b. Naniniwala ang relihiyosong mundo na ang lahat ng kasulatan ay binigyang-inspirasyon ng Diyos at na ang lahat ng ito ay Kanyang mga salita; mali ang paniniwalang ito

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ngayon, naniniwala ang mga tao na ang Bibliya ay Diyos, at na ang Diyos ay ang Bibliya. Kaya, naniniwala rin sila na lahat ng salita sa Bibliya ay tanging mga salita na binigkas ng Diyos, at lahat ng ito ay sinabi ng Diyos. Iniisip pa ng mga naniniwala sa Diyos na bagama’t lahat ng animnapu’t anim na aklat ng Luma at Bagong Tipan ay isinulat ng mga tao, lahat ng ito ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng inspirasyon ng Diyos, at isang talaan ng mga pagbigkas ng Banal na Espiritu. Ito ang maling pagkaunawa ng tao, at hindi ito lubos na naaayon sa mga totoong nangyari. Sa katunayan, maliban sa mga aklat ng propesiya, karamihan sa Lumang Tipan ay talaan ng kasaysayan. Ang ilan sa mga sulat sa Bagong Tipan ay nagmula sa mga karanasan ng mga tao, at ang ilan ay nagmula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu; ang mga sulat ni Pablo, halimbawa, ay nagmula sa gawain ng isang tao, resulta ang lahat ng ito ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at isinulat para sa mga iglesia, at mga salitang nagpapayo at naghihikayat sa mga kapatid sa mga iglesia. Hindi ito mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu—hindi makapagsasalita si Pablo sa ngalan ng Banal na Espiritu, at hindi rin siya isang propeta, at lalong hindi siya nakakita ng mga pangitain na nakita ni Juan. Ang kanyang mga sulat ay isinulat para sa mga iglesia ng Efeso, Corinto, Galacia, at iba pang mga Iglesia. Kaya ang mga sulat ni Pablo sa Bagong Tipan ay mga liham ni Pablo para sa mga iglesia, at hindi mga inspirasyon mula sa Banal na Espiritu, ni hindi ito mga tuwirang pagbigkas ng Banal na Espiritu. Mga salita lamang ito ng pagpapayo, pag-aliw, at paghihikayat na isinulat niya para sa mga iglesia habang ginagampanan ang kanyang gawain. Kaya isang talaan din ito ng karamihan ng ginawa ni Pablo sa panahong iyon. Isinulat ang mga ito para sa lahat na kapatid sa Panginoon, upang sundin ng mga kapatid sa iglesia sa panahong iyon ang kanyang payo at sumunod sila sa daan ng pagsisisi ng Panginoong Jesus. Hindi sinabi ni Pablo sa anumang paraan na lahat ay kailangang kumain at uminom ng mga bagay na isinulat niya, mga iglesia man sila noong panahong iyon o sa hinaharap, ni hindi niya sinabi na ang kanyang mga salita ay nagmulang lahat sa Diyos. Ayon sa sitwasyon ng iglesia sa panahong iyon, kinausap lang niya ang mga kapatid, at pinayuhan sila, at binigyang-inspirasyon silang maniwala; at nangaral o nagpaalala lang siya sa mga tao at pinayuhan sila. Ang kanyang mga salita ay batay sa kanyang sariling pasanin, at sinuportahan niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ginampanan niya ang gawain ng isang apostol ng mga iglesia noong panahong iyon, isa siyang manggagawa na ginamit ng Panginoong Jesus, at kaya kailangan niyang tanggapin ang responsibilidad para sa mga iglesia, at kailangan niyang isagawa ang gawain ng mga iglesia, kailangan niyang malaman ang mga sitwasyon ng mga kapatid—at dahil dito, sumulat siya ng mga liham para sa lahat ng kapatid na nasa Panginoon. Lahat ng sinabi niya na nakakapagpatibay at positibo sa mga tao ay tama, pero hindi nito kinatawan ang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at hindi nito maaaring katawanin ang Diyos. Napakasamang pagkaunawa at napakalaking kalapastangan sa Diyos ang tratuhin ng mga tao ang mga talaan ng mga karanasan at mga sulat ng isang tao bilang mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesia! Totoo iyan lalung-lalo na kapag nagmumula ito sa mga sulat ni Pablo para sa mga iglesia, sapagkat ang kanyang mga liham ay isinulat para sa mga kapatid batay sa mga kalagayan at sitwasyon ng bawat iglesia sa panahong iyon, at ginawa upang payuhan ang mga kapatid sa Panginoon, upang matanggap nila ang biyaya ng Panginoong Jesus. Ang kanyang mga sulat ay ginawa para pukawin ang mga kapatid noong panahong iyon. Masasabi na ito ang sarili niyang pasanin, at ang pasanin ding ibinigay sa kanya ng Banal na Espiritu; tutal naman, isa siyang apostol na namuno sa mga iglesia noong panahong iyon, na sumulat ng mga liham para sa mga iglesia at pinayuhan sila—iyon ang kanyang responsibilidad. Ang kanyang pagkakakilanlan ay sa isang naglilingkod lamang na apostol, at isa lang siyang apostol na isinugo ng Diyos; hindi siya isang propeta, ni isang manghuhula. Para sa kanya, ang sarili niyang gawain at ang buhay ng mga kapatid ang pinakamahalaga. Kaya hindi siya makapagsasalita sa ngalan ng Banal na Espiritu. Ang kanyang mga salita ay hindi mga salita ng Banal na Espiritu, at lalong hindi masasabi na mga salita iyon ng Diyos, sapagkat si Pablo ay wala nang iba pa kundi isang nilalang lamang ng Diyos, at tiyak na hindi ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang kanyang pagkakakilanlan ay hindi kapareho ng kay Jesus. Ang mga salita ni Jesus ay mga salita ng Banal na Espiritu, ito ay mga salita ng Diyos, sapagkat ang Kanyang pagkakakilanlan ay iyong kay Cristo—ang Anak ng Diyos. Paano Siya magiging isang kapantay ni Pablo? Kung ituturing ng mga tao ang mga sulat o salita na katulad ng kay Pablo bilang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at sinasamba ang mga ito bilang Diyos, masasabi lamang na masyado silang hindi maselan. Sa mas masakit na pananalita, hindi ba ito’y wala nang iba kundi paglapastangan sa Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? At paanong nakayuyukod ang mga tao sa mga talaan ng kanyang mga sulat at ng mga salitang kanyang sinabi na para bang ang mga ito ay isang banal na aklat, o isang makalangit na aklat? Maaari bang kaswal na bigkasin ng tao ang mga salita ng Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? Kaya, ano ang masasabi mo—maaari bang hindi mabahiran ng sarili niyang mga kaisipan ang mga isinulat niya para sa mga iglesia? Paanong hindi mababahiran ang mga ito ng mga ideya ng tao? Isinulat niya ang mga liham para sa mga iglesia batay sa personal niyang mga karanasan at sarili niyang kaalaman. Halimbawa, sumulat si Pablo ng liham sa mga iglesia sa Galacia na may partikular na opinyon, at sumulat si Pedro ng isa pa, na may ibang pananaw. Alin dito ang nagmula sa Banal na Espiritu? Walang makapagsasabi nang tiyak. Kaya masasabi lamang na pareho silang may pasanin para sa mga iglesia, ngunit ang kanilang mga sulat ay kumatawan sa kanilang tayog, kinakatawan nito ang kanilang panustos at suporta para sa mga kapatid, at ang kanilang pasanin sa mga iglesia, at kinakatawan lamang nito ang gawain ng tao—hindi lubos na sa Banal na Espiritu ang mga ito. Kung sinasabi mo na ang kanyang mga sulat ay mga salita ng Banal na Espiritu, kakatwa ka, at nilalapastangan mo ang Diyos! Ang mga sulat ni Pablo at ang iba pang mga sulat sa Bagong Tipan ay katumbas ng mga talambuhay ng makabagong espirituwal na mga tao. Kapantay sila ng mga aklat ni Watchman Nee o ng mga karanasan ni Lawrence, at ng iba pa. Talagang hindi lang tinipon ang mga aklat ng makabagong espirituwal na mga tao sa Bagong Tipan, pero ang diwa ng mga taong ito ay pareho: Sila ang mga taong ginamit ng Banal na Espiritu sa isang partikular na panahon, at hindi nila maaaring tuwirang katawanin ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3

Kailangan mong malaman kung gaano karami ang mga bahaging napapaloob sa Bibliya. Ang Lumang Tipan ay naglalaman ng Genesis, Exodus…, at mayroon ding mga aklat ng propesiya na isinulat ng mga propeta. Sa huli, ang Lumang Tipan ay nagtatapos sa Aklat ni Malakias. Itinatala nito ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, na pinamunuan ni Jehova. Mula sa Genesis hanggang sa Aklat ni Malakias, ito ay isang komprehensibong tala ng lahat ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan. Ibig sabihin, ang Lumang Tipan ay tala ng lahat ng karanasan ng tao na ginabayan ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Noong Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, ang malaking bilang ng mga propeta na ginamit ni Jehova ay nagwika ng mga propesiya para sa Kanya, nagbigay sila ng mga tagubilin sa iba’t ibang mga tribo at bansa, at ipinropesiya ang gawain na gagawin ni Jehova. Ang lahat ng mga taong ito na itinaguyod ng Diyos ay binigyan ni Jehova ng Espiritu ng propesiya: Nakita nila ang mga pangitain mula kay Jehova, at narinig nila ang Kanyang tinig, at dahil dito, sila’y nabigyan Niya ng inspirasyon at nagsulat ng propesiya. Ang gawain na kanilang ginawa ay paghahayag ng tinig ni Jehova, ang pagpapahayag ng propesiya ni Jehova, at ang gawain ni Jehova noong panahong iyon ay upang magabayan lamang ang mga tao sa pamamagitan ng Espiritu. Hindi Siya nagkatawang-tao, at hindi nakita ng mga tao ang Kanyang mukha. Kung kaya’t gumamit Siya ng maraming propeta upang magawa ang Kanyang gawain, at binigyan sila ng mga orakulo na kanilang ipinasa sa bawat tribo at angkan ng Israel. Ang kanilang gawain ay magsalita ng propesiya, at ang ilan sa kanila ay isinulat ang mga tagubilin ni Jehova sa kanila upang ipakita sa iba. Ginamit ni Jehova ang mga taong ito upang magsalita ng propesiya, upang ipropesiya ang gawain ng hinaharap o ang gawain na gagawin pa sa panahong iyon, upang makita ng mga tao ang pagiging kamangha-mangha at ang karunungan ni Jehova. Ang mga aklat na ito ng propesiya ay medyo naiiba sa ibang mga aklat ng Bibliya. Ang mga ito ay mga salitang binigkas o isinulat ng mga binigyan ng Espiritu ng propesiya—ng mga nagkaroon ng mga pangitain o tinig mula kay Jehova. Maliban sa mga aklat ng propesiya, ang lahat ng iba pa sa Lumang Tipan ay binubuo ng mga talaan na ginawa ng mga tao matapos magawa ni Jehova ang Kanyang gawain. Ang mga librong ito ay hindi maipanghahalili sa mga ipinropesiya ng mga propeta na itinaguyod ni Jehova, sa katulad na paraan na ang Genesis at Exodus ay hindi maikukumpara sa Aklat ni Isaias at sa Aklat ni Daniel. Ang mga propesiya ay sinabi bago pa isinagawa ang gawain, samantalang ang ibang aklat ay isinulat pagkatapos na makumpleto ang gawain, na siya namang kayang gawin ng mga tao. Ang mga propeta ng panahong iyon ay binigyang-inspirasyon ni Jehova at nagsabi ng ilang propesiya, marami silang binigkas na mga salita, at nagpropesiya sila tungkol sa mga bagay-bagay sa Kapanahunan ng Biyaya, pati na rin sa pagkawasak ng mundo sa mga huling araw—ang gawain na binalak gawin ni Jehova. Nakatala sa lahat ng natitirang aklat ang ginawa ni Jehova sa Israel. Kaya kapag binabasa mo ang Bibliya, ang binabasa mo higit sa lahat ay kung ano ang ginawa ni Jehova sa Israel; pangunahing nakatala sa Lumang Tipan ng Bibliya ang gawain ni Jehova ng paggabay sa Israel, ang paggamit Niya kay Moises upang gabayan ang mga Israelita palabas ng Ehipto, na nag-alis ng mga kadena ng Faraon sa kanila, at nagdala sa kanila sa ilang, matapos noon ay pumasok sila sa Canaan at ang lahat ng sumunod dito ay tungkol sa kanilang buhay sa Canaan. Ang lahat ng bukod dito ay mga tala ng gawain ni Jehova sa buong Israel. Ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain ni Jehova sa Israel, ito ang gawaing ginawa ni Jehova sa lupain kung saan nilikha Niya sina Adan at Eba. Mula nang opisyal na sinimulan ng Diyos na pamunuan ang mga tao sa daigdig pagkaraan ni Noe, ang lahat ng nakatala sa Lumang Tipan ay gawain sa Israel. At bakit walang nakatala na kahit anong gawain sa labas ng Israel? Dahil ang lupain ng Israel ay ang duyan ng sangkatauhan. Sa simula, walang ibang bansa maliban sa Israel, at si Jehova ay hindi gumawa sa anupamang lugar. Sa ganitong paraan, ang nakasulat sa Lumang Tipan ng Bibliya ay gawaing lahat ng Diyos sa Israel noong panahong iyon. Ang mga salitang binigkas ng mga propeta, ni Isaias, Daniel, Jeremias, at Ezekiel … ang kanilang mga salita ay nagpropesiya ng iba pa Niyang mga gawain sa daigdig, ipinropesiya nila ang gawain ng Mismong Diyos na si Jehova. Ang lahat ng ito ay mula sa Diyos, ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu, at bukod sa mga aklat na ito ng mga propeta, ang lahat ng iba pa ay tala ng mga karanasan ng mga tao sa gawain ni Jehova noong panahong iyon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1

Hindi lahat ng nasa Bibliya ay isang talaan ng mga salitang personal na sinabi ng Diyos. Isinasaad lang ng Bibliya ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, kung saan ang isang bahagi ay isang talaan ng mga propesiya ng mga propeta, at ang isang bahagi ay mga karanasan at kaalamang isinulat ng mga taong ginamit ng Diyos sa nagdaang mga panahon. Ang mga karanasan ng tao ay nabahiran ng mga opinyon at kaalaman ng tao, na hindi maiiwasan. Matatagpuan sa maraming aklat sa Bibliya ang mga kuru-kuro ng tao, mga pagkiling ng tao, at mga kakatwang pag-unawa ng tao. Siyempre, karamihan ng mga salita ay resulta ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at tama ang mga pagkaunawang iyon—pero hindi pa rin masasabi na ang mga ito ay tumpak na mga pagpapahayag ng katotohanan. Ang kanilang mga pananaw tungkol sa ilang bagay ay walang iba kundi ang kaalamang hango sa personal na karanasan, o ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga propesiya ng mga propeta ay personal na itinagubilin ng Diyos: Ang mga propesiya ng mga katulad nina Isaias, Daniel, Ezra, Jeremias, at Ezekiel ay nagmula sa tuwirang tagubilin ng Banal na Espiritu; ang mga taong ito ay mga tagakita, natanggap nila ang Espiritu ng propesiya, at lahat sila ay propeta ng Lumang Tipan. Noong Kapanahunan ng Kautusan, ang mga taong ito, na nakatanggap ng inspirasyon ni Jehova, ay nagsalita ng maraming propesiya, na tuwirang itinagubilin ni Jehova.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3

Ngayon, sino sa inyo ang nangangahas na magsabi na ang lahat ng salitang sinabi ng mga ginamit ng Banal na Espiritu ay mula sa Banal na Espiritu? Mayroon bang nangangahas sabihin ang gayong mga bagay? Kung sinasabi mo nga ang gayong mga bagay, bakit iwinaksi ang aklat ng propesiya ni Ezra, at bakit ganoon din ang ginawa sa mga aklat ng mga sinaunang banal at propeta? Kung ang lahat ng iyon ay mula sa Banal na Espiritu, bakit kayo nangangahas gumawa ng ganoong mga pabago-bagong pagpili? Karapat-dapat ka bang pumili ng gawain ng Banal na Espiritu? Marami ring kwento mula sa Israel ang iwinaksi. At kung naniniwala kang ang mga kasulatang ito mula sa nakaraan ay pawang mula sa Banal na Espiritu, kung gayon bakit iwinaksi ang ilan sa mga aklat? Kung ang lahat ng ito ay mula sa Banal na Espiritu, ang lahat ng ito ay dapat pinanatili, at ipinadala sa mga kapatid sa mga iglesia upang basahin. Hindi dapat pinili at iwinaksi ang mga ito batay sa kagustuhan ng tao; mali ang gawin iyon. Ang pagsasabi na ang mga karanasan nina Pablo at Juan ay nahaluan ng kanilang mga sariling kabatiran ay hindi nangangahulugan na ang kanilang mga karanasan at kaalaman ay nagmula kay Satanas, kundi na mayroon lamang silang mga bagay na nagmula sa kanilang mga sariling karanasan at kabatiran. Ang kanilang kaalaman ay ayon sa nangyari sa kanilang mga aktwal na karanasan noong panahong iyon, at sino ang siguradong makapagsasabi na nagmula ang lahat ng ito sa Banal na Espiritu? Kung nagmula sa Banal na Espiritu ang lahat ng Apat na Ebanghelyo, bakit magkakaiba ang sinabi nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan tungkol sa gawain ni Jesus? Kung hindi kayo naniniwala rito, tingnan ninyo ang mga tala sa Bibliya kung paanong tatlong beses na itinanggi ni Pedro ang Panginoon: Magkakaiba ang lahat ng ito, at bawat isa ay mayroong kanya-kanyang mga katangian. Maraming mangmang ang nagsasabing, “Ang Diyos na nagkatawang-tao ay isa ring tao, kaya ang mga salita ba na Kanyang sinasabi ay maaaring ganap na mula sa Banal na Espiritu? Kung ang mga salita nina Pablo at Juan ay nahaluan ng kalooban ng tao, ang mga salita bang Kanyang sinasabi ay hindi talaga nahaluan ng kalooban ng tao?” Ang mga taong nagsasabi ng ganoong bagay ay mga bulag at mangmang! Basahin ninyo nang mabuti ang Apat na Ebanghelyo; basahin ninyo kung ano ang kanilang itinala tungkol sa mga bagay na ginawa ni Jesus, at ang mga salitang sinabi Niya. Ang bawat ulat ay talagang magkakaiba, at ang bawat isa ay mayroong sarili nitong pananaw. Kung ang isinulat ng mga may-akda ng mga aklat na ito ay nagmula lahat sa Banal na Espiritu, dapat magkakatulad at hindi pabago-bago ang lahat ng ito. Kaya bakit mayroong mga pagkakaiba? Hindi ba lubhang hangal ang mga tao para hindi ito makita?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan

Nakasaad sa Ebanghelyo ni Mateo sa Bagong Tipan ang talaangkanan ni Jesus. Sa simula, sinasabi rito na si Jesus ay inapo ni Abraham at ni David, at anak ni Jose; pagkatapos ay sinabi rito na ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, at ipinanganak ng isang birhen—ibig sabihin ay hindi Siya anak ni Jose o inapo ni Abraham at ni David. Gayunman, iginigiit ng talaangkanan na iugnay si Jesus kay Jose. Pagkatapos, sinimulang itala ng talaangkanan ang proseso kung paano isinilang si Jesus. Sabi rito, si Jesus ay ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na Siya ay ipinanganak ng isang birhen, at hindi Siya anak ni Jose. Pero sa talaangkanan malinaw na nakasulat na si Jesus ay anak ni Jose, at dahil isinulat ang talaangkanan para kay Jesus, apatnapu’t dalawang henerasyon ang nakatala rito. Pagdating sa henerasyon ni Jose, dali-dali nitong sinabi na si Jose ang asawa ni Maria, mga salita na nilayong patunayan na si Jesus ay inapo ni Abraham. Hindi ba pagsalungat ito? Malinaw na isinasaad ng talaangkanan ang kanunu-nunuan ni Jose, malinaw na ito ang talaangkanan ni Jose, pero iginigiit ni Mateo na ito ang talaangkanan ni Jesus. Hindi ba nito ikinakaila ang katunayang ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu? Samakatuwid, hindi ba’t ang talaangkanang ginawa ni Mateo ay ideya ng tao? Nakakatawa ito! Sa ganitong paraan mo malalaman na ang aklat na ito ay hindi lubusang nagmula sa Banal na Espiritu. Marahil, may ilang tao na nag-aakala na may talaangkanan talaga ang Diyos sa lupa, kaya itinalaga nila si Jesus bilang ika-apatnapu’t dalawang henerasyon ni Abraham. Nakakatawa talaga iyan! Matapos dumating sa lupa, paano nagkaroon ng talaangkanan ang Diyos? Kung sinasabi mong may talaangkanan ang Diyos, hindi ba ninyo Siya inihahanay sa mga nilalang ng Diyos? Sapagkat ang Diyos ay hindi nagmula sa lupa, Siya ang Panginoon ng paglikha, at bagama’t Siya ay may katawang-tao, hindi magkatulad ang diwa Niya at ng tao. Paano mo ihahanay ang Diyos na katulad ng uri ng nilalang ng Diyos? Si Abraham ay hindi maaaring kumatawan sa Diyos; siya ang pakay ng gawain ni Jehova nang panahong iyon, isa lamang siyang tapat na lingkod na sinang-ayunan ni Jehova, at isa siya sa bayan ng Israel. Paano siya magiging ninuno ni Jesus?

Sino ang sumulat ng talaangkanan ni Jesus? Si Jesus ba Mismo ang sumulat niyon? Personal bang sinabi ni Jesus sa kanila na, “Isulat ang Aking talaangkanan”? Itinala ito ni Mateo matapos ipako si Jesus sa krus. Sa panahong iyon, maraming nagawa si Jesus na hindi maunawaan ng Kanyang mga disipulo, at hindi Siya nagbigay ng anumang paliwanag. Nang makaalis na Siya, sinimulang mangaral at gumawa ng mga disipulo sa lahat ng dako, at para sa kapakanan ng yugtong iyon ng gawain, sinimulan nilang isulat ang mga liham at mga aklat ng ebanghelyo. Ang mga aklat ng ebanghelyo sa Bagong Tipan ay naitala dalawampu hanggang tatlumpung taon matapos ipako sa krus si Jesus. Noon, Lumang Tipan lang ang binabasa ng bayan ng Israel. Ibig sabihin, sa simula ng Kapanahunan ng Biyaya, Lumang Tipan ang binabasa ng mga tao. Lumitaw lamang ang Bagong Tipan sa Kapanahunan ng Biyaya. Walang Bagong Tipan nang isagawa ni Jesus ang Kanyang gawain; itinala ang Kanyang gawain ng mga tao matapos Siyang mabuhay muli at umakyat sa langit. Noon lamang nagkaroon ng Apat na Ebanghelyo, karagdagan pa rito ang mga sulat nina Pablo at Pedro, gayundin ang Aklat ng Pahayag. Makalipas ang mahigit tatlong daang taon matapos umakyat si Jesus sa langit, mapiling tinipon ng mga sumunod na henerasyon ang mga dokumentong ito, at noon lamang nagkaroon ng Bagong Tipan ang Bibliya. Nagkaroon lang ng Bagong Tipan nang makumpleto ang gawaing ito; wala ito dati. Natapos ng Diyos ang lahat ng gawaing iyon, at sumulat si Pablo at ang iba pang mga apostol ng napakaraming sulat sa mga iglesia sa iba’t ibang lugar. Pinagsama-sama ng mga taong sumunod sa kanila ang mga sulat nila, at idinagdag ang pinakadakilang pangitaing itinala ni Juan sa isla ng Patmos, kung saan ipinropesiya ang gawain ng Diyos ng mga huling araw. Ginawa ng mga tao ang pagkakasunud-sunod na ito, na iba kaysa mga pagbigkas sa ngayon. Ang nakatala ngayon ay ayon sa mga hakbang ng gawain ng Diyos; ang pinagkakaabalahan ng mga tao ngayon ay ang gawaing personal na isinakatuparan ng Diyos, at ang mga salitang personal Niyang binigkas. Ikaw—sangkatauhan—ay hindi kailangang makialam; ang mga salita, na tuwirang nagmula sa Espiritu, ay isinaayos nang paisa-isang hakbang, at naiiba sa pagsasaayos ng mga talaan ng tao. Masasabi na ang kanilang itinala ay ayon sa antas ng kanilang pinag-aralan at kakayahan ng tao. Ang kanilang itinala ay mga karanasan ng mga tao, at bawat isa ay may sariling paraan ng pagtatala at pag-alam, at bawat talaan ay naiiba. Kaya, kung sinasamba mo ang Bibliya bilang Diyos, napakamangmang at napakahangal mo! Bakit hindi mo hinahanap ang gawain ng Diyos sa ngayon? Gawain ng Diyos lamang ang makapagliligtas sa tao. Hindi maililigtas ng Bibliya ang tao, maaaring basahin ito ng mga tao nang ilang libong taon at wala pa ring magiging pagbabago sa kanila kahit katiting, at kung sinasamba mo ang Bibliya, hinding-hindi mo makakamtan ang gawain ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Debate Tungkol Lahat sa “Kung ang Biblia ay Kinasihan ng Diyos”

Lahat ba ng Nasa Biblia ay Salita ng Diyos?

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Ang Buong Bibliya ba ay Kinasihan ng Diyos?

Kaugnay na mga Himno

Ang Biblia ba’y Ibinigay sa Pamamagitan ng Inspirasyon ng Diyos?

Sinundan: a. Ang Bibliya ay isang talaan lamang ng dalawang yugto ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at ang Kapanahunan ng Biyaya; hindi ito isang talaan ng kabuuan ng gawain ng Diyos

Sumunod: c. Iniisip ng relihiyosong mundo na ang pananalig sa Diyos ay pananalig sa Bibliya, at ang paglisan sa Bibliya ay hindi paniniwala sa Diyos; mali ang pagkaunawang ito

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 7: Ang CCP ay isang rebolusyonaryong partido. Ang pinaniniwalaan nito ay kabastusan at karahasan, ibig sabihin, pag-agaw sa kapangyarihan nang may karahasan! Kung tatanggapin natin ang katwiran ng CCP, “Ang isang kasinungalingan ay nagiging katotohanan kung uulit-ulitin nang sampung libong beses.” Gaano man karaming tao ang nagdududa sa salita nito, tumatanggi at hindi naniniwala rito, walang pakialam ang CCP kahit bahagya, at patuloy pa rin itong nagsisinungaling at nanlilinlang. Basta’t makakamtan nito ang mga agarang epekto at minimithi nito, wala itong pakialam sa magiging kapalit! Kung magrebelde at magprotesta ang mga tao laban dito, gagamit ito ng mga tangke at machine gun para lutasin ang lahat. Kapag kailangan, gagamit ito ng mga bomba atomika at missile para labanan ang mga puwersa ng kalaban. Maaaring gawin ng CCP ang lahat para manatili ito sa paghahari. Nang ipahayag sa publiko ang kaso sa Zhaoyuan sa Shandong, ang CCP ay nagpasimula ng maramihang pagpapadala ng mga sandatahang pulis para supilin at arestuhin ang mga Kristiyano anuman ang mangyari. Sino ang makakapigil dito? Sino ang nangahas na lumaban? Kahit nang makita ng mga dayuhan ang panloloko ng CCP, ano ang magagawa nila? Maraming paraan ang CCP para labanan ang pagtuligsa ng mga demokratikong puwersa ng mga taga-Kanluran. Gumagamit ito ng pera para ayusin ang lahat. May kasabihan nga na, “Sinumang tumanggap ng regalo ay ibinebenta ang kanyang kalayaan.” Paunti nang paunti ang mga bansang tumutuligsa sa CCP ngayon. Takot ang puwersa ng mga kaaway ng CCP na iparinig ang kanilang opinyon. Paano man n’yo ito sabihin, naigigiit pa rin ng CCP ang paghahari nito. Hangga’t may kapangyarihan ang Communist Party, kayong mga nananalig sa Diyos ay hindi makakaasang maging malaya! Ang pagpapakita at gawain ng Diyos sa China ay talagang kamumuhian at ipagbabawal ng CCP. Makamtan man ng CCP ang mithiin nitong magbuo ng ateismo sa China o hindi, hindi ito titigil kailanman sa pag-aresto at pagsupil sa inyo! Matagal na itong malinaw sa akin. Kaya nga tinututulan kong mabuti ang pananalig n’yo sa Makapangyarihang Diyos. Para sa kapakanan n’yo ’yan, hindi n’yo ba nauunawaan?

Sagot: Napakasama ng CCP, pero umuunlad pa rin ito sa mundo at walang nangangahas na hadlangan ito. Ibig kayang sabihin n’yan ay permanente...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito