32. Paano unawain at lutasin ang problema ng kalikasan ng pagkakanulo
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang kalikasan ng tao ay ganap na naiiba sa Aking diwa, sapagkat ang tiwaling kalikasan ng tao ay lubos na nagmumula kay Satanas; ang kalikasan ng tao ay naproseso na at nagawa nang tiwali ni Satanas. Ibig sabihin, nabubuhay ang tao sa ilalim ng impluwensya ng kasamaan at kapangitan nito. Ang tao ay hindi lumalaki sa isang mundo ng katotohanan o sa isang banal na kapaligiran, at lalo namang hindi nabubuhay ang tao sa liwanag. Samakatuwid, hindi posibleng taglayin ninuman ang katotohanan sa kanilang kalikasan mula sa pagsilang, at lalong hindi maisisilang ang sinuman nang may diwang may takot at nagpapasakop sa Diyos. Sa kabaligtaran, nagtataglay ang mga tao ng isang kalikasang lumalaban sa Diyos, naghihimagsik laban sa Diyos, at walang pagmamahal sa katotohanan. Ang kalikasang ito ang problemang nais Kong talakayin—ang pagtataksil.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2
Nanggagaling ang kalikasan ng tao sa kaluluwa, hindi sa laman. Tanging ang kaluluwa ng bawat tao ang nakakaalam kung paano nila naranasan ang mga panunukso, pagpapahirap, at katiwalian ni Satanas. Hindi nalalaman ng laman ng tao ang mga bagay na ito. Kaya, di-sinasadyang nagiging padilim nang padilim, parumi nang parumi, at pasama nang pasama ang sangkatauhan, habang palaki nang palaki ang agwat sa pagitan Ko at ng tao, at padilim nang padilim ang buhay para sa sangkatauhan. Ang mga kaluluwa ng sangkatauhan ay hawak ni Satanas sa mga kamay nito, kaya, siyempre, ang laman ng tao ay nasakop na rin ni Satanas. Paanong hindi kakalabanin ng laman na tulad nito at ng sangkatauhang ito ang Diyos? Paano sila magiging likas na kaayon Niya? Itinapon Ko sa hangin si Satanas dahil pinagtaksilan Ako nito. Paano, kung gayon, mapapalaya ang mga tao sa pagkakasangkot nila? Ito ang dahilan kung bakit ang pagtataksil ay kalikasan ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2
“Ang tao ay ganap nang nagawang tiwali ni Satanas na wala na siyang hitsura ng tao.” Bahagya nang kinikilala ngayon ng karamihan ng mga tao ang pariralang ito. Sinasabi Ko ito dahil ang “pagkilala” na tinutukoy Ko ay isang uri lang ng mababaw na pagkilala, na salungat sa tunay na kaalaman. Yamang wala sa inyo ang kayang tumpak na tasahin o himayin ang inyong mga sarili, nananatili kayong may iba’t ibang pakahulugan sa Aking mga salita. Ngunit sa pagkakataong ito, gumagamit Ako ng mga katunayan upang ipaliwanag ang isang pinakaseryosong problema na umiiral sa inyo. Ang problemang iyon ay ang pagtataksil. Pamilyar kayong lahat sa salitang “pagtataksil,” dahil karamihan sa mga tao ay nakagawa na ng isang bagay na nagtataksil sa iba, tulad ng isang asawang lalaki na pinagtataksilan ang kanyang asawang babae, isang asawang babae na pinagtataksilan ang kanyang asawang lalaki, isang anak na lalaki na pinagtataksilan ang kanyang ama, isang anak na babae na pinagtataksilan ang kanyang ina, isang alipin na pinagtataksilan ang kanyang amo, mga magkakaibigan na pinagtataksilan ang isa’t isa, mga magkakamag-anak na pinagtataksilan ang isa’t isa, mga nagbebenta na pinagtataksilan ang mga mamimili, at iba pa. Ang lahat ng halimbawang ito ay naglalaman ng diwa ng pagtataksil. Sa madaling salita, ang pagtataksil ay isang uri ng pag-uugali na sumisira sa isang pangako, lumalabag sa mga prinsipyo ng moralidad, o lumalaban sa pantaong etika, na nagpapakita ng isang pagkawala ng pagkatao. Sa pangkalahatan, bilang isang taong isinilang sa daigdig na ito, may nagawa ka nang isang bagay na maituturing na paglabag sa katotohanan, kung naaalala mo man na nakagawa ka kailanman ng isang bagay upang pagtaksilan ang iba pang tao, o kung pinagtaksilan mo na ang iba nang maraming beses. Dahil ikaw ay may kakayahang pagtaksilan ang iyong mga magulang o mga kaibigan, ikaw ay may kakayahang pagtaksilan ang iba, at ikaw rin ay may kakayahang magtaksil sa Akin at gumawa ng mga bagay na kinamumuhian Ko. Sa ibang salita, ang pagtataksil ay hindi lamang isang mababaw na imoral na pag-uugali, ngunit isang bagay na hindi kaayon ng katotohanan. Ito mismo ang pinagmumulan ng paglaban at paghihimagsik laban sa Akin ng sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit nalagom Ko ito sa sumusunod na pahayag: Ang pagtataksil ay kalikasan ng tao, at ang kalikasang ito ang malaking kalaban ng pagiging kaayon sa Akin ng bawat tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 1
Ang pag-uugaling hindi kayang lubusang magpasakop sa Akin ay pagtataksil. Ang pag-uugaling hindi kayang maging tapat sa Akin ay pagtataksil. Ang pagdaya sa Akin at paggamit ng mga kasinungalingan upang linlangin Ako ay pagtataksil. Ang pagtataglay ng maraming kuru-kuro at pagpapakalat sa mga ito sa lahat ng dako ay pagtataksil. Ang kawalan ng kakayahang itaguyod ang Aking mga patotoo at mga interes ay pagtataksil. Ang paghahandog ng mga huwad na ngiti kapag malayo sa Akin ang puso ay pagtataksil. Ang lahat ng ito ay mga gawain ng pagtataksil na palagi na ninyong nagagawa, at ang mga ito ay karaniwan din sa inyo. Maaaring wala sa inyo ang nag-iisip na ito ay isang problema, ngunit hindi iyon ang iniisip Ko. Hindi Ko maaaring tratuhin ang pagtataksil sa Akin ng isang tao bilang isang maliit na bagay, at lalo namang hindi Ko maaaring hindi ito pansinin. Ngayon, kapag Ako ay gumagawa sa gitna ninyo, kumikilos kayo sa ganitong paraan—kung darating ang araw na walang sinuman ang naroon upang bantayan kayo, hindi ba kayo magiging gaya ng mga bandido na ipinapahayag ang kanilang sarili na mga hari ng kanilang mga munting bundok? Kapag nangyari iyon at nagsanhi kayo ng isang malaking sakuna, sino ang naroroon upang ayusin ang problema? Iniisip ninyong ang ilang gawaing pagtataksil ay paminsan-minsang pangyayari lang, hindi ang inyong namimihasang pag-uugali, at hindi nararapat pag-usapan nang ganito kaseryoso, sa isang paraang pumipinsala sa inyong kapurihan. Kung talagang ganito ang iniisip ninyo, kulang kayo sa katinuan. Ang mag-isip nang ganito ay ang maging isang uliran at halimbawa ng paghihimagsik. Ang kalikasan ng tao ay ang kanyang buhay; ito ay isang prinsipyo kung saan siya umaasa upang manatiling buhay, at hindi niya maaaring baguhin ito. Gawing halimbawa ang kalikasan ng pagtataksil. Kung kaya mong gumawa ng isang bagay upang pagtaksilan ang isang kamag-anak o kaibigan, ito ay nagpapatunay na bahagi ito ng iyong buhay at ipinanganak kang may ganitong kalikasan. Ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ninuman. Halimbawa, kung nasisiyahan ang isang taong magnakaw sa iba, ang kasiyahang magnakaw na ito ay bahagi ng kanyang buhay, bagaman maaaring magnakaw siya minsan at hindi naman magnakaw minsan. Magnakaw man siya o hindi, hindi nito maaaring patunayan na ang kanyang pagnanakaw ay isang uri lamang ng pag-uugali. Sa halip, nagpapatunay ito na ang kanyang pagnanakaw ay isang bahagi ng kanyang buhay—iyon ay, ang kanyang kalikasan. Ang ilang tao ay magtatanong: Yamang ito ay kanyang kalikasan, kung gayon bakit, kapag nakakakita siya ng magagandang bagay, hindi niya minsan ninanakaw ang mga iyon? Ang sagot ay napakasimple. Maraming kadahilanan kung bakit hindi siya nagnanakaw. Maaaring hindi niya nakawin ang isang bagay dahil masyado itong malaki para kupitin mula sa mapagbantay na mga mata, o dahil walang angkop na oras upang kumilos, o ang isang bagay ay masyadong mahal, masyadong mahigpit na nababantayan, o marahil siya ay hindi partikular na interesado rito, o hindi niya nakikita ang magiging gamit nito sa kanya, at iba pa. Ang lahat ng kadahilanang ito ay posible. Ngunit ano pa man, kung nakawin man niya ang isang bagay o hindi, hindi nito maaaring patunayan na ang kaisipang ito ay umiiral lang bilang isang panandalian at pahapyaw na saglit. Sa kabaligtaran, ito ay isang bahagi ng kanyang kalikasan na mahirap baguhin upang gawing mas mabuti. Ang ganitong tao ay hindi nasisiyahan sa pagnanakaw nang isang beses lamang; ang ganitong mga saloobing angkinin ang mga pag-aari ng ibang tao bilang kanya ay nabubuo tuwing nakakatagpo siya ng isang bagay na maganda, o isang angkop na sitwasyon. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na ang pinagmulan ng kaisipang ito ay hindi isang bagay na napupulot lang paminsan-minsan, kundi nasa sariling kalikasan ng taong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 1
Ang sinuman ay maaaring gumamit ng kanilang sariling mga salita at mga pagkilos upang katawanin ang kanilang tunay na mukha. Ang totoong mukhang ito ay, siyempre, ang kanilang kalikasan. Kung ikaw ay isang taong nagsasalita sa isang paikut-ikot na paraan, ikaw ay may isang baluktot na kalikasan. Kung ang iyong kalikasan ay mapanlinlang, kumikilos ka sa mapanlinlang na paraan, at ginagawa mong napakadali para sa iba na malansi mo. Kung ang iyong kalikasan ay nakakatakot, maaaring maging kaaya-ayang pakinggan ang iyong mga salita, ngunit hindi maitatago ng iyong mga pagkilos ang iyong mga nakakatakot na pandaraya. Kung ang iyong kalikasan ay tamad, ang lahat ng bagay na iyong sinasabi ay naglalayong umiwas sa responsibilidad para sa iyong kawalang-interes at katamaran, at ang iyong mga pagkilos ay magiging mabagal at basta-basta, at napakagaling sa pagtatakip ng katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay madamayin, magiging makatwiran ang iyong mga salita, at ang mga kilos mo rin ay aayon nang maigi sa katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay tapat, ang iyong mga salita ay tiyak na taos-puso at ang paraan ng iyong pagkilos ay praktikal, walang anumang magsasanhi para sa iyong amo na mabalisa. Kung ang iyong kalikasan ay mapagnasa o sakim sa pera, ang iyong puso ay kadalasang mapupuno ng mga bagay na ito, at ikaw ay hindi sinasadyang gagawa ng mga lihis at imoral na bagay na magiging mahirap para sa mga tao na makalimutan at na magpapasulasok sa kanila. Tulad ng nasabi Ko, kung mayroon kang isang kalikasan ng pagtataksil, mahihirapan kang kumawala rito. Huwag mong iasa sa swerte na kung hindi ka nagkasala sa iba ay wala kang kalikasan ng pagtataksil. Kung ganoon ang iyong iniisip, ikaw nga ay talagang kasuklam-suklam. Ang lahat ng salita Ko, tuwing nagsasalita Ako, ay nakatuon sa lahat ng tao, hindi lamang sa isang tao o isang uri ng tao. Dahil lamang hindi mo pa Ako pinagtaksilan sa isang bagay ay hindi nagpapatunay na hindi mo Ako maaaring pagtaksilan sa anumang bagay. Kapag may mga dagok sa samahan nilang mag-asawa, nawawalan ang ibang tao ng kanilang tiwala sa paghahanap sa katotohanan. Tinatalikdan ng ibang tao ang kanilang obligasyon na maging tapat sa Akin sa panahon ng pagkasira ng pamilya. Iniiwan Ako ng ibang tao upang maghanap ng isang sandali ng kagalakan at katuwaan. Ang ibang tao ay mas gugustuhin pang mahulog sa isang madilim na bangin kaysa mabuhay sa liwanag at matamo ang kaluguran ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang ibang tao ay hindi pinapansin ang payo ng mga kaibigan para lang bigyang-kasiyahan ang kanilang pagnanasa sa kayamanan, at kahit ngayon ay hindi kayang kilalanin ang kanilang pagkakamali at baguhin ang kanilang landas. Ang ibang tao ay pansamantalang naninirahan lamang sa ilalim ng Aking ngalan upang matanggap ang Aking pangangalaga, habang ang iba ay sapilitan lang na naglalaan sa Akin nang kaunti sapagkat kumakapit sila sa buhay at takot sa kamatayan. Hindi ba’t ang mga ito at ang iba pang mga imoral na pagkilos, na bukod pa roon ay walang integridad, ay mga pag-uugali lamang na kung saan ang mga tao ay matagal nang pinagtaksilan Ako sa kaibuturan ng kanilang mga puso? Siyempre, alam Kong hindi paunang binabalak ng mga tao ang pagtaksilan Ako; ang pagtataksil nila ay isang natural na pagbubunyag ng kanilang kalikasan. Walang sinuman ang nagnanais na pagtaksilan Ako, at walang sinuman ang masaya sapagkat nakagawa sila ng isang bagay upang pagtaksilan Ako. Sa kabaligtaran, nanginginig sila sa takot, hindi ba? Kaya, iniisip ba ninyo kung paano tutubusin ang mga pagtataksil na ito, at kung paano babaguhin ang kasalukuyang kalagayan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 1
Si Satanas ang pinakaugat ng pagtataksil, pagtataksil ang kalikasan ni Satanas, at ang disposisyong ibinubunyag ng mga tao sa pamamagitan ng mga bagay na kanilang ginagawa ay itinuturing ng Diyos na pagtataksil. Bakit ba gayon kadetalyadong tinatalakay ng Diyos ang usaping ito? Ito ay dahil laging nangyayari ang pagtataksil ng tao, saanmang lugar o sa anumang oras at, paano man umasal ang isang tao, may kung anong bagay na malalim ang pagkaka-ugat sa kalikasan ng tao ang kumokontra sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Ayaw kong kumontra o lumaban sa Diyos!” Pero gagawin mo iyon, dahil sa kaibuturan mo ay may isang kalikasan na pagtataksil, na nangangahulugang hindi mo kayang magpasakop sa Diyos, sundan Siya hanggang sa huli, at ganap na tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang iyong buhay. Paano mo dapat maunawaan ang problema ng pagtataksil? Kahit gaano katagal ka nang nananalig sa Diyos, o kahit gaano na karami sa Kanyang mga salita ang nakain at nainom mo, o kahit gaano na kalalim ang pagkaunawa mo sa Kanya—hangga’t nagtataksil ang iyong kalikasan sa Diyos, at hindi mo tinatanggap ang Kanyang mga salita bilang iyong buhay, at wala kang pagpasok sa katotohanan ng Kanyang mga salita, habambuhay na ipagkakanulo ng iyong diwa ang Diyos. Iyon ay kung hindi pa nagbago ang iyong disposisyon, isa kang tao na nagkakanulo sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao: “Kaya kong intindihin ang mga salita ng Diyos, at unawain ang lahat ng bagay na Kanyang sinasabi. Handa rin akong tanggapin ang mga iyon, kaya paano ako matatawag na isang tao na nagkakanulo sa Diyos?” Dahil lang sa handa kang tumanggap ay hindi nangangahulugang nakapagsasabuhay ka na ng mga salita ng Diyos, lalong hindi na nagawa ka nang ganap ng mga iyon. Malalim ang katotohanan ng mapagtaksil na kalikasan ng sangkatauhan, at kung nais ninyong maunawaan ang aspektong ito ng katotohanan, maaaring kailanganin ninyo ng isang panahon ng karanasan. Sa mga mata ng Diyos, ang lahat ng bagay na ginagawa ng bawat tao na nananalig sa Diyos ay salungat sa katotohanan, di-kaayon sa salita ng Diyos, at mapanlaban sa Kanya. Maaaring hindi rin ninyo ito matanggap, at masabing: “Pinaglilingkuran namin ang Diyos, sinasamba ang Diyos, ginagawa ang aming tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Napakarami na naming nagawa, lahat ay alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos, at naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain. Paano masasabing nilalabanan at ipinagkakanulo namin ang Diyos? Bakit ba palagi Mo na lang kami dinidismaya? Napakahirap naming iniwanan ang aming pamilya at mga karera, at determinado kaming sumunod sa Diyos, kaya paano Mo ito nasasabi tungkol sa amin?” Ang layon ng pagsasalita nang gayon ay para masigurong nauunawaan ng lahat: Hindi totoo na babaguhin ng isang tao na medyo maganda ang asal, o nagsusuko sa isang bagay, o dumaranas ng ilang paghihirap ang kanyang mapagtaksil na kalikasan. Imposible! Mahalaga ang pagdurusa, gayundin ang paggawa sa iyong tungkulin, pero hindi nangangahulugang hindi na umiiral ang iyong tiwaling disposisyon dahil lang kaya mong magdusa o gawin ang iyong tungkulin. Ito ay dahil hindi nagkaroon ng tunay na pagbabago sa buhay disposisyon sa kaibuturan ninuman, at malayo pa rin ang lahat sa pagbibigay-lugod sa mga layunin ng Diyos at pagtugon sa Kanyang mga hinihingi. Masyadong kontaminado ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos, masyadong nabunyag ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Bagaman maraming lider o manggagawa ang naglilingkod sa Diyos, lumalaban din sila sa Kanya. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin ay sadya silang sumasalungat sa mga salita ng Diyos at hindi nagsasagawa nang ayon sa Kanyang mga pagnanais. Sadya nilang nilalabag ang katotohanan, ipinagpipilitang kumilos ayon sa sarili nilang kalooban, para matupad ang sarili nilang mga plano at layon, para ipagkanulo ang Diyos at itatag ang kanilang nagsasariling kaharian, kung saan ang sinasabi nila ang nasusunod. Ito ang ibig sabihin ng paglilingkod sa Diyos subalit lumalaban din sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao
Ang karaniwang elemento sa loob ng kalikasan ng tao ay ang pagkakanulo sa Diyos; may kakayahan ang bawat isang tao na ipagkanulo ang Diyos. Ano ang pagkakanulo sa Diyos? Ano ang mga pagpapamalas nito? Ang mga tumigil lang bang manalig sa Diyos ang nagkakanulo sa Kanya? Dapat maunawaan ng mga tao kung ano ang diwa ng tao, at maarok ang ugat nito. Ang mga pag-aalburoto mo, mga kapintasan, mga masamang gawi, o ang maling pagpapalaki sa iyo ay pawang mabababaw na aspekto. Kung palagi mong kinakapitan ang mga walang saysay na bagay na ito, walang ingat na nagpapatupad ng mga regulasyon at nabibigong arukin kung ano ang mahalaga, iniiwan ang mga bagay na likas sa iyong kalikasan at ang iyong tiwaling disposisyon na hindi nalulutas, sa huli ay malilihis ka pa rin at mauuwing lumalaban sa Diyos. Maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan—ito ay isang seryosong problema. Marahil sa isang sandali, puwedeng may kaunti kang mapagmahal-sa-Diyos na puso, masigasig na ginugugol ang sarili mo, at tinutupad ang mga tungkulin mo nang may kaunting katapatan; o puwedeng mayroon kang ganap na normal na katwiran at konsensiya sa panahong ito, pero ang mga tao ay hindi matatag at salawahan, may kakayahang lumaban at magkanulo sa Diyos kahit kailan at kahit saan dahil sa iisang pangyayari. Halimbawa, puwedeng ang isang tao ay nagtataglay ng ganap na normal na katwiran, may gawain ng Banal na Espiritu, praktikal na karanasan, isang pasanin, at katapatan sa pagganap sa kanyang tungkulin, pero kung kailan partikular na malakas ang kanyang pananampalataya, pinatalsik ng sambahayan ng Diyos ang isang anticristo na sinasamba niya, at nagsimula siyang magkaroon ng mga kuru-kuro. Agad siyang naging negatibo, nawala ang sigasig sa kanyang gawain, pabasta-bastang tinutupad ang tungkulin niya, hindi na gustong manalangin, at nagrereklamo, “Bakit pa magdarasal? Kung ang isang taong ganyan kabuti ay puwedeng mapatalsik, sino ang maliligtas? Hindi dapat ganito ang pagtrato ng Diyos sa mga tao!” Ano ang kalikasan ng mga salita niya? Isang insidente lang na hindi umaayon sa mga pagnanais niya at hinusgahan na niya ang Diyos. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagkakanulo sa Diyos? Maaaring lumihis ang mga tao sa Diyos kahit kailan at kahit saan; sa pagdanas nila ng ilang sitwasyon, maaaring bumuo sila ng mga kuru-kuro at husgahan at kondenahin ang Diyos—hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagkakanulo sa Diyos? Malaking bagay ito. Puwedeng iniisip mo ngayon na wala kang anumang kuru-kuro tungkol sa Diyos at kaya mong magpasakop sa Kanya, pero kung may gagawin kang mali at bigla kang haharap sa matinding pagpupungos, magagawa mo pa rin bang magpasakop? Hahanapin mo ba ang katotohanan para sa isang resolusyon? Kung hindi mo kayang magpasakop o maghanap ng katotohanan para lutasin ang problema ng iyong pagrerebelde, may tsansa pa ring puwede mong ipagkanulo ang Diyos. Maaaring hindi mo aktuwal na sinabing “Hindi na ako nananalig sa Diyos,” pero ipinagkanulo na Siya ng puso mo sa sandaling iyon. Dapat malinaw mong makita kung ano talaga ang kalikasan ng tao. Ang diwa ba ng kalikasang ito ay pagkakanulo? Napakakaunti lang ng malinaw na nakakakita ng kalikasang diwa ng tao. Siyempre, may ilang taong may kaunting konsensiya at kahit papaano ay may mabuting pagkatao, habang ang iba ay walang pagkatao, pero mabuti man o masama ang pagkatao ng isang tao, o mabuti man o mahina ang kanyang kakayahan, ang pagkakapareho ay kaya nilang lahat na ipagkanulo ang Diyos. Ang kalikasan ng tao ay talagang ang pagkakanulo sa Diyos. Dati inisip ninyo, “Dahil ang Diyos ay ipinagkanulo ng mga taong ginawang tiwali ni Satanas sa kalikasan, wala akong magagawa tungkol dito kundi unti-unting magbago.” Ganito pa rin ba kayo mag-isip ngayon? Kaya sabihin ninyo sa Akin, puwede bang ipagkanulo ng isang tao ang Diyos nang hindi nagagawang tiwali? Puwede pa ring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos nang hindi nagagawang tiwali. Noong nilikha ng Diyos ang tao pinagkalooban Niya sila ng kalayaang pumili. Ang mga tao ay partikular na marupok; wala silang taglay na likas na pagnanais na lumapit sa Diyos at sabihing, “Ang Diyos ang Lumikha sa amin, at kami ay mga nilalang.” Walang ganitong konsepto sa mga tao. Likas silang walang taglay na katotohanan, o anumang bagay na may kaugnayan sa pagsamba sa Diyos sa loob nila. Binigyan ng Diyos ang mga tao ng kalayaang pumili, na nagpapahintulot sa kanilang mag-isip, pero hindi tinatanggap ng mga tao ang katotohanan, hindi talaga kilala ang Diyos, at hindi nauunawaan kung paano magpasakop at sumamba sa Kanya. Hindi umiiral ang mga bagay na ito sa mga tao, kaya kahit na hindi ginagawang tiwali maaari mo pa ring ipagkanulo ang Diyos. Bakit sinasabing kaya mong ipagkanulo ang Diyos? Kapag dumarating si Satanas para tuksuhin ka, sinusunod mo si Satanas at ipinagkakanulo mo ang Diyos. Nilikha ka ng Diyos pero hindi mo Siya sinusunod, sa halip ay sinusunod si Satanas—hindi ba’t ginagawa ka nitong isang traydor? Ang isang traydor sa pakahulugan ay isang taong nagkakanulo. Nauunawaan mo ba nang lubos ang diwa nito? Samakatuwid, maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan. Hindi na lamang ipagkakanulo ng mga tao ang Diyos kapag sila ay ganap na nananahan sa kaharian ng Diyos at sa Kanyang liwanag, kapag nawasak na ang lahat ng kay Satanas, at kapag wala nang anumang bagay na makakatukso o makakaakit sa kanila sa kasalanan. Kung mayroon pa ring bagay na nakakaakit sa mga tao para magkasala, magagawa pa rin nilang ipagkanulo ang Diyos. Ang mga tao, samakatuwid, ay mga bagay na walang halaga. Puwedeng iniisip mo na dahil lang kaya mong maglabas ng ilang salita at doktrina na nauunawaan mo ang ilang katotohanan at hindi mo na ipagkakanulo ang Diyos, na kahit papaano ay dapat kang isaalang-alang—kung hindi bilang ginto o pilak—bilang tanso o bakal, na mas mahalaga kaysa sa mga gawa sa luwad, pero masyadong mataas ang tingin mo sa sarili mo. Alam mo ba kung ano talaga ang mga tao? Maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan, wala silang halaga kahit isang sentimo; gaya ng sinabi ng Diyos: Ang mga tao ay mga hayop, mga walang kwentang sawing-palad. Pero sa puso nila, hindi ganito mag-isip ang mga tao. Iniisip nila, “Sa palagay ko ay hindi ako isang walang kwentang sawing-palad! Bakit hindi ko makita nang malinaw ang usaping ito? Paanong hindi ko ito naranasan? Tunay ang pananalig ko sa Diyos; may pananampalataya ako, kaya hindi ko kayang ipagkanulo ang Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay katotohanan lahat, pero hindi ko lang maunawaan ang pariralang, ‘Maaaring ipagkanulo ng mga tao ang Diyos kahit kailan at kahit saan.’ Nakita ko na ang pagmamahal ng Diyos; hindi ko Siya kailanman kayang ipagkanulo kahit kailan.” Ito ang talagang iniisip ng mga tao sa puso nila, pero ang mga salita ng Diyos ay mga katunayan, hindi binigkas ang mga ito mula sa kung saan. Bawat bagay ay ginawang maliwanag sa inyo, kinukumbinsi kayo nang buong-puso; sa ganitong paraan lamang ninyo makikilala ang inyong katiwalian at malulutas ang problema ng pagkakanulo. Sa kaharian, wala nang pagkakanulo; kapag namumuhay ang mga tao sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos at hindi sa ilalim ng kontrol ni Satanas, sila ay tunay na malaya. Sa panahong iyon, hindi na kailangang mag-alala tungkol sa pagkakanulo sa Diyos; ang ganitong alalahanin ay hindi na kailangan, ito ay kalabisan. Sa hinaharap, maaaring ideklara na wala nang anumang bagay sa inyo ang magkakanulo sa Diyos, pero ngayon, hindi ito ang kaso. Dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, kaya nilang ipagkanulo ang Diyos anumang oras. Hindi ito na ang presensya ng mga partikular na pangyayari ay humahantong sa pagkakanulo, at kung walang mga partikular na pangyayari o pamimilit hindi mo ipagkakanulo ang Diyos—kahit na walang pamimilit, maaari mo pa rin Siyang ipagkanulo. Ito ay isang problema ng tiwaling diwa ng tao, isang problema ng kalikasan ng tao. Kahit na wala kang iniisip o ginagawang anuman ngayon, ang realidad ng iyong kalikasan ay tunay na umiiral, at hindi mapupuksa ng sinuman. Dahil may kalikasan ka ng pagkakanulo sa Diyos sa loob mo; wala Siya sa puso mo; sa kaibuturan ng puso mo, walang anumang lugar para sa Diyos at walang presensya ng katotohanan; kaya, maaari mong ipagkanulo ang Diyos kahit kailan at kahit saan. Iba ang mga anghel; kahit wala silang disposisyon o diwa ng Diyos, nagagawa pa rin nilang ganap na magpasakop sa Diyos dahil sila ay nilikha Niya partikular para sa paglilingkod sa Kanya, para tuparin ang mga utos Niya sa lahat ng lugar. Sila ay nabibilang nang buong-buo sa Diyos. Pagdating sa mga tao, nilayon ng Diyos para sa kanila na mabuhay sa mundo, hindi sila pinagkakalooban ng kakayahang sambahin Siya. Kaya, kayang ipagkanulo at labanan ng mga tao ang Diyos. Pinapatunayan nito na ang mga tao ay maaaring magamit at kalabanin ng sinuman; wala silang anumang sarili nilang kataas-taasang kapangyarihan. Ang mga tao ay mga ganitong nilalang, sadyang walang dignidad at walang halaga!
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Talagang malubha ang kalikasan ng pagkakanulo sa loob ng mga tao; isa itong bagay na malalim na nakatanim. Bakit sinasabing pagkakanulo ang kalikasan ng mga tao? Ano ang kabilang sa pagkakanulong ito? Kabilang dito ang mga hilig, mga kuru-kuro, inaasam, pinagtutuunan ng mga tao, at ang pinakaninanais ng mga tao sa puso nila. Mula sa diwa ng mga bagay na ito, makikita na pagkakanulo nga ang kalikasan ng mga tao. Paano ito makikita? Sa pamamagitan ng pagtingin sa saloobin ng mga tao sa Diyos, sa saloobin nila sa katotohanan, sa paghahangad nila sa Diyos, sa iniisip nila sa puso nila, at sa hinihingi nila sa Diyos, ganap na posibleng ihambing at makita kung umaayon ba sa mga layunin ng Diyos ang iniisip nila sa buong araw. Ano ang iniisip ng mga tao sa loob ng dalawampu’t apat na oras ng isang araw, bukod sa oras na ginugugol sa pagkain at pagtulog? Kapag wala silang ibang ginagawa, palagi nilang iniisip, “Tingnan mo kung gaano kasaya at kakomportable ang pamumuhay ng iba. Kung makakapamuhay rin ako nang ganoon at mananampalataya pa rin ako sa Diyos, magiging perpekto iyon! Ang saya-saya siguro kung nasa akin na ang lahat!” Ginugugol ng iba ang buong araw sa pag-iisip, “Kung makakahanap din ako ng mabuting katuwang katulad ng iba, isang katuwang na hindi inuusig ang pananampalataya ko sa Diyos, at kung magkakaroon ako ng masayang pamilya, ang saya-saya siguro niyon!” May ilan namang nakakakita ng ibang tao na may magandang trabaho at iniisip nila, “Kung ako ang nasa sitwasyon nila, may magandang trabaho, malaking kita, magagarang damit, kumakain nang masarap, at nananampalataya pa rin sa Diyos, ang saya-saya siguro niyon!” Palaging panghuling prayoridad ng mga tao ang pananampalataya sa Diyos. Ang ilang tao, kapag nababanggit ang pananampalataya sa Diyos, ay nakadarama ng, “Tila kulang ang ganitong pananampalataya sa Diyos ngayon. Hindi ba’t mas mainam kung mas higit pa akong makapagsasaya sa buhay, makakakain nang mas masarap, makakapagdamit nang mas maganda, at kung wala akong pang-uusig na kakaharapin? Bakit hindi ako pinalulugod ng Diyos sa ganoong paraan?” Bakit sinabi noon na ang laman ng puso ng tao ay pawang kasamaan, pawang mga bagay na hindi umaayon sa mga layunin ng Diyos? Ang isipan ng tao ay puno ng mga kaisipan tungkol sa pagkain, pananamit, kasiyahan, at pag-aaliw. Saan ba nabibilang ang mga bagay na ito? Nabibilang ang mga ito sa mundo, nabibilang sa mga diyablo.
—Pagbabahagi ng Diyos
Matapos gawing tiwali ni Satanas ang tao, ang tao ay naging pagsasakatawan ni Satanas, at ng uri ng satanikong bagay na lumalaban sa Diyos at ganap na may kakayahang ipagkanulo Siya. Bakit hinihingi ng Diyos na baguhin ng mga tao ang kanilang disposisyon? Dahil gusto ng Diyos na gawing perpekto at kamtin ang mga tao, at ang mga taong nagawang kumpleto sa wakas ay nagtataglay ng maraming naidagdag na mga realidad ng pagkakilala sa Diyos, at ng mga realidad ng lahat ng aspekto ng katotohanan. Ang mga taong tulad nito ay ganap na alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Noon, may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at nagkakamali o nagpapakita ng paglaban sa tuwing may ginagawa sila, ngunit ngayon ay nakauunawa na ang mga tao ng ilang katotohanan, at nakagagawa ng maraming bagay na naaayon sa mga layunin ng Diyos. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na ang mga tao ay hindi nagtataksil sa Diyos. Nagagawa pa rin ito ng mga tao. Isang bahagi ng kung ano ang nabubunyag mula sa kanilang kalikasan na maaaring mabago, at ang bahagi na maaaring magbago ay ang bahagi kung saan nakapagsasagawa ang mga tao alinsunod sa katotohanan. Ngunit hindi ibig sabihin na naisasagawa mo na ang katotohanan ay nagbago na ang kalikasan mo. Tulad ito ng kung paanong ang mga tao ay palaging may mga kuru-kuro at hinihingi sa Diyos noon, at ngayon sa maraming aspeto ay wala na—ngunit maaaring mayroon pa rin silang mga kuru-kuro o hinihingi sa ilang bagay, at nagagawa pa rin nilang ipagkanulo ang Diyos. Maaaring sabihin mo, “Kaya kong magpasakop sa anumang gawin ng Diyos, at magpasakop sa maraming bagay nang walang reklamo at walang hinihingi,” ngunit magagawa mo pa ring ipagkanulo ang Diyos sa ilang bagay. Bagamat hindi mo sinasadyang lumaban sa Diyos, kapag hindi mo nauunawaan ang Kanyang mga layunin, malalabanan mo pa rin ang mga pagnanais Niya. Kaya, ano ang ibig sabihin ng bahaging maaaring magbago? Iyon ay kapag nauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos, makakapagpasakop ka, at kapag nauunawaan mo ang katotohanan, maisasagawa mo ito. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos sa ilang bagay, may posibilidad pa rin na makapaglantad ka ng katiwalian. Kung naiintindihan mo ang katotohanan, ngunit hindi mo ito isinasagawa dahil napipigilan ka ng ilang bagay, pagkakanulo ito, at ito ay bagay na nasa iyong kalikasan. Siyempre, walang limitasyon sa kung gaano magbabago ang iyong disposisyon. Kapag mas maraming katotohanan ang iyong natatamo, ibig sabihin, kapag mas malalim ang pagkakilala mo sa Diyos, mas hindi mo Siya lalabanan at ipagkakanulo. Ang paghahangad na baguhin ang disposisyon ay pangunahing nakakamit sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan, at ang pag-unawa sa sariling kalikasang diwa ay nakakamit sa pamamagitan ng pag-unawa sa katotohanan. Kapag ang isang tao ay tunay na nakamit ang katotohanan, malulutas ang lahat ng kanyang problema.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos
Isinisiwalat ng Diyos ang kalikasang nagkakanulo ng tao para magkaroon ng tunay na pang-unawa ang mga tao tungkol sa usaping ito at sa mga sarili nila. Ang mga tao ay puwedeng magsimulang magbago at sumubok na humanap ng mga landas ng pagsasagawa mula sa aspektong ito, inuunawa kung sa aling mga bagay nila maipagkakanulo ang Diyos at kung anong mga tiwaling disposisyong taglay nila ang maaaring humantong sa pagkakanulo sa Diyos. Kapag umabot ka na sa punto kung saan hindi ka nagrerebelde laban sa Diyos sa maraming aspekto, at hindi mo Siya ipinagkakanulo sa karamihang aspekto, kapag umabot ka sa dulo ng paglalakbay mo sa buhay, sa sandaling natapos na ang gawain ng Diyos, hindi mo na kakailanganing mag-alala kung ipagkakanulo mo ang Diyos sa hinaharap. Bakit Ko ito sinasabi? Bago ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao, kaya nilang ipagkanulo ang Diyos kapag inakit ni Satanas. Kapag nawasak si Satanas, hindi ba’t titigil ang mga taong ipagkanulo ang Diyos? Hindi pa dumating ang panahong iyan. Taglay pa rin ng mga tao ang tiwaling disposisyon ni Satanas sa loob nila, magagawang ipagkanulo ang Diyos kahit kailan at kahit saan. Kapag naranasan mo na ang buhay sa isang partikular na yugto, kung saan inalis mo na ang lahat ng maling pananaw, kuru-kuro, at imahinasyon tungkol sa paglaban at pagkakanulo sa Diyos; naunawaan mo ang katotohanan, nang may maraming positibong bagay sa puso mo; kaya mo nang kontrolin ang sarili mo at pasunurin ang mga sarili mong kilos; at hindi mo ipinagkakanulo ang Diyos sa karamihang sitwasyon, pagkatapos kapag nawasak na si Satanas, ganap ka nang mababago. Ang kasalukuyang yugto ng gawain ay para lutasin ang pagkakanulo at pagrerebelde ng tao. Hindi ipagkakanulo ng sangkatauhan sa hinaharap ang Diyos dahil magagapi na si Satanas. Wala nang usapin tungkol kay Satanas na inililihis at ginagawang tiwali ang sangkatauhan; ang usaping ito pagkatapos ay magiging wala nang kaugnayan sa sangkatauhan. Ngayon, ipinapaunawa sa mga tao ang kalikasang nagkakanulo ng tao, na isang isyu na lubos na mahalaga. Dito kayo dapat magsimula. Ano ang nabibilang sa kalikasan ng pagkakanulo sa Diyos? Ano ang kalakip ng mga pagbubunyag ng pagkakanulo? Paano dapat magnilay at umunawa ang mga tao? Paano sila dapat magsagawa at pumasok? Ang lahat ng ito ay dapat maunawaan at makita nang malinaw. Hangga’t umiiral pa rin ang kalikasan ng pagkakanulo sa isang tao, maaari niyang ipagkanulo ang Diyos kahit kailan at kahit saan. Kahit na hindi niya lantarang itinatanggi o ipinagpapalit ang Diyos, kaya pa rin niyang gawin ang maraming bagay na hindi ituturing ng mga tao na pagkakanulo, pero sa diwa ay ganoon. Ibig sabihin nito na walang awtonomiya ang mga tao; nauna si Satanas na okupahin sila. Kung kaya mong ipagkanulo ang Diyos nang hindi ginagawang tiwali, gaano pa kaya ang magagawa mo ngayong ikaw ay puno ng tiwaling disposisyon ni Satanas? Hindi ba’t lalo ka pang mas may kakayahang ipagkanulo ang Diyos kahit saan at kahit kailan? Ang kasalukuyang gawain ay upang alisin ang mga tiwaling disposisyong iyon, binabawasan ang mga bagay na nagdudulot sa iyong ipagkanulo ang Diyos, binibigyan ka ng maraming pagkakataon para maging perpekto at matanggap ng Diyos sa Kanyang presensya. Habang lalo mong nararanasan ang gawain ng Diyos sa iba’t ibang usapin, magagawa mong magkamit ng ilang katotohanan at magawang perpekto kahit papaano. Kung darating pa rin si Satanas at ang mga demonyo para tuksuhin ka, o darating ang mga masamang espiritu para ilihis at gambalain ka, magagawa mong gumamit ng kaunting pagkilatis, at sa gayon ay mababawasan ang pagkilos sa mga paraang nagkakanulo sa Diyos. Ito ay isang bagay na nabubuo sa loob ng mga tao sa paglipas ng panahon. Noong unang nilikha ang mga tao, hindi nila alam kung paano sumamba o magpasakop sa Diyos, ni hindi nila alam kung ano ang pagkakanulo sa Kanya. Noong dumating si Satanas para akitin sila, sumunod sila rito at ipinagkanulo nila ang Diyos, naging mga traydor, dahil hindi nila kayang kilalanin ang mabuti at masama, at walang kakayahang sumamba sa Diyos—lalong mas kaunti ang pagkaunawa nila na ang Diyos ang Lumikha sa sangkatauhan, at kung paano nila Siya dapat sambahin. Ngayon, inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapaunawa sa kanila ng mga katotohanan tungkol sa pagkilala sa Kanya—kasama ang Kanyang diwa, disposisyon, pagkamakapangyarihan-sa-lahat, praktikalidad, at marami pa—para maging buhay nila ang mga ito, binibigyan sila ng awtonomiya at ng kakayahang mamuhay ayon sa katotohanan. Habang nararanasan mo nang mas malalim ang mga salita ng Diyos at ang paghatol at pagkastigo ng mga ito, mas malalim mong mauunawaan ang sarili mong tiwaling disposisyon, at bibigyan ka nito ng pagpapasiyang magpasakop, magmahal, at magbigay-kasiyahan sa Diyos. Habang lalo mong nakikilala ang Diyos, lalo mong maiwawaksi ang mga tiwaling disposisyon mo, at sa loob mo magkakaroon ng mas kaunting bagay na nagkakanulo sa Diyos, at mas maraming bagay na kaayon sa Kanya, kaya lubos na nananaig at nagtatagumpay laban kay Satanas. Kapag may katotohanan, nakakamit ng mga tao ang awtonomiya at hindi na nalilihis o napipigil ni Satanas, nabubuhay ng tunay na buhay ng tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Lahat ng kaluluwang ginawang tiwali ni Satanas ay nasa ilalim ng pagkaalipin sakapangyarihan ni Satanas. Yaon lamang mga naniniwala kay Cristo ang naihiwalay na, nailigtas mula sa kampo ni Satanas, at nadala sa kaharian ngayon. Hindi na nabubuhay ang mga taong ito sa ilalim ng impluwensya ni Satanas. Gayunpaman, ang kalikasan ng tao ay nakaugat pa rin sa laman ng tao, na ibig sabihin ay bagama’t naligtas na ang inyong kaluluwa, ang inyong kalikasan ay gaya pa rin ng dati, at ang posibilidad na pagtataksilan ninyo Ako ay nananatiling isandaang porsiyento. Ito ang dahilan kung bakit tumatagal nang napakatagal ang Aking gawain, sapagkat ang inyong kalikasan ay mahirap kontrolin. Ngayon, lahat kayo ay nagdaraan sa mga paghihirap hangga’t makakaya ninyo habang ginagawa ninyo ang inyong mga tungkulin, subalit bawat isa sa inyo ay may kakayahang pagtaksilan Ako at bumalik sakapangyarihan ni Satanas, sa kampo nito, at bumalik sa dati ninyong buhay—hindi maikakaila ang katotohanang ito. Sa panahong iyon, hindi magiging posibleng may makita sa inyo ni katiting na pagkatao o wangis ng tao, na kagaya ninyo ngayon. Sa mga seryosong kaso, kayo ay wawasakin at, higit pa riyan, mapapahamak kayo nang walang-hanggan, parurusahan nang matindi, hindi na kailanman muling magkakatawang-tao. Ito ang problemang nakalahad sa inyong harapan. Pinaaalalahanan Ko kayo sa ganitong paraan, una, upang hindi mawalan ng saysay ang Aking gawain, at pangalawa, upang makapamuhay kayong lahat sa mga panahon ng liwanag. Sa totoo lang, ang malaking problema ay hindi kung may saysay ang Aking gawain o wala. Ang mahalaga ay nagagawa ninyong mabuhay nang masaya at magkaroon ng magandang hinaharap. Ang Aking gawain ay ang gawain ng pagliligtas sa kaluluwa ng mga tao. Kung mahulog ang iyong kaluluwa sa mga kamay ni Satanas, hindi mabubuhay nang payapa ang iyong katawan. Kung pinangangalagaan Ko ang iyong katawan, tiyak na nasa ilalim din ng Aking pangangalaga ang iyong kaluluwa. Kung talagang kinamumuhian kita, mahuhulog kaagad ang iyong katawan at kaluluwa sa mga kamay ni Satanas. Naiisip mo ba ang sitwasyon mo kapag nagkagayon? Kung, isang araw ay mawala sa inyo ang Aking mga salita, ipapasa Ko kayong lahat kay Satanas, na isasailalim kayo sa napakasakit na pagpapahirap hanggang sa lubos na mapawi ang Aking galit, o kaya’y parurusahan Ko nang personal kayong mga taong hindi na matutubos, sapagkat ang inyong pusong nagtataksil sa Akin ay hindi na magbabago kailanman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2
Dapat ninyong lahat tingnan ngayon ang mga sarili ninyo agad-agad, upang makita kung gaano kalaking pagtataksil sa Akin ang nasasainyo pa. Sabik Akong naghihintay sa inyong tugon. Huwag ninyo Akong pakitunguhan nang basta-basta. Kailanma’y hindi Ako nakikipaglaro sa mga tao. Kung sinasabi Kong gagawin Ko ang isang bagay ay tiyak na gagawin Ko ito. Umaasa Akong ang bawat isa sa inyo ay magiging isang taong sineseryoso ang mga salita Ko, at hindi ipinagpapalagay ang mga iyon na kathang-isip na agham. Ang nais Ko ay kongkretong pagkilos mula sa inyo, hindi ang inyong mga haka-haka. Sunod, dapat ninyong sagutin ang mga tanong Ko, na ang mga sumusunod:
1. Kung tunay kang isang taga-serbisyo, makakapaglingkod ka ba sa Akin nang matapat, nang walang anumang bahid ng pagpapabaya o pagiging negatibo?
2. Kung malaman mong hindi kita napahalagahan kailanman, makakayanan mo pa rin bang manatili at maglingkod sa Akin habambuhay?
3. Kung nananatili pa rin Akong masyadong malamig sa iyo bagama’t gumugol ka na ng matinding pagsisikap, makakaya mo bang magpatuloy na gumawa para sa Akin kahit hindi napapansin?
4. Kung, pagkatapos mong gumugol para sa Akin, hindi Ko tinutugunan ang maliliit mong hinihingi, masisiraan ka ba ng loob at madidismaya sa Akin, o magiging galit na galit pa at sisigaw pa ng pang-aabuso?
5. Kung palagi ka nang naging napakatapat, nang may malaking pagmamahal sa Akin, ngunit nagdurusa ka ng pagpapahirap ng sakit, ng kasalatan sa pinansiyal, at ng pang-iiwan ng iyong mga kaibigan at kamag-anak, o kung nagtitiis ka ng anumang iba pang mga kasawian sa buhay, magpapatuloy pa rin ba ang iyong katapatan at pagmamahal sa Akin?
6. Kung wala sa anumang naguni-guni mo sa puso mo ang tumutugma sa kung ano ang nagawa Ko, paano mo dapat tahakin ang landas mo sa hinaharap?
7. Kung hindi mo natatanggap ang alinman sa mga bagay na inasahan mong matanggap, makakapagpatuloy ka bang maging tagasunod Ko?
8. Kung hindi mo kailanman naunawaan ang layunin at kabuluhan ng gawain Ko, magiging isa ka bang mapagpasakop na taong hindi basta-basta gumagawa ng mga paghatol at mga konklusyon?
9. Mapapahalagahan mo ba ang lahat ng salitang sinabi Ko at lahat ng gawaing ginawa Ko habang kasama Ko ang sangkatauhan?
10. Kaya mo bang maging matapat Kong tagasunod, nakahandang magdusa para sa Akin habambuhay, kahit na hindi ka tumatanggap ng anumang bagay?
11. Alang-alang sa Akin, kaya mo bang hindi magsaalang-alang, magplano, o maghanda para sa iyong landas ng pananatiling buhay sa hinaharap?
Kinakatawan ng mga tanong na ito ang Aking mga pangwakas na kinakailangan sa inyo, at inaasahan Kong lahat kayo ay makakatugon sa Akin. Kung nagampanan mo na ang isa o dalawang bagay na hinihingi sa iyo ng mga katanungang ito, kinakailangan mo pa ring ipagpatuloy ang paggawa nang masigasig. Kung hindi mo kayang tuparin ni isa sa mga kinakailangang ito, tiyak na ikaw ang uri ng taong itatapon sa impiyerno. Wala Akong kailangang sabihing anumang karagdagan pa sa ganoong mga tao, sapagkat sila ay tiyak na hindi mga tao na kayang maging kaayon Ko. Paano Ko pananatilihin sa tahanan Ko ang isang taong maaaring magtaksil sa Akin sa anumang pagkakataon? Pagdating naman sa mga yaong maaari pa ring magtaksil sa Akin sa karamihan ng mga pagkakataon, pagmamasdan Ko ang kanilang pagganap bago gumawa ng ibang mga pagsasaayos. Subalit, ang lahat ng may kakayahang magtaksil sa Akin, sa ilalim ng anumang kundisyon, hindi Ko kailanman kakalimutan; aalalahanin Ko sila sa Aking puso, at maghihintay Ako ng pagkakataong suklian ang masasama nilang gawa. Ang mga kinakailangang nabanggit Ko ay lahat mga problemang dapat ninyong siyasatin sa inyong mga sarili. Inaasahan Kong kaya ninyong lahat na seryosong isaalang-alang ang mga ito at hindi Ako pakitunguhan nang basta-basta. Sa nalalapit na hinaharap, ikukumpara Ko ang mga sagot na ibinigay ninyo sa Akin sa mga kinakailangan Ko. Sa panahong iyon, hindi na Ako mangangailangan pa ng anumang bagay mula sa inyo at hindi na magbibigay pa sa inyo ng marubdob na pagpapaalala. Sa halip, gagamitin Ko ang awtoridad Ko. Yaong mga dapat panatiliin ay pananatiliin, yaong mga dapat gantimpalaan ay gagantimpalaan, yaong mga dapat ibigay kay Satanas ay ibibigay kay Satanas, yaong mga dapat parusahan nang mabigat ay parurusahan nang mabigat, at yaong mga dapat mamatay ay wawasakin. Sa ganoong paraan, hindi na magkakaroon ng sinumang gagambala sa Akin sa mga araw Ko. Naniniwala ka ba sa mga salita Ko? Naniniwala ka ba sa paghihiganti? Naniniwala ka bang parurusahan Kong lahat yaong masasama na nanlilinlang at nagtataksil sa Akin? Hinihiling mo bang dumating ang araw na iyon nang mas maaga o nang mas huli? Isa ka bang taong takot na takot sa kaparusahan, o isang lalaban sa Akin kahit pa magtiis sila ng kaparusahan? Kapag dumating ang araw na iyon, naguguni-guni mo ba kung mamumuhay ka sa gitna ng mga kasiyahan at tawanan, o kung iiyak ka at magngangalit ang mga ngipin mo? Anong uri ng katapusan ang nais mong magkaroon ka? Kailanman ba’y seryoso mo nang naisaalang-alang kung naniniwala ka sa Akin nang isandaang porsiyento o nagdududa sa Akin nang isandaang porsiyento? Kailanman ba ay maingat mo nang naisaalang-alang kung anong uri ng mga kahihinatnan at kalalabasan ang idudulot sa iyo ng mga pagkilos at pag-uugali mo? Talaga bang umaasa kang matutupad isa-isa ang lahat ng salita Ko, o takot na takot ka bang matutupad isa-isa ang mga salita Ko? Kung umaasa kang aalis Ako sa lalong madaling panahon upang tuparin ang mga salita Ko, paano mo dapat tratuhin ang sarili mong mga salita at mga pagkilos? Kung hindi ka umaasa sa paglisan Ko at hindi umaasa na matutupad kaagad ang lahat ng salita Ko, bakit ka pa naniniwala sa Akin? Talaga bang alam mo kung bakit ka sumusunod sa Akin? Kung ang dahilan mo ay upang palawakin lamang ang naaabot ng iyong paningin, hindi mo kinakailangang magpakahirap pa. Kung ito ay upang pagpalain ka at makaiwas sa parating na sakuna, bakit hindi ka nag-aalala sa sarili mong pag-uugali? Bakit hindi mo tinatanong ang sarili mo kung matutugunan mo ba ang mga kinakailangan Ko? Bakit hindi mo rin tinatanong ang sarili mo kung karapat-dapat ka bang tumanggap ng mga darating na pagpapala?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 2