Sa Wakas Malaya Na Ako sa Aking mga Maling Pagkaunawa sa Diyos

Enero 25, 2023

Ni Yi Qian, Tsina

Isa akong lider ng iglesia noong 2019. Dahil napapabayaan ko ang mga responsibilidad ko, hinahangad lang ang karangalan at katayuan, naiinggit at ‘di nakikipagtulungan sa aking kapareha, lubhang naapektuhan ang gawain namin. Iwinasto ako ng lider at maraming beses na inalok ng tulong at suporta, pero hindi ko tinanggap. Kaya sa huli, natanggal ako. Talagang nakakasama ng loob na nawala ang tungkulin ko. Minsan na akong natanggal dahil sa paghahangad ng karangalan at katayuan, at lumitaw na naman ang parehong problema. Nakita kong masyado kong inaalala ang reputasyon at katayuan, at palaging ginagambala ang gawain ng iglesia. Parang hindi ako nababagay sa posisyon ng lider.

Dumating ang halalan ng lider ng iglesia pagkaraan ng ilang buwan. Sinabi sa akin ng isang sister: “Gusto kitang iboto bilang lider.” Kinabahan ako nang marinig ito. No’ng namumuno ako dati, lagi kong hinahangad ang karangalan at katayuan, gumawa ako ng maraming kasamaan, at nanggambala sa gawain ng iglesia. Karangalan at katayuan ang kahinaan ko, kaya kung muli akong mahahalal bilang lider at gawin ko na naman ang ginagawa ko dati, naghahangad ng reputasyon at katayuan, at muling gambalain ang gawain ng iglesia, paano na? Kung patuloy na magpapatung-patong ang masasama kong gawa, hindi ba’t makokondena at mapapalayas ako? Sa isiping ito, mabilis ko siyang sinagot, “Gusto mo akong iboto kahit hindi mo ako kilala. Kailangan mong maging responsable sa boto mo. Kung basta-basta kang boboto nang hindi sumusunod sa mga prinsipyo at mahalal ang maling tao, paggawa ‘yon ng masama.” Pakiramdam ko’y mas ligtas na hindi maging lider o manggagawa. Kaunti lang ang responsibilidad ko sa aking kasalukuyang tungkulin, kaya kahit makagawa ako ng ilang pagkakamali, hindi masyadong maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Pero iba ang pagiging lider. Anumang pagkakamali ay makakaapekto sa pangkalahatang gawain ng iglesia at napapahamak nun ang lahat ng kapatid sa iglesia. Isa ‘yong malaking kasamaan. Kahit anong mangyari, ayokong maging lider. Sa isang pagtitipon minsan, tinanong ng isang sister ang opinyon ko tungkol sa halalan sa iglesia. Parang gusto niya akong iboto. Mabilis akong nagpaliwanag sa kanya, “Hindi ako naghahangad sa katotohanan at wala akong pagpasok sa buhay. Napinsala ko ang gawain ng iglesia noon dahil hinangad ko ang karangalan at katayuan bilang lider.” Sinabi ko rin sa kanya ang tungkol sa katiwalian na ipinakita ko noon, at ang mga pagkukulang at pagkakamali ko para isipin niya na hindi ako magiging mabuting lider.

Medyo nakonsensya ako pagkatapos nun. Bakit ba palagi kong binibigyang-diin na hindi ako karapat-dapat maging lider? Bakit wala akong saloobin ng pagpapasakop sa halalan? Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal: “Sa katunayan, hindi dapat maging pananaw ng mga tao na ang pananampalataya ay paniniwala lamang na may Diyos, at na Siya ang katotohanan, ang daan, ang buhay, at wala nang iba pa. Ang pananampalataya ay hindi rin nangangahulugan lamang na kilalanin mo ang Diyos at maniwala na Siya ang Pinuno sa lahat ng bagay, na Siya ay makapangyarihan, na nilikha Niya ang lahat ng bagay sa mundo, at na Siya ay natatangi at kataas-taasan. Ang pananampalataya ay hindi lamang tungkol sa paniniwala sa katotohanang ito. Ang kalooban ng Diyos ay na ang iyong buong pagkatao at puso ay dapat ibigay sa Kanya at magpasakop sa Kanya—ibig sabihin, dapat mong sundin ang Diyos, hayaang kasangkapanin ka ng Diyos, at maging masayang maglingkod para sa Kanya; anuman ang magagawa mo para sa Kanya, dapat mong gawin iyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Talagang napukaw ako ng mga salita ng Diyos at napagtanto ko na ang isang taong may tunay na pananampalataya, na sumusunod sa Diyos, ay kayang ibigay ang puso niya sa Diyos, magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, at maging masaya na maglingkod sa Kanya. Anuman ang kanyang tungkulin o paano man siya tratuhin ng Diyos, kaya niyang tanggapin ‘yon at magpasakop nang walang kondisyon, nang walang anumang personal na mga pagpili o hinihingi. Ito ang tamang konsensya at katwiran. Sa pagninilay-nilay sa aking sarili, bagamat may pananampalataya ako at gumagawa ng tungkulin, palagi akong may sariling mga pagpili at hinihingi sa aking tungkulin nang walang anumang pagpapasakop sa Diyos. Inakala ko lagi na dahil mas maraming gawain ang mga lider, mas mabilis silang malalantad, na kapag nagkamali sila at nakagambala sa gawain ng iglesia, nakataya ang kinabukasan at kapalaran nila, kaya ayokong maging lider o manggagawa. Inisip ko lahat ng paraan para maiwasan ang halalan sa iglesia, sinasadyang ikwento ang mga isyu at pagkakamali ko sa iba dahil sa takot na mapili. Napagtanto ko noon na naging maingat ako sa Diyos, hindi ko Siya naunawaan, at hindi talaga ako naging masunurin. Naisip ko ang saloobin ni Noe sa atas ng Diyos. Nang utusan siya ng Diyos na itayo ang arka, hindi niya inisip ang mga personal niyang kawalan o pakinabang o kung pahihintulutan ba siya ng Diyos na gamitin ang arka para makaiwas sa baha pagkatapos niyang magawa ito. Inilaan lang niya ang sarili sa paggawa ng arka, gaya ng hiniling ng Diyos. Tunay na masunurin si Noe at may pagsasaalang-alang sa Diyos, pero may pananampalataya ako at gumagawa ng tungkulin para lang sa sarili kong kinabukasan at kapalaran. Lagi kong iniisip kung pagpapalain ba ako. Hindi ko kailanman isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos o ang gawain ng iglesia. Gusto kong gawin ang alinmang tungkulin na hindi nangangailangan ng pag-ako ng responsibilidad. Anumang nangangailangan ng sakripisyo at pag-ako ng responsibilidad, ginagawa ko ang lahat para matakasan ito. Hindi ko iniisip ang kalooban o mga hinihingi ng Diyos, at gusto ko lang ng Kanyang mga pagpapala. Anong uri ng pananampalataya ‘yon? Ginagamit ko lang ang Diyos, niloloko Siya. Wala akong pagpapasakop o debosyon. Nang mapagtanto ko ito, nagdasal ako, “O Diyos, hindi tama ang motibo ko sa paggawa ng aking tungkulin, hindi ito para hangarin ang katotohanan at sundin Ka, kundi ito’y para gawing kapalit ng magandang hantungan, nang hindi iniisip ang kalooban Mo. Diyos ko, ayokong patuloy kang lokohin nang ganito. Gusto ko pong magsisi. Kahit ano pang tungkulin ang isaayos para sa’kin, tatanggapin ko ito at magpapasakop.”

Nahalal ako bilang lider ng iglesia. Alam ko na ang pagkakataong makapagpatuloy sa pagsasagawa bilang lider ay biyaya ng Diyos, pero may ilan akong alalahanin. Bilang lider ng iglesia, kung hahangarin ko ang karangalan at katayuan tulad ng dati at gagambalain ang gawain ng iglesia, malalantad ba ako at mapapalayas? Medyo atubili pa rin ako na maging lider, pero magiging pagsuway sa Diyos ang tanggihan ang tungkuling ‘to. Mabigat sa loob na nagpasakop ako rito.

Hindi nagtagal, dahil marami kaming baguhang sumasali, kinailangan namin ng isang lider ng grupo na aako sa gawain ng pagdidilig. Nagmungkahi ng ilang kandidato ang mga kapatid. Abala ang kapareha ko sa ibang bagay, kaya hiniling niya sa akin na tingnan ang mga pagsusuri na ginawa ng mga kapatid sa mga potensyal na kandidato. Inisip ko, “Kung ako ang unang titingin sa mga pagsusuri, ako ang mauunang magbahagi ng opinyon. Paano kung magkamali ako at pumili ng maling tao, tapos maantala nito ang gawain ng pagdidilig? Bagamat sa huli ay tatalakayin ko ito at pagpapasyahan namin ng kapareha ko, kung ako ang unang magpapahayag ng opinyon, ako ang mananagot. Kung dadami ang mga paglabag ko, hindi ako magkakaroon ng magandang kalalabasan o hantungan.” Medyo natakot ako sa isiping ‘to, at ayokong maunang magpahayag ng pananaw ko. Napagtanto kong wala ako sa tamang kalagayan, na mali ang pagkaunawa ko at nagiging maingat ako sa Diyos, pero hindi ko ito maiwaksi. Kaya nagtapat ako sa mga kapatid at naghanap ng pagbabahagi. Sinabi sa akin ng isang sister, “Kung gusto mong lutasin ang maling pagkaunawa at pagkamaingat sa Diyos, kailangan mong isipin kung anong maling palagay ang nagdudulot nito.” Binigyan ako nito ng direksyon para maunawaan ang isyu. Nanalangin at naghanap ako sa Diyos, at nagbasa ng mga nauugnay na salita ng Diyos.

Isang araw, nakabasa ako ng dalawang sipi ng salita ng Diyos. “Naniniwala ang ilang tao sa Diyos sa loob ng ilang taon subalit hindi nauunawaan ang kahit katiting na katotohanan. Ang kanilang pananaw sa mga bagay-bagay ay nananatiling kapareho ng sa mga hindi nananalig. Kapag nakikita nila ang isang huwad na lider o anticristo na inilalantad at pinalalayas, iniisip nila, ‘Ang pananalig sa Diyos, pagsunod sa Diyos, pamumuhay sa harap ng Diyos—buwis-buhay ang lahat ng ito! Para itong pangangapa sa dilim!’ At sinasabi ng iba, ‘Ang paglilingkod sa Diyos—“ang pagsama sa hari ay parang pagsama sa tigre,” sabi nila. Isang maling salita, isang maling gawa, at malalabag mo ang disposisyon ng Diyos, at palalayasin ka at parurusahan!’ Tama ba ang mga pananalitang ito? ‘Buwis-buhay’ at ‘pangangapa sa dilim’—ano ang ibig sabihin ng mga ito? Ang ibig sabihin ng mga ito ay malaking panganib, na may malaking panganib sa bawat sandali, na sa kaunting kapabayaan, matitisod ka. ‘Ang pagsama sa hari ay parang pagsama sa tigre’ ay isang karaniwang kasabihan ng mga hindi nananalig. Nangangahulugan itong ang pamumuhay sa tabi ng isang diyablong hari ay lubhang mapanganib. Kung iaangkop ng isang tao ang kasabihang ito sa paglilingkod sa Diyos, saan sila nagkakamali? Ang ikumpara ang isang diyablong hari sa Diyos, sa Panginoon ng Paglikha—hindi ba’t kalapastanganan ito sa Diyos? Malubhang problema ito. Ang Diyos ay isang matuwid at banal na Diyos; inorden ng Langit at kinilala ng lupa na dapat parusahan ang tao sa paglaban sa Diyos o pagiging antagonistiko sa Kanya. Ang diyablong si Satanas ay wala ni isang bahid ng katotohanan; ito ay marumi at masama, pinapatay nito ang walang malay, nilalamon ang mabuti. Paano ito maihahalintulad sa Diyos? Bakit binabaluktot ng mga tao ang mga katunayan at sinisiraan ng puri ang Diyos? Malaking kalapastanganan ito sa Kanya! Kapag ang ilang tao na madalas negatibo at hindi gumagampan nang tapat sa kanilang mga tungkulin ay pinupungusan at iwinawasto, nag-aalala sila na mapapalayas sila, at kadalasan ay iniisip nila, ‘Ang pananalig sa Diyos ay talagang mapanganib! Sa sandaling may ginawa kang mali, iwawasto ka; sa sandaling mamarkahan kang isang huwad na lider o anticristo, mapapalitan ka at mapapalayas. Sa sambahayan ng Diyos, karaniwan ay nagagalit ang Diyos, at kapag nakagawa ng masasamang bagay ang mga tao, sa isang salita ay napapalayas sila. Ni hindi sila binibigyan ng sambahayan ng Diyos ng pagkakataong magsisi.’ Ganoon nga ba iyon, sa katunayan? Hindi nga ba binibigyan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao ng pagkakataong magsisi? (Mali iyan.) Ang masasamang tao at mga anticristong iyon ay pinalalayas lamang dahil sumailalim na sila sa pagpupungos at pagwawasto dahil sa kanilang samu’t saring kasamaan, subalit sa kabila ng paulit-ulit na babala, hindi nila binabago ang kanilang gawi. Ano ang problema sa mga taong ganito mag-isip? Nangangatwiran lamang sila para sa kanilang sarili. Hindi nila hinahangad ang katotohanan, ni hindi sila naglilingkod nang maayos, at dahil takot silang mapaalis at mapalayas, buong pait silang nagrereklamo at nagpapakalat ng mga haka-haka. Malinaw na hindi maganda ang kanilang pagkatao, at madalas ay pabaya sila at pabasta-basta, negatibo at makupad sa trabaho nila. Takot silang malantad at mapalayas, kaya ipinapasa nila ang lahat ng sisi sa iglesia at sa Diyos. Anong katangian ang makikita rito? Ito ay ang katangiang nanghuhusga sa Diyos, naghihinanakit sa Kanya, nanlalaban sa Kanya. Ang mga pananalitang ito ay napakalinaw na mali at walang katotohanang mga pahayag(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). “Matapos mapalayas, ang ilang lider at manggagawa ay nagpapakalat ng mga kuru-kuro, sinasabing, ‘Huwag kang mamuno, at huwag hayaan ang sarili mong magtamo ng anumang katayuan. Mapapahamak ang mga tao sa sandaling nagtamo sila ng katayuan, at ilalantad sila ng Diyos! Sa sandaling sila ay malantad, ni hindi sila magiging kwalipikado na maging mga karaniwang mananampalataya, at hindi talaga makakatanggap ng mga pagpapala.’ Anong uri ba ng pananalita iyan? Sa pinakamababaw, kinakatawan nito ang maling pagkaintindi sa Diyos; sa pinakamalala, ito ay kalapastanganan sa Kanya(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Ang kakatwang pananaw na ito ang naghahari sa buhay ko. Iniisip ko na ang Diyos ay parang isang panginoon, na para bang ang pagiging lider ay tila paglalakad sa manipis na yelo. Kung ang isang tao ay nakagawa ng katiting na pagkakamali, maaaring kondenahin ng Diyos ang taong ‘yon, at ilantad at palayasin siya anumang oras. Namumuhay ako ayon sa ideyang ‘yon at hindi ko nauunawaan ang Diyos mula nang matanggal ako. Akala ko, bilang isang lider, ‘pag mas mataas ang akyat mo, mas matindi rin ang bagsak mo, at ‘yon ang dahilan kaya ako nalantad. Dahil sa maling pananaw na ‘yon kaya kahit alam kong lubhang nangangailangan ang gawain ng iglesia ng mga tao na aako ng responsibilidad, patuloy akong umiwas sa halalan, natatakot na mapipili ako bilang lider at pagkatapos, kung magkamali ako, ‘di ako magkakaroon ng magandang katapusan. Nang mahalal ako bilang lider, sa halip na magpasalamat sa biyaya ng Diyos, pakiramdam ko’y namumuhay ako sa sitwasyong walang katiyakan at kailangan ko lalong mag-ingat, na kung magkamali ako, baka mawalan pa ako ng pagkakataong isagawa ang aking pananampalataya, maliban pa sa baka hindi ako mailigtas. Palagi akong maingat laban sa Diyos, napakamatatakutin sa aking tungkulin. No’ng kailangan naming pumili ng lider ng grupo ng pagdidilig, hindi man lang ako nangahas na magpahayag ng opinyon, takot na mali ang masabi ko at managot ako. Nakita ko kung gaano kalalim ang mali kong pagkaunawa sa Diyos. Ang Diyos ang Lumikha, ang disposisyon Niya ay banal at matuwid, at maprinsipyo Siya sa mga tao. Kung kinokondena o pinalalayas ng Diyos ang isang tao, palagi itong nakabatay sa saloobin ng taong ‘yon sa Diyos at sa katotohanan. Naisip ko ang mga taga-Ninive. Kinasusuklaman ng Diyos ang kanilang masasamang gawa, kaya’t nagpasya Siyang lipulin sila. Pero nang marinig nilang ibinahagi ni Jonas ang sinabi ng Diyos, nagsuot silang lahat ng sako at abo, at nagtapat at nagsisi. Tinalikuran nila ang kasamaang meron sila at iniwan ang kanilang masamang landas. Nang makita ang kanilang tunay na pagsisisi, binago ng Diyos ang saloobin Niya sa kanila at hindi na sila nilipol. Ang mga taga-Sodoma ay puno rin ng kasamaan, pero matigas ang ulo nila at ayaw magsisi. Nang makita nila ang dalawang sugo na ipinadala ng Diyos, gusto nilang gawan ang mga ‘to ng masama. Kinapopootan nila ang Diyos at lubos na sumasalungat sa Kanya, kaya’t dinanas nila ang mga sumpa at parusa ng Diyos. Makikita natin sa magkaibang saloobin ng Diyos sa mga tao sa dalawang lungsod na ito na kapag nakagawa ang mga tao ng kasamaan at mga paglabag, hangga’t kaya nilang tunay na magsisi, bibigyan sila ng Diyos ng pagkakataon. Para naman sa mga napopoot sa katotohanan, lumalaban sa Diyos, at hindi nagsisisi, kokondenahin at parurusahan sila ng Diyos. Naisip ko ang sarili ko. Pinababayaan ko ang aking tungkulin, at hinahangad ang karangalan at katayuan dahil sa aking satanikong disposisyon, ginagambala ang gawain ng iglesia. Kasuklam-suklam sa Diyos ang pag-uugali ko, at kaya nawala sa’kin ang gawain ng Banal na Espiritu at natanggal sa pagkalider. Gayunpaman, hindi ako pinalayas ng Diyos. Nang pagnilayan at kilalanin ko ang sarili ko, at naging handang magsisi sa Diyos, binigyan Niya ako ng isa pang pagkakataon sa pamumuno para makapagsagawa ako nang sapat, matuto ng marami pang katotohanan, at mas mabilis na makausad. Hindi ba’t lahat ng ‘yon ay awa at pagmamahal ng Diyos sa akin? Pero hindi ko naunawaan ang mga taimtim na layunin ng Diyos. Palagi akong nanghuhula at nagbabantay laban sa Diyos, nagiging tuso at masama. Akala ko, ang pagiging lider ay magpapalantad at magpapalayas sa akin. Hindi ko talaga kilala ang Diyos! Kung titingnan ang saloobin ko sa Diyos, paano ‘yon naging pananampalataya? Sinisiraan at nilalapastangan ko ang Diyos, nilalabag ang disposisyon Niya!

Naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kung mapanlinlang ka, magiging malihim at mapaghinala ka sa lahat ng tao at bagay, kaya ang pananampalataya mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananampalataya. Sa kakulangan ng tunay na pananampalataya, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa). Sa pagninilay-nilay sa mga salitang ito, napagtanto ko kung gaano katuso at kasama ang kalikasan ko. Nananampalataya at sumusunod ako sa Diyos para lang sa sarili kong mga pagpapala. Wala akong tunay na pananampalataya o pagmamahal sa Diyos—hindi ako totoo. Naghinala at nag-ingat ako sa Diyos sa lahat ng bagay dahil sa aking katusuhan, natatakot na magkakamali ako, at pagkatapos ay malalantad at mapapalayas. Talagang hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang ganitong uri ng pananampalataya. Kasusuklaman at kapopootan lang ito ng Diyos. Sa isiping ito, napuno ako ng pagkakonsensya at pagkabalisa, at gusto ko lang magsisi. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos pagkatapos nun: “Kung may satanikong kalikasan, sa sandaling magtamo ng katayuan ang mga tao, nanganganib na sila. Kaya ano ang dapat gawin? Wala ba silang landas na susundan? Sa sandaling masadlak sila sa mapanganib na sitwasyong iyon, wala na bang paraan para makabalik sila? Sabihin mo sa Akin, sa sandaling magtamo ang mga tiwaling tao ng katayuan—sino man sila—sila ba ay nagiging mga anticristo? Tiyak ba ito? (Kung hindi nila hinahangad ang katotohanan, kung gayon sila ay magiging mga anticristo, ngunit kung hinahangad nga nila ang katotohanan, hindi sila magkakagayon.) Tama talaga iyan: Kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan, siguradong magiging mga anticristo sila. At totoo bang ang lahat ng tumatahak sa landas ng mga anticristo ay ginagawa iyon dahil sa katayuan? Hindi, ang pangunahing dahilan niyon ay wala silang pagmamahal sa katotohanan, dahil hindi sila tama. May katayuan man sila o wala, ang mga taong hindi hinahangad ang katotohanan ay tumatahak lahat sa landas ng mga anticristo. Gaano man karaming sermon ang narinig nila, hindi tinatanggap ng gayong mga tao ang katotohanan, hindi sila tumatahak sa tamang landas, at kaya naman tiyak na tatahak sila sa liku-likong landas. Maitutulad ito sa paraan ng pagkain ng mga tao: May ilang hindi kumakain nga mnagpapalusog ng kanilang katawan at sumusuporta ng isang normal na buhay, ngunit sa halip ay ipinipilit ang pagkonsumo ng mga bagay na nakasasama sa kanila, na sa huli ay nakapipinsalaananakit sang kanilang mga sarili. Hindi ba nila ito sariling pagpili?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan). Natutuhan ko mula sa mga salita ng Diyos na hindi nalalantad at napapalayas ang isang tao kapag siya’y naging lider o manggagawa, at na hindi ka mas madaling makokondena ‘pag nagkaroon ka ng katayuan. Kung maliligtas man o mapapalayas ang isang tao sa kanyang pananampalataya ay ganap na nakasalalay sa kanyang hangarin at sa landas na kanyang tinatahak. Kung may taos-puso siyang pagmamahal sa katotohanan, kaya niyang tumuon sa paghahangad sa katotohanan at pagiging maprinsipyo kapag naging lider o manggagawa siya. Kapag nakagawa siya ng mga paglabag, kung magninilay siya sa sarili at tatanggapin ang matabasan at maiwasto, hindi lamang siya hindi mapapalayas, kundi unti-unti niyang matututunan ang katotohanan, maiwawaksi ang tiwali niyang disposisyon, at sa huli ay maliligtas. Inalala ko ang ilang lider na nakasalamuha ko. Bagamat nagpakita sila ng katiwalian at lumabag, nang mabigo sila at madapa, o natabasan at naiwasto, nagawa nilang pagnilayan ang sarili nila, magsisi sa Diyos, at gumawa ng mga bagay ayon sa prinsipyo. Hindi lamang sila hindi kinondena o pinalayas, kundi sa mga karanasang iyon ay unti-unti nilang naunawaan ang katotohanan, at lumago sila sa buhay. Sa puntong ito ay naging malinaw sa akin na hindi ang pagiging lider ang dahilan kaya ang isang tao’y nalalantad, napapalayas, nakokondena o hindi naliligtas. Kung makakapanindigan man ako o makakatamo ng kaligtasan ay magdedepende sa kung hinahangad ko ba ang katotohanan sa aking tungkulin at kung tumutuon ba ako sa paglutas ng aking tiwaling disposisyon. Naisip ko ang nakaraan ko, noong lagi kong hinahabol ang reputasyon at katayuan. Nainggit ako at ibinukod ang kapareha ko. Hindi ako nakipagtulungan nang maayos sa kanya. Ginambala ko ang gawain ng iglesia, hindi alam pa’no magsisi, at natanggal sa huli. Nabigo ako dahil hindi ko hinangad ang katotohanan, at dahil pikit-mata kong hinangad ang karangalan at katayuan at tinahak ang maling landas, hindi dahil sa isa akong lider. Tapos nabatid ko na kapag nakikita ko ang aking katiwalian, hindi malulutas ang problema sa pagiging negatibo at maingat lang. Ang pinakamahalaga ay ang paghahangad sa katotohanan at pagtuon sa paghahanap ng katotohanan para malutas ang aking isyu. Bagamat masyadong abala ang isip ko sa karangalan at katayuan, at lilitaw ‘yon ‘pag naging lider ako, hangga’t kaya kong tanggapin ang katotohanan, talikdan ang laman, at isagawa ang katotohanan, paunti-unting magbabago ang tiwali kong disposisyon. Kung hindi ko hinahangad ang katotohanan, at namumuhay lang ayon sa tiwali kong disposisyon, anuman ang tungkulin ko, makakagambala ako anumang oras, na kasusuklaman ng Diyos at magiging dahilan para malantad at mapalayas ako. Naisip ko ang pagiging lider ko sa pagkakataong ito. Kahit nagkaroon ako ng maraming problema at paghihirap, at nagpakita ng maraming katiwalian at medyo natabasan at naiwasto, may natutunan ako tungkol sa tiwali kong disposisyon. Naunawaan ko ang maraming nakalilitong isyu at paghihirap sa pamamagitan ng paghahanap ng mga prinsipyo ng katotohanan, at napunan nun ang mga pagkukulang ko. Ang mga praktikal na pakinabang na ito ay natamo ko lahat sa panahon na naging lider ako at biyaya ito ng Diyos para sa akin. Ayoko nang patuloy na maghimagsik sa Diyos at umiwas sa aking tungkulin. Sumumpa ako na pahahalagahan ko ang tungkuling ito, lubos na ilalaan ang sarili ko rito, at susuklian ang pagmamahal ng Diyos.

Naisip ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos pagkatapos nun. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Iniisip ng ilang taong nakagawa ng maliit na paglabag na: ‘Inilantad at itinaboy na ba ako ng Diyos? Pababagsakin ba Niya ako?’ Sa pagkakataong ito, naparito ang Diyos para gumawa hindi upang hampasin ang mga tao, kundi upang iligtas sila sa pinakamalawak na paraang posible. Sino ang lubos na walang pagkakamali? Kung pinabagsak ang lahat ng tao, paano ito magiging ‘pagliligtas’? Ang ilang paglabag ay ginagawa nang sadya samantalang ang iba ay ginagawa nang hindi sinasadya. Kung kaya mong magbago pagkatapos mong malaman ang mga paglabag na ginagawa mo nang hindi sinasadya, pababagsakin ka ba ng Diyos bago ka nagbago? Maililigtas ba ng Diyos ang mga tao sa ganyang paraan? Hindi Siya ganyan kumilos! Mayroon ka mang masuwaying disposisyon o kumilos ka man nang hindi sinasadya, tandaan mo ito: Dapat kang magnilay-nilay at kilalanin mo ang iyong sarili. Magbago ka nang tuluyan, kaagad, at magpunyagi ka nang buong lakas mo para sa katotohanan—at, anumang sitwasyon ang dumating, huwag kang mawalan ng pag-asa. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay ang pagliligtas, at hindi Niya basta-basta pababagsakin ang mga taong nais Niyang iligtas. Tiyak ito. Kahit may isa ngang mananampalataya sa Diyos na Kanyang pinabagsak sa huli, garantisado pa rin na ang ginawang iyon ng Diyos ay matuwid. Pagdating ng panahon, ipapaalam Niya sa iyo ang dahilan kaya Niya pinabagsak ang taong iyon, para lubos kang makumbinsi. Sa ngayon, dapat mong atupagin ang paghahangad na matamo ang katotohanan, pagtutuon sa pagpasok sa buhay, at paghahangad na tuparin nang maayos ang iyong tungkulin. Walang pagkakamali rito! Sa huli, paano ka man pakitunguhan ng Diyos, palagi itong matuwid; hindi ka dapat magduda rito at hindi mo kailangang mag-alala. Kahit na hindi mo nauunawaan ang pagiging matuwid ng Diyos sa ngayon, darating ang araw na ikaw ay makukumbinsi. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang trabaho sa liwanag at nang makatarungan; bukas Niyang ipinaaalam ang lahat ng bagay. Kung pagbubulayan ninyong mabuti ang aspetong ito, sasabihin ninyo sa huli na ang gawain ng Diyos ay iligtas ang mga tao at baguhin ang kanilang disposisyon. Dahil ang gawain ng Diyos ay para baguhin ang mga disposisyon ng mga tao, imposibleng walang mga pagbuhos ng katiwalian ang mga tao. Sa pagdaloy lamang ng tiwaling disposisyon ng isang tao niya makikilala ang kanyang sarili, at maaamin na mayroon siyang tiwaling disposisyon, at magiging handang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Kung ang mga tao, matapos magbuhos ng tiwaling disposisyon, ay hindi tatanggapin ang kahit katiting na katotohanan at patuloy na mamumuhay ayon sa kanilang tiwaling disposisyon, malamang na malalabag nila ang disposisyon ng Diyos. Magsasagawa ng iba’t ibang antas ng paniningil ang Diyos sa kanila, at pagbabayaran nila ang kanilang mga pagkakasala. Paminsan-minsan, hindi mo namamalayan na nagiging talipandas ka at itinuturo iyon sa iyo ng Diyos, tinatabasan ka, at iwinawasto ka. Kung magbabago ka at magpapakabuti, hindi ka pananagutin ng Diyos. Ito ang normal na proseso ng pagbabago ng disposisyon, at ang tunay na kabuluhan ng gawain ng pagliligtas ay ipinapakita sa prosesong ito. Ito ang susi(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Naunawaan ko ang kalooban ng Diyos mula sa siping ‘yon. Naging tao ang Diyos, nagpapakita at gumagawa sa mga huling araw para dalisayin at baguhin ang mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan. Inililigtas tayo ng Diyos hangga’t maaari. Hindi Niya kinokondena ang sinuman dahil sa pagpapakita ng katiwalian o paggawa ng panandaliang paglabag. Tinitingnan Niya kung tunay silang nagsisisi at nagbabago pagkatapos magpakita ng katiwalian. Dahil meron tayong mga tiwaling disposisyon, madalas ay hindi natin maiwasang maghimagsik at sumalungat sa Diyos, gumagawa ng mga paglabag. Pero kung nakokonsensya tayo pagkatapos, at ginagawa natin ang hinihingi ng Diyos, bibigyan Niya tayo ng pagkakataong magsisi. Mula nang manampalataya at tumanggap ako ng isang tungkulin, hindi ko na mapigilang maghabol sa karangalan at katayuan dahil sa mayabang kong disposisyon. Nakagambala ako at napinsala ang gawain ng iglesia. Pero hindi ako kinondena ng Diyos dahil sa aking mga paglabag. Nang magkaroon ako ng kaunting pag-unawa sa aking maling landas ng paghahangad sa karangalan at katayuan at ginustong magsisi, naawa sa akin ang Diyos at binigyang-liwanag ako gamit ang Kanyang mga salita, tinutulutan akong maunawaan ang katotohanan at makilala ang tiwali kong disposisyon, para matuto ako mula sa aking kabiguan, mahanap ang katotohanan, at malutas ang aking mga paglabag. Ipinakita nito sa’kin ang taimtim na pagnanais ng Diyos na iligtas ang tao. Alam na alam Niya kung gaano tayo ginawang tiwali ni Satanas at kung gaano nakaugat sa atin ang satanikong kalikasan, na kadalasang nagtutulak sa atin na maghimagsik at sumuway sa Diyos. Pero hangga’t kaya nating magsisi at sumunod sa mga salita ng Diyos, hindi Niya tayo kokondenahin. Patuloy Niya tayong gagabayan, na tutulutan tayong maunawaan ang katotohanan, at maiwaksi ang mga hadlang at gapos ng ating mga tiwaling disposisyon. Nang maunawaan ko ‘to, naglaho ang mga mali kong pagkaunawa sa Diyos at hindi na ako sobrang nag-aatubili sa aking tungkulin. Kapag lumilitaw ang mga pagkakamali o pagkalingat sa gawain ko, nagagawa kong harapin ito nang tapat, hanapin ang katotohanan, at agad na gumawa ng mga pagbabago. Napakalaya sa pakiramdam ang paggawa ng tungkulin ko sa gano’ng paraan.

Itinalaga ako ng nakatataas na lider sa isang proyekto kalaunan. Napakahalagang gampanin nito. Magiging mabigat ang responsibilidad ‘pag nagkamali ako, at bagamat kailangang talakayin at pagdesisyunan ang gawain kasama ang ibang kapatid, ‘pag nagkaproblema sa desisyon at nagambala ang gawain ng iglesia ako ang pangunahing mananagot bilang ang tagapangasiwa. Nang maisip ko ito, ayokong tanggapin ang proyekto. Tapos, naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “May ilang taong nagsasabi, “Mahina ang kakayahan ko, wala akong gaanong pinag-aralan, wala akong talento, at may mga depekto sa aking pagkatao. Lagi akong nahihirapan sa pagganap sa aking tungkulin. Kung hindi maganda ang trabaho ko at pinalitan ako, ano na ang gagawin ko?” Ano ang ikinatatakot mo? Kaya mo bang kumpletuhing mag-isa ang trabaho? Isang papel lamang ang pinagagampanan sa iyo, hindi hinihiling sa iyong gawing mag-isa ang buong gawain. Kung gagawin mo ang ipinagagawa sa iyo, sapat na iyon. Hindi ba’t natupad mo na sa gayon ang iyong responsibilidad? Napakasimpleng bagay niyan—ano ba ang palagi mong pinag-iisipan? Kung natatakot ka sa sarili mong anino, at ang una mong iniisip ay kung paano ka tatakas, hindi ba’t wala kang silbi? Ano ang ibig sabihin ng walang silbi? Iyon ay isang taong hindi iniisip ang kanyang pag-usad at ayaw magsumikap, na laging iniisip na mang-umit ng pagkain at nais magpakasaiya. Basura ang gayong tao. Gayon kakitid ang ilang tao—may isang paraan ng paglalarawan sa kanila. Ano iyon? (Napakahamak ng pagkatao.) Yaong may napakahamak na pagkatao ay mga taong walang dangal. Lahat ng taong walang dangal ay ginagamit ang sarili nilang puso para sukatin yaong mga nakahihigit sa kanila; para sa kanila, lahat ay tila makasarili at masama na tulad nila. Ang gayong tao ay walang silbi. Maaaring nananalig sila sa Diyos, ngunit hindi nila tatanggapin kaagad-agad ang katotohanan. Ano ang nagsasanhi ng pagkakaroon ng napakaliit na pananampalataya ng mga tao? Dulot ito ng kawalan ng pag-unawa sa katotohanan. Kung hindi sapat ang nauunawaan mong mga katotohanan, at napakababaw ng iyong pag-unawa, hindi iyon sasapat para maunawaan mo ang bawat proyektong isinasagawa ng Diyos sa Kanyang gawain, o ang lahat ng Kanyang ginagawa, o ang lahat ng Kanyang hinihingi sa iyo. Kung hindi mo makamtan ang pag-unawang iyon, magkakaroon ka ng lahat ng uri ng palagay, imahinasyon, maling pagkaunawa, at mga haka-haka tungkol sa Diyos. At kung ang mga ito lamang ang nasa puso mo, maaari ka bang magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem (Ikalawang Bahagi)). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na muli akong nanghuhula at nag-iingat sa Diyos. Natatakot ako sa responsibilidad na aakuin ko kapag may nangyaring mali sa proyektong iyon, na makakaapekto ito sa mga inaasam ko sa hinaharap, kaya gusto kong takasan ito. Nakita ko kung gaano katuso ang disposisyon ko—wala akong tunay na pananampalataya. Hindi ko pwedeng patuloy na pagdudahan ang Diyos at iwasan ang tungkulin ko. Bagama’t marami akong kapintasan at wala akong gaanong realidad ng katotohanan, pwede akong makipagtulungan sa iba, matuto mula sa kanilang mga kalakasan para mapunan ang aking mga pagkukulang, manalangin sa Diyos, at hanapin ang nauugnay na mga prinsipyo ng katotohanan. Hindi labis ang hinihingi ng Diyos sa tao. Hangga’t ibinibigay ko ang lahat ko, alam kong gagabayan ako ng Diyos, at malulutas ang anumang mga isyu. Sa isiping ito, masaya kong tinanggap ang gawain.

Sa pagbabalik-tanaw, namuhay ako sa aking mga kuru-kuro at maling pagkaunawa, palaging nanghuhula at nag-iingat sa Diyos, hindi nagpapasakop sa Kanya, pero hindi Siya sumuko sa pagliligtas sa akin dahil dun. Sa halip, patuloy Niya akong binibigyang-liwanag at ginagabayan gamit ang Kanyang mga salita, para maunawaan ko ang kalooban Niya na iligtas ang tao at makita ang sarili kong tuso at masamang disposisyon, maalis ang mga mali kong pagkaunawa sa Diyos, at magkaroon ng determinasyong hangarin ang katotohanan at palugurin Siya. Personal kong naramdaman kung gaano katuwid ang disposisyon ng Diyos at kung gaano katotoo ang pagmamahal Niya sa tao! Gusto ko lang tumuon sa paghahangad sa katotohanan sa aking mga tungkulin mula ngayon, at gawin nang maayos ang tungkulin ko para suklian ang pagmamahal ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply