Natutuhan Ko Kung Paano Tratuhin ang Kabaitan ng Aking mga Magulang
Ni Wang Tao, TsinaNoong tatlong taong gulang ako, nagdiborsyo ang aking mga magulang dahil sa kanilang emosyonal na hindi pagkakatugma, at...
Tinatanggap namin ang lahat ng naghahanap na nasasabik sa pagpapakita ng Diyos!
Maraming pinagdusahan ang nanay ko sa pagpapalaki sa amin ng kapatid kong lalaki. Madalas niyang sabihin na basta’t maganda ang buhay naming magkapatid, sulit ang anumang hirap. Kumbinsido ako na ang nanay ko ang taong pinakanagmamahal sa akin sa buong mundo, at lahat ng ginagawa niya ay para sa ikabubuti ko. Habang tumatanda ako, ang pag-aasawa ko ang naging pinakamalaking alalahanin ng mga magulang ko. Noong magdalawampu’t tatlong taong gulang ako, madalas akong sinesermunan ng nanay ko, sinasabing, “Dalaga ka na ngayon. Panahon na para humanap ka ng nararapat na mapapangasawa. Kapag naghintay ka pa, mauubos na ang mga matitinong lalaki.” Pakiramdam ko, ang pag-aasawa ay isang panghabambuhay na pangako na dapat harapin nang maingat; ayaw kong basta-basta na lang mag-asawa. At saka, hindi pa naman ako ganoon katanda noon, kaya iniiwasan ko siya sa pagsasabing, “Wala namang pagmamadali. Makikipag-date ako kapag nahanap ko na ang tamang tao.” Nataon naman na iyon ang taon na tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nalaman ko na ito na ang huling yugto ng gawain ng Diyos para iligtas ang sangkatauhan, at isang napakapambihirang pagkakataon para magawang perpekto ng Diyos. Kailangan kong apurahang gawin ang tungkulin ko at taimtim na hangarin ang katotohanan. Ang pag-aasawa sa ganitong panahon ay madaling makakasira sa pagkakataon kong maligtas. Kaya, naging mas maingat pa ako pagdating sa pag-aasawa at patuloy kong ipinagpaliban ang paghahanap ng mapapangasawa. Labis na nabalisa ang nanay ko. Sa tuwing may nagrereto sa akin ng lalaki, hinihikayat niya akong makipagkita rito. Kinamuhian ko ito. Pakiramdam ko ay ibinebenta niya ako na parang isang produkto. At saka, napaka-introvert ko at ayaw na ayaw ko sa ganoong paraan ng pakikipag-date, kaya talagang ayaw kong pumunta sa mga isinaayos na date na iyon. Pero pakiramdam ko wala akong magawa kapag pinipilit ako ng nanay ko na mag-asawa. Marami na siyang tiniis sa pagpapalaki sa amin ng kapatid kong lalaki, at madalas niyang sabihin sa amin kung gaano iyon naging kahirap. Dahil sa mga kasabihang, “Kapuri-puri ang pagmamahal ng magulang” at “Ang magulang ay palaging tama,” naramdaman ko lang na anuman ang gawin niya ay para sa ikabubuti ko. Para maiwasang masaktan siya, sinusunod ko siya at pumupunta ako sa mga date na isinaayos niya, gaano ko man ito ayaw gawin. Pero alam kong kritikal na panahon ito sa gawain ng Diyos, at makasasagabal ang pakikipag-date at pag-aasawa sa pananampalataya ko sa Diyos. Kaya kadalasan, sumisipot ako sa mga isinaayos na date na ito, at saka ako gagawa ng palusot kalaunan at sasabihing hindi kami magkaayon. Ganoon ko lang ito pinapalampas. Pagkatapos noong 2013, nang magdalawampu’t limang taong gulang ako, nakilala ko ang isang lalaki sa isang blind date na tipo ko talaga. Matatag siya sa buhay at mabait sa mga magulang niya, at gustung-gusto talaga siya ng nanay ko. Naisip ko sa sarili ko, “Puwede kong subukang makipag-date sa kanya. Ipangangaral ko ang ebanghelyo sa kanya, at pagkatapos ay magkasama kaming mananampalataya sa Diyos.” Tatlong beses ko siyang kinausap tungkol sa pananampalataya sa Diyos, pero nakikinig lang siya nang walang gana, at nakangiting sasabihin, “Mabuting bagay ang manampalataya sa Diyos. Hindi kita pipigilan na gawin iyan.” Labis akong nadismaya, at nag-alala ako na kung sakaling magkatuluyan kami, baka danasin ko rin mula sa kanya ang parehong pagkontra at pang-uusig na naranasan ng ibang mga sister mula sa kani-kanilang asawa. Nag-date kami nang mahigit apat na buwan, at habang mas tumatagal kaming magkasama, mas lalo ko siyang nagugustuhan. Naisip ko, “Ilang buwan pa lang kaming magkasama, pero puro ito na ang nasa isip ko. Hindi ko magawa nang maayos ang tungkulin ko, iniraraos ko lang ang mga pagtitipon, at hindi ko isinasapuso ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Kung sakaling magpakasal kami, hindi ba’t araw-araw na akong lalamunin ng maliliit na usapin na ito ng pamilya at hindi na lubusang makapagtutuon sa tungkulin ko? Hindi ako puwedeng pikit-mata at padalos-dalos na pumasok sa pag-aasawa.” Pero gusto ng mga magulang ko na magpakasal na kami makalipas lang ang apat na buwan. Takot na takot ako na talagang sisirain ng pag-aasawa ang pagkakataon kong maligtas sa pananampalataya ko sa Diyos. Pero hindi ko rin matiis na makipaghiwalay sa kanya. Bihira akong makahanap ng taong gusto ko, at ayaw ko siyang pakawalan. At saka, gustung-gusto rin siya ng mga magulang at ng lola ko. Kung hindi ako magpapakasal sa kanya, madidismaya nang husto ang mga magulang ko at patuloy lang silang mag-aalala sa pag-aasawa ko. Patuloy na nagtatalo talaga ang kalooban ko, at hindi ko alam kung ano ang gagawin. Sa aking paghihirap, nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para makagawa ng tamang desisyon. Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito mula sa Panginoong Jesus: “Datapuwa’t sa aba ng nangagdadalang-tao at nangagpapasuso!” (Mateo 24:19). Nabasa ko rin ang mga salitang ito mula sa Makapangyarihang Diyos: “May mga tao na inaapi ng kanilang mga pamilya kaya hindi nila magawang maniwala sa Diyos maliban kung mag-aasawa sila. Sa ganitong paraan, ang pag-aasawa, sa kabaligtaran, ay nakakatulong sa kanila. Para sa iba, walang pakinabang ang pag-aasawa, kundi ang kapalit nito ay kung anong mayroon sila dati. Ang sarili mong kaso ay dapat maalaman sa pamamagitan ng iyong aktuwal na sitwasyon at ng iyong sariling pasya. Hindi Ako narito upang mag-imbento ng mga panuntunan at tuntunin na magagamit Ko para humingi sa inyo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (7)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagsuko sa pag-aasawa alang-alang sa katotohanan ay isang mahalagang bagay. Sa paggawa nito, magkakaroon ako ng mas maraming oras at lakas para gawin ang tungkulin ko at hangarin ang katotohanan. Kung mawawala sa akin ang pagkakataong gawin ang tungkulin ko dahil sa pag-aasawa, at sa huli ay mabigong makamit ang katotohanan o maligtas, di hamak na mas malaki ang mawawala sa akin kaysa sa makukuha ko. Nagsimula na ang malalaking kalamidad, at wala nang gaanong oras na natitira. Kailangan kong samantalahin ang oras na ito para sangkapan ang sarili ko ng katotohanan. Sa ngayon, hindi pa ako kasal at walang mga sagabal sa pamilya, kaya magagawa ko ang tungkulin ko nang full-time. Kung mag-aasawa ako, tiyak na makukulong ako sa bahay buong araw. Masyado rin akong nagpapadala sa damdamin, kaya kung sakaling bubuo ako ng sariling pamilya sa hinaharap, tiyak na mapapabayaan ko ang aking tungkulin dahil sa mga damdamin ko, at sisirain niyon ang pagkakataon kong maligtas. Pagkatapos itong pag-isipan nang paulit-ulit, sa wakas ay nagpasya na rin akong makipaghiwalay sa kanya. Nang malaman ito ng nanay ko, nabalisa siya at nagalit. Sinubukan niya akong himukin, sinasabing, “Tumatanda na kami ng tatay mo, at hindi maganda ang kalusugan ko. Hindi ka namin maalagaan habambuhay! Kilalang-kilala natin ang pamilyang ito. Kung mag-aasawa ka na agad, sa wakas ay mabibitiwan na rin namin ng tatay mo ang alalahaning ito sa puso namin.” Talagang nalungkot ako nang marinig kong sabihin ito ng nanay ko. Araw-araw na lang ay labis na nag-aalala ang mga magulang ko tungkol sa pag-aasawa ko kaya naging pasanin na ito sa kanilang damdamin. Dumanas na sila ng napakaraming pag-aalala sa pagpapalaki sa akin. Sa halip na ibsan ang pasanin nila at bawasan ang bigat na nararamdaman nila, ako pa ang nagiging pinakamalaking pasanin nila. Napuno ako ng paninisi sa sarili, pakiramdam ko ay isa akong suwail na anak. Kahit na tipo ko ang lalaking ito, hindi siya interesadong manampalataya sa Diyos. Magkaiba kami ng mga pananaw at tumatahak kami sa magkaibang landas. Hindi kami magiging masaya kung mamumuhay kami nang magkasama. At sa ilang buwan na nag-date kami, hindi ko naramdaman ang kagalakan ng isang relasyon, kundi palaging espirituwal na pagdurusa. Palagi akong nag-aalala na kapag nag-asawa ako, ang pamilya ko ay magiging sagabal at balakid na pipigil sa akin sa paghahangad ko sa katotohanan at sisira sa pagkakataon kong maligtas. Nang maisip ko ito, naging matatag ang saloobin ko at pinili kong makipaghiwalay sa kanya. Pagkatapos niyon, nagbago ang pakikitungo sa akin ng nanay ko. Minsan ay hindi siya nakakapagpigil at galit na galit na sumisigaw sa akin, “Sino ba ang ganyan kaseryosong nananampalataya sa Diyos? Ang dapat talagang gawin ng isang babae ay humanap ng mapapangasawa na may mabuting pamilya at asikasuhin ang lahat, bata at matanda!” Minsan nagsasabi rin siya ng masasakit na salita para inisin ako. Talagang nalungkot ako, pero hindi ko siya sinisi. Ayon nga sa kasabihan, “Ang magulang ay palaging tama.” Naramdaman ko na anuman ang gawin niya, para iyon sa ikabubuti ko. Tutal, “Kung gaano kalalim ang pagmamahal, ganoon din katindi ang pagsaway.” Nag-aalala lang siya sa pag-aasawa ko, at sinisigawan niya ako dahil labis siyang nababalisa para sa akin. Kaya tahimik ko na lang itong tiniis.
Tuwing Chinese New Year at iba pang mga holiday, nakikita ng mga magulang ko ang mga anak na babae ng ibang pamilya na masayang binibisita ang kanilang mga magulang kasama ang asawa at mga anak nila, habang ako ay palaging umuuwing mag-isa. Mukhang alalang-alala sila at panay ang buntong-hininga. Sa tuwing mangyayari ito, sinusubukan ng nanay ko na kausapin ako para matauhan, sinasabing, “Tingnan mo si ganito-at-si-ganyan. May asawa na siya at napakabuti sa kanya ng mga biyenan niya. Napakaganda sana kung makahanap ka ng mapapangasawa na may mabuting pamilya, kung saan mas maraming tao ang mag-aalaga sa iyo. Para naman sa wakas ay mapanatag na rin kami ng tatay mo. Kung hindi ka magmamadali at seseryosohin ito, ano ang gagawin mo kung hindi ka makahanap ng matinong lalaki kalaunan? Nanay mo ako. Ipapahamak ba kita kailanman? Ginagawa ko lang ito para sa ikabubuti mo.” Nang makita ko ang mga magulang ko na buong araw na labis na nababalisa, nag-aalala at panay ang buntong-hininga sa pagkadismaya dahil sa pag-aasawa ko, sumama talaga ang pakiramdam ko at napuno ako ng pagkakonsensiya. Nasa hustong gulang na ako, pero nagdudulot pa rin ako sa kanila ng labis na pag-aalala. Napakasuwail kong anak! Kalaunan, may naranasan ako na nagpamulat sa akin na ang tinatawag na “kabutihan” ng mga magulang ko sa akin ay hindi talaga pagiging mabuti sa akin.
Isang araw noong 2017, nahulog ang tatay ko mula sa hagdan at nasaktan ang likod niya. Pag-uwi ko nang gabing iyon, galit na sinabi sa akin ng nanay ko, “Alam mo ba kung bakit nahulog ang tatay mo? Dahil alalang-alala siya sa iyo! Sa sobrang pag-aalala, hindi na siya makatulog o makakain, at namumuti na ang buhok niya sa pag-aalala. Labis-labis ang pag-aalala ng buong pamilyang ito sa pag-aasawa mo. Bakit napakamakasarili mo? Sarili mo lang ang iniisip mo at wala kang kaalam-alam kung ano ang pakiramdam ng pagiging isang magulang!” Nang marinig ko siyang sabihin iyon, labis akong nakonsensiya. Nang makita ng nanay ko na tahimik lang akong nakayuko, nagpatuloy siya, “Hindi mo ba alam? Dahil hindi ka pa kasal, hindi kami makaharap nang taas-noo ng tatay mo sa ibang tao. Pinag-uusapan ka ng mga kapitbahay dahil tatlumpunga taong gulang ka na pero hindi ka pa rin nag-aasawa. Binigyan mo kami ng tatay mo ng matinding kahihiyan!” Nang marinig kong sabihin ito ng nanay ko, talagang nagulat ako at nasaktan. Hindi ko maintindihan. Hindi pa lang ako nag-aasawa; hindi naman ako gumawa ng isang bagay na kahiya-hiya. Bakit naman iyon magiging dahilan para hindi na sila makaharap nang taas-noo? Kaya tinanong ko siya, “Paano naging kahihiyan sa inyo ang hindi ko pag-aasawa? Wala naman akong ginawang masama. Hindi ba’t mas mabuting hindi mag-asawa kaysa maging isa sa mga taong nakikipagrelasyon kahit kanino? Panghabambuhay ang pag-aasawa. Hindi ako puwedeng basta-basta magpakasal kahit kanino para lang hindi kayo mapahiya! At saka, kung mag-aasawa ako tapos hindi rin magiging maayos at magdidiborsiyo kami, hindi ba’t mas malaking kahihiyan iyon para sa inyo?” Sa isang mapanghamak at sarkastikong tono, sinabi ng nanay ko, “Ano ngayon kung magdiborsiyo ka? Maghanap ka lang ng iba! Ganyan naman ang ginagawa ng lahat ngayon. Ang makahanap ng lalaki ay isang tunay na abilidad! Tingnan mo ang pinsan mo. Anim na buwan pa lang siyang nakipagdiborsiyo at nakahanap na agad ng bago. Iyon ang tinatawag kong may kakayahan! Eh ikaw, anong ipagmamalaki mo? Kahit lumpo, puwede na sa iyo.” Tumagos nang malalim sa puso ko ang mga salita ng nanay ko. Hindi ako makapaniwala na kaya itong sabihin ng sarili kong nanay. Bigla na lang, pakiramdam ko ay ibang tao siya. Bumalik ako sa kuwarto ko at umiyak nang umiyak. Hindi ko kailanman inakala na ang nanay na palagi akong kinagigiliwan ay makapagsasabi ng ganoong kawalang-pusong mga salita. Ginagawa ba talaga niya ito para sa ikabubuti ko? Ito ba ang tunay na pagmamahal? Sa aking paghihirap, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, alam ko na kung wala ang mga tumatagos na salitang ito, hindi kailanman tunay na masasaktan ang puso ko. Pero pakiramdam ko pa rin ay ang nanay ko ang may pinakamabuting pagtrato sa akin. Diyos ko, hindi ko alam kung paano ito pagdaraanan. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo ako para maunawaan ko ang mga layunin Mo.”
Kalaunan, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Bakit nagpapakita ng paggalang ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit inaalagaan ng mga magulang ang kanilang mga anak? Ano ang layunin na kinikimkim ng lahat ng tao? Hindi ba’t ito ay ang tuparin ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanais? Ito ba talaga ay ang kumilos alang-alang sa plano ng pamamahala ng Diyos? Ito ba talaga ay ang kumilos alang-alang sa gawain ng Diyos? Ito ba ay ang tuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga). “Sino ang nagpapasan ng pinakamabigat na pasanin para sa buhay ng isang tao? (Ang Diyos.) Ang Diyos lamang ang pinakanagmamahal sa mga tao. Talaga nga bang ang mga tao ay mahal ng kanilang mga magulang at kamag-anak? Tunay bang pagmamahal ang pagmamahal na ibinibigay ng mga ito? Maililigtas ba nito ang mga tao mula sa impluwensiya ni Satanas? Hindi. Manhid at mapupurol ang utak ng mga tao, hindi nila makita nang malinaw ang mga bagay na ito, at palagi nilang sinasabi, ‘Sadyang hindi ko maramdaman kung paano ako minamahal ng Diyos. Gayunman, pinakamamahal ako ng aking ina at ama. Nagbabayad sila para sa aking pag-aaral at pinapag-aral nila ako ng mga teknikal na kasanayan, nang sa gayon ay may marating ako sa buhay paglaki ko, maging umangat kaysa sa iba, at maging sikat, isang kilalang tao. Gumagastos ang mga magulang ko ng napakaraming pera para linangin ako at suportahan ako sa aking edukasyon, nagtitipid sila nang husto sa pagkain. Napakadakila ng pagmamahal na iyon! Hindi ko sila kailanman masusuklian!’ Sa tingin ba ninyo ay pagmamahal iyon? Ano ang mga kahihinatnan ng pagtutulak sa iyo ng iyong mga magulang para umangat kaysa iba, maging isang sikat na tao sa mundo, magkaroon ng magandang trabaho, at makaayon sa mundo? Walang humpay ka nilang pinahahangad na umangat kaysa iba, magbigay ng karangalan sa iyong pamilya, at makiisa sa masasamang kalakaran ng mundo. Bilang resulta, nahuhulog ka sa alimpuyo ng kasalanan, nasasadlak sa perdisyon, at namamatay, nilalamon ni Satanas. Pagmamahal ba iyon? Hindi iyon pagmamahal sa iyo, pamiminsala iyon sa iyo, pagwasak sa iyo. Kung balang araw ay malulubog ka nang napakababa hanggang sa hindi ka na makabawi, napakababa na hindi mo magagawang palayain ang iyong sarili, at babagsak ka sa impiyerno, saka mo lang mapagtatanto na, ‘O, ang pagmamahal ng magulang ay pagmamahal ng laman, at hindi ito nakakabuti sa pananampalataya sa Diyos o sa pagkamit ng katotohanan—hindi ito tunay na pagmamahal!’ Maaaring hindi pa ninyo ito napagtatanto. Sinasabi ng ilang tao, ‘Hindi ko maramdaman kung gaano ako kamahal ng Diyos. Ramdam ko pa rin na ang nanay ko ang pinakanagmamahal sa akin. Si Nanay ang pinakamalapit na tao sa akin sa mundo. May isang kanta na pinamagatang “Si Nanay ang Pinakamabuti sa Buong Mundo.” Sumasalamin ito sa realidad; talagang totoo ang pahayag na ito!’ Balang araw, kapag talagang mayroon kang buhay pagpasok, at kapag nakamit mo na ang katotohanan, sasabihin mong, ‘Hindi ang nanay ko ang pinakanagmamahal sa akin, hindi rin ang aking tatay. Pinakamamahal ako ng Diyos, at Siya ang pinakamamahal ko, dahil binigyan Niya ako ng buhay, at palagi Niya akong inaakay, tinutustusan ako, at iniligtas Niya ako mula sa impluwensiya ni Satanas. Ang Diyos ang Nag-iisang nagbibigay ng buhay sa mga tao, na umaakay sa mga tao, at Siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay.’ Kapag naunawaan mo ang katotohanan at ganap mong nakamit ang katotohanan, saka mo lang malalim na mapahahalagahan ang mga salitang ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Makamit ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao ng mga Aral Mula sa mga Tao, Pangyayari, at Bagay sa Kanyang Paligid). Dati, hindi ko talaga matanggap ang dalawang siping ito ng mga salita ng Diyos. Pakiramdam ko ang mga magulang ko ang mga taong pinakanagmamahal sa akin sa buong mundo, lalo na ang nanay ko, na nagdusa nang husto para palakihin kami ng kapatid ko. Nang pagalitan niya ako dahil hindi ako nag-aasawa, hindi ba’t ito ang tinutukoy ng kasabihang, “Kung gaano kalalim ang pagmamahal, ganoon din katindi ang pagsaway”? Akala ko gusto lang ng nanay ko na makahanap ako ng mabuting pamilya at maging masaya, at na sila lang ang mga tao sa mundo na hindi ako kailanman lolokohin o sasaktan. Pero nang basahin kong muli ang mga salitang ito ng Diyos matapos itong maranasan, tuluyan ko na itong natanggap. Sinasabi ng nanay ko na para iyon sa ikabubuti ko, para makapag-asawa ako ng mula sa isang mabuting pamilya at maging masaya. Pero ang totoo, iniisip lang niya ang sarili niyang pride, para hindi siya pagtsismisan ng mga tao nang nakatalikod, at para makaharap siya nang taas-noo sa iba. Kaya gusto niyang mag-asawa na ako agad kahit kaninong tatanggap sa akin—sinasabi pa nga na kahit lumpo ay puwede na. Hindi niya talaga iniisip ang kaligayahan ko kahit kaunti! Ang pagmamahal ng nanay ko ay may mga karumihan. Sarili lang niya ang iniisip niya at hindi niya talaga ako mahal. Higit pa rito, gustung-gusto niyang mag-asawa na ako para magamit niya itong patibong, para mamuhay ako sa pag-aasikaso sa aking asawa at pagpapalaki ng mga anak ko sa bahay at pigilan akong manampalataya sa Diyos at gawin ang tungkulin ko. Sa wakas ay nakita ko na hindi talaga kapakanan ko ang iniisip ng nanay ko; sinusubukan niya akong ilayo sa Diyos, kinakaladkad ako sa lungga ni Satanas! Kung talagang nakinig ako sa kanya, mapapalugod sana ang laman ko, pero mas kaunti ang magiging oras at lakas ko para gawin ang tungkulin ko at hangarin ang katotohanan. Sa huli, masisira ang pagkakataon kong maligtas. Mali ang pananaw sa pag-aasawa na itinuro sa akin ng nanay ko. Magiging dahilan ito para mawalan ako ng respeto sa pag-aasawa, at ituring ang pag-aasawa at pagdidiborsiyo na parang laro. Hindi niya ako maituturo sa tamang landas sa buhay. Ang katotohanang ipinahayag ng Diyos ang nagbigay sa akin ng mga tamang hangarin sa buhay. Halimbawa, sinasabi sa atin ng Diyos na igalang ang pag-aasawa at huwag makipagtalik sa hindi mo asawa; isa itong pagpapamalas ng normal na pagkatao. Isa pa, ang pagtupad sa tungkulin ng isang nilikha ang pinakamakabuluhang uri ng buhay, at sa paghahangad lang sa katotohanan at pagbabago sa disposisyon tayo maliligtas at mananatiling buhay. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakita ko nang malinaw na hindi totoong pagmamahal ang pagmamahal sa akin ng nanay ko. Ang Diyos ang Siyang pinakanagmamahal sa akin.
Palagi kong itinuturing ang mga magulang ko bilang pinakamalalapit na tao sa akin. Hindi ko kailanman kinilatis kung alin sa mga ginagawa nila ang tama at kung alin ang mali, at hindi ko alam kung paano sila dapat tratuhin nang tama. Nang mabasa ko lang ang mga salita ng Diyos saka ako nagkaroon ng kaunting pagkakilatis sa kanila. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Balang araw, kapag naunawaan mo na ang ilan sa katotohanan, hindi mo na iisipin na ang nanay mo ang pinakamabuting tao, o na ang mga magulang mo ang pinakamabubuting tao. Matatanto mo na mga miyembro din sila ng tiwaling sangkatauhan, na pare-pareho lahat ang kanilang mga tiwaling disposisyon, na ang tanging nagbubukod sa kanila ay ang ugnayan ng dugo sa pagitan ninyo, at na kung hindi sila nananampalataya sa Diyos, kapareho sila ng mga walang pananampalataya. Hindi mo na sila titingnan mula sa pananaw ng isang kapamilya, o mula sa pananaw ng inyong ugnayan sa laman, kundi mula sa panig ng katotohanan. Ano ang mga pangunahing aspektong dapat mong tingnan? Dapat mong tingnan ang kanilang mga pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos, ang kanilang mga pananaw tungkol sa mundo, ang kanilang mga pananaw kapag pinangangasiwaan ang mga usapin, at ang pinakamahalaga, ang kanilang saloobin ukol sa Diyos. Kung tumpak mong titingnan ang mga aspektong ito, malinaw mong makikita kung sila ay mabubuti o masasamang tao. Isang araw ay maaaring malinaw mong makita na sila ay mga taong may mga tiwaling disposisyon katulad mo, at hindi sila ang mababait na tao na may tunay na pagmamahal para sa iyo na tulad ng inaakala mo, at na hindi ka nila maaakay sa katotohanan o sa tamang landas sa buhay kahit kaunti. Maaaring malinaw mong makita na ang nagawa nila para sa iyo ay walang gaanong pakinabang sa iyo, at na hindi ito nakakatulong sa iyo sa pagtahak mo sa tamang landas sa buhay. Maaaring makita mo rin na marami sa kanilang mga kilos at opinyon ang sumasalungat sa katotohanan, ang sa laman, at nagpaparamdam sa iyo ng paghamak, pag-ayaw, at pagkasuklam. Kung makikita mo ang mga bagay na ito, matatrato mo na nang tama ang iyong mga magulang sa puso mo, at hindi ka na mangungulila sa kanila, mag-aalala tungkol sa kanila, at makakaya mo nang mamuhay nang malayo sa kanila; nakompleto na nila ang kanilang misyon bilang mga magulang. Hindi mo na sila ituturing bilang pinakamalapit na mga tao sa iyo o iidolohin sila. Sa halip, ituturing mo silang mga ordinaryong tao, at sa panahong iyon, ganap kang makakalaya mula sa gapos ng pagkagiliw at tunay na makakaahon mula sa pagkagiliw at sa pagmamahal sa pamilya. Kapag lumayo ka na sa pagkagiliw at pagmamahal sa pamilya, mapagtatanto mo na hindi karapat-dapat pahalagahan ang mga bagay na iyon. Sa puntong iyon, makikita mo na ang mga kamag-anak, pamilya, at ugnayan sa laman ay mga balakid sa pag-unawa sa katotohanan at sa pagpapalaya ng iyong sarili mula sa pagkagiliw. Makikita mo na dahil mayroon kang pampamilyang ugnayan, ang ugnayan sa laman na iyon, sa mga magulang mo, na nagpaparalisa sa iyo, at nagliligaw sa iyo, naniniwala ka na sila ang pinakamalapit sa iyo, nag-aalaga sa iyo nang higit pa sa sinuman, at pinakanagmamahal sa iyo, at hindi mo malinaw na makilatis kung sila ba ay mabubuti o masasamang tao. Sa sandaling tunay na makalayo ka mula sa pagkagiliw, mangungulila ka pa rin ba sa kanila nang buong puso, pakaiisipin mo pa rin ba sila, at mag-aalala sa kanila gaya ng ginagawa mo ngayon kapag naiisip mo sila paminsan-minsan? Hindi na. Hindi mo sasabihing: ‘Ang taong talagang hindi puwedeng hindi ko kasama ay ang nanay ko; siya ang nagmamahal sa akin, nag-aalaga sa akin, at nagmamalasakit sa akin higit sa lahat.’ Kapag mayroon kang ganitong antas ng pang-unawa, mangungulila ka pa rin ba sa kanila nang husto na maiiyak ka? Hindi na. Ang problemang ito ay malulutas” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Paglutas Lamang sa mga Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao ang Makapagdudulot ng Tunay na Pagbabago). Dati, itinuturing ko ang nanay ko bilang pinakamalapit na tao sa akin. Pakiramdam ko, dahil nanay ko siya, anuman ang gawin niya ay para sa ikabubuti ko. Palagi niya akong itinutulak na pumunta sa mga isinaayos na date at na mag-asawa. Kahit na kinamumuhian ko ito at nasusuklam ako, pumupunta pa rin ako sa mga isinaayos na date na ito bilang pagsunod sa mga gusto niya. Sa pagkakita sa mga magulang ko na palaging nag-aalala at nababalisa sa pag-aasawa ko ay nakokonsensiya ako, at sinisisi ko ang sarili ko dahil hindi ako nagiging isang mabuti at masunurin anak. Ang totoo, nagtanim ang nanay ko sa akin ng maling pananaw sa pag-aasawa, pero dahil magkadugo kami, wala akong anumang pagkakilatis sa kanya. Sinasabi sa atin ng Diyos na igalang ang pag-aasawa at huwag makipagtalik sa hindi mo asawa, pero itinuring ng nanay ko na parang laro ang pag-aasawa. Itinuring niya na ang paghahanap ng mas maraming mapapangasawa ay tanda ng pagkakaroon ng kakayahan. Halimbawa, ang mga pinsan ko, hindi nila iginagalang ang pag-aasawa at itinuturing itong parang laro, nagpapakasal at nakikipagdiborsiyo kung kailan nila gusto. Kasal na ang nakatatanda kong pinsan, pero naging kabit siya ng isang lalaking may asawa, na isang pakikiapid. Hindi ito tiningnan ng nanay ko bilang kahiya-hiya o kawalang-dangal; inisip pa nga niya na iyon ay pagiging may kakayahan. Maingat ako sa pag-aasawa. Ayaw kong basta-basta na lang pumasok at lumabas sa isang relasyon o makipag-date kung kani-kanino nang walang ingat gaya ng iba. Dahil dito, pinagalitan ako ng nanay ko sa pagiging walang kakayahan at sinabing sa hindi ko pag-aasawa, pinapahiya ko sila at pinipigilan ko silang makaharap nang taas-noo. Tumanggap ang nanay ko ng mga ideya mula sa masasamang kalakaran at hindi na niya matukoy kung ano ang tama sa mali; binaligtad na niya ang tama at mali. Ang pananaw niya sa mga bagay-bagay ay ganap nang baluktot. Sa buong panahong ito, nabulag ako ng aming ugnayan sa pamilya, palaging iniisip na anuman ang ginagawa ng nanay ko ay para sa ikabubuti ko. Pero sa realidad, namumuhay siya ayon sa mga batas ng pananatiling buhay ni Satanas, at hindi niya maiwasang maloko at mapinsala ni Satanas. Paano niya ako maaakay sa tamang landas sa buhay? Noon ko lang nakilatis nang kaunti ang nanay ko at tinigil ko ang paninisi sa sarili ko dahil hindi ko natugunan ang mga hinihingi nila.
Noong 2018, ipinagkanulo ako ng isang Hudas dahil sa pananalig ko sa Diyos. Pumunta sa bahay ko ang mga tao mula sa National Security Brigade para arestuhin ako, pero dahil ginagawa ko ang tungkulin ko sa ibang lugar, nakatakas ako sa sakuna. Hindi na ako nangahas na umuwi simula noon. Dahil malaya na sa presyur ng mga magulang ko na mag-asawa ako, mas nailaan ko ang aking puso sa aking tungkulin, at mas naunawaan ko ang katotohanan kaysa noon.
Noong 2024, Ibinahagi at hinimay ng Diyos ang walang katotohanang pananaw na “Ang magulang ay palaging tama.” Labis akong naantig nang mabasa ko ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “‘Ang magulang ay palaging tama.’ Ano ang ibig sabihin ng kasabihang ito? Nangangahulugan ito na tama man o mali ang mga magulang mo, dahil ipinanganak at pinalaki ka ng iyong mga magulang, para sa iyo, ang lahat ng ginagawa ng mga magulang mo ay tama. Hindi mo pwedeng husgahan kung sila ay tama o mali, at hindi mo rin sila pwedeng tanggihan, lalo na ang labanan sila. Ito ay tinatawag na paggalang sa mga magulang. Kahit na nakagawa ng mali ang mga magulang mo, at kahit na luma na o mali ang ilan sa kanilang mga ideya at pananaw, o hindi wasto o positibo ang paraan ng kanilang pagtuturo sa iyo at ang mga ideya at pananaw nila na itinuturo sa iyo, hindi mo sila dapat pagdudahan o tanggihan, dahil may kasabihan tungkol diyan—‘Ang magulang ay palaging tama.’ Pagdating sa mga magulang, hindi mo dapat kilatisin o suriin kung sila ay tama o mali, dahil para sa mga anak, ang kanilang buhay at lahat ng kanilang pag-aari ay nagmumula sa kanilang mga magulang. Walang mas mataas sa iyong mga magulang, kaya kung may konsensiya ka, hindi mo sila dapat pupunahin. Gaano man kamali o hindi perpekto ang iyong mga magulang, mga magulang mo pa rin sila. Sila ang mga taong pinakamalapit sa iyo, nagpalaki sa iyo, ang mga taong pinakamabuti ang pagtrato sa iyo, at ang mga taong nagbigay sa iyo ng buhay. Hindi ba’t tinatanggap ng lahat ang kasabihang ito? At dahil sa mismong pag-iral ng mentalidad na ito, iniisip ng mga magulang mo na pwede ka nilang tratuhin nang walang prinsipyo, at gumamit ng iba’t ibang pamamaraan para igiya ka sa paggawa ng lahat ng uri ng bagay, at magkintal ng iba’t ibang ideya sa iyo. Sa kanilang pananaw, iniisip nila, ‘Tama ang aking mga motibo, para ito sa ikabubuti mo. Ang lahat ng mayroon ka ay ibinigay ko sa iyo. Ipinanganak at pinalaki kita, kaya hindi ako maaaring magkamali sa kung paano man kita tatratuhin, dahil ang lahat ng ginagawa ko ay para sa iyong ikabubuti at hindi kita sasaktan o ipapahamak.’ Mula sa perspektiba ng mga anak, tama ba na ang kanilang saloobin sa kanilang mga magulang ay dapat na nakabatay sa kasabihang ito, ‘Ang magulang ay palaging tama’? (Hindi, mali ito.) Tiyak na mali ito. … Paano natin dapat tingnan ang bagay na ito ayon sa katotohanan? Paano ba ito maipapahayag nang tama? Ang katawan at buhay ba ng mga anak ay ibinigay sa kanila ng kanilang mga magulang? (Hindi.) Ang katawan ng isang tao ay ipinanganak ng kanyang mga magulang, ngunit saan nanggagaling ang kakayahan ng mga magulang na magkaanak? (Ito ay ibinigay ng Diyos at nanggagaling sa Diyos.) Paano naman ang kaluluwa ng isang tao? Saan ito nanggaling? Galing din ito sa Diyos. Kaya sa pinakaugat, ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at ang lahat ng ito ay pauna na Niyang inorden. Ang Diyos ang paunang nag-orden na maisilang ka sa pamilyang ito. Nagpadala ang Diyos ng kaluluwa sa pamilyang ito, at pagkatapos ay ipinanganak ka sa pamilyang ito, at mayroon ka nitong paunang itinadhanang relasyon sa iyong mga magulang—ito ay paunang inorden ng Diyos. Dahil lamang sa kataas-taasang kapangyarihan at paunang pag-orden ng Diyos kaya ka isinilang ng iyong mga magulang at kaya ka isinilang sa pamilyang ito. Ito ang pagtingin dito mula sa ugat” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (13)). “Dahil namumuhay ang lahat sa gitna nitong masamang sangkatauhan, lahat sila ay lumalaki sa isang kapaligiran kung saan tinatanggap nila ang mga tradisyonal na pamamaraan ng kanilang mga pamilya, edukasyon ng estado, at pagkondisyon ng lipunan. Ang tinatanggap ng mga tao ay ang lahat ng iba’t ibang ideya at pananaw na nagmumula sa masamang mundo, na sa huli ay pawang mga maling paniniwala at maling kaisipan mula kay Satanas, na hindi talaga umaayon sa katotohanan, at walang katotohanan sa mga ito; higit pa rito, hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang katotohanan. Mula sa pananaw na ito, ang mga magulang at ang kanilang mga anak ay pantay-pantay at may parehong mga ideya at pananaw. Iyon nga lang, mas maagang tinanggap ng mga magulang ang mga ideya at pananaw na ito nang 20 o 30 taon, samantalang medyo huli itong tinanggap ng mga anak. Ibig sabihin, yamang may parehong panlipunang pinagmulan, hangga’t isa kang normal na tao, kapwa ikaw at ang iyong mga magulang ay tumanggap ng parehong katiwalian mula kay Satanas, ng pagkondisyon ng klimang panlipunan, at ng parehong mga ideya at pananaw na nagmumula sa iba’t ibang masasamang kalakaran sa lipunan. Mula sa pananaw na ito, ang mga anak ay kauri ng kanilang mga magulang. … At dahil isinisilang at pinalalaki ng mga magulang ang kanilang mga anak at mayroon silang ganitong espesyal na katayuan, ang mga anak ay dapat na maging mabuting anak sa kanilang mga magulang at tuparin ang kanilang mga obligasyon sa kanila. Ito ang tanging responsabilidad ng mga tao sa kanilang mga magulang. Pero dahil ang mga magulang at mga anak ay pare-parehong mga tiwaling tao, ang mga magulang ay hindi mga moral na huwaran para sa kanilang mga anak, ni hindi sila mga halimbawa o huwaran para sa kanilang mga anak sa paghahangad ng mga ito sa katotohanan, lalong hindi mga huwaran para sa kanilang mga anak pagdating sa pagsamba at pagpapasakop sa Diyos. Siyempre, ang mga magulang ay hindi rin ang mismong pagsasakatawan ng katotohanan. Hindi dapat ituring ng mga anak ang kanilang mga magulang bilang mga moral na huwaran, lalong wala silang anumang obligasyon o responsabilidad na sundin ang mga ito nang walang kondisyon. Hindi rin dapat matakot ang mga anak na gumamit ng pagkilatis sa mga kilos, pag-uugali, at disposisyong diwa ng kanilang mga magulang. Ibig sabihin, hindi dapat panghawakan ng mga anak ang ideya na ‘Ang magulang ay palaging tama’ pagdating sa kung paano nila tinatrato ang kanilang mga magulang. Ang pananaw na ito ay batay sa espesyal na katayuan ng mga magulang, iyon ay na ipinanganak nila ang kanilang mga anak sa ilalim ng paunang pag-orden ng Diyos, at kaya, pagdating sa laman, ang kanilang katayuan at ang kanilang henerasyon sa loob ng pamilya ay naiiba sa kanilang mga anak. Dahil sa pagkakaibang ito, itinuturing ng mga tao ang kanilang mga magulang bilang isang uri ng mga tao na hindi kailanman nagkakamali. Tama ba ito? (Hindi.) Ito ay wala sa katwiran at hindi umaayon sa katotohanan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (13)).
Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang “Ang magulang ay palaging tama” ay isang maling ideya na itinatanim sa atin ni Satanas sa pamamagitan ng edukasyon sa pamilya at paghubog ng lipunan. Pinaparamdam nito sa atin na ang mga magulang natin ang pinakamalalapit na tao sa atin at ang mga pinakanagmamahal sa atin, kaya dapat nating tanggapin nang walang pasubali ang lahat ng itinuturo nila sa atin. Hindi natin kailanman isinasaalang-alang kung tama ba ang mga salita nila, basta na lang naniniwala na anuman ang gawin ng mga magulang ay para sa ikabubuti natin. Pakiramdam natin, hindi dapat husgahan ng mga anak kung tama o mali ang kanilang mga magulang, kundi dapat lang silang sumunod nang walang pasubali. Ang mga kaisipan at ideyang ito ay umaakay sa atin na makinig at sumunod sa ating mga magulang nang walang anumang prinsipyo. Ito ay bulag na pagiging mabuting anak, at inaakay tayo nito sa maling landas. Namumuhay ako ayon sa pananaw na ito na “Ang magulang ay palaging tama.” Naniwala ako na anuman ang gawin ng mga magulang ko, para iyon sa ikabubuti ko—na mas mahal nila ako kaysa kaninuman sa mundo at hindi nila ako kailanman sasaktan. Tinanggap ko nang walang pasubali at walang prinsipyo ang anumang sinabi nila. Hindi ko kailanman sinubukang kilatisin kung tama o mali ba ang kanilang mga pamantayan sa pag-asal at pagkilos; basta bulag lang akong nagtiwala at sumunod sa kanila. Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga magulang ko, tulad ko, ay mga taong ginawang tiwali ni Satanas. Ang mga ideya at pananaw nila ay nagmumula rin kay Satanas. Ang mga sinasabi nila ay hindi ang katotohanan at hindi palaging tama. Hindi ko dapat bulag na sundin ang lahat ng sinasabi ng mga magulang ko o ituring at magpasakop sa mga salita nila na parang mga katotohanan ang mga ito. Naisip ko kung paanong sumampalataya ang nanay ko sa Panginoong Jesus, pero mananampalataya lang siya sa pangalan. Sa kanyang mga kaisipan at ideya, naniniwala siya na “Kapag nasa edad na ang mga lalaki, dapat silang mag-asawa; kapag nasa edad na ang mga babae, dapat na silang magpakasal.” Naniwala siya na ang isang babaeng nasa edad na ay dapat na mag-asawa, magsimula ng pamilya, at mamuhay ng buhay na umiikot sa kanyang pamilya, asawa, at mga anak—na ito lang ang tanging paraan para mamuhay ng normal na buhay. Tiningnan niya ang pananalig sa Diyos bilang isang pananampalataya lang, isang bagay na hindi dapat makasagabal sa pang-araw-araw na buhay. Kaya palagi niya akong pinipresyur na mag-asawa agad at ayaw niya akong manampalataya sa Diyos at gumawa ng tungkulin ko. Wala siyang pakialam sa karakter o pagkatao ng lalaking mapapangasawa ko. Napakairesponsable ng saloobin niya sa pag-aasawa ko. Handa pa nga siyang ipakasal ako sa isang lalaking may kapansanan, o ang magpakasal at magdiborsiyo nang paulit-ulit, para lang protektahan ang sarili sa pagkapahiya at pigilan ang mga tao na sabihing mayroon siyang anak na matandang dalaga. Gusto rin ng nanay ko na gamitin ang pag-aasawa para hadlangan ang pananalig ko sa Diyos. Kung sinunod ko ang mga salita niya, mapapalayo lang ako nang mapapalayo sa Diyos at sa huli ay masisira ang buhay ko. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw para iligtas ang mga tao ay isang napakapambihirang pagkakataon. Ang katunayang hindi pa ako nag-aasawa at walang mga sagabal sa pamilya, na nagpapahintulot sa akin na madaling tahakin ang landas ng pananalig, ay isang mabuting bagay. Ang makasunod sa Diyos at magawa ang tungkulin ng isang nilikha ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang bagay. Ito ang pinakatamang pagpapasya na magagawa ko.
Kalaunan, nagbasa ako ng mas marami pang salita ng Diyos at natutuhan ko kung paano ko dapat tratuhin ang aking mga magulang. Sabi ng Diyos: “Sa pagtrato sa iyong mga magulang, dapat ka munang makatwirang lumabas sa saklaw ng pagiging magkadugo at kilatisin ang iyong mga magulang gamit ang mga katotohanang natanggap at naunawaan mo na. Kilatisin ang iyong mga magulang batay sa kanilang mga kaisipan, pananaw, at motibo tungkol sa kung paano kumilos at umasal, at sa kanilang mga prinsipyo at pamamaraan ng pagkilos at pag-asal, na magpapatunay na sila rin ay mga taong ginawang tiwali ni Satanas. Tingnan at kilatisin sila mula sa perspektiba ng katotohanan, sa halip na laging isipin na dakila, hindi makasarili, at mabait sa iyo ang mga magulang mo, at kung titingnan mo sila sa ganoong paraan, hinding-hindi mo matutuklasan kung ano ang mga isyu sa kanila. Huwag tingnan ang iyong mga magulang mula sa perspektiba ng inyong ugnayan bilang magkapamilya, o mula sa pananaw mo bilang isang anak. Humakbang palabas mula sa saklaw na ito kung paano sila makitungo sa mundo, sa katotohanan, at sa mga tao, pangyayari, at bagay. Gayundin, sa mas partikular, tingnan mo ang mga ideya at pananaw na naikondisyon sa iyo ng iyong mga magulang hinggil sa kung paano mo dapat tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano ka dapat umasal at kumilos—ganito mo sila dapat kilalanin at kilatisin. Sa ganitong paraan, unti-unting magiging malinaw ang kanilang karakter at ang katunayang nagawa silang tiwali ni Satanas. Anong klaseng tao sila? Kung hindi sila mga mananampalataya, ano ang kanilang saloobin sa mga taong nananampalataya sa Diyos? Kung sila ay mananampalataya, ano ang kanilang saloobin sa katotohanan? Sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? Mahal ba nila ang katotohanan? Gusto ba nila ang mga positibong bagay? Ano ang kanilang pananaw sa buhay at sa mundo? At iba pa. Kung makikilatis mo ang iyong mga magulang batay sa mga bagay na ito, magkakaroon ka ng malinaw na ideya. Kapag malinaw na ang mga bagay na ito, magbabago ang dakila, marangal, at hindi natitinag na katayuan ng iyong mga magulang sa isipan mo. At kapag nagbago na ito, ang pagmamahal ng isang ina at ama na ipinapakita ng iyong mga magulang—kasama na ang kanilang mga partikular na salita at kilos, at ang mga dakila nilang imaheng pinanghahawakan mo—ay hindi na gaanong tatatak sa isipan mo” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Hangarin ang Katotohanan (13)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kailangan kong magkaroon ng mga prinsipyo sa pagtrato sa aking mga magulang at pagkilatis sa mga sinasabi nila. Mga tiwali rin silang tao, at ang kanilang mga kaisipan at pananaw ay puno ng iba’t ibang lason ni Satanas. Kung ang sinasabi ng mga magulang ko ay naaayon sa katotohanan, puwede akong makinig sa kanila. Kung hindi, hindi ako maaaring sumunod. Ang pinakatumpak na paraan ay ang tingnan ang mga tao at mga bagay-bagay at umasal at kumilos nang ayon sa mga salita ng Diyos. Ang pananaw ng nanay ko ay kapag nagkakasundo kayo sa pag-aasawa, mananatili kayong magkasama, at kapag hindi, magdidiborsiyo kayo. Tiningnan niya na ang paghahanap ng mas maraming mapapangasawa ay tanda ng pagkakaroon ng kakayahan. Baluktot ang pananaw niya sa pag-aasawa at sumalungat ito sa mga hinihingi ng Diyos. Hindi ko siya dapat bulag na sundin. Kasabay nito, naunawaan ko rin na ang pag-aasawa ay nakasalalay sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos; pauna na Niya itong inorden. Wala itong kinalaman sa mga personal na kagustuhan o mga inaasahan ng magulang. Hindi ako dapat mabuhay para tuparin ang mga pag-asa ng mga magulang ko o ituring ang mga inaasahan nila bilang pasanin ko. Ang tamang saloobin sa sarili kong pag-aasawa ay ang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos.
Sa pagbabalik-tanaw, naimpluwensiyahan ako ng ideyang “Ang magulang ay palaging tama” sa mga nakalipas na taon. Palagi kong iniisip na anuman ang ginawa ng mga magulang ko ay tama at para sa ikabubuti ko, at bulag akong sumunod sa kanila. Kahit na ang mga paraan nila ng paggawa ng mga bagay-bagay ay sumasalungat sa mga gusto ko, sasalungatin ko pa rin ang sarili kong mga gusto para kumilos nang alinsunod sa mga hinihingi nila, at kapag hindi ko matugunan ang mga inaasahan nila, pakiramdam ko ay may utang na loob ako sa kanila. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos kaya unti-unti akong nagkaroon ng pagkilatis sa walang katotohanang ideyang “Ang magulang ay palaging tama,” nahanap ko ang tamang paraan para tratuhin ang mga magulang ko, at nakaramdam ako ng kalayaan sa espiritu ko. Ngayon, mas nailalaan ko na ang aking oras at lakas sa aking tungkulin at nagugugol ko ang pinakamagagandang taon ng buhay ko sa paghahangad sa katotohanan. Lahat ng ito ay salamat sa gabay ng Diyos. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Ni Wang Tao, TsinaNoong tatlong taong gulang ako, nagdiborsyo ang aking mga magulang dahil sa kanilang emosyonal na hindi pagkakatugma, at...
Ni Xu Zhen, TsinaNoon pa man ay mahal na mahal ako ng mga magulang ko, mula pa noong maliit ako, at gumawa sila ng matinding pisikal na...
Ni Aliyah, Timog KoreaMula noong bata pa ako, palagi ko nang itinuturing na mga huwaran ang mga magulang ko sa pananampalataya sa Diyos. Sa...
Ni Sylvie, Italya Kilala sa lugar namin ang tatay ko bilang isang napakamabuting anak. Habang lumalaki ako, madalas kong marinig na...