Ang Paghahangad ba ng mga Pagpapala ay Naaayon sa Kalooban ng Diyos?

Oktubre 13, 2022

Ni Claude, Britanya

Noong 2018, nagkaroon ako ng magandang kapalaran na matanggap ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Labis akong nasabik na masasalubong ko ang pagbabalik ng Panginoon. Hindi nagtagal, sinimulan kong pag-aralan kung paano ibahagi ang ebanghelyo, pero dahil madalas akong nagtatrabaho sa araw at umuuwing pagod sa gabi, napakahirap talagang tumutok sa tungkulin ko. Gusto kong isantabi ang trabaho ko at ibahagi ang ebanghelyo nang buong oras, pero hindi iyon pinahihintulutan ng aktuwal kong sitwasyon. Nagpapalaki ako ng limang anak, at kung hindi ko sila pag-aaralin, makikita ng gobyerno na hindi ako karapat-dapat na mangalaga sa kanila, at ilalayo sila sa akin. Maraming tensyon sa buhay ko, pero alam ko na bilang isang nilikha, gaano man kalaki ang mga paghihirap ko, talagang kailangan kong gawin ang tungkulin ko.

Noong 2019, naging lider ako ng iglesia at naging mas abala ang mga araw ko. Nagpasya akong bawasan ang aking mga araw ng trabaho mula sa anim hanggang apat na araw sa isang linggo. Naisip ko na siguro, pagpapalain ako ng Diyos sa mga sakripisyo ko. Bagamat hindi ako gaanong nakapagnenegosyo dahil sa pagbawas sa aking mga oras, hindi naman talaga naapektuhan ang buhay ko dahil naging maayos ang takbo ng lahat, at hindi kami nagkaproblema sa kalusugan o nagkaroon ng anumang problema. Pakiramdam ko’y ganoon kapayapa ang buhay ko dahil nakukuha ko ang nararapat para sa aking masigasig na paggugol para sa Diyos. Napakasaya ko na magkaroon ng mas maraming oras para gawin ang aking tungkulin. Ngunit pagkatapos, nagbago ang lahat ng iyon noong 2021, matapos sumiklab ang pandemya.

Bumagsak nang husto ang kita ng pinatatakbo kong hair salon dahil sa pandemya. Hindi sapat ang kinikita ng negosyo para bayaran ang upa. Kaya, wala akong magawa kundi lumipat sa mas murang bungad na puwesto, pero kailangan nito ng ilang renobasyon. Nakahanap ako ng isang taong nagtatrabaho sa konstruksiyon para tumulong doon, pero pagkaraan ng ilang linggo, sinabi niya na mangangailangan ng maraming oras ang proyekto ko, na marami siyang dapat gawin at walang sapat na tauhan, kaya kinailangan niyang huminto sa pagtatrabaho sa akin. Nalaman ng mga kapitbahay at parokyano ko kung ano ang nangyari at sinabi na kung hindi matatapos ang ginagawa sa bagong shop, sabay akong magbabayad ng upa sa dalawang lugar, na talagang magiging magastos, at paanong nangyari iyon sa akin, bilang isang mananampalataya? Noong una, sinabi ko sa kanila, nang may buong tiwala, na ang lahat ay nakasalalay sa pamumuno at pagsasaayos ng Diyos, at hindi ako pwedeng magreklamo. Pagkatapos nun, nakahanap ako ng isang lalaki na nagtatrabaho sa isa pang grupo ng konstruksiyon, pero binitiwan din niya ang proyekto ko, dahil sa problema sa kalusugan. Lumipas lang ang panahon at hindi pa rin naaayos ang shop ko. Sa loob ng tatlong buwang sunod-sunod, sabay akong nagbabayad ng upa sa dalawang bungad na puwesto. ‘Di nagtagal, nagsimulang tumulo ang isang tubo sa bagong shop at kinailangang sirain ang kisame para mahanap ang tulo. Gumastos na ako ng humigit-kumulang £3,000 sa pagpapabagong iyon sa bungad na puwesto, lahat-lahat na. Talagang hindi ako nasiyahan at naguluhan din. Bakit nangyayari sa akin ang ganoon—bakit kailangan kong gumastos ng napakaraming pera? Ang buong akala ko ay tutulungan ako ng Diyos na makahanap ng magaling na manggagawa sa konstruksiyon. Pero ang nakagugulat, iniwan lang ng taong ‘yon ang trabaho sa kalagitnaan ng pagkakabit niya ng heater, at nagsimulang tumulo ang tubo, sinira ang kalahati ng pagkukumpuning ginawa niya sa heating. No’ng panahong ‘yon, nahawaan din ako ng coronavirus. Nagsimula akong magreklamo: Bakit hinahayaan ng Diyos na mangyari sa akin ang ganoong bagay? Gumagawa ako ng tungkulin sa iglesia at binawasan ko ang aking oras sa pagtatrabaho at pagkita ng pera para doon, kaya bakit ako nahaharap sa napakaraming mahihirap na bagay? Punong-puno lang ako ng reklamo sa puso ko.

Hindi na masyadong matapat ang saloobin ko sa tungkulin ko pagkatapos noon. Ginagawa ko pa rin ang tungkulin ko, pero hindi ko ito isinasapuso. Lubos akong abala sa kung paano lutasin ang mga isyu sa shop ko. Ito ay tunay na pagkabalisa para sa akin, at bilang resulta, hindi ako gaanong nakatuon sa mga pagtitipon. Dati, palagi akong gumagawa ng buod pagkatapos ng mga pagtitipon, pero ayaw ko nang gawin pa iyon. Dati ay nagagawa ko ring isakripisyo ang ilang oras ng pagtulog ko para makipagbahaginan sa iba at tumulong sa paglutas ng mga problema, pero ngayon kapag hinahanap nila ako tungkol sa mga isyu, ayokong sagutin ang telepono. Dati, inaalam ko kung nasa mabuting kalagayan ang mga kapatid o hindi, kung may mga paghihirap ba sila sa kanilang mga tungkulin, at nagbabahagi ako ng mga salita ng Diyos batay sa anumang paghihirap na kinakaharap nila, pero ayoko nang gawin ang alinman sa mga gawaing iyon. Naging pabaya nang pabaya ako sa aking tungkulin. Isang araw, sinabi sa akin ng isang nakatataas na lider na kailangan kong pasanin ang mga responsibilidad ko, at siguraduhing magsaayos ng mga pagtitipon para sa lahat ng bagong miyembro ng iglesia, at diligan sila nang maayos, hindi hayaang may makalagpas ni isa. Talagang tutol ako sa pagsasaayos niya. Kung ganoon ang gagawin ko, hindi ako magkakaroon ng maraming oras para asikasuhin ang mga bagay sa bahay. Gusto kong gugulin ang aking libreng oras kasama ang pamilya at mga kaibigan ko, mas magpabuyo sa laman. Lumala nang lumala ang kalagayan ko at ni ayaw kong gumawa ng mga debosyonal, na basahin ang mga salita ng Diyos. Dati, bumabangon ako nang maaga para basahin ang mga salita ng Diyos at pinapakinggan ko ang mga pagbasa nito sa araw, pero ngayon ay ayoko nang bumangon sa umaga o magbasa ng mga salita ng Diyos, dahil hindi ako pinagpala kapalit ng mga pagsisikap ko, at marami akong naranasang hadlang. Hindi ko alam kung ano ang ibabahagi ko sa mga pagtitipon. Nagkunwari akong maayos lang ang lahat, para kahit papaano ay mapanatili ko ang posisyon ko sa iglesia. Nagsimula na rin akong manloko sa aking tungkulin. Kapag may nagtatanong sa akin kung kumusta ang takbo ng mga bagay-bagay, sinasabi kong natapos ko ang isang bagay na malinaw namang hindi ko nagawa, nililinlang ang aking mga kapatid. Ang ganoong pag-uugali ko ay ganap na dahil sa hindi ako pinagpala ng Diyos, kundi hinayaan akong maharap sa mga paghihirap na iyon. Hindi ako nagpapakita ng paggalang sa Diyos, lalo na ang pagsamba sa Kanya.

Nasa masamang kalagayan ako, kaya sinabi ko sa lider ang tungkol sa pinagdadaanan ko. Pinabasa niya sa akin ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o maging negatibo ang kalooban, o hindi malinawan ang kalooban ng Diyos o ang landas ng kanilang pagsasagawa. Ngunit ano’t anuman, kailangan mong magkaroon ng pananampalataya sa gawain ng Diyos, at huwag itanggi ang Diyos, gaya ni Job. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay sa buhay ng tao ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa lahat ng ito. Paano man siya sinubok, pinanatili niya ang pananampalatayang ito. Sa iyong karanasan, anumang pagpipino ang pinagdaraanan mo sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, sa madaling salita, ay ang kanilang pananampalataya at pagmamahal sa Kanya. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananampalataya, pagmamahal, at mga hangarin ng mga tao. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nadarama; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang iyong pananampalataya. Kinakailangan ang pananampalataya ng mga tao kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, at kinakailangan ang iyong pananampalataya kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga kuru-kuro. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, ang kinakailangan mong gawin ay manampalataya at manindigan at tumayong saksi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Ipinakita sa akin ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos na talagang wala akong pagkaunawa sa layunin ng Diyos sa aking pinagdaraanan. Nakaramdam ako ng kawalan ng pag-asa at lungkot, at pinagdudahan ko pa nga ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Pero pauli-ulit ko lang sinasabi na isa akong tapat na tagasunod ng Diyos. Nang maayos ang takbo ng negosyo ko at malusog ang katawan ko, akala ko’y labis akong pinagpala ng Diyos at kaya kong higit na ibigay ang sarili ko para sa Kanya. Nang malagay ako sa kagipitan, nang mahirapan ako sa buhay, sinimulan kong sisihin ang Diyos. Paano iyon pagkakaroon ng pananampalataya? Nang mawala kay Job ang lahat ng ari-arian ng kanyang pamilya at bawat isa sa kanyang mga anak, hindi niya sinisi ang Diyos, kundi pinuri pa ang pangalan ng Diyos. Nang subukan siyang hikayatin ng kanyang asawa na mag-alinlangan sa kanyang pananampalataya, tinuligsa niya ito bilang isang hangal na babae, na sinasabing, “Tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Hindi transaksyunal o labis na humihingi si Job sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Magtamasa man siya ng mga pagpapala o dumanas ng sakuna, nagpasakop siya sa Diyos. May tunay na pananampalataya si Job sa Diyos. Pakiramdam ko’y walang paraan para mapantayan ko siya. Nang makita kong sunud-sunod na lumitaw ang mga paghihirap sa buhay ko, nakaramdam ako ng ilang kawalang-kasiyahan. Tinanong ako ng mga kakilala ko kung bakit nangyayari sa akin, na isang mananampalataya, ang mga ganitong bagay, at bagamat sinabi kong maayos ang lahat, sa paglipas ng panahon ay nagsimula akong mag-alinlangan sa puso ko, at nagsimula akong magduda sa pamamahala ng Diyos. Sa pamamagitan ng karanasan ni Job, natanto ko na pag-atake ito ni Satanas sa akin sa pamamagitan ng mga bagay na sinabi ng ibang tao, sinusubukan na himukin akong itatwa at sisihin ang Diyos. Walang-wala talaga akong patotoo sa karanasang iyon—naging katatawanan ako ni Satanas. Napuno ako ng hiya at pagsisisi sa naging asta ko.

Nabasa ko ang ilan pang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan. “Sa mga karanasan ng tao sa kanilang buhay, madalas nila itong naiisip sa kanilang sarili: Isinuko ko ang aking pamilya at karera para sa Diyos, at ano ang ibinigay Niya sa akin? Dapat kong makita ang kabuuan nito, at siguraduhin ito—may natanggap ba ako na anumang pagpapala kamakailan? Marami ang ibinigay ko sa pagkakataong ito, ako ay tumakbo nang tumakbo, at labis na nagdusa—may ibinalik bang anumang pangako ang Diyos? Naalala ba Niya ang aking mabubuting gawa? Ano ang magiging katapusan ko? Maaari ko bang matanggap ang mga pagpapala ng Diyos? … Ang bawat tao ay madalas na gumagawa ng ganitong mga pagkalkula sa loob ng kanilang puso, at humihingi sila sa Diyos ng mga bagay na nagtataglay ng kanilang mga motibasyon, ambisyon, at transaksiyonal na pag-iisip. Ibig sabihin, sa kanyang puso, ang tao ay patuloy na sinusubukan ang Diyos, patuloy na gumagawa ng mga plano tungkol sa Diyos, at patuloy na nangangatwiran sa Diyos para sa kanyang sariling katapusan, at sinusubukang makakuha ng pahayag mula sa Diyos, tinitingnan kung maaaring ibigay o hindi ng Diyos ang kanyang nais. Kasabay ng paghahangad sa Diyos, hindi itinuturing ng tao ang Diyos bilang Diyos. Palagi niyang sinusubukang makipagtawaran sa Diyos, walang hinto sa paghingi sa Kanya, at pinipilit pa Siya sa bawat hakbang, tinatangkang humingi nang higit pa matapos mapagbigyan nang kaunti. Kasabay ng pagsisikap na makipagtawaran sa Diyos, ang tao ay nakikipagtalo rin sa Kanya, at mayroon pang mga tao na, kapag may dumarating na mga pagsubok sa kanila o kaya ay nalagay sila mismo sa ilang sitwasyon, madalas na sila ay nagiging mahina, pasibo, at pabaya sa kanilang trabaho, at puno ng mga reklamo tungkol sa Diyos. Magmula ng ang tao ay magsimulang maniwala sa Diyos, itinuturing ng tao ang Diyos na isang kornukopya, isang Swiss Army na lanseta, at itinuturing ang sarili niya na pinakamalaking pinagkakautangan ng Diyos, na para bang ang pagsisikap na makakuha ng mga pagpapala at pangako mula sa Diyos ay ang kanyang likas na karapatan at obligasyon, habang ang responsibilidad ng Diyos ay ang ingatan at pangalagaan ang tao at magbigay ng pangtustos sa kanya. Ganito ang pangunahing pagkaunawa sa ‘paniniwala sa Diyos,’ ng lahat ng taong naniniwala sa Diyos, at ito ang kanilang pinakamalalim na pagkaunawa sa konsepto ng paniniwala sa Diyos. Mula sa kalikasan at diwa ng tao hanggang sa kanyang pansariling hangarin, wala sa mga ito ang may kinalaman sa takot sa Diyos. Hindi maaari na ang layunin ng tao sa paniniwala sa Diyos ay may kinalaman sa pagsamba sa Diyos. Ibig sabihin, hindi kailanman itinuring o naintindihan ng tao na ang paniniwala sa Diyos ay nangangailangan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos, at pagsamba sa Diyos. Sa harap ng ganitong mga kalagayan, ang diwa ng tao ay halatang-halata. At ano ang diwa na ito? Ito ay ang puso ng tao na may masamang hangarin, nagkikimkim ng pagtataksil at panlilinlang, walang pagmamahal sa pagiging patas at pagiging matuwid, o sa mga bagay na positibo, at ito ay kamuhi-muhi at sakim. Ang puso ng tao ay hindi na magiging mas sarado pa sa Diyos; hindi pa talaga niya ito ibinigay sa Diyos. Hindi pa kailanman nakita ng Diyos ang tunay na puso ng tao, at hindi rin Siya kailanman sinamba ng tao. Gaano man kalaki ang halagang binabayaran ng Diyos, o gaano man karaming gawain ang Kanyang ginagawa, o gaano man karami ang binibigay Niya sa tao, ang tao ay nananatiling bulag dito, at lubos na walang malasakit. Hindi kailanman ibinigay ng tao ang kanyang puso sa Diyos, gusto niya lang na pangalagaan ang kanyang sariling puso, gumawa ng kanyang mga sariling desisyon—ang ibig sabihin ay hindi niya nais na sundan ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan, o sundin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi niya rin gusto na sambahin ang Diyos bilang Diyos. Ganito ang kalagayan ng tao sa kasalukuyan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). “Kahit paano man sila sinusubukan, ang katapatan ng mga taong nasa puso nila ang Diyos ay nananatiling hindi nagbabago; ngunit para sa mga taong walang Diyos sa kanilang puso, sa sandaling ang gawain ng Diyos ay hindi kapaki-pakinabang sa kanilang laman, binabago nila ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos, at nililisan pa ang Diyos. Ganoon ang mga hindi maninindigan sa katapusan, na naghahanap lamang ng mga pagpapala ng Diyos at walang pagnanais na gumugol ng kanilang mga sarili para sa Diyos at ialay ang kanilang mga sarili sa Kanya. Ang uring ito ng mga hamak na tao ay patatalsikin lahat kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi sila karapat-dapat sa kahit na anong awa. Yaong mga walang pagkatao ay walang kakayahang mahalin ang Diyos nang tunay. Kapag ang paligid ay tiwasay at ligtas, o may pakinabang na matatamo, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang ninanais ay nalagay sa alanganin o hindi nila nakuha, ay agad silang naghihimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, maaari silang magbago mula sa isang nakangiti at ‘mabait’ na tao tungo sa isang pangit at mabangis na mamamatay-tao, biglang itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagpala kahapon nang walang pagkatugma o kadahilanan. Kung ang mga demonyong ito ay hindi napalayas, ang mga demonyong ito na papatay nang walang kurap, hindi ba sila magiging tagong panganib?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos kung ano ang nakatago sa kaibuturan ng aking puso. Hindi ako nananalig sa Diyos para magpasakop at sumamba sa Kanya, kundi para magpakasasa sa Kanyang biyaya at mga pagpapala. Ang pagbabawas ng oras ko sa trabaho at pagkita ng pera para makagawa ako ng tungkulin ay para lang din mas pagpalain ako. Ang lahat ng isinuko ko ay para lang subukang makipagtawaran sa Diyos, hindi talaga dahil sa tunay na pananampalataya at pagmamahal. Nang magsimulang lumitaw ang mga problema sa buhay ko, nanatili akong matatag sa aking tungkulin dahil naisip ko na lilipas din ang mga paghihirap na iyon, at pagkatapos ay mas pagpapalain ako ng Diyos. Pero patuloy na naging mahirap ang mga bagay-bagay. Nagkaroon ako ng mga problema sa bagong bungad na puwesto at nawalan ako ng malaking pera. Wala na akong anumang motibasyon para gawin pa ang aking tungkulin, at sinimulan kong sisihin ang Diyos. Kung wala ang mga pagpapala ng Diyos, ayokong patuloy na magsikap nang husto para sa Diyos na tulad ng dati. Gusto ko lang mas isipin ang sarili kong kaginhawahan. Ang pagtingin ko sa mga bagay-bagay ay patuloy na sinusubok ng mga paghihirap na kinakaharap ko, at sa gitna ng mga paghihirap na ito, nabigo akong hanapin ang kalooban ng Diyos, o kung paano isagawa ang katotohanan at manindigan. Sa halip, sinubukan kong mag-isang maghanap ng mga paraan para malutas ang aking mga problemang pinansyal, kahit iniraraos lang ang tungkulin ko at nagiging iresponsable ako. Walang puwang ang Diyos sa puso ko. Sa pamamagitan ng aking saloobin sa aking tungkulin at sa Diyos, nakita kong hindi ako tunay na tagasunod ng Diyos. Palagi kong sinasabing mahal ko ang Diyos, pero sinisi ko ang Diyos nang makaranas ako ng paghihirap sa buhay. Nakipagtalo ako at sinubukang makipagtuos sa Kanya, gaya ng sinabi ng Diyos: “Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, maaari silang magbago mula sa isang nakangiti at ‘mabait’ na tao tungo sa isang pangit at mabangis na mamamatay-tao, biglang itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagpala kahapon nang walang pagkatugma o kadahilanan.” Ang pag-uugali ko ay katulad mismo ng inilalantad ng Diyos sa Kanyang mga salita. Ginagawa ko lang nang maayos ang tungkulin ko kapag pinagpapala ako ng Diyos. Kumilos ako na parang isa akong pinagkakautangan, labis na hinihingi sa Diyos kung ano ang gusto ko. Pero sa katunayan, binigyan ako ng Diyos ng buhay—ibinigay Niya sa akin ang lahat. Binigyan Niya ako ng higit pa sa sapat. Bakit gusto ko pa ring sisihin ang Diyos, mangatwiran at makipagtalo sa Kanya? At saka, nilabanan ko Siya sa pamamagitan ng hindi paggawa nang maayos sa aking tungkulin. Lalo’t lalo akong nakaramdam ng hiya habang pinagninilayan ko ito. Kung hindi ako magsisisi sa Diyos, hindi ba’t kasusuklaman at palalayasin ng Diyos ang isang tulad ko? Nagdasal ako sa Diyos sa aking puso, “Diyos ko, wala talaga akong konsensya. Labis ko nang natamasa ang biyaya Mo, pero patuloy lang akong humihingi sa Iyo nang sobra, nang sunod-sunod. Kapag hindi natutupad ang mga ninanais ko, nagiging negatibo ako at nagrereklamo. O Diyos, nakita ko na ang tunay kong mukha, at kinamumuhian ko ang sarili ko. Pakiusap, tulungan Mo po ako para mabago ko ang mga maling paghahangad kong ito.”

Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos pagkatapos nun: “Ang iyong hinahabol ay ang matamo ang kapayapaan pagkatapos na maniwala sa Diyos, upang ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, upang ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, upang ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, upang ang iyong anak na babae ay makatagpo ng disenteng asawang lalaki, upang ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, upang magkaroon ng isang taon ng magandang panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahanap. Ang iyong hinahabol ay para mabuhay lamang nang maginhawa, upang walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, upang ang hangin ay lampasan ka lamang, upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, upang ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, upang ikaw ay hindi maapektuhan ng anumang sakuna, upang mabuhay sa pag-iingat ng Diyos, upang mabuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahabol sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tamang daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga naniniwala sa Diyos? Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). “Ang lahat ng tiwaling tao ay nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang buod ng kalikasan ng tao. Ang mga tao ay naniniwala sa Diyos para sa kanilang sariling mga kapakanan; kapag tinatalikdan nila ang mga bagay-bagay at ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, ito ay para pagpalain, at kapag tapat sila sa Kanya, ito ay para gantimpalaan. Sa kabuuan, lahat ito ay ginagawa para sa hangaring pagpalain, gantimpalaan, at makapasok sa kaharian ng langit. Sa lipunan, nagtatrabaho ang mga tao para sa kanilang pansariling pakinabang, at sa sambahayan ng Diyos, gumagawa sila ng tungkulin para pagpalain. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala kaya tinatalikdan ng mga tao ang lahat at nakatatagal sa matinding pagdurusa: Wala nang mas maganda pang katibayan ng satanikong kalikasan ng tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ipinakita sa akin ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos kung gaano ako kamakasarili at kakasuklam-suklam. Kontrolado ako ng ideya ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Inakala ko na kahit anuman ang gawin ko, kailangan kong makinabang dito, at ayokong gumawa ng anumang bagay na hindi ko mapakikinabangan. Ang ganitong uri ng pilosopiya, ang ganitong uri ng pag-iisip, ay malalim na nakatanim sa puso ko, at dahilan kaya lagi akong namumuhay para lang sa sarili ko. Maging ang pananampalataya at mga sakripisyo ko para sa Diyos ay para lamang sa isang layon—ang pagpalain. Nililinlang ko ang Diyos. Isa akong napakamakasarili at tusong tao. Patuloy kong hinahangad ang pansarili kong mga interes, at kung paano makamit ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Nang makita kong hindi ako pinagpapala ng Diyos tulad ng inaakala kong dapat Niyang gawin, naging miserable ako at napuno ng mga reklamo. Ano ang kalooban ng Diyos sa sitwasyong iyon? Hindi ko hinanap o pinagnilayan ‘yon, at wala akong pakialam. Nakatuon lang ako sa mga interes ng aking laman. Hindi ba’t nawawalan ako ng pagkakataong makamit ang katotohanan? Nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw para iligtas tayo. Nagsalita Siya ng napakaraming salita, ibinuhos ang Kanyang dugo, pawis, at luha para sa atin para sa pamamagitan ng mga salitang ito, ng mga katotohanang ito, makakatakas tayo sa kasalanan at kasamaan, makakatakas sa katiwalian at pinsala ni Satanas. Pero hindi ko hinahangad ang katotohanan—wala akong pakialam dito. Naging sakim lang ako sa kaginhawahan ng laman, nagsasaalang-alang at nagkakalkula para dito. Kung patuloy akong kumilos nang ganoon, ano kaya ang gagawin ng Diyos sa isang tulad ko? Mapapalayas na sana ako, maglalaho. Nanalangin ako sa puso ko, “Diyos ko, pakiusap iligtas Mo po ako. Pahintulutan Mo po sana akong makilala ang sarili ko at makahanap ng landas ng pagsasagawa.” Araw-araw akong umuusal ng ganoong panalangin.

Kalaunan, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Maaari mong isipin na ang paniniwala sa Diyos ay tungkol sa pagdurusa, o paggawa ng lahat ng bagay para sa Kanya; maaari mong isipin na ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay para mapayapa ang iyong laman, o upang maging maayos ang lahat sa buhay mo, o upang maging komportable at magaan ang lahat sa iyo. Gayunman, wala sa mga ito ang mga layuning dapat iugnay ng mga tao sa kanilang paniniwala sa Diyos. Kung naniniwala ka dahil sa mga layuning ito, mali ang iyong pananaw, at imposible ka talagang magawang perpekto. Ang mga kilos ng Diyos, ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang karunungan, Kanyang mga salita, at Kanyang pagiging kamangha-mangha at di-maarok ay pawang mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Dahil sa pagkaunawang ito, dapat mong gamitin ito upang alisin sa puso mo ang lahat ng personal mong mga kahilingan, inaasahan, at kuru-kuro. Kapag inalis mo ang mga ito, saka mo lamang matutugunan ang mga kundisyong hinihingi ng Diyos, at sa pamamagitan lamang ng paggawa nito ka magkakaroon ng buhay at mapapalugod ang Diyos. Ang layunin ng paniniwala sa Diyos ay upang mapalugod Siya at maisabuhay ang disposisyon na Kanyang hinihingi, upang maipamalas ang Kanyang mga kilos at kaluwalhatian sa pamamagitan ng grupong ito ng hindi karapat-dapat na mga tao. Ito ang tamang pananaw para sa paniniwala sa Diyos, at ito rin ang layuning dapat mong hangarin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay pinagpala o isinumpa. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang mapagpala ay kapag ang isang tao ay nagawang perpekto at nagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos matapos magdanas ng paghatol. Ang maisumpa ay kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago matapos silang magdanas ng pagkastigo at paghatol, iyon ay kapag hindi pa sila nagawang perpekto kundi pinarusahan. Ngunit napagpala man sila o naisumpa, dapat tuparin ng mga nilalang ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahanap sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang mapagpala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na maisumpa. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang pagkasuwail(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Maraming beses kong sinabing may tunay akong pananampalataya sa Diyos, pero napagtanto ko na lahat iyon ay imahinasyon ko lang. Ang klase ng pananampalataya ko ay katulad ng sinabi ni Pablo sa 2 Timoteo 4:7–8: “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong ng katuwiran.” Naghihintay si Pablo ng putong ng katuwiran pagkatapos ng kanyang paglilingkod sa Panginoon, at iyon din ang layon ko sa aking pananampalataya—ang pagpalain. Sinabi sa akin ng mga salita ng Diyos ang kahulugan ng pananampalataya at ang tamang paghahangad na dapat kong taglayin sa aking pananampalataya. Pakiramdam ko’y handa na akong baguhin ang maling landas na tinatahak ko noon, dahil maaari lang akong gawing lalong masama nun, at isang kaaway ng Diyos. Para lang akong isang bata na hindi totoong gumagalang sa mga magulang, kundi may gusto lang na makuha sa kanila. Ang ganoong uri ng bata ay hinding-hindi mapapaboran ng kanyang mga magulang, kundi magdudulot lamang ng pasakit sa kanila. Kahiya-hiya para sa akin ang motibasyon at pananaw ko sa aking pananampalataya. Ano pa bang uri ng kabayaran ang inaasahan kong makuha mula sa Diyos? Natamasa ko na ang napakaraming biyaya at pagpapala Niya, at nagkamit na ako ng labis na panustos mula sa mga katotohanan ng Kanyang mga salita, at sa Kanyang pangangalaga at proteksyon, lalo na ang hangin na aking nalalanghap, ang sikat ng araw na aking nararamdaman, at ang aking pang-araw-araw na kinakain. Lahat ng ito ay ibinigay ng Diyos. Maging ang mismong buhay ko ay ibinigay sa akin ng Diyos. Paano ko dapat suklian ang pagmamahal ng ating Lumikha? Kahit na ibigay ko ang bawat himaymay ng aking pagkatao, hinding-hindi ko Siya masusuklian. Gayunpaman, sinisi ko pa rin ang Diyos, nakipagtalo, at sinubukang makipagtuos sa Kanya. Wala talaga akong pagkatao, walang kahit katiting na kamalayan sa sarili. Sinunod ko ang Diyos at ginawa ang aking tungkulin, na responsibilidad ko naman, ang pinakapangunahing bagay na dapat kong gawin. Isa rin iyong pagkakataon na ibinigay sa akin ng Diyos para hangarin ang katotohanan at magkamit ng kaligtasan. Kung hindi ko gagawin ang aking tungkulin, hindi ko makakamit ang katotohanan o mababago ang aking tiwaling disposisyon. Salamat sa Diyos! Ngayon natanto ko nang ang paggawa ng isang tungkulin ay nararapat lang na gawin ng isang nilikha, isang responsibilidad ng tao. Ang paggawa ng aking tungkulin ay hindi dapat maging isang pakikipagtawaran sa Diyos. Naunawaan ko rin na kahit ano pang paghihirap ang kaharapin ko, magkasakit man ako o hindi maganda ang maging takbo ng negosyo ko, kailangan ko itong tanggapin, at hindi ako dapat magreklamo. Ito ang katwiran at ang saloobin na dapat kong taglayin bilang isang nilikha. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagpapahintulot sa akin na magkaroon ng ganitong uri ng pagkaunawa. Hindi ako kumikita nang malaki ngayon at medyo mababa ang kalidad ng buhay ko, pero mas matipid na ako kaysa dati—hindi na ako gaanong gumagastos. Nakakaraos pa rin ako. Hindi ko pwedeng hayaan ang mga problema sa kalusugan at mga isyu sa buhay na makaapekto sa saloobin ko sa aking tungkulin. Patuloy akong nag-aalok ng tulong sa mga kapatid, ginagawa ang aking makakaya na makumpleto ang bawat gawain sa aking tungkulin. Ang maranasan ang sitwasyong ito ay nagpakita sa akin kung gaano ako kamakasarili at kasama noon, at nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa aking maling pananaw sa pananampalataya at paghahangad ko. Lahat ito ay nakamit dahil sa patnubay ng mga salita ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Muling Pagharap sa Karamdaman

Ni Yang Yi, Tsina Nagsimula akong manampalataya sa Panginoong Jesus noong 1995. Matapos maging isang mananampalataya, isang sakit sa puso...

Leave a Reply