7. Paano lutasin ang problema ng pagiging sutil at walang pagpipigil

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Para sa mga taong mayabang at matigas ang ulo, mahirap tanggapin ang katotohanan. Hindi nila matanggap kapag may narinig silang hindi umaayon sa kanilang mga perspektiba, opinyon, at kaisipan. Wala silang pakialam kung ang sinasabi ng ibang tao ay tama o mali, o kung sino ang nagsabi nito, o ano ang konteksto nito, o kung may kaugnayan ba ito sa kanilang mga sariling responsabilidad at tungkulin. Wala silang pakialam sa mga bagay na ito; ang kagyat para sa kanila ay ang bigyan muna ng kasiyahan ang sarili nilang mga damdamin. Hindi ba’t ito ay katigasan ng ulo? Anu-anong kawalan ang idudulot sa mga tao sa huli ng katigasan ng ulo? Mahirap para sa kanilang makamit ang katotohanan. Ang hindi pagtanggap sa katotohanan ay sanhi ng tiwaling disposisyon ng tao, at ang pangwakas na resulta ay hindi nila madaling matatamo ang katotohanan. Anumang likas na nabubunyag mula sa kalikasang diwa ng tao ay salungat sa katotohanan at walang kinalaman dito; walang kahit isa sa gayong bagay ang nakaayon o malapit sa katotohanan. Kaya, upang makamit ang kaligtasan, dapat tanggapin at isagawa ng isang tao ang katotohanan. Kung hindi matanggap ng isang tao ang katotohanan at palagi niyang nais na kumilos nang alinsunod sa mga sarili niyang kagustuhan, hindi makakamit ng taong iyon ang kaligtasan. Kung nais mong sundan ang Diyos at gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, dapat hindi ka muna maging mapusok kapag hindi umaayon sa gusto mo ang mga bagay-bagay. Kumalma ka muna at tumahimik sa harap ng Diyos, at sa puso mo, manalangin at maghanap sa Kanya. Huwag kang magmatigas; magpasakop ka muna. Kapag gayon ang pag-iisip mo, saka ka lamang makakaisip ng mas magagandang solusyon sa mga problema. Kung kaya mong magtiyagang mamuhay sa harap ng Diyos, at anuman ang sumapit sa iyo, nagagawa mong manalangin at maghanap sa Kanya, at harapin ito nang may mentalidad ng pagpapasakop, kung gayon ay hindi na mahalaga kung gaano karami ang pagbubunyag ng iyong tiwaling disposisyon, o kung anong mga paglabag ang dati mong nagawa—malulutas ang mga iyon basta’t hinahanap mo ang katotohanan. Anumang mga pagsubok ang sumapit sa iyo, magagawa mong manindigan. Basta’t tama ang mentalidad mo, nagagawa mong tanggapin ang katotohanan, at nagpapasakop ka sa Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi, lubos kang may kakayahang isagawa ang katotohanan. Bagama’t medyo suwail ka at palaban paminsan-minsan, at kung minsan ay nangangatwiran ka para ipagtanggol ang sarili at hindi mo magawang magpasakop, kung kaya mong manalangin sa Diyos at baguhin ang iyong suwail na kalagayan, makakaya mong tanggapin ang katotohanan. Kapag nagawa mo ito, pagnilayan kung bakit umusbong sa iyo ang gayong pagrerebelde at paglaban. Tuklasin ang dahilan, pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para lutasin iyon, at ang aspektong iyon ng iyong tiwaling disposisyon ay maaaring madalisay. Matapos kang makabawi nang ilang beses mula sa gayong mga pagkatisod at pagkadapa, hanggang sa naisasagawa mo na ang katotohanan, unti-unting maaalis ang iyong tiwaling disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang ilang tao, habang gumaganap sa kanilang mga tungkulin, ay kadalasang kumikilos nang padalus-dalos at walang ingat. Masyado silang kapritsoso: Kapag masaya sila, gumagawa sila ng kaunting tungkulin, at kapag hindi naman sila masaya, nagmamaktol sila at nagsasabing, “Masama ang timpla ko ngayon. Hindi ako kakain ng anuman at hindi ko gagampanan ang tungkulin ko.” Pagkatapos ay kailangan pang makipag-areglo ng iba sa kanila, at sabihing: “Hindi puwede ang ganyan. Hindi ka puwedeng maging masyadong kapritsoso.” At ano ang isasagot ng mga taong iyon? “Alam kong hindi puwede ang ganito, pero lumaki ako sa isang mayaman at nakaaangat na pamilya. Pinalaki ako sa layaw ng lahat ng lolo’t lola at mga tita ko, at mas lalo na ng mga magulang ko. Ako ang kinagigiliwan nila, ang pinakamamahal nila, at pumayag sila sa lahat ng gusto ko at pinalaki nila ako sa layaw. Ang ganoong pagpapalaki ang nagbigay sa akin ng ganitong kapritsosong pag-uugali, kaya kapag gumaganap ako ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, hindi ko tinatalakay sa iba ang mga bagay-bagay, o hinahanap ang katotohanan, o ginagawang magpasakop sa Diyos. Ako ba ang dapat sisihin doon?” Tama ba ang pagkaunawa nila? Ang saloobin ba nila ay sa paghahangad ng katotohanan? (Hindi.) Tuwing may nagbabanggit ng kaunting pagkakamali nila, tulad ng pagkuha nila sa pinakamasasarap na pagkain tuwing kumakain, kung paanong sarili lamang nila ang inaalala nila, at hindi nila iniisip ang iba, sinasabi nila, “Bata pa ako, ganito na ako. Nasanay na ako sa ganito. Hindi ko inisip ang ibang tao kailanman. Noon pa man ay nakaaangat na ang pamumuhay ko, may mga magulang ako na mahal na mahal ako at mga lolo’t lola na giliw na giliw sa akin. Mahal na mahal ako ng buong pamilya ko.” Pawang kalokohan at maling paniniwala ito. Hindi ba’t medyo kawalanghiyaan at kakapalan ng mukha ito? Alagang-alaga ka ng iyong mga magulang—ibig bang sabihin noon ay ganoon din dapat sa iyo ang lahat ng iba pa? Mahal na mahal ka ng mga kamag-anak mo at giliw na giliw sila sa iyo—dahilan ba iyan para kumilos ka nang walang ingat at padalus-dalos sa sambahayan ng Diyos? Katanggap-tanggap bang dahilan iyan? Ito ba ang tamang saloobin tungo sa iyong tiwaling disposisyon? Ito ba ay isang saloobin ng paghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Kapag may nangyayaring anuman sa mga taong ito, kapag mayroon silang anumang problemang may kinalaman sa kanilang tiwaling disposisyon o sa kanilang buhay, naghahanap sila ng mga obhetibong katwiran para panagutan iyon, para ipaliwanag iyon, para pangatwiranan iyon. Hindi sila kailanman naghahanap sa katotohanan o nagdarasal sa Diyos, at hindi sila lumalapit sa Diyos para pagnilay-nilayan ang kanilang sarili. Kung hindi magninilay-nilay sa sarili, malalaman ba ng isang tao ang kanyang mga problema at ang kanyang katiwalian? (Hindi.) At makapagsisisi ba siya nang hindi nalalaman ang kanyang katiwalian? (Hindi.) Kung hindi makapagsisisi ang isang tao, sa anong kondisyon siya palagiang mamumuhay? Hindi ba’t sa pagpapatawad sa sarili? Sa pagkaramdam na bagama’t nagpakita siya ng katiwalian, wala siyang nagawang kasamaan o nalabag na mga atas administratibo—na bagama’t ang paggawa niyon ay hindi alinsunod sa mga prinsipyo ng katotohanan, hindi naman ito sinadya, at maaaring patawarin? (Oo.) Iyan ba ang uri ng kondisyon na dapat taglayin ng isang taong naghahangad sa katotohanan? … Ang mga taong partikular na kapritsoso at madalas kumilos nang walang ingat at padalus-dalos ay hindi tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, ni tinatanggap na mapungusan. Madalas din nilang pangatwiranan ang kanilang kabiguang hangarin ang katotohanan at ang kawalan nila ng kakayahang tanggapin na mapungusan. Anong disposisyon iyon? Malinaw na iyon ay isang disposisyon na tutol sa katotohanan—ang disposisyon ni Satanas. Taglay ng tao ang kalikasan at disposisyon ni Satanas, kaya walang duda, ang mga tao ay kay Satanas. Sila ay mga diyablo, mga anak ni Satanas, at mga supling ng malaking pulang dragon. Nagagawang aminin ng ilang tao na sila ay mga diyablo, mga Satanas, at ang supling ng malaking pulang dragon, at napakahusay ng kanilang pagsasalita tungkol sa kaalaman nila sa sarili Ngunit kapag nagbubunyag sila ng tiwaling disposisyon at sila ay inilalantad at pinupungusan ng isang tao, gagawin nila ang lahat ng kanilang makakaya para pangatwiranan ang sarili at hindi man lang nila tatanggapin ang katotohanan. Ano ang isyu rito? Dito, lubos na nailalantad ang mga taong ito. Nagsasalita sila nang napakahusay kapag sinasabi nila na kilala nila ang kanilang sarili, kaya bakit kapag nahaharap sila sa pagpupungos, hindi nila natatanggap ang katotohanan? Mayroong problema rito. Hindi ba’t medyo karaniwan ang ganitong bagay? Madali ba itong makilatis? Sa katunayan, oo. Marami-raming tao ang umaamin na sila ay mga diyablo at mga Satanas kapag nagsasalita sila tungkol sa kaalaman sa sarili, ngunit hindi sila nagsisisi o nagbabago pagkatapos. Kaya, totoo ba o hindi ang kaalaman sa sarili na binabanggit nila? Mayroon ba silang taos na kaalaman sa sarili, o pakana lang ba ito para lokohin ang iba? Malinaw na ang sagot. Samakatuwid, para makita kung may tunay bang kaalaman sa sarili ang isang tao, dapat ay hindi ka lang makinig sa pagsasalita niya tungkol dito—dapat mong tingnan ang saloobing mayroon siya tungkol sa pagpupungos, at kung natatanggap ba niya ang katotohanan. Iyon ang pinakamahalagang bagay. Sinumang hindi tumatanggap na mapungusan ay may diwa ng hindi pagtanggap sa katotohanan, ng pagtangging tanggapin ito at ang kanilang disposisyon ay tutol sa katotohanan. Walang duda roon. Hindi pumapayag ang ilang tao na pungusan sila ng iba, gaano man kalaking katiwalian ang kanilang naibunyag—walang sinumang maaaring magpungos sa kanila. Maaari silang magsalita tungkol sa kanilang kaalaman sa sarili, sa kahit anong paraan na gusto nila, ngunit kung inilalantad, pinupuna, o pinupungusan sila ng iba, gaano man ito kaobhetibo o nakaalinsunod sa mga katunayan, hindi nila ito tatanggapin. Anumang uri ng pagpapakita ng tiwaling disposisyon ang ibunyag sa kanila ng ibang tao, lubha silang magiging antagonistiko at patuloy na magbibigay ng mabababaw na pangangatwiran para sa sarili nila, nang wala man lamang ni katiting na tunay na pagpapasakop. Kung hindi hahangarin ng mga taong iyon ang katotohanan, magkakaroon ng gulo. Sa iglesia, hindi sila nakakanti at hindi sila maaaring punahin. Kapag nagsabi ang mga tao ng mabuting bagay tungkol sa kanila, sumasaya sila; kapag tinutukoy ng mga tao ang isang masamang bagay tungkol sa kanila, nagagalit sila. Kung may maglantad at magsabi sa kanila na: “Mabuti kang tao, pero masyado kang mapusok. Lagi kang padalus-dalos at walang ingat kung kumilos. Kailangan mong tanggapin ang mapungusan. Hindi ba’t mas makakabuti para sa iyo na iwaksi ang mga kakulangan at tiwaling disposisyong ito?” bilang tugon, sasabihin nila, “Wala akong nagawang anumang masama. Hindi ako nagkasala. Bakit mo ako pinupungusan? Inalagaan ako nang husto sa bahay mula pa noong bata ako, ng kapwa ng aking mga magulang at mga lolo’t lola. Ako ang kinagigiliwan nila, ang pinakamamahal nila. Ngayon, dito sa sambahayan ng Diyos, wala ni isa mang nag-aaruga sa akin—hindi masayang mamuhay rito! Lagi ninyo akong hinahanapan ng mali at sinusubukang pungusan. Paano ako mabubuhay nang ganoon?” Ano ang problema rito? Masasabi kaagad ng taong malinaw ang paningin na ang mga taong ito ay pinalaki sa layaw ng kanilang mga magulang at pamilya, at na kahit ngayon, hindi nila alam kung paano kumilos nang maayos o mamuhay nang mag-isa. Inaruga ka nang husto ng iyong pamilya na para kang isang idolo, at hindi mo alam ang lugar mo sa sansinukob. Naging bisyo mo na ang kayabangan, pagmamagaling, at labis na kapusukan, nang hindi mo namamalayan at hindi mo alam na dapat pagnilay-nilayan ang mga ito. Naniniwala ka sa Diyos ngunit hindi ka nakikinig sa Kanyang mga salita o nagsasagawa ng katotohanan. Matatamo mo ba ang katotohanan nang may gayong paniniwala sa Diyos? Makapapasok ka ba sa katotohanang realidad? Maisasabuhay mo ba ang tunay na wangis ng isang tao? Tiyak na hindi.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1

May isa pang grupo ng mga tao na hindi naghahangad ng pisikal na kaginhawahan. Gusto nilang gawin ang mga bagay ayon sa mga kapritso nila at sundin ang lagay ng kalooban nila. Kapag masaya sila, kaya nilang tiisin ang mas maraming pagdurusa, kaya nilang magtrabaho nang tuloy-tuloy buong araw, at kung tatanungin mo sila kung pagod sila, sasabihin nila, “Hindi ako pagod, paano ako mapapagod sa paggawa ng aking tungkulin!” Pero kung hindi sila masaya isang araw, sasama ang loob nila kung hihingin mo sa kanilang gumugol kahit isang dagdag na minuto lang sa isang bagay, at kung medyo pagsasabihan mo sila, sasabihin nila, “Tumigil ka sa pagsasalita! Pakiramdam ko ay napipigilan ako. Kung magpapatuloy ka pang magsalita, hindi ko na gagawin ang tungkulin ko, at kasalanan mo iyon. Kung hindi ako makatatanggap ng mga pagpapala sa hinaharap, kasalanan mo iyon, at ikaw ang mananagot sa lahat ng iyon!” Salawahan ang mga tao kapag nasa abnormal silang kalagayan. Kung minsan ay makakaya nilang magdusa at magbayad ng halaga, pero sa ibang pagkakataon ay magrereklamo sila kahit sa kaunting pagdurusa lang, at maiinis sila kahit sa isang maliit na isyu lamang. Kapag mainit ang kanilang ulo, hindi na nila gugustuhing gawin ang kanilang mga tungkulin, basahin ang mga salita ng Diyos, kantahin ang mga himno, o daluhan ang mga pagtitipon at pakinggan ang mga sermon. Gugustuhin lang nilang mapag-isa sandali, at magiging imposible para kaninuman na tulungan o suportahan sila. Pagkaraan ng ilang araw, maaaring mapakawalan na nila iyon at gumanda ang pakiramdam nila. Ang anumang hindi nagpapalugod sa kanila ay nagpaparamdam sa kanila ng pagkapigil. Hindi ba’t partikular na sutil ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Partikular silang sutil. Halimbawa, kung gusto nilang matulog agad-agad, ipipilit nilang gawin iyon. Sasabihin nila, “Pagod na ako, at gusto ko nang matulog ngayon din. Kapag wala na akong lakas, kailangan kong matulog!” Kung sasabihin ng isang tao, “Hindi mo ba kayang magpatuloy nang sampung minuto pa? Malapit na malapit nang matapos ang gampaning ito, at pagkatapos ay puwede na tayong lahat na magpahinga, ano sa tingin mo?” sasagot sila, “Hindi, kailangan ko nang matulog ngayon din!” Kung may makahihikayat sa kanila, mabigat ang loob na magpapatuloy sila ng ilang sandali, pero makararamdam sila ng pagkapigil at pagkainis. Madalas silang nakakaramdam ng pagkapigil sa mga bagay na ito at ayaw nilang tumanggap ng tulong mula sa kanilang mga kapatid o mapangasiwaan ng mga lider. Kung magkakamali sila, hindi nila hahayaan ang iba na pungusan sila. Ayaw nilang malimitahan sa anumang paraan. Iniisip nila, “Nananalig ako sa Diyos para makahanap ako ng kaligayahan, kaya bakit ko pahihirapan ang sarili ko? Bakit kailangang maging sobrang nakakapagod ang buhay ko? Dapat mamuhay nang masaya ang mga tao. Hindi nila dapat masyadong pansinin ang mga patakarang ito at ang mga sistemang iyon. Ano ang silbi ng palaging pagsunod sa mga iyon? Sa ngayon, sa sandaling ito, gagawin ko kung anong gusto ko. Walang sinuman sa inyo ang dapat na may masabi tungkol doon.” Partikular na sutil at talipandas ang ganitong uri ng tao: Hindi nila hinahayaang magtiis ng anumang pagpipigil ang kanilang sarili, at hindi rin nila nais na maramdamang napipigilan sila sa anumang kapaligiran sa trabaho. Ayaw nilang sumunod sa mga patakaran at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, ayaw nilang tanggapin ang mga prinsipyong dapat pinanghahawakan ng mga tao sa kanilang pag-asal, at ni ayaw nilang sundin ang sinasabi ng konsensiya at katwiran na dapat nilang gawin. Gusto nilang gawin ang gusto nila, gawin ang anumang magpapasaya sa kanila, ang anumang mapakikinabangan nila at makakaginhawa sa kanila. Naniniwala sila na ang mamuhay sa ilalim ng mga pagpipigil na ito ay lalabag sa kanilang kalooban, na magiging isa itong uri ng pang-aabuso sa sarili, na magiging napakahirap nito para sa kanila, at na hindi dapat mamuhay nang ganoon ang mga tao. Iniisip nila na dapat mamuhay ang mga tao nang malaya at napakawalan na, bigyang-layaw ang kanilang laman at mga ninanasa nang walang limitasyon, pati na rin ang kanilang mga minimithi at ninanais. Iniisip nila na dapat nilang bigyang-layaw ang lahat ng kanilang ideya, sabihin ang anumang gusto nila, gawin ang anumang gusto nila, at pumunta kung saan man nila gusto, nang hindi kinakailangang isaalang-alang ang mga kahihinatnan o ang mga damdamin ng ibang tao, at lalo na nang hindi kinakailangang isaalang-alang ang sarili nilang mga responsabilidad at obligasyon, o ang mga tungkuling dapat gampanan ng mga nananalig, o ang mga katotohanang realidad na dapat nilang itaguyod at isabuhay, o ang landas sa buhay na dapat nilang sundan. Ang grupong ito ng mga tao ay palaging gustong gawin ang gusto nila sa lipunan at sa ibang tao, pero saanman sila magpunta, hindi nila iyon matatamo kailanman. Naniniwala sila na binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos ang mga karapatang pantao, na binibigyan nito ng lubos na kalayaan ang mga tao, at na inaalala nito ang sangkatauhan, at ang pagpaparaya at pagtitimpi sa mga tao. Inaakala nila na matapos nilang dumating sa sambahayan ng Diyos ay dapat malaya nilang mabigyang-layaw ang kanilang laman at mga ninanasa, pero dahil may mga atas administratibo at patakaran ang sambahayan ng Diyos, hindi pa rin nila magawa ang gusto nila. Kaya, ang negatibong emosyon nilang ito na pagkapigil ay hindi malulutas kahit pagkatapos nilang sumapi sa sambahayan ng Diyos. Hindi sila nabubuhay para tuparin ang anumang uri ng mga responsabilidad o para tapusin ang anumang misyon, o para maging isang tunay na tao. Ang pananalig nila sa Diyos ay hindi para tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, tapusin ang kanilang misyon, at kamtin ang kaligtasan. Kahit sino pa ang mga taong kasama nila, kahit ano pa ang mga kapaligiran nila, o ang propesyon nila, ang sukdulan nilang minimithi ay ang mahanap at mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili. Ang layunin ng lahat ng kanilang ginagawa ay umiikot dito, at ang mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili ang kanilang ninanasa sa buong buhay nila at ang minimithi ng kanilang paghahangad.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 5

Ang isang uri ng tao ay masigasig sa puso sa kanyang paniniwala sa Diyos. Ayos lang sa kanya ang anumang tungkulin, at gayon din ang kaunting paghihirap, pero hindi matatag ang pag-uugali niya—emosyonal siya at kapritsoso, pabagu-bago. Kumikilos siya ayon lang sa damdamin niya. Kapag masaya siya, ginagawa niya nang maayos ang trabahong iniatas sa kanya, at nakakasundo niya nang maayos ang sinumang ipares sa kanya at ang sinumang nakakasalamuha niya. Handa rin siyang gumanap ng mas maraming tungkulin—anumang tungkulin ang ginagampanan niya, mayroon siyang diwa ng responsabilidad para rito. Ganyan siya kumikilos kapag siya ay nasa mabuting kalagayan. Marahil ay may dahilan kung bakit nasa mabuti siyang kalagayan: Marahil siya ay napuri sa mahusay na pagganap ng kanyang tungkulin, at nakuha niya ang paggalang at pagsang-ayon ng grupo. O, baka maraming tao ang nagpapahalaga sa trabahong nagawa niya, kaya sila ay nagmamalaki gaya ng isang lobong lumalaki sa bawat ihip ng papuri. At kaya, patuloy niyang ginagampanan ang parehong tungkulin bawat araw, pero sa buong panahong ito, hindi niya kailanman naaarok ang mga layunin ng Diyos o hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo. Palagi siyang kumikilos batay sa kanyang karanasan. Ang karanasan ba ang katotohanan? Maaasahan ba ang kumilos batay sa karanasan? Naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Ang pagkilos batay sa karanasan ay hindi naaayon sa mga prinsipyo; tiyak na may mga pagkakataong mabibigo ito. Kaya, darating ang araw kung kailan hindi niya gagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin. Maraming bagay ang hindi magiging maayos at siya ay pupungusin. Hindi masisiyahan ang grupo sa kanya. Magiging negatibo siya: “Hindi ko na gagampanan ang tungkuling ito. Hindi ko ito nagagawa nang maayos. Mas magaling kayong lahat kaysa sa akin. Ako ang walang kwenta. Sinumang gustong gumawa nito, sige lang!” May taong nagbabahagi sa kanya tungkol sa katotohanan, pero hindi ito tumatagos sa kanya, at hindi niya nauunawaan, na sinasabi, “Ano ang kailangang pagbahaginan tungkol dito? Wala akong pakialam kung ito ang katotohanan o hindi—gagawin ko ang tungkulin ko kapag masaya ako at hindi ko gagawin kapag hindi ako masaya. Bakit ginagawa itong komplikado? Hindi ko ito gagawin ngayon; maghihintay ako ng araw na masaya ako.” Ganito siya, palagi. Sa pagganap man ng tungkulin niya; sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, o sa pakikinig ng mga sermon at pagdalo sa mga pagtitipon; o sa kanyang mga pakikisalamuha sa iba—sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa anumang aspekto ng buhay niya, ang ibinubunyag niya ay maulap sa isang sandali at maaraw naman sa susunod, masigla sa isang sandali at nanlulumo sa susunod, malamig sa isang sandali at mainit sa susunod, negatibo sa isang sandali at positibo sa susunod. Sa madaling salita, ang kalagayan niya, mabuti o masama, ay palaging medyo hayag. Makikita mo ito sa isang sulyap. Pabagu-bago siya sa lahat ng bagay na ginagawa niya, nagpapadala lang siya sa damdamin niya. Kapag masaya siya, mas mahusay siyang magtrabaho, at kapag hindi, hindi rin siya mahusay—maaari pa nga niyang itigil ang paggawa ng isang bagay at sumuko. Anuman ang ginagawa niya, dapat niya itong gawin ayon sa pakiramdam niya, ayon sa kapaligiran, ayon sa mga hinihingi niya. Hindi talaga niya gustong dumaan sa paghihirap; pinapamihasa at sinusunod ang layaw niya, siya ay histerikal, hindi siya nakikinig sa katwiran, at wala siyang ginagawa para pigilan ito. Walang sinumang pwedeng sumalungat sa kanya; sinumang gumagawa nito ay magiging puntirya ng galit niya, na dumarating na parang bagyo—at pagkatapos nitong dumaan, siya ay negatibo at lugmok ang damdamin. Higit pa rito, ginagawa niya ang lahat batay sa mga kagustuhan niya. “Kung gusto ko ang trabahong ito, gagawin ko ito; kung hindi, hindi ko ito gagawin, at hindi kailanman. Puwede itong gawin ng sinuman sa inyo na may gusto. Wala itong kaugnayan sa akin.” Anong uri ng tao ito? Kapag masaya siya at mabuti ang kalagayan niya, nananabik siya sa puso at sinasabi na gusto niyang mahalin ang Diyos. Umiiyak siya dahil labis siyang nananabik, tumutulo ang mga luha sa mukha niya, humihikbi nang malakas. Ang puso ba niya ay isang pusong tunay na nagmamahal sa Diyos? Ang kalagayan ng pagmamahal sa Diyos sa puso ay normal, pero sa pagtingin sa kanyang disposisyon, mga pag-uugali, at pagbubunyag, iisipin mong para siyang batang may edad na humigit-kumulang sampung taon. Ang disposisyon niyang ito, ang paraan ng pamumuhay niya, ay pagkakapritsoso. Siya ay pabagu-bago, hindi tapat, iresponsable, at hindi epektibo sa lahat ng bagay na ginagawa niya. Hindi siya kailanman dumaan sa paghihirap at ayaw tumanggap ng responsabilidad. Kapag masaya siya, ayos lang sa kanyang gawin ang anumang bagay; ayos lang ang kaunting paghihirap, at kung mabigo ang mga interes niya, ayos lang din iyan. Pero kung hindi siya masaya, wala siyang gagawing anumang bagay. Anong uri siya ng tao? Normal ba ang kalagayang gaya niyan? (Hindi.) Ang isyung ito ay higit pa sa kalagayang hindi normal—ito ay pagpapamalas ng sukdulang pagkakapritsoso, sukdulang kahangalan at kamangmangan, sukdulang pagiging isip-bata. Ano ang problema sa pagkakapritsoso? May ilang maaaring magsabi, “Ito ay ang pagbabagu-bago ng damdamin. Masyado siyang bata at napakakaunti ng pinagdaanan niyang hirap, at hindi pa nakatakda ang kanyang personalidad, kaya madalas may pagkakapritsoso sa pag-uugali niya.” Ang katunayan ay walang pakialam ang pagkakapritsoso sa edad: Kung minsan ay kapritsoso din ang mga may edad apatnapu at pitumpung taon at higit pa. Paano ito maipapaliwanag? Ang pagkakapritsoso sa katunayan ay isang problema sa disposisyon ng isang tao, at ito ay sobrang seryoso! Kung may ginagampanan siyang importanteng tungkulin, maaaring maantala ang tungkuling iyan at ang progreso ng trabaho, nagreresulta ng mga pagkalugi sa mga interes ng sambahayan ng Diyos; at sa mga ordinaryong tungkulin din, naapektuhan din ang mga tungkuling iyon kung minsan, at nahahadlangan ang mga bagay-bagay. Walang anuman dito ang napapakinabangan ng iba, ng sarili niya, o ng gawain sa iglesia. Ang maliliit na gawaing ginagawa niya at ang mga halagang binabayaran niya ay may netong pagkalugi. Ang partikular na mga kapritsosong tao ay hindi akmang gumanap ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, at maraming ganitong tao. Ang pagkakapritsoso ay ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon. Sa praktikal, ang bawat tao ay may ganyang disposisyon. At ano ang disposisyong iyan? Sa natural, bawat tiwaling disposisyon ay isang uri ng mga disposisyon ni Satanas, at ang pagkakapritsoso ay isang tiwaling disposisyon. Sa mas banayad na salita, ito ay ang hindi pagmamahal o pagtanggap sa katotohanan; sa mas mabigat na salita, ito ay ang pagiging tutol sa katotohanan at pagkamuhi rito. Kaya ba ng mga kapritsosong taong magpasakop sa Diyos? Tiyak na hindi. Kaya nila sa panandalian, kapag masaya sila at kumikita, pero kapag hindi sila masaya at hindi kumikita, mapupuno sila ng galit at mangangahas na labanan at ipagkanulo Siya. Sasabihin nila sa sarili nila, “Wala akong pakialam kung ito ay ang katotohanan o hindi—ang mahalaga ay masaya ako, na kontento ako. Kung hindi ako masaya, walang sasabihin ang sinuman na makakatulong! Ano ang halaga ng katotohanan? Ano ang halaga ng diyos? Ako ang masusunod!” Anong klase ng tiwaling disposisyon ito? (Pagkamuhi sa katotohanan.) Ito ay isang disposisyong namumuhi sa katotohanan, isa na tutol dito. May elemento ba ng pagmamataas at pagkapalalo rito? May elemento ba ito ng pagiging mapagmatigas? (Oo.) May isa pang napakasamang kalagayan dito. Kapag maganda ang pakiramdam nila, mabait sila sa lahat ng tao at responsable sa pagganap sa kanilang tungkulin; iniisip ng mga tao na sila ay isang mabuti, mapagpasakop na tao, isang taong handang magbayad ng halaga, na talagang nagmamahal sa katotohanan. Pero sa sandaling maging negatibo sila, aalis sila, magrereklamo, at magiging sarado pa nga sa katwiran. Dito, lumalabas ang masama nilang bahagi. Walang maaaring mamahiya sa kanila. Sasabihin pa nila, “Nauunawaan ko ang bawat katotohanan, hindi ko lang ito isinasagawa. Ayos lang sa akin na maging panatag ako sa sarili ko!” Anong disposisyon ito? (Kasamaan.) Ang masasamang taong ito ay hindi lang handang lumaban sa sinumang maaaring magpungos sa kanila, sasaktan at pipinsalain din nila ang mga iyon, gaya ng isang masamang demonyo. Walang sinumang mangangahas na guluhin sila. Hindi ba’t napakakapristoso at napakasama nila? Isa ba itong problema na may kaugnayan sa pagiging kabataan? Hindi ba sila magiging kapritsoso kung mas matanda sila? Magiging mas maalalahanin at makatwiran ba sila kung mas matanda sila? Hindi. Hindi ito usapin ng kanilang personalidad o edad. May nagkukubli roong tiwaling disposisyong may malalim na ugat. Kinokontrol sila ng isang tiwaling disposisyon, at nabubuhay sila sa tiwaling disposisyon. May pagpapasakop ba sa isang taong nabubuhay sa isang tiwaling disposisyon? Kaya ba niyang hanapin ang katotohanan? May bahagi ba sa kanya na nagmamahal sa katotohanan? (Wala.) Wala, walang anuman sa mga iyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ba Talaga ang Inaasahan ng mga Tao Para Mabuhay?

Kapag nahaharap sa isang usapin, kung ang mga tao ay masyadong matigas ang ulo at ipinipilit ang sarili nilang mga ideya nang hindi hinahanap ang katotohanan, ito ay napakamapanganib. Itataboy ng Diyos ang mga taong ito at isasantabi sila. Ano ang magiging bunga nito? Tiyak na masasabi na naroroon ang panganib na sila ay maititiwalag. Gayunman, makakamit ng mga naghahanap sa katotohanan ang kaliwanagan at paggabay ng Banal na Espiritu, at bilang resulta, makakamit nila ang pagpapala ng Diyos. Ang dalawang magkaibang saloobin ng paghahanap at hindi paghahanap sa katotohanan ay maaaring makapagdulot ng dalawang magkaibang kalagayan sa iyo at ng dalawang magkaibang resulta. Anong uri ng resulta ang pipiliin mo? (Pipiliin kong makamit ang kaliwanagan ng Diyos.) Kung nais ng mga tao na maliwanagan at magabayan ng Diyos, at matanggap ang mga biyaya ng Diyos, anong klaseng saloobin ang kailangan nilang taglayin? Kailangan ay madalas nilang taglayin ang saloobing naghahangad at nagpapasakop sa harap ng Diyos. Ginagampanan mo man ang iyong tungkulin, nakikisalamuha ka man sa iba, o humaharap sa ilang partikular na isyu na nangyayari sa iyo, kailangan mong magkaroon ng ugaling naghahanap at nagpapasakop. Sa ganitong klase ng saloobin, masasabi na mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso. Ang magawang hanapin ang katotohanan at magpasakop dito ay ang landas sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kung wala kang saloobin ng paghahanap at pagpapasakop, at sa halip ay kumakapit ka sa iyong sarili, masyado kang palaban, at ayaw mong tanggapin ang katotohanan, at tutol ka sa katotohanan, kung gayon ay likas kang gagawa ng malaking kasamaan. Hindi mo mapipigilan iyon! Kung hindi hahanapin ng mga tao ang katotohanan kailanman upang malutas ito, ang kalalabasan nito sa huli ay hindi pa rin nila mauunawaan ang katotohanan gaano man karami ang kanilang maranasan, ilang sitwasyon man ang makaharap nila, ilang aral man ang itakda ng Diyos para sa kanila, at sa huli ay mananatili silang walang kakayahang pumasok sa katotohanang realidad. Kung hindi taglay ng mga tao ang katotohanang realidad, hindi nila makakayang sundan ang daan ng Diyos, at kung hindi nila kailanman masusundan ang daan ng Diyos, kung gayon ay hindi sila mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Palaging sinasabi ng mga tao na gusto nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin at sumunod sa Diyos. Gayon ba kasimple ang mga bagay-bagay? Talagang hindi. Ang mga bagay na ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng mga tao! Hindi madaling gampanan nang maayos ang tungkulin ng isang tao para bigyang-kasiyahan ang Diyos, at magkaroon ng takot sa Diyos at maiwasan ang kasamaan. Subalit sasabihin Ko sa inyo ang isang prinsipyo ng pagsasagawa: Kung may saloobin ka ng paghahanap at pagpapasakop sa harap ng mga bagay-bagay, poprotektahan ka nito. Ang pangunahing mithiin ay hindi ang maprotektahan ka. Ito ay ang maipaunawa sa iyo ang katotohanan, at makapasok ka sa katotohanang realidad, at matamo ang kaligtasan ng Diyos—ito ang pangunahing mithiin.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang mga tunay na nananalig sa Diyos ay lahat ng mga indibidwal na nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain, lahat sila ay handang gampanan ang kanilang mga tungkulin, kaya nilang magpasan ng isang gawain at gawin iyon nang maayos ayon sa kanilang kakayahan at sa mga patakaran ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, sa simula ay maaaring maging mahirap masanay sa buhay na ito. Maaari mong maramdamang pagod na pagod ang iyong katawan at isip. Subalit, kung talagang may paninindigan kang makipagtulungan at handa kang maging isang normal at mabuting tao, at na magtamo ng kaligtasan, kailangan mong magbayad ng kaunting halaga at hayaan ang Diyos na disiplinahin ka. Kapag nahihimok kang maging sutil, kailangan mong maghimagsik laban dito at bitiwan ito, paunti-unting bawasan ang iyong pagkasutil at mga makasariling ninanasa. Dapat kang humingi ng tulong ng Diyos sa mahahalagang bagay, sa mahahalagang oras, at sa mahahalagang gampanin. Kung tunay kang may paninindigan, dapat mong hilingin sa Diyos na ituwid at disiplinahin ka, at na bigyang-liwanag ka upang maunawaan mo ang katotohanan, sa ganoong paraan ay makakukuha ka ng mas magagandang resulta. Kung tunay kang may paninindigan, at magdarasal ka sa Diyos sa Kanyang presensya at magsusumamo ka sa Kanya, kikilos ang Diyos. Babaguhin Niya ang iyong kalagayan at mga iniisip. Kung gagawa nang kaunti ang Banal na Espiritu, aantigin ka nang kaunti, at bibigyang-liwanag ka nang kaunti, magbabago ang iyong puso, at magbabago ang iyong kalagayan. Kapag nangyari ang pagbabagong ito, madarama mong ang pamumuhay nang ganito ay hindi nakapipigil. Ang pagkapigil mong kalagayan at mga emosyon ay magbabago at mababawasan, at magiging iba ang mga ito sa dati. Madarama mong ang pamumuhay nang ganito ay hindi nakakapagod. Masisiyahan kang gampanan ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Madarama mo na magandang mamuhay, umasal, at gumampan ng iyong tungkulin sa ganitong paraan, nagtitiis ng mga paghihirap at nagbabayad ng halaga, sumusunod sa mga patakaran, at ginagawa ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo. Madarama mong ito ang uri ng buhay na dapat mayroon ang mga normal na tao. Kapag namumuhay ka ayon sa katotohanan at ginagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, madarama mong panatag at payapa ang iyong puso, at na makabuluhan ang iyong buhay. Iisipin mo: “Bakit ba hindi ko ito alam noon? Bakit ba ako naging masyadong sutil? Dati, namumuhay ako ayon sa mga pilosopiya at disposisyon ni Satanas, namumuhay bilang hindi tao o multo, at habang lalo akong nabubuhay, lalo iyong nagiging masakit. Ngayong nauunawaan ko na ang katotohanan, naiwawaksi ko na nang kaunti ang aking tiwaling disposisyon, at nadarama ko ang tunay na kapayapaan at kasiyahan ng isang buhay na ginugugol sa pagtupad ng aking tungkulin at pagsasagawa sa katotohanan!” Hindi ba’t nagbago na kung gayon ang lagay ng iyong kalooban? (Oo.) Sa sandaling mapagtanto mo kung bakit pakiramdam mo noon ay napipigilan at miserable ang buhay mo, sa sandaling mahanap mo ang pinag-uugatan ng iyong pagdurusa, at malutas ang problema, magkakaroon ka ng pag-asang magbago. … Una sa lahat, kailangan nilang matutunang asikasuhin ang kanilang nauukol na gawain, na magpasan ng mga responsabilidad at obligasyon ng isang taong nasa hustong gulang at ng isang normal na tao, at pagkatapos ay matutunang sundin ang mga patakaran, at tanggapin ang pamamahala, pangangasiwa, at pagpupungos ng sambahayan ng Diyos, at gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Ito ang tamang saloobin na dapat magkaroon ang isang taong may konsensiya at katwiran. Ikalawa, dapat silang magkaroon ng tamang pagkaunawa at kaalaman sa mga responsabilidad, obligasyon, at mga kaisipan at pananaw na may kinalaman sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Dapat mong alisin ang iyong mga negatibong emosyon at pagkapigil, at harapin nang tama ang iba’t ibang paghihirap na umuusbong sa buhay mo. Para sa iyo, ang mga ito ay hindi mga karagdagang bagay, o mga pabigat, o mga pagkagapos, kundi sa halip ay kung ano ang dapat mong pasanin bilang isang normal na taong nasa hustong gulang. Nangangahulugan ito na ang bawat taong nasa hustong gulang, anuman ang iyong kasarian, anuman ang iyong kakayahan, gaano ka man kagaling, o ano man ang taglay mong mga talento, ay kailangang pasanin ang lahat ng bagay na dapat pasanin ng mga taong nasa hustong gulang, kasama na ang: mga kapaligirang pinamumuhayan na dapat bagayan ng mga taong nasa hustong gulang, ang mga responsabilidad, obligasyon, at misyon na dapat mong gawin, at ang gawain na dapat mong pasanin. Una, dapat ay positibo mong tanggapin ang mga bagay na ito sa halip na umasa na dadamitan at pakakainin ka ng iba, o umasa sa mga bunga ng pagsisikap ng iba para makaraos ka. Bukod pa rito, kailangan mong matutunang makibagay at tanggapin ang iba’t ibang uri ng mga patakaran, regulasyon, at pamamahala, dapat mong tanggapin ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, at matutunang makibagay sa isang pag-iral at sa isang buhay sa gitna ng iba pang mga tao. Dapat mong taglayin ang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, harapin nang tama ang mga tao, pangyayari, at bagay na nasa iyong paligid, at asikasuhin at lutasin nang tama ang iba’t ibang problemang nakakatagpo mo. Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat harapin ng isang taong may normal na pagkatao, maaari ding sabihin na ito ang buhay at ang kapaligirang pinamumuhayan na dapat harapin ng isang taong nasa hustong gulang. Halimbawa, bilang isang taong nasa hustong gulang, dapat kang umasa sa sarili mong mga kakayahan para suportahan at pakainin ang iyong pamilya, gaano man kahirap ang buhay mo. Ito ang paghihirap na dapat mong tiisin, ang responsabilidad na dapat mong tuparin, at ang obligasyong dapat mong tugunan. Dapat mong pasanin ang mga responsabilidad na dapat pasanin ng isang taong nasa hustong gulang. Gaano man kalaki ang pagdurusang tinitiis mo o ang halagang iyong binabayaran, gaano man kalungkot ang pakiramdam mo, dapat mong lunukin ang iyong mga hinaing at hindi ka dapat magkaroon ng anumang negatibong emosyon o magreklamo tungkol sa kaninuman, dahil ito ang dapat na pasanin ng mga taong nasa hustong gulang. Bilang isang taong nasa hustong gulang, kailangan mong pasanin ang mga ito—nang hindi nagrereklamo o lumalaban, at lalo na nang hindi umiiwas o tumatanggi sa mga ito. Ang pagpapatangay sa agos ng buhay, ang pagiging walang ginagawa, ang paggawa ng kung ano ang gusto mo, ang pagiging sutil o kapritsoso, ang paggawa sa gusto mo at hindi paggawa sa hindi mo gusto—hindi ito ang saloobin sa buhay na dapat mayroon ang isang taong nasa hustong gulang. Ang bawat taong nasa hustong gulang ay kailangang magpasan ng mga responsabilidad ng isang taong nasa hustong gulang, gaano mang kagipitan ang harapin niya, gaya ng mga paghihirap, karamdaman, at maging ng iba’t ibang suliranin—ito ay mga bagay na dapat danasin at pasanin ng lahat ng tao. Ang mga ito ay bahagi ng buhay ng isang normal na tao. Kung hindi mo kayang magdala ng bigat ng pagkagipit o magtiis ng pagdurusa, nangangahulungan iyon na masyado kang marupok at walang silbi. Ang sinumang nabubuhay ay kailangang pasanin ang pagdurusang ito, at walang sinuman ang makaiiwas dito. Sa lipunan man o sa sambahayan ng Diyos, pare-pareho lang para sa lahat. Ito ang responsabilidad na dapat mong pasanin, ang mabigat na dalahing dapat ay buhat-buhat ng isang taong nasa hustong gulang, ang bagay na dapat niyang isabalikat, at hindi mo ito dapat iwasan. Kung palagi mong sinusubukang takasan o iwaksi ang lahat ng ito, lalabas ang iyong mga emosyon ng pagkapigil, at palagi kang magagapos ng mga iyon. Subalit, kung kaya mong maunawaan nang wasto at matanggap ang lahat ng ito, at makita ito bilang isang kinakailangang bahagi ng iyong buhay at pag-iral, hindi dapat maging dahilan ang mga isyung ito upang magkaroon ka ng mga negatibong emosyon. Sa isang aspekto, kailangan mong matutunang pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat taglayin at isagawa ng mga taong nasa hustong gulang. Sa isa pang aspekto, dapat mong matutunang mamuhay nang nakakasundo ang iba sa iyong kapaligirang pinamumuhayan at pinagtatrabahuhan nang may normal na pagkatao. Huwag mong basta na lang gawin ang gusto mo. Ano ang layunin ng mamuhay nang nakakasundo ang iba? Ito ay para mas mabuting matapos ang gawain at mas mabuting matupad ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat mong tapusin at tuparin bilang isang taong nasa hustong gulang, ang mabawasan ang mga kawalang idinudulot ng mga problemang kinakaharap mo sa iyong gawain, at ang labis na mapabuti ang mga resulta at mapabilis ang iyong gawain. Ito ang dapat mong matamo. Kung nagtataglay ka ng normal na pagkatao, dapat mo itong makamit kapag gumagawa ka sa gitna ng iba pang mga tao. Pagdating naman sa kagipitan sa trabaho, nanggagaling man ito sa Itaas o sa sambahayan ng Diyos, o kung kagipitan ito na iniaatang sa iyo ng iyong mga kapatid, isa itong bagay na dapat mong pasanin. Hindi mo maaaring sabihin na, “Sobra-sobra itong kagipitang ito, kaya hindi ko ito gagawin. Naghahanap lang ako ng kalibangan, kadalian, kaligayahan, at kaginhawahan sa paggawa ng aking tungkulin at paggawa sa sambahayan ng Diyos.” Hindi ito uubra; hindi ito isang kaisipan na dapat taglayin ng isang normal na taong nasa hustong gulang, at ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang lugar para magpakasasa ka sa kaginhawahan. Ang bawat tao ay nagpapasan ng kaunting kagipitan at pakikipagsapalaran sa kanyang buhay at gawain. Sa anumang trabaho, lalo na sa paggampan ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, dapat mong pagsikapang makakuha ng pinakamagagandang resulta. Sa mas mataas na antas, ito ang itinuturo at hinihingi ng Diyos. Sa mas mababang antas, ito ang saloobin, pananaw, pamantayan, at prinsipyo na dapat taglayin ng bawat tao sa kanyang asal at mga kilos. Kapag gumagampan ka ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kailangan mong matutunang sumunod sa mga patakaran at sistema ng sambahayan ng Diyos, kailangan mong matutunang sumunod, matutunan ang mga panuntunan, at umasal nang maayos. Isa itong mahalagang bahagi ng pag-asal ng isang tao. Dapat ay hindi mo iginugugol ang lahat ng oras mo sa pagpapalayaw sa sarili mo sa halip na sa paggawa, hindi seryosong pinag-iisipan ang anuman, at pinalilipas ang iyong mga araw nang walang ginagawa, o gumagawa ng mga maling gawa, at naghahangad ng sarili mong paraan ng pamumuhay, gaya ng mga walang pananampalataya. Huwag mong gawing kamuhian ka ng iba, huwag kang maging tinik sa kanilang lalamunan, huwag mong gawing layuan o tanggihan ka ng lahat, at huwag kang maging sagabal o balakid sa anumang gawain. Ito ang konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng isang normal na taong nasa hustong gulang, at ito rin ang responsabilidad na dapat pasanin ng sinumang normal na taong nasa hustong gulang.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 5

Kaugnay na mga Himno

Kami ang Pinakamapalad sa Lahat ng Mga Henerasyon

Sinundan: 6. Paano lutasin ang problema ng pagtrato sa mga tao nang ayon sa mga damdamin

Sumunod: 8. Paano lutasin ang problema ng pagiging imoral

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito