23. Paano lutasin ang problema ng pagkahilig sa pagpapakitang-gilas at pagpapatotoo para sa sarili

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Itinataas at pinapatotohanan ang mga sarili nila, ibinibida ang mga sarili nila, sinisikap na tingalain at sambahin sila ng mga tao—may kakayahan sa mga bagay na ito ang tiwaling sangkatauhan. Ganito ang likas na reaksyon ng mga tao kapag pinamamahalaan sila ng mga satanikong kalikasan nila, at karaniwan ito sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Paano karaniwang itinataas at pinapatotohanan ng mga tao ang mga sarili nila? Paano nila natatamo ang layunin na tingalain at sambahin sila ng mga tao? Nagpapatotoo sila sa kung gaano karaming gawain ang nagawa nila, kung gaano sila nagdusa, kung gaano nila ginugol ang mga sarili nila, at kung anong halaga ang binayaran nila. Ginagamit nila ang mga bagay na ito bilang kapital kung saan itinataas nila ang mga sarili nila, na nagbibigay sa kanila ng mas mataas, mas matatag, mas ligtas na lugar sa pag-iisip ng mga tao, upang mas maraming tao ang magpapahalaga, titingala, hahanga, at gayundin ang sasamba, gagalang, at susunod sa kanila. Upang matamo ang layong ito, maraming bagay na ginagawa ang mga tao na nagpapatotoo sa Diyos sa panlabas, pero sa totoo lang ay nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Makatwiran bang kumilos nang ganoon? Lampas sila sa saklaw ng pagkamakatwiran at wala silang kahihiyan, ibig sabihin, walang kahihiyan silang nagpapatotoo sa nagawa nila para sa Diyos at kung gaano sila nagdusa para sa Kanya. Ibinibida pa nga nila ang kanilang mga kaloob, mga talento, karanasan, mga natatanging kasanayan, malulupit na diskarte sa mga makamundong transaksiyon, ang mga paraang ginagamit nila upang paglaruan ang mga tao, at iba pa. Ang kaparaanan nila ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili nila ay upang ipangalandakan ang sarili nila at maliitin ang iba. Nagbabalatkayo at nagpapanggap din sila, ikinukubli ang mga kahinaan, mga kakulangan, at mga kapintasan nila sa mga tao upang ang tanging nakikita ng mga ito ay ang kanilang luningning. Hindi man lamang sila nangangahas na sabihin sa ibang tao kapag nakararamdam sila ng pagkanegatibo; salat sila sa tapang na magtapat at makipagbahaginan sa mga ito, at kapag may ginawa silang anumang mali, ginagawa nila ang lahat-lahat upang ikubli at pagtakpan ito. Hindi nila kailanman binabanggit ang pinsalang naidulot nila sa gawain ng iglesia sa takbo ng paggawa ng tungkulin nila. Kapag may nagawa silang maliit na ambag o natamong ilang maliit na tagumpay, gayunman, mabilis sila sa pagpapakitang-gilas nito. Hindi sila makapaghintay na ipaalam sa buong daigdig kung gaano sila may kakayahan, kung gaano kataas ang kakayahan nila, kung gaano sila katangi-tangi, at kung gaano sila mas magaling kaysa sa mga normal na tao. Hindi ba’t isa itong paraan ng pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili? Ang pagtataas at pagpapatotoo ba sa sarili ay isang bagay na ginagawa ng isang taong may konsensiya at katwiran? Hindi. Kaya kapag ginagawa ito ng mga tao, anong disposisyon ang karaniwang nabubunyag? Kayabangan. Ito ang isa sa mga pangunahing disposisyon na nabubunyag, na sinusundan ng panlilinlang, na kinasasangkutan ng paggawa ng lahat ng maaari upang gawing mataas ang pagpapahalaga sa kanila ng ibang mga tao. Hindi mabubutasan ang kanilang mga salita at malinaw na naglalaman ng mga motibasyon at pakana, nagpapakitang-gilas sila, gayumpaman ay nais nilang itago ang katunayang ito. Ang kalalabasan ng kung ano ang sinasabi nila ay na pinararamdam sa mga tao na mas mahusay sila kaysa sa iba, na wala silang sinumang kapantay, na ang lahat ng iba ay nakabababa sa kanila. At ang kalalabasang ito ay hindi ba natatamo sa pamamagitan ng mga pakubling paraan? Anong disposisyon ang nasa likod ng gayong mga paraan? At mayroon bang anumang mga sangkap ng kabuktutan? (Mayroon.) Isa itong uri ng buktot na disposisyon. Makikita na ang mga kaparaanang ginagamit nila ay udyok ng isang mapanlinlang na disposisyon—kaya bakit Ko sinasabi na buktot ito? Ano ang koneksyon nito sa kabuktutan? Ano sa palagay ninyo: Kaya ba nilang maging bukas tungkol sa kanilang mga layon na itaas at patotohanan ang kanilang sarili? Hindi nila kaya. Ngunit laging may hangarin sa kaibuturan ng kanilang puso, at ang sinasabi at ginagawa nila ay para makatulong sa hangaring iyon, at ang mga layon at motibo ng sinasabi at ginagawa nila ay lubos nilang inililihim. Halimbawa, gagamit sila ng panlilihis o ilang patagong kahina-hinalang taktika para makamtan ang mga layon na ito. Hindi ba’t likas na tuso ang gayong paglilihim? At hindi ba’t matatawag na buktot ang gayong pagkatuso? (Oo.) Maaari nga itong tawaging buktot, at mas malalim iyon kaysa panlilinlang. Gumagamit sila ng partikular na pamamaraan para makamit ang kanilang mga mithiin. Ang disposisyong ito ay panlilinlang. Gayunman, ang ambisyon at pagnanais sa kaibuturan ng kanilang puso na palaging gustong pasunurin, patingalain, at pasambahin ang mga tao sa kanila ang kadalasang nagtutulak sa kanila para itaas at patotohanan ang kanilang sarili, at ginagawa nila ang mga bagay na ito nang walang prinsipyo at walang kahihiyan. Ano ang disposisyong ito? Umaangat ito sa antas ng kabuktutan.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili

Anong uri ng mga bagay ang karaniwang pinag-uusapan ng mga tao kapag itinataas at pinatototohanan nila ang kanilang sarili? Ang isang bagay ay ang pag-usapan ang tungkol sa kanilang mga kwalipikasyon. Halimbawa, pinag-uusapan ng ilang tao kung paano nila pinatuloy sa bahay ang ilang matataas na lider sa iglesia. May ilan pa ngang nagsasabi, “Ang Diyos Mismo ang pinatuloy ko, at napakabait Niya sa akin—tiyak na gagawin akong perpekto.” Ano ang ibig nilang sabihin dito? (Sinusubukan nilang maging mataas ang tingin sa kanila ng mga tao.) May mithiin sila sa pagsasabi ng ganitong mga bagay. Sinasabi ng iba, “Nakasalamuha ko ang Itaas, medyo mataas ang tingin nila sa akin, at hinimok nila akong magsikap sa paghahangad ko.” Ang totoo, walang sinumang may ideya kung ano ang tingin sa kanila ng Itaas. May mga tao talagang pinapalaki ang mga bagay-bagay, at minsan ay nag-iimbento pa ng mga bagay. Hindi nila malalaman ang gagawin kung may isang grupo ng mga taong nagsama-sama para beripikahin at suriin ang kanilang mga kuwento. Maaring sabihin ng Itaas sa isang tao, “Mahusay ang kakayahan mo at may kakayahan kang makaarok. Dapat kang magsanay na isulat ang patotoo mong batay sa karanasan. Kapag may buhay karanasan ka na, puwede kang maging lider.” Ano ang implikasyon dito? Kahit na talentado ang taong ito, kailangan pa rin niyang magsanay at maranasan ang mga bagay-bagay nang ilang panahon. Kapag nagmalaki at nagyabang ang taong iyon bago pa makapagsanay o magkaroon ng karanasan, ano ang kalikasan nito? Nagiging mapagmataas at palalo siya, at nawala na siya sa katwiran, hindi ba? Kahit na sabihin ng kapatid sa Itaas na nagtataglay ng kakayahan ang taong ito at na talentado siya, panghihikayat lang ito sa kanya o pagbibigay sa kanya ng ebalwasyon. Ano ang layunin ng taong iyon sa pag-iikot at pagyayabang nang ganito? Ito ay para maging mataas ang tingin sa kanya ng mga tao, para sambahin siya ng iba. Ang sinasabi niya ay, “Tingnan mo—mataas ang tingin sa akin ng kapatid sa Itaas, kaya bakit ikaw ay hindi? Ngayong sinabi ko na sa ito iyo, dapat mataas na rin ang tingin mo sa akin.” Ito ang layuning gusto nilang makamit. May mga nagsasabi rin, “Dati akong lider. Lider ako ng isang rehiyon, isang distrito, isang iglesia—patuloy akong bumaba nang bumaba sa hagdan, at umakyat nang umakyat ng mga baitang—ilang beses na akong itinaas at ibinaba ng posisyon. Kalaunan, naantig ang Langit sa sinseridad ko, at ngayon, isa na naman akong mataas-na-antas na lider. At hindi ako kailanman naging negatibo.” Kapag tinanong mo sila kung bakit hindi sila kailanman nakaramdam ng pagiging negatibo, sasagot sila, “May pananalig akong sa kalaunan, ang tunay na ginto ay nakatadhanang kuminang kalaunan.” Ito ang konklusyon na kinauwian nila. Ito ba ang katotohanang realidad? (Hindi.) Kung gayon ano ito, kung hindi ito ang katotohanang realidad? Isa itong kakaibang teorya; puwede rin nating sabihing isa itong panlilinlang. Ano ang posibleng kahihinatnan ng pagsasalita nila nang ganito? Maaaring sabihin ng ilang tao, “Talagang hinahangad ng taong ito ang katotohanan. Hindi siya naging negatibo matapos itaas at ibaba ang kanyang posisyon nang maraming beses. At ngayon, ginawa na siyang lider ulit—talagang kumikinang nga ang tunay na ginto. Kaunting panahon na lang bago siya magawang perpekto.” Hindi ba’t ito ang nilalayon ng taong ito? Ang totoo, ito mismo ang nilalayon niya. Paano man nagsasalita ang mga anticristo, iyon ay laging para maging mataas ang tingin sa kanila at sambahin sila ng mga tao, para sumakop sila ng isang partikular na puwang sa puso ng mga ito, at pumalit pa nga sa lugar ng Diyos doon—ito ang lahat ng layong nais makamtan ng mga anticristo kapag nagpapatotoo sila tungkol sa kanilang sarili. Kapag ang nag-uudyok sa sinasabi, ipinapangaral, at ibinabahagi ng mga tao ay para maging mataas ang tingin sa kanila at sambahin sila ng iba, ang gayong pag-uugali ay pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili, ginagawa ito para magkaroon sila ng puwang sa puso ng iba. Bagama’t hindi lubos na pare-pareho ang mga paraan ng pagsasalita ng mga taong ito, humigit-kumulang, may epekto ang mga ito na nagpapatotoo sa kanilang sarili at naghihikayat sa iba na sambahin sila. Sa magkakaibang antas, ang ganoong mga pag-uugali ay umiiral sa halos lahat ng lider at manggagawa. Kung umabot sila sa isang partikular na punto, ang punto kung saan hindi nila mapigil ang kanilang sarili at nahihirapan silang pigilan ang mga sarili nila, at may kinikimkim silang isang partikular na malakas at malinaw na layunin at mithiin, gustong hikayatin ang mga tao na ituring silang parang sila ay Diyos o isang diyus-diyosan, at dahil doon ay makamtan nila ang layon nilang pigilan at kontrolin ang iba, at mahikayat ang ibang tao na sundin at sambahin sila, ang likas na katangian ng lahat ng ito, kung gayon, ay pagtataas at pagpapatotoo tungkol sa kanilang sarili, at may katangian ng mga anticristo rito.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Unang Aytem: Sinisikap Nilang Kunin ang Loob ng mga Tao

Ang ikalawang pagpapamalas ng mga tao, pangyayari, at bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa buhay iglesia ay kapag naglilitanya ang mga tao ng mga salita at doktrina para ilihis ang ibang tao at magpakitang-gilas sa mga ito. Karaniwan, pwedeng magsabi ng ilang salita at doktrina ang karamihan ng tao. Nagawa na ito ng karamihan ng tao. Dapat nating ituring ang karaniwang pangyayari ng pagsasabi ng isang tao ng mga salita at doktrina bilang resulta ng maliit na tayog at kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan ng taong iyon. Hangga’t hindi sila kumakain ng masyadong malaking oras, hangga’t hindi nila sinasadyang gawin ito, hindi minomonopolisa ang usapan, hindi hinihinging hayaan lang sila ng lahat na sabihin ang anumang gusto nila, hindi hinihinging makinig ang lahat sa kanila, at hindi inililihis ang iba para makuha ang paghanga ng mga ito, kung gayon, hindi ito maituturing na panggagambala at panggugulo. Dahil ang karamihan ng tao ay walang katotohanang realidad, ang pagsasabi ng mga salita at doktrina ay isang napakakaraniwang pangyayari—katanggap-tanggap ang pagsasalita nang medyo hindi naaangkop; mapapatawad ito at hindi masyadong seseryosohin. Gayumpaman, may isang eksepsiyon, at ito ay kapag nananadya ang tao na naglilitanya ng mga salita at doktrina. Ano ang ginagawa nila nang sadya? Hindi ang paglilitanya ng mga salita at doktrina ang ginagawa nila nang sadya, dahil wala rin silang katotohanang realidad. Ang mga kilos nila, tulad ng paglilitanya ng mga salita at doktrina, pagsigaw ng mga islogan, at pagsasabi ng mga teorya, ay katulad ng sa ibang tao. Gayumpaman, may isang pagkakaiba: Kapag naglilitanya sila ng mga salita at doktrina, palagi nilang gustong hangaan sila ng iba. Palagi nilang gustong ikumpara ang sarili nila sa mga lider at manggagawa, sa mga naghahangad sa katotohanan, at, ang mas lalong hindi makatwiran, anuman ang sabihin nila o paano man nila ito sabihin, ang layon nila ay makuha ang suporta ng mga tao, ang ilihis ang puso ng mga tao, ang lahat ng ito ay para hangaan sila nang labis. Ano ang layon ng paghahangad ng labis na paghanga? Nais nilang magkaroon ng katayuan at katanyagan sa puso ng mga tao, maging natatanging indibidwal o lider sa gitna ng karamihan, makita ng iba bilang isang taong ekstraordinaryo o kakaiba, maging isang espesyal na tao, isang taong may awtoridad ang mga salita. Naiiba ang sitwasyong ito sa mga karaniwang pangyayari kung saan ang mga tao ay nagsasabi ng mga salita at doktrina at ito ay maituturing nang panggagambala at panggugulo. Ano ang pinagkaiba ng mga taong ito mula sa mga nagsasabi ng mga salita at doktrina sa mas karaniwang paraan? Ito ay ang kanilang palagiang pagnanais na magsalita; kapag may pagkakataon, magsasalita sila. Hangga’t may pagtitipon o grupo ng mga tao na nakatipon—hangga’t may tagapakinig sila—magsasalita sila, may matindi silang pagnanais na gawin ito. Ang layon nila sa pagsasalita ay hindi para ibahagi sa mga kapatid ang kanilang mga saloobin, natamo, karanasan, pagkaunawa, o kabatiran para magtaguyod ng pagkaunawa sa katotohanan o ng isang landas para isagawa ito. Sa halip, ang layon nila ay gamitin ang pagkakataon para magsabi ng mga doktrina para makapagpakitang-gilas sila, para ipakita sa iba kung gaano sila katalino, para ipakita na sila ay may utak, kaalaman, at natutuhan, at nakakahigit sa karaniwang tao. Gusto nilang makilala bilang mga indibidwal na may kakayahan, na hindi lang ordinaryo, para sa anumang usapin, lalapit sa kanila ang lahat at kokonsulta sa kanila. Sa anumang isyu sa iglesia o sa anumang suliraning kinakaharap ng mga kapatid, gusto nilang sila ang unang maiisip ng ibang tao; gusto nila ito para maramdaman ng iba na walang magagawa ang mga ito nang wala sila, para hindi mangangahas ang mga ito na pangasiwaan ang anumang usapin nang wala sila, at lahat ay naghihintay sa kanilang utos—ito ang epektong ninanais nila. Ang layon nila sa paglilitanya ng mga salita at doktrina ay para bitagin at kontrolin ang mga tao. Para sa kanila, ang paglilitanya ng mga salita at doktrina ay isang diskarte lang, isang pamamaraan; hindi ito dahil sa hindi nila nauunawaan ang katotohanan kaya sila naglilitanya ng mga salita at doktrina kundi sa pamamagitan ng paggawa nito, ang pakay nila ay ang hangaan sila ng mga tao mula sa puso, tingalain sila, at katakutan pa nga sila, nang napipigilan at nakokontrol nila ang mga tao. Kaya, ang ganitong uri ng paglilitanya ng mga salita at doktrina ay may nakakagambala at nakakagulong kalikasan. Sa buhay iglesia, dapat limitahan ang mga gayong indibidwal, at ang ganitong pag-uugali ng paglilitanya ng mga salita at doktrina ay dapat ding pigilan, at hindi pahintulutang magpatuloy nang walang nagsusuri.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 13

Pinatototohanan ng ilang tao ang kanilang sarili gamit ang wika, at nangungusap ng ilang salita na nagpapasikat sa kanila, habang ang ibang tao naman ay gumagamit ng mga pag-uugali. Ano ang mga pagpapamalas ng isang tao na gumagamit ng mga pag-uugali para patotohanan ang kanyang sarili? Sa panlabas, nakikibahagi siya sa ilang pag-uugaling naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, na tumatawag sa pansin ng mga tao, at na nakikita ng mga tao bilang sadyang marangal at medyo naaayon sa mga moral na pamantayan. Ang mga pag-uugaling ito ang nagpapaisip sa mga tao na marangal sila, na mayroon silang integridad, na talagang mahal nila ang Diyos, na napakamaka-Diyos nila, at talagang nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, at na sila ay mga tao na naghahangad sa katotohanan. Madalas silang nagpapakita ng ilang mabubuting pag-uugali sa panlabas para ilihis ang mga tao—hindi ba’t nangangamoy din ito ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Kadalasan, itinataas at pinatototohanan ng mga tao ang kanilang sarili gamit ang mga salita, gumagamit ng malinaw na pananalita para ipahayag kung paano sila naiiba mula sa mga masa at kung paanong may mas matatalinong opinyon sila kaysa sa iba, upang gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanila at tingalain sila. Gayuman, may ilang kaparaanan na hindi kinapapalooban ng tahasang pananalita, kung saan ang mga tao sa halip ay gumagamit ng mga panlabas na pagsasagawa para patotohanang mas magaling sila kaysa sa iba. Pinag-isipang mabuti ang ganitong mga uri ng pagsasagawa, dinadala ng mga ito ang isang motibo at isang tiyak na layon, at sadya ang mga ito. Nabalot at naproseso ang mga ito para ang makikita ng mga tao ay ilang pag-uugali at pagsasagawa na nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, na marangal, maka-Diyos, at umaayon sa malasantong pagiging disente, at na nagmamahal pa nga sa Diyos, may takot sa Diyos, at nakaayon sa katotohanan. Nakakamtan nito ang kaparehong layon ng itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili at nagagawang mataas ang tingin ng mga tao sa kanila at sinasamba sila. Nakatagpo o nakakita na ba kayo ng gayong bagay? Nagtataglay ba kayo ng ganitong mga pagpapamalas? Hiwalay ba sa totoong buhay ang mga bagay na ito at ang paksang ito na tinatalakay Ko? Sa totoo lang, hindi hiwalay ang mga ito. Magbibigay Ako ng isang napakasimpleng halimbawa. Kapag ginagawa ng ilang tao ang kanilang mga tungkulin, tila ba lubhang abala sila sa panlabas; sadya silang nagpapatuloy sa paggawa sa mga oras na kumakain o natutulog ang iba, at kapag nagsimula nang gawin ng iba ang kanilang mga tungkulin, kakain o matutulog naman sila. Anong layon nila sa paggawa nito? Nais nilang makatawag ng pansin at ipakita sa lahat na masyado silang abala sa paggawa ng kanilang mga tungkulin na wala na silang panahong kumain o matulog. Iniisip nilang: “Wala talaga kayong dinadalang pasanin. Bakit napakaagap ninyo sa pagkain at pagtulog? Kayong mga walang silbi! Tingnan ninyo ako, nagtatrabaho ako habang lahat kayo ay kumakain, at nagtatrabaho pa rin ako sa gabi kapag tulog na kayo. Makakayanan ba ninyong magdusa nang tulad nito? Kaya kong pagtiisan ang pagdurusang ito; gumagawa ako ng halimbawa sa pag-uugali ko.” Anong tingin ninyo sa ganitong uri ng pag-uugali at pagpapamalas? Hindi ba sinasadyang gawin ito ng mga tao na ito? Sinasadyang gawin ng ilang tao ang mga bagay na ito, at anong uri ng pag-uugali ito? Nais ng mga tao na ito na maging mga di-umaayon; nais nilang maging iba kaysa sa mga masa at ipakita sa mga tao na abala silang ginagawa ang kanilang mga tungkulin buong gabi, na lubos nilang napagtitiisan ang pagdurusa. Sa ganitong paraan, labis na maaawa sa kanila ang lahat at magpapakita ng partikular na simpatya sa kanila, iniisip na mayroon silang mabigat na pasanin sa kanilang mga balikat, na umaabot hanggang sa leeg na nila ang trabaho at masyadong abala para kumain o matulog. At kung hindi sila maililigtas, magsusumamo sa Diyos ang lahat para sa kanila, makikiusap sa Diyos para sa kanila, at magdarasal para sa kanila. Sa paggawa nito, ginagamit ng mga tao na ito ang mabubuting pag-uugali at pagsasagawa na naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, tulad ng pagtitiis sa hirap at pagbabayad sa halaga, para dayain ang ibang tao at mapanlinlang na makuha ang kanilang simpatya at papuri. At ano ang pangwakas na resulta nito? Ang lahat ng nagkaroon ng ugnayan sa kanila at nakita silang nagbabayad ng halaga ay magsasabing lahat sa iisang boses: “Ang aming lider ang pinaka-may kakayahan, ang pinakakayang pagtiisan ang pagdurusa at ang pagbabayad ng halaga!” Hindi ba nila nakamtan ang kanilang layon ng panlilihis sa mga tao? Pagkatapos, isang araw, sabi ng sambahayan ng Diyos, “Hindi gumagawa ng aktuwal na gawain ang lider ninyo. Ginagawa niyang abala ang kanyang sarili at gumagawa nang walang layon; kumikilos siya nang walang-ingat at siya ay di-makatwiran at mapagdikta. Nagulo niya ang gawain ng iglesia, hindi niya nagawa ang anuman sa mga gawaing dapat niyang gawin, hindi niya nagampanan ang gawain ng ebanghelyo o ang gawain ng produksyon ng pelikula, at nasa kaguluhan din ang buhay iglesia. Hindi nauunawaan ng mga kapatid ang katotohanan, wala silang buhay pagpasok, at hindi sila makasulat ng mga artikulo ng patotoo. Ang pinakakaawa-awang bagay ay na hindi man lang nila makilatis ang mga huwad na lider at anticristo. Masyadong walang kakayahan ang ganitong uri ng lider; isa siyang huwad na lider na dapat tanggalin!” Sa ilalim ng mga sitwasyong ito, magiging madali ba na tanggalin siya? Maaaring mahirap gawin ito. Yamang sinasang-ayunan at sinusuportahan siya ng lahat ng mga kapatid, kung may sinumang susubukang tanggalin ang lider na ito, magpoprotesta ang mga kapatid at makikiusap sa ang Itaas para mapanatili siya. Bakit magkakaroon ng gayong kalalabasan? Dahil gumagamit ng mabubuting pag-uugali sa panlabas ang huwad na lider at anticristong ito gaya ng pagtitiis sa hirap at pagbabayad sa halaga, pati na rin ang magagandang salita, para maantig, mabili, at mailihis ang mga tao. Sa sandaling nagamit na niya ang mga huwad na kaanyuang ito para ilihis ang mga tao, magsasalita ang lahat para sa kanya at hindi magagawang iwan siya. Malinaw na alam nilang hindi masyadong nakagawa ng aktuwal na gawain ang lider na ito, at na hindi nila nagabayan ang mga taong hinirang ng Diyos na maunawaan ang katotohanan at makamit ang buhay pagpasok, ngunit sinusuportahan pa rin siya ng mga tao na ito, sinasang-ayunan siya, at sumusunod sa kanya, ni wala man lang pakialam kung ang ibig sabihin nito ay hindi nila makakamit ang katotohanan at buhay. Higit pa rito, dahil nailihis sila ng lider na ito, sumasamba sa kanya ang lahat ng mga tao na ito, hindi tinatanggap ang sinumang lider maliban sa kanya, at ayaw na sa Diyos. Hindi ba nila tinatrato bilang Diyos ang lider na ito? Kung sasabihin ng sambahayan ng Diyos na hindi gumagawa ng aktuwal na gawain ang tao na ito at na isa siyang huwad na lider at anticristo, magpoprotesta at maghihimagsik ang mga tao sa kanilang iglesia. Sabihin mo sa Akin, hanggang saan nailihis ng anticristong ito ang mga tao na iyon? Kung gawain ito ng Banal na Espiritu, bubuti lang ang kalagayan ng mga tao, at higit nilang mauunawaan ang katotohanan, magiging higit pang mapagpasakop sa Diyos, magkakaroon ng higit pang lugar para sa Diyos sa mga puso nila, at mas gagaling pa sa pagkilatis ng mga huwad na lider at anticristo. Mula sa pananaw na ito, ang sitwasyong kakatalakay lang natin ay tiyak na hindi gawain ng Banal na Espiritu—tanging ang mga anticristo at masasamang espiritu lang ang makapaglilihis sa mga tao nang gayon pagkatapos gumawa sa loob ng ilang panahon. Maraming tao ang nailihis at nakontrol ng mga anticristong ito, at sa mga puso nila, mayroon lang silang lugar para sa mga anticristo at walang lugar para sa Diyos. Ito ang huling resultang nakamtam ng mga anticristo na itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng panlabas na mabubuting pag-uugali.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili

Ang mga tao bang itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili ay bastang nagsasalita lang tungkol sa lahat ng kanilang natatanging katangian? Minsan, nagsasalita rin sila tungkol sa kanilang mga kapintasan, ngunit totoo bang sinusuri at sinisikap nilang makilala ang kanilang sarili kapag ginagawa nila ito? (Hindi.) Kung gayon, paano matutuklasan ng isang tao na hindi totoo ang kanyang kaalaman sa sarili, at na sa halip ito ay di-dalisay at may layon sa likod nito? Paano lubusang mauunawaan ng isang tao ang usaping ito? Ang tinutumbok dito ay na kaalinsabay ng kanilang pagsisikap na makilala nila ang kanilang sarili at isiwalat ang kanilang mga kahinaan, kapintasan, kakulangan, at tiwaling disposisyon, naghahanap din sila ng mga palusot at dahilan upang ipawalang-sala nila ang kanilang sarili sa pagkakasala. Palihim nilang sinasabi sa mga tao, “Nagkakamali ang lahat, hindi lang ako. Nagkakamali rin kayong lahat. Mapapatawad ang pagkakamaling nagawa ko; isa itong maliit na pagkakamali. Kung nagawa ninyo ang kaparehong pagkakamaling ito, magiging labis na mas malubhang kaso ito kaysa sa akin, dahil hindi ninyo pinagninilayan o sinusuri ang inyong sarili. Bagaman nagkakamali ako, mas magaling ako kaysa sa inyo at mas may pagkamakatwiran at integridad.” Kapag narinig ito ng lahat, iniisip nila, “Tama ka. Labis-labis mong nauunawaan ang katotohanan, at talagang nagtataglay ka ng tayog. Kapag nagkakamali ka, nagagawa mong pagnilayan at suriin ang iyong sarili; labis kang mas magaling kaysa sa amin. Kung nagkakamali kami, hindi kami nagninilay o nagsisikap na makilala ang aming sarili, at dahil sa takot na mapahiya, hindi kami nangangahas na suriin ang aming sarili. Mayroon kang mas malaking tayog at tapang kaysa sa amin.” Nagkamali ang mga tao na ito subalit nakuha pa rin nila ang tiwala ng iba at pinapupurihan sila—anong disposisyon ito? Labis na bihasa ang ilang anticristo sa pagpapanggap, pandaraya sa mga tao, at pagkukunwari. Kapag nakakatagpo nila ang mga tao na nakauunawa ng katotohanan, nagsisimula silang magsalita tungkol sa kanilang kaalaman sa sarili, at sinasabi rin nilang isa silang diyablo at isang Satanas, na masama ang kanilang pagkatao, at na nararapat silang isumpa. Ipagpalagay na itatanong mo sa kanila, “Yamang sinasabi mong isa kang diyablo at isang Satanas, anong masasamang gawa ang ginawa mo?” Sasabihin nilang: “Wala akong ginawa, ngunit isa akong diyablo. At hindi lang ako diyablo, isa rin akong Satanas!” Pagkatapos tatanungin mo sila, “Yamang sinasabi mong isa kang diyablo at isang Satanas, aling masasamang gawa ng isang diyablo at isang Satanas ang ginawa mo, at paano mo nilabanan ang Diyos? Masasabi mo ba ang katotohanan tungkol sa masasamang bagay na ginawa mo?” Sasabihin nilang: “Wala akong ginawang anumang masama!” Pagkatapos ay higit mo pang ididiin at itatanong, “Kung wala kang ginawang anumang masama, bakit mo sinasabing isa kang diyablo at isang Satanas? Ano ang sinisikap mong makamit sa pagsasabi nito?” Kapag naging seryoso ka sa kanila nang tulad nito, wala silang masasabi. Sa totoo lang, nakagawa sila ng maraming masasamang bagay, ngunit hindi nila lubos na ibabahagi sa iyo ang mga katotohanan tungkol dito. Magsasalita lang sila ng ilang kabulastugan at maglilitanya ng ilang doktrina para mangusap ng kanilang kaalaman sa sarili sa isang hungkag na paraan. Pagdating sa kung paano nila partikular na nahikayat ang mga tao, dinaya ang mga tao, ginamit ang mga tao base sa kanilang damdamin, nabigong seryosohin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, lumaban sa mga pagsasaayos ng gawain, dinaya ang Itaas, inilihim ang mga bagay-bagay sa mga kapatid, at kung gaano nila napinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, hindi sila magsasabi ng kahit isang salita tungkol sa mga katotohanang ito. Isa ba itong tunay na kaalaman sa sarili? (Hindi.) Sa pagsasabing sila ay isang diyablo at isang Satanas, hindi ba sila nagkukunwaring sila ay may kaalaman sa sarili para itaas at patotohanan ang kanilang sarili? Hindi ba ito isang kaparaanan na ginagamit nila? (Oo.) Hindi mauunawaan ng isang pangkaraniwang tao ang kaparaanang ito. Kapag tinanggal ang ilang lider, sila ay muling nahahalal kaagad pagkatapos, at kapag tinanong mo ang dahilan para rito, sinasabi ng ilang tao: “Mahusay ang kakayahan ng lider na iyon. Alam niyang isa siyang diyablo at isang Satanas. Sino pa ba ang may gayong antas ng kaalaman? Ang mga tao lang na talagang naghahangad ng katotohanan ang nagtataglay ng kaalamang iyon. Walang sinuman sa atin ang magagawang makamit ang kaalamang iyon tungkol sa ating sarili; walang ganoong tayog ang pangkaraniwang tao. Dahil dito, muli siyang pinili ng lahat.” Ano ang nangyayari rito? Inilihis ang mga taong ito. Alam ng lider na ito na isa siyang diyablo at isang Satanas ngunit pinili pa rin siya ng lahat, kaya anong epekto at kahihinatnan nito sa mga tao sa kanyang pagsasabing siya ay isang diyablo at isang Satanas? (Nagagawa nitong pataasin ang tingin ng mga tao sa kanya.) Tama iyon, nagagawa nitong mas pataasin ang tingin ng mga tao sa kanya. Tinatawag ng mga walang pananampalataya ang kaparaanang ito na “aatras para sumulong.” Nangangahulugan ito na para maging mas mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, nagsasabi muna siya ng masasamang bagay tungkol sa kanyang sarili upang maniwala ang iba na kaya niyang buksan at kilalanin ang kanyang sarili, na mayroon siyang lalim at kabatiran, at isang malalim na pang-unawa, at dahil dito, mas sinasamba siya ng lahat. At ano ang resulta ng mas sinasamba siya ng lahat? Kapag oras na muli na pumili ng mga lider, itinuturing pa rin siyang perpektong tao para sa papel na ito. Hindi ba’t sadyang magaling ang kaparaanang ito? Kung hindi siya nagsalita tungkol sa kanyang kaalaman sa sarili nang tulad nito at hindi niya sinabing isa siyang diyablo at isang Satanas, at sa halip ay negatibo lang, nang makita ito ng iba, sasabihin nila, “Sa sandaling tinanggal ka at nawalan ka ng katayuan, naging negatibo ka na. Tinuturuan mo kami dati na huwag maging negatibo, at ngayon ang pagiging negatibo mo ay mas malubha pa kaysa sa amin. Hindi ka namin pipiliin.” Walang sinumang magiging mataas ang tingin sa lider na ito. Bagaman wala pa ring pagkilatis sa kanya ang lahat, kahit paano ay hindi nila pipiliin siyang maging lider muli, at hindi makakamit ng taong ito ang kanyang layong gawing mataas ang tingin ng iba sa kanya. Ngunit pinangunahan na ng lider na ito, sinasabing: “Isa akong diyablo at isang Satanas; maaaring isumpa ako ng diyos at ipadala ako sa ikalabing-walong antas ng impiyerno at hindi ako pahintulutang muling magkatawang-tao sa buong kawalang-hanggan!” Naaawa ang ilang tao sa kanya kapag naririnig ito at sasabihing: “Labis na nagdusa ang aming lider. O, inagrabyado siya! Kung hindi siya pahihintulutan ng Diyos na maging isang lider, ihahalal namin siya.” Sinusuportahan ng lahat nang labis ang lider na ito, kaya hindi ba sila inilihis? Ang orihinal na layon ng kanyang mga salita ay nakumpirma na, pinatutunayang tunay ngang inililihis niya ang mga tao sa ganitong paraan. Paminsan-minsang inililihis ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng pagtataas at pagpapatotoo sa sarili nito, at paminsan-minsan ay kaya nitong aminin ang mga pagkakamali nito sa pasikot-sikot na paraan kapag wala na itong ibang pagpipilian, ngunit pagkukunwari ang lahat ng ito, at ang layon nito ay makamit ang simpatya at pang-unawa ng mga tao. Sasabihin pa nga nito, “Walang sinumang perpekto. May mga tiwaling disposisyon ang lahat at nagkakamali ang lahat. Hangga’t kayang itama ng isang tao ang kanyang mga pagkakamali, mabuting tao siya.” Kapag naririnig ito ng mga tao, pakiramdam nila ay tama ito, at patuloy na sumasamba at sumusunod kay Satanas. Ang kaparaanan ni Satanas ay ang maagap na pagkilala sa mga pagkakamali nito, at palihim na pinupuri ang sarili nito at itinataas ang posisyon nito sa puso ng mga tao, para tanggapin ng mga tao ang lahat tungkol dito—kahit ang mga kamalian nito—at pagkatapos ay patawarin ang mga kamaliang ito, unti-unting kalimutan ang mga ito, at sa kalaunan ay ganap na tanggapin si Satanas, nagiging tapat dito hanggang kamatayan, hinding-hindi iiwan o tatalikuran ito, at sinusundan ito hanggang sa dulo. Hindi ba’t ito ang kaparaanan ni Satanas sa paggawa ng mga bagay-bagay? Ganito kumikilos si Satanas, at ginagamit din ng mga anticristo ang ganitong uri ng kaparaanan kapag kumikilos sila para tuparin ang kanilang mga ambisyon at layon na pasambahin at pasunurin sa kanila ang mga tao. Ang mga kahihinatnan nito ay magkapareho, at hindi masyadong naiiba sa kahihinatnan ng paglilihis at pagtitiwali ni Satanas sa mga tao.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili

Nagsasalita ang ilang tao tungkol sa ilang mga kakatwang teorya at simbolikong argumento para isipin ng mga tao na sila ay intelektuwal at maraming kaalaman, at na napakalalim ng kanilang mga kilos, at nang sa gayon ay makamtan ang kanilang layon na pasambahin sa kanila ang mga tao. Ibig sabihin, palagi nilang nais na lumahok at magbigay ng kanilang opinyon sa lahat ng usapin, at kahit pa nakagawa na ng huling desisyon ang lahat, kung hindi sila nasisiyahan dito, maghuhumiyaw sila ng magagarbong ideya para magpasikat. Hindi ba ito isang paraan ng pagpupuri sa sarili at pagpapatotoo ng sarili? Sa ilang usapin, talagang napag-usapan na ng lahat ang mga bagay-bagay, sumangguni sa isa’t isa, natagpuan ang mga prinsipyo, at nagdesisyon sa planong pagkilos, ngunit hindi nila tinatanggap ang desisyon at hinahadlangan ang mga bagay-bagay sa isang hindi makatwirang paraan, sinasabing, “Hindi puwede iyan. Hindi pa ninyo ito komprehensibong isinaalang-alang. Bukod sa iilang aspektong napag-usapan natin, may naisip din akong isa pa.” Sa katunayan, isa lang kakatwang teorya ang naisip nilang aspekto; nagbubusisi lang sila nang walang kabuluhan. Lubos nilang nababatid na nagbubusisi lang sila nang walang kabuluhan at pinahihirap ang mga bagay-bagay para sa ibang tao, ngunit ginagawa pa rin nila ito. Ano ang layon nila rito? Ito ay para ipakita sa mga tao na naiiba sila, na mas matalino sila kaysa sa iba. Ang ibig nilang sabihin ay, “Ito ba ang antas ninyong lahat? Dapat kong ipakita sa inyo na nasa mas mataas na antas ako.” Kadalasang hindi nila pinapansin ang anumang sinasabi ng iba, ngunit sa sandaling may dumating na isang importanteng bagay, nagsisimula silang guluhin ang mga bagay-bagay. Anong tawag sa ganitong uri ng tao? Sa pangkaraniwan, tinatawag siyang mapamintas at isang itlog na bugok. Ano ang mga karaniwang pamamaraan ng isang mapamintas? Nasisiyahan siya sa paghuhumiyaw ng magagarbong ideya at pagsali sa ilang napakasama at balikong pagsasagawa. Kung hihilingin mo sa kanya na magprisinta ng tamang plano ng pagkilos, hindi niya magagawang makabuo nito, at kung hihilingin mo sa kanya na pangasiwaan ang isang seryosong bagay, hindi niya ito magagawa. Napakasasamang bagay lang ang ginagawa niya, at palagi niyang nais bigyan ng “sorpresa” ang mga tao at magpasikat ng kanyang mga abilidad. Ano na nga ba ang kasabihang iyon? “Naglalagay ng kolorete ang isang matandang babae—para bigyan ka ng isang bagay na titingnan.” Nangangahulugan ito na palagi niyang nais magpakitang-gilas ng kanyang mga abilidad, at hindi alintana kung makapagpapakitang-gilas man siya nang maayos o hindi, nais niyang malaman ng mga tao na, “Mas natatangi ako kaysa sa inyo. Lahat kayo ay hindi mahusay, mga mortal lang kayo, mga ordinaryong tao. Ako ay pambihira at hindi pangkaraniwan. Ibabahagi ko ang aking mga ideya para isorpresa kayo at pagkatapos ay makikita ninyo kung nakahihigit man ako o hindi.” Hindi ba’t ginugulo nito ang mga bagay-bagay? Sinasadya niyang guluhin ang mga bagay-bagay. Anong uri ng pag-uugali ito? Nagdudulot siya ng mga pagkagambala at panggugulo. Ito ang ibig niyang sabihin: Hindi ko pa naipakikita kung gaano ako katalino sa usaping ito, kaya kahit pa kaninong mga interes ang napinsala at kahit pa kaninong mga pagsisikap ang nasayang, isasabotahe ko ito hanggang maniwala ang lahat na ako ay nakahihigit, may kakayahan, at mahusay. Saka ko lang hahayaang magpatuloy ang usaping ito nang walang hadlang. Umiiral ba ang masasamang taong tulad nito? Ginawa mo na ba ang mga ganitong uri ng bagay dati? (Oo. Minsan natapos nang talakayin ng iba ang isang usapin at nakakita ng angkop na plano, ngunit yamang hindi nila ipinagbigay-alam sa akin habang nasa proseso ng paggawa ng desisyon, sinadya kong maghanap ng mga kapintasan dito.) Noong ginawa mo ito, alam mo ba sa iyong puso kung tama o mali ito? Alam mo bang seryoso ang kalikasan ng problemang ito, na nagdudulot ito ng pagkagambala at panggugulo? (Hindi ko ito nabatid noong panahong iyon, ngunit sa pamamagitan ng malubhang pagpungos ng aking mga kapatid, at sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, nakita kong seryoso ang kalikasan ng problemang ito, na ginagambala at ginugulo nito ang gawain ng iglesia, at isang uri ng satanikong pag-uugali.) Yamang nakilala mo kung gaano ito kaseryoso, kapag may nangyaring mga kagayang bagay sa iyo pagkatapos nito, nagawa mo bang magbago ng bahagya at magkaroon ng ilang pagpasok pagdating sa iyong pamamaraan? (Oo. Noong ibinunyag ko ang gayong mga kaisipan at ideya, batid ko na isa itong satanikong disposisyon, na hindi ko magagawa ang mga bagay sa ganoong paraan, at nagawa kong may kamalayang magdasal sa Diyos at maghimagsik laban sa mga di-tamang kaisipan at ideyang iyon.) Nagawa mong medyo magbago. Kapag mayroon kang gayong mga problema ng katiwalian, dapat mong hanapin ang katotohanan para resolbahin ang mga ito, pigilan ang iyong sarili, at magdasal sa Diyos. Kapag iniisip mong tinitingnan ka ng iba nang may paghamak, na hindi mataas ang tingin nila sa iyo o sineseryoso ka, at kaya nais mong magdulot ng panggugulo, kapag may ganito kang saloobin, dapat nababatid mong hindi ito nagmumula sa normal na pagkatao kundi mula sa isang satanikong disposisyon, at na, kung magpapatuloy kang ganito, magkakaroon ng gulo, at malamang ay sasalungatin mo ang disposisyon ng Diyos. Dapat mo munang malaman kung paano pigilan ang iyong sarili, at pagkatapos ay pumunta sa harap ng Diyos para magdasal sa Kanya at baligtarin ang iyong takbo. Kapag namumuhay ang mga tao sa loob ng sarili nilang mga pag-iisip, sa loob ng kanilang mga tiwaling disposisyon, walang anuman sa ginagawa nila ang nakaayon sa katotohanan o magagawang matugunan ang Diyos; laban sa Diyos ang lahat ng ginagawa nila. Makikilala mo na ngayon ang katunayang ito, hindi ba? Palaging nagnanais na makipaglaban para sa katanyagan at kapakinabangan, at hindi nag-aalinlangang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia para magkamit ng reputasyon at katayuan, ay ang mga pinakahalatang pagpapamalas ng mga anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili

Paanong ang isang anticristo na itinataas at pinatototohanan ang kanyang sarili ay naiiba kaysa sa pangkaraniwang tao na ganoon din ang ginagawa? Madalas na nagyayabang at nagpapasikat ang pangkaraniwang tao para maging mataas ang tingin sa kanya ng mga tao, at magkakaroon din siya ng mga pagpapamalas ng mga disposisyon at kalagayang ito, kaya paanong ang isang anticristo na itinataas at pinatototohanan ang kanyang sarili ay naiiba kaysa sa mga karaniwang tao na ganoon din ang ginagawa? Saan naroroon ang pagkakaiba? … Kapag ang isang pangkaraniwang tao na may mga tiwaling disposisyon ay itinataas at ipinagmamalaki ang kanyang sarili, ito ay para magpasikat lang. Matapos niyang magpasikat, iyon na iyon, at wala na siyang pakialam kung mataas man o mababa ang tingin ng ibang tao sa kanya. Hindi masyadong malinaw ang kanyang layon, isa lang iyong pamamayani sa kanya ng disposisyon, isang pagbubunyag ng disposisyon. Iyon lang iyon. Madali bang baguhin ang ganitong uri ng disposisyon? Kung hinahangad ng taong ito ang katotohanan, magagawa niyang unti-unting magbago kapag nararanasan niyang pinupungusan, hinahatulan, at kinakastigo siya. Unti-unting madaragdagan ang kanyang pagkaramdam ng kahihiyan at pagkamakatwiran, at paunti nang paunti niyang ipakikita ang ganitong uri ng pag-uugali. Kokondenahin niya ang ganitong uri ng pag-uugali, at magpipigil siya at rerendahan niya ang kanyang sarili. Ito ay walang kamalayang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili. Bagaman ang mga disposisyong nakapaloob sa sadyang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili at ang walang kamalayang pagsasagawa nito ay magkapareho, ang kalikasan ng dalawa ay magkaiba. Paano nagkaiba ng kalikasan ang mga ito? Ginagawa nang may intensyon ang sadyang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili. Hindi nagsasalita nang kaswal ang mga taong gumagawa nito—sa bawat pagkakataong itinataas at pinatototohanan nila ang kanilang sarili, nagkikimkim sila ng ilang mga partikular na layunin at mga natatagong balak, at ginagawa nila ang ganitong uri ng bagay nang may mga satanikong ambisyon at pagnanais. Sa panlabas, tila kaparehong uri ito ng pagpapamalas. Sa parehong mga kaso, ang mga tao ay nagtataas at nagpapatotoo sa kanilang sarili, ngunit paano binibigyang-kahulugan ng Diyos ang walang kamalayang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Bilang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon. At paano naman binibigyang-kahulugan ng Diyos ang sadyang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Bilang isang tao na nagnanais na mailihis ang mga tao, na naglalayong respetuhin, sambahin, tingalain, at sundin siya ng mga tao. Likas na mapanlihis ang kanyang kilos. Kaya, sa sandaling magkaroon siya ng layong ilihis ang mga tao, at angkinin ang mga tao para sumunod at sumamba sila sa kanya, gagamit siya ng ilang mga paraan at diskarte kapag nagsasalita at kumikilos siya, na madaling maglilihis at manlilinlang sa mga hindi nakauunawa sa katotohanan at walang malalim na pundasyon. Hindi lang walang pagkilatis ang mga ganitong tao, bagkus, iniisip nilang tama ang sinasabi ng taong ito, at maaaring tingalain at respetuhin nila siya, at sa paglipas ng panahon ay sasambahin at susundan pa nga siya ng mga ito. Ang isang pinakakaraniwang penomena sa pang-araw-araw na buhay ay ang tila nauunawaan nang mabuti ng isang tao ang isang sermon matapos niyang marinig ito, ngunit sa kalaunan, kapag may nangyari sa kanya, hindi niya alam kung paano lulutasin ito. Pumupunta siya sa harap ng Diyos para maghanap, ngunit hindi ito nagbubunga, at sa huli, kinakailangan niyang pumunta sa kanyang lider para magtanong tungkol sa usaping ito at humingi rito ng solusyon. Sa tuwing may mangyayari sa kanya, nais niyang hilingin sa kanyang lider na lutasin ito. Ito ay tulad ng kung paanong ang paninigarilyo ng opyo ay nagiging isang adiksyon at isang kagawian para sa ilang tao, at sa takdang panahon, hindi na nila magagawang magpatuloy pa nang hindi humihithit nito. Kaya, ang mga anticristo na itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili ay di-halatang nagiging isang uri ng ipinagbabawal na gamot para sa mabababa ang tayog, hindi kumikilatis, hangal, at mangmang. Sa tuwing may anumang nangyayari sa kanila, pumupunta sila sa anticristo para magtanong tungkol dito, at kung hindi maglalabas ng utos ang anticristo, hindi sila mangangahas magsagawa ng anuman, kahit pa tapos na itong pag-usapan ng lahat at may napagkasunduan na sa usapin. Takot silang sumalungat sa kalooban ng anticristo at na mapigilan, kaya sa bawat usapin, mangangahas lang silang kumilos pagkatapos magsalita ng anticristo. Kahit na malinaw nilang naunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, hindi sila nangangahas na gumawa ng desisyon o pangasiwaan ang usapin, sa halip ay naghihintay sila sa “among” tinitingala nila para sa huling hatol at desisyon. Kung walang sasabihin ang kanilang amo, ang sinumang nangangasiwa sa usapin ay mag-aalangan sa kung ano ba ang dapat nilang gawin. Hindi ba’t nalason na ang mga taong ito? (Oo.) Ito ang ibig sabihin ng nalason na. Para malason sila nang husto, gaano karaming gawain ang kailangang gawin ng anticristo, at gaano karaming lason ang kailangang maibigay ng anticristo sa kanila? Kung madalas hinihimay at kinikilala ng anticristo ang kanyang sarili, at madalas niyang inilalantad ang kanyang mga kahinaan, pagkakamali, at pagsalangsang para makita ng mga tao, sasambahin pa rin ba siya ng lahat nang tulad nito? Hinding-hindi. Lumalabas na matinding pinagsisikapan ng anticristo ang pagtataas at pagpapatotoo sa kanyang sarili, kaya naman nakamit niya ang gayong “tagumpay.” Ito ang resultang nais niya. Kung wala siya, walang sinumang makaaalam kung paano gagawin nang wasto ang kanilang mga tungkulin, at ang lahat ay hindi malalaman ang kanilang gagawin. Maliwanag na, habang kinokontrol ng anticristo ang mga taong ito, palihim niya silang binibigyan ng maraming lason at labis siyang nagsisikap! Kung kaunting salita lang ang sinabi niya, malilimitahan pa rin kaya niya ng ganito ang mga taong ito? Hinding-hindi. Kapag nagawang isakatuparan ng anticristo ang kanyang layong sambahin, at tingalain at pakinggan siya ng mga tao sa bawat usapin, hindi ba’t gumawa na siya ng maraming bagay at nangusap na siya ng maraming salita na nagtataas at pinatototohanan ang kanyang sarili? Ano ang kalalabasan ng paggawa nito? Ito ay na mawawalan ng landas ang mga tao at hindi nila magagawang mamuhay pa nang wala siya—na para bang malalaglag ang langit at titigil na sa pag-ikot ang mundo kung wala siya, at mawawalan ng halaga o saysay ang pananalig sa Diyos, at magiging walang silbi ang pakikinig sa mga sermon. Pakiramdam din ng mga tao na sila ay may kaunting pag-asa sa kanilang buhay kapag nariyan ang anticristo, at ganap silang mawawalan ng pag-asa kung mamamatay ang anticristo. Hindi ba’t nabihag na ni Satanas ang mga taong ito? (Oo.) At hindi ba’t nararapat lang iyon sa mga taong tulad nito? (Oo.) Bakit natin sinasabing nararapat ito sa kanila? Ang Diyos ang Siyang pinananampalatayaan mo, kaya bakit ka sumasamba at sumusunod sa mga anticristo, hinahayaan silang pigilan at kontrolin ka sa bawat pagkakataon? Saka, anuman ang tungkuling ginagawa ng isang tao, nagbigay sa mga tao ang sambahayan ng Diyos ng malilinaw na prinsipyo at patakaran. Kung may problemang hindi kayang lutasin ng isang tao nang mag-isa, dapat siyang maghanap mula sa isang taong nakakaunawa sa katotohanan, at maghanap mula sa Itaas sa mga mas seryosong usapin. Ngunit hindi lang sa hindi mo hinahanap ang katotohanan, bagkus, sumasamba at tumitingala ka pa sa mga tao, naniniwala sa kung anong sinasabi ng mga anticristong ito. Samakatwid, naging alipores ka na ni Satanas, at hindi ba’t ang sarili mo lang ang puwede mong sisihin? Hindi ba iyan nararapat sa iyo? Ang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili ay isang karaniwang pag-uugali at pagpapamalas ng mga anticristo, at isa ito sa mga pinakakaraniwang pagpapamalas. Ano ang pangunahing katangian kung paano itinataas at pinatototohanan ng mga anticristo ang kanilang sarili? Paano ito naiiba sa kung paano itinataas at pinatototohanan ng pangkaraniwang tao ang kanyang sarili? Ito ay na ang mga anticristo ay may sariling layunin sa likod ng pagkilos na ito, at hinding-hindi nila ito ginagawa nang walang kamalayan. Sa halip, nagkikimkim sila ng mga intensyon, pagnanais, at ambisyon, at masyadong nakakikilabot isipin ang mga kahihinatnan ng kanilang pagpapatotoo sa kanilang sarili sa ganitong paraan—malilihis at makokontrol nila ang mga tao.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili

Sinasabi ng ilang tao na: “Dahil ang pagtataas at pagpapatotoo sa sarili ay isang pamamaraan na hindi naaayon sa katotohanan at na nabibilang kay Satanas at sa mga anticristo, kung hindi ako magsasabi o gagawa ng anumang bagay, hindi ba’t ibig sabihin niyon na hindi ako nagtataas o nagpapatotoo sa aking sarili?” Hindi ito tama. Kung gayon, anong paraan ng pagkilos ang hindi pagtataas at pagpapatotoo sa sarili? Kung magpapakitang-gilas ka at magpapatotoo sa iyong sarili tungkol sa isang partikular na bagay, makakamit mo ang resulta na mapataas ang tingin sa iyo ng ilang tao at sambahin ka. Subalit kung inilalantad mo ang iyong sarili at ibinabahagi ang kaalaman mo sa sarili tungkol sa parehong bagay na iyon, iba ang kalikasan nito. Hindi ba’t totoo ito? Ang paglalantad sa sarili ng isang tao para pag-usapan ang tungkol sa kaalaman niya sa sarili ay isang bagay na dapat tinataglay ng ordinaryong pagkatao. Positibong bagay ito. Kung talagang kilala mo ang iyong sarili at tama, tunay, at tumpak ang sinasabi mo tungkol sa iyong kalagayan; kung nagsasalita ka tungkol sa kaalaman na ganap na nakabatay sa mga salita ng Diyos; kung iyong mga nakikinig sa iyo ay napabubuti at nakikinabang dito; at kung nagpapatotoo ka sa gawain ng Diyos at niluluwalhati Siya, iyon ay pagpapatotoo sa Diyos. Kung, sa paglalantad mo sa iyong sarili, marami kang nababanggit tungkol sa iyong mga kalakasan, kung paano ka nagdusa, at nagbayad ng halaga, at nanatiling matatag sa iyong patotoo, at dahil dito, may mataas na opinyon sa iyo ang mga tao at sinasamba ka, pagpapatotoo ito sa iyong sarili. Kailangan mong masabi ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang pag-uugaling ito. Halimbawa, ang pagpapaliwanag kung gaano ka kahina at kanegatibo noong nahaharap ka sa mga pagsubok, at kung paanong, pagkatapos mong manalangin at hanapin ang katotohanan, sa wakas ay naunawaan mo na ang layunin ng Diyos, nagkaroon ng pananalig, at naging matatag sa iyong patotoo, ay pagdadakila at pagpapatotoo sa Diyos. Ito ay ganap na hindi pagpapakitang-gilas at pagpapatotoo sa iyong sarili. Samakatuwid, kung nagpapakitang-gilas at nagpapatotoo ka man sa iyong sarili o hindi, higit sa lahat ay nakabatay sa kung nagsasalita ka ba tungkol sa iyong mga tunay na karanasan, at kung nakamit mo ba ang epekto ng pagpapatotoo sa Diyos; kailangan ding tingnan kung ano ang iyong mga layunin at mithiin kapag nagsasalita ka tungkol sa iyong patotoong batay sa karanasan. Sa paggawa nito ay mapapadali ang pagtukoy kung anong uri ng pag-uugali ang iyong ginagawa. Kung may tamang layunin ka kapag nagpapatotoo ka, kahit na may mataas na opinyon sa iyo at sumasamba sa iyo ang mga tao, hindi talaga problema iyon. Kung may maling layunin ka, kahit walang may mataas na tingin sa iyo o sumasamba sa iyo, problema pa rin ito—at kung ang mga tao ay may mataas na tingin sa iyo at sumasamba sa iyo, mas malaking problema iyon. Samakatuwid, hindi ka maaaring tumingin lang sa mga resulta para matukoy kung ang isang tao ay nagtataas at nagpapatotoo sa sarili niya. Dapat pangunahin mong tingnan ang layunin niya; nababatay sa mga layunin ang tamang paraan ng pagkilala sa dalawang pag-uugaling ito. Kung susubukin mo lang na kilatisin ito batay sa mga resulta, maaaring mali mong maaakusahan ang mabubuting tao. Nagbabahagi ang ilang tao ng partikular na tunay na patotoo, at ang iba naman ay nagkakaroon ng mataas na opinyon sa kanila at sinasamba sila—masasabi mo ba na nagpapatotoo ang mga taong iyon sa sarili nila? Hindi, hindi mo masasabi iyon. Walang problema sa mga taong iyon, ang patotoong ibinabahagi nila at ang tungkuling ginagawa nila ay kapaki-pakinabang sa iba, at ang mga hangal at mangmang na tao lang na may baluktot na pag-arok ang sumasamba sa ibang tao. Ang susi sa pagkilatis kung ang mga tao ay nagtataas at nagpapatotoo sa sarili nila o hindi ay ang pagtingin sa layunin ng nagsasalita. Kung ang layunin mo ay ang ipakita sa lahat kung paano nabunyag ang iyong katiwalian, at kung paano ka nagbago, at para makinabang ang iba mula rito, taimtim at totoo ang iyong mga salita, at naaayon sa mga katunayan. Tama ang gayong mga layunin, at hindi ka nagpapakitang-gilas o nagpapatotoo sa iyong sarili. Kung ang iyong layunin ay ang ipakita sa lahat na may mga tunay na karanasan ka, at na nagbago ka na at nagtataglay ng katotohanang realidad, para mapataas ang tingin nila sa iyo at sambahin ka nila, mali ang mga layuning ito. Iyon ay pagpapakitang-gilas at pagpapatotoo sa iyong sarili. Kung ang patotoong batay sa karanasan na binabanggit mo ay huwad, may halong kasinungalingan, at nilalayong linlangin ang mga tao, para pigilan silang makita ang tunay mong kalagayan, at para pigilang mabunyag sa iba ang mga layunin, katiwalian, kahinaan, o pagiging negatibo mo, kung gayon, mapanlinlang at mapanlihis ang gayong mga salita. Huwad na patotoo ito, panloloko ito sa Diyos at nagdudulot ng kahihiyan sa Diyos, at pinakakinasusuklaman ito ng Diyos sa lahat. May mga malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng mga kalagayang ito, at lahat ng mga ito ay matutukoy batay sa layunin. Kung nakikilatis mo ang iba, makikita mo ang mga kalagayan nila, at pagkatapos ay makikilala mo rin ang sarili mo, at mauunawaan mo ang sarili mong mga kalagayan.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Aytem: Itinataas at Pinatototohanan Nila ang Kanilang Sarili

Sa pamilya ng Diyos, sa mga kapatid, gaano man kataas ang iyong katayuan o posisyon, o gaano man kahalaga ang iyong tungkulin, at gaano man kagaling ang iyong talento at mga kontribusyon, o gaano ka man katagal nang nananampalataya sa Diyos, sa mga mata ng Diyos, isa kang nilikha, isang ordinaryong nilikha, at ang mararangal na ranggo at mga titulo na ibinigay mo sa iyong sarili ay hindi umiiral. Kung palagi mong itinuturing ang mga ito bilang mga korona, o bilang kapital na nagbibigay-daan sa iyo na mapabilang sa isang espesyal na grupo o maging isang espesyal na tao, kung gayon, sa paggawa nito, lumalaban at sumasalungat ka sa mga pananaw ng Diyos, at hindi ka katugma ng Diyos. … Kung sa palagay mo ay hindi ka isang nilikha, bagkus ay ipinagpapalagay mong mayroon kang mga titulo at isa kang importanteng tao, at na isa kang taong may katayuan, isang mahusay na lider, patnugot, editor, o direktor sa pamilya ng Diyos, at na isa kang taong nakagawa na ng mahahalagang kontribusyon sa gawain ng pamilya ng Diyos—kung iyan ang iniisip mo, isa kang lubhang hindi makatwiran at walang kahihiyan na tao na walang pakundangan. Kayo ba ay mga taong may katayuan, posisyon, at halaga? (Hindi kami ganoon.) Kung gayon, ano ka? (Isa akong nilikha.) Tama, isa ka lang ordinaryong nilikha. Sa mga tao, maaaring ipagmalaki mo ang iyong mga kwalipikasyon, umasta kang nakatataas, ipagmayabang mo ang iyong mga kontribusyon, o magsalita ka tungkol sa iyong magigiting na kabayanihan. Ngunit sa harap ng Diyos, hindi umiiral ang mga bagay na ito, at hinding-hindi ka dapat magsalita o magmayabang tungkol sa mga ito, o magpanggap na mahusay ka. Magiging magulo ang mga bagay-bagay kung ibibida mo ang iyong mga kwalipikasyon. Ituturing ka ng Diyos na lubhang hindi makatwiran at sukdulan sa kayabangan. Masusuklam at mamumuhi Siya sa iyo, at isasantabi ka Niya, at magkakaproblema ka kung gayon. Dapat mo munang kilalanin ang iyong identidad at posisyon bilang isang nilikha. Anuman ang iyong katayuan sa ibang tao, o gaano man kakilala ang iyong katayuan, o anuman ang mga kalamangan mo, o kung binigyan ka man ng Diyos ng isang uri ng espesyal na talento, para tamasahin mo ang labis na pakiramdam ng pagiging nakatataas sa mga tao—kapag humarap ka sa Diyos, walang halaga o kabuluhan ang mga bagay na ito. Samakatuwid, hindi ka dapat magpakitang-gilas, sa halip ay maging isang maamong nilikha sa harap ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 11

Kapag nagpapatotoo para sa Diyos, dapat pangunahin kang magsalita tungkol sa kung paano hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, at kung anong mga pagsubok ang ginagamit Niya para pinuhin ang mga tao at baguhin ang kanilang mga disposisyon. Dapat din kayong magsalita tungkol sa kung gaano nang katiwalian ang naibunyag sa inyong karanasan, kung gaano na kayo nagdusa, kung gaano karaming bagay ang ginawa ninyo upang labanan ang Diyos, at kung paano kayo nalupig kalaunan ng Diyos. Magsalita kung gaano karaming tunay na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos ang mayroon kayo, at kung paano kayo dapat magpatotoo para sa Diyos at suklian Siya para sa Kanyang pag-ibig. Dapat ninyong lagyan ng diwa ang ganitong uri ng wika, habang inilalagay ito sa isang payak na paraan. Huwag pag-usapan ang mga walang kabuluhang teorya. Magsalita kayo nang mas praktikal; magsalita kayo nang mula sa puso. Ganito ninyo dapat danasin ang mga bagay-bagay. Huwag ninyong sangkapan ang inyong mga sarili ng mga tila malalim at hungkag na teorya para magpakitang-gilas; sa paggawa nito ay nagmumukha kayong mapagmataas at walang-katuturan. Dapat ay magsalita kayo nang higit tungkol sa mga tunay na bagay mula sa aktuwal ninyong karanasan, at mas magsalita nang mula sa puso; ito ay pinakakapaki-pakinabang sa iba, at pinakanararapat na makita nila. Dati, kayo ay mga taong labis na sumasalungat sa Diyos, mga pinakamalabong magpasakop sa Diyos, ngunit ngayon kayo ay nalupig—huwag ninyong kalilimutan iyan. Dapat pagbulay-bulayan at pag-isipan ang mga usaping ito nang higit pa. Sa sandaling maunawaan ng mga tao ang mga ito nang malinaw, malalaman nila kung paano magpatotoo, kung hindi, baka makagawa sila ng mga kilos na kahiya-hiya at walang-katuturan, na hindi nagpapatotoo para sa Diyos, kundi sa halip ay nagdadala ng kahihiyan sa Diyos. Kung walang tunay na mga karanasan at pagkaunawa sa katotohanan, imposible na makapagpatotoo para sa Diyos. Ang mga taong magulo at lito ang pananampalataya sa Diyos ay hindi kailanman makapagpapatotoo para sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon

Maraming gawain ang nagawa ng Diyos sa mga tao, ngunit kahit kailan ba ay nagsalita Siya tungkol dito? Naipaliwanag ba Niya ito? Naipahayag ba Niya ito? Hindi pa. Gaano man kamali ang pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, hindi Siya nagpapaliwanag. Mula sa perspektiba ng Diyos, animnapu o walumpung taong gulang ka man, napakalimitado ng pagkaunawa mo sa Diyos, at batay sa liit ng nalalaman mo, bata ka pa rin. Hindi ka hinuhusgahan ng Diyos dahil dito; isa ka pa ring bata na wala pa sa hustong gulang. Hindi mahalaga na maraming taon nang nabubuhay ang ilang tao at nagpapakita na ng katandaan ang katawan nila; napakamusmos at mababaw pa rin ng pagkaunawa nila sa Diyos. Hindi ka hinuhusgahan ng Diyos dahil dito—kung hindi mo nauunawaan, hindi mo talaga nauunawaan. Iyon ang kakayahan mo at kapasidad mo, at hindi ito mababago. Walang ipipilit ang Diyos sa iyo. Hinihingi ng Diyos na magpatotoo sa Kanya ang mga tao, ngunit nagpatotoo na ba Siya sa Kanyang sarili? (Hindi.) Sa kabilang banda, natatatakot si Satanas na hindi malalaman ng mga tao ang kahit pinakamaliliit na bagay na ginagawa nito. Hindi naiiba ang mga anticristo: Ipinagmamalaki nila ang bawat maliit na bagay na ginagawa nila sa harap ng lahat. Sa pakikinig sa kanila, para bang nagpapatotoo sila sa Diyos—ngunit kung pakikinggan mo sila nang mabuti, matutuklasan mong hindi sila nagpapatotoo sa Diyos, kundi nagpapakitang-gilas at ipinagmamalaki ang kanilang sarili. Ang layunin at diwa sa likod ng sinasabi nila ay ang makipagtunggali sa Diyos para sa Kanyang hinirang na mga tao, at para sa katayuan. Ang Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, at si Satanas ay nagpapakitang-gilas. Mayroon bang pagkakaiba? Pagpapasikat laban sa pagpapakumbaba at pagiging tago: alin ang mga positibong bagay? (Pagpapakumbaba at pagiging tago.) Maaari bang ilarawan na mapagpakumbaba si Satanas? (Hindi.) Bakit? Kung huhusgahan ang buktot na kalikasang diwa nito, ito ay isang walang kuwentang basura; magiging hindi pangkaraniwan kay Satanas na hindi magpakitang-gilas. Paano matatawag na “mapagpakumbaba” si Satanas? Ang “kababaang-loob” ay tumutukoy sa Diyos. Ang pagkakakilanlan, diwa, at disposisyon ng Diyos ay matayog at marangal, ngunit hindi Siya kailanman nagpapakitang-gilas. Ang Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, upang hindi makita ng mga tao kung ano ang Kanyang nagawa, ngunit habang Siya ay nagtatrabaho sa ganoong kadiliman, ang sangkatauhan ay walang tigil na pinagkakalooban, pinangangalagaan, at ginagabayan—at ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Hindi ba’t ang pagiging tago at kababaang-loob ang dahilan kung bakit hindi kailanman ipinapahayag ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi kailanman binabanggit ang mga ito? Mapagpakumbaba ang Diyos at ito ay tiyak na dahil nagagawa Niya ang mga bagay na ito ngunit hindi Niya kailanman binabanggit o ipinapahayag ang mga ito, at hindi nakikipagtalo tungkol sa mga ito sa mga tao. Ano ang karapatan mong magsalita tungkol sa kababaang-loob kung hindi mo kaya ang ganitong mga bagay? Hindi mo ginawa ang alinman sa mga bagay na iyon, subalit ipinipilit mong mabigyan ka ng karangalan para sa mga iyon—ito ay tinatawag na pagiging walang-hiya. Sa paggabay sa sangkatauhan, isinasagawa ng Diyos ang ganoon kahusay na gawain, at pinamumunuan Niya ang buong sansinukob. Napakalawak ng Kanyang awtoridad at kapangyarihan, ngunit hindi pa Niya kailanman sinabi, “Ang Aking kapangyarihan ay katangi-tangi.” Nananatili Siyang nakatago sa lahat ng bagay, namumuno sa lahat, nagtutustos at nagkakaloob para sa sangkatauhan, tinutulutan ang lahat ng sangkatauhan na magpatuloy sa bawat henerasyon. Katulad ng hangin at ng sikat ng araw, halimbawa, o lahat ng mga materyal na bagay na kinakailangan para sa pag-iral ng tao sa mundo—dumadaloy ang lahat ng ito nang walang tigil. Na ang Diyos ay nagkakaloob sa tao ay hindi mapag-aalinlanganan. Kung may ginawang mabuting bagay si Satanas, mananatili ba itong tahimik, at mananatiling isang hindi kilalang bayani? Hindi kailanman. Katulad ito ng kung paanong may ilang anticristo sa iglesia na dating nagsagawa ng mapanganib na trabaho, na tinalikuran ang mga bagay-bagay at nagtiis ng pagdurusa, na maaaring napunta pa sa bilangguan; may ilan ding minsang nag-ambag sa isang aspekto ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila nakakalimutan ang mga bagay na ito, sa palagay nila ay karapat-dapat sila sa panghabambuhay na karangalan para sa mga ito, sa palagay nila ay panghabambuhay nilang puhunan ang mga iyon—na nagpapakita kung gaano kaliit ang mga tao! Ang mga tao ay talagang maliliit, at si Satanas ay walang kahihiyan.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)

Tinitiis ng Diyos ang lahat ng uri ng pasakit nang may labis na pagtitiyaga para gumawa at iligtas ang mga tao, ngunit nagkakamali pa rin ng pag-unawa ang mga tao sa Diyos, palagi Siyang nilalabanan, palaging pinoprotektahan ang kanilang sariling mga interes nang walang malasakit para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at palaging nagnanais na mamuhay nang marangya, ngunit ayaw mag-ambag sa kaluwalhatian ng Diyos—sa lahat ng ito, may natitira pa bang anumang pagkatao? Bagamat malakas na nagpapahayag ng patotoo sa Diyos ang mga tao, sinasabi nila sa kaibuturan ng kanilang puso na: “Ito ang gawaing natapos ko, na nagtamo ng mga resulta. Nagsumikap din ako, nagbayad din ako ng halaga. Bakit hindi sa akin magpatotoo?” Palagi nilang gustong makibahagi sa kaluwalhatian at patotoo ng Diyos. Karapat-dapat ba ang mga tao sa mga bagay na ito? Ang salitang “kaluwalhatian” ay hindi nabibilang sa mga tao. Para lamang ito sa Diyos, sa Lumikha, at walang kinalaman sa mga nilikhang tao. Kahit magsumikap at makipagtulungan ang mga tao, nasa ilalim pa rin sila ng pamumuno ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung walang gawain ng Banal na Espiritu, ano ang magagawa ng mga tao? Ang salitang “patotoo” ay hindi rin nabibilang sa mga tao. Maging ang pangngalang “patotoo” o ang pandiwang “magpatotoo,” ang mga salitang ito ay parehong walang kinalaman sa mga nilikhang tao. Tanging ang Lumikha ang karapat-dapat na patotohanan at karapat-dapat sa patotoo ng mga tao. Itinakda ito ng pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos, at ito rin ay dahil ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay nagmumula sa mga pagsisikap ng Diyos, at karapat-dapat na magkaroon nito ang Diyos. Talagang limitado ang magagawa ng mga tao, at bunga ng kaliwanagan, pamumuno, at patnubay ng Banal na Espiritu ang lahat ng ito. Tungkol sa kalikasan ng tao, nagiging mayabang ang mga tao kapag nakakaunawa na sila ng ilang katotohanan at nakakagawa ng kaunting gawain. Kung wala sa kanila ang paghatol at pagkastigo mula sa Diyos, walang sinumang makakapagtamo ng pagpapasakop sa Diyos at makakapagpatotoo sa Kanya. Bilang resulta sa paunang pagtatakda ng Diyos, pwedeng mayroong ilang kaloob o espesyal na talento ang mga tao, natuto ng isang propesyon o ilang kasanayan, o mayroong kaunting katalinuhan, at kaya nagiging sobrang yabang nila, at palaging nagnanais na magbahagi ang Diyos ng Kanyang kaluwalhatian at patotoo sa kanila. Hindi ba’t hindi ito makatwiran? Ito ay labis-labis na hindi makatwiran. Ipinapakita nito na nakatayo sila sa maling posisyon. Itinuturing nila ang sarili nila hindi bilang mga tao, kundi bilang isang natatanging uri, bilang mga superhuman. Walang kamalayan sa sarili ang mga tao na hindi alam ang sarili nilang pagkakakilanlan, diwa, at kung saang posisyon sila dapat lumugar. Hindi nagmumula sa pagpapakababa ang pagpapakumbaba ng mga tao—mababa at hamak na ang mga tao sa simula pa lang. Nagmumula sa pagpapakababa ang pagpapakumbaba ng Diyos. Pagtataas sa kanila ang pagsasabing ang mga tao ay mapagpakumbaba—sa katunayan, sila ay hamak. Palaging gustong makipagkompetensya ng mga tao para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at makipagkompetensya sa Diyos para sa mga hinirang Niya. Sa ganitong paraan, ginagampanan nila ang papel ni Satanas, at kalikasan ito ni Satanas. Tunay silang mga inapo ni Satanas, na walang katiting na bahid ng pagkakaiba. Ipagpalagay na binibigyan ng Diyos ang mga tao ng kaunting awtoridad at kapangyarihan, at ipagpalagay na kaya nilang magpakita ng mga tanda at kababalaghan at gumawa ng ilang pambihirang bagay, at ipagpalagay natin na ginagawa nila ang lahat ayon sa mga hinihingi ng Diyos at ginagawa ito ayon sa bawat detalye. Ngunit kaya ba nilang higitan ang Diyos? Hindi, kailanman ay hindi. Hindi ba’t mas higit kaysa sa mga tao ang mga abilidad ni Satanas, ang arkanghel? Palagi nitong gustong higitan ang Diyos, ngunit ano ang huling resulta? Sa huli, kailangan nitong bumaba sa walang hanggang hukay. Magiging sagisag ng katarungan magpakailanman ang Diyos, samantalang magiging sagisag ng kabuktutan si Satanas, ang diyablo, at ang arkanghel, at ang kinatawan ng mga pwersa ng kabuktutan. Magiging makatarungan ang Diyos magpakailanman, at hindi mababago ang katunayang ito. Ito ang katangi-tangi at kamangha-manghang katangian ng Diyos. Kahit na makamit ng mga tao ang lahat ng katotohanan ng Diyos mula sa Kanya, sila ay mga munting nilikha lamang at hindi nila mahihigitan ang Diyos. Ito ang kaibahan sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos. Maaari lang umiral ang mga tao nang maayos sa loob ng lahat ng panuntunan at batas na itinakda ng Diyos, at maaari lang nilang pamahalaan ang lahat ng nilikha ng Diyos sa loob ng mga panuntunan at batas na ito. Hindi kaya ng mga tao na lumikha ng anumang buhay na bagay, at hindi rin nila kayang baguhin ang kapalaran ng sangkatauhan—ito ay isang katunayan. Ano ang ipinapahiwatig ng katunayang ito? Ipinapahiwatig nito na gaano man kalaki ang awtoridad at abilidad na ibinibigay ng Diyos sa sangkatauhan, sa huli ay walang sinuman ang makahihigit sa awtoridad ng Diyos. Gaano man karaming taon o henerasyon, o gaano man karaming tao, maaari lamang mamuhay ang mga tao sa ilalim ng awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Isa itong katunayang hindi nababago kailanman, isang katunayang hinding-hindi magbabago magpakailanman!

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Ang Pagbitiw sa Kasikatan at Katayuan sa Pamamagitan ng Paghatol at Pagkastigo ng Diyos

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Ang Nagagawang Pinsala ng Pagpapasikat

Ang Kalikasan ng Pagpapakitang-gilas at Pagyayabang

Sinundan: 22. Paano lutasin ang pagiging di-makatwiran at diktatoryal

Sumunod: 24. Paano lutasin ang problema ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito