Pagkamulat ng Isang Huwad na Lider
Ni Yang Fan, TsinaNoong 2019, nahalal ako bilang isang lider ng iglesia, at nangako ako sa sarili ko na gagawin ko nang maayos ang aking...
Tinatanggap namin ang lahat ng naghahanap na nasasabik sa pagpapakita ng Diyos!
Ang tungkulin ko sa iglesia ay ang linangin ang mga manggagawa ng ebanghelyo para magpatotoo. Noong una akong magsimula, madalas akong manalangin kapag may mga paghihirap, at sumasangguni ako sa mga kapatid na may karanasan. Praktikal ko ring sinangkapan ang sarili ko sa katotohanan at nanood ako ng mga pelikula at video ng ebanghelyo. Paglipas ng ilang panahon, naarok ko na ang ilang prinsipyo para sa pangangaral ng ebanghelyo, at ang tungkulin ko ay nagkaroon ng ilang resulta. Naisip ko, “Kahit hindi ako ang pinakamagaling sa pangkat, mas magaling naman ako sa karamihan. Kung ipagpapatuloy ko lang ito, sapat na iyon.” Namuhay ako sa isang kalagayan ng pagiging kontento at kampante sa sarili. Paulit-ulit kaming pinaalalahanan ng superbisor na mas sangkapan pa namin ang aming sarili sa katotohanan. Sabi niya, iyon lang daw ang tanging paraan para malutas ang mga kuru-kuro ng mga tao sa mundo ng relihiyon at kung makokontento kami sa kung kasalukuyang kalagayan, hindi kami makakakuha ng magagandang resulta sa aming tungkulin. Sumang-ayon ako sa panlabas, pero sa puso ko, naisip ko, “Para magkaroon ng magagandang resulta sa tungkulin ko, hindi ko lang kakailanganing sangkapan ang sarili ko ng mas maraming katotohanan, kundi kailangan ko ring maghanap ng mga kaugnay na materyales. Para sa mga kuru-kuro ng mga tao sa mundo ng relihiyon na hindi ko kayang lutasin, kailangan ko ring magtanong sa iba tungkol sa mga ito. Kailangan kong magbayad ng malaking halaga at gumugol nang husto sa pag-iisip! Natutuhan ko na ang ilang prinsipyo sa pangangaral ng ebanghelyo at nagkaroon na ako ng ilang resulta sa tungkulin ko. Ayos na sigurong mapanatili ko na lang ito. Sobrang nakakapagod naman kung palaging sagad ang trabaho araw-araw! Saka, hindi na rin pareho ang kalusugan ko mula nang magkasakit ako noong pandemya. Paano kung igupo ako ng sobrang pagod?” Sa pag-iisip nito, lalo pa akong nag-atubiling gumugol ng lakas sa pag-iisip sa pagsasangkap sa sarili ko ng katotohanan. Isang beses, kinumusta ko ang mga manggagawa ng ebanghelyo at nalaman kong hindi sila nakipagbahaginan para lutasin ang mga kuru-kuro ng isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Dahil doon, huminto sa pagdalo sa mga pagtitipon ang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na iyon. Nalaman ko kalaunan na ito ay dahil hindi alam ng mga manggagawa kung paano lulutasin ang mga kuru-kuro ng potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Napagtanto ko na marami pa ring kakulangan sa paraan ng kanilang pangangaral ng ebanghelyo at kailangan nila ng mas maraming pagtitipon at pagbabahaginan. Pero naisip ko kung paanong may mga kakulangan din ako sa larangang ito. Para makipagbahaginan sa kanila, kailangan kong magtanong sa mga kapatid na may karanasan, maghanap ng mga materyales, at manood ng mga kaugnay na clip ng pelikula. Mangangailangan iyon ng napakaraming oras at lakas. Sobrang nakakapagod iyon! Kaya, naghanap na lang ako ng isang kaugnay na clip ng pelikula, ipinadala iyon sa mga manggagawa ng ebanghelyo, at sinabihan silang sila na mismo ang lumutas nito. Alam kong magkakaroon ng limitadong resulta ito, pero ipinagpaliban ko pa rin ang paglutas sa problema. Kalaunan, ilang iba pang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang tumangging sumali sa Iglesia dahil sa parehong uri ng kuru-kuro. Sa isang pulong sa pagbubuod ng gawain, pinungusan ako ng superbisor dahil mekanikal kong ginagampanan ang aking tungkulin. Sabi niya, kuntento na ako basta abala ako, at hindi ako naghahangad na makamit ang mga resulta. Sa madaling salita, pabaya ako at hindi ko isinasapuso ang ginagawa ko. Tumagos sa puso ko nang marinig siyang sabihin ito. Agad na nag-init sa hiya ang mukha ko, at ginusto ko na lang na lamunin ako ng lupa nang buo. Pero alam kong totoo na hindi ko ibinibigay ang lahat sa tungkulin ko kamakailan at na talagang bumaba ang mga resulta. Kinailangan kong tanggapin ito, at pagnilayan at kilalanin ang aking sarili. Naalala ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na narinig ko ilang araw na ang nakalipas: “Kahit ayaw mo sa isang bagay, o nagdurusa ka dahil dito, o kung hinahamon at sinusugpo nito ang iyong dignidad at pride, basta’t ito ay isang bagay na dapat mong maranasan, isang bagay na pinamatnugutan at isinaayos ng Diyos para sa iyo, dapat kang magpasakop dito, at hindi ka maaaring gumawa ng anumang pagpili” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (2)). Ang mga tao, pangyayari, at bagay na kinakaharap ko araw-araw ay may pahintulot lahat ng Diyos. Dapat kong tanggapin ang mga iyon mula sa Diyos at matuto ng aral. Kaya nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, alam kong hindi nagkataon lang ang pagpupungos na ito sa akin, pero hindi ko alam kung ano ang Iyong layunin. Pakiusap, akayin Mo ako para matutuhan ko ang aking aral.”
Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at naunawaan ko ang problema ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga huwad na lider ay hindi gumagawa ng tunay na gawain, ngunit alam nila kung paano kumilos gaya ng isang opisyal. Ano ang unang bagay na ginagawa nila kapag nagiging lider sila? Ito ay ang kunin ang pabor ng mga tao. Ginagamit nila ang pamamaraang ‘Ang mga bagong opisyal ay sabik magpasikat’: Una ay gumagawa sila ng ilang bagay para magpalakas sa mga tao at nangangasiwa sila ng ilang bagay na nagpapabuti sa pang-araw-araw na kapakanan ng lahat. Sinisikap muna nilang mag-iwan ng magandang impresyon sa mga tao, para maipakita sa lahat na kaayon sila ng masa, para purihin sila ng lahat at sabihin na, ‘Kumikilos na parang isang magulang namin ang lider na ito!’ Pagkatapos ay opisyal na silang mamumuno. Pakiramdam nila ay mayroon na silang popular na suporta at matatag na ang kanilang posisyon; pagkatapos, nagsisimula silang magtamasa ng mga pakinabang ng katayuan na para bang nararapat iyon sa kanila. Ang kanilang mga kasabihan ay, ‘Ang buhay ay tungkol lamang sa pagkain at pananamit,’ ‘Maigsi ang buhay, kaya magpakasaya habang kaya,’ at ‘Magpakasaya ka na ngayon, bukas ka na mag-alala.’ Nagpapakaligaya sila sa bawat araw na dumarating, nagpapakasaya sila hangga’t kaya nila, at hindi nila iniisip ang hinaharap, lalong hindi nila isinasaalang-alang kung anong mga responsabilidad ang dapat tuparin ng isang lider at kung anong mga tungkulin ang dapat nilang gawin. Nangangaral sila ng ilang salita at doktrina at ginagawa ang ilang gampanin para magpakitang-tao tulad ng nakagawian—hindi sila gumagawa ng anumang tunay na gawain. Hindi nila tinutuklas ang mga tunay na problema sa iglesia at hindi ganap na nilulutas ang mga iyon, kaya ano ang silbi ng paggawa nila ng gayong mga paimbabaw na gampanin? Hindi ba’t mapanlinlang ito? Maipagkakatiwala ba ang mahahalagang gampanin sa ganitong uri ng huwad na lider? Naaayon ba sila sa mga prinsipyo at kondisyon ng sambahayan ng Diyos sa pagpili ng mga lider at manggagawa? (Hindi.) Walang anumang konsensiya o katwiran ang mga taong ito, wala silang anumang pagpapahalaga sa responsabilidad, subalit nais pa rin nilang magkaroon ng posisyon bilang opisyal, na maging isang lider, sa iglesia—bakit masyado silang walang kahihiyan? Para sa ilang taong may pagpapahalaga sa responsabilidad, kung mahina ang kanilang kakayahan, hindi sila maaaring maging lider—lalo pa ang mga taong walang silbi na wala talagang pagpapahalaga sa responsabilidad; lalong hindi sila kalipikadong maging mga lider. Gaano ba katamad ang gayong mga matakaw at batugang huwad na lider? Kahit may natuklasan silang isyu, at alam nila na isyu ito, hindi nila ito sineseryoso at hindi pinapansin. Napaka-iresponsable nila! Bagama’t magaling silang magsalita at tila may kaunting kakayahan, hindi nila kayang lumutas ng iba’t ibang problema sa gawain ng iglesia, na humahantong sa pagkahinto ng gawain; patuloy na nagkakapatong-patong ang mga problema, pero hindi inaabala ng mga lider ang kanilang sarili sa mga ito, at iginigiit na isagawa ang ilang mababaw na gampanin gaya ng nakagawian na. At ano ang resulta sa huli? Hindi ba’t ginugulo nila ang gawain ng iglesia, hindi ba’t sinisira nila iyon? Hindi ba’t nagsasanhi sila ng kaguluhan at kawalan ng pagkakaisa sa iglesia? Ito ang hindi maiiwasang kalalabasan” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (8)). Inilalantad ng Diyos na kapag unang nahalal ang mga huwad na lider, gagawa sila ng ilang gawain para lang magpakitang-tao upang makuha ang paghanga at pabor ng mga tao. Kapag nakamit na nila ang layunin nila, nagsisimula na silang magpakasasa sa kaginhawahan ng laman, nagiging pabaya at iniraraos na lang ang kanilang tungkulin. Kahit sa mga pagtitipon, puro salita at doktrina lang ang sinasabi nila nang wala namang nalulutas na anumang totoong problema. Nagiging sanhi ito ng pagkakagulo-gulo sa gawain ng iglesia, at walang nagiging resulta ang anumang aytem ng gawain. Talagang kinasusuklaman ng Diyos ang mga huwad na lider. Naisip ko kung paanong noong una kong sinimulan ang tungkuling ito, handa akong magdusa at magbayad ng halaga para makuha ang paghanga ng lahat. Pero pagkaraan ng ilang panahon, nang nagkaroon ng kaunting pagbuti ang gawain, ayoko nang mag-isip nang husto o magtiis pa ng matinding pagod para sangkapan ang sarili ko ng katotohanan at lutasin ang mga paghihirap at problemang kinakaharap ng mga kapatid sa pangangaral ng ebanghelyo. Sa halip, ginawa ko kung ano ang makakaiwas sa akin sa abala. Kung minsan, ipinapadala ko na lang sa mga manggagawa ng ebanghelyo ang isang kaugnay na clip ng pelikula at hinahayaan silang lutasin nang mag-isa ang mga kuru-kuro ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Ako pala ang tipo ng huwad na lider na binabanggit ng Diyos, na gumagawa lang para magpakitang-tao. Namumuhay ako ayon sa mga satanikong lason tulad ng “Ang buhay ay tungkol lamang sa pagkain at pananamit,” “Magpakasaya ka na ngayon, bukas ka na mag-alala,” at “Tratuhin mong mabuti ang sarili mo.” Naniwala ako na sa buhay, dapat marunong magpakasaya ang mga tao, mamuhay para sa kasalukuyan, at maging masaya sa sandaling ito. Naisip ko na hindi magiging makatarungan para sa sarili ko kung araw-araw akong magdurusa, na hindi sulit mamuhay nang ganito. Dahil kontrolado ng mga kaisipan at pananaw na ito, naging masama at napariwara ako, at napakadali kong makontento at maging kampante. Gusto kong umasa na lang sa mga dati kong nagawa, gaano man kaliit, at ayaw kong magdusa ang laman ko kahit kaunti. Naalala ko noong nag-aaral pa ako. Noong una, handa akong magbayad ng kaunting halaga para makapasok sa isang magandang unibersidad. Pero sa sandaling bumuti nang kaunti ang mga grado ko, nakontento na ako. Ayoko nang magsumikap sa pag-aaral, kaya nagsimula akong matulog hanggang tanghali at hindi na seryosohin ang mga takdang-aralin ko. Sa huli, hindi man lang ako nakapasok sa isang ordinaryong unibersidad. Pagkatapos kong matagpuan ang Diyos, ganoon pa rin ako. Sa sandaling magkaroon ng anumang resulta ang tungkulin ko, humihinto na ako sa pagsusumikap na umunlad. Pakiramdam ko, sapat na ang mga katotohanang prinsipyong naunawaan ko, at kapag may libreng oras ako, ayaw ko nang mag-aral pa. Kapag nakakaranas ng mga paghihirap at problema ang mga manggagawa ng ebanghelyo na kailangang lutasin, sinusubukan ko lang na matapos agad ang mga ito, at nagiging pabasta-basta ako hangga’t kaya ko. Napakatamad ko at napakatuso, namumuhay nang walang anumang integridad o dignidad. Wala akong silbi! Ngayon, bumababa na ang mga resulta ng tungkulin ko; ito ang pagtatago ng mukha ng Diyos sa akin. Kung hindi ako magbabago, mabubunyag at matitiwalag ako sa huli. Itinaas ako ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa aking gawin ang tungkuling ito. Ang layunin Niya ay para sangkapan ko ang aking sarili ng mas maraming katotohanan at magdala ng mas maraming tao sa harap Niya. Isa itong pagkakataon para sa akin na maghanda ng mabubuting gawa sa tungkulin ko. Pero hindi ko alam kung ano ang makabubuti sa akin at isinaalang-alang ko lang ang aking laman. Hindi ko man lang tinupad ang pinakapangunahing mga responsabilidad ko. Napakasama ng pamumuhay ko! Gusto ko na lang sampalin ang sarili ko. Pagkatapos, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, lubha akong ginawang tiwali ni Satanas. Ayoko nang mamuhay ayon sa mga satanikong pananaw. Pakiusap, akayin Mo po ako na maghimagsik laban sa aking laman.”
Pagkatapos niyon, naghanap ako ng mga kaugnay na materyales at tinalakay namin ng mga manggagawa ng ebanghelyo kung paano unti-unting makikipagbahaginan para malutas ang mga tanong ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Sa huli, nalutas ang kanilang mga kuru-kuro, at tinanggap nila ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Sa pakikipagtulungan nang ganito, naramdaman ko ang kapayapaan at kapanatagan sa puso ko. Ito ang pakiramdam ng tunay na paggawa ng tungkulin. Hindi lang bumuti ang mga resulta ng tungkulin ko, mas mahalaga, sa pamamagitan ng aktuwal na paghahanap sa katotohanan para malutas ang mga isyung ito, naramdaman ko ang pamumuno ng Diyos. Nagsimula kong maunawaan kung paano makipagbahaginan tungkol sa mga kuru-kuro na hindi ko alam kung paano lulutasin dati.
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, at nagkaroon ako ng mas malinaw na pagkakaunawa sa mga kahihinatnan ng hindi pagsusumikap na umunlad sa tungkulin ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Binigyan ka ng Diyos ng sapat na kakayahan at ng mas nakakahigit na kondisyon, na nagtutulot sa iyong makita nang malinaw ang ilang bagay at maging may-kakayahan sa gawaing ito. Gayumpaman, wala ka ng tamang saloobin sa iyong tungkulin, wala kang sinseridad, mas lalo na ng debosyon, at ayaw mong subukan ang lahat ng makakaya mo para magawa ito nang maayos. Lubhang nadidismaya ang Diyos dito. Kaya, kung tamad ka at palagi mong nararamdaman na ang gawaing itinalaga sa iyo ay problematiko at ayaw mo itong gawin, at palihim kang nagrereklamo na, ‘Bakit sa akin ito ipinapagawa at hindi sa iba?’ kung gayon, kahangalan ang iniisip mo. Kapag napunta sa iyo ang isang tungkulin, hindi iyon isang hindi magandang pangyayari, isa itong karangalan, at pagtataas ito ng Diyos. Dapat mo itong tanggapin nang masaya at gawin ang tungkuling nararapat mong gawin; hindi ka nito papagurin. Sa kabaligtaran, kung gagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, mauunawaan ang katotohanan at malulutas ang mga problema, makakaramdam ka ng kapayapaan at kapanatagan sa iyong puso, at hindi mo bibiguin ang Diyos. Sa harap ng Diyos, magkakaroon ka ng pananalig at makakaasal ka nang taas-noo. Kung hindi mo natupad ang iyong tungkulin at palagi kang pabasta-basta, isa itong pagsalangsang, at kahit pa wala kang naidulot na anumang kawalan, mag-iiwan ang pagsalangsang na ito ng habambuhay na pagsisisi sa iyong puso. Ang pagsalangsang na ito ay magiging tulad ng isang walang-hanggang itim na butas; sa tuwing maiisip mo ito, makakaramdam ka ng pasakit at pagkabalisa, isang pighati na tumatagos sa puso. Hindi lang sa hindi ka magkakaroon ng kapayapaan o kagalakan, kundi sa kabaligtaran, sasamahan ka ng pasakit ng pagsisisi at pagpapahirap sa buong buhay mo at hindi na ito kailanman mabubura. Hindi ba’t isa itong walang-hanggang pagsisisi? At paano naman mula sa perspektiba ng Diyos? Ginagamit ng Diyos ang mga katotohanang prinsipyo para ilarawan ang usaping ito, kaya ang kalikasan nito ay higit na mas malubha kaysa sa nararamdaman mo. … May ilang tao na tila may pagpapasakop sa paggawa ng kanilang tungkulin, ginagawa nila kung ano man ang isinasaayos ng ang Itaas. Pero kapag tinanong sila, ‘Pabasta-basta mo bang ginagawa ang tungkulin mo? Ginagawa mo ba ito ayon sa mga prinsipyo?’ wala silang maibigay na tiyak na sagot, sasabihin lang nila, ‘Ginagawa ko ang mga itinatagubilin ng ang Itaas at hindi ako nangangahas na magwala sa paggawa ng masasamang gawa.’ Kapag tinanong kung natupad ba nila ang kanilang responsabilidad, sinasabi nila, ‘Buweno, ginagawa ko naman ang dapat kong gawin.’ Palagi silang may ganitong uri ng saloobin sa paggawa ng tungkulin nila, walang pagmamadali at walang pakialam. Bagama’t walang lumitaw na kapansin-pansing problema, kung susukatin ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ang paggampan nila sa tungkulin nila ay hindi episyente at hindi pasok sa pamantayan. Pero wala silang pakialam. Kumikilos pa rin sila sa pabasta-bastang paraan tulad ng ginawa nila noon, at ganoon pa rin sila kapasibo pagdating sa mga bagay na dapat silang mag-inisyatiba—hindi sila nagbago kahit kaunti. Hindi ba’t sila ay walang-kahihiyang matigas ang ulo? Palagi nilang pinapanatili ang saloobing ito: ‘Maaaring mayroon kang sanlibong mahuhusay na plano, ngunit mayroon akong sariling mga panuntunan. Ganito lang talaga ako. Tingnan natin kung ano ang magagawa mo sa akin. Ito ang saloobin ko!’ Wala silang nagawang napakalaking panlilinlang o kasamaan, ngunit kakaunti rin ang mabubuting gawa na nagawa nila. Anong landas ang masasabi mong tinatahak nila? Mabuti ba ang ganitong uri ng saloobin sa pananampalataya sa Diyos at sa tungkulin ng isang tao? (Hindi.) Sa Aklat ng Pahayag sa Bibliya, sinasabi ito ng Diyos: ‘Kaya naman sapagkat ikaw ay maligamgam, at hindi mainit ni malamig, isusuka kita mula sa Aking bibig’ (Pahayag 3:16). Ang pagiging maligamgam, hindi malamig ni mainit—mabuti ba ang ganitong saloobin? (Hindi.) Mayroon ding sariling mga kalkulasyon sa isip niya ang ganitong uri ng tao: ‘Hangga’t hindi ako gumagawa ng kasamaan o nanggagambala sa gawain ng iglesia sa paggampan ng tungkulin ko, hindi ako makokondena. Kung ang paggampan nang maayos sa tungkulin ko ay masyadong nakakapagod at nangangailangan ng labis na pagdurusa, hindi ko ito gagawin. Hindi ko papagurin ang sarili ko, pero hindi rin ako gagawa ng malalaking pagkakamali. Sa ganoong paraan, hindi ako mapapaalis o matitiwalag, at mas mabuti pa rin ako kaysa sa mga hindi gumagawa ng tungkulin. Kaya, nananatili akong maligamgam, hindi malamig ni mainit. Anuman ang ipagawa mo sa akin, gagawin ko ito. Pero kung hindi mo sasabihin sa akin na gawin ang isang bagay, hindi ako makikialam. Sa ganitong paraan, hindi ako mapapagod, at dagdag pa roon, walang mahahanap na kamalian sa akin ang mga tao. Mahusay ang pamamaraang ito!’ Mabuti ba ang ganitong paraan ng pag-asal? (Hindi.) Alam mong hindi ito mabuti, kaya paano dapat magbago ang iyong pagsasagawa? Kung hindi mo kailanman hahangaring lumakad sa landas ng paghahangad sa katotohanan at magpupursigi ka pa ring mamuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, kung gayon, tiyak na wala kang pag-asang matamo ang kaligtasan” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (11)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, lalo na ang mga salitang, “Kaya naman sapagkat ikaw ay maligamgam, at hindi mainit ni malamig, isusuka kita mula sa Aking bibig,” at “kung gayon, tiyak na wala kang pag-asang matamo ang kaligtasan,” kumirot ang puso ko na parang tinutusok ng mga karayom. Naramdaman kong hindi nalalabag ang disposisyon ng Diyos. Kung hindi natin aktibong ibibigay ang lahat sa ating tungkulin, at sa halip ay palaging magpipigil, tumatangging magsikap kapag kailangang magbayad ng halaga, at palaging isinasaalang-alang ang ating sariling laman, kung gayon, hindi tayo nagiging sinsero o gumagawa ng tunay na gawain. Mapipinsala lang nito ang gawain at mag-iiwan sa atin ng mga pagsalangsang sa harap ng Diyos. Paggawa ito ng masama! Kung hindi ako magsisisi, walang pag-asang maligtas. Nabalisa ako nang maisip ang saloobin ko sa tungkulin ko noong mga panahong iyon. Palagi akong takot na magdusa at mapagod, kaya hindi ako tumuon sa pagsasangkap sa sarili ko ng mga katotohanang prinsipyo. Umása na lang ako sa mga dati kong nagawa, kontento na sa anumang resultang nakamit ko. Bagama’t naging madali para sa laman ko, bumaba ang mga resulta ng tungkulin ko. Walang naging pag-unlad ang mga manggagawa ng ebanghelyo na nililinang ko, at maraming potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang hindi agad nakalapit sa harap ng Diyos. Ang pinsalang naidulot ko sa gawain ay isang bagay na hindi ko kailanman mababawi. Sa tuwing naiisip ko ito, kumikirot ang puso ko. Pero nagawa na ang pagsalangsang na ito at hindi na mababawi. Iniisip ko dati na basta’t nagbubunga ng ilang resulta ang tungkulin ko at hindi ako nagdudulot ng anumang pagkagambala o panggugulo, magagawa ko ang tungkulin ko nang hindi pinapagod ang laman ko at makakakuha pa rin ako ng mga pagpapala sa huli. Sinusubukan kong makakuha ng malaking gantimpala sa maliit na halaga, pinipili ang madaling paraan. Napakatuso ko at mapanlinlang—isa ako sa mga taong walang-kahihiyang matigas ang ulo na tinutukoy ng Diyos. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao. Kapag hindi ibinibigay ng mga tao ang lahat ng makakaya nila o hindi sila sinsero sa kanilang tungkulin, hindi sila naghahanda ng mabubuting gawa kundi nag-iipon ng poot ng Diyos at gumagawa ng masasamang gawa. Sa huli, kasusuklaman at ititiwalag lang sila ng Diyos. Labis akong natakot nang maisip ko ito, kaya agad akong nanalangin, “O Diyos, naging napakatuso at mapanlinlang ko, at napakapabaya sa aking tungkulin. Ayoko nang magpatuloy nang ganito. Handa akong magsisi. Pakiusap, akayin Mo ako na makahanap ng landas ng pagsasagawa.”
Kalaunan, sa aking mga espirituwal na debosyonal, narinig ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos, at naunawaan ko ang halaga at kahulugan ng buhay ng tao.
Maisasabuhay Mo Lang ang Halaga ng Buhay ng Tao Sa Pamamagitan ng Pagsasakatuparan ng Iyong Tungkulin
1 Ano ang halaga ng buhay ng isang tao? Sa isang aspekto, ito ay tungkol sa pagtupad nang maayos sa tungkulin ng isang nilikha. Sa isa pang aspekto, habang nabubuhay ka, dapat mong tuparin ang iyong misyon; ito ang pinakamahalaga. Hindi ang pagtapos ng isang malaking misyon, tungkulin, o responsabilidad ang pag-uusapan natin, pero kahit papaano, dapat may maisakatuparan ka. Matapos mahanap ang kanilang lugar, matatag silang naninindigan sa kanilang posisyon, pinanghahawakan ang kanilang posisyon, ginugugol ang lahat ng dugo ng puso nila at ang lahat ng enerhiya nila, at ginagawa nang mabuti at tinatapos ang dapat nilang gawin at tapusin. Kapag sa wakas ay tumayo na sila sa harap ng Diyos upang magbigay-ulat, medyo nasisiyahan sila, walang paratang o pinagsisisihan sa kanilang puso. Nakakaramdam sila ng kaginhawahan at nararamdaman nilang may nakamit sila, na nakapamuhay sila ng buhay na may halaga.
2 Kaya, upang makapamuhay nang may halaga at sa huli ay makamit ang ganitong uri ng ani, sulit para sa isang tao na pisikal na magdusa nang kaunti at magbayad ng kaunting halaga, kahit na magkasakit siya dahil sa labis na pagkapagod o magkaroon ng ilang problema sa kalusugan. Kapag ang isang tao ay pumarito sa mundong ito, hindi ito para sa kasiyahan ng laman, ni sa pagkain, pag-inom, at paglilibang. Hindi dapat mamuhay ang isang tao para sa mga bagay na iyon; hindi iyon ang halaga ng buhay ng tao, at hindi rin ang tamang landas. Ang halaga ng buhay ng tao at ang tamang landas na susundin ay nasa pagsasakatuparan ng isang mahalagang bagay at pagtatapos ng isa o ilang mahalagang aytem ng gawain. Hindi ito matatawag na isang karera; ito ay tinatawag na tamang landas, at tinatawag din itong wastong gampanin. Sulit para sa isang tao na magbayad ng anumang halaga para matapos ang ilang gawain na may halaga, mamuhay nang makabuluhan at may halaga, at hangarin at kamtin ang katotohanan.
3 Kung talagang ninanais mong hangarin ang pagkaunawa sa katotohanan, na tahakin ang tamang landas sa buhay, na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at mamuhay ng isang mahalaga at makabuluhang buhay, kung gayon, hindi ka mag-aatubiling ibigay ang lahat ng lakas mo, magbayad ng lahat ng halaga, at ibigay ang lahat ng iyong oras at kabuuan ng mga araw mo. Kung makaranas ka ng kaunting karamdaman sa panahong ito, hindi ito mahalaga, hindi ka nito madudurog. Hindi ba’t mas nakahihigit ito sa habambuhay na kaginhawahan, kalayaan, at kawalang-ginagawa, tinutustusan ang pisikal na katawan hanggang sa puntong busog at malusog na ito, at sa huli ay nagkakamit ng mahabang buhay? Alin sa dalawang mapagpipiliang ito ang isang buhay na may halaga? Alin ang makapagbibigay ng kaginhawahan at ng walang pagsisisihan sa mga tao kapag naharap sila sa kamatayan sa pinakahuli? Ang makapamuhay nang makabuluhang buhay ay nangangahulugan na nakamit mo ang katotohanan; sa iyong puso ay makadarama ka ng ginhawa at magkakaroon ng kagalakan.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (6)
Pagkatapos kong marinig ang himno, labis akong naantig. Naunawaan ko na bilang isang nilikha, tanging sa pagtupad lang sa aking tungkulin ako makakahanap ng tunay na kapayapaan at kapanatagan sa aking espiritu. Iyon lang ang makabuluhan at mahalagang paraan ng pamumuhay. Masarap sa pakiramdam ang magpakasasa sa kaginhawahan ng laman, pero pagkatapos, hungkag lang ang pakiramdam—wala talagang kabuluhan. Naisip ko kung paanong hindi ko pinagbuhusan ng anumang lakas ng isip ang aking tungkulin—kung paanong takot akong magdusa at mapagod at hindi ako nagsisikap na lutasin ang mga problema. Pagkatapos, madalas akong hindi mapalagay, inuusig ako ng aking konsensiya, at itinago ng Banal na Espiritu ang Kanyang mukha sa akin. Hindi ko maramdaman ang presensiya ng Diyos, at nabalot ng kadiliman at pasakit ang aking espiritu. Itinaas ako ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay sa akin ng tungkuling ito. Dapat kong gawin ang lahat ng aking makakaya para magkamit ng magagandang resulta. Naisip ko si Noe na gumawa ng arka. Napakarami niyang paghihirap na hinarap, at kinailangan din niyang harapin ang maling pagkaunawa mula sa kanyang pamilya at ang panunuya at paninirang-puri mula sa iba. Bagama’t pagod at nanghihina ang kanyang laman at nakaramdam siya ng panghihina sa kanyang puso, nang maisip niya kung paanong ito ay atas ng Diyos, alam niyang kailangan niyang magtiyaga gaano man siya magdusa o gaano man kahirap, kaya ginawa niya ito nang buong puso at lakas. Sa huli, natapos niya ang arka, tinupad ang atas ng Diyos. Hindi ko maikukumpara ang sarili ko kay Noe, pero kung magagawa ko ang lahat sa abot ng aking makakaya para maibalik ang mga tupa ng Diyos sa Kanyang sambahayan para matanggap nila ang Kanyang pagliligtas, napakamakabuluhang bagay niyon!
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos at nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Diyos: “Kung talagang may kakayahan ka, tunay mong nauunawaan ang mga propesyonal na kasanayang saklaw ng iyong responsabilidad, at hindi ka isang tagalabas sa iyong propesyon, isang parirala lamang ang kailangan mong sundin, at magagawa mo nang maging tapat sa iyong tungkulin. Aling parirala? ‘Isapuso mo ito.’ Kung isinasapuso mo ang mga bagay-bagay, at isinasapuso mo ang mga tao, magagawa mong maging tapat at responsable sa iyong tungkulin. Madali bang isagawa ang pariralang ito? Paano mo ito isasagawa? Hindi ito nangangahulugan ng paggamit ng iyong mga tainga para makinig, o ng iyong isipan para mag-isip—ibig sabihin nito ay paggamit ng puso mo. Kung tunay na magagamit ng isang tao ang puso niya, kapag may nakita ang mga mata niya na isang tao na ginagawa ang isang bagay, kumikilos sa isang paraan, o may partikular na pagtugon sa isang bagay, o kapag naririnig ng kanyang mga tainga ang mga opinyon o argumento ng ilang tao, sa paggamit ng kanyang puso para pagnilayan at pag-isipan ang mga bagay na ito, papasok sa kanyang isipan ang ilang ideya, pananaw, at saloobin. Ang mga ideya, pananaw, at saloobing ito ay magbibigay sa kanya ng malalim, partikular, at tamang pagkaunawa sa tao o bagay na iyon, at kasabay nito, magpapausbong ito ng mga angkop at tamang paghusga at prinsipyo. Tanging kapag may mga pagpapamalas ang isang tao ng paggamit sa kanyang puso ay nangangahulugan na siya ay tapat sa kanyang tungkulin” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (7)). Sa totoo lang, hindi naman marami ang hinihingi ng Diyos sa tao. Ang nais Niya ay ang ating tapat na puso. Basta’t isinasapuso ito ng mga tao, matutuklasan nila ang mga problemang umiiral sa kanilang tungkulin; sa paghahanap at pagninilay sa mga problemang ito, makakahanap sila ng mga paraan para lutasin ang mga ito, at natural na bubuti ang mga resulta ng kanilang gawain. Pero kung hindi isasapuso ito ng mga tao, hindi man lang nila mapapansin ang mga problemang nasa harap na nila. Kahit nakabukas ang mga mata nila, wala silang makikita, at lalo lang sasama ang mga resulta ng kanilang tungkulin. Napakahalaga talaga ng pagsasapuso sa tungkulin! Naisip ko kung paanong napakarami kong kakulangan noong una akong nagsimula sa tungkuling ito. Pero madalas akong manalangin, ipinagkakatiwala ang mga paghihirap ko sa Diyos at bumabaling sa Kanya. Sa pamamagitan ng pamumuno ng Diyos, unti-unti kong naarok ang ilang prinsipyo sa paggawa ng aking tungkulin, at nagsimulang magkaroon ng ilang resulta ang gawain. Pero nang nakuntento na ako sa kalagayan ng mga bagay-bagay at naging pabaya, na hindi nilulutas ang mga problemang natuklasan ko, patuloy na bumaba ang mga resulta ng tungkulin ko. Sa huli, wala akong nagawa kundi ang panoorin na isa-isang nawawala ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Nakita ko na ang hindi pagbibigay ng buong puso sa tungkulin ko ay talagang nakapipinsala sa iba at sa aking sarili!
Mula noon, sinimulan kong isa-isang isulat ang mga problema sa aking gawain at ibinigay ko ang aking buong puso sa pagninilay sa mga ito. Kung isyu ito na may kinalaman sa saloobin ng isang manggagawa ng ebanghelyo sa kanyang tungkulin, naghahanap ako ng mga kaugnay na salita ng Diyos para ibahagi sa kanila. Kung tungkol ito sa paglutas sa mga kuru-kuro ng isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, naghahanap ako ng mga kaugnay na materyales. Kung may bagay akong hindi nauunawaan, nagtatanong ako sa aking mga kapatid, at pagkatapos ay nakikipagbahaginan sa mga manggagawa ng ebanghelyo para pag-usapan kung paano tutugunan ang kanilang mga kuru-kuro. Sa pagsasagawa nang ganito, labis na napanatag ang puso ko. Bagama’t nakakahiya ang maranasan ang pagpupungos na ito noon, itinulak ako nito na lumapit sa harap ng Diyos at pagnilayan ang aking saloobin sa aking tungkulin. Sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa pinagmulan ng aking pagpapakasasa sa laman, at natutuhan ko na tanging sa pagtupad sa aking tungkulin ako makakahanap ng tunay na kapayapaan at kagalakan. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Ni Yang Fan, TsinaNoong 2019, nahalal ako bilang isang lider ng iglesia, at nangako ako sa sarili ko na gagawin ko nang maayos ang aking...
Ni Linda, ItalyaNoong 2020, inatasan ako ng mga lider na akuin ang responsabilidad para sa gawain sa larangan ng sining at disenyo. Bilang...
Ni Bai Lu, TsinaDear Lin Yi,Natanggap ko na ang iyong liham. Napakabilis ng paglipas ng panahon. Sa isang kisapmata, halos isang taon na...
Ni Yihan, TsinaNoong Disyembre 2021, nagsimula akong magsanay ng mga pagsisiyasat ng video. Sa simula, buong puso akong nag-aral at...