Naalis ang Aking Pagiging Mapagbantay at Maling Pagkaunawa
Ni Lin Feng, TsinaNoong 2022, nang isa pa akong lider ng iglesia, nagbunsod ang aking pagmamataas, pagmamagaling, at pagiging arbitraryo...
Tinatanggap namin ang lahat ng naghahanap na nasasabik sa pagpapakita ng Diyos!
Noong Mayo 2024, nakatanggap ako ng liham ng ulat. Tungkol ito kay Sister Wang Yi, na dati kong nakatulong. Nakita sa mga beripikasyon na sa panahon niya bilang lider, naging mapagmataas at mapagmagaling si Wang Yi. Nag-angat at gumamit siya ng ilang masasamang tao at mga hindi mananampalataya para sa gawain ng iglesia, at hindi siya nakinig nang payuhan siya ng iba laban dito, na nagdulot ng malubhang pinsala sa gawain ng iglesia. Sa huli, tinanggal siya at ibinukod para magnilay sa kanyang sarili. Nang makita ko ang nangyari kay Wang Yi, labis akong hindi mapakali. Pakiramdam ko, talagang mapanganib ang pagiging lider; hindi mo masabi kung kailan ka maaaring gumawa ng masama at mabubunyag at matitiwalag. Sa pagtatapos ng Setyembre, nakatanggap ako ng sulat mula sa mga lider ko na hinihiling sa akin na pansamantalang gumawa sa iglesiang dating responsabilidad ni Wang Yi. Naisip ko, “Mahina ang buhay pagpasok ko, at medyo mapagmataas din ang disposisyon ko. Kung hindi ko magawa nang maayos ang gawain, mabubunyag at matitiwalag din ba ako?” Alam kong may pahintulot ng Diyos ang pagdating ng tungkuling ito sa akin, at hindi magiging ayon sa layunin ng Diyos kung tatanggi ako. Pero kung tatanggapin ko naman, natatakot akong mabunyag. Sobra akong naguluhan, pero sa huli, atubili na lang din akong pumayag.
Pagkatapos, nagpunta ako para gumawa sa iglesiang ito. Pagkalipas ng ilang panahon, natuklasan ko na ang isang technical na superbisor ay walang pasanin sa kanyang tungkulin, laging tamad at iresponsable, at kailangang tanggalin sa lalong madaling panahon. Noong panahong iyon, isinaalang-alang kong iangat si Xincheng para sanayin sa paggawa ng tungkulin bilang isang superbisor. Batay sa mga ebalwasyon mula sa mga kapatid, nakita ko na may pasanin si Xincheng sa kanyang tungkulin at may mga kasanayan sa larangang ito, kaya maaari siyang ilagay sa pagsubok sa loob ng ilang panahon. Pero sabi ng katuwang kong si Sister Lin Hui, inuusig si Xincheng ng pamilya niya dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos, at nag-aalala siyang magdudulot ito ng mga panganib kung gagawin siyang superbisor. Matapos alamin ang kanyang sitwasyon, nalaman ko na noong unang nagsimulang manampalataya sa Diyos si Xincheng, inusig siya ng kanyang asawa, pero ilang taon na ang nakalipas at ngayon ay hindi na nagsasalita ang kanyang asawa. Kaya sinabi ko kay Lin Hui na wala nang ibang angkop sa kasalukuyan, at na maaaring gawin ni Xincheng ang gawain habang inoobserbahan namin siya, pero hindi pa rin pumayag si Lin Hui. Naisip ko, “Kararating ko lang dito para gawin ang tungkuling ito, kaya hindi ko pa kilala ang mga miyembro ng iglesia gaya ng pagkakakilala ni Lin Hui. At saka, medyo matigas ang saloobin niya. Kung ipipilit kong gamitin si Xincheng, paano kung usigin siya ng asawa niya at magdulot iyon ng panganib sa iglesia? Hindi ba’t ako ang mananagot doon? Hindi kaya sasabihin ng mga kapatid na mapagmataas ako at mapagmagaling dahil hindi ako nakinig sa opinyon ng iba? Magiging masamang gawa ko iyon.” Nang maisip ko ito, hindi na ako nagsalita pa. Dahil dito, naantala ang pag-usad ng gawain dahil hindi natanggal sa oras ang teknical na superbisor. Bukod pa rito, sa gawain ng paglilinang ng mga tao, nakita ko na may ilang kakayahan ang mangangaral na si Li Yan at kaya niyang tanggapin ang katotohanan. Gayumpaman, mababaw ang kanyang buhay pagpasok at hindi niya nauunawaan ang iba’t ibang prinsipyo. Pakiramdam ko pa rin ay makakagawa siya ng ilang tunay na gawain kapag naunawaan na niya ang mga ito, kaya binalak kong linangin siya. Pero pagkatapos, may ilang tao ang nagkomento na medyo mapanlinlang daw si Li Yan, sinasabing hindi niya iniulat ang mga gawaing dapat iulat at sinasabi pa na hindi niya alam kung paano. Matapos makipagkita sa kanya para maunawaan ang sitwasyon, napagtanto ko na hindi naman sa hindi siya nag-uulat, at hindi rin siya mapanlinlang; mababaw lang talaga ang karanasan niya at hindi niya alam kung paano gawin ang gawain. Naisip ko noon, “Hindi tinatrato nang tama ng mga kapatid si Li Yan; hinuhusgahan lang siya ng mga ito batay sa nakikita sa panlabas. Dapat akong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa mga prinsipyo ng tamang pagtrato sa mga tao.” Pero naisip ko na naman, “Dahil sinabi na ito ng lahat ng kapatid, kung ipipilit ko pa rin ang sarili kong pananaw, hindi ba nila sasabihin na katulad lang ako ni Wang Yi—na hindi ako nakikinig sa mga mungkahi ng iba at basta-basta na lang kumikilos sa paglilinang ng mga tao? Mas mabuti pang huwag na akong sumuong. Magmamasid na lang muna ako kung anong mangyayari.” Matapos isipin ito, hindi ko na nilinang si Li Yan. Nang sumulat ang mga lider ko para magtanong tungkol sa sitwasyon ng paglilinang ng mga tao, naisip ko, “Kung irerekomenda ko si Li Yan, paano kung mabunyag siya kalaunan? Hindi ba sasabihin ng mga lider na mapagmataas ang disposisyon ko at hindi ako tumatanggap ng ibang opinyon mula sa mga kapatid? Pero kung wala akong lilinangin, sasabihin naman ng mga lider na wala akong ginagawang anumang tunay na gawain. Mas mabuti pang sabihin ko na lang sa mga lider na hindi ko pa siya gaanong makilatis. Sa ganitong paraan, kahit mabunyag si Li Yan kalaunan, hindi lang ako ang mananagot.” Kaya, nang sumulat ako pabalik sa mga lider, minsan sinasabi kong puwedeng linangin si Li Yan, at maya-maya naman ay sinasabi kong hindi ko pa siya gaanong makilatis, hindi nagpapahayag ng malinaw na saloobin. Pagkatapos niyon, hindi ko pa rin nilinang si Li Yan. Dahil palagi akonglabis na maingat sa paggawa ng tungkulin ko, takot na baka ako ang managot kung hindi maging angkop ang mga pagbabago sa mga tauhan, lagi akong nagpapaliban at hindi nangangahas na gumawa ng huling pasya. Dahil dito, bumagal ang pag-usad ng ilang gawain dahil sa kakulangan ng mga tauhan. Napagtanto kong hindi tama ang kalagayan ko, kaya nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, masyado po akong pasibo sa paggawa ng tungkulin ko ngayon, at palagi akong labis na maingat. Labis po ang pasakit sa puso ko. Hinihiling ko po na gabayan Mo ako na maunawaan ang sarili kong mga problema.”
Kalaunan, sumulat ang mga lider ko para magtanong, “Bakit napakabagal ng pag-usad sa paglilinang ng mga tao? Nakikita namin na masyado kang pasibo sa paggawa ng iyong tungkulin, at hindi namin alam ang dahilan.” Sinabi ko sa mga lider ko ang tungkol sa kalagayan ko, at pinadalhan nila ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ilang taon nang nanampalataya sa Diyos ang ilang tao subalit hindi nauunawaan ang kahit katiting na katotohanan. Ang kanilang pananaw sa mga bagay-bagay ay nananatiling kapareho ng sa mga walang pananampalataya. Kapag nakikita nila ang isang huwad na lider o anticristo na nabubunyag at naititiwalag, iniisip nila, ‘Bilang isang mananampalataya at tagasunod ng Diyos, ang pamumuhay sa harap ng Diyos ay parang pagtawid sa alambre! Para itong paglalakad sa gilid ng bangin!’ At sinasabi ng iba, ‘Ang pagiging lider o manggagawa at ang paglilingkod sa Diyos ay delikado. Katulad lang ito ng kasabihang, “Ang pagiging malapit sa hari ay kasingmapanganib ng pagsama sa tigre.” Kung may magawa o masabi kang mali, masasalungat mo ang disposisyon ng Diyos, at ititiwalag ka at parurusahan!’ Tama ba ang mga komentong ito? ‘Pagtawid sa alambre’ at ‘paglakad sa gilid ng bangin’—ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ang ibig sabihin ng mga salitang ito ay na napakamapanganib ng isang sitwasyon—na mahaharap sa malaking panganib ang isang tao sa bawat sandali, at ang kaunting kapabayaan ay magpapatisod sa kanya. Ang ‘Ang pagiging malapit sa hari ay kasingmapanganib ng pagsama sa tigre’ ay isang karaniwang kasabihan ng mga walang pananampalataya. Nangangahulugan ito na mapanganib na mamuhay sa presensiya ng isang diyablong hari. Kung iaangkop ng isang tao ang kasabihang ito sa paglilingkod sa Diyos, saan siya nagkakamali? Ang ikumpara ang isang diyablong hari sa Diyos, sa Lumikha—hindi ba’t kalapastanganan ito sa Diyos? Isa iyong malubhang problema. Ang Diyos ay isang matuwid at banal na Diyos; ganap na likas at may katwiran na dapat parusahan ang tao sa paglaban sa Diyos at sa pagiging mapanlaban sa Kanya. Si Satanas at ang mga diyablo ay wala ni isang bahid ng katotohanan; sila ay marumi at buktot, pinapatay nila ang mga inosente, at nilalamon ang mabubuting tao. Paano sila maihahalintulad sa Diyos? Bakit binabaluktot ng mga tao ang mga katunayan at sinisiraan ng puri ang Diyos? Malaking kalapastanganan ito sa Diyos! Kapag ang ilang tao na madalas negatibo at hindi gumagampan nang taos-puso sa kanilang mga tungkulin ay pinupungusan, nag-aalala sila na ititiwalag sila, at kadalasan ay iniisip nila, ‘Ang pananampalataya sa Diyos ay talagang parang pagtawid sa alambre! Sa sandaling may ginawa kang mali, pupungusan ka; sa sandaling mailarawan ka bilang isang huwad na lider o anticristo, matatanggal ka at maititiwalag. Sa sambahayan ng Diyos, karaniwan ay nagagalit ang Diyos, at kapag nakagawa ng ilang masamang bagay ang mga tao, sa isang salita ay itinitiwalag sila. Ni hindi sila binibigyan ng pagkakataong magsisi.’ Ganoon nga ba talaga ang mga bagay-bagay? Talaga bang hindi binibigyan ng sambahayan ng Diyos ang mga tao ng pagkakataong magsisi? (Mali iyan.) Ang masasamang tao at mga anticristong iyon ay itinitiwalag lamang dahil gumawa sila ng samo’t saring kasamaan, at pinungusan, subalit sa kabila ng paulit-ulit na babala, hindi nila binabago ang kanilang gawi. Ano ang problema sa pag-iisip ng mga tao nang ganito? Gumagawa sila ng mapanlinlang na mga pangangatwiran para sa kanilang sarili. Hindi nila hinahangad ang katotohanan, ni hindi sila nagtatrabaho nang maayos, at dahil takot silang mapaalis at maitiwalag, buong pait silang nagrereklamo at nagpapakalat ng kanilang mga kuru-kuro. Malinaw na mababa ang kanilang pagkatao, at madalas ay pabaya sila, at negatibo at nagpapakatamad sa gawain nila. Takot silang mabunyag at maitiwalag, kaya ipinapasa nila ang lahat ng sisi sa iglesia at sa Diyos. Ano ang kalikasan nito? Ito ay ang paghusga sa Diyos, pagrereklamo tungkol sa Kanya, at paglaban sa Kanya. Ang mga komentong ito ang pinakamalinaw na mga maling paniniwala at pinakakatawa-tawang mga pahayag. Ang katunayang nasasabi ng mga taong ito ang gayong mga bagay ay patunay na sa kabila ng ilang taon nang pananampalataya sa Diyos, hindi man lang nila hinangad kailanman ang katotohanan. Ito lamang ang magsasanhi sa kanila na bumaba sa antas ng panghuhusga sa Diyos, ng paglaban sa Kanya, at ng paglapastangan sa Kanya” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling mga Tiwaling Disposisyon). Tumusok sa puso ko at mahirap tiisin ang mahigpit na paglalantad ng Diyos. Naisip ko noong nakita kong tinanggal si Wang Yi dahil sa pagiging mapagmataas, pagpipilit sa kanyang sariling mga pananaw, pagpili ng mga tao na labag sa mga prinsipyo, at panggagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia. Dahil doon, naramdaman ko na ang paggawa ng tungkulin ng isang lider ang dahilan kung bakit siya nakagawa ng masasamang gawa na ito. Naisip ko na hindi ako kailanman dapat maging lider sa hinaharap; kung gagawa ako ng masama, mawawalan ako ng pagkakataong maligtas. Nang hilingin sa akin ng mga nakatataas na lider na pamahalaan ang gawain ng iglesia, pumayag ako sa panlabas, pero sa puso ko, mapagbantay ako. Pakiramdam ko, mapanganib na tungkulin ang pagiging lider at takot akong magkamali at pagkatapos ay mabunyag at matanggal. Malinaw kong nakita na iresponsable sa kanyang tungkulin ang teknikal na superbisor at kailangang tanggalin agad. Matapos kong timbangin ang mga bagay-bagay, naramdaman kong angkop na kandidato si Xincheng at ginusto kong iangat at linangin siya. Pero nang marinig kong hindi sumang-ayon ang katuwang ko sa paggamit kay Xincheng, hindi ko na sinubukang talakayin pa ito, dahil natakot akong sasabihin niyang ipinipilit ko ang sarili kong mga pananaw. Natakot din ako na baka muling usigin si Xincheng ng kanyang asawa, at ako ang mananagot kung magdudulot ito ng gulo sa iglesia. Kaya, hindi ko napalitan sa tamang oras ang superbisor, na nagpaantala sa pag-usad ng gawain. Isa pa, gusto kong linangin si Li Yan, pero nang marinig kong hindi maganda ang ebalwasyon sa kanya ng ilang kapatid, kahit alam kong dapat akong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa mga prinsipyo ng patas na pagtrato sa mga tao, natakot akong baka sabihin nilang mapagmataas ako at hindi nakikinig sa iba, kaya hindi ako nangahas na magpumilit. Dahil sobrang kimi ako at nag-aalangan sa paggawa ng tungkulin ko at hindi ako nangahas na manindigan, hindi nalinang sa tamang oras ang mga tauhan, na nakahadlang sa gawain ng iglesia. Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang lahat ng kaisipang ito ay pagiging mapagbantay ko laban sa Diyos. Ang mga makamundong hari ay hindi patas o matuwid; sa sandaling may makita silang mali na ginawa ng isang tao o medyo hindi sila nasiyahan, pinahihirapan nila ito. Itinuring ko ang Diyos na tulad lang ng isang makamundong hari, na sa sandaling magkamali ang mga tao, agad Niya silang pananagutin, tatanggalin, at ititiwalag. Isa itong malubhang kalapastanganan sa Diyos! Kung iisipin, ang kabiguan ni Wang Yi ay pangunahing dahil sa mapagmataas niyang disposisyon. Basta-basta siyang kumilos sa kanyang tungkulin, hindi nakinig kahit pinayuhan siya ng mga kapatid, at naging lalo siyang mapilit tungkol sa sarili niyang mga pananaw. Nagdulot ito ng pinsala sa gawain, kaya siya tinanggal. Hindi naman sa natiwalag siya dahil sa isang pagkakamali. Hindi ko tiningnan ang konteksto o ang takbo ng mga pangyayari, kundi hinusgahan ko lang batay sa panlabas na itsura, pinalabas na nabunyag siya dahil ginagawa niya ang tungkulin ng isang lider. Talagang binabaligtad ko ang itim at puti at hindi ko makilala ang wasto sa mali! Agad akong nanalangin, “O Diyos, dahil hindi ko kilala ang matuwid Mong disposisyon, lagi akong mapaghinala at mapagbantay sa paggawa ng aking tungkulin. Ang mga iniisip at pagpapamalas ko ay kalapastanganan sa Iyo, at nakahadlang din ang mga ito sa gawain ng iglesia. Mahal na Diyos, hinihiling ko po na gabayan Mo ako na makilala ang sarili kong tiwaling disposisyon.”
Pagkatapos, nagnilay-nilay ako. Anong tiwaling disposisyon ang nagiging dahilan para maging mapagbantay ako sa Diyos sa ganitong paraan? Isang araw, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dapat harapin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin at ang Diyos nang may matapat na puso. Dapat magawa ito ng mga taong may takot sa Diyos. Anong klase ng saloobin sa Diyos mayroon ang mga taong may matapat na puso? Kahit papaano man lang, mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso. Mayroon silang pusong nagpapasakop sa Diyos sa lahat ng bagay; ibig sabihin, hindi sila nagtatanong tungkol sa mga pagpapala o kapahamakan, hindi sila naghahain ng mga kondisyon, at ipinauubaya nila ang kanilang mga sarili sa ilalim ng pamamatnugot ng Diyos. Sila ay mga taong may matapat na puso. Iyong mga palaging nagdududa sa Diyos, palaging nagsisiyasat sa Kanya, palaging sinusubukang makipagtawaran sa Kanya—sila ba ay mga taong may matapat na puso? (Hindi.) Ano ang nananahan sa loob ng puso ng gayong mga tao? Panlilinlang at kabuktutan; palagi silang nagsisiyasat. At ano ang sinisiyasat nila? (Ang saloobin ng Diyos sa mga tao.) Palagi nilang sinisiyasat ang saloobin ng Diyos sa mga tao. Anong problema ito? At bakit nila ito sinisiyasat? Dahil may kaugnayan ito sa mga pangunahin nilang interes. Sa kanilang puso, iniisip nila, ‘Inihanda ng Diyos ang sitwasyong ito para sa akin, idinulot Niya na mangyari ito sa akin. Bakit Niya ginawa iyon? Hindi pa ito nangyayari sa ibang tao—bakit kailangan pang sa akin ito mangyari? At ano ang magiging mga kahihinatnan?’ Ito ang mga bagay na sinisiyasat nila, sinisiyasat nila ang kanilang mga pakinabang at kawalan, mga pagpapala at kapahamakan. At habang sinisiyasat nila ang mga bagay na ito, naisasagawa ba nila ang katotohanan? Nakapagpapasakop ba sila sa Diyos? Hindi. Ano ang kalikasan ng mga bagay na iniisip nila sa kanilang puso? Lahat ng ito ay nakasentro sa sarili nilang mga interes, at sa pagkuha ng mga pakinabang para sa kanilang sarili. … Ano ang nangyayari kapag sarili lang nilang mga kinabukasan, kapalaran, at interes ang isinasaalang-alang ng mga tao? Hindi magiging madali para sa kanila na magpasakop sa Diyos; kahit na gustuhin nila, hindi nila ito magagawa. Ang sinumang nagbibigay ng partikular na kahalagahan sa sarili nilang kinabukasan, kapalaran, at interes ay palaging nagsisiyasat kung ang gawain ba ng Diyos ay kapaki-pakinabang sa kanilang kinabukasan, sa kanilang kapalaran, at sa pagtatamo nila ng mga pagpapala. Sa huli, ano ang kahihinatnan ng lahat ng pagsisiyasat nila? Maaari lang na dahil hindi naaayon ang gawain ng Diyos sa kanilang mga kuru-kuro, madalas silang magreklamo tungkol sa Diyos, maghimagsik laban sa Diyos, at kumontra sa Diyos. Kahit na kaya pa rin nilang magpursige sa paggampan ng kanilang tungkulin, ginagawa nila ito nang pabasta-basta at nang may pagkanegatibo; sa puso nila, patuloy nilang iniisip kung paano makinabang at hindi magdusa ng anumang kawalan. Ang paggampan ng tungkulin nang may gayong mga intensiyon ay katumbas ng pagtatangkang makipagtawaran sa Diyos. Anong disposisyon ang ipinapahiwatig nito? Ito ay panlilinlang, isa itong buktot na disposisyon. Hindi ito isang ordinaryong tiwaling disposisyon—umabot na ito sa kabuktutan. Ang pagkikimkim ng ganitong uri ng buktot na disposisyon sa puso ng isang tao ay pakikipaglaban sa Diyos! Dapat ninyong makilatis ang problemang ito. Kung palaging sinisiyasat ng isang tao ang Diyos at ginagampanan ang kanyang tungkulin nang may pag-iisip na nakikipagtransaksiyon, magagawa ba niyang tuparin nang maayos ang kanyang tungkulin? Tiyak na hindi. Hindi niya sinasamba ang Diyos nang may puso at pagkamatapat, at hindi niya tinatrato nang matapat ang kanyang tungkulin. Habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, nagmamasid at nag-oobserba lang siya, palaging nagpipigil. Ano ang kahihinatnan nito? Hindi gumagawa ang Diyos sa kanya—siya ay magulo ang isip at nalilito, hindi niya nauunawaan kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, at palagi siyang kumikilos ayon sa sarili niyang kalooban, palaging nagkakamali” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa mga Katotohanang Prinsipyo Maaaring Magampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin). Ipinakita sa akin ng paglalantad ng mga salita ng Diyos kung gaano ako kamakasarili at kasuklam-suklam. Naisip ko kung paano, mula noong hawakan ko ang liham na ulat laban kay Wang Yi, nagkaroon ako ng mga kuru-kuro sa puso ko tungkol sa Diyos, at naramdaman kong nabunyag si Wang Yi dahil lang sa tungkulin niya bilang lider. Dahil sa walang-katotohanang pananaw na ito, naging kimi ako at nag-aalangan sa paggawa ng tungkulin ko. Malinaw kong nakita na kailangang tanggalin sa tamang oras ang mga hindi angkop na tauhan, at nakahanap din ako ng mga taong maaaring linangin. Ngunit nang makarinig ako ng magkakaibang opinyon, nag-alala ako na kung magkamali ako ng desisyon, ako ang mananagot. Kaya ipinagpaliban ko ang paninindigan, mas pinili kong hayaang mahadlangan ang gawain ng iglesia kaysa agad na muling magtalaga ng mga tauhan, at pinigil ko ang pag-usad ng gawain. Ang tanging isinaalang-alang ko ay ang sarili kong kinalabasan at hantungan, nang walang anumang pagpapahalaga sa gawain ng iglesia. Itinaas ako ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay sa akin ng napakahalagang tungkulin para maakay ko ang mga kapatid na danasin ang Kanyang mga salita at isagawa ang katotohanan, at makahanap ng mga angkop na tao para gawin ang iba’t ibang tungkulin. Ngunit ang tangi kong isinaalang-alang ay ang sarili kong mga interes, puno ako ng paghihinala sa Diyos, at sa sobrang pag-iingat, hindi ako nangahas na ipahayag ang aking mga pananaw. Hindi ko talaga tinutupad ang aking mga responsabilidad. Ang mga taong may matapat na puso ay tinatrato ang kanilang tungkulin nang may tunay na puso. Ang iniisip nila ay kung paano protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at nakakamit nila ang pamumuno ng Diyos sa kanilang tungkulin. Ngunit kung titingnan ko ang sarili ko, palagi akong nag-aalala na baka kapag maling tao ang magamit ko ay mabunyag at matiwalag ako. Ang tanging iniisip ko lang ay kung paano protektahan ang sarili kong mga interes. Kapag ganito ang pag-iisip ko sa tungkulin ko, imposibleng matanggap ko ang pamumuno at mga pagpapala ng Diyos.
Pagkatapos, pinagnilayan ko kung bakit ako palaging masyadong nag-iingat sa paggawa ng tungkulin ko, takot na kapag nagpahayag ako ng ibang opinyon, sasabihin ng mga tao na mapagmataas ako at mapagmagaling. Ano nga ba ang pagkakaiba ng pagiging mapagmataas at mapagmagaling sa pagtataguyod ng mga prinsipyo? Sa paghahanap ko, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Mayroong ilang tao na madalas lumalabag sa mga prinsipyo kapag kumikilos sila at hindi sila tumatanggap ng pagpupungos. Malinaw nilang alam sa puso nila na naaayon sa katotohanan ang mga sinasabi ng iba, ngunit hindi nila tinatanggap ang mga ito. Ang gayong mga tao ay napakayabang at labis na nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba! Bakit Ko sinasabing mayabang sila? Sa kanilang pagtanggi na tumanggap ng pagpupungos, suwail sila, at hindi ba’t ang pagkasuwail ay kayabangan? Iniisip nila na mahusay silang gumagawa, at hindi nila iniisip na nakakagawa sila ng anumang maling gawa, na nangangahulugang hindi nila kilala ang kanilang sarili at na mayabang sila” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Mayabang na Kalikasan ng Tao ay ang Ugat ng Kanyang Paglaban sa Diyos). “Kaya, kung dumating ang oras sa panahon ng iyong tungkulin na hati-hati ang opinyon ng lahat, paano ka dapat magsagawa? Malulutas ba ang problema kung makikipagtalo ka nang walang tigil tungkol dito? (Hindi.) Kung gayon, paano mo dapat lutasin ang problema? Sa sitwasyong ito, ang isang taong nakakaunawa sa katotohanan ay dapat mangunang lutasin ang isyu, inilalahad muna nang malinaw ang isyu at hinahayaan ang magkabilang panig na ipahayag ang kanilang opinyon. Pagkatapos, dapat hanapin ng lahat ang katotohanan nang sama-sama, at pagkatapos nilang manalangin sa Diyos, pagbahaginan ang nauugnay na mga katotohanan ng mga salita ng Diyos. Pagkatapos nilang magbahaginan sa mga katotohanang prinsipyo at magkaroon ng kalinawan, magagawa na ng magkabilang panig na magpasakop. Dapat matutunan ng lahat na magpasakop sa katotohanan. … Ang pagkakaroon ng isang di-natitinag at matatag na saloobin sa pagprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos ay isang pagpapamalas ng pagkakaroon ng matatag na paninindigan at pagkapit sa mga prinsipyo, at sinasang-ayunan ito ng Diyos. Kahit na sa tingin ng iba ay may problema sa paraan ng pagsasalita o sa saloobin ng gayong tao, sa realidad, hindi ito isang problema; isa itong pagpapamalas ng pagtataglay ng katotohanang realidad. Ang ilang taong walang espirituwal na pang-unawa at may mga lihim na motibo ay susubukang samantalahin ito, pero hindi talaga ito nagsasangkot ng pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon. Tandaan, ang pagkapit sa mga katotohanang prinsipyo ang pinakamahalaga. Kung hindi kumakapit ang isang tao sa mga katotohanang prinsipyo, gaano man kaganda ang mga salitang sinasabi niya, isa siyang mapagpaimbabaw” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Mayroong Buhay Pagpasok). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan ang pagkakaiba ng pagiging mapagmataas at mapagmagaling sa pagtataguyod ng mga prinsipyo: Ang pagiging mapagmataas at mapagmagaling ay nangangahulugan na kapag malinaw na lumalabag ang mga kilos mo sa mga prinsipyo, subalit ipinipilit mo pa rin ang sarili mong mga pananaw at ayaw mong tanggapin kapag tinutukoy ng iba ang mga problema mo o pinupungusan ka, sa halip ay naniniwala ka lang na ikaw ang tama. Pero ang pagpipilit na gawin ang isang bagay matapos hanapin at kumpirmahin na naaayon ito sa mga prinsipyo—ito ang pagtataguyod ng mga prinsipyo, at naaayon ito sa layunin ng Diyos. Nakita ko na may pasanin si Xincheng para sa kanyang tungkulin at nauunawaan niya ang teknikal na bahagi, kaya angkop siyang maging isang teknikal na superbisor. Nag-aalala ang katuwang ko sa kapaligiran sa bahay ni Xincheng at ayaw siyang iangat. Dapat ay hinanap ko ang katotohanan kasama ang katuwang ko para matiyak na nag-aangat at gumagamit kami ng mga tao ayon sa mga prinsipyo, para hindi maapektuhan ang gawain ng iglesia. Nakita ko na maaaring linangin at sanayin si Li Yan, pero dahil hindi nauunawaan ng mga kapatid ang mga prinsipyo, hinusgahan nila siya batay sa panlabas na anyo at hindi naging obhetibo ang kanilang ebalwasyon sa kanya. Dapat ay ginabayan ko sila na tingnan ang mga tao ayon sa mga salita ng Diyos, pero natakot ako na baka sabihin nilang mapagmataas ako at mapilit sa sarili kong mga pananaw, kaya isinuko ko ang paglilinang sa kanya. Nakita ko kung gaano talaga katawa-tawa ang pagkaunawa ko; hindi ko man lang makilala ang pagkakaiba ng pagiging mapagmataas at mapagmagaling sa pagtataguyod ng mga prinsipyo. Itinuring kong pagmamataas ang paghawak sa mga isyu ayon sa mga prinsipyo, at dahil dito, hindi ako nangahas na ipahayag ang aking mga pananaw o itaguyod ang mga prinsipyo, na nakahadlang sa gawain ng iglesia. Kasabay nito, nakahanap din ako ng landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos: Kapag nahaharap sa magkakaibang pananaw o opinyon sa paggawa ng tungkulin ko, dapat kong ilabas ang isyu para sama-samang mahanap ng lahat ang katotohanan upang malutas ito. Nang mapagtanto ko ito, agad na gumaan ang pakiramdam ko.
Kalaunan, naisip ko ang mga salita ng Diyos, at mas naging malinaw ang landas ko para sa pag-aangat at paglilinang ng mga tao. Sabi ng Diyos: “Para sa ilang indibidwal na may talento, sa mga sitwasyon kung saan walang sinuman ang lubos na nakakakilatis o nakakaunawa sa kanila, maaari silang paunang iangat at gamitin ayon sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia—huwag ipagpaliban ang gawain, at huwag ipagpaliban ang paglilinang sa mga tao; ito ang susi. Nagtatanong ang ilang tao, ‘Paano kung pumalpak sila sa gawain matapos silang gamitin? Sino ang mananagot?’ Kapag ginagamit mo ang isang tao, para ba itong inilalagay mo siya sa isang liblib na isla na walang paraan para makipag-ugnayan ang sinuman sa kanya? Hindi ba’t marami rin talagang iba sa paligid niya ang sangkot sa mga partikular na gampanin? May mga paraan para malutas ang mga usaping ito; gaya ng pangangasiwa, pag-oobserba, at pag-unawa sa kanila, at, kung pahihintulutan ng mga kondisyon, sa pamamagitan ng malapit na pakikipag-ugnayan. Ano ba mismo ang kalakip ng malapit na pakikipag-ugnayan? Kalakip nito ang pakikipagtulungan sa kanila; ang proseso ng paggawa ay ang proseso ng pag-unawa sa kanila. Hindi ba’t unti-unti mo silang mauunawaan sa pamamagitan ng ganitong uri ng pakikipag-ugnayan? Kung may pagkakataon kang makipag-ugnayan pero hindi mo ginagawa, at tumatawag ka lang sa telepono para magtanong ng ilang bagay at hanggang doon na lang iyon, imposible na maunawaan mo sila. Dapat kang makipag-ugnayan sa mga taong kaya mong maka-ugnayan para malutas ang mga problema. Samakatwid, hindi dapat maging tamad sa gawain nila ang mga lider at manggagawa. Kaya, kung nais mong obserbahan at maunawaan ang isang tao, paano mo ito dapat gawin? (Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanya.) Hindi ba? Ang susi ay ang isapuso ito!” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (7)). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan na walang sinumang makakasiguro ng ganap na katumpakan kapag pumipili ng tao. Basta’t ang pagpili mo ay naaayon sa mga prinsipyo sa sandaling iyon, natutugunan ang mga kailangan para sa paglilinang at paggamit ayon sa mga pangangailangan ng gawain, at nakabubuti sa gawain, sapat na iyon. Pagkatapos, sa mga susunod na pagmamasid, ang mga angkop na tao ay maaaring magpatuloy sa kanilang tungkulin, habang ang mga hindi angkop ay maaaring italaga sa ibang tungkulin o tanggalin. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Kung ang isang taong inangat at nalinang ay mabunyag sa kalaunan na hindi angkop, hindi ka pananagutin ng sambahayan ng Diyos; tutal, walang sinuman ang makakakilatis agad ng diwa ng isang tao sa isang tingin lang. Kalaunan, kinausap ko ang aking katuwang batay sa mga salita ng Diyos, at pumayag siyang italaga si Xincheng sa tungkulin bilang teknikal na superbisor. Pagkatapos umako ni Xincheng ng tungkulin, hindi siya nagdulot ng anumang panganib sa seguridad sa iglesia. Nakipagbahaginan din ako kay Li Yan at tinulungan ko siya tungkol sa kanyang mga pagkukulang. Pagkatapos ng isang panahon, nagkaroon ng ilang pag-usad si Li Yan at nagsimulang magtuon sa kung paano makakamit ang mga resulta sa kanyang tungkulin. Sa huli, nahalal siya bilang isang lider ng distrito. Nang makita kong maayos na naitalaga ang lahat ng tauhan at normal nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, mas lalo kong kinamuhian kung gaano ako naging makasarili at kasuklam-suklam noon. Isinaalang-alang ko lamang ang sarili kong mga interes at nagdulot ako ng malaking hadlang sa gawain ng iglesia. Pagkatapos nito, inialay ko ang sarili ko sa aking tungkulin. Kapag nakakatagpo ako ng mga isyung hindi ko makita nang malinaw, hinahanap ko ang mga prinsipyo kasama ang mga kapatid. Pagkaraan ng ilang panahon, umusad kami sa iba’t ibang aytem ng gawain. Nagpasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng aking puso at naranasan ko kung gaano nakakarelaks at kasaya na gawin ang tungkulin ko ayon sa mga prinsipyo.
Makalipas ang dalawang buwan, pinasulat ako ng nakatataas na pamunuan ng isang resume at nagsimula silang kumuha ng mga ebalwasyon tungkol sa akin. Naisip ko, “Ililipat na naman ba nila ako ng tungkulin?” Sa pag-iisip kung paano ako naging puno ng haka-haka at pagdududa tungkol sa mga paglilipat ng tungkulin noon, nanalangin ako sa Diyos sa puso ko, ipinapahayag na sa pagkakataong ito, handa akong magpasakop anuman ang itatalagang tungkulin sa akin. Pagkaraan ng ilang araw, sumulat ang mga lider para sabihing nahalal ako bilang miyembro ng grupo ng mga tagapagpasya. Nang makita kong sa grupo ng mga tagapagpasya, medyo nagulat at kinabahan pa rin ako. “Ang paggawa ng tungkulin sa grupo ng mga tagapagpasya ay may kaakibat na mas malaking responsabilidad. Maraming isyu ang kailangang pagpasyahan, at kung makagawa ng maling desisyon na makapipinsala sa gawain ng iglesia, matitiwalag ako at mawawala ang pagkakataon kong maligtas.” Medyo naguluhan ako. Pagkatapos ay pinadalhan ako ng mga lider ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “May mga prinsipyo sa kung anong uri ng mga tao ang inaangat at ginagamit ng sambahayan ng Diyos, at kung anong uri ng mga tao ang hindi nito ginagamit, gayundin sa kung sinong mga tao ang nililinang nito, at kung sino ang hindi; lahat ng ito ay nakabatay sa mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Kahit sino pa ang iangat at gamitin, ang layon ay linangin sila para magampanan nila nang maayos ang kanilang tungkulin at malaman kung paano danasin ang gawain ng Diyos, at para magawa nilang pasanin ang gawain at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Anuman ang problemang nilulutas, ang layon ay bigyang-kakayahan sila na maunawaan ang higit pang katotohanan, at matutong kumuha ng mga aral at magkamit ng pagkilatis mula sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap nila. Sa ganitong paraan, mas madali para sa kanila na pumasok sa katotohanang realidad sa lahat ng aspekto. Hindi ito tungkol sa pagsasamantala sa iyo para magserbisyo ka, lalong hindi ito tungkol sa pagsasamantala sa iyo para punan ang isang bakanteng posisyon dahil walang mahanap na angkop na tao, para lang paalisin ka kapag may dumating na angkop na tao. Hindi ganoon iyon. Sa katunayan, binibigyan ka nito ng pagkakataon na sanayin ang iyong sarili. Kung hahangarin mo ang katotohanan, makakapanindigan ka; kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, hindi ka pa rin makakapanindigan. Tiyak na hindi dahil sa hindi ka gusto ng sambahayan ng Diyos kaya maghahanap ito ng magagamit laban sa iyo at maghahanap ng pagkakataon para itiwalag ka. Kapag sinabi ng sambahayan ng Diyos na lilinangin at iaangat ka nito, tunay ka nitong lilinangin. Ang mahalaga ay kung paano mo pinagsisikapan ang katotohanan. Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, susukuan ka ng sambahayan ng Diyos at hindi ka na nito lilinangin. Ang ilang tao, pagkatapos ng isang panahon ng paglilinang, ay tinatanggal dahil mahina ang kanilang kakayahan at hindi sila makagawa ng aktuwal na gawain. Ang ilan, sa panahon ng kanilang paglilinang, ay hindi tumatanggap ng katotohanan kahit kaunti, kumikilos nang sutil, at gumagambala at gumugulo sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at sila ay tinatanggal. Mayroon pa ring iba na hindi talaga naghahangad sa katotohanan, na tumatahak sa landas ng mga anticristo, palaging gumagawa para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at sila ay tinatanggal at itinitiwalag. Ang mga sitwasyong ito ay pawang pinangangasiwaan ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos sa paggamit sa mga tao. Lilinangin pa rin ng sambahayan ng Diyos ang mga kayang tumanggap ng katotohanan at magsikap para sa katotohanan, kahit pa makagawa sila ng mga pagsalangsang sa pamamagitan ng paggawa ng ilang pagkakamali. Kung hindi ito isang taong kayang tumanggap ng katotohanan, at hindi niya tinatanggap ang katotohanan kapag dumarating sa kanya ang pagpupungos, dapat siyang direktang tanggalin at itiwalag. … Anuman ang sitwasyon, kapag inaangat ng sambahayan ng Diyos ang mga taong ito, ito ay palaging para linangin sila at akayin sila sa katotohanang realidad, umaasang magagawa nila nang maayos ang gawain ng iglesia at matutupad nang maayos ang mga tungkuling dapat nilang tuparin. Kahit pa hindi mo alam kung paano gawin ang ilang gawain dahil ikaw ay hangal at kulang sa malalim na pang-unawa o dahil mahina ang iyong kakayahan, hangga’t pinagsisikapan mo ang mga katotohanang prinsipyo, mayroon kang ganitong pakiramdam ng responsabilidad, handa kang gawin nang maayos ang gawaing ito, at kaya mong pangalagaan ang gawain ng iglesia, lilinangin ka pa rin ng sambahayan ng Diyos kahit pa nakagawa ka ng ilang kahangalan noon. Ang ilang tao, bagama’t medyo mahina ang kanilang kakayahan, ay kaya pa ring gumawa ng ilang simpleng gawain. Bagama’t ang kanilang pagbabahagi tungkol sa katotohanan para lumutas ng mga problema ay hindi makapagdudulot ng magagandang resulta, kaya nilang pangalagaan ang gawain ng iglesia. Anumang aspekto ng katotohanan ang pinagbabahaginan sa bawat pagtitipon, kaya nila itong tanggapin at kaya nilang maging masunurin at mapagpasakop. Kung may anumang gawaing hindi nagawa nang maayos, kaya nilang matuto ng mga aral mula rito. Bagama’t medyo mahina ang kanilang kakayahan, kayang pagsikapan ng kanilang puso ang katotohanan. Pagkatapos gumawa sa loob ng ilang panahon, umuunlad sila, at ang kanilang mga resulta ay paganda nang paganda. Sa Aking mga mata, ang gayong mga tao ay may pag-asa na makamit ang kaligtasan. Karamihan sa mga tao ay naniniwala na ang mga may mahusay na kakayahan ay malamang na makamit ang kaligtasan. Sa Aking pananaw, hindi naman ito tiyak. Ang susi ay kailangang hangarin ng mga tao ang katotohanan para makamit nila ang gawain ng Banal na Espiritu, maiwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at makamit ang kaligtasan. Ang ilang tao ay may katamtamang kakayahan at ang mga resulta ng kanilang tungkulin ay katamtaman din, ngunit pagkatapos ng maraming taon ng pagdidilig at pagtustos mula sa sambahayan ng Diyos, sinisimulan nilang ilagay ang kanilang puso sa katotohanan, at tunay ngang nauunawaan nila ang ilang katotohanan. Nagkakamit din sila ng ilang praktikal na karanasan, kaya nilang kilatisin ang ilang bagay, at kayang lutasin ang ilang problema, nakakagawa ng palaki nang palaking pag-usad sa gawain ng iglesia. Napakaganda nito; ang gayong mga tao ay karapat-dapat na linangin” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (26)). Labis akong naantig sa mga salita ng Diyos at lalo kong naramdaman kung gaano ako kasuklam-suklam at kabuktot, na sa sarili kong makitid na pag-iisip ay palaging naghihinala sa Diyos. Kasabay nito, mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko rin na may mga prinsipyo ang sambahayan ng Diyos sa pag-aangat at pagtitiwalag ng mga tao. Kapag may sinumang inaangat at ginagamit, ginagawa ito nang may tunay na intensyong linangin sila. Inililigtas at pineperpekto ng Diyos ang mga naghahangad ng katotohanan; ibinubunyag at itinitiwalag Niya ang mga hindi. Bagama’t ang mga naghahangad ng katotohanan ay maaaring may mga paglihis at pagkukulang sa kanilang tungkulin, basta’t tinatanggap nila ang katotohanan, uunlad sila nang uunlad at hindi sila matitiwalag. Ang mga natitiwalag ay sa huli’y tinatanggal lamang dahil hindi sila naghahangad ng katotohanan, hindi ginagawa nang maayos ang kanilang tungkulin gaano man sila tulungan at suportahan, at inaantala ang gawain ng iglesia. Naisip ko kung paanong nagkamali rin ako sa paggamit ng ilang tao noong ako ay isang lider o manggagawa, ngunit hindi ako kinondena ng sambahayan ng Diyos o itinigil ang paglilinang sa akin dahil doon. Sa halip, inalam nila ang konteksto kung bakit mga maling tao ang ginamit noon, at nang makitang nakapagnilay-nilay ako at medyo naunawaan ko na ang sarili ko, binigyan nila ako ng isa pang pagkakataon na sanayin ang sarili ko. Nang mapagtanto ko ito, napanatag ang puso ko. Nanalangin ako sa Diyos, handang magpasakop sa mga pagsasaayos ng iglesia, at pagkatapos ay tinanggap ko ang tungkulin.
Minsan, nang naghahalal kami ng isang superbisor ng pangkat, tinitingnan namin ang mga ebalwasyon ng isang sister. Karamihan ay nagsulat na kaya ng taong ito na magtiis ng hirap, magpapasakop sa anumang tungkuling itatalaga, at madalas magsalita tungkol sa pagkilala sa sarili, kaya sumang-ayon silang ihalal siya bilang superbisor. Nakasalamuha ko na dati ang sister na ito. Batay sa pagkakakilala ko sa kanya, palagi siyang bigong sumunod sa mga prinsipyo sa kanyang tungkulin, nakapagsasalita siya ng ilang salita at doktrina ngunit walang katotohanang realidad at hindi makalutas ng mga aktuwal na problema, at walang nakamit na resulta sa kanyang tungkulin. Hindi siya angkop na maging isang superbisor. Gusto kong ipahayag ang sarili kong pananaw, pero naisip ko, “Dahil sumang-ayon na ang lahat ng katuwang ko na siya ang maging superbisor, kung ako lang ang hindi sasang-ayon, sasabihin kaya nila na masyado akong mapagmataas?” Nag-alinlangan ako nang kaunti. Sa sandaling iyon, naalala ko ang pagkakaiba ng pagtataguyod ng katotohanan at pagiging mapagmataas at mapagmagaling. Ang pagkilos ayon sa mga prinsipyo ay hindi pagmamataas. At saka, hindi nila gaanong kilala ang taong ito. Dapat kong sabihin ang sarili kong pananaw at timbangin ang usapin kasama ng lahat ayon sa mga prinsipyo. Kaya, ipinahayag ko ang aking pananaw. Pagkatapos nilang marinig ito, naramdaman nilang hindi angkop na iangat ang taong ito sa ngayon, at kailangang obserbahan ang kanyang mga pagpapamalas sa hinaharap. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, nakaramdam ng labis na kapanatagan ang puso ko. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Ni Lin Feng, TsinaNoong 2022, nang isa pa akong lider ng iglesia, nagbunsod ang aking pagmamataas, pagmamagaling, at pagiging arbitraryo...
Ni Chongxin, TsinaNoong 2023, ako ang responsable para sa gawain ng ebanghelyo sa iglesia, ngunit pagkaraan ng ilang panahon, tinanggal ako...
Ni Bai Lu, TsinaIsang araw sa kalagitnaan ng Nobyembre 2023, nakatanggap ako ng isang liham mula sa nakatataas na pamunuan, na nagsasabing...
Ni Chen Na, TsinaNoong Hulyo 2014, nahalal ako bilang isang mangangaral. Noong panahong iyon, wala akong pagkilatis at sinundan ko lang ang...