang silbi na mabuhay ang gayong mga tao? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi mo hinahangad ang anumang layon, kaya hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na humarap sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas sa ganitong paraan, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tunay na daan ay naipagkaloob na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa huli o hindi ay nakasalalay sa iyong sariling paghahangad(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). “Sa kasalukuyan, bawat tao sa mundo ay sumasailalim sa mga pagsubok, maging ang Diyos ay nagdurusa, kaya paanong hindi kayo magdurusa? … Ang ilang tao ay nahaharap sa pag-uusig mula sa kanilang mga pamilya, ang ilan ay nahaharap sa pagtatakwil mula sa kanilang mga mahal sa buhay, at ang ilan, sa ilalim ng pag-uusig, ay hindi makabalik sa kanilang mga tahanan, na walang ligtas na lugar na mapagpapahingahan. Nagdudulot ito ng pagdurusa sa kanilang mga puso. Hindi ba’t ang pagdurusang kinakaharap ninyo ngayon ay kapareho ng tiniis ng Diyos? Nagdurusa kayo ngayon kasama ang Diyos, at sinasamahan ng Diyos ang mga tao sa pagdurusa. Tanging kung mayroon kayong parte ngayon sa kapighatian, kaharian, at pagtitiis ni Cristo kayo magtatamo ng kaluwalhatian sa huli! Makabuluhan ang paghihirap na ito. Hindi ba’t ganoon naman ito? Hindi maaaring wala kang determinasyon. Kailangan mong maunawaan ang kabuluhan ng pagdurusa ngayon at kung bakit labis kang nagdurusa. Kailangan mong hanapin ang katotohanan at maunawaan ang layunin ng Diyos, at pagkatapos ay magkakaroon ka ng determinasyong magdusa(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang ugat sa likod ng pagpirma ko sa Tatlong mga Pahayag ay dahil masyado kong pinahalagahan ang aking laman. Sinunod ko ang satanikong batas para manatiling buhay na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” at inuna ko ang mga interes ng sarili kong laman higit sa lahat. Sa pananampalataya sa Diyos, ninais kong walang maging anumang paghihirap o pasakit, at na hindi magdusa ang aking laman, at higit pa, na hindi na kailangang makaranas ng anumang mga pagsubok o kapighatian. Kaya nang pagbantaan ng pagpapahirap ng malaking pulang dragon, ang nasa isip ko ay hindi kung paano manindigan sa aking patotoo, kundi ang takot ko sa pagpapahirap—upang hindi gaanong mapahirapan, pinirmahan ko ang Tatlong mga Pahayag. Para iligtas ang sarili ko at makaiwas sa pisikal na pagdurusa, yumukod ako sa diyablo at ibinaba ko ang sarili para patuloy na mabuhay, kumapit ako sa aking kahiya-hiyang pag-iral, itinatwa ko ang Diyos, at ipinagkanulo Siya. Ano ang ipinagkaiba ng asal ko sa kay Hudas? Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko rin na para maligtas ang isang tao sa pananalig, kailangan niyang magtiis ng maraming pagdurusa. Sa pamamagitan lamang ng mga sitwasyong puno ng pagdurusa, magkakaroon tayo ng tunay na pananalig sa Diyos. Gawing halimbawa si Pedro. Noong sumunod siya sa Panginoong Jesus, nakaranas siya ng daan-daang pagsubok at pagpipino sa buong buhay niya. Hinangad niyang mahalin ang Diyos sa mga pagpipinong ito, at sa huli, natamo niya ang sukdulang pagmamahal sa Diyos at pagpapasakop hanggang kamatayan, at ipinako siya nang patiwarik sa krus para sa Diyos, naging unang tao sa lahat ng kapanahunan na ginawang perpekto ng Diyos. Nariyan din si Job, na humarap sa mga pagsubok. Sa isang iglap ay nawala sa kanya ang kanyang malaking kayamanan at mga anak, napuno ng mga pigsa ang kanyang katawan, pero nagawa pa ring magpasakop ni Job sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at manindigan sa kanyang patotoo para sa Diyos, tinatakot si Satanas at pinatatakbo ito sa sindak. Naging isang tunay na malayang tao si Job. Kung ikukumpara sa kanila, nakaramdam ako ng hiya. Takot na takot ako at nakipagkompromiso ako kay Satanas kahit hindi pa ako nakakaranas ng matinding pagpapahirap. Para akong isang bulaklak sa greenhouse na hindi makayanan ang kaunting hangin o ulan. Talagang napakahina ko! Kailangan kong hangarin ang katotohanan at hindi na isaalang-alang ang aking laman, at nanumpa ako na kung isang araw ay muli akong maaresto, maninindigan ako sa aking patotoo kahit na pahirapan ako nang matindi ni Satanas na magiging mas masahol pa sa kamatayan ang buhay.

Noong katapusan ng Hulyo 2024, kararating ko lang sa Iglesia ng Dongyang nang biglang nakaranas ng malawakang pag-aresto ang kalapit na iglesia, at isinaayos ng mga lider na agaran kaming tumulong sa paglilipat ng mga aklat ng mga salita ng Diyos. Pero pagkatapos lang naming mailipat ang ilang taguan ng aklat, napaghinalaang sinusundan ang drayber. Bukod pa rito, ang brother na katuwang ko ay nalantad din sa mga potensiyal na panganib dahil sa pakikipag-ugnayan niya sa drayber. Takot na takot ako. Naisip ko kung paanong kamakailan ay matagal akong sinusundan ng mga pulis at muntik na akong maaresto, at kung paanong ipinagkanulo rin ako ng isang Hudas at isa akong pangunahing target ng mga pulis para arestuhin. Kung tinarget ng mga pulis ang brother na katuwang ko, hindi ako makakatakas; at kung mahuli ako ng mga pulis, tiyak na hindi nila ako pakakawalan. Pero nang maisip ko ang pagsalangsang na nagawa ko noong huling beses na naaresto ako at pumirma sa Tatlong mga Pahayag, nagkaroon ako ng matinding damdamin sa aking puso, “Kung mahuhuli talaga ako, isinusumpa kong hinding-hindi ko itatatwa ang Diyos, at tiyak na magpapatotoo ako sa Diyos!” Nang mag-isip ako nang ganito, hindi na nalimitahan ng kapaligirang ito ang puso ko. Mahuhuli man ako o hindi ay nasa mga kamay ng Diyos, at kailangan kong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Kailangang agarang mailipat ang mga aklat, agarang maipatupad ang iba’t ibang gampanin, at kailangan kong protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kaya, patuloy kong tinalakay sa katuwang ko ang mga pagsasaayos para sa paglipat ng mga aklat. Kasabay nito, sumulat ako ng liham sa iglesia para kumustahin ang pag-usad ng paglilipat. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, mas naging panatag ang puso ko. Ang magawa kong makamit ang kaunting kaalaman at pagbabagong ito ay hindi mapaghihiwalay sa gabay ng mga salita ng Diyos. Taos-puso akong nagpapasalamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman