28. Paano lutasin ang isang malupit na disposisyon

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Batay sa salitang “mabangis,” ano ang mga bagay na maaaring gawin ng isang tao kapag nabunyag niya ang ganitong disposisyon? Una sa lahat, nanaisin niyang manipulahin ang mga tao. Ano ang ibig sabihin ng manipulahin? Ibig sabihin nito na anuman ang mangyari sa iglesia, nanaisin niyang pumagitan, makialam, at magsaayos. Magtatakda siya ng isang panuntunan para sa iyo, at pagkatapos ay dapat mo itong sundin. Kung hindi, magagalit siya. Nais niyang manipulahin ka: Kung sabihin niya sa iyo na magtungo sa silangan, kailangan mong magtungo sa silangan, at kung sabihin niya sa iyo na magtungo sa kanluran, kailangan mong magtungo sa kanluran. Taglay niya ang pagnanais na ito, at pagkatapos ay kumikilos siya sa ganitong paraan—ang tawag dito ay pagmamanipula. Nais ng mga taong ito na pamahalaan ang tadhana ng isang tao, na pamahalaan at kontrolin ang buhay, isipan, pag-uugali, at mga kagustuhan ng isang tao, nang sa gayon ang isip, mga ideya, kagustuhan, at kahilingan ng taong ito ay umayon sa kung ano ang sinasabi nila at kung ano ang gusto nila, sa halip na sa sinasabi ng Diyos—ang tawag dito ay pagmamanipula. Palagi nilang gusto na isaayos para sa mga tao na gawin ang ganito o ang ganyan alinsunod sa sarili nilang kalooban, hindi sila kumikilos batay sa mga prinsipyo, kundi batay sa mga sarili nilang layunin at kagustuhan. Wala silang pakialam kung ano ang nararamdaman mo, sapilitan ka nilang inuutusan, at kailangan mong gawin kung anuman ang sabihin nila sa iyo; kung hindi ka kikilos ayon sa sarili nilang kalooban, pangangasiwaan ka nila at ipararamdam nila sa iyo na wala ka talagang pagpipilian at walang anumang magagawa pa. Alam mo sa puso mo na ikaw ay niloloko at kinokontrol, ngunit hindi mo pa rin alam kung paano ito kikilatisin, lalong hindi ang maglakas-loob na lumaban. Hindi ba’t ang kanilang mga kilos ay pag-uugali ni Satanas? (Oo.) Ito ay pag-uugali ni Satanas. Niloloko ni Satanas ang mga ganitong tao at kinokontrol nito ang mga ganitong tao, kaya naipamamalas sa mga tao ang isang satanikong disposisyon bilang palaging pagtatangkang kontrolin at manipulahin ang iba. Matupad man nila o hindi ang layuning ito ng pagkokontrol at pagmamanipula ng iba, ang lahat ng tao ay may ganitong uri ng disposisyon. Ano ang disposisyong ito? (Kalupitan.) Ito ay kalupitan. Bakit ito tinatawag na kalupitan? Ano ang mga malinaw na pagbubunyag ng disposisyong ito? Ito ba ay may kalakip na pagkaramdam ng pamimilit? (Oo.) Ito ay may kalakip na pagkaramdam ng pamimilit, na nangangahulugan na kung ikaw man ay makinig o hindi, kung anuman ang nararamdaman mo, kung tinatamasa mo man ito o nauunawaan ito, sapilitan nilang hihingin na makinig ka sa kanila at gawin mo ang sinasabi nila, nang wala nang anumang usapan pa, nang hindi ka binibigyan ng pagkakataong magsalita, at nang hindi ka binibigyan ng anumang kalayaan—hindi ba’t mayroon itong ganitong uri ng kahulugan? (Oo.) Tinatawag itong “kabagsikan,” na isang aspekto ng kalupitan.[a] Ang isa pang aspekto ng kalupitan ay “kasamaan,”[b] ano ba ang tinutukoy ng “kasamaan”? Tumutukoy ito sa mga tao na gumagamit ng mga pamamaraan ng sapilitang pag-iindoktrina at paniniil upang matamo ang resulta na makontrol ka at maudyukan kang sundin ang kanilang pagmamanipula, at sa ganitong paraan ay mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili. Ang tawag dito ay “kasamaan.” Sa mga kilos nito, nais ni Satanas na pigilan kang magkaroon ng malayang kalooban, na matutong magmuni-muni at kumilatis, at na maunawaan ang katotohanan upang ang iyong buhay ay gumulang. Hindi ka hinahayaan ni Satanas na gawin ang mga bagay na iyon, at nais nitong kontrolin ka. Hindi ka hinahayaan ni Satanas na hanapin ang katotohanan at unawain ang mga layunin ng Diyos, at hindi ka nito dinadala sa harap ng Diyos, sa halip ay dinadala ka nito sa harap nito at inuudyukan kang makinig dito, na animo’y ito ang katotohanan, at anumang sabihin nito ay tama, at animo’y ito ang sentro ng lahat ng bagay, kaya kailangan mong makinig dito at huwag subukang pag-aralan kung ang mga salita nito ay tama ba o mali. Ang disposiyon ng sapilitan at marahas na pagmamanipula at pagkokontrol sa pag-uugali at pag-iisip ng mga tao ay tinatawag na kalupitan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito

Mga Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “na isang aspekto ng kasamaan.”

b. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “Ang isa pang aspekto ng kabangisan ay ‘kasamaan.’”


Sa ano pang ibang mga paraan naipamamalas ang isang masamang disposisyon? Ano ang kinalaman nito sa pagiging tutol sa katotohanan? Ang totoo, kapag naipamamalas ang pagiging tutol sa katotohanan sa isang malubhang paraan, kapag taglay nito ang mga katangian ng paglaban at paghusga, nagbubunyag ito ng isang masamang disposisyon. Kinapapalooban ng ilang kalagayan ang pagiging tutol sa katotohanan, mula sa kawalan ng interes sa katotohanan hanggang sa pagiging tutol sa katotohanan, na nagiging paghusga sa Diyos at pagkondena sa Diyos. Kapag umabot na sa isang punto ang pagiging tutol sa katotohanan, malamang na itatwa ng mga tao ang Diyos, kamuhian ang Diyos, at salungatin ang Diyos. Ang ilang kalagayang ito ay masamang disposisyon, hindi ba? (Oo.) Kaya, ang mga tutol sa katotohanan ay may mas malubha pang kalagayan, at napapaloob dito ang isang uri ng disposisyon: ang masamang disposisyon. Halimbawa, kinikilala ng ilang tao na pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay, pero kapag may kinukuha sa kanila ang Diyos, at dumaranas sila ng mga kawalan sa kanilang mga interes, hindi sila hayagang nagrereklamo o sumasalungat, pero sa kalooban nila ay wala silang pagtanggap o pagpapasakop. Ang saloobin nila ay ang umupo nang pasibo at maghintay ng pagkawasak—na malinaw na ang kalagayan ng pagiging tutol sa katotohanan. May isa pang kalagayan na mas malubha pa: Hindi sila pasibong nakaupo at naghihintay ng pagkawasak, kundi nilalabanan nila ang mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos, at nilalabanan ang pagkuha ng Diyos ng mga bagay-bagay mula sa kanila. Paano sila lumalaban? (Sa pamamagitan ng panggagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, o kaya ay pananabotahe ng mga bagay-bagay, sa pagtatangka na magtatag ng sarili nilang kaharian.) Isa iyang paraan. Matapos mapalitan ang ilang lider ng iglesia, palagi silang nanggagambala ng mga bagay-bagay at nanggugulo sa iglesia habang isinasabuhay ng mga ito ang buhay-iglesia, lumalaban sila at sumusuway sa lahat ng sinasabi ng mga bagong hinirang na lider, at sinisikap nilang siraan ang mga ito kapag nakatalikod ang mga ito. Anong disposisyon ito? Isa itong masamang disposisyon. Ang tunay nilang iniisip ay, “Kung hindi ako puwedeng maging lider, walang ibang puwedeng manatili sa posisyong ito, paaalisin ko silang lahat! Kung matutulak kitang umalis, ako na ang mamamahalang muli!” Hindi lang ito pagiging tutol sa katotohanan, masama ito! Ang pakikipagkompetensiya para sa katayuan, ang pakikipagkompetensiya para sa teritoryo, ang pakikipagkompetensiya para sa mga personal na interes at reputasyon, ang pagpupursigi na makapaghiganti, ang paggawa ng lahat ng makakaya ng isang tao, ang paggamit ng lahat ng kasanayan ng isang tao, ang paggawa ng lahat ng maaaring gawin para makamit ng isang tao ang kanyang mga minimithi, para maisalba ang kanyang reputasyon, pride, at katayuan, o kaya ay para matugunan ang kanyang pagnanais na makapaghiganti—ang lahat ng ito ay pagpapamalas ng kasamaan. Ang ilang pag-uugali ng isang masamang disposisyon ay kinapapalooban ng pagsasabi ng maraming bagay na nakakagulo at nakakagambala; ang ilan ay kinapapalooban ng paggawa ng maraming masamang bagay para makamit ang mga mithiin ng isang tao. Maging sa mga salita man o sa mga gawa, ang lahat ng ginagawa ng gayong mga tao ay hindi nakaayon sa katotohanan, at lumalabag sa katotohanan, at lahat ng ito ay pagbubunyag ng isang masamang disposisyon. Hindi kaya ng ilang tao na makilatis ang mga bagay na ito. Kung hindi hayagan ang maling pananalita o pag-uugali, hindi nila makikita kung ano ba talaga ito. Pero para sa mga taong nakauunawa sa katotohanan, ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng masasamang tao ay masama, at hindi kailanman makapaglalaman ng anumang tama, o umaayon sa katotohanan; ang mga bagay na ito na sinasabi at ginagawa ng mga taong ito ay masasabing 100 porsiyentong masama at ganap na mga pagbubunyag ng isang masamang disposisyon. Anu-ano ang motibasyon ng masasamang tao bago nila ibunyag ang masamang disposisyong ito? Anu-anong uri ng mga mithiin ang sinusubukan nilang matamo? Paano nila nagagawa ang gayong mga bagay? Makikilatis ba ninyo ito? Bibigyan Ko kayo ng halimbawa. May nangyari sa tahanan ng isang tao. Isinailalim ito sa pagmamatyag ng malaking pulang dragon, at hindi siya puwedeng umuwi, na labis na nagpahirap sa kanya. Pinatuloy siya ng ilang kapatid, at nang makita niya kung gaano kaayos ang lahat sa tahanan ng kanyang mga host, inisip niya, “Bakit wala pang nangyari sa tahanan mo? Bakit ito nangyari sa tahanan ko? Hindi iyan patas. Hindi ito maaari, kailangan kong mag-isip ng paraan para may mangyari sa tahanan mo, para hindi ka puwedeng umuwi. Ipatitikim ko sa iyo ang paghihirap na gaya ng pinagdusahan ko.” May gawin man siya o wala, o maging realidad man ito o hindi, o makamit man niya o hindi ang kanyang mga mithiin, taglay pa rin niya ang ganitong uri ng layunin. Isa itong uri ng disposisyon, hindi ba? (Oo.) Kung hindi siya makapamuhay nang maganda, hindi rin niya hahayaan ang iba na makapamuhay nang maganda. Ano ang kalikasan ng gayong disposisyon? (Pagiging malisyoso.) Isang masamang disposisyon—nakaririmarim ang taong ito! Gaya ng kasabihan, bulok na ang kanyang kaloob-kalooban. Inilalarawan nito kung gaano talaga siya kasama. Ano ang kalikasan ng gayong disposisyon? Subukan ninyong suriin kung ano ang kanyang mga motibasyon, layunin, at mithiin kapag nabubunyag ang disposisyong ito sa kanya. Saan nagmumula ang pagbubunyag niya ng disposisyong ito? Ano ang nais niyang makamit? May nangyari sa kanyang tahanan, at maayos siyang tinutustusan sa tahanan ng kanyang mga host—kaya bakit niya ito gugustuhing guluhin? Masaya lang ba siya kapag nagulo na niya ang buhay ng kanyang mga host, kung kaya’t may mangyayari sa tahanan ng mga ito at hindi na rin makauuwi ang mga ito? Para sa sarili niyang kapakanan, dapat ay protektahan niya ang lugar na ito, pigilan na may mangyaring anuman dito, at hindi ipahamak ang kanyang mga host, dahil ang pagpapahamak sa mga ito ay pagpapahamak din sa kanyang sarili. Kaya, ano ba mismo ang layon niya sa pagnanais na gawin ito? (Kapag hindi maayos ang mga bagay-bagay para sa kanya, ayaw rin niyang maging maayos ang mga bagay-bagay para sa ibang tao.) Kasamaan ang tawag dito. Ang iniisip niya ay, “Winasak ng malaking pulang dragon ang tahanan ko at ngayon ay wala na akong tahanan. Pero mayroon ka pa ring maganda at komportableng tahanan na maaari mong uwian. Hindi ito patas. Hindi ko maatim na makita na nakakauwi ka pa sa tahanan mo. Tuturuan kita ng leksyon. Gagawa ako ng paraan para hindi ka na makauwi at magiging pareho lang tayo. Magiging patas ang mga bagay-bagay kapag nangyari ito.” Hindi ba’t ang paggawa nito ay malisyoso at may masamang hangarin? Ano ang kalikasan nito? (Kasamaan.) Ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng masasamang tao ay para matamo ang isang mithiin. Anu-anong klaseng bagay ang kadalasan nilang ginagawa? Ano ang mga pinakakaraniwang bagay na ginagawa ng mga taong may masasamang disposisyon? (Ginagambala, ginugulo, at sinisira nila ang gawain ng iglesia.) (Sinusubukan nilang mapaboran kapag kaharap nila ang mga tao, pero pagkatapos niyon ay sinusubukan nilang siraan ang mga tao kapag nakatalikod ang mga ito.) (Inaatake nila ang mga tao, mapaghiganti sila at malisyoso nilang binabatikos ang mga tao.) (Nagpapakalat sila ng mga tsismis at paninirang-puri.) (Sinisiraan, hinuhusgahan, at kinokondena nila ang iba.) Ang kalikasan ng mga pagkilos na ito ay ang guluhin at sirain ang gawain ng iglesia, at lahat ng ito ay pagpapamalas ng paglaban at pag-atake sa Diyos, pawang pagpapamalas ng isang masamang disposisyon. Ang mga taong kayang gawin ang mga ito ay walang dudang masasamang tao, at lahat ng nagtataglay ng ilang partikular na pagpapamalas ng isang masamang disposisyon ay maaaring tukuyin bilang masasamang tao. Ano ang diwa ng isang masamang tao? Ito ay ang diwa ng diyablo, ni Satanas. Hindi ito pagmamalabis.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili

Minamahal ba ng masasamang tao ang mga positibong bagay? Minamahal ng masasamang tao ang mga tiwali, masama, at makamandag na bagay; minamahal nila ang lahat ng may kaugnayan sa mga negatibong bagay. Kapag nagsasalita ka sa kanila tungkol sa mga positibong bagay, o kung paanong ang isang bagay ay nagdudulot ng mga pakinabang sa mga tao at nagmumula sa Diyos, hindi sila natutuwa at hindi sila interesadong marinig ang tungkol sa mga ito—wala silang pag-asang maligtas. Gaano man kahusay magbahagi sa katotohanan ang isang tao sa kanila o kung gaano kapraktikal sila kinausap, talagang hindi lang sila interesado, at maaari pa ngang magpahayag ng pagkamapanlaban at antagonismo. Ngunit nagliliwanag ang kanilang mga mata kapag narinig nila ang isang tao na nagsasalita tungkol sa kasiyahan ng laman, at napupuno sila ng enerhiya. Ito ay isang masama at buktot na disposisyon, at hindi mabuti ang kanilang kalooban. Kaya, hindi nila kayang mahalin ang mga positibong bagay. Sa kanilang puso, paano nila pinahahalagahan ang mga positibong bagay? Kinamumuhian at minamaliit nila ang mga ito, kinukutya nila ang mga bagay na ito. Pagdating sa pagiging tapat na tao, iniisip nila, “Ang pagiging tapat ay naglalagay sa atin sa dehadong kalagayan. Hindi ko ito tatanggapin. Kung ikaw ay tapat, isa kang mangmang. Tingnan mo ang iyong sarili, nagtitiis ng paghihirap at nagsisikap nang husto para gampanan ang iyong tungkulin nang hindi isinasaalang-alang ang iyong kinabukasan o kalusugan. Sino ang mag-aalala kung bumagsak ka sa pagod? Hindi ko maaaring pagurin ang sarili ko.” Maaaring sabihin ng iba, “Mag-iwan tayo ng lalabasan para sa sarili natin. Hindi tayo pwedeng magpagod nang todo-todo na parang mga mangmang. Kailangan nating ihanda ang ating ‘backup’ na plano at pagkatapos ay dagdagan pa ang pagsisikap.” Ang masasama ay matutuwa kapag narinig nila ito; tamang-tama ito para sa kanila. Ngunit pagdating sa ganap na pagpapasakop sa Diyos at tapat na paggugol ng sarili para sa tungkulin ng isang tao, nakakaramdam sila ng pagkasuklam at pagkamuhi, at hindi nila ito tatanggapin. Hindi ba’t masama ang ganitong tao? Ang lahat ng taong tulad nito ay may masamang disposisyon. Ang kailangan mo lamang gawin ay magbahagi sa katotohanan at makipag-usap tungkol sa mga prinsipyo ng pagsasagawa kasama sila, at nasusuklam na sila at ayaw nang makinig. Iisipin nilang sinisira nito ang kanilang dangal, sinusugatan ang kanilang dignidad, at hindi sila makikinabang dito. Sa kanilang kalooban ay sasabihin nila: “Tuloy-tuloy lang sa katotohanan, sa mga prinsipyo ng pagsasagawa. Palaging nagsasalita tungkol sa pagiging isang tapat na tao—mapapakain ka ba ng katapatan? Magkakapera ka ba dahil sa pagsasabi ng totoo. Pandaraya ang paraan para kumita!” Anong pangangatwiran ito? Pangangatwiran ito ng isang bandido. Hindi ba’t isa itong masamang disposisyon? Mabuti ba ang kalooban ng taong ito? (Hindi.) Hindi makakamit ng ganitong tao ang katotohanan. Ang kaunting ibinibigay, ginugugol, at tinatalikuran niya ay nakatuon lahat sa isang layunin, isang bagay na noon pa niya kinalkula nang mabuti. Iniisip niyang magandang kasunduan lamang ang mag-alok ng isang bagay kung may makukuha siya rito. Anong disposisyon ito? Ito ay isang buktot at masamang disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan

Sa iglesia, pinupungusan ang ilang tao dahil hindi nila ginagawa nang maayos ang kanilang tungkulin. Kapag pinupungusan ang isang tao, kadalasan siya ay pinagsasabihan at marahil ay pinagagalitan pa nga. Tiyak na sasama ang loob niya dahil dito, at gugustuhin niyang magdahilan at sumagot. Magsasabi siya ng mga bagay gaya ng, “Bagamat pinungusan mo ako sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga bagay na tama, ang ilan sa sinabi mo ay talagang nakasasama ng loob, at ipinahiya mo ako at sinaktan mo ang damdamin ko. Maraming taon na akong nananalig sa Diyos, nagsusumikap ako kahit hindi ako kailanman nakapag-ambag—paanong natatrato ako nang ganito? Bakit wala kayong ibang pinupungusan? Hindi ko ito matatanggap at hindi ko ito mapalalampas!” Isa itong uri ng tiwaling disposisyon, hindi ba? (Oo.) Ang tiwaling disposisyong ito ay naipamamalas lamang sa pamamagitan ng mga reklamo, pagsuway, at antagonismo, pero hindi pa ito umaabot sa sukdulan nito, hindi pa ito umaabot sa rurok nito, bagamat nagpapakita na ito ng ilang tanda, at nagsimula na itong umabot sa kritikal na punto. Ano ang saloobin niya pagkatapos na pagkatapos nito? Hindi siya mapagpasakop, naiirita siya at palaban at nagsisimula siyang kumilos nang dahil sa pagkainis. Nagsisimula siyang mangatwiran: “Hindi laging tama ang mga lider at manggagawa kapag pinupungusan nila ang mga tao. Maaaring kaya ninyong lahat na tanggapin ito, pero hindi ko kaya. Kaya ninyong tanggapin ito dahil mga hangal at duwag kayo. Hindi ko ito tinatanggap! Mag-usap tayo at tingnan natin kung sino ang tama o mali.” Pagkatapos ay nagbabahagi sa kanya ang mga tao, sinasabing, “Tama man o mali, ang una mong kailangang gawin ay ang sumunod. Posible bang ni wala man lang bahid ang pagganap mo sa iyong tungkulin? Ginagawa mo ba nang tama ang lahat ng bagay? Kahit pa ginagawa mo nang tama ang lahat ng bagay, makatutulong pa rin sa iyo na mapungusan! Napakaraming beses na kaming nagbahagi sa iyo tungkol sa mga prinsipyo, pero hindi ka kailanman nakinig at pinili mong basta na lang gawin ang gusto mo, na nakagulo sa gawain ng iglesia at nagsanhi ng malalaking kawalan, kaya paanong hindi mo maharap ang mapungusan? Maaaring malupit ang pagkakasabi, at maaaring masakit itong pakinggan, pero normal lang iyon, hindi ba? Kaya bakit ka nakikipagtalo? Dapat bang hayaan ka na lang na gumawa ng masasamang bagay nang hindi tinutulutan ang ibang tao na pungusan ka?” Pero matatanggap ba niya ang pagpupungos pagkatapos niyang marinig ito? Hindi. Magpapatuloy lang siya sa pagpapalusot at paglaban. Anong disposisyon ang ibinunyag niya? Ang pagka-diyablo; isa itong masamang disposisyon. Ano ang talagang ibig niyang sabihin? “Hindi ko hinahayaan na inisin ako ng mga tao. Walang dapat sumubok na makialam sa akin. Kung ipapakita ko sa iyo na hindi ako basta-basta puwedeng guluhin, hindi ka mangangahas na pungusan ako sa hinaharap. Hindi ba’t nanalo na ako kung magkagayon?” Anong tingin ninyo rito? Nalantad na ang disposisyon, hindi ba? Isa itong masamang disposisyon. Ang mga taong may masasamang disposisyon ay hindi lamang tutol sa katotohanan—kinamumuhian nila ang katotohanan! Kapag isinasailalim sila sa pagpupungos, sinusubukan nila itong takasan o kaya naman ay hindi nila ito pinapansin—sa puso nila, labis silang mapanlaban. Hindi lang sila nagpapalusot. Hindi talaga iyon ang saloobin nila. Sumusuway sila at palaban, at ang sakit pa nga sa tainga kapag nakikipagtalo sila. Sa puso nila, iniisip nila, “Nauunawaan kong sinusubukan mo akong alipustahin at sadyang ipahiya, at kahit na hindi ako nangangahas na salungatin ka nang harap-harapan, maghihintay ako ng pagkakataon para makabawi! Akala mo ba ay puwede mo akong basta na lang pungusan at apihin? Gagawa ako ng paraan para kumampi ang lahat sa akin, mabukod ka, at pagkatapos ay ipatitikim ko sa iyo ang ginawa mo sa akin!” Ito ang kanilang iniisip sa kanilang puso; sa wakas ay nabunyag na ang kanilang masamang disposisyon. Para matamo nila ang kanilang mga mithiin at mailabas ang kanilang galit, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para makahanap ng mga palusot na magagamit nila upang mapangatwiranan ang sarili nila at mapakampi sa kanila ang lahat. Saka lamang sila magiging masaya at mapayapa. Malisyoso ito, hindi ba? Isa itong masamang disposisyon. Kapag hindi pa sila napupungusan, parang maliliit na tupa ang mga ganitong tao. Kapag isinailalim na sila sa pagpupungos, o kapag nalantad na ang kanilang tunay na pagkatao, mula sa pagiging tupa ay agad silang nagiging lobo, at lumalabas ang pagiging lobo nila. Isa itong masamang disposisyon, hindi ba? (Oo.) Kaya bakit hindi ito kadalasang nakikita? (Hindi pa napupukaw ang galit nila.) Tama iyan, hindi pa napupukaw ang galit nila at hindi pa nalalagay sa panganib ang kanilang mga interes. Kagaya ito ng kung paanong hindi ka kakainin ng isang lobo kapag hindi naman ito gutom—masasabi mo ba kung gayon na hindi ito isang lobo? Kung maghihintay ka hanggang sa tangkain nitong kainin ka bago mo ito tawaging lobo, magiging masyadong huli na, hindi ba? Kahit na hindi ka pa nito pinagtatangkaang kainin, dapat maging mapagbantay ka na sa lahat ng oras. Hindi dahil sa hindi ka kinakain ng lobo ay nangangahulugan nang ayaw ka nitong kainin, bagkus ay hindi pa lang oras ng pagkain nito—at kapag dumating na ang oras, lalabas na ang likas na pagka-lobo nito. Naibubunyag ng pagpupungos ang lahat ng uri ng tao. Iniisip ng ilang tao, “Bakit ba ako lang ang pinupungusan? Bakit ba ako ang laging pinag-iinitan? Sa tingin ba nila ay pwedeng-pwede akong alipustahin? Hindi ako ang uri ng tao na puwede ninyong banggain!” Anong disposisyon ito? Paanong sila lang ang pinupungusan? Hindi naman talaga ganito ang mga bagay-bagay. Sino sa inyo ang hindi pa pinungusan? Lahat kayo ay naranasan na iyon. Kung minsan ay masuwayin at pabaya sa kanilang gawain ang mga lider at manggagawa, o kaya ay hindi nila ito isinasakatuparan nang ayon sa mga pagsasaayos ng gawain—at karamihan sa kanila ay pinupungusan. Ginagawa ito upang mapangalagaan ang gawain ng iglesia at mapigilan ang mga tao na maging tampalasan. Hindi ito ginagawa upang puntiryahin ang sinumang partikular na indibidwal. Ang sinabi nila ay malinaw na pagbabaluktot ng mga katunayan, at isa rin itong pagpapamalas ng isang masamang disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili

Batay sa pariralang “mahilig maghiganti,” malinaw na hindi mabuti ang mga taong ito; sa pangkaraniwang pananalita, salot sila sa lipunan. Batay sa mga palagiang pagpapamalas at pagbubunyag ng pagkatao nila, pati na sa mga prinsipyo nila sa pagkilos, hindi mabuti ang puso nila. Gaya ng karaniwang kasabihan, “maitim ang budhi” nila. Sinasabi natin na hindi sila mabuti; sa mas partikular, ang mga taong ito ay hindi mabait bagkus ay masama, mapaminsala, at malupit. Kapag may nagsabi o gumawa ng isang bagay na kumakanti sa interes, imahe, o katayuan nila, o kung sila mismo ay sumama ang loob sa mga salita o kilos ng iba, sa isang banda, nagkikimkim sila ng pagkamapanlaban sa puso nila. Sa kabilang banda, batay sa pagkamapanlabang ito, kumikilos sila; kumikilos sila nang may layong maibulalas ang pagkamuhi nila at mapawi ang galit nila, isang pag-uugaling kilala bilang paghihiganti. Laging may ganitong ilang indibidwal sa mga tao. Ito man ay pagiging mababaw, dominante, o sobrang sensitibo, anuman ang mga terminong ginagamit para ilarawan o ibuod ang pagkatao nila, ang karaniwang pagpapamalas ng pakikitungo nila sa iba ay kung sinuman ang di-sadya o sadyang makasakit o makapagpasama ng loob nila ay dapat magdusa at humarap sa mga kaukulang kahihinatnan. Katulad ito ng sinasabi ng ilang tao: “Kapag napasama mo ang loob nila, hindi ka basta-basta makakalusot. Kung magalit o masaktan mo sila, huwag mong asahang basta ka na lang makakatakas.” May umiiral bang mga gayong indibidwal sa mga tao? (Oo.) Tiyak na mayroon. Anuman ang mangyari, sulit man o hindi na magalit o magiging mababaw tungkol dito, inuuna ito ng mga tao na mahilig maghiganti sa mga pang-araw-araw nilang adyenda, itinuturing nila ito bilang isang napakahalagang usapin. Sinuman ang makapagpasama ng loob nila, hindi ito katanggap-tanggap, at humihingi sila ng kapalit na halaga, na siyang prinsipyo nila sa pagtrato sa mga tao, sa pagtrato sa sinumang itinuturing nilang kaaway. Halimbawa, sa buhay iglesia, may ilang tao na nakikipagbahaginan tungkol sa kalagayan nila o normal na nagbabahagi ng mga karanasan nila, tinatalakay nila ang mga kalagayan at katiwalian nila. Sa paggawa niyon, hindi nila sinasadyang madamay ang mga kalagayan at katiwalian ng iba. Maaaring hindi ito sinasadya ng nagsasalita, pero dinidibdib ito ng nakikinig. Pagkatapos makinig, hindi ito maarok o maharap nang tama ng indibidwal na ito, at malamang na magkaroon siya ng mapaghiganting mentalidad. Kung panghahawakan niya ito at igigiit niyang umatake at maghiganti, magdudulot ito ng problema sa gawain ng iglesia, kaya dapat na agad na mapangasiwaan ang usaping ito. Hangga’t may masasamang tao sa iglesia, hindi maiiwasang lilitaw ang mga kaguluhan, kaya hindi dapat balewalain ang mga kaguluhang dulot ng masasamang tao sa iglesia. Sinasadya man o hindi, sa oras na galitin o saktan mo sila, hindi nila ito palalampasin basta-basta. Iniisip nila: “Binabanggit mo ang sarili mong katiwalian, bakit mo ako binabanggit? Tinatalakay mo ang pagkilala mo sa sarili, bakit mo ako inilalantad? Dahil sa paglalantad mo sa katiwalian ko, nawawala ang imahe at dignidad ko, nagigisa ako sa harap ng mga kapatid, nawawalan ako ng katanyagan, at nasisira ang reputasyon ko. Kung gayon, maghihiganti ako sa iyo; hindi kita basta-basta palalampasin! Huwag mong isiping madali akong apihin, na pwede mo akong kayan-kayanin dahil lang sa mahirap ang pamilya ko at mababa ang katayuan ko sa lipunan. Huwag mong isiping pwede mo akong kayan-kayanin; hindi ako isang taong pwedeng banggain!” Huwag nang isipin kung paano sila naghihiganti; isaalang-alang na lang natin ang mismong mga taong ito: Kapag nahaharap sila sa maliliit na usaping ito—mga usaping karaniwan sa buhay iglesia—bukod sa hindi nila matrato o maarok nang tama ang mga usaping ito, nagkakaroon pa sila ng pagkamuhi at naghihintay ng mga pagkakataon para makapaghiganti, gumagamit pa nga sila ng mga imoral na paraan para isakatuparan ang paghihiganti nila. Ano ang sinasabi nito tungkol sa pagkatao nila? (Mapaminsala ito.) Mabubuting tao ba sila? (Hindi.) … Titingnan ng iba ang parehong usapin bilang karaniwan, pangangasiwaan at tatratuhin nila ito nang naaayon. Siyempre, maagap at positibo itong lulutasin ng mabubuting tao na tumatanggap sa katotohanan. Ang mga ordinaryong tao, bagaman hindi aktibong nilulutas ito, ay hindi nagkikimkim ng pagkamuhi, lalong hindi sila naghahangad na makapaghiganti. Pero para sa mga tao na di-mabuti, maaaring magtalo nang husto ang kalooban nila dahil sa gayong karaniwan at lubos na ordinaryong usapin, kaya hindi nila magawang kumalma. Ang mga reaksiyong ipinapakita nila ay hindi positibo o odinaryo, kundi malupit at buktot; naghahangad sila na makapaghiganti. Ano ang dahilan ng paghihiganti nila? Naniniwala sila na sinasadya silang siraan ng mga tao, inilalantad ang tunay nilang kulay, ang pangit nilang bahagi, ang katiwalian nila. Itinuturing nila ang sinasabi ng mga tao bilang sinasadya, kaya itinuturing nila ang mga ito bilang mga kaaway. Pagkatapos, pakiramdam nila ay makatarungan ang paggamit ng paghihiganti para ayusin ang naturang usapin, gumagamit sila ng iba’t ibang paraan para makamit ang layunin nilang makapaghiganti. Hindi ba’t isa itong malupit na disposisyon? (Oo.) Sa buhay iglesia, kapag tinatalakay ng mga kapatid ang tungkol sa mga kalagayan nila, karamihan sa nakikinig ay naiuugnay ang mga ito sa sarili nila at nagagawa nila itong tanggapin mula sa Diyos. Tanging ang mga tutol sa katotohanan at may buktot na disposisyon ang nagpapakita ng pagkamapanlaban at maging ng mapaghiganting mentalidad pagkarinig nila rito, na lubos na nagbubunyag sa kalikasang diwa nila. Kapag nabuo na ang mapaghiganting mentalidad, susunod na ang isang serye ng mga mapaghiganting pag-uugali at kilos. Kapag nangyayari ang mga paghihiganti, ano ang nangyayari sa ugnayan ng mga tao? Hindi na wasto ang mga ito. At sino ang tunay na biktima rito? (Ang taong pinaghihigantihan nila.) Tama; ang tunay na mga biktima ay ang mga nakikipagbahaginan tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Ang susunod na pakay ng mga mahilig maghiganti ay husgahan, atakihin, at idiin o siraan pa nga ang mga tao na sa tingin nila ay naglalantad o nagkikimkim ng pagkamapanlaban sa kanila, gumagamit sila ng mga salita o kilos sa iba’t ibang sitwasyon. Ang mga taong mahilig maghiganti ay hindi lang sandaling nagkikimkim ng pagkamuhi sa puso nila at iyon na iyon; naghahanap at lumilikha pa nga sila ng mga oportunidad para gantihan ang mga tao na gusto nilang paghigantihan, ang mga taong may mapanlaban silang saloobin, ang mga taong sa tingin nila ay hindi paborable sa kanila. Halimbawa, sa panahon ng pagpili ng mga lider, kung ang taong may mapanlaban silang saloobin ay kalipikado para mahalal na maging lider ayon sa mga prinsipyo ng paggamit ng mga tao sa sambahayan ng Diyos, dahil sa kanilang pagkamapanlaban, huhusgahan, kokondenahin, at aatakihin nila ang taong iyon, gagalaw o kikilos sila nang walang nakakakita para mapinsala ang taong iyon at makapaghiganti sila. Sa pagbubuod, iba’t iba ang mga paraan nila ng paghihiganti. Halimbawa, pwedeng panghawakan nila ang anumang detalye tungkol sa isang tao at siraan ito gamit ang detalyeng ito, pwedeng palakihin o ipagkalat nila ang mga walang basehang tsismis tungkol sa taong iyon, o magpakalat ng alitan sa pagitan ng taong iyon at ng ibang tao. Pwede pa ngang magbigay sila ng huwad na paratang sa mga lider tungkol sa taong iyon, sabihin nang ang taong iyon ay hindi tapat sa paggawa ng mga tungkulin niya o na negatibo at tumututol siya, na ang totoo ay pawang mga sadyang gawa-gawang pahayag, pawang inimbento lang. Tingnan ninyo kung paano, mula sa mga hinala at maling pagkaunawa nila sa taong iyon, lumilitaw ang napakaraming pag-uugali at kilos na wala sa katwiran; lahat ng pamamaraang ito ay nagmumula sa mapaghiganti nilang kalikasan. Sa katunayan, nang ibinahagi ng taong iyon ang kanyang mga patotoong batay sa karanasan, hindi naman talaga sila ang tinutukoy ng mga iyon; wala namang malisyang nakapuntirya sa kanila. Dahil lang sa tutol sila sa katotohanan at may malupit silang disposisyon na mahilig maghiganti kaya hindi nila tinutulutan ang iba na ilantad sila, ni pinapayagan ang mga talakayan tungkol sa pagkilala sa sarili, pagtalakay sa mga tiwaling disposisyon, o pag-uusap tungkol sa satanikong kalikasan ng isang tao. Kapag tinalakay ang mga gayong paksa, nagagalit sila, iniisip na sila ang tinutukoy at inilalantad, kaya bumubuo at lumilikha sila ng mapaghiganting mentalidad. Ang tendensiya ng ganitong uri ng tao na maghiganti ay hindi limitado sa isang sitwasyon lang. Bakit Ko nasasabi ito? Dahil may malupit na kalikasan ang mga gayong indibidwal; walang makakapukaw o makakapagpagalit sa kanila. Likas na agresibo sila sa sinuman at anumang bagay, tulad ng isang alakdan o alupihan. Kaya, pinupukaw o sinasaktan man sila ng isang tao nang sadya o di-sadya, basta’t nararamdaman nilang nawalan sila ng dangal o dignidad, gagawa sila ng paraan para maibalik ang dangal at dignidad nila, na nagdudulot ng isang serye ng mga paghihiganti.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 25

Ang mga buktot at hindi nagmamahal sa katotohanan ay palaging may aktibong pag-iisip. Kung makakakita sila ngayon ng kaunting pag-asa para makatanggap ng mga pagpapala, ibibigay nila ang lahat-lahat at gagawa sila ng mabubuting gawa na makikita ng lahat, umaasa na makukuha nila ang suporta ng mga ito. Ngunit matapos ang ilang panahon, kapag hindi sila pinagpala ng Diyos, nagsisisi sila at nagrereklamo, at ito ang konklusyon nila: “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat; hindi Siya nagtatangi—hindi ako ganoon kasigurado na totoo ang mga salitang ito.” Ang nakikita lang nila ay ang mga sarili nilang pangunahing interes; kung hindi nila ito mapakikinabangan, hindi sila kikilos. Hindi ba’t masama ito? Kahit sino pa ang kahalubilo nila, sinusubukan nilang makipagkasunduan sa mga ito, at nangangahas pa nga silang sumubok na gumawa ng mga kasunduan sa Diyos. Iniisip nila: “Kailangan kong kumita, at ngayon na. Kailangan kong kumita agad-agad!” Mapangahas—kalabisan ba kung sasabihing masama ang kanilang disposisyon? (Hindi.) Paano mapatutunayan ang kanilang kasamaan? Kapag nahaharap sila sa isang munting pagsubok o sakuna, hindi nila ito kakayanin at hindi nila gagampanan ang kanilang tungkulin. Pakiramdam nila ay nalugi sila: “Malaki ang ipinuhunan ko at hindi pa rin ako pinagpala ng Diyos. May Diyos pa ba? Ito ba ang tamang daan o hindi?” Ang puso nila ay napupukaw ng pagdududa. Nais nilang kumita, at pinatutunayan nitong hindi kusang-loob at taimtim ang paggawa nila ng mga sakripisyo; sa ganitong paraan sila ay nabubunyag. Ano ang sinabi ng asawa ni Job noong si Job ay nakararanas ng kanyang mga pagsubok? (“Pinananatili mo pa rin ba ang iyong integridad? Sumpain mo ang diyos, at mamatay ka” (Job 2:9).) Siya ay hindi mananampalataya, tinatanggihan at tinatalikuran ang Diyos kapag may tumamang sakuna. Noong nagkaloob ang Diyos ng mga pagpapala, sinabi niya, “Diyos na Jehova, ikaw ang dakilang tagapagligtas! Binigyan mo ako ng napakaraming ari-arian at pinagpala ako. Susunod ako sa iyo. Ikaw ang aking diyos.” At nang kunin ng Diyos ang kanyang mga ari-arian, sinabi niya, “Hindi ikaw ang diyos ko.” Sinabi pa niya kay Job, “Huwag kang manalig. Walang diyos! Kung mayroon, paano niya nagawang hayaan ang mga bandido na tangayin ang ating mga ari-arian? Bakit hindi niya tayo pinrotektahan?” Anong disposisyon ito? Isa itong masamang disposisyon. Sa sandaling nakompromiso ang kanilang mga interes, at ang mga sarili nilang layunin at pagnanais ay hindi natupad, sila ay nagagalit, nagrerebelde, at nagiging isang Hudas, pinagtataksilan at tinatalikuran ang Diyos. Maraming tao ba ang tulad nito? Maaaring umiiral pa rin sa iglesia kahit paano ang gayong mga hayag na masasamang tao at hindi mananampalataya. Ngunit ito lamang ang uri ng kalagayang mayroon ang ilang tao; ibig sabihin, taglay nila ang ganitong disposisyon, ngunit hindi naman talaga ganito ang kanilang uri. Gayunpaman, kung may ganito kang uri ng disposisyon, kailangan ba itong mabago? (Oo.) Kung may ganito kang uri ng disposisyon, ibig sabihin nito na masama rin ang kalikasan mo. Taglay ang ganitong masamang disposisyon, kaya mong salungatin ang Diyos, pagtaksilan ang Diyos at kumilos nang may pagkamapanlaban sa Kanya anumang oras. Ang bawat araw na hindi mo binabago ang mga tiwaling disposisyong ito ay isang araw na hindi ka kaayon ng Diyos. Kapag hindi ka kaayon ng Diyos, hindi ka makakalapit sa harap Niya at hindi mo mararanasan ang Kanyang gawain at wala kang paraan upang makatanggap ng kaligtasan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan

Ang isa sa mga pangunahing katangian ng likas na pagkatao ng mga anticristo ay ang kasamaan. Ano ang kahulugan ng “kasamaan”? Nangangahulugan ito na mayroon silang partikular na kasuklam-suklam na saloobin tungkol sa katotohanan—hindi lamang nabibigong magpasakop doon, at hindi lamang tumatangging tanggapin iyon, kundi kinokondena pa ang mga nagpupungos sa kanila. Iyon ang masamang disposisyon ng mga anticristo. Iniisip ng mga anticristo na sinumang tumatanggap sa ay madaling apihin, at na ang mga taong palaging pumupungos sa iba ay ang mga taong palaging nagnanais na manudyo at mang-api sa mga tao. Kaya, lalabanan ng isang anticristo ang sinumang pumupungos sa kanya, at pahihirapan niya ang taong iyon. At sinumang bumabanggit sa mga kakulangan o katiwalian ng isang anticristo, o nagbabahagi sa kanya tungkol sa katotohanan at mga layunin ng Diyos, o naghihikayat sa kanyang kilalanin ang kanyang sarili, iniisip niya na pinahihirapan siya ng taong iyon at nakayayamot ang tingin sa kanya. Kinamumuhian niya ang taong iyon sa kaibuturan ng kanyang puso, at paghihigantihan at pahihirapan niya ito. Isa pa itong pagpapamalas kung paano tinatrato ng mga anticristo ang pagpupungos na ating pagbabahaginan. Kinamumuhian nila ang sinumang nagpupungos at naglalantad sa kanila. Isa itong napakalinaw na pagpapamalas sa mga anticristo. Anong uri ng mga tao ang nagtataglay ng gayon kalupit na disposisyon? Masasamang tao. Sa katunayan, masasamang tao ang mga anticristo. Kaya, ang masasamang tao at mga anticristo lamang ang nagtataglay ng gayon kalupit na disposisyon. Kapag naharap ang isang malupit na tao sa anumang uri ng pagpapayo, akusasyon, turo, o tulong na may mabuting layunin, ang saloobin nila ay hindi ang magpasalamat o tanggapin ito nang mapagpakumbaba, kundi, ang magalit nang husto dahil sa kahihiyan, at makaramdam ng matinding pagkamapanlaban, pagkamuhi, at maghiganti pa nga. May ilan na nagpupungos at naglalantad sa isang anticristo sa pamamagitan ng pagsasabing, “Kamakailan lang ay wala kang pakundangan sa pagkilos mo, hindi ka kumilos ayon sa prinsipyo, at palagi mong ipinagmamalaki ang sarili mo habang ginagawa ang tungkulin mo. Gumagawa ka lang alang-alang sa katayuan at lubusan mong ginugulo ang iyong tungkulin. Ginagawa mo ba nang tama ang tungkulin mo sa Diyos? Bakit hindi mo hinanap ang katotohanan habang ginagawa ang tungkulin mo? Bakit hindi ka kumikilos ayon sa prinsipyo? Bakit hindi mo tinanggap nang makipagbahaginan sa iyo ang mga kapatid tungkol sa katotohanan? Bakit mo sila binalewala? Bakit mo ginawa ang anumang gusto mo?” Ang ilang katanungang ito “kung bakit,” ang mga salitang ito na naglalantad ng pagbubunyag nila ng katiwalian—naiirita sila sa mga ito: “Bakit? Walang ‘bakit’—gagawin ko ang anumang gusto ko! Ano ang karapatan mo para pungusan ako? Sino ka para gawin ito? Matigas ang ulo ko; ano ang magagawa mo roon? Ngayong umabot na ako sa edad na ito, walang naglalakas-loob na kausapin ako nang ganito. Ako lang ang pwedeng magsalita nang ganito sa iba; walang sinuman ang makakapagsalita sa akin nang ganito. Sino ang maglalakas-loob na pangaralan ako? Hindi pa ipinapanganak ang taong pwedeng mangaral sa akin! Sa tingin mo ba talaga ay pwede mo akong pangaralan?” Umuusbong ang pagkamuhi sa kaibuturan ng puso nila, at naghahanap sila ng pagkakataon para makapaghiganti. Sa isipan nila, nagkakalkula sila: “May kapangyarihan ba sa iglesia ang taong ito na nagpupungos sa akin? Kung gagantihan ko siya, may magsasalita ba para sa kanya? Kung pahihirapan ko siya, iwawasto ba ako ng iglesia? May solusyon ako. Hindi ko siya personal na gagantihan; lubos na palihim kong gagawin ang isang bagay. May gagawin ako sa pamilya niya na magpapahirap at magpapahiya sa kanya, nang sa gayon ay makalaya ako sa sama ng loob na ito. Kailangan kong makapaghiganti. Hindi ko ito pwedeng palampasin ngayon. Hindi ako nagsimulang manampalataya sa diyos para lang hamak-hamakin ako, at hindi ako pumarito para api-apihin ako ng iba ayon sa gusto nila; pumarito ako para magkamit ng mga pagpapala at pumasok sa kaharian ng langit! Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito. Dapat ay may lakas ang mga tao na ipaglaban ang kanilang dignidad. Ang lakas ng loob mong ilantad ako. Pang-aapi ito! Ngayong hindi mo ako itinuturing na mahalagang tao, dadalhin kita sa impiyerno, at ipapatikim ko sa iyo ang mga kahihinatnan. Magtuos tayo, tingnan natin kung sino ang mas mabangis!” Ang kaunting salita lang ng paglalantad ay lubha nang nagpapagalit sa mga anticristo at pumupukaw sa matindi nilang pagkamuhi, na nagtutulak sa kanila na gumawa ng mga labis-labis na bagay para sa paghihiganti. Lubusang nabubunyag ang malupit nilang disposisyon. Siyempre, kapag gumaganti sila sa iba dahil sa pagkamuhi, hindi ito dahil may pagkamuhi sila o dating sama ng loob sa taong iyon, kundi dahil inilantad ng taong iyon ang mga pagkakamali nila. Ipinapakita nito na ang simpleng paglalantad sa isang anticristo, kahit sino pa ang gumawa nito, at kahit ano pa ang ugnayan nila sa anticristo, ay pwedeng makapukaw sa pagkamuhi nila at mag-udyok ng paghihiganti nila. Kahit sino pa ito, nauunawaan man ng taong ito ang katotohanan, o isa man itong lider o manggagawa, o isang ordinaryong miyembro ng hinirang na mga tao ng Diyos, hangga’t may naglalantad at nagpupungos sa anticristo, ituturing nila ang taong iyon bilang kaaway. Hayagan pa ngang sasabihin ng mga anticristo na, “Pahihirapan ko ang sinumang magpupungos sa akin. Ang sinumang nagpupungos sa akin, naglalantad sa mga kahiya-hiyang sikreto ko, nagpapatalsik sa akin sa sambahayan ng diyos, o aagaw sa aking parte ng mga pagpapala, hinding-hindi ko siya tatantanan. Ganyan ako sa sekular na mundo: Walang nangangahas na bigyan ako ng problema. Hindi pa ipinapanganak ang taong mangangahas na abalahin ako!” Ito ang mga uri ng walang awang salita na ibinubulalas ng mga anticristo kapag nahaharap sila sa pagpupungos. Kapag ibinubulalas nila ang mga walang awang salitang ito, hindi ito para takutin ang iba, at hindi rin sila nagbubulalas para protektahan ang sarili nila. Tunay na may kakayahan silang gumawa ng kasamaan, at magpapakababa sila para makuha ang gusto nila. Ito ang malupit na disposisyon ng mga anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)

Kinakamkam ng mga anticristo ang lahat ng bagay mula sa sambahayan ng Diyos at ang pag-aari ng iglesia, at itinuturing ang mga ito bilang kanilang personal na pag-aari, na lahat ng ito ay sila dapat ang namamahala, at hindi nila pinapayagan ang sinumang makialam dito. Ang mga iniisip lamang nila kapag ginagawa ang gawain ng iglesia ay ang kanilang sariling mga interes, kanilang sariling katayuan, at kanilang sariling pagpapahalaga sa sarili. Hindi nila tinutulutan ang sinuman na pinsalain ang kanilang mga interes, lalo nang hindi nila tinutulutan ang sinumang may kakayahan at nagagawang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan na maging banta sa kanilang reputasyon at katayuan. Kaya naman, sinusubukan nilang supilin at ihiwalay bilang mga katunggali ang mga nagagawang magsalita ng patotoong batay sa karanasan, at kayang magbahagi tungkol sa katotohanan at magtustos para sa mga hinirang na mga tao ng Diyos, at desperado nilang tinatangkang ganap na ibukod ang mga taong iyon mula sa iba, na lubusang dungisan ang pangalan ng mga ito, at pabagsakin ang mga ito. Saka lamang mapapayapa ang mga anticristo. Kung hindi kailanman nagiging negatibo ang mga taong ito, at nagagawang patuloy na gawin ang kanilang tungkulin, nagsasalita ng kanilang patotoo, at sumusuporta sa iba, babaling ang mga anticristo sa huli nilang alas, ang hanapan ng kapintasan ang mga ito at kondenahin ang mga ito, o paratangan ang mga ito at umimbento ng mga dahilan para pahirapan at parusahan ang mga ito, hanggang sa mapaalis ang mga ito sa iglesia. Saka lamang ganap na makakahinga nang maluwag ang mga anticristo. Ito ang pinakamapaminsala at pinakamalisyoso tungkol sa mga anticristo. Ang pinakanagdudulot sa kanila ng takot at pagkabalisa ay ang mga taong naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng tunay na patotoong batay sa karanasan, dahil ang mga taong may gayong patotoo ay ang mga taong pinakasinasang-ayunan at sinusuportahan ng mga hinirang na mga tao ng Diyos, sa halip na ang mga daldal nang daldal nang walang kabuluhan tungkol sa mga salita at doktrina. Ang mga anticristo ay walang tunay na patotoong batay sa karanasan, ni wala silang kakayahang isagawa ang katotohanan; ang pinakakaya nila ay gawin ang ilang mabuting gawa para magpalakas sa mga tao. Ngunit gaano man karaming mabuting gawa ang ginagawa nila o gaano karaming magandang pakinggan na bagay ang sinasabi nila, hindi pa rin ito maikukumpara sa mga pakinabang at bentaheng maaaring idulot sa mga tao ng isang magandang patotoong batay sa karanasan. Walang makakapalit sa mga epekto ng pagtutustos at pagdidilig na naibibigay sa mga hinirang na mga tao ng Diyos ng mga taong nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Kaya nga, kapag nakikita ng mga anticristo ang isang tao na nagsasalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan, nagiging matalim ang tingin nila. Nag-aapoy ang galit sa puso nila, umuusbong ang pagkamuhi, at hindi sila makapaghintay na patahimikin ang nagsasalita at pigilan siyang magsalita pa. Kung patuloy itong magsasalita, lubos na masisira ang reputasyon ng mga anticristo, lubos na malalantad sa lahat ang kanilang pangit na hitsura, kaya humahanap ng dahilan ang mga anticristo para guluhin ang taong nagsasabi ng patotoo, at supilin ito. Pinahihintulutan lamang ng mga anticristo ang kanilang sarili na ilihis ang mga tao gamit ang mga salita at doktrina; at hindi nila pinapayagan ang mga hinirang na mga tao ng Diyos na luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasalita ng kanilang patotoong batay sa karanasan, na nagpapahiwatig kung anong uri ng mga tao ang pinakakinamumuhian at kinatatakutan ng mga anticristo. Kapag napapangibabaw ng isang tao ang kanyang sarili dahil sa isang maliit na gawain, o kapag nagagawa ng isang taong magsalita ng tunay na patotoong batay sa karanasan, at nakakatanggap ng mga pakinabang, napapatibay, at nasusuportahan mula rito ang mga hinirang na mga tao ng Diyos, at nakatatanggap ito ng malaking papuri mula sa lahat, nabubuo ang inggit at poot sa puso ng mga anticristo, at sinusubukan nilang ihiwalay at supilin ang taong ito. Anuman ang sitwasyon, hinding-hindi nila tinutulutan ang gayong mga tao na gumawa ng anumang gawain, upang hindi maging banta ang mga ito sa kanilang katayuan. Napapalutang at nabibigyang-diin ng mga taong may katotohanang prinsipyo ang kahirapan, kasamaan, kapangitan, at kabuktutan ng mga anticristo kapag nasa presensya nila ang mga ito, kaya kapag pumipili ng katuwang o katrabaho ang mga anticristo, hindi ito kailanman pumipili ng isang taong may katotohanang realidad, hindi siya kailanman pumipili ng mga taong kayang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan, at hindi ito kailanman pumipili ng mga taong matapat o mga taong nakapagsasagawa ng katotohanan. Ito ang mga taong pinakakinaiinggitan at kinapopootan ng mga anticristo, at sila ay tinik sa tagiliran ng mga anticristo. Gaano man karami ang ginagawa na mabuti o kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos ng mga taong ito na nagsasagawa sa katotohanan, magsisikap nang husto ang mga anticristo upang takpan ang mga gawa na ito. Babaluktutin pa nila ang mga katunayan upang angkinin ang papuri para sa magagandang bagay habang ipinapasa ang sisi para sa masasamang bagay sa iba, para maitaas nila ang kanilang sarili at maliitin ang iba. Malaki ang inggit at pagkamuhi ng mga anticristo sa mga naghahangad sa katotohanan at nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Natatakot sila na magiging banta ang mga taong ito sa sarili nilang katayuan, kaya nga ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para atakihin at ibukod ang mga ito. Pinagbabawalan nila ang mga kapatid na makipag-ugnayan sa mga ito o lumapit sa mga ito, o suportahan o purihin ang mga taong ito na nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Ito ang pinakanagbubunyag sa satanikong kalikasan ng mga anticristo, na tutol sa katotohanan at namumuhi sa Diyos. Kaya nga, pinatutunayan din nito na ang mga anticristo ay masasamang puwersa na salungat sa iglesia, na sila ang dapat sisihin sa panggugulo sa gawain ng iglesia at paghadlang sa kalooban ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)

Sa sandaling mapalitan o matiwalag ang mga anticristo, hindi na sila nagtitimpi at malaya silang nagrereklamo, at nalalantad ang malademonyo nilang katangian. Anong malademonyong katangian ang nalalantad? Dati, talagang hindi nila ginampanan ang mga tungkulin nila para maghangad sa katotohanan at magkamit ng kaligtasan, kundi para magkamit ng mga pagpapala, at sinasabi nila ngayon ang katotohanan tungkol dito at ibinubunyag ang totoong sitwasyon. Sinasabi nila: “Kung hindi ako nagsisikap na makapasok sa kaharian ng langit o makakuha ng mga pagpapala at dakilang kaluwalhatian kalaunan, makikisalamuha ba ako sa mga taong tulad ninyo na mas mababa pa kaysa sa dumi? Karapat-dapat ba kayo sa presensiya ko? Hindi ninyo ako sinasanay o binibigyan ng mataas na ranggo, at gusto ninyo akong itiwalag. Balang araw, ipapakita ko sa iyo na may kabayaran ang pagtitiwalag mo sa akin, at ipapakita ko ang mga kahihinatnan na pagdurusahan mo dahil dito!” Ipinapakalat ng mga anticristo ang mga ideyang ito, at lumalabas mula sa kanila ang mga maladiyablong salitang ito. Kapag hindi na sila makapagtimpi, nalalantad ang mapaminsala nilang kalikasan at malupit na disposisyon, at nagsisimula silang magpakalat ng mga kuru-kuro. Nagsisimula rin silang hikayatin ang mga bagong mananampalataya, na may medyo mababang tayog at walang pagkilatis, na hindi naghahangad sa katotohanan, at madalas na negatibo at mahina, at hinihikayat din nila ang mga palaging pabasta-basta sa mga tungkulin nila at hindi tunay na nananampalataya sa Diyos. Gaya ng sinabi nila mismo, “Kung ititiwalag mo ako, isasama ko sa pagbagsak ko ang ibang tao!” Hindi ba’t nabubunyag ang sataniko nilang kalikasan? Gagawin ba ito ng mga normal na tao? Sa pangkalahatan, nalulungkot at nasasaktan lang ang mga taong may mga tiwaling disposisyon kapag tinatanggal sila, naniniwala na wala na silang pag-asa, pero dahil sa konsensiya nila ay naiisip nila: “Kasalanan namin ito, hindi namin natupad ang mga tungkulin namin. Sa hinaharap, magsusumikap akong maging mas mahusay, at ang Diyos na ang bahala kung paano Niya ako tatratuhin at kung ano ang mga pagpapasya Niya para sa akin. Walang karapatan ang mga tao na humingi ng anuman sa Diyos. Hindi ba’t nakabatay sa mga pagpapamalas ng mga tao ang mga kilos ng Diyos? Kung tumatahak ang isang tao sa maling landas, nararapat lamang siyang disiplinahin at ituwid, walang duda rito. Ngayon, ang nakakalungkot ay mahina ang kakayahan ko at hindi ko matugunan ang mga layunin ng Diyos, at hindi ko nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at kumikilos ako nang arbitraryo at sutil batay sa mga tiwaling disposisyon ko. Nararapat lang na itiwalag ako, pero umaasa ako na magkakaroon ako ng pagkakataong makabawi sa hinaharap!” Ang mga taong may maliit na konsensiya ay tatahak sa isang landas gaya nito. Pinipili nilang ikonsidera ang isyu sa ganitong paraan, at sa huli, pinipili rin nilang lutasin ang isyu sa ganitong paraan. Siyempre, hindi marami ang mga elemento ng pagsasagawa sa katotohanan sa loob nito, pero dahil mayroong konsensiya ang mga taong ito, hindi sila aabot sa puntong lalabanan nila ang Diyos, lalapastanganin ang Diyos, o sasalungatin ang Diyos. Pero hindi ganoon ang mga anticristo. Dahil mayroon silang malupit na kalikasan, likas silang antagonistiko sa Diyos. Kapag may banta sa mga kinabukasan at kapalaran nila o kapag inalis ang mga ito, kapag wala silang makitang anumang pag-asa na mabuhay, pinipili nilang magpakalat ng mga kuru-kuro, husgahan ang gawain ng Diyos, at udyukan ang mga hindi mananampalatayang kakampi nila na guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos kasama nila. Tumatanggi pa nga silang panagutan ang anumang dati nilang maling gawa at mga pagsalangsang, pati na ang anumang kawalang idinulot nila sa gawain o ari-arian ng sambahayan ng Diyos. Kapag pinangangasiwaan at itinitiwalag sila ng sambahayan ng Diyos, sinasabi nila ang isang pangungusap na pinakamadalas na sinasabi ng mga anticristo. Ano ito? (Kung hindi ako papanatilihin sa lugar na ito, may puwang para sa akin sa ibang lugar.) Hindi ba’t isa rin itong maladiyablong pangungusap? Isa itong bagay na hindi kayang sabihin ng isang taong may normal na pagkatao, may pakiramdam ng kahihiyan, at may konsensiya. Tinatawag natin ang mga ito na mga maladiyablong salita. Ang mga ito ay iba’t ibang pagpapamalas ng malulupit na disposisyon na ibinubunyag ng mga anticristo kapag pinupungusan sila, at nararamdaman nila na nanganganib ang katayuan at reputasyon nila, na may banta sa katayuan at katanyagan nila, at lalo na, malapit na silang pagkaitan ng mga kinabukasan at kapalaran nila; kasabay nito, nalalantad ang kanilang hindi mananampalatayang diwa.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikawalong Bahagi)

Kahit paano man sila sinusubukan, ang katapatan ng mga taong nasa puso nila ang Diyos ay nananatiling hindi nagbabago; ngunit para sa mga taong walang Diyos sa kanilang puso, sa sandaling ang gawain ng Diyos ay hindi kapaki-pakinabang sa kanilang laman, binabago nila ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos, at nililisan pa ang Diyos. Ganoon ang mga hindi maninindigan sa katapusan, na naghahanap lamang ng mga pagpapala ng Diyos at walang pagnanais na gumugol ng kanilang mga sarili para sa Diyos at ialay ang kanilang mga sarili sa Kanya. Ang uring ito ng mga hamak na tao ay patatalsikin lahat kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi sila karapat-dapat sa kahit na anong awa. Yaong mga walang pagkatao ay walang kakayahang mahalin ang Diyos nang tunay. Kapag ang paligid ay tiwasay at ligtas, o may pakinabang na matatamo, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang ninanais ay nalagay sa alanganin o hindi nila nakuha, ay agad silang naghihimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, maaari silang magbago mula sa isang nakangiti at “mabait” na tao tungo sa isang pangit at mabangis na mamamatay-tao, biglang itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagpala kahapon nang walang pagkatugma o kadahilanan. Kung ang mga demonyong ito ay hindi napalayas, ang mga demonyong ito na papatay nang walang kurap, hindi ba sila magiging tagong panganib? Ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi nakakamit pagkatapos ng kaganapan ng gawaing panlulupig. Kahit natapos na ang gawain ng panlulupig, ang gawain ng pagdadalisay sa tao ay hindi pa natapos; ang gayong gawain ay matatapos lamang sa sandaling ang tao ay lubusang nagawa nang dalisay, sa sandaling yaong mga tunay na nagpapasakop sa Diyos ay nagawa nang ganap, at sa sandaling yaong mga mapagpanggap na walang Diyos sa kanilang mga puso ay napaalis na. Yaong mga hindi nakalulugod sa Diyos sa huling yugto ng Kanyang gawain ay lubusang ititiwalag, at yaong mga itinitiwalag ay pag-aari ng mga diyablo. Dahil hindi nila kayang paluguran ang Diyos, sila ay suwail sa Diyos, at kahit na sumusunod ang mga taong ito sa Diyos ngayon, ito ay hindi nagpapatunay na sila ang mga mananatili sa wakas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Sa aling mga bagay ng inyong pang-araw-araw na buhay kayo mayroong takot sa Diyos na puso? At sa aling mga bagay kayo walang takot sa Diyos na puso? Nagagawa mo bang kamuhian ang isang tao kapag napapasama niya ang loob mo o naaapektuhan ang iyong mga interes? At kapag kinamumuhian mo ang isang tao, kaya mo bang parusahan siya at maghiganti? (Oo.) Kung gayon, lubha kang nakakatakot! Kung wala kang takot sa Diyos na puso, at nakagagawa ng masasamang bagay, kung gayon, napakalubha nitong masamang disposisyon mo! Ang pagmamahal at pagkamuhi ay mga bagay na dapat taglayin ng normal na pagkatao, ngunit kailangan mong makita nang malinaw ang pagkakaiba sa pagitan ng iyong minamahal at ng iyong kinamumuhian. Sa puso mo, dapat mong mahalin ang Diyos, mahalin ang katotohanan, mahalin ang mga positibong bagay, at mahalin ang iyong mga kapatid, samantalang dapat mong kamuhian si Satanas at ang mga diyablo, kamuhian ang mga negatibong bagay, kamuhian ang mga anticristo, at kamuhian ang masasamang tao. Kung nagagawa mong pigilan at gantihan ang iyong mga kapatid dahil sa galit, lubhang nakakatakot iyan, at iyan ang disposisyon ng isang masamang tao. Ang ilang tao ay mayroon lamang kapoot-poot na mga saloobin at ideya—masasamang ideya, pero hinding-hindi sila gagawa ng anumang masama. Hindi masasamang tao ang mga ito dahil kapag may nangyayari, nagagawa nilang hanapin ang katotohanan, at binibigyang-pansin nila ang mga prinsipyo sa kung paano sila umasal at humarap sa mga bagay-bagay. Kapag nakikipag-ugnayan sa iba, hindi sila humihingi sa mga ito ng labis sa nararapat; kung nakakasundo nila nang maayos ang tao, patuloy silang makikipag-ugnayan dito; kung hindi nila nakakasundo, hindi sila makikipag-ugnayan. Halos hindi ito nakakaapekto sa pagganap ng kanilang tungkulin o sa kanilang buhay pagpasok. Ang Diyos ay nasa puso nila at mayroon silang takot sa Diyos na puso. Ayaw nilang magkasala sa Diyos, at natatakot silang gawin iyon. Bagama’t maaaring magkimkim ang mga taong ito ng ilang maling saloobin at ideya, nagagawa nilang maghimagsik at abandonahin ang mga iyon. Nakakapagpigil sila sa kanilang mga kilos, at hindi bumibigkas ng isang salita na hindi naaangkop, o nagkakasala sa Diyos. Ang isang taong nagsasalita at kumikilos sa ganitong paraan ay isang taong mayroong mga prinsipyo at nagsasagawa ng katotohanan. Ang iyong personalidad ay maaaring hindi tugma sa personalidad ng ibang tao, at maaaring ayaw mo sa kanya, ngunit kapag kasama mo siyang gumagawa, nananatili kang walang pinapanigan at hindi mo ibubunton ang mga pagkadismaya mo sa paggawa ng iyong tungkulin, o ilalabas ang mga pagkadismaya mo sa mga interes ng pamilya ng Diyos; mapapangasiwaan mo ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Ano ang ipinamamalas nito? Ito ay isang pagpapamalas ng pagkakaroon ng takot sa Diyos na puso. Kung mayroon kang higit pa riyan, kapag nakita mo na may ilang kakulangan o kahinaan ang ibang tao, kahit na napasama niya ang loob mo o nagkaroon siya ng pagkiling laban sa iyo, may kakayahan ka pa ring tratuhin siya nang tama at mapagmahal siyang tulungan. Ang ibig sabihin nito ay may pagmamahal ka, na ikaw ay isang taong nagtataglay ng pagkatao, na ikaw ay isang taong mabait at kayang magsagawa ng katotohanan, na ikaw ay isang matapat na taong nagtataglay ng mga katotohanang realidad, at na ikaw ay isang taong may takot sa Diyos na puso. Kung maliit pa rin ang iyong tayog ngunit mayroon kang kahandaan, at handa kang magpunyagi para sa katotohanan, at magsikap gawin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, at nagagawa mong harapin ang mga bagay-bagay at pakitunguhan ang iba nang may prinsipyo, maituturing din ito na pagkakaroon ng takot sa Diyos na puso kahit papaano; pinakabatayan ito. Kung hindi mo man lang magawang makamit ito, at hindi magawang mapigilan ang sarili, nasa malaking panganib ka at talagang nakatatakot. Kung ikaw ay mabigyan ng posisyon, maparurusahan mo ang mga tao at mapahihirapan sila; malamang na magiging anticristo ka sa anumang sandali.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos

Ano ang pinakamalinaw na pagpapamalas ng isang taong may masamang disposisyon? Ito ay kapag nakatagpo siya ng isang taong taos-puso na madaling pag-initan at nagsimula siyang pag-initan at paglaruan ito. Ito ay karaniwang pangyayari. Kapag ang isang taong mabait kumpara sa iba ay nakakita ng isang taong taos-puso at mahina ang loob, maaawa siya rito, at kahit pa hindi niya ito kayang tulungan, hindi niya ito aapihin. Kapag nakita mong ang isa sa mga kapatid mo ay taos-puso, paano mo siya tinatrato? Inaapi mo ba siya o tinutukso siya? (Malamang ay hahamakin ko siya.) Ang paghamak sa mga tao ay isang paraan ng pagtingin sa kanila, ng pagturing sa kanila, isang uri ng mentalidad, pero kung paano ka kumilos at magsalita sa kanila ay may kinalaman sa iyong disposisyon. Sabihin ninyo sa Akin, paano kayo kumilos tungo sa mga taong mahiyain at mahina ang loob? (Inuutus-utusan ko sila at pinag-iinitan.) (Kapag nakikita kong mali ang paggawa nila sa tungkulin nila, dinidiskrimina at ibinubukod ko sila.) Ang mga nabanggit mong ito ay mga pagpapamalas ng isang masamang disposisyon at may kinalaman sa mga disposisyon ng mga tao. Marami pang ibang ganitong bagay, kaya hindi na kailangan pang idetalye ang mga ito. Nakatagpo na ba kayo ng gayong tao, isang taong gustong mamatay ang sinumang nakapagpasama ng loob niya, at nanalangin pa nga sa Diyos, hiniling sa Diyos na isumpa ang taong iyon, na burahin ang taong iyon sa balat ng lupa? Bagamat walang taong may gayong kapangyarihan, sa puso niya ay iniisip niya kung gaano sana kaganda kung nagkagayon nga, o kaya ay nananalangin sila sa Diyos at hinihiling na ang Diyos ang gumawa nito. Mayroon ba kayong mga gayong kaisipan sa inyong puso? (Kapag nagpapalaganap kami ng ebanghelyo at nakatatagpo kami ng masasamang tao na inaatake kami at isinusumbong kami sa mga pulis, namumuhi ako sa kanila, at may mga naiisip ako gaya ng “darating ang araw na parurusahan kayo ng Diyos.”) Obhetibo naman ang kasong iyan. Inatake ka, nagdusa ka, nasaktan ka, ganap na niyurakan ang iyong personal na integridad at respeto sa sarili—sa gayong mga sitwasyon, ang karamihan ng tao ay mahihirapang malampasan iyan. (Nagpapakalat ng tsismis online ang ibang tao tungkol sa ating iglesia, marami silang ginagawang paratang, at talagang nagagalit ako kapag nababasa ko ang mga ito, at may matinding pagkamuhi sa puso ko.) Ito ba ay pagiging masama, o pagiging mainitin ang ulo, o normal na pagkatao? (Ito ay normal na pagkatao. Ang hindi pagkamuhi sa mga demonyo at sa mga kaaway ng Diyos ay hindi normal na pagkatao.) Tama iyan. Ito ang pagbubunyag, pagpapamalas, at pagtugon ng normal na pagkatao. Kung hindi kinamumuhian ng mga tao ang mga negatibong bagay o hindi minamahal ang mga positibong bagay, kung wala silang pamantayan ng konsensiya, hindi sila mga tao. Sa mga sitwasyong ito, anu-anong pagkilos ang puwedeng gawin ng isang tao na maaaring maging isang masamang disposisyon? Kung ang pagkamuhi at pagkasuklam na ito ay magiging isang uri ng pag-uugali, kung ganap kang mawawalan ng katwiran, at kung kalabisan na para sa sangkatauhan ang iyong mga kilos, kung may tendensiya ka pang makapatay at makalabag ng batas, ito ay pagiging masama, ito ay pagkilos nang mainit ang ulo. Kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at kaya nilang kumilatis ng masasamang tao, at namumuhi sila sa kasamaan, ito ay normal na pagkatao. Pero kung hinaharap ng mga tao ang mga bagay-bagay nang mainit ang kanilang ulo, kumikilos sila nang walang mga prinsipyo. Naiiba ba ito sa paggawa ng kasamaan? (Oo.) Mayroong pagkakaiba. Kung ang isang tao ay labis na makasalanan, labis na malupit, labis na masama, labis na imoral, at nakadarama ka ng matinding pagkasuklam sa kanya, at umaabot ang pagkasuklam na ito sa puntong hinihiling mo sa Diyos na isumpa ang taong ito, ayos lang ito. Pero ayos lang ba kung hindi kumilos ang Diyos matapos mong magdasal nang dalawa o tatlong beses at ikaw na mismo ang gumawa ng aksyon? (Hindi.) Puwede kang magdasal sa Diyos at magpahayag ng iyong mga pananaw at opinyon, at pagkatapos ay maghanap ng mga katotohanang prinsipyo, upang magawa mong harapin nang tama ang mga bagay-bagay. Pero hindi ka dapat gumiit sa Diyos o subukang pilitin ang Diyos na maghiganti para sa iyo, lalo nang hindi mo dapat hayaan na makagawa ka ng mga hangal na bagay dahil sa init ng iyong ulo. Dapat mong harapin ang usapin nang makatwiran. Dapat kang maging mapagpasensya, hintayin mo ang oras ng Diyos, at mas gumugol ka pa ng oras sa pananalangin sa Diyos. Tingnan mo kung paano kumilos nang may karunungan ang Diyos tungo kay Satanas at sa mga diyablo, at sa ganitong paraan, maaari kang maging mapagpasensya. Ang pagiging makatwiran ay nangangahulugan na ipagkatiwala ang lahat ng ito sa Diyos at hayaan ang Diyos na kumilos. Ito ang dapat gawin ng isang nilikha. Huwag kang kumilos nang dahil sa init ng ulo. Ang pagkilos nang dahil sa init ng ulo ay hindi katanggap-tanggap sa Diyos, ito ay kinokondena ng Diyos. Sa gayong mga pagkakataon, ang disposisyong nabubunyag sa mga tao ay hindi kahinaan ng tao o galit na lilipas din, kundi ito ay isang masamang disposisyon. Sa sandaling matukoy na ito ay isang masamang disposisyon, nasa panganib ka, at malamang na hindi ka maligtas. Iyan ay dahil kapag may masasamang disposisyon ang mga tao, malamang na kumilos sila nang labag sa konsensiya at katwiran, at talagang malamang na labagin nila ang batas, at labagin ang mga atas administratibo ng Diyos. Kaya, paano ito maiiwasan? Sa pinakamababa, mayroong tatlong pulang linya na hindi dapat lampasan: Ang una ay ang hindi paggawa ng mga bagay na labag sa konsensiya at katwiran, ang ikalawa ay ang hindi paglabag sa batas, at ang ikatlo ay ang hindi paglabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Bukod pa riyan, huwag kayong gumawa ng anumang bagay na sukdulan o makagugulo sa gawain ng iglesia. Kung susundin ninyo ang mga prinsipyong ito, kahit papaano ay matitiyak na ligtas kayo, at hindi kayo ititiwalag. Kung malupit kayong lalaban kapag pinupungusan kayo dahil gumawa kayo ng lahat ng uri ng kasamaan, mas mapanganib pa iyan. Malamang ay direkta ninyong masalungat ang disposisyon ng Diyos at mapaalis o mapatalsik kayo sa iglesia. Ang parusa sa pagsalungat sa disposisyon ng Diyos ay higit na mas matindi kaysa sa paglabag sa batas—isa itong kapalarang mas masaklap pa kaysa sa kamatayan. Ang pinakamatinding kahihinatnan ng paglabag sa batas ay ang masentensyahan ng pagkakulong; ilang taon kang maghihirap at pagkatapos ay malaya ka na, iyon na iyon. Pero kung sasalungatin mo ang disposisyon ng Diyos, magdurusa ka ng walang hanggang kaparusahan. Kaya, kung walang katwiran ang mga taong may masasamang disposisyon, labis silang nasa panganib, malamang ay makagawa sila ng kasamaan, at tiyak na sila ay mahaharap sa kaparusahan at pagganti. Kung may kaunting katwiran ang mga tao, kung kaya nilang hanapin ang katotohanan at magpasakop dito, at kaya nilang umiwas sa paggawa ng labis na kasamaan, ganap silang may pag-asang maligtas. Napakahalaga para sa isang tao na magkaroon ng rasyonalidad at katwiran. Malamang na tatanggapin ng isang makatwirang tao ang katotohanan at haharapin niya nang tama ang pagpupungos. Ang isang taong walang katwiran ay nanganganib kapag pinungusan siya. Ipagpalagay, halimbawa, na galit na galit ang isang tao matapos siyang pungusan ng isang lider. Gusto niyang magpakalat ng mga tsismis at atakihin ang lider, pero hindi siya nangangahas dahil takot siyang magsanhi ng gulo. Subalit, umiiral na ang gayong disposisyon sa puso niya, at mahirap sabihin kung gagawin nga niya ito o hindi. Hangga’t nasa puso ng isang tao ang ganitong uri ng disposisyon, hangga’t umiiral ang mga kaisipang ito, bagamat maaaring hindi niya talaga ito gawin, nasa panganib na siya. Kapag tinutulutan ng sitwasyon—kapag nagkaroon siya ng pagkakataon—baka gawin nga niya ito. Hangga’t umiiral ang kanyang masamang disposisyon, kung hindi ito malulutas, sa malao’t madali ay gagawa ng kasamaan ang taong ito. Kaya, anu-ano pang ibang sitwasyon ang naroroon kung saan nabubunyag ang masamang disposisyon ng isang tao? Sabihin ninyo sa Akin. (Naging pabasta-basta ako sa aking tungkulin at hindi ako nagtamo ng anumang resulta, at pagkatapos ay pinalitan ako ng lider nang ayon sa mga prinsipyo, at medyo nakaramdam ako ng paglaban. Pagkatapos, nang makita ko na nagbunyag siya ng isang tiwaling disposisyon, naisip kong sumulat ng liham para isumbong siya.) Nagmumula ba sa kawalan ang ideyang ito? Hinding-hindi. Iniluwal ito ng iyong kalikasan. Sa malao’t madali, nabubunyag ang mga bagay na nasa mga kalikasan ng mga tao, hindi masasabi kung sa anong sitwasyon o konteksto mabubunyag at magagawa ang mga ito. Kung minsan ay walang ginagawa ang mga tao, pero iyon ay dahil hindi tinutulutan ng sitwasyon. Subalit, kung siya ay isang taong hinahangad ang katotohanan, magagawa niyang hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Kung hindi siya isang taong hinahangad ang katotohanan, gagawin niya ang gusto niya, at sa sandaling tulutan na ng sitwasyon, gagawa siya ng kasamaan. Kaya, kung hindi malulutas ang isang tiwaling disposisyon, malamang talaga na malalagay sa gulo ang mga tao, kung magkaganito ay kakailanganin nilang anihin ang kanilang itinanim. Hindi hinahangad ng ilang tao ang katotohanan at palagi silang pabasta-basta sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Hindi nila tinatanggap kapag pinupungusan sila, hindi sila kailanman nagsisisi, at kalaunan ay ibinubukod sila para makapagnilay sila. Pinaaalis sa iglesia ang ilang tao dahil palagi nilang ginugulo ang buhay-iglesia at nagiging mapaminsala na sila; at pinapatalsik ang ilang tao dahil gumagawa sila ng lahat ng uri ng kasamaan. Kaya, anumang klase ng tao siya, kung madalas na naghahayag ng tiwaling disposisyon ang isang tao at hindi niya hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, malamang na makagawa siya ng masama. Ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan ay hindi lamang binubuo ng pagiging mapagmataas, kundi pati ng kabuktutan at kasamaan. Ang pagiging mapagmataas at ang pagiging masama ay mga karaniwang katangian lamang ng tiwaling disposisyon.

Kaya, paano dapat lutasin ang problemang ito ng pagbubunyag ng isang masamang disposisyon? Dapat kilalanin ng mga tao kung ano ang kanilang tiwaling disposisyon. Ang disposisyon ng ilang tao ay partikular na masama, malisyoso, at mapagmataas, at sila ay ganap na walang prinsipyo. Ito ang kalikasan ng masasamang tao, at ang mga taong ito ang pinakamapanganib sa lahat. Kapag may kapangyarihan ang mga gayong tao, may kapangyarihan ang diyablo, may kapangyarihan ang mga Satanas. Sa sambahayan ng Diyos, ang lahat ng masamang tao ay ibinubunyag at itinitiwalag dahil sa paggawa nila ng lahat ng uri ng masamang gawa. Kapag sinubukan mong ibahagi ang katotohanan sa masasamang tao, o pungusan sila, malaki ang tsansa na aatakihin ka nila, o huhusgahan ka nila, o na paghihigantihan ka pa nga nila, na pawang bunga ng pagiging napakamalisyoso ng kanilang mga disposisyon. Ang totoo ay napakakaraniwan nito. Halimbawa, maaaring may dalawang taong labis na nagkakasundo, na labis na mapagsaalang-alang at maunawain sa isa’t isa—pero sa huli ay hindi sila nagkakasundo sa isang bagay na may kinalaman sa kanilang mga interes, at pinuputol nila ang ugnayan nila sa isa’t isa. Ang ilang tao ay nagiging magkaaway pa nga at sinusubukang maghiganti sa isa’t isa. Lahat sila ay lubhang masama. Pagdating sa paggawa ng mga tao ng kanilang tungkulin, napansin ba ninyo kung alin sa mga napamamalas at nabubunyag sa kanila ang napapaloob sa isang masamang disposisyon? Tiyak na umiiral ang mga bagay na ito, at kailangan ninyong tukuyin ang mga ito. Matutulungan kayo nito na makilatis at makilala ang mga bagay na ito. Kung hindi ninyo alam kung paano tukuyin at kilatisin ang mga ito, hindi kayo kailanman makakakilatis ng masasamang tao. Matapos na malihis ng mga anticristo at mapasailalim sa kanilang kontrol, napipinsala ang buhay ng ilang tao, at saka lang nila nalalaman kung ano ba ang isang anticristo, at kung ano ba ang isang masamang disposisyon. Masyadong mababaw ang inyong pagkaunawa sa katotohanan. Ang inyong pagkaunawa sa karamihan ng mga katotohanan ay hanggang sa nabibigkas o nasusulat na antas lamang, o mga salita at doktrina lang ang nauunawaan ninyo, at hinding-hindi tumutugma ang mga ito sa realidad. Matapos makarinig ng maraming sermon, tila mayroong pagkaunawa at kaliwanagan sa inyong puso; pero kapag nahaharap sa realidad, hindi pa rin ninyo makilatis kung ano ba talaga ang mga bagay-bagay. Alam ninyong lahat sa teorya kung ano ang mga pagpapamalas ng isang anticristo, pero kapag nasilayan na ninyo ang isang tunay na anticristo, hindi ninyo siya makilatis bilang isang anticristo. Ito ay dahil masyado pang kakaunti ang inyong karanasan. Kapag mas marami na ang iyong karanasan, kapag sapat ka nang napinsala ng mga anticristo, tunay mo nang makikilatis kung ano ba talaga sila. Sa kasalukuyan, bagamat karamihan ng tao ay masinsinang nakikinig sa mga sermon sa mga pagtitipon, at nais nilang pagsikapan ang katotohanan, sa sandaling marinig na nila ang sermon, ang literal na kahulugan lamang ang nauunawaan nila, hindi nila malagpasan ang teoretikal na antas, at hindi nila magawang maranasan ang praktikal na aspekto ng katotohanan. Kaya, napakababaw lang ng kanilang pagpasok sa katotohanang realidad, na nangangahulugang wala silang pagkilatis sa masasamang tao at sa mga anticristo. Ang mga anticristo ay mayroong diwa ng masasamang tao, pero maliban sa mga anticristo at masasamang tao, hindi ba’t may masasamang disposisyon ang ibang tao? Ang totoo, walang mabubuting tao. Kapag walang problema, puro sila nakangiti, pero kapag nahaharap sila sa isang bagay na nakapipinsala sa sarili nilang mga interes, sumasama sila. Isa itong masamang disposisyon. Ang masamang disposisyong ito ay maaaring mabunyag anumang oras; hindi ito sinasadya. Kaya ano ba mismo ang nangyayari dito? Isa ba itong usapin ng pagiging sinasaniban ng masasamang espiritu? Isa ba itong usapin ng malademonyong reinkarnasyon? Kung ito ay alinman sa dalawang ito, taglay ng taong iyon ang diwa ng isang masamang tao at hindi na siya matutulungan pa. Kung ang diwa niya ay hindi sa isang masamang tao, at ang taglay lamang niya ay ang tiwaling disposisyong ito, hindi pa nakamamatay ang kondisyon niya, at kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan, mayroon pa siyang pag-asang maligtas. Kaya paano malulutas ang isang masama at tiwaling disposisyon? Una, kailangan mong madalas na manalangin kapag nahaharap ka sa mga usapin at pagnilayan mo ang mga motibasyon at pagnanais mo. Kailangan mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at ayusin ang iyong pag-uugali. Bukod pa roon, kailangan ay hindi ka magbunyag ng anumang masamang salita o pag-uugali. Kung matanto ng isang tao na siya ay may mga maling layunin at may malisya sa kanyang puso, na gusto niyang gumawa ng masasamang bagay, kailangan niyang hanapin ang katotohanan para lutasin ito, kailangan niyang hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos upang maunawaan at malutas ang usaping ito, kailangan niyang manalangin sa Diyos, hingin ang proteksyon ng Diyos, mangako sa Diyos, at kailangan niyang isumpa ang kanyang sarili kapag hindi niya tinatanggap ang katotohanan at kapag gumagawa siya ng kasamaan. Ang pakikipagbahaginan sa Diyos sa ganitong paraan ay nagbibigay ng proteksyon at pinipigilan ang isang tao na gumawa ng kasamaan. Kung may nangyari sa isang tao at lumitaw ang masasamang layunin, pero hindi niya ito pinansin, at hinayaan lang niyang mangyari ang mga bagay-bagay, o binalewala niya na ganito siya dapat kumilos, isa siyang masamang tao, at hindi siya isang taong tapat na nananalig sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan. Gusto pa rin ng gayong tao na manalig sa Diyos at sumunod sa Diyos, at na mapagpala at makapasok sa kaharian ng langit—posible ba iyon? Nananaginip siya nang gising.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Mga Aral na Natutunan Mula sa Pag-atake sa Iba Bilang Paghihiganti

Natutunan kong Tratuhin nang Patas ang mga Tao

Paano Ko Isinantabi ang Naramdaman Kong Poot

Sinundan: 27. Paano lutasin ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan

Sumunod: 29. Paano lutasin ang isang masamang disposisyon

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 17: Pinatotohanan n’yo na ang Makapangyarihang Diyos ang Diyos ng mga huling araw na nagpapakita at gumagawa, at sinabi n’yo ring naghahanap ng katotohanan ang paniniwala n’yo sa Kanya, at tinatahak n’yo ang tamang daan ng buhay. Pero sa pagkakaalam ko, marami sa mga naniniwala sa Kanya sa Makapangyarihang Diyos ay katulad ng mga misyonaryo ni Jesus, na sa layunin ng pagpapakalat ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos, ay hindi nag-alinlangang iwan ang pamilya at propesyon, at ibinigay ang katawan at kaluluwa sa Diyos. Sa kanilang lahat marami sa mga kabataan ang hindi nagpapakasal, ginagawa nila ang tungkulin nila sa pagsunod kay Cristo ng mga huling araw. Hindi n’yo yata alam na, dahil iniiwan n’yo ang pamilya n’yo at kumikilos para ikalat ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos, lalong dumarami ang mga taong naniniwala sa Diyos. Kapag ang lahat ng tao ay napalapit na sa Diyos, sino pang maniniwala sa Partido Komunista, at susunod sa kanila? Malinaw na dahil dito, pinipigilan kayo at inaaresto ng gobyerno. May nakikita ba kayong mali rito? Dahil naniniwala kayo sa Diyos sa ganitong paraan kaya maraming tao ang inaresto at sinintesyahang makulong, at marami ang umalis ng bahay at lumikas. Maraming mag-asawa ang nagdiborsyo, at maraming bata ang walang mga magulang na, magmamahal sa kanila. Maraming matatanda ang walang karamay para mag-alaga sa kanila. Sa paniniwala sa Diyos sa ganitong paraan, dinanas ng mga pamilya ninyo ang matinding paghihirap. Ano ba talagang gusto ninyong makamit? Hindi kaya ito ang tamang daan para sa buhay ng tao na sinasabi n’yo? Ang tradisyunal na kultura ng Tsina ay nagbibigay ng higit na pagpapahalaga sa kabanalan ng pamilya. Ayon sa kasabihan: “Sa lahat ng kabutihan, ang paggalang ng anak sa magulang ang pinakamahalaga.” Sabi ni Confucius: “Habang buhay pa ang mga magulang n’yo, huwag kayong maglalakbay nang malayo.” Ang pagrespeto sa mga magulang ang pundasyon ng pag-uugali ng tao. Sa paniniwala at pagsunod sa Diyos sa paraang ginagawa n’yo, hindi nyo magawang alagaan kahit na ang mga magulang n’yong nagbigay-buhay at nag-aruga sa inyo, pa’no ito naituring na tamang daan para sa buhay ng tao? Madalas kong marinig sa mga tao na, mabubuti ang lahat ng sumasampalataya. Hindi mali yon. Pero naniniwala kayong lahat sa Diyos, sumasamba at nagtatanghal sa Kanya bilang dakila. Ito ang dahilan para magpuyos sa galit ang Partido Komunista, at mapuno ng pagkamuhi. Ginagawa n’yo ang tungkulin n’yo para maikalat ang ebanghelyo, pero ni hindi n’yo maalagaan ang mga sarili n’yong pamilya. Paano ito maituturing na kagandahang asal? Anong masasabi n’yo? Posible kaya na kahit hindi nakikita ay nagkamali kayo ng tinahak na daan sa paniniwala sa Diyos? Sa pagpapakalat ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos sa ganitong paraan, hindi ba’t sinisira n’yo ang pagkakaisa at katatagan ng lipunan? Nakikiusap ako sa inyo na itigil n’yo na ang paggawa ng mali. Bumalik na kayo sa lipunan sa lalong madaling panahon, samahan n’yo na ang pamilya n’yo, magkaro’n ng normal na buhay, at alagaang mabuti ang inyong pamilya. Dapat n’yong gawin ang tungkulin n’yo bilang mga anak at magulang. Ito lang ang pundasyon sa pag-uugali ng tao, at ito lang ang pinakapraktikal.

Sagot: Paulit-ulit mong sinasabi na maling daan ang tinahak namin sa paglisan sa mga pamilya at propisyon namin para maniwala sa Diyos at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito