3. Paano danasin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ang buong buhay ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at wala ni isang tao ang kayang mag-isang palayain ang kanyang sarili mula sa impluwensiya ni Satanas. Lahat ay nabubuhay sa isang maruming sanlibutan, sa katiwalian at kahungkagan, wala ni katiting mang kahulugan o kahalagahan, namumuhay sila nang walang inaalala, para sa laman, para sa pagnanasa, at para kay Satanas. Walang kahit katiting mang halaga sa kanilang pag-iral. Hindi kaya ng tao na hanapin ang katotohanang magpapalaya sa kanya mula sa impluwensiya ni Satanas. Kahit na naniniwala ang tao sa Diyos at nagbabasa ng Bibliya, hindi niya nauunawaan kung paano siya makalalaya mula sa pagkontrol ng impluwensiya ni Satanas. Sa mga nakalipas na mga kapanahunan, iilang tao lang ang nakatuklas ng lihim na ito, iilan lang ang nakaunawa rito. Sa gayon, bagaman kinamumuhian ng tao si Satanas, at kinamumuhian ang laman, hindi niya alam kung paano alisin sa sarili niya sa masamang impluwensiya ni Satanas. Ngayon, hindi ba’t nasa ilalim pa rin kayo ng kapangyarihan ni Satanas? Hindi ninyo pinagsisisihan ang inyong mga ginawang paghihimagsik, at lalong hindi ninyo nararamdaman na kayo ay marumi at mapaghimagsik. Pagkatapos na salungatin ang Diyos, mayroon pa rin kayong kapayapaan ng isipan at nakadarama ng lubhang katahimikan. Ang katahimikan mo ba ay hindi dahil sa ikaw ay tiwali? Ang kapayapaan bang ito ng iyong isipan ay hindi nagmumula sa iyong paghihimagsik? Ang tao ay nabubuhay sa isang pantaong impiyerno, nabubuhay siya sa madilim na impluwensya ni Satanas; sa buong lupa, ang mga multo ay naninirahan kasama ng tao, nanghihimasok sa laman ng tao. Sa lupa, hindi ka nabubuhay sa isang magandang paraiso. Ang dako na kinaroroonan mo ay ang kinasasaklawan ng mga diyablo, isang pantaong impiyerno, isang daigdig ng mga patay. Kung ang tao ay hindi nalilinis, siya ay sa karumihan; kung hindi siya iniingatan at kinakalinga ng Diyos, kung gayon siya ay nananatili pang bihag ni Satanas; kung hindi siya hinahatulan at kinakastigo, kung gayon hindi siya magkakaroon ng daan upang makalaya sa paniniil ng madilim na impluwensiya ni Satanas. Ang tiwaling disposisyon na iyong ipinakikita at ang mapaghimagsik na pag-uugali na iyong isinasabuhay ay sapat upang patunayang ikaw ay namumuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kung ang iyong isipan at mga iniisip ay hindi nalinis, at ang iyong disposisyon ay hindi pa nahatulan at nakastigo, kung gayon ang iyong buong pagkatao ay kontrolado pa rin ng kapangyarihan ni Satanas, ang iyong isipan ay kontrolado ni Satanas, ang iyong mga iniisip ay manipulado ni Satanas, at ang buong pagkatao mo ay kontrolado ng mga kamay ni Satanas. … Kung gusto mo na magawang perpekto, kung gayon ay dapat mong maunawaan ang gawain ng Diyos. Sa partikular, dapat mong maunawaan ang kabuluhan ng Kanyang pagkastigo at paghatol, at bakit ang gawaing ito ay isinasagawa sa tao. Kaya mo bang tanggapin ang gawaing ito? Sa panahon ng ganitong uri ng pagkastigo, kaya mo bang makamit ang mga karanasan at kaalaman na kapareho ng kay Pedro? Kung naghahangad ka ng kaalaman sa Diyos at sa gawain ng Banal na Espiritu, at kung naghahangad kang magkaroon ng mga pagbabago sa iyong disposisyon, kung gayon mayroon kang pagkakataon na magawang perpekto.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Ngayon ay hinahatulan ka ng Diyos, kinakastigo ka, at kinokondena ka, ngunit kailangan mong malaman na ang punto ng pagkondena sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay nagkokondena, nagsusumpa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, bukod pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga kinakailangan sa Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal, nagliligtas, humahatol, at kumakastigo sa tao. Kung alam mo lamang na mababa ang iyong katayuan, na ikaw ay tiwali at mapaghimagsik, ngunit hindi mo alam na ninanais ng Diyos na gawing malinaw ang Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo na Kanyang ginagawa sa iyo ngayon, wala kang paraan para makaranas ng mga bagay, lalong wala kang kakayahang patuloy na sumulong. Ang Diyos ay hindi naparito upang pumatay o manira, kundi upang humatol, sumumpa, kumastigo, at magligtas. Hanggang sa matapos ang Kanyang 6,000 taong plano ng pamamahala—bago Niya ihayag ang kalalabasan ng bawat kategorya ng tao—ang gawain ng Diyos sa lupa ay para sa pagliligtas, ang layunin nito ay para lamang gawing ganap—nang lubusan—yaong mga nagmamahal sa Kanya at mapasailalim sila sa Kanyang kapamahalaan. Paano man inililigtas ng Diyos ang mga tao, ginagawang lahat iyon sa pamamagitan ng paghiwalay sa kanila sa dati nilang satanikong kalikasan; ibig sabihin, inililigtas Niya sila sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na hangarin ang buhay. Kung hindi nila gagawin iyon, walang paraan upang matanggap nila ang pagliligtas ng Diyos. Ang pagliligtas ay ang gawain ng Diyos Mismo, at ang paghahangad sa buhay ay isang bagay na kailangang gawin ng tao upang tumanggap ng kaligtasan. Sa mga mata ng tao, ang kaligtasan ay ang pag-ibig ng Diyos, at ang pag-ibig ng Diyos ay hindi maaaring maging pagkastigo, paghatol, at mga pagsumpa; ang pagliligtas ay kailangang naglalaman ng awa, mapagmahal na kabaitan, at, bukod pa rito, ng mga salita ng kaginhawahan, gayundin ng walang-hanggang mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos. Naniniwala ang mga tao na kapag inililigtas ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon sa pamamagitan ng pag-antig sa kanila gamit ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, para maibigay nila ang kanilang puso sa Diyos. Ibig sabihin, ang Kanyang pag-antig sa tao ay pagliligtas Niya sa kanila. Ang ganitong uri ng pagliligtas ay ginagawa sa pamamagitan ng pakikipagkasundo. Kapag pinagkalooban sila ng Diyos ng isandaang beses, saka pa lamang magpapasailalim ang tao sa pangalan ng Diyos at magsisikap na gumawa ng mabuti para sa Kanya at maghatid sa Kanya ng kaluwalhatian. Hindi ito ang layon ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang Diyos ay naparito para gumawa sa lupa upang iligtas ang tiwaling sangkatauhan; walang kasinungalingan dito. Kung mayroon, tiyak na hindi sana Siya naparito upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dati-rati, ang Kanyang paraan ng pagliligtas ay may kasamang pagpapakita ng sukdulang awa at mapagmahal na kabaitan, kaya ibinigay Niya ang lahat Niya kay Satanas kapalit ng buong sangkatauhan. Ang kasalukuyan ay hindi kagaya ng nakaraan: Ang kaligtasang ipinagkaloob sa inyo ngayon ay nangyayari sa panahon ng mga huling araw, kung kailan ibinubukod ang bawat isa ayon sa uri; ang paraan ng inyong kaligtasan ay hindi awa o mapagmahal na kabaitan, kundi pagkastigo at paghatol, upang ang tao ay maaaring mas lubusang maligtas. Sa gayon, ang natatanggap lamang ninyo ay pagkastigo, paghatol, at walang-awang paghampas, ngunit dapat ninyong malaman ito: Sa walang-pusong paghampas na ito wala ni kakatiting na kaparusahan. Gaano man kabagsik ang Aking mga salita, ang sumasapit sa inyo ay iilang salita lamang na maaaring magmukhang lubos na walang puso sa inyo, at gaano man katindi ang Aking galit, ang dumarating sa inyo ay mga salita pa rin ng pagsaway, at hindi Ko layon na saktan kayo o patayin kayo. Hindi ba totoo ang lahat ng ito? Dapat ninyong malaman na sa panahong ito, matuwid na paghatol man o walang-pusong pagpipino at pagkastigo, lahat ay para sa kapakanan ng kaligtasan. Ikinaklasipika man ngayon ang bawat tao batay sa uri o mabubunyag man ang lahat ng uri ng tao, ang layunin ng lahat ng salita at gawain ng Diyos ay upang iligtas yaong mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Ang matuwid na paghatol ay pinasasapit upang dalisayin ang tao, at ang walang-pusong pagpipino ay ginagawa upang linisin sila; ang masasakit na salita o pagkastigo ay kapwa ginagawa upang magpadalisay at alang-alang sa kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao
Kung nais mong malinis sa katiwalian mo at dumanas ng pagbabago sa disposisyon mo sa buhay, kailangan mong magkaroon ng pagmamahal sa katotohanan at kakayahang tanggapin ang katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang katotohanan? Ang pagtanggap sa katotohanan ay nangangahulugan na anumang uri ng tiwaling disposisyon ang mayroon ka, o alinman sa mga lason ng malaking pulang dragon—mga lason ni Satanas—ang nasa iyong kalikasan, kapag inilantad ng mga salita ng Diyos ang mga bagay na ito, dapat mong aminin ang mga ito at magpasakop ka, hindi ka maaaring gumawa ng ibang pagpili, at dapat mong kilalanin ang iyong sarili ayon sa mga salita ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay magawang tanggapin ang mga salita ng Diyos at tanggapin ang katotohanan. Anuman ang sabihin ng Diyos, gaano man kabigat ang mga pagbigkas Niya, at anumang mga salita ang ginagamit Niya, matatanggap mo ang mga ito basta’t katotohanan ang sinasabi Niya, at kaya mong kilalanin ang mga ito basta’t umaayon ang mga ito sa realidad. Kaya mong magpasakop sa mga salita ng Diyos gaano kalalim mo man nauunawaan ang mga ito, at tinatanggap mo at nagpapasakop ka sa liwanag na ibinubunyag ng Banal na Espiritu at ibinabahagi ng iyong mga kapatid. Kapag umabot na sa isang partikular na punto ang paghahangad sa katotohanan ng gayong tao, maaari niyang matamo ang katotohanan at makamtan ang pagbabago ng kanyang disposisyon. Kahit pa medyo may pagkatao ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan, kayang gumawa ng ilang mabubuting gawa, at kayang tumalikod at gumugol para sa Diyos, nalilito sila tungkol sa katotohanan at hindi ito sineseryoso, kaya hindi nagbabago kailanman ang disposisyon nila sa buhay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao
Habang nararanasan mo ang gawain ng Diyos, dapat mo munang tanggapin ang mga salita Niya na naglalantad ng kalikasang diwa ng tao. Kung nagagawa mong makita nang malinaw ang tiwaling disposisyon ng mga tao at ang katotohanan ng kanilang katiwalian, at kung tunay mong nakikilala ang iyong sarili, hindi ba’t ito ang daan pasulong para magtamo ka ng kaligtasan? Napakahalaga ng paraan ng kung paano mo hinaharap ang mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa tao. Una sa lahat, dapat mong pag-isipan nang malalim at unawain ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa kalikasan ng tao; kung nakikita mo nang malinaw na ang inilantad ng Diyos ay ganap na alinsunod sa totoo mong kalagayan, aanihin mo ang bunga. Ang ilang tao, matapos nilang basahin ang mga salita ng Diyos, ay laging ikinukumpara ang kanilang sarili sa iba; lagi nilang iniisip na ang iba ang pinatatamaan ng mga ito, at na ang mga salitang sinabi ng Diyos ay walang kinalaman sa kanila, gaano man kahigpit ang mga ito. Problema ito—hindi tinatanggap ng ganitong uri ng tao ang katotohanan. Kung gayon, paano mo ba dapat harapin ang mga salita ng Diyos? Tuwing nagbabasa ka ng alinman sa mga salita ng Diyos, dapat mong ikumpara ang mga ito sa iyong sarili, ikumpara mo ang mga ito sa sarili mong kalagayan, sa sarili mong mga kaisipan at pananaw, at ikumpara ang mga ito sa sarili mong pag-uugali. Kung talagang maikukumpara ka sa mga ito at hinahanap mo ang katotohanan para lutasin ang sarili mong mga problema, kung gayon, aanihin mo ang bunga. Pagkatapos ay dapat mong gamitin ang realidad ng katotohanang nauunawaan mo para puntahan at tulungan ang iba; tulungan silang maunawaan ang katotohanan at lutasin ang mga problema, tulungan silang lumapit sa Diyos, at tanggapin ang Kanyang mga salita at ang katotohanan. Nagpapakita ito ng pagmamahal para sa iba, at maaari kang umani mula rito; kapaki-pakinabang ito sa iyo at sa iba, isang dobleng ani. Kapag ganito ka kumilos, magiging kapaki-pakinabang kang tao sa loob ng sambahayan ng Diyos; kung taglay mo ang gayong katotohanang realidad, magagawa mong magpatotoo sa Diyos. Hindi ba’t makukuha mo ang pagsang-ayon ng Diyos kung gayon? Dapat mong gamitin ang ganoon ding mga pamamaraan para tanggapin at magpasakop sa nalalabing mga salita kung saan inilantad ng Diyos ang mga tao, at pagkatapos ay susuriin mong mabuti ang iyong sarili at kikilalanin ang iyong sarili. Alam mo ba kung paano ikumpara ang iyong sarili sa ganitong paraan? (Medyo.) Kung sasabihin ng Diyos na ikaw si Satanas, na ikaw ay isang diyablo, na mayroon kang tiwaling disposisyon, at na nilalabanan mo Siya, baka maikukumpara mo ang sarili mo sa mas malalaking bagay na ito; pero kapag tinutukoy ng Kanyang mga salita ang iba pang partikular na kalagayan at pagpapamalas para tiyakin kung anong uri kang tao, hindi mo maikukumpara ang mga ito sa sarili mo, at hindi mo matatanggap ang mga ito—napakalaking problema nito. Ano ang ibig sabihin nito? (Ibig sabihin nito ay hindi namin tunay na kilala ang aming sarili.) Hindi mo tunay na kilala ang iyong sarili, at hindi mo tinatanggap ang katotohanan, hindi ba’t ganoon ang kaso? (Ganoon nga.) Kailangang unti-unting maunawaan ng mga tao ang mga salitang ginagamit ng Diyos para ilantad ang mga tao, gaya ng “mga uod,” “maruming demonyo,” “walang kakwenta-kwenta,” “basura,” at “walang silbi.” Ang layon ba ng Diyos sa paglalantad sa mga tao ay para kondenahin sila? (Hindi.) Kung gayon, ano ito? (Para makilala ng mga tao ang kanilang sarili, at para maiwaksi ang kanilang katiwalian.) Tama iyon. Ang layon ng Diyos sa paglalantad ng mga bagay na ito ay para tulutan kang makilala mo ang iyong sarili, para matamo ang katotohanan habang ginagawa mo ito, at para maunawaan ang Kanyang mga layunin. Kung inilalantad ka ng Diyos bilang isang uod, bilang isang mababang-uring tao, bilang walang silbi, paano ka dapat magsagawa? Maaaring sasabihin mo na, “Sinasabi ng Diyos na isa akong uod, kaya magiging uod ako. Sinasabi ng Diyos na wala akong silbi, kaya magiging walang silbi ako. Sinasabi ng Diyos na wala akong kakwenta-kwenta, kaya magiging walang kakwenta-kwentang basura ako. Sinasabi ng Diyos na isa akong maruming demonyo, na ako si Satanas, kaya magiging maruming demonyo ako, magiging Satanas ako.” Ito ba ang paraan para matamo ang katotohanan? (Hindi.) Ang layon ng Diyos sa pagsasabi ng mga salitang ito, ang pinakalayon Niya sa lahat ng Kanyang paghatol, pagkastigo, at paglalantad, ay para tulutan ang mga tao na maunawaan ang Kanyang mga layunin, para tahakin ang landas ng pagsasagawa ng katotohanan, ng pagkilala sa Diyos, at pagpapasakop sa Kanya. Kung laging may maling pagkaunawa ang mga tao sa Diyos habang tinatahak nila ang landas na ito, kung madalas na hindi nila ganap na matanggap ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at kung masyadong matindi ang kanilang paghihimagsik, ano ang maaari nilang gawin? Dapat madalas kang lumapit sa harap ng Diyos, tanggapin ang Kanyang masusing pagsisiyasat, tulutan Siyang gabayan ka sa paulit-ulit na mga pagsubok at pagpipino, at tulutan Siyang magsaayos ng mga sitwasyon para linisin ka. Napakalalim ng katiwalian ng mga tao, kailangan nila ang Diyos para linisin sila! Kung walang lakas ng loob ang mga tao na gawin ito, kung lagi silang nagpapasasa sa kaginhawahan, kung laging magulo ang isip nila, at kung hindi man lang nila hinahanap ang katotohanan, kung gayon, napakaliit ng pag-asa nilang matamo ang katotohanan. May maraming praktikal na pagpapamalas ng masusing pagsisiyasat ng Diyos sa kaibuturan ng puso ng mga tao, na makikita sa maraming bagay ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao na inilalantad ng Diyos. Tanging ang Diyos ang nakakakita ng mga bagay na ito sa loob ng kalikasang diwa ng tao. Kaya, kung hindi ka nakikinig sa mga salita ng Diyos, hindi namumuhay sa paraang sinabi sa iyo ng Diyos, at hindi ka nananampalataya sa Kanya o hindi mo ginagawa ang iyong tungkulin sa paraang sinabi Niya sa iyo, hinding-hindi mo matatahak ang landas ng pagtugon sa mga layunin ng Diyos; hinding-hindi mo matatahak ang tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at magiging napakahirap para sa iyo na matamo ang kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay
Kapag tumatanggap ng paghatol ng mga salita ng Diyos, huwag matakot na magdusa o masaktan, at bukod pa riyan, huwag matakot na tatagos ang mga salita ng Diyos sa puso ninyo at ilalantad ang mga pangit ninyong kalagayan. Kapaki-pakinabang na pagdusahan ang mga bagay na ito. Kung naniniwala kayo sa Diyos, dapat ninyong basahin ang higit pa sa mga salita ng Diyos na humahatol at kumakastigo sa mga tao, lalo na iyong mga naglalantad sa diwa ng katiwalian ng sangkatauhan. Dapat ninyong higit na ihambing ang mga iyon sa inyong praktikal na kalagayan, at dapat ninyong higit na iugnay ang mga iyon sa inyong sarili at hindi gaanong iangkop ang iba. Ang mga uri ng kalagayang inilalantad ng Diyos ay umiiral sa bawat tao, at maaaring matagpuan ang lahat ng iyon sa inyo. Kung hindi ka naniniwala rito, subukan mong danasin iyon. Habang lalo kang dumaranas, lalo mong makikilala ang iyong sarili, at lalo mong madarama na tumpak na tumpak ang mga salita ng Diyos. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, walang kakayahan ang ilang tao na iugnay ang mga iyon sa kanilang sarili; akala nila ay hindi tungkol sa kanila ang mga bahagi ng mga salitang ito, kundi sa halip ay tungkol sa ibang mga tao. Halimbawa, kapag inilalantad ng Diyos ang mga tao bilang masasamang babae at mga kalapating mababa ang lipad, nadarama ng ilang kapatirang babae na dahil naging tapat na tapat sila sa kanilang asawa, malamang na hindi tumutukoy sa kanila ang gayong mga salita; nadarama ng ilang kapatid na babae na dahil wala silang asawa at hindi pa nakipagtalik kailanman, malamang na hindi rin tungkol sa kanila ang gayong mga salita. Nadarama ng ilang kapatid na lalaki na para lamang sa mga babae ang mga salitang ito, at walang kinalaman sa kanila; naniniwala ang ilang tao na masyadong matindi ang mga salita ng paglalantad ng Diyos, na hindi umaayon ang mga iyon sa realidad, kaya ayaw nilang tanggapin ang mga iyon. Mayroon pang mga taong nagsasabi na sa ilang pagkakataon, hindi tumpak ang mga salita ng Diyos. Ito ba ang tamang saloobin sa mga salita ng Diyos? Malinaw na mali ito. Tinitingnan ng lahat ng tao ang kanilang sarili batay sa kanilang panlabas na mga pag-uugali. Wala silang kakayahang pagnilayan ang kanilang mga sarili, at makilala ang kanilang tiwaling diwa, sa gitna ng mga salita ng Diyos. Dito, ang “masasamang babae” at “mga bayarang babae” ay tumutukoy sa diwa ng katiwalian, sa karumihan, at kawalan ng delikadesa ng sangkatauhan. Lalaki man o babae, may-asawa o wala, lahat ay mayroong mga tiwaling saloobin ng kawalan ng delikadesa—kaya paano ito mawawalan ng kinalaman sa iyo? Inilalantad ng mga salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao; lalaki man o babae, pareho ang antas ng katiwalian ng tao. Hindi ba totoo ito? Dapat muna nating mapagtanto na ang lahat ng sinasabi ng Diyos ay katotohanan, at nakaayon sa mga totoong pangyayari, at na kahit gaano pa katindi ang Kanyang mga salita na humahatol at naglalantad sa mga tao, o gaano man kamalumanay ang Kanyang mga salita ng pagbabahagi ng katotohanan o pag-uudyok sa mga tao, paghatol man o mga pagpapala ang Kanyang mga salita, mga pagkondena man o mga pagsumpa ang mga ito, nasasaktan man nito ang mga tao o nabibigyang-kasiyahan, dapat tanggapin ng mga tao ang lahat ng ito. Iyon ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa mga salita ng Diyos. Anong uri ng saloobin ito? Ito ba ay isang saloobing makadiyos, isang taos na saloobin, isang saloobing mapagpasensiya, o isang saloobing tumatanggap ng pagdurusa? Medyo nalilito kayo. Sinasabi Ko sa inyo na hindi ito anuman sa mga ito. Sa kanilang pananampalataya, dapat matatag na panindigan ng mga tao na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Dahil ang mga ito nga ang katotohanan, dapat tanggapin ng mga tao ang mga ito nang makatwiran. Kinikilala o inaamin man nila ito o hindi, ang una nilang saloobin sa mga salita ng Diyos ay dapat lubos na pagtanggap. Kung hindi inilalantad ng salita ng Diyos ang isang tao o ang lahat sa inyo, sino ang inilalantad niyon? At kung hindi iyon para ilantad ka, bakit ka sinasabihang tanggapin iyon? Hindi ba ito isang kontradiksyon? Nangungusap ang Diyos sa buong sangkatauhan, bawat pangungusap na binigkas ng Diyos ay naglalantad sa tiwaling sangkatauhan, at walang hindi kasali rito—kaya natural na kasama ka rin. Wala ni isa sa mga linya ng mga binigkas ng Diyos ang tungkol sa mga panlabas na hitsura, o uri ng kalagayan, lalo na tungkol sa mga patakarang panlabas o sa isang simpleng klase ng pag-uugali sa mga tao. Hindi ganoon ang mga iyon. Kung sa tingin mo ay paglalantad lang ng isang simpleng uri ng pag-uugali ng tao o panlabas na pagpapakita ang bawat linyang binigkas ng Diyos, wala kang espirituwal na pang-unawa at hindi mo nauunawaan kung ano ang katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Nadarama ng mga tao ang kalaliman ng mga salita ng Diyos. Paano naging malalim ang mga ito? Inilalantad ng bawat salita ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ang mga bagay na mahalaga at malalim na nakaugat sa kanilang buhay. Mahalaga ang mga bagay na ito, hindi mga panlabas na hitsura, at lalo nang hindi mga pag-uugali sa labas. Sa pagtingin sa mga tao mula sa kanilang mga panlabas na anyo, maaaring mukhang mabubuting tao silang lahat. Ngunit bakit sinasabi ng Diyos na ang ilang tao ay masasamang espiritu at ang ilan ay maruruming espiritu? Ito ay isang bagay na hindi mo nakikita. Kaya, kailangan ay hindi tratuhin ng isang tao ang mga salita ng Diyos ayon sa mga kuru-kuro o imahinasyon ng tao, o ayon sa sabi-sabi ng tao, at lalong hindi ayon sa mga pahayag ng naghaharing partido. Ang mga salita lamang ng Diyos ang katotohanan; lahat ng salita ng tao ay mali. Matapos mabahaginan nang gayon, nakaranas na ba kayo ng pagbabago sa inyong saloobin sa mga salita ng Diyos? Gaano man kalaki o kaliit ang pagbabago, sa susunod na mabasa ninyo ang mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa mga tao, kahit paano ay hindi ninyo dapat subukang mangatwiran sa Diyos. Dapat kayong tumigil sa pagrereklamo tungkol sa Diyos, sinasabing, “Talagang matindi ang mga salita ng paglalantad at paghahatol ng Diyos sa mga tao; hindi ko babasahin ang pahinang ito. Lalaktawan ko na lang ito. Maghahanap ako ng mababasa tungkol sa mga pagpapala at pangako, para maginhawahan ako nang kaunti.” Dapat ay hindi na ninyo basahin ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagpiling mabuti ayon sa inyong sariling mga hilig. Dapat ninyong tanggapin ang katotohanan at ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos; saka lamang malilinis ang inyong tiwaling disposisyon, at saka lang kayo magtatamo ng kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kahalagahan ng Paghahangad sa Katotohanan at ang Landas ng Paghahangad Nito
Iyong mga tunay na naniniwala sa Diyos ay magpupursigi sa pagsasagawa at pagdanas ng Kanyang mga salita, magninilay-nilay sa kanilang sarili at susubukang kilalanin ang kanilang mga sarili kapag nabunyag ang kanilang tiwaling disposisyon, at hahanapin ang katotohanan ng mga salita ng Diyos upang lutasin ang tiwaling disposisyong ito. Iyong mga nagmamahal sa katotohanan ay nakatuon sa pagninilay-nilay sa kanilang sarili at pagtatangkang kilalanin ang kanilang mga sarili sa kanilang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nararamdaman nilang ang Kanyang mga salita ay para lamang isang salamin na nagbubunyag ng sarili nilang katiwalian at kapangitan. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nagagawa nilang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkakastigo, at unti-unti nilang nalulutas ang kanilang tiwaling disposisyon. Kapag nakita nilang mas madalang na ang pagbubunyag ng kanilang tiwaling disposisyon, kapag tunay na silang nagpapasakop sa Diyos, mararamdaman nilang mas madali na ang pagsasagawa ng katotohanan, at wala nang paghihirap. Sa pagkakataong ito, makakakita sila ng tunay na pagbabago sa kanilang mga sarili, at magkakaroon ng tunay na papuri sa Diyos sa kanilang puso: “Iniligtas ako ng Makapangyarihang Diyos mula sa pagkabihag at mga paglimita ng aking tiwaling disposisyon at iniligtas Niya ako mula sa impluwensiya ni Satanas.” Ito ang resultang matatamo mula sa pagdanas ng paghatol at pagkastigo sa mga salita ng Diyos. Kung hindi mararanasan ng mga tao ang paghatol at pagkastigo sa mga salita ng Diyos, hindi maaalis sa kanila ang kanilang mga tiwaling disposisyon at hindi sila makakawala sa impluwensiya ni Satanas. Maraming tao ang hindi nagmamahal sa katotohanan, at kahit na nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos at nakikinig sa mga sermon, pagkatapos nito ay mga salita at doktrina ang kanilang ipinapahayag, at dahil dito, hindi nila nalulutas ang alinman sa kanilang mga tiwaling disposisyon kahit na maraming taon na silang naniniwala sa Diyos. Ang mga taong ito ay mga Satanas at diyablo pa rin mula noon pa man. Akala nila, basta’t ipinapalaganap nila ang mga salita ng Diyos, malulutas nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon; basta’t nagbibigkas sila ng ilang salita ng Diyos at nakikipagbahaginan sa iba tungkol sa Kanyang mga salita, malulutas nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon; basta’t nakakapagpahayag sila ng maraming salita at doktrina, malulutas nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon; at basta’t nauunawaan nila ang doktrina at natututo ng pagpipigil sa sarili, malulutas nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Dahil dito, pagkatapos ng paniniwala sa Diyos nang napakaraming taon, wala pa ring kahit katiting na pagbabago sa kanilang mga buhay disposisyon, hindi sila makapagsalita tungkol sa patotoong batay sa karanasan kaya natitigilan sila. Pagkatapos ng maraming taon ng paniniwala sa Diyos, wala silang natutunan at walang nakamit na anumang katotohanan, walang saysay ang kanilang buhay at nag-aksaya lang sila ng maraming taon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Kapag binabasa ang mga salita ng Diyos, hindi nakatuon si Pedro sa pag-unawa sa mga doktrina at siya ay lalo pang hindi nakatuon sa pagkakamit ng kaalamang pangteolohiya. Sa halip, siya ay nakatuon sa pag-unawa sa katotohanan at pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, gayundin sa pagtatamo ng pagkaunawa sa disposisyon at pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Sinubukan din ni Pedro na unawain ang iba’t ibang tiwaling kalagayan ng tao mula sa mga salita ng Diyos, gayundin ang kalikasang diwa, at aktuwal na mga pagkukulang ng tao, kaya madali niyang natutugunan ang mga hinihingi ng Diyos upang mapalugod ang Diyos. Nagkaroon si Pedro ng napakaraming wastong mga pagsasagawa sa loob ng mga salita ng Diyos. Ito ang pinakanaaayon sa mga layunin ng Diyos, at ito ang pinakamahusay na paraan ng pakikipagtulungan ng tao habang nararanasan ang gawain ng Diyos. Noong dumaranas ng daan-daang pagsubok na ipinadala ng Diyos, mahigpit na sinuri ni Pedro ang kanyang sarili ayon sa bawat salita ng paghatol at paglalantad ng Diyos sa tao, at bawat salita ng Kanyang mga hinihingi sa tao, at sinikap na tumpak na unawain ang kahulugan ng mga salitang iyon. Masigasig niyang pinagnilayan at isinaulo ang bawat salitang sinabi sa kanya ni Jesus, at napakaganda ng natamo niyang mga resulta. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, naunawaan niya ang kanyang sarili mula sa mga salita ng Diyos, at hindi lang ang iba’t ibang tiwaling kalagayan at kakulangan ng tao ang naunawaan niya, kundi naunawaan din niya ang diwa at kalikasan ng tao. Ito ang kahulugan ng tunay na maunawaan ang sarili. Mula sa mga salita ng Diyos, hindi lamang natamo ni Pedro ang tunay na pagkaunawa sa sarili niya, kundi nakita rin niya ang matuwid na disposisyon ng Diyos, kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano ang Diyos, ang mga layunin ng Diyos para sa Kanyang gawain, at ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Mula sa mga salitang ito ay tunay niyang nakilala ang Diyos. Nakarating siya sa pagkakilala sa disposisyon ng Diyos, at sa Kanyang diwa; nakilala at naunawaan niya kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, gayundin ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at mga hinihingi ng Diyos para sa tao. Bagama’t ang Diyos ay hindi gaanong nagsalita noong panahong iyon kagaya ng Kanyang ginagawa sa kasalukuyan, nagkaroon ng bunga kay Pedro sa mga aspetong ito. Ito ay isang bihira at napakahalagang bagay. Dumaan si Pedro sa daan-daang pagsubok, subalit hindi siya nagdusa nang walang-saysay. Hindi lamang niya naunawaan ang kanyang sarili mula sa mga salita at sa gawain ng Diyos, kundi nakilala rin niya ang Diyos. Dagdag pa riyan, pinagtuunan niya ng partikular na atensiyon ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan sa loob ng mga salita ng Diyos. Sa alinmang mga aspeto dapat bigyang-kasiyahan ng tao ang Diyos upang makaayon sa mga layunin ng Diyos, nagawang magsikap nang husto ni Pedro sa mga aspetong ito at nakamtan ang buong kalinawan. Lubhang kapaki-pakinabang ito pagdating sa kanyang pagpasok sa buhay. Anuman ang pinatungkulan ng Diyos, basta’t ang mga salitang iyon ay nagiging buhay at ang katotohanan, nakaya ni Pedro na iukit ang mga ito sa kanyang puso upang madalas na pagbulayan at pahalagahan ang mga ito. Nang marinig ang mga salita ni Jesus, nakaya niyang isapuso ang mga ito, na nagpapakita na siya ay espesyal na nakatuon sa mga salita ng Diyos, at tunay na nakamtan niya ang mga resulta sa huli. Ibig sabihin, nakaya niyang malayang isagawa ang mga salita ng Diyos, tumpak na isagawa ang katotohanan at mapahanay sa mga layunin ng Diyos, kumilos nang lubusang naaayon sa mga pagnanais ng Diyos, at isuko ang kanyang sariling personal na mga opinyon at imahinasyon. Sa ganitong paraan, pumasok si Pedro sa realidad ng mga salita ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin ang Landas ni Pedro
Para maranasan ang gawain ng Diyos, dapat mong maranasan ang paghatol at pagkastigo Niya, ang pagpupungos, pagsubok, at pagpipino Niya. Lahat ng hinihingi ng Diyos ay dapat isagawa, pasukin, at abutin. Tinatawag itong pagdanas sa gawain ng Diyos. Para maranasan ito dapat kang magtatag ng isang normal na relasyon sa Kanya, laging nagdarasal sa Kanya at naghahangad mula sa Kanya nang may pusong nagpapasakop. Anuman ang mangyari o anumang mga hirap ang kaharapin mo, dapat kang magtiwala at bumaling sa Diyos, hinahanap ang mga kasagutan at ang daan sa Kanyang mga salita, at laging nagdarasal at nakikipagbahaginan sa Kanya. Ang pagdaranas sa gawain ng Diyos ay ang makipag-ugnayan sa Kanya at sundin ang Kanyang mga salita at gawa, magdasal at maghangad mula sa Kanya kapag may mga problema o paghihirap ka. Kapag marami ka ng karanasan sa ganitong paraan, at nauunawaan mo ang katotohanan, matututuhan mo kung paano gamitin ang mga salita ng Diyos sa mga bagay na nangyayari. Maraming paraan para magamit ang mga salita ng Diyos, halimbawa, sa pamamagitan ng pagdarasal at paghahanap kapag may mga nangyayari, at dahil dito ay makikita kung paano malinaw na inihayag ng mga salita ng Diyos kung paano dapat kumilos ang mga tao, kung ano ang mga prinsipyo, at kung ano ang mga layunin at hinihingi ng Diyos sa tao. Kapag alam mo na ang lahat ng ito, at nauunawaan ang mga pagnanais ng Diyos, magkakaroon ka ng ilang kaalaman at pagkaunawa sa Diyos. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok dapat mong hanapin, “Ano ba ang sinasabi ng salita ng Diyos tungkol sa ganitong mga matinding pagsubok? Ano ang kahulugan ng pagsubok ng Diyos sa mga tao? Bakit gusto Niyang subukin ang mga tao?” Sinasabi ng mga salita ng Diyos na ikaw ay tiwali, laging mapagrebelde at masuwayin, at hindi ka nagpapasakop sa Kanya, pero laging may mga imahinasyon at kuru-kuro at na gusto kang linisin ng Diyos sa pamamagitan ng mga pagsubok. Anuman ang maranasan mo, pag-uusig man at mga pagsubok, o pagpupungos, pagdidisiplina at kaparusahan, at kahit na anumang kapaligiran ang inilalatag ng Diyos para sa iyo o anumang kaparaanan ang ginagamit Niya, dapat ay palagi kang maghanap ng kasagutan at batayan sa mga salita ng Diyos, at hanapin ang mga layunin at hinihingi Niya sa iyo. Kumbaga, anupaman ang mangyari, dapat mo munang isipin kung ano ang sinabi ng Diyos, kung paano Niya gustong magsagawa ang mga tao, ano ang mga hinihingi Niya sa mga tao, at kung ano ang mga layunin Niya. Unawain mo ang mga bagay na ito, at malalaman mo kung paano mararanasan ang gawain ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kataas-taasang Kapangyarihan ng Diyos
Habang nararanasan ang gawain ng Diyos, kahit ilang beses ka pang nabigo, nabuwal, napungusan, o naibunyag, hindi masasamang bagay ang mga ito. Paano ka man napungusan, o mga lider, manggagawa, o kapatid mo man ang gumawa niyon, mabubuting bagay ang lahat ng iyon. Dapat mong tandaan ito: Gaano ka man nagdurusa, ang totoo ay nakikinabang ka. Sinumang may karanasan ay mapatutunayan ito. Ano’t anupaman, ang mapungusan o maibunyag ay laging isang mabuting bagay. Hindi ito pagkokondena. Ito ay pagliligtas ng Diyos at ang pinakamagandang pagkakataon para makilala mo ang iyong sarili. Maaari nitong baguhin ang karanasan mo sa buhay. Kung wala ito, hindi ka magkakaroon ng pagkakataon, ng kundisyon, ni ng konteksto para maunawaan mo ang katotohanan ng iyong katiwalian. Kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan, at nagagawa mong ungkatin ang mga tiwaling bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso mo, kung malinaw mong matutukoy ang mga ito, mabuti ito, nalutas nito ang isang malaking problema sa buhay pagpasok, at malaking pakinabang sa mga pagbabago sa disposisyon. Ang tunay na makilala ang iyong sarili ang pinakamagandang pagkakataon para mabago mo ang iyong mga pag-uugali at maging isa kang bagong tao; ito ang pinakamagandang oportunidad para magkaroon ka ng bagong buhay. Kapag tunay mong nakilala ang iyong sarili, makikita mo na kapag ang katotohanan ay naging buhay ng isang tao, mahalagang bagay iyon talaga, at mauuhaw ka sa katotohanan, isasagawa mo ang katotohanan, at papasok sa realidad. Napakagandang bagay niyan! Kung maaari mong samantalahin ang pagkakataong iyan at taimtim kang magninilay-nilay sa iyong sarili at magtatamo ng tunay na kaalaman tungkol sa iyong sarili tuwing ikaw ay mabibigo o madadapa, sa kabila ng pagiging negatibo at kahinaan, magagawa mong tumayong muli. Kapag nakaraan ka na sa pintuang ito, makakaya mo nang gumawa ng malaking hakbang at pumasok sa katotohanang realidad.
Kung naniniwala ka sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kung gayon ay dapat kang maniwala na ang mga pang-araw-araw na pangyayari, mabuti man o masama ang mga ito, ay hindi basta na lamang nagaganap. Hindi ito dahil may isang sinasadyang magpahirap sa iyo o pumuntirya sa iyo; lahat ng ito ay isinaayos at pinamatnugutan ng Diyos. Bakit pinamamatnugutan ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ito? Hindi ito para ilantad kung sino ka o upang ibunyag at itiwalag ka; ang pagbubunyag sa iyo ay hindi ang panghuling mithiin. Ang mithiin ay gawin kang perpekto at iligtas ka. Paano ka ginagawang perpekto ng Diyos? At paano ka Niya inililigtas? Nagsisimula Siya sa pamamagitan ng pagpapabatid sa iyo ng iyong sariling tiwaling disposisyon, at sa pamamagitan ng pagpapaalam sa iyo ng iyong kalikasang diwa, ng iyong mga pagkakamali, at kung ano ang kulang sa iyo. Tanging sa pag-alam sa mga bagay na ito at pagkakaroon ng malinaw na pag-unawa ng mga ito mo lamang makakayang itaguyod ang katotohanan at unti-unting maiwaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Ito ang Diyos na nagkakaloob sa iyo ng pagkakataon. Ito ang awa ng Diyos. Dapat mong malaman kung paano sasamantalahin ang pagkakataong ito. Hindi ka dapat sumalungat sa Diyos, makipagtalo sa Diyos, o magkamali ng pagkaunawa sa Kanya. Lalo na kapag naharap sa mga tao, pangyayari, at bagay na isinasaayos ng Diyos sa paligid mo, huwag laging pakiramdaman na hindi ayon sa nais mo ang mga bagay-bagay, huwag laging naisin na matakasan sila o laging magreklamo tungkol sa Diyos at magkamali ng pagkaunawa sa Diyos. Kung lagi mong ginagawa ang mga bagay na iyon, kung gayon ay hindi mo dinaranas ang gawain ng Diyos, at magiging napakahirap para sa iyo na pumasok sa katotohanang realidad. Anumang makaharap mo na hindi mo ganap na maunawaan, kapag lumilitaw ang mga paghihirap, dapat mong matutuhang magpasakop. Dapat kang magsimula sa paglapit sa Diyos at higit na pananalangin. Sa ganyang paraan, bago mo pa mamalayan, magkakaroon ng pagbabago sa iyong panloob na kalagayan, at magagawa mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang iyong suliranin. Sa gayon, magagawa mong maranasan ang gawain ng Diyos. Habang nagaganap ito, ang katotohanang realidad ay mahuhubog sa loob mo, at sa ganito ka susulong at sasailalim sa isang pagbabago ng kalagayan ng iyong buhay. Sa sandaling napagdaanan mo na ang pagbabagong ito at nagtataglay ka ng katotohanang realidad na ito, mag-aangkin ka rin ng tayog, at kasama ng tayog ang buhay. Kung ang sinuman ay laging nabubuhay batay sa isang tiwaling satanikong disposisyon, kung gayon, gaano man kalaking kasiglahan at kalakasan ang mayroon sila, hindi pa rin sila maituturing na may angking tayog, o buhay. Gumagawa ang Diyos sa bawat isang tao, at kung anuman ang Kanyang pamamaraan, anong uri ng mga tao, pangyayari at bagay ang ginagamit Niya sa Kanyang pagseserbisyo, o anumang uri ng tono mayroon ang mga salita Niya, isa lamang ang Kanyang panghuling mithiin: iligtas ka. At paano ka Niya inililigtas? Binabago ka Niya. Kaya paanong hindi ka magdurusa nang bahagya? Kakailanganing magdusa ka. Ang pagdurusang ito ay maaaring kapalooban ng maraming bagay. Una, kailangang magdusa ang mga tao kapag tinatanggap nila ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Kapag masyadong matindi at tahasan ang mga salita ng Diyos at nagkakamali ng pag-unawa ang mga tao sa Diyos—at mayroon pang mga kuru-kuro—maaaring masakit din iyon. Kung minsan ay nagpapalitaw ng sitwasyon ang Diyos sa paligid ng mga tao para ibunyag ang kanilang katiwalian, para pagnilayan at makilala nila ang kanilang sarili, at magdurusa rin sila nang kaunti roon. Kung minsan, kapag tuwiran silang pinungusan at inilantad, dapat magdusa ang mga tao. Parang inooperahan sila—kung walang pagdurusa, walang epekto. Kung sa tuwing ikaw ay pinupungusan, at tuwing ibinubunyag ka ng isang sitwasyon, pinupukaw nito ang iyong mga damdamin at pinalalakas ka, pagkatapos sa pamamagitan ng prosesong ito ay makakapasok ka sa katotohanang realidad, at magkakaroon ng tayog. Kung, tuwing ikaw ay sumasailalim sa pagpupungos, at sa pagbubunyag ng isang sitwasyon, wala kang nararamdamang anumang sakit o hirap, at wala kang nararamdamang anuman, at kung hindi ka lalapit sa Diyos para hangarin ang Kanyang mga layunin, hindi nagdarasal o naghahanap ng katotohanan, talagang napakamanhid mo! Hindi gumagawa ang Diyos sa iyo kapag walang nadarama ang espiritu mo, kapag hindi ito tumutugon. Sasabihin Niya: “Napakamanhid ng taong ito at napakalalim na ng kanyang pagkatiwali. Paano Ko man siya disiplinahin, pungusan, o subukang kontrolin, hindi Ko pa rin mapukaw ang kanyang puso o magising ang kanyang espiritu. Malalagay sa gulo ang taong ito; hindi siya madaling iligtas.” Kung isinasaayos ng Diyos ang ilang kapaligiran, tao, pangyayari at bagay para sa iyo, kung pinupungusan ka Niya; kung may natututuhan kang mga aral mula rito, kung natuto ka nang lumapit sa Diyos, natutong hanapin ang katotohanan, at, hindi namamalayan, binibigyang-liwanag at tinatanglawan at nagtatamo ka ng katotohanan, kung nakaranas ka na ng pagbabago sa mga kapaligirang ito, nagantimpalaan, at umusad, kung unti-unti ka nang nagkakaroon ng kaunting pagkaunawa sa layunin ng Diyos at hindi ka na nagrereklamo, lahat ng ito ay mangangahulugan na nanindigan ka sa gitna ng mga pagsubok ng mga kapaligirang ito, at natiis mo ang pagsubok. Kung gayon, nalampasan mo na ang mahigpit na pagsubok na ito. Paano ituturing ng Diyos yaong mga nakakayanan ang pagsubok? Sasabihin ng Diyos na mayroon silang tapat na puso, at kaya nilang tiisin ang ganitong uri ng pagdurusa, at na sa kaibuturan, minamahal nila at ninanais na makamit ang katotohanan. Kung mayroong ganitong uri ng pagtatasa sa iyo ang Diyos, hindi ka ba isang taong may tayog? Hindi ka ba may buhay kung gayon? At paano nakakamit ang buhay na ito? Ito ba ay ipinagkakaloob ng Diyos? Tinutustusan ka ng Diyos sa iba’t ibang paraan at gumagamit Siya ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay upang sanayin ka. Ito ay para bang ang Diyos ay personal na nagbibigay sa iyo ng pagkain at inumin, personal na naghahatid ng iba’t ibang pagkain sa harap mo para kainin mo hanggang mabusog at masiyahan ka; saka ka lamang lalago at tatatag. Ganito mo dapat danasin at unawain ang mga bagay na ito; ganito ang magpasakop sa lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos. Ito ang uri ng pag-iisip at saloobing dapat mong taglayin, at dapat kang matutong hanapin ang katotohanan. Hindi ka dapat laging naghahanap ng mga panlabas na sanhi o sinisisi ang iba para sa iyong mga suliranin o naghahanap ng mga pagkakamali sa mga tao; dapat kang magkaroon ng isang malinaw na pag-unawa sa mga layunin ng Diyos. Sa panlabas, maaaring tila mayroong mga opinyon tungkol sa iyo o pagkiling laban sa iyo ang ilang tao, ngunit hindi mo dapat tingnan ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan. Kung titingnan mo ang mga bagay-bagay mula sa ganitong uri ng pananaw, ang tanging gagawin mo ay magdahilan, at hindi ka makapagkakamit ng anuman. Dapat mong tingnan ang mga bagay-bagay nang walang pagkiling at tanggapin ang lahat mula sa Diyos. Kapag tiningnan mo ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan, magiging madali para sa iyo na magpasakop sa gawain ng Diyos, at magagawa mong hanapin ang katotohanan, at maaarok mo ang mga layunin ng Diyos. Sa sandaling naitama na ang iyong pananaw at kalagayan ng pag-iisip, magagawa mong makamtan ang katotohanan. Kaya’t bakit hindi mo na lamang ito gawin? Bakit ka lumalaban? Kung ikaw ay tumigil sa paglaban, makakamit mo ang katotohanan. Kung lalaban ka, wala kang makakamit na anuman, at masasaktan mo rin ang damdamin ng Diyos at madidismaya mo Siya. Bakit madidismaya ang Diyos? Dahil hindi mo tinatanggap ang katotohanan, wala kang pag-asang maligtas, at hindi ka nakakamit ng Diyos, kaya paanong hindi Siya madidismaya? Kapag hindi mo tinatanggap ang katotohanan, katumbas ito ng pagwawaksi sa pagkaing personal nang inihandog sa iyo ng Diyos. Sinasabi mong hindi ka nagugutom at na hindi mo ito kailangan; paulit-ulit na sinusubukan ng Diyos na hikayatin kang kumain, ngunit ayaw mo pa rin. Mas gugustuhin mo pang magutom. Iniisip mong busog ka, kahit na ang totoo, wala kang kahit ano. Ang mga taong katulad nito ay kulang na kulang sa katwiran, at lubhang nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba; tunay ngang hindi nila alam ang isang mabuting bagay kapag nakita nila ito, sila ang pinakamahirap at kaawa-awang mga tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Pangyayari, at Bagay sa Malapit
Ang mga tiwaling disposisyon ng tao ay nakatago sa mga layuning nasa likod ng kanilang pananalita at kilos, sa kanilang pagtingin sa mga bagay-bagay, sa kanilang bawat kaisipan at ideya, at sa kanilang mga pananaw, pang-unawa, kuru-kuro, pagtingin, kahilingan, at hinihingi kaugnay ng katotohanan, ng Diyos, at ng gawain ng Diyos. Ito’y nabunyag mula sa mga salita at kilos ng mga tao nang hindi nila nalalaman. Kung gayon, paano tinatrato ng Diyos ang mga bagay na ito sa loob ng mga tao? Nagsasaayos Siya ng iba’t ibang kapaligiran para ilantad ka. Hindi ka lamang Niya ilalantad, kundi hahatulan ka pa Niya. Kapag ibinunyag mo ang iyong tiwaling disposisyon, kapag may mga kaisipan at ideya ka na salungat sa Diyos, kapag may mga kalagayan at pananaw ka na laban sa Diyos, kapag may mga kalagayan kung saan mali ang pagkaunawa mo sa Diyos, o nilalabanan at kinokontra mo Siya, sasawayin ka ng Diyos, hahatulan at kakastiguhin ka Niya, at kung minsa’y didisiplinahin at parurusahan ka pa Niya. Ano ang layunin ng pagdidisiplina at pagsaway sa iyo? (Upang makapagsisi ka at magbago.) Oo, ito ay upang makapagsisi ka. Ang naisasakatuparan ng pagdidisiplina at pagkastigo sa iyo ay hinahayaan ka nitong baguhin ang direksiyon mo. Ito ay para ipaunawa sa iyo na ang mga iniisip mo ay mga kuru-kuro ng tao, at na mali ang mga iyon; ang mga motibasyon mo ay nagmula kay Satanas, mula sa kalooban ng tao, hindi kumakatawan ang mga iyon sa Diyos, at hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan, hindi tugma sa Diyos, hindi mapalulugod ng mga iyon ang mga layunin ng Diyos, kasuklam-suklam at kamuhi-muhi sa Diyos ang mga iyon, nag-uudyok ang mga iyon ng Kanyang poot, at pinupukaw pa ang Kanyang pagsumpa. Pagkatapos mapagtanto ito, kailangan mong baguhin ang iyong mga motibasyon at pag-uugali. At paano nababago ang mga iyon? Una sa lahat, kailangan mong magpasakop sa paraan ng pagtrato sa iyo ng Diyos, at magpasakop sa mga kapaligiran at mga tao, mga pangyayari, at bagay na itinatakda Niya para sa iyo. Huwag kang maghanap ng butas, huwag kang magbigay ng mga tahasang dahilan at huwag kang umiwas sa iyong mga responsibilidad. Pangalawa, hanapin mo ang katotohanang dapat isagawa at pasukin ng mga tao kapag ginagawa ng Diyos ang mga ginagawa Niya. Hinihiling ng Diyos na unawain mo ang mga bagay na ito. Nais Niyang kilalanin mo ang iyong mga tiwaling disposisyon at satanikong diwa, para magawa mong magpasakop sa mga kapaligirang isinasaayos Niya para sa iyo at, sa huli, para makapagsagawa ka alinsunod sa Kanyang mga layunin at sa Kanyang mga hinihingi sa iyo. Sa gayo’y nakapasa ka na sa pagsubok.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Totoong Pagpapasakop Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pagtitiwala ang Isang Tao
Sa kanyang paniniwala sa Diyos, hinangad ni Pedro na bigyang-kasiyahan ang Diyos sa lahat ng bagay, at hinangad na magpasakop sa lahat ng nagmula sa Diyos. Wala ni katiting na reklamo, nagawa niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol, gayundin ang pagpipino, kapighatiankanyang buhay, at walang isa man dito na maaaring magpabago sa kanyang mapagmahal-sa-Diyos na puso. Hindi ba ito ang sukdulang pagmamahal sa Diyos? Hindi ba ito ang katuparan ng tungkulin ng isang nilikha? Sa pagkastigo man, paghatol, o kapighatian, lagi kang may kakayahang maging mapagpasakop hanggang kamatayan, at ito ang dapat makamit ng isang nilikha, ito ang kadalisayan ng pagmamahal sa Diyos. Kung makakamtan ng tao ang ganito, siya ay isang kuwalipikadong nilikha, at wala nang ibang mas nagbibigay-kasiyahan sa mga layunin ng Lumikha. Ipagpalagay nang nakakagawa ka para sa Diyos, subalit hindi ka nagpapasakop sa Diyos, at hindi mo kayang tunay na mahalin ang Diyos. Sa ganitong paraan, hindi mo lamang hindi natupad ang tungkulin ng isang nilikha, kundi ikokondena ka rin ng Diyos, dahil ikaw ay isang taong hindi nagtataglay ng katotohanan, na walang kakayahang magpasakop sa Diyos, at naghihimagsik sa Diyos. Pinahahalagahan mo lamang ang paggawa para sa Diyos, at hindi mo pinahahalagahan ang pagsasagawa ng katotohanan o pagkilala sa iyong sarili. Hindi mo nauunawaan o nakikilala ang Lumikha, at hindi ka nagpapasakop o nagmamahal sa Lumikha. Ikaw ay isang taong likas na mapaghimagsik laban sa Diyos, kaya nga ang gayong mga tao ay hindi minamahal ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao
Noong siya ay kinakastigo ng Diyos, nanalangin si Pedro, “O Diyos! Ang aking laman ay mapaghimagsik, at kinakastigo Mo ako at hinahatulan ako. Ako ay nagagalak sa Iyong pagkastigo at paghatol, at kahit hindi Mo ako nais, sa Iyong paghatol ay nakikita ko ang Iyong banal at matuwid na disposisyon. Kapag hinahatulan Mo ako, upang makita ng iba ang Iyong matuwid na disposisyon sa Iyong paghatol, ako ay nasisiyahan. Kung maipapahayag nito ang Iyong disposisyon at mapahihintulutan ang Iyong matuwid na disposisyon na makita ng lahat ng nilikha, at kung gagawin nitong mas dalisay ang aking pagmamahal sa Iyo, upang maging kawangis ko ang isang matuwid, ang paghatol Mo ay mabuti, sapagkat gayon ang Iyong kabutihang-loob. Batid ko na puno pa rin ako ng panghihimagsik, at na ako ay hindi pa rin nararapat na lumapit sa harap Mo. Nais kong ako ay mas hatulan Mo pa, sa pamamagitan man ng isang malupit na kapaligiran o matitinding kapighatian. Anuman ang ginagawa Mo, para sa akin ito ay napakahalaga. Ang Iyong pag-ibig ay napakalalim, at handa akong ilagay ang aking sarili sa Iyong pagsasaayos nang walang munti mang pagdaing.” Ito ang kaalaman ni Pedro pagkatapos niyang maranasan ang gawain ng Diyos, at ito rin ay isang patotoo sa kanyang pag-ibig sa Diyos. Ngayon, kayo ay nalupig na—ngunit sa paanong paraan naihahayag ang pagkalupig na ito sa inyo? May ilang taong nagsasabi na, “Ang paglupig sa akin ay ang pinakamataas na biyaya at pagpaparangal ng Diyos. Ngayon ko lamang napagtanto na ang buhay ng tao ay walang saysay at walang halaga. Ginugugol ng tao ang kanyang buhay sa pagmamadali, pamumunga at pagpapalaki ng sunod-sunod na mga henerasyon ng mga bata, at sa huli ay walang matitira sa kanya. Ngayon, matapos lupigin ng Diyos, saka ko lamang nakita na walang kabuluhan ang pamumuhay sa ganitong pamamaraan. Ito ay tunay na walang kabuluhang buhay. Mabuti pang mamatay na ako at nang matapos na ito!” Ang ganito bang mga tao na nalupig ay makakamit ng Diyos? Sila ba ay maaaring maging halimbawa at huwaran? Ang ganitong mga tao ay mga aral sa pagkanegatibo. Wala silang mga hangarin, at hindi nagsusumikap na mapabuti ang kanilang mga sarili. Bagaman sila ay nabibilang sa nalupig, ang ganitong mga tao na negatibo ay hindi makakayanang gawing perpekto. Noong malapit na siyang mamatay, matapos siyang gawing perpekto, sinabi ni Pedro, “O Diyos! Kung ako ay mabubuhay ng ilan pang mga taon, nais kong magkaroon ng mas higit na dalisay at higit na malalim na pag-ibig sa Iyo.” Noong siya ay ipapako na sa krus, nanalangin siya sa kanyang puso, “O Diyos! Ang Iyong panahon ay dumating na ngayon, ang panahong Iyong inihanda para sa akin ay dumating na. Ako ay dapat na maipako sa krus para sa Iyo, dapat akong magpatotoo nito sa Iyo, at umaasa ako na ang aking pag-ibig ay makatutugon sa Iyong mga pamantayan, at na ito ay mas higit pang magiging dalisay. Ngayon, ang mamatay para sa Iyo, at maipako sa krus para sa Iyo, ay nagbibigay kaginhawahan at katiyakan sa akin, sapagkat wala nang higit pang kasiya-siya sa akin kaysa sa mapako sa krus para sa Iyo at matugunan ang Iyong mga nais, at maibigay ang aking sarili sa Iyo, maialay ang aking buhay sa Iyo. O Diyos! Ikaw ay lubhang kaibig-ibig! Kung pahihintulutan Mo akong mabuhay, lalo pa akong magiging handang ibigin Ka. Habang ako ay nabubuhay, iibigin Kita. Nais kong ibigin Ka pa nang higit na malalim. Hinahatulan Mo ako, at kinakastigo at sinusubukan dahil ako ay hindi matuwid, dahil ako ay nagkasala. At ang Iyong matuwid na disposisyon ay nagiging higit na maliwanag sa akin. Ito ay isang pagpapala sa akin, sapagkat nagagawa kong ibigin Ka nang higit na malalim, at handa akong ibigin Ka sa ganitong paraan kahit na hindi Mo ako iniibig. Handa akong makita ang Iyong matuwid na disposisyon, sapagkat mas nagkakaroon ako ng kakayahan upang isabuhay ang isang makabuluhang buhay. Nararamdaman ko na ang pamumuhay ko ngayon ay higit na may kabuluhan, sapagkat ipinapako ako sa krus para sa Iyong kapakanan, at makabuluhan ang mamatay para sa Iyo. Gayon pa man hindi pa rin ako nakakaramdam ng kasiyahan, sapagkat lubhang kakaunti ang nalalaman ko tungkol sa Iyo, batid ko na hindi ko ganap na matutupad ang Iyong mga nais, at kakaunti lamang ang napagbayaran ko sa Iyo. Sa aking buhay, hindi ko nakayang ibigay ang buong sarili ko sa Iyo. Malayo pa ako roon. Habang lumilingon ako sa sandaling ito, nararamdaman ko ang lubhang pagkakautang ko sa Iyo, at ang sandaling ito lamang ang mayroon ako upang makabawi sa lahat ng pagkakamali ko at lahat ng pag-ibig na hindi ko naibalik sa Iyo.”
…………
Kinakastigo at hinahatulan ng Diyos ang tao dahil kinakailangan ito ng Kanyang gawain, at, higit pa rito, dahil kailangan ito ng tao. Kailangan ng tao na makastigo at mahatulan, at saka lamang niya makakamit ang pagmamahal sa Diyos. Sa ngayon, kayo ay lubos na kumbinsido, ngunit kapag kayo ay napaharap sa kahit napakaliit na pagsubok ay naguguluhan na kayo. Ang inyong tayog ay napakaliit pa rin, at kailangan pa rin ninyong makaranas ng higit pang pagkastigo at paghatol para matamo ang mas malalim na kaalaman. Ngayon, sa halos lahat ng pagkakataon, kayo ay may kaunting may-takot-sa-Diyos na puso, at natatakot kayo sa Diyos, at batid ninyong Siya ang tunay na Diyos, ngunit wala kayong dakilang pag-ibig sa Kanya, lalong hindi pa ninyo natamo ang dalisay na pag-ibig, ang inyong kaalaman ay napakababaw, at ang inyong tayog ay hindi sapat. Kapag kayo ay tunay na nakaranas ng isang kapaligiran, hindi pa kayo nagiging saksi, napakaliit sa inyong pagpasok ang maagap, at wala kayong ideya kung paano magsagawa. Karamihan ng mga tao ay walang-pakialam at hindi-kumikilos. Iniibig lamang nila nang palihim ang Diyos sa kanilang mga puso, ngunit walang paraan ng pagsasagawa, at hindi malinaw kung ano ang kanilang mga layunin. Ang mga taong nagawang perpekto ay hindi lamang may normal na pagkatao, kundi nagtataglay ng mga katotohanang nakahihigit sa mga sukat ng konsensya, na mas mataas pa kaysa mga pamantayan ng konsensya. Hindi lamang nila ginagamit ang kanilang konsensya upang masuklian ang pag-ibig ng Diyos, ngunit, higit pa rito, nakilala nila ang Diyos, at nakita nila na ang Diyos ay kaibig-ibig, at karapat-dapat ibigin ng tao, at napakaraming bagay ang kaibig-ibig sa Diyos. Walang magagawa ang tao kundi ang ibigin Siya. Ang pag-ibig sa Diyos para sa mga nagawang perpekto ay upang matupad nila ang kanilang pansariling mga hangarin. Ang kanila ay pag-ibig na kusang-loob, isang pag-ibig na hindi humihiling ng kapalit, at hindi isang transaksyon. Iniibig nila ang Diyos dahil lamang sa kanilang pagkakilala sa Kanya at wala nang iba pa. Hindi iniisip ng mga taong ito kung pagkakalooban sila ng Diyos ng mga biyaya, dahil sapat na sa kanila ang mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi sila nakikipagtawaran sa Diyos, o kaya ay nagsusukat ng kanilang pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng konsensya: “Nakapagbigay Ka sa akin, kaya iniibig din Kita. Kung hindi Ka nagbibigay sa akin, wala rin akong anumang maibibigay na kapalit sa Iyo.” Ang mga nagawang perpekto ay laging naniniwala na: “Ang Diyos ang Lumikha, at isinasakatuparan Niya ang Kanyang gawain sa atin. Dahil ako ay may ganitong pagkakataon, kalagayan, at katangian upang gawing perpekto, ang pagsusumikapan kong makamit ay ang magkaroon ng isang makabuluhang buhay, at dapat na Siya ay aking mapasaya.” Katulad lamang ito ng naranasan ni Pedro: Noong siya ay hinang-hina, nanalangin siya sa Diyos at sinabing, “O Diyos! Kahit anong panahon at saan mang dako, alam Mong lagi akong nangungulila sa Iyo. Kahit anong panahon at saan mang dako, batid Mong nais Kitang ibigin, ngunit ang aking tayog ay napakaliit, ako ay masyadong mahina at walang kapangyarihan, ang aking pag-ibig ay masyadong nalilimitahan, at ang aking katapatan sa Iyo ay masyadong maliit. Kung ihahambing sa Iyong pag-ibig, hindi ako nararapat para mabuhay. Nais ko lamang hilingin na ang aking buhay ay hindi mawalan ng kabuluhan, at hindi ko lamang masusuklian ang Iyong pag-ibig, kundi, higit pa rito, maaari kong ilaan sa Iyo ang lahat-lahat nang mayroon ako. Kung mapasasaya Kita, bilang isang nilikha, magkakaroon ako ng payapang isipan at hindi na hihiling nang higit pa. Bagama’t ako ay mahina at walang kapangyarihan ngayon, hindi ko malilimutan ang Iyong mga payo, at hindi ko malilimutan ang Iyong pag-ibig. Ngayon, wala akong ginagawa kundi ang suklian ko lamang ang Iyong pag-ibig. O Diyos, ang pakiramdam ko’y lubhang masama! Paano ko maibabalik sa Iyo ang pag-ibig sa aking puso, paano ko magagawa ang lahat ng aking makakaya, at makayanang tuparin ang Iyong mga ninanais, at maihandog ang lahat ng mayroon ako sa Iyo? Alam Mo ang kahinaan ng tao. Paano nga ba ako magiging karapat-dapat sa Iyong pag-ibig? O Diyos! Alam Mong ako ay mayroong mababang tayog, at babahagya lamang ang aking pag-ibig. Paano ko magagawa ang pinakamabuting makakaya ko sa ganitong uri ng kapaligiran? Alam kong dapat kong suklian ang Iyong pag-ibig, alam kong dapat kong ibigay ang lahat ng mayroon ako sa Iyo, ngunit ngayon ay lubhang mababa ang aking tayog. Aking hinihiling na bigyan Mo ako ng lakas at katatagan, upang higit ko pang mataglay ang isang dalisay na pag-ibig na maitatalaga ko sa Iyo, at higit kong maitalaga ang lahat ng mayroon ako sa Iyo. Hindi ko lamang masusuklian ang Iyong pag-ibig, kundi lalo kong maranasan ang Iyong pagkastigo, paghatol at mga pagsubok, at kahit ang mga mas matitinding sumpa. Pinayagan Mo akong mapagmasdan ang Iyong pag-ibig, at wala akong kakayahang hindi Ka ibigin at kahit na ako ay mahina at walang lakas ngayon, paano ba Kita malilimutan? Ang Iyong pag-ibig, pagkastigo, at paghatol ay naging dahilan upang makilala Kita, ngunit ramdam ko rin na wala akong kakayahang isakatuparan ang Iyong pag-ibig, dahil Ikaw ay napakadakila. Paano ko ba maitatalaga ang lahat ng mayroon ako sa aking Lumikha?” Iyon ang kahilingan ni Pedro, bagaman ang kanyang tayog ay lubhang hindi-sapat. Sa sandaling ito, naramdaman niya na para bang sinaksak ng isang kutsilyo ang kanyang puso at siya ay nasa matinding paghihirap. Hindi niya batid kung ano ang dapat gawin sa ilalim ng ganoong mga kalagayan. Gayunman ay nagpatuloy siya sa pananalangin: “O Diyos! Ang tao ay kasing-tayog lamang ng bata, ang kanyang konsensya ay mahina, at ang magagawa ko lamang ay suklian ang Iyong pag-ibig. Ngayon, hindi ko alam kung paano ko matutugunan ang Iyong mga layunin, at ang tanging nais ko ay magawa ang lahat ng aking makakaya, maibibigay ang lahat ng mayroon ako, at maitatalaga ang lahat ng mayroon ako sa Iyo. Anuman ang Iyong maging paghatol, anuman ang Iyong pagkastigo, anuman ang Iyong igagawad sa akin, anuman ang aalisin Mo sa akin, tulungan Mo akong huwag maghinaing ng kahit katiting sa Iyo. Maraming pagkakataon, noong ako’y kinastigo at hinatulan Mo, dumaing ako sa sarili ko, at hindi ko nakamit ang kadalisayan, o natupad ang Iyong mga nais. Napipilitan lamang ang aking naging tugon sa Iyong pag-ibig, at sa sandaling ito kinamumuhian ko nang higit pa ang sarili ko.” Ang paghahanap niya ng mas dalisay na pagmamahal sa Diyos ang dahilan kung bakit nanalangin si Pedro nang ganito. Siya ay naghahanap, at nakikiusap, at, higit pa, ay nagpaparatang sa kanyang sarili, at umaamin sa kanyang mga pagkakasala sa Diyos. Pakiramdam niya ay may pagkakautang siya sa Diyos, at nakaramdam siya ng pagkamuhi sa kanyang sarili, gayunman siya ay tila nalungkot din nang bahagya at negatibo. Laging gayon ang pakiramdam niya, na parang hindi siya makaabot sa mga layunin ng Diyos, at hindi niya naibigay ang lahat ng kanyang makakaya. Sa ilalim ng ganoong kalagayan, ipinagpatuloy ni Pedro ang pagsisikap na magkaroon ng pananampalatayang tulad ng kay Job. Nakita Niya kung gaano kadakila ang naging pananampalataya ni Job, sapagkat nakita ni Job na ang lahat ng pag-aari niya ay ipinagkaloob ng Diyos, at likas para sa Diyos na alisin ang lahat ng kanyang mga pag-aari, at ibigay ang mga ito ng Diyos sa kahit kanino man Niya naisin—gayon ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Walang mga reklamo si Job, at mapupuri pa rin ang Diyos. Kilala rin ni Pedro ang sarili niya, at sa kanyang puso siya ay nanalangin, “Ngayon, hindi sapat para sa akin na gantihan ang Iyong pag-ibig gamit ang aking konsensya at kahit gaano kasidhing pag-ibig ang ibigay ko pabalik sa Iyo, dahil ang aking mga kaisipan ay lubhang tiwali, at dahil wala akong kakayahang makita Ka bilang ang Lumikha. Dahil hindi pa rin ako karapat-dapat na umibig sa Iyo, dapat kong linangin ang kakayahan na ilaan ang lahat ng mayroon ako sa Iyo, at gawin ito nang maluwag sa kalooban, dapat kong malaman lahat ng Iyong mga nagawa, at hindi ko dapat gawin ang mga sarili kong pagpili, at dapat kong mamasdan ang Iyong pag-ibig, at makapagsalita ako ng mga papuri sa Iyo, at parangalan ang Iyong banal na pangalan, upang Ikaw ay maaaring magkamit ng dakilang kaluwalhatian sa pamamagitan ko. Ako ay handang manindigan nang matibay sa patotoong ito sa Iyo. O Diyos! Ang Iyong pag-ibig ay ubod nang inam at halaga; paano nga ba ako magnanais na mamuhay sa kasamaan? Hindi ba ako ay Iyong ginawa? Paanong mabubuhay ako sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Pipiliin ko na ang aking buong katauhan ay mamuhay sa gitna ng Iyong pagkastigo. Hindi ako payag na mamuhay sa ilalim ng kapangyarihan ng kasamaan. Kung ako ay madadalisay, at mailalaan ang aking lahat-lahat sa Iyo, kusa kong ilalaan ang aking katawan at pag-iisip sa Iyong paghatol at pagkastigo, sapagkat kinamumuhian ko si Satanas, at hindi ko gustong mamuhay sa ilalim ng kapangyarihan nito. Sa pamamagitan ng Iyong paghatol sa akin, ipinakikita Mo ang Iyong matuwid na disposisyon; ako ay natutuwa, at hindi dumaraing kahit katiting. Kung matutupad ko ang tungkulin ng isang nilikha, handa ako na ang aking buong buhay ay samahan ng Iyong paghatol, kung saan sa pamamagitan nito ay malalaman ko ang Iyong matuwid na disposisyon, at itatakwil sa sarili ko ang impluwensya ng kasamaan.” Lagi iyong ipinagdasal ni Pedro, laging iyon ang kanyang hinangad, at medyo naabot niya ang isang mataas na sakop. Hindi lamang niya naibalik ang pag-ibig ng Diyos, kundi, mas mahalaga, natupad rin niya ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Hindi lamang sa hindi siya pinaratangan ng kanyang konsensya, kundi nalampasan din niya ang mga pamantayan ng konsensya. Patuloy na nakaabot sa harap ng Diyos ang kanyang mga dalangin, anupa’t ang kanyang mga hangarin ay mas tumaas, at mas mas lalo siyang nagtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso. Bagaman nagdurusa siya ng matinding sakit, hindi pa rin niya nilimot na ibigin ang Diyos, at patuloy pang hinanap na makamtan ang kaunawaan sa mga layunin ng Diyos. Sa kanyang mga panalangin ay binigkas niya ang sumusunod na mga salita: “Natupad ko ang hindi hihigit sa pagbabalik ng kabayaran ng Iyong pag-ibig. Hindi ako nagpatotoo sa Iyo sa harap ni Satanas, hindi napalaya ang sarili ko mula sa impluwensya ni Satanas, at nanatiling namumuhay sa gitna ng laman. Nais kong gamitin ang aking pag-ibig para madaig si Satanas, hiyain ito, at nang sa gayon ay matugunan ko ang Iyong mga layunin. Nais kong ibigay sa Iyo ang buong sarili ko, at hindi ibigay ni katiting man ng aking sarili kay Satanas, dahil si Satanas ay Iyong kaaway.” Kapag lalo siyang nagsisikap sa daang ito, lalo siyang naaantig, at lalong tumataas ang kanyang kaalaman sa mga bagay na ito. Lingid sa kanyang kamalayan, nabatid niyang kailangan niyang kumawala sa impluwensya ni Satanas, at dapat na lubusan siyang manumbalik sa Diyos. Iyon nga ang kinasasaklawang kanyang nakamit. Napapanaigan niya ang impluwensya ni Satanas, at inaalis sa kanyang sarili ang mga kasiyahan at mga pagtatamasa ng laman, at ginustong maranasan nang mas malalim kapwa ang pagkastigo at paghatol ng Diyos. Sinabi niya, “Kahit na ako ay nabubuhay sa gitna ng Iyong pagkastigo at sa gitna ng Iyong paghatol, gaano man ang kahirapang mararanasan, hindi pa rin ako mamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, hindi pa rin ako payag magdusa sa mga panlilinlang ni Satanas. Nalulugod ako sa pamumuhay sa gitna ng Iyong mga sumpa, at namimighati sa pamumuhay sa gitna ng mga pagpapala ni Satanas. Iniibig Kita sa pamamagitan ng pamumuhay sa gitna ng Iyong paghatol, at nagbibigay ito sa akin ng malaking kasiyahan. Ang Iyong pagkastigo at paghatol ay matuwid at banal; ito ay upang linisin ako, at higit pa ay upang iligtas ako. Mas gugustuhin kong gugulin ang aking buong buhay sa gitna ng Iyong paghatol upang mapasailalim ako sa Iyong pangangalaga. Hindi ako payag na mamuhay nang kahit isang saglit sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas; gusto kong malinis Mo ako; kahit na ako ay makaranas ng mga paghihirap, hindi ako payag na magamit at malinlang ni Satanas. Ako, ang nilikhang ito, ay dapat na magamit Mo, maangkin Mo, mahatulan Mo, at makastigo Mo. Dapat Mo nga rin akong sumpain. Ang aking puso ay nagsasaya kapag nalulugod Kang pagpalain ako, sapagkat nakita ko ang Iyong pag-ibig. Ikaw ay ang Lumikha, at ako ay isang nilikha: Hindi Kita dapat ipagkanulo at mamuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, ni dapat man akong magamit ni Satanas. Dapat akong maging kabayo Mo o baka, sa halip na mabuhay para kay Satanas. Mas mamarapatin kong mabuhay sa gitna ng Iyong pagkastigo, walang kaligayahang pisikal, at ito ay magbibigay-kasiyahan sa akin kahit na mawalan ako ng Iyong biyaya. Bagaman ang Iyong biyaya ay wala sa akin, nagsasaya ako na Iyong makastigo at mahatulan; ito ang Iyong pinakamainam na pagpapala, ang Iyong pinakadakilang biyaya. Bagaman Ikaw ay palaging maringal at puno ng poot sa akin, hindi pa rin Kita maitatakwil, at hindi pa rin Kita maiibig nang sapat. Pipiliin kong manirahan sa Iyong tahanan, pipiliin kong maisumpa, makastigo, at mapalo Mo, at hindi nais na mamuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, ni hindi ko rin gusto na magmadali at gawing abala ang aking sarili para lamang sa laman, at lalong hindi ko gustong mamuhay para sa laman.” Ang pag-ibig ni Pedro ay isang dalisay na pag-ibig. Ito ang karanasan ng ginagawang perpekto, at ang pinakamataas na kinasasaklawan ng pagiging ginawang perpekto; wala nang buhay na mas makahulugan diyan. Tinanggap niya ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, pinahalagahan niya ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at wala nang mas nakahihigit pa ang kahalagahan para kay Pedro. Sinabi niya, “Binibigyan ako ni Satanas ng mga materyal na kasiyahan ngunit hindi ko pinahahalagahan ang mga iyon. Ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay dumarating sa akin—dito ako ay nabibigyan ng kagandahang-loob, dito ako ay nasisiyahan, at dito ako ay napagpala. Kung hindi dahil sa paghatol ng Diyos ay hindi ko kailan man iibigin ang Diyos, mananatili akong namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, nakokontrol at nauutusan pa rin nito. Kung gayon ang sitwasyon, hindi ako kailanman magiging isang tunay na tao, dahil hindi ko mapasasaya ang Diyos, at hindi ko mailalaan ang aking kabuuan sa Diyos. Kahit na hindi ako pinagpapala ng Diyos, iniiwan akong walang kaaliwan sa loob, na para bang may nag-aapoy sa loob ko, at walang kapayapaan o kagalakan, at kahit na hindi kailanman nalalayo sa akin ang pagkastigo at pagdisiplina ng Diyos, sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol ng Diyos nakikita ko ang Kanyang matuwid na disposisyon. Lubos akong nasisiyahan dito; wala nang iba pang bagay ang mas mahalaga o mas makahulugan sa buhay. Kahit na ang Kanyang proteksyon at pag-aalaga ay naging walang-awang pagkastigo, paghatol, mga sumpa at pagpalo, ako ay nasisiyahan pa rin sa mga bagay na ito, sapagkat maaari nilang mas mahusay na malinis ako at mabago ako, madadala ako nang mas malapit sa Diyos, magagawa ako na higit pang nagmamahal sa Diyos, at magagawang mas dalisay ang aking pagmamahal sa Diyos. Tinutulutan ako nito na makayang tuparin ang aking tungkulin bilang isang nilikha, at dinadala ako sa harap ng Diyos at malayo sa impluwensya ni Satanas, kaya hindi na ako naglilingkod kay Satanas. Kapag hindi ako namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at naitatalaga ko na ang lahat ng bagay na mayroon ako at lahat ng maaari kong gawin para sa Diyos, nang walang pag-aatubili—iyon ay ang sandali na ako ay ganap na nasisiyahan. Ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ang nagligtas sa akin, at ang aking buhay ay hindi mahihiwalay mula sa pagkastigo at paghatol ng Diyos. Para sa akin, ang mamuhay sa lupa ay katulad ng pamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, anupa’t kung hindi dahil sa pangangalaga at pag-iingat ng pagkastigo at paghatol ng Diyos, ako ay mananatiling namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at higit pa riyan, hindi ako magkakaroon ng pagkakataon o paraan na isabuhay ang isang makahulugang buhay. Kung hindi kailanman mahihiwalay sa akin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay saka lamang ako malilinis ng Diyos. Dahil lamang sa masasakit na salita at matuwid na disposisyon ng Diyos, at sa maringal na paghatol ng Diyos, ay natamo ko ang pinakamahusay na proteksiyon at namuhay ako sa liwanag, at natamo ang mga pagpapala ng Diyos. Upang malinis, at mapalaya ang aking sarili kay Satanas, at mamuhay sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos—ito ang pinakadakilang pagpapala sa buhay ko ngayon.” Ito ang pinakamataas na kinasasaklawan na naranasan ni Pedro.
Ito mismo ang kalagayan na dapat marating ng tao pagkatapos na siya ay magawang perpekto. Kung hindi mo kayang marating ang ganitong antas, kung gayon hindi mo magagawang isabuhay ang isang buhay na makahulugan. Ang tao ay nabubuhay sa gitna ng laman, na nangangahulugang nabubuhay siya sa isang pantaong impiyerno, at kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang tao ay kasingdumi ni Satanas. Paano magiging banal ang tao? Naniwala si Pedro na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ang pinakamabuting proteksiyon at pinakadakilang biyaya sa tao. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol ng Diyos magigising ang tao at kapopootan ang laman, kamumuhian si Satanas. Ang mahigpit na pagdisiplina ng Diyos ay nagpapalaya sa tao mula sa impluwensya ni Satanas, nagpapalaya sa kanya mula sa kanyang sariling maliit na mundo, at nagtutulot sa kanyang mamuhay sa liwanag ng presensya ng Diyos. Wala nang higit na mabuting pagliligtas kaysa sa pagkastigo at paghatol! Nanalangin si Pedro, “O Diyos! Hangga’t kinakastigo Mo at hinahatulan ako, malalaman ko na hindi Mo ako iniwan. Kahit na hindi Mo ako binibigyan ng kagalakan o kapayapaan, at ginagawa akong mamuhay nang may pagdurusa, at pinagpapasan ako ng hindi-mabilang na mga pagtutuwid, hangga’t hindi Mo ako iniiwan, ang puso ko ay magiging panatag. Ngayon, ang Iyong pagkastigo at paghatol ay naging pinakamabuting proteksiyon ko at pinakadakilang pagpapala. Ang ibinibigay Mong biyaya sa akin ay nag-iingat sa akin. Ang biyaya na Iyong ipinagkakaloob sa akin ngayon ay pagpapahayag ng Iyong matuwid na disposisyon, at pagkastigo at paghatol; bukod diyan, ito ay isang pagsubok, at, higit pa riyan, ito ay isang buhay ng pagdurusa.” Nakayang isantabi ni Pedro ang mga kasiyahan ng laman at hanapin ang isang mas malalim na pag-ibig at higit na pag-iingat, dahil marami siyang nakamtang biyaya mula sa pagkastigo at paghatol ng Diyos. Sa kanyang buhay, kung nais ng tao na malinis at makamtan ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung nais niya na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha, kung gayon dapat niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at hindi dapat hayaan ang pagdisiplina ng Diyos at pagpalo ng Diyos na lumisan mula sa kanya, upang maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa pagmamanipula at impluwensya ni Satanas, at mamuhay sa liwanag ng Diyos. Kilalanin mo na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at na walang higit na mabuting pagpapala, biyaya o pag-iingat para sa tao. Ang tao ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, at umiiral sa laman; kung hindi siya nalilinis at hindi nakatatanggap ng pag-iingat ng Diyos, kung gayon ang tao ay lalo kailanmang magiging higit na masama. Kung nais niyang ibigin ang Diyos, kung gayon dapat siyang malinis at maligtas. Nanalangin si Pedro, “Diyos ko, kapag pinakikitunguhan Mo ako nang may-kabaitan ako ay nalulugod, at nagiginhawahan; kapag kinakastigo Mo ako, nakadarama ako ng higit pang kaginhawahan at kagalakan. Bagaman ako ay mahina, at nagbabata ng di-mabigkas na pagdurusa, bagaman mayroong mga luha at kalungkutan, batid Mo na ang kalungkutang ito ay dahil sa aking paghihimagsik, at dahil sa aking kahinaan. Tumatangis ako dahil hindi ko natutugunan ang Iyong mga layunin, nalulungkot ako at nanghihinayang dahil hindi ako sapat para sa Iyong mga kailangan, ngunit handa akong abutin ang kinasasaklawang ito, handa akong gawin ang lahat ng kaya ko upang Ikaw ay aking mapasaya. Ang Iyong pagkastigo ay nagdulot sa akin ng pag-iingat, at nakapagbigay sa akin ng pinakamabuting kaligtasan; ang Iyong paghatol ay nagkukubli ng Iyong pagpaparaya at pagtitiis. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol, hindi ko matatamasa ang Iyong awa at kagandahang-loob. Ngayon, lalo kong nakikita na ang Iyong pag-ibig ay nakalampas sa mga kalangitan at hinigitan ang lahat ng iba pang bagay. Ang Iyong pag-ibig ay hindi lamang awa at kagandahang-loob; higit pa riyan, ito ay pagkastigo at paghatol. Ang Iyong pagkastigo at paghatol ay nagbigay ng napakarami sa akin. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol, walang isa mang taong malilinis, at walang isa mang taong makararanas ng pag-ibig ng Lumikha. Bagaman nakapagtiis ako ng daan-daang mga pagsubok at kapighatian, at nakaranas pang mabingit sa kamatayan, natulutan ako ng mga ito na tunay Kang makilala at magtamo ng pinakamataas na kaligtasan. Kung ang Iyong pagkastigo, paghatol at pagdisiplina ay lilisan mula sa akin, kung gayon ay mabubuhay ako sa kadiliman, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ano nga ba ang mga pakinabang ng laman ng tao? Kung ang Iyong pagkastigo at paghatol ay aalis sa akin, ito ay waring ang Iyong Espiritu ay nagtakwil sa akin, na waring Ikaw ay hindi ko na kasama. Kung magkagayon nga, paano ako magpapatuloy na mabuhay? Kung binibigyan Mo ako ng karamdaman, at kukunin ang aking kalayaan, maaari pa rin akong patuloy na mabuhay, ngunit kung sakaling lilisanin ako ng Iyong pagkastigo at paghatol, mawawalan na ako ng daan upang patuloy na mabuhay. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol sa akin, mawawala na sa akin ang Iyong pag-ibig, isang pag-ibig na lubhang malalim upang aking masabi. Kung wala ang Iyong pag-ibig, ako ay mabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at hindi na makikita ang Iyong maluwalhating mukha. Paano ako makakapagpatuloy na mabuhay? Ang gayong kadiliman, ang gayong buhay, ay hindi ko kayang mabata. Ang makasama Kita ay tulad ng namamasdan Kita, kaya paano Kita maiiwan? Nagmamakaawa ako sa Iyo, nakikiusap ako sa Iyo na huwag kunin ang aking pinakadakilang kaaliwan mula sa akin, kahit na ito ay ilang salita lamang na nagbibigay-katiyakan. Natamasa ko ang Iyong pag-ibig, at ngayon ay hindi ko kayang malayo sa Iyo; paano na hindi Kita maiibig? Marami akong itinangis na mga luha ng kalungkutan dahil sa Iyong pag-ibig, subali’t lagi kong nararamdaman na ang isang buhay na gaya nito ay higit na makahulugan, higit akong napagyayaman, higit akong nababago, at higit akong tinutulutang makamit ang katotohanang taglay dapat ng mga nilikha.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Ang Pagbitiw sa Kasikatan at Katayuan sa Pamamagitan ng Paghatol at Pagkastigo ng Diyos
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang Paghatol at Pagkastigo ay Pagmamahal ng Diyos
Inalis ng mga Salita ng Diyos ang Aking mga Maling Pag-unawa
Kaugnay na mga Himno
Ang Pagkastigo at Paghatol ng Diyos ay ang Liwanag ng Kaligtasan ng Tao
Ibinubunyag ng Paghatol at Pagkastigo ang Pagliligtas ng Diyos
Nakita Ko ang Pag-ibig ng Diyos sa Pagkastigo at Paghatol