20. Paano lutasin ang problema ng pagmamataas, pagmamatuwid sa sarili, at pagkapit sa sariling mga pananaw
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang pagiging mayabang at mapagmatuwid ay ang pinakakapansin-pansing satanikong disposisyon ng tao, at kung hindi tinatanggap ng mga tao ang katotohanan, hinding-hindi nila malilinis ito. Ang lahat ng tao ay may mayabang at mapagmatuwid na disposisyon, at palaging may labis na pagtingin sa sarili. Anuman ang iniisip nila, o ang sinasabi nila, o kung paano man nila nakikita ang mga bagay-bagay, palagi nilang iniisip na tama ang sarili nilang mga pananaw at saloobin, at na hindi kasingganda o kasingtama ng kanilang sinasabi ang sinasabi ng iba. Palagi silang kumakapit sa sarili nilang mga opinyon, at kahit sino pa ang magsalita, hindi sila makikinig dito. Tama man ang sinasabi ng iba, o naaayon sa katotohanan, hindi nila ito tatanggapin; magmumukha lamang silang nakikinig pero hindi talaga nila tatanggapin ang ideya, at pagdating ng panahon na kailangan nang kumilos, gagawin pa rin nila ang mga bagay-bagay sa sarili nilang paraan, palaging iniisip na tama at makatwiran ang sinasabi nila. Posible na tama at makatwiran nga ang sinasabi mo, o na tama at walang mali ang ginawa mo, ngunit anong uri ng disposisyon ang naibunyag mo? Hindi ba’t iyon ay kayabangan at pagmamatuwid? Kung hindi mo iwawaksi ang mayabang at mapagmatuwid na disposisyong ito, hindi ba nito maaapektuhan ang pagganap mo sa iyong tungkulin? Hindi ba nito maaapektuhan ang pagsasagawa mo sa katotohanan? Kung hindi mo lulutasin ang iyong mayabang at mapagmatuwid na disposisyon, hindi ba ito magdudulot sa iyo ng malulubhang dagok sa hinaharap? Siguradong makararanas ka ng mga dagok, hindi ito maiiwasan. Sabihin mo sa Akin, nakikita ba ng Diyos ang gayong pag-uugali ng tao? Higit pa rito ang kayang makita ng Diyos! Hindi lamang sinusuri ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao, pinagmamasdan din Niya ang bawat salita at gawa ng mga ito sa lahat ng oras at lugar. Ano ang sasabihin ng Diyos kapag nakita Niya ang pag-uugali mong ito? Sasabihin ng Diyos: “Mapagmatigas ka! Kauna-unawa na maaaring kumapit ka sa sarili mong mga ideya kapag hindi mo alam na nagkakamali ka, ngunit kapag malinaw sa iyo na nagkakamali ka at kumakapit ka pa rin sa iyong mga ideya, at mamamatay ka muna bago magsisi, isa ka talagang mapagmatigas na hangal, at may problema ka. Kung, kahit sino pa ang nagmumungkahi, palagi kang mayroong negatibo, mapanlaban na saloobin tungkol dito, at hindi mo tinatanggap ang kahit katiting na katotohanan, at kung ang puso mo ay lubusang mapanlaban, sarado, at mapagwalang-bahala, ikaw ay sobrang katawa-tawa, isa kang hangal na tao! Masyado kang mahirap pakitunguhan!” Sa anong paraan ka mahirap pakitunguhan? Mahirap kang pakitunguhan dahil ang ipinapakita mo ay hindi isang maling diskarte, o maling pag-uugali, kundi isang pagbubunyag ng iyong disposisyon. Isang pagbubunyag ng anong disposisyon? Isang disposisyon kung saan tutol ka sa katotohanan, at napopoot sa katotohanan. Sa sandaling nakilala ka bilang isang taong napopoot sa katotohanan, sa mga mata ng Diyos, may problema ka, at itataboy at babalewalain ka Niya. Mula sa perspektiba ng mga tao, ang pinakamasasabi nila ay: “Masama ang disposisyon ng taong ito, masyado siyang suwail, mapagmatigas, at mayabang! Mahirap pakisamahan ang taong ito at hindi siya nagmamahal sa katotohanan. Hindi niya kailanman tinanggap ang katotohanan at hindi niya isinasagawa ang katotohanan.” Sa pinakamataas na antas, ito ang ibibigay na pagtatasa sa iyo ng lahat, ngunit mapagpapasyahan ba sa pagtatasang ito ang kapalaran mo? Hindi mapagpapasyahan sa pagtatasang ibinibigay sa iyo ng mga tao ang kapalaran mo, ngunit may isang bagay na hindi mo dapat kalimutan: Sinusuri ng Diyos ang puso ng mga tao, at kasabay nito ay pinagmamasdan ng Diyos ang bawat salita at gawa nila. Kung tinutukoy ka ng Diyos nang ganito, at sinasabing kinasusuklaman mo ang katotohanan, kung hindi lang Niya sinasabi na mayroon kang kaunting tiwaling disposisyon, o na medyo masuwayin ka, hindi ba’t isa itong napakalubhang problema? (Malubha ito.) Nangangahulugan ito na magkakaroon ng problema, at ang problemang ito ay hindi nakasalalay sa pananaw ng mga tao sa iyo, o sa kung paano ka nila tinatasa, ito ay nakasalalay sa kung paano tinitingnan ng Diyos ang iyong tiwaling disposisyon ng pagkapoot sa katotohanan. Kaya, paano ito tinitingnan ng Diyos? Tinukoy lang ba ng Diyos na napopoot ka sa katotohanan at na hindi mo minamahal ito, at iyon na iyon? Ganoon ba iyon kasimple? Saan nanggagaling ang katotohanan? Sino ang kinakatawan ng katotohanan? (Kumakatawan ito sa Diyos.) Pagnilayan ito: Kung napopoot ang isang tao sa katotohanan, kung gayon, mula sa perspektiba ng Diyos, paano Niya titingnan ang taong iyon? (Bilang kaaway Niya.) Hindi ba’t isa itong seryosong problema? Kapag napopoot sa katotohanan ang isang tao, napopoot siya sa Diyos! Bakit Ko sinasabi na napopoot siya sa Diyos? Sinumpa ba niya ang Diyos? Harap-harapan ba niyang kinontra ang Diyos? Palihim ba niyang hinusgahan o kinondena ang Diyos? Hindi ito tiyak. Kaya bakit Ko sinasabi na ang pagbubunyag ng isang disposisyon na napopoot sa katotohanan ay pagkapoot sa Diyos? Hindi ito pagpapalaki sa isang maliit na bagay, ito ang realidad ng sitwasyon. Katulad ito ng mga mapagpaimbabaw na Pariseo na nagpako sa Panginoong Jesus sa krus dahil kinapopootan nila ang katotohanan—ang mga sumunod na kahihinatnan ay kakila-kilabot. Ang ibig sabihin nito ay na kung ang isang tao ay may disposisyong tutol sa katotohanan at napopoot sa katotohanan, maaari itong mabunyag mula sa kanya anumang oras at saanmang lugar, at kung mamumuhay siya ayon dito, hindi ba’t kokontrahin niya ang Diyos? Kapag nahaharap siya sa isang bagay na may kinalaman sa katotohanan o sa paggawa ng desisyon, kung hindi niya matatanggap ang katotohanan, at namumuhay siya ayon sa kanyang tiwaling disposisyon, likas niyang kokontrahin ang Diyos at ipagkakanulo ang Diyos, dahil napopoot sa Diyos at nayayamot sa katotohanan ang tiwaling disposisyon niya. Kung mayroon kang gayong disposisyon, kahit na pagdating sa mga salitang binibigkas ng Diyos, kukuwestiyunin mo ang mga ito, at gugustuhin mong suriin at himay-himayin ang mga ito. Pagkatapos ay maghihinala ka sa mga salita ng Diyos, at sasabihin mong, “Mga salita ba talaga ito ng diyos? Mukhang hindi katotohanan ang mga ito, mukhang hindi tiyak na tama ang lahat ng ito!” Sa ganitong paraan, hindi ba’t nabunyag na ang disposisyon mo ng pagkapoot sa katotohanan? Kapag ganito ka mag-isip, makapagpapasakop ka ba sa Diyos? Tiyak na hindi. Kung hindi ka makapagpapasakop sa Diyos, Siya pa rin ba ang Diyos mo? Hindi na. Kung gayon, magiging ano na ang Diyos sa iyo? Ituturing mo Siya bilang isang paksa ng pagsasaliksik, isang taong dapat pagdudahan, isang taong dapat kondenahin; ituturing mo Siya bilang isang ordinaryo at regular na tao, at kokondenahin Siya nang ganoon. Sa paggawa niyon, magiging isa kang taong lumalaban at lumalapastangan sa Diyos. Anong uri ng disposisyon ang nagsasanhi nito? Ito ay sanhi ng isang mayabang na disposisyon na lumobo na nang husto; hindi lamang nabubunyag sa iyo ang iyong satanikong disposisyon, tuluyan ding malalantad ang iyong satanikong mukha. Ano ang nangyayari sa ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng isang tao na umabot na sa punto ng paglaban sa Diyos, at na ang paghihimagsik laban sa Diyos ay umabot na sa isang partikular na antas? Nagiging isa itong antagonistikong relasyon kung saan kinakalaban ng isang tao ang Diyos. Kung, sa pananampalataya mo sa Diyos, hindi mo kayang tanggapin ang katotohanan at magpasakop dito, kung gayon, ang Diyos ay hindi mo Diyos. Kung inaayawan mo ang katotohanan at tinatanggihan ito, kung gayon, naging isa ka nang taong lumalaban sa Diyos. Maililigtas ka pa ba ng Diyos, kung gayon? Tiyak na hindi na.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya
Pagmamataas ang ugat ng tiwaling disposisyon ng tao. Kapag mas mapagmataas ang mga tao, mas hindi sila makatwiran, at kapag mas hindi sila makatwiran, mas malamang na lumaban sila sa Diyos. Gaano kaseryoso ang problemang ito? Hindi lang itinuturing ng mga taong may mapagmataas na disposisyon ang lahat ng iba pa bilang mas mababa kaysa sa kanila, kundi, ang pinakamasama, hinahamak pa nila ang Diyos, at wala silang pusong may takot sa Diyos. Bagama’t maaaring mukhang naniniwala sa Diyos ang ilang tao at sinusunod Siya, ni hindi nila Siya itinuturing na Diyos. Pakiramdam nila palagi ay taglay nila ang katotohanan at napakataas ng tingin nila sa kanilang sarili. Ito ang diwa at ugat ng mapagmataas na disposisyon, at nagmumula ito kay Satanas. Kaya, kailangang malutas ang problema ng kayabangan. Ang pakiramdam na mas magaling ka kaysa iba—maliit na bagay iyan. Ang kritikal na isyu ay na nakakapigil sa isang tao ang kanyang mapagmataas na disposisyon na magpasakop sa Diyos, sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, at sa Kanyang mga pagsasaayos; laging hilig ng ganitong tao na makipagpaligsahan sa Diyos para sa kapangyarihan at kontrol sa iba. Ang ganitong tao ay walang pusong may takot sa Diyos ni katiting, ni hindi niya mahal ang Diyos o nagpapasakop sa Kanya. Ang mga taong mapagmataas at may labis na pagtingin sa sarili, lalo na iyong mga nawalan na ng katwiran sa sobrang mapagmataas, ay hindi kayang magpasakop sa Diyos sa kanilang paniniwala sa Kanya, at sarili pa nga nila ang kanilang pinararangalan at pinatototohanan. Ang gayong mga tao ang pinakalumalaban sa Diyos at talagang hindi nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso. Kung nais ng mga tao na magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso, kailangan muna nilang lutasin ang mapagmataas nilang disposisyon. Habang mas masinsinan mong nilulutas ang mapagmataas mong disposisyon, mas lalong magkakaroon ka ng pusong may takot sa Diyos, at saka ka lang makakapagpasakop sa Kanya at makakapagtamo ng katotohanan at makikilala Siya. Ang mga nagkakamit lamang ng katotohanan ang siyang tunay na tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kapag nakikipagtulungan kayo sa iba upang gampanan ang inyong mga tungkulin, nagagawa ba ninyong maging bukas sa magkakaibang opinyon? Nahahayaan ba ninyong magsalita ang ibang mga tao? (Oo, medyo. Dati-rati, sa maraming pagkakataon ay hindi ako nakikinig sa mga mungkahi ng mga kapatid at iginigiit kong gawin ang mga bagay-bagay sa sarili kong paraan. Kalaunan, nang napatunayan ng mga totoong pangyayari na mali ako, saka ko lamang nakita na karamihan sa kanilang mga mungkahi ay tama, na ang resolusyong pinagtalakayan ng lahat ang talagang angkop, at na sa pag-asa sa sarili kong mga pananaw, hindi ko malinaw na nakita ang mga bagay-bagay at na may mga kakulangan ako. Matapos itong maranasan, natanto ko kung gaano kahalaga ang pagtutulungan nang maayos.) At ano ang maaari mong makita mula rito? Matapos itong maranasan, nakinabang ba kayo nang kaunti, at naunawaan ba ninyo ang katotohanan? Palagay niyo ba ay may taong perpekto? Gaano man kalakas ang mga tao, o gaano man sila kahusay at katalino, hindi pa rin sila perpekto. Dapat itong tanggapin ng mga tao, totoo ito at ito ang saloobin na dapat mayroon ang mga tao upang wastong maharap ang kanilang sariling mga kagalingan at kalakasan o mga kamalian; ito ang pangangatwirang dapat taglayin ng mga tao. Sa gayong pangangatwiran, maaari mong harapin nang wasto ang iyong sariling mga kalakasan at kahinaan pati na ang sa iba, at ito ang magbibigay sa iyo ng kakayahang makipagtulungan nang maayos sa kanila. Kung naunawaan mo ang aspektong ito ng katotohanan at makakapasok ka sa aspektong ito ng katotohanang realidad, makakaya mong makisama nang maayos sa iyong mga kapatid, na humuhugot ng lakas sa kanilang magagandang katangian upang mapunan ang anumang mga kahinaang mayroon ka. Sa ganitong paraan, anumang tungkulin ang iyong ginagampanan o anuman ang iyong ginagawa, lagi kang magiging mas mahusay roon at pagpapalain ka ng Diyos. Kung lagi mong iniisip na talagang mahusay ka at mas malala ang iba kung ikukumpara sa iyo, at kung lagi mong nais na ikaw ang siyang may huling salita, kung gayon, magiging suliranin ito. Isang problema ito sa disposisyon. Hindi ba’t mayayabang at nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba ang gayong mga tao? Guni-gunihin mo na may isang taong nagbigay sa iyo ng magandang payo, subalit iniisip mong kung tatanggapin mo ito ay maaaring maliitin ka niya, at isiping hindi ka kasinggaling niya. Kaya, nagpasya ka na lang na hindi makinig sa kanya. Sa halip, sinubukan mong sapawan siya gamit ang matatayog at magagarbong salita para mapataas ang tingin niya sa iyo. Kung palagi kang nakikisalamuha sa mga tao sa ganitong paraan, magagawa mo bang makipagtulungan sa kanila nang maayos? Hindi ka lang mabibigong makamit ang pagkakasundo, magkakaroon pa ng mga negatibong kahihinatnan. Pagtagal, ang magiging tingin sa iyo ng lahat ay na masyado kang mapanlinlang at tuso, isang taong hindi nila maunawaan. Hindi ka nagsasagawa ng katotohanan, at hindi ka matapat na tao, kaya’t ayaw sa iyo ng ibang tao. Kung ayaw sa iyo ng lahat ng tao, hindi ba’t nangangahulugan itong tinatanggihan ka? Sabihin mo sa Akin, paano tatratuhin ng Diyos ang isang taong tinatanggihan ng lahat? Kamumuhian din ng Diyos ang gayong tao. Bakit kinamumuhian ng Diyos ang mga taong tulad nito? Bagaman tunay ang mga layunin nila sa pagganap ng kanilang tungkulin, ang mga kaparaanan nila ay iyong kinapopootan ng Diyos. Ang disposisyong ipinapakita nila at ang kanilang bawat iniisip, ideya, at layunin ay buktot sa mga mata ng Diyos, at mga bagay na kinamumuhian ng Diyos at nakapandidiri sa Kanya. Kapag palaging gumagamit ang mga tao ng mga kasuklam-suklam na taktika sa kanilang mga salita at pagkilos, na may layong pataasin ang tingin ng iba sa kanila, kinamumuhian ng Diyos ang pag-uugaling ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Malamang na susundin ng mga taong mayayabang at mapagmagaling ang kanilang mga sariling ideya, kung gayon, may puso ba silang may takot sa Diyos? Ang mga taong may kapit-na-kapit na personal na ideya ay nalilimutan ang Diyos kapag oras na para kumilos, nalilimutan nilang magpasakop sa Diyos; kapag wala na silang ibang magagawa at nabigo silang magawa ang anuman, saka lamang nila naiisip na hindi sila nagpasakop sa Diyos, at hindi sila nagdasal sa Diyos. Anong problema ito? Ito ay ang kawalan ng Diyos sa mga puso nila. Ipinapahiwatig ng kanilang mga kilos na wala ang Diyos sa kanilang mga puso, na ang lahat ay nagmumula sa kanilang sarili. Kaya, gumagawa ka man ng gawain ng iglesia, gumaganap ng tungkulin, nag-aasikaso ng ilang gawain sa labas, o humaharap ng mga bagay-bagay sa personal mong buhay, dapat may mga prinsipyo sa iyong puso, dapat may kalagayan. Anong kalagayan? “Kahit ano pa ito, bago pa may mangyari sa akin dapat akong manalangin, dapat akong magpasakop sa Diyos, at dapat akong magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang lahat ay isinasaayos ng Diyos, at kapag nangyari ang bagay na iyon, dapat kong hanapin ang mga layunin ng Diyos, dapat akong magkaroon ng ganitong pag-iisip, hindi ako dapat gumawa ng sarili kong mga plano.” Pagkatapos maranasan ito sa loob ng ilang panahon, nang hindi nila namamalayan, magsisimulang makita ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa maraming bagay. Kung lagi kang may sariling mga plano, isinasaalang-alang, ninanais, makasariling motibo, at hangarin, hindi sinasadyang lilihis palayo sa Diyos ang iyong puso, magiging bulag ka sa kung paano kumikilos ang Diyos, at kadalasan ay matatago ang Diyos sa iyo. Hindi ba’t gusto mong ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa sarili mong mga ideya? Hindi ka ba gumagawa ng sarili mong mga plano? Akala mo ay may utak ka, edukado ka, marunong, mayroon kang kaparaanan at pamamaraan para gawin ang mga bagay-bagay, kaya mong gawin ang mga ito nang mag-isa, mahusay ka, hindi mo kailangan ang Diyos, kaya naman sinasabi ng Diyos, “Sige at gawin mo ito nang mag-isa, at ikaw ang managot kung maging maayos man o hindi ang kalabasan nito, wala Akong pakialam.” Hindi ka iintindihin ng Diyos. Kapag sinusunod ng mga tao ang sarili nilang kagustuhan sa ganitong paraan sa kanilang pananampalataya sa Diyos at naniniwala sa kung paanong paraan nila gusto, ano ang kahihinatnan? Hindi nila kailanman magagawang maranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi nila kailanman makikita ang kamay ng Diyos, hindi kailanman mararamdaman ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at hindi nila madarama ang patnubay ng Diyos. At ano ang mangyayari sa paglipas ng panahon? Lalong lalayo ang puso nila sa Diyos, at magkakaroon ng mga sunud-sunod na epekto. Anong mga epekto? (Pagdududa at pagtatatwa sa Diyos.) Hindi lang ito kaso ng pagdududa at pagtatatwa sa Diyos; kapag walang puwang ang Diyos sa puso ng mga tao, at ginagawa nila kung ano ang maibigan nila sa loob ng mahabang panahon, makakasanayan nila ito: Kapag may nangyari sa kanila, ang unang gagawin nila ay mag-isip ng sarili nilang solusyon at kumilos ayon sa sarili nilang mga layunin, mithiin at plano; isasaalang-alang muna nila kung magiging kapaki-pakinabang ba ito sa kanila; kung oo, gagawin nila ito, at kung hindi naman, hindi nila ito gagawin. Makakasanayan nilang dumiretso sa pagtahak sa landas na ito. At paano tatratuhin ng Diyos ang gayong mga tao kung patuloy silang kikilos nang ganoon, nang walang pagsisisi? Hindi sila iintindihin ng Diyos, at isasantabi sila. Ano ang ibig sabihin ng maisantabi? Hindi sila didisiplinahin o sisisihin ng Diyos; patuloy silang magiging mapagbigay sa sarili, walang paghatol, pagkastigo, pagdisiplina, o pagsaway, at lalong walang kaliwanagan, pagtanglaw, o patnubay. Ito ang ibig sabihin ng maisantabi. Ano ang pakiramdam ng isang tao kapag isinasantabi siya ng Diyos? Nagdidilim ang kanyang espiritu, hindi niya kasama ang Diyos, hindi siya sigurado sa mga pangitain, wala siyang landas ng pagkilos, at humaharap lamang siya sa mga hangal na bagay. Habang lumilipas ang panahon sa ganitong paraan, iniisip niya na walang kahulugan ang buhay, at hungkag ang kanyang mga espiritu, kaya’t katulad siya ng mga walang pananampalataya, at palala siya nang palala. Ito ay isang taong itinaboy ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Pagpapasakop sa Diyos
Mismong ang pagkakaroon ng mababang kakayahan ay nakamamatay. Kung ang isang tao ay mayroon pang masamang disposisyon, walang moralidad, hindi nakikinig sa payo, hindi tumatanggap ng mga positibong bagay, at ayaw matuto at yumakap ng mga bagong bagay, walang silbi ang gayong tao! Iyong mga tumutupad ng kanilang mga tungkulin ay dapat na nagtataglay ng konsensiya at katwiran, nalalaman ang sarili nilang kakayanan at sarili nilang mga pagkukulang, at nauunawaan kung ano ang wala sa kanila at kailangan nilang paghusayin. Dapat ay palagi nilang nararamdaman na napakalaki ng kanilang pagkukulang, at na kung hindi sila mag-aaral at tatanggap ng mga bagong bagay ay maaari silang itiwalag. Kung may nararamdaman silang paparating na krisis sa kanilang puso, binibigyan sila nito ng motibasyon at kagustuhang matuto ng mga bagay-bagay. Sa isang aspekto, dapat sangkapan ng isang tao ang kanyang sarili ng mga katotohanan, at sa isa pang aspekto, dapat siyang magkaroon ng propesyonal na kaalaman na may kaugnayan sa pagganap ng kanyang mga tungkulin. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, maaari siyang umunlad, at magbubunga ng magagandang resulta ang pagganap niya ng kanyang mga tungkulin. Tanging sa maayos na paggawa ng isang tao ng kanyang mga tungkulin at pagsasabuhay sa wangis ng tao na magkakaroon ng halaga ang kanyang buhay, kaya’t ang pagganap niya ng kanyang mga tungkulin ang pinakamakabuluhang bagay. May masamang disposisyon ang ilang tao, at hindi lang sila mangmang, kundi mayabang pa. Palagi nilang iniisip na ang paghahangad sa lahat ng bagay at palaging pakikinig sa iba ay magdudulot na maliitin sila ng iba, at magbibigay sa kanila ng kahihiyan, at na ang pag-asal ng isang tao sa ganitong paraan ay walang dignidad. Ang totoo, kabaligtaran ito. Ang pagiging mayabang at mapagmagaling, ang hindi pagkatuto ng anuman, ang pagiging huli at napaglipasan na ng panahon sa lahat ng bagay, at ang kawalan ng kaalaman, kabatiran, at mga ideya ang tunay na nakahihiya, at dito nawawalan ng integridad at dignidad ang isang tao. May ilang tao na walang anumang nagagawa nang maayos, may mababaw na pagkaunawa sa lahat ng kanilang natututuhan, nasisiyahan na sa pagkaunawa sa iilang doktrina lang, at iniisip nang mahusay sila. Subalit wala pa rin silang maisakatuparang anuman, at wala silang mga kongkretong resulta. Kung sasabihin mo sa kanilang wala silang nauunawaang anuman at walang naisasakatuparan, hindi sila nagiging kumbinsido at paulit-ulit nilang ipinaglalaban ang kanilang punto. Subalit kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay, hindi nila ginagawa ang mga ito nang maayos, at hindi pinag-iisipang mabuti. Hindi ba walang silbi ang isang tao kung hindi niya kayang tuparin nang maayos ang anumang gawain? Hindi ba’t isa siyang walang kwentang tao? Ang mga tao na napakabababa ang kakayahan ay hindi kayang tuparin ang kahit mga pinakasimpleng gawain. Mga wala silang kwenta at walang halaga ang buhay nila. Sinasabi ng ilang tao, “Lumaki ako sa kanayunan, walang edukasyon o kaalaman, at mababa ang aking kakayahan, hindi tulad ninyong mga taong nakatira sa lungsod, at may pinag-aralan at maalam, kaya’t kaya ninyong maging mahusay sa lahat ng bagay.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Anong mali rito? (Walang kinalaman ang kapaligiran ng isang tao sa kung makapagkakamit ba siya ng mga bagay-bagay; pangunahin itong nakasalalay sa kung nagsisikap ba ang isang tao na matuto at paghusayin ang kanyang sarili.) Kung papaano tinatrato ng Diyos ang mga tao ay hindi nakasalalay sa kung gaano sila kaedukado, o kung anong uri ng kapaligiran sila ipinanganak, o kung gaano sila katalentado. Sa halip, tinatrato Niya ang mga tao batay sa kanilang saloobin sa katotohanan. Saan nauugnay ang saloobing ito? Nauugnay ito sa kanilang pagkatao, at pati na rin sa kanilang mga disposisyon. Kung nananalig ka sa Diyos, dapat ay kaya mong harapin nang tama ang katotohanan. Kung may saloobin ka ng pagpapakumbaba at pagtanggap sa katotohanan, kahit na medyo mababa ang iyong kakayahan, bibigyang-liwanag ka pa rin ng Diyos at hahayaan kang makamit ang isang bagay. Kung mahusay ang iyong kakayahan ngunit lagi kang mayabang at nag-aakalang mas matuwid ka kaysa sa iba, na palagi mong iniisip na anuman ang sabihin mo ay tama at anumang sabihin ng iba ay mali, tinatanggihan ang anumang mga mungkahing ipinapanukala ng iba, at hindi pa nga tinatanggap ang katotohanan, paano man ito ibinabahagi, at lagi mo itong nilalabanan, makakamit ba ng taong tulad mo ang pagsang-ayon ng Diyos? Gagawa ba ang Banal na Espiritu sa taong tulad mo? Hindi. Sasabihin ng Diyos na mayroon kang masamang disposisyon at hindi karapat-dapat na tumanggap ng Kanyang kaliwanagan, at kung hindi ka magsisisi, babawiin pa Niya ang dating mayroon ka. Ganito kung paano malantad. Kaawa-awa ang pamumuhay ng ganitong mga tao. Malinaw na wala silang kuwenta, at walang kasanayan sa lahat ng bagay, ngunit iniisip pa rin nilang mahusay sila, at mas mahusay kaysa sa iba sa lahat ng aspekto. Hindi nila kailanman tinatalakay ang kanilang mga kapintasan o kakulangan sa harapan ng iba, ni ang kanilang mga kahinaan at pagiging negatibo. Lagi silang nagkukunwaring may kakayahan at binibigyan ang iba ng maling impresyon, ipinapaisip sa iba na may kasanayan sila sa lahat ng bagay, walang mga kahinaan, hindi nangangailangan ng anumang tulong, hindi kailangang makinig sa opinyon ng iba, at hindi kailangang matuto mula sa mga kalakasan ng iba upang mapunan ang sarili nilang kakulangan, at na palagi silang magiging mahusay kaysa sa iba. Anong uri ng disposisyon ito? (Kayabangan.) Anong kayabangan. Ang mga taong tulad nito ay namumuhay nang kalunos-lunos! May kakayahan ba talaga sila? Kaya ba talaga nilang magsakatuparan ng mga bagay-bagay? Marami silang naging pagkakamali noong nakaraan, subalit iniisip pa rin ng mga taong tulad nito na kaya nilang gawin ang anumang bagay. Hindi ba’t masyado iyong wala sa katwiran? Kapag ganyan katindi ang kawalang katwiran ng mga tao, sila ay mga taong magugulo ang pag-iisip. Hindi natututo ng mga bagong bagay o tumatanggap ng mga bagong bagay ang gayong mga tao. Sa kalooban nila, sila ay tuyot, makikitid ang pag-iisip, at dukha, at anuman ang sitwasyon, nabibigo silang mabatid at maarok ang mga prinsipyo o maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at ang alam lang nila ay ang sumunod sa mga patakaran, magsabi ng mga salita at doktrina, at magpasikat sa harap ng iba. Ang kinahihinatnan ay na wala silang pagkaunawa sa anumang katotohanan at wala ni katiting na katotohanang realidad, subalit nananatili silang napakayabang. Sila talaga ay mga taong may magugulong pag-iisip, at lubos na hindi tinatablan ng katwiran, at nararapat lang silang itiwalag.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kapag nahaharap sa isang usapin, kung ang mga tao ay masyadong matigas ang ulo at ipinipilit ang sarili nilang mga ideya nang hindi hinahanap ang katotohanan, ito ay napakamapanganib. Itataboy ng Diyos ang mga taong ito at isasantabi sila. Ano ang magiging bunga nito? Tiyak na masasabi na naroroon ang panganib na sila ay maititiwalag. Gayunman, makakamit ng mga naghahanap sa katotohanan ang kaliwanagan at paggabay ng Banal na Espiritu, at bilang resulta, makakamit nila ang pagpapala ng Diyos. Ang dalawang magkaibang saloobin ng paghahanap at hindi paghahanap sa katotohanan ay maaaring makapagdulot ng dalawang magkaibang kalagayan sa iyo at ng dalawang magkaibang resulta. Anong uri ng resulta ang pipiliin mo? (Pipiliin kong makamit ang kaliwanagan ng Diyos.) Kung nais ng mga tao na maliwanagan at magabayan ng Diyos, at matanggap ang mga biyaya ng Diyos, anong klaseng saloobin ang kailangan nilang taglayin? Kailangan ay madalas nilang taglayin ang saloobing naghahangad at nagpapasakop sa harap ng Diyos. Ginagampanan mo man ang iyong tungkulin, nakikisalamuha ka man sa iba, o humaharap sa ilang partikular na isyu na nangyayari sa iyo, kailangan mong magkaroon ng ugaling naghahanap at nagpapasakop. Sa ganitong klase ng saloobin, masasabi na mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso. Ang magawang hanapin ang katotohanan at magpasakop dito ay ang landas sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Kung wala kang saloobin ng paghahanap at pagpapasakop, at sa halip ay kumakapit ka sa iyong sarili, masyado kang palaban, at ayaw mong tanggapin ang katotohanan, at tutol ka sa katotohanan, kung gayon ay likas kang gagawa ng malaking kasamaan. Hindi mo mapipigilan iyon! Kung hindi hahanapin ng mga tao ang katotohanan kailanman upang malutas ito, ang kalalabasan nito sa huli ay hindi pa rin nila mauunawaan ang katotohanan gaano man karami ang kanilang maranasan, ilang sitwasyon man ang makaharap nila, ilang aral man ang itakda ng Diyos para sa kanila, at sa huli ay mananatili silang walang kakayahang pumasok sa katotohanang realidad. Kung hindi taglay ng mga tao ang katotohanang realidad, hindi nila makakayang sundan ang daan ng Diyos, at kung hindi nila kailanman masusundan ang daan ng Diyos, kung gayon ay hindi sila mga taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Palaging sinasabi ng mga tao na gusto nilang gampanan ang kanilang mga tungkulin at sumunod sa Diyos. Gayon ba kasimple ang mga bagay-bagay? Talagang hindi. Ang mga bagay na ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng mga tao! Hindi madaling gampanan nang maayos ang tungkulin ng isang tao para bigyang-kasiyahan ang Diyos, at magkaroon ng takot sa Diyos at maiwasan ang kasamaan. Subalit sasabihin Ko sa inyo ang isang prinsipyo ng pagsasagawa: Kung may saloobin ka ng paghahanap at pagpapasakop sa harap ng mga bagay-bagay, poprotektahan ka nito. Ang pangunahing mithiin ay hindi ang maprotektahan ka. Ito ay ang maipaunawa sa iyo ang katotohanan, at makapasok ka sa katotohanang realidad, at matamo ang kaligtasan ng Diyos—ito ang pangunahing mithiin. Kung ganito ang pag-uugali mo sa lahat ng nararanasan mo, hindi mo na madarama na ang pagganap sa iyong tungkulin at pagtugon sa mga layunin ng Diyos ay mga hungkag na salita at mga sawikain; hindi na ito parang napakahirap. Sa halip, bago mo pa matanto, mauunawaan mo na ang ilang katotohanan. Kung susubukan mong dumanas sa ganitong paraan, tiyak na aani ka ng mga gantimpala. Hindi mahalaga kung sino ka, kung ilang taon ka na, kung gaano ka kaedukado, kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos, o kung anong tungkulin ang ginagampanan mo. Basta’t mayroon kang saloobin ng paghahanap at pagpapasakop, basta’t ganito ang nararanasan mo, sa huli, tiyak na mauunawaan mo ang katotohanan at makakapasok ka sa katotohanang realidad. Gayunman, kung hindi mo ugaling maghanap at magpasakop sa lahat ng nangyayari sa iyo, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, ni hindi mo magagawang pumasok sa katotohanang realidad.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Labis na ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan na lahat sila ay may satanikong kalikasan at mapagmataas na disposisyon; maging ang mga hangal at mangmang ay mapagmataas, at iniisip nilang sila ay mas mahusay kaysa sa ibang tao at tumatanggi silang sumunod sa mga ito. Kitang-kita na napakalalim ng katiwalian ng sangkatauhan at napakahirap para sa kanilang magpasakop sa Diyos. Dahil sa kanilang pagmamataas at pagmamatuwid sa sarili, ang mga tao ay ganap na walang katwiran; wala silang sinumang susundin—kahit pa ang sinasabi ng iba ay tama at umaayon sa katotohanan, hindi nila ito susundin. Dahil sa pagmamataas kaya nangangahas ang mga tao na husgahan ang Diyos, kondenahin ang Diyos, at labanan ang Diyos. Kaya, paano malulutas ang isang mapagmataas na disposisyon? Maaari ba itong malutas sa pamamagitan ng pag-asa sa pagpipigil ng tao? Maaari ba itong malutas sa pamamagitan lamang ng pagkilala at pagtanggap dito? Hinding-hindi. May isang paraan lamang upang malutas ang isang mapagmataas na disposisyon, at iyon ay ang pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Diyos. Tanging ang mga may kakayahan lamang tumanggap ng katotohanan ang unti-unting makawawaksi ng kanilang mga mapagmataas na disposisyon; hindi kailanman malulutas ng mga hindi tumatanggap sa katotohanan ang kanilang mga mapagmataas na disposisyon. Maraming tao ang nakikita Kong lumalaki ang ulo kapag nagpapakita sila ng talento sa kanilang tungkulin. Kapag nagpapakita sila ng ilang kakayahan, iniisip nilang sila ay talagang kahanga-hanga, at pagkatapos ay mabubuhay sila sa mga kakayahang ito at hindi na pagbubutihin pa ang sarili. Hindi sila nakikinig sa iba anuman ang sabihin ng mga ito, iniisip na ang maliliit na bagay na ito na taglay nila ay ang katotohanan, at sila ang pinakamataas. Anong disposisyon ito? Ito ay isang mapagmataas na disposisyon. Kulang na kulang sila sa katwiran. Magagawa ba ng isang tao nang maayos ang kanyang tungkulin kapag siya ay may mapagmataas na disposisyon? Magagawa ba niyang magpasakop sa Diyos at sundin ang Diyos hanggang sa wakas? Mas mahirap pa ito. Upang ayusin ang isang mapagmataas na disposisyon, kailangan niyang matutunang danasin ang gawain, paghatol at pagkastigo ng Diyos habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin. Sa ganitong paraan lamang niya tunay na makikilala ang kanyang sarili. Kapag malinaw mong nakita ang iyong tiwaling diwa, malinaw na nakita ang ugat ng iyong pagmamataas, at pagkatapos ay naunawaan at nasuri ito, saka mo lamang tunay na malalaman ang iyong kalikasang diwa. Kailangan mong hukayin ang lahat ng tiwaling bagay sa loob mo, at ikumpara ito sa katotohanan at alamin ang mga ito batay sa katotohanan, pagkatapos ay malalaman mo kung ano ka: Hindi ka lamang puno ng isang tiwaling disposisyon, at hindi ka lamang walang katwiran at pagpapasakop, kundi makikita mo na kulang ka sa napakaraming bagay, na wala kang katotohanang realidad, at kung gaano ka kaawa-awa. Pagkatapos, hindi mo na magagawang maging mapagmataas. Kung hindi mo sinusuri at kinikilala ang iyong sarili sa ganitong paraan, kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, hindi mo malalaman ang iyong lugar sa sansinukob. Iisipin mong magaling ka sa lahat ng paraan, na ang lahat ng bagay tungkol sa iba ay masama, at tanging ikaw ang pinakamahusay. Pagkatapos, palagi kang magpapakitang-gilas sa lahat, para tingalain at sambahin ka ng iba. Ito ay ganap na kawalan ng kamalayan sa sarili. May mga taong palaging nagpapakitang-gilas. Kapag nakikita ng iba na hindi ito kaaya-aya, pinupuna nilang mayabang ang mga ito. Ngunit hindi nila ito tinatanggap; iniisip pa rin nilang sila ay may talento at may kakayahan. Anong disposisyon ito? Masyado silang mapagmataas at mapagmagaling. Ang mga tao bang ganito kayabang at kamapagmagaling ay may kakayahang mauhaw sa katotohanan? Kaya ba nilang hangarin ang katotohanan? Kung hindi nila kailanman makikilala ang kanilang sarili, at hindi nila iwinawaksi ang kanilang tiwaling disposisyon, magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang tungkulin? Tiyak na hindi.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito
Kung, sa pananampalataya mo sa Diyos, hindi mo kayang tanggapin ang katotohanan at magpasakop dito, kung gayon, ang Diyos ay hindi mo Diyos. Kung inaayawan mo ang katotohanan at tinatanggihan ito, kung gayon, naging isa ka nang taong lumalaban sa Diyos. Maililigtas ka pa ba ng Diyos, kung gayon? Tiyak na hindi na. Binibigyan ka ng Diyos ng pagkakataong matanggap ang Kanyang pagliligtas at hindi ka Niya itinuturing na kaaway, ngunit hindi mo matanggap ang katotohanan at kinakalaban mo ang Diyos; ang kawalan mo ng kakayahang tanggapin ang Diyos bilang iyong katotohanan at iyong landas ay ginagawa kang isang taong lumalaban sa Diyos. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Kailangan mong agad na magsisi at magbago ng landas. Halimbawa, kapag nahaharap ka sa isang problema o suliranin habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin at hindi mo alam kung paano lutasin ito, hindi mo dapat ito pikit-matang pagnilayan, kailangan mo munang patahimikin ang iyong sarili sa harap ng Diyos, manalangin at maghanap mula sa Kanya, at tingnan kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos tungkol dito. Kung, pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, hindi mo pa rin nauunawaan, at hindi mo alam kung anong mga katotohanan ang tumutukoy sa isyung ito, dapat kang kumapit nang mahigpit sa isang prinsipyo—iyon ay, magpasakop muna, huwag magkaroon ng mga personal na ideya o kaisipan, maghintay nang may mapayapang puso, at tingnan kung paano nilalayon at gustong kumilos ng Diyos. Kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat mong hanapin ito, at dapat mong hintayin ang Diyos, sa halip na kumilos nang pikit-mata at walang ingat. Kung may magbibigay sa iyo ng mungkahi kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at magsasabi sa iyo kung paano kumilos alinsunod sa katotohanan, dapat mo munang tanggapin ito at tulutan ang lahat na magbahagi rito, at tingnan kung tama o hindi ang landas na ito, at kung naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo o hindi. Kung makumpirma mong naaayon ito sa katotohanan, magsagawa ka sa ganoong paraan; kung matukoy mo na hindi ito naaayon sa katotohanan, kung gayon, huwag kang magsagawa sa ganoong paraan. Ganoon lang ito kasimple. Kapag hinahanap mo ang katotohanan, dapat kang maghanap sa maraming tao. Kung may masasabi ang sinuman, dapat kang makinig sa kanila, at seryosohin ang lahat ng kanilang sinasabi. Huwag silang balewalain o iwasan, dahil nauugnay ang kanilang sinasabi sa mga bagay na nasa saklaw ng iyong tungkulin at dapat mong seryosohin ito. Ito ang tamang saloobin at ang tamang kalagayan. Kapag ikaw ay nasa tamang kalagayan, at hindi ka nagpapakita ng isang disposisyong tutol at napopoot sa katotohanan, kung gayon, mapapalitan ang iyong tiwaling disposisyon ng ganitong pagsasagawa. Ito ang pagsasagawa sa katotohanan. Kung isasagawa mo ang katotohanan sa ganitong paraan, ano ang magiging mga bunga nito? (Magagabayan tayo ng Banal na Espiritu.) Ang pagtanggap ng patnubay ng Banal na Espiritu ay isang aspeto. Minsan, magiging napakasimple ng bagay at maaaring makamit gamit ang sarili mong pag-iisip; matapos ibigay ng iba ang kanilang mga mungkahi sa iyo at naunawaan mo, magagawa mong iwasto ang mga bagay-bagay at kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Maaaring isipin ng mga tao na isa itong maliit na bagay, ngunit para sa Diyos, isa itong malaking bagay. Bakit Ko sinasabi ito? Sapagkat, kapag nagsasagawa ka sa ganitong paraan, para sa Diyos, isa kang taong kayang magsagawa ng katotohanan, isang taong nagmamahal sa katotohanan, at isang taong hindi tutol sa katotohanan—kapag nakikita ng Diyos ang puso mo, nakikita rin Niya ang disposisyon mo, at isa itong malaking bagay. Sa madaling salita, kapag ginagawa mo ang iyong tungkulin at kumikilos sa presensiya ng Diyos, ang isinasabuhay at ipinamamalas mo ay pawang mga katotohanang realidad na dapat taglayin ng mga tao. Ang mga saloobin, kaisipan, at kalagayan na taglay mo sa lahat ng iyong ginagawa ay ang pinakamahahalagang bagay para sa Diyos, at ang mga ito ang sinusuri ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya
Kapag naharap ka sa isang isyu, sa halip na makipagtalo, dapat mo munang isantabi ang iyong mga kuru-kuro, imahinasyon, at palagay—ito ang katinuan na dapat taglayin ng isang tao. Kung may isang bagay na hindi ko nauunawaan, at hindi ako eksperto sa larangang ito, sasangguni ako sa isang taong pamilyar sa paksang iyon. Pagkatapos sumangguni sa kanya, magkakaroon na ako ng pangunahing konsepto sa bagay na iyon. Gayunpaman, dapat kong hanapin kung paano ko mag-isang pangangasiwaan ang bagay na iyon, hindi ako maaaring lubos na makinig sa ibang tao, ni harapin iyon na nakabatay lamang sa sarili kong mga imahinasyon. Dapat kong hanapin kung paano kumilos sa paraang magiging kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba ito isang makatwirang paraan ng pagharap sa mga bagay-bagay? Hindi ba ito isang katwiran na dapat taglayin ng isang normal na tao? Tama ang paghahanap at paghingi ng payo sa ganitong paraan. Ipagpalagay nating marami kang alam sa isang partikular na larangan at sumangguni Ako sa iyo tungkol dito, pero pagkatapos, hinihingi mo na sumunod Ako sa sinabi mo at na gawin Ko ang plano mo—anong uri ng disposisyon iyan? Ito ay isang mapagmataas na disposisyon. Ngayon, ano kayang isang makatwirang paraan ang dapat mong gawin? Dapat mong sabihin: “Kakaunti ang nalalaman ko sa larangang ito, ngunit hindi ito nauugnay sa katotohanan. Ituring mo na lang ito na isang suhestiyon na puwedeng pag-isipan, pero para sa mga detalye kung paano kikilos, kailangan mong mas higit na sumangguni sa mga layunin ng Diyos.” Kung humingi Ako ng payo sa iyo at sa tingin mo ay talagang nauunawaan mo ang bagay na ito, at itinuturing mong hindi pangkaraniwan ang iyong sarili, isa itong mapagmataas na disposisyon kung gayon. Ang isang mapagmataas na kalikasan ay maaaring magdulot sa iyo ng ganitong klaseng pagtugon at pagpapamalas—kapag may humihingi sa iyo ng payo, nawawala agad ang pagkamakatwiran mo; nawawala ang katwiran mo bilang isang normal na tao, at hindi mo kayang magbigay ng mga tamang paghatol. Kapag nagbubunyag ang isang tao ng isang tiwaling disposisyon, hindi normal ang katwiran niya. Samakatuwid, anuman ang mangyari sa iyo, kahit na humihingi ng payo sa iyo ang iba, hindi ka maaaring maging walang pakundangan at dapat kang magtaglay ng normal na katwiran. Ano ang normal na paraan ng pag-asal? Sa puntong ito, dapat mong isaalang-alang: “Kahit na naiintindihan ko ang bagay na ito, hindi ako maaaring maging walang pakundangan. Dapat ko itong harapin nang may katwiran ng normal na pagkatao.” Sa pagbalik sa harap ng Diyos, magtataglay ka ng katwiran ng normal na pagkatao. Bagaman kung minsan, magpapakita ka ng isang partikular na kasiyahan sa sarili, magkakaroon ng pagpigil sa puso mo—mangangalahati ang pagbubunyag ng iyong mga tiwaling disposisyon, at mas mababawasan ang negatibo mong impluwensiya sa iba. Gayunpaman, kung kumikilos ka ayon sa mapagmataas mong disposisyon, palagi kang naniniwalang tama ka at dahil dito ay pinipilit mo ang iba na makinig sa iyo, nagpapakita ito ng napakalaking kakulangan ng katwiran. Kung tama ang landas na itinuturo mo sa mga tao, maaaring maging maayos ang mga bagay-bagay, ngunit kung mali ito, ipapahamak sila nito. Kung may isang taong humingi ng payo sa iyo tungkol sa isang personal na bagay at itinuro mo siya sa maling landas, nakapagpahamak ka lang ng isang tao. Gayunpaman, kung tinanong ka ng isang tao tungkol sa isang mahalagang bagay na may kaugnayan sa gawain ng iglesia at inakay mo siya sa maling landas, naipahamak mo ang gawain ng iglesia at magdurusa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kung likas na malubha ang suliranin at nilalabag nito ang disposisyon ng Diyos, kahila-hilakbot ang magiging mga kahihinatnan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Paglutas sa Isang Tiwaling Disposisyon
Anuman ang ginagawa mo, dapat mong matutuhang hanapin at magpasakop sa katotohanan; sinuman ang nag-aalok sa iyo ng payo, kung naaayon ito sa mga katotohanang prinsipyo, kahit pa nanggagaling ito sa isang maliit na bata, dapat mong tanggapin ito at magpasakop dito. Anuman ang mga suliraning mayroon ang isang tao, kung ang kanyang mga salita at payo ay ganap na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, dapat mong tanggapin kung gayon ang mga ito at magpasakop dito. Ang mga resulta ng pagkilos sa ganitong paraan ay magiging maganda at nakasunod sa mga layunin ng Diyos. Ang susi ay ang suriin ang iyong mga motibo, at ang mga prinsipyo at pamamaraan sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay. Kung ang iyong mga prinsipyo at pamamaraan sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay ay nagmumula sa kalooban ng tao, mula sa mga kaisipan at kuru-kuro ng tao, o mula sa mga satanikong pilosopiya, kung gayon ay hindi praktikal ang mga prinsipyo at pamamaraang iyon, at malamang na hindi maging epektibo. Ito ay dahil sa ang pinagmulan ng mga prinsipyo at pamamaraan mo ay mali, at hindi nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang mga pananaw mo ay batay sa mga katotohanang prinsipyo, at pinangangasiwaan mo ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon ay walang-dudang mapangangasiwaan mo ang mga ito nang tama. Kahit na sa panahong iyon ay hindi tinatanggap ng mga tao ang paraan mo ng pangangasiwa sa mga bagay-bagay, o kaya ay may mga kuru-kuro sila tungkol dito, o tumututol sila rito, paglipas ng ilang panahon ay mapapatunayang tama ka. Mas positibong namumunga ang mga bagay-bagay na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, habang ang mga bagay naman na hindi ay mas negatibo ang mga kinahihinatnan, kahit pa akma ang mga ito sa kuru-kuro ng mga tao nang mga panahong iyon. Tatanggap ng kumpirmasyon ang lahat ng mga tao tungkol dito. Hindi ka dapat sumailalim sa paglilimita ng tao sa anumang iyong ginagawa, at hindi ka dapat gumawa ng sarili mong mga pagtatakda; dapat ka munang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan, at pagkatapos ay magsiyasat at makipagbahaginan sa lahat tungkol sa bagay na iyon. Ano ang layon ng pagbabahaginan? Para ito magawa mo ang mga bagay-bagay nang ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos at kumilos ayon sa mga layunin ng Diyos. Medyo maganda ang pagkakasabi nito, at mahihirapan ang tao na makamit ito. Sa madaling salita, ito ay para magawa mo ang mga bagay-bagay nang naaayon mismo sa mga katotohanang prinsipyo. Mas kongkreto ito. Kapag naabot ng isang tao ang pamantayang ito, isinasagawa niya ang katotohanan at sinusunod ang kalooban ng Diyos; nasa kanya ang katotohanang realidad at walang sinumang tututol rito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Paglutas sa Isang Tiwaling Disposisyon
Kapag may nangyayari sa inyo, hindi kayo dapat maging mapagmatuwid. Dapat ninyong patahimikin ang inyong sarili sa harap ng Diyos at matuto kayo ng aral. Dapat ninyong palayain ang inyong sarili upang matuto nang higit pa. Kung iisipin mong, “Mas eksperto ako rito kaysa sa inyo, kaya dapat ako ang mamahala, at dapat makinig kayong lahat sa akin!”—anong uri ng disposisyon iyon? Iyon ay kayabangan at pagmamatuwid. Ito ay isang sataniko, tiwaling disposisyon at hindi ito saklaw ng normal na pagkatao. Kaya, ano ang ibig sabihin ng huwag maging mapagmatuwid? (Nangangahulugan ito ng pakikinig sa mga mungkahi ng lahat, at pakikipagtalakayan ng mga bagay-bagay sa lahat.) Anuman ang iyong mga personal na kaisipan at opinyon, kung bulag kang nagpapasya na tama ang mga ito at na ganito dapat gawin ang mga bagay-bagay, iyon ay kayabangan at pagmamatuwid. Kung mayroon kang ilang ideya o opinyon na sa palagay mo ay tama, ngunit wala kang ganap na tiwala sa iyong sarili, at makukumpirma mo ang mga ito sa pamamagitan ng paghahanap at pakikipagbahaginan, iyon ang ibig sabihin ng hindi pagiging mapagmatuwid. Ang paghihintay na makatanggap ng suporta at pagsang-ayon ng lahat bago kumilos ay ang makatwirang paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Kung may isang taong hindi sumasang-ayon sa iyo, dapat kang tumugon dito nang maingat, at maging maselan pagdating sa mga propesyonal na aspeto ng iyong gawain. Hindi ka pwedeng magbulag-bulagan dito sa pagsasabing, “Sino bang mas nakauunawa rito, ikaw o ako? Matagal na ako sa larangang ito ng gawain—hindi ba dapat mayroon akong mas higit na pagkaunawa rito kaysa sa iyo? Ano ba ang alam mo tungkol dito? Hindi mo ito nauunawaan!” Hindi magandang disposisyon iyon, masyado iyong mayabang at mapagmatuwid. Posible na ang taong hindi sumasang-ayon sa iyo ay isang baguhan, at na wala siyang mabuting pagkaunawa sa larangang iyon ng gawain; maaaring tama ka at maaaring ginagawa mo nang tama ang mga bagay-bagay, ngunit ang disposisyon mo ang problema. Ano, kung gayon, ang tamang paraan ng pag-asal at pagkilos? Paano ka makakaasal at makakikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Dapat mong ipresenta ang iyong mga ideya at hayaan ang lahat na makita kung mayroon mang anumang problema sa mga ito. Kung may magmumungkahi, kailangan mo munang tanggapin ito, at pagkatapos ay hayaan ang lahat na kumpirmahin ang tamang landas ng pagsasagawa. Kung walang sinuman ang may isyu dito, maaari ka nang magpasya kung ano ang pinakaangkop na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay at kumilos sa ganoong paraan. Kung mayroong matuklasang problema, dapat mong hingin ang opinyon ng lahat, at dapat hanapin ninyong lahat ang katotohanan at sama-samang magbahaginan dito, at sa ganoong paraan, makakamit ninyo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Kapag natatanglawan ang puso ninyo, at mayroon kayong mas mabuting landas, magiging mas maganda ang mga resultang nakukuha ninyo kaysa sa dati. Hindi ba’t ito ang patnubay ng Diyos? Kamangha-mangha ito! Kung maiiwasan mo ang pagiging mapagmatuwid, kung mabibitiwan mo ang iyong mga imahinasyon at ideya, at kung magagawa mong makinig sa mga tamang opinyon ng iba, makakamit mo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Matatanglawan ang puso mo at mahahanap mo ang tamang landas. Magkakaroon ka ng daan pasulong, at kapag isinagawa mo ito, tiyak na aayon ito sa katotohanan. Sa pamamagitan ng gayong pagsasagawa at karanasan, matututuhan mo kung paano isagawa ang katotohanan, at kasabay nito ay may matututuhan kang bago sa larangang iyon ng gawain. Hindi ba’t mabuting bagay ito? Sa pamamagitan nito, mapagtatanto mo na kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay-bagay, hindi ka dapat maging mapagmatuwid at dapat mong hanapin ang katotohanan, at na kung mapagmatuwid ka at hindi tinatanggap ang katotohanan, aayawan ka ng lahat at tiyak na kamumuhian ka ng Diyos. Hindi ba’t isa itong natutunang aral? Kung palagi kang maghahangad sa ganitong paraan at magsasagawa ng katotohanan, patuloy mong mahahasa ang mga propesyonal na kasanayan na ginagamit mo sa iyong tungkulin, paganda nang paganda ang mga resultang makukuha mo sa iyong tungkulin, at bibigyang-liwanag at pagpapalain ka ng Diyos, at tutulutan kang magkamit ng mas higit pa. Bukod pa riyan, magkakaroon ka ng landas sa pagsasagawa ng katotohanan, at kapag alam mo kung paano isagawa ang katotohanan, unti-unti mong mauunawaan ang mga prinsipyo. Kapag alam mo kung aling mga kilos ang hahantong sa kaliwanagan at patnubay ng Diyos, alin ang hahantong sa Kanyang pagkasuklam at pagtatanggal, at kung alin ang hahantong sa Kanyang pagsang-ayon at mga pagpapala, magkakaroon ka ng daan pasulong. Kapag nakatatanggap ang mga tao ng mga pagpapala at kaliwanagan ng Diyos, bibilis ang kanilang pag-usad sa buhay. Matatanggap nila ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos araw-araw, at magkakaroon ng kapayapaan at kaligayahan sa puso nila. Hindi ba’t magbibigay-kasiyahan ito sa kanila? Kapag ang mga kilos mo ay naipipresenta sa Diyos, at natatanggap ng Diyos, makadarama ka ng kasiyahan sa puso mo, at sa loob mo, magkakaroon ka ng kapayapaan at kaligayahan. Ang kapayapaan at kaligayahang ito ay mga damdaming ibinigay sa iyo ng Diyos, ang mga ito ay sensasyong ipinagkaloob sa iyo ng Banal na Espiritu.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Matapos Akong Isumbong
Kung Bakit Napakayabang Ko Noon