19. Paano lutasin ang problema ng pagmamataas at labis na pagtingin sa sarili
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Dahil ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, ang kanilang kalikasan, na siya ring diwa nila, ay nagbago. Kung gayon, ano ang diwa ng tao? Ang tinutukoy Ko ngayon ay ang diwa at kalikasan ng lahat ng tao, at hindi ito nakadirekta sa isang partikular na indibidwal. Mula nang gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, nagsimulang sumama ang kanilang likas na pagkatao, at unti-unti nilang nawala ang katwirang taglay ng mga normal na tao. Hindi na sila kumikilos bilang mga tao sa posisyon ng tao, bagkus ay puno sila ng matitinding paghahangad; nalagpasan na nila ang katayuan ng tao—ngunit ninanasa pa rin na maging mas mataas. Ano ang tinutukoy ng “mas mataas” na ito? Nais nilang lagpasan ang Diyos, lagpasan ang kalangitan, at lagpasan ang lahat ng iba pa. Ano ang ugat kung bakit nagbubunyag ng gayong mga disposisyon ang mga tao? Pagkatapos ng lahat, labis na mayabang ang kalikasan ng tao. Nauunawaan ng karamihan ng tao ang kahulugan ng salitang “kayabangan.” Isa itong mapanirang-puri na termino. Kung ang isang tao ay nagbubunyag ng kayabangan, iniisip ng iba na hindi siya isang mabuting tao. Sa tuwing masyadong mayabang ang isang tao, inaakala lagi ng iba na isa siyang masamang tao. Walang sinumang gustong matawag na ganito. Gayunman, ang totoo, lahat ay mayabang, at lahat ng tiwaling tao ay may ganitong diwa. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako mayabang kahit kaunti. Hindi ko ginusto kailanman na maging arkanghel, ni hindi ko ginusto kailanman na higitan ang Diyos, o higitan ang lahat ng iba pa. Noon pa man ay mabait at masunurin na ako.” Hindi ganoon palagi; hindi tama ang mga salitang ito. Kapag naging mayabang ang kalikasan at diwa ng mga tao, maaari silang madalas na maghimagsik at lumaban sa Diyos, hindi makinig sa Kanyang mga salita, bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, gumawa ng mga bagay na nagtataksil sa Kanya, at mga bagay na dumadakila at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sinasabi mo na hindi ka mayabang, ngunit ipagpalagay na binigyan ka ng isang iglesia at tinulutan kang pamunuan ito; ipagpalagay nang hindi kita pinungusan, at na wala ni isa sa pamilya ng Diyos ang pumuna o tumulong sa iyo: Matapos mo itong pamunuan sandali, aakayin mo ang mga tao sa iyong paanan at pasusunurin sa iyo, kahit hanggang sa puntong hinahangaan at iginagalang ka. At bakit mo gagawin iyon? Matutukoy ito sa iyong kalikasan; ito ay walang iba kundi isang likas na paghahayag. Hindi mo kailangang matutunan ito mula sa iba, ni hindi nila kailangang ituro ito sa iyo. Hindi mo kailangan ang iba na turuan ka o pilitin kang gawin ito; likas na nangyayari ang ganitong klaseng sitwasyon. Ang lahat ng ginagawa mo ay tungkol sa paghikayat sa mga tao na dakilain ka, purihin ka, sambahin ka, sumunod sa iyo, at makinig sa iyo sa lahat ng bagay. Ang pagpahintulot sa iyo na maging isang lider ay likas na nagdudulot sa sitwasyong ito, at hindi ito mababago. At paano nangyayari ang sitwasyong ito? Natutukoy ito sa mapagmataas na kalikasan ng tao. Ang pagpapamalas ng kayabangan ay paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Kapag ang mga tao ay mapagmataas, palalo, at mapagmagaling, malamang magtayo sila ng kani-kanyang mga nagsasariling kaharian at gawin ang mga bagay-bagay sa anumang paraang gusto nila. Inaakay rin nila ang iba na magpakontrol sa kanila at magpasakop sa kanila. Para magkaroon ang mga tao ng kakayahang gawin ang gayong mga mapagmataas na bagay, pinatutunayan lang niyon na ang diwa ng kanilang mapagmataas na kalikasan ay katulad ng kay Satanas; katulad ito ng sa arkanghel. Kapag umabot ang kanilang kayabangan at kapalaluan sa isang partikular na antas, wala nang puwang sa puso nila para sa Diyos, at isinasantabi ang Diyos. Pagkatapos ninanais nilang maging Diyos, pinasusunod ang mga tao sa kanila, at sila ay nagiging arkanghel. Kung taglay mo ang gayong satanikong mapagmataas na kalikasan, hindi magkakaroon ng puwang ang Diyos sa iyong puso. Kahit naniniwala ka pa sa Diyos, hindi ka na kikilalanin pa ng Diyos, ituturing ka Niya bilang isang masamang tao, at ititiwalag ka.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos
Maraming uri ng mga tiwaling disposisyon na kabilang sa disposisyon ni Satanas, pero ang isa na pinakahalatang-halata at pinakanamumukod-tangi ay ang mapagmataas na disposisyon. Pagmamataas ang ugat ng tiwaling disposisyon ng tao. Kapag mas mapagmataas ang mga tao, mas hindi sila makatwiran, at kapag mas hindi sila makatwiran, mas malamang na lumaban sila sa Diyos. Gaano kaseryoso ang problemang ito? Hindi lang itinuturing ng mga taong may mapagmataas na disposisyon ang lahat ng iba pa bilang mas mababa kaysa sa kanila, kundi, ang pinakamasama, hinahamak pa nila ang Diyos, at wala silang pusong may takot sa Diyos. Bagama’t maaaring mukhang naniniwala sa Diyos ang ilang tao at sinusunod Siya, ni hindi nila Siya itinuturing na Diyos. Pakiramdam nila palagi ay taglay nila ang katotohanan at napakataas ng tingin nila sa kanilang sarili. Ito ang diwa at ugat ng mapagmataas na disposisyon, at nagmumula ito kay Satanas. Kaya, kailangang malutas ang problema ng kayabangan. Ang pakiramdam na mas magaling ka kaysa iba—maliit na bagay iyan. Ang kritikal na isyu ay na nakakapigil sa isang tao ang kanyang mapagmataas na disposisyon na magpasakop sa Diyos, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at sa Kanyang mga pagsasaayos; laging hilig ng ganitong tao na makipagpaligsahan sa Diyos para sa kapangyarihan at kontrol sa iba. Ang ganitong tao ay walang pusong may takot sa Diyos ni katiting, ni hindi niya mahal ang Diyos o nagpapasakop sa Kanya. Ang mga taong mapagmataas at may labis na pagtingin sa sarili, lalo na iyong mga nawalan na ng katwiran sa sobrang mapagmataas, ay hindi kayang magpasakop sa Diyos sa kanilang paniniwala sa Kanya, at sarili pa nga nila ang kanilang pinararangalan at pinatototohanan. Ang gayong mga tao ang pinakalumalaban sa Diyos at talagang hindi nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawin ng mga ito ang puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para igalang mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmataas at palalong kalikasan!
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon
Ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa mga huling araw ay pangunahing nakatuon sa mayabang na kalikasan ng mga tao. Ang kayabangan ay binubuo ng maraming bagay, ng maraming tiwaling disposisyon; ang paghatol at pagkastigo ay direktang pinupuntirya ang salitang ito, “kayabangan,” upang ganap na maalis ang mayabang na disposisyon ng mga tao. Sa huli, hindi maghihimagsik ang mga tao laban sa Diyos o lalaban sa Kanya, kaya, hindi sila magsisikap na magtayo ng kani-kanilang nagsasariling kaharian, ni magtataas o magpapatotoo sa kanilang sarili, ni kikilos nang masama, ni magkakaroon ng labis na mga hinihingi sa Diyos—sa ganitong paraan, naiwaksi na nila ang kanilang mayabang na disposisyon. Ang kayabangan ay maraming pagpapamalas. Halimbawa, sabihin nating ang isang taong nananalig sa Diyos ay pilit na humihingi ng Kanyang biyaya—sa anong batayan mo ito puwedeng hingin? Isa kang taong ginawang tiwali ni Satanas, isang nilikha; ang katunayang nabubuhay ka at humihinga ay ang pinakadakila na sa mga biyaya ng Diyos. Maaari mong matamasa ang lahat ng nilikha ng Diyos sa lupa. Sapat na ang ibinigay sa iyo ng Diyos, kaya bakit ka pilit na hihingi ng higit pa sa Kanya? Ito ay dahil hindi kailanman nakokontento ang mga tao sa kanilang parte. Palagi nilang iniisip na mas magaling sila kaysa sa iba, na dapat silang magkaroon ng higit pa, kaya lagi nilang pilit na hinihingi ito sa Diyos. Inilalarawan nito ang kanilang mayabang na disposisyon. Hindi man sabihin ng kanilang bibig, sa panahong unang magsimulang maniwala ang mga tao sa Diyos, maaaring iniisip nila sa kanilang puso na, “Gusto kong mapunta sa langit, hindi sa impiyerno. Gusto ko hindi lamang ako ang mapagpala, kundi ang buong pamilya ko. Gusto kong kumain ng masasarap na pagkain, magsuot ng magagandang damit, magtamasa ng magagandang bagay. Gusto ko ng isang mabuting pamilya, isang mabuting asawa at mabubuting anak. Sa huli, gusto kong mamuno bilang hari.” Lahat ito ay tungkol sa kanilang mga kinakailangan at pilit na hinihingi. Ang disposisyon nilang ito, ang mga bagay na iniisip nila sa kanilang puso, ang labis-labis na mga hangaring ito—lahat ng ito ay kumakatawan sa mayabang na kalikasan ng tao. Paano Ko ito nasasabi? Lahat ay nakasalalay sa katayuan ng mga tao. Ang tao ay isang nilalang na nagmula sa alabok; binuo ng Diyos ang tao mula sa luwad, at hiningahan siya ng hininga ng buhay. Gayon ang abang katayuan ng tao, subalit humaharap pa rin ang mga tao sa Diyos at humihingi ng ganito at ganoon. Napakawalang-dangal ng katayuan ng tao, hindi siya dapat magbuka ng bibig at humingi ng anuman sa Diyos. Kaya ano ang dapat gawin ng mga tao? Dapat silang magsumikap kahit pa punahin sila, dapat silang magpunyagi, at masayang magpasakop. Hindi ito tungkol sa kung masaya ba silang nagpapakumbaba—huwag bastang magalak sa pagiging mapagpakumbaba; ito ang katayuan ng mga tao na likas sa kanila; dapat silang maging likas na mapagpasakop at mapagpakumbaba, sapagkat ang kanilang katayuan ay aba, kaya nga hindi sila dapat humingi ng mga bagay mula sa Diyos, ni hindi sila dapat magkaroon ng labis-labis na mga hangarin sa Diyos. Dapat walang mga ganitong bagay na matatagpuan sa kanila. Narito ang isang simpleng halimbawa. Ang isang mayamang pamamahay ay umupa ng isang utusan. Ang posisyon ng utusan na ito sa mayamang pamamahay ay napakababa, ngunit gayunpaman ay sinabi niya sa amo: “Gusto kong isuot ang sombrero ng anak mo, gusto kong kainin ang kanin mo, gusto kong isuot ang mga damit mo, at gusto kong matulog sa kama mo. Anuman ang ginagamit mo, ginto man o pilak, gusto ko ang mga ito! Malaki ang kontribusyon ko sa aking trabaho, at nakatira ako sa bahay mo, kaya gusto ko ang mga ito!” Paano siya dapat tratuhin ng amo? Sasabihin ng amo: “Dapat mong malaman ang uri mo, kung ano ang iyong papel: Isa kang utusan. Ibinibigay ko sa anak ko ang gusto niya, dahil iyon ang katayuan niya. Ano ang katayuan mo, ang iyong identidad? Hindi ka kwalipikadong hilingin ang mga bagay na ito. Dapat kang kumilos at gawin kung ano ang dapat mong gawin, isakatuparan mo ang mga obligasyon mo, ayon sa iyong katayuan at identidad.” May anumang katwiran ba ang gayong tao? Maraming taong nananalig sa Diyos ang walang gaanong katwiran. Mula sa simula ng pananampalataya sa Diyos, mayroon silang mga lihim na motibo, at habang nagpapatuloy, walang tigil silang pilit na humihingi sa Diyos: “Kailangan akong sundan ng gawain ng Banal na Espiritu habang ipinapalaganap ko ang ebanghelyo! Kailangan Mo rin akong patawarin at tiisin kapag nakagagawa ako ng masama! Kung marami akong gagawin, kailangan Mo akong gantimpalaan!” Sa madaling salita, ang mga tao ay palaging naghahangad ng mga bagay-bagay mula sa Diyos, palagi silang sakim. Ang ilang tao na nakagawa ng kaunting gawain at nakapamuno nang maayos sa isang iglesia ay talagang nag-iisip na nakahihigit sila kaysa sa iba, at kadalasang nagpapakalat ng mga salitang tulad ng: “Bakit ako inilalagay ng Diyos sa isang mahalagang posisyon? Bakit palagi Niyang binabanggit ang pangalan ko? Bakit palagi Niya akong kinakausap? Mataas ang tingin sa akin ng Diyos dahil may kakayahan ako at dahil nakaaangat ako sa ordinaryong tao. Naiinggit pa nga kayo na tinatrato ako ng Diyos nang mas mabuti. Ano ang dapat ninyong ikainggit? Hindi ba ninyo nakikita kung gaano karami ang ginagawa ko at kung gaano kalaki ang isinasakripisyo ko? Hindi kayo dapat mainggit sa anumang magagandang bagay na ibinibigay sa akin ng Diyos, dahil karapat-dapat ako sa mga ito. Maraming taon akong nagtrabaho at labis akong nagdusa. Karapat-dapat ako sa papuri at kwalipikado ako.” May iba na nagsasabing: “Tinulutan ako ng Diyos na sumali sa mga pagpupulong ng magkakatrabaho at makinig sa Kanyang pagbabahagi. Mayroon akong ganitong kwalipikasyon—mayroon ba kayo niyon? Una, mayroon akong mataas na kakayahan, at hinahangad ko ang katotohanan nang higit sa inyo. Bukod dito, ginugugol ko ang aking sarili nang higit sa inyo, at kaya kong tapusin ang gawain ng iglesia—kaya ba ninyo iyon?” Ito ay kayabangan. Magkakaiba ang mga resulta ng pagganap ng mga tao sa kanilang mga tungkulin at sa kanilang gawain. Ang ilan ay may magagandang resulta, samantalang ang iba ay may hindi magagandang resulta. Ang ilang tao ay ipinanganak na may mahusay na kakayahan at nagagawa rin nilang hanapin ang katotohanan, kaya mabilis na bumubuti ang mga resulta ng kanilang mga tungkulin. Ito ay dahil sa kanilang mahusay na kakayahan, na paunang itinakda ng Diyos. Ngunit paano lutasin ang problema ng hindi magagandang resulta sa pagganap ng tungkulin ng isang tao? Dapat kayong patuloy na maghanap sa katotohanan at magsikap, at pagkatapos, kayo rin ay unti-unting makakakuha ng magagandang resulta. Hangga’t nagsusumikap kayo para sa katotohanan at nagkakamit sa abot ng inyong mga kakayahan, sasang-ayon ang Diyos. Ngunit magaganda man o hindi ang mga resulta ng inyong gawain, hindi kayo dapat magkaroon ng mga maling ideya. Huwag ninyong isiping, “Kwalipikado akong maging kapantay ng Diyos,” “Kwalipikado akong tamasahin ang ibinigay sa akin ng Diyos,” “Kwalipikado akong purihin ng Diyos,” “Kwalipikado akong mamuno sa iba,” o “Kwalipikado akong magsermon sa iba.” Huwag mong sabihing kwalipikado ka. Hindi dapat magkaroon ng ganitong mga kaisipan ang mga tao. Kung mayroon ka ng mga kaisipang ito, nagpapatunay ito na wala ka sa iyong angkop na kinalalagyan, at ni wala ka ng pangunahing katinuan na dapat taglayin ng isang tao. Kaya paano mo maiwawaksi ang iyong mayabang na disposisyon? Hindi mo ito magagawa.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos
Partikular na iniidolo ng ilang tao si Pablo. Gusto nilang lumabas at magbigay ng mga talumpati at gumawa, gusto nilang dumadalo sa mga pagtitipon at mangaral, at gusto nila na pinakikinggan sila ng mga tao, sinasamba sila, at pinalilibutan sila. Gusto nilang magkaroon ng puwang sa puso ng iba, at natutuwa sila kapag pinahahalagahan ng iba ang larawang ipinakikita nila. Himayin natin ang kanilang kalikasan mula sa mga pag-uugaling ito. Ano ang kanilang likas na pagkatao? Kung ganito talaga silang kumilos, sapat na iyan upang ipakita na sila ay mayabang at may labis na pagtingin sa sarili. Hindi talaga nila sinasamba ang Diyos; naghahangad sila ng mas mataas na katayuan at nangangarap na magkaroon ng awtoridad sa iba, na ariin ang mga ito, at magkaroon ng puwang sa puso ng mga ito. Ito ang klasikong larawan ni Satanas. Ang namumukod na mga aspeto ng kanilang kalikasan ay kayabangan at kahambugan, ayaw nilang sambahin ang Diyos, at nais nilang sambahin sila ng iba. Ang gayong mga pag-uugali ay maaaring magbigay sa iyo ng napakalinaw na pagtingin sa kanilang likas na pagkatao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
Sinasabi ng ilang tao na wala silang tiwaling disposisyon, na hindi sila mayabang. Anong klaseng mga tao ito? Ang mga taong ito ay walang katwiran, at sila rin ang pinakahangal at pinakamayabang sa lahat. Sa katunayan, mas mayabang at suwail pa sila kaysa kaninuman; kapag mas sinasabi ng isang tao na wala siyang mga tiwaling disposisyon, mas mayabang siya at mapagmagaling. Bakit nagagawa ng iba na kilalanin ang sarili nila, at tanggapin ang paghatol ng Diyos, subalit ikaw ay hindi? Bukod-tangi ka ba? Santo ka ba? Namumuhay ka bang nakahiwalay sa ibang tao? Hindi mo inaamin na labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, na may tiwaling disposisyon ang lahat. Ibig sabihin nito ay hindi mo talaga nauunawaan ang katotohanan, at ikaw ang pinakasuwail, pinakamangmang, at pinakamayabang sa lahat. Ayon sa iyo, maraming mabubuting tao sa mundo at iilan-ilan lang na masama—kaya bakit ito puno ng kadiliman, puno ng karumihan at katiwalian, puno ng hidwaan? Bakit, sa mundo ng mga tao, nangunguha at nagnanakaw ang lahat sa isa’t isa? Maging ang mga nananalig sa Diyos ay hindi naiiba. Laging naglalaban-laban at nag-aaway-away ang mga tao. At saan nagmumula ang sigalutang ito? Siyempre, ito ay resulta ng kanilang tiwaling kalikasan, ang mismong pagpapakita ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang mga taong may tiwaling kalikasan ay may kayabangan at paghihimagsik na nabubunyag mula sa kanila; iyong mga namumuhay sa isang satanikong disposisyon ay palaaway at mapanlaban. Ang mga palaaway at mapanlaban ang pinakamayayabang na tao sa lahat, hindi sila sumusunod kaninuman. Bakit madalas ipagtapat ng mga tao ang kanilang mga kasalanan ngunit hindi sila nagsisisi? Bakit sila nananalig sa Diyos ngunit hindi nila maisagawa ang katotohanan? Bakit sila nananalig sa Diyos nang maraming taon, ngunit hindi nila magawang tumugma sa Kanya? Ang lahat ng ito ay dahil sa mayabang na kalikasan ng mga tao. Ang sangkatauhan ay palagi nang naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, hindi man lang tinatanggap ang katotohanan, at kinasusuklaman at tinatanggihan pa nga ang katotohanan. Hindi ito sa kadahilanang masyadong mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, kundi dahil masyadong mabangis at walang awang nilalabanan ng mga tao ang Diyos, labis-labis kung kaya’t gagawin nilang kaaway nila ang Diyos at ipapako Siya sa krus. Hindi ba’t masyadong mabangis, mayabang, at hindi makatwiran ang gayong tiwaling sangkatauhan? Ang Diyos ay nagpapahayag ng napakaraming katotohanan, Siya ay nahahabag at nagliligtas sa mga tao, at nagpapatawad sa kanilang mga kasalanan—ngunit hindi man lang tinatanggap ng sangkatauhan ang katotohanan, palagi nilang kinokondena at nilalabanan ang Diyos, at ginagawang hindi maipagkakasundo sa Diyos ang kanilang sarili. Ngayon, sa anong antas ang ugnayan ng sangkatauhan sa Diyos? Ang tao ay naging kaaway na ng Diyos, ang Kanyang kabaligtaran. Nagpapahayag ang Diyos ng katotohanan upang ilantad, hatulan, at iligtas ang mga tao; hindi ito tinatanggap o pinapansin ng mga tao. Hindi ginagawa ng mga tao ang hinihingi ng Diyos sa kanila; sa halip ay ginagawa nila ang mga bagay na kinamumuhian at kinasusuklaman Niya. Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan, ngunit itinatakwil Siya ng mga tao. Hinahatulan at pinarurusahan ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at bukod sa hindi nila tinatanggap ang katotohanan, nakikipagtalo at nag-aalsa pa sila laban sa Kanya. Gaano kayabang ang mga tao? Ang tiwaling sangkatauhan ay buong tapang na itinatatwa at nilalabanan ang Diyos. Kahit pa nananalig sila sa Diyos, palagi silang naghahangad ng malaking pagpapala, gantimpala, at pagpasok sa kaharian ng langit; gusto rin nilang maging mga pinuno at magkaroon ng awtoridad. Ito ang modelong representasyon ng kayabangan, ang napakatiwaling disposisyon ng tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos
Sinasabi ng ilang tao, “Sa sambahayan ng Diyos, hindi ako nagpapasakop kaninuman maliban sa Diyos, dahil ang Diyos lamang ang nagtataglay ng katotohanan; hindi taglay ng mga tao ang katotohanan, mayroon silang tiwaling mga disposisyon, hindi maaasahan ang anumang sinasabi nila, kaya sa Diyos lang ako nagpapasakop.” Tama ba sila sa pagsasabi nito? (Hindi.) Bakit hindi? Anong uri ng disposisyon ito? (Ito ay mapagmataas at may labis na pagtingin sa sarili.) (Ang mga disposisyon ni Satanas at ng arkanghel.) Isa itong mapagmataas na disposisyon. Huwag ninyong laging sabihin na disposisyon ito ni Satanas at ng arkanghel, napakalawak ng ganitong pananalita at malabo ito. … Ang ilang tao ay may ilang kasanayan, ilang kaloob, ilang bahagyang kagalingan, at nakagawa sila ng ilang gawa para sa iglesia. Ang iniisip ng mga taong ito ay, “Kabilang sa inyong pananampalataya sa Diyos ang buong araw na pagbabasa, pagkopya, pagsusulat, pagsasaulo ng salita ng Diyos gaya ng isang espirituwal na tao. Ano ang punto niyon? Makagagawa ba kayo ng anumang aktuwal? Paano ninyo natatawag ang sarili ninyo na espirituwal gayong wala naman kayong nagagawa? Wala kayong buhay. Mayroon akong buhay, ang lahat ng ginagawa ko ay aktuwal.” Anong disposisyon ito? Mayroon silang ilang natatanging kasanayan, ilang kaloob, kaya nilang gumawa ng kaunting kabutihan, at itinuturing nila ang mga ito na buhay. Bilang resulta, wala silang sinusunod na sinuman, hindi sila natatakot na pangaralan ang sinuman, hinahamak nila ang lahat—pagiging mapagmataas ba ito? (Oo.) Pagiging mapagmataas ito. Sa anu-anong sitwasyon kadalasang naghahayag ng pagiging mapagmataas ang mga tao? (Kapag mayroon silang ilang kaloob o natatanging kasanayan, kapag nakagagawa sila ng ilang praktikal na bagay, kapag mayroon silang kapital.) Isang uri iyan ng sitwasyon. Kung gayon, hindi ba mapagmataas ang mga taong walang kaloob o anumang natatanging kasanayan? (Mapagmataas din sila.) Madalas sabihin ng taong katatapos lang nating pag-usapan, “Hindi ako nagpapasakop kaninuman maliban sa Diyos,” at matapos itong marinig, iisipin ng mga tao, “Napakamapagpasakop ng taong ito sa katotohanan, hindi siya nagpapasakop sa iba kundi sa katotohanan lang, tama ang sinasabi niya!” Ang totoo, napapaloob sa tila wastong mga salitang ito ang isang uri ng mapagmataas na disposisyon: Malinaw na ang ibig sabihin ng “Hindi ako nagpapasakop kaninuman maliban sa Diyos” ay na hindi siya nagpapasakop sa sinuman. Tatanungin Kita, talaga bang nakakapagpasakop sa Diyos ang mga nagsasabi ng gayong mga salita? Hindi sila kailanman nakakapagpasakop sa Diyos. Ang mahihilig magsabi ng gayong mga salita ay walang dudang ang mga pinakamapagmataas sa lahat. Sa panlabas, tila tama ang sinasabi nila—pero ang totoo, ito ang pinakatusong paraan kung saan makikita ang mapagmataas na disposisyon. Ginagamit nila itong “ang Diyos lang” para patunayan na sila ay makatwiran, pero ang totoo, gaya iyon ng pagbabaon ng ginto at paglalagay ng karatula sa ibabaw na nagsasabing “Walang nakabaong ginto rito.” Hindi ba’t kahangalan ito? Ano ang masasabi ninyo, aling uri ng tao ang pinakamapagmataas? Anu-anong masasabi ng mga tao ang ginagawa silang ang pinakamapagmataas? Marahil ay nakarinig na kayo noon ng ilang mapagmataas na bagay. Alin ang pinakamapagmataas sa mga ito? Alam ba ninyo? May nangangahas bang sabihin, “Hindi ako nagpapasakop sa sinuman—maging ang Langit o lupa, ni ang mga salita ng Diyos”? Tanging ang malaking pulang dragong demonyo ang nangangahas sabihin ito. Walang sinumang nananalig sa Diyos ang magsasabi nito. Gayunman, kung sinasabi ng mga nananalig sa Diyos na, “Hindi ako nagpapasakop kaninuman maliban sa Diyos,” hindi sila gaanong naiiba sa malaking pulang dragon, magkapantay sila sa pagiging nangunguna sa mundo, sila ang pinakamapagmataas sa lahat. Ano ang masasabi ninyo, mapagmataas ang lahat ng tao, pero mayroon bang pagkakaiba sa pagiging mapagmataas nila? Saan ninyo nakikita ang pagkakaiba? Ang lahat ng tiwaling tao ay may mapagmataas na disposisyon, pero may mga pagkakaiba sa pagiging mapagmataas nila. Kapag umabot na sa isang antas ang pagiging mapagmataas ng isang tao, ganap nang nawala ang kanyang katwiran. Ang pagkakaiba ay kung may katwiran ba sa sinasabi ng isang tao. Mapagmataas ang ilang tao ngunit mayroon pa ring kaunting katwiran. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, may pag-asa pa silang mailigtas. Ang ilan ay sobrang mapagmataas kung kaya’t wala na silang katwiran—walang hangganan ang kanilang pagiging mapagmataas—at hindi kailanman matatanggap ng gayong mga tao ang katotohanan. Kung sa sobrang mapagmataas ng mga tao ay wala na silang katwiran, ganap na silang walang kahihiyan at hangal lang sila na mapagmataas. Ang lahat ng ito ay mga paghahayag at pagpapamalas ng isang mapagmataas na disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili
Mayroong ilang tao na madalas lumalabag sa mga prinsipyo kapag kumikilos sila. Hindi sila tumatanggap ng pagpupungos, alam nila sa puso nila na naaayon sa katotohanan ang mga sinasabi ng iba, ngunit hindi nila tinatanggap ang mga ito. Ang gayong mga tao ay napakayabang at labis na nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba! Bakit sinasabing mayabang sila? Kung hindi sila tumatanggap ng pagpupungos, hindi sila masunurin, at hindi ba’t kayabangan ang pagsuway? Iniisip nila na mahusay silang gumagawa, hindi nila iniisip na nagkakamali sila, na nangangahulugang hindi nila kilala ang kanilang sarili, na kayabangan. Kaya, may ilang bagay na kailangan mong taimtim na pag-aralan, na suriin nang paunti-unti. Habang ginagawa ninyo ang gawain ng iglesia, kung natatamo mo ang paghanga ng iba, at binibigyan ka nila ng mga mungkahi, at nagtatapat sila sa iyo sa pagbabahagi, nagpapatunay ito na nagawa mo nang maayos ang iyong gawain. Kung palaging napipigilan ang mga tao dahil sa iyo, unti-unti ka nilang makikilatis, at lalayuan ka nila, na nagpapatunay na wala kang katotohanang realidad, kaya lahat ng sinasabi mo ay tiyak na mga salita lamang at doktrina, na layong pigilan ang iba. Ang ilang lider ng iglesia ay pinapalitan, at bakit sila pinapalitan? Ito ay dahil bumibigkas lamang sila ng mga salita at doktrina, palaging nagpapakitang-gilas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sinasabi nila na ang paglaban sa kanila ay paglaban sa Diyos, at ang sinumang nag-uulat ng mga sitwasyon sa Itaas ay nanggugulo sa gawain ng iglesia. Anong klaseng problema ito? Naging napakayabang na ng mga taong ito na wala na silang katwiran. Hindi ba’t ipinapakita nito ang kanilang totoong kulay bilang mga anticristo? Hindi ba’t mauuwi ito sa pagsisimulang magtatag ng kani-kanilang nagsasariling kaharian? Ang ilang taong kasisimula pa lang manalig ay sasambahin sila at patototohanan sila, at ikasisiya nila ito nang husto, at labis silang malulugod. Ang isang taong ganito kayabang ay tiyak nang mapapahamak. Ang isang taong may kakayahang sabihin na “ang paglaban sa akin ay paglaban sa diyos” ay naging isa nang makabagong Pablo; walang pagkakaiba rito at nang sinabi ni Pablo na: “Sa akin ang mabuhay ay si cristo.” Hindi ba’t nasa malaking panganib ang mga taong nagsasalita nang ganito? Kahit pa hindi sila magtatag ng mga nagsasariling kaharian, sila pa rin ay mga tunay na anticristo. Kung ang gayong tao ay mamumuno sa isang iglesia, mabilis na magiging kaharian ng mga anticristo ang iglesiang iyon. Ang ilang tao, pagkatapos nilang maging mga lider ng iglesia, ay partikular na nakatuon sa pagsasalita ng matatayog na sermon at pagpapakitang-gilas, lalo na sa pagsasalita ng mga misteryo para hangaan sila ng mga tao, at ang resulta ay na napapalayo sila nang napapalayo sa katotohanang realidad. Humahantong ito sa pagsamba ng karamihan ng mga tao sa mga espirituwal na teorya. Kung sinuman ang nagsasalita nang matayog, iyon ang pinakikinggan ng mga tao; kung sinuman ang nagsasalita tungkol sa pagpasok sa buhay, hindi sila pinapansin ng mga tao. Hindi ba’t inililigaw nito ang mga tao? Kung nagbabahagi ang isang tao tungkol sa katotohanang realidad, walang nakikinig, na isang problema. Walang iba kundi ang taong ito ang maaaring mamuno sa iglesia, dahil sinasamba ng lahat ang mga espirituwal na teorya; ang mga hindi kayang magsalita tungkol sa mga espirituwal na teorya ay hindi kayang manindigan. Maaari pa rin bang makamit ng gayong iglesia ang gawain ng Banal na Espiritu? Makapapasok ba ang mga tao sa katotohanang realidad? Bakit tinatanggihan ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan at pagsasalita tungkol sa mga tunay na karanasan, hanggang sa puntong ayaw nilang makinig sa Akin na magbahagi tungkol sa katotohanan? Nagpapatunay ito na nailigaw at nakontrol na ng mga lider na ito ang mga taong ito. Ang mga taong ito ay nakikinig at nagpapasakop sa kanila, sa halip na magpasakop sa Diyos. Malinaw na ito ang uri ng mga tao na nagpapasakop sa kanilang mga lider, sa halip na sa Diyos. Sapagkat ang mga taong taos-pusong nananalig sa Diyos at naghahangad sa katotohanan ay hindi ang uri na sumasamba o sumusunod sa mga tao; mayroon silang puwang para sa Diyos sa puso nila, at mayroon silang pusong may takot sa Diyos, kaya paanong mapipigilan sila ng mga tao? Paano sila masunuring magpapasakop sa isang huwad na lider na hindi taglay ang katotohanang realidad? Ang pinakakinatatakutan ng isang huwad na lider ay ang isang taong taglay ang katotohanang realidad, isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Kung hindi taglay ng isang tao ang katotohanan, subalit gusto niyang pasunurin sa kanya ang iba, hindi ba’t iyon ang posibleng pinakamayabang na diyablo o Satanas? Kung sasarilinin mo ang iglesia o kokontrolin ang mga hinirang ng Diyos, nalabag mo ang disposisyon ng Diyos at sinira mo ang iyong sarili, at maaaring ni wala ka nang pagkakataong magsisi. Bawat isa sa inyo ay dapat mag-ingat; isa itong napakamapanganib na bagay, isang bagay na napakadaling gawin ng sinuman. Maaaring may ilan na magsasabing: “Hindi ko talaga gagawin iyon, hindi talaga ako magpapatotoo sa sarili ko!” Iyon ay dahil lang maikling panahon ka pa lang gumagawa. Kalaunan, maglalakas-loob kang gawin ito. Unti-unti kang magiging mas mapangahas—habang mas ginagawa mo ito, mas magiging mapangahas ka. Kung ipagyayabang at pakikinggan ka ng mga taong pinamumunuan mo, likas mong mararamdaman na nasa mataas kang posisyon, na kamangha-mangha ka: “Tingnan ninyo ako, napakagaling ko. Kaya kong pamunuan ang lahat ng taong ito, at nakikinig silang lahat sa akin; ang mga taong hindi nakikinig sa akin ay sinusupil ko. Nagpapatunay ito na mayroon akong kaunting abilidad na gumawa, at kapantay ko ang gawain ko.” Sa paglipas ng panahon, ang mayayabang na elemento ng kalikasan mo ay magsisimulang mabunyag, magiging sobra kang mayabang na mawawalan ka ng katwiran, at manganganib ka. Nakikita mo ba ito nang malinaw? Magkakaproblema ka sa sandaling ihayag mo ang iyong mayabang at masuwaying disposisyon. Hindi ka nakikinig kahit na nagsasalita Ako, pinapalitan ka ng sambahayan ng Diyos, at nangangahas ka pa ring sabihin na: “Hayaan ang Banal na Espiritu na ihayag ito.” Ang katunayang sasabihin mo iyon ay nagpapatunay na hindi mo tinatanggap ang katotohanan. Masyadong matindi ang paghihimagsik mo—inilantad nito ang iyong kalikasang diwa. Talagang hindi mo kilala ang Diyos. Kaya, sinasabi Ko ang lahat ng ito sa inyo ngayon upang bantayan ninyong mabuti ang sarili ninyo. Huwag ninyong itaas o patotohanan ang inyong sarili. Malamang na magtatangkang magtatag ang mga tao ng kani-kanilang nagsasariling kaharian, dahil gusto nilang lahat ang posisyon, kayamanan at kaluwalhatian, banidad, na maging isang tagapaglingkod na may mataas na katayuan, at magpakita ng kapangyarihan: “Tingnan ninyo kung gaano ko kahigpit sinabi ang mga salitang iyon. Noong sandaling kumilos ako nang may pagbabanta, pinanghinaan sila ng loob at naging masunurin.” Huwag kang magpakita ng ganitong uri ng kapangyarihan; wala itong silbi, at wala itong napatutunayan. Nagpapatunay lamang ito na talagang mayabang ka, at mayroon kang hindi magandang disposisyon; hindi nito pinatutunayan na mayroon kang anumang abilidad, lalo na na taglay mo ang katotohanang realidad. Matapos ang pakikinig nang ilang taon sa mga sermon, kilala na ba ninyong lahat ang sarili ninyo? Hindi ba ninyo nararamdaman na nasa mapanganib kayong mga sitwasyon? Kung hindi dahil sa pagsasalita at paggawa ng Diyos para iligtas ang tao, hindi ba’t magtatatag kayo ng sari-sarili ninyong kaharian? Hindi ba’t gusto ninyong sarilinin ang mga iglesiang responsabilidad ninyo, na dalhin ang mga taong iyon sa ilalim ng impluwensiya mo, upang wala sa kanila ang makatakas sa kontrol mo, upang kailanganin nilang makinig sa iyo? Kung kinokontrol mo ang mga tao sa sandaling gawin mo ito, isa kang diyablo, si Satanas. Napakadelikado para sa iyo na magkaroon ng ganoong mga kaisipan; nakatapak ka na sa landas ng isang anticristo. Kung hindi ka magninilay-nilay sa sarili, at kung hindi mo magagawang ipagtapat ang iyong mga kasalanan sa Diyos at magsisi, tiyak na isasantabi ka, at hindi ka bibigyang-pansin ng Diyos. Dapat ay alam mo kung paano magsisi, kung paano baguhin ang iyong sarili upang makaayon ka sa mga layunin ng Diyos, upang matiyak mo na hindi mo nilalabag ang disposisyon ng Diyos. Huwag mong hintayin na matukoy ng sambahayan ng Diyos na isa kang anticristo at itiwalag ka—sa panahong iyon, magiging masyado nang huli ang lahat.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos
Huwag hayaan ang sinuman na isipin na ang kanyang sarili ay perpekto, bantog, marangal, o namumukod-tangi sa iba pa; ang lahat ng ito ay dulot ng mapagmataas na disposisyon at kamangmangan ng tao. Ang palaging pag-iisip na katangi-tangi ang sarili—ito ay sanhi ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagagawang tanggapin ang kanyang mga pagkukulang, at hindi kailanman nagagawang harapin ang kanyang mga pagkakamali at pagkabigo—dulot ito ng isang mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman pagpapahintulot sa iba na maging mas mataas sa kanila, o maging mas mahusay sa kanila—dulot ito ng mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa mga kalakasan ng iba na malampasan o mahigitan ang sa kanila—dahil ito sa mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman nagpapahintulot sa iba na magtaglay ng mas mabubuting kaisipan, mungkahi, at pananaw kaysa sa kanila, at kapag natuklasan nila na mas magaling ang iba kaysa sa kanila, nagiging negatibo, ayaw magsalita, nakararamdam ng pagkabagabag at pananamlay, at nagiging balisa—ang lahat ng ito ay dulot ng isang mapagmataas na disposisyon. Dahil sa mapagmataas na disposisyon, maaaring maging maingat ka sa pagpoprotekta sa iyong reputasyon, hindi mo magawang tanggapin ang pagtatama ng iba, hindi mo magawang harapin ang mga pagkukulang mo, at hindi magawang tanggapin ang iyong mga sariling kabiguan at pagkakamali. Higit pa riyan, kapag may sinumang mas mahusay sa iyo, maaari itong maging sanhi upang umusbong ang pagkamuhi at inggit sa iyong puso, at makararamdam ka na napipigil ka, kung kaya’t hindi mo nais na gawin ang iyong tungkulin at nagiging pabasta-basta ka sa pagtupad nito. Ang isang mapagmataas na disposisyon ay maaaring magbunga ng pag-usbong ng ganitong mga asal at gawi sa iyo. Kung nagagawa ninyo, unti-unti, na siyasatin nang husto ang lahat ng detalyeng ito, na magtamo ng mga tagumpay, at magkamit ng pagkaunawa sa mga ito; at kung pagkatapos ay nagagawa ninyong unti-unting maghimagsik laban sa mga kaisipang ito, maghimagsik laban sa mga maling kuru-kurong ito, pananaw at maging mga asal na ito, at hindi kayo napipigil ng mga ito; at kung, sa pagtupad ng inyong tungkulin, ay nagagawa ninyong matagpuan ang tamang katayuan para sa inyo, at kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at tuparin ang tungkulin na kaya at dapat ninyong gawin; kung gayon, sa pagdaan ng panahon, magagawa ninyong tuparin ang inyong mga tungkulin nang mas mahusay. Ito ay bahagi ng pagpasok sa katotohanang realidad. Kung kaya mong pumasok sa katotohanang realidad, magmumukha kang may wangis ng tao, at sasabihin ng mga tao, “Ang taong ito ay umaasal ayon sa kanyang katayuan, at ginagawa niya ang kanyang tungkulin sa isang maayos na paraan. Hindi siya umaasa sa pagiging likas, sa pagiging mainitin ng ulo, o sa kanyang tiwali, satanikong disposisyon upang gawin ang kanyang tungkulin. Kumikilos siya nang may hinahon, mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, may pagmamahal siya sa katotohanan, at ang kanyang asal at mga pahayag ay nagpapakita na naghimagsik siya laban sa kanyang sariling laman at mga kagustuhan.” Lubhang kahanga-hanga ang umasal nang gayon! Sa mga pagkakataon na binabanggit ng iba ang iyong mga pagkukulang, nagagawa mong hindi lamang tanggapin ang mga ito, kundi umasa sa mabuti, hinaharap ang mga pagkukulang at kapintasan mo nang may tatag. Lubhang normal ang lagay ng isip mo, malaya sa mga kasukdulan, malaya sa init ng ulo. Hindi nga ba’t ganito ang magtaglay ng isang wangis ng tao? Tanging ang mga gayong tao ang may katwiran.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao
Matapos malupig ng Diyos ang mga tao, dapat silang magkaroon kahit papaano ng katwiran para matiyak na hindi sila magsasalita nang mapagmataas. Pinakamainam sa kanila na tumanggap ng abang katayuan, “gaya ng dumi sa lupa,” at magsalita ng ilang bagay na totoo. Lalo na kapag nagpapatotoo para sa Diyos, kung kaya mong magsabi ng isang bagay na may katuturan mula sa puso, nang walang hindi makabuluhan o kalabisang salita at walang gawa-gawang mga kasinungalingan, tunay ngang nagbago na ang iyong disposisyon; ito ang pagbabagong dapat maganap kapag nalupig ka na ng Diyos. Kung hindi mo kayang taglayin kahit ang ganitong dami ng katwiran, talagang wala kang anumang pagkakatulad sa isang tao. Sa hinaharap, kapag nakabalik na sa harap ng Diyos at nalupig na ng Kanyang mga salita ang mga taong hinirang ng Diyos mula sa lahat ng bansa at rehiyon, kung sa isang malaking pagtitipon para purihin ang Diyos ay nagsisimula ka na namang muling kumilos nang may kayabangan, palaging nagmamataas at nagpapakitang gilas, tuluyan kang tatanggalin at ititiwalag. Ang mga tao ay kailangang kumilos nang maayos palagi, kilalanin ang kanyang pagkakakilanlan at katayuan, at huwag balikan ang kanyang mga dating gawi. Ang imahe ni Satanas ay namamalas sa kayabangan at kahambugan ng tao. Hangga’t hindi mo binabago ang aspetong ito ng sarili mo, hindi ka magkakaroon ng wangis ng tao kailanman, at lagi kang magtataglay ng pagmumukha ni Satanas. Ang paglutas sa pagmamataas at labis na pagtingin sa sarili ang pinakamahirap na bagay, at ang pagkakaroon lamang ng kaunting kaalaman sa iyong pagmamataas at labis na pagtingin sa sarili ay hindi magdudulot sa iyo ng ganap na pagbabago; kakailanganin mo pa ring magtiis ng maraming pagpipino. Kung hindi ka nahatulan, nakastigo, at napungusan, manganganib ka pa rin sa katagalan. Sa hinaharap, kapag tinanggap ng mga taong hinirang ng Diyos mula sa iba’t ibang dako ng mundo ang gawain Niya at sinabing: “Matagal na kaming naliwanagan na nagtamo na ang Diyos ng isang grupo ng mga mananagumpay sa Tsina,” kapag narinig ninyo ito, iisipin ninyo: “Wala kaming anumang ipagyayabang, lahat ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. Hindi kami karapat-dapat na tawaging mga mananagumpay.” Ngunit sa paglipas ng panahon, kapag unti-unti mo nang nakikita na nagagawa mo nang magsalita ng isang bagay, at na mayroon kang kaunting realidad, magninilay-nilay ka: “Maging ang mga dayuhan ay nakamit na ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at sinasabi nilang nakagawa na ang Diyos ng isang grupo ng mga mananagumpay sa Tsina, kaya dapat kaming kilalaning mga mananagumpay!” Tahimik mong pahihintulutan ang pagkilalang ito sa puso mo ngayon, at hayagan mo itong kikilalanin kalaunan. Hindi matagalan ng mga tao ang mapuri at masubok ng katayuan. Kung lagi kang pinupuri, manganganib ka. Yaong mga hindi pa nagbago ang disposisyon ay hindi makakapanindigan sa huli.
Ang pinakamahirap ayusin na problema para sa tiwaling sangkatauhan ay ang paggawang muli ng dati nilang mga pagkakamali. Para maiwasan ito, dapat munang mabatid ng mga tao na hindi pa nila natatamo ang katotohanan, na wala pang nagiging pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay, at kahit na naniniwala sila sa Diyos, namumuhay pa rin sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at hindi pa naliligtas; malamang na pagtaksilan nila ang Diyos at lumihis sa Diyos sa anumang oras. Kung may nararamdaman silang ganitong krisis sa kanilang puso—kung, gaya nga ng madalas sabihin ng mga tao, handa sila sa panganib sa panahon ng kapayapaan—magagawa nila kahit papaano na kontrolin ang kanilang sarili, at sakali mang may mangyari sa kanila, mananalangin sila sa Diyos at aasa sa Kanya, at magagawa nilang maiwasang gawin ang gayon ding mga pagkakamali. Dapat mong makita nang malinaw na hindi pa nagbago ang iyong disposisyon, na labis pa ring nakaugat sa iyo ang kalikasan ng pagtataksil laban sa Diyos at hindi pa naalis, na may panganib pa ring pagtaksilan mo ang Diyos, at nahaharap ka sa patuloy na posibilidad ng pagdanas ng kapahamakan at pagkawasak. Totoo ito, kaya dapat kayong mag-ingat. May tatlong pinakamahahalagang punto na dapat tandaan: Una, hindi mo pa rin kilala ang Diyos; pangalawa, walang naging anumang pagbabago sa iyong disposisyon; at pangatlo, hindi mo pa naisasabuhay ang tunay na wangis ng tao. Nakaayon sa mga katunayan ang tatlong bagay na ito, totoo ang mga ito, at dapat maging malinaw ang mga ito sa iyo. Dapat may kamalayan ka sa sarili mo. Kung bukal sa loob mong ayusin ang problemang ito, dapat kang pumili ng sarili mong kasabihan: Halimbawa, “Ako ang dumi sa lupa,” o “Ako ang diyablo,” o “Madalas akong bumalik sa dati kong mga gawi,” o “Lagi akong nasa panganib.” Angkop na maging pansarili mong kasabihan ang alinman sa mga ito, at makakatulong kung lagi mo itong ipinapaalala sa iyong sarili sa lahat ng oras. Ulit-ulitin mo ito sa iyong sarili, pagnilay-nilayan ito, at baka sakaling mabawasan ang mga nagagawa mong pagkakamali, o matigil na sa paggawa ng mga pagkakamali. Anu’t anuman, ang pinakamahalaga ay ang gumugol ng mas maraming oras sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at ang maunawaan ang katotohanan, ang maunawaan ang sarili mong kalikasan at maiwaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Saka ka lamang magiging ligtas. Ang isa pang bagay ay ang huwag kailanman lumagay sa posisyon ng “isang saksi ng Diyos,” at huwag kailanman tawagin ang iyong sarili na saksi ng Diyos. Maaari ka lamang magsalita tungkol sa personal mong karanasan. Maaari ninyong sabihin kung paano kayo iniligtas ng Diyos, ibahagi kung paano kayo nilupig ng Diyos, at talakayin kung anong biyaya ang ipinagkaloob Niya sa inyo. Huwag kalimutan kailanman na kayo ang mga taong pinakalubhang nagawang tiwali; kayo ay dumi at basura. Ang magawang tanggapin ang gawain ng Diyos ngayon ay ganap na dahil sa Kanyang pag-aangat sa inyo. Ito ay dahil lang sa kayo ang mga pinakatiwali at pinakamarumi kaya nailigtas kayo ng Diyos na nagkatawang-tao, kaya napagkalooban Niya kayo ng napakalaking biyaya. Samakatuwid ay wala kayong anumang nararapat na ipagmayabang, at ang nararapat lamang ay ang purihin at pasalamatang ninyo ang Diyos. Ang inyong kaligtasan ay dahil lamang sa biyaya ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Matatamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Kanyang Disposisyon
At ngayon na ang mga bagay-bagay ay dumating na sa sitwasyong ito, gaano ba talaga karami ang alam mo tungkol sa Aking sinasabi at ginagawa? Huwag mong isipin na likas kang matalino, medyo mas mababa lamang kaysa sa kalangitan ngunit walang hanggan na mas mataas kaysa sa lupa. Hindi ka talaga mas matalino kaysa sa iba—at masasabi pa nga na talagang kahanga-hanga na mas hangal ka kaysa sinumang iba pang mga tao sa lupa na may katwiran, sapagkat napakataas ng tingin mo sa iyong sarili, at hindi ka nakaramdam kailanman na mas mababa ka sa iba; na tila nahihiwatigan mo ang pinakamaliit na detalye ng Aking mga kilos. Sa katunayan, isa kang tao na wala talagang katwiran, sapagkat wala kang ideya kung ano ang Aking gagawin, at lalong wala kang alam kung ano ang Aking ginagawa ngayon. Kaya sinasabi Ko na hindi ka man lamang kapantay ng isang matandang magsasaka na nagtatrabaho sa lupain, isang magsasaka na wala ni katiting na pagkaunawa sa buhay ng tao subalit lubos na umaasa sa mga pagpapala ng Langit habang nagbubungkal ng lupa. Hindi ka nag-uukol ng kahit isang segundo para pag-isipan ang iyong buhay, wala kang alam na dapat ipagbunyi, at lalo nang wala kang alam tungkol sa sarili mo. Masyado kang “mapagmataas”! … Hayaan mong sabihin Ko sa iyo ang isang katotohanan: Ngayon ay hindi mahalaga kung mayroon kang pusong may takot o wala; hindi Ako kinakabahan o kaya’y nababalisa tungkol diyan. Ngunit kailangan Ko ring sabihin ito sa iyo: Ikaw na “mahusay na taong” ito, na hindi natututo at nananatiling mangmang, sa dakong huli ay ibabagsak ka ng iyong katalinuhang humahanga sa sarili at mababaw—ikaw ang magdurusa at makakastigo. Hindi Ako ganoon kahangal para samahan kang patuloy na magdusa sa impiyerno, sapagkat hindi Ako kauri mo. Huwag mong kalilimutan na ikaw ay isang nilikha na Aking sinumpa, subalit tinuruan at iniligtas Ko rin, at walang anumang bagay sa iyo na mag-aatubili Akong bitawan. Tuwing Ako ay gumagawa, hindi Ako napipigilan ng sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay. Hindi pa rin nagbabago ang Aking mga pag-uugali at opinyon sa sangkatauhan. Hindi kita masyadong gusto, sapagkat dagdag ka lang sa Aking pamamahala, at hindi talaga katangi-tangi kumpara sa anupamang ibang nilalang. Ito ang payo Ko sa iyo: Sa lahat ng oras, tandaan na isa ka lamang nilikha! Bagama’t maaaring mabuhay ka sa piling Ko, dapat mong malaman ang iyong sariling pagkakakilanlan; huwag mong ipalagay na napakataas mo. Kahit hindi kita sinasaway o pinupungusan, at hinaharap kita nang may ngiti, hindi ito sapat para mapatunayan na ikaw ay kauri Ko. Ikaw—dapat mong malaman na isa ka sa mga naghahangad ng katotohanan, hindi ang katotohanan mismo! Dapat ay handa ka sa lahat ng oras na magbago ayon sa Aking mga salita. Hindi mo ito matatakasan. Pinapayuhan kita na magsikap at matuto ng isang bagay sa napakahalagang panahong ito, habang mayroon ka ng bihirang pagkakataong ito. Huwag mo Akong lokohin; hindi mo Ako kailangang bolahin para linlangin Ako. Kapag hinahanap mo Ako, hindi iyon para lamang sa Aking kapakanan, kundi sa halip ay para sa iyo!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Natututo at Nananatiling Mangmang: Hindi Ba Sila mga Hayop?
Labis na ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan na lahat sila ay may satanikong kalikasan at mapagmataas na disposisyon; maging ang mga hangal at mangmang ay mapagmataas, at iniisip nilang sila ay mas mahusay kaysa sa ibang tao at tumatanggi silang sumunod sa mga ito. Kitang-kita na napakalalim ng katiwalian ng sangkatauhan at napakahirap para sa kanilang magpasakop sa Diyos. Dahil sa kanilang pagmamataas at pagmamatuwid sa sarili, ang mga tao ay ganap na walang katwiran; wala silang sinumang susundin—kahit pa ang sinasabi ng iba ay tama at umaayon sa katotohanan, hindi nila ito susundin. Dahil sa pagmamataas kaya nangangahas ang mga tao na husgahan ang Diyos, kondenahin ang Diyos, at labanan ang Diyos. Kaya, paano malulutas ang isang mapagmataas na disposisyon? Maaari ba itong malutas sa pamamagitan ng pag-asa sa pagpipigil ng tao? Maaari ba itong malutas sa pamamagitan lamang ng pagkilala at pagtanggap dito? Hinding-hindi. May isang paraan lamang upang malutas ang isang mapagmataas na disposisyon, at iyon ay ang pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Tanging ang mga may kakayahan lamang tumanggap ng katotohanan ang unti-unting makawawaksi ng kanilang mga mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman malulutas ng mga hindi tumatanggap sa katotohanan ang kanilang mga mapagmataas na disposisyon. Maraming tao ang nakikita Kong lumalaki ang ulo kapag nagpapakita sila ng talento sa kanilang tungkulin. Kapag nagpapakita sila ng ilang kakayahan, iniisip nilang sila ay talagang kahanga-hanga, at pagkatapos ay mabubuhay sila sa mga kakayahang ito at hindi na pagbubutihin pa ang sarili. Hindi sila nakikinig sa iba anuman ang sabihin ng mga ito, iniisip na ang maliliit na bagay na ito na taglay nila ay ang katotohanan, at sila ang pinakamataas. Anong disposisyon ito? Ito ay isang mapagmataas na disposisyon. Kulang na kulang sila sa katwiran. Magagawa ba ng isang tao nang maayos ang kanyang tungkulin kapag siya ay may mapagmataas na disposisyon? Magagawa ba niyang magpasakop sa Diyos at sundin ang Diyos hanggang sa wakas? Mas mahirap pa ito. Upang ayusin ang isang mapagmataas na disposisyon, kailangan niyang matutunang danasin ang gawain, paghatol at pagkastigo ng Diyos habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin. Sa ganitong paraan lamang niya tunay na makikilala ang kanyang sarili. Kapag malinaw mong nakita ang iyong tiwaling diwa, malinaw na nakita ang ugat ng iyong pagmamataas, at pagkatapos ay naunawaan at nasuri ito, saka mo lamang tunay na malalaman ang iyong kalikasang diwa. Kailangan mong hukayin ang lahat ng tiwaling bagay sa loob mo, at ikumpara ito sa katotohanan at alamin ang mga ito batay sa katotohanan, pagkatapos ay malalaman mo kung ano ka: Hindi ka lamang puno ng isang tiwaling disposisyon, at hindi ka lamang walang katwiran at pagpapasakop, kundi makikita mo na kulang ka sa napakaraming bagay, na wala kang katotohanang realidad, at kung gaano ka kaawa-awa. Pagkatapos, hindi mo na magagawang maging mapagmataas. Kung hindi mo sinusuri at kinikilala ang iyong sarili sa ganitong paraan, kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, hindi mo malalaman ang iyong lugar sa sansinukob. Iisipin mong magaling ka sa lahat ng paraan, na ang lahat ng bagay tungkol sa iba ay masama, at tanging ikaw ang pinakamahusay. Pagkatapos, palagi kang magpapakitang-gilas sa lahat, para tingalain at sambahin ka ng iba. Ito ay ganap na kawalan ng kamalayan sa sarili. May mga taong palaging nagpapakitang-gilas. Kapag nakikita ng iba na hindi ito kaaya-aya, pinupuna nilang mayabang ang mga ito. Ngunit hindi nila ito tinatanggap; iniisip pa rin nilang sila ay may talento at may kakayahan. Anong disposisyon ito? Masyado silang mapagmataas at mapagmagaling. Ang mga tao bang ganito kayabang at kamapagmagaling ay may kakayahang mauhaw sa katotohanan? Kaya ba nilang hangarin ang katotohanan? Kung hindi nila kailanman makikilala ang kanilang sarili, at hindi nila iwinawaksi ang kanilang tiwaling disposisyon, magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang tungkulin? Tiyak na hindi.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito
Kapag narinig mo ang mga salita ng Diyos na naglalantad ng mga pagpapamalas ng isang mapagmataas na disposisyong nakikita sa isang tao, dapat mong isipin: “Nagpapakita ba ako ng mga pagpapamalas ng pagmamataas? Isa akong tiwaling tao, kaya malamang na nagpapakita ako ng ilan sa mga pagpapamalas na iyon; dapat kong pagnilayan kung saan ko iyon ginagawa. Sinasabi ng mga tao na mapagmataas ako, na palagi akong kumikilos na parang isang importanteng tao, na napipigilan ko ang mga tao kapag nagsasalita ako. Iyon ba talaga ang disposisyon ko?” Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, mapagtatanto mo sa wakas na tumpak na tumpak ang paghahayag ng mga salita ng Diyos—na isa kang mapagmataas na tao. At yamang tumpak na tumpak ang paghahayag ng mga salita ng Diyos, yamang tugmang-tugma ito sa sitwasyon mo nang wala ni katiting na pagkakaiba, at lalo pang nagiging tumpak matapos ang higit pang pagninilay, dapat mong tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita, at makilatis at malaman ang diwa ng iyong tiwaling disposisyon ayon sa mga ito. Pagkatapos ay makadarama ka ng tunay na pagsisisi. Sa paniniwala sa Diyos, makikilala mo lang ang sarili mo sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom sa Kanyang mga salita nang ganito. Upang malutas ang iyong mga tiwaling disposisyon, kailangan mong tanggapin ang paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos. Kung hindi mo kayang gawin iyon, imposibleng maiwaksi mo ang mga tiwaling disposisyon mo. Kung isa kang matalinong tao na nakakikita na karaniwang tumpak ang paghahayag ng mga salita ng Diyos, o kung kaya mong aminin na tama ang kalahati nito, dapat mo itong tanggapin agad at magpasakop ka sa harap ng Diyos. Kailangan mo ring magdasal sa Kanya at pagnilayan ang iyong sarili. Saka mo lang mauunawaan na tumpak ang lahat ng salita ng Diyos ng paghahayag, na ang lahat ng iyon ay katunayan, at wala nang iba pa. Tunay lamang na mapagninilayan ng mga tao ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pagpapasakop sa harap ng Diyos nang may-takot-sa-Diyos na puso. Saka lang nila makikita ang iba’t-ibang tiwaling disposisyon na umiiral sa kaibuturan nila, at na mapagmataas at mapagmagaling nga sila, na wala ni katiting na katinuan. Kung ang isang tao ay nagmamahal sa katotohanan, magagawa niyang magpatirapa sa harapan ng Diyos, aminin sa Kanya na malalim siyang nagawang tiwali, at magkaroon ng kagustuhang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Sa ganitong paraan, magkakaroon siya ng isang pusong nagsisisi, magsisimula siyang tanggihan at kapootan ang kanyang sarili, at pagsisisihan niya ang hindi paghahangad sa katotohanan noon, iisipin niyang, “Bakit ba hindi ko nagawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos noong magsimula akong basahin ang mga iyon? Itong saloobing taglay ko sa Kanyang mga salita ay saloobin ng kayabangan, hindi ba? Bakit masyado akong mayabang?” Pagkatapos ng madalas na pagninilay-nilay sa sarili nang ganito sa loob ng ilang panahon, malalaman niya na mayabang nga siya, na wala siyang ganap na kakayahang aminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at mga katunayan, at na talagang wala siyang ni katiting na katinuan. Pero mahirap kilalanin ang sarili. Sa tuwing magninilay-nilay ang isang tao, makapagtatamo lang siya ng kaunti at bahagyang mas malalim na kaalaman sa kanyang sarili. Ang pagkakaroon ng malinaw na kaalaman sa isang tiwaling disposisyon ay hindi isang bagay na maisasakatuparan sa maikling panahon; ang isang tao ay kailangang higit na magbasa ng mga salita ng Diyos, higit na magdasal, at higit na pagnilay-nilayan ang kanyang sarili. Sa gayon lang niya unti-unting makikilala ang kanyang sarili. Lahat ng tunay na nakakakilala sa kanilang sarili ay ilang beses nang nabigo at nadapa noon, pagkatapos mangyari ang mga iyon, binabasa nila ang mga salita ng Diyos, nagdarasal sa Kanya, at pinagninilay-nilayan ang kanilang sarili, at kaya malinaw nilang nakikita ang katotohanan ng sarili nilang katiwalian, at nadarama na talaga ngang lubha silang naging tiwali, at talagang nawalan sila ng katotohanang realidad. Kung mararanasan mo ang gawain ng Diyos nang ganito, at mananalangin ka sa Kanya athahanapin mo ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo, unti-unti mong makikilala ang sarili mo. Pagkatapos isang araw, magiging malinaw na sa wakas ang puso mo: “Maaaring medyo mas may kakayahan ako kaysa sa iba, pero ibinigay ito sa akin ng Diyos. Palagi akong mayabang, sinisikap kong higitan ang iba kapag nagsasalita ako, at sinisikap kong pasunurin ang mga tao sa gusto ko. Tunay na wala akong katwiran—ito ay kayabangan at pagmamagaling! Sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, nalaman ko ang sarili kong mayabang na disposisyon. Ito ay kaliwanagan at biyaya ng Diyos, at pinasasalamatan ko Siya para dito!” Mabuting bagay ba o masama ang malaman ang sarili mong tiwaling disposisyon? (Mabuting bagay.) Mula roon, dapat patuloy kang maghangad kung paano magsasalita at kikilos nang may katwiran at pagsunod, paano ka papantay sa iba, paano tatratuhin ang iba nang patas nang hindi sila pinipigilan, paano mo titignan nang tama ang iyong kakayahan, mga kaloob, mga kalakasan, at iba pa. Sa ganitong paraan, gaya ng isang bundok na unti-unting pinupukpok hanggang sa maging alikabok, malulutas ang iyong mayabang na disposisyon. Pagkatapos niyon, kapag nakipag-ugnayan ka sa iba o nakipagtulungan sa kanila na gampanan ang isang tungkulin, magagawa mong tratuhin nang tama ang kanilang mga pananaw at lubos na pagtuunan sila nang pansin habang nakikinig ka sa kanila. At kapag narinig mo silang magsabi ng isang pananaw na tama, matutuklasan mo, “Mukhang hindi ako ang may pinakamahusay na kakayahan. Ang totoo, lahat ay may sari-sariling mga kalakasan; hindi talaga sila mas mababa sa akin. Dati, lagi kong iniisip na may mas mahusay na kakayahan ako kaysa sa iba. Paghanga iyon sa sarili at kamangmangan ng isang makitid ang utak. Napakalimitado ng aking pananaw, parang palaka sa ilalim ng isang balon. Talagang walang katwiran ang pag-iisip nang gayon—kahiya-hiya ito! Ginawa akong bulag at bingi ng aking mayabang na disposisyon. Hindi ko naunawaan ang mga salita ng ibang mga tao, at inakala ko na mas mahusay ako kaysa sa kanila, na tama ako, samantalang ang totoo, hindi ako mas mahusay kaysa sa sinuman sa kanila!” Mula noon, magkakaroon ka ng tunay na kabatiran at kaalaman tungkol sa iyong mga kakulangan at sa maliit mong tayog. At pagkatapos niyon, kapag nakipagbahaginan ka sa iba, makikinig kang maigi sa kanilang mga pananaw, at matatanto mo, “Napakaraming taong mas mahusay kaysa sa akin. Katamtaman lang pareho ang aking kahusayan at kakayahang makaarok.” Sa pagkakatantong ito, hindi ba’t nagtamo ka na ng kaunting kamalayan sa iyong sarili? Sa pamamagitan ng pagdanas nito, at sa madalas na pagninilay-nilay sa sarili batay sa mga salita ng Diyos, makapagtatamo ka ng tunay na kaalaman sa iyong sarili na lalo pang lumalalim. Maiintindihan mo ang katotohanan ng iyong katiwalian, ang iyong karukhaan at kasamaan, ang iyong kahiya-hiyang kapangitan, at sa oras na iyon, magiging tutol ka sa sarili mo at kamumuhian mo ang iyong tiwaling disposisyon. Pagkatapos ay magiging madali na para sa iyo na maghimagsik laban sa iyong sarili. Ganoon mo mararanasan ang gawain ng Diyos. Batay sa mga salita ng Diyos, kailangan mong magnilay-nilay sa mga paglalantad mo ng iyong katiwalian. Partikular na kailangan mong madalas na pagnilay-nilayan at kilalanin ang iyong sarili pagkatapos mong maglantad ng tiwaling disposisyon sa anumang sitwasyon. Sa gayon ay magiging madali para sa iyo na makita nang malinaw ang iyong tiwaling diwa, at magagawa mong kamuhian sa puso mo ang iyong katiwalian, ang iyong laman, at si Satanas. At sa puso mo, magagawa mong mahalin at pagsumikapang matamo ang katotohanan. Sa ganitong paraan, patuloy na mababawasan ang iyong mayabang na disposisyon, at unti-unti mo itong maiwawaksi. Makapagtatamo ka ng mas higit pang katwiran, at magiging mas madali para sa iyo na magpasakop sa Diyos. Sa mga mata ng iba, magmumukha kang mas panatag at praktikal, at tila mas obhektibo ka na kung magsalita. Magagawa mo nang makinig sa iba, at bibigyan mo sila ng pagkakataon na makapagsalita. Kapag tama ang iba, magiging madali para sa iyo na tanggapin ang kanilang mga salita, at hindi gaanong magiging mahirap ang mga pakikipag-ugnayan mo sa mga tao. Magagawa mong makipagtulungan nang maayos kaninuman. Kung ganito ang pagganap mo sa iyong tungkulin, hindi ba magiging makatwiran at makatao ka? Iyon ang paraan para malutas ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 1
Kung wala kang landas para sa paglutas ng mapagmataas na disposisyon, dapat kang magdasal sa Diyos nang ganito: “Diyos ko, may mapagmataas na disposisyon ako. Sa tingin ko ay mas magaling ako kaysa sa iba, mas mahusay kaysa sa iba, mas matalino kaysa sa iba, at gusto kong gawin ng iba kung ano ang sinasabi ko. Sobrang hindi ito makatwiran. Bakit hindi ko ito mabitiwan, kahit na alam kong kayabangan ito? Nagsusumamo akong disiplinahin at pagalitan Mo po ako. Handa akong bitiwan ang aking kayabangan at ang sarili kong mga layunin para sa halip ay hanapin ang Iyong mga layunin. Handa akong makinig sa Iyong mga salita, at tanggapin ang mga ito bilang aking buhay at mga prinsipyo para sa aking pagkilos. Handa akong ipamuhay ang Iyong mga salita. Nagsusumamo akong gabayan Mo ako, nagsusumamo akong tulungan at akayin Mo ako.” May saloobin ba ng pagpapasakop sa mga salitang ito? May kagustuhan bang magpasakop? (Mayroon.) Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi epektibo ang isang beses lang na pagdarasal. Kapag may sumasapit sa akin, namumuhay pa rin ako ayon sa aking tiwaling disposisyon, at gusto ko pa ring ako ang masunod.” Kung gayon, magpatuloy sa pagdarasal: “Diyos ko, napakayabang ko, napakarebelde! Nagsusumamo akong disiplinahin Mo ako, patigilin ang aking paggawa ng masama, at pigilan ang aking mapagmataas na disposisyon. Nagsusumamo akong gabayan at akayin Mo ako, nang sa gayon ay maipamuhay ko ang Iyong mga salita, at makakilos at makapagsagawa ako ayon sa Iyong mga salita at hinihingi.” Dalasan ang paglapit sa Diyos sa panalangin at pagsamo, at hayaan Siyang gumawa. Kapag mas taos-puso ang iyong mga salita, at mas tapat ang iyong puso, mas titindi ang iyong kagustuhang maghimagsik laban sa laman at ang iyong sarili. Kapag napangibabawan nito ang iyong kagustuhang kumilos ayon sa sarili mong kalooban, unti-unting kusang magbabago ang iyong puso—at kapag nangyari iyon, magkakaroon ka ng pag-asang maisagawa ang katotohanan at makakilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag nagdarasal ka, ang Diyos ay walang anumang sasabihin sa iyo, o ipahihiwatig sa iyo, o ipapangako sa iyo, ngunit susuriin Niya ang iyong puso at ang intensyon sa likod ng iyong mga salita; oobserbahan Niya kung taos-puso at totoo ba ang sinasabi mo, at kung nagsusumamo at nagdarasal ka ba sa Kanya nang may tapat na puso. Kapag nakikita ng Diyos na tapat ang iyong puso, aakayin at gagabayan ka Niya, gaya ng hiniling at ipinagdasal mong gawin Niya, at siyempre pa, pagagalitan at didisiplinahin ka rin Niya. Kapag tinutupad ng Diyos ang ipinagsusumamo mo, ang iyong puso ay mabibigyang-liwanag at medyo magbabago.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 2
Sa iyong pang-araw-araw na buhay, kapag ikaw ay nagsasalita, kumikilos at nag-aasikaso ng mga bagay-bagay, gumaganap ng iyong tungkulin, nakikipagbahaginan sa iba, at kung anu-ano pa, anuman ang kasalukuyang inaasikaso mo, o kung nasaan ka man, o kung ano ang mga sitwasyon, dapat mong pagtuunan sa lahat ng oras ang pagsusuri sa kung anong uri ng mapagmataas na disposisyon ang naipakita mo. Dapat mong halukayin ang lahat ng pagbubulalas, saloobin, at ideya na nagmumula sa iyong mapagmataas na disposisyon na alam mo at nawawari mo, gayundin ang iyong mga layon at mithiin—lalo na ang kagustuhang palaging sermunan ang iba mula sa mataas na posisyon; hindi pagsunod sa kahit sino; pagturing sa iyong sarili na mas mahusay kaysa sa iba; hindi pagtanggap sa sinasabi ng iba, gaano man sila katama; pagpilit sa iba na tanggapin at sundin ang sinasabi mo, kahit na mali ka; palagiang pagkahilig na pamunuan ang iba; pagiging hindi masunurin at pangangatwiran kapag pinupungusan ka ng mga lider at manggagawa, pagkondena sa kanila bilang mga huwad; palaging pagkondena sa iba at pagtataas sa iyong sarili; palaging pag-iisip na mas magaling ka kaysa sa lahat; palaging pagnanais na maging isang taong tanyag at sikat; palaging gustong-gustong magpakitang-gilas, upang lubos kang pahalagahan at sambahin ng iba…. Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pagninilay-nilay at paghihimay sa mga pagbuhos na ito ng katiwalian, malalaman mo kung gaano kapangit ang iyong mapagmataas na disposisyon, at magagawa mong kamuhian at kasuklaman ang iyong sarili, at mas lalong kapootan ang iyong mapagmataas na disposisyon. Sa gayon ay magiging handa kang pagnilayan kung nagpakita ka ba o hindi ng mapagmataas na disposisyon sa lahat ng bagay. Ang isang bahagi nito ay pagninilay-nilay sa kung anong mga mapagmataas at mapagmagaling na disposisyon ang lumalabas sa iyong pananalita—anong mga mapagmalaki, mayabang, at walang katuturang bagay ang sinasabi mo. Ang isa pang bahagi ay pagninilay-nilay sa kung anong mga kakatwa at walang katuturang bagay ang ginagawa mo habang kumikilos ka ayon sa iyong mga kuru-kuro, imahinasyon, ambisyon, at pagnanasa. Tanging ang ganitong uri ng pagninilay sa sarili ang magdudulot ng pagkakilala sa sarili. Kapag nagkamit ka na ng tunay na pagkakilala sa iyong sarili, dapat mong hanapin ang mga landas at prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagiging isang matapat na tao sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay magsagawa, gumanap ng iyong tungkulin, at humarap at makipag-ugnayan sa iba ayon sa mga landas at prinsipyo na nakasaad sa mga salita ng Diyos. Kapag nakapagsagawa ka na sa ganitong paraan nang ilang panahon, marahil nang isa o dalawang buwan, makararamdam ka ng kasiglahan ng puso tungkol dito, at may makakamit ka mula rito at makatitikim ka ng tagumpay. Mararamdaman mo na mayroon kang landas para maging isang matapat at matinong tao, at mas lalo kang makararamdam ng katahimikan ng kalooban. Bagamat hindi ka pa makapagsasalita tungkol sa partikular na malalim na kaalaman tungkol sa katotohanan, magkakamit ka naman ng ilang perseptuwal na kaalaman tungkol dito, gayundin ng isang landas ng pagsasagawa. Bagamat hindi mo ito maipapahayag nang malinaw gamit ang mga salita, magkakaroon ka naman ng kaunting pagkakilala sa pinsalang nagagawa ng isang mapagmataas na disposisyon sa mga tao at kung paano nito binabaluktot ang kanilang pagkatao. Halimbawa, ang mga taong mayabang at may labis na pagtingin sa sarili ay madalas na nagsasabi ng mga mapagmalaki at imposibleng bagay, at nagsasabi ng mga maladiyablong salita para lansihin ang iba; nagsasabi sila ng mga salitang matayog pakinggan, sumisigaw ng mga salawikain, at nagbubulalas ng matatayog na pambabatikos. Hindi ba’t ang mga ito ay iba’t ibang pagpapamalas ng isang mapagmataas na disposisyon? Hindi ba’t lubhang walang katuturan na magpakita ng mga mapagmataas na disposisyong ito? Kung tunay mong nauunawaan na malamang ay nawalan ka na ng normal na katwiran ng tao kaya ka naglalabas ng mga gayong mapagmataas na disposisyon, at na ang pamumuhay sa loob ng isang mapagmataas na disposisyon ay nangangahulugang nagsasabuhay ka ng pagkadiyablo sa halip na pagkatao, tunay mong makikilala na ang isang tiwaling disposisyon ay isang satanikong disposisyon, at mula sa iyong puso ay magagawa mong kapootan si Satanas at ang mga tiwaling disposisyon. Sa anim na buwan o isang taon ng gayong karanasan, magkakaroon ka ng tunay na pagkakilala sa sarili, at kung maglalabas ka ulit ng isang mapagmataas na disposisyon, mamamalayan mo ito kaagad, at magagawa mong maghimagsik laban dito at talikuran ito. Magsisimula ka nang magbago, at unti-unti mong mawawaksi ang iyong mapagmataas na disposisyon, at normal mo nang makakasundo ang iba. Magagawa mo nang magsalita nang tapat at mula sa puso; hindi ka na magsisinungaling o magsasabi ng kayabangan. Kung magkagayon, hindi ba’t magtataglay ka na ng kaunting katwiran at kaunting wangis ng isang matapat na tao? Hindi ba’t makakamit mo na ang pagpasok na iyon? Ito ang panahon kung kailan magsisimula kang may makamit. Kapag nagsagawa kang maging matapat sa ganitong paraan, magagawa mong hanapin ang katotohanan at pagnilayan ang iyong sarili anumang uri ng mapagmataas na disposisyon ang inilalabas mo, at matapos maranasan ang pagiging isang matapat na tao sa ganitong paraan sa loob ng ilang panahon, walang kamalay-malay at unti-unti mong mauunawaan ang mga katotohanan at nauugnay na salita ng Diyos tungkol sa pagiging isang matapat na tao. At kapag ginamit mo ang mga katotohanang iyon para suriin ang iyong mapagmataas na disposisyon, sa kaibuturan ng iyong puso ay magkakaroon ng kaliwanagan at pagtanglaw ng mga salita ng Diyos, at magsisimulang sumigla ang iyong puso. Malinaw mong makikita ang katiwalian na idinudulot ng isang mapagmataas na disposisyon sa mga tao at ang kapangitan na ipinapasabuhay nito sa kanila, at magagawa mong tukuyin ang bawat isa sa mga tiwaling kalagayan na kinahahantungan ng mga tao kapag nagpapakita sila ng mapagmataas na disposisyon. Sa higit pang paghihimay, mas malinaw mong makikita ang kapangitan ni Satanas, at mas lalo mong kapopootan si Satanas. Sa gayon ay magiging madali para sa iyo na iwaksi ang iyong mapagmataas na disposisyon.
—Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 2
Kung napakababaw ng kaalaman ng mga tao tungkol sa kanilang sarili, makikita nila na imposibleng lutasin ang mga problema, at talagang hindi magbabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kailangang makilala nang malalim ng isang tao ang kanyang sarili, na ibig sabihi’y malaman ng isang tao ang kanyang sariling likas na pagkatao: anong mga elemento ang kasama sa pagkataong iyon, paano nagsimula ang mga bagay na ito, at saan nanggaling ang mga ito. Bukod pa riyan, talaga bang nagagawa mong kamuhian ang mga bagay na ito? Nakita mo na ba ang sarili mong pangit na kaluluwa at buktot na kalikasan? Kung talagang nagagawa mong makita ang katotohanan tungkol sa iyong sarili, mamumuhi ka sa iyong sarili. Kapag kinamumuhian mo ang iyong sarili at pagkatapos ay isinasagawa mo ang salita ng Diyos, magagawa mong maghimagsik laban sa laman at magkakaroon ka ng lakas na isagawa ang katotohanan nang hindi naniniwala na mahirap ito. Bakit maraming taong sumusunod sa kagustuhan ng kanilang laman? Dahil itinuturing nila ang kanilang sarili na mahusay, na nadarama na tama at makatwiran ang kanilang ikinikilos, na wala silang kamalian, at na talaga ngang tama sila, samakatuwid ay maaari silang kumilos na ipinapalagay na nasa panig nila ang katarungan. Kapag kinikilala ng isa kung ano ang tunay niyang kalikasan—gaano kapangit, gaano kasuklam-suklam, at gaano kaawa-awa—hindi na niya ipinagmamalaki nang labis ang kaniyang sarili, hindi na masyadong mapagmataas, at hindi na gaanong nasisiyahan sa kaniyang sarili tulad ng dati. Nararamdaman ng gayong tao, “Kailangan kong maging masigasig at praktikal sa pagsasagawa ng ilan sa mga salita ng Diyos. Kung hindi, ako ay hindi aabot sa pamantayan ng pagiging tao, at mahihiyang mamuhay sa harapan ng Diyos.” Nakikita niyang tunay ang sarili bilang napakahamak, bilang totoong walang halaga. Sa pagkakataong ito ay nagiging madali para sa isa na isakatuparan ang katotohanan, at ang isa ay mas magmumukhang katulad ng kung ano dapat ang isang tao. Kapag tunay na kinamumuhian ng mga tao ang kanilang sarili, saka lang nila nagagawang maghimagsik laban sa laman. Kung hindi nila kinamumuhian ang kanilang sarili, hindi nila magagawang maghimagsik laban sa laman. Ang tunay na pagkamuhi sa sarili ay hindi isang simpleng bagay. Mayroong ilang bagay na dapat matagpuan sa kanila: Una, pagkaalam sa sariling likas na pagkatao; at pangalawa, pagkakita sa sarili na nangangailangan at kaawa-awa, pagkakita sa sarili na napakahamak at walang kabuluhan, at pagkakita sa sariling kaawa-awa at maruming kaluluwa. Kapag lubos na nakikita ng isang tao kung ano siya talaga, at ito ang kinahinatnan, talagang nagtatamo siya ng kaalaman tungkol sa sarili, at masasabi na lubos na niyang nakilala ang kanyang sarili. Saka lamang niya talaga maaaring kamuhian ang kanyang sarili, hanggang sa isumpa niya ang kanyang sarili, at talagang madama niya na labis siyang nagawang tiwali ni Satanas kaya ni hindi siya mukhang tao. Sa gayon, balang araw, kapag lumitaw ang panganib ng kamatayan, iisipin ng taong iyon, “Ito ang matuwid na parusa ng Diyos. Tunay ngang matuwid ang Diyos; dapat talaga akong mamatay!” Sa puntong ito, hindi siya magrereklamo, lalo nang hindi niya sisisihin ang Diyos, nadarama lamang na siya ay talagang nangangailangan at kaawa-awa, napakarumi at napakatiwali kaya dapat siyang itiwalag at wasakin ng Diyos, at ang isang kaluluwang katulad ng sa kanya ay hindi nababagay na mabuhay sa lupa. Samakatuwid, hindi irereklamo o lalabanan ng taong ito ang Diyos, lalo nang hindi siya magtataksil sa Diyos. Kung hindi nakikilala ng isang tao ang kanyang sarili, at itinuturing pa rin ang sarili niya na mahusay, iisipin ng taong ito kapag malapit na siyang mamatay, “Napakabuti ng nagawa ko sa aking pananampalataya. Talagang nagsumikap ako sa paghahanap! Napakarami kong naibigay, nagdusa ako nang todo, subalit sa huli, hinihingi sa akin ngayon ng diyos na mamatay ako. Hindi ko alam kung nasaan ang katuwiran ng diyos. Bakit niya hinihingi sa aking mamatay ako? Kung kailangan kong mamatay, sino na lang ang maliligtas? Hindi ba magwawakas ang lahi ng tao?” Una sa lahat, ang taong ito ay may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Pangalawa, ang taong ito ay nagrereklamo, at hindi nagpapakita ng anumang pagpapasakop. Katulad lang siya ni Pablo: Noong malapit na siyang mamatay, hindi niya kilala ang kanyang sarili, at noong malapit na ang parusa ng Diyos, huli na ang lahat.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Paggising Mula sa Aking Kayabangan
Bakit ba Masyadong Mataas ang Tingin Ko sa Sarili Ko?
Kaugnay na mga Himno
Nakita Ko Na Ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos