15. Paano lutasin ang problema ng pagiging makasarili at kasuklam-suklam

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ng tao ang lason ni Satanas. Ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, “Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?” sasagot ang mga tao: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba”—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon. Lahat ng ginagawa ni Satanas ay para sa sarili nitong mga pagnanais, mga ambisyon, at mga layunin. Nais nitong higitan ang Diyos, makawala sa Diyos, at makuha ang kontrol sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Sa kasalukuyan, gayon na lamang katinding ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao: May mga satanikong kalikasan silang lahat, sinusubukan nilang lahat na itatwa at labanan ang Diyos, at gusto nilang makontrol ang sarili nilang mga kapalaran at sinusubukang labanan ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Ang kanilang mga ambisyon at pagnanais ay kaparehong-kapareho ng kay Satanas. Samakatuwid, ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro

Ang pagkamakasarili ay masasabing isang elemento ng kalikasan ng isang tao. Ang bawat tao ay mayroong elementong ito sa loob nila. Ang ilang tao ay lubhang makasarili, sukdulan ang pagkamakasarili, at sa lahat ng bagay, iniisip lamang nila ang kanilang sarili, walang hinahangad kundi pansariling pakinabang, at wala silang kahit katiting na pagsasaalang-alang para sa iba. Ang pagiging makasariling iyon ay sumasalamin sa kanilang kalikasan. May pagkamakasarili ang lahat, subalit may pagkakaiba. Kapag nakikihalubilo sa iba, nagagawa ng ilang tao na ingatan at alagaan ang iba, nagagawa nilang magmalasakit sa iba, at magsaalang-alang sa iba sa lahat ng bagay na kanilang ginagawa. Gayunpaman, hindi ganito ang ilang tao. Ang mga taong ito ay talagang makasarili at hindi mapagpahalaga kapag nagpapatuloy ng mga kapatid. Ibinibigay nila sa kanilang sariling pamilya ang pinakamalalaking sandok ng pinakamasasarap na pagkain at inihahain nila sa mga kapatid ang kakaunting sandok ng mga hindi gaanong masasarap na pagkain. Kapag dumarating naman ang kanilang sariling mga kamag-anak, isinasaayos nila na maging labis na komportable ang mga ito. Gayunman, kapag bumibisita ang mga kapatid, pinatutulog nila ang mga ito sa sahig. Iniisip nila na sapat nang pinapatuloy nila ang mga kapatid kapag bumibisita ang mga ito. Kapag nagkakasakit o nakararanas ng iba pang paghihirap ang mga kapatid, hindi man lamang sila inaalala ng gayong tao, umaasta pa ito na para bang wala siyang napapansin. Walang pakialam o hindi nakararamdam ng kahit kaunting malasakit sa iba ang ganoong mga tao. Sarili lamang nila at kanilang mga kamag-anak ang kanilang pinagmamalasakitan. Ang makasariling kalikasan nilang ito ang siyang tumutukoy sa kanilang kawalang-kahandaan na magmalasakit sa iba. Nadarama nila na ang pagmamalasakit sa kapwa ay may kaakibat na pagkalugi at isang malaking abala. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Hindi alam ng isang makasariling tao kung paano maging maunawain sa iba.” Hindi tama iyan. Kung hindi sila marunong magbigay ng pagsasaalang-alang sa iba, bakit mabuti ang mga makasariling tao sa kanilang sariling mga kamag-anak at nagpapakita ng lubos na pagsasaalang-alang sa pangangailangan ng mga ito? Bakit nila alam kung ano ang kulang sa kanila mismo at kung ano ang angkop na suotin o kainin sa isang partikular na pagkakataon? Bakit hindi nila magawang maging ganoon para sa iba? Ang totoo niyan, nauunawaan nila ang lahat ng bagay, subalit makasarili sila at kasuklam-suklam. Natutukoy ito ng kanilang kalikasan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

Anuman ang mangyari sa kanila, o anuman ang kanilang pinagdaraanan, palaging pinoprotektahan ng mga tao ang kanilang sariling mga interes at inaalala ang sariling katawan, at palagi silang naghahanap ng mga katwiran o dahilang mapakikinabangan nila. Kahit kaunti ay hindi nila hinahanap o tinatanggap ang katotohanan, at lahat ng kanilang ginagawa ay upang maipagtanggol ang kanilang katawan at magpakana para sa kanilang mga hangarin. Humihingi silang lahat ng biyaya sa Diyos, nagnanais na makamit ang anumang bentaheng kaya nilang makamit. Bakit masyadong maraming hinihingi ang mga tao sa Diyos? Pinatutunayan nito na likas na sakim ang mga tao, at sa harap ng Diyos, wala man lang silang taglay na anumang katwiran. Sa lahat ng ginagawa ng mga tao—sila man ay nagdarasal o nagbabahaginan o nangangaral—ang kanilang mga paghahangad, kaisipan, at minimithi, ang lahat ng bagay na ito ay paghingi sa Diyos at pagtatangkang humingi ng mga bagay sa Kanya, ginagawa ang lahat ng ito ng mga tao sa pag-asang may makamit mula sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao na “ito ang kalikasan ng tao,” na tama naman! Dagdag pa rito, ang sobra-sobrang paghingi ng mga tao sa Diyos at pagkakaroon nila ng labis-labis na pagnanais ay nagpapatunay na talagang walang konsensiya at katwiran ang mga tao. Lahat sila ay nanghihingi ng mga bagay para sa sarili nilang kapakanan, o sinusubukan nilang makipagtalo at maghanap ng dahilan para sa kanilang sarili—ginagawa nila ang lahat ng ito para sa kanilang sarili. Sa maraming bagay, makikitang ang ginagawa ng mga tao ay talagang walang katwiran, na ganap na patunay na ang satanikong lohika na “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba” ay naging kalikasan na ng tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos

Gustong-gusto ng ilang tao na makalamang nang di-patas sa mga bagay-bagay, at hangad ng mga taong ito na matupad ang kanilang mga pansariling interes sa lahat ng usapin. Anumang ginagawa nila ay dapat makinabang sila, o kung hindi, hindi nila ito gagawin. Hindi nila pinagkakaabalahan ang anumang bagay maliban na lamang kung binibigyan sila ng mga ito ng ilang pakinabang, at palaging may lihim na mga motibo sa likod ng kanilang mga kilos. Nagsasalita sila nang mabuti patungkol sa sinumang pinakikinabangan nila at pinupuri nila ang sinumang nambobola sa kanila. Kahit na may mga problema ang kanilang mga paboritong tao, sasabihin nilang tama ang mga taong iyon at pagsisikapan nilang ipagtanggol at pagtakpan ang mga taong ito. Anong kalikasan mayroon ang ganoong mga tao? Ganap mong makikita nang malinaw ang kanilang kalikasan mula sa mga asal na ito. Pinagsisikapan nilang makalamang nang di-patas mga bagay-bagay sa pamamagitan ng kanilang mga kilos, laging nakikibahagi sa bawat sitwasyon nang may mala-transaksyong asal, at makatitiyak ka na ang kanilang kalikasan ay isa na may buong-pusong pagnanasa sa pakinabang. Sarili lamang nila ang kanilang iniisip sa lahat ng bagay na kanilang ginagawa. Hindi sila babangon nang maaga maliban na lamang kung makikinabang sila na gawin ito. Sila ang pinakamakasarili sa lahat ng tao, at lubusan silang walang pagkakontento. Ang kanilang kalikasan ay naipapakita sa pamamagitan ng kanilang pagmamahal sa pakinabang at kawalan ng anumang pagmamahal sa katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

Ayaw makipagtulungan ng ilan sa iba sa paglilingkod sa Diyos, kahit natawag sila; tamad ang mga taong ito na nais lamang magsaya sa kaginhawahan. Kapag mas pinaglilingkod ka sa pakikipagtulungan sa iba, mas marami kang mararanasan. Dahil mas marami kang pasanin at karanasan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto. Samakatuwid, kung kaya mong paglingkuran nang tapat ang Diyos, isasaisip mo ang pasanin ng Diyos; dahil diyan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto ng Diyos. Ang gayong grupo lamang ng mga tao ang kasalukuyang pineperpekto. Kapag mas inaantig ka ng Banal na Espiritu, mas maraming panahon kang iuukol sa pagsasaisip sa pasanin ng Diyos, mas mapeperpekto ka ng Diyos, at mas makakamit ka Niya—hanggang, sa bandang huli, magiging isang tao ka na kinakasangkapan ng Diyos. Sa kasalukuyan, may ilan na walang dinadalang pasanin para sa iglesia. Ang mga taong ito ay maluwag at pabaya, at ang tanging pinahahalagahan nila ay ang sarili nilang laman. Ang gayong mga tao ay masyadong makasarili, at bulag din sila. Kung hindi malinaw sa iyo ang bagay na ito, hindi ka magdadala ng anumang pasanin. Kapag mas isinasaaang-alang mo ang mga layunin ng Diyos, mas mabigat ang pasaning ipagkakatiwala Niya sa iyo. Ang mga makasarili ay ayaw magtiis ng gayong mga bagay; ayaw nilang bayaran ang halaga, at, dahil dito, mawawalan sila ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos. Hindi ba nila sinasaktan ang kanilang sarili? Kung ikaw ay isang tao na isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, magkakaroon ka ng tunay na pasanin para sa iglesia. Sa katunayan, sa halip na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iglesia, mas mainam na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iyong sariling buhay, dahil ang layunin ng pasaning ito na binubuo mo para sa iglesia ay para magamit mo ang gayong mga karanasan upang maperpekto ka ng Diyos. Samakatuwid, sinuman ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin para sa iglesia, at sinuman ang nagdadala ng isang pasanin para sa buhay pagpasok—sila ang magiging mga taong pineperpekto ng Diyos. Malinaw na ba ito sa iyo? Kung ang iglesiang kinabibilangan mo ay nakakalat na parang buhangin, ngunit hindi ka nag-aalala ni nababahala, at nagbubulag-bulagan ka pa kapag hindi normal na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ang iyong mga kapatid, hindi ka nagdadala ng anumang mga pasanin. Ang gayong mga tao ay hindi ang klaseng kinatutuwaan ng Diyos. Ang klase ng mga taong kinatutuwaan ng Diyos ay nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran at isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Sa gayon, dapat ninyong isaisip ang pasanin ng Diyos, ngayon mismo; hindi ninyo dapat hintaying ihayag ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa buong sangkatauhan bago ninyo isaisip ang pasanin ng Diyos. Hindi ba magiging huli na ang lahat sa oras na iyon? Ngayon ang magandang pagkakataon upang maperpekto ng Diyos. Kung hahayaan mong makalagpas ang pagkakataong ito, pagsisisihan mo iyon habambuhay, gaya noong hindi nagawang pumasok ni Moises sa magandang lupain ng Canaan at pinagsisihan niya ito habambuhay, at namatay nang may taos na pagsisisi. Kapag naihayag na ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa lahat ng bayan, mapupuspos ka ng pagsisisi. Kahit hindi ka kastiguhin ng Diyos, kakastiguhin mo ang iyong sarili dahil sa sarili mong taos na pagsisisi. Hindi kumbinsido rito ang ilan, ngunit kung hindi ka naniniwala rito, maghintay ka lang at makikita mo. May ilang tao na ang tanging layunin ay tuparin ang mga salitang ito. Handa ka bang isakripisyo ang sarili mo para sa mga salitang ito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto

Ang mga taong makasarili at mababang-uri ay basta-basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, ni hindi sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos. Wala silang dinadalang pasanin sa pagganap sa kanilang mga tungkulin o sa pagpapatotoo sa Diyos, at hindi sila responsable. Ano ang iniisip nila tuwing mayroon silang ginagawa? Ang unang iniisip nila ay, “Malalaman ba ng Diyos kung gagawin ko ito? Nakikita ba ito ng ibang mga tao? Kung hindi nakikita ng ibang mga tao na nagsisikap ako nang husto at masipag akong nagtatrabaho, at kung hindi rin ito nakikita ng Diyos, kung gayon walang silbi ang aking paggugol ng gayong pagsisikap o pagdurusa para dito.” Hindi ba ito lubos na makasarili? Isa rin itong mababang-uring klase ng layunin. Kapag nag-iisip at kumikilos sila sa ganitong paraan, may papel bang ginagampanan ang kanilang konsiyensiya? Nababagabag ba ang konsiyensiya nila rito? Hindi, walang nagiging papel ang kanilang konsiyensiya, at hindi ito inuusig. May ilang tao na hindi umaako ng anumang responsabilidad kahit ano pa ang tungkuling ginagampanan nila. Hindi rin nila iniuulat kaagad sa mga nakatataas sa kanila ang mga problemang nadidiskubre nila. Kapag may nakikita silang mga taong nanggagambala at nanggugulo, nagbubulag-bulagan sila. Kapag nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang mga masasamang tao, hindi nila sinusubukang pigilan ang mga ito. Hindi nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, o isinasaalang-alang kung ano ang kanilang tungkulin at responsabilidad. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain ang mga taong kagaya nito; sila ay mga mahilig magpalugod ng iba at sakim sa kaginhawahan; nagsasalita at kumikilos sila para lamang sa sarili nilang banidad, reputasyon, katayuan, at mga interes, at handa lamang silang ilaan ang kanilang panahon at pagsisikap sa mga bagay na kapaki-pakinabang sa kanila. Malinaw sa lahat ang mga kilos at layunin ng isang taong katulad niyon: Lumalabas siya tuwing may pagkakataong maipakita ang kanyang mukha o magtamasa ng kaunting pagpapala. Ngunit, kapag walang pagkakataong maipakita ang kanyang mukha, o sa sandaling nagkaroon ng panahon ng pagdurusa, naglalaho sila sa paningin tulad ng isang pagong na nag-atras ng ulo nito. May konsiyensiya at katwiran ba ang ganitong klaseng tao? (Wala.) Nakadarama ba ng paninisi sa sarili ang isang taong walang konsiyensiya at katwiran na ganito kung kumilos? Ang gayong mga tao ay walang pakiramdam ng paninisi sa sarili; walang silbi ang konsiyensiya ng ganitong klaseng tao. Hindi sila kailanman nakadama ng paninisi ng kanilang konsiyensiya, kaya’t mararamdaman ba nila ang paninisi o disiplina ng Banal na Espiritu? Hindi, hindi nila ito mararamdaman.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan

Karamihan sa mga tao ay nais hangarin at isagawa ang katotohanan, ngunit kadalasan ay may pagpapasya at pagnanais lamang sila na gawin iyon; hindi nila naging buhay ang katotohanan. Dahil dito, kapag nakahaharap sila ng masasamang puwersa o ng masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawa, o ng mga huwad na pinuno at anticristo na gumagawa ng mga bagay sa isang paraang lumalabag sa mga prinsipyo—sa gayon ay nagugulo ang gawain ng iglesia at napapahamak ang mga hinirang ng Diyos—nawawalan sila ng lakas ng loob na manindigan at magsalita. Ano ang ibig sabihin kapag wala kang lakas ng loob? Ibig bang sabihin niyan ay kimi ka o hindi makapagsalita? O hindi mo ito lubos na nauunawaan, at sa gayon ay wala kang kumpiyansang magsalita? Walang isa man dito; ito una sa lahat ang ibinubunga ng mapigilan ng mga tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga tiwaling disposisyong ito na inilalantad mo ay ang mapanlinlang na disposisyon; kapag may nangyayari sa iyo, ang una mong iniisip ay ang sarili mong mga interes, ang una mong isinasaalang-alang ay ang mga ibubunga, kung ito ba ay kapaki-pakinabang sa iyo. Ito ay isang mapanlinlang na disposisyon, hindi ba? Ang isa pa ay makasarili at mababang-uri na disposisyon. Iniisip mo, “Ano ang kinalaman sa akin ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ako isang lider, kaya bakit ako mag-aalala? Wala itong kinalaman sa akin. Hindi ko responsabilidad ito.” Ang gayong mga saloobin at salita ay hindi mga bagay na sadya mong iniisip, kundi inilalabas ng iyong isip nang hindi mo namamalayan—na tumutukoy sa tiwaling disposisyong nabubunyag kapag ang mga tao ay nahaharap sa isyu. Pinamamahalaan ng mga tiwaling disposisyon na tulad nito ang paraan ng iyong pag-iisip, itinatali ng mga ito ang iyong mga kamay at paa, at kinokontrol kung ano ang sinasabi mo. Sa puso mo, gusto mong tumayo at magsalita, ngunit mayroon kang mga pag-aalinlangan, at kahit na magsalita ka pa, nagpapaliguy-ligoy ka, at nag-iiwan ka ng puwang upang makakambiyo, o kaya naman ay nagsisinungaling ka at hindi nagsasabi ng katotohanan. Nakikita ito ng mga taong malinaw ang mga mata; ang katotohanan, alam mo sa puso mo na hindi mo sinabi ang lahat ng dapat mong sabihin, na ang sinabi mo ay walang bisa, na iniraraos mo lamang ang lahat, at na hindi nalutas ang problema. Hindi mo natupad ang iyong responsabilidad, ngunit lantaran mong sinasabi na natupad mo ang iyong responsabilidad, o hindi sa iyo malinaw ang nangyayari. Totoo ba ito? At ito ba talaga ang iniisip mo? Hindi ba’t ganap ka nang kontrolado ng iyong satanikong disposisyon? Kahit naaayon sa katotohanan ang ilan sa sinasabi mo, sa mahahalagang sitwasyon at isyu, nagsisinungaling ka at nanlilinlang ng mga tao, na nagpapatunay na isa kang taong sinungaling, at nabubuhay ayon sa iyong satanikong disposisyon. Lahat ng sinasabi at iniisip mo ay naiproseso ng utak mo, na humahantong sa pagiging huwad, hungkag, kasinungalingan ng bawat pahayag mo; sa totoo lang, lahat ng sinasabi mo ay salungat sa mga katotohanan, para bigyang-katwiran ang iyong sarili, para sa sarili mong kapakinabangan, at pakiramdam mo ay nakamtan mo na ang iyong mga layon kapag nalihis mo ang mga tao at napaniwala mo sila. Ganyan kang magsalita; kumakatawan din iyan sa iyong disposisyon. Ganap kang kontrolado ng sarili mong satanikong disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang mga walang pananampalataya ay may isang partikular na klase ng tiwaling disposisyon. Kapag nagtuturo sila sa ibang tao ng isang propesyonal na kaalaman o kasanayan, iniisip nila, “Kapag alam na ng isang estudyante ang lahat ng alam ng kanyang guro, mawawalan ng kanyang kabuhayan ang kanyang guro. Kung ituturo ko ang lahat ng nalalaman ko sa iba, wala nang titingala o hahanga sa akin at mawawala na ang buong katayuan ko bilang isang guro. Hindi maaari ito. Hindi ko maaaring ituro sa kanila ang lahat ng nalalaman ko, kailangang may ilihim ako. Otsenta porsiyento lamang ng nalalaman ko ang ituturo ko sa kanila at ililihim ko ang iba pa; ito lamang ang paraan para maipakita na mas magaling ang mga kasanayan ko kaysa sa iba.” Anong uri ng disposisyon ito? Panlilinlang ito. Kapag nagtuturo ka sa iba, tumutulong sa iba, o nagbabahagi sa kanila ng isang bagay na pinag-aralan mo, anong saloobin ang dapat taglayin mo? (Dapat kong gawin ang lahat, at huwag maglihim.) Paano nagagawa ng isang tao na hindi maglihim ng kahit ano? Kung sinasabi mo, “Wala akong inililihim na anuman pagdating sa mga bagay na natutunan ko, at wala akong problemang sabihin sa inyong lahat ang tungkol sa mga ito. Mas mataas naman talaga ang kahusayan ko kaysa sa inyo, at kaya ko pa ring maunawaan ang mas matataas na bagay”—iyan ay paglilihim pa rin at ito ay pagiging mapagpakana. O kung sinasabi mo, “Ituturo ko sa inyo ang lahat ng batayang bagay na natutunan ko, walang problema. May mas mataas pa rin akong kaalaman, at kahit na matutunan ninyo ang lahat ng ito, hindi pa rin kayo magiging kasinggaling ko”—iyan ay paglilihim pa rin. Kung ang isang tao ay masyadong makasarili, hindi siya magkakaroon ng pagpapala ng Diyos. Dapat matutunan ng mga tao na isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Dapat mong ibahagi sa sambahayan ng Diyos ang mga pinakaimportante at pinakamahalagang bagay na naunawaan mo, upang ang mga ito ay matutunan ng mga hinirang ng Diyos at maging dalubhasa sila sa mga ito—iyan lang ang tanging paraan upang matamo ang pagpapala ng Diyos, at ipagkakaloob Niya sa iyo ang mas marami pang bagay. Gaya ng sinabi, “Lalo pang mapalad ang magbigay kaysa sa tumanggap.” Ilaan mo sa Diyos ang lahat ng iyong talento at kaloob, ipinapakita ang mga ito sa pagganap mo ng iyong tungkulin upang makinabang ang lahat, at magkaroon ng mga resulta sa kanilang mga tungkulin. Kung ibinabahagi mo ang mga kaloob at talento mo nang buong-buo, magiging kapaki-pakinabang ang mga ito sa lahat ng mga gumagawa sa tungkuling iyon, at sa gawain ng iglesia. Huwag mo lang basta sasabihin sa lahat ang ilang simpleng bagay at pagkatapos ay iisipin mong maganda ang nagawa mo o na wala kang inilihim na anuman—hindi ito uubra. Nagtuturo ka lang ng ilang teorya o mga bagay na literal na mauunawaan ng mga tao, ngunit ang diwa at mahahalagang punto ay hindi maunawaan ng isang baguhan. Nagbibigay ka lang ng buod, nang hindi ito pinalalawak o idinedetalye, samantalang iniisip mo pa rin sa sarili mo, “Ano’t anuman, nasabi ko na sa iyo, at wala akong sinadyang ipagkait na anuman. Kung hindi mo nauunawaan, ito ay dahil lubhang napakababa ng iyong kakayahan, kaya huwag mo akong sisihin. Tingnan na lang natin kung paano ka gagabayan ng Diyos ngayon.” Ang gayong pag-iisip ay may kasamang panlilinlang, hindi ba? Hindi ba iyon makasarili at kasuklam-suklam? Bakit hindi mo maituro sa mga tao ang lahat ng nasa puso mo at lahat ng nauunawaan mo? Bakit sa halip ay ipinagkakait mo ang kaalaman? Problema ito sa iyong mga layon at iyong disposisyon. Kapag ipinaaalam sa karamihan ng mga tao sa unang pagkakataon ang ilang partikular na aspeto ng propesyonal na kaalaman, kaya lamang nilang maunawaan ang literal na kahulugan nito; mangangailangan ng panahon ng pagsasagawa bago magawang maunawaan ang mga pangunahing punto at diwa. Kung naging dalubhasa ka na sa mga pangunahing punto at diwang ito, dapat direkta mong sabihin ang mga ito sa iba; huwag kang magpaliguy-ligoy at magsayang ng oras sa pagpapasikot-sikot. Responsabilidad mo ito; ito ang dapat mong gawin. Wala kang ililihim, at hindi ka magiging makasarili, kung sasabihin mo sa kanila ang pinaniniwalaan mo na mga pangunahing punto at diwa. Kapag nagtuturo ka ng mga kasanayan sa iba, nakikipag-usap sa kanila tungkol sa iyong propesyon, o nakikipagbahaginan tungkol sa pagpasok sa buhay, kung hindi mo kayang lutasin ang mga makasarili at kasuklam-suklam na mga aspekto ng iyong mga tiwaling disposisyon, hindi mo magagampanan nang maayos ang mga tungkulin mo, na sa ganoong kaso, hindi ka isang taong nagtataglay ng pagkatao, o ng konsensiya at katwiran, o isang taong nagsasagawa sa katotohanan. Dapat mong hanapin ang katotohanan upang lutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon, at marating ang punto kung saan ikaw ay wala nang taglay na mga makasariling motibo, at isinasaalang-alang lang ang mga layunin ng Diyos. Sa ganitong paraan, tataglayin mo ang katotohanang realidad. Masyadong nakakapagod kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan at mamumuhay sila ayon sa mga satanikong disposisyon gaya ng mga walang pananampalataya. Ang kompetisyon ay laganap sa mga walang pananampalataya. Ang pagiging dalubhasa sa diwa ng isang kasanayan o isang propesyon ay hindi simpleng bagay, at kapag nalaman ito ng ibang tao, at naging dalubhasa siya mismo rito, mamimiligro ang iyong kabuhayan. Para maprotektahan ang kabuhayang iyon, napipilitang kumilos ang mga tao sa ganitong paraan—kailangan nilang maging maingat sa lahat ng oras. Ang pinagkadalubhasaan nila ang kanilang pinakamahalagang puhunan, ito ang kanilang kabuhayan, ang kanilang kapital, ang pinakamahalaga sa buhay nila, at hindi nila dapat hayaang malaman ito ng iba. Ngunit naniniwala ka sa Diyos—kung ganito ka kung mag-isip at kumilos sa sambahayan ng Diyos, hindi ka naiiba sa isang walang pananampalataya. Kung hindi mo talaga tinatanggap ang katotohanan, at patuloy kang namumuhay alinsunod sa mga satanikong pilosopiya, kung gayon, hindi ka isang taong tunay na naniniwala sa Diyos. Kung palagi kang mayroong mga makasariling motibo at makitid ang isip mo habang ginagampanan mo ang tungkulin mo, hindi mo matatanggap ang pagpapala ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang ilang tao ay palaging natatakot na ang iba ay mas mahusay o mas mataas kaysa sa kanila, na ang iba ay kikilalanin habang sila ay hindi napapansin, at dahil dito ay inaatake at ibinubukod nila ang iba. Hindi ba ito isang kaso ng pagkainggit sa mga taong may talento? Hindi ba’t makasarili at kasuklam-suklam ito? Anong klaseng disposisyon ito? Ito ay pagiging malisyoso! Iyong mga iniisip lamang ang sarili nilang mga interes, binibigyang-kasiyahan lamang ang sarili nilang mga hangarin, nang hindi iniisip ang iba o isinasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ay may masamang disposisyon, at walang pagmamahal ang Diyos sa kanila. Kung talagang kaya mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, magagawa mong tratuhin nang patas ang ibang mga tao. Kung nagrerekomenda ka ng isang mabuting tao at hinahayaan mo siyang sumailalim sa pagsasanay at gumampan ng tungkulin, at sa gayon ay nagdaragdag ka ng taong may talento sa sambahayan ng Diyos, hindi ba’t padadaliin niyon ang iyong gawain? Kung gayon, hindi ba’t magpapakita ka ng katapatan sa iyong tungkulin? Isa iyong mabuting gawa sa harap ng Diyos; ito ang pinakamababang antas ng konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga naglilingkod bilang lider. Yaong mga may kakayahang isagawa ang katotohanan ay makakayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa mga bagay na kanilang ginagawa. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba, at lagi mong nais na makuha ang papuri at paghanga ng iba, at hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang gayong mga tao ay walang may takot sa Diyos na puso. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, at katayuan. Kailangan mo munang isaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging tapat, kung natupad ang iyong mga pananagutan, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at intindihin ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kung mahina ang iyong kakayahan, kung mababaw ang iyong karanasan, o kung hindi ka bihasa sa iyong mga propesyunal na gawain, kung gayon ay maaaring may ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at maaaring hindi ka makakuha ng magagandang resulta—ngunit nagawa mo ang lahat ng iyong makakaya. Hindi mo binibigyang-kasiyahan ang iyong mga makasariling paghahangad o kagustuhan. Sa halip, binibigyan mo ng palagiang pagsasaalang-alang ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi ka makapagkamit ng magagandang resulta sa iyong tungkulin, naituwid naman ang puso mo; kung, dagdag pa rito, kaya mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema sa iyong tungkulin, maaabot mo ang pamantayan sa pagganap mo sa iyong tungkulin, at, kasabay nito, magagawa mong pumasok sa katotohanang realidad. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng patotoo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon

Ang mga anticristo ay walang konsensiya, katwiran, o pagkatao. Bukod sa wala silang kahihiyan, kundi may isa pa rin silang tanda: Hindi pangkaraniwan ang kanilang pagiging makasarili at ubod ng sama. Ang literal na kahulugan ng kanilang “pagiging makasarili at ubod ng sama” ay hindi mahirap maunawaan: Bulag sila sa anumang bagay maliban sa sarili nilang mga interes. Nakatuon ang kanilang buong atensyon sa anumang bagay na may kinalaman sa sarili nilang mga interes, at magdudusa sila para dito, magsasakripisyo, itututok ang kanilang sarili para dito, at ilalaan ang kanilang sarili para dito. Magbubulag-bulagan naman sila at hindi papansinin ang anumang walang kinalaman sa kanilang sariling mga interes; magagawa ng iba ang anumang gusto nila—walang pakialam ang mga anticristo kung may sinumang nagiging mapanggambala o magulo, at para sa kanila, wala itong kinalaman sa kanila. Basta sarili lamang nila ang kanilang iniintindi. Subalit mas tumpak na sabihin na ang ganitong uri ng tao ay ubod ng sama, mababa, at marumi; inilalarawan natin sila bilang “makasarili at ubod ng sama.” Paano naipapamalas ang pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo? Sa anumang bagay na kapaki-pakinabang sa kanilang katayuan o reputasyon, nagsisikap silang gawin o sabihin ang anumang kailangan, at kusang-loob silang nagtitiis ng anumang pagdurusa. Pero pagdating sa may kinalaman sa gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, o pagdating sa may kinalaman sa gawain na kapaki-pakinabang sa paglago ng buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, lubos nilang binabalewala ito. Kahit kapag ang masasamang tao ay nanggagambala, nanggugulo, at gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan, dahilan kaya lubhang naaapektuhan ang gawain ng iglesia, nananatili silang walang ginagawa at walang pakialam, na para bang walang kinalaman ito sa kanila. At kung may nakatuklas at nag-ulat ng masasamang gawa ng isang masamang tao, sinasabi nilang wala silang nakita at nagmamaang-maangan sila. Ngunit kung may isang taong nag-ulat sa kanila at naglantad na hindi sila gumagawa ng totoong gawain at naghahangad lamang ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagagalit sila nang husto. Mabilis na nagpapatawag ng mga pagpupulong upang talakayin kung paano tutugon, magsasagawa ng mga imbestigasyon upang malaman kung sino ang umatake sa kanila, kung sino ang namuno, at kung sino ang mga sangkot. Hindi sila kakain o matutulog hangga’t hindi nila nahuhuli ang mga taong nasa likod nito at hangga’t hindi ganap na nareresolba ang isyu—magiging masaya nga lamang sila kapag napabagsak na nila ang lahat na sangkot sa pag-uulat sa kanila. Pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at ubod ng sama, hindi ba? Gawain ba ng iglesia ang ginagawa nila? Kumikilos sila para sa kapakanan ng sarili nilang kapangyarihan at katayuan, ganoon lamang kasimple. Nagpapatakbo sila ng kanilang sariling operasyon. Kahit ano pa ang suungin nilang gawain, hindi kailanman iniisip ng mga anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang isinasaalang-alang lamang nila ay kung maaapektuhan ba ang kanilang sariling mga interes, ang iniisip lamang nila ay ang medyo magaan na gawaing nasa harapan nila na napapakinabangan nila. Para sa kanila, ang pangunahing gawain ng iglesia ay isang bagay lamang na ginagawa nila sa libre nilang oras. Hinding-hindi talaga nila ito sineseryoso. Gumagalaw lang sila kapag pinapakilos sila, ginagawa lamang ang gusto nilang gawin, at ginagawa lamang ang gawain na alang-alang sa pagpapanatili ng sarili nilang katayuan at kapangyarihan. Sa paningin nila, ang anumang gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang buhay pagpasok ng mga taong hinirang ng Diyos ay hindi mahalaga. Anuman ang mga paghihirap ng ibang mga tao sa kanilang gawain, anuman ang mga isyung matuklasan at maiulat sa kanila, gaano man katapat ang kanilang mga salita, walang pakialam ang mga anticristo, hindi nila isinasangkot ang kanilang sarili, na para bang wala itong kinalaman sa kanila. Gaano man kalaki ang mga problemang lumilitaw sa gawain ng iglesia, lubos silang walang pakialam. Kahit pa nga nasa harapan na nila mismo ang isang problema, hinaharap lang nila ito nang pabasta-basta. Kapag tuwiran lamang silang pinungusan ng Itaas at inutusang ayusin ang isang problema ay saka lamang sila padabog at totohanang magtatrabaho nang kaunti at magpapakita ng resulta sa Itaas; pagkatapos na pagkatapos nito, magpapatuloy sila sa sarili nilang gawain. Wala silang interes at walang pakialam pagdating sa gawain ng iglesia, sa mahahalagang bagay na may mas malalawak na konteksto. Binabalewala pa nga nila ang mga problemang natutuklasan nila, at nagbibigay sila ng mga walang ganang sagot o ginagamit ang kanilang mga salita upang balewalain ka kapag tinatanong sila tungkol sa mga problema, hinaharap lamang ang mga ito nang may labis na pag-aatubili. Pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at ubod ng sama, hindi ba? Higit pa rito, anuman ang tungkuling ginagawa ng mga anticristo, ang iniisip lamang nila ay kung tutulutan ba sila nitong mangibabaw; hangga’t patataasin nito ang kanilang reputasyon, pinipiga nila ang kanilang utak makaisip lamang ng paraan kung paano matutuhan ito, at kung paano ito isasakatuparan; ang iniintindi lamang nila ay kung magiging bukod-tangi ba sila dahil dito. Anuman ang gawin o isipin nila, iniisip lamang nila ang sarili nilang kasikatan, pakinabang at katayuan. Anuman ang tungkuling ginagawa nila, nakikipagkompitensiya lamang sila para makita kung sino ang mas mataas o mas mababa, kung sino ang mananalo at sino ang matatalo, kung sino ang mas may reputasyon. Ang mahalaga lamang sa kanila ay kung gaano karaming tao ang sumasamba at tumitingala sa kanila, gaano karami ang sumusunod sa kanila, at kung gaano karaming tagasunod ang mayroon sila. Hindi nila kailanman ibinabahagi ang katotohanan o nilulutas ang mga totoong problema. Hindi nila kailanman iniisip kung paano gawin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin, hindi rin sila nagninilay-nilay kung naging matapat ba sila, kung natupad ba nila ang kanilang mga pananagutan, kung nagkaroon ba ng mga paglihis o pagpapabaya sa kanilang gawain, o kung mayroon bang anumang mga problema, lalong hindi nila pinag-iisipan kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila binibigyang-pansin ni bahagya ang lahat ng bagay na ito. Determinado lang silang nagsisikap at gumagawa ng mga bagay-bagay alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, upang maisakatuparan ang sarili nilang mga ambisyon at pagnanais. Pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at ubod ng sama, hindi ba? Lubos nitong inilalantad kung paanong ang kanilang mga puso ay nag-uumapaw sa sarili nilang mga ambisyon, pagnanais, at walang katuturang hinihingi; lahat ng ginagawa nila ay naiimpluwensiyahan ng kanilang mga ambisyon at pagnanais. Kahit ano pa ang gawin nila, ang motibasyon at pinagmumulan ay ang sarili nilang mga ambisyon, pagnanais, at walang katuturang hinihingi. Ito ang pinakatipikal na pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus

Malinaw ang diwa ng pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo; kitang-kita ang ganitong klase ng mga pagpapamalas nila. Ipinagkakatiwala sa kanila ng iglesia ang isang parte ng gawain, at kung sumisikat at nakikinabang sila rito, at naipapakita nila ang kanilang mukha rito, interesadong-interesado sila, at handang tanggapin iyon. Kung ito ay gawaing walang pasasalamat o kinasasangkutan ng pagpapasama ng loob ng mga tao, o hindi sila nito tutulutang maipakita ang kanilang mukha o wala itong pakinabang sa kanilang kasikatan, pakinabang, o katayuan, wala silang interes, at hindi nila iyon tatanggapin, na para bang walang kinalaman sa kanila ang gawaing ito, at hindi ito ang gawaing dapat nilang gawin. Kapag nakakaranas sila ng mga paghihirap, walang pag-asa na hahanapin nila ang katotohanan para lutasin ang mga iyon, lalo na ang magsikap na tingnan ang buong sitwasyon at hindi sila magbibigay ng anumang konsiderasyon sa gawain ng iglesia. Halimbawa, sa saklaw ng gawain ng sambahayan ng Diyos, batay sa kabuuang mga pangangailangan ng gawain, maaaring magkaroon ng ilang paglilipat ng mga tauhan. Kung malipat ang ilang tao mula sa isang iglesia, ano ang makatwirang paraan ng pagtrato ng mga lider ng iglesia sa isyu? Ano ang problema kung ang tanging inaalala nila ay ang mga interes ng sarili nilang iglesia, sa halip na ang mga pangkalahatang interes, at kung hinding-hindi silang handang ilipat ang mga taong iyon? Bakit hindi nila magawa, bilang lider ng iglesia, na magpasakop sa mga sentralisadong pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos? May pagsasaalang-alang ba ang gayong tao sa mga layunin ng Diyos? Alisto ba sila sa kabuuan ng gawain? Kung hindi nila iniisip ang buong gawain ng sambahayan ng Diyos, kundi ang mga interes lamang ng sarili nilang iglesia, hindi ba sila masyadong makasarili at ubod ng sama? Ang mga lider ng iglesia ay dapat magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos nang walang pasubali, at sa sentralisadong mga pagsasaayos at koordinasyon ng sambahayan ng Diyos. Ito ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag kinakailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos, sinuman sila, lahat ay dapat magpasakop sa koordinasyon at mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at hindi talaga dapat kontrolin ng sinumang indibiduwal na lider o manggagawa na para bang pag-aari niya sila o nasasailalim sa kanyang desisyon. Ang pagsunod ng mga hinirang na tao ng Diyos sa sentralisadong mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos ay ganap na natural at may katwiran, at hindi maaaring suwayin ng sinuman ang mga pagsasaayos na ito, maliban kung gumagawa ang isang indibiduwal na lider o manggagawa ng isang arbitraryong paglilipat na hindi alinsunod sa prinsipyo, kung magkagayon ay maaaring suwayin ang pagsasaayos na ito. Kung ang isang normal na paglilipat ay isinasagawa nang ayon sa mga prinsipyo, dapat na sumunod ang lahat ng hinirang na tao ng Diyos, at walang lider o manggagawa ang may karapatan o anumang dahilan para subukang kontrolin ang sinuman. Masasabi ba ninyo na may anumang gawain na hindi gawain ng sambahayan ng Diyos? Mayroon bang anumang gawain na hindi kinasasangkutan ng pagpapalawig ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos? Lahat ng iyon ay gawain ng sambahayan ng Diyos, pantay-pantay ang bawat gawain, at walang “iyo” at “akin.” Kung ang paglilipat ay naaayon sa prinsipyo at batay sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia, dapat magpunta ang mga taong ito kung saan sila higit na kailangan. Magkagayunman, ano ang tugon ng mga anticristo kapag naharap sa ganitong uri ng sitwasyon? Humahanap sila ng iba’t ibang idadahilan at ikakatwiran para mapanatili ang mga naaangkop na taong ito sa kanilang tabi, at dalawang ordinaryong tao lang ang iniaalok nila, at pagkatapos ay nakakahanap sila ng dahilan para mapilitan ka, sa pagsasabing napakaabala ng gawain, o kaya naman ay kulang sila sa tauhan, mahirap makahanap ng mga tao, at kung malipat ang dalawang ito, maaapektuhan ang trabaho. At tatanungin ka nila kung ano ang dapat nilang gawin, at ipaparamdam nila sa iyo na may pagkakautang ka sa kanila kung maglilipat ka ng mga tao. Hindi ba sa ganitong paraan kumikilos ang mga diyablo? Ganito kung gumawa ng mga bagay-bagay ang mga walang pananampalataya. Ang mga taong laging sinisikap na protektahan ang sarili nilang mga interes sa iglesia—mabubuting tao ba sila? Mga tao ba sila na kumikilos ayon sa prinsipyo? Hindi talaga. Sila ay mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya. At hindi ba’t makasarili at ubod ng sama ito? Kung nalipat ang isang taong may mahusay na kakayahan mula sa ilalim ng isang anticristo para gumawa ng isa pang tungkulin, masidhing nilalabanan at tinatanggihan ito ng anticristo sa puso niya—nais niyang tigilan na iyon, at wala siyang gana na maging isang lider o pinuno ng grupo. Anong problema ito? Bakit ayaw niyang sundin ang mga pagsasaayos ng iglesia? Iniisip niya na ang paglilipat sa kanyang “kanang-kamay” ay makakaapekto sa mga resulta at pag-usad ng kanyang gawain, at na maaapektuhan ang kanyang katayuan at reputasyon dahil dito, kaya mapipilitan siyang higit na magtrabaho at magdusa para magarantiya ang mga resulta—na siyang huling bagay na nais niyang gawin. Nasanay na siya sa kaginhawahan, at ayaw niyang magtrabaho at magdusa pa nang husto, kaya nga ayaw niyang pakawalan ang taong iyon. Kung ipinagpipilitan ng sambahayan ng Diyos ang paglilipat, nagrereklamo siya nang husto at gusto pa nga niyang isantabi ang sarili niyang gawain. Hindi ba ito makasarili at ubod ng sama? Ang mga hinirang na tao ng Diyos ay dapat sentralisadong itinatalaga ng sambahayan ng Diyos. Wala itong kinalaman sa sinumang lider, pinuno ng pangkat, o indibiduwal. Lahat ay kailangang kumilos ayon sa prinsipyo; ito ang panuntunan ng sambahayan ng Diyos. Hindi kumikilos ang mga anticristo nang ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, palagi silang nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan at mga interes, at pinagseserbisyo sa kanila ang mga kapatid na may mahuhusay na kakayahan para palakasin ang kanilang kapangyarihan at katayuan. Hindi ba’t makasarili ito at ubod ng sama? Sa panlabas, ang pagpapanatili ng mga taong may mahuhusay na kakayahan sa tabi nila at ang hindi nila pagpayag na ilipat ang mga ito ng sambahayan ng Diyos ay lumilitaw na parang iniisip nila ang gawain ng iglesia, pero ang totoo, iniisip lang nila ang sarili nilang kapangyarihan at katayuan, at hindi talaga ang tungkol sa gawain ng iglesia. Natatakot sila na hindi nila magagawa nang maayos ang gawain, mapapalitan, at mawawala ang kanilang katayuan. Hindi iniintindi ng mga anticristo ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, iniisip lang ang kanilang sariling katayuan, pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan nang walang pag-aalala sa idudulot nito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at dinedepensahan nila ang sarili nilang katayuan at mga interes kahit ikapinsala ng gawain ng iglesia. Makasarili ito at ubod ng sama. Kapag nahaharap sa gayong sitwasyon, dapat mag-isip kahit papaano ang isang tao gamit ang kanyang konsensiya: “Lahat ng taong ito ay kabilang sa sambahayan ng Diyos, hindi ko sila personal na pag-aari. Ako man ay kaanib ng sambahayan ng Diyos. Ano ang karapatan kong pigilan ang sambahayan ng Diyos sa paglilipat ng mga tao? Dapat kong isaalang-alang ang mga pangkalahatang interes ng sambahayan ng Diyos, sa halip na tutukan lamang ang gawain na saklaw ng aking sariling mga responsabilidad.” Ganyan ang kaisipang dapat masumpungan sa mga taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at ang pag-unawa na dapat taglayin ng mga naniniwala sa Diyos. Nakikibahagi ang sambahayan ng Diyos sa pangkabuuang gawain at ang mga iglesia ay nakikibahagi sa mga parte ng gawain. Samakatwid, kapag may espesyal na pangangailangan mula sa iglesia ang sambahayan ng Diyos, ang pinakamahalaga para sa mga lider at manggagawa ay ang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Walang taglay na gayong konsensiya at katwiran ang mga huwad na lider at anticristo. Lahat sila ay sobrang makasarili, iniisip lang nila ang kanilang sarili, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia. Isinasaalang-alang lang nila ang mga pakinabang na nasa harapan mismo nila, hindi nila isinasaalang-alang ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, kaya naman lubos na wala silang kakayahang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Sobra silang makasarili at ubod ng sama! Ang lakas pa nga ng loob nilang maging sagabal, at nangangahas pang tumanggi, sa sambahayan ng Diyos; ito ang mga taong pinakakulang sa pagkatao, masasama silang tao. Ganyang uri ng mga tao ang mga anticristo. Lagi nilang itinuturing ang gawain ng iglesia, at ang mga kapatid, at maging ang lahat ng ari-arian ng sambahayan ng Diyos na nasa saklaw ng kanilang responsabilidad, bilang sarili nilang pribadong pag-aari. Naniniwala sila na sila ang magpapasya kung paano ipamamahagi, ililipat, at gagamitin ang mga bagay na ito, at na hindi pinapayagang makialam ang sambahayan ng Diyos. Kapag nasa mga kamay na nila ang mga ito, parang pag-aari na ang mga ito ni Satanas, walang sinumang pinapayagang hawakan ang mga ito. Sila ang mga bigatin, ang mga pinakaamo, at sinuman ang pumunta sa kanilang teritoryo ay kailangang sumunod sa kanilang mga utos at pagsasaayos nang may mabuting asal at nang masunurin, at makahalata sa kanilang mga ekspresyon. Ito ang pagpapamalas ng pagkamakasarili at ubod ng kasamaan sa karakter ng mga anticristo. Wala silang konsiderasyon sa gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi nila sinusunod ang prinsipyo kahit kaunti, at iniisip lamang ang sarili nilang mga interes at katayuan—na pawang mga tanda ng pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus

Kung ang ibinubunyag mo man ay kayabangan at pagmamatuwid sa sarili o kabuktutan at panlilinlang, pagkamakasarili at pagiging kasuklam-suklam man o pagiging pabasta-basta at pagsisinungaling sa Diyos, dapat mong pagnilayan ang mga tiwaling disposisyong ito hanggang sa malinaw mong makita ang mga ito. Sa ganitong paraan, malalaman mo kung anong mga problema ang umiiral habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, at kung gaano ka kalayo sa pagkamit ng kaligtasan. Kapag malinaw mong nakikita ang sarili mong tiwaling disposisyon, saka mo lang malalaman kung nasaan ang mga paghihirap at hadlang sa paggawa ng iyong tungkulin. Saka mo lang malulutas ang ugat ng mga problema. Halimbawa, sabihin nating hindi ka umaako ng responsabilidad sa paggawa ng iyong tungkulin, sa halip ay palagi kang kumikilos nang pabasta-basta, na nagdudulot ng mga kawalan sa gawain mo, pero inaalala mo ang reputasyon mo, kaya ayaw mong tapat na magbahagi tungkol sa kalagayan at mga paghihirap mo, o magsagawa ng pagsusuri sa sarili at pagkilala sa sarili, sa halip ay palagi kang naghahanap ng mga dahilan para harapin ang mga bagay-bagay nang pabasta-basta. Paano mo dapat lutasin ang problemang ito? Dapat kang manalangin sa Diyos at magnilay-nilay sa sarili mo, sabihin mong: “O Diyos, kung nagsasalita ako nang ganoon, ito ay para lang protektahan ang sarili kong reputasyon. Ang tiwaling disposisyon ko ang gumagana. Hindi ako dapat magsalita nang ganoon. Dapat akong magtapat tungkol sa aking sarili, ilantad ang aking sarili, at sabihin nang malakas ang mga tunay na saloobin ng aking puso. Mas gugustuhin ko pang mapahiya kaysa mabigyang-kasiyahan ang sarili kong banidad. Ang Diyos lamang ang gusto kong mapalugod.” Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng paghihimagsik laban sa iyong sarili at pagsasabi nang malakas sa mga tunay na saloobin ng iyong puso, isinasagawa mo ang pagiging isang matapat na tao, at higit pa rito, hindi ka kumikilos ayon sa sarili mong kalooban o nagpoprotekta sa sarili mong reputasyon. Naisasagawa mo ang mga salita ng Diyos, naisasagawa ang katotohanan ayon sa mga layunin ng Diyos, taimtim na naisasakatuparan ang iyong tungkulin, at ganap na nagagampanan ang iyong mga responsabilidad. Kaya, hindi mo lamang isinasagawa ang katotohanan at ginagawa nang maayos ang iyong tungkulin, itinataguyod mo rin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at nasisiyahan ang puso ng Diyos. Isa itong makatarungan at marangal na paraan ng pamumuhay, karapat-dapat na dalhin sa harap ng Diyos at ng mga tao. Napakaganda nito! Medyo mahirap ang pagsasagawa sa ganitong paraan, pero kung nakatuon sa direksiyong ito ang iyong pagsisikap at pagsasagawa, kung gayon kahit na mabigo ka nang isa o dalawang beses, tiyak na magtatagumpay ka. At ano ang kahulugan sa iyo ng tagumpay? Nangangahulugan ito na kapag isinasagawa mo ang katotohanan, nagagawa mo ang hakbang na ito na nagpapalaya sa iyo mula sa pagkakagapos ni Satanas, isang hakbang na nagbibigay-daan upang maghimagsik ka laban sa iyong sarili. Nangangahulugan ito na maisasantabi mo ang banidad at kabantugan, maititigil mo ang paghahanap sa sariling kapakinabangan, at maititigil mo ang paggawa ng mga makasarili at kasuklam-suklam na bagay. Kapag isinagawa mo ito, ipinakikita mo sa mga tao na ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan, na naghahangad sa katotohanan, isang taong naghahangad ng katarungan at liwanag. Ito ang resultang nakakamit mo sa pagsasagawa ng katotohanan. Kasabay nito, naghahatid ka rin ng kahihiyan kay Satanas. Ginawa kang tiwali ni Satanas, pinagawa nito sa iyo na unahin ang iyong sarili, ginawa ka nitong makasarili, pinagawa nito sa iyong isipin ang sarili mong karangalan. Ngunit ngayon, hindi ka na magagapos nitong mga satanikong bagay na ito, nakalaya ka na sa mga ito, hindi ka na kontrolado ng kapalaluan, karangalan, o ng sarili mong personal na kapakinabangan, at isinasagawa mo ang katotohanan, kaya lubusan nang napahiya si Satanas, at wala na itong magagawa pa. Kung magkagayon, hindi ba’t nagtagumpay ka na? Kung matagumpay ka na, hindi ba’t makakapanindigan ka sa iyong patotoo sa Diyos? Hindi ka ba lumalaban ng mabuting laban? Kapag lumaban ka na ng mabuting laban, mayroon kang kapayapaan at kagalakan, at isang pagkaramdam ng kaalwanan sa iyong puso. Kung ikaw ay madalas na nagpaparatang sa buhay mo, kung ang puso mo ay hindi makasumpong ng kapahingahan, kung ikaw ay walang kapayapaan o kagalakan, at madalas na binabalot ng pag-aalala at pagkabalisa tungkol sa lahat ng uri ng mga bagay, ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita lamang nito na hindi mo isinasagawa ang katotohanan, hindi naninindigan sa iyong patotoo sa Diyos. Kapag namumuhay ka sa gitna ng disposisyon ni Satanas, malamang na ikaw ay mabibigo nang madalas sa pagsasagawa ng katotohanan, ipagkakanulo ang katotohanan, at magiging makasarili at kasuklam-suklam; itinataguyod mo lamang ang iyong imahen, ang iyong reputasyon at katayuan, at ang iyong mga interes. Ang pamumuhay palagi para lamang sa iyong sarili ay nagdadala sa iyo ng malaking pasakit. Dahil napakarami ng iyong mga makasariling pagnanasa, gusot, gapos, pag-aalinlangan, at kinaiinisan kaya wala ka na kahit kaunting kapayapaan o kagalakan. Ang mamuhay para sa tawag ng tiwaling laman ay ang magdusa nang labis-labis. Yaong mga naghahangad sa katotohanan ay naiiba. Habang mas nauunawaan nila ang katotohanan, mas nagiging matiwasay at malaya sila; habang mas isinasagawa nila ang katotohanan, mas nagkakaroon sila ng kapayapaan at kagalakan. Kapag nakamit nila ang katotohanan, ganap silang mamumuhay sa liwanag, magtatamasa ng mga pagpapala ng Diyos, at hindi magkakaroon ng anumang pasakit.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin

Kapag may nangyayari sa iyo, dapat mong hanapin ang katotohanan at isagawa ang katotohanan. Kung, sa mga oras na kailangan mong isagawa ang katotohanan, lagi kang may makasariling puso at hindi mo mabitiwan ang iyong pansariling interes, hindi mo maisasagawa ang katotohanan. Kung hindi mo kailanman hinanap o isinagawa ang katotohanan sa alinmang sitwasyon, hindi ka isang tao na nagmamahal sa katotohanan. Kahit gaano karaming taon ka nang nananalig sa Diyos, hindi mo makakamit ang katotohanan. Ang ilang tao ay palaging hinahangad ang kasikatan, pakinabang, at pansariling interes. Anumang gawain ang isinasaayos ng iglesia para sa kanila, lagi silang nag-iisip nang mabuti, “Makikinabang ba ako rito? Kung oo, gagawin ko ito; kung hindi, hindi ko ito gagawin.” Ang ganitong tao ay hindi nagsasagawa ng katotohanan—kaya magagampanan ba niya nang maayos ang kanyang tungkulin? Hinding-hindi. Kahit na hindi ka gumagawa ng masama, hindi ka pa rin isang taong nagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi minamahal ang mga positibong bagay, at anumang mangyari sa iyo, inaalala mo lang ang sarili mong reputasyon at katayuan, ang iyong pansariling interes, at kung ano ang nakabubuti para sa iyo, kung gayon ay isa kang tao na pansariling interes lang ang motibasyon, at isang makasarili at walang dangal. Ang ganitong tao ay nananalig sa Diyos para makapagkamit ng isang bagay na maganda o kapaki-pakinabang sa kanya, hindi para matamo ang katotohanan o ang pagliligtas ng Diyos. Samakatuwid, ang ganitong mga tao ay mga hindi mananampalataya. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay iyong mga kayang hanapin at isagawa ang katotohanan, dahil nakikilala nila sa kanilang mga puso na si Cristo ang katotohanan, at na dapat silang makinig sa mga salita ng Diyos at manalig sa Diyos gaya ng Kanyang hinihingi. Kung nais mong isagawa ang katotohanan kapag may nangyayari sa iyo, ngunit iniisip mo ang sarili mong reputasyon at katayuan, at isinasaalang-alang ang iyong kahihiyan, kung gayon ay magiging mahirap na isagawa ito. Sa sitwasyong gaya nito, sa pamamagitan ng pagdarasal, paghahanap, at pagninilay-nilay sa kanilang sarili at pagkakaroon ng kamalayan sa sarili, yaong mga nagmamahal sa katotohanan ay mabibitiwan kung ano ang kanilang pansariling interes o nakabubuti para sa kanila, maisasagawa ang katotohanan, at makapagpasakop sa Diyos. Ang gayong mga tao ang mga tunay na nananalig sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan. At ano ang kinahihinatnan kapag laging iniisip ng mga tao ang sarili nilang interes, kapag lagi nilang sinusubukang protektahan ang kanilang sariling karangalan at banidad, kapag nagpapakita sila ng isang tiwaling disposisyon pero hindi naman nila hinahanap ang katotohanan para ayusin ito? Ito ay dahil sa wala silang buhay pagpasok, ito ay dahil wala silang mga tunay na patotoo batay sa karanasan. At delikado ito, hindi ba? Kung hindi mo kailanman isinasagawa ang katotohanan, kung wala kang mga patotoo batay sa karanasan, pagdating ng panahon ay mabubunyag at matitiwalag ka. Ano ang silbi ng mga taong walang mga patotoong batay sa karanasan sa sambahayan ng Diyos? Nakatakda silang hindi magawa nang maayos ang anumang tungkulin at hindi makayang gawin nang maayos ang anumang bagay. Hindi ba’t basura lang sila? Kung hindi kailanman isinasagawa ng mga tao ang katotohanan matapos ang maraming taong pananalig sa Diyos, sila ay mga hindi mananampalataya; sila ay masasamang tao. Kung hindi mo kailanman isinagawa ang katotohanan, at kung lalo pang dumarami ang mga paglabag mo, nakatakda na ang kalalabasan mo. Makikita nang malinaw na ang lahat ng iyong paglabag, ang maling landas na tinatahak mo, at ang pagtanggi mong magsisi—ang lahat ng ito ay dumadagdag sa sangkaterbang masasamang gawa; kaya naman ang kalalabasan mo ay ang mapupunta ka sa impiyerno—mapaparusahan ka.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Para sa lahat ng gumaganap ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan para isagawa ang pagpasok sa katotohanang realidad ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang kanilang mga makasariling hangarin, mga personal na layunin, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumaganap ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon pagganap ng kanyang tungkulin. Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali ito nang kaunti kapag hinahati ninyo ito sa dalawang hakbang at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito sa maikling panahon, madarama mo na hindi naman pala mahirap na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsabilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at ang iyong tungkulin, at isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, layon, at motibo; dapat kang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, at hindi pagiging isang hamak at kasuklam-suklam na tao; pamumuhay ito nang makatarungan at marangal sa halip na pagiging kasuklam-suklam, hamak, at walang silbi. Madarama mo na ganito dapat kumilos ang isang tao at ito ang wangis na dapat niyang isabuhay. Unti-unti, mababawasan ang hangarin mong bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon

Malulutas man o hindi ang mga tiwaling disposisyon ng pagkamakasarili, pagiging kasuklam-suklam, panlilinlang, at kasinungalingan ng mga tao ay nakadepende sa kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan o hindi. Lahat ng mga kayang tumanggap ng katotohanan ay napopoot sa kanilang mga tiwaling disposisyon, kinasusuklaman nila ang pagkamakasarili at pagiging kasuklam-suklam, at ang kanilang panlilinlang at kasinungalingan. Ayaw nilang hayaan ang mga bagay na ito na dumihan o hadlangan sila. Hangga’t natutuklasan ng mga nagmamahal sa katotohanan ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon, magiging madali para sa kanila na isantabi ang negatibong basura at duming ito. Yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay itinuturing ang mga negatibong bagay na ito bilang kayamanan. Masyado nilang mahal ang kanilang sariling pakinabang, ayaw nilang maghimagsik laban sa laman, at masyado silang mapagmatigas. Dahil dito, hindi nila kailanman nauunawaan kung ano ang mga layunin ng Diyos, ni hindi sila nakakapagpasakop sa Kanya. Dahil hindi mahal o tanggap ng mga tao ang katotohanan, nananalig sila sa Diyos sa loob ng maraming taon nang may magulong pag-iisip. Kapag dumarating ang panahon na kailangan nilang magpatotoo, nauumid ang kanilang dila, at hindi sila makapagsalita ng kahit ano. Maraming taon nang nakikinig ang mga tao sa mga sermon tungkol sa katotohanan, at palaging ipinaaalam sa kanila ang disposisyon ng Diyos, kaya ang mga naghahangad sa katotohanan ay dapat naunawaan na ito, pero yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi handang buksan ang kanilang sarili sa harap ng Diyos. Ayaw isuko ng puso nila ang mga kagustuhan ng laman, kaya hindi sila naglalakas-loob na bastang buksan ang kanilang sarili sa Diyos. Nais lamang nilang malayang tamasahin ang biyayang ibinibigay ng Diyos sa mga tao, pero ayaw nilang isagawa ang katotohanan para palugurin ang Diyos. Sabi ng Diyos: “Kung gusto mong makamtan ang Aking biyaya, kung nais mong makamit ang mga katotohanang ito, mayroon lamang isang kondisyon—dapat mong isuko ang sarili mong pakinabang, at ibigay sa Akin ang iyong tapat na puso.” Hindi kayang tugunan ng mga tao kahit ang isang kondisyong ito, gayunpaman, gusto pa rin nilang hingin ang biyaya ng Diyos, humingi ng kapayapaan at kagalakan, at gusto nilang makamit ang katotohanan; pero ayaw nilang ibigay ang kanilang tapat na puso sa Diyos, kaya anong uri sila ng mga tao? Hindi ba’t kauri sila ni Satanas? Magagawa ba nila ang dalawa nang sabay? Sa totoo lang, hindi nila magagawa. Nauunawaan mo man o hindi ang mga layunin ng Diyos, palaging hayagang ipinaaalam sa mga tao ang Kanyang disposisyon. Kung hindi kailanman tinatanggap ng isang tao ang katotohanan, o kung nauunawaan niya ang katotohanan nang hindi ito isinasagawa, ito ay dahil masyado siyang mapagmatigas at hindi niya ibinigay ang puso niya sa Diyos. Kaya, hinding-hindi niya makakamit ang katotohanan, ni hindi niya malalaman ang disposisyon ng Diyos. Hindi ito dahil hindi patas ang pakikitungo ng Diyos sa mga tao. Madalas na binabanggit ng mga tao ang sinabi ng Diyos na: “Mabuti ang Diyos sa kung kanino man Niya gusto,” pero hindi nila naiintindihan ang kahulugan ng pariralang ito. Sa kabaligtaran, hindi nila nauunawaan ang Diyos. Iniisip nila na nagmumula ang biyaya sa Diyos, na ibinibigay Niya ito sa kung kanino Niya naisin, at na Siya ay mabuti sa kung kanino Niya nais. Totoo ba ito? Hindi ba’t mga kuru-kuro at imahinasyon ito ng tao? Tinatrato ng Diyos ang mga tao batay sa kanilang diwa. Kapag nagagawang isaalang-alang ng mga tao ang mga layunin ng Diyos at tanggapin ang katotohanan, sila ay pinagpapala ng Diyos. Kung hindi tinatanggap ng mga tao ang katotohanan at nilalabanan nila ang Diyos, magiging iba ang resulta.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan

Ano ang nakikita ng Diyos kapag tinitingnan Niya ang mga tao? Nakikita Niya ang kanilang puso. Lahat ng sinasabi at ginagawa ng mga tao ay kontrolado ng kanilang puso. Kung matapat ang puso mo, magkakaroon ka ng mabuting pagkatao. Unti-unti mong mauunawaan ang katotohanan, medyo matutugunan mo ang mga hinihingi ng Diyos, at magagawa mong magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Kung masyadong mapanlinlang ang puso mo, sarado, at matigas, kung makasarili ka, walang mabuting pagkatao, at palaging naiipit sa mga kuru-kuro, ipinagpapalagay kung paano dapat kumilos ang Diyos, kung hindi mo nauunawaan ang Diyos at hindi kailanman naaarok ang Kanyang mga layunin kapag nahaharap ka sa isang bagay na hindi akma sa mga kuru-kuro mo, makakamit mo ba ang katotohanan? Hindi mo makakamit ito. Sa huli, kapag hindi mo makamit ang katotohanan, sisisihin mo ba ang sarili mo, sisisihin ang iba, o magrereklamo sa Diyos, sasabihin mo bang hindi patas ang Diyos? (Sisisihin namin ang aming sarili.) Tama, sisisihin mo ang sarili mo. Kaya ano ang dapat gawin ng isang taong tulad nito para makamit ang katotohanan? Dapat niyang hanapin ang katotohanan at isagawa ito, at dapat siyang kumilos at magsagawa sa mga partikular na paraan. Kung nakakaunawa siya nang hindi nagsasagawa, hindi pa rin niya makakamit ang katotohanan. Kapag nakikitaan ka ng pagkamakasarili at mga pagpapakana para sa sarili mong pakinabang, at natatanto mo iyon, dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Ang unang bagay na dapat mong mabatid ay na sa diwa, ang pagkilos sa ganitong paraan ay isang paglabag sa mga katotohanang prinsipyo, nakakapinsala ito sa gawain ng iglesia, ito ay makasarili at kasuklam-suklam na pag-uugali, hindi ito ang nararapat gawin ng mga tao na may konsiyensiya at katwiran. Dapat mong isantabi ang sarili mong mga interes at pagkamakasarili, at dapat mong isipin ang gawain ng iglesia—ito ay naaayon sa mga layunin ng Diyos. Matapos magdasal at pagnilayan ang iyong sarili, kung tunay mong natatanto na ang pagkilos nang gayon ay makasarili at kasuklam-suklam, magiging madali nang isantabi ang sarili mong pagkamakasarili. Kapag isinantabi mo ang iyong pagkamakasarili at mga pagpapakana para sa pakinabang, magiging matatag ka, magiging payapa, masaya, at madarama mo na dapat isipin ng taong may konsiyensiya at katwiran ang gawain ng iglesia, na hindi siya dapat matutok sa personal niyang mga interes, na siyang magiging napakamakasarili, kasuklam-suklam, at walang konsiyensiya o katwiran. Ang hindi makasariling pagkilos, pag-iisip sa gawain ng iglesia, at paggawa lamang ng mga bagay-bagay na nakalulugod sa Diyos ang makatarungan at marangal, at magbibigay ng saysay sa iyong pag-iral. Sa pamumuhay nang ganito sa lupa, nagiging bukas ka at matapat, namumuhay ka nang may normal na pagkatao, at may tunay na wangis ng tao, at hindi lang malinis ang iyong konsiyensiya, kundi karapat-dapat ka rin sa lahat ng bagay na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Habang lalo kang namumuhay nang ganito, lalo kang magiging matatag, lalo kang magiging payapa at masaya, at lalo kang sisigla. Sa gayon, hindi ba’t makakatapak ka na sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos?

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagbibigay ng Isang Tao ng Puso Niya sa Diyos, Makakamit Niya ang Katotohanan

Kaugnay na mga Video

Paghuhubad ng Maskara

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Mga Aral na Natutuhan Mula sa Paglalaan ng mga Iglesia

Isang Kahihiyan Mula sa Aking Nakaraan

Sinundan: 14. Paano lutasin ang problema ng pagiging pabasta-basta

Sumunod: 16. Paano lutasin ang problema ng pagsisinungaling at panlilinlang

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 16: Sabi n’yo ang Makapangyarihang Diyos ang pagpapakita ng Diyos sa mga huling araw, at ang tunay na daan. Sinasabi n’yo rin na ang Diyos ang lumikha sa mundong ito, at naghahari sa kung anong nangyayari sa daigdig, na ang gawain ng Diyos ang gumabay at nagligtas sa sangkatauhan. Ano ang basehan n’yo para patotohanan ang mga sinasabi n’yo? Kaming mga taga-Partido Komunista ay pawang mga ateista, at hindi kumikilala sa pag-iral ng Diyos o sa paghahari Niya sa lahat. Lalong hindi namin kinikilala ang sinasabi n’yong pagpapakita at gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang Jesus na pinaniniwalaan ng Kristiyanismo ay malinaw na isang tao. May mga magulang Siya, at may mga kapatid. Ganunpaman, ang Kristiyanismo ay malinaw na nag-uutos na kilalanin Siyang Cristo, at sambahin bilang Diyos. Talagang hindi ito kapani-paniwala. Kagaya lang ni Jesus ang Makapangyarihang Diyos na pinaniniwalaan N’yo, malinaw na isa lang s’yang ordinaryong tao. Kaya bakit kailangan ninyong ipilit na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao? Bakit kailangan n’yong patotohanan na Siya ang Cristong Tagapagligtas ng mga huling araw na naging tao? Talagang kalokohan at kabaliwan ito hindi ba? Hindi totoo na mayroong Diyos sa mundong ito. Lalong hindi totoo na may umiiral na Diyos bilang Diyos na nagkatawang-tao. Buong tapang ninyong sinasabing ang isang ordinaryong tao ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Ano ang basehan ng sinasabi n’yong ito? Maipahahayag n’yo ba ang mga saligan, at basehan ng inyong paniniwala?

Sagot: Espiritu ang Diyos. Hindi Siya nakikita o nahahawakan ng tao. Pero maraming ginagawa ang Espiritu ng Diyos, at nagsasabi ng mga...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito