31. Paano lutasin ang problema ng pagtahak sa landas ng mga anticristo
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Dapat mong malinaw na makita ang mga anticristo at makilala sila nang tama. Dapat malaman mo kung paano makikilatis ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo at, gayundin, dapat mong malinaw na malaman na maraming bagay sa iyong sariling kalikasang diwa ang may pagkakatulad sa mga anticristo. Ito ay dahil lahat kayo ay kabilang sa sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas, at ang tanging kaibahan ay ganap na nasa ilalim ng kontrol ni Satanas ang mga anticristo, at sila ay naging mga kasabwat ni Satanas at nagsasalita para dito. Kabilang ka rin sa tiwaling sangkatauhan, subalit nagagawa mong tanggapin ang katotohanan at may pag-asang makakamit ang kaligtasan. Gayumpaman, maraming bagay pagdating sa diwa na may pagkakatulad ka sa mga anticristo, at pareho ang inyong mga pamamaraan at plano. Iyon lang, kapag narinig mo na ang katotohanan at nakinig sa mga sermon, magagawa mong magbago ng landas, at ang kakayahang magbago ng landas ang makatutukoy na may pag-asa kang magkamit ng kaligtasan—ito ang pagkakaiba sa pagitan mo at ng mga anticristo. Samakatuwid, kapag inilalantad Ko ang mga anticristo, dapat mo ring ipagkumpara at kilalanin kung anong mga bagay ang may pagkakatulad kayo ng mga anticristo, at kung aling mga pagpapamalas, disposisyon, at aspekto ng diwa ang may pagkakatulad ka sa kanila. Sa paggawa nito, hindi mo ba magagawang mas makilala ang iyong sarili? Kung palagi mong nararamdaman ang pagiging mapanlaban, naniniwalang hindi ka isang anticristo, nararamdaman ang matinding pagkamuhi sa mga anticristo, at ayaw mong gawin ang pagkukumparang ito o pagninilay sa iyong sarili at pag-uunawa kung anong landas ang iyong sinusundan, ano ang magiging kahihinatnan? Sa pagkakaroon ng isang satanikong disposisyon, malamang sa malamang na magiging isang anticristo ka. Ito ay dahil walang anticristo ang sadyang naghahangad na maging isang anticristo at pagkatapos ay nagiging gayon nga; ito ay dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, at natural na humahantong sila sa pagsunod sa landas ng isang anticristo. Hindi ba’t mga anticristo ang lahat ng iyon sa relihiyosong mundo na hindi nagmamahal sa katotohanan? Ang bawat tao na hindi nagninilay at nakauunawa sa kanilang sariling kalikasang diwa at na nananalig sa Diyos ayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, ay isang anticristo. Kapag nagsimula ka na sa landas ng isang anticristo, sa sandaling nagkamit ka ng katayuan, at isama pa ang katunayang may kaunti kang kaloob at pagkatuto, at hinahangaan ka ng lahat, habang ang oras na iyong ginugugol sa pagtatrabaho ay humahaba, nagkakaroon ka ng lugar sa puso ng mga tao. Habang lumalawak ang saklaw ng trabaho na iyong responsabilidad, parami nang parami ang taong iyong pinamumunuan, parami nang parami ang kapital na iyong makakamit, at pagkatapos ay magiging isang tunay ka nang Pablo. Nakasalalay ba ang lahat ng ito sa iyo? Wala kang planong sundan ang landas na ito, subalit paanong hindi mo namalayan na tinahak mo na ang landas ng isang anticristo? Isang mahalagang dahilan nito ay kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, tiyak na hahangarin mo ang katayuan at katanyagan, isasakatuparan mo ang sarili mong adyenda, hanggang sa huli, nang hindi mo namamalayan, sinusundan mo na pala ang landas ng isang anticristo. Kung ang mga taong sumusunod sa landas ng isang anticristo ay hindi magbabago ng landas sa oras, kapag nagkamit sila ng katayuan ay malamang na magiging mga anticristo sila—hindi maiiwasan ang resultang ito. Kung hindi nila malinaw na nakikita ang bagay na ito, nasa panganib sila, dahil nagtataglay ang lahat ng mga tiwaling disposisyon at nagmamahal ang lahat sa reputasyon at katayuan; kung hindi nila minamahal ang katotohanan, napakadali nilang mahuhulog dahil sa reputasyon at katayuan. Kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang lahat ay susunod sa landas ng isang anticristo at mahuhulog dahil sa reputasyon at katayuan, at ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ng sinuman. Sinasabi mo na, “Mayroon lang akong mga pagbubunyag na ito paminsan-minsan, mga pansamantalang pagpapamalas lang ang mga ito. Bagaman may katulad akong diwa sa mga anticristo, naiiba pa rin ako sa mga anticristo dahil wala akong gayong kalaking ambisyon na tulad nang sa kanila. Gayundin, habang ginagawa ko ang aking tungkulin, palagi akong nagninilay sa aking sarili, nagsisisi, at naghahanap ng katotohanan, at kumikilos ako alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung huhusgahan ang aking pag-uugali, hindi ako isang anticristo at hindi ko nais na maging anticristo, kaya hindi ako maaaring maging isang anticristo.” Maaaring hindi ka isang anticristo sa ngayon, subalit matitiyak mo ba na hindi mo susundan ang landas ng isang anticristo at magiging isang anticristo? Magagarantiyahan mo ba iyon? Hindi, hindi mo iyon magagarantiyahan. Kaya, paano mo magagarantiyahan iyon? Ang isa at tanging paraan para gawin ito ay hangarin ang katotohanan. Paano, kung gayon, dapat mo hangarin ang katotohanan? May paraan ka ba para gawin ito? Una, dapat mong kilalanin ang katotohanan na may katulad kang disposisyon sa mga anticristo. Bagaman hindi ka isang anticristo sa ngayon, para sa iyo, ano ang pinakanakamamatay at mapanganib na bagay? Ito ay na nagtataglay ka ng katulad na kalikasang diwa sa mga anticristo. Mabuting bagay ba ito para sa iyo? (Hindi.) Tiyak na hindi. Nakamamatay ito para sa iyo. Samakatuwid, habang pinakikinggan mo ang mga sermong ito na naglalantad sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, huwag mong isiping walang kinalaman ang mga bagay na ito sa iyo; maling taglayin ang saloobing ito. Kung gayon, anong uri ng saloobin ang dapat mong taglayin para tanggapin ang mga katunayan at pagpapamalas na ito? Ikumpara mo ang iyong sarili sa kanila, kilalanin na mayroon kang kalikasang diwa ng isang anticristo, at pagkatapos ay suriin ang iyong sarili para malaman kung alin sa iyong mga pagpapamalas at pagbubunyag ang katulad sa mga anticristo. Una, kilalanin mo ang katunayang ito—huwag subukang ibalatkayo o ikubli ang iyong sarili. Ang landas na tinatahak mo ay ang landas ng isang anticristo, kaya alinsunod sa mga katunayan na sabihing ikaw ay isang anticristo; kaya lang ay hindi ka pa tinukoy ng sambahayan ng Diyos bilang gayon at binibigyan ka ng pagkakataong magsisi, iyon lang. Nauunawaan mo ba? Una, tanggapin at kilalanin mo ang katunayang ito, at pagkatapos ang kailangan mong gawin ay lumapit sa Diyos at hingin sa Kanya na disiplinahin ka at pigilan ka. Huwag kang umalis sa liwanag ng presensya ng Diyos o iwan ang Kanyang proteksiyon, at sa paraang ito ay mapipigilan ka ng iyong konsensiya at katwiran kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay, at magkakaroon ka rin ng mga salita ng Diyos para tanglawan ka, akayin ka, at pigilan ka. Bukod dito, magkakaroon ka ng gawain ng Banal na Espiritu para gabayan ka, para isaayos ang mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo para magsilbing babala sa iyo at para disiplinahin ka. Paano ka binabalaan ng Diyos? Kumikilos ang Diyos sa maraming paraan. Minsan, idudulot ng Diyos na magkaroon ka ng isang malinaw na pakiramdam sa iyong puso, na magbibigay-daan para malinaw mong mapagtanto na dapat kang pigilan, na hindi ka dapat kumilos nang ayon sa iyong kagustuhan, na kung kumilos ka nang mali, magdudulot ka ng kahihiyan sa Diyos at gagawing hangal ang iyong sarili, at kaya pipigilan mo ang iyong sarili. Hindi ba pagprotekta ito sa iyo ng Diyos? Isang paraan ito. Minsan, sasawayin ka ng Diyos sa iyong kalooban at magpapakita sa iyo ng malilinaw na salita para sabihin sa iyo na ang pagkilos sa ganoong paraan ay kahiya-hiya, na kinasusuklaman Niya ito, na isinumpa ito, ibig sabihin, gumagamit Siya ng malilinaw na salita para sawayin ka para ikumpara mo sa iyong sarili. Ano ang layunin ng Diyos sa pagsaway sa iyo sa ganitong paraan? Ginagawa Niya ito para may maramdaman ang iyong konsensiya, at kapag may nararamdamanan ka na, isasaalang-alang mo ang epekto, kahihinatnan, at ang iyong kahihiyan, at magpipigil ka sa iyong mga kilos at gawi. Kapag nagkaroon ka na ng maraming gayong karanasan, makikita mo na bagaman nakaugat ang mga tiwaling disposisyong ito sa kalooban ng mga tao, kapag nagkaroon na ng kakayahan ang mga taong tanggapin ang katotohanan at malinaw na makita ang katotohanan ng kanilang sariling mga tiwaling disposisyon, magagawa nilang sadyang maghimagsik laban sa kanilang laman; kapag naisasagawa ng mga tao ang katotohanan, nalilinis at nababago ang kanilang satanikong disposisyon. Ang satanikong disposisyon ng tao ay nasisira o nababago—kapag nagagawa mo nang tanggapin ang katotohanan at naisasagawa ang katotohanan, natural na mawawasak at mapapalitan ang iyong satanikong disposisyon. Kapag natikman mo na kung gaano katamis isagawa ang katotohanan, iisipin mo na, “Napakawalanghiya ko noon. Hindi mahalaga kung gaano kawalang pakundangan ang aking mga salita o kung paano ko itinataas ang aking sarili para sambahin ako ng iba, hindi ako nakaramdam ng kahihiyan at wala akong kamalayan pagkatapos. Ngayon, nararamdaman kong mali ang pagkilos sa ganoong paraan at nawalan ako ng dangal, at nararamdaman kong tila maraming mga mata ang nakatutok sa akin.” Gawa ito ng Diyos. Binibigyan ka Niya ng isang pakiramdam, at mararamdaman mo na tila sinasaway mo ang iyong sarili, at pagkatapos ay hindi ka gagawa ng kasamaan o mananatili sa sarili mong landas. Hindi namamalayan, ang mga paraan mo ng pagtataas at pagpapatotoo sa iyong sarili ay pakaunti nang pakaunti, lalo kang magpipigil sa iyong sarili, at lalo mong mararamdaman na sa ganitong pagkilos kalmado ang iyong puso at payapa ang iyong konsensiya—ito ay pamumuhay sa liwanag, at hindi na kailangang maging balisa o gumamit ng mga kasinungalingan o magagandang salita para ikubli ang iyong sarili. Dati, nagsinungaling ka at ipinagpatuloy ang mga kasinungalingan araw-araw para protektahan ang iyong reputasyon. Sa tuwing magsisinungaling ka, kinailangan mong ipagpatuloy ang kasinungalingang iyon, sa sobrang takot na baka mabunyag mo ang iyong sarili. Ang resulta nito ay ang pagsisinungaling pa nang pagsisinungaling, at nang maglaon ay kinailangan mong sikaping mag-isip nang mabuti para maipagpatuloy ang iyong mga kasinungalingan; namuhay ka sa isang buhay na hindi katulad nang sa tao o nang sa mga demonyo, at sobrang nakapapagod! Ngayon, hinahangad mo na maging isang matapat na tao, at maaari mong buksan ang iyong puso at magsalita ng mga bagay na totoo. Hindi mo na kailangang magsinungaling at ipagpatuloy ang iyong mga kasinungalingan araw-araw, hindi ka na pipipigilan ng mga kasinungalingan, mababawasan ang iyong paghihirap, magiging mas maluwag, malaya, at walang pagkontrol ng sinuman ang iyong buhay, sa kaibuturan ng iyong puso magtatamasa ka ng mga damdamin ng kapayapaan at kagalakan—nalalasap mo ang tamis ng buhay na ito. At habang ninanamnam mo ang tamis ng buhay na ito, ang iyong panloob na mundo ay hindi na mapanlinlang, buktot, o huwad. Sa halip, handa ka na ngayong lumapit sa Diyos, nagdarasal ka sa Diyos at hinahanap ang katotohanan kapag mayroon kang isyu, nagagawa mo itong talakayin sa iba kapag mayroon kang isyu, at hindi ka na kumikilos nang nag-iisa o walang pagpipigil. Lalo mong nararamdaman na ang paraan ng paggawa mo noon ng mga bagay-bagay ay kasuklam-suklam at ayaw mo nang gawin ang mga bagay na tulad niyon. Sa halip, kumikilos ka sa alinmang paraan na naaayon sa katotohanan, may katwiran, at may mga layunin ng Diyos; nagbago ang paraan ng iyong pagkilos. Kapag nagagawa mong makamit ang mga bagay na ito, hindi ba’t ibig sabihin niyon na nakaalis ka na sa landas ng isang anticristo? At kapag nakaalis ka na sa landas ng isang anticristo, hindi ba’t ibig sabihin niyon na tinatahak mo na ang landas tungo sa pagkamit ng kaligtasan? Kapag tinatahak mo na ang landas tungo sa pagkamit ng kaligtasan at madalas na lumalapit sa Diyos, ang iyong saloobin, layunin, perspektiba, iyong mga mithiin at direksiyon sa buhay ay hindi na sumasalungat sa Diyos, nagsisimula ka nang mahalin ang mga positibong bagay, at nagsisimula ka nang mahalin ang pagiging patas, pagiging matuwid, at ang katotohanan. Kapag nangyari ito, nagsisimulang magbago ang kaibuturan ng iyong puso at ang iyong pag-iisip. Kapag tinahak mo na ang landas tungo sa pagkamit ng kaligtasan, maaari ka pa rin bang maging isang anticristo? Maaari mo pa rin bang sadyaing labanan ang Diyos? Hindi, hindi mo magagawa, at wala ka na sa panganib ngayon. Sa pagpasok lang sa kalagayang ito mapupunta ang mga tao sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at sa paghahanap at pagtanggap lang sa katotohanan sa ganitong paraan nila maiwawaksi ang mga problema, pagkontrol, at kaguluhan na dulot ng kanilang satanikong kalikasan at anticristong kalikasan.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili
Paano malulutas ang problema ng kanilang pagtahak sa landas ng mga anticristo? (Sa isang aspekto, dapat nilang maunawaan ang usaping ito, at dapat silang lumapit sa Diyos para manalangin kapag naiisip nila na magsumikap para sa katayuan. Dagdag pa rito, dapat nilang ilantad ang kanilang sarili sa mga kapatid, at pagkatapos ay sadyang maghimagsik laban sa mga hindi wastong kaisipang ito. Dapat din nilang hilingin sa Diyos na hatulan, kastiguhin, pungusan, at disiplinahin sila. Pagkatapos, magagawa na nilang tumahak sa tamang landas.) Napakagandang sagot niyan. Gayumpaman, hindi ito madaling makamit, at mas lalong mahirap ito para sa mga taong mahal na mahal ang reputasyon at katayuan. Hindi madaling talikuran ang reputasyon at katayuan—depende ito sa mga taong naghahangad sa katotohanan. Sa pag-unawa lamang sa katotohanan makikilala ng isang tao ang kanyang sarili, makikita nang malinaw ang kahungkagan ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at makikita nang malinaw ang katotohanan ng katiwalian ng sangkatauhan. Saka lamang matatalikuran ng isang tao ang katayuan at reputasyon kapag tunay na niyang nakilala ang kanyang sarili. Hindi madaling iwaksi ang sariling tiwaling disposisyon. Kung napansin mo na wala sa iyo ang katotohanan, na marami kang kakulangan, at nagpapakita ng masyadong maraming katiwalian, subalit hindi mo sinisikap na hangarin ang katotohanan, at nagpapanggap at nagpapaimbabaw ka, na pinaniniwala mo ang mga tao na kaya mong gawin ang anumang bagay, ilalagay ka nito sa panganib—sa malao’t madali, darating ang panahon na makakasalubong ka ng mga balakid at ikaw ay babagsak. Kailangan mong aminin na wala sa iyo ang katotohanan, at buong tapang mong harapin ang realidad. Mayroon kang mga kahinaan, nagpapakita ng katiwalian, at lahat ng uri ng kakulangan ay nasa iyo. Normal lang ito, dahil isa kang karaniwang tao, hindi ka superhuman o makapangyarihan, at kailangan mong kilalanin iyan. Kapag hinahamak o tinutuya ka ng ibang mga tao, huwag kaagad tumugon nang may pagkasuklam dahil lamang sa hindi kaaya-aya ang sinasabi nila, o tanggihan ito dahil naniniwala kang mayroon kang kakayahan at perpekto ka—hindi dapat ganito ang iyong saloobin sa gayong mga salita. Ano ang dapat na maging saloobin mo? Dapat mong sabihin sa iyong sarili, “May mga pagkakamali ako, tiwali at may kapintasan ang lahat ng bagay tungkol sa akin, at isang ordinaryong tao lamang ako. Anuman ang kanilang paghamak at panunuya sa akin, may katotohanan ba rito? Kung parte ng sinasabi nila ay totoo, dapat ko itong tanggapin mula sa Diyos.” Kung may ganito kang saloobin, katunayan ito na kaya mong pangasiwaan nang tama ang katayuan, reputasyon, at mga sinasabi ng ibang tao patungkol sa iyo. Hindi madaling isantabi ang katayuan at reputasyon. Para sa mga taong medyo may kaloob, medyo mahusay ang kakayahan, o nagtataglay ng kaunting karanasan sa gawain, mas mahirap isantabi ang mga bagay na ito. Bagamat minsan ay sinasabi nila na isinantabi na nila ang mga ito, hindi nila magawa ang mga ito sa kaibuturan ng puso nila. Sa sandaling pinahihintulutan ng sitwasyon at mayroon silang pagkakataon, magpapatuloy silang magsumikap para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan gaya ng dati, dahil mahal ng lahat ng tiwaling tao ang mga bagay na ito, sadyang medyo mas mahina lang ang pagnanais ng mga walang kaloob o talento na maghangad ng katayuan. Ang mga may kaalaman, talento, magandang hitsura, at espesyal na kapital, ay talagang may matinding pagnanais para sa reputasyon at katayuan, hanggang sa puntong puno na sila ng ambisyon at pagnanais na ito. Ito ang pinakamahirap para sa kanila na isantabi. Kapag wala silang katayuan, ang pagnanais nila ay nasa yugtong nag-uumpisa pa lamang. Kapag nagkaroon na sila ng katayuan, kapag pinagkakatiwalaan na sila ng sambahayan ng Diyos ng ilang mahahalagang gampanin, at lalo na kung nakapagtrabaho na sila nang maraming taon at malawak na ang kanilang karanasan at malaki na ang puhunan, ang pagnanais ay hindi na bago, kundi nag-ugat na ito, namukadkad, at malapit nang magbunga. Kung ang isang tao ay palaging may pagnanais at ambisyon na gumawa ng mga dakilang bagay, maging sikat, maging isang dakilang tao, kung gayon, sa sandaling gumawa siya ng malaking kasamaan, at magkaroon ng epekto ang mga kahihinatnan nito, ganap na magiging katapusan na niya, at siya ay matitiwalag. Kaya, bago pa ito humantong sa malaking kalamidad, dapat niyang baguhin kaagad ang sitwasyon, habang may oras pa. Sa tuwing ginagawa mo ang anumang bagay, at sa anumang konteksto, dapat mong hanapin ang katotohanan, isagawa ang pagiging isang taong matapat at masunurin sa Diyos, at isantabi ang paghahangad sa katayuan at reputasyon. Kapag palagi kang nag-iisip at nagnanais na makipagkompetensiya para sa katayuan, kailangan mong matanto kung anong masasamang bagay ang kahahantungan ng ganitong uri ng kalagayan kung hindi ito malutas. Kaya huwag magsayang ng oras sa paghahanap sa katotohanan, sugpuin ang pagnanais mo na makipagkompetensiya para sa katayuan habang nag-uumpisa pa lang ito, at palitan ito ng pagsasagawa ng katotohanan. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, mababawasan ang iyong pagnanais at ambisyon na makipagkompetensiya para sa katayuan, at hindi ka manggugulo sa gawain ng iglesia. Sa ganitong paraan, maaalala at sasang-ayunan ng Diyos ang iyong mga ginawa. Kaya ano ang sinusubukan Kong bigyang-diin? Ito iyon: Dapat alisin mo sa iyo ang mga hangarin at ambisyon mo bago mamulaklak at magbunga ang mga ito at mauwi sa matinding kalamidad. Kung hindi mo lulutasin ang mga ito habang maaga pa, mapapalampas mo ang isang magandang oportunidad; at sa sandaling nauwi na ang mga ito sa matinding kalamidad, huli na ang lahat para lutasin ang mga ito. Kung wala ka man lang tibay ng loob para maghimagsik laban sa laman, magiging napakahirap para sa iyo na makatungtong sa landas ng paghahanap sa katotohanan; kung may nasasagupa kang mga dagok at kabiguan sa paghahangad mo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi ka natatauhan, mapanganib ito: May posibilidad na matitiwalag ka. Kapag naharap ang mga nagmamahal sa katotohanan sa isa o dalawang kabiguan at dagok pagdating sa kanilang reputasyon at katayuan, malinaw nilang nakikita na wala talagang anumang halaga ang reputasyon at katayuan. Nagagawa nilang lubos na talikuran ang katayuan at reputasyon, at pagpasyahan na, kahit hindi sila kailanman nagtataglay ng katayuan, patuloy pa rin nilang hahangarin ang katotohanan at gagampanan nang maaayos ang kanilang tungkulin, at ibabahagi ang kanilang patotoong batay sa karanasan, sa gayon ay matamo ang resulta ng pagpapatotoo sa Diyos. Kahit mga ordinaryong tagasunod sila, may kakayahan pa rin silang sumunod hanggang wakas, at ang tanging gusto nila ay ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang mga taong ito lamang ang tunay na nagmamahal sa katotohanan at may determinasyon. Maraming anticristo at masasamang tao ang naitiwalag ng sambahayan ng Diyos, at ang ilang naghahangad sa katotohanan, matapos makita ang kabiguan ng mga anticristo, ay nagninilay-nilay sa landas na tinahak ng mga taong iyon, at pinagninilay-nilayan din nila at kinikilala ang kanilang sarili. Mula rito, nagkakaroon sila ng pagkaunawa tungkol sa layunin ng Diyos, nagpapasya na maging mga ordinaryong tagasunod, at nagtutuon sa paghahangad na matamo ang katotohanan at gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Kahit pa sinasabi ng Diyos na sila ay mga tagapagserbisyo o mga mabababang tao na walang kabuluhan, ayos lang sa kanila. Susubukan lang nilang maging mababang tao, maliit at hamak na tagasunod sa mga mata ng Diyos, na sa huli ay tatawagin ng Diyos na mga katanggap-tanggap na nilikha. Ang mga taong tulad nito ang mabubuti at sila ang mga sinasang-ayunan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)
Natatakot ba kayong tumahak sa landas ng mga anticristo? (Oo.) May silbi ba ang matakot lamang? Wala—hindi malulutas ng takot lamang ang problema. Normal lamang ang matakot na matahak ang landas ng mga anticristo. Nagpapakita ito na ang isang tao ay nagmamahal sa katotohanan, isang taong handang magsikap na matamo ang katotohanan at handang hangarin ito. Kung matatakutin kayo sa puso ninyo, dapat ninyong hanapin ang katotohanan at ang landas ng pagsasagawa. Kailangan ninyong magsimula sa pamamagitan ng pagkatutong makipagtulungan sa iba nang maayos. Kung may problema, lutasin ito gamit ang pagbabahaginan at talakayan, upang malaman ng lahat ang mga prinsipyo, gayundin ang partikular na pangangatwiran at programa patungkol sa resolusyon. Hindi ba’t pinipigilan ka nitong magdesisyon nang mag-isa? Bukod pa riyan, kung ikaw ay may takot sa Diyos na puso, likas mong makakayang tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, ngunit dapat mo ring matutuhang tanggapin ang pangangasiwa ng mga taong hinirang ng Diyos, na nangangailangan ng pagkakaroon mo ng pagpaparaya at pagtanggap. Kung may makita kang isang taong pinangangasiwaan ka, iniinspeksyon ang trabaho mo, o sinisiyasat ka nang hindi mo alam, at kung uminit ang ulo mo, ituring ang taong ito na parang kaaway at kamuhian siya, at batikusin pa siya at pakitunguhan siya na gaya ng isang traydor, inaasam-asam na mawala na siya, problema nga ito. Hindi ba’t lubhang napakasama nito? Ano ang ipinagkaiba nito sa isang diyablong hari? Patas na pagtrato ba ito sa mga tao? Kung tumatahak ka sa tamang landas at kumikilos sa tamang paraan, ano ang dapat mong ikatakot sa mga taong sumisiyasat sa iyo? Kung ikaw ay natatakot, ipinapakita niyong may kung anong nagkukubli sa iyong puso. Kung alam mo sa iyong puso na may problema ka, dapat mong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Makatwiran ito. Kung alam mong may problema ka, pero hindi mo hinahayaan ang sinuman na pangasiwaan ka, inspeksyunin ang trabaho mo, o siyasatin ang problema mo, lubha kang wala sa katwiran, naghihimagsik at lumalaban ka sa Diyos, at sa kasong ito, mas malala pa ang problema mo. Kung tutukuyin ka ng mga hinirang ng Diyos na isang masamang tao o isang hindi mananampalataya, lalo pang magiging problema ang mga kahihinatnan nito. Kung kaya, ang mga kayang tumanggap ng pangangasiwa, pagsusuri, at pagsisiyasat ng iba ang mga pinakamakatwiran sa lahat, may pagpaparaya at normal na pagkatao sila. Kapag nadiskubre mong may mali kang ginagawa o may pagbubunyag ka ng tiwaling disposisyon, kung nagagawa mong magtapat at makipag-usap sa mga tao, makakatulong ito sa mga nasa paligid mo para mabantayan ka nila. Talagang kailangang tumanggap ng pangangasiwa, ngunit ang pinakamahalaga ay magdasal sa Diyos at umasa sa Kanya, na isinasailalim ang iyong sarili sa palagiang pagsisiyasat. Lalo na kapag mali ang landas na natahak mo o nakagawa ka ng mali, o kapag akmang kikilos o magdedesisyon ka na nang mag-isa, at binanggit ito ng isang tao sa malapit at binalaan ka, kailangan mong tanggapin iyon at magmadali kang pagnilayan ang iyong sarili, at aminin ang iyong pagkakamali, at itama iyon. Maaari nitong pigilan ka sa pagtahak sa landas ng mga anticristo. Kung may isang taong tumutulong at nagbababala sa iyo sa ganitong paraan, hindi ka ba pinoproktektahan nang hindi mo nalalaman? Pinoprotektahan ka—iyan ang proteksiyon mo. Samakatuwid, hindi ka dapat palaging maging mapagbantay laban sa iyong mga kapatid o sa mga tao sa paligid mo. Huwag palaging magbalatkayo o magkubli ng sarili, nang hindi tinutulutan ang iba na maunawaan ka o makita kung sino ka. Kung ang iyong puso ay palaging mapagbantay laban sa iba, maaapektuhan nito ang paghahanap mo sa katotohanan, at magiging madali para sa iyo na mawala ang gawain ng Banal na Espiritu, gayundin ang maraming mga pagkakataon na magawa kang perpekto. Kung palagi kang mapagbantay laban sa iba, magkakaroon ka ng mga sikreto sa iyong puso, at hindi mo magagawang makipagtulungan sa mga tao. Magiging madali para sa iyo na gawin ang mga maling bagay at tahakin ang maling landas, at magugulat ka kapag nakagawa ka ng mga pagkakamali. Ano ang iisipin mo sa oras na iyon? “Kung alam ko lang, nakipagtulungan sana ako sa mga kapatid ko sa pagtupad sa aking tungkulin nang tama sa simula pa lang, at tiyak na hindi sana ako magkakaroon ng anumang problema. Pero dahil palagi akong natatakot na mabuko ng iba, naging mapagbantay ako laban sa iba. Ngunit sa huli, walang ibang nagkamali—ako ang nakagawa ng unang pagkakamali. Kahiya-hiya at kahangalan ang bagay na ito!” Kung magagawa mong tumuon sa paghahanap sa katotohanan, at maging bukas sa pakikipagbahaginan kasama ang iyong mga kapatid kapag nahihirapan ka, matutulungan ka ng iyong mga kapatid, at maaalalayan kang maunawaan ang tamang landas ng pagsasagawa at mga prinsipyo ng pagsasagawa. Mapangangalagaan ka nito mula sa pagtahak sa maling landas kapag ginagampanan ang iyong tungkulin, para hindi ka mabigo o madapa, o kasuklaman at itaboy at itiwalag ng Diyos. Sa halip, makatatanggap ka ng proteksiyon, magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, at makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ano’t napakalaki ng mga pakinabang na nakakamit ng mga tao sa maayos na pakikipagtulungan!
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan
Dahil hindi ninyo taglay ngayon ang realidad ng mga salita ng Diyos bilang buhay ninyo, ano ang mangyayari sa inyo sa sandaling magkaroon kayo ng katayuan at opisyal na mga titulo? Tatahakin ba ninyo ang landas ng mga anticristo? (Hindi iyon sigurado.) Ito ang pinakamapanganib na panahon. Nakikita ba ninyo ito nang malinaw? Sabihin ninyo sa Akin, mapanganib ba ang maging isang lider o isang manggagawa? (Mapanganib.) Sa kabila ng kaalaman sa panganib na ito, handa pa rin ba kayong gampanan ang tungkuling ito? (Oo.) Ang kahandaang ito na gampanan ang inyong tungkulin ay kalooban ng tao, at isa itong positibong bagay. Gayunpaman, sapat na ba ang positibong bagay na ito upang maisagawa ninyo ang katotohanan? Magagawa ba ninyong maghimagsik laban sa mga kagustuhan ng laman? Sa pag-asa sa mabubuting layunin ng tao at kalooban ng tao, at sa pag-asa sa mga hangarin at mithiin ng tao, magagawa ba ninyong tuparin ang inyong kalooban? (Hindi.) Kung gayon, dapat ninyong pag-isipan kung ano ang dapat ninyong gawin upang ang iyong mga kahilingan, mga mithiin, at kagustuhan ay maging realidad mo at tunay mong tayog. Hindi iyon masyadong problema talaga. Ang tunay na problema ay na dahil sa kasalukuyang kalagayan at tayog ng tao, at dahil sa mga katangian ng kanyang pagkatao, hindi niya matugunan ang mga kondisyon ng pagsang-ayon ng Diyos. Ang karakter ninyo bilang tao ay nagtataglay ng hindi hihigit sa isang katiting na konsiyensiya at katwiran, hindi ng kagustuhang hangarin ang katotohanan. Kapag ginagampanan ninyo ang inyong tungkulin, maaaring ninanais ninyo na huwag maging pabaya, o huwag subukang lansihin ang Diyos, ngunit gagawin ninyo ito. Batay sa inyong kasalukuyan, tunay na kalagayan at tayog, kayo ay nanganganib na. Paniniwalaan pa rin ba ninyo na ang pagkakaroon ng katayuan ay mapanganib, at ang kawalan nito ay nangangahulugan na ligtas kayo? Sa katunayan, ang kawalan ng katayuan ay mapanganib din. Hangga’t namumuhay kayo sa isang tiwaling disposisyon, nasa panganib kayo. Ngayon, totoo ba na delikado lamang ang maging isang lider, samantalang ligtas naman ang mga hindi lider? (Hindi.) Kung isa kang taong hindi naghahangad sa katotohanan at hindi nagtataglay ng katiting na katotohanang realidad, nanganganib ka, ikaw man ay lider o hindi. Kaya, paano mo dapat hangarin ang katotohanan para makatakas sa panganib na ito? Naisip na ba ninyo ang katanungang ito? Kung mayroon ka lamang kaunting pagnanais at sumusunod lamang sa ilang patakaran, gagana ba iyon? Makakatakas ka ba talaga sa panganib sa ganitong paraan? Maaaring gumana ito sa maikling panahon, ngunit hindi natin masasabi kung ano ang mangyayari sa pagtagal-tagal ng panahon. Kaya, ano ang dapat gawin? Sinasabi ng ilang tao na ang paghahangad sa katotohanan ang pinakamainam na paraan. Ganap itong tama, ngunit sa anong paraan dapat maghangad ang isang tao upang makapasok sa katotohanang realidad nito? At upang lumago ang kanyang buhay? Hindi simpleng usapin ang mga ito. Una, dapat mong maunawaan ang katotohanan, at pagkatapos ay dapat mo itong isagawa. Hangga’t nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, kalahati ng mga problemang ito ay nalutas na. Magagawa niyang pagnilayan ang sarili niyang kalagayan at makikita ito nang malinaw. Mararamdaman niya ang panganib na kanyang kinalalagyan. Maagap niyang maisasagawa ang katotohanan. Ang gayong pagsasagawa ay likas na umaakay sa isang tao tungo sa pagpapasakop sa Diyos. Ligtas na ba sa kapahamakan ang isang taong nagpapasakop sa Diyos? Kailangan mo ba talaga ng sagot? Ang mga tunay na nagpapasakop sa Diyos ay hindi na magrerebelde o lalaban sa Diyos, lalong hindi na Siya ipagkakanulo ng mga ito. Natitiyak ang kanilang kaligtasan. Hindi ba’t ganap na ligtas na sa panganib ang gayong tao? Samakatuwid, ang pinakamainam na paraan ng paglutas ng mga problema ay ang pagiging seryoso ng isang tao sa katotohanan at ang pagsisikap ng isang tao sa katotohanan. Sa sandaling tunay na maunawaan ng mga tao ang katotohanan, lahat ng problema ay malulutas.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan
Kapag nagtatrabaho ang mga lider at manggagawa, minsan ay nabibigyang-liwanag at natatanglawan sila ng Banal na Espiritu, makapagsasalita sila ng ilang tunay na karanasan, at natural na magkakaroon sila ng mga taong tumitingala at sumasamba sa kanila, natural na magkakaroon sila ng mga taong sumusunod sa kanila, na hindi maihihiwalay sa kanila tulad ng sarili nilang anino—sa mga panahong tulad nito, paano nila dapat harapin ang mga bagay na ito? Ang lahat ay may kanya-kanyang kinikilingan, lahat ay banidoso; kung maririnig ng mga tao ang iba na nagsasalita nang may pagsang-ayon at papuri sa kanila, lubos silang masisiyahan. Isa itong normal na bagay na maramdaman at hindi isang malaking bagay. Gayumpaman, kung itataas nila ng ranggo ang sinumang kayang magbigay ng sobrang papuri sa kanila, at bobolahin sila, at inilalagay nila ang isang tulad nito kung saan sila may kaunting pakinabang, mapanganib iyon. Ito ay dahil ang lahat ng mga taong mahilig mambola at labis-labis na pumuri sa iba ay sobrang tuso at mapanlinlang, at hindi sila matapat o totoo. Sa sandaling magkamit ng katayuan ang gayong mga tao, wala silang pakinabang sa buhay pagpasok ng mga hinirang na tao ng Diyos o sa gawain ng iglesia. Ang mga taong ito ay tuso, at sila ang pinaka may kakayahang guluhin ang mga bagay-bagay. Iyong mga taong medyo matuwid ay hindi kailanman nagbibigay ng labis-labis na papuri sa iba. Kahit pa sinasang-ayun ka nila sa kanilang puso, hindi nila ito sasabihin nang malakas, at kung natuklasan nilang mayroon kang mga kapintasan o na nakagawa ka ng pagkakamali, ipapaalam nila ito sa iyo. Ang ilang tao, gayumpaman, ay ayaw ng mga prangkang tao, at kapag may nagsabi ng kanilang mga kapintasan o sinasaway sila, pagmamalupitan at ibubukod nila ang taong iyon, at gagamitin pa ang mga kapintasan at pagkukulang ng taong iyon para patuloy siyang hatulan at kondenahin. Sa paggawa nito, hindi ba’t pinagmamalupitan at sinasaktan nila ang mabubuting tao? Ang paggawa ng mga bagay na tulad nito at pag-uusig sa gayong mabubuting tao ay mga bagay na pinakakinasusuklaman ng Diyos. Ang pag-uusig sa mabubuting tao ay isang masamang bagay na gawin! At kung ang isang tao ay umuusig sa napakaraming mabubuting tao, isa siyang diyablo. Dapat tratuhin ng mga lider at manggagawa ang lahat nang patas at may pagmamahal, at dapat nilang pangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo. Lalo na kapag may mga taong nambobola at sumisipsip at umaali-aligid sa iyo, dapat mo silang tratuhin nang tama, magiliw silang tulungan, at udyukan silang tuparin ang kanilang mga nararapat na gawain at hindi mambobola ng mga tao tulad ng ginagawa ng mga walang pananampalataya; sabihin nang malinaw ang iyong posisyon at perspektiba, iparamdam sa kanila ang pagkapahiya at kahihiyan para hindi na nila ito ulitin. Kung kaya mong sundin ang mga prinsipyo at tratuhin nang patas ang mga tao, hindi ba’t mapapahiya ang mga kasuklam-suklam na payaso at satanikong uri na ito? Mapapahiya nito si Satanas, at mapalulugod nito ang Diyos. Iyong mga mahilig mambola sa iba ay naniniwala na gusto ng lahat ng lider at manggagawa ng mga taong nambobola sa kanila, at sa tuwing may nagsasabi ng anumang pambobola o paninipsip sa kanila, natutugunan ang kanilang banidad at pagnanais para sa katayuan. Hindi gusto ng mga taong nagmamahal sa katotohanan ang lahat ng ito, at labis nilang kinasusuklaman itong lahat at nasusuya sa lahat ng ito. Tanging ang mga huwad na lider lang ang nasisiyahang binobola. Maaaring hindi sila pinapalakpakan o pinupuri ng sambahayan ng Diyos, subalit kung pinapalakpakan at pinupuri sila ng hinirang na mga tao ng Diyos, lubos silang nalulugod at labis nila itong ikinasisiya, at kalaunan ay nakakukuha sila ng kaunting pampalubag-loob mula rito. Mas ikinasisiya ng mga anticristo ang binobola, at ang bagay na pinaka-ikinasisiya nila ay kapag ang mga taong tulad nito ay lumalapit sa kanila at umaali-aligid sa kanila. Hindi ba ito nakababahala? Ganito ang mga anticristo; gusto nila na may mga taong pumupuri at pumalakpak sa kanila, sumasamba at sumusunod sa kanila, samantalang iyong mga naghahangad ng katotohanan at medyo matuwid ay ayaw ang anuman sa mga ito. Dapat kang maging malapit sa mga taong kayang makipag-usap nang totoo sa iyo; ang pagkakaroon ng mga taong tulad nito sa tabi mo ay lubos na malaking kapakinabangan sa iyo. Sa partikular, ang pagkakaroon ng gayong mabubuting tao sa paligid mo tulad ng mga iyon na, kapag natutuklasan nila ang isang problema sa iyo ay may lakas ng loob na sawayin ka at ilantad ka, mapipigilan kang maligaw ng landas. Wala silang pakialam kung ano ang iyong katayuan, at sa sandaling matuklasan nilang gumawa ka ng isang bagay na labag sa mga katotohanang prinsipyo, sasawayin at ilalantad ka nila kung kinakailangan. Ang gayong mga tao lang ang matutuwid na tao, mga taong may pagpapahalaga sa katarungan, at gaano ka man nila ilantad at sawayin, ang lahat ng ito ay tulong sa iyo, at ang lahat ng ito ay tungkol sa pangangasiwa sa iyo at pagtulak sa iyo pasulong. Dapat kang mapalapit sa gayong mga tao; ang pagkakaroon ng mga gayong tao sa tabi mo, tumutulong sa iyo, magiging mas ligtas ka—ganito ang pagkakaroon ng proteksiyon ng Diyos. Ang pagkakaroon ng mga taong nakauunawa sa katotohanan at nagtataguyod ng mga prinsipyo sa tabi mo araw-araw na nangangasiwa sa iyo ay lubhang kapaki-pakinabang sa paggawa mo ng iyong tungkulin at gawain nang maayos. Wala ka talaga dapat niyong mga tuso, mapanlinlang na mga tao na sumisipsip sa iyo at nambobola sa iyo bilang iyong mga katulong; ang pagkakaroon ng mga taong tulad nito na nakadikit sa iyo ay tulad ng pagkakaroon ng mababahong langaw sa iyo, malalantad ka sa napakaraming bakterya at virus! Ang gayong mga tao ay malamang na guguluhin ka at makakaapekto sa iyong trabaho, maaari silang maging sanhi ng pagkahulog mo sa tukso at pagkaligaw ng landas, at maaari silang magdala ng sakuna at kalamidad sa iyo. Dapat kang lumayo sa kanila, mas malayo mas mabuti, at kung makikilatis mo na mayroon silang diwa ng mga hindi mananampalataya at mapapaalis sila sa iglesia, mas mabuti. Kapag nakita ng isang matuwid na tao na naghahangad ng katotohanan na mayroon kang problema, sasabihin niya sa iyo ang katotohanan anuman ang iyong katayuan, anuman ang iyong magiging pagtrato sa kanya, at kahit na papaalisin mo pa siya. Hinding-hindi niya ito susubukang pagtakpan o ipaliligoy-ligoy. Sobrang kapaki-pakinabang na magkaroon ng mas maraming tao na tulad nito sa paligid mo! Kapag gumawa ka ng bagay na labag sa mga prinsipyo, ilalantad ka nila, magbibigay ng mga opinyon sa iyong mga isyu, at tutukuyin ang iyong mga problema at pagkakamali nang deretsahan at tapat; hindi ka nila susubukang tulungang mapanatili ang iyong dignidad, at ni hindi ka nila bibigyan ng pagkakataong maiwasan ang kahihiyan sa harap ng maraming tao. Paano mo dapat tratuhin ang gayong mga tao? Dapat mo ba silang parusahan o maging malapit sa kanila? (Maging malapit sa kanila.) Tama iyan. Dapat mong buksan ang iyong puso at makipagbahaginan sa kanila, sinasabi na, “Tama ang isyung mayroon ako na tinukoy mo sa akin. Noong panahong iyon, napuno ako ng banidad at pag-iisip ng katayuan. Naramdaman kong naging lider ako sa loob ng maraming taon, subalit hindi mo man lang sinubukang mapanatili ang aking dignidad, kundi itinuro mo rin ang mga problema ko sa harap ng napakaraming tao, kaya’t hindi ko matanggap ito. Subalit ngayon, nakikita ko na na talagang salungat ang ginawa ko sa mga prinsipyo at sa katotohanan, at hindi ko dapat ginawa iyon. Ano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng posisyon ng lider? Hindi ba’t tungkulin ko lang ito? Lahat tayo ay gumagawa ng ating tungkulin at lahat tayo ay pantay-pantay ng katayuan. Ang pinagkaiba lang ay nagpapasan ako ng medyo mas maraming responsabilidad, iyon lang. Kung may matutuklasan kang anumang problema sa hinaharap, sabihin mo kung ano ang dapat mong sabihin, at hindi magkakaroon ng personal na sama ng loob sa pagitan natin. Kung magkaiba tayo sa ating pagkaarok sa katotohanan, maaari tayong magbahaginan nang magkasama. Sa sambahayan ng Diyos at sa harap ng Diyos at ng katotohanan, dapat tayong magkaisa, hindi magkakahiwalay.” Ito ay isang saloobin ng pagsasagawa at pagmamahal sa katotohanan. Ano ang dapat mong gawin kung gusto mong iwasan ang landas ng isang anticristo? Dapat kang magkusang maging malapit sa mga taong nagmamahal sa katotohanan, mga taong matuwid, maging malapit sa mga taong kayang tukuyin ang iyong mga isyu, na kayang magsalita ng totoo at sawayin ka kapag natutuklasan nila ang iyong mga problema, at lalo na ang mga taong kaya kang pungusan kapag natutuklasan nila ang iyong mga problema—ito ang mga taong pinakakapaki-pakinabang sa iyo at dapat mo silang pahalagahan. Kung ibubukod at aalisin mo ang gayong mabubuting tao, mawawala sa iyo ang proteksiyon ng Diyos, at unti-unting darating sa iyo ang sakuna. Sa pagiging malapit sa mabubuting tao at mga taong nakauunawa sa katotohanan, magkakaroon ka ng kapayapaan at kagalakan, at maiiwasan mo ang sakuna; sa pagiging malapit mo sa mga taong ubod ng sama, mga walang hiyang tao, at mga taong nambobola sa iyo, manganganib ka. Hindi ka lang madaling malilinlang at maloloko, kundi maaari pang dumating sa iyo ang sakuna anumang oras. Dapat malaman mo kung anong uri ng tao ang pinakamagiging kapaki-pakinabang sa iyo—ang mga ito ay iyong makapagbababala sa iyo kapag may ginagawa kang mali, o kapag itinataas at pinatototohanan mo ang iyong sarili at nililigaw ang iba, na maaaring maging pinakakapaki-pakinabang sa iyo. Ang paglapit sa gayong mga tao ang tamang landas na dapat tahakin.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili
Upang makuha ang pabor ng mga tao at matiyak ang muling pagkakahalal bilang isang lider, may ilang lider ng iglesia na nagsasagawa ng mga demokratikong prinsipyo sa lahat ng kanilang ginagawa sa ilalim ng pagpapanggap na hindi sila mapandikta. Ginagamit nila ito bilang isang paraan upang makuha ang simpatya ng mga tao, ngunit ang totoo ay ginagawa nila ito upang patatagin ang sarili nilang katayuan. Hindi ba’t pag-uugali ito ng isang anticristo? (Oo.) Tanging isang anticristo lamang ang kikilos nang ganito. Ginagawa rin ba ninyo ang ganitong mga bagay? (Minsan.) At pinagninilayan ba ninyo kung anong mga intensyon ang namamahala sa mga kilos na ito? Maiintindihan ito kung kasisimula pa lamang ng tao na magsanay sa gawain ng isang lider at hindi nakauunawa sa mga prinsipyo. Ngunit kung naging lider o manggagawa na siya nang ilang taon at pilit pa rin niya itong ginagawa, kawalan na ito ng mga prinsipyo. Isa itong huwad na pamumuno at ang taong ito ay hindi naghahangad ng katotohanan. Kung ang isang tao ay may sariling layunin at mithiin at pilit na ginagawa ito sa ganitong paraan, isa siyang anticristo. Paano ninyo tinitingnan ang ganitong usapin? Ano ang isinasagawa ninyo kapag nahaharap kayo sa ganitong isyu? Kung may sarili kayong mga layunin at hangarin, ano ang dapat ninyong gawin upang lutasin ang mga ito? (Napansin kong may kinikimkim akong ilang layunin sa loob ko. Minsan, natatakot akong sasabihin ng mga kapatid na hindi ako tapat at malinaw sa mga kilos ko, na mag-isa akong gumagawa ng mga desisyon nang hindi sinasabi sa kanila. Kapag ganito ang naiisip ko, tatalakayin at lulutasin ko ang mga usapin kasama ng mga kapatid. Hindi ako gagawa ng mga desisyon nang ako lang.) Katanggap-tanggap na kumonsulta sa iba. Naaangkop na tiyaking nasabihan ang lahat; ito ay pagtanggap sa pangangasiwa ng mga kapatid sa iyong gawain, na nakatutulong sa iyo na gawin ang iyong tungkulin. Gayunpaman, sa mga talakayan ninyo, dapat ka ring sumunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung lilihis ka sa mga katotohanang prinsipyo, maaaring mag-iba ang paksa ng talakayan o masayang ang oras, at hindi ka makararating sa mga wastong konklusyon. Kaya kapag sinisimulan ang talakayan, dapat manguna ang mga lider at manggagawa sa pagbabasa ng mga nauugnay na talata ng mga salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, makapagbabahaginan ang lahat ayon sa Kanyang mga salita. Ang ganitong pagbabahaginan ay makapagbibigay ng landas at makapagdudulot ng magagandang resulta. Hindi ka puwedeng tumayo na lamang sa gilid at hayaang magbahaginan ang lahat kung paano man nila gusto. Kung walang sinuman ang may matinding mga opinyon, at hindi nila hinahanap ang katotohanan, walang saysay ang ganitong paraan ng pagbabahaginan, gaano kahaba man ninyo ito gawin. Hindi nito kailanman makakamit ang wastong kahihinatnan. …
… dapat mong maunawaan na ang mga tungkuling ginagampanan mo at ang gawaing isinasagawa mo ay mga atas na mula sa Diyos, at dapat mong isagawa ang iyong gawain alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos. Sa paggawa nito, magkakaroon ka ng layunin at direksyon sa iyong isipan, at magagawa mong hanapin ang katotohanan at hanapin ang landas sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos ay dapat mong pamunuan ang lahat upang magbahaginan tungkol sa mga nauugnay na talata ng mga salita ng Diyos at bigyan sila ng daan upang makapagbahaginan tungkol sa katotohanan ayon sa Kanyang mga salita, upang magkaroon ng higit pang kaliwanagan sa mga salita ng Diyos, upang maunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang katotohanan, at pagkatapos ay magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ay pagtahak sa tamang landas. Sa diwa, ang gawain ng iglesia ay ang akayin ang mga hinirang ng Diyos sa pag-unawa at pagpasok sa lahat ng katotohanang ipinahahayag ng Diyos. Ito ang pinakamahalagang gawain ng iglesia. Kaya, anumang problema ang nilulutas, walang pagtitipon ang maihihiwalay sa pagbabasa ng mga nauugnay na talata ng mga salita ng Diyos o sa pagbabahaginan tungkol sa katotohanan. Sa huli, kung makakapagbahaginan kayo tungkol sa katotohanan at sa mga prinsipyo ng pagsasagawa hanggang sa malinaw na ang mga ito, mauunawaan ng lahat ang katotohanan at malalaman nila kung paano ito maisasagawa. Alinmang aspeto ng katotohanan ang kinakain at iniinom ninyo sa isang pagtitipon, dapat kayong magbahaginan sa ganitong paraan at hanapin ang katotohanan batay sa mga usaping kinahaharap ninyo. Ang mga nakauunawa sa katotohanan ang siyang dapat manguna sa pagbabahaginan, at iyong mga naliwanagan na ay maaari nang magpatuloy ng pagbabahaginan. Sa ganitong paraan, habang mas nagbabahaginan sila, lalong kikilos sa kanila ang Banal na Espiritu, higit na kalinawan ang makakamit nila. Kapag nauunawaan ng lahat ang katotohanan, makakamit nila ang ganap na liberasyon at kalayaan at magkakaroon sila ng landas na susundan. Ito ang pinakamainam na resultang makakamit ng isang pagtitipon. Kapag pinag-uusapan ng lahat ang patungkol sa katotohanang realidad hanggang sa maging malinaw ito sa pamamagitan ng ganitong uri ng pagbabahaginan, hindi ba’t mauunawaan nila ang katotohanan? (Oo.) Matapos maunawaan ng mga tao ang katotohanan, natural nilang malalaman kung paano ito mararanasan at maisasagawa. Kapag kaya nilang isagawa ang katotohanan sa tamang paraan, hindi ba’t nakamit na nila ang katotohanan? (Oo.) Kapag nakamit na ng isang tao ang katotohanan, hindi ba’t nakamit na niya ang Diyos? Kung nakamit ng isang tao ang Diyos, hindi ba’t natamo na rin niya ang pagliligtas ng Diyos? (Oo.) Kung, sa gawain mo bilang isang lider o manggagawa, makakamit mo ang resultang ito, magagawa mo nang maayos ang iyong gawain, matutupad mo ang iyong tungkulin sa paraang nakaabot sa pamantayan, at matatanggap mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Kapag nauunawaan ng lahat ng hinirang ng Diyos ang katotohanan, sasambahin, titingalain, at susundin ka pa rin kaya nila? (Hindi.) Pupurihin at igagalang ka lang ng mga tao, magiging handang makipag-usap at makisalamuha sa iyo, handang makinig sa iyong pagbabahagi upang matuto sila rito. Ang mga nakauunawa sa katotohanan ang siyang maaaring tunay na maging ilaw at asin. Ito ang ibig sabihin ng pagtupad sa tungkulin ng isang tao bilang isang nilikha, at maging isang sapat na nilalang. Kapag naunawaan ng mga tao ang katotohanan at nagkaroon sila ng mas malapit na relasyon sa Diyos, magiging kaayon nila ang Diyos, hindi na sila magrerebelde, magkakamali ng pagkaunawa, o lalaban sa Kanya, at magagawa nilang magbigay ng pagsang-ayon at magpatotoo para sa Diyos anumang usapin ang kanilang harapin. Kung, bilang isang lider o manggagawa, nagsasagawa ka ayon sa mga prinsipyong gaya ng mga ito, bago mo pa mamalayan, nadala mo na ang mga tao sa harapan ng Diyos. Magagawa rin ng mga taong inaakay mo na isagawa ang katotohanan, pumasok sa realidad, at dakilain ang Diyos at magpatotoo sa Kanya. Sa ganitong paraan, makakayanan din ng mga taong inaakay mo ang masang-ayunan at makamit ng Diyos. Dahil dito, kapag may isang lider na tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, ganap na alinsunod ito sa mga layunin ng Diyos. Hangga’t umaayon sa mga katotohanang prinsipyo ang ginagawa ng mga tao, paganda lamang ng paganda ang mga resulta ng kanilang mga kilos, nang walang ni isang masamang epekto, at makakamit nila ang pagpapala at proteksyon ng Diyos sa bawat bagay. Kahit na magdulot sila ng ilang paglihis kung minsan, bibigyang-kaliwanagan at aakayin sila ng Diyos, at matatagpuan nila ang pagwawasto sa mga salita ng Diyos. Kapag tinahak ng mga tao ang tamang landas, makukuha nila ang pagpapala at proteksyon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Gustong-gusto ng tiwaling tao na hangarin ang katayuan at tamasahin ang mga pakinabang nito. Totoo ito para sa sinumang tao, kasalukuyan ka mang may katayuan o wala: Napakahirap talikuran ang katayuan at alisin ang mga tukso nito. Nangangailangan ito ng higit na kooperasyon ng tao. Ano ang kaakibat ng naturang pagtutulungan? Una, ang paghahanap sa katotohanan, pagtanggap sa katotohanan, pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, at malinaw na pag-arok sa diwa ng mga problema. Magkakaroon ng pananalig ang isang tao na madaig ang tukso ng katayuan kapag mayroon siya ng mga bagay na ito. Dagdag pa rito, dapat kang mag-isip ng mabibisang paraan para maiwaksi mo ang tukso at matugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat kang magkaroon ng mga landas ng pagsasagawa. Pananatilihin ka nito sa tamang landas. Kung walang mga landas ng pagsasagawa, madalas kang mahuhulog sa tukso. Bagamat gugustuhin mong tahakin ang tamang landas, hindi gaanong magtatagumpay ang iyong mga pagsusumikap sa huli, gaano ka man magsikap. Kaya, ano ang mga tukso na madalas ninyong nakahaharap? (Kapag nagkamit ako ng kaunting tagumpay sa pagganap ng aking tungkulin at nakuha ko ang mataas na paggalang ng mga kapatid, nasisiyahan ako sa aking sarili at labis akong nasisiyahan sa pakiramdam na ito. Minsan, hindi ko namamalayan ito; minsan natatanto ko na mali ang kalagayang ito, ngunit hindi pa rin ako makapaghimahsik laban dito.) Iyan ay isang tukso. Sino pa ang magsasalita? (Dahil isa akong lider, minsan ay binibigyan ako ng espesyal na pagtrato ng mga kapatid namin.) Tukso rin iyan. Kung wala kang malay sa mga tuksong nakahaharap mo, bagkus ay hindi mo ito maayos na napangangasiwaan at hindi ka nakakagawa ng mga tamang pagpapasya, magdadalamhati at magiging miserable ka dahil sa mga ito. Bilang halimbawa, sabihin nating ang espesyal na pagtrato ng mga kapatid sa iyo ay may kasamang mga materyal na pakinabang na tulad ng pagpapakain sa iyo, pagbibihis sa iyo, pagpapatira sa iyo, at pagbibigay ng iyong pang-araw-araw na mga pangangailangan. Kung ang tinatamasa mo ay mas maganda kaysa sa mga ibinibigay nila sa iyo, hahamakin mo ito, at maaaring tanggihan mo ang kanilang mga regalo. Gayunpaman, kung makakilala ka ng isang mayamang tao at binigyan ka niya ng magagandang damit, at sinabing hindi niya isinusuot ito, makapaninindigan ka ba sa harap ng gayong tukso? Maaaring pag-iisipan mo ang sitwasyon, sasabihin sa iyong sarili na, “Mayaman siya, at balewala sa kanya ang mga damit na ito. Hindi naman niya isinusuot ang mga ito. Kung hindi niya ito ibibigay sa akin, itatambak na lamang niya ito sa kung saan. Kaya, tatanggapin ko ang mga ito.” Ano ang tingin mo sa desisyong iyon? (Tinatamasa na nila ang mga pakinabang ng katayuan.) Bakit ito pagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan? (Dahil tinanggap nila ang magagandang bagay.) Pagtatamasa ba sa mga pakinabang ng katayuan ang tanggapin lang ang magagandang bagay na inaalok sa iyo? Kung inalok sa iyo ang isang ordinaryong bagay, pero talagang ito ang kailangan mo at kaya tinanggap mo ito, maituturing din ba itong pagtatamasa sa mga pakinabang ng katayuan? (Oo. Sa tuwing tinatanggap nila ang mga bagay mula sa iba upang tugunan ang kanilang mga makasariling pagnanais, ito ay pagtatamasa.) Mukhang hindi malinaw sa iyo ito. Ni minsan ba ay naisip mo ito: Kung hindi ka isang lider at wala kang katayuan, iaalok pa rin ba niya ang regalong ito? (Hindi.) Tiyak na hindi. Isa kang lider kaya niya ibinibigay ang regalong ito sa iyo. Nagbago na ang sirkumstansya ng bagay na ito. Hindi ito karaniwang kagandahang-loob, at narito ang problema. Kung tatanungin mo siya, “Kung hindi ako lider, kundi isang ordinaryong kapatid lamang, bibigyan mo ba ako ng gayong regalo? Kung kailangan ng isang kapatid ang bagay na ito, ibibigay mo ba ito sa kanya?” Sasabihin niyang, “Hindi. Hindi ako pwedeng basta-basta na lang magbigay ng mga bagay-bagay kahit kanino. Ibinibigay ko ito sa iyo dahil ikaw ang lider ko. Kung wala kang ganitong espesyal na katayuan, bakit kita bibigyan ng gayong regalo?” Ngayon, tingnan mo kung paano ka nabigong unawain ang sitwasyon. Naniwala ka sa kanya noong sinabi niyang hindi niya ginagamit ang magandang damit na iyon, pero nililinlang ka niya. Ang layon niya ay tanggapin mo ang kanyang regalo upang, sa hinaharap, magiging mabuti ka sa kanya at bibigyan mo siya ng espesyal na pagtrato. Ito ang intensyon sa likod ng kanyang regalo. Ang totoo, alam mo sa iyong puso na hindi ka niya bibigyan ng gayong regalo kung wala kang katayuan, ngunit tinanggap mo pa rin ito. Sa salita, sinasabi mong “Salamat sa Diyos. Natanggap ko ang regalong ito mula sa Diyos, ito ay kabutihan ng Diyos sa akin.” Hindi mo lamang tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, kundi tinatamasa mo rin ang mga bagay ng mga hinirang ng Diyos, na para bang karapat-dapat ka sa mga ito. Hindi ba’t kawalan ng kahihiyan iyon? Kung ang tao ay walang konsiyensiya at walang anumang kahihiyan, kung gayon ay iyon ang problema. Isa lang ba itong usapin ng pag-uugali? Mali lang ba talaga na tanggapin ang mga bagay mula sa iba at tama ba na tanggihan ang mga ito? Ano ang dapat ninyong gawin kapag naharap kayo sa gayong sitwasyon? Dapat mong tanungin ang nagreregalo kung umaayon ba sa mga prinsipyo ang ginagawa niya. Sabihin sa kanya na, “Hanapin natin ang patnubay mula sa salita ng Diyos o ang mga atas administratibo ng iglesia at tingnan kung ang ginagawa mo ay naaayon sa mga prinsipyo. Kung hindi, hindi ko matatanggap ang regalong iyon.” Kung maipababatid ng mga sangguniang iyon sa nagreregalo na lumalabag ang kilos nito sa mga prinsipyo ngunit nais pa rin nitong ibigay sa iyo ang regalo, ano ang dapat mong gawin? Dapat kang kumilos ayon sa mga prinsipyo. Hindi ito kayang mapagtagumpayan ng mga ordinaryong tao. Nananabik silang mabigyan ng iba ng higit pa, at nais nilang matamasa ang higit na espesyal na pagtrato. Kung ikaw ang tamang uri ng tao, dapat kang magdasal kaagad sa Diyos kapag naharap sa gayong sitwasyon, sabihin mo na, “O Diyos, ang kinakaharap ko ngayon ay tiyak na tanda ng Iyong mabuting kalooban. Isa itong aral na itinakda Mo para sa akin. Handa akong hanapin ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo.” Masyadong matindi ang mga tuksong kinakaharap ng mga may katayuan, at sa sandaling may dumating na tukso, mahirap ngang malampasan ito. Kailangan mo ang proteksyon at tulong ng Diyos; dapat kang manalangin sa Diyos, at dapat mo ring hanapin ang katotohanan at madalas na pagnilayan ang iyong sarili. Sa ganitong paraan, magiging panatag at payapa ang pakiramdam mo. Gayunpaman, kung hinihintay mong makatanggap ng gayong mga regalo bago magdasal, makakaramdam ka pa rin ba ng gayong kapanatagan at kapayapaan? (Hindi na.) Ano ang iisipin ng Diyos sa iyo kung gayon? Malulugod ba ang Diyos sa mga kilos mo, o masusuklam Siya? Kamumuhian Niya ang mga kilos mo. Isa lang ba itong problema ng kung tinatanggap mo ba ang isang bagay? (Hindi.) Kung gayon, nasaan ang problema? Ang problema ay matatagpuan sa mga opinyon at saloobin na pinanghahawakan mo kapag kinakaharap ang gayong sitwasyon. Nagpapasya ka ba nang ikaw lang o hinahanap mo ba ang katotohanan? Mayroon ka bang anumang pamantayan ng konsiyensiya? Mayroon ka bang may-takot-sa-Diyos na puso? Nagdarasal ka ba sa Diyos sa tuwing nakakaharap mo ang sitwasyon? Hinahangad mo bang matugunan muna ang mga sarili mong pagnanais, o nagdarasal ka ba at hinahangad muna ang mga layunin ng Diyos? Nabubunyag ka sa bagay na ito. Paano mo dapat pangasiwaan ang gayong sitwasyon? Dapat mayroon kang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Una, sa panlabas, dapat mong tanggihan ang mga espesyal na materyal na pabor na ito, ang mga tuksong ito. Kahit na inalok ka ng isang bagay na talagang gusto mo o siyang mismong bagay na kailangan mo, dapat mo ring tanggihan ito. Ano ang ibig sabihin ng mga materyal na bagay? Ang pagkain, damit, at tirahan, at ang mga bagay na gamit sa pang-araw-araw ay kasama lahat. Ang mga espesyal na materyal na pabor na ito ay dapat tanggihan. Bakit kailangan mong tanggihan ang mga ito? Ang paggawa ba niyon ay isang usapin lamang ng kung paano ka kumilos? Hindi; usapin ito ng iyong matulungin na saloobin. Kung gusto mong isagawa ang katotohanan, palugurin ang Diyos, at iwasan ang tukso, kailangan mo munang magkaroon ng ganitong matulungin na saloobin. Sa ganitong saloobin, magagawa mong iwasan ang tukso, at magiging payapa ang konsiyensiya mo. Kung iaalok sa iyo ang isang bagay na gusto mo at tatanggapin mo ito, medyo mararamdaman ng puso mo ang pagsaway ng iyong konsiyensiya. Gayunpaman, dahil sa mga palusot mo at pangangatwiran sa sarili, sasabihin mo na dapat kang mabigyan ng bagay na ito, na nararapat ito sa iyo. At pagkatapos, ang kirot ng iyong konsiyensiya ay hindi magiging tumpak o malinaw. Kung minsan, maaaring maimpluwensiyahan ng mga partikular na katwiran o kaisipan at pananaw ang iyong konsiyensiya, kaya hindi halata ang kirot nito. Kaya, isa bang maaasahang pamantayan ang iyong konsiyensiya? Hindi. Isa itong pang-alerto na nagbababala sa mga tao. Anong uri ng babala ang ibinibigay nito? Na walang seguridad sa pag-asa sa mga nararamdaman lamang ng konsiyensiya; dapat ding hanapin ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyo. Iyon ang mapagkakatiwalaan. Kung walang katotohanang pipigil sa kanila, maaari pa ring mahulog sa tukso ang mga tao, magbibigay ng iba’t ibang dahilan at palusot na magtutulot sa kanilang tugunan ang kanilang kasakiman sa mga pakinabang ng katayuan. Samakatuwid, bilang lider, dapat mong sundin sa puso mo ang isang prinsipyong ito: Palagi kong tatanggihan, palaging iiwasan, at ganap na tatanggihan ang anumang espesyal na pagtrato. Ang ganap na pagtanggi ang pang-unang kinakailangan sa pag-iwas sa kasamaan. Kung taglay mo ang pang-unang kinakailangan sa pag-iwas sa kasamaan, ikaw ay medyo nasa ilalim na ng proteksyon ng Diyos. At kung mayroon kang gayong mga prinsipyo ng pagsasagawa at pinanghahawakan mo ang mga ito, ginagawa mo na ang katotohanan at binibigyang-kasiyahan ang Diyos. Tinatahak mo na ang tamang landas. Kapag tinatahak mo ang tamang landas at nabibigyang-kasiyahan mo na ang Diyos, kakailanganin pa rin bang suriin ang iyong konsiyensiya? Ang pagkilos ayon sa mga prinsipyo at pagsasagawa ng katotohanan ay mas mataas kaysa sa mga pamantayan ng konsiyensiya. Kung ang isang tao ay may determinasyong makipagtulungan at kayang kumilos ayon sa mga prinsipyo, napalugod na niya ang Diyos. Ito ang pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan
Ang ilang tao ay hindi nauunawaan ang gawain ng Diyos, at hindi nila alam kung paano nagliligtas ang Diyos o kung sino ang inililigtas Niya. Nakikita nila na ang lahat ng tao ay taglay ang disposisyon ng mga anticristo at maaaring lumakad sa landas ng mga anticristo, at kaya nararamdaman nila na ang gayong mga tao ay tiyak na walang pag-asang mailigtas. Sa huli, hahatulan silang lahat bilang mga anticristo. Hindi sila maliligtas at dapat silang mamatay lahat. Tama ba ang gayong mga kaisipan at pananaw? (Hindi.) Kaya, paano malulutas ang problemang ito? Una, kailangan mong magkaroon ng pagkaunawa sa gawain ng Diyos. Ang tiwaling tao ang inililigtas ng Diyos. Ang tiwaling tao ay maaaring lumakad sa landas ng mga anticristo at lumaban sa Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit kailangan niya ang pagliligtas ng Diyos. Kaya, paano tunay na makakasunod ang tao sa Diyos, sa halip na tumahak sa landas ng mga anticristo? Kailangan niyang maunawaan ang katotohanan, pagnilayan at kilalanin ang kanyang sarili, alamin ang sarili niyang tiwaling disposisyon at satanikong kalikasan. Pagkatapos, kailangan niyang hanapin ang katotohanan at lutasin ang kanyang tiwaling disposisyon. Sa gayon mo lang masisiguro na hindi mo matatahak ang landas ng mga anticristo, maiiwasang maging isang anticristo mismo, at maging isang taong itinataboy ng Diyos. Ang Diyos ay hindi gumagawa sa mga supernatural na paraan. Sa halip, malalim Siyang nagsisiyasat sa puso ng mga tao. Kung palagi mong tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, sasawayin ka lang ng Diyos. Ipapaunawa Niya sa iyo ang pagkakamaling ito upang pagnilayan mo ang iyong sarili at malaman na hindi ito nakaayon sa katotohanan at hindi nakalulugod sa Diyos. Kung mapagtatanto mo ito, at mapagninilayan at makikilala ang iyong sarili, hindi ka mahihirapang lutasin ang problema. Ngunit kung matagal kang namumuhay sa ganoong kalagayan, palaging tinatamasa ang mga pakinabang ng katayuan, hindi nagdarasal sa Diyos o hindi pinagninilayan ang sarili mo, at hindi hinahanap ang katotohanan, kung gayon, walang gagawin ang Diyos. Tatalikuran ka Niya, para hindi mo maramdaman na kasama mo Siya. Ipapaunawa sa iyo ng Diyos na, kung magpapatuloy ka nang ganito, tiyak na magiging isa kang taong kinasusuklaman ng Diyos. Ipapaalam ng Diyos sa iyo na mali ang landas na ito, na mali ang pamumuhay mo. Ang layon ng Diyos sa pagbibigay ng gayong kabatiran sa mga tao ay upang ipaalam sa kanila ang mga tama at maling pagkilos, upang gumawa sila ng tamang pasya. Gayunpaman, kung kaya ng isang tao na tahakin ang tamang landas ay nakasalalay sa kanyang pananalig at pakikipagtulungan. Kapag ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito, ginagabayan ka Niya tungo sa pag-unawa sa katotohanan, ngunit higit pa riyan, ipinapaubaya Niya sa iyo ang kapangyarihang magpasya, at ang pinakamahalaga ay kung tinatahak mo ba ang tamang landas. Kailanman ay hindi ka pinipilit ng Diyos. Kailanman ay hindi ka Niya sapilitang kinokontrol o inuutusan na gumawa ng isang bagay, na ipinapagawa sa iyo ang kung ano-ano. Hindi gayon kumikilos ang Diyos. Hinahayaan ka Niyang magpasya nang malaya. Sa gayong mga pagkakataon, ano ang dapat gawin ng isang tao? Kapag napagtanto mo na mali ang iyong ginagawa, na mali ang iyong pamumuhay, makapagsasagawa ka ba kaagad alinsunod sa mga tamang pamamaraan? Magiging napakahirap niyon. Mayroong magiging labanan dito, dahil ang mga bagay na minamahal ng tao ay ang mga pilosopiya at lohika ni Satanas, na sumasalungat sa katotohanan. Kung minsan, alam mo kung ano ang magiging tama at kung ano ang magiging mali, at may labanan sa puso mo. Sa panahon ng gayong labanan, dapat kang magdasal nang madalas, hayaan ang Diyos na gabayan ka, at hayaan Siyang sawayin ka, para malaman mo ang mga bagay na hindi mo dapat gawin. Pagkatapos ay aktibong maghimagsik laban, umiwas, at lumayo sa gayong mga tukso. Nangangailangan ito ng iyong kooperasyon. Sa panahon ng labanan, magkakamali ka pa rin, at madaling tumahak sa maling landas. Bagamat maaaring piliin mo ang tamang direksyon sa iyong puso, hindi natitiyak na tatahakin mo ang tamang landas. Hindi ba’t ganito talaga ang mga bagay-bagay? Sa isang sandali ng kapabayaan, tatahakin mo ang maling landas. Ano ang ibig sabihin dito ng “isang sandali ng kapabayaan”? Nangangahulugan ito na masyadong malakas ang isang tukso. Para sa iyo, maaaring sanhi ito ng mga pagsasaalang-alang sa reputasyon, o sa iyong mood, o sa ilang espesyal na konteksto o espesyal na kapaligiran. Sa katunayan, ang pinakamahalagang salik ay ang iyong tiwaling disposisyon, na nangingibabaw at kumokontrol sa iyo. Ito ang dahilan kung bakit mahirap para sa iyo na sundin ang tamang landas. Maaaring may kaunti kang pananalig, ngunit pabaling-baling ka pa rin kahit saan at naiimpluwensiyahan ng sitwasyon. Hangga’t hindi ka pinupungusan, hangga’t hindi ka pinarurusahan at dinidisiplina, hangga’t hindi nagkakalat sa daan mo ang mga balakid at wala kang nakikitang daang pasulong, hindi mo mapagtatanto na ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan ay hindi ang tamang daan, kundi ito ay isang bagay na kinasusuklaman at isinusumpa ng Diyos, na ang pagtahak lamang sa landas na hinihingi ng Diyos ang tamang daan sa buhay, at na kung hindi mo itatakda ang iyong kalooban sa pagtahak sa landas na ito, tuluyan kang ititiwalag. Ang mga tao ay hindi umiiyak hangga’t hindi nila nakikita ang kabaong! Gayunpaman, sa takbo ng labang ito, kung may matibay na pananampalataya ang isang tao, isang malakas na determinasyon na makipagtulungan, at isang kahandaan na hangarin ang katotohanan, magiging mas madali para sa kanya na madaig ang mga tuksong ito. Kung ang napakalaking kahinaan mo ay ang partikular na pag-aalala sa dignidad at pagmamahal sa katayuan, ang kasakiman para sa kasikatan at pakinabang at mga kasiyahan ng laman, at ang mga ito ay napakalakas sa loob mo, mahihirapan kang magtagumpay. Ano ang ibig sabihin nito, na mahihirapan kang magtagumpay? Nangangahulugan ito na magiging mahirap para sa iyo na piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kaya sa halip ay maaaring piliin mo ang maling landas, na magiging sanhi upang kasuklaman at talikdan ka ng Diyos. Gayunpaman, kung palagi kang maingat at marunong, at madalas na nakakaharap sa Diyos para masaway at madisiplina ng Diyos, at kung hindi ka nasisiyahan sa mga pakinabang ng katayuan, o nagnanasa ng kasikatan, pakinabang, o mga kaginhawaan ng laman, at kung, kapag mayroon kang gayong mga pag-iisip, umaasa ka sa Diyos na maghimagsik ka laban sa mga ito nang buong lakas, bago umepekto ang mga ito, at nananalangin ka sa Diyos at hinahanap ang katotohanan, at sa huli ay nakakalakad sa landas ng pagsasagawa ng katotohanan at nakapapasok sa realidad na iyon, sa kabila ng lahat, hindi ba’t mas malamang na pipiliin mo ang tamang direksyon kapag naharap ka sa matinding tukso? (Oo.) Depende ito sa mga naipon mo sa paglipas ng panahon. Sabihin mo sa Akin: Kung nahaharap ang isang tao sa isang malaking tukso, lubos ba niyang matutugunan ang layunin ng Diyos sa pamamagitan ng pag-asa sa kanyang kasalukuyang tayog, sa sarili niyang kalooban, o sa kanyang karaniwang naipong lakas? (Hindi.) Maaari ba niya itong matugunan nang bahagya? (Oo.) Maaaring matugunan ito ng tao nang bahagya, ngunit kapag naharap siya sa matitinding paghihirap, kakailanganing makialam ng Diyos. Kung nais mong isagawa ang katotohanan, ang umasa lamang sa pagkaunawa ng tao sa katotohanan at kalooban ng tao ay hindi makapagbibigay sa iyo ng ganap na proteksyon, ni hindi mo matutugunan ang mga layunin ng Diyos at ganap na maiiwasan ang kasamaan. Ang susi ay na dapat magkaroon ng determinasyon ang tao na makipagtulungan, at umasa sa mga gawain ng Diyos sa iba pang bagay. Ipagpalagay na sasabihin mong, “Nagsikap ako nang husto para makamit ang layong ito at ginawa ko ang lahat ng makakaya ko. Anumang tukso o sitwasyon ang mararanasan ko sa hinaharap, limitado lang ang tayog ko, at limitado lang ang magagawa ko.” Kapag nakikita kang kumikilos nang ganito, ano ang gagawin ng Diyos? Poprotektahan ka ng Diyos mula sa mga tuksong ito. Kapag pinoprotektahan ka ng Diyos mula sa mga tuksong ito, maisasagawa mo ang katotohanan, magiging mas matatag ang pananampalataya mo, at unti-unting lalago ang tayog mo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan