27. Paano lutasin ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang pagiging tutol sa katotohanan ay pangunahing tumutukoy sa kawalan ng interes at pagkasuklam sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Ang pagiging tutol sa katotohanan ay kapag kaya ng mga taong maunawaan ang katotohanan at malaman kung ano ang mga positibong bagay, pero tinatrato pa rin nila ang katotohanan at ang mga positibong bagay nang may saloobin at kalagayan na palaban, pabasta-basta, nasusuklam, umiiwas, at walang pakialam. Ito ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Umiiral ba ang ganitong uri ng disposisyon sa lahat ng tao? Sinasabi ng ilang tao, “Bagamat alam kong ang salita ng Diyos ang katotohanan, hindi ko pa rin ito gusto o tanggap, o kahit papaano ay hindi ko ito kayang tanggapin sa ngayon.” Ano ang nangyayari dito? Ito ay pagiging tutol sa katotohanan. Hindi sila tinutulutan ng disposisyong nasa loob nila na tanggapin ang katotohanan. Anu-anong partikular na pagpapamalas ang nasa hindi pagtanggap sa katotohanan? Sinasabi ng ilan, “Nauunawaan ko ang lahat ng katotohanan, pero hindi ko lang talaga maisagawa ang mga ito.” Ibinubunyag nito na ito ay isang taong tutol sa katotohanan, at na hindi niya minamahal ang katotohanan, kaya hindi niya maisagawa ang anumang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos kung kaya’t nagawa kong kumita ng napakaraming pera. Talagang pinagpala ako ng Diyos, talagang naging napakabuti sa akin ng Diyos, binigyan ako ng Diyos ng malaking kayamanan. Nakapagdadamit nang maganda at nakakakaing mabuti ang aking buong pamilya, at hindi sila kinakapos sa mga damit o pagkain.” Dahil pinagpala sila ng Diyos, pinasasalamatan ng mga taong ito ang Diyos sa puso nila, alam nila na ang lahat ng ito ay pinaghaharian ng Diyos, at na kung hindi sila pinagpala ng Diyos—kung umasa sila sa sarili nilang mga talento—hinding-hindi nila kikitain ang lahat ng perang ito. Ito ang talagang iniisip nila sa puso nila, ang talagang nalalaman nila, at talagang nagpapasalamat sila sa Diyos. Pero darating ang araw na babagsak ang negosyo nila, mahihirapan sila, at daranasin nila ang kahirapan. Bakit ganito? Dahil sakim sila sa kaginhawahan, at hindi nila iniisip kung paano maayos na gagampanan ang kanilang tungkulin, at iginugugol nila ang lahat ng kanilang oras sa paghahangad ng mga kayamanan, pagiging alipin ng pera, na nakaaapekto sa pagganap nila ng kanilang tungkulin, kung kaya’t inaalis ito sa kanila ng Diyos. Sa puso nila, alam nilang labis silang pinagpala ng Diyos, at marami nang ibinigay sa kanila ang Diyos, pero wala silang pagnanais na suklian ang pagmamahal ng Diyos, ayaw nilang lumabas at gumawa ng kanilang tungkulin, at takot sila at palaging nangangamba na maaresto, at natatakot silang mawala ang lahat ng kayamanan at kasiyahang ito, at bilang resulta, inaalis sa kanila ng Diyos ang mga ito. Kasinglinaw ng salamin ang kanilang puso, alam nilang kinuha sa kanila ng Diyos ang mga bagay na ito, at na dinidisiplina sila ng Diyos, kaya nagdarasal sila sa Diyos at sinasabing, “O, Diyos! Pinagpala Mo ako nang minsan, kaya puwede Mo akong pagpalain nang ikalawang beses. Walang hanggan ang Iyong pag-iral, kaya ganoon din ang Iyong mga pagpapala sa sangkatauhan. Nagpapasalamat ako sa Iyo! Anuman ang mangyari, hindi magbabago ang Iyong mga pagpapala at ang Iyong pangako. Kung may kukunin Ka sa akin, magpapasakop pa rin ako.” Pero ang salitang “magpapasakop” ay hungkag na binibigkas ng bibig nila. Sinasabi ng bibig nila na kaya nilang magpasakop, pero pagkatapos, pinag-iisipan nila ito, at pakiramdam nila ay parang may mali rito: “Ang sarap ng buhay noon. Bakit kinuha ng Diyos ang lahat ng iyon? Hindi ba’t pareho lang naman ang paglalagi sa bahay habang ginagawa ang aking tungkulin at ang paglabas para gawin ang aking tungkulin? Ano ang inaantala ko?” Palagi nilang binabalik-balikan ang nakaraan. Mayroon silang reklamo at pagkadismaya sa Diyos, at palagi silang lugmok sa depresyon. Nasa puso pa ba nila ang Diyos? Ang nasa puso nila ay pera, mga materyal na kaginhawahan, at ang masasayang panahong iyon. Walang anumang puwang ang Diyos sa puso nila, hindi na Siya ang Diyos nila. Bagamat alam nilang isang katotohanan na “Nagbigay ang Diyos, at may kinuha ang Diyos,” gusto nila ang mga salitang “nagbigay ang Diyos,” at tutol sila sa mga salitang “may kinuha ang Diyos.” Malinaw na may pinipili ang pagtanggap nila sa katotohanan. Kapag pinagpapala sila ng Diyos, tinatanggap nila ito bilang ang katotohanan—pero sa sandaling may kunin sa kanila ang Diyos, hindi nila ito matanggap. Hindi nila matanggap ang gayong kataas-taasang kapangyarihan mula sa Diyos, at sa halip ay lumalaban sila at sumasama ang loob. Kapag hinihingi sa kanila na gawin nila ang tungkulin nila, sinasabi nila, “Gagawin ko iyan kung pagpapalain at bibiyayaan ako ng Diyos. Kung walang mga pagpapala ng Diyos at kung nasa ganitong lagay ng kahirapan ang pamilya ko, paano ko magagampanan ang aking tungkulin? Ayaw ko nga!” Anong disposisyon ito? Bagamat sa puso nila ay personal nilang nararanasan ang mga pagpapala ng Diyos, at kung paanong napakarami na Niyang ibinigay sa kanila, hindi nila matanggap kapag may kinukuha ang Diyos sa kanila. Bakit ganito? Dahil hindi nila mapakawalan ang pera at ang maginhawa nilang buhay. Bagamat maaaring hindi sila gaanong nagreklamo tungkol doon, maaaring hindi nila inilahad ang kanilang palad sa Diyos, at maaaring hindi nila sinubukang bawiin ang dati nilang mga pag-aari sa pamamagitan ng sarili nilang mga pagsisikap, pinanghinaan na sila ng loob sa mga ikinilos ng Diyos, ganap nilang hindi kayang tumanggap, at sinasabi nila, “Talagang walang konsiderasyon ang Diyos sa pagkilos Niya nang ganito. Hindi ito maarok. Paano ako makapagpapatuloy na manalig sa Diyos? Ayaw ko nang kilalanin na Siya ang Diyos. Kung hindi ko Siya kikilalanin na Diyos, hindi Siya ang Diyos.” Isang uri ba ito ng disposisyon? (Oo.) May ganitong uri ng disposisyon si Satanas, ganito itinatanggi ni Satanas ang Diyos. Ang ganitong uri ng disposisyon ay pagiging tutol sa katotohanan at pagkamuhi sa katotohanan. Kapag umabot na sa ganito ang pagtutol ng mga tao sa katotohanan, saan sila nito dadalhin? Dahil dito ay sinasalungat nila ang Diyos at may katigasan ng ulong sinasalungat ang Diyos hanggang sa pinakahuli—na nangangahulugang tapos na ang lahat para sa kanila.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili
Ang pinakanakikitang kalagayan ng mga taong tutol sa katotohanan ay na hindi sila interesado sa katotohanan at sa mga positibong bagay, nasusuklam at namumuhi pa nga sila sa mga ito, at gustong-gusto nilang sumunod sa mga kalakaran. Hindi nila tinatanggap sa kanilang puso ang mga bagay na minamahal ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos na gawin ng mga tao. Sa halip, wala silang pakialam at wala silang interes sa mga ito, at madalas pa ngang kinamumuhian ng ilang tao ang mga pamantayan at prinsipyong hinihingi ng Diyos sa mga tao. Nasusuklam sila sa mga positibong bagay, at palagi silang nakadarama sa puso nila ng paglaban, pagtutol, at labis na pagkasuklam sa mga ito. Ito ang pangunahing pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan. Sa buhay-iglesia, ang pagbabasa ng salita ng Diyos, pagdarasal, pagbabahaginan sa katotohanan, pagganap sa mga tungkulin, at paglutas ng mga problema gamit ang katotohanan ay pawang mga positibong bagay. Kasiya-siya ang mga ito para sa Diyos, pero ang ilang tao ay nasusuklam sa mga positibong bagay na ito, walang pakialam sa mga ito, at walang interes sa mga ito. Ang pinakanakapopoot na bahagi ay na may mapangutya silang saloobin sa mga positibong tao, gaya ng matatapat na tao, mga naghahangad sa katotohanan, mga matapat na gumaganap ng kanilang mga tungkulin, at mga pumoprotekta sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Palagi nilang sinusubukang batikusin at ibukod ang mga taong ito. Kung matuklasan nilang may mga pagkukulang o paghahayag ng katiwalian ang mga ito, sinusunggaban nila ito, gumagawa sila ng malaking gulo tungkol dito, at palagi nilang hinahamak ang mga ito dahil dito. Anong uri ng disposisyon ito? Bakit sila labis na mapanlaban sa mga positibong tao? Bakit nila labis na kinagigiliwan at pinagbibigyan ang masasamang tao, ang mga hindi mananampalataya, at ang mga anticristo, at bakit sila madalas na nagloloko kasama ang gayong mga tao? Pagdating sa mga may kinalaman sa mga negatibo at masasamang bagay, nasasabik at natutuwa sila, pero pagdating sa mga positibong bagay, nagsisimulang lumitaw sa kanilang saloobin ang paglaban; sa partikular, kapag naririnig nilang nagbabahagi ng katotohanan ang mga tao o lumulutas ng mga problema gamit ang katotohanan, may pagtutol at kawalang-kasiyahan sa kanilang puso, at naglalabas sila ng mga hinanakit. Hindi ba’t pagiging tutol sa katotohanan ang disposisyong ito? Hindi ba’t paghahayag ito ng isang tiwaling disposisyon? Maraming taong nananalig sa Diyos ang gustong gumawa ng gawain para sa Kanya at masiglang magpakaabala para sa Kanya, at pagdating sa paggamit ng kanilang mga kaloob at kalakasan, pagbibigay-layaw sa kanilang mga kagustuhan at pagpapakitang-gilas, hindi sila nauubusan ng enerhiya. Pero kung hihilingin mo sa kanila na isagawa ang katotohanan at kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, nawawalan sila ng enerhiya, at nawawalan sila ng sigla. Kapag hindi sila pinapayagang magpakitang-gilas, nawawalan sila ng gana at nasisiraan ng loob. Bakit sila may enerhiya para sa pagpapakitang-gilas? At bakit sila walang enerhiya para sa pagsasagawa ng katotohanan? Ano ang problema rito? Gusto ng lahat ng tao na maging natatangi; nagnanasa silang lahat ng hungkag na kaluwalhatian. Ang lahat ay may hindi maubos-ubos na enerhiya pagdating sa pananalig sa Diyos alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala at gantimpala, kaya bakit sila nawawalan ng gana, bakit sila nasisiraan ng loob pagdating sa pagsasagawa ng katotohanan at paghihimagsik laban sa laman? Bakit ito nangyayari? Pinatutunayan nito na may karumihan ang puso ng mga tao. Nananalig sila sa Diyos para lang magtamo ng mga pagpapala—sa madaling salita, ginagawa nila ito para makapasok sa kaharian ng langit. Kapag walang hahangaring mga pagpapala o pakinabang, nawawalan ng gana at nasisiraan ng loob ang mga tao, at wala silang kasigla-sigla. Ang lahat ng ito ay bunga ng isang tiwaling disposisyon na tutol sa katotohanan. Kapag nakokontrol ng disposisyong ito, ayaw ng mga taong piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, tinatahak nila ang sarili nilang daan, at pinipili nila ang maling landas—alam na alam naman nilang maling hangarin ang katanyagan, pakinabang, at katayuan pero hindi pa rin nila kayang mabuhay nang wala ang mga ito o na isantabi ang mga ito, at hinahangad pa rin nila ang mga ito, tinatahak ang landas ni Satanas. Sa ganitong sitwasyon, hindi ang Diyos ang sinusunod nila, kundi si Satanas. Ang lahat ng ginagawa nila ay pagseserbisyo kay Satanas, at sila ay mga alipin ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Paano pangunahing naipamamalas ang uri ng disposisyon na pagiging tutol sa katotohanan? Sa pagtangging tumanggap ng pagpupungos. Ang hindi pagtanggap na mapungusan ay isang uri ng kalagayang ipinamamalas ng ganitong uri ng disposisyon. Sa kanilang puso, partikular na palaban ang mga taong ito kapag pinupungusan sila. Iniisip nila, “Ayaw kong marinig iyan! Ayaw kong marinig iyan!” o, “Bakit hindi ibang tao ang pungusan? Bakit ako ang pinag-iinitan?” Ano ang ibig sabihin ng pagiging tutol sa katotohanan? Ang pagiging tutol sa katotohanan ay kapag ganap na walang interes ang isang tao sa anumang may kinalaman sa mga positibong bagay, sa katotohanan, sa hinihingi ng Diyos, o sa mga layunin ng Diyos. Kung minsan ay ayaw niya sa mga ito, kung minsan ay wala siyang interes sa mga ito, kung minsan ay wala siyang galang at pakialam, at itinuturing niyang hindi mahalaga ang mga ito, at siya ay walang katapatan at pabasta-basta lang sa mga ito, o hindi siya umaako ng pananagutan para sa mga ito. Ang pangunahing pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan ay hindi lamang pagkasuya kapag naririnig ng mga tao ang katotohanan. Kabilang din dito ang pag-ayaw na isagawa ang katotohanan, pag-atras kapag oras na para isagawa ang katotohanan, na para bang walang kinalaman sa kanya ang katotohanan. Kapag nagbabahagi ang ilang tao sa mga pagtitipon, tila masiglang-masigla sila, gusto nilang ulit-ulitin ang mga salita at doktrina at magsalita ng matatayog na pahayag para mailigaw at makuha ang loob ng iba. Mukha silang puno ng sigla at ganadong-ganado habang ginagawa nila ito, at patuloy silang nagsasalita nang walang katapusan. Samantala, ang iba naman ay ginugugol ang buong araw mula umaga hanggang gabi na abala sa mga bagay na may kinalaman sa pananampalataya, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagdarasal, nakikinig sa mga himno, nagtatala, na para bang hindi nila kayang mawalay sa Diyos kahit isang sandali. Mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon, nagpapakaabala sila sa pagganap ng kanilang tungkulin. Talaga bang minamahal ng mga taong ito ang katotohanan? Wala ba silang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? Kailan makikita ang tunay nilang kalagayan? (Pagdating ng oras na isasagawa na ang katotohanan, tumatakbo sila, at ayaw nilang tanggapin na mapungusan sila.) Dahil kaya ito sa hindi nila nauunawaan ang narinig nila o dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan kaya ayaw nilang tanggapin iyon? Ang kasagutan ay wala sa mga ito. Pinamamahalaan sila ng kanilang kalikasan. Isa itong problema ng disposisyon. Sa puso nila, alam na alam ng mga taong ito na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, na positibo ang mga ito, at na ang pagsasagawa ng katotohanan ay makapagdudulot ng mga pagbabago sa mga disposisyon ng mga tao at magagawa sila nitong matugunan ang mga layunin ng Diyos—ngunit hindi nila tinatanggap o isinasagawa ang mga ito. Ito ay pagiging tutol sa katotohanan. Sino ang kinakitaan na ninyo ng disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? (Ang mga hindi mananampalataya.) Tutol sa katotohanan ang mga hindi mananampalataya, napakalinaw niyan. Walang paraan ang Diyos para iligtas ang gayong mga tao. Kaya, sa mga nananalig sa Diyos, sa anu-anong bagay ninyo nakitang tutol ang mga tao sa katotohanan? Maaaring noong ibinahagi mo ang katotohanan sa kanila ay hindi sila tumayo at umalis, at noong napag-usapan sa pagbabahaginan ang sarili nilang mga paghihirap at isyu ay hinarap nila ito nang tama—pero mayroon pa rin silang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Saan ito makikita? (Madalas silang makinig sa mga sermon, pero hindi nila isinasagawa ang katotohanan.) Ang mga taong hindi isinasagawa ang katotohanan ay walang dudang may disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Paminsan-minsan ay nagagawa ng ilang tao na isagawa nang kaunti ang katotohanan, kaya mayroon ba silang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? Ang gayong disposisyon ay matatagpuan din sa mga nagsasagawa sa katotohanan, magkakaiba lang ang antas. Hindi dahil kaya mong isagawa ang katotohanan ay nangangahulugan nang wala kang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Ang pagsasagawa sa katotohanan ay hindi nangangahulugang agad nang nagbago ang iyong buhay disposisyon—hindi ganoon ang kaso. Kailangan mong lutasin ang problema ng iyong tiwaling disposisyon, ito lang ang paraan para magtamo ka ng pagbabago sa iyong buhay disposisyon. Ang minsang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi nangangahulugan na wala ka nang tiwaling disposisyon. Kaya mong isagawa ang katotohanan sa isang aspekto, pero hindi iyon agad nangangahulugan na kaya mong isagawa ang katotohanan sa iba pang mga aspekto. Magkakaiba ang mga nauugnay na konteksto at dahilan, pero ang pinakamahalaga ay na umiiral nga ang isang tiwaling disposisyon, na siyang ugat ng problema. Kaya, sa sandaling magbago na ang disposisyon ng isang tao, ang lahat ng kanyang paghihirap, pagdadahilan at palusot na may kinalaman sa pagsasagawa sa katotohanan—naaayos ang lahat ng problemang ito, at ang lahat ng kanilang paghihimagsik, kasiraan, at kapintasan ay nalulutas. Kung hindi magbabago ang mga disposisyon ng mga tao, palagi silang mahihirapang isagawa ang katotohanan, at palaging magkakaroon ng mga pagdadahilan at palusot. Kung nais mong maisagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos sa lahat ng bagay, kailangan munang magkaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon. Saka mo lamang malulutas ang mga problema mula sa pinakaugat ng mga ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili
Kapag nagtitipon, kaya ng ilang tao na magbahagi nang kaunti tungkol sa sarili nilang mga kalagayan, pero pagdating sa diwa ng mga isyu, sa mga personal nilang motibo at ideya, nagiging palaiwas na sila. Kapag inilalantad sila ng mga tao bilang may mga motibo at layon, tila tumatango sila at inaamin ito. Pero kapag sinubukan ng mga tao na ilantad o himayin pa nang mas malalim ang anumang bagay, hindi nila ito makayanan, tumatayo sila at umaalis. Bakit sila tumatakas sa napakahalagang sandali? (Hindi nila tinatanggap ang katotohanan at ayaw nilang harapin ang sarili nilang mga problema.) Isa itong problema ng disposisyon. Kapag ayaw nilang tanggapin ang katotohanan upang malutas ang mga problemang nasa loob nila, hindi ba’t nangangahulugan ito na tutol sila sa katotohanan? Anu-anong uri ng sermon ang pinakaayaw marinig ng ilang lider at manggagawa? (Ang mga sermon tungkol sa kung paano makilatis ang mga anticristo at huwad na lider.) Tama. Iniisip nila, “Ang lahat ng pag-uusap na ito tungkol sa pagtukoy sa mga anticristo at huwad na lider, at tungkol sa mga Pariseo—bakit ninyo ito tinatalakay masyado? Sumasakit ang ulo ko sa inyo.” Pagkatapos marinig na pag-uusapan ang pagtukoy sa mga huwad na lider at manggagawa, naghahanap sila ng anumang palusot para umalis. Ano ang ibig sabihin ng “umalis” dito? Tumutukoy ito sa pagtakas, sa pagtatago. Bakit nila sinusubukang magtago? Kapag nagsasabi ang ibang tao ng mga katunayan, dapat kang makinig: Nakabubuti sa iyo ang makinig. Itala mo ang mga bagay na masakit pakinggan o mahirap tanggapin para sa iyo; pagkatapos, dapat mong madalas na pag-isipan ang mga ito, dahan-dahang tanggapin ang mga ito, at dahan-dahan kang magbago. Kaya, bakit ka magtatago? Pakiramdam ng mga gayong tao ay masyadong malupit at hindi madaling pakinggan ang mga salitang ito ng paghatol, kaya umuusbong sa kalooban nila ang paglaban at pagkasuklam. Sinasabi nila sa sarili nila, “Hindi ako isang anticristo o huwad na lider—bakit patuloy nila akong pinag-uusapan? Bakit hindi nila pag-usapan ang ibang tao? Magsabi sila ng tungkol sa pagtukoy sa masasamang tao, huwag nila akong pag-usapan!” Nagiging palaiwas sila at palasalungat. Anong disposisyon ito? Kung ayaw nilang tanggapin ang katotohanan, at palagi silang nangangatwiran at nakikipagtalo upang depensahan ang kanilang sarili, hindi ba’t mayroong problema ng tiwaling disposisyon dito? Disposisyon ito ng pagiging tutol sa katotohanan. Mayroong ganitong kalagayan ang mga lider at manggagawa, kaya paano naman ang mga ordinaryong kapatid? (Mayroon din sila.) Kapag unang nagkakakilala ang lahat, lahat sila ay napakamapagmahal at masayang-masaya na ulitin ang mga salita at doktrina. Tila ba lahat sila ay nagmamahal sa katotohanan. Pero pagdating sa mga personal na problema at tunay na paghihirap, maraming tao ang nagiging hangal. Halimbawa, palaging napipigilan ang ilang tao ng kanilang buhay may-asawa. Umaayaw silang gawin ang isang tungkulin o hangarin ang katotohanan, at ang buhay may-asawa ang kanilang nagiging pinakamalaking hadlang at balakid. Sa mga pagtitipon, kapag nagbabahaginan ang lahat tungkol sa kalagayang ito, ikinukumpara nila sa sarili nila ang mga pagbabahagi ng iba at pakiramdam nila ay sila ang tinutukoy ng mga ito. Sinasabi nila, “Wala akong problema sa pagbabahagi ninyo sa katotohanan, pero bakit ninyo pa ako kailangang banggitin? Wala ba kayong anumang problema? Bakit ako lang ang binabanggit ninyo?” Anong disposisyon ito? Kapag nagtitipon kayo para pagbahaginan ang katotohanan, kailangan ninyong himayin ang mga totoong isyu at hayaan ang lahat na magsalita tungkol sa kanilang pagkaunawa sa mga problemang ito; saka lamang ninyo magagawang makilala ang inyong sarili at malutas ang inyong mga problema. Bakit ba hindi ito matanggap ng mga tao? Anong disposisyon iyon kapag hindi kayang tanggapin ng mga tao na mapungusan sila, at hindi nila matanggap ang katotohanan? Hindi ba’t dapat ninyo itong malinaw na makilatis? Ang lahat ng ito ay pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan—ito ang diwa ng problema. Kapag tutol ang mga tao sa katotohanan, napakahirap para sa kanila na tanggapin ang katotohanan—at kung hindi nila matanggap ang katotohanan, maaayos ba ang problema ng kanilang tiwaling disposisyon? (Hindi.) Kaya ang isang taong ganito, isang taong hindi kayang tanggapin ang katotohanan—kaya ba niyang matamo ang katotohanan? Maililigtas ba siya ng Diyos? Tiyak na hindi.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili
Para maprotektahan ang kanilang sariling banidad at pagpapahalaga sa sarili, at para mapanatili ang kanilang reputasyon at katayuan, masaya ang ilang tao na makatulong sa iba, at na magsakripisyo para sa kanilang mga kaibigan kahit ano pa ang maging kapalit. Pero kapag kailangan nilang protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang katotohanan, at ang hustisya, nawawala ang kanilang mabubuting layunin, ganap nang naglaho ang mga ito. Kapag dapat nilang isagawa ang katotohanan, hindi nila ito isinasagawa ni bahagya. Anong nangyayari? Para maprotektahan ang sarili nilang dignidad at pagpapahalaga sa sarili, magbabayad sila ng anumang halaga at magtitiis ng anumang pagdurusa. Pero kapag kailangan nilang gumawa ng totoong gawain at mag-asikaso ng mga praktikal na bagay, na protektahan ang gawain ng iglesia at ang mga positibong bagay, at protektahan at tustusan ang mga taong hinirang ng Diyos, bakit wala na silang lakas para magbayad ng anumang halaga at magtiis ng anumang pagdurusa? Hindi iyon kapani-paniwala. Ang totoo, mayroon silang isang uri ng disposisyon na tutol sa katotohanan. Bakit Ko sinasabing ang disposisyon nila ay tutol sa katotohanan? Dahil sa tuwing ang isang bagay ay nangangailangan ng pagpapatotoo sa Diyos, pagsasagawa sa katotohanan, pagprotekta sa mga taong hinirang ng Diyos, paglaban sa mga pakana ni Satanas, o pagprotekta sa gawain ng iglesia, tumatakas sila at nagtatago, at hindi sila nakikibahagi sa anumang nararapat na mga bagay. Nasaan ang kanilang kabayanihan at diwa na magtiis ng pagdurusa? Saan nila ginagamit ang mga iyon? Madali itong makita. Kahit pa pagsabihan sila ng iba, sabihan na hindi sila dapat maging masyadong makasarili at mababang-uri, at protektahan ang sarili nila, at na dapat nilang protektahan ang gawain ng iglesia, wala talaga silang pakialam. Sinasabi nila sa kanilang sarili, “Hindi ko ginagawa ang mga bagay na iyon, at walang kinalaman ang mga iyon sa akin. Ano ang magandang maidudulot ng pagkilos nang gayon sa aking paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan?” Hindi sila mga taong hinahangad ang katotohanan. Gusto lang nilang maghangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi man lang nila ginagawa ang gawaing naipagkatiwala sa kanila ng Diyos. Kaya, kapag kinakailangan sila para gawin ang gawain ng iglesia, pinipili na lang nilang tumakas. Nangangahulugan ito na sa puso nila, ayaw nila sa mga positibong bagay, at hindi sila interesado sa katotohanan. Malinaw itong pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan at nagtataglay ng katotohanang realidad ang kayang tumulong kapag kinakailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos at ng mga taong hinirang ng Diyos, sila lamang ang kayang manindigan, nang buong tapang at nang nakatali sa tungkulin, upang magpatotoo sa Diyos at ibahagi ang katotohanan, inaakay ang hinirang na mga tao ng Diyos papunta sa tamang landas, binibigyang-kakayahan silang makamit ang pagpapasakop sa gawain ng Diyos. Ito lamang ang saloobin ng pagkakaroon ng responsabilidad at pagpapamalas ng pagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa layunin ng Diyos. Kung wala kayong ganitong saloobin at kung pabaya lang kayo sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay at iniisip ninyong, “Gagawin ko ang mga bagay na nasa saklaw ng aking tungkulin ngunit wala na akong pakialam sa iba pa. Kung may itatanong ka sa akin, sasagutin kita—kung maganda ang lagay ng kalooban ko. Kung hindi naman, hindi kita sasagutin. Ito ang saloobin ko,” ito ay isang uri ng tiwaling disposisyon, hindi ba? Ang pagprotekta lamang sa sariling katayuan, reputasyon, at pagpapahalaga sa sarili, at ang pagprotekta lamang sa mga bagay na may kaugnayan sa mga pansariling interes—pagprotekta ba ito sa isang makatarungang layunin? Pagprotekta ba ito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ang nasa likod ng mga hamak at makasariling motibong ito ay ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Ang karamihan sa inyo ay madalas na nagpapakita ng mga ganitong uri ng pagpapamalas, at sa sandaling may makaharap kayong may kaugnayan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, umiiwas kayo sa pamamagitan ng pagsasabing, “Hindi ko nakita,” o “Hindi ko alam,” o “Hindi ko pa nabalitaan.” Talagang hindi mo man alam o nagkukunwari ka lamang, kung naghahayag ka ng ganitong klase ng tiwaling disposisyon kapag nasa mga krikital na sandali, mahirap sabihin kung isa kang taong tunay na nananalig sa Diyos; para sa Akin, isa kang taong nalilito sa kanyang pananalig, o kaya naman ay isang hindi mananampalataya. Walang dudang hindi ka isang taong nagmamahal sa katotohanan.
Maaaring nauunawaan ninyo kung ano ang ibig sabihin ng maging tutol sa katotohanan, pero bakit sinasabi Ko na isang disposisyon ang pagiging tutol sa katotohanan? Walang kinalaman ang isang disposisyon sa mga paminsan-minsan at pansamantalang pagpapamalas, at hindi ibinibilang na problema sa disposisyon ang mga paminsan-minsan at pansamantalang pagpapamalas. Kahit ano pang uri ng tiwaling disposisyon ang mayroon ang isang tao, madalas o lagi pa nga itong mabubunyag sa kanya, at mahahayag ito sa tuwing nasa tamang konteksto ang taong iyon. Samakatuwid, hindi mo maaaring basta-basta na lang ilarawan ang isang problema sa disposisyon batay sa paminsan-minsan at pansamantalang pagpapamalas. Kung gayon, ano ba ang isang disposisyon? May kaugnayan ang mga disposisyon sa mga intensyon at motibasyon, may kaugnayan ang mga ito sa pag-iisip at pananaw ng isang tao. Tila napapakiramdaman mo na pinangingibabawan at iniimpluwensyahan ka ng mga ito, pero ang mga disposisyon ay maaari din namang itago at ikubli, at palabuin ng mabababaw na pangyayari. Sa madaling salita, hangga’t may disposisyon sa loob mo, makikialam ito sa iyo, pipigilan at kokontrolin ka nito, at magiging sanhi ito ng maraming pag-uugali at pagpapamalas sa iyo—iyon ang isang disposisyon. Anong mga pag-uugali, kaisipan, pananaw, at saloobin ang madalas na ibinubunga ng disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? Isa sa mga pangunahing katangian ng pagiging tutol sa katotohanan na ipinapakita ng mga tao ay ang kawalan ng interes sa mga positibong bagay at sa katotohanan, pati na ang kawalan ng interes, kawalan ng sigla ng puso, at kawalan ng pagnanasang abutin ang katotohanan, at ang pag-iisip na ayos lang ang lahat ng ito pagdating sa anumang bagay na may kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan. Magbibigay Ako ng simpleng halimbawa. Isang halimbawa ng sentido kumon na madalas pinag-uusapan ng mga tao tungkol sa mabuting kalusugan ay ang kumain ng mas maraming prutas at gulay, kumain ng mas maraming magagaan na pagkain at mas kaunting karne, at lalo na ng pinritong pagkain; positibong gabay ito para sa kalusugan at mabuting pangangatawan ng mga tao. Mauunawaan at matatanggap ng lahat kung ano ang dapat kainin nang mas marami at kung ano ang dapat kainin nang mas kaunti, kaya nakabatay ba ang pagtanggap na ito sa teorya o sa pagsasagawa? (Sa teorya.) Paano ipinapamalas ang teoretikal na pagtanggap? Sa isang uri ng pangunahing pagkilala. Ito ay ang pag-iisip na tama ang pahayag na ito, at na napakaganda ng pahayag na ito, sa pamamagitan ng pagkilatis na batay sa iyong paghusga. Pero may anumang katibayan ka ba para maipakita ang pahayag na ito? May anumang batayan ka ba para paniwalaan ito? Kahit hindi mo pa ito mismo nararanasan, kahit wala namang saligan o batayan para patunayan kung tama ba o mali ang pahayag na ito, at lalo nang kahit walang hinugot na mga aral mula sa mga nakaraang pagkakamali, at kahit walang mga halimbawa sa totoong buhay, basta mo na lang tinanggap ang pananaw na ito—ito ay teoretikal na pagtanggap. Teoretikal o praktikal mo man itong tinatanggap, dapat mo munang kumpirmahin na tama at isang positibong bagay ang pahayag na “kumain ng mas maraming gulay at mas kaunting karne.” Kaya, paano makikita ang disposisyon mo ng pagiging tutol sa katotohanan? Batay sa kung paano mo hinaharap at ginagamit ang pahayag na ito sa iyong buhay; ipinapakita nito ang saloobin mo patungkol sa pahayag na iyon, kung tinanggap mo ba ito nang teoretikal at ayon sa doktrina, o kung isinakatuparan mo ba ito sa totoong buhay at ginawa mo itong realidad mo. Kung tinanggap mo lang ang pahayag na ito nang ayon sa doktrina, pero ang ginagawa mo naman sa totoong buhay ay ganap na sumasalungat sa pahayag na ito, o kung wala kang ipinapakitang praktikal na aplikasyon ng pahayag na ito, gusto mo ba ang pahayag na ito, o tutol ka ba rito? Halimbawa, kapag kumakain ka at nakakakita ka ng ilang berdeng gulay, at naiisip mo na, “Mainam sa kalusugan ng isang tao ang mga berdeng gulay, pero hindi masarap ang mga ito, at mas masarap ang karne, kaya kakain muna ako ng kaunting karne,” at pagkatapos ay karne na lang ang kinain mo at wala kang kinaing berdeng gulay—anong uri ng disposisyon ang ipinapakita nito? Isang disposisyon na hindi tumatanggap ng mga tamang pahayag, na tutol sa mga positibong bagay, at ang gusto lamang ay ang kumain nang ayon sa mga kagustuhan ng laman. Ang ganitong uri ng tao na masiba at sakim sa kalayawan ay tutol, lumalaban, at nasusuklam sa mga positibong bagay, at isa itong uri ng disposisyon. Maaaring tanggapin ng isang tao na medyo tama ang pahayag na ito, pero hindi niya ito magawa mismo, at bagama’t hindi niya ito magawa, sinasabi pa rin niya sa iba na gawin nila ito; matapos sabihin ito nang maraming beses, nagiging isang uri na ng teorya ang pahayag na iyon sa kanya, at wala na itong bisa sa kanya. Alam na alam naman ng taong iyon sa kanyang puso na tamang kumain ng mas maraming gulay at na hindi mabuting kumain ng maraming karne, pero iniisip niya na, “Anuman ang mangyari, hindi ako nawalan, pananamantala ang pagkain ng karne, at hindi ko naman nararamdamang masama ito sa kalusugan.” Ang kasakiman at mga pagnanasa niya ang nagtulak sa kanya na piliin ang isang maling paraan ng pamumuhay, at nagtulak sa kanya na palaging kontrahin ang tamang sentido kumon at ang tamang paraan ng pamumuhay. Mayroon siyang uri ng tiwaling disposisyon na natatakam sa mga pakinabang at kasiyahan ng laman, kaya magiging madali ba para sa kanya na tumanggap ng mga tamang pahayag at positibong bagay? Hinding-hindi ito magiging madali. Hindi ba’t nakokontrol ng kanyang tiwaling disposisyon ang paraan ng kanyang pamumuhay, kung gayon? Isa itong pagbubunyag ng kanyang tiwaling disposisyon, at isa itong pagpapamalas ng kanyang tiwaling disposisyon. Ang hayag na ipinapamalas ay ang mga pag-uugaling ito at ang isang saloobin, pero ang totoo, isang disposisyon ito na kumokontrol sa kanya. Anong disposisyon ito? Ito ay pagiging tutol sa katotohanan. Mahirap matuklasan ang disposisyong ito ng pagiging tutol sa katotohanan; hindi nararamdaman ng sinuman na tutol sila sa katotohanan, pero ang katunayang ilang taon na silang sumampalataya sa Diyos pero hindi pa rin nila alam kung paano isagawa ang katotohanan ay sapat na para ipakita na tutol sila sa katotohanan. Nakikinig ang mga tao sa napakaraming sermon at napakarami nilang binabasang salita ng Diyos, at ang layunin ng Diyos ay ang tanggapin nila ang Kanyang mga salita sa kanilang puso at dalhin ang mga salitang ito sa kanilang totoong buhay para isagawa at gamitin, para maunawaan nila ang katotohanan at maisabuhay ang katotohanan. Mahirap para sa karamihan ng mga tao na makamit ang hinihinging ito, at iyon ang dahilan kung bakit sinasabing may disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan ang karamihan sa mga tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang lahat ng tao ay may mayabang at mapagmatuwid na disposisyon, at palaging may labis na pagtingin sa sarili. Anuman ang iniisip nila, o ang sinasabi nila, o kung paano man nila nakikita ang mga bagay-bagay, palagi nilang iniisip na tama ang sarili nilang mga pananaw at saloobin, at na hindi kasingganda o kasingtama ng kanilang sinasabi ang sinasabi ng iba. Palagi silang kumakapit sa sarili nilang mga opinyon, at kahit sino pa ang magsalita, hindi sila makikinig dito. Tama man ang sinasabi ng iba, o naaayon sa katotohanan, hindi nila ito tatanggapin; magmumukha lamang silang nakikinig pero hindi talaga nila tatanggapin ang ideya, at pagdating ng panahon na kailangan nang kumilos, gagawin pa rin nila ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan, palaging iniisip na tama at makatwiran ang sinasabi nila. … Ano ang sasabihin ng Diyos kapag nakita Niya ang pag-uugali mong ito? Sasabihin ng Diyos: “Mapagmatigas ka! Kauna-unawa na maaaring kumapit ka sa sarili mong mga ideya kapag hindi mo alam na nagkakamali ka, ngunit kapag malinaw sa iyo na nagkakamali ka at kumakapit ka pa rin sa iyong mga ideya, at mamamatay ka muna bago magsisi, isa ka talagang mapagmatigas na hangal, at may problema ka. Kung, kahit sino pa ang nagmumungkahi, palagi kang mayroong negatibo, mapanlaban na saloobin tungkol dito, at hindi mo tinatanggap ang kahit katiting na katotohanan, at kung ang puso mo ay lubusang mapanlaban, sarado, at mapagwalang-bahala, ikaw ay sobrang katawa-tawa, isa kang hangal na tao! Masyado kang mahirap pakitunguhan!” Sa anong paraan ka mahirap pakitunguhan? Mahirap kang pakitunguhan dahil ang ipinapakita mo ay hindi isang maling diskarte, o maling pag-uugali, kundi isang pagbubunyag ng iyong disposisyon. Isang pagbubunyag ng anong disposisyon? Isang disposisyon kung saan tutol ka sa katotohanan, at napopoot sa katotohanan. Sa sandaling nakilala ka bilang isang taong napopoot sa katotohanan, sa mga mata ng Diyos, may problema ka, at itataboy at babalewalain ka Niya. Mula sa perspektiba ng mga tao, ang pinakamasasabi nila ay: “Masama ang disposisyon ng taong ito, masyado siyang suwail, mapagmatigas, at mayabang! Mahirap pakisamahan ang taong ito at hindi siya nagmamahal sa katotohanan. Hindi niya kailanman tinanggap ang katotohanan at hindi niya isinasagawa ang katotohanan.” Sa pinakamataas na antas, ito ang ibibigay na pagtatasa sa iyo ng lahat, ngunit mapagpapasyahan ba sa pagtatasang ito ang kapalaran mo? Hindi mapagpapasyahan sa pagtatasang ibinibigay sa iyo ng mga tao ang kapalaran mo, ngunit may isang bagay na hindi mo dapat kalimutan: Sinusuri ng Diyos ang puso ng mga tao, at kasabay nito ay pinagmamasdan ng Diyos ang bawat salita at gawa nila. Kung tinutukoy ka ng Diyos nang ganito, at sinasabing kinasusuklaman mo ang katotohanan, kung hindi lang Niya sinasabi na mayroon kang kaunting tiwaling disposisyon, o na medyo masuwayin ka, hindi ba’t isa itong napakalubhang problema? (Malubha ito.) Nangangahulugan ito na magkakaroon ng problema, at ang problemang ito ay hindi nakasalalay sa pananaw ng mga tao sa iyo, o sa kung paano ka nila tinatasa, ito ay nakasalalay sa kung paano tinitingnan ng Diyos ang iyong tiwaling disposisyon ng pagkapoot sa katotohanan. Kaya, paano ito tinitingnan ng Diyos? Tinukoy lang ba ng Diyos na napopoot ka sa katotohanan at na hindi mo minamahal ito, at iyon na iyon? Ganoon ba iyon kasimple? Saan nanggagaling ang katotohanan? Sino ang kinakatawan ng katotohanan? (Kumakatawan ito sa Diyos.) Pagnilayan ito: Kung napopoot ang isang tao sa katotohanan, kung gayon, mula sa perspektiba ng Diyos, paano Niya titingnan ang taong iyon? (Bilang kaaway Niya.) Hindi ba’t isa itong seryosong problema? Kapag napopoot sa katotohanan ang isang tao, napopoot siya sa Diyos! Bakit Ko sinasabi na napopoot siya sa Diyos? Sinumpa ba niya ang Diyos? Harap-harapan ba niyang kinontra ang Diyos? Palihim ba niyang hinusgahan o kinondena ang Diyos? Hindi ito tiyak. Kaya bakit Ko sinasabi na ang pagbubunyag ng isang disposisyon na napopoot sa katotohanan ay pagkapoot sa Diyos? Hindi ito pagpapalaki sa isang maliit na bagay, ito ang realidad ng sitwasyon. Katulad ito ng mga mapagpaimbabaw na Pariseo na nagpako sa Panginoong Jesus sa krus dahil kinapopootan nila ang katotohanan—ang mga sumunod na kahihinatnan ay kakila-kilabot. Ang ibig sabihin nito ay na kung ang isang tao ay may disposisyong tutol sa katotohanan at napopoot sa katotohanan, maaari itong mabunyag mula sa kanya anumang oras at saanmang lugar, at kung mamumuhay siya ayon dito, hindi ba’t kokontrahin niya ang Diyos? Kapag nahaharap siya sa isang bagay na may kinalaman sa katotohanan o sa paggawa ng desisyon, kung hindi niya matatanggap ang katotohanan, at namumuhay siya ayon sa kanyang tiwaling disposisyon, likas niyang kokontrahin ang Diyos at ipagkakanulo ang Diyos, dahil napopoot sa Diyos at nayayamot sa katotohanan ang tiwaling disposisyon niya. Kung mayroon kang gayong disposisyon, kahit na pagdating sa mga salitang binibigkas ng Diyos, kukuwestiyunin mo ang mga ito, at gugustuhin mong suriin at himay-himayin ang mga ito. Pagkatapos ay maghihinala ka sa mga salita ng Diyos, at sasabihin mong, “Mga salita ba talaga ito ng diyos? Mukhang hindi katotohanan ang mga ito, mukhang hindi tiyak na tama ang lahat ng ito!” Sa ganitong paraan, hindi ba’t nabunyag na ang disposisyon mo ng pagkapoot sa katotohanan? Kapag ganito ka mag-isip, makapagpapasakop ka ba sa Diyos? Tiyak na hindi. Kung hindi ka makapagpapasakop sa Diyos, Siya pa rin ba ang Diyos mo? Hindi na. Kung gayon, magiging ano na ang Diyos sa iyo? Ituturing mo Siya bilang isang paksa ng pagsasaliksik, isang taong dapat pagdudahan, isang taong dapat kondenahin; ituturing mo Siya bilang isang ordinaryo at regular na tao, at kokondenahin Siya nang ganoon. Sa paggawa niyon, magiging isa kang taong lumalaban at lumalapastangan sa Diyos. Anong uri ng disposisyon ang nagsasanhi nito? Ito ay sanhi ng isang mayabang na disposisyon na lumobo na nang husto; hindi lamang nabubunyag sa iyo ang iyong satanikong disposisyon, tuluyan ding malalantad ang iyong satanikong mukha. Ano ang nangyayari sa ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng isang tao na umabot na sa punto ng paglaban sa Diyos, at na ang paghihimagsik laban sa Diyos ay umabot na sa isang partikular na antas? Nagiging isa itong antagonistikong relasyon kung saan kinakalaban ng isang tao ang Diyos. Kung, sa pananampalataya mo sa Diyos, hindi mo kayang tanggapin ang katotohanan at magpasakop dito, kung gayon, ang Diyos ay hindi mo Diyos. Kung inaayawan mo ang katotohanan at tinatanggihan ito, kung gayon, naging isa ka nang taong lumalaban sa Diyos. Maililigtas ka pa ba ng Diyos, kung gayon? Tiyak na hindi na. Binibigyan ka ng Diyos ng pagkakataong matanggap ang Kanyang pagliligtas at hindi ka Niya itinuturing na kaaway, ngunit hindi mo matanggap ang katotohanan at kinakalaban mo ang Diyos; ang kawalan mo ng kakayahang tanggapin ang Diyos bilang iyong katotohanan at iyong landas ay ginagawa kang isang taong lumalaban sa Diyos. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Kailangan mong agad na magsisi at magbago ng landas. Halimbawa, kapag nahaharap ka sa isang problema o suliranin habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin at hindi mo alam kung paano lutasin ito, hindi mo dapat ito pikit-matang pagnilayan, kailangan mo munang patahimikin ang iyong sarili sa harap ng Diyos, manalangin at maghanap mula sa Kanya, at tingnan kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol dito. Kung, pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, hindi mo pa rin nauunawaan, at hindi mo alam kung anong mga katotohanan ang tumutukoy sa isyung ito, dapat kang kumapit nang mahigpit sa isang prinsipyo—iyon ay, magpasakop muna, huwag magkaroon ng mga personal na ideya o kaisipan, maghintay nang may mapayapang puso, at tingnan kung paano nilalayon at gustong kumilos ng Diyos. Kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat mong hanapin ito, at dapat mong hintayin ang Diyos, sa halip na kumilos nang pikit-mata at walang ingat. Kung may magbibigay sa iyo ng mungkahi kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at magsasabi sa iyo kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan, dapat mo munang tanggapin ito at tulutan ang lahat na magbahagi rito, at tingnan kung tama o hindi ang landas na ito, at kung naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo o hindi. Kung makumpirma mong naaayon ito sa katotohanan, magsagawa ka sa ganoong paraan; kung matukoy mo na hindi ito naaayon sa katotohanan, kung gayon, huwag kang magsagawa sa ganoong paraan. Ganoon lang ito kasimple. Kapag hinahanap mo ang katotohanan, dapat kang maghanap sa maraming tao. Kung may masasabi ang sinuman, dapat kang makinig sa kanila, at seryosohin ang lahat ng kanilang sinasabi. Huwag silang balewalain o iwasan, dahil nauugnay ang kanilang sinasabi sa mga bagay na nasa saklaw ng iyong tungkulin at dapat mong seryosohin ito. Ito ang tamang saloobin at ang tamang kalagayan. Kapag ikaw ay nasa tamang kalagayan, at hindi ka nagpapakita ng isang disposisyong tutol at napopoot sa katotohanan, kung gayon, mapapalitan ang iyong tiwaling disposisyon ng ganitong pagsasagawa. Ito ang pagsasagawa sa katotohanan. Kung isasagawa mo ang katotohanan sa ganitong paraan, ano ang magiging mga bunga nito? (Magagabayan tayo ng Banal na Espiritu.) Ang pagtanggap ng patnubay ng Banal na Espiritu ay isang aspeto. Minsan, magiging napakasimple ng bagay at maaaring makamit gamit ang sarili mong pag-iisip; matapos ibigay ng iba ang kanilang mga mungkahi sa iyo at naunawaan mo, magagawa mong iwasto ang mga bagay-bagay at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Maaaring isipin ng mga tao na isa itong maliit na bagay, ngunit para sa Diyos, isa itong malaking bagay. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat, kapag nagsasagawa ka sa ganitong paraan, para sa Diyos, isa kang taong kayang magsagawa ng katotohanan, isang taong nagmamahal sa katotohanan, at isang taong hindi tutol sa katotohanan—kapag nakikita ng Diyos ang puso mo, nakikita rin Niya ang disposisyon mo, at isa itong malaking bagay. Sa madaling salita, kapag ginagawa mo ang iyong tungkulin at kumikilos sa presensiya ng Diyos, ang isinasabuhay at ipinamamalas mo ay pawang mga katotohanang realidad na dapat taglayin ng mga tao. Ang mga saloobin, kaisipan, at kalagayan na taglay mo sa lahat ng iyong ginagawa ay ang pinakamahahalagang bagay para sa Diyos, at ang mga ito ang sinusuri ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya
Paano pangunahing naipamamalas ng mga tao ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? Kapag nakakakita sila ng isang positibong bagay, hindi nila ito sinusukat sa pamamagitan ng katotohanan—ano ang ginagamit nila upang sukatin ito? Ginagamit nila ang lohika ni Satanas upang sukatin ito at upang tingnan kung ang bagay na ito ay ginawa nang may estilo, kung ano ang porma nito, at gaano ito kahanga-hanga. Sinusukat nila ang lahat sa pamamagitan ng mga pamamaraan na ginagamit ni Satanas upang suriin ang mga tao, ibig sabihin, ang mga prinsipyo at pamamaraan na ginagamit ng mga walang pananampalataya upang suriin ang mga tao. Hindi nila hinahanap ang katotohanan kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay, at ang panimulang punto para sa lahat ng kanilang mga pagkilos ay ang sukatin ang mga iyon gamit ang mga sarili nilang imahinasyon at pananaw, at ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at kaalaman na kanila nang naunawaan, isinasantabi ang katotohanan—ganyan nila ginagawa ang lahat ng bagay. Gumagamit sila ng mga pananaw ng tao at lohika ni Satanas bilang kanilang panukat, at pagkatapos nilang magsukat nang magsukat, nakikita nila na, sa kanilang paningin, wala nang iba pang kasingbuti nila kailanman—sila ang pinakamabuti. Nasa puso ba nila ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan? Mayroon bang anumang prinsipyo ng katotohanan doon? Wala, walang kahit anuman. Hindi nila nakikita ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, hindi nila nakikita na ang katotohanan ang realidad ng lahat ng positibong bagay, hindi nila nakikita na ang katotohanan ay higit sa lahat ng bagay, kaya, gaya ng inaasahan, hinahamak nila ang Diyos na nagkatawang-tao, at palagi silang may mga kuru-kuro tungkol sa paraan ng pananamit, at sa pananalita at pagkilos ng pagkakatawang-tao ng Diyos. At kaya, pagkatapos ng malawig na ugnayan, iniisip nila, “Hindi Ka kasingkapita-pitagan, kasingmaharlika, at kasinglalim gaya ng inakala ko, at ni hindi Ka man lang umabot sa aking uri. Sa aking pagtayo rito, hindi ba’t tinataglay ko ang uri ng isang dakilang tao? Bagamat ang sinasabi Mo ay ang katotohanan, wala akong nakikitang anuman tungkol sa Iyo na parang sa Diyos. Palagi Kang nagsasalita tungkol sa katotohanan, palagi Kang nagsasalita tungkol sa pagpasok sa realidad, bakit hindi Ka magsiwalat ng ilang hiwaga? Bakit hindi Ka magsalita nang kaunti sa wika ng ikatlong langit?” Anong uri ito ng lohika at pananaw sa mga bagay-bagay? (Ito ang pananaw ni Satanas sa mga bagay-bagay.) Ito ay nagmumula kay Satanas. Sa tingin ninyo, paano Ko hinaharap ang mga bagay na ito? (Nasusuklam Ka sa ganitong uri ng tao at ayaw Mong makipag-ugnayan sa kanya.) Mali kayo. Bagkus, kapag nakatagpo Ako ng gayong tao, lalapit ako sa kanya at normal na magbabahagi sa kanya, at ipagkakaloob Ko kung ano ang makakaya Ko at tutulong Ako sa paraang kaya Ko. Kung siya ay suwail at matigas ang ulo, hindi Ko lamang magagawang makasundo siya nang normal, kundi tatalakayin Ko pa sa kanya ang mga bagay-bagay hangga’t maaari. Sasabihin Ko, “Sa palagay mo ba ay umuubra na gawin ang mga bagay sa ganitong paraan? Gamitin mo kung alinman sa mga pamamaraang ito ang sa pakiramdam mo ay angkop, at kung sa pakiramdam mo ay wala sa mga ito ang angkop, mag-isip ka ng sarili mong paraan upang lutasin ang problemang ito.” Habang lalong iniisip ng ganitong uri ng tao na siya ay napakadakila, lalo Ko lang siyang nakakasundo sa ganitong paraan; hindi Ako magiging mahangin sa harap ng sinuman. Kung may dalawang upuan, isang mataas at isang mababa, hahayaan Ko siyang umupo sa mas mataas, at uupo Ako sa mas mababa. Makikipag-usap Ako sa kanya nang nakatingala, at sa huli ay gagawa Ako ng paraan upang makaramdam siya ng hiya at upang unti-unti niyang mapagtanto na wala siyang taglay na mga katotohanan, na siya ay naghihikahos at kaawa-awa, manhid at mabagal umunawa. Ano ang tingin mo sa pamamaraang ito? (Ito ay mabuti.) Kaya, kung hindi Ko siya papansinin, magiging mabuti ba ito para sa kanya? Ang totoo, walang masama sa ganito, ngunit hindi ito makabubuti sa kanya. Kung siya ay nananampalataya sa Diyos nang may kaunting sinseridad, nagtataglay ng kaunting pagkatao, at maaari pang iligtas, ayos lang para sa Akin na makipag-ugnayan sa kanya. Sa huli, balang araw, kung nauunawaan niya ang katotohanan, siya mismo ang pipili na umupo sa mas mababang upuan, at hindi na siya magiging hambog. Kung hindi Ko siya papansinin, mananatili siyang ganito kamangmang at kahangal magpakailanman, na nagsasalita at gumagawa ng mga bagay na kahangalan, at palagi siyang magiging isang hangal na tao, naghihikahos at kaawa-awa—iyan ang pangit na kalagayan ng mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan. Minamaliit at hinahamak ng mga tao ang mga positibong bagay, at kapag nakakakita sila ng isang tao na tapat, mapagmahal, at palaging nagsasagawa ng katotohanan ngunit minsan ay nagkukulang sa karunungan, hinahamak nila siya mula sa kanilang puso. Iniisip nila na ang gayong tao ay walang silbi at walang kabuluhan, habang sila mismo ay tuso, magaling magkalkula, bihasa sa pagpaplano at pagpapakana, may mga pamamaraan at kaloob, may kakayahan at mahusay sa pananalita. Iniisip nila na ginagawa sila nitong pakay ng pagliligtas ng Diyos, ngunit ang kabaligtaran nito ang totoo—ito ang uri ng tao na kinapopootan ng Diyos. Ito ang disposisyon ng pag-ayaw at pagiging tutol sa katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito
Hindi kinasusuklaman ng Diyos ang mahinang kakayahan ng mga tao, hindi Niya kinasusuklaman ang kanilang kahangalan, at hindi Niya kinasusuklaman ang pagkakaroon nila ng mga tiwaling disposisyon. Ano ang pinakakinasusuklaman ng Diyos sa mga tao? Iyon ay kapag tutol sila sa katotohanan. Kung tutol ka sa katotohanan, dahil lamang diyan, hindi matutuwa sa iyo ang Diyos kailanman. Nakataga iyan sa bato. Kung tutol ka sa katotohanan, kung hindi mo mahal ang katotohanan, kung ang saloobin mo sa katotohanan ay kawalang-malasakit, mapanghamak, at mapagmataas, o inaayawan, nilalabanan, at tinatanggihan mo pa ito—kung ganito ang pag-uugali mo, lubos kang kinaiinisan ng Diyos, at hindi ka magtatagumpay, hindi ka na maliligtas. Kung talagang mahal mo ang katotohanan sa puso mo, at sadyang medyo mahina lang ang kakayahan mo at wala kang kabatiran, medyo hangal, at madalas kang nagkakamali, ngunit hindi mo intensiyong gumawa ng masama, at nakagawa ka lamang ng ilang kahangalan; kung taos-puso kang handang makinig sa pagbabahagi ng Diyos sa katotohanan, at taos-puso kang nasasabik sa katotohanan; kung ang iyong saloobin sa pagtrato mo sa katotohanan at mga salita ng Diyos ay may sinseridad at pananabik, at kaya mong pahalagahan at itangi ang mga salita ng Diyos—sapat na ito. Gusto ng Diyos ang gayong mga tao. Kahit na medyo hangal ka kung minsan, gusto ka pa rin ng Diyos. Mahal ng Diyos ang puso mo na nananabik sa katotohanan, at mahal Niya ang iyong sinserong saloobin sa katotohanan. Kaya, may awa ang Diyos sa iyo at palaging nagkakaloob ng biyaya sa iyo. Hindi Niya iniisip ang iyong mahinang kakayahan o ang iyong kahangalan, ni hindi Niya iniisip ang iyong mga pagsalangsang. Dahil sinsero at masigasig ang iyong saloobin sa katotohanan, at tapat ang iyong puso, kung gayon, dahil sa pagiging totoo ng puso mo at ng saloobin mong ito—lagi Siyang magiging maawain sa iyo, at gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at magkakaroon ka ng pag-asang maligtas. Sa kabilang banda, kung mapagmatigas ka sa puso mo at pinalalayaw mo ang sarili mo, kung tutol ka sa katotohanan, hindi kailanman nakikinig sa mga salita ng Diyos at sa lahat ng may kinalaman sa katotohanan, at mapanlaban ka at mapanghamak sa kaibuturan ng puso mo, ano kung gayon ang saloobin ng Diyos sa iyo? Pagkasuklam, pagkamuhi, at walang-humpay na poot. Anong dalawang katangian ang malinaw sa makatuwirang disposisyon ng Diyos? Masaganang awa at matinding poot. Ang “masagana” sa “masaganang awa” ay nangangahulugang ang awa ng Diyos ay mapagparaya, matiisin, mapagbata, at ito ang pinakadakilang pagmamahal—iyon ang ibig sabihin ng “masagana.” Dahil hangal at mahina ang kakayahan ng mga tao, ganito dapat kumilos ang Diyos. Kung mahal mo ang katotohanan subalit isa ka namang hangal at mahina ang kakayahan, masaganang awa ang saloobin ng Diyos para sa iyo. Ano ang kasama ng awa? Pagtitiis at pagpaparaya: Mapagparaya at matiisin ang Diyos sa iyong kamangmangan, binibigyan ka Niya ng sapat na pananalig at pagtitiyaga upang suportahan ka, pagkalooban ka, at tulungan ka, upang maunawaan mo nang paunti-unti ang katotohanan at unti-unti kang magkagulang. Sa anong pundasyon ito nakasalig? Ito ay nakasalig sa pundasyon ng pagmamahal ng isang tao at pananabik sa katotohanan, at ng kanyang tapat na saloobin sa Diyos, sa Kanyang mga salita, at sa katotohanan. Ito ang mga pangunahing pag-uugali na dapat maihayag sa mga tao. Ngunit kung sa puso ng isang tao ay tutol siya sa katotohanan, umaayaw dito, o namumuhi pa nga sa katotohanan, kung hindi niya siniseryoso ang katotohanan kailanman, at palaging nagsasalita nang tungkol sa mga nagawa niya, kung paano siya nagtrabaho, kung gaano karaming karanasan ang mayroon siya, ano ang pinagdaanan niya, kung paano siya itinatangi ng Diyos at pinagkatiwalaan ng malalaking gawain—kung ang sinasabi niya ay tungkol lang sa mga bagay na ito, sa kanyang mga kuwalipikasyon, mga nagawa, at mga talento niya, palaging nagpapasikat, at hindi kailanman nagbabahagi tungkol sa katotohanan, nagpapatotoo sa Diyos, o nagbabahagi sa pang-unawang nakamit mula sa karanasan sa gawain ng Diyos o ng kanyang kaalaman sa Diyos, hindi ba’t tutol siya sa katotohanan? Ganito naipapamalas ang pagtutol at ang hindi pagmamahal sa katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Paano sila makakapakinig ng mga sermon kung hindi nila minamahal ang katotohanan?” Ang lahat ba ng nakikinig sa mga sermon ay nagmamahal sa katotohanan? Ang ilang tao ay pabasta-basta lang. Napipilitan silang umarte sa harap ng iba, natatakot na kung hindi sila makikilahok sa buhay ng iglesia, hindi kikilalanin ng sambahayan ng Diyos ang pananalig nila. Paano itinuturing ng Diyos ang ganitong saloobin sa katotohanan? Sinasabi ng Diyos na hindi nila minamahal ang katotohanan, na sila ay tutol sa katotohanan. Sa kanilang disposisyon, mayroong isang bagay na napakamapanganib, mas lalo pang mapanganib kaysa sa pagmamataas at panlilinlang, at iyan ay ang pagiging tutol sa katotohanan. Nakikita ito ng Diyos. Dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos, paano Niya tinatrato ang gayong mga tao? Siya ay puno ng poot sa kanila. Kung ang Diyos ay puno ng poot sa isang tao, minsan ay pinagagalitan Niya ito, o dinidisiplina at pinarurusahan ito. Kung hindi nito sinasadyang salungatin ang Diyos, magiging mapagparaya Siya, maghihintay, at magmamasid. Dahil sa sitwasyon o sa ibang obhetibong dahilan, maaaring gamitin ng Diyos ang hindi mananampalatayang ito para magserbisyo sa Kanya. Ngunit sa oras na pahintulutan ng kapaligiran, at ang panahon ay tama, ang gayong mga tao ay paaalisin sa sambahayan ng Diyos, dahil ni hindi sila nararapat magserbisyo. Gayon ang poot ng Diyos. Bakit puno ng poot ang Diyos? Ipinapahayag nito ang labis na pagkamuhi ng Diyos sa mga tumututol sa katotohanan. Ang malalim na poot ng Diyos ay nagpapakita na itinakda na Niya ang kalalabasan at destinasyon ng gayong mga tao na tumututol sa katotohanan. Saan ibinibilang ng Diyos ang mga taong ito? Ibinibilang sila ng Diyos sa kampo ni Satanas. Dahil Siya ay puno ng poot sa kanila at nayayamot na sa kanila, isinasara ng Diyos ang pintuan sa kanila, hindi Niya sila pinapayagan na makatungtong sa sambahayan ng Diyos, at hindi sila binibigyan ng pagkakataon para maligtas. Isa itong pagpapamalas ng poot ng Diyos. Inilalagay din sila ng Diyos sa kaparehong antas gaya ni Satanas, bilang maruruming demonyo at masasamang espiritu, bilang mga hindi mananampalataya, at kapag dumating ang tamang oras, sila ay ititiwalag ng Diyos. Hindi ba’t isa itong paraan ng pangangasiwa sa kanila? (Oo.) Gayon ang poot ng Diyos. At ano ang naghihintay sa kanila sa oras na matiwalag sila? Matatamasa pa ba nilang muli ang biyaya at pagpapala ng Diyos at ang pagliligtas ng Diyos? (Hindi.)
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga
Kung tumututol ka sa katotohanan, at palagi mong sinisiraan ang katotohanan at hinahamak ito, kung taglay mo ang ganitong uri ng kalikasan, hindi ka madaling magbabago. Kahit na magbago ka, kailangan pa ring makita kung ang saloobin ng Diyos ay magbabago. Kung ang ginagawa mo ay makakapagpabago ng saloobin ng Diyos, may pag-asa ka pa ring maligtas. Kung hindi mo mababago ang saloobin ng Diyos, at sa kaibuturan ng puso ng Diyos, matagal na Siyang tutol sa diwa mo, wala kang pag-asa na maligtas. Samakatwid, dapat ninyong suriin ang sarili ninyo. Kung ikaw ay nasa kalagayang tumututol sa katotohanan at nilalabanan mo ang katotohanan, ito ay napakamapanganib. Kung madalas kang nagkakaroon ng gayong kalagayan, madalas na nahuhulog sa gayong kalagayan, o kung ikaw ay pangunahing ganitong uri ng tao, mas lalo pa itong problema. Kung ikaw ay paminsan-minsang nasa kalagayan ng pagiging tutol sa katotohanan, una, maaaring dulot ito ng iyong mababang tayog; pangalawa, ang mismong tiwaling disposisyon ng tao ay nagtataglay ng ganitong uri ng diwa, na hindi maiiwasang humahantong sa ganitong kalagayan. Gayumpaman, hindi kinakatawan ng ganitong kalagayan ang diwa mo. Minsan, ang isang panandaliang emosyon ay maaaring magbunga ng isang kalagayan na nagdudulot sa iyo para tumutol sa katotohanan. Ito ay pansamantala lang. Hindi ito dulot ng iyong disposisyong diwa na tutol sa katotohanan. Kung ito ay isang pansamantalang kalagayan, mababaligtad ito, ngunit paano mo ito babaligtarin? Kailangan mong agad na lumapit sa harapan ng Diyos para hanapin ang katotohanan sa aspektong ito at magkaroon ng kakayahan na kilalanin ang katotohanan, at magpasakop sa katotohanan at sa Diyos. Pagkatapos ay nalutas na ang kalagayang ito. Kung hindi mo ito nilulutas at hinahayaan mo itong magpatuloy nang magpatuloy, ikaw ay nasa panganib. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao: “Sabagay, mahina ang kakayahan ko at hindi ko nauunawaan ang katotohanan, kaya titigil na ako sa paghahangad nito, at hindi ko na rin kailangang magpasakop sa Diyos. Paano nagawang ibigay sa akin ng Diyos ang kakayahang ito? Hindi matuwid ang Diyos!” Itinatanggi mo ang pagiging matuwid ng Diyos. Hindi ba’t iyan ay pagiging tutol sa katotohanan? Ito ang saloobin ng pagiging tutol sa katotohanan at isang pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan. Mayroong konteksto sa kaganapan ng pagpapamalas na ito, kaya kinakailangan na malutas ang konteksto at ugat na dahilan ng kalagayang ito. Sa oras na ang ugat na dahilan ay nalutas, maglalahong kasama nito ang kalagayan mo. Ang ilang kalagayan ay gaya ng isang sintomas, gaya ng ubo, na maaaring sanhi ng sipon o pulmonya. Kung ginagamot mo ang sipon o pulmonya, gagaling din ang ubo. Kapag ang ugat na dahilan ay nalutas, maglalaho ang mga sintomas. Ngunit ang ilang kalagayan ng pagiging tutol sa katotohanan ay hindi isang sintomas, kundi isang tumor. Ang ugat na dahilan ng karamdaman ay nasa loob. Maaaring hindi ka makakita ng anumang sintomas sa pagtingin sa labas, ngunit sa oras na magkaroon ng karamdaman, ito ay nakamamatay. Ito ay isang napakaseryosong problema. Kailanman ay hindi tinatanggap o kinikilala ng gayong mga tao ang katotohanan, o palagi pa ngang sinisiraan ang katotohanan gaya ng mga walang pananampalataya. Kahit na hindi nila binibigkas ang mga salita, patuloy nilang sinisiraan, tinatanggihan, at pinabubulaanan ang katotohanan sa kanilang puso. Kahit alinmang katotohanan—ito man ay pagkakilala sa sarili, pagkilala sa tiwaling disposisyon ng isang tao, pagtanggap sa katotohanan, pagpapasakop sa Diyos, hindi paggawa ng mga bagay-bagay sa isang pabasta-bastang paraan, o pagiging isang tapat na tao—hindi nila tinatanggap, inaamin, o binibigyan ng atensyon ang alinmang aspekto ng katotohanan, o pinabubulaanan at sinisiraan pa nga ang lahat ng aspekto ng katotohanan. Ito ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan, ito ay isang uri ng diwa. Anong uri ng wakas ang kahahantungan ng diwang ito? Ang itaboy at itiwalag ng Diyos, at pagkatapos ay mamatay. Ang mga kahihinatnan ay napakaseryoso.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga
Sa mga huling araw, ang Diyos na nagkatawang-tao ay pumarito na. Ano ang pinakanararapat na makamit ng tao, yamang nananalig siya sa praktikal na Diyos? Ito ay ang katotohanan, ang buhay; wala nang iba pang mahalaga bukod dito. Noong pumarito si Cristo, ang dinala Niya ay ang katotohanan, ang buhay; pumarito Siya para bigyan ng buhay ang mga tao. Kaya, paano maisasagawa ng isang tao na manalig sa praktikal na Diyos? Ano ang dapat gawin ng isang tao para makamit ang katotohanan at buhay? Nagpahayag ang Diyos ng napakaraming katotohanan. Ang lahat ng gutom at uhaw sa pagiging matuwid ay dapat kumain at uminom hanggang sa mabusog sila sa mga salita ng Diyos. Ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, at ang Kanyang mga salita ay siksik at nag-uumapaw; may mahahalagang bagay kahit saan at kayamanan saan ka man lumingon. Ang mga taong nagmamahal sa katotohanan, na siyang nagtatamasa sa kasaganaan ng magandang lupain ng Canaan, ay namumukadkad sa kagalakan sa kanilang puso. May katotohanan at liwanag sa bawat pangungusap sa mga salita ng Diyos, na siyang kinakain at iniinom nila, ang lahat ng ito ay mahalaga. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay nakasimangot sa kalungkutan; nakaupo sila sa isang piging ngunit nagdurusa sa gutom, na nagpapakita ng kanilang pagiging kaawa-awa. Patuloy na lalago ang mga natatamo ng mga taong nagagawang hanapin ang katotohanan, at iyong mga hindi ay wala nang mapupuntahan. Ang pinakanararapat pagtuunan ng pansin ngayon ay ang matutunang hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay, maunawaan ang katotohanan, maisagawa ang katotohanan, at tunay na makapagpasakop sa Diyos. Iyon ang pananalig sa Diyos. Ang manalig sa praktikal na Diyos ay ang makamit ang katotohanan at ang buhay. Saan ginagamit ang katotohanan? Ginagamit ba ito para payamanin ang espirituwal na mundo ng mga tao? Ito ba ay para mabigyan ng magandang edukasyon ang mga tao? (Hindi.) Kung gayon, anong problema ng tao ang malulutas ng katotohanan? Nariyan ang katotohanan upang lutasin ang tiwaling disposisyon ng tao, lutasin ang makasalanang kalikasan ng tao, kumbinsihin ang mga tao na mamuhay sa harap ng Diyos, at magsabuhay ng normal na pagkatao. Hindi nauunawaan ng ilang tao kung ano ang katotohanan. Pakiramdam nila palagi, ang katotohanan ay malalim at teoretikal, at isang misteryo ang katotohanan. Hindi nila nauunawaan na ang katotohanan ay isang bagay na dapat isagawa ng mga tao, isang bagay na dapat nilang isabuhay. May ilang taong sampu o dalawampung taon nang nananalig sa Diyos ngunit hindi pa rin nila nauunawaan kung ano ba mismo ang katotohanan. Nakamit ba ng ganitong klase ng tao ang katotohanan? (Hindi.) Hindi ba’t kaawa-awa iyong mga hindi nakakamit ng katotohanan? Lubos silang nakakaawa—gaya nga ng inaawit sa himnong iyon, sila ay “nakaupo sa isang piging ngunit nagdurusa sa gutom.” Hindi mahirap makamit ang katotohanan, ni ang pagpasok sa katotohanang realidad, ngunit kung palaging tutol ang mga tao sa katotohanan, makakamit ba nila iyon? Hindi nila kaya. Kaya dapat kang lumapit palagi sa harap ng Diyos, suriin ang iyong panloob na mga kalagayan ng pagiging tutol sa katotohanan, tingnan kung anong mga pagpapakita ng pagiging tutol sa katotohanan ang taglay mo, at kung anong mga paraan ng paggawa ng mga bagay ang pagiging tutol sa katotohanan, at kung saang mga bagay ka may saloobin ng pagiging tutol sa katotohanan—dapat mong suriin nang madalas ang mga bagay na ito. Halimbawa, pinagsabihan ka ng isang tao sa pamamagitan ng pagsasabing, “Hindi mo puwedeng gawin ang iyong tungkulin sa pamamagitan lamang ng pagdepende sa sarili mong kagustuhan—dapat mong pagnilayan at kilalanin ang iyong sarili,” at magagalit ka at sasagot ng, “Hindi maayos ang paggawa ko ng aking tungkulin, pero iyong paggawa mo ng iyo ay ayos lang? Ano’ng mali sa paggawa ko ng aking tungkulin? Alam ng Diyos ang puso ko!” Anong klaseng saloobin ito? Ito ba ay pagtanggap sa katotohanan? (Hindi.) Dapat ay magkaroon muna ang isang tao ng saloobin na tanggapin ang katotohanan kapag may nangyayari sa kanya. Ang hindi pagkakaroon ng ganitong saloobin ay tulad ng hindi pagkakaroon ng sisidlan upang tumanggap ng kayamanan, kaya hindi mo magawang makamit ang katotohanan. Kung hindi makamit ng isang tao ang katotohanan, walang silbi ang pananalig niya sa Diyos! Ang layunin ng pananalig sa Diyos ay ang makamit ang katotohanan. Kung hindi makakamit ng isang tao ang katotohanan, nabigo ang kanyang pananalig sa Diyos. Ano ang pagkamit sa katotohanan? Ito ay kapag naging realidad mo na ang katotohanan, kapag naging buhay mo na ito. Iyon ang pagkamit sa katotohanan—iyon ang saysay ng pananalig sa Diyos! Para saan sinasabi ng Diyos ang Kanyang mga salita? Para saan ipinapahayag ng Diyos ang mga katotohanang iyon? Upang tanggapin ng mga tao ang katotohanan, nang sa gayon ay gawing dalisay ang katiwalian; upang makamit ng mga tao ang katotohanan, nang sa gayon ay maging buhay nila ang katotohanan. Bakit ipapahayag ng Diyos ang napakaraming katotohanan kung hindi ganoon? Upang kalabanin ang Bibliya? Upang magtatag ng “Unibersidad ng Katotohanan” at magsanay ng isang grupo ng mga tao? Parehong hindi. Ito ay kundi para tuluyang mailigtas ang sangkatauhan, maipaunawa sa mga tao ang katotohanan at sa huli ay makamit nila ito. Nauunawaan mo na ngayon, hindi ba? Ano ang pinakamahalaga sa pananalig sa Diyos? (Ang pagkamit sa katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad.) Mula rito, nakadepende ito sa kung paano kayo makakapasok sa katotohanang realidad, at kung magagawa ninyo ito o hindi.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang Makitang Tutol Ako sa Katotohanan
Ang Nakamit Ko sa Pagsusulat ng Aking Patotoo