1. Paano makilatis ang mga hindi mananampalataya

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang manampalataya sa lahat ng mga salita ng Diyos at sa lahat ng gawain Niya. Ibig sabihin, yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang magpasakop sa Kanya. Kung hindi mo kayang gawin ito, kung gayon ay hindi mahalaga kung naniniwala ka sa Diyos o hindi. Kung naniniwala ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi ka kailanman nagpasakop sa Kanya, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makapagpapasakop ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos

Iyong mga tunay na nananalig sa Diyos ay iyong mga may tunay na pananampalataya sa Kanya. May mga damdamin silang pinatatakbo ng kanilang konsensiya at katwiran; nananalig sila sa kanilang puso na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan; nananalig silang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama, at para sa layuning iligtas at dalisayin ang mga tao. Naaayon man ito o hindi sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, ito ay kapaki-pakinabang sa kanila. Iyong mga hindi tunay na nananalig sa Diyos ay walang konsensiya at walang katwiran, ni walang pakialam sa pagkakaroon ng konsensiya o katwiran. Lagi silang may saloobin na kalahating maniwala at kalahating hindi maniwala sa mga salita ng Diyos; hindi nararamdaman ng kanilang puso na ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Kung gayon, ano ang kanilang pananaw tungkol sa pag-iral ng Diyos? Sa kanilang puso, iniisip nilang, “Kung umiiral ang diyos, nasaan siya? Hindi ko siya nakikita. Hindi ko alam kung talagang umiiral ba ang diyos. Kung nananalig kang umiiral siya, umiiral siya; kung hindi, hindi.” Ito ang kanilang pananaw. Subalit pinagninilayan nila ito, iniisip na, “Napakaraming tao ang nananalig sa diyos at nagpapatotoo sa kanya. Marahil ay mayroon talagang diyos. Sana ay mayroon nga, dahil kung gayon ay mapakikinabangan ko ang sitwasyon at makapagtatamo ako ng mga pagpapala. Susuwertehin ako.” Gumagamit sila ng isang mentalidad ng suwerte at pagsusugal at gusto lamang nilang lumahok para sa kaunting kasiyahan; iniisip nilang kahit hindi sila pagpalain, hindi ito kawalan, dahil hindi naman sila namuhunan ng kahit ano. Ang kanilang pananaw at saloobin tungkol sa pag-iral ng Diyos ay, “Tunay bang umiiral ang diyos? Hindi ko masabi kung umiiral ba siya o hindi. Nasaan ang diyos? Hindi ako sigurado kung nasaan. Ang lahat ba ng mga taong ito na nagpapatotoo ay totoo? O nagsisinungaling ba sila? Hindi rin ako sigurado.” Kinukuwestiyon ng kanilang puso ang lahat ng isyung ito; hindi nila ito nauunawaan, kung kaya’t lagi nila itong pinagdududahan. Ang kanilang pananalig sa Diyos ay nababahiran ng saloobin ng pagdududa at mga maling pananaw. Kapag nagsasalita at nagpapahayag ng katotohanan ang Diyos, ano ang kanilang saloobin sa Kanyang mga salita? (Pagdududa at hindi paniniwala.) Hindi ito ang kanilang pangunahing pananaw; hindi ninyo malinaw na nakikita ang bagay na ito. Tinatanggap ba nila bilang katotohanan ang salita ng Diyos? (Hindi.) Ano ang iniisip nila? “Napakaraming tao ang gustong magbasa ng mga salita ng diyos, pero bakit hindi ito kawili-wili para sa akin? Ano ba ang makakamit sa pagbabasa ng mga salita ng diyos at pag-unawa sa katotohanan? Ano ang kapakinabangan nito? Makararating ba talaga kayo sa kaharian ng langit? Hindi nakikita ng mga tao ang kaharian ng langit. Sa tingin ko, dapat ay may ilang aktuwal na kapakinabangan sa pananalig sa diyos; mayroon dapat na ilang tunay na kalamangan.” Nag-aalala silang kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan ay ititiwalag sila, kaya’t paminsan-minsan ay nakikinig sila sa mga sermon. Ngunit pagkatapos ay nagninilay sila, naiisip na, “Sinasabi nilang may awtoridad at kapangyarihan ang mga salita ng diyos, kung gayon ay bakit hindi ko ito naririnig o nararamdaman? Sinasabi nilang kayang baguhin ng mga salita ng diyos ang mga tao, kung gayon ay bakit hindi pa ako nabago ng kanyang mga salita? Ninanasa ko pa rin ang mga kaginhawahan ng laman gaya nang dati; gusto ko ng pagkain at mga damit; kasingmaiinitin pa rin ang ulo ko gaya nang dati; natatakot pa rin ako kapag inuusig ako ng malaking pulang dragon. Bakit wala pa rin akong pananampalataya? Hinihingi ng diyos na maging tapat ang mga tao; hinihingi niya sa kanilang maging mga taong nagtataglay ng katotohanan at pagkatao. Hindi ba’t mga hangal ang mga tapat na tao? Hinihingi ng diyos sa mga taong katakutan siya at iwasan ang kasamaan, subalit gaano karami sa kanila ang talagang nakakapagsakatuparan nito? Ang kalikasan ng tao ay makasarili. Kung susundin mo ang iyong kalikasang pantao, dapat mong isipin kung paano ka magkakamit ng mga pagpapala para sa iyong sarili. Dapat kang magpakana para makapagdala ka ng kapakinabangan sa iyong sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba. Ikaw ang dapat na may hawak sa sarili mong tadhana; ikaw dapat ang gumawa ng sarili mong kaligayahan. Ito ang pinakamakatotohanan. Kung hindi maglalaban-laban ang mga tao at aangkinin ang mga bagay-bagay para sa kanilang sarili, at kung hindi sila mabubuhay para sa kasikatan, kapakinabangan, at kalamangan, ay wala silang mapapala. Walang sinuman ang magkukusang ilagak ang mga bagay na ito sa harap ng iyong pintuan. Hindi talaga kailanman bumabagsak ang manna mula sa kalangitan!” Ito ang kanilang mga kaisipan at pananaw, ang kanilang mga pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo, at ang lohika at mga panuntunan nila para mabuhay. Ang mga tao bang nagtataglay ng mga ganitong kaisipan at pananaw ay mga hindi mananampalataya? Ito mismo ang saloobin sa katotohanan ng mga hindi mananampalataya. Hindi alam ng kanilang isipan kung ano ang katotohanan, hindi alam kung saan naipamamalas ang awtoridad at kapangyarihan ng mga salita ng Diyos, at hindi alam kung paano nagsasaayos ang Diyos para sa kalalabasan ng mga tao. Sumasamba lamang sila sa kapangyarihan at naghahanap ng mga kapakinabangang nasa mismong harap nila. Iniisip nilang kung mananalig sila sa Diyos ay dapat silang pagpalain; at na tanging kung ipinagkakaloob ng Diyos ang mabuting kapalaran sa mga tao, pinupuno ang kanilang buhay ng kayamanan at kasaganaan, at binibigyan sila ng isang masayang buhay, na ito ay ang tunay na daan. Hindi sila naniniwalang ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at hindi sila naniniwalang ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, lalo na na kayang baguhin ng mga salita ng Diyos ang disposisyon o tadhana ng isang tao. Samakatuwid, hindi nila kailanman hinangad ang katotohanan habang nananalig sila sa Diyos. Sa madaling salita, dahil hindi nila tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay at ang layunin ng kanilang buhay, ang kanilang pananampalataya sa Diyos ay papahina nang papahina; wala silang interes na basahin ang mga salita ng Diyos, o makinig sa mga sermon; nakakatulog pa nga sila habang ibinabahagi ang katotohanan. Dagdag pa rito, nararamdaman nila na ang pagganap ng kanilang tungkulin ay isang karagdagang pasanin at na gumagawa sila para sa wala. Nananabik ang kanilang puso para sa oras kung kailan matatapos na ang gawain ng Diyos, kung kailan bibigyan Niya sila ng pahayag ng resolusyon, at makikita nila kung talagang makapagkakamit sila ng mga pagpapala. Kung mapagtatanto nila na sa pananalig sa Diyos sa ganitong paraan ay hindi sila kailanman makatatanggap ng mga pagpapala, na paniguradong ititiwalag sila, at na mamamatay pa rin sila sa isang sakuna, makaaalis na sila ngayon mismo. Bagaman sinasabi nilang nananalig sila sa Diyos, pinagdududahan Siya ng kanilang puso. Sinasabi nilang ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, subalit hindi naniniwala ang kanilang puso sa katotohanan. Hindi nila kailanman binasa ang mga salita ng Diyos, at hindi rin sila tunay na nakinig sa isang sermon. Hindi sila kailanman nakipagbahaginan tungkol sa katotohanan, at hindi nila kailanman hinanap ang katotohanan habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin; ginagamit lamang nila ang sarili nilang pagsisikap. Ito ang tipikal na hindi mananampalataya. Wala silang pinagkaiba sa mga walang pananampalataya.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran

Mayroong ilang tao na ang paniniwala ay hindi kailanman kinikilala sa puso ng Diyos. Sa madaling salita, hindi kinikilala ng Diyos na mga tagasunod Niya sila, dahil hindi Niya pinupuri ang kanilang paniniwala. Para sa mga taong ito, ilang taon man nila nasunod ang Diyos, hindi kailanman nagbago ang kanilang mga ideya at pananaw; para silang mga walang pananampalataya, sumusunod sa mga prinsipyo at paraan ng pakikisalamuha sa mga tao ng mga walang pananampalataya, at sa mga batas ng pananatiling buhay at pananampalataya ng mga walang pananampalataya. Hindi nila kailanman tinanggap ang salita ng Diyos bilang kanilang buhay, hindi kailanman naniwala na ang salita ng Diyos ay katotohanan, hindi kailanman nilayon na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, at hindi kailanman kinilala ang Diyos bilang kanilang Diyos. Ang tingin nila sa paniniwala sa Diyos ay libangan ng baguhan, na tinatrato Siya bilang isang espirituwal na pagkain lamang; sa gayon, hindi nila iniisip na mahalagang subukan at unawain ang disposisyon o diwa ng Diyos. Masasabi na lahat ng tumutugma sa tunay na Diyos ay walang kinalaman sa mga taong ito; hindi sila interesado, ni hindi sila mag-aabalang makinig. Ito ay dahil sa kaibuturan ng kanilang puso, mayroong isang malakas na tinig na laging nagsasabi sa kanila, “Ang Diyos ay hindi nakikita at hindi nahihipo, at hindi umiiral.” Naniniwala sila na ang pagsisikap na unawain ang ganitong uri ng Diyos ay pagsasayang ng kanilang pagsisikap, at na niloloko lamang nila ang kanilang sarili sa paggawa nito. Naniniwala sila na sa pamamagitan lamang ng pagkilala sa Diyos sa mga salita nang walang anumang tunay na paninindigan o pamumuhunan ng kanilang sarili sa anumang tunay na mga kilos, medyo matalino sila. Ano ang tingin ng Diyos sa gayong mga tao? Ang tingin Niya sa kanila ay mga walang pananampalataya. Tinatanong ng ilang tao, “Maaari bang basahin ng mga walang pananampalataya ang mga salita ng Diyos? Maaari ba nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin? Maaari ba nilang sambitin ang mga salitang, ‘Mabubuhay ako para sa Diyos’?” Ang madalas makita ng mga tao ay ang pagkukunwaring ipinapakita ng mga tao sa panlabas; hindi nila nakikita ang diwa ng mga tao. Gayunman, hindi tinitingnan ng Diyos ang mga paimbabaw na mga pagpapakitang ito; ang tanging nakikita Niya ay ang diwa sa kanilang kalooban. Sa gayon, ito ang klase ng saloobin at paglalarawan ng Diyos sa mga taong ito.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain

Ang isang taong hindi tinatanggap ang mga salita ng Diyos ni kaunti bilang kanyang buhay ay hindi isang tunay na mananampalataya sa Diyos. Siya ay hindi mananampalataya, at ilang taon man siyang manampalataya sa Diyos, wala itong saysay. Kung ang isang mananampalataya sa Diyos ay nakikibahagi lamang sa mga panrelihiyong ritwal, ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan, hindi siya isang mananampalataya sa Diyos, at hindi siya kinikilala ng Diyos. Ano ang kailangan mong taglayin upang kilalanin ka ng Diyos bilang Kanyang tagasunod? Alam mo ba ang mga pamantayan ng Diyos sa pagsukat sa isang tao? Sinusuri ng Diyos kung ginagawa mo ba ang lahat ayon sa Kanyang mga hinihingi, at kung nagsasagawa ka ba at nagpapasakop sa katotohanan batay sa Kanyang mga salita. Ito ang pamantayan ng Diyos sa pagsukat sa isang tao. Ang pagsukat ng Diyos ay hindi nakabatay sa kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Kanya, gaano kalayo na ang iyong nilakbay, gaano karaming mabubuting ugali ang mayroon ka, o ilang salita at doktrina ang nauunawaan mo. Sinusukat ka Niya batay sa kung hinahangad mo ba ang katotohanan at ano ang landas na pinipili mo. Maraming tao ang nananampalataya sa Diyos sa salita at pinupuri Siya, ngunit sa kanilang puso, hindi nila minamahal ang mga salitang ipinapahayag Niya. Hindi sila interesado sa katotohanan. Palagi silang naniniwala na ang pamumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas o iba’t ibang makamundong teorya ang siyang ginagawa ng mga normal na tao, na ganito mapapangalagaan ng isang tao ang kanyang sarili, at na ganito mamuhay nang may halaga sa mundo. Sila ba ang mga taong nananampalataya sa Diyos at sumusunod sa Kanya? Hindi. Ang mga salita ng mga dakila at tanyag na tao ay punong-puno ng karunugan kung pakikinggan at madaling makapanlilihis ng iba. Maaaring panghawakan mo ang kanilang mga salita bilang mga katotohanan o mga kasabihang dapat sundin. Ngunit kung pagdating sa mga salita ng Diyos, sa ordinaryong hinihingi Niya sa mga tao, katulad ng pagiging isang matapat na tao, o sa masunurin at masikap na pagtupad sa kanilang gawain, pagganap ng kanilang tungkulin bilang nilikha at pagkakaroon ng matatag at matapat na asal, hindi mo isinasagawa ang mga salitang ito at hindi itinuturing ang mga ito bilang mga katotohanan, kung gayon ay hindi ka isang tagasunod ng Diyos. Sinasabi mong isinasagawa mo ang katotohanan, ngunit kung tatanungin ka ng Diyos, “Ang ‘mga katotohanan’ bang isinasagawa mo ay mga salita ng Diyos? Ang mga prinsipyo bang itinataguyod mo ay batay sa mga salita ng Diyos?”—paano mo ipapaliwanag ang iyong sarili? Kung ang batayan mo ay hindi ang mga salita ng Diyos, kung gayon ay mga salita ito ni Satanas. Ipinamumuhay mo ang mga salita ni Satanas ngunit sinasabi mong isinasagawa mo ang katotohanan at binibigyang kasiyahan ang Diyos. Hindi ba’t paglalapastangan iyon sa Diyos? Halimbawa, tinuturuan ng Diyos ang mga tao na maging matapat, ngunit ang ilan ay hindi pinag-iisipan kung ano talaga ang ibig sabihin ng pagiging isang matapat na tao, paano isinasagawa ang pagiging isang matapat na tao, kung anong mga bagay na ipinamumuhay at inihahayag nila ang hindi matapat, at anong mga bagay na ipinamumuhay at inihahayag nila ang matapat. Sa halip na pag-isipan ang diwa ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, bumabaling sila sa mga aklat ng mga walang pananampalataya. Iniisip nila, “Ang mga kasabihan ng mga walang pananampalataya ay magaganda rin—tinuturuan din ng mga ito ang mga taong maging mabuti! Halimbawa, ‘Payapa ang buhay ng mabubuti,’ ‘Ang mga tapat na tao ay laging mamamayani,’ ‘Hindi kahangalan na magpatawad ng iba, nagdudulot ito ng mga kapakinabangan kalaunan.’ Ang mga pahayag na ito ay tama rin, at naaayon sa katotohanan!” Kaya, sumusunod sila sa mga salitang ito. Magiging anong klaseng tao sila sa pagsunod sa mga kasabihang ito ng mga walang pananampalataya? Maisasabuhay ba nila ang katotohanang realidad? (Hindi.) Hindi ba’t maraming tao ang ganito? Nakapagtamo na sila ng ilang kaalaman; nakapagbasa na sila ng kaunting aklat at kaunting tanyag na mga obra; nakapagkamit na sila ng ilang perspektiba, at nakarinig na ng kaunting tanyag na kasabihan at lokal na mga salawikain, pagkatapos ay tinatanggap ang mga ito bilang ang katotohanan, kumikilos at gumaganap ng kanilang tungkulin ayon sa mga salitang ito, ginagamit ang mga ito sa kanilang buhay bilang mga mananampalataya sa Diyos at iniisip na tinutugunan nila ang kalooban ng Diyos. Hindi ba’t ito ay pagpapalit ng kasinungalingan sa katotohanan? Hindi ba ito paggamit ng panlilinlang? Sa Diyos, ito ay kalapastanganan! Ang mga bagay na ito ay namamalas sa maraming tao. Para sa isang tao na itinuturing ang mga kasiya-siyang salita at tamang doktrina mula sa mga tao bilang mga katotohanang dapat na itaguyod, habang isinasantabi ang mga salita ng Diyos at pinagsasawalang-bahala ang mga ito, nabibigong isaisip ang mga ito kahit na ilang beses na itong nabasa, o ang isaalang-alang ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, sila ba ay mga mananampalataya sa Diyos? Tagasunod ba sila ng Diyos? (Hindi.) Ang mga ganoong tao ay nananampalataya sa relihiyon; sinusunod pa rin nila si Satanas! Naniniwala sila na ang mga salitang sinasabi ni Satanas ay pilosopiko, na ang mga ito ay lubhang malalim at klasiko. Itinuturing nila ang mga ito bilang mga sikat na kasabihan na may pinakamataas na antas ng katotohanan. Kahit ano pang ibang bagay ang isuko nila, hindi nila kayang bitiwan ang mga salitang iyon. Ang pagtalikod sa mga salitang iyon ay parang ang pagkawala ng pundasyon ng kanilang buhay, tila pag-uka sa kanilang puso. Anong klase ng tao ang mga ito? Tagasunod sila ni Satanas, at kaya nga tinatanggap nila ang mga sikat na kasabihan ni Satanas bilang ang katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsali sa Seremonyang Panrelihiyon

Sa kanilang paniniwala sa Diyos, kung ang mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso, kung wala silang pusong nagpapasakop sa Diyos, hindi lamang sila hindi makakagawa ng anumang gawain para sa Kanya, kundi bagkus ay magiging mga taong gumagambala sa Kanyang gawain at lumalaban sa Kanya. Ang paniniwala sa Diyos ngunit hindi nagpapasakop o natatakot sa Kanya, at sa halip ay nilalabanan Siya, ang pinakamalaking kahihiyan para sa isang mananampalataya. Kung kaswal lang at walang pagpipigil ang pananalita at pag-uugali ng mga mananampalataya na tulad ng mga walang pananampalataya, mas buktot pa sila kaysa mga walang pananampalataya; sila ay napakatipikal na mga demonyo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan

Paano natin dapat kilatisin ang uri ng mga hindi mananampalataya na bilang mga oportunista ay nananampalataya sa Diyos para lamang mapagpapala, at walang kagustuhang makamtan ang katotohanan? Kahit gaano karaming sermon ang marinig nila, kahit paano ibahagi sa kanila ang katotohanan, hindi kailanman nagbabago ang mga kaisipan at pananaw nila sa mga tao at bagay, ang pananaw nila sa buhay at mga pagpapahalaga nila. Bakit ganito? Dahil hindi nila kailanman pinagninilayan nang seryoso ang mga salita ng Diyos at ganap na hindi nila tinatanggap ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos o ang sinasabi ng Diyos tungkol sa iba’t ibang isyu. Kumakapit lang sila sa mga sariling pananaw nila at sa mga pilosopiya ni Satanas. Sa puso nila, naniniwala pa rin sila na tama at wasto ang mga pilosopiya at lohika ni Satanas. Halimbawa, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Hindi pinapahirapan ng opisyales ang mga taong mahusay manlangis,” o “Payapa ang buhay ng mabubuti.” May mga nagsasabi pa, “Kapag nananampalataya ang mga tao sa Diyos, dapat silang maging mabuti, ibig sabihin ay hindi kailanman pagkitil ng buhay; isang kasalanan ang kumitil ng buhay, at hindi ito mapapatawad ng Diyos.” Anong klaseng pananaw ito? Isa itong pananaw ng Budismo. Bagama’t maaaring akma ang pananaw ng Budismo sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, wala itong katotohanan. Dapat nakabatay sa mga salita ng Diyos ang pananalig sa Diyos; tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Sa pananalig nila sa Diyos, tinatanggap pa nga ng ilang tao ang mga katawa-tawang pananaw ng mga walang pananampalataya at ang mga maling teorya ng relihiyosong mundo bilang ang katotohanan, pinahahalagahan at pinanghahawakan nila ang mga ito. Tumatanggap ba sa katotohanan ang mga taong ito? Hindi nila mapag-iba ang mga salita ng tao at ang mga salita ng Diyos, o ang diyablo at Satanas at ang nag-iisang totoong Diyos, ang Lumikha. Hindi sila nananalangin sa Diyos o naghahanap sa katotohanan, hindi rin nila tinatanggap ang alinman sa mga katotohanang ipinahayag ng Diyos. Hindi kailanman nagbabago ang mga kaisipan at pananaw nila sa mga tao, sa mundo sa labas, at sa lahat ng ibang mga usapin. Kumakapit lang sila sa mga pananaw na dati na nilang pinanghahawakan, na nagmumula sa tradisyonal na kultura. Gaano man katawa-tawa ang mga pananaw na iyon, hindi nila ito nakikilatis, at pinanghahawakan pa rin nila ang mga maling pananaw na ito at hindi nila binibitawan ang mga ito. Ito ang isang pagpapamalas ng isang hindi mananampalataya. Ano ang isa pang pagpapamalas? Ito ay na nagbabago ang sigasig, damdamin, at pananalig nila habang lumalaki ang saklaw ng iglesia at habang patuloy na tumataas ang katayuan nito sa lipunan. Halimbawa, nang lumawak ang gawain ng iglesia sa ibang bansa at lumaki ang saklaw nito, nang lubos na lumaganap ang gawain ng ebanghelyo, nakita nila ito at agad silang sumigla. Naramdaman nila na lalong nagiging mas malakas ang impluwensiya ng iglesia at hindi na magdurusa sa pang-aapi at pang-uusig ng gobyerno. Naniniwala sila na may pag-asa ang pananampalataya nila sa Diyos, na pwede silang magmalaki; naramdaman nila na tama ang pagpusta nila, na magbubunga na sa wakas ang isinugal nila. Naramdaman nila na lalong nadaragdagan ang mga pagkakataon nila na makapagkamit ng mga pagpapala at nagsisimula na silang maging masaya sa wakas. Noong mga nakaraang taon, madalas nilang maramdaman ang pang-aapi, sakit, at dalamhati dahil madalas nilang makita ang mga pang-aaresto at panunupil ng malaking pulang dragon sa mga Kristiyano. Bakit sila nagdadalamhati? Dahil nasa kalunos-lunos na kalagayan ang iglesia, at nababahala sila kung tama ba ang naging desisyon nila na manampalataya sa Diyos, at higit pa roon, nababahala at naguguluhan sila kung dapat ba silang manatili o umalis sa iglesia. Sa mga taon na iyon, anuman ang mga mahirap na kalagayan na kinakaharap ng iglesia, may epekto ito sa mga emosyon nila; anumang gawain ang ginagawa ng iglesia at paano man magbago ang reputasyon at katayuan ng iglesia sa loob ng lipunan, nakakaapekto ito sa mga emosyon at lagay ng loob nila. Palaging sumasagi sa isipan nila ang tanong kung dapat ba silang manatili o umalis sa iglesia. Mga hindi mananampalataya ang mga gayong tao, hindi ba? Kapag kinokondena at sinusupil ng pambansang pamahalaan ang iglesia, o kapag inaaresto o hinuhusgahan, kinokondena, sinisiraan, at itinatakwil ng relihiyosong komunidad ang mga mananampalataya, nakakaramdam sila ng matindi at labis-labis na kahihiyan na umanib sila sa iglesia; nag-aalinlangan ang puso nila at nagsisisi sila na nananampalataya sila sa Diyos at umanib sa iglesia. Wala silang intensyon kailanman na makibahagi sa mga kagalakan at paghihirap ng iglesia, o magdusa kasama ni Cristo. Sa halip, kapag umuunlad ang iglesia, mukha silang nag-uumapaw sa pananampalataya, pero kapag inuusig, itinatakwil, sinusupil, at kinokondena ang iglesia, gusto nilang tumakas, umalis. Kapag hindi sila makakita ng anumang pag-asa na makatanggap ng mga pagpapala, o ng anumang pag-asa na lalawak ang ebanghelyo ng kaharian, lalo nilang gustong umalis. Kapag hindi nila nakikita na natutupad ang mga salita ng Diyos, at kapag hindi nila alam kung kailan darating ang malaking sakuna at kung kailan ito matatapos, o kung kailan maisasakatuparan ang kaharian ni Cristo, nag-aalinlangan sila at hindi nila magawa ang tungkulin nila nang payapa ang isipan. Sa tuwing nangyayari ito, gusto nilang iwanan ang Diyos, iwanan ang iglesia, at maghanap ng paraan para makalabas. Mga hindi mananampalataya ang mga gayong tao, hindi ba? Para sa sariling interes ng kanilang laman ang bawat kilos nila. Hindi kailanman unti-unting magbabago ang mga kaisipan at pananaw nila sa pamamagitan ng pagdanas nila sa gawain ng Diyos, o pagbabasa ng Kanyang mga salita, pakikipagbahaginan sa katotohanan, at pamumuhay ng buhay iglesia. Kapag may nangyayari sa kanila, hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, o hinahanap kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol dito, kung ano ang mga layunin ng Diyos, kung paano ginagabayan ng Diyos ang mga tao, o kung ano ang hinihingi Niya sa mga tao. Ang tanging pakay nila sa pag-anib sa iglesia ay maghintay sa araw na magiging “taas-noo” na ang iglesia, para makuha nila ang mga pakinabang na matagal na nilang ninanais. Siyempre, umanib din sila sa iglesia dahil nakita nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan—pero ganap nilang hindi tinatanggap ang katotohanan, at hindi sila naniniwala na matutupad ang lahat ng salita ng Diyos. Kaya ano ang masasabi ninyo, mga hindi mananampalataya ba ang mga gayong tao? (Oo.) Anuman ang mangyari sa iglesia o sa mundo sa labas, tinatantya nila kung gaano maaapektuhan ang mga interes nila, at kung gaano kalaki ang magiging epekto nito sa mga mithiing hinahangad nila. Sa pinakamaliit na tanda ng problema, agad nilang iniisip, nang may napakatalas na isipan, ang sarili nilang mga inaasam, interes, at kung dapat ba silang manatili o umalis sa iglesia. May mga tao pa ngang tanong nang tanong, “Noong nakaraang taon, sinabi na magtatapos na ang gawain ng Diyos—kaya bakit nagpapatuloy pa ito? Anong taon ba eksaktong matatapos ang gawain ng Diyos? Wala ba akong karapatang malaman? Napakatagal ko nang nagtiis, mahalaga ang aking oras, mahalaga ang aking kabataan—siguro naman, hindi pwedeng paghihintayin mo ako nang ganito?” Partikular silang sensitibo sa kung natupad na ba ang mga salita ng Diyos, sa sitwasyon ng iglesia, at sa katayuan at reputasyon nito. Wala silang pakialam kung makakamit ba nila ang katotohanan o kung maliligtas ba sila, kundi sensitibo sila sa kung mananatili ba silang buhay, at kung makakamit ba nila ang mga pakinabang at mga pagpapala kung mananatili sila sa sambahayan ng Diyos. Mga oportunista ang mga gayong tao sa pagnanais nila na mapagpala. Kahit pa maniwala sila hanggang sa wakas, hindi pa rin nila mauunawaan ang katotohanan, at wala silang masasalaysay na anumang patotoong batay sa karanasan. May nakatagpo ka na bang mga ganitong tao? Sa katunayan, may mga ganitong tao sa bawat iglesia. Dapat maging masigasig kayo sa pagkilatis sa kanila. Pawang mga hindi mananampalataya ang mga gayong indibidwal, salot sila sa sambahayan ng Diyos, magdudulot sila ng malaking pinsala at hindi sila kapaki-pakinabang sa iglesia, at dapat silang alisin dito.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 23

May isa pang uri ng mga tao na hindi maituturing na mabuti o masama, at na mga mananampalataya lang sa pangalan. Kung hihilingin mo sa kanila na gumawa ng isang bagay paminsan-minsan, kaya nilang gawin ito, pero hindi nila kusang gagampanan ang tungkulin nila kung hindi mo ito isasaayos para sa kanila. Dumadalo sila sa mga pagtitipon sa tuwing libre sila, pero sa sarili nilang pribadong oras, walang nakakaalam kung kumakain at umiinom sila ng mga salita ng Diyos, nag-aaral ng mga himno, o nagdarasal. Gayumpaman, medyo magiliw sila sa sambahayan ng Diyos at sa iglesia. Ano ang ibig sabihin ng “medyo magiliw”? Ibig sabihin, kung hihilingin sa kanila ng mga kapatid na gumawa ng isang bagay, papayag sila; alang-alang sa pagiging kapwa mananampalataya, pwede silang tumulong na gumawa ng ilang bagay, sa saklaw ng mga abilidad nila. Gayumpaman, kung hihilingin sa kanila na gumugol ng labis na pagsisikap o magbayad ng kung anong halaga, tiyak na hindi nila ito gagawin. Kung may isang kapatid na nahihirapan at nangangailangan ng tulong nila, tulad ng paminsan-minsang pagtulong sa pag-aasikaso sa bahay, pagluluto ng pagkain, o paminsan-minsang pagtulong sa ilang maliit na gawain—o marunong ang naturang tao ng banyagang wika at kaya nilang tulungan ang mga kapatid na magbasa ng mga sulat—kaya nilang tumulong sa ganitong uri ng bagay at medyo magiliw sila. Karaniwan ay nakakasundo nila ang iba at hindi sila nagtatanim ng galit sa mga tao, pero hindi sila regular na dumadalo sa mga pagtitipon at hindi nila hinihiling na bigyan sila ng tungkulin, lalong hindi sila gumagawa ng anumang mahalaga o kahit pa nga mapanganib na gawain. Kung hihilingin mo sa kanila na gumawa ng isang mapanganib na gampanin, tiyak na tatanggihan ka nila, sasabihin nila, “Nananampalataya ako sa diyos alang-alang sa paghahanap ng kapayapaan, kaya paanong gagawa ako ng mga mapanganib na gampanin? Hindi ba’t paghahanap iyon ng gulo? Hindi ko talaga magagawa ito!” Pero kung hihilingin sa kanila ng mga kapatid o ng iglesia na gawin nila ang isang maliit na bagay, pwede silang tumulong at gumawa ng maliit na pagsisikap, tulad lang ng isang kaibigan. Ang ganitong anyo ng paggugol sa sarili at pagtulong ay hindi matatawag na paggawa ng tungkulin, ni hindi ito matatawag na pagkilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at lalong hindi ito matatawag na pagsasagawa sa katotohanan; isa lang itong kaso ng pagkakaroon nila ng paborableng impresyon sa mga mananampalataya sa Diyos at pagiging medyo magiliw sa mga ito, at pagkakaroon ng kakayahang tumulong kung may nangangailangan ng tulong. Ano ang tawag sa ganitong uri ng mga tao? Tinatawag sila ng sambahayan ng Diyos na mga kaibigan ng iglesia. Paano dapat tratuhin ang uri ng mga tao na mga kaibigan ng iglesia? Kung may taglay silang kakayahan at kaunting kalakasan at kaya nilang tulungan ang iglesia sa pangangasiwa ng ilang panlabas na usapin, maituturing din silang mga tagapagserbisyo at mga kaibigan ng iglesia. Ito ay dahil ang ganitong uri ng mga tao ay hindi maituturing na mga mananampalataya sa Diyos, at hindi sila kinikilala ng sambahayan ng Diyos. At kung hindi sila kinikilala ng sambahayan ng Diyos, pwede ba silang kilalanin ng Diyos bilang mga mananampalataya? (Hindi.) Samakatwid, huwag, kailanman hihilingin sa ganitong uri ng mga tao na sumali sa hanay ng mga gumagampan sa tungkulin nang full-time. May mga nagsasabi: “Ang ilang tao, noong una silang nagsimulang manampalataya, ay may kaunting pananalig at gusto lang nilang maging mga kaibigan ng iglesia. Hindi nila nauunawaan ang maraming bagay tungkol sa pananampalataya sa Diyos, kaya paano sila magiging handang gumawa ng isang tungkulin? Paano sila magiging handang gugulin ang sarili nila nang buong puso?” Hindi natin tinutukoy ang mga taong nananampalataya sa Diyos sa loob ng tatlo hanggang limang buwan o hanggang isang taon, kundi ang mga taong sa pangalan lang nananampalataya sa Diyos sa loob ng mahigit tatlong taon, o maging sa loob ng lima o sampung taon. Kahit gaano pa sinasabi ng mga ganitong tao na kinikilala nila na ang Diyos ang nag-iisang tunay na Diyos at ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ang tunay na iglesia, hindi ito nagpapatunay na mga tunay silang mananampalataya. Batay sa iba’t ibang pagpapamalas ng ganitong uri ng mga tao at sa uri ng pananalig nila, tinatawag natin silang mga kaibigan ng iglesia. Huwag silang ituring bilang mga kapatid—hindi sila mga kapatid. Huwag hayaan ang mga gayong tao na sumali sa iglesia na full-time, at huwag silang hayaang sumali sa hanay ng mga gumagampan ng tungkulin nang full-time; hindi ginagamit ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao. Pwedeng sabihin ng ilan: “May pagkiling ka ba laban sa ganitong uri ng mga tao? Bagama’t mukhang matamlay sa panlabas, sa loob ay talagang masigasig sila.” Imposible para sa mga sinserong mananampalataya na lima o sampung taon nang nananampalataya sa Diyos at manatili pa ring matamlay; ang pag-uugali ng ganitong uri ng mga tao ay ganap nang ibinubunyag na sila ay mga hindi mananampalataya, mga taong nasa labas ng mga salita ng Diyos, at mga walang pananampalataya. Kung tinatawag mo pa rin silang mga kapatid, at sasabihin mo pa rin na hindi sila tinatrato nang patas, kung gayon ay kuru-kuro at mga damdamin mo ang nagsasalita.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 6

Ang diwa ng mga hindi talaga tinatanggap ang katotohanan ay sa isang hindi mananampalataya. Ano ang mga tanda ng mga hindi mananampalataya? Ang pananampalataya nila sa Diyos ay isang uri ng oportunismo, paraan nila ito para maging palamunin sila ng iglesia, makaiwas sa sakuna, makahanap ng suporta at ng tuloy-tuloy na pagkakakitaan. Ang iba pa nga sa kanila ay may mga politikal na mithiin, gustong magkaroon ng koneksiyon sa gobyerno sa pamamagitan ng ilang usapin para magkamit ng pabor at makakuha ng opisyal na katungkulan. Ang gayong mga tao ay mga hindi mananampalataya, bawat isa sa kanila. Dala-dala nila ang mga motibo at mga layuning ito sa kanilang pananalig sa Diyos, at sa puso nila ay hindi sila naniniwala nang may buong katiyakan na mayroong Diyos. Kahit na kinikilala nila Siya, ginagawa nila ito nang may pag-aalinlangan, dahil ang pananaw na kanilang pinanghahawakan ay mala-ateista. Naniniwala lamang sila sa mga bagay na nakikita nila sa materyal na mundo. Bakit natin sinasabing hindi sila naniniwala na mayroong Diyos? Sapagkat hindi nila pinaniniwalaan o kinikilala ang mga katunayan na nilikha ng Diyos ang kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at na nang matapos likhain ang sangkatauhan ay pinamunuan at may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa kanila. Kaya, imposibleng maniwala sila sa katunayan na pwedeng maging tao ang Diyos. Kung hindi sila naniniwala na pwedeng maging tao ang Diyos, may kakayahan ba silang paniwalaan at kilalanin ang lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan? (Wala silang kakayahan.) Kung hindi sila naniniwala sa mga katotohanang ipinapahayag ng Diyos, naniniwala ba silang maililigtas ng Diyos ang sangkatauhan at naniniwala ba sila sa Kanyang plano ng pamamahala na iligtas ang sangkatauhan? (Hindi sila naniniwala.) Hindi sila naniniwala sa alinman sa mga ito. Ano ang ugat ng kanilang kawalang-paniniwala? Ito ay na hindi sila naniniwala na umiiral ang Diyos. Sila ay mga ateista at materyalista. Naniniwala silang ang mga bagay lamang na nakikita mo sa materyal na mundo ang totoo. Naniniwala sila na ang katanyagan, pakinabang, at katayuan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng mga pakana at hindi magagandang paraan. Naniniwala silang ang tanging paraan para umunlad at mamuhay nang masaya ay mamuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya. Naniniwala silang ang kapalaran nila ay nasa kanilang sariling mga kamay lamang, at na dapat silang umasa sa sarili para makalikha at magtamo ng masayang buhay. Hindi sila naniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos o sa Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat. Iniisip nilang kapag umasa sila sa Diyos, hindi sila magkakaroon ng anuman. Panghuli, hindi sila naniniwalang maisasakatuparan ng mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay, at hindi sila naniniwala sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Kaya naman, ang mga motibo at layon, tulad ng oportunismo, pagiging palamunin ng iglesia, pag-iwas sa sakuna, paghahanap ng tagapagtaguyod, pakikipagkaibigan sa mga taong iba ang kasarian, at pagkakamit ng mga politikal na mithiin, pagkakaroon ng opisyal na posisyon at ng tuloy-tuloy na pinagkakakitaan para sa kanilang sarili, ay lumilitaw sa pananampalataya nila sa Diyos. Dahil mismo ang mga taong ito ay hindi naniniwalang naghahari ang Diyos nang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat kaya nagagawa nilang mapangahas at walang prinsipyong pasukin ang iglesia nang may sarili nilang mga intensiyon at layon. Nais nilang gamitin ang kanilang mga talento o tuparin ang kanilang mga pangarap sa iglesia. Nangangahulugan ito na pinapasok nila ang iglesia para matugunan ang layunin at pagnanais nilang magtamo ng mga pagpapala; gusto nilang magkamit ng kasikatan, pakinabang, at katayuan sa iglesia, at sa paggawa niyon ay magkakaroon sila ng regular na pagkakakitaan. Makikita sa pag-uugali nila, pati sa kalikasang diwa nila, na ang mga layon, motibo, at intensiyon nila sa pananampalataya sa Diyos ay hindi wasto. Wala sa kanilang tumatanggap sa katotohanan, wala sa kanilang tunay na nananampalataya sa Diyos, at kahit na pasukin man nila ang iglesia, pinupuno lang nila ang mga upuan, wala silang anumang nagiging positibong papel. Kaya naman, hindi dapat tanggapin ng iglesia ang mga gayong tao. Kahit na nakapasok na ang mga taong ito sa iglesia, hindi sila hinirang na mga tao ng Diyos, bagkus ay nakapasok sila dahil sa mabubuting layunin ng ibang tao. “Hindi sila mga taong hinirang ng Diyos”—paano ito dapat bigyang-kahulugan? Ibig sabihin nito ay hindi sila paunang itinalaga at hinirang ng Diyos; hindi Niya sila itinuturing bilang tatanggap ng Kanyang gawain; ni hindi Niya sila paunang itinalaga bilang mga taong Kanyang ililigtas. Kapag ang mga taong ito ay nakapasok na sa iglesia, natural na hindi natin sila maaaring ituring bilang mga kapatid, dahil hindi sila ang mga tunay na tumatanggap sa katotohanan o nagpapasakop sa gawain ng Diyos. Maaaring itanong ng ilan, “Dahil hindi sila mga kapatid na tunay na nananalig sa Diyos, bakit hindi sila pinapaalis o itinitiwalag ng iglesia?” Layunin ng Diyos na ang mga taong Kanyang hinirang ay matuto ng pagkakilala mula sa mga hindi mananampalatayang ito at sa gayon ay mahalata ang mga pakana ni Satanas at tanggihan si Satanas. Kapag ang mga taong hinirang ng Diyos ay nagkaroon na ng pagkakilala, dapat na paalisin ang mga hindi mananampalatayang ito. Ang layon ng pagkakilala ay ilantad ang lahat ng hindi mananampalataya na nakapasok sa sambahayan ng Diyos nang may mga ambisyon at pagnanasa nila at paalisin sila sa iglesia, dahil ang mga taong ito ay hindi mga totoong mananampalataya sa Diyos, at lalong hindi sila mga taong tumatanggap at nagmamahal sa katotohanan. Walang mabuting idudulot ang pananatili nila sa iglesia—kundi malaking pinsala ang mangyayari. Una sa lahat, matapos nilang mapasok ang iglesia, ang mga hindi mananampalatayang ito ay hindi kailanman kumakain o umiinom ng mga salita ng Diyos at hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Palagi nilang tinatalakay ang ibang bagay maliban sa mga salita ng Diyos at katotohanan, ginugulo nila ang puso ng ibang tao, guguluhin at gagambalain lamang nila ang gawain ng iglesia, sa kapinsalaan ng pagpasok sa buhay ng hinirang na mga tao ng Diyos. Pangalawa, kung mananatili sila sa iglesia, manggugulo sila habang gumagawa ng masasamang gawa, tulad lamang ng mga walang pananampalataya, na guguluhin at gagambalain ang gawain ng iglesia, at isasailalim ang iglesia sa maraming nakatagong panganib. Pangatlo, kahit na manatili sila sa iglesia, hindi sila kusang-loob na kikilos bilang mga tagapagserbisyo, at kahit na maaaring gumawa sila ng kaunting serbisyo, ito ay para lamang magkamit ng mga pagpapala. Kung sakaling dumating ang araw na malaman nilang hindi sila makakapagkamit ng mga pagpapala, magwawala sila sa galit, guguluhin at pipinsalain ang gawain ng iglesia. Mas mabuting paalisin sila sa iglesia bago pa mahuli ang lahat. Pang-apat, ang mga hindi mananampalatayang ito ay malamang na bumuo ng mga paksiyon, at sumuporta at sumunod sa mga anticristo, sa gayon ay lumilikha ng isang masamang puwersa sa loob ng iglesia na nagdudulot ng malaking banta sa gawain nito. Batay sa apat na pagsasaalang-alang na ito, kinakailangang tukuyin at ilantad ang mga hindi mananampalatayang pumasok sa sambahayan ng Diyos, at pagkatapos ay paalisin sila. Ito lamang ang paraan para mapanatili ang normal na pag-usad sa gawain ng iglesia, at epektibong mapangalagaan na ang hinirang na mga tao ng Diyos ay makakain at makainom ng mga salita ng Diyos at makapamuhay ng buhay iglesia nang normal, at nang sa gayon ay makapasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Ito ay dahil ang pagpasok ng mga hindi mananampalatayang ito sa iglesia ay malaking kapinsalaan sa pagpasok sa buhay ng hinirang na mga tao ng Diyos. Maraming taong hindi sila kayang tukuyin, kundi sa halip ay itinuturing sila bilang mga kapatid. Ang ilang tao, na nakikitang may kaunti silang kaloob o kalakasan, ay pinipili silang magsilbi bilang mga lider at manggagawa. Ganito lumilitaw ang mga huwad na lider at mga anticristo sa iglesia. Kung titingnan ang kanilang diwa, makikita na wala sa kanila ang naniniwala na umiiral ang Diyos, o na ang Kanyang mga salita ay ang katotohanan, o na Siya ay naghahari nang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Sila ay mga walang pananampalataya sa mata ng Diyos. Hindi Niya sila pinapansin, at hindi gagawa sa kanila ang Banal na Espiritu. Kaya, batay sa kanilang diwa, hindi sila ang mga tatanggap ng kaligtasan ng Diyos, at siguradong hindi Niya sila paunang itinalaga o hinirang. Imposibleng iligtas sila ng Diyos. Gaano man ito tingnan ng iba, wala sa mga hindi mananampalatayang ito ang hinirang na mga tao ng Diyos. Dapat silang agaran at tumpak na matukoy, at pagkatapos ay paalisin. Hindi sila dapat payagang tumambay sa iglesia na ginugulo ang iba.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 24

May ilang taong sumasamba sa mga tanyag at prominenteng tao. Lagi silang may mga alinlangan sa kung talagang nakapagliligtas ng mga tao ang mga salita ng Diyos, at lagi nilang pinaniniwalaang tanging ang mga tanyag at prominenteng tao ang may impluwensiya at karisma. Lagi nilang iniisip na, “Tingnan mo kung gaano kahanga-hanga ang pinuno ng ating estado! Tingnan mo ang kaningningan, ang pagtatanghal, ang karangyaan ng ating mga pambansang kapulungan! Kahit kaunti kaya ay mapapantayan iyon ng sambahayan ng diyos?” Na nakapagsasalita ka nang gayon ay nagpapakitang isa kang walang pananampalataya. Hindi mo nakikita nang malinaw ang kasamaan ng politika, o ang kapanglawan ng isang bayan, o ang katiwalian ng sangkatauhan. Hindi mo nakikitang ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos, at hindi mo nakikita o nauunawaan kung ano ang mga patotoong batay sa karanasan na ipinakikita ng mga hinirang na tao ng Diyos. Taglay ng sambahayan ng Diyos ang katotohanan at ang napakaraming patotoo, at ang lahat ng hinirang ng Diyos ay namumulat at nagbabago, lahat sila ay nagsisimulang maranasan ang gawain ng Diyos at pumasok sa katotohanang realidad. Nakikita mo ba ang maaaring mangyari sa mga tao ng Diyos na nagpapasakop sa Kanya at sumasamba sa Kanya? Higit pa ito sa iyong imahinasyon. Ang lahat ng nasa sambahayan ng Diyos ay isandaang beses, isanlibong beses na mas maganda kaysa sa mundo, at sa hinaharap, patuloy lamang na gaganda at magiging mas regular, at magiging mas perpekto ang lahat ng mayroon ang sambahayan ng Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay unti-unting nakakamit, at ang mga ito ang isasakatuparan ng salita ng Diyos. Ang mga hinirang na tao ng Diyos ay pawang pinili at paunang inorden Niya, kaya tiyak na mas mahusay pa sila kaysa sa mga tao ng mundo. Kung hindi nakikita ng isang tao ang mga katunayang ito, hindi ba’t bulag siya? May ilang taong laging pakiramdam na maganda ang mundo, at sa kaibuturan nila ay sinasamba nila ang mga tanyag at prominenteng tao ng mundo. Hindi ba’t sinasamba nila ang mga diyablo at mga Satanas? Sumasampalataya ba sa Diyos ang mga tanyag at prominenteng taong ito? Mga tao ba silang nagpapasakop sa Diyos? Mayroon ba silang may takot sa Diyos na puso? Tinatanggap ba nila ang katotohanan? Lahat sila ay mga demonyong lumalaban sa Diyos—talaga bang hindi mo nakikita iyon? Bakit ka sumasampalataya sa Diyos, yamang sinasamba mo ang mga tanyag at prominenteng tao ng mundo? Paano mo ba talaga tinitingnan ang lahat ng salitang ipinapahayag ng Diyos? Paano mo tinitingnan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat? May ilang taong bukod sa walang takot sa Diyos—wala rin silang ni katiting na respeto para sa Kanya. Hindi ba’t mga hindi mananampalataya sila? Hindi ba’t dapat na paalisin agad ang gayong mga tao? (Dapat silang paalisin.) At kung hindi sila aalis, ano ang dapat na gawin? Magmadali ka na palayasin sila, paalisin sila. Ang mga hindi mananampalataya ay parang maruruming langaw, masyadong kasuklam-suklam na pagmasdan. Ang sambahayan ng Diyos ay pinaghaharian ng katotohanan at ng Kanyang mga salita, at ginagawa ang mga bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ang gayong mga tao ay dapat na mapaalis. Ayon sa kanilang mga salita ay sumasampalataya sila sa Diyos, ngunit sa kanilang puso, hinahamak nila ang sambahayan ng Diyos at kinamumuhian ang Diyos. Payag ba kayong makahalubilo ang gayong mga hindi mananampalataya? (Hindi.) Iyon ang dahilan kung bakit kailangan silang mapaalis agad. Gaano man sila ka-edukado o kagaling, kailangan silang mapaalis. May ilang taong nagtatanong, “Hindi ba’t kawalan iyon ng pagmamahal?” Hindi, pagkilos iyon ayon sa mga prinsipyo. Ano ang ibig sabihin Ko rito? Na gaano man kataas ang tayog mo, gaano man katindi ang determinasyon mong hangarin ang katotohanan o may pananampalataya ka man sa Diyos, isang bagay ang tiyak: Si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Hindi ito magbabago magpakailanman. Ito dapat ang maging saligan mo, ang pinakamatibay na pundasyon ng iyong pananampalataya sa Diyos; dapat mo itong matiyak at hindi pag-alinlanganan sa iyong puso. Kung maging ito ay pag-aalinlanganan mo, hindi ka karapat-dapat na manatili sa sambahayan ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Ang ating bayan ay isang dakilang bayan, at ang ating lahi ay isang marangal na lahi; walang katulad ang dangal ng ating mga kaugalian at kultura. Hindi natin kailangang tanggapin ang katotohanan.” Hindi ba’t tinig iyon ng mga hindi mananampalataya? Tinig iyon ng mga hindi mananampalataya, at kailangang mapaalis ang gayong mga hindi mananampalataya. May ilang taong malimit magbunyag ng tiwaling disposisyon, at kung minsan, walang pakundangan at walang pagpipigil ang kanilang disposisyon, subalit tunay ang kanilang pananampalataya sa Diyos, at kaya nilang tanggapin ang katotohanan. Kung sasailalim sila sa isang antas ng pagpupungos, makapagsisisi sila. Ang gayong mga tao ay dapat na mabigyan ng pagkakataon. Medyo hangal ang mga tao, o hindi nila nakikita nang malinaw ang mga bagay-bagay, o naililigaw sila, o, sa isang sandali ng kahangalan, maaari silang magsabi ng magulong bagay o umasal sa isang magulong paraan dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Dulot ito ng isang tiwaling disposisyon; dulot ito ng kahangalan, kamangmangan, at ng kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan. Gayunman, ang gayong mga tao ay hindi kauri ng mga hindi mananampalataya. Ang kinakailangan dito ay gamitin ang pakikipagbahaginan sa katotohanan upang malutas ang mga problemang ito. May ilang taong ilang taon nang sumasampalataya sa Diyos na hindi talaga tumatanggap sa katotohanan at hindi nagbago kahit kaunti. Sila ay mga hindi mananampalataya. Hindi sila mga tao ng sambahayan ng Diyos, at hindi sila kinikilala ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Isang Tao na Maayos na Gumaganap sa Kanyang Tungkulin nang Buong Puso, Isipan, at Kaluluwa ang Nagmamahal sa Diyos

Kung sinasabi mong nananalig ka sa Diyos pero madalas ay lito ang puso mo, hindi mo alam kung paano gumagawa ang Diyos upang iligtas ang tao, o kung paano dapat hangarin ng tao ang katotohanan, hindi mo rin alam kung minamahal mo ba ang katotohanan, o aling mga pangyayari ang dapat maging dahilan para manalangin ka sa Diyos; kung araw-araw kang naguguluhan, hindi seryoso sa lahat ng bagay, at sumusunod ka lang sa mga regulasyon; kung hindi kaya ng puso mo na maging payapa sa harap ng Diyos, at hindi ka nananalangin o hinahanap ang katotohanan sa tuwing may nangyayari sa iyo; kung madalas kang kumikilos ayon sa sarili mong kalooban, namumuhay ayon sa iyong satanikong disposisyon, at inihahayag ang iyong mapagmataas na disposisyon, at kung hindi mo tinatanggap ang pagsusuri o pagdidisiplina ng Diyos, at wala kang pusong mapagpasakop, kung gayon sa kaloob-looban, palagi kang mamumuhay sa harap ni Satanas, at kokontrolin ni Satanas at ng iyong tiwaling disposisyon. Ang gayong mga tao ay wala kahit katiting na takot sa Diyos. Talagang hindi nila kayang layuan ang kasamaan, at kahit hindi sila gumagawa ng masama, lahat ng iniisip nila ay masama pa rin, at kapwa walang kaugnayan sa katotohanan at sumasalungat dito. Kung gayon, ang mga ganoong tao ba ay pangunahing walang ugnayan sa Diyos? Kahit sila ay pinamumunuan Niya, hindi kailanman lumapit sa Kanya ang puso nila, ni hindi sila kailanman tunay na nagdasal sa Kanya; hindi nila kailanman itinuring ang Diyos bilang Diyos, hindi nila Siya kailanman itinuring bilang ang Lumikha na may kataas-taasang kapangyarihan sa kanila, hindi nila kailanman kinikilala na Siya ay kanilang Diyos at kanilang Panginoon, at hindi nila kailanman isinaalang-alang na masugid Siyang sambahin. Ang gayong mga tao ay hindi nakauunawa kung ano ang ibig sabihin ng matakot sa Diyos, at iniisip nilang karapatan nilang gumawa ng masama. Sinasabi nila sa kanilang puso, “Gagawin ko ang gusto ko. Bahala ako sa sarili ko, walang pakialam ang sinumang iba pa!” Itinuturing nila ang pananampalataya sa Diyos bilang isang uri ng mantra, isang anyo ng seremonya. Hindi ba’t ginagawa sila nitong mga hindi mananampalataya? Sila ay mga hindi mananampalataya! Sa isip ng Diyos, ang mga taong ito ay masasama lahat. Sa buong maghapon, lahat ng iniisip nila ay kasamaan. Sila ang masasamang tao ng sambahayan ng Diyos, at hindi Niya kinikilala ang gayong mga tao bilang mga kaanib ng Kanyang sambahayan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan

Kapag naharap ang ilang tao sa hindi kanais-nais na sitwasyon, magsisimula silang magreklamo at manisi ng ibang tao. Hindi nila kailanman naisip na maaaring sila mismo ang nagdulot nito sa sarili nila, at sa halip ay palagi nilang ipinapasa ang responsabilidad sa ibang tao. Pagkatapos, nasisiyahan at lumuluwag ang pakiramdam nila, at iniisip nila na, “Nalutas na ang problema. Ang manalig sa Diyos nang ganito ay sobrang kaaya-aya at madali!” Ano ang palagay mo sa pamamaraang ito ng paglutas ng mga problema? Makakamit ba ng isang tao ang katotohanan sa ganitong pagsasagawa? Nagpapakita ba ito ng saloobin ng pagpapasakop sa Diyos? Sa anong pananaw, at sa paanong kaparaanan, naniniwala ang gayong mga tao sa Diyos? Nailapat na ba nila ang mga salitang “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng sangkatauhan, lahat ng pangyayari at lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay” sa kanilang pang-araw-araw na buhay? Kapag sinuri nila ang problema gamit ang pag-iisip ng tao, kapag tinugunan nila ang usapin gamit ang kaparaanan ng tao, naniniwala ba sila sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Nagpapasakop ba sila sa kataas-taasang kapangyarihan at plano ng Diyos sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay? Hinding-hindi. Una, hindi sila nagpapasakop; isa na itong pagkakamali. Pangalawa, hindi nila matanggap mula sa Diyos ang sitwasyon, mga tao, pangyayari, at bagay-bagay na ipinaplano Niya para sa kanila; tinitingnan lamang nila ang hitsura nito. Tinitingnan lamang nila kung ano ang hitsura ng sitwasyon mula sa labas, pagkatapos ay sinusuri nila ito gamit ang kanilang pag-iisip bilang tao at sinusubukang lutasin ito gamit ang mga pamamaraan ng tao. Hindi ba’t isa na naman itong pagkakamali? Malaking pagkakamali ba ito? (Oo.) Paano nangyari iyon? Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Iniisip nila na ang lahat ay nagkataon lang. Sa mga mata nila, wala ni isang bagay ang pinamumunuan ng Diyos, at na karamihan sa mga bagay ay nangyayari dahil sa mga kilos ng mga tao. Ito ba ay pananampalataya sa Diyos? Mayroon ba silang tunay na pananalig? (Wala.) Bakit wala? Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng usapin at lahat ng bagay—na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa bawat sitwasyon. Kung hindi nangyayari ang isang bagay ayon sa kanilang inaakala, hindi nila ito matatanggap mula sa Diyos. Hindi sila naniniwalang kayang pangasiwaan ng Diyos ang mga sitwasyong ito. Dahil hindi nila nakikita ang Diyos, iniisip nila na nagkataon lang ang mga sitwasyong ito bilang resulta ng mga kilos ng mga tao, sa halip na resulta ng pamamatnugot ng Diyos. Hindi sila naniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung gayon, ano ang diwa ng kanilang pananampalataya? (Sila ay hindi mananampalataya.) Tama iyan, sila ay hindi mananampalataya! Hindi tumatanggap ng anuman mula sa Diyos ang mga hindi mananampalataya. Sa halip, pinipiga nila ang kanilang utak sa pagsisikap na harapin ang mga bagay-bagay gamit ang mga perspektibo, isipan at pamamaraan ng tao. Ito ang ugali ng mga hindi mananampalataya. Kapag nakatagpo kayo ng ganitong klaseng tao sa hinaharap, dapat kayong magkaroon ng kaunting paghiwatig tungkol sa kanila. Ang mga hindi mananampalataya ay mahusay sa paggamit ng kanilang utak at pagbubuo ng mga ideya kapag nagkaroon ng mga isyu; palagi nilang pinag-aaralan ang usapin, at sinisikap na lutasin ito gamit ang mga pamamaraan ng tao. Palagi nilang tinitingnan ang mga tao at mga bagay gamit ang pangangatwiran ng tao at ang mga satanikong pilosopiya, o batay sa batas, hindi naniniwala na ang salita ng Diyos ang katotohanan o na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at namamatnugot sa lahat ng bagay. Ang lahat ng nangyayari ay pinahihintulutan ng Diyos, pero hindi magawang tanggapin ng mga hindi mananampalataya ang mga bagay na ito mula sa Diyos, at palagi nilang tinitingnan ang mga bagay batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Bagamat karaniwang sinasabi ng mga hindi mananampalataya na naniniwala silang nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng isang tao, at na handa silang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, kapag totoong nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, hindi nila magawang tanggapin ang mga bagay na iyon mula sa Diyos at nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Ito ang ugali ng mga hindi mananampalataya.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Malulutas Lamang ang Isang Tiwaling Disposisyon sa Pagtanggap ng Katotohanan

Hindi ba’t kasuklam-suklam na may mga taong gustong magbusisi at gumamit ng mga pamamaraan na hindi epektibo kapag may nangyayari sa kanila? Isa itong malaking problema. Ang mga taong malinaw ang pag-iisip ay hindi gagawa ng pagkakamaling ito, ngunit ganito ang mga taong hangal. Palagi nilang iniisip na ginagawang mahirap ng iba ang mga bagay-bagay para sa kanila, na sadyang pinahihirapan sila ng iba, kaya palagi nilang inaaway ang ibang tao. Hindi ba’t paglihis ito? Hindi sila nagsisikap pagdating sa katotohanan, mas gusto nilang iwasan ang mahalagang usapin kapag may nangyayari sa kanila, humihingi sila ng mga paliwanag, nagsisikap na huwag mapahiya, at palagi silang gumagamit ng mga solusyon ng tao para harapin ang mga bagay na ito. Ito ang pinakamalaking hadlang sa pagpasok sa buhay. Kung nananalig ka sa Diyos sa ganitong paraan, o nagsasagawa sa ganitong paraan, hinding-hindi mo makakamit ang katotohanan dahil hindi ka kailanman lumalapit sa Diyos. Hindi ka kailanman lumalapit sa Diyos para tanggapin ang lahat ng isinaayos ng Diyos para sa iyo, ni hindi mo ginagamit ang katotohanan para harapin ang lahat ng ito, sa halip ay gumagamit ka ng mga solusyon ng tao para pangasiwaan ang mga bagay-bagay. Samakatuwid, sa mga mata ng Diyos, masyado ka nang nalihis mula sa Kanya. Hindi lamang nalayo ang puso mo sa Kanya, ang buo mong pagkatao ay hindi namumuhay sa Kanyang presensiya. Ganito ang tingin ng Diyos sa mga taong palaging sinusuri nang husto ang mga bagay-bagay at nagbubusisi. Mayroong mga tuso, magaling magsalita, na may matalas at matalinong isipan, na nag-iisip na, “Mahusay akong magsalita. Talagang hinahangaan at pinahahalagahan ako ng ibang tao, at mataas ang tingin nila sa akin. Madalas nakikinig sa akin ang mga tao.” Kapaki-pakinabang ba ito? Naitatag mo na ang iyong prestihiyo sa mga tao, ngunit ang paraan ng pag-asal mo sa harap ng Diyos ay hindi nakalulugod sa Kanya. Sinasabi ng Diyos na isa kang hindi mananampalataya, at na mapanlaban ka sa katotohanan. Sa mga tao, maaaring sopistikado at magaling ka, maaaring napangangasiwaan mo nang mabuti ang mga bagay-bagay, at nakakasundo ang sinuman; maaaring lagi kang nakakahanap ng paraan para mapangasiwaan at maasikaso ang mga bagay-bagay anuman ang sitwasyon, ngunit hindi ka lumalapit sa Diyos at naghahanap sa katotohanan para malutas ang mga problema. Napakagulo ng mga taong ganito. Iisa lang ang masasabi ng Diyos sa pagtatasa sa mga taong katulad mo: “Isa kang hindi mananampalataya, sinusubukan mong samantalahin ang pagkakataong ito para magkamit ng mga pagpapala habang nagkukunwari kang nananalig sa Diyos. Hindi ka isang taong tumatanggap sa katotohanan.” Ano ang palagay mo sa ganitong uri ng pagtatasa? Ito ba ang gusto ninyo? Tiyak na hindi. Posibleng walang pakialam ang ilang tao, at sinasabing, “Hindi mahalaga kung paano tayo nakikita ng diyos, hindi naman natin nakikita ang diyos. Ang pinakapangunahing problema natin ay ang makasundo muna ang mga tao sa paligid natin. Sa sandaling nakapagtatag na tayo ng matibay na reputasyon para sa ating sarili, maaari na nating makuha ang loob ng mga lider at manggagawa, upang hangaan tayo ng lahat.” Anong klaseng tao ito? Isa ba siyang taong nananalig sa Diyos? Tiyak na hindi; siya ay isang hindi mananampalataya.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya

Maraming tao ang hindi nakauunawa sa katotohanan o naghahangad sa katotohanan. Paano nila tinatrato ang pagganap ng isang tungkulin? Tinatrato nila ito bilang isang uri ng trabaho, isang uri ng libangan, o isang pamumuhunan ng kanilang interes. Hindi nila ito tinatratong isang misyon o isang gawaing ibinigay ng Diyos, o isang responsabilidad na dapat nilang tuparin. Lalong hindi nila hinahangad na maunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, para magampanan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin at makumpleto ang atas ng Diyos. Samakatuwid, sa proseso ng pagganap ng kanilang mga tungkulin, may ilang taong umaayaw sa sandaling magtiis sila ng kaunting hirap at gustong tumakas. Kapag nakatatagpo sila ng ilang paghihirap o dumaranas ng ilang balakid, umaatras sila, at gustong muling tumakas. Hindi nila hinahanap ang katotohanan; iniisip lang nilang tumakas. Tulad ng mga pagong, kung may nangyayaring anumang mali, nagtatago lang sila sa kanilang talukab, pagkatapos ay naghihintay hanggang sa matapos ang problema bago sila muling lumitaw. Maraming tao ang ganito. Sa partikular, may ilang tao na, kapag sinabihang akuin ang responsabilidad para sa ilang partikular na trabaho, ay hindi iniisip kung paano nila maiaalay ang kanilang katapatan, o kung paano gagampanan ang tungkuling ito at gagawin ang gawaing ito nang maayos. Sa halip, iniisip nila kung paano makaiiwas sa responsabilidad, kung paano makaiiwas sa pagpupungos, kung paano makaiiwas na pasanin ang anumang responsabilidad, at kung paano lilitaw na walang pinsala kapag may mga nangyayaring problema o pagkakamali. Iniisip muna nila ang kanilang sariling ruta sa pagtakas at kung paano matutugunan ang kanilang mga sariling kagustuhan at interes, hindi kung paano gagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin at iaalay ang kanilang katapatan. Makakamit ba ng mga taong tulad nito ang katotohanan? Hindi sila nagsisikap para sa katotohanan, at hindi nila isinasagawa ang katotohanan pagdating sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Para sa kanila, palaging mas luntian ang damo sa kabilang bakod. Ngayon gusto nilang gawin ito, bukas gusto nilang gawin iyon, at iniisip nilang mas mabuti at mas madali ang mga tungkulin ng lahat ng iba pa kaysa sa kanila. Gayumpaman, hindi sila nagsisikap para sa katotohanan. Hindi nila iniisip kung ano ang mga problema sa mga ideya nilang ito, at hindi nila hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Palaging nakatuon ang isipan nila sa kung kailan matutupad ang sarili nilang mga pangarap, kung sino ang nasa sentro ng atensyon, kung sino ang nakakakuha ng pagkilala mula sa Itaas, kung sino ang nagtatrabaho nang hindi pinupungusan at itinataas ang katungkulan. Puno ng mga ganitong bagay ang kanilang isipan. Matutupad ba ng mga tao na laging nag-iisip tungkol sa mga bagay na ito ang kanilang mga tungkulin nang sapat? Hindi nila ito kailanman maisasakatuparan. Kaya, anong uri ng mga tao ang gumaganap ng kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? Una, isang bagay ang tiyak: Ang mga taong tulad nito ay hindi naghahangad sa katotohanan. Hinahangad nilang tamasahin ang ilang pagpapala, maging sikat, at maging sentro ng atensyon sa sambahayan ng Diyos, tulad noong nakararaos sila sa lipunan. Pagdating sa diwa, anong uri sila ng mga tao? Sila ay mga hindi mananampalataya. Ginagampanan ng mga hindi mananampalataya ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos tulad nang sa paggawa nila sa labas na mundo. May pakialam sila sa kung sino ang itinataas ng posisyon, sino ang nagiging lider ng pangkat, sino ang nagiging lider ng iglesia, sino ang pinupuri ng lahat para sa kanilang trabaho, sino ang itinaas at binanggit. May pakialam sila sa mga bagay na ito. Katulad lang ito sa isang kumpanya: Sino ang itinataas ng posisyon, sino ang tinataasan ng sahod, sino ang nakatatanggap ng papuri ng lider, at sino ang nagiging pamilyar sa lider—may pakialam ang mga tao sa mga bagay na ito. Kung hinahanap din nila ang mga bagay na ito sa sambahayan ng Diyos, at abala sa mga bagay na ito sa buong araw, hindi ba’t katulad sila ng mga walang pananampalataya? Sa diwa, sila ay mga walang pananampalataya; sila ay mga karaniwang hindi mananampalataya. Anumang tungkulin ang kanilang ginagampanan, magtatrabaho lang sila at kikilos nang pabasta-basta. Anumang sermon ang kanilang naririnig, hindi pa rin nila tinatanggap ang katotohanan, at lalong hindi nila isinasagawa ang katotohanan. Nananalig sila sa Diyos sa loob ng maraming taon nang hindi dumaranas ng anumang pagbabago, at kahit ilang taon nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, hindi nila magagawang ialay ang kanilang katapatan. Wala silang tunay na pananampalataya sa Diyos, wala silang katapatan, sila ay mga hindi mananampalataya.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)

Hindi nagagalak sa katotohanan ang ilang tao, lalo na sa paghatol. Sa halip, nagagalak sila sa kapangyarihan at mga kayamanan; ang mga taong ganoon ay tinatawag na mga mapaghanap ng kapangyarihan. Hinahanap lamang nila ang mga denominasyon sa mundo na may impluwensya, at hinahanap lamang nila ang mga pastor at mga gurong galing sa mga seminaryo. Bagaman tinanggap na nila ang daan ng katotohanan, hindi sila lubos na naniniwala; wala silang kakayahang ibigay ang lahat ng puso at isip nila, ang mga bibig nila ay bumibigkas ng mga salita ng paggugol ng mga sarili nila para sa Diyos, ngunit ang kanilang mga mata ay nakatuon sa mga dakilang pastor at guro, at hindi nila binibigyan si Cristo ng karagdagang pansin. Nakatuon ang kanilang mga puso sa katanyagan, kayamanan, at karangalan. Hindi sila naniniwalang ang isang ganoon kaliit na tao ay may kakayahang lupigin ang napakarami, na ang isang hindi kapansin-pansin ay mapeperpekto ang tao. Iniisip nilang imposibleng ang mga hamak na kasama ng alikabok at mga tambak ng dumi ay ang mga taong hinirang ng Diyos. Naniniwala silang kung ang gayong mga tao ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos, ang langit at lupa ay mababaliktad, at ang lahat ng tao ay tatawa nang tatawa. Naniniwala silang kung pinili ng Diyos ang gayong mga hamak upang perpektuhin, kung gayon ang mga dakilang taong iyon ay magiging Diyos Mismo. Ang mga pananaw nila ay may bahid ng kawalan ng paniniwala; higit pa sa hindi paniniwala, sila ay mga hibang na hayop lamang. Sapagkat pinahahalagahan lamang nila ang katayuan, katanyagan, at kapangyarihan, at pinahahalagahan lamang nila ang malalaking grupo at denominasyon. Wala silang ni katiting na pagmamalasakit para sa mga inakay ni Cristo; sila ay mga nagkakanulo lamang na tumalikod kay Cristo, sa katotohanan, at sa buhay.

Hindi ang pagpapakumbaba ni Cristo ang hinahangaan mo, kundi ang mga huwad na pastol na may bantog na katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, kundi iyong mahahalay na nakalublob sa karumihan ng mundo. Tinatawanan mo ang pasakit ni Cristo na walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na naghahanap ng mga alay at namumuhay sa kabuktutan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masayang inihahagis ang sarili sa mga bisig ng mga walang habas na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang impluwensya. Gayunpaman patuloy kang nagtataglay ng saloobin na nahihirapan kang lunukin ang gawain ni Cristo at hindi mo ito matanggap. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong kulang ka sa pananampalataya upang kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nangingibabaw sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at mga kamay. Sa mga puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Wala Siyang halaga sa puso mo magpakailanman, at hindi karapat-dapat sa katakutan magpakailanman. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensya, at malayo sa pagiging napakatayog.

Magkagayunman, sinasabi Kong ang lahat ng hindi nagpapahalaga sa katotohanan ay mga hindi mananampalataya at mga nagkakanulo sa katotohanan. Ang mga ganoong tao ay hindi kailanman makatatanggap ng pagsang-ayon ni Cristo. Natukoy mo na ba ngayon kung gaano kalaki ang kawalan ng paniniwalang nasa kalooban mo, at kung gaano kalaki ang pagtataksil kay Cristo na mayroon ka? Ikaw ay Aking pinapayuhan nang ganito: Dahil pinili mo na ang daan ng katotohanan, dapat mong ilaan ang sarili mo nang buong puso; huwag maging salawahan o mahina ang loob. Dapat mong maunawaan na ang Diyos ay hindi nabibilang sa mundo o sa sinumang tao, kundi sa lahat ng totoong nananampalataya sa Kanya, sa lahat ng sumasamba sa Kanya, at sa lahat ng nagmamahal at tapat sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?

Kaugnay na mga Himno

Yaong Nananampalataya sa Diyos ngunit Hindi Tinatanggap ang Katotohanan ay Hindi Mananampalataya

Walang Tunay na Pananampalataya kay Cristo ang Tao

Sinundan: 32. Paano unawain at lutasin ang problema ng kalikasan ng pagkakanulo

Sumunod: 2. Paano makilatis ang masasamang tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito