29. Paano lutasin ang isang masamang disposisyon
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Pinakamahirap makita ang kasamaan, sapagkat ito ay naging kalikasan na ng tao at nagsimula na silang luwalhatiin ito, at maging ang higit pang kasamaan ay hindi na masama sa paningin nila. Kaya, mas mahirap makita ang masamang disposisyon kaysa sa mapagmatigas na disposisyon. May mga taong nagsasabi: “Paanong hindi ito madaling makita? Ang lahat ng tao ay may masasamang pagnanasa. Hindi ba’t iyon ay kasamaan?” Mababaw na pananaw iyon. Ano ang tunay na kasamaan? Aling mga kalagayan ang masama kapag namamalas ang mga iyon? Masamang disposisyon ba kapag gumagamit ang mga tao ng tila mahahalagang pahayag para itago ang masasama at kahiya-hiyang layon na nasa kaibuturan ng kanilang puso, at pagkatapos ay paniwalain ang iba na napakabuti, walang kapintasan, at lehitimo ang mga pahayag na ito, at sa huli ay makamtan ang kanilang mga lihim na motibo? Bakit ito tinatawag na pagiging masama at hindi pagiging mapanlinlang? Pagdating sa disposisyon at diwa, hindi ganoon kasama ang pagkamapanlinlang. Ang pagiging masama ay mas mabigat kaysa pagiging mapanlinlang, ito ay isang pag-uugaling mas tuso at masama kaysa pagiging mapanlinlang, at mahirap para sa karaniwang tao na mahalata ito. Halimbawa, anong klaseng mga salita ang ginamit ng ahas para akitin si Eba? Paimbabaw na mga salita, na tama sa pandinig at tila sinambit para sa kabutihan mo. Wala kang malay na may anumang mali sa mga salitang ito o anumang masamang layon sa likod ng mga ito, at kasabay nito, hindi mo malimutan ang mga mungkahing ito ni Satanas. Ito ay tukso. Kapag natutukso ka at nakikinig sa ganitong klaseng mga salita, hindi mo mapipigilang maakit at malamang na mahulog ka sa bitag, sa gayon ay makakamtan ni Satanas ang kanyang mithiin. Ang tawag dito ay kasamaan. Ginamit ng ahas ang pamamaraang ito para akitin si Eba. Ito ba ay isang uri ng disposisyon? (Oo.) Saan nanggagaling ang ganitong uri ng disposisyon? Nanggagaling ito sa ahas, kay Satanas. Ang uring ito ng masamang disposisyon ay umiiral sa kalikasan ng tao. Hindi ba’t iba ang kasamaan na ito sa masasamang pagnanasa ng mga tao? Paano nagsisimula ang masasamang pagnanasa? Ito ay may kaugnayan sa laman. Ang tunay na kasamaan ay isang uri ng disposisyong malalim na nakatago, na talagang hindi nakikilatis ng mga taong walang karanasan o pag-unawa sa katotohanan. Dahil dito, ito ang pinakamahirap makita sa lahat ng disposisyon ng tao. Sa aling uri ng tao pinakamalubha ang masamang disposisyon? Sa mga taong mahilig magsamantala ng iba. Napakagaling nilang magmanipula na hindi man lang nalalaman ng mga namanipula nila kung ano ang nangyari pagkatapos. Ang ganitong uri ng tao ay may masamang disposisyon. Gamit ang panlilinlang, gumagamit ang masasamang tao ng ibang paraan upang pagtakpan ang panlilinlang nila, ikubli ang mga kasalanan nila, at itago ang mga lihim nilang intensiyon, mithiin, at makasariling pagnanais. Ito ay kasamaan. Higit pa rito, iba’t ibang paraan ang gagamitin nila upang mang-udyok, manukso, at mang-akit, pasusunurin ka sa mga nais nila at ipapatugon sa iyo ang mga makasariling hangarin nila upang makamit ang mga mithiin nila. Lahat ito ay masama. Ito ay tunay na satanikong disposisyon. Nagpakita na ba kayo ng anuman sa mga pag-uugaling ito? Sa mga aspekto ng masamang disposisyon, alin ang mas ipinapakita ninyo: panunukso, pang-uudyok, o pagsisinungaling upang pagtakpan ang iba pang kasinungalingan? (Tingin ko ay ipinapakita ko ang kaunti sa lahat ng ito.) Tingin mo ay ipinapakita mo ang kaunti sa lahat ng ito. Ibig sabihin, sa antas ng emosyon, nararamdaman mong pareho mo nang ipinakita at hindi pa ipinakita ang mga kilos na ito. Wala kang mahanap na anumang ebidensya. Sa pang-araw-araw mong buhay, napagtatanto mo ba kung nagpapakita ka ng masamang disposisyon kapag may kinakaharap kang bagay? Sa totoo lang, ang mga bagay na ito ay umiiral sa loob ng disposisyon ng lahat ng tao. Halimbawa, may isang bagay na hindi mo nauunawaan, pero ayaw mong malaman ng iba na hindi mo ito nauunawaan, kaya’t kung anu-ano ang ginagawa mo upang isipin nilang nauunawaan mo ito. Ito ay pandaraya. Ang ganitong uri ng pandaraya ay pagpapamalas ng kasamaan. Nariyan din ang panunukso at pang-uudyok, lahat ito ay pagpapamalas ng kasamaan. Madalas mo bang tinutukso ang iba? Kung talagang nagsisikap kang maunawaan ang isang tao, na nais mong makipagbahaginan sa kanya, at kailangan ito para sa iyong trabaho at ito ay wastong pakikisalamuha, hindi ito maituturing na panunukso. Ngunit kung may personal kang layunin at mithiin, at hindi mo talaga nais maunawaan ang disposisyon, mga paghahangad, at kaalaman ng taong ito, at sa halip ay nais mong ilabas ang kanyang mga iniisip sa kanyang kaloob-looban at ang tunay niyang mga damdamin, ito ay tinatawag na kasamaan, panunukso, at pang-uudyok. Kung ginagawa mo ito, may masama kang disposisyon; hindi ba’t ito ay isang bagay na nakatago? Madali bang baguhin ang ganitong disposisyon? Kung makikilatis mo ang mga pagpapamalas ng bawat aspekto ng disposisyon mo, kung anong mga kalagayan ang kadalasang sinasanhi ng bawat aspekto, at maitutugma mo ang mga ito sa sarili mo, na nararamdaman mo kung gaano kasama at kamapanganib ang ganitong disposisyon, makadarama ka ng pasanin na magbago, at mauuhaw ka sa mga salita ng Diyos at matatanggap mo ang katotohanan. Sa sandaling iyon ka makapagbabago at makatatanggap ng kaligtasan. Gayunman, kung matapos mong itugma ang mga ito ay hindi ka pa rin nauuhaw sa katotohanan, walang nararamdamang pagkakautang o paratang—o kahit kaunting pagsisisi—at hindi mo minamahal ang katotohanan, magiging mahirap para sa iyo na magbago. At hindi makatutulong ang pag-unawa, sapagkat doktrina lamang ang mauunawaan mo. Anumang aspekto ng katotohanan ito, kung ang pag-unawa mo ay natitigil sa antas ng doktrina at hindi konektado sa pagsasagawa at pagpasok mo, walang silbi ang doktrinang nauunawaan mo. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo makikilala ang tiwali mong disposisyon, at hindi ka makapagsisisi at makapagtatapat sa Diyos, at hindi ka makararamdam ng pagkakautang sa Diyos, at hindi mo kamumuhian ang sarili mo, kaya’t hinding hindi ka maliligtas. Kung alam mo kung gaano kalubha ang mga problema mo, pero wala kang pakialam at hindi mo kinamumuhian ang sarili mo, manhid at pasibo pa rin ang kalooban mo, hindi mo tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at hindi ka nananalangin sa Kanya o umaasa sa Kanya upang malutas ang tiwaling disposisyon mo, kung gayon ay lubhang nanganganib ka, at hindi ka makatatanggap ng kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan
Nasa mas malalim na antas ang kabuktutan kaysa sa panlilinlang; mas mapanira ito, mas malihim, mas mapanlihis, at mas mahirap arukin, at nakapaloob sa kabuktutan ang pang-eengganyo, panunuyo, pang-aakit, pagkuha ng loob, panunuhol, at panunukso. Ang mga kilos at pag-uugaling ito ay sobrang higit pa sa panlilinlang; ang mga ito ay buktot, walang duda. Hindi sinabi ng lalaki, “Kung hindi mo sasabihin sa akin, hahampasin kita, sisipain kita, o papatayin kita!” Hindi siya gumamit ng ganoong mga paraan, at sa panlabas, hindi lumitaw na siya ay may masamang hangarin. Gayumpaman, mas nakakatakot pa nga ito kaysa sa masamang hangarin—ito ay kabuktutan. Bakit Ko sinasabing ito ay kabuktutan? Ang panlilinlang ay karaniwang nahahalata ng karamihan ng tao, pero mas tuso ang paraan niya. Sa panlabas, gumagamit siya ng magalang na pananalita na umaayon sa damdamin ng tao; pero sa realidad, sa kaibuturan, may mga bagay na mas nakatago. Ang mga kilos at paraan niya ay mas nakatago, mas mapanira kaysa sa panlilinlang na karaniwang nakikita at nakakaharap ng mga tao. Ang mga taktika niya ay mas sopistikado, mas mapanlansi, at mas mapanlihis. Ito ay kabuktutan.
Sa pang-araw-araw na buhay, kaya ba ninyong kilalanin ang pagkakaiba at kilatisin ang paghahayag ng buktot na disposisyon ng ibang tao at ang kanilang buktot na pag-uugali? Bagamat puwedeng maging medyo mahusay makitungo ang mga mapanlinlang na indibidwal, pagkatapos makisalamuha sa kanila sa loob ng ilang panahon, mahahalata pa rin sila ng karamihan ng tao. Gayumpaman, hindi ganoon kadaling mahalata ang mga taong may buktot na disposisyon. Kung hindi mo makita ang diwa o ang mga kahihinatnan, wala kang paraan para mahalata sila. Ang mga buktot na indibidwal ay mas lalo pang mapanira kaysa sa mga mapanlinlang na tao. Wala kang paraan para mahalata sila mula lang sa isa o dalawang pangungusap. Pagdating sa mga taong may buktot na disposisyon, sa kaunting oras o sa maikling panahon ay puwedeng hindi mo mahalata o maunawaan kung bakit nila ginagawa ang partikular na bagay na iyon, kung bakit sila nagsasalita o kumikilos sa ganoong paraan. Isang araw, kapag sila ay lubusan nang nabunyag at ganap nang nailantad, sa wakas ay matutuklasan kung anong uri sila ng tao. Higit pa ito sa panlilinlang lamang—ito ay kabuktutan. Samakatuwid, ang pagkilatis sa isang buktot na disposisyon ay nangangailangan ng ilang panahon, at minsan dapat munang makita ang mga kahihinatnan bago ito makikilatis ng isang tao—hindi ito isang bagay na makikilatis agad. Halimbawa, ilang dekada nang nanlilihis ng mga tao ang malaking pulang dragon, at ngayon lang nagkaroon ng kaunting pagkilatis ang kaunting tao. Ang malaking pulang dragon ay madalas na nagsasabi ng mga bagay na pinakamasarap pakinggan at pinakanaaayon sa mga kuru-kuro ng tao, itinataas ang bandera ng paglilingkod sa mga tao para manlihis ng mga tao at ang bandera ng katarungan para magpalayas ng mga taong tumututol, pumapatay ng hindi mabilang na mabubuting tao. Ngunit kaunti lang ang nakakakilatis nito dahil ang sinasabi at ginagawa nito ay mukhang tama sa mga tao. Iniisip ng lahat ng tao na ang lahat ng ginagawa nito ay makatarungan at nararapat, legal at makatwiran, at naaayon sa humanismo. Bilang resulta, nailihis nito ang mga tao sa loob ng ilang dekada. Kapag sa wakas ay nalantad at bumagsak na ito, makikita ng mga tao na ang tunay na mukha nito ay sa diyablo, at ang kalikasang diwa nito ay buktot. Ang malaking pulang dragon ay nanlihis ng mga tao sa loob ng napakaraming taon, at ang lason ng malaking pulang dragon ay nasa lahat ng tao—naging mga inapo na sila nito. May kakayahan ba ang sinuman sa inyong gawin ang mga uri ng bagay na nagawa ng malaking pulang dragon? May ilang taong katulad ng malaking pulang dragon kung magsalita, gumagamit ng napakagagandang salita pero hindi gumagawa ng tunay na gawain. Maganda ang lahat ng salita nila, pero hindi sila gumagawa ng tunay na gawain. Gayundin, partikular silang mapanira at buktot. Pagdating sa ganoong mga tao, kung may makakapagpasama ng loob nila, hindi nila ito palalampasin. Sa malao’t madali, makakahanap sila ng angkop na pagkakataon para maisakatuparan ang layunin nilang maghiganti pero hindi sila bibigyan ng anumang kalamangan. Puwede pa nga nilang pangasiwaan ang usaping iyon nang hindi humaharap at nagpapakita ng kanilang mukha. Hindi ba’t buktot ito? Ang mga buktot na tao ay kumikilos nang may mga prinsipyo, paraan, hangarin, motibo, at layuning partikular na palihim at nakatago. Gumagamit ang mga buktot na indibidwal ng mga pakana upang maminsala ng iba, minsan ay gumagamit sila ng ibang tao upang pumatay para sa kanila, minsan ay pinahihirapan nila ang iba sa pamamagitan ng pang-aakit sa mga itong gumawa ng mga kasalanan, at minsan ay gumagamit sila ng mga kautusan o bumabaling sa lahat ng uri ng kasuklam-suklam na paraan para pahirapan ang iba. Ang mga ito ay pawang pagpapamalas ng kabuktutan, at wala sa mga ito ang mga makatarungan o matapat na paraan. Mayroon bang sinuman sa inyong nagpapakita ng mga pag-uugali o pagbubunyag na ito? Kaya ba ninyong kilatisin ang mga ito? Alam ba ninyong binubuo ng mga ito ang isang buktot na disposisyon? Ang panlilinlang ay kadalasang nakikita sa panlabas: May isang taong nagpapaligoy-ligoy o gumagamit ng mabulaklak na pananalita, at walang nakakabasa ng kanyang iniisip. Iyon ay panlilinlang. Ano ang pangunahing katangian ng kabuktutan? Ito ay na sadyang masarap sa pandinig ang kanyang mga salita, at ang lahat ng bagay ay parang tama sa panlabas. Mukhang walang anumang problema, at mukhang maayos ang mga bagay sa bawat anggulo. Kapag may ginagawa siya, hindi mo siya makikitang gumagamit ng anumang partikular na diskarte, at sa panlabas, walang anumang tanda ng mga kahinaan o kapintasan, pero naisasakatuparan niya ang kanyang mithiin. Ginagawa niya ang mga bagay sa isang masyadong malihim na paraan. Ganito inililihis ng mga anticristo ang mga tao. Ang ganitong mga tao at bagay ang pinakamahirap kilatisin. May ilang tao na madalas na nagsasabi ng mga tamang bagay, gumagamit ng mga magagandang palusot, at gumagamit ng mga partikular na doktrina, kasabihan, o kilos na umaayon sa pagkagiliw ng tao upang manlinlang ng mga tao. Nagkukunwari silang gumagawa ng isang bagay habang iba ang ginagawa upang maisakatuparan ang kanilang lihim na layunin. Ito ay kabuktutan, pero itinuturing ng karamihan ng mga tao ang mga pag-uugaling ito bilang mapanlinlang. Ang mga tao ay may medyo limitadong pang-unawa at paghimay sa kabuktutan. Ang totoo, mas mahirap kilatisin ang kabuktutan kaysa sa panlilinlang dahil mas palihim ito, at mas sopistikado ang mga paraan at kilos nito. Kung ang isang tao ay may isang mapanlinlang na disposisyon, kadalasan, nahahalata ng iba ang kanyang panlilinlang sa loob ng dalawa o tatlong araw ng pakikisalamuha sa kanya, o nakikita nila ang pagbubunyag ng kanyang mapanlinlang na disposisyon sa kanyang mga kilos at salita. Gayumpaman, ipagpalagay nating buktot ang taong iyon: Hindi ito isang bagay na makikilatis sa loob lang ng ilang araw, dahil kung walang anumang mahalagang pangyayari o espesyal na sitwasyong magaganap sa isang maikling panahon, hindi madaling makakilatis ng anumang bagay mula lang sa pakikinig sa kanyang magsalita. Palaging tama ang mga sinasabi at ginagawa niya, at naglalahad siya ng sunud-sunod na tamang doktrina. Pagkalipas ng ilang araw ng pakikisalamuha sa kanya, puwede mong isipin na ang taong ito ay medyo magaling, nagagawang tumalikod sa mga bagay-bagay at gumugol ng kanyang sarili, may espirituwal na pang-unawa, may mapagmahal-sa-Diyos na puso, at parehong may konsensiya at katwiran sa paraan ng kanyang pagkilos. Pero pagkatapos niyang mangasiwa ng ilang usapin, makikita mong ang kanyang pananalita at mga kilos ay nahahaluan ng napakaraming bagay, ng napakaraming mala-diyablong layunin. Napapagtanto mong ang taong ito ay hindi matapat kundi mapanlinlang—isang buktot na bagay. Madalas siyang gumagamit ng mga tamang salita at magagandang parirala na naaayon sa katotohanan at nagtataglay ng pagkagiliw ng tao upang makisalamuha sa mga tao. Sa isang banda, itinatatag niya ang kanyang sarili, at sa isa pa, inililihis niya ang iba, nagkakamit ng katanyagan at katayuan sa mga tao. Ang ganoong mga indibidwal ay labis na mapanlihis, at sa sandaling magkamit sila ng kapangyarihan at katayuan, kaya na nilang manlihis at maminsala ng maraming tao. Lubhang mapanganib ang mga taong may mga buktot na disposisyon. May ganoon bang mga tao sa paligid ninyo? Kayo ba mismo ay ganito? (Oo.) Kung ganoon ay gaano ito kaseryoso? Nagsasalita at kumikilos nang walang anumang katotohanang prinsipyo, lubos na sumasandig sa iyong buktot na kalikasan upang kumilos, palaging nagnanais na manlihis ng iba at mamuhay sa likod ng isang maskara, para hindi makita o makilala ng iba, at para igalang at hangaan nila ang iyong pagkatao at katayuan—ito ay kabuktutan. Ipinapakita ba ninyo ang mga buktot na pag-uugaling ito nang paminsan-minsan lang, o ganito ba kayo madalas? Ganito lang ba talaga kayo, at mahirap ba para sa inyong makawala? Kung paminsan-minsan lang kayo gumagamit ng ganitong mga paraan, puwede pa rin itong mabago. Gayumpaman, kung ganito lang talaga kayo, palaging kumikilos nang mataktika at panlilinlang, at palaging sumasandig sa mga pakana, kung gayon kayo ang pinakatuso sa lahat ng diyablo. Sasabihin Ko sa inyo ang katotohanan: Ang ganitong mga tao ay hindi kailanman magbabago.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Tinatakot, at Kinokontrol Nila ang mga Tao
Sabihin ninyo sa Akin, ang pagsasagawa ba ng katotohanan at pangangasiwa sa mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay nangangailangan ng iba’t ibang dahilan at pangangatwiran? (Hindi, hindi ito nangangailangan.) Basta’t ang isang tao ay may matapat na puso, kaya niyang isagawa ang katotohanan. Ang mga tao bang hindi nagsasagawa ng katotohanan ay naghahanap ng iba’t ibang maidadahilan? Halimbawa, kapag sila ay may ginagawang mali, sumasalungat sa mga prinsipyo, at iwinawasto ng iba, kaya ba nilang makinig? Hindi sila nakikinig. Ang katunayan bang hindi sila nakikinig ang nag-iisang isyu? Paano sila naging buktot? (Nag-iisip sila ng maidadahilan para mahikayat ka, para paniwalain kang tama sila.) Hahanap sila ng pagpapakahulugan na naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon mo, pagkatapos ay gagamit sila ng mga espirituwal na teorya na kaya mong kilalanin at tanggapin at na naaayon sa katotohanan para kumbinsihin ka, pasunurin ka sa kanila, at tapat kang paniwalain na tama sila, para lang makamit ang layon nilang iligaw at kontrolin ang mga tao. Hindi ba’t kabuktutan ito? (Oo.) Kabuktutan nga ito. Malinaw na sila ay may nagawang mali, sumalungat sa mga prinsipyo at katotohanan sa kanilang mga kilos, at nabigong isagawa ang katotohanan, pero nakakabuo sila ng isang set ng mga teoretikal na pangangatwiran. Talagang buktot ito. Parang lobo ito na kumakain ng isang tupa; nasa orihinal na kalikasan ng isang lobo na kumain ng tupa, at nilikha ng Diyos ang ganitong uri ng hayop para kumain ng tupa—tupa ang pagkain nito. Pero pagkatapos itong kainin, naghahanap pa rin ng iba’t ibang maidadahilan ang lobong ito. May mga naiisip ba kayo tungkol dito? Iniisip inyo, “Kinain mo ang tupa ko, at ngayon naman ay gusto mong isipin ko na dapat mo itong kainin, na makatwiran at naaangkop na kainin mo ito, at dapat pa nga kitang pasalamatan.” Hindi ba’t nakakainis? (Oo, naiinis ako.) Habang naiinis ka, anong naiisip mo? Iniisip mo, “Masyadong buktot ang taong ito! Kung gusto mo itong kainin, sige gawin mo, ganoon ka naman; isang bagay ang kainin ang tupa ko, pero gumagawa ka pa ng maraming pangangatwiran at pagdadahilan, at hinihingi mong maging mapagpasalamat ako sa iyo bilang kapalit. Hindi ba’t panggugulo ito sa tama at mali?” Ito ay kabuktutan. Kapag gustong kainin ng isang lobo ang tupa, ano ang nagiging pagdadahilan nito? Sasabihin ng lobo, “Maliit na kordero, ngayon ay dapat kitang kainin dahil gusto kong maghiganti sa iyo sa pang-iinsulto sa akin noong nakaraang taon.” Ang kordero, na naagrabyado, ay sasabihing, “Hindi pa nga ako ipinapanganak noong nakaraang taon.” Nang mapagtanto ng lobo na nagkamali ito sa pagsasalita at pagbibilang sa edad ng kordero, sasabihin nitong, “Kung gayon hindi ko na bibilangin iyon, pero kailangan pa rin kitang kainin dahil noong uminom ako sa ilog na ito, dinumihan mo ang tubig, kaya gagantihan kita.” Sasabihin ng kordero, “Nasa bandang ibaba ako ng ilog, at ikaw ang nasa itaas. Paano ko marurumihan ang tubig sa itaas? Kung gusto mo akong kainin, sige kainin mo ako. Huwag ka nang magdahilan pa ng kung ano-ano.” Iyon ang kalikasan ng lobo. Hindi ba’t kabuktutan ito? (Oo.) Ang kabuktutan ba ng lobo ay kapareho ng sa malaking pulang dragon? (Oo.) Ang paglalarawang ito ay pinakaangkop sa malaking pulang dragon. Gustong arestuhin ng malaking pulang dragon ang mga taong nananampalataya sa Diyos; gusto nitong kasuhan ng krimen ang mga taong ito. Kaya, lumilikha muna ito ng mga pagkukunwari, gumagawa ng mga tsismis, at pagkatapos ay ipinapaalam sa mundo para patindigin ang buong mundo at kondenahin ka. Nagsasampa ito ng maraming akusasyon sa mga nananampalataya sa Diyos, gaya ng “panggugulo sa kaayusan ng lipunan,” “pagkakalat ng mga lihim ng estado,” at “pagpapabagsak sa kapangyarihan ng estado.” Nagpapakakalat din ito ng tsismis na nakagawa ka ng iba’t ibang krimen at inaakusahan ka nito. Ayos lang ba na tumanggi kang aminin ang mga iyon? Ito ba ay usapin ng pag-amin mo o hindi sa mga ito? Hindi. Kapag desidido na itong arestuhin ka, katulad ng isang lobo na desididong kumain ng isang tupa, naghahanap ito ng iba’t ibang maidadahilan. Lumilikha ng iba’t ibang pagkukunwari ang malaking pulang dragon, sinasabing gumawa tayo ng masama, samantalang ang katunayan naman, ibang tao ang gumawa niyon. Inililipat nila ang sisi at idinidiin ang iglesia. Kaya mo bang makipagtalo rito? (Hindi.) Bakit hindi mo kayang makipagtalo rito? Puwede bang magkaroon ka ng malinaw na argumento rito? Sa tingin mo ba, sa pakikipag-argumento rito at pagpapaliwanag sa sitwasyon, ay hindi ka na aarestuhin? Masyadong maganda ang tingin mo rito. Bago ka pa matapos magsalita, sasabunutan ka na nito, iuuntog ang ulo mo sa pader, at pagkatapos ay tatanungin ka, “Kilala mo ba kung sino ako? Isa akong diyablo!” Kasunod niyon, magkakaroon ng matitinding pambubugbog, pati na ng ilang araw at gabi ng halinhinang interogasyon at pagpapahirap, at pagkatapos ay magsisimula ka nang kumilos nang tama. Sa puntong ito, matatanto mo, “Walang lugar para sa pangangatwiran dito; isa itong patibong!” Hindi nakikipagtalo ang malaking pulang dragon sa iyo—akala mo ba ay hindi nito sinasadyang lumikha ng pagkukunwari, na nagkataon lang iyon? May pagsasabwatan sa likod nito, at planado na ang susunod nitong pagkilos. Simula pa lang ito ng mga pagkilos nito. Maaaring isipin pa rin ng ilang tao, “Hindi nila nauunawaan ang mga usaping may kinalaman sa pananampalataya sa Diyos; kung ipapaliwanag ko ito sa kanila, magiging maayos ang lahat.” Maipapaliwanag mo ba ito nang malinaw? Idiniin ka nito sa isang bagay na hindi mo naman ginawa—kaya mo pa rin bang ipaliwanag nang malinaw ang mga bagay-bagay? Noong idiin ka nito, hindi ba nito alam na hindi ikaw ang gumawa niyon? Hindi ba nito alam kung sino ang gumawa niyon? Alam na alam nito! Pero bakit ikaw ang sinisisi nito? Ikaw ang gustong bihagin nito. Sa tingin mo ba, kapag isinisi niya ito sa iyo ay hindi nito alam na hindi ka nito tinatrato nang makatwiran? Gusto nitong tratuhin ka nang hindi makatwiran at arestuhin at usigin ka. Iyon ay kabuktutan.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)
Ang mga buktot na disposisyon ay naipamamalas din sa isa pang paraan. Nakikita ng ilang tao na ang mga pagtitipon sa sambahayan ng Diyos ay laging kinapapalooban ng pagbabasa ng salita ng Diyos, pagbabahaginan sa katotohanan, at mga pagtalakay tungkol sa pagkakilala sa sarili, sa wastong pagganap ng tungkulin, kung paano kumilos nang ayon sa mga prinsipyo, kung paano matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, kung paano maunawaan at isagawa ang katotohanan, at iba pang mga aspekto ng katotohanan. Matapos makinig sa loob ng maraming taon, nagsimula silang higit na mayamot habang mas nakikinig sila, at nagsimula silang magreklamo, sinasabi nila, “Hindi ba’t ang layunin ng pananampalataya sa diyos ay ang magkamit ng mga pagpapala? Bakit natin laging pinag-uusapan ang katotohanan at pinagbabahaginan ang salita ng diyos? Wala ba itong katapusan? Nayayamot na ako rito!” Pero ayaw nilang bumalik sa sekular na mundo. Iniisip nila, “Sobrang nakakabagot ang manampalataya sa diyos, nakakainip ito—paano ko ito gagawing mas interesante? Kailangan kong makahanap ng isang bagay na interesante,” kaya nagtatanung-tanong sila, “Ilan ang nananalig sa diyos sa iglesia? Ilan ang mga lider at manggagawa? Ilan na ang napalitan? Ilan ang kabataang estudyanteng nasa unibersidad at ang mga nagtapos na sa pag-aaral? May nakakaalam ba ng bilang?” Itinuturing nila ang mga bagay na ito at ang impormasyong ito bilang ang katotohanan. Anong disposisyon ito? Ito ay kabuktutan, karaniwang tinatawag na “pagiging ubod ng sama.” Napakarami na nilang narinig na katotohanan, pero wala ni isa sa mga ito ang pumukaw ng sapat na atensyon o pagtuon mula sa kanila. Sa sandaling may tsismis o balita ang isang tao, agad silang nagkakainteres, takot silang mapalagpas ito. Ito ay pagiging ubod ng sama, hindi ba? (Oo.) Ano ang katangian ng masasamang tao? Wala sila ni katiting na interes sa katotohanan. Interesado lamang sila sa mga panlabas na usapin, at walang kapaguran at buong kasakiman silang naghahanap ng tsismis at mga bagay na walang kinalaman sa kanilang buhay pagpasok o sa katotohanan. Inaakala nila na ang pagtuklas sa bagay na ito, sa lahat ng impormasyong ito, at paglalagay ng lahat ng ito sa isip nila, ay nangangahulugan na taglay nila ang katotohanang realidad, na talaga ngang miyembro sila ng sambahayan ng Diyos, na tiyak silang sasang-ayunan ng Diyos at na makapapasok sila sa kaharian ng Diyos. Sa tingin ninyo ba ay ganito nga talaga ang kaso? (Hindi.) Nakikilatis ninyo ang mga ito, pero maraming bagong mananampalataya sa Diyos ang hindi ito magawa. Nakatuon sila sa impormasyong ito, inaakala nila na ang pagkaalam sa mga bagay na ito ay ginagawa silang miyembro ng sambahayan ng Diyos—pero ang totoo, ang mga gayong tao ang pinakakinasusuklaman ng Diyos, sila ang pinakabanidoso, pinakamapagpaimbabaw, at pinakamangmang sa lahat ng tao. Nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw upang gawin ang gawain ng paghatol at pagdadalisay sa mga tao, na ang epekto ay ang ibigay sa mga tao ang katotohanan bilang buhay. Pero kung hindi nakatuon ang mga tao sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at palagi nilang sinusubukang maghanap ng tsismis at mas alamin pa ang mga nagaganap sa loob ng iglesia, hinahangad ba nila ang katotohanan? Sila ba ay mga taong gumagawa ng wastong gawain? Para sa Akin, sila ay mga buktot na tao. Sila ay mga hindi mananampalataya. Ang mga ganitong tao ay matatawag ding ubod ng sama. Lagi lamang silang nakatuon sa sabi-sabi. Binibigyang-kasiyahan nito ang kanilang kuryosidad, pero kinamumuhian sila ng Diyos. Hindi sila mga taong tunay na nananalig sa Diyos, lalong hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan. Sila ay mga tagapaglingkod lang ni Satanas, na dumarating upang guluhin ang gawain ng iglesia. Bukod pa riyan, ang mga taong laging sinusuri at sinisiyasat ang Diyos ay mga tagapaglingkod at mga alagad ng malaking pulang dragon. Ang mga taong ito ang pinakakinamumuhian at pinakakinasusuklaman ng Diyos sa lahat. Kung nananalig ka sa Diyos, bakit hindi ka nagtitiwala sa Diyos? Kapag sinusuri at sinisiyasat mo ang Diyos, hinahanap mo ba ang katotohanan? May anuman bang kaugnayan ang paghahanap sa katotohanan sa pamilyang nagsilang kay Cristo o sa kapaligirang kinalakhan Niya? Ang mga taong laging nagbubusisi sa Diyos—hindi ba’t kasuklam-suklam sila? Kung palagi kang may mga kuru-kuro tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa pagkatao ni Cristo, dapat kang gumugol ng mas marami pang oras sa paghahangad na malaman ang mga salita ng Diyos; kapag naunawaan mo ang katotohanan saka mo lamang magagawang lutasin ang problema ng iyong mga kuru-kuro. Mabibigyang-daan ba ng pagsusuri sa impormasyon tungkol sa pamilya ni Cristo o sa sitwasyon ng Kanyang kapanganakan na makilala mo ang Diyos? Bibigyang-daan ka ba nito na matuklasan ang banal na diwa ni Cristo? Hinding-hindi. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay iginugugol ang kanilang sarili sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, ito lang ang makatutulong na malaman ang banal na diwa ni Cristo. Pero bakit palaging gumagawa ng mga bagay na ubod ng sama ang mga taong palaging sinisiyasat ang Diyos? Ang mga mala-basurang taong ito na walang espirituwal na pang-unawa ay dapat na magmadaling umalis sa sambahayan ng Diyos! Napakaraming katotohanan na ang naipahayag, napakarami nang napagbahaginan sa mga pagtitipon at mga sermon—bakit kailangan mo pa ring siyasatin ang Diyos? Ano ang ibig sabihin kapag palagi mong sinisiyasat ang Diyos? Na ikaw ay napakabuktot! Bukod pa riyan, may mga nag-aakala pa nga na ang pagkatuto sa lahat ng maliit na impormasyong ito ay nagbibigay sa kanila ng kapital, at lumilibot sila para ipagmalaki ito sa mga tao. At ano ang nangyayari sa huli? Sila ay kinapopootan at kinasusuklaman ng Diyos. Mga tao pa ba sila? Hindi ba’t mga nabubuhay na demonyo sila? Paano sila naging mga taong nananalig sa Diyos? Ang lahat ng kanilang kaisipan ay iginugugol nila sa gawi ng pagiging buktot at baluktot. Para bang inaakala nila na kapag mas marami silang alam na sabi-sabi, mas nagiging miyembro sila ng sambahayan ng Diyos, at mas nauunawaan nila ang katotohanan. Ang mga ganitong tao ay lubos na katawa-tawa. Sa sambahayan ng Diyos, wala nang mas kasuklam-suklam pa kaysa sa kanila.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili
Ano ang pinakabuktot na disposisyon na ibinubunyag ng mga tao sa harap ng Diyos? Ito ay ang pagsubok sa Diyos. Nag-aalala ang ilang tao na baka hindi maganda ang magiging hantungan nila, at baka hindi garantisado ang kalalabasan nila dahil naligaw sila ng landas, gumawa ng kaunting kasamaan, at nakagawa ng maraming pagsalangsang matapos manampalataya sa Diyos. Nag-aalala sila na mapupunta sila sa impiyerno, at palagi silang natatakot sa kalalabasan at hantungan nila. Palagi silang balisa, at palagi nilang iniisip, “Magiging maganda o masama kaya ang kalalabasan at hantungan ko sa hinaharap? Mapupunta ba ako sa impiyerno o sa langit? Isa ba ako sa mga tao ng diyos o isang tagapagserbisyo? Mamamatay ba ako o maliligtas? Kailangan kong matagpuan kung alin sa mga salita ng diyos ang nagtatalakay tungkol dito.” Nakikita nila na pawang katotohanan ang mga salita ng Diyos, at na inilalantad ng lahat ng ito ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at hindi nila natatagpuan ang mga sagot na hinahanap nila, kaya patuloy silang nag-iisip kung saan pa puwedeng magtanong. Kalaunan, kapag nakakita sila ng pagkakataon para mapataas ang ranggo nila at mailagay sila sa isang mahalagang papel, gusto nilang pakiramdaman ang Itaas, iniisip nila: “Ano kaya ang opinyon ng itaas tungkol sa akin? Kung paborable ang opinyon nila, pinatutunayan nito na hindi na naaalala ng diyos ang mga kasamaang nagawa ko noon at ang mga pagsalangsang na nagawa ko. Pinatutunayan nito na ililigtas pa rin ako ng diyos, na may pag-asa pa rin ako.” Pagkatapos, ayon sa mga ideya nila, direkta nilang sinasabi, “Sa lugar namin, hindi gaanong bihasa ang karamihan ng kapatid sa mga propesyon nila, at saglit na panahon pa lang silang nananampalataya sa diyos. Ako ang pinakamatagal nang nananampalataya sa diyos. Bumagsak at nabigo ako, nagkaroon ako ng ilang karanasan at natuto ako ng ilang aral. Kung mabibigyan ng pagkakataon, handa akong magdala ng mabigat na pasanin at magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng diyos.” Ginagamit nila ang mga salitang ito bilang pagsubok para makita kung may layunin ang Itaas na itaas ang ranggo nila, o kung inabandona na sila ng Itaas. Sa realidad, hindi talaga nila gustong akuin ang responsabilidad o pasaning ito; ang layon nila sa pagsasabi ng mga salitang ito ay para lang subukan ang kapaligiran, at tingnan kung may pag-asa pa silang maligtas. Pagsubok ito. Ano ang disposisyon sa likod ng pamamaraang ito ng pagsubok? Isa itong buktot na disposisyon. Gaano man katagal nabubunyag ang pamamaraang ito, paano man nila ito ginagawa, o kung gaano man ito ipinatutupad, ano’t anuman, tiyak na buktot ang disposisyong ibinubunyag nila, dahil marami silang iniisip, pag-aalinlangan, at pag-aalala sa buong panahon ng paggawa nito.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalimang Ekskorsus
Kapag nanggagalaiti ang isang tao at nagwawala kapag nababanggit ang Diyos, nakita na ba niya ang Diyos? Kilala ba niya kung sino ang Diyos? Hindi niya alam kung sino ang Diyos, hindi siya naniniwala sa Kanya, at hindi pa nakikipag-usap ang Diyos sa kanya. Hindi siya kailanman ginambala ng Diyos, kaya bakit siya magagalit? Maaari ba nating sabihin na ang taong ito ay buktot? Ang mga makamundong kalakaran, pagkain, pag-inom, at paghahanap ng kasiyahan at paghabol sa mga sikat na tao—wala sa mga bagay na ito ang makagagambala sa ganitong tao. Gayunpaman, isang pagbigkas lang ng salitang “Diyos” o ng katotohanan ng mga salita ng Diyos, agad siyang nagwawala. Hindi ba ito ang bumubuo sa pagkakaroon ng buktot na kalikasan? Ito ay sapat na upang patunayan na ito ang buktot na kalikasan ng tao. Ngayon, para sa inyong mga sarili, mayroon bang mga pagkakataon na kapag ang katotohanan ay nababanggit, o kapag ang mga pagsubok ng Diyos para sa sangkatauhan o kapag ang mga salita ng paghatol ng Diyos laban sa tao ay nabanggit, nakakaramdam kayo ng pag-ayaw, nakakaramdam kayo ng pagtanggi, at hindi ninyo gustong marinig ang tungkol dito? Ang inyong mga puso ay maaaring mag-isip: “Hindi ba lahat ng tao ay nagsabing ang Diyos ang katotohanan? Ang ilan sa mga salitang ito ay hindi katotohanan! Malinaw na mga salita lamang ng pagpapaalala ng Diyos sa tao ang mga ito!” Maaari pa ngang makaramdam ang ibang tao ng matinding pag-ayaw sa kanilang mga puso, at isiping: “Ito ay napag-uusapan araw-araw—ang Kanyang mga pagsubok, ang Kanyang paghatol, kailan matatapos ang lahat ng ito? Kailan natin matatanggap ang mabuting hantungan?” Hindi batid kung saan nanggagaling ang hindi makatwirang galit na ito. Anong uri ng kalikasan ito? (Buktot na kalikasan.) Ito ay inuudyukan at ginagabayan ng masamang kalikasan ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V
Lahat ng masamang tao ay may buktot na disposisyon. Ang ilang kabuktutan ay naipapahayag sa pamamagitan ng masamang disposisyon, tulad ng madalas na pananakot sa mga taong taos-puso, pagtrato sa kanila sa paraang mapanuya o sarkastiko, lagi silang ginagawang katatawanan, at sinasamantala sila. Ang masasamang tao ay yumuyukod sa paggalang kapag nakakakita sila ng isa pang masamang tao, ngunit kapag nakakakita sila ng mahinang tao, tinatapakan nila ito at pinagmamalupitan. Lubos na masama at buktot na tao ang mga ito. Sinumang nananakot o nanunupil ng mga Kristiyano ay isang diyablong nagpapanggap na tao; mga hayop sila na walang kaluluwa, at ang reinkarnasyon ng diyablo. Kung may mga tao sa pulutong ng masasamang tao na hindi nananakot ng mga taong taos-puso, na hindi pinagmamalupitan ang mga Kristiyano, na pinakakawalan lamang ang kanilang poot sa mga taong pumipinsala sa kanilang sariling interes, ang mga taong ito ay itinuturing na mabubuting tao sa gitna ng mga walang pananampalataya. Ngunit paano naiiba ang kabuktutan ng mga anticristo? Ang kabuktutan ng mga anticristo ay pangunahing namamalas sa kanilang partikular na hilig na makipagkompetensiya. Nangangahas silang makipagpaligsahan sa Langit, makipagpaligsahan sa lupa, at makipagpaligsahan sa ibang mga tao. Hindi lamang nila hindi pinahihintulutan ang iba na apihin sila, kundi inaapi at pinarurusahan din nila ang iba. Araw-araw, pinag-iisipan nila kung paano parurusahan ang mga tao. Kung naiinggit sila o namumuhi sa isang tao, hindi nila iyon pinalalagpas. Ito ang mga paraan na buktot ang mga anticristo. Saan pa naipamamalas ang kabuktutang ito? Makikita ito sa kanilang tusong paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay, na mahirap makita para sa mga taong may kaunting utak, kaunting kaalaman at kaunting karanasan sa lipunan. Ginagawa nila ang mga bagay sa napakatuso na paraan, at umaangat ito sa kabuktutan; hindi ito pangkaraniwang panlilinlang. Maaari silang maglaro ng mga laro sa dilim at manloko, at gawin iyon nang mas mahusay kaysa sa karamihan ng mga tao. Hindi kaya ng karamihan sa mga tao na makipagkompetensiya sa kanila at hindi rin kaya ng mga ito na makitungo sa kanila. Isa itong anticristo. Bakit Ko sinasabing hindi sila kayang pakitunguhan ng mga ordinaryong tao? Dahil sukdulan na ang kanilang kabuktutan kaya nagtataglay sila ng malaking kapangyarihang ilihis ang mga tao. Kaya nilang mag-isip ng lahat ng uri ng paraan para sambahin at sundin sila ng mga tao. Kaya rin nilang pagsamantalahan ang lahat ng uri ng tao para gambalain at pinsalain ang gawain ng iglesia. Sa gayong mga sitwasyon, paulit-ulit na nagbabahagi ang sambahayan ng Diyos tungkol sa bawat uri ng pagpapamalas, disposisyon, at diwa ng mga anticristo, upang matukoy sila ng mga tao. Kinakailangan ito. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao, at sinasabing, “Bakit laging nagbabahaginan sa kung paano matukoy ang mga anticristo?” Dahil kayang-kayang ilihis ng mga anticristo ang mga tao. Kaya nilang ilihis ang maraming tao, na parang nakamamatay na salot, na maaaring puminsala sa marami sa isang biglaang pagsilakbo, dahil nakakahawa; lubhang nakakahawa ito at malayo ang naaabot, at ang bilis ng pagkahawa rito at pagkamatay sanhi nito ay masyadong mataas. Hindi ba matindi ang mga kahihinatnang ito? Kung hindi Ako makikipagbahaginan nang ganito sa inyo, makakawala ba kayo mula sa pagkalihis at pagpigil ng mga anticristo? Tunay ba kayong makababaling sa Diyos at makapagpapasakop sa Kanya? Napakahirap nito. Kapag nagpapakita ang mga ordinaryong tao ng isang mapagmataas na disposisyon, sa pinakamalala, ipinakikita nito sa iba ang pangit na kalagayan ng kanilang pagmamataas. Minsan ay nagyayabang sila, minsan ay nagmamalaki at nagpapasikat sila, at minsan ay gustong-gusto nilang igiit ang kanilang katayuan at pangaralan ang iba. Subalit ganito ba ang mga anticristo? Sa panlabas, maaaring tila hindi nila iginigiit o gustong-gusto ang kanilang katayuan, maaaring mukhang hindi sila interesado sa katayuan kahit kailan, subalit sa kaibuturan nila, may matinding pagnanais sila para dito. Ito ay tulad ng ilang emperador o bandidong panginoon ng mga walang pananampalataya: Kapag nakikipaglaban para sa kanilang lupain, dumaranas sila ng mga paghihirap kapiling ang kanilang mga kasamahan, nang tila mapagpakumbaba sila at hindi ambisyoso. Subalit nakita mo na ba ang mga pagnanais na nakatago sa kaibuturan ng kanilang puso? Bakit kaya nilang tiisin ang gayong mga paghihirap? Ang mga pagnanais nila ang nagpapalakas sa kanila. Nagtataglay sila ng malaking ambisyon sa kanilang kalooban, handang tiisin ang anumang pagdurusa o kayanin ang anumang paninirang-puri, pang-aalipusta, pagkakasala, at pang-iinsulto para balang araw ay makaakyat sila sa trono. Hindi ba’t tuso ito? Kaya ba nilang ipaalam sa sinuman ang tungkol sa ambisyong ito? (Hindi.) Ikinukubli nila ito at itinatago. Ang nakikita sa labas ay isang taong kayang tiisin ang hindi kayang tiisin ng iba, na kayang tiisin ang mga di-matiis na paghihirap, na mukhang matiyaga, walang ambisyon, praktikal, at mabuti sa mga nakapaligid sa kanya. Subalit sa araw na umakyat siya sa trono at makamit ang tunay na kapangyarihan, para patatagin ang kanyang awtoridad at pigilan ang pang-aagaw ng kapangyarihan, pinapatay niya ang lahat ng nagdusa at nakipaglaban kasama niya. Kapag lang nabunyag na ang katotohanan, saka mapagtatanto ng mga tao kung gaano siya kasuwitik. Kapag nagbalik-tanaw ka at nakita mong ang lahat ng kanyang ginawa ay dulot ng ambisyon, matutuklasan mong ang kanyang disposisyon ay may kabuktutan. Anong taktika ito? Ito ay pagiging tuso. Ito ang disposisyon kung paano kumikilos ang mga anticristo. Magkauri ang mga anticristo at ang mga diyablong hari na nagtataglay ng opisyal na kapangyarihan; hinding-hindi sila maghihirap at magtitiis sa iglesia nang walang dahilan kung hindi sila makakukuha ng kapangyarihan at katayuan. Sa madaling salita, ang mga taong ito ay ganap na hindi kontento sa pagiging mga ordinaryong tagasunod, pakikipagkompromiso sa sambahayan ng Diyos bilang mga karaniwang sumasamba sa Diyos, o tahimik at palihim na paggawa ng ilang tungkulin; tiyak na hindi sila papayag na gawin ito. Kung ang isang taong may katayuan ay pinalitan dahil tinahak niya ang landas ng isang anticristo, at iniisip niyang, “Wala na akong katayuan ngayon, diretso na lang akong kikilos bilang isang ordinaryong tao, gagawin ang anumang tungkulin na magagawa ko; maaari pa rin naman akong manalig sa Diyos gaya ng dati nang walang katayuan,” anticristo ba siya? Hindi, ang taong ito ay minsang tumahak sa landas ng isang anticristo, minsang tumahak sa maling landas dahil sa panandaliang kahangalan, subalit hindi siya isang anticristo. Ano ang gagawin ng isang tunay na anticristo? Kapag nawala ang kanyang katayuan, hindi na siya mananalig. Hindi lang iyon, kundi mag-iisip din siya ng iba’t ibang paraan para ilihis ang iba, pasambahin at pasunurin ang iba sa kanya, para matupad ang kanyang ambisyon at pagnanais na magkaroon ng kapangyarihan. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng mga tumatahak sa landas ng mga anticristo at mga aktuwal na anticristo. Sinusuri at hinihimay natin itong mga disposisyong diwa, at mga pagpapamalas ng mga anticristo dahil napakaseryoso ng kalikasan ng isyung ito. Karamihan sa mga tao ay hindi makakilatis ng mga anticristo. Hindi lang ang mga ordinaryong kapatid, maging ang ilang lider at manggagawa na nag-aakalang nauunawaan nila ang kaunting katotohanan ay hindi pa lubusang napagdadalubhasaan ang pagkilatis sa mga anticristo. Mahirap sabihin kung gaano kalaki na ang kanilang pagkadalubhasa, na nagpapahiwatig na masyadong mababa ang kanilang tayog. Tanging iyong mga taong tumpak na nakakikilatis sa mga anticristo ang mga taong may tunay na tayog.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem
Ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng buktot na diwa ng mga anticristo ay na talagang mahusay sila sa pagpapanggap at pagpapaimbabaw. Sa kabila ng napakalupit, mapanlinlang, walang awa, at mayabang na disposisyon nila, sa panlabas ay ipinipresenta nila ang kanilang sarili bilang sobrang mapagpakumbaba at mabait. Hindi ba’t pagpapanggap ito? Araw-araw na nagninilay-nilay sa puso nila ang mga taong ito, iniisip nila, “Anong klase ng damit ang dapat kong isuot para magmukha akong mas Kristiyano, mas matuwid, mas espirituwal, mas may malasakit, at mas tulad ng isang lider? Paano ako dapat kumain para iparamdam sa mga tao na pino, elegante, may dignidad, at marangal ako? Ano ang dapat maging estilo ng paglakad ko para magmukha akong lider at may karisma, para magmukha akong katangi-tanging tao at hindi karaniwan? Sa pakikipag-usap ko sa iba, anong tono, mga salita, hitsura, at mga ekspresyon ng mukha ang makakapagparamdam sa mga tao na mataas ang uri ko, tulad ng isang elitista o isang intelektwal na may mataas na ranggo? Ano ang dapat kong gawin sa pananamit, estilo, pananalita, at ugali ko para igalang ako ng mga tao, para makapag-iwan ako ng di-malilimutang impresyon sa kanila, at matiyak ko na mananatili ako sa puso nila magpakailanman? Ano ang dapat kong sabihin para makuha ang loob ng mga tao at mapasaya ang puso nila, at para makapag-iwan ako ng pangmatagalang impresyon? Kailangan kong gumawa ng higit pa para tumulong sa iba at magsalita ng maganda tungkol sa kanila, dapat madalas akong magsalita tungkol sa mga salita ng diyos at gumamit ng ilang espirituwal na terminolohiya sa harap ng mga tao, mas madalas magbasa ng mga salita ng diyos sa iba, manalangin nang mas madalas para sa kanila, magsalita nang mahina para makinig nang mas mabuti ang mga tao sa akin, at para iparamdam sa kanila na banayad, mapagmalasakit, mapagmahal, mapagbigay, at mapagpatawad ako.” Hindi ba’t pagpapanggap ito? Ito ang mga kaisipan na umookupa sa puso ng mga anticristo. Ang pumupuno sa mga isipan nila ay walang iba kundi ang mga kalakaran ng mga walang pananampalataya, na ganap na nagpapakita na nabibilang sa mundo at kay Satanas ang mga kaisipan at pananaw nila. Maaaring palihim na manamit ang ilang tao nang gaya ng isang babaeng mababa ang lipad o malandi; partikular na tumutugma ang pananamit nila sa masasamang kalakaran at lubha itong moderno. Gayumpaman, kapag pumupunta sila sa iglesia, ibang-iba ang pananamit at asal nila kapag kasama ang mga kapatid. Hindi ba’t lubha silang bihasa sa pagpapanggap? (Oo.) Ang iniisip ng mga anticristo sa puso nila, ang ginagawa nila, ang iba’t ibang pagpapamalas nila, at ang mga disposisyong ibinubunyag nila ay pawang nagpapakita na buktot ang disposisyong diwa nila. Hindi pinagninilay-nilayan ng mga anticristo ang katotohanan, ang mga positibong bagay, ang tamang landas, o ang mga hinihingi ng Diyos. Pawang buktot ang mga iniisip, at ang mga pamamaraan, diskarte, at layunin na pinipili nila—lumilihis silang lahat mula sa tamang landas at hindi sila kaayon ng katotohanan. Sumasalungat pa nga sila sa katotohanan, at sa pangkalahatan, maaari silang ibuod bilang masama; sadyang buktot ang kalikasan ng kasamaang ito—kaya’t kolektibo itong tinatawag na kabuktutan. Hindi nila pinag-iisipan na maging tapat na tao, maging dalisay at bukas, o maging taimtim at matapat; sa halip, pinag-iisipan nila ang mga buktot na pamamaraan. Halimbawa, ang isang tao na kayang magtapat tungkol sa kanyang sarili sa isang dalisay na paraan, isa itong positibong bagay at pagsasagawa ito sa katotohanan. Ginagawa ba ito ng mga anticristo? (Hindi.) Ano ang ginagawa nila? Palagi silang nagpapanggap, at kapag gumawa sila ng masama at nabibisto na sila, galit na galit nilang itinatago ito, pinapangatwiranan at ipinagtatanggol ang sarili, at ikinukubli ang mga katunayan—pagkatapos ay ibinibigay ang mga dahilan nila sa huli. Katumbas ba ng pagsasagawa sa katotohanan ang alinman sa mga pagsasagawang ito? (Hindi.) Naaayon ba sa mga katotohanang prinsipyo ang alinman sa mga ito? Mas lalong hindi.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalimang Ekskorsus
Ano ang pangunahing pagpapamalas ng kabuktutan ng isang anticristo? Iyon ay iyong malinaw nilang alam kung ano ang tama at kung ano ang umaayon sa katotohanan, pero pagdating sa paggawa nila ng isang bagay, pipiliin lamang nila ang lumalabag sa mga prinsipyo at sumasalungat sa katotohanan, at ang tumutugon sa kanilang mga interes at posisyon—ito ang pangunahing pagpapamalas ng buktot na disposiyon ng isang anticristo. Gaano man karaming salita at doktrina ang nauunawaan nila, gaano man kagandang pakinggan ang lengguwaheng ginagamit nila sa mga sermon, o gaano man sila mukhang may espirituwal na pang-unawa sa tingin ng ibang tao, kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay, pinipili lamang nila ang isang prinsipyo at isang paraan, at iyon ay ang sumalungat sa katotohanan, ang protektahan ang kanilang mga interes, at ang labanan ang katotohanan hanggang sa huli, nang isandaang porsiyento—ito ang prinsipyo at pamamaraang pinipili nilang gawin. Bukod dito, ano mismo ang diyos at ang katotohanan na iniisip nila sa kanilang puso? Ang saloobin nila sa katotohanan ay iyong gusto lang nilang matalakay at maipangaral ito, at ayaw nilang isagawa ito. Nagsasalita lang sila tungkol dito, dahil gusto nilang hangaan sila ng mga hinirang na tao ng Diyos at pagkatapos ay magamit nila ito upang makuha ang posisyon ng lider ng iglesia at makamit ang kanilang layon na matamo ang pagiging panginoon ng mga hinirang ng Diyos. Ginagamit nila ang pangangaral ng doktrina para makamit ang kanilang mga layon—hindi ba’t pagpapakita nila ito ng paglapastangan sa katotohanan, paglalaro sa katotohanan, at pagyurak sa katotohanan? Hindi ba’t sinasalungat nila ang disposisyon ng Diyos sa pagtrato sa katotohanan sa ganitong paraan? Ginagamit lamang nila ang katotohanan. Sa puso nila, islogan ang katotohanan, ilang matataas na salita, matataas na salita na puwede nilang gamitin para iligaw ang mga tao at maakit ang mga ito, na makakapawi ng pagkauhaw ng mga tao sa mga kamangha-manghang bagay. Iniisip nila na walang sinuman sa mundong ito ang kayang makapagsagawa sa katotohanan o maisabuhay ang katotohanan, na hindi talaga ito uubra, na imposible ito, at na ang mga kinikilala ng lahat at ang gumagana lamang ang siyang katotohanan. Kahit na pinag-uusapan nila ang katotohanan, sa puso nila ay hindi nila kinikilala na ito ay ang katotohanan. Paano natin masusubok ang bagay na ito? (Hindi nila isinasagawa ang katotohanan.) Hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan; ito ay isang aspekto. At ano ang isa pang importanteng aspekto? Kapag nahaharap sila sa mga bagay sa tunay na buhay, ang doktrinang nauunawaan nila ay hindi kailanman gumagana. Mukha silang may tunay na espirituwal na pang-unawa, ipinangangaral nila ang mga doktrina, pero kapag naharap sila sa mga isyu, baluktot ang mga pamamaraan nila. Kahit na hindi nila maisagawa ang katotohanan, ang ginagawa nila ay dapat umaayon man lang sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, umaayon sa mga pamantayan at kagustuhan ng mga tao, at pumapasa man lang dapat sa panuntunan ng iba. Sa ganitong paraan, mananatiling matibay ang posisyon nila. Gayumpaman, sa tunay na buhay, ang mga ginagawa nila ay labis na baluktot, at sapat na ang isang tingin para masabing hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Bakit hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Sa puso nila, tutol sila sa katotohanan, hindi nila kinikilala ang katotohanan, nasisiyahan silang gawin ang mga bagay nang ayon sa mga satanikong pilosopiya, palagi nilang gustong pangasiwaan ang mga usapin gamit ang mga paraan ng tao, at kung kaya nilang makumbinsi ang iba at magkamit ng prestihiyo sa pamamagitan ng pangangasiwa nila sa mga bagay na ito, iyon ay sapat na sa kanila. Kapag naririnig ng anticristo ang isang tao na nangangaral ng hungkag na teorya kapag pumupunta sila sa isang lugar, masyado silang nasasabik, pero kapag may isang tao roon na nangangaral ng katotohanang realidad at nagdedetalye ng gaya ng iba’t ibang kalagayan ng mga tao, pakiramdam nila palagi ay pinupuna sila at pinatatamaan sila ng tagapagsalita, kaya nasusuklam sila at ayaw nilang makinig. Kapag hinilingan silang magbahagi tungkol sa kalagayan nila kamakailan, kung sumulong ba sila, at kung may nakaharap ba silang kahit anong paghihirap sa pagganap nila sa kanilang tungkulin, wala silang masabi. Kung magpapatuloy kang magbahagi sa aspektong ito ng katotohanan, nakakatulog sila; hindi sila nasisiyahang makinig dito. May ilan ding tao na lumalapit kapag nakikipagkwentuhan ka sa kanila, pero kapag narinig nila ang isang tao na nagbabahagi tungkol sa katotohanan, nagtatago sila sa sulok at natutulog—wala silang kahit anong pagmamahal sa katotohanan. Hanggang sa anong antas sila walang pagmamahal sa katotohanan? Sa di-gaanong seryosong banda, wala silang interes dito at sapat na sa kanila na maging mga trabahador; sa seryosong banda, tutol sila sa katotohanan, partikular silang nasusuklam sa katotohanan, at hindi nila ito matanggap. Kung ang ganitong uri ng tao ay isang lider, siya ay isang anticristo; kung siya naman ay isang ordinaryong tagasunod, tinatahak pa rin niya ang landas ng mga anticristo at siya ang papalit sa mga anticristo. Sa panlabas, mukha siyang matalino at may kaloob, na may magandang potensyal, pero ang kanyang kalikasang diwa ay sa isang anticristo—ganoon iyon.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)
Mapanlaban at namumuhi sa lahat ng positibong bagay at sa katotohanan ang mga taong gaya ng mga anticristo. Ang pagkamapanlaban at pagkamuhi ng mga anticristo sa katotohanan at sa mga positibong bagay ay hindi nangangailangan ng katwiran, ni hindi rin ito nangyayari bilang resulta ng panunulsol ng sinuman, at siguradong hindi ito resulta ng pagsapi ng isang masamang espiritu. Sa halip, sadyang likas na ayaw nila sa mga bagay na ito. Mapanlaban at namumuhi sila sa mga ito; sa kanilang buhay at kaibuturan, nasusuklam sila kapag nakakaharap nila ang mga positibong bagay. Kung magpapatotoo ka sa Diyos o makikipagbahaginan tungkol sa katotohanan sa kanila, magkakaroon sila ng pagkamuhi sa iyo, at maaari pa ngang maisipan nilang atakihin ka. Natalakay na natin sa nakaraan nating pagbabahaginan ang aspektong ito ng pagkamapanlaban at pagkamuhi ng mga anticristo sa mga positibong bagay, kaya hindi na natin ito muling tatalakayin sa pagkakataong ito. Sa pagbabahaginang ito, tatalakayin natin ang isa pang aspekto. Ano ang isa pang aspektong iyon? Mapanlaban at namumuhi ang mga anticristo sa mga positibong bagay, kung gayon, ano ang gusto nila? Ngayon, susuriin at hihimayin natin ang buktot na kalikasan ng mga anticristo mula sa bahagi at perspektibang ito. Kailangan ba ito? (Oo.) Kailangan ito. Mapagtatanto ba ninyo ito nang kayo lang? (Hindi.) Buktot na kalikasan ng mga anticristo ang kanilang pag-ayaw sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Kaya, batay rito, isaalang-alang ninyong mabuti kung ano ang gusto ng mga anticristo, at kung anong klaseng mga bagay ang gusto nilang gawin, pati na rin ang paraan at diskarte nila sa paggawa ng mga bagay, at ang uri ng mga taong gusto nila—hindi ba’t isa itong mas magandang perspektiba at bahagi para tingnan ang kanilang buktot na kalikasan? Nagbibigay ito ng mas partikular at obhetibong pananaw. Una, ayaw ng mga anticristo sa mga positibong bagay, na nagpapahiwatig na mapanlaban sila sa mga ito at gusto nila ang mga negatibong bagay. Ano ang ilang halimbawa ng mga negatibong bagay? Mga kasinungalingan at panlalansi—hindi ba’t negatibong bagay ang mga ito? Oo, mga negatibong bagay ang mga kasinungalingan at panlalansi. Kaya, ano ang positibong katapat ng mga kasinungalingan at panlalansi? (Katapatan.) Tama, ito ay katapatan. Gusto ba ni Satanas ng katapatan? (Hindi.) Gusto nito ng panlalansi. Ano ang unang hinihingi ng Diyos sa mga tao? Sinasabi ng Diyos, “Kung gusto mong manampalataya sa Akin at sumunod sa Akin, una sa lahat, dapat maging anong klaseng tao ka?” (Isang tapat na tao.) Kaya, ano ang unang bagay na tinuturo ni Satanas sa mga tao? Ang magsinungaling. Ano ang unang ebidensiya ng buktot na kalikasan ng mga anticristo? (Panlalansi.) Oo, gusto ng mga anticristo ang panlalansi, gusto nila ng mga kasinungalingan, at napopoot at namumuhi sila sa katapatan. Bagama’t positibong bagay ang katapatan, ayaw nila rito, sa halip ay nasusuklam at namumuhi sila rito. Sa kabaligtaran, gusto nila ang panlalansi at mga kasinungalingan. Kung palaging nagsasalita nang totoo ang isang tao sa harap ng mga anticristo, nagsasabi ng, “Gusto mong gumagawa mula sa isang posisyon ng katayuan, at tamad ka minsan,” ano ang nararamdaman ng mga anticristo tungkol dito? (Hindi nila ito tinatanggap.) Isa sa mga saloobing taglay nila ang hindi pagtanggap dito, pero iyon lang ba? Ano ang saloobin nila sa taong ito na nagsasalita nang totoo? Nasusuklam sila at ayaw nila sa kanya. Sinasabi ng ilang anticristo sa mga kapatid, “Matagal-tagal ko na rin kayong pinamumunuan. Sige na, sabihin ninyong lahat ang opinyon ninyo tungkol sa akin.” Iniisip ng lahat, “Dahil napakasinsero mo, sasabihin namin sa iyo ang ilang puna.” Sinasabi ng ilan, “Napakaseryoso at napakamasigasig mo sa lahat ng ginagawa mo, at nagdusa ka ng maraming paghihirap. Hindi namin halos makaya na makita kang gayon, at nababagabag kami para sa iyo. Kailangan ng sambahayan ng Diyos ang mas maraming lider na gaya mo! Kung kinakailangan naming sabihin ang isang pagkukulang mo, iyon ay na masyado kang seryoso at masigasig. Kapag masyado kang mapapagod at mahahapo, hindi ka na makakagawa pa, hindi ba’t magiging katapusan na namin kung gayon? Sino ang mamumuno sa amin?” Kapag naririnig ito ng mga anticristo, nalulugod sila. Alam nilang kasinungalingan ito, na nagpapalakas ang mga taong ito sa kanila, pero handa silang makinig sa mga ito. Sa katunayan, tinatrato ng mga taong ito ang mga anticristo na parang mga hangal, pero mas pipiliin ng mga anticristong ito na magpanggap na hangal kaysa ibunyag ang totoong kalikasan ng mga salitang ito. Gusto ng mga anticristo ang mga taong sumisipsip sa kanila nang ganito. Hindi sinasabi ng mga indibidwal na ito ang mga kamalian, tiwaling disposisyon, at pagkukulang ng mga anticristo. Sa halip, lihim nilang pinupuri at itinataas ang mga ito. Kahit na malinaw naman na mga kasinungalingan at pambobola ang mga salita ng mga taong ito, masayang tinatanggap ng mga anticristo ang mga salitang ito, nakakagaan ng loob at nakakalugod ang tingin nila sa mga ito. Para sa mga anticristo, mas masarap ang mga salitang ito kaysa sa pinakamasasarap na espesyal na pagkain. Matapos marinig ang mga salitang ito, nagiging mayabang sila. Ano ang inilalarawan nito? Ipinapakita nito na may isang partikular na disposisyon sa loob ng mga anticristo na gustong-gusto ang mga kasinungalingan. Ipagpalagay na may magsasabi sa kanila, “Masyado kang mayabang, at hindi patas ang trato mo sa mga tao. Mabuti ka sa mga sumusuporta sa iyo, pero kapag may isang taong lumalayo sa iyo o hindi ka binobola, minamaliit at binabalewala mo siya.” Hindi ba’t totoo ang mga salitang ito? (Oo.) Ano ang nararamdaman ng mga anticristo pagkarinig nila rito? Nalulungkot sila. Ayaw nila itong marinig, at hindi nila ito matanggap. Sinusubukan nilang humanap ng mga palusot at maidadahilan para ipaliwanag ang mga bagay at ayusin ang mga bagay. Pagdating naman sa mga palaging nambobola sa mga anticristo nang harapan, na palaging nagsasabi ng mga salitang masarap pakinggan para palihim silang purihin, at malinaw pa ngang nilalansi sila gamit ang mga salita, hindi kailanman iniimbestigahan ng mga anticristo ang mga taong ito. Sa halip, ginagamit pa nga ng mga anticristo ang mga ito bilang mahahalagang tao. Naglalagay pa nga sila ng mga taong napakasinungaling sa mahahalagang posisyon, itinatalaga ang mga ito na gumawa ng mahahalaga at mga respetadong tungkulin, samantalang isinasaayos nila na ang mga palaging nagsasalita nang tapat, at madalas na nag-uulat ng mga isyu, na gumawa ng mga tungkulin sa mga hindi masyadong napapansing posisyon, na humahadlang sa mga ito na magkaroon ng ugnayan sa nakatataas na pamunuan o maging kilala o malapit sa karamihan ng tao. Hindi mahalaga kung gaano kahusay ang talento ng mga taong ito o anong mga tungkulin ang kaya nilang gawin sa sambahayan ng Diyos—binabalewala ng mga anticristo ang lahat ng iyon. Iniisip lang nila kung sino ang kayang manlansi at sino ang kapaki-pakinabang sa kanila; ito ang mga indibidwal na inilalagay nila sa mahahalagang posisyon, nang hindi isinasaalang-alang kahit kaunti ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)
Dahil sa likas nilang buktot na disposisyon, hindi kailanman nagsasalita o kumikilos nang tuwiran ang mga anticristo. Hindi nila pinapangasiwaan ang mga bagay-bagay nang may tapat na saloobin at sinseridad, o hindi sila nagsasalita nang gamit ang mga tapat na salita at hindi sila kumikilos nang may saloobing taos-puso. Walang tuwiran sa sinasabi o ginagawa nila, sa halip, paligoy-ligoy at palihim ang mga ito, at hindi nila kailanman direktang ipinapahayag ang mga iniisip o motibasyon nila. Dahil naniniwala sila na kung ipapahayag nila ang mga ito, lubos silang mauunawaan at makikilatis, malalantad ang mga totoong ambisyon at pagnanais nila, at hindi sila ituturing ng ibang tao bilang mataas o marangal, o hindi sila titingalain at sasambahin ng iba; kaya, palagi nilang sinusubukan na ikubli at itago ang kanilang mga di-marangal na motibo at mga pagnanais. Kaya, paano sila nagsasalita at kumikilos? Gumagamit sila ng iba’t ibang paraan. Gaya ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “pag-aralan muna ang sitwasyon,” katulad niyon ang ginagamit na pamamaraan ng mga anticristo. Kapag may gusto silang gawin at may partikular silang pananaw o saloobin, hindi nila ito direktang ipinapahayag kailanman; sa halip, gumagamit sila ng mga partikular na pamamaraan tulad ng di-halata o patanong na pamamaraan o pag-uusisa sa mga tao para makalap ang impormasyong hinahanap nila. Dahil sa buktot nilang disposisyon, hindi kailanman hinahanap ng mga anticristo ang katotohanan, hindi rin nila nais na unawain ito. Ang tanging inaalala nila ay ang sarili nilang kasikatan, kapakinabangan, at katayuan. Gumagawa sila ng mga aktibidad na puwedeng magbigay sa kanila ng kasikatan, kapakinabangan, at katayuan, iniiwasan nila ang mga bagay na hindi magdudulot ng ganoong mga bagay. Masigasig silang umaako sa mga aktibidad na may kaugnayan sa reputasyon, katayuan, pamumukod-tangi, at kaluwalhatian, habang iniiwasan nila ang mga bagay na nagpoprotekta sa gawain ng iglesia o puwedeng makasalungat sa iba. Samakatwid, hindi hinaharap ng mga anticristo ang anumang bagay nang may saloobin ng paghahanap; sa halip, gumagamit sila ng pamamaraan ng pagsubok para pag-aralan ang mga bagay, at pagkatapos ay nagpapasya sila kung magpapatuloy ba sila—sadyang ganito katuso at kabuktot ang mga anticristo. Halimbawa, kapag gusto nilang malaman kung anong uri sila ng tao sa mata ng Diyos, hindi nila sinusuri ang sarili nila sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagkilala sa sarili nila. Sa halip, nagtatanung-tanong sila sa paligid at nakikinig sa mga pahayag na may pahiwatig, inoobserbahan ang tono at saloobin ng mga lider at ng Itaas, at naghahanap sa mga salita ng Diyos para makita kung paano tinutukoy ng Diyos ang mga kalalabasan ng mga taong tulad nila. Ginagamit nila ang mga landas at pamamaraang ito para makita kung saan sila nabibilang sa loob ng sambahayan ng Diyos at malaman kung ano ang kalalabasan nila sa hinaharap. Hindi ba’t may sangkot dito na kaunting kalikasan ng pagsubok? Halimbawa, pagkatapos mapungusan ang ilang tao, sa halip na suriin kung bakit sila napungusan, suriin ang mga tiwaling disposisyon at pagkakamaling ibinunyag nila sa mga kilos nila, at kung anong mga aspekto ng katotohanan ang dapat nilang hanapin para makilala ang sarili nila at maitama ang mga dati nilang pagkakamali, nagbibigay sila sa iba ng maling impresyon, gumagamit sila ng hindi direktang paraan para malaman ang tunay na saloobin ng Itaas patungkol sa kanila. Halimbawa, pagkatapos nilang mapungusan, mabilis silang nagbabanggit ng isang maliit na isyu na ikokonsulta nila sa Itaas, para malaman kung anong uri ng tono mayroon ang Itaas, kung pasensyoso ba ang Itaas, kung ang mga tanong ba na ikinokonsulta nila ay sasagutin nang seryoso, kung magiging malumanay ba ang saloobin ng Itaas sa kanila, kung pagkakatiwalaan ba sila ng Itaas ng mga gampanin, kung pahahalagahan pa rin ba sila ng Itaas, at kung ano ba talaga ang iniisip ng Itaas tungkol sa mga nagawa nilang pagkakamali dati. Ang lahat ng pamamaraang ito ay isang uri ng pagsubok. Sa madaling salita, kapag nahaharap sila sa mga gayong sitwasyon at nagpapakita ng mga pagpapamalas na ito, alam ba ng mga tao sa puso nila? (Oo, alam nila.) Kaya, kapag alam ninyo ito at gusto ninyong gawin ang mga bagay na ito, paano ninyo pinangangasiwaan ito? Una, sa pinakasimpleng antas, kaya mo bang maghimagsik laban sa sarili mo? Nahihirapan ang ilang tao na maghimagsik laban sa sarili nila kapag dumating na ang oras; pinag-iisipan nila ito, “Hindi bale na, ngayon ay may kinalaman ito sa mga pagpapala at kalalabasan ko. Hindi ko kayang maghimagsik laban sa sarili ko. Sa susunod na lang.” Kapag dumating ang susunod na pagkakataon, at muli silang nahaharap sa isang isyu na sangkot ang kanilang mga pagpapala at kalalabasan, natutuklasan nila na hindi pa rin nila kayang maghimagsik laban sa sarili nila. May konsensiya ang mga gayong indibidwal, at bagaman wala silang disposisyong diwa ng isang anticristo, medyo mahirap at mapanganib pa rin ito para sa kanila. Sa kabilang banda, madalas na iniisipng mga anticristo ang mga ganitong kaisipan at namumuhay sila sa gayong kalagayan, pero hindi sila kailanman naghihimagsik laban sa sarili nila, dahil wala silang konsensiya. Kahit na may isang taong naglalantad o nagpupungos sa kanila, na tumutukoy sa kalagayan nila, nagpapatuloy pa rin sila at talagang hindi sila naghihimagsik laban sa sarili nila, ni hindi nila kinamumuhian ang sarili nila dahil dito o hindi nila binibitiwan o nilulutas ang ganitong kalagayan. Pagkatapos matanggal ang ilang anticristo, iniisip nila, “Mukhang normal lang naman na matanggal, pero medyo nakakahiya ito. Bagaman hindi ito isang malaking usapin, may isang mahalagang bagay na hindi ko kayang bitiwan. Kung natanggal ako, ibig ba niyong sabihin na hindi na ako lilinangin ng sambahayan ng diyos? Kung gayon, magiging anong klaseng tao ako sa mata ng diyos? Magkakaroon pa ba ako ng pag-asa? Magkakaroon pa ba ako ng silbi sa sambahayan ng diyos?” Pinag-iisipan nila ito at nakakabuo sila ng plano, “Mayroon akong sampung libong yuan, at ngayon na ang oras para gamitin ito. Iaalay ko itong sampung libong yuan bilang handog, at titingnan ko kung makapagbabago nang kaunti ang saloobin ng itaas sa akin, at kung mapapaboran nila ako nang kaunti. Kung tatanggapin ng sambahayan ng diyos ang pera, ibig sabihin ay may pag-asa pa ako. Kung tatanggihan nito ang pera, pinatutunayan nito na wala na akong pag-asa, at bubuo ako ng ibang mga plano.” Anong uri ng pamamaraan ito? Pagsubok ito. Sa madaling salita, ang pagsubok ay isang medyo halatang pagpapamalas ng buktot na disposisyong diwa. Gumagamit ang mga tao ng iba’t ibang paraan para makuha ang impormasyong nais nila, magtamo sila ng katiyakan, at pagkatapos ay magkaroon ng payapang isipan. … Anuman ang pamamaraang ginagamit ng mga tao para tratuhin ang Diyos, kung nakokonsensiya sila tungkol dito, at pagkatapos ay magkakaroon sila ng kaalaman tungkol sa mga kilos at disposisyong ito at agad silang mababago, kung gayon, hindi ganoon kalaki ang problema—isa itong normal na tiwaling disposisyon. Gayumpaman, kung kaya ng isang tao na patuloy at matigas na gawin ito, kahit na alam nilang mali ito at kinasusuklaman ng Diyos, pero ipinagpapatuloy pa rin nila ito, hindi kailanman naghihimagsik laban dito o isinusuko ito, ito ang diwa ng isang anticristo. Ang disposisyong diwa ng isang anticristo ay naiiba sa mga ordinaryong tao, dahil hindi nila kailanman pinagninilayan ang sarili nila o hinahanap ang katotohanan, pero patuloy at matigas silang gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan para subukin ang Diyos, ang Kanyang saloobin sa mga tao, ang Kanyang kongklusyon tungkol sa isang indibidwal, at kung ano ang Kanyang mga iniisip at ideya tungkol sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng isang tao. Hindi nila kailanman hinahanap ang mga layunin ng Diyos, ang katotohanan, at lalong hindi ang paano magpasakop sa katotohanan para magbago ang disposisyon nila. Ang layon sa likod ng lahat ng kilos nila ay ang alamin ang mga iniisip at ideya ng Diyos—isa itong anticristo. Malinaw na buktot ang disposisyon na ito ng mga anticristo. Kapag ginagawa nila ang mga kilos na ito at ipinapakita nila ang mga pagpapamalas na ito, walang bakas ng pagkakonsensiya o pagsisisi. Kahit na inuugnay nila ang sarili nila sa mga bagay na ito, hindi sila nagpapakita ng pagsisisi o ng layuning huminto, bagkus ay nagpapatuloy sila sa mga gawi nila. Sa kanilang pagtrato sa Diyos, sa kanilang saloobin, sa kanilang pamamaraan, maliwanag na itinuturing nila ang Diyos bilang kalaban nila. Sa mga iniisip at pananaw nila, walang ideya o saloobin ng pagkilala sa Diyos, pagmamahal sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, o pagkatakot sa Diyos; basta gusto lang nilang makuha ang impormasyong nais nila mula sa Diyos at gamitin ang sarili nilang mga pamamaraan at diskarte para matiyak ang tumpak na saloobin ng Diyos sa kanila at ang Kanyang depinisyon sa kanila. Ang mas malubha pa rito, kahit na inaayon nila ang sarili nilang mga pamamaraan sa mga salita ng Diyos ng pagbubunyag, kahit na mayroon silang pinakakatiting na kamalayan na kinasusuklaman ng Diyos ang pag-uugaling ito at hindi ito ang dapat gawin ng isang tao, hinding-hindi nila ito isusuko.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Ekskorsus
Ang mga anticristo ay naniniwala sa Diyos para lamang sa layon na makapagtamo ng pakinabang at mga pagpapala. Kahit na magtiis sila ng kaunting pagdurusa o magbayad ng kaunting halaga, ito ay pawang para makipagtawaran sa Diyos. Napakalaki ng kanilang layunin at pagnanais na magtamo ng mga pagpapala at gantimpala, at mahigpit nila itong pinanghahawakan. Wala silang tinatanggap na kahit ano sa maraming katotohanang ipinahayag ng Diyos, sa puso nila ay palagi nilang iniisip na ang pananalig sa Diyos ay pawang tungkol sa pagtatamo ng mga pagpapala at pagtitiyak ng isang magandang hantungan, na ito ang pinakamataas na prinsipyo, at na walang makakalampas dito. Iniisip nila na hindi dapat manalig ang mga tao sa Diyos maliban na lang para sa kapakanan ng pagkamit ng mga pagpapala, at na kung hindi dahil sa mga pagpapala, ang pananalig sa Diyos ay magiging walang kahulugan o halaga, na mawawalan ito ng kahulugan at halaga. Ikinintal ba ng ibang tao ang mga ideyang ito sa mga anticristo? Nagmumula ba ang mga ito sa edukasyon o impluwensiya ng iba? Hindi, itinatakda ang mga ito ng likas na kalikasang diwa ng mga anticristo, na isang bagay na walang sinuman ang makakabago. Sa kabila ng pagsasalita ngayon ng napakaraming salita ng Diyos na nagkatawang-tao, walang tinatanggap na kahit na ano sa mga ito ang mga anticristo, sa halip ay nilalaban at kinokondena nila ang mga ito. Hindi kailanman magbabago ang kalikasan nila na tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan. Kung hindi sila makakapagbago, ano ang ipinahihiwatig nito? Ipinahihiwatig nito na buktot ang kanilang kalikasan. Hindi ito isyu ng paghahangad o hindi paghahangad sa katotohanan; isa itong buktot na disposisyon, walang pakundangan itong pagtutol sa Diyos at paglaban sa Diyos. Ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo; ito ang totoong mukha nila. Dahil nagagawa ng mga anticristo na walang pakundangang magprotesta at sumalungat sa Diyos, ano ang disposisyon nila? Buktot ito. Bakit Ko sinasabing buktot ito? Nangangahas ang mga anticristo na lumaban sa Diyos at magprotesta laban sa Kanya alang-alang sa pagkamit ng mga pagpapala, at para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Bakit sila nangangahas na gawin ito? Sa kaibuturan ng puso nila ay may isang puwersa, isang buktot na disposisyong namamahala sa kanila, kaya nagagawa nilang kumilos nang walang konsensiya, makipagtalo sa Diyos, at magprotesta laban sa Kanya. Bago pa sabihin ng Diyos na hindi Niya sila bibigyan ng korona, bago alisin ng Diyos ang kanilang hantungan, lumalabas na ang buktot nilang disposisyon sa kanilang puso at sinasabi nila, “Kung hindi mo ako bibigyan ng korona at ng hantungan, aakyat ako sa ikatlong langit at makikipagtalo sa iyo!” Kung hindi dahil sa kanilang buktot na disposisyon, saan sila makakahanap ng gayong enerhiya? Kaya ba ng karamihan ng tao na makahugot ng gayong enerhiya? Bakit hindi naniniwala ang mga anticristo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan? Bakit mahigpit silang kumakapit sa kanilang pagnanais para sa mga pagpapala? Hindi ba’t kabuktutan na naman nila ito? (Oo.) Naging ambisyon at pagnanais na ng mga anticristo ang mismong mga pagpapala na ipinapangako ng Diyos na ipagkakaloob sa mga tao. Determinado ang mga anticristong matamo ang mga iyon, pero ayaw nilang sundan ang daan ng Diyos, at hindi nila mahal ang katotohanan. Sa halip, hinahangad nila ang mga pagpapala, gantimpala, at korona. Bago pa man sabihin ng Diyos na hindi Niya ipagkakaloob ang mga ito sa kanila, gusto na nilang makipagtalo sa Diyos. Ano ang lohika nila? “Kung hindi ako magtatamo ng mga pagpapala at gantimpala, makikipagtalo ako sa iyo, sasalungatin kita, at sasabihin kong hindi ka diyos!” Hindi ba’t pinagbabantaan nila ang Diyos sa pagsasabi ng mga gayong bagay? Hindi ba’t sinusubukan nilang pabagsakin ang Diyos? Nangangahas pa nga silang itatwa ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Basta’t hindi umaayon sa kalooban nila ang mga kilos ng Diyos, nangangahas silang itatwa na ang Diyos ang Lumikha, ang nag-iisang totoong Diyos. Hindi ba’t disposisyon ito ni Satanas? Hindi ba’t kabuktutan ito ni Satanas? May pagkakaiba ba sa pagitan ng kung paano kumikilos ang mga anticristo at ng saloobin ni Satanas sa Diyos? Puwedeng ganap na ituring na magkapareho ang dalawang pamamaraang ito. Tumatanggi ang mga anticristo na kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, at gusto nilang agawin ang mga pagpapala, gantimpala, at korona sa mga kamay ng Diyos. Anong klaseng disposisyon ito? Sa anong batayan nila hinihiling na kumilos at agawin ang mga bagay na gaya nito? Paano sila nakakahugot ng gayong enerhiya? Ang kadahilanan para dito ay puwede nang ibuod nang ganito: Ito ang kabuktutan ng mga anticristo. Hindi minamahal ng mga anticristo ang katotohanan, pero gusto pa rin nilang magtamo ng mga pagpapala at korona, at agawin ang mga gantimpalang ito sa mga kamay ng Diyos. Hindi ba’t hinahangad nila ang kamatayan? Nababatid ba nilang hinahangad nila ang kamatayan? (Hindi nila ito nababatid.) Maaaring medyo nararamdaman din nila na imposible para sa kanila na magtamo ng mga gantimpala, kaya nagsasabi muna sila ng isang pahayag gaya ng, “Kung hindi ako magtatamo ng mga pagpapala, aakyat ako sa ikatlong langit at makikipagtalo sa diyos!” Nakikini-kinita na nilang magiging imposible para sa kanila na magtamo ng mga pagpapala. Kung tutuusin, maraming taon nang tumututol laban sa Diyos si Satanas sa himpapawid, at ano ang ibinigay ng Diyos dito? Ang tanging pahayag ng Diyos dito ay, “Kapag natapos na ang gawain, ihahagis kita sa walang hanggang hukay. Nababagay ka sa walang hanggang hukay!” Ito lamang ang “pangako” ng Diyos kay Satanas. Hindi ba’t baluktot na nagnanais pa rin ito ng mga gantimpala? Kabuktutan ito. Antagonistiko sa Diyos ang likas na diwa ng mga anticristo, at hindi nga rin alam ng mga anticristo mismo kung bakit ganito. Nakatuon lamang ang kanilang puso sa pagkakamit ng mga pagpapala at korona. Tuwing may kaugnayan ang anumang bagay sa katotohanan o sa Diyos, lumilitaw ang paglaban at galit sa loob nila. Kabuktutan ito. Maaaring hindi maunawaan ng mga normal na tao ang mga panloob na damdamin ng mga anticristo; napakahirap nito sa mga anticristo. Nagtataglay ng gayong napakalalaking ambisyon ang mga anticristo, nagkikimkim sila ng gayon kalaking buktot na enerhiya sa loob nila, at ng gayon kalaking pagnanais para sa mga pagpapala. Puwede silang mailarawan bilang nag-aalab sa pagnanais. Pero patuloy na nagbabahaginan ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan—siguradong napakasakit at napakahirap para sa kanila na marinig ito. Inaagrabyado nila ang kanilang sarili at nagpapanggap sila nang husto para pagtiisan ito. Hindi ba’t isa itong uri ng buktot na enerhiya? Kung hindi minahal ng mga ordinaryong tao ang katotohanan, hindi magiging interesante sa kanila ang buhay iglesia at makakaramdam pa sila ng pagkasuklam dito. Mas magiging pagdurusa kaysa kasiyahan para sa kanila ang pagbabasa sa mga salita ng Diyos at pagbabahaginan sa katotohanan. Kung gayon, paano ito nagagawang tiisin ng mga anticristo? Dahil ito sa napakalaki ng pagnanais nila para sa mga pagpapala na napipilit sila nitong agrabyaduhin ang kanilang sarili at atubiling tiisin ito. Bukod pa rito, pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para umakto bilang mga kampon ni Satanas, at ilaan ang kanilang sarili para magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia. Naniniwala silang ito ang misyon nila, at hanggang hindi nila natatapos ang gampanin nila na labanan ang Diyos, hindi sila napapanatag at pakiramdam nila ay nabigo nila si Satanas. Tinutukoy ito ng kalikasan ng mga anticristo.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)
Sigurado at walang duda na hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan; kung natatanggap nila ang katotohanan, hindi sila magiging anticristo. Kaya, bakit ginagawa pa rin ng mga anticristo ang mga tungkulin nila? Ano ba mismo ang layunin nila sa paggawa ng mga tungkulin nila? Ito ay para “tumanggap ng isang daang beses na biyaya sa buhay na ito at ng walang-hanggang buhay sa darating na mundo.” Ganap nilang sinusunod ang kasabihang ito sa mga tungkulin nila. Hindi ba’t isa itong transaksiyon? Tiyak na isa itong transaksiyon. Batay sa kalikasan ng transaksiyong ito, hindi ba’t isa itong buktot na disposisyon? (Oo.) Kung gayon, sa anong paraan sila buktot? Mayroon bang makapagsasabi sa Akin? (Bagamat naririnig ng mga anticristo ang napakaraming katotohanang ipinapahayag ng Diyos, hinding-hindi nila hinahangad ang mga ito. Mahigpit silang kumakapit sa katayuan nila at hindi sila bumibitiw, at ginagawa lang nila ang tungkulin nila para sa pansarili nilang kapakinabangan at para gumamit ng kapangyarihan sa iba.) Medyo tama ang sagot na iyan, medyo naunawaan mo ito, pero hindi pa ito sapat na detalyado. Kung alam na alam nilang mali ang makipagtransaksiyon sa Diyos, pero nagpapatuloy pa rin sila hanggang sa huli at tumatangging magsisi, kung gayon ay malubha ang problemang ito. Sa panahon ngayon, ginagawa ng karamihan ng tao ang mga tungkulin nila nang may layuning makapagkamit ng mga pagpapala. Gusto nilang lahat na magamit ang paggampan ng mga tungkulin nila para magantimpalaan sila at makakuha ng korona, at hindi nila naiintindihan ang kahalagahan ng paggampan ng tungkulin. Kailangang pagbahaginan nang malinaw ang problemang ito. Kaya, pag-usapan muna natin kung paano nagkaroon ng tungkulin ang mga tao. Gumagawa ang Diyos para pamahalaan at iligtas ang sangkatauhan. Siyempre, may mga hinihingi ang Diyos sa mga tao, at ang mga hinihinging ito ang tungkulin nila. Malinaw na ang tungkulin ng mga tao ay nagmumula sa gawain ng Diyos at sa mga hinihingi Niya sa sangkatauhan. Anuman ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, ito ang pinakanararapat na bagay na magagawa nila, ang pinakamaganda at pinakamakatarungang bagay sa gitna ng sangkatauhan. Bilang mga nilikha, dapat gampanan ng mga tao ang tungkulin nila, at saka lamang sila makatatanggap ng pagsang-ayon ng Lumikha. Namumuhay ang mga nilalang sa ilalim ng kapangyarihan ng Lumikha, at tinatanggap nila ang lahat ng ibinibigay ng Diyos at lahat ng nagmumula sa Diyos, kaya dapat nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Ito ay ganap na natural at may katwiran, at inorden ng Diyos. Mula rito ay makikita na, ang paggampan ng mga tao sa tungkulin ng isang nilikha ay mas makatarungan, maganda, at marangal kaysa sa anumang iba pang bagay na nagawa habang namumuhay sa lupa; wala sa sangkatauhan ang mas makabuluhan o karapat-dapat, at walang nagdudulot ng mas malaking kabuluhan at halaga sa buhay ng isang nilikhang tao, kaysa sa paggampan sa tungkulin ng isang nilikha. Sa lupa, tanging ang grupo ng mga taong tunay at taos-pusong gumaganap ng tungkulin ng isang nilikha ang siyang mga nagpapasakop sa Lumikha. Hindi sumusunod sa mga makamundong kalakaran ang grupong ito; nagpapasakop sila sa pamumuno at pagpatnubay ng Diyos, nakikinig lamang sa mga salita ng Lumikha, tumatanggap sa mga katotohanang ipinapahayag ng Lumikha, at namumuhay ayon sa mga salita ng Lumikha. Ito ang pinakatunay, pinakamatunog na patotoo, at ito ang pinakamagandang patotoo ng pananalig sa Diyos. Ang matupad ng isang nilikha ang tungkulin ng isang nilikha, ang mabigyang-kasiyahan ang Lumikha, ay ang pinakamagandang bagay sa gitna ng sangkatauhan, at isa itong bagay na dapat ipalaganap bilang isang kuwento na pupurihin ng lahat ng tao. Anumang ipinagkakatiwala ng Lumikha sa mga nilikha ay dapat nilang tanggapin nang walang kondisyon; para sa sangkatauhan, ito ay isang usapin ng kapwa kaligayahan at pribilehiyo, at para sa lahat ng tumutupad sa tungkulin ng isang nilikha, wala nang ibang mas maganda o karapat-dapat sa pagpaparangal—ito ay isang positibong bagay. At patungkol naman sa kung paano tinatrato ng Lumikha ang mga kayang tumupad sa tungkulin ng isang nilikha, at sa kung ano ang ipinapangako Niya sa kanila, nasa Lumikha na iyon; walang kinalaman doon ang nilikhang sangkatauhan. Sa mas malinaw at simpleng pananalita, bahala na ang Diyos dito, at walang karapatang makialam ang mga tao. Makukuha mo ang anumang ibibigay sa iyo ng Diyos, at kung wala Siyang ibigay sa iyo, wala kang magagawa tungkol dito. Kapag tinatanggap ng isang nilalang ang atas ng Diyos, at nakikipagtulungan siya sa Lumikha sa pagganap sa kanyang tungkulin at ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya, hindi ito isang transaksiyon o pakikipagpalitan; hindi dapat tangkain ng mga tao na ipagpalit ang mga pagpapahayag ng mga saloobin o kilos at pag-uugali sa anumang pangako o pagpapala mula sa Diyos. Nang ipagkaloob ng Lumikha ang gawaing ito sa inyo, tama at nararapat lang na bilang mga nilikha, tatanggapin ninyo ang tungkulin at atas na ito. Mayroon bang anumang transaksiyon dito? (Wala.) Sa panig ng Lumikha, handa Siyang ipagkatiwala sa bawat isa sa inyo ang mga tungkulin na dapat gampanan ng mga tao; at sa panig ng sangkatauhan, dapat na malugod na tanggapin ng mga tao ang tungkuling ito, tratuhin ito bilang obligasyon ng kanilang buhay, at bilang halagang dapat nilang isabuhay sa buhay na ito. Walang transaksiyon dito, hindi ito pakikipagtumbasan, at lalong hindi kinasasangkutan ng anumang gantimpala o ibang pahayag na iniisip ng mga tao. Hindi ito isang kalakalan; hindi ito tungkol sa pakikipagpalitan sa halagang ibinabayad ng mga tao o sa pagsisikap na ibinibigay nila kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin para sa ibang bagay. Hindi iyon kailanman sinabi ng Diyos, at hindi dapat ganito ang pagkaunawa ng mga tao rito. Nagbibigay ang Lumikha sa sangkatauhan ng isang atas, at isinasagawa ng isang nilikha ang paggampan ng kanyang tungkulin matapos niyang tanggapin mula sa Lumikha ang atas na ibinibigay ng Diyos. Sa usaping ito, sa prosesong ito, walang anumang transaksiyonal; ito ay talagang isang simple at nararapat na bagay. Para itong sa mga magulang, na matapos isilang ang kanilang anak, ay pinalalaki ito nang walang kondisyon o reklamo. Tungkol naman sa kung magiging mabuting anak ba ito, walang gayong mga hinihingi ang kanyang mga magulang mula pa sa araw na isinilang siya. Walang ni isang magulang na pagkatapos manganak ay nagsasabi, “Pinapalaki ko lang siya para paglingkuran at parangalan niya ako sa hinaharap. Kung hindi niya ako pararangalan, sasakalin ko siya hanggang sa mamatay ngayon mismo.” Walang ni isang magulang na ganito. Kaya, batay sa paraan ng pagpapalaki ng mga magulang sa mga anak nila, ito ay isang obligasyon, isang responsabilidad, hindi ba? (Oo.) Patuloy na palalakihin ng mga magulang ang kanilang anak, mabuting anak man ito o hindi, at anuman ang mga paghihirap, palalakihin nila ang anak hanggang sa umabot ito sa hustong gulang, at nanaisin nila ang pinakamagandang buhay para dito. Walang kondisyon o transaksiyon sa responsabilidad at obligasyong ito ng mga magulang para sa kanilang anak. Ang mga may kaugnay na karanasan ay nakakaunawa rito. Karamihan ng magulang ay walang hinihinging mga pamantayan sa kung mabuti ba ang kanilang anak o hindi. Kung mabuti ang anak nila, mas magiging masayahin sila kaysa kung hindi mabuti ang anak nila, at magiging mas masaya sila sa pagtanda nila. Kung hindi mabuti ang kanilang anak, hahayaan na lang nila ito. Ganito mag-isip ang karamihan ng magulang na may medyo bukas na isipan. Sa kabuuan, ito man ay mga magulang na nagpapalaki ng kanilang mga anak o mga anak na sumusuporta sa kanilang mga magulang, ang usaping ito ay usapin ng responsabilidad, ng obligasyon, at bahagi ito ng inaasahang papel ng isang tao. Siyempre, pawang maliliit na usapin lang ito kumpara sa paggampan ng isang nilikha sa tungkulin niya, pero sa mga usapin ng mundo ng tao, ang mga ito ang kabilang sa mas magaganda at mga makatarungang bagay. Hindi na kailangang sabihin na mas lalong totoo ito pagdating sa paggampan ng isang nilikha sa tungkulin niya. Bilang isang nilikha, kapag humarap ang isang tao sa Lumikha, kailangan niyang gampanan ang kanyang tungkulin. Ito ay isang bagay na talagang nararapat gawin, at dapat niyang tuparin ang responsabilidad na ito. Sa batayan na ginagampanan ng mga nilikha ang kanilang mga tungkulin, nakagawa ang Lumikha ng mas higit na dakilang gawain sa sangkatauhan, at isinakatuparan Niya ang isang karagdagang yugto ng gawain sa mga tao. At anong gawain iyon? Tinutustusan Niya ang sangkatauhan ng katotohanan, na tinutulutan silang makamit ang katotohanan mula sa Kanya habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at sa ganoong paraan ay naiwawaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nadadalisay sila. Kaya, natutugunan nila ang mga layunin ng Diyos at tumatahak na sila sa tamang landas sa buhay, at, sa huli, nagagawa nilang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, magtamo ng ganap na kaligtasan, at hindi na mapasailalim sa mga pagpapahirap ni Satanas. Ito ang epektong gusto ng Diyos na makamtan ng sangkatauhan sa huli sa pamamagitan ng paggampan nila sa kanilang mga tungkulin. Samakatwid, sa proseso ng pagganap sa iyong tungkulin, hindi lamang ipinapakita ng Diyos sa iyo nang malinaw ang isang bagay at ipinapaunawa ang kaunting katotohanan, ni hindi ka lamang Niya hinahayaang matamasa ang biyaya at mga pagpapala na natatanggap mo sa pamamagitan ng paggampan sa iyong tungkulin bilang isang nilikha. Bagkus, pinahihintulutan ka Niyang madalisay at maligtas, at, sa huli, ay makapamuhay sa liwanag ng mukha ng Lumikha. Ang “liwanag ng mukha” ng Lumikha na ito ay kinapapalooban ng maraming pinalawig na kahulugan at nilalaman—hindi natin ito tatalakayin ngayon. Siyempre, tiyak na magbibigay ng mga pangako at pagpapala ang Diyos sa gayong mga tao, at gagawa ng iba’t ibang pahayag tungkol sa mga ito—ibang usapan pa ang bagay na ito. Patungkol sa kasalukuyan at ngayon, ano ang tinatanggap ng lahat ng humaharap sa Diyos at gumagampan ng kanilang tungkulin bilang isang nilikha mula sa Diyos? Ang katotohanan at buhay, ang mga pinakamahalaga at pinakamagandang bagay sa sangkatauhan. Wala ni isang nilalang sa sangkatauhan ang madaling makatatanggap ng gayong mga pagpapala mula sa kamay ng Lumikha. Ang gayon kaganda at gayon kalaking bagay ay binaluktot at ginawa nang isang transaksiyon ng angkan ng mga anticristo, kung saan nangangalap sila ng mga korona at gantimpala mula sa kamay ng Diyos. Ang gayong transaksyon ay ginagawang napakapangit at napakabuktot ang isang bagay na napakaganda at napakamakatarungan. Hindi ba ito ang ginagawa ng mga anticristo? Kung pagbabatayan ito, hindi ba’t buktot ang mga anticristo? Talagang buktot nga sila!
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)
Ang paglutas sa isyu ng isang tiwaling disposisyon ay dapat magsimula sa pagkilala sa sarili. Kailangan nito ng pagmamasid, ng unti-unting pagtuon sa pagsusuri ng mga intensyon at kalagayan ng isang tao, at ng palagiang pagsusuri sa mga layunin at nakagawiang paraan ng pananalita. At balang araw ay biglang mapagtatanto: “Palagi akong nagsasabi ng magagandang bagay upang magbalatkayo, umaasang magkakamit ng katayuan sa puso ng iba. Ito ay isang masamang disposisyon. Hindi ito pagpapahayag ng normal na pagkatao at hindi ito umaayon sa katotohanan. Ang masasamang pananalita at layuning ito ay mali, at dapat baguhin at alisin ito.” Matapos mapagtanto ito, mas malinaw mong mararamdaman ang kalubhaan ng tiwali mong disposisyon. Inakala mong ang kasamaan ay ukol lamang sa pag-iral ng masamang pagnanasa sa pagitan ng isang lalaki at isang babae, at pakiramdam mo na bagamat nagpakita ka ng ganoong kasamaan, hindi ka isang taong may masamang disposisyon. Ipinahihiwatig nito na wala kang kamalayan ukol sa masamang disposisyon; tila alam mo ang mababaw na kahulugan ng salitang “masama” ngunit hindi mo lubos na makilala o makilatis ang isang masamang disposisyon; at sa katunayan, hindi mo pa rin nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng salitang “masama.” Kapag napagtanto mo na nagpakita ka ng ganitong disposisyon, magsisimula kang pagnilay-nilayan ang sarili mo at makikilala mo ito, at sisiyasatin ang kalaliman ng pinagmulan nito, at makikita mo na mayroon ka ngang gayong disposisyon. Ano ang dapat mong gawin pagkatapos? Dapat ay patuloy mong suriin ang mga layunin mo sa gayong katulad na paraan ng pagsasalita. Sa pamamagitan ng ganitong patuloy na pagsisiyasat, makikilala mo nang may mas higit na katapatan at katumpakan na mayroon ka ngang ganitong uri ng disposisyon at diwa. Sa araw na tunay mong aaminin na talagang mayroon ka ngang masamang disposisyon, saka ka lamang magsisimulang magkaroon ng pagkasuklam at pagtataboy rito. Mula sa pag-aakalang siya ay mabuting tao, na may matuwid na asal, may pagpapahalaga sa katarungan, isang taong may moral na integridad at walang pandaraya, siya ay magiging isang taong nakikilala na mayroon siyang mga kalikasang diwa katulad ng kayabangan, pagkamapagmatigas, panlilinlang, kasamaan, at pagtutol sa katotohanan. Sa puntong iyon, masusuri na niya ang sarili niya at makikilala kung ano talaga siya. Ang simpleng pag-amin o pagkilala na mayroon kang mga pagpapamalas at kalagayan na ito ay hindi magdudulot ng tunay na pagkasuklam. Ang tanging paraan upang kamuhian mo ang sarili mo ay ang pagkilala na ang diwa ng mga tiwaling disposisyong ito ay ang kasuklam-suklam na paraan ni Satanas. Anong uri ng pagkatao ang kailangan upang tunay na makilala ang sarili hanggang sa punto ng pagkasuklam sa sarili? Dapat mahalin ng isang tao ang mga positibong bagay, mahalin ang katotohanan, mahalin ang katarungan at ang katuwiran, magkaroon ng konsensiya at kamalayan, maging mabuti at magawang tanggapin at isagawa ang katotohanan—ang ganitong mga tao ay tunay na makakakilala at masusuklam sa sarili nila.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang Makita sa Wakas ang Aking Pagkamapanlinlang
Dapat Kang Maging Matapat Upang Maligtas