30. Paano lutasin ang problema ng paghihimagsik at paglaban sa Diyos ng mga tao

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Makalipas ang ilang libong taon ng katiwalian, ang tao’y manhid at mapurol ang isip; siya’y naging demonyong kumakalaban sa Diyos, hanggang naitala na sa mga aklat ng kasaysayan ang pagiging mapanghimagsik ng tao tungo sa Diyos, at kahit ang tao mismo ay hindi kayang magbigay ng buong ulat ng kanyang ugaling mapanghimagsik—sapagka’t ang tao ay nagawang tiwali na nang husto ni Satanas, at nailigaw na ni Satanas, na anupa’t hindi niya nalalaman kung saan tutungo. Kahit sa ngayon, pinagtataksilan pa rin ng tao ang Diyos: Kapag nakikita ng tao ang Diyos, nagtataksil siya sa Kanya, at kapag hindi niya nakikita ang Diyos, Siya’y pinagtataksilan pa rin niya. Mayroon pa ngang iba na, bagaman nasasaksihan na ang mga sumpa ng Diyos at poot ng Diyos, pinagtataksilan pa rin Siya. Kung kaya’t sinasabi Kong nawala na ng katinuan ng tao ang orihinal nitong gamit, at na ang konsensiya ng tao, gayundin, ay nawalan ng orihinal nitong gamit. Ang taong nasisilayan Ko ay isang hayop sa anyong tao, isa siyang makamandag na ahas, at gaano man niya subukang magmukhang kahabag-habag sa mga mata Ko, hinding-hindi Ko siya kaaawaan, sapagka’t ang tao ay walang pagkaunawa sa pagkakaiba ng itim at puti, sa pagkakaiba ng katotohanan at di-katotohanan. Masyadong namanhid ang katinuan ng tao, nguni’t patuloy siyang naghahangad na magkamit ng mga pagpapala; masyadong walang-dangal ang kanyang pagkatao nguni’t naghahangad pa rin siyang taglayin ang kataas-taasang kapangyarihan ng isang hari. Kanino kaya siya magiging hari sa gayong katinuan? Papaano siya mauupo sa isang trono sa gayong katauhan? Tunay na walang kahihiyan ang tao! Siya ay isang palalong kahabag-habag! Para sa inyong nagnanais magkamit ng mga pagpapala, ipinapayo Kong humanap muna kayo ng salamin at tingnan ang inyong sariling pangit na larawan—taglay mo ba ang mga kinakailangan upang maging hari? Taglay mo ba ang mukha ng isang magtatamo ng mga pagpapala? Wala pa rin kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo pa naisagawa ang alinman sa katotohanan, nguni’t hinahangad mo pa rin ang isang magandang kinabukasan. Nililinlang mo ang iyong sarili! Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpeksiyon ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang piyudal, at naturuan na siya sa “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas mabangis ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang magpasakop sa Diyos, ni, higit pa rito, isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, walang ginawa ang tao kundi maghangad ng kalayawan, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa lupain ng putik. Marinig man nila ang katotohanan, hindi nag-iisip ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, ni nakahandang hanapin ang Diyos kahit na nasaksihan na nila ang Kanyang pagpapakita. Paano magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan ang isang sangkatauhang napakasama? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang sangkatauhang labis nang namumulok?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Ang ugat ng pagsalungat at pagiging mapanghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa katiwalian ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao; imoral siya, masama ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, likas na nagpapasakop sa Diyos ang tao at nagpapasakop sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay likas na may maayos na katinuan at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas, pumurol at pinahina ni Satanas ang orihinal na katinuan, konsensiya, at pagkatao ng tao. Sa gayon, nawala niya ang kanyang pagpapasakop at pag-ibig sa Diyos. Nalihis ang katinuan ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at nagiging mas madalas at mas matindi ang kanyang pagiging mapanghimagsik sa Diyos. Nguni’t hindi pa rin ito batid ni kinikilala ng tao, at walang tigil lang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ibinubunyag ng mga pagpapahayag ng kanyang katinuan, kaunawaan, at konsensiya ang disposisyon ng tao; dahil wala sa ayos ang kanyang katinuan at kaunawaan, at sukdulan nang pumurol ang kanyang konsensiya, kaya mapanghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katinuan at pananaw ng tao, hindi posible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, gayundin ang umayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi maayos ang katinuan ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya akmang gamitin ng Diyos. Tumutukoy “ang normal na katinuan” sa pagpapasakop at pagiging tapat sa Diyos, sa paghahangad sa Diyos, sa pagiging ganap tungo sa Diyos, at sa pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Tumutukoy ito sa pagiging isa sa puso at isip tungo sa Diyos, at hindi pasadyang lumalaban sa Diyos. Hindi ganito ang pagkakaroon ng lihis na katinuan. Mula noong ginawang tiwali ni Satanas ang tao, nakabuo na siya ng mga kuru-kuro ukol sa Diyos, at wala siyang katapatan sa Diyos o paghahangad sa Kanya, at lalo na ang pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Sadyang sinasalungat at hinahatulan ng tao ang Diyos, at, bukod pa riyan, pumupukol sa Kanya ng mga pagtuligsa sa Kanyang likuran. Hinahatulan ng tao ang Diyos nang patalikod, nang may malinaw na kaalamang Siya ang Diyos; walang intensiyon ang tao na magpasakop sa Diyos, at gumagawa lamang ng mga bulag na kahilingan at pakiusap sa Kanya. Ang gayong mga tao—mga taong may lihis na katinuan—ay walang kakayahang makilala ang sarili nilang pag-uugaling kasuklam-suklam o ang pagsisihan ang kanilang pagiging mapanghimagsik. Kung may kakayahan ang mga taong makilala ang mga sarili nila, bahagya nilang nabawi na ang kanilang katinuan; habang mas naghihimagsik sa Diyos ang mga taong hindi pa nakakikilala sa mga sarili nila, mas wala sa ayos ang kanilang katinuan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Ang sinasabi ko na mga kalaban ng Diyos ay tumutukoy sa mga hindi nakakakilala sa Diyos, ang mga kumikilala sa Diyos sa kanilang mga pananalita ngunit hindi nakakakilala sa Kanya, mga sumusunod sa Diyos ngunit hindi nagpapasakop sa Kanya, at mga nagsasaya sa biyaya ng Diyos ngunit hindi kayang tumayo bilang saksi Niya. Kung walang pagkaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos o pagkaunawa sa gawain na ginagawa ng Diyos sa tao, hindi siya magiging kaayon ng mga layunin ng Diyos, at hindi niya magagawang tumayong saksi ng Diyos. Ang dahilan kung bakit sumasalungat ang tao sa Diyos ay nagmumula, sa isang banda, sa kanyang tiwaling disposisyon, at sa kabilang banda, sa kamangmangan tungkol sa Diyos at sa kakulangan ng pagkaunawa sa mga prinsipyo kung paano gumagawa ang Diyos, at sa Kanyang mga layunin para satao. Ang dalawang aspetong ito, kung pagsasamahin, ay bumubuo sa isang kasaysayan ng paglaban ng tao sa Diyos. Ang mga baguhan sa pananampalataya ay sumasalungat sa Diyos dahil ang ganoong pagsalungat ay nasa kanilang kalikasan, samantalang ang pagsalungat sa Diyos ng mga maraming taon nang nananampalataya ay mula sa kanilang kamangmangan tungkol sa Kanya, bukod pa sa kanilang tiwaling disposisyon. Noong panahon bago nagkatawang-tao ang Diyos, ang sukatan kung ang isang tao ay sumalungat sa Diyos ay batay sa kung tinupad niya ang mga kautusang itinakda ng Diyos sa langit. Halimbawa, sa Kapanahunan ng Kautusan, ang sinumang hindi tumupad sa mga kautusan ni Jehova ay itinuring na sumalungat sa Diyos. Ang sinumang nagnakaw ng mga handog kay Jehova, o ang sinumang nanindigan laban sa mga pinaboran ni Jehova, ay itinuring na sumalungat sa Diyos at pupukulin ng bato hanggang kamatayan. Ang sinumang hindi gumalang sa kanyang ama at ina, at ang sinumang nanakit o nanumpa ng kapwa, ay itinuring na hindi tumupad sa mga kautusan. At ang lahat ng hindi tumupad sa kautusan ni Jehova ay itinuring na mga nanindigan laban sa Kanya. Hindi na ganito sa Kapanahunan ng Biyaya, kung kailan ang sinumang nanindigan laban kay Jesus ay itinuring na nanindigan laban sa Diyos, at ang sinumang hindi nagpapasakop sa mga salitang binigkas ni Jesus ay itinuring na nanindigan laban sa Diyos. Sa panahong ito, ang paraan ng pagtukoy sa pagsalungat sa Diyos ay naging mas tumpak at mas praktikal. Sa panahong hindi pa nagkatawang-tao ang Diyos, ang sukatan kung sumalungat ang tao sa Diyos ay batay sa kung ang tao ay sumamba at tumingala sa di-nakikitang Diyos na nasa langit. Ang paraan ng pagtukoy sa pagsalungat sa Diyos sa panahong iyon ay tunay ngang hindi praktikal, dahil hindi kayang makita ng tao ang Diyos, at hindi niya alam kung ano ang imahe ng Diyos, o kung paano Siya gumawa at nagsalita. Walang mga kuru-kuro ang tao sa Diyos, at ang paniniwala niya sa Diyos ay hindi malinaw, dahil hindi pa nagpakita ang Diyos sa tao. Samakatuwid, paano man naniwala sa Diyos ang tao sa kanyang imahinasyon, hindi hinatulan ng Diyos ang tao o kaya ay humingi nang labis-labis mula sa kanya, sapagkat hindi talaga kayang makita ng tao ang Diyos noon. Nang nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito upang gumawa kasama ng mga tao, ang lahat ay napagmasdan Siya at napakinggan ang Kanyang mga salita, at nakita ng lahat ang mga gawa na ginagawa ng Diyos mula sa Kanyang katawang-tao. Sa sandaling iyon, ang lahat ng kuru-kuro ng tao ay naging mga bula. At para sa mga nakakita na sa pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi sila hahatulan kung kusang-loob silang magpapasakop sa Kanya, samantalang ang mga sadyang naninindigan laban sa Kanya ay ituturing na kalaban ng Diyos. Ang mga taong ito ay mga anticristo, mga kaaway na sadyang naninindigan laban sa Diyos. Ang mga nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos ngunit nakahanda pa rin at nagnanais na magpasakop sa Kanya ay hindi mahahatulan. Hinahatulan ng Diyos ang tao batay sa kanyang mga layunin at mga kilos, hindi kailanman sa kanyang mga kaisipan at ideya. Kung hahatulan ng Diyos ang tao batay sa kanyang mga kaisipan at mga ideya, wala ni isang tao ang makatatakas mula sa puno ng galit na mga kamay ng Diyos. Ang mga sadyang naninindigan laban sa Diyos na nagkatawang-tao ay parurusahan dahil sa kanilang kawalan ng pagpapasakop. Tungkol sa mga taong ito na sadyang naninindigan laban sa Diyos, ang kanilang pagsalungat ay nagmumula sa katunayan na nagkikimkim sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, na umaakay sa kanila sa mga pagkilos na nakakagulo sa gawain ng Diyos. Ang mga taong ito ay sadyang lumalaban at sumisira sa gawain ng Diyos. Hindi lamang sila nagtataglay ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, nakikibahagi rin sila sa mga aktibidad na nakakagulo sa Kanyang gawain, at dahil dito ang ganitong klase ng mga tao ay mahahatulan. Ang mga hindi sadyang gumugulo sa gawain ng Diyos ay hindi huhusgahan bilang mga makasalanan, sapagkat nagagawa nilang magpasakop nang maluwag sa kanilang kalooban at hindi sila nakikibahagi sa mga aktibidad na nagdudulot ng paggambala at kaguluhan. Ang mga taong gaya nito ay hindi parurusahan. Gayunpaman, kapag naranasan na ng mga tao ang gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon, kung patuloy silang nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at nananatili pa ring hindi nakaaalam sa mga gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, at kung, gaano man karaming taon na nilang nararanasan ang Kanyang gawain, patuloy pa rin silang puno ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at hindi pa rin nila Siya kayang makilala, kahit pa hindi sila nakikibahagi sa nakakagulong mga akitibidad, ang kanilang mga puso ay puno pa rin ng maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos, at kapag ang mga kuru-kurong ito ay hindi napansin, ang mga taong ito ay walang maitutulong sa gawain ng Diyos. Hindi nila kayang ipalaganap ang ebanghelyo para sa Diyos o tumayong saksi Niya. Ang mga taong gaya nito ay mga walang silbi at mga hangal. Dahil hindi nila nakikilala ang Diyos at higit pa rito ay ganap na walang kakayahang iwaksi ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, sila ay hinuhusgahan. Maaari itong sabihin nang ganito: Normal sa mga baguhan sa pananampalataya ang magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos o ang kawalan ng kaalaman sa Kanya, ngunit para sa taong naniniwala na sa Diyos nang maraming taon at may sapat na karanasan sa gawain ng Diyos, hindi na normal para sa mga taong ito na ipagpatuloy ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro, at mas lalong hindi normal para sa taong gaya nito ang kawalan ng kaalaman sa Diyos. Ito ay sapagkat hindi isang normal na kalagayan ang sila ay mahusgahan. Ang lahat ng mga hindi normal na taong ito ay basura. Sila ang mga pinakasumasalungat sa Diyos at mga nagpakasaya sa biyaya ng Diyos nang para sa wala. Lahat ng ganitong mga tao ay ititiwalag sa huli!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos

Dapat ninyong malaman na kinokontra ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil sa inyong padalus-dalos na pagtrato sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong pagkontra sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na mapaghimagsik. Matapos masumpungan ang kanilang paniniwala sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko na sumusukat sa mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, na nagkokomento at nagsasalita nang wala sa lugar; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katinuan sa kanila. Hindi ba’t darating ang araw na itataboy ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay pinipintasan ang Kanyang gawain, at sinusubukan ding turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paano makikilala ng gayong mga taong wala sa katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang naghahanap at nagdaranas; hindi nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pamimintas ayon sa gusto niya. Kapag mas tumpak ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila Siya kinokontra. Sa kabilang dako, kapag mas kakaunti ang alam ng tao tungkol sa Diyos, mas malamang na kontrahin nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong likas na pagkatao, at ang iyong pagkatao, ugali at moral na pananaw ang puhunan na ipinanlalaban mo sa Diyos, at habang mas tiwali ang iyong moralidad, kasuklam-suklam ang iyong mga katangian, at mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may mapagmagaling na disposisyon ay mas lalo pang kinapopootan ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ang mga anticristo. Kung hindi naitama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang malalayo sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

Ang sinumang hindi nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ay sumasalungat sa Kanya, at ang nakauunawa sa layunin ng gawain ng Diyos ngunit hindi pa rin naghahangad na mabigyang-kasiyahan ang Diyos ay lalo pang higit na ituturing na kalaban ng Diyos. Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa mga malalaking iglesia at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang gumugulo sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila’y tila may “maayos na pangangatawan,” ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao? Ang mga nagpaparangal sa kanilang sarili sa harap ng Diyos ang pinakahamak sa mga tao, samantalang ang nag-iisip sa kanilang sarili na hamak ay ang pinakamarangal. At ang mga nag-aakala na alam nila ang gawain ng Diyos at, higit pa rito, ay kayang magpahayag ng gawain ng Diyos sa iba nang may pagpapasikat kahit pa sila ay direktang nakatingin sa Kanya—sila ang mga pinakamangmang sa mga tao. Ang ganitong mga tao ay walang patotoo ng Diyos, mapagmataas at puno ng kayabangan. Ang mga naniniwala na lubhang kakaunti ang kanilang kaalaman sa Diyos, sa kabila ng kanilang aktuwal na karanasan at praktikal na kaalaman tungkol sa Kanya, ang mga pinakamamahal Niya. Tanging ang mga ganitong tao ang tunay na may patotoo at tunay na magagawang perpekto ng Diyos. Ang mga hindi nakauunawa sa mga layunin ng Diyos ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga nakauunawa sa mga layunin ng Diyos ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ngunit sumasalungat sa diwa ng mga salita ng Diyos, ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, at higit pa rito ay mayroong pag-iisip na makibahagi sa paghihimagsik, ay mga kalaban ng Diyos. Ang mga nagbibigay ng hatol sa Diyos ay mga kalaban ng Diyos, at ang sinumang hindi kayang makilala ang Diyos o magpatotoo sa Kanya ay kalaban ng Diyos. Kaya hinihimok ko kayo: Kung tunay ngang mayroon kayong pananampalataya na makakaya ninyong tahakin ang landas na ito, ipagpatuloy ang pagsunod dito. Ngunit kung hindi ninyo kayang umiwas sa pagsalungat sa Diyos, pinakamabuting lumayo na kayo bago maging huli ang lahat. Kung hindi, ang pagkakataon na makasama sa inyo ang mga bagay-bagay ay lubhang mataas, sapagkat ang inyong kalikasan ay talagang labis na tiwali. Wala kayong kahit karampot o katiting na katapatan o pagpapasakop, o pusong uhaw sa pagkamakatuwiran at katotohanan, o pag-ibig para sa Diyos. Maaaring sabihin na ang inyong kalagayan sa harap ng Diyos ay lubos na magulo. Hindi ninyo magawang sumunod sa nararapat ninyong sundin, at hindi ninyo kayang sabihin ang nararapat ninyong sabihin. Nabigo kayong isagawa ang nararapat ninyong isagawa. At ang tungkulin na nararapat ninyong gampanan, hindi ninyo nakayanang gampanan. Wala kayong katapatan, konsensya, pagpapasakop, o kapasiyahan na dapat ay mayroon kayo. Hindi pa ninyo natiis ang pagdurusa na nararapat ninyong tiisin, at wala kayo ng pananampalatayang nararapat ninyong taglayin. Sa madaling sabi, lubos ang inyong kasalatan sa anumang kabutihan: Hindi ba kayo nahihiya na patuloy na mabuhay? Hayaan ninyong kumbinsihin ko kayo na mas mabuti pang isara ninyo ang inyong mga mata sa walang hanggang kapahingahan, upang makaiwas ang Diyos mula sa pag-aalala sa inyo at sa pagdurusa para sa inyong kapakanan. Naniniwala kayo sa Diyos ngunit hindi ninyo nalalaman ang Kanyang mga layunin, kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ngunit hindi ninyo nagagawang sundin ang mga hinihingi ng Diyos sa tao. Naniniwala kayo sa Diyos ngunit hindi ninyo Siya kilala, at nananatili kayong buhay na walang layuning pinagsisikapan, walang anumang mga pagpapahalaga, walang anumang kahulugan. Nabubuhay kayo bilang tao ngunit wala ni katiting na konsensya, integridad, o kredibilidad—matatawag n’yo pa rin ba ang inyong mga sarili na tao? Naniniwala kayo sa Diyos ngunit nililinlang ninyo Siya; bukod pa rito, kinukuha ninyo ang salapi ng Diyos at kinakain ang mga handog na para sa Kanya. Gayunman, sa huli ay bigo pa rin kayong magpakita ng kahit man lamang katiting na konsiderasyon para sa damdamin ng Diyos o kaunting konsensya tungo sa Kanya. Maging ang pinakasimpleng kahilingan ng Diyos ay hindi ninyo matugunan. Matatawag n’yo pa rin bang tao ang inyong mga sarili? Kinakain ninyo ang pagkaing ipinagkakaloob sa inyo ng Diyos, nilalanghap ang hanging ibinibigay Niya sa inyo, at tinatamasa ang Kanyang biyaya, ngunit, sa huli, wala kayo ni kaunting kaalaman tungkol sa Diyos. Bagkus, kayo ay naging mga walang silbing sumasalungat sa Diyos. Hindi ba kayo nagiging tila hayop na mas mababa pa sa isang aso dahil dito? Sa lahat ng mga hayop, mayroon bang anuman na may mas masama pang hangarin kaysa sa inyo?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos

Kung naniniwala ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi ka kailanman nagpasakop sa Kanya, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makapagpapasakop ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Ang pinakamapaghimagsik sa lahat ay ang mga sadyang lumalabag at lumalaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Palaging may poot ang saloobin nila sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman nagalak na magpasakop o magpakumbaba ng sarili nila. Iniisip nilang sila ang pinakamataas sa iba at hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nilang pinakamahusay sa pangangaral ng salita, at ang pinakabihasa sa paggawa sa iba. Hindi nila kailanman itinatapon ang mga “kayamanang” nasa pag-aari nila, kundi itinuturing ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit nila ang mga ito para magsermon sa mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay mga “hindi palulupig na mga bayani,” na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang pinakamataas nilang tungkulin. Bawat taon, bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang “sagrado at hindi malalabag” na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging “mga hari” sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng mga demonyong ito na makipagsanib at gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko? Kahit ang mga medyo mapagpasakop lamang ay hindi makapagpapatuloy hanggang sa katapusan, lalong hindi itong mga maniniil na wala ni katiting na pagpapasakop sa mga puso nila! Hindi madaling makakamit ng tao ang gawain ng Diyos. Kahit na ginagamit ang lahat ng lakas na mayroon sila, kaunting bahagi lamang nito ang makakamit ng mga tao, na sa huli ay magpapahintulot sa kanila na maperpekto. Ano, kung gayon, ang para sa mga anak ng arkanghel, na naghahangad na wasakin ang gawain ng Diyos? Wala ba silang mas maliit na pag-asang makamit ng Diyos? Ang layunin Ko sa paggawa ng gawain ng paglupig ay hindi lamang ang manlupig alang-alang sa paglupig, kundi manlupig upang ibunyag ang pagiging matuwid at kalikuan, upang kumuha ng patunay para sa kaparusahan ng tao, upang parusahan ang kasamaan, at, higit pa rito, upang manlupig para sa kapakanan ng pagpeperpekto ng mga handang magpasakop. Sa huli, paghihiwa-hiwalayin ang lahat ayon sa uri, at ang mga naging perpekto ay ang mga may mga saloobin at mga ideya na puno ng pagpapasakop. Ito ang gawaing magagawa sa huli. Samantala, ang mga mapanghimagsik ang bawat kilos ay parurusahan at ipadadala upang sunugin sa mga apoy, mga layon ng walang-hanggang sumpa. Kapag dumating ang oras na iyon, ang mga “dakila at hindi malulupig na mga bayani” ng mga kapanahunang nakalipas ay magiging pinakamababa at pinakanilalayuang “mahina at inutil na mga duwag.” Tanging ito lamang ang makapaglalarawan sa bawat aspeto ng pagiging matuwid ng Diyos, at ng disposisyon Niya na hindi malalabag ng tao, at tanging ito lamang ang makapagpapalubag ng poot sa puso Ko. Hindi ba kayo sumasang-ayon na lubusang makatuwiran ito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos

Lahat yaong mga hindi naghahangad ng pagpapasakop sa Diyos sa pananampalataya nila ay sumasalungat sa Kanya. Hinihiling ng Diyos na hanapin ng mga tao ang katotohanan, na mauhaw sila sa mga salita Niya, kainin at inumin ang mga salita Niya, at isagawa ang mga ito, upang makamit nila ang pagpapasakop sa Diyos. Kung ang mga ito ang tunay mong mga layon, tiyak na itataas ka ng Diyos, at tiyak na magiging mapagbiyaya sa iyo. Ito ay hindi mapagdududahan at hindi mababago. Kung ang layon mo ay hindi magpasakop sa Diyos, at mayroon kang ibang mga pakay, lahat ng sinasabi at ginagawa mo—ang panalangin mo sa harap ng Diyos, at maging ang bawat kilos mo—ay magiging pagsalungat sa Kanya. Maaaring ikaw ay malumanay magsalita at may banayad na asal, maaaring mukhang wasto ang bawat kilos at pagpapahayag mo, at maaaring mukha kang isang taong nagpapasakop, ngunit pagdating sa mga layon mo at sa mga pananaw mo tungkol sa pananampalataya sa Diyos, pagsalungat sa Diyos ang lahat ng ginagawa mo; kasamaan ang lahat ng ginagawa mo. Ang mga taong lumilitaw bilang masusunurin tulad ng mga tupa, ngunit nagkikimkim ang mga puso ng masasamang pakay, ay mga lobong nakadamit ng pang-tupa. Tuwiran silang nagkakasala sa Diyos, at hindi ititira ng Diyos ang kahit isa sa kanila. Ibubunyag ng Banal na Espiritu ang bawat isa sa kanila at ipapakita sa lahat na yaong mga mapagkunwari ay tiyak na itataboy ng Banal na Espiritu. Huwag mag-alala: Pakikitunguhan at itatapon ng Diyos ang bawat isa sa kanila nang sunud-sunod.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya Mo sa Diyos, Dapat Kang Sumunod sa Diyos

May mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at kahit pa determinado silang magpasakop sa Diyos, limitado ang pagpapasakop nila; relatibo ito, at ito rin ay paminsan-minsan, panandalian, at kondisyonal. Hindi ito lubos. Kapag may tiwaling disposisyon, napakatindi ng kanilang paghihimagsik. Kinikilala nila ang Diyos ngunit hindi sila makapagpasakop sa Kanya, at handa silang makinig sa mga salita Niya ngunit hindi sila makapagpasakop sa mga ito. Alam nilang mabuti ang Diyos, at nais nilang mahalin Siya ngunit hindi nila ito magawa. Hindi nila magawang ganap na makinig sa Diyos, hindi nila magawang hayaan Siyang mamatnugot sa lahat ng bagay, at mayroon pa rin silang mga sarili nilang pagpipilian, nagkikimkim sila ng kanilang sariling mga layunin at mga motibo, at may sarili silang mga pakana, mga ideya, at paraan nila ng paggawa ng mga bagay-bagay. Ang pagkakaroon nila ng kanilang sariling paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, ng sarili nilang mga pamamaraan, ay nangangahulugang hindi nila magagawang magpasakop sa Diyos. Ang kaya lamang nilang gawin ay ang kumilos ayon sa sarili nilang mga ideya at maghimagsik sa Diyos. Ganito kamapaghimagsik ang mga tao! Kaya, ang kalikasan ng tao ay hindi lamang mga simpleng tiwaling disposisyon tulad ng mababaw na pag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, labis na pagpapahalaga sa sarili, pagtingin sa sarili, o paminsan-minsang mga pagsisinungaling at panlilinlang sa Diyos; sa halip, ang diwa na ni Satanas ang naging diwa ng tao. Paanong ipinagkanulo noon ng arkanghel ang Diyos? At paano naman ang mga tao sa kasalukuyan? Sa totoo lang, matatanggap man ninyo o hindi, ang mga tao sa kasalukuyan ay hindi lamang ganap na ipinagkakanulo ang Diyos tulad ng ginawa ni Satanas, kundi tuwiran din silang mapanlaban sa Diyos sa kanilang mga puso, sa kanilang pag-iisip, at sa kanilang mga ideolohiya. Ito ang pagtitiwali ni Satanas sa sangkatauhan upang maging diyablo sila; tunay ngang naging anak na ni Satanas ang mga tao. Sasabihin ninyo marahil: “Hindi kami mapanlaban sa Diyos. Pinakikinggan namin anuman ang sinasabi ng Diyos.” Mababaw iyan; para ka lang nakikinig sa kung anumang sinasabi ng Diyos. Ang katunayan, kapag pormal Akong nagbabahagi at nagsasalita, walang mga kuru-kuro at mabuti ang pagkilos at masunurin ang karamihan ng mga tao, ngunit kapag nagsasalita Ako at gumagawa Ako ng mga bagay sa normal na pagkatao, o namumuhay at kumikilos Ako sa normal na pagkatao, umuusbong ang mga kuru-kuro nila. Sa kabila ng pagnanais na bigyan Ako ng puwang sa kanilang mga puso, hindi nila Ako mapaunlakan, at paano man pagbahaginan ang katotohanan, hindi nila mabitiwan ang kanilang mga kuru-kuro. Ipinakikita nito na ang kaya lamang ng tao ay medyo magpasakop sa Diyos, hindi ganap. Alam mong Siya ang Diyos, at alam mong dapat magkaroon ng normal na katauhan ang Diyos na nagkatawang-tao, kaya bakit hindi ka lubusang makapagpasakop sa Diyos? Ang Diyos na naging tao ay si Cristo, ang Anak ng tao; kapwa Siya may pagka-Diyos at normal na pagkatao. Sa panlabas, mayroon Siyang normal na pagkatao, ngunit nabubuhay at gumagawa sa loob ng normal na pagkataong ito ang Kanyang pagka-Diyos. Ngayon, naging tao ang Diyos bilang si Cristo, nagtataglay ng pagka-Diyos at pagkatao. Ngunit nakapagpapasakop lamang ang ilang tao sa ilan sa Kanyang mga banal na salita at gawain, tinatangkilik lamang nila ang Kanyang mga banal na salita at malalim na wika bilang mga salita ng Diyos, habang binabalewala nila ang ilan sa Kanyang mga salita at gawain sa normal na pagkatao. May mga tao pa ngang mayroong ilang ideya at kuru-kuro sa kanilang mga puso, naniniwalang ang Kanyang banal na wika lamang ang salita ng Diyos at na ang Kanyang pantaong wika ay hindi. Matatanggap ba ng ganitong mga tao ang lahat ng katotohanang ipinahahayag ng Diyos? Maaari ba silang dalisayin at gawing perpekto ng Diyos? Hindi maaari, dahil nakauunawa ang mga ganitong tao sa isang kakatwang paraan at hindi nila makakamit ang katotohanan. Sa madaling salita, lubhang komplikado ang panloob na mundo ng tao, at lalo nang komplikado ang mga mapaghimagsik na bagay na ito—hindi na ito kailangang ipaliwanag pa.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Kapag naging mayabang ang kalikasan at diwa ng mga tao, maaari silang madalas na maghimagsik at lumaban sa Diyos, hindi makinig sa Kanyang mga salita, bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, gumawa ng mga bagay na nagtataksil sa Kanya, at mga bagay na dumadakila at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sinasabi mo na hindi ka mayabang, ngunit ipagpalagay na binigyan ka ng isang iglesia at tinulutan kang pamunuan ito; ipagpalagay nang hindi kita pinungusan, at na wala ni isa sa pamilya ng Diyos ang pumuna o tumulong sa iyo: Matapos mo itong pamunuan sandali, aakayin mo ang mga tao sa iyong paanan at pasusunurin sa iyo, kahit hanggang sa puntong hinahangaan at iginagalang ka. At bakit mo gagawin iyon? Matutukoy ito sa iyong kalikasan; ito ay walang iba kundi isang likas na paghahayag. Hindi mo kailangang matutunan ito mula sa iba, ni hindi nila kailangang ituro ito sa iyo. Hindi mo kailangan ang iba na turuan ka o pilitin kang gawin ito; likas na nangyayari ang ganitong klaseng sitwasyon. Ang lahat ng ginagawa mo ay tungkol sa paghikayat sa mga tao na dakilain ka, purihin ka, sambahin ka, sumunod sa iyo, at makinig sa iyo sa lahat ng bagay. Ang pagpahintulot sa iyo na maging isang lider ay likas na nagdudulot sa sitwasyong ito, at hindi ito mababago. At paano nangyayari ang sitwasyong ito? Natutukoy ito sa mapagmataas na kalikasan ng tao. Ang pagpapamalas ng kayabangan ay paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Kapag ang mga tao ay mapagmataas, palalo, at mapagmagaling, malamang magtayo sila ng kani-kanyang mga nagsasariling kaharian at gawin ang mga bagay-bagay sa anumang paraang gusto nila. Inaakay rin nila ang iba na magpakontrol sa kanila at magpasakop sa kanila. Para magkaroon ang mga tao ng kakayahang gawin ang gayong mga mapagmataas na bagay, pinatutunayan lang niyon na ang diwa ng kanilang mapagmataas na kalikasan ay katulad ng kay Satanas; katulad ito ng sa arkanghel. Kapag umabot ang kanilang kayabangan at kapalaluan sa isang partikular na antas, wala nang puwang sa puso nila para sa Diyos, at isinasantabi ang Diyos. Pagkatapos ninanais nilang maging Diyos, pinasusunod ang mga tao sa kanila, at sila ay nagiging arkanghel. Kung taglay mo ang gayong satanikong mapagmataas na kalikasan, hindi magkakaroon ng puwang ang Diyos sa iyong puso. Kahit naniniwala ka pa sa Diyos, hindi ka na kikilalanin pa ng Diyos, ituturing ka Niya bilang isang masamang tao, at ititiwalag ka.

Naipangaral na natin ang ebanghelyo nang paulit-ulit sa maraming lider ng mga relihiyosong grupo, subalit paano man natin ibahagi ang katotohanan sa kanila, hindi nila tinatanggap ito. Bakit ganito? Dahil pumapangalawa ang kanilang kayabangan sa kanilang likas na pagkatao, at wala nang puwang ang Diyos sa puso nila. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Ang mga taong nasa ilalim ng pamumuno ng ilang pastor sa relihiyosong mundo ay talagang masigasig; parang nasa piling nila ang Diyos.” Itinuturing mo bang pagkakaroon ng determinasyon ang pagiging masigasig? Gaano man katayog pakinggan ang mga teorya ng mga pastor na iyon, kilala ba nila ang Diyos? Kung talagang natakot sila sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, hihikayatin ba nila ang mga tao na sumunod sa kanila at dakilain sila? Magagawa ba nilang kontrolin ang iba? Mangangahas ba silang hadlangan ang iba na hanapin ang katotohanan at siyasatin ang tunay na daan? Kung naniniwala sila na talagang kanila ang mga tupa ng Diyos, at dapat ay makinig silang lahat sa kanila, hindi ba nila itinuturing ang kanilang sarili bilang Diyos? Mas masahol pa ang gayong mga tao kaysa sa mga Pariseo. Hindi ba’t mga tunay silang anticristo? Kaya, nakamamatay ang kanilang kayabangan, at dahil dito ay makagagawa sila ng mga bagay ng pagkakanulo. Hindi ba’t nangyayari sa inyo ang mga ganitong bagay? Makasisilo ba kayo ng mga tao sa ganitong paraan? Oo, kaya lang hindi ka pa nabigyan ng pagkakataon, at walang tigil kang pupungusan, kaya hindi ka mangangahas. Ang ilang tao ay itinataas din ang kanilang mga sarili sa mga pasikot-sikot na paraan, pero nagsasalita sila nang napakatuso, kaya’t hindi ito matukoy ng mga ordinaryong tao. Ang ilang tao ay masyadong mayabang kung kaya’t sinasabi nila: “Hindi katanggap-tanggap na ibang tao ang mamuno sa iglesiang ito! Kailangang dumaan sa akin ang Diyos para makarating dito, at maaari lamang Siyang mangaral sa inyo pagkatapos kong maipaliwanag sa Kanya ang sitwasyon ng iglesiang ito. Bukod sa akin, walang ibang maaaring pumunta rito at magdilig sa inyo.” Ano ang intensiyon sa likod ng pagsasabi nito? Anong uri ng disposisyon ang ibinubunyag nito? Ito ay kayabangan. Kapag kumikilos nang ganito ang mga tao, ang kanilang asal ay mapanlaban at mapanghimagsik sa Diyos. Kaya’t tinutukoy ng mayabang na kalikasan ng mga tao na itataas nila ang kanilang sarili, magrerebelde at magkakanulo sila sa Diyos, sisiluhin nila ang iba, ipapahamak ang iba, at pipinsalain ang kanilang sarili. Kung mamamatay sila nang hindi nagsisisi, ititiwalag sila sa huli. Hindi ba’t delikado para sa isang tao na magkaroon ng mayabang na disposisyon? Kung mayroon siyang mayabang na disposisyon, ngunit nagagawa niyang tanggapin ang katotohanan, mayroon pa ring puwang na mailigtas siya. Dapat siyang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at dapat niyang iwaksi ang kanyang tiwaling disposisyon, upang makamit ang tunay na kaligtasan.

Palaging sinasabi ng ilang tao: “Bakit ginagamit ng Diyos ang paghatol at pagkastigo para iligtas ang mga tao sa mga huling araw? Bakit napakatindi ng mga salita ng paghatol?” May isang kasabihang maaaring alam ninyo: “Iba-iba ang gawain ng Diyos sa bawat indibidwal; ito ay naibabagay sa mga pangyayari, at hindi Siya sumusunod sa mga patakaran.” Ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa mga huling araw ay pangunahing nakatuon sa mayabang na kalikasan ng mga tao. Ang kayabangan ay binubuo ng maraming bagay, ng maraming tiwaling disposisyon; ang paghatol at pagkastigo ay direktang pinupuntirya ang salitang ito, “kayabangan,” upang ganap na maalis ang mayabang na disposisyon ng mga tao. Sa huli, hindi maghihimagsik ang mga tao laban sa Diyos o lalaban sa Kanya, kaya, hindi sila magsisikap na magtayo ng kani-kanilang nagsasariling kaharian, ni magtataas o magpapatotoo sa kanilang sarili, ni kikilos nang masama, ni magkakaroon ng labis na mga hinihingi sa Diyos—sa ganitong paraan, naiwaksi na nila ang kanilang mayabang na disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos

Bagamat, kung titingnan, nananampalataya ka sa Diyos at ginagawa mo ang iyong tungkulin, ang makamundo at satanikong mga kaisipan, pananaw, pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa mga tao, at tiwaling disposisyon sa loob mo ay hindi pa kailanman naaalis, at puno ka pa rin ng mga satanikong bagay. Namumuhay ka pa rin ayon sa mga bagay na iyon, kaya mababa pa rin ang tayog mo. Nasa panganib ka pa rin; hindi ka pa matiwasay o ligtas. Hangga’t mayroon kang satanikong disposisyon, patuloy mong lalabanan at ipagkakanulo ang Diyos. Para malutas ang problemang ito, kailangan mo munang maunawaan kung aling mga bagay ang masama at kay Satanas, paano nakapipinsala ang mga ito, bakit ginagawa ni Satanas ang mga bagay na ito, anong uri ng mga lason ang nararanasan ng mga tao kapag tinatanggap nila ang mga ito, at ano ang kahahantungan ng mga taong iyon, pati na rin kung magiging anong uri ng tao ang hinihingi ng Diyos sa mga tao, anong mga bagay ang may normal na pagkatao, anong mga bagay ang positibo, at anong mga bagay ang negatibo. Magkakaroon ka lamang ng landas kung mayroon kang pagkakilala at malinaw mong nakikita ang mga bagay na ito. Bukod dito, sa positibong aspeto, kailangan mo ring maagap na gampanan ang iyong tungkulin habang iniaalay ang iyong sinseridad at pagkamatapat. Huwag maging tuso o tamad, huwag harapin ang iyong tungkulin o ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos mula sa perspektibo ng mga walang pananampalataya o gamit ang mga pilosopiya ni Satanas. Kailangan mong kumain at uminom ng marami pang salita ng Diyos, hangaring maunawaan ang lahat ng aspeto ng katotohanan, at malinaw na maunawaan ang kabuluhan ng pagsasagawa ng tungkulin, at pagkatapos ay magsagawa at pumasok sa lahat ng aspeto ng katotohanan habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, at unti-unting makilala ang Diyos, ang Kanyang gawain, at ang Kanyang disposisyon. Sa ganitong paraan, nang hindi mo namamalayan, magbabago ang iyong panloob na kalagayan, magkakaroon ng mas positibo at aktibong mga bagay sa loob mo, at mababawasan ang negatibo at pasibong mga bagay, at ang kakayahan mong makakilala sa mga bagay-bagay ay magiging mas mahusay kaysa dati. Kapag umabot sa ganito ang iyong tayog, magkakaroon ka ng pagkakilala sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay sa mundong ito, at mauunawaan mo ang diwa ng mga problema. Kung makakapanood ka ng pelikulang gawa ng mga walang pananampalataya, matutukoy mo kung anong mga lason ang maaaring maranasan ng mga tao pagkatapos mo itong panoorin, gayundin kung ano ang nilalayong itanim ni Satanas sa isipan ng mga tao sa pamamagitan ng mga kaparaanan at kalakarang ito, at kung ano ang nilalayon nitong bagbagin sa mga tao. Unti-unti mong mahahalata ang mga bagay na ito. Hindi ka na malalason pagkatapos mong panoorin ang pelikula, at magkakaroon ka ng pagkakilala tungkol dito—saka ka tunay na magkakaroon ng tayog.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pananalig sa Diyos ay Dapat Magsimula sa Pagkakilatis sa Masasamang Kalakaran ng Mundo

Maraming tao ang noon pa man ay sumusunod at nananalig na sa ganitong paraan; maganda ang pag-uugali nila sa panahong sumusunod sila sa Diyos, ngunit hindi nito matutukoy kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ito ay dahil hindi mo kailanman alam ang kahinaan ng tao, o ang mga bagay na nasa kalikasan ng tao na maaaring sumalungat sa Diyos, at bago ka nila dalhin sa kapahamakan, nananatili kang mangmang sa mga bagay na ito. Dahil ang usapin ng iyong kalikasan na sumasalungat sa Diyos ay hindi nalulutas, inihahanda ka nito sa kapahamakan, at posible na kapag natapos na ang iyong paglalakbay at natapos na ang gawain ng Diyos, gagawin mo ang pinakasumasalungat sa Diyos at magsasabi ka ng lumalapastangan sa Kanya, at sa gayon ay makokondena at ititiwalag ka. Sa huling sandali, sa pinakamapanganib na panahon, sinubukan ni Pedro na tumakas. Noong panahong iyon, hindi niya naunawaan ang layunin ng Diyos, at nagplano siyang mabuhay at gawin ang gawain ng mga simbahan. Nang maglaon, nagpakita sa kanya si Jesus at nagsabi: “Ipapapako mo ba Akong muli para sa iyo?” Naunawaan ni Pedro ang layunin ng Diyos, at mabilis siyang nagpasakop. Ipagpalagay na, sa sandaling iyon, mayroon siyang sariling mga hinihingi at sinabi, “Ayokong mamatay ngayon, natatakot ako sa sakit. Hindi ba’t ipinako Ka sa krus para sa aming kapakanan? Bakit Mo hinihiling na ako ay ipako sa krus? Maaari ba akong maligtas mula sa pagpako sa krus?” Kung humingi siya nang ganoon, nawalan sana ng kabuluhan ang landas na kanyang tinahak. Ngunit si Pedro ay isang taong nagpapasakop sa Diyos at hinahangad ang Kanyang layunin noon pa man, at, sa huli, naunawaan niya ang layunin ng Diyos at lubusang nagpasakop. Kung hindi hinangad ni Pedro ang layunin ng Diyos at kumilos ayon sa kanyang sariling pag-iisip, maling landas sana ang natahak niya. Ang mga tao ay walang kakayahang direktang maunawaan ang mga layunin ng Diyos, ngunit kung hindi sila magpapasakop pagkatapos maunawaan ang katotohanan, ipinagkakanulo nila ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos

Hindi mababago ng mga tao ang sarili nilang disposisyon; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa pagdurusa at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pagdidisiplina at pagpupungos ng Kanyang mga salita. Pagkatapos noon, saka lamang sila magiging mapagpasakop at matapat sa Diyos, at hindi na magpapadalus-dalos sa pakikitungo sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng paglalantad, paghatol, pagdidisiplina, at pagpupungos ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na nagagawa nilang magpasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain, kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, nagagawa nilang isantabi ang mga kuru-kurong ito at maluwag sa loob na magpasakop.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos

Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; at sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang magpino, maghatol, at maglantad ganap na nailalantad ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao. … Halimbawa, nang mapagtanto ng mga tao na sila ay nagmula kay Moab, nagreklamo sila, hindi na nila hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinakikita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng sangkatauhan sa kapangyarihan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong tiwaling satanikong disposisyon nila? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, ang iyong mga kamay ay nakataas nang mas mataas kaysa iba, maging kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas: “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging malapit sa Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Maghimagsik laban sa matandang Satanas! Maghimagsik laban sa malaking pulang dragon! Nawa’y ang malaking pulang dragon ay lubos na bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa’y gawin tayong ganap ng Diyos!” Ang iyong mga sigaw ay pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa’y nabunyag ang tiwaling disposisyon ng mga tao. Pagkatapos, tumigil ang kanilang mga sigaw, at wala na silang paninindigan. Ito ang katiwalian ng tao; mas malalim kaysa kasalanan, ito ay itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Nagsisimula ang pagbabago ng disposisyon ng tao sa kaalaman ng kanyang diwa at sa pamamagitan ng mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kalikasan, at pangkaisipang pananaw—sa pamamagitan ng mga pangunahing pagbabago. Sa ganitong paraan lamang makakamtan ang mga tunay na pagbabago sa disposisyon ng tao. Ang pinag-ugatan ng mga tiwaling disposisyon na lumilitaw sa tao ay ang panlilihis, katiwalian, at lason ni Satanas. Ang tao ay iginagapos at kinokontrol ni Satanas, at dinaranas niya ang napakalaking pinsalang idinulot ni Satanas sa kanyang pag-iisip, moralidad, kaunawaan, at katinuan. Sumasalungat ang tao sa Diyos at hindi matanggap ang katotohanan dahil mismo nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga pangunahing bagay ng tao, at lubhang hindi na katulad ng orihinal na pagkakalikha ng Diyos sa kanila. Sa gayon, dapat magsimula ang mga pagbabago sa disposisyon ng tao sa mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kaunawaan, at katinuan na siyang magbabago ng kanyang pagkakilala sa Diyos at kanyang pagkakilala sa katotohanan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Kung nais mong maghangad ng pagbabago sa iyong disposisyon, kailangan mong malaman ang iyong kalikasan. “Hindi mababago ng tao ang kanyang kalikasan.” Huwag ipagpalagay na maaaring mabago ang kalikasan. Kung masyadong masama ang kalikasan ng isang tao, hinding-hindi na siya magbabago kailanman, at hindi siya ililigtas ng Diyos. Ano ba ang kahulugan ng isang pagbabago sa disposisyon? Nangyayari ito kapag ang isang taong nagmamahal sa katotohanan, habang dinaranas ang gawain ng Diyos, ay tumatanggap ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita at sumasailalim sa lahat ng uri ng pagdurusa at pagpipino. Ang gayong tao ay nililinis mula sa mala-satanas na mga lason sa loob niya, at lubusang iwinawaksi kanyang tiwaling disposisyon, upang makapagpasakop siya sa mga salita ng Diyos at sa lahat ng Kanyang mga plano at pagsasaayos, upang hindi na kailanman muling maghimagsik laban sa Kanya o labanan Siya. Ito ay isang pagbabago sa disposisyon. Kung napakasama ng kalikasan ng isang tao, at kung isa siyang masamang tao, hindi siya ililigtas ng Diyos, at hindi gagawa sa loob niya ang Banal na Espiritu. Sa ibang salita, katulad ito ng isang doktor na nagpapagaling ng isang pasyente: Ang isang taong may pamamaga ay maaaring gamutin, pero ang isang taong nagkakaroon ng kanser ay hindi na maliligtas. Ang isang pagbabago sa disposisyon ay nangangahulugan na ang isang tao, sapagkat minamahal at kaya niyang tanggapin ang katotohanan, ay nauunawaan ang kanyang kalikasan sa wakas, na mapaghimagsik sa Diyos at salungat sa Diyos. Nauunawaan niya na napakalalim ng pagkakatiwali sa tao, nauunawaan niya ang kahangalan at pagiging mapanlinlang ng sangkatauhan, ang salat at kahabag-habag na kalagayan ng sangkatauhan, at sa wakas ay nauunawaan na niya ang kalikasang diwa ng sangkatauhan. Sa pagkaalam sa lahat ng ito, nagagawa niyang ganap na tanggihan at maghimagsik laban sa kanyang sarili, makapamuhay ayon sa salita ng Diyos, at maisagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ito ay isa na nakakakilala sa Diyos, ito ay isang tao na nabago na ang disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

Kapag ibinunyag mo ang iyong tiwaling disposisyon, kapag may mga kaisipan at ideya ka na salungat sa Diyos, kapag may mga kalagayan at pananaw ka na laban sa Diyos, kapag may mga kalagayan kung saan mali ang pagkaunawa mo sa Diyos, o nilalabanan at kinokontra mo Siya, sasawayin ka ng Diyos, hahatulan at kakastiguhin ka Niya, at kung minsa’y didisiplinahin at parurusahan ka pa Niya. Ano ang layunin ng pagdidisiplina at pagsaway sa iyo? (Upang makapagsisi ka at magbago.) Oo, ito ay upang makapagsisi ka. Ang naisasakatuparan ng pagdidisiplina at pagkastigo sa iyo ay hinahayaan ka nitong baguhin ang direksiyon mo. Ito ay para ipaunawa sa iyo na ang mga iniisip mo ay mga kuru-kuro ng tao, at na mali ang mga iyon; ang mga motibasyon mo ay nagmula kay Satanas, mula sa kalooban ng tao, hindi kumakatawan ang mga iyon sa Diyos, at hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan, hindi tugma sa Diyos, hindi mapalulugod ng mga iyon ang mga layunin ng Diyos, kasuklam-suklam at kamuhi-muhi sa Diyos ang mga iyon, nag-uudyok ang mga iyon ng Kanyang poot, at pinupukaw pa ang Kanyang pagsumpa. Pagkatapos mapagtanto ito, kailangan mong baguhin ang iyong mga motibasyon at pag-uugali. At paano nababago ang mga iyon? Una sa lahat, kailangan mong magpasakop sa paraan ng pagtrato sa iyo ng Diyos, at magpasakop sa mga kapaligiran at mga tao, mga pangyayari, at bagay na itinatakda Niya para sa iyo. Huwag kang maghanap ng butas, huwag kang magbigay ng mga tahasang dahilan at huwag kang umiwas sa iyong mga responsibilidad. Pangalawa, hanapin mo ang katotohanang dapat isagawa at pasukin ng mga tao kapag ginagawa ng Diyos ang mga ginagawa Niya. Hinihiling ng Diyos na unawain mo ang mga bagay na ito. Nais Niyang kilalanin mo ang iyong mga tiwaling disposisyon at satanikong diwa, para magawa mong magpasakop sa mga kapaligirang isinasaayos Niya para sa iyo at, sa huli, para makapagsagawa ka alinsunod sa Kanyang mga layunin at sa Kanyang mga hinihingi sa iyo. Sa gayo’y nakapasa ka na sa pagsubok. Sa sandaling tumigil ka na sa paglaban at pagtutol sa Diyos, hindi ka na makikipagtalo sa Diyos at magagawa mong magpasakop. Kapag sinasabi ng Diyos na, “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas,” tumutugon ka ng, “Kung sinasabi ng Diyos na ako si Satanas, ako si Satanas. Kahit na hindi ko nauunawaan kung ano ang mali kong nagawa, o kung bakit sinasabi ng Diyos na ako si Satanas, iniuutos Niya sa akin na pumunta sa likod Niya, kaya hindi ako dapat mag-atubili. Dapat kong hanapin ang mga pagnanais ng Diyos.” Kapag sinasabi ng Diyos na ang kalikasan ng iyong mga kilos ay sataniko, sinasabi mong, “Kinikilala ko kung anuman ang sinasabi ng Diyos, tinatanggap ko ang lahat ng iyon.” Anong pag-uugali ito? Ito ay pagpapasakop. Pagpapasakop ba kapag alanganin mong tinatanggap ang pagsasabi ng Diyos na ikaw ay isang diyablo at si Satanas, ngunit hindi mo ito matanggap—at hindi mo kayang magpasakop—kapag sinasabi Niya na isa kang halimaw? Ang pagpapasakop ay nangangahulugan ng lubos na pagsunod at pagtanggap, hindi pakikipagtalo o hindi pagtatakda ng mga kondisyon. Nangangahulugan ito ng hindi pagsusuri ng sanhi at epekto, sa kabila ng mga makatwirang dahilan, at ang tanging iniisip mo lamang ay ang pagtanggap. Kapag nakamit na ng mga tao ang pagpapasakop na tulad nito, malapit na sila sa tunay na pananampalataya sa Diyos. Habang lalong kumikilos ang Diyos, at habang lalo mong nararanasan, lalong nagiging totoo sa iyo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at lalong lalaki ang iyong tiwala sa Diyos, at mas lalo mong mararamdaman na, “Lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti, walang masama roon. Hindi ako dapat mamili, kundi dapat magpasakop. Ang aking responsabilidad, ang aking obligasyon, ang aking tungkulin—ay para magpasakop. Ito ang dapat kong gawin bilang isang nilikha. Kung hindi ko man lang kayang magpasakop sa Diyos, ano ako? Isa akong halimaw, isa akong demonyo!” Hindi ba’t ipinapakita nito na mayroon ka nang tunay na pananampalataya ngayon? Kapag dumating ka na sa puntong ito, ikaw ay magiging walang bahid, kaya magiging madali para sa Diyos na gamitin ka, at magiging madali rin para sa iyo na magpasakop sa mga pangangasiwa ng Diyos. Kapag mayroon kang pagsang-ayon ng Diyos, magagawa mong makamit ang Kanyang mga pagpapala.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Totoong Pagpapasakop Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pagtitiwala ang Isang Tao

Bagama’t hindi madaling baguhin ang kalikasan ng mga tao, kung matutukoy at makikilatis nila ang mga tiwaling disposisyon na kanilang inihahayag, at kung mahahanap nila ang katotohanan upang malutas ang mga ito, magagawa nilang unti-unting baguhin ang kanilang mga disposisyon. Sa sandaling nakamit na ng isang tao ang pagbabago sa kanyang buhay disposisyon, mababawasan nang mababawasan ang mga bagay sa loob nila na lumalaban sa Diyos. Ang layon ng paghihimay sa kalikasan ng tao ay baguhin ang kanyang mga disposisyon. Hindi pa ninyo nauunawaan ang layong ito, at iniisip na sa pamamagitan lamang ng paghihimay at pag-unawa sa inyong kalikasan ay makakapagpasakop kayo sa Diyos at maibabalik na ang inyong katwiran. Ang ginagawa lang ninyo ay pikit-matang naglalapat ng mga patakaran! Bakit hindi Ko na lang ilantad ang kayabangan at pagmamagaling ng mga tao? Bakit kailangan Ko ring himayin ang kanilang tiwaling kalikasan? Hindi malulutas ang problema kung ilalantad Ko lamang ang kanilang pagmamagaling at kayabangan. Ngunit kung hihimayin Ko ang kanilang kalikasan, ang mga aspeto na saklaw nito ay napakalawak, at kabilang dito ang lahat ng tiwaling disposisyon. Ito ay higit pa sa makitid na sakop ng pagmamagaling, labis na pagpapahalaga sa sarili, at kayabangan. Higit pa rito ang kabilang sa kalikasan. Kaya, makabubuti kung makikilala ng mga tao kung gaano karaming tiwaling disposisyon ang kanilang inihahayag sa lahat ng iba’t ibang hinihingi nila sa Diyos, ibig sabihin, sa kanilang labis na pagnanasa. Sa sandaling maunawaan na ng mga tao ang kanilang sariling kalikasang diwa, magagawa na nilang kamuhian at itatwa ang kanilang sarili; magiging madali na para sa kanila na lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at magkakaroon na sila ng landas. Kung hindi, hindi ninyo kailanman malalantad ang pinag-ugatan, at sasabihin lamang ninyo na ito ay pagmamagaling, kayabangan, o pagmamalaki, o kawalan ng katapatan. Malulutas ba ng pagtalakay lang sa gayong mabababaw na bagay ang inyong problema? May pangangailangan bang talakayin ang kalikasan ng tao? Sa simula, ano ang kalikasan nina Adan at Eba? Walang sinasadyang pagtutol sa kalooban nila, lalo na ang hayagang pagkakanulo. Hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng labanan ang Diyos, lalo na kung ano ang ibig sabihin ng pagpapasakop sa Kanya. Anuman ang ipinakalat ni Satanas, tinanggap nila sa kanilang puso. Ngayon ay ginawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan hanggang sa puntong kayang suwayin at labanan ng mga tao ang Diyos sa lahat ng bagay, at kaya nilang mag-isip ng lahat ng uri ng mga paraan upang salungatin Siya. Maliwanag na ang kalikasan ng tao ay katulad ng kay Satanas. Bakit Ko sinasabi na ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas? Si Satanas ay yaong lumalaban sa Diyos, at dahil ang mga tao ay may satanikong kalikasan, sila ay kay Satanas. Bagamat maaaring ang mga tao ay hindi sinasadyang gumawa ng mga bagay upang labanan ang Diyos, dahil sa kanilang satanikong kalikasan, lahat ng kanilang iniisip ay lumalaban sa Diyos. Kahit pa ang mga tao ay walang gawin, nilalabanan pa rin nila ang Diyos, dahil ang panloob na diwa ng tao ay naging isang bagay na lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, ang tao sa kasalukuyan ay iba sa taong kalilikha pa lang. Walang paglaban o pagtataksil sa kalooban ng mga tao noon, puno sila ng buhay, at hindi pinangingibabawan ng anumang satanikong kalikasan. Kung walang pangingibabaw o panggugulo ng satanikong kalikasan sa kalooban ng mga tao, anuman ang gawin nila, hindi iyon maituturing na paglaban sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos

Kung napakababaw ng kaalaman ng mga tao tungkol sa kanilang sarili, makikita nila na imposibleng lutasin ang mga problema, at talagang hindi magbabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kailangang makilala nang malalim ng isang tao ang kanyang sarili, na ibig sabihi’y malaman ng isang tao ang kanyang sariling likas na pagkatao: anong mga elemento ang kasama sa pagkataong iyon, paano nagsimula ang mga bagay na ito, at saan nanggaling ang mga ito. Bukod pa riyan, talaga bang nagagawa mong kamuhian ang mga bagay na ito? Nakita mo na ba ang sarili mong pangit na kaluluwa at buktot na kalikasan? Kung talagang nagagawa mong makita ang katotohanan tungkol sa iyong sarili, mamumuhi ka sa iyong sarili. Kapag kinamumuhian mo ang iyong sarili at pagkatapos ay isinasagawa mo ang salita ng Diyos, magagawa mong maghimagsik laban sa laman at magkakaroon ka ng lakas na isagawa ang katotohanan nang hindi naniniwala na mahirap ito. Bakit maraming taong sumusunod sa kagustuhan ng kanilang laman? Dahil itinuturing nila ang kanilang sarili na mahusay, na nadarama na tama at makatwiran ang kanilang ikinikilos, na wala silang kamalian, at na talaga ngang tama sila, samakatuwid ay maaari silang kumilos na ipinapalagay na nasa panig nila ang katarungan. Kapag kinikilala ng isa kung ano ang tunay niyang kalikasan—gaano kapangit, gaano kasuklam-suklam, at gaano kaawa-awa—hindi na niya ipinagmamalaki nang labis ang kaniyang sarili, hindi na masyadong mapagmataas, at hindi na gaanong nasisiyahan sa kaniyang sarili tulad ng dati. Nararamdaman ng gayong tao, “Kailangan kong maging masigasig at praktikal sa pagsasagawa ng ilan sa mga salita ng Diyos. Kung hindi, ako ay hindi aabot sa pamantayan ng pagiging tao, at mahihiyang mamuhay sa harapan ng Diyos.” Nakikita niyang tunay ang sarili bilang napakahamak, bilang totoong walang halaga. Sa pagkakataong ito ay nagiging madali para sa isa na isakatuparan ang katotohanan, at ang isa ay mas magmumukhang katulad ng kung ano dapat ang isang tao. Kapag tunay na kinamumuhian ng mga tao ang kanilang sarili, saka lang nila nagagawang maghimagsik laban sa laman. Kung hindi nila kinamumuhian ang kanilang sarili, hindi nila magagawang maghimagsik laban sa laman. Ang tunay na pagkamuhi sa sarili ay hindi isang simpleng bagay. Mayroong ilang bagay na dapat matagpuan sa kanila: Una, pagkaalam sa sariling likas na pagkatao; at pangalawa, pagkakita sa sarili na nangangailangan at kaawa-awa, pagkakita sa sarili na napakahamak at walang kabuluhan, at pagkakita sa sariling kaawa-awa at maruming kaluluwa. Kapag lubos na nakikita ng isang tao kung ano siya talaga, at ito ang kinahinatnan, talagang nagtatamo siya ng kaalaman tungkol sa sarili, at masasabi na lubos na niyang nakilala ang kanyang sarili. Saka lamang niya talaga maaaring kamuhian ang kanyang sarili, hanggang sa isumpa niya ang kanyang sarili, at talagang madama niya na labis siyang nagawang tiwali ni Satanas kaya ni hindi siya mukhang tao. Sa gayon, balang araw, kapag lumitaw ang panganib ng kamatayan, iisipin ng taong iyon, “Ito ang matuwid na parusa ng Diyos. Tunay ngang matuwid ang Diyos; dapat talaga akong mamatay!” Sa puntong ito, hindi siya magrereklamo, lalo nang hindi niya sisisihin ang Diyos, nadarama lamang na siya ay talagang nangangailangan at kaawa-awa, napakarumi at napakatiwali kaya dapat siyang itiwalag at wasakin ng Diyos, at ang isang kaluluwang katulad ng sa kanya ay hindi nababagay na mabuhay sa lupa. Samakatuwid, hindi irereklamo o lalabanan ng taong ito ang Diyos, lalo nang hindi siya magtataksil sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Hinihimok Ko kayong magkaroon ng mas mahusay na pag-unawa sa nilalaman ng mga atas administratibo, at magsikap alamin ang disposisyon ng Diyos. Kung hindi, mahihirapan kayong panatilihing tikom ang mga labi ninyo, masyado kayong malayang dadaldal nang may magarbong pananalita, at hindi sinasadyang malalabag ninyo ang disposisyon ng Diyos at masasadlak sa kadiliman, na mawawalan ng presensiya ng Banal na Espiritu at ng liwanag. Sapagkat wala kayong prinsipyo sa mga kilos ninyo, sapagkat ginagawa at sinasabi mo ang hindi dapat, tatanggap ka ng naaangkop na ganti. Dapat mong malamang kahit wala kang prinsipyo sa salita at gawa, lubhang maprinsipyo ang Diyos sa dalawang ito. Pagkakasala sa Diyos, hindi sa isang tao, ang dahilan ng pagkakatanggap mo ng ganti. Kung sa buhay mo ay marami kang nagawang paglabag sa disposisyon ng Diyos, nakatakda kang maging anak ng impiyerno. Para sa tao, maaaring mukhang gumawa ka lamang ng iilang gawang salungat sa katotohanan, at wala nang iba. Gayunpaman, alam mo ba na sa mga mata ng Diyos ay isa ka nang taong wala nang nauukol na handog para sa kasalanan? Sapagkat nilabag mo ang mga atas administratibo ng Diyos nang higit sa isang beses at, bukod dito, ay walang ipinakitang tanda ng pagsisisi, wala nang ibang pagpipilian kundi masadlak ka sa impiyerno, kung saan pinarurusahan ng Diyos ang tao. May maliit na bilang ng mga tao ang gumawa ng ilang gawang lumabag sa mga prinsipyo habang sumusunod sa Diyos, ngunit matapos silang mapungusan at mabigyan ng gabay, unti-unti nilang natuklasan ang sarili nilang katiwalian, at matapos nito ay pumasok sa tamang landas ng realidad, at nananatili silang may matatag na saligan hanggang ngayon. Ang ganitong mga tao ang mga mananatili hanggang sa huli. Gayunpaman, ang mga tapat ang hinahanap Ko; kung isa kang tapat na tao at isang taong kumikilos ayon sa prinsipyo, maaari kang maging pinagkakatiwalaan ng Diyos. Kung sa mga ikinikilos mo ay hindi mo nalalabag ang disposisyon ng Diyos, at hinahanap mo ang mga layunin ng Diyos, at mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayo’y abot sa pamantayan ang pananampalataya mo. Sinumang hindi natatakot sa Diyos at walang pusong nanginginig sa kilabot ay malamang na lalabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Maraming naglilingkod sa Diyos sa lakas ng silakbo ng damdamin nila ngunit walang pagkaunawa sa mga atas administratibo ng Diyos, at lalong walang anumang ideya tungkol sa mga kahihinatnan ng mga salita Niya. Kaya naman, sa kanilang mabubuting layunin, madalas silang nakagagawa ng mga bagay na gumugulo sa pamamahala ng Diyos. Sa mga malalang kaso, pinalalayas sila, pinagkakaitan ng anumang karagdagang pagkakataong sumunod sa Kanya, at itinatapon sa impiyerno, at ang lahat ng ugnayan sa sambahayan ng Diyos ay tapos na. Gumagawa ang mga taong ito sa sambahayan ng Diyos sa lakas ng kanilang mangmang na mabubuting layunin, at nagtatapos sa pagpapagalit sa disposisyon ng Diyos. Dinadala ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ang mga paraan nila ng paglilingkod sa mga opisyal at mga panginoon at sinusubukang gamitin ang mga ito, iniisip nang may kahambugan na madaling magagamit ang mga ito dito. Hindi nila kailanman naipagpalagay na walang disposisyon ng tupa ang Diyos, kundi ng isang leon. Samakatuwid, ang mga nakikipag-ugnayan sa Diyos sa unang pagkakataon ay walang kakayahang makipag-usap sa Kanya, sapagkat hindi tulad ng sa tao ang puso ng Diyos. Pagkatapos mo lamang maunawaan ang maraming katotohanan saka mo patuloy na makikilala ang Diyos. Hindi binubuo ng mga salita at doktrina ang kaalamang ito ngunit magagamit bilang kayamanan na sa pamamagitan nito ay makapapasok ka sa malapit na pagtitiwala ng Diyos, at bilang katibayang nalulugod Siya sa iyo. Kung kulang ka sa realidad ng kaalaman at hindi nasasangkapan ng katotohanan, ang maalab mong paglilingkod ay magdadala lamang sa iyo ng pagkamuhi at pagkapoot ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

Kaugnay na mga Himno

Yaong Mga Hindi Kilala ang Diyos ay Sumasalungat sa Diyos

Sinundan: 29. Paano lutasin ang isang masamang disposisyon

Sumunod: 31. Paano lutasin ang problema ng pagtahak sa landas ng mga anticristo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 11: Pinatototohanan mo na si Jesus at ang Makapangyarihang Diyos ang parehong si Cristo, ang una at ang huling Cristo. Hindi ’yan tinatanggap ng ating CCP. Sa The Internationale, malinaw na sinabi “Walang sinumang naging tagapagligtas ng mundo kailanman.” Pilit n’yong pinatototohanan na dumating na si Cristong Tagapagligtas. Paanong hindi kayo tutuligsain ng CCP? Sa palagay namin, ang Jesus na pinananaligan ng mga Kristiyano ay isang karaniwang tao. Ipinako pa nga siya sa krus. Kahit ang Judaismo ay hindi kinilala na Siya si Cristo. Ang Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw na pinatototohanan n’yo ay isa lamang palang karaniwang tao. Malinaw na inilalarawan sa mga dokumento ng CCP na may apelyido at pangalan Siya. Totoo rin ’yan. Bakit n’yo pinatototohanan na ang gayong karaniwang tao ay si Cristo, ang pagpapakita ng Diyos? Mahirap paniwalaan ’yan! Gaano man n’yo patotohanan ang katotohanang naipahayag at kung paano nagawa ng Makapangyarihang Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, hindi kikilalanin ng ating CCP na ang taong ito ay ang Diyos. Palagay ko katulad lang kayo ng mga tao ng Kristiyanismo, Katolisismo, at Eastern Orthodoxy na nananalig kay Jesus, na nananalig na Diyos ang isang tao. Hindi ba kamangmangan ’yan? Ano ba talaga ang Diyos at ang pagpapakita at gawain ng Diyos? Ibig sabihin ba nito ay ang pagpapahayag lang ng katotohanan at paggawa ng gawain ng Diyos ay pagpapakita ng tunay na Diyos? Yan ang hinding-hindi namin tatanggapin. Kung makakagawa ang Diyos ng mga himala at hiwaga, mapupuksa ang CCP at lahat ng kumakalaban sa Kanya, kikilalanin namin na Siya ang tunay na Diyos. Kung magpapakita ang Diyos sa kalangitan, gagawa ng madagundong na kulog na tatakot sa buong sanglibutan, yan ang pagpapakita ng Diyos. Sa gayo’y kikilalanin Siya ng ating CCP. Kung hindi, hinding-hindi tatanggapin ng CCP na may Diyos.

Sagot: Hindi ko lang maunawaan, bakit palaging galit ang CCP sa Diyos? Bakit nito palaging tinatanggihan ang Diyos? Bakit ito galit lalo na...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito