Ang Makita sa Wakas ang Aking Katusuhan

Hulyo 9, 2022

Ni Xiaoqian, Hong Kong

Ang tungkulin ko sa iglesia ay diligan ang mga bagong mananampalataya, at kasabay nito, kinailangan kong pumili ng ilang taong maaaring linangin at turuan sila kung paano gampanan ang kanilang mga tungkulin. Nahirapan talaga ako roon. Una, hindi ako mahusay kumilatis ng mga tao. Hindi ko nagawang suriin kung sinong mga tao ang maaaring linangin—nagpasya lang ako batay sa aking mayabang na disposisyon na hindi sapat ang kanilang kahusayan. Napakataas ng mga hinihingi ko sa kanila. Dagdag pa roon, ayaw kong masyadong mag-isip at magbayad ng halaga. Pakiramdam ko talagang nakakapagod iyon, at dahil doon, hindi ko kailanman nagawang magsanay ng sinumang baguhan.

Kamakailan, may ilang baguhan na hindi ko sigurado ang kaangkupang malinang. Nag-alala ako na kung lilinangin ko sila sandali pagkatapos ay matuklasan ko na hindi sila angkop, masasayang ang oras at lakas ko. Pero kung hindi ko sila lilinangin, hindi ba sasabihin ng superbisor ko na napakalaki ng inasahan ko sa kanila at hindi ako nagtuon sa paglilinang sa kanila, o na wala akong kakayahan at hindi ko lang talaga kayang gawin iyon? Naipit ako sa dalawang nag-uumpugang bato, at hindi ko alam ang gagawin. Pakiramdam ko dapat siguro ay tanungin ko ang superbisor ko at hayaang siya ang magpasya. Sa gayo’y hindi lang ako ang magiging responsable sa anumang mga paglihis, at kung hindi angkop ang mga sinasanay, hindi ako maiwawasto. Kaya nang makausap ko ang superbisor ko, hindi ko deretsahang sinabi sa kanya na hindi ako mahusay kumilatis ng mga tao at hindi ko alam ang gagawin, sa halip ay nagsalita ako nang nagsalita tungkol sa mga sitwasyon at paghihirap ng mga baguhang iyon: Mabagal ang internet connection kung saan nakatira si ganito at ganyan at mahirap kontakin, abala sa trabaho si ganito at ganyan, at hindi gaanong nagsasalita si ganito at ganyan sa mga pagtitipon…. Pagkatapos, sa takot na baka sabihin niyang hinuhusgahan ko ang mga tao kung anong uri sila, nagpaliguy-ligoy ako, sinasabing, “Pero aktibo sila sa mga pagtitipon at masigasig sa kanilang paghahangad, kaya gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para linangin sila.” Noong una akala ko sasagutin niya ako at sasabihin sa akin na hindi naaangkop na sanayin ang mga baguhang ito, para magiging desisyon niya iyon at hindi ako ang magiging responsable, at hindi ko kakailanganing magbayad ng halaga sa pagsasanay sa kanila. Pero nagulat ako nang hindi niya ako sinagot, kundi masungit lang na sinabing, “Ano ba ang gusto mong sabihin? Nakakapagod makinig sa paliguy-ligoy mong pagsasalita. Ganyan ka lagi magsalita. Sabi mo noong una may ilang problema ang mga baguhan, na para bang pinalalabas mong hindi sila karapat-dapat na linangin, pagkatapos, sa huli, sabi mo gagawin mo ang lahat ng makakaya mo sa kanila. Imposibleng malaman kung ano talaga ang iniisip mo.” Sumama talaga ang loob ko nang marinig ko iyon: “Sinasabi ba niya na para akong ahas kung magsalita? Hindi kailanman naglalakbay ang ahas nang tuwid, pa-zigzag-zigzag ito. Gayon ba talaga ako kasama? O pinagbubuntunan lang niya ako dahil masama ang timpla niya?” Alam ko naman na maling isipin iyon nang ganoon, na hindi sasabihin iyon ng sister nang walang anumang dahilan, at na tiyak na sinasalamin nito ang tunay na damdamin niya tungkol sa akin. Nagbunyag ako ng tiwaling disposisyon, hindi ko kilala ang sarili ko, kaya malaking tulong sa akin na nakita ito ng sister ko at pinuna ito. Kaya sinabi ko sa kanya, “Hindi ko talaga nakikita ang mga problemang tinutukoy mo, pero gusto kong tanggapin ito at pagnilayan ang sarili ko.”

Pagkatapos, patuloy kong pinag-isipan ang sinabi niya, at nagdasal ako sa Diyos, na hinihiling sa Kanya na gabayan akong makilala ang sarili ko. Naalala ko na partikular na baluktot ang mga salita ni Satanas, at walang kalinawan. Tinanong ng Diyos na si Jehova si Satanas: “Saan ka nanggaling? Nang magkagayo’y sumagot si Satanas kay Jehova, at nagsabi, Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon” (Job 1:7). Inilantad at sinuri ng Diyos ang paraan ng pagsasalita ni Satanas dito. Sinasabi ng Diyos, “Kaya ano ang nararamdaman ninyo kapag nakikita ninyo si Satanas na sumasagot sa ganitong paraan? (Nararamdaman natin na si Satanas ay kakatwa ngunit mapanlinlang rin.) Masasabi ba ninyo kung ano ang nararamdaman Ko? Sa tuwing nakikita Ko ang mga salitang ito ni Satanas, naiinis Ako, sapagkat nagsasalita si Satanas ngunit walang anumang kabuluhan ang sinasabi nito. Sinagot ba ni Satanas ang tanong ng Diyos? Hindi, ang mga salitang sinabi ni Satanas ay hindi isang kasagutan at walang anumang kinahantungan ang mga ito. Ang mga iyon ay hindi kasagutan sa katanungan ng Diyos. ‘Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon.’ Ano ang nauunawaan mo sa mga salitang ito? Saan ba talaga nanggaling si Satanas? Nakatanggap ka ba ng kasagutan sa tanong na ito? (Hindi.) Ganito ‘kadalubhasa’ sa pagkatuso si Satanas—hindi hinahayaan ang sinuman na matuklasan kung ano talaga ang sinasabi nito. Pagkadinig sa mga salitang ito hindi mo pa rin mababatid kung ano ang sinabi nito, kahit na tapos na itong sumagot. Gayunman naniniwala si Satanas na perpekto ang naging sagot nito. Ano kung gayon ang iyong nararamdaman? Naiinis ka ba? (Oo.) Nagsisimula ka ngayong makaramdam ng inis sa mga salitang ito. Mayroong partikular na katangian ang mga salita ni Satanas: Ang sinasabi ni Satanas ay iiwanan kang napapakamot sa iyong ulo at hindi maunawaan ang pinagmumulan ng mga salita nito. Kung minsan, may mga motibo si Satanas at sinasadya ang sinasabi, at kung minsan pinangingibabawan ng kalikasan nito, na ang gayong mga salita ay kusang lumalabas, at namumutawi mismo sa bibig ni Satanas. Hindi gumugugol si Satanas nang mahabang panahon sa pagsasaalang-alang sa gayong mga salita; bagkus, inihahayag ang mga ito nang hindi pinag-iisipan. Nang tanungin ng Diyos kung saan ito nanggaling, sumagot si Satanas gamit ang ilang hindi malinaw na salita. Makakaramdam ka ng sobrang pagkalito na hindi mo kailanman malalaman nang eksakto kung saan nagmula si Satanas. Mayroon ba sa inyo na nangungusap ng tulad nito? Anong uri ng paraan ng pagsasalita ang ganito? (Ito ay hindi maliwanag at hindi nagbibigay ng isang tiyak na sagot.) Anong uri ng mga salita ang dapat nating gamitin upang ilarawan ang ganitong paraan ng pananalita? Ito ay nakapagliligaw at mapanlinlang, hindi ba? Ipagpalagay na ayaw ipaalam sa iba ng isang tao kung ano ang ginawa niya kahapon. Tinatanong mo siya: ‘Nakita kita kahapon. Saan ang punta mo?’ Hindi niya sinabi sa iyo nang diretso kung saan siya nagpunta. Bagkus ay sinabi niya: ‘Maraming nangyari kahapon. Nakakapagod!’ Sinagot ba niya ang tanong mo? Oo sinagot niya, ngunit hindi iyon ang sagot na nais mo. Ito ang ‘pagkadalubhasa’ sa panlilinlang na nasa pananalita ng tao. Hindi mo kailanman matutuklasan kung ano ang ibig niyang sabihin o maiintindihan ang pinagmulan o intensyon sa likod ng kanyang mga salita. Hindi mo alam kung ano ang kanyang sinusubukang iwasan sapagkat may sarili siyang kuwento sa puso niya—ito ay panlilinlang. Mayroon ba sa inyo na madalas ding magsalita sa ganitong paraan? (Oo.) Ano kung gayon ang inyong layunin? Kung minsan ba ay upang protektahan ang inyong sariling mga kapakanan, minsan upang panatilihin ang inyong pagpapahalaga sa sarili, katayuan, at imahe, upang protektahan ang mga lihim ng inyong pribadong buhay? Anuman ang layunin, hindi ito maihihiwalay sa inyong mga pakinabang at may kinalaman sa inyong mga kapakanan. Hindi ba ito ang kalikasan ng tao?(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV). Mula sa inihayag ng mga salita ng Diyos, nakita ko na palaging nagkikimkim ng mga motibo at panlilinlang si Satanas sa mga salita at gawa nito. Para maitago ang kahiya-hiyang mga layunin nito, nagpapaliguy-ligoy ito at laging malabong magsalita. Nakalilito ito sa mga tao, hindi nila mahalata ito. Pinagnilayan ko kung paanong may gawi akong makipag-usap sa aking mga kapatid sa paraan ni Satanas, paliguy-ligoy, kaya mahirap akong arukin. Tinatanong nila ako, “Ilang baguhan ang puwedeng sanayin sa iglesiang pinamamahalaan mo? Ano ang sitwasyon nila ngayon?” Ilang simpleng pangungusap lang ang kailangan sa sagot—ilan sila, at ano ang kanilang sitwasyon. Pero hindi ako basta nagbibigay ng deretsahang sagot. Lagi kong sinasabi ang tungkol sa hindi mahusay na pagganap ng mga baguhan at nakakahanap ako ng ilang obhetibong dahilan para isipin ng mga kapatid na ang mga baguhan ang hindi mahusay at hindi angkop na sanayin, sa halip na ako na hindi sila sinasanay. Pagkatapos ay binabago ko ang tono ko, na sinasabing, “Pero kailangang sanayin ang mga baguhan. Subukan muna natin at tingnan.” Nagsalita na ako nang ilang sandali kung paano sila naging problema, pagkatapos ay sinabi ko na aasikasuhin ko sila. Hindi iyon deretsahang sagot sa tanong nila, at paliguy-ligoy iyon kaya walang nakaalam kung ano ang ibig kong sabihin. Sinasabi ng Diyos na ang dahilan kaya paliguy-ligoy magsalita si Satanas, na nagkikimkim ng mga motibo at panlilinlang, ay para protektahan ang sarili nitong mga interes. Pagkatapos ay tinanong ko ang sarili ko kung anong hangarin ang nasa isip ko kaya ako ganoon magsalita sa mga kapatid. Nang pag-isipan ko itong mabuti, nakita ko na lagi akong nagsisimula sa pagsasalita tungkol sa mga problema para hindi isipin ng iba na hindi ako nakatuon sa paglilinang sa mga tao, kundi sa iba’t ibang kadahilanan ay hindi sila maiinam na kandidato. Tapos ay magtatapos ako sa pagsasabi na sisikapin kong sanayin sila at titingnan kung ano ang mangyayari, para ipaalam sa kanila na pinapasan ko ang paglilinang sa mga baguhan at positibo ang saloobin ko. Sa ganitong paraan ay hindi nila masasabing hinuhusgahan ko ang mga tao kung anong uri sila at ayaw kong magbayad ng halaga para sanayin sila. Paliguy-ligoy ako sa pagsasalita, at may kasuklam-suklam akong mga motibo sa likod niyon. Hindi ako deretsahang nagsalita tungkol sa isyu nang kausapin ko ang superbisor ko, gusto kong hulaan niya ang ibig kong sabihin, para hindi niya ako mahalata nang husto, at sa huli ay mahimok siyang magpasya kung lilinangin o hindi ang mga baguhang ito, para maganda ang kalabasan para sa akin anuman ang mangyari. Kung may mangumusta kung bakit hindi ko pa sila nalinang, puwede kong natural na ipasa ang sisi sa superbisor. Kung magkaroon nga ng pag-unlad ang mga baguhan, makikita ng lahat na kaya kong linangin kahit ang gayong mga tao, iisipin nila na may kakayahan ako, at gaganda ang tingin nila sa akin. Ang paraan ng pagsasalita ko ay ang mismong paraan ng pagsasalita ni Satanas na inilantad ng Diyos—parang ahas, at ganap na nagtatago sa sarili kong mga motibo, para puwede kong makamit ang sarili kong mga mithiin nang hindi nalalaman ng iba kung anong nangyayari. Kagaya lang ako ni Satanas, masyadong mapanira at tuso. Sa tingin, tinatanong ko ang superbisor kung puwedeng linangin ang mga baguhan, pero ang totoo, inuudyukan ko siyang magpasya para sa akin, at ginusto kong umiwas sa responsibilidad. Napakataksil ko! Ang isang normal na tao ay naghahanap ng isang aspeto ng mga prinsipyo para makakilos ayon sa prinsipyong iyon, at mas malinang ang mga baguhan para makinabang ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Pero ang mithiing “hinahangad” ko ay mawalan ako ng responsibilidad, protektahan ang sarili kong mga interes, reputasyon at katayuan. Paano ko naatim na maging gayon kamapanira at katuso? Iwinasto ako at inilantad ng superbisor dahil lagi akong nagsasalita at kumikilos ayon sa aking mapanlinlang na disposisyon, na hindi kailanman nagninilay sa sarili. Kasuklam-suklam ako sa Diyos at inayawan ako ng iba. Nagdasal ako at sumumpa sa Diyos na mula sa sandaling iyon, kailangan ko nang mas bigyang-pansin ang pagsusuri sa aking mga motibo at pakay sa mga bagay na sinasabi ko at ginagawa, at magsanay na maging tapat. Kalaunan, kapag tinatanong ako ng aking mga kapatid tungkol sa mga bagong mananampalataya, kung minsa’y gusto kong magsimulang muli sa kanilang mga problema, para kung hindi sila puwedeng sanayin, hindi ko na responsibilidad iyon. Kapag napagtatanto ko na mali ang mga motibong ito, at na nagiging tuso na naman ako, sinasadya kong magdasal, tinatalikdan ko ang aking sarili, at nagsasalita tungkol sa kanila nang patas at walang kinikilingan. Pero pagkaraan lang ng ilang araw, balik na naman ako sa dati kong mga gawi.

Isang araw, sinabi ng superbisor na ang isang bagong mananampalatayang diniligan ko ay dumadalo sa mga pagtitipong inorganisa ni Sister Zhang, at nagustuhan niya ang pagbabahagi nito. Nagsimula kong isipin noon na sadyang mayabang ang baguhang ito, maraming haka-haka, at mahilig sa mga sekular na kalakaran. Hindi siya regular na nakikilahok sa aking mga pagtitipon, at talagang nakakapagod siyang diligan, kaya naisip ko na gagaan ang trabaho ko kung si Sister Zhang na lang ang magdidilig sa kanya. Pero kung deretsahan ko na lang na sasabihin na ilipat siya kay Sister Zhang, baka sabihin ng superbisor na madaya at tuso ako sa aking tungkulin, at na gusto kong ipasa ang mga bagong mananampalatayang mahirap diligan. Kung imumungkahi ng superbisor na ilipat siya, puwede kong natural lang na ialis sa akin ang pasaning iyon. Kaya, tinanong ko siya nang medyo may tinutumbok: “Sinabi ba mismo ng baguhan na mas gusto niya ang pagbabahagi ni Sister Zhang?” Sabi niya, oo raw. Agad kong sinundan iyon ng, “Kung gayon nga, dapat sigurong sundin natin ang gusto niya? Tutal naman, hindi siya regular na dumadalo sa mga pagtitipon ko. Ano sa palagay mo?” Hinintay kong sabihin niya na dapat itong ilipat. Pero hindi siya nagpasya kaagad. Kalaunan, medyo nabalisa ako: Hindi ba nagsasalita na naman ako nang may tagong mga motibo? Bakit ba palagi akong may ganitong kahiya-hiyang mga layunin? Bakit ba hindi na lang ako magsalita nang malinaw at tapat at deretsahang ipaliwanag ang nasa isip ko?

Isang araw, naghanap ako ng mga salita ng Diyos na makakain at maiinom na may kaugnayan sa kalagayan ko, at nabasa ko ang mga salita Niyang ito: “Ang ilang tao ay nagsasalita sa lubhang nakalilitong pamamaraan. Kung minsan ay may simula pero walang katapusan ang kanilang mga pangungusap, kung minsan ay may katapusan pero walang simula. Hindi mo talaga masasabi kung ano ang ibig nilang sabihin, wala silang sinasabing may anumang katuturan sa iyo, at kung hihilingan mo silang magpaliwanag nang malinaw, hindi nila ginagawa iyon. Madalas silang gumagamit ng mga panghalip sa kanilang pananalita. Halimbawa, mayroon silang iniuulat na isang bagay, at sinasabing, ‘Ang lalaking iyon—um, iniisip niyang, tapos ang mga kapatid ay hindi gaanong….’ Maaari silang magpatuloy nang ilang oras nang hindi pa rin naipapahayag nang malinaw ang kanilang sarili, nang pautal-utal at patigil-tigil, nang walang anumang katuturan, nagsasabi ng mga bagay na walang kaugnayan sa isa’t isa, na iniiwan kang walang natutuhan matapos marinig iyon—at balisa pa nga. Sa katunayan, marami na silang aklat na nabasa at may magandang pinag-aralan—kaya bakit hindi nila kayang bumigkas ng isang kumpletong pangungusap? Ito ay isang problema sa disposisyon. Napakadaya ng mga tao kaya kailangan ng matinding pagsisikap para makapagsalita ng anuman. Walang pinagtutuunan ang anumang sinasabi nila, laging may simula pero walang katapusan; matapos ibuka ang kanilang mga bibig at ibulalas ang simula, nilulunok nila ang katapusan. Bakit nila nilulunok iyon? Dahil ayaw nilang maunawaan mo ang ibig nilang sabihin, gusto nilang manghula ka. Kung sasabihin nila sa iyo nang deretsahan, matatanto mo kung ano ang sinasabi nila at mahahalata mo sila, hindi ba? Ayaw nila iyon. Ano ang gusto nila? Gusto nilang manghula ka sa sarili mo, at masaya silang paniwalain ka na ang hula mo ay totoo—kung ganoon nga, hindi sila ang nagsabi niyon, kaya wala silang anumang responsibilidad. Higit pa roon, ano ang napapala nila kapag sinasabi mo sa kanila ang hula mo sa ibig nilang sabihin? Ang hula mo ang mismong gusto nilang marinig, at sinasabi niyon sa kanila ang iyong mga ideya at pananaw tungkol sa usapin. Mula roon, mapipili nila ang sasabihin, pinipili ang sasabihin at hindi sasabihin, at kung paano iyon sasabihin, tapos ay ginagawa nila ang sunod na hakbang sa kanilang plano. Bawat pangungusap ay nagtatapos sa isang bitag, at habang nakikinig ka sa mga iyon, kung patuloy kang magtatanong nang magtatanong, lubusan ka nang nahulog sa bitag. Hindi ba sila napapagod na magsalita palagi nang ganito? Ito ang kanilang disposisyon—hindi sila napapagod. Lubos na natural iyon para sa kanila. Bakit gusto nilang lumikha ng mga bitag na ito para sa iyo? Dahil hindi nila makita nang malinaw ang iyong mga pananaw, at natatakot sila na mahahalata mo sila. Kasabay ng pagsubok nilang patigilin ka sa pag-unawa sa kanila, sinusubukan naman nilang unawain ka. Gusto nilang palabasin mula sa iyo ang mga pananaw, ideya, at pamamaraan mo. Kung magtagumpay sila, ibig sabihin gumana ang mga bitag nila. Nagpapatagal ang ilang tao sa pamamagitan ng madalas na pagsasabi ng ‘hmm’ at ‘ha’; hindi nila ipinapahayag ang isang partikular na pananaw. Nagpapatagal ang iba sa pamamagitan ng pagsasabi ng ‘gaya ng’ at ‘baka naman…,’ na pinagtatakpan ang talagang iniisip nila, ginagamit ito sa halip na ang talagang gusto nilang sabihin. Maraming walang-silbing pandiwa, pang-abay, at mga pandiwang pantulong sa bawat pangungusap. Kung itatala mo ang kanilang mga salita, matutuklasan mo na wala sa mga iyon ang naghahayag ng kanilang mga pananaw o saloobin tungkol sa usapin. Lahat ng kanilang salita ay naglalaman ng nakatagong mga bitag, pagsubok, at tukso. Ano ang disposisyong ito? (Masama.) Napakasama. Mayroon bang sangkot na pandaraya? Ang mga bitag, pagsubok, at tuksong ito na kanilang nililikha ay tinatawag na pandaraya. Ito ay isang karaniwang katangian ng mga taong may masamang diwa ng mga anticristo. Paano naipapamalas ang karaniwang katangiang ito? Inuulat nila ang magandang balita pero hindi ang masama, nagsasalita lang sila sa nakalulugod na mga pagpapahayag, patigil-tigil silang magsalita, itinatago nila ang bahagi ng tunay na kahulugan ng kanilang sinasabi, nakakalito silang magsalita, malabo silang magsalita, at ang kanilang mga salita ay may kasamang mga pagsubok. Lahat ng bagay na ito ay mga bitag, at lahat ng ito ay mga paraan ng pandaraya(“Sila ay Masasama, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo).

Sinasabi sa atin ng Diyos na ang mga anticristo ay laging paliguy-ligoy magsalita, at ang kanilang mga salita ay malabo at nakalilito sa iba, na palagi silang nanunukso at nang-aakit, sinusubukang mabitag ang iba para makamtan ang personal nilang mga layunin, nang hindi sila nag-aako mismo ng anumang responsibilidad. Kagaya lang iyon noong sabihin ni Satanas kay Eva na hindi naman siya tiyak na mamamatay kung kinain niya ang bungang iyon. Ang mga salita ni Satanas ay puno ng pagsubok at panunukso, hindi deretsahang inihahayag ang mga layunin nito, kundi inuudyukan ang iba na magkasala nang hindi nag-aako ng responsibilidad para doon. Inihayag na ng Diyos: “Sa kasalukuyan, taglay ng lahat ang disposisyon ni Satanas sa kanilang kalooban, may lason ni Satanas ang lahat ng tao sa kanilang kalooban na tumutukso sa Diyos at nang-aakit sa tao. Minsan, kapag nagsasalita ang mga tao, nagsasalita sila sa mga tono ni Satanas, na may intensyong manukso at mang-akit. Ang mga kaisipan at ideyang pumupuno sa mga tao ay nag-uumapaw sa mga lason ni Satanas; ang pinakapag-uugali nila ay kay Satanas—at minsan, kahit ang isang simpleng kindat o kilos ay may dalang bahid ng tukso at pang-aakit(“Yaong mga Nawalan ng Gawain ng Banal na Espiritu ang Pinaka-nasa Panganib” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Gayon din ako, laging nagsasalita nang paliguy-ligoy sa mga kapatid, na sumusubok at nanunukso gamit ang sarili kong kasuklam-suklam na mga motibo. Ayaw kong gugulin ang oras at lakas ko para sa pagsuporta sa isang baguhan. Gusto kong gamitin ang pagkakataong ito para mawala sa akin ang pasanin. Pero ayaw kong malaman ng superbisor na nilimitahan at tinanggihan ko ito. Para mapanatili ang reputasyon ko na responsable at mapagmahal sa mga baguhan, atubili kong iminungkahi sa kanya na dapat naming isaalang-alang ang damdamin nito at gawin ang gusto nito, na sinusubukang udyukan siya na imungkahing ilipat ito sa mga pagtitipon ni Sister Zhang para makamtan ko ang sarili kong mga pakay. Ang paraan ng pagsasalita ko ang siya mismong inihahayag ng Diyos: “Kung itatala mo ang kanilang mga salita, matutuklasan mo na wala sa mga iyon ang naghahayag ng kanilang mga pananaw o saloobin tungkol sa usapin. Lahat ng kanilang salita ay naglalaman ng nakatagong mga bitag, pagsubok, at tukso. Ano ang disposisyong ito? (Masama.) Napakasama(“Sila ay Masasama, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Kapag may nangyayari, wala ni isang tapat na salitang namumutawi sa aking bibig, pero agad lumalabas ang lahat ng bagay na iyon na sumusubok at nakatutukso. Talaga ngang likas na masama ang aking pagkatao. Mas gusto kong magpaliguy-ligoy, hindi hayaang makita ng mga taong ang tunay kong mga mithiin. Inisip ko na magiging kahangalan na sabihin ang ilang bagay nang deretsahan, na ilalantad ko ang mga pagkukulang ko, at mga mangmang lang ang gagawa niyon! Napagkamalan ko ang katusuhan ko sa pagsasalita bilang katalinuhan, at akala ko malaki ang kasanayan ko, na matalas ang pag-iisip ko, at laging ako ang mas magaling kaysa sa iba, kaya sa ganitong paraan ay hindi maaapektuhan nang masama ang mga personal kong interes. Ginawa kong personal na prinsipyo sa pagiging tao ang pagiging tuso at mapanlinlang, at lubos kong binalewala ang mga positibong bagay na sinasabi sa atin ng Diyos tungkol sa pagiging matatapat na tao at pagiging malinaw sa salita at gawa. Pakiramdam ko sa pagiging gayong klaseng tao, malalagay ako sa di-kanais-nais na katayuan. Baluktot ang tingin ko sa mga bagay-bagay sa loob ng mahabang panahon, itinuring kong sarili kong personal na mga pamantayan ang mga paraan ni Satanas, na nanloloko at nanlilinlang tuwing may pagkakataon. Medyo natakot ako nang pagnilayan ko ito, nakikita kung gaano ako katuso at kasama. Nakita ko kung gaano kalalim ako nagawang tiwali ni Satanas at wala akong anumang wangis ng tao. Nagsalita at kumilos din ako nang ganito sa aking pang-araw-araw na buhay. Minsan, naalala ko na talagang gusto ko ang isang designer handbag na binili ng tita ko. Ayaw kong gastusin ang lahat ng perang iyon doon at nahiya akong hingin iyon, kaya sinabi ko, na nagkukunwaring talagang nag-aalala, “Tingnan ninyo ang bag na ito na ni hindi ninyo ginagamit, sayang naman! Mayroon na kayong bag na ganito ang tatak, bakit pa ninyo ito binili?” Sa tingin, nagsalita ako nang ganito sa tita ko para isipin niya na nagmamalasakit ako at ayaw kong sayangin niya ang pera niya sa mga bagay na hindi niya kailangan. Pero ang talagang ibig kong sabihin ay hindi na niya ito kailangan—sayang lang na naroon lang iyon at hindi nagagamit, kaya bakit hindi na lang niya ibigay iyon sa akin? Pinakinggan niya ito, at, nadaramang hindi kailangan ang bag, ibinigay niya iyon sa akin. Sa ilang salita lang, nagawa kong “ialok” niya ang bag na iyon sa akin. Ganoon ako palagi. Hindi ko deretsahang sasabihin ang gusto ko, pero nagawa kong mahinuha iyon ng iba, pagkatapos ay kusa nilang inaalok iyon sa akin. Habang ginugunita ang lahat ng iyon, hindi ko lang talaga alam kung paano ko naatim na magpakatuso. Sana talaga maibalik ko ang panahon at hindi ko masabi ang nakakasukang mga bagay na iyon kahit kailan. Sa puntong iyon ay natanto ko na ang paraan ng pagsasalita at pagkilos ng mga anticristo at ang ipinakita nilang masamang disposisyon, ayon sa inilantad ng Diyos, ay napakatindi sa akin. Napakaraming taon na akong ganoon. Kung minsan kahit hindi ko iniisip, may katusuhang namumutawi sa bibig ko. Napakatindi ng masamang disposisyon ko. Kung hindi ko ito malutas at mabago, siguradong manganganib ako.

Binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ang nagpapatunay na tunay na kinamumuhian Niya ang mga mapanlinlang, na hindi Niya gusto ang mga taong mapanlinlang. Ang pag-ayaw ng Diyos sa mga taong mapanlinlang ay pag-ayaw sa kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, kanilang mga disposisyon, kanilang mga motibo, at kanilang mga pamamaraan ng panlilinlang; ayaw ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Kung ang mga taong mapanlinlang ay nagagawang tanggapin ang katotohanan, kilalanin ang kanilang mga mapanlinlang na disposisyon, at handa silang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, sila man ay may pag-asang maligtas, sapagkat pantay-pantay ang pagtrato ng Diyos sa lahat ng tao, at pantay-pantay ang pagtrato ng katotohanan sa lahat ng tao. Kaya nga, kung nais nating maging mga pinakamamahal ng Diyos, ang unang bagay na kailangan nating gawin ay baguhin ang mga prinsipyo ng ating pagkatao: Hindi na tayo maaaring mamuhay pa ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, hindi na tayo raraos sa pamamagitan lang ng mga pagsisinungaling at panlilinlang, kailangan nating talikdan ang lahat ng kasinungalingan at maging matapat, at sa ganitong paraan ay magbabago ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dati-rati, laging umaasa ang mga tao sa mga pagsisinungaling, pagkukunwari, at panloloko para mamuhay sa piling ng mga tao, at gumagamit ng mga satanikong pilosopiya bilang batayan ng pag-iral, buhay at pundasyon ng kanilang pag-uugali. Isang bagay ito na kinasusuklaman ng Diyos. Sa mga hindi nananalig, kung prangka kang magsalita, sinasabi mo ang katotohanan, at isa kang matapat na tao, sisiraan ka, huhusgahan, at tatanggihan, kaya sumusunod ka sa mga makamundong kalakaran, namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya, mas lalong humuhusay sa pagsisinungaling, at mas lalong nagiging mapanlinlang. Natututo ka ring gumamit ng mga tusong kaparaanan para makamtan ang iyong mga mithiin at protektahan ang iyong sarili. Mas lalo kang nagiging maunlad sa mundo ni Satanas, at dahil dito, mas lalo kang lumulubog sa kasalanan hanggang sa hindi mo na mapalaya ang iyong sarili. Kabaligtaran mismo nito ang mga bagay-bagay sa sambahayan ng Diyos. Kapag mas nagsisinungaling at nanloloko ka, mas manghihinawa sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at itatakwil ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at nakikipagsabwatan ka at gumagamit ng mga detalyadong pakana para magbalatkayo at magkunwari, malamang na ilantad ka at palayasin. Ito ay dahil kinamumuhian ng Diyos ang mga taong mapanlinlang, tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at ang mga taong mapanlinlang ay itatakwil at palalayasin sa huli. Lahat ng ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit, kaya kung hindi ka magsisikap na maging matapat na tao, at kung hindi ka dumaranas at nagsasagawa sa direksyon ng paghahanap sa katotohanan, kung hindi mo ilalantad ang sarili mong kapangitan, at hindi mo ipapakita ang tunay mong mukha, hinding-hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos(“Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Itinuro sa akin ng mga salita ng Diyos na gusto Niya ang matatapat na tao at nasusuklam Siya sa mga tuso. Ang matatapat na tao lang ang magkakamit ng Kanyang pagliligtas, samantalang ang mga tuso ay ilalantad at paaalisin. Sa mga taon ng aking pagsampalataya, nakita ko na sa mga nilinis at pinaalis sa iglesia, ang ilan ay laging kumikilos nang basta-basta at hindi tapat sa kanilang mga tungkulin, at ang ilan ay laging nagpapanggap sa pagsisikap na mapanatili ang kanilang karangalan at katayuan, at itinataas ang kanilang sarili sa lahat ng paraan. Sila ay nagiging lihis at tuso para makamit ang sarili nilang mga mithiin, at nalilinlang nila pansamantala ang ilang tao. Pero nakikita ng Diyos ang lahat ng bagay, at isinasaayos ang mga sitwasyon para ilantad ang bawat isa sa kanila. Noong dinidiligan at nililinang ko ang mga bagong mananampalataya, lagi akong nakakahanap ng lahat ng uri ng dahilan at katwiran, naglalaro at nanlilinlang, para pagtakpan ang aking katiwalian at mga kamalian, at hindi ko hinangad na magsisi o magbago, kaya naragdagan nang naragdagan ang aking mga paglabag. Hahantong lang iyon sa pagkasuklam, pagtatakwil at pag-aalis sa akin ng Diyos. Kung titingnan ang simple at matatapat na kapatid sa aking paligid, marami silang hindi naunawaan sa kanilang mga tungkulin, at may mga paglihis at kapabayaan, pero hindi nila tinakasan ang kanilang mga responsibilidad. Para maunawaan ang katotohanan, maintindihan ang mga prinsipyo, at maisagawa ang kanilang mga tungkulin para mapalugod ang Diyos, nagawa nilang isantabi ang kanilang karangalan at katayuan, maging simple at tapat, ipagtapat ang kanilang mga pagkukulang at kakulangan, at hangarin ang kaliwanagan kasama ng iba. Nakikita nila ang Diyos sa tabi nila na nililiwanagan at ginagabayan sila. Maaaring nagkaroon sila ng karaniwang kakayahan o naging medyo mangmang pa, pero gagabayan pa rin sila ng Diyos, tutulungan silang unti-unting matutunan ang mga prinsipyo ng katotohanan, at humusay sa kanilang mga tungkulin. Mula rito’y natanto ko na pinagpapala ng Diyos ang mga simple at matatapat. Ito ang Kanyang pagiging matuwid. Nang maunawaan ko ito, natanto ko na ang pagsasabi nang tapat at pagiging isang matapat na tao ay maaaring nangangahulugan na nakikita ako nang malinaw ng mga tao, pero hindi iyon isang masamang bagay. Maaaring medyo nakakahiya ito noong panahong iyon, pero gusto ng Diyos ang mga taong matatalino at nagtatapat nang ganito. Isa pa, kapag simple at tapat ako, bagama’t maaaring ihayag ko ang ilang problema, hindi ako kailanman hinamak ng aking mga kapatid. Tinutulungan nila akong gumawa ng mga pagtatama at ginagabayan akong makapasok sa mga prinsipyo na kasama nila, atang gayong klaseng pagsasagawa ay walang idudulot na anumang pinsala sa aking tungkulin. Ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos ay napakabilis na lumalaganap ngayon, at kinakailangang makipagtulungan dito ang maraming bagong mananampalataya. Pero halos wala akong nalinang na sinumang mga bagong mananampalataya, hindi ba ito nakakahadlang at nakakagambala sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Matagal ko nang nilalabanan ang Diyos! Sabi ng Diyos: “Kapag mas nagsisinungaling at nanloloko ka, mas manghihinawa sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at itatakwil ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at nakikipagsabwatan ka at gumagamit ng mga detalyadong pakana para magbalatkayo at magkunwari, malamang na ilantad ka at palayasin. Ito ay dahil kinamumuhian ng Diyos ang mga taong mapanlinlang, tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at ang mga taong mapanlinlang ay itatakwil at palalayasin sa huli. Lahat ng ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit….” Napakalinaw ng mga salita ng Diyos. Anumang landas ang pinipili ng isang tao at ang taong hinahangad nilang kahinatnan ay direktang nauugnay sa kanilang kahihinatnan at kanilang kapalaran. Naisaayos na ng Diyos ang lahat ng sitwasyong ito, malaki at maliit, pero nagkamali lang ako sa lahat ng iyon nang hindi hinahanap ang katotohanan, o nagninilay sa sarili o nakikilala ang aking sarili, na nabubuhay lang ayon sa aking satanikong kalikasan. Ni hindi ako pumasok sa pinakasimpleng katotohanan ng pagiging isang taong matapat, o gumawa ng anumang mga pagbabago sa disposisyon ko sa buhay. Nanatili akong isang tusong tao na nabibilang kay Satanas. Paano ako maliligtas sa gayong paraan? Pagiging matapat lang ang tamang landas.

Kalaunan, patuloy akong naghanap, at sa pagbasa sa salita ng Diyos, medyo naging mas malinaw ang aking landas sa pagiging matapat.

Sabi ng mga salita ng Diyos, “Kapag nanlilinlang ang mga tao, ano ang mga intensyon ang nag-uugat mula rito? At ano ang pakay? Ang lahat ng ito ay para magkaroon ng katayuan at katanyagan; sa madaling sabi, ito’y alang-alang sa sarili nilang mga interes. At ano ang nasa pinakaugat ng pagsisikap para sa mga interes? Ito ay para nakikita ng mga tao na mas mahalaga ang mga pansarili nilang interes kaysa lahat ng iba pa. Nanlilinlang sila upang makinabang sila, at sa gayon ay nabubunyag ang kanilang mapanlinlang na disposisyon. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Una, kailangan mong isuko ang sarili mong mga interes. Ang ipasuko sa mga tao ang sarili nilang mga interes ang pinakamahirap gawin. Karamihan sa mga tao ay walang ibang hinahangad kundi makinabang; ang mga interes ng mga tao ang kanilang buhay, at ang ipasuko ang mga bagay na iyon ay parang pamimilit na isuko nila ang kanilang buhay. Kaya, ano ang dapat mong gawin? Dapat nilang tanggapin ang katotohanan. Ang tanging paraan para makita ng mga tao ang diwa ng sarili nilang mga interes ay kapag naunawaan nila ang katotohanan; sa ganitong paraan lamang nila matututunang bitawan, talikuran, at tiisin ang sakit na pakawalan ang mga bagay na labis nilang mahal. At kapag kaya mo na itong gawin, at talikuran ang mga sarili mong mga interes, mas mapapanatag ka at mas magiging payapa sa iyong puso, at kapag ginawa mo iyon madadaig mo ang laman. Kung kumakapit ka sa sarili mong mga interes at hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti—kung sinasabi mo sa iyong puso na, ‘Ano’ng problema na pagsikapan ko ang sarili kong mga interes at tumangging mawalan? Hindi naman ako pinarusahan ng Diyos, at ano ang magagawa ng mga tao sa akin?’—kung gayon, walang sinuman ang gagawa ng anumang bagay sa iyo. Pero kung ito ang pananampalataya mo sa Diyos, mabibigo ka sa huli na matamo ang katotohanan at ang buhay, na magiging isang malaking kawalan para sa iyo: Hindi ka maliligtas. May mas matindi pa bang panghihinayang dito? Ito ang kasasapitan sa huli ng pagsisikap mo para sa sarili mong mga interes. Kung katayuan at katanyagan lamang ang hinahangad ng mga tao—kung sariling mga interes lamang ang pinagsisikapan nila—hindi nila kailanman matatamo ang katotohanan at ang buhay, at sila ang mawawalan. Inililigtas ng Diyos ang mga naghahangad ng katotohanan. Kung hindi mo tatanggapin ang katotohanan, at kung wala kang kakayahang pagnilay-nilayan at alamin ang sarili mong tiwaling disposisyon, tunay ngang hindi ka magsisisi, at hindi ka magkakaroon ng pagpasok sa buhay. Ang pagtanggap sa katotohanan at ang kilalanin ang iyong sarili ay ang landas tungo sa pag-unlad ng iyong buhay at sa kaligtasan, ito ang pagkakataon para sa iyo na lumapit sa harapan ng Diyos at tanggapin ang masusing pagsisiyasat ng Diyos at tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at matamo ang buhay at ang katotohanan. Kung susukuan mo ang paghahangad ng katotohanan dahil naghahangad ka ng katayuan at katanyagan at sarili mong mga interes, katumbas lang ito ng pagsuko sa oportunidad na tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at pagtatamo ng kaligtasan. Pinipili mong hangarin ang katayuan at katanyagan at ang sarili mong mga interes, pero ang isinusuko mo naman ay ang katotohanan, at ang mawawala sa iyo ay ang buhay, at ang pagkakataong maligtas. Ano ang mas mahalaga? Kung pipiliin mo ang sarili mong mga interes at tatalikuran ang katotohanan, hindi ka ba tanga? Sa madaling salita, isa itong malaking kawalan para sa isang maliit na pakinabang. Ang katanyagan, katayuan, pera, at mga interes: ang lahat ng ito ay panandalian lamang, samantalang ang katotohanan at ang buhay ay walang-hanggan at hindi nagbabago. Kung lulutasin ng mga tao ang kanilang tiwaling disposisyon na paghahangad ng katayuan at katanyagan, may pag-asa silang magtamo ng kaligtasan. Bukod dito, ang katotohanang nakakamit ng mga tao ay walang hanggan; hindi ito makukuha ni Satanas mula sa kanila, o ng kahit na sino man. Tinalikuran mo ang iyong mga interes ngunit ang nakamit mo ay ang katotohanan at kaligtasan; ang mga resultang ito ay pagmamay-ari mo. Nakamit mo ang mga ito para sa iyong sarili. Kung pipiliin ng mga tao na isagawa ang katotohanan, kahit nawala na ang mga pansarili nilang interes, natatamo nila ang pagliligtas ng Diyos at ang buhay na walang hanggan. Ang mga taong iyon ang pinakamatatalino. Kung makikinabang ang mga tao kapalit ng katotohanan, ang nawawala sa kanila ay buhay at pagliligtas ng Diyos; ang mga taong iyon ang pinakahangal. Pagdating naman sa pipiliin ng isang tao sa huli—ang mga interes o ang katotohanan—ito ang nagbubunyag sa isang tao kaysa anupaman. Yaong mga nagmamahal sa katotohanan ay pipiliin ang katotohanan; pipiliin nilang magpasakop sa Diyos, at sundan Siya. Mas gugustuhin nilang talikuran ang mga sarili nilang interes. Gaano man sila dapat magdusa, determinado silang magpatotoo upang palugurin ang Diyos. Ito ang pangunahing daan tungo sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpasok sa realidad ng katotohanan(“Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw).

Kadalasan ay may mga motibasyon sa likod ng mga kasinungalingan ng mga tao, pero ang ilang kasinungalingan ay walang anumang motibasyon, ni hindi sadyang ipinlano ang mga iyon, pero likas na lumalabas. Ano ba talagang uri ng mga kasinungalingan ang maiiwasan? Una ay lutasin ang mga madaling iwasan, tapos ay hanapin ang katotohanan para madaig ang pinakamahihirap, ang mga kasinungalingang mahirap remedyuhan. Sa ganitong pagsasagawa, hindi ba magiging madali para sa iyong sarili na alisin ang mga kasinungalingan, madaling lutasin ang problema ng pagsisinungaling? Halimbawa, pakiramdam mo ay may mga motibasyon ang mga salitang ito, na may bahid-dungis ang mga ito, na kasinungalingan ang mga ito—nababatid mo ito habang nagsasalita ka, tama ba? Kung magkagayon, una ay manahimik ka, magdasal sa Diyos sa puso mo, at pag-isipan ang mga bagay-bagay. Idulog sa harap ng Diyos ang usapin para maisama sa iyong mga dalangin at magtapat; isagawa muna ito. Matapos gawin iyon sa loob ng ilang panahon, dapat kang muling magdasal sa Diyos at maghanap, na hinihiling na disiplinahin at sawayin ka Niya kung sakaling magsinungaling kang muli, tapos ay dapat mong unti-unting dalhin ang iyong mga kasinungalingan sa harap ng iyong mga kapatid para masuri. Sa ganitong paraan, paunti-unti, mababawasan nang husto ang iyong mga kasinungalingan. Ngayon ay magsasabi ka ng sampung kasinungalingan, bukas ay maaari kang magsabi ng siyam, sa makalawa ay magsasabi ka ng walo, tapos ay magsasabi ka na lang ng dalawa o tatlo. Mas lalo kang magsasabi ng katotohanan. Dahil matapat ka, mas mapapalapit ka sa kalooban ng Diyos, sa Kanyang mga hinihingi, at sa Kanyang mga pamantayan nang higit kaysa noon—at napakaganda niyon! Para masanay sa pagiging matapat, dapat magkaroon ka ng isang landas, at dapat magkaroon ka ng isang pakay. Una ay lutasin mo ang problema ng pagsisinungaling. Dapat mong malaman ang diwa sa likod ng pagsasabi mo ng mga kasinungalingang ito. Dapat mong suriing mabuti kung anong mga motibo ang nag-uudyok sa iyo na sabihin ang mga kasinungalingang ito, bakit taglay mo ang gayong mga motibasyon, at ano ang diwa ng mga ito. Kung patuloy mo itong isasagawa, siguradong magkakaroon ito ng resulta. Balang araw ay sasabihin mong: ‘Madaling maging matapat. Nakakapagod masyado ang pagiging mapanlinlang! Ayaw ko nang maging mapanlinlang ulit. Maraming nangyayari sa loob ng puso ko, at lagi kong kailangang pag-isipan ang mga bagay-bagay. Lagi kong kailangang isipin kung ano ang sasabihin para maloko ang mga tao, para makalusot ako, lagi kong kailangang pag-isipan ang mga bagay na ito; hindi maaaring maging masyadong masaya ang aking mga salita, pero hindi rin maaaring masyadong malungkot ang mga iyon—at sa puso ko ay hindi ko makayanan ang pagkagipit na ito, ayaw kong mabuhay ulit nang ganito kailanman, masyadong nakakapagod ang ganitong pamumuhay!’ Sa pagkakataong ito, magkakaroon ka ng pag-asang maging tunay na matapat, at nagpapatunay ito na nagsimula ka nang magkaroon ng pag-unlad tungo sa pagiging matapat. Pambihirang tagumpay ito. Siyempre pa, maaaring madama ng ilan sa inyo na, sa simula, pagkatapos magsalita ng matatapat na salita at ilantad ang inyong sarili na: ‘Nakakahiya iyon, namula ang mukha ko, masyadong nakakahiya!’ Kapag nakikipagkita kayo sa iba, iniisip ninyo sa inyong sarili, ‘Nalaman na ng iba ang mga lihim na bagay na ginawa ko at ang mga kasinungalingan na sinabi ko para lokohin sila. Napakalaking kahihiyan nito! Dati-rati akala ko ay ayos lang ako, at na nabigyan ko ang mga tao ng magandang impresyon—pero ngayong nasuri at nailantad ko na ang sarili ko, wala nang nag-iisip na mabuti ako. Ano ang gagawin ko?’ Kailangan mong ipagdasal ito sa harap ng Diyos, na sinasabing: ‘Diyos ko, gusto kong maging matapat. Ngayon ay nagsasanay akong maging matapat. Sana ay hayaan Mo akong makapasok nang mas malalim, sana ay tulutan Mo akong isantabi ang aking pagpapahalaga sa sarili, at tulutan Mo akong hindi makontrol at mapigilan ng mga mapanlinlang na motibasyong ito. Gusto kong mabuhay sa liwanag, ayaw kong mabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at mapigilan ni Satanas, ayaw kong matalian, makontrol, mapigilan ng tiwaling satanikong disposisyon, o mapinsala pa nito.’ Kapag nagdadasal ka sa ganitong paraan, magkakaroon ng higit na liwanag sa puso mo, at sasabihin mo sa sarili mo: ‘Mabuting isagawa ito. Ngayon ay naisagawa ko na ang katotohanan. Pakiramdam ko ngayon lang ako nabubuhay bilang isang tunay na tao.’ At habang nagdarasal ka nang ganito, hindi ka ba nabigyan ng kaliwanagan ng Diyos? Nagsimula nang gumawa ang Diyos sa puso mo, naantig ka na Niya, tinutulutan kang pahalagahan kung ano ang pakiramdam ng maging isang tunay na tao. Ganito dapat isagawa ang katotohanan. Sa pinakasimula ay wala kang landas, pero sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan ay nakakita ka ng landas. Kapag nagsisimulang hangarin ng mga tao ang katotohanan, hindi masasabing talagang may pananampalataya sila. Mahirap para sa mga tao ang hindi magkaroon ng landas, pero kapag naunawaan na nila ang katotohanan at nagkaroon sila ng landas para magsagawa, sumasaya ang kanilang puso. Kung nagagawa nilang isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa prinsipyo, makasusumpong ng kaginhawahan ang kanilang puso, at magtatamo sila ng paglaya at kalayaan(“Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw).

Sa mga salita ng Diyos natagpuan ko ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa pagharap sa mga kasinungalingan at panlilinlang. Una sa lahat kailangan nating talikdan ang personal na mga interes. Ang aspetong ito ng pagsasagawa ay partikular na mahalaga. Ang layon sa likod ng pagsisinungaling ay para protektahan ang sarili mong mga interes at makamtan ang iyong mga pakay, at kapag hinahangad ng mga tao ang mithiing ito, nagsisinungaling sila at gumagamit ng mga panlilinlang at taktika. Kaya napakahalagang talikdan ang personal na mga interes, para mas madaling lutasin ang pagiging tuso. Gayundin, mahalagang madalas na magnilay sa sarili, tulutan ang Diyos na suriin ang bawat salita at kilos natin. Kapag gusto nating maging tuso sa ating sinasabi o ginagawa, kailangan nating itanong sa ating sarili kung ano ang sinisikap nating makamtan sa ating sinasabi o ginagawa, at kung matanto natin na nahayag ang isang tusong layunin o masamang disposisyon, kailangan nating magdasal kaagad sa Diyos, at baguhin ang ating sarili. Kailangan tayong sadyang maging matapat na tao, matutong magtapat sa ating mga kapatid, ilantad ang ating mga saloobin, pananaw, katiwalian at kamalian, at maghangad ng katotohanan para lutasin ang mga ito. Iyon lang ang paraan para unti-unting malinis ang isang tuso at masamang satanikong disposisyon. Nang matanto ko ito, hinanap ko ang aking superbisor at ipinagtapat ko sa kanya ang aking kasuklam-suklam na mga motibo kapag kausap ko siya, at humingi ako ng tawad sa kanya. Hindi lang niya ako hindi itinakwil, binuksan pa niya ang kanyang puso sa akin, at magkasama naming tinalakay ang mga kakulangan sa aming tungkulin. Napanatag ako nang isagawa ko ito. Pakiramdam ko’y hindi na ako nagtatago sa dilim. Ang ganitong pamumuhay ay nagbigay sa akin ng kapayapaan ng isipan. Hindi ako lubos na malaya sa aking tuso at masamang tiwaling disposisyon, pero mayroon akong pananampalataya at kagustuhang maging isang matapat na taong nagpapagalak sa Diyos, at magtuon sa pagiging matapat at pagtanggap sa masusing pagsisiyasat ng Diyos sa bawat isang bagay na sinasabi at ginagawa ko sa aking buhay.

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Espirituwal na Labanan

Ni Yang Zhi, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Magmula nang maniwala ang mga tao sa Diyos, nagkimkim na sila ng maraming maling...

Kontakin Kami Gamit ang Messenger