2. Bakit kailangang tanggapin ng mga mananampalataya sa Diyos ang Kanyang paghatol at pagkastigo

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Makalipas ang ilang libong taon ng katiwalian, ang tao’y manhid at mapurol ang isip; siya’y naging demonyong kumakalaban sa Diyos, hanggang naitala na sa mga aklat ng kasaysayan ang pagiging mapanghimagsik ng tao tungo sa Diyos, at kahit ang tao mismo ay hindi kayang magbigay ng buong ulat ng kanyang ugaling mapanghimagsik—sapagka’t ang tao ay nagawang tiwali na nang husto ni Satanas, at nailigaw na ni Satanas, na anupa’t hindi niya nalalaman kung saan tutungo. Kahit sa ngayon, pinagtataksilan pa rin ng tao ang Diyos: Kapag nakikita ng tao ang Diyos, nagtataksil siya sa Kanya, at kapag hindi niya nakikita ang Diyos, Siya’y pinagtataksilan pa rin niya. Mayroon pa ngang iba na, bagaman nasasaksihan na ang mga sumpa ng Diyos at poot ng Diyos, pinagtataksilan pa rin Siya. Kung kaya’t sinasabi Kong nawala na ng katinuan ng tao ang orihinal nitong gamit, at na ang konsensiya ng tao, gayundin, ay nawalan ng orihinal nitong gamit. Ang taong nasisilayan Ko ay isang hayop sa anyong tao, isa siyang makamandag na ahas, at gaano man niya subukang magmukhang kahabag-habag sa mga mata Ko, hinding-hindi Ko siya kaaawaan, sapagka’t ang tao ay walang pagkaunawa sa pagkakaiba ng itim at puti, sa pagkakaiba ng katotohanan at di-katotohanan. Masyadong namanhid ang katinuan ng tao, nguni’t patuloy siyang naghahangad na magkamit ng mga pagpapala; masyadong walang-dangal ang kanyang pagkatao nguni’t naghahangad pa rin siyang taglayin ang kataas-taasang kapangyarihan ng isang hari. Kanino kaya siya magiging hari sa gayong katinuan? Papaano siya mauupo sa isang trono sa gayong katauhan? Tunay na walang kahihiyan ang tao! Siya ay isang palalong kahabag-habag! Para sa inyong nagnanais magkamit ng mga pagpapala, ipinapayo Kong humanap muna kayo ng salamin at tingnan ang inyong sariling pangit na larawan—taglay mo ba ang mga kinakailangan upang maging hari? Taglay mo ba ang mukha ng isang magtatamo ng mga pagpapala? Wala pa rin kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo pa naisagawa ang alinman sa katotohanan, nguni’t hinahangad mo pa rin ang isang magandang kinabukasan. Nililinlang mo ang iyong sarili! Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpeksiyon ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang piyudal, at naturuan na siya sa “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas mabangis ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang magpasakop sa Diyos, ni, higit pa rito, isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, walang ginawa ang tao kundi maghangad ng kalayawan, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa lupain ng putik. Marinig man nila ang katotohanan, hindi nag-iisip ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, ni nakahandang hanapin ang Diyos kahit na nasaksihan na nila ang Kanyang pagpapakita. Paano magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan ang isang sangkatauhang napakasama? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang sangkatauhang labis nang namumulok?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon ng pagtiwali ni Satanas sa kanya, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging dalisay. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. Lahat ng gawaing ginagawa sa araw na ito ay para malinis at mabago ang tao; sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, pati na rin ng pagpipino, makakaya ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at maaaring malinis ang tao. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay panlulupig at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita; at sa pamamagitan ng paggamit ng salita upang magpino, maghatol, at maglantad ganap na nailalantad ang lahat ng karumihan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga indibidwal na pag-asam sa kalooban ng puso ng tao. Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pag-alala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag nito. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa katawang tao, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, inihahayag nang walang katapusan ang kanyang satanikong disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw upang magtapat ng kasalanan sa gabi. Dahil dito, kahit na ang handog para sa kasalanan ay walang hanggan ang bisa sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakumpleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. Halimbawa, nang mapagtanto ng mga tao na sila ay nagmula kay Moab, nagreklamo sila, hindi na nila hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinakikita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng sangkatauhan sa kapangyarihan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong tiwaling satanikong disposisyon nila? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, ang iyong mga kamay ay nakataas nang mas mataas kaysa iba, maging kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas: “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging malapit sa Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Maghimagsik laban sa matandang Satanas! Maghimagsik laban sa malaking pulang dragon! Nawa’y ang malaking pulang dragon ay lubos na bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa’y gawin tayong ganap ng Diyos!” Ang iyong mga sigaw ay pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa’y nabunyag ang tiwaling disposisyon ng mga tao. Pagkatapos, tumigil ang kanilang mga sigaw, at wala na silang paninindigan. Ito ang katiwalian ng tao; mas malalim kaysa kasalanan, ito ay itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4

Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat magpasakop ang tao sa Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad at pinupungusan Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos. Kung hindi mo pinag-uukulan ang mga katotohanang ito ng pagpapahalaga at palaging iniisip ang pag-iwas sa mga ito, o paghahanap ng isang bagong daan bukod sa mga ito, kung gayon sinasabi Kong lubha kang makasalanan. Kung mayroon kang pananampalataya sa Diyos, ngunit hindi mo hinahanap ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos, ni hindi iniibig ang daan na naglalapit sa iyo sa Diyos, kung gayon sinasabi Kong ikaw ay isa na sinusubukang iwasan ang paghatol, at na isa kang sunud-sunuran at taksil na tumatakas mula sa dakilang puting luklukan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinuman sa mga mapanghimagsik na tumatakas sa ilalim ng Kanyang mga mata. Ang gayong mga tao ay makatatanggap ng lalo pang mas mabigat na kaparusahan. Silang mga nagsilapit sa harap ng Diyos upang mahatulan, at higit pa ay nadalisay na, ay mananahan magpakailanman sa kaharian ng Diyos. Siyempre, ito ay bagay na nabibilang sa hinaharap.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Ang buong buhay ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at wala ni isang tao ang kayang mag-isang palayain ang kanyang sarili mula sa impluwensiya ni Satanas. Lahat ay nabubuhay sa isang maruming sanlibutan, sa katiwalian at kahungkagan, wala ni katiting mang kahulugan o kahalagahan, namumuhay sila nang walang inaalala, para sa laman, para sa pagnanasa, at para kay Satanas. Walang kahit katiting mang halaga sa kanilang pag-iral. Hindi kaya ng tao na hanapin ang katotohanang magpapalaya sa kanya mula sa impluwensiya ni Satanas. Kahit na naniniwala ang tao sa Diyos at nagbabasa ng Bibliya, hindi niya nauunawaan kung paano siya makalalaya mula sa pagkontrol ng impluwensiya ni Satanas. Sa mga nakalipas na mga kapanahunan, iilang tao lang ang nakatuklas ng lihim na ito, iilan lang ang nakaunawa rito. Sa gayon, bagaman kinamumuhian ng tao si Satanas, at kinamumuhian ang laman, hindi niya alam kung paano alisin sa sarili niya sa masamang impluwensiya ni Satanas. Ngayon, hindi ba’t nasa ilalim pa rin kayo ng kapangyarihan ni Satanas? Hindi ninyo pinagsisisihan ang inyong mga ginawang paghihimagsik, at lalong hindi ninyo nararamdaman na kayo ay marumi at mapaghimagsik. Pagkatapos na salungatin ang Diyos, mayroon pa rin kayong kapayapaan ng isipan at nakadarama ng lubhang katahimikan. Ang katahimikan mo ba ay hindi dahil sa ikaw ay tiwali? Ang kapayapaan bang ito ng iyong isipan ay hindi nagmumula sa iyong paghihimagsik? Ang tao ay nabubuhay sa isang pantaong impiyerno, nabubuhay siya sa madilim na impluwensya ni Satanas; sa buong lupa, ang mga multo ay naninirahan kasama ng tao, nanghihimasok sa laman ng tao. Sa lupa, hindi ka nabubuhay sa isang magandang paraiso. Ang dako na kinaroroonan mo ay ang kinasasaklawan ng mga diyablo, isang pantaong impiyerno, isang daigdig ng mga patay. Kung ang tao ay hindi nalilinis, siya ay sa karumihan; kung hindi siya iniingatan at kinakalinga ng Diyos, kung gayon siya ay nananatili pang bihag ni Satanas; kung hindi siya hinahatulan at kinakastigo, kung gayon hindi siya magkakaroon ng daan upang makalaya sa paniniil ng madilim na impluwensiya ni Satanas. Ang tiwaling disposisyon na iyong ipinakikita at ang mapaghimagsik na pag-uugali na iyong isinasabuhay ay sapat upang patunayang ikaw ay namumuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kung ang iyong isipan at mga iniisip ay hindi nalinis, at ang iyong disposisyon ay hindi pa nahatulan at nakastigo, kung gayon ang iyong buong pagkatao ay kontrolado pa rin ng kapangyarihan ni Satanas, ang iyong isipan ay kontrolado ni Satanas, ang iyong mga iniisip ay manipulado ni Satanas, at ang buong pagkatao mo ay kontrolado ng mga kamay ni Satanas. … Sa katayuan ng mga bagay-bagay ngayon, maraming tao ang hindi hinahangad ang buhay, ibig sabihin ay hindi nila inaalintana ang pagiging nalinis, o tungkol sa pagpasok sa mas malalim na karanasan sa buhay. Kung gayon ay paano sila magagawang perpekto? Yaong mga hindi hinahangad ang buhay ay walang pagkakataong magawang perpekto, at yaong mga hindi naghahabol ng kaalaman sa Diyos, hindi nagsisikap na magtamo ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon, ay hindi kayang makatakas mula sa madilim na impluwensya ni Satanas. Hindi sila seryoso sa kanilang kaalaman sa Diyos at sa kanilang pagpasok sa mga pagbabago sa kanilang disposisyon, katulad ng mga naniniwala sa relihiyon, at sumusunod lamang sa ritwal at dumadalo sa mga regular na serbisyo. Hindi ba’t walang silbi iyan? Kung, sa paniniwala ng tao sa Diyos, siya ay hindi taimtim tungkol sa mga bagay-bagay ng buhay, hindi hinahabol ang pagpasok sa katotohanan, hindi naghahabol ng mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at lalong hindi naghahabol ng isang kaalaman sa gawain ng Diyos, kung gayon hindi siya magagawang perpekto. Kung gusto mo na magawang perpekto, kung gayon ay dapat mong maunawaan ang gawain ng Diyos. Sa partikular, dapat mong maunawaan ang kabuluhan ng Kanyang pagkastigo at paghatol, at bakit ang gawaing ito ay isinasagawa sa tao. Kaya mo bang tanggapin ang gawaing ito? Sa panahon ng ganitong uri ng pagkastigo, kaya mo bang makamit ang mga karanasan at kaalaman na kapareho ng kay Pedro? Kung naghahangad ka ng kaalaman sa Diyos at sa gawain ng Banal na Espiritu, at kung naghahangad kang magkaroon ng mga pagbabago sa iyong disposisyon, kung gayon mayroon kang pagkakataon na magawang perpekto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

Ang lahat ng namumuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman ay yaong mga namumuhay sa gitna ng kamatayan, yaong mga pagmamay-ari na ni Satanas. Kung hindi iniligtas, hinatulan, at kinastigo ng Diyos, hindi makakatakas ang mga tao sa impluwensya ng kamatayan; hindi sila maaaring maging ang mga buhay. Hindi maaaring magpatotoo sa Diyos ang “mga taong patay” na ito, at ni hindi rin sila maaaring gamitin ng Diyos, lalo nang hindi makakapasok sa kaharian. Nais ng Diyos ang patotoo ng mga buhay, hindi ng mga patay, at hinihiling Niya na ang mga buhay, hindi ang mga patay, ang gumawa para sa Kanya. “Ang mga patay” ay yaong mga sumasalungat at naghihimagsik laban sa Diyos; sila yaong mga manhid ang espiritu at hindi nauunawaan ang mga salita ng Diyos; sila yaong mga hindi isinasagawa ang katotohanan at wala ni katiting na katapatan sa Diyos, at sila yaong mga namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at pinagsasamantalahan ni Satanas. Ipinapakita ng mga patay ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paninindigan laban sa katotohanan, paghihimagsik sa Diyos, at pagiging mababa, kasuklam-suklam, mapaghangad ng masama, malupit, mapanlinlang, at lihim na mapanira. Kahit na kinakain at iniinom ng ganitong mga tao ang mga salita ng Diyos, hindi nila kayang isabuhay ang mga salita ng Diyos; kahit na buhay sila, lumalakad at humihingang mga bangkay lamang sila. Lubos na walang kakayahang pasayahin ng mga patay ang Diyos, lalo na ang maging ganap na nagpapasakop sa Kanya. Kaya lamang nilang linlangin Siya, lapastanganin Siya, at ipagkanulo Siya, at ang lahat ng inilalabas nila sa pamamaraan ng kanilang pamumuhay ay naghahayag ng kalikasan ni Satanas. Kung nais ng mga tao na maging buhay na mga nilalang at magpatotoo sa Diyos, at maging sinasang-ayunan ng Diyos, dapat nilang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos; dapat silang malugod na magpasakop sa Kanyang paghatol at pagkastigo, at dapat nilang malugod na tanggapin ang pagpupungos ng Diyos. Saka lamang nila maisasagawa ang lahat ng katotohanang hinihingi ng Diyos, at saka lamang nila makakamit ang pagliligtas ng Diyos at magiging tunay na buhay na mga nilalang. Inililigtas ng Diyos ang mga buhay; nahatulan at nakastigo na sila ng Diyos, handa silang italaga ang kanilang mga sarili at masayang ibigay ang kanilang mga buhay para sa Diyos, at malugod nilang ilalaan ang kanilang buong buhay sa Diyos. Tanging kapag nagpapatotoo lamang sa Diyos ang mga buhay saka mapapahiya si Satanas; tanging ang mga buhay lamang ang maaaring magpalaganap ng gawaing ebanghelyo ng Diyos, tanging ang mga buhay lamang ang naaayon sa mga layunin ng ng Diyos, at tanging ang mga buhay lamang ang tunay na mga tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ikaw Ba ay Isang Taong Nabuhay Na?

Ang tao ay nabubuhay sa gitna ng laman, na nangangahulugang nabubuhay siya sa isang pantaong impiyerno, at kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang tao ay kasingdumi ni Satanas. Paano magiging banal ang tao? Naniwala si Pedro na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ang pinakamabuting proteksiyon at pinakadakilang biyaya sa tao. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol ng Diyos magigising ang tao at kapopootan ang laman, kamumuhian si Satanas. Ang mahigpit na pagdisiplina ng Diyos ay nagpapalaya sa tao mula sa impluwensya ni Satanas, nagpapalaya sa kanya mula sa kanyang sariling maliit na mundo, at nagtutulot sa kanyang mamuhay sa liwanag ng presensya ng Diyos. Wala nang higit na mabuting pagliligtas kaysa sa pagkastigo at paghatol! Nanalangin si Pedro, “O Diyos! Hangga’t kinakastigo Mo at hinahatulan ako, malalaman ko na hindi Mo ako iniwan. Kahit na hindi Mo ako binibigyan ng kagalakan o kapayapaan, at ginagawa akong mamuhay nang may pagdurusa, at pinagpapasan ako ng hindi-mabilang na mga pagtutuwid, hangga’t hindi Mo ako iniiwan, ang puso ko ay magiging panatag. Ngayon, ang Iyong pagkastigo at paghatol ay naging pinakamabuting proteksiyon ko at pinakadakilang pagpapala. Ang ibinibigay Mong biyaya sa akin ay nag-iingat sa akin. Ang biyaya na Iyong ipinagkakaloob sa akin ngayon ay pagpapahayag ng Iyong matuwid na disposisyon, at pagkastigo at paghatol; bukod diyan, ito ay isang pagsubok, at, higit pa riyan, ito ay isang buhay ng pagdurusa.” Nakayang isantabi ni Pedro ang mga kasiyahan ng laman at hanapin ang isang mas malalim na pag-ibig at higit na pag-iingat, dahil marami siyang nakamtang biyaya mula sa pagkastigo at paghatol ng Diyos. Sa kanyang buhay, kung nais ng tao na malinis at makamtan ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung nais niya na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha, kung gayon dapat niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at hindi dapat hayaan ang pagdisiplina ng Diyos at pagpalo ng Diyos na lumisan mula sa kanya, upang maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa pagmamanipula at impluwensya ni Satanas, at mamuhay sa liwanag ng Diyos. Kilalanin mo na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at na walang higit na mabuting pagpapala, biyaya o pag-iingat para sa tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

Lahat kayo ay naninirahan sa isang lupain ng kasalanan at kahalayan, at lahat kayo ay mahalay at makasalanan. Ngayon ay hindi lamang ninyo nakikita ang Diyos, kundi ang mas mahalaga, natanggap ninyo ang pagkastigo at paghatol, natanggap ninyo itong napakalalim na pagliligtas, ibig sabihin, natanggap ninyo ang pinakadakilang pagmamahal ng Diyos. Sa lahat ng Kanyang ginagawa, totoong mapagmahal ang Diyos sa inyo. Wala Siyang masamang layon. Dahil sa inyong mga kasalanan kaya Niya kayo hinahatulan, upang suriin ninyo ang inyong sarili at tanggapin ang napakalaking pagliligtas na ito. Lahat ng ito ay ginagawa para gawing ganap ang tao. Mula simula hanggang wakas, ginagawa na ng Diyos ang Kanyang buong makakaya upang iligtas ang tao, at wala Siyang hangaring ganap na wasakin sa Kanyang sariling mga kamay ang mga taong Kanyang nilikha. Ngayon, naparito Siya sa inyo upang gumawa; hindi ba ito mas maituturing na pagliligtas? Kung kinamuhian Niya kayo, gagawa pa ba Siya ng gayon kalaking gawain upang personal kayong gabayan? Bakit Niya kailangang magdusa nang gayon? Hindi kayo kinamumuhian ng Diyos o wala Siyang anumang masamang layon sa inyo. Dapat ninyong malaman na ang pagmamahal ng Diyos ang pinakatotoong pagmamahal. Dahil lamang sa mapaghimagsik ang mga tao kaya Niya sila kailangang iligtas sa pamamagitan ng paghatol; kung hindi dahil dito, imposible silang mailigtas. Dahil hindi ninyo alam kung paano mamuhay at ni wala kayong malay kung paano mabuhay, at dahil kayo ay nabubuhay sa mahalay at makasalanang lupaing ito at kayo mismo ay mahalay at maruming mga diyablo, hindi Niya matiis na hayaan kayong maging mas masama, hindi Niya matiis na makita kayong nabubuhay sa maruming lupaing ito tulad ngayon, na tinatapak-tapakan ni Satanas kung kailan nito gusto, at hindi Niya matiis na hayaan kayong mahulog sa Hades. Nais lamang Niyang maangkin ang grupong ito ng mga tao at lubusan kayong iligtas. Ito ang pangunahing layunin ng paggawa ng gawain ng paglupig sa inyo—para lamang ito sa pagliligtas. Kung hindi mo makita na lahat ng ginawa sa iyo ay pagmamahal at pagliligtas, kung iniisip mo na isa lamang itong pamamaraan, isang paraan upang pahirapan ang tao, at isang bagay na hindi mapagkakatiwalaan, mas mabuti pang bumalik ka na sa iyong mundo upang magdanas ng pasakit at paghihirap! Kung handa kang mapasama sa daloy na ito, at masiyahan sa paghatol na ito at sa napakalawak na pagliligtas na ito, at matamasa ang lahat ng pagpapalang ito, mga pagpapalang hindi matatagpuan saanman sa mundo ng tao, at matamasa ang pagmamahal na ito, mabuti kung gayon: Mamalagi sa daloy na ito para tanggapin ang gawain ng paglupig upang magawa kang perpekto. Ngayon, maaaring nagdaranas ka ng kaunting pasakit at pagpipino dahil sa paghatol ng Diyos, ngunit may halaga at kabuluhan ang pagdanas ng pasakit na ito. Bagama’t pinipino at walang-awang inilalantad ang mga tao sa pagkastigo at paghatol ng Diyos—na ang layon ay parusahan sila para sa kanilang mga kasalanan, parusahan ang kanilang laman—wala sa gawaing ito ang nilayong isumpa ang kanilang laman hanggang sa mawasak. Ang matitinding pagsisiwalat ng salita ay para lahat sa layunin na akayin ka sa tamang landas. Personal na ninyong naranasan ang napakarami sa gawaing ito at, malinaw, hindi kayo naakay nito sa isang masamang landas! Lahat ay upang maisabuhay mo ang normal na pagkatao, at magagawa ang lahat ng ito ng iyong normal na pagkatao. Bawat hakbang ng gawain ng Diyos ay batay sa iyong mga pangangailangan, ayon sa iyong mga kahinaan, at ayon sa iyong aktwal na tayog, at walang pasaning ibinigay sa inyo na hindi ninyo kakayanin. Hindi ito malinaw sa iyo ngayon, at pakiramdam mo ay parang pinahihirapan kita, at totoong palagi kang naniniwala na kaya kita kinakastigo, hinahatulan at sinasaway araw-araw ay dahil kinamumuhian kita. Ngunit kahit ang dinaranas mo ay pagkastigo at paghatol, ang totoo ay pagmamahal ito sa iyo, at ito ang pinakamalaking proteksyon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 4

Sa katotohanan, ang gawaing ginagawa ngayon ay upang maghimagsik ang mga tao laban kay Satanas, ang kanilang sinaunang ninuno. Lahat ng paghatol sa pamamagitan ng salita ay naglalayong ilantad ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan at bigyang-kakayahan ang mga tao na maunawaan ang diwa ng buhay. Ang paulit-ulit na mga paghatol na ito ay tumatagos sa puso ng mga tao. Bawat paghatol ay tuwirang nauugnay sa kanilang kapalaran at naglalayong sugatan ang kanilang mga puso para kanilang mapakawalan ang lahat ng bagay na iyon at nang sa gayon ay makilala ang buhay, makilala ang maruming mundong ito, makilala ang karunungan at pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos, at makilala rin ang sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas. Habang lalong ganito ang pagkastigo at paghatol, mas masusugatan ang puso ng tao at mas magigising ang kanyang espiritu. Ang paggising sa espiritu ng mga taong ito na napakatiwali at lubhang nalinlang ang mithiin ng ganitong uri ng paghatol. Ang tao ay walang espiritu, ibig sabihin, ang kanyang espiritu ay matagal nang namatay at hindi niya alam na may Langit, hindi niya alam na mayroong Diyos, at tiyak na hindi nalalamang siya ay nakikipagtunggali sa bangin ng kamatayan; paano niya malalaman na siya ay namumuhay sa loob nitong masamang impiyerno sa lupa? Paano niya malalaman na itong nabubulok na bangkay niya, sa pamamagitan ng katiwalian ni Satanas, ay nahulog tungo sa Hades ng kamatayan? Paano niya malalaman na ang lahat sa lupa ay matagal nang nawasak na hindi na maaayos ng sangkatauhan? At paano niya malalaman na ang Lumikha ay dumating sa lupa ngayon at naghahanap ng isang pangkat ng mga tiwaling tao na maaari Niyang iligtas? Kahit pagkatapos maranasan ng tao ang bawat posibleng pagpipino at paghatol, ang kanyang mapurol na kamalayan ay bahagya pa ring napupukaw at halos hindi tumutugon. Ang sangkatauhan ay nagpakasama-sama! At bagamat ang ganitong uri ng paghatol ay tulad ng mabagsik na yelong ulan na nahuhulog mula sa papawirin, mayroon itong pinakamalaking pakinabang sa tao. Kung hindi sa paghatol sa mga tao na gaya nito, hindi magkakaroon ng bunga at magiging ganap na imposible na iligtas ang mga tao mula sa bangin ng paghihirap. Kung hindi sa gawaing ito, magiging napakahirap para sa mga tao na lumabas mula sa Hades dahil ang kanilang mga puso ay matagal nang namatay at ang kanilang mga espiritu ay matagal nang niyurakan ni Satanas. Ang pagliligtas sa inyo na nalubog sa pinakamalalim na kalaliman ng pagkabulok ay nangangailangan ng pagtawag sa inyo nang buong lakas, paghatol sa inyo nang buong lakas, at saka lamang magiging posible na gisingin ang mga nanlalamig ninyong puso.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay

Kapag nagdurusa kayo ng kaunting pagpipigil o paghihirap, makakabuti iyon sa inyo; kung pinadali iyon para sa inyo, mapapahamak kayo, at kung gayon ay paano kayo mapoprotektahan? Ngayon, kinakastigo, hinahatulan, at isinusumpa kayo kaya nabibigyan kayo ng proteksyon. Nagdusa na kayo nang husto kaya pinoprotektahan kayo. Kung hindi, matagal na sana kayong nahulog sa kabulukan. Hindi ito sadyang pagpapahirap ng mga bagay para sa inyo—ang likas na pagkatao ng tao ay mahirap baguhin, at kailangan itong magkaganito para magbago ang kanilang mga disposisyon. Ngayon, ni wala kayong konsiyensiya o katinuang tinaglay ni Pablo, ni hindi ninyo taglay ang kanyang kamalayan sa sarili. Lagi kayong kailangang pilitin, at kailangan kayong palaging makastigo at mahatulan para magising ang inyong mga espiritu. Pagkastigo at paghatol ang pinakamabuti para sa inyong buhay. At kapag kinakailangan, dapat ay mayroon ding pagkastigo ng mga katotohanang dumarating sa inyo; saka lamang kayo lubos na magpapasakop. Ang inyong kalikasan ay ganito na kung walang pagkastigo at pagsumpa, hindi ninyo gugustuhing yumuko, hindi gugustuhing magpasakop. Kung hindi ninyo nakikita ang mga katunayan, walang magiging epekto Masyadong aba at walang halaga ang inyong pagkatao! Kung wala ang pagkastigo at paghatol, magiging mahirap kayong malupig, at mahirap daigin ang inyong kawalan ng katuwiran at pagsuway. Ang inyong dating likas na pagkatao ay nakaugat nang napakalalim. Kung inilagay kayo sa trono, hindi ninyo malalaman ang inyong lugar sa sansinukob, lalong wala kayong ideya kung saan kayo patungo. Ni hindi ninyo alam kung saan kayo nagmula, kaya paano ninyo makikilala ang Panginoon ng paglikha? Kung wala ang napapanahong pagkastigo at mga pagsumpa sa ngayon, matagal na sanang dumating ang inyong huling araw. Huwag nang banggitin pa ang inyong kapalaran—hindi ba mas nalalapit iyon sa panganib? Kung wala ang napapanahong pagkastigo at paghatol na ito, sino ang nakakaalam kung gaano katindi kayong yayabang, kung gaano kayo magiging kabuktot. Nadala na kayo ng pagkastigo at paghatol na ito sa kasalukuyan, at naingatan ng mga ito ang inyong buhay. Kung “tinuruan” pa rin kayo gamit ang kaparehong mga pamamaraan tulad ng sa inyong “ama,” sino ang nakakaalam kung anong mundo ang inyong papasukin! Wala talaga kayong kakayahang kontrolin at pagnilayan ang inyong sarili. Para sa mga taong kagaya ninyo, kung susunod at magpapasakop lamang kayo nang hindi nagsasanhi ng anumang paggambala o panggugulo, makakamtan ang Aking mga layon. Hindi ba dapat mas paghusayan ninyo ang pagtanggap ng pagkastigo at paghatol sa ngayon? Ano pang ibang pagpipilian ang mayroon kayo?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 6

Hindi mababago ng mga tao ang sarili nilang disposisyon; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa pagdurusa at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pagdidisiplina at pagpupungos ng Kanyang mga salita. Pagkatapos noon, saka lamang sila magiging mapagpasakop at matapat sa Diyos, at hindi na magpapadalus-dalos sa pakikitungo sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng paglalantad, paghatol, pagdidisiplina, at pagpupungos ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na nagagawa nilang magpasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain, kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, nagagawa nilang isantabi ang mga kuru-kurong ito at maluwag sa loob na magpasakop. Noong araw, ang usapan tungkol sa mga pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumukoy lamang sa paghihimagsik laban sa sarili, pagpapahintulot na magdusa ang laman, pagdidisiplina sa katawan ng isang tao, at pag-aalis sa sarili ng mga makamundong kagustuhan—na isang uri ng pagbabago sa disposisyon. Ngayon, alam ng lahat na ang tunay na pagpapakita ng pagbabago sa disposisyon ay sa pagpapasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos at tunay na pagkaalam sa Kanyang bagong gawain. Sa ganitong paraan, maaaring mapawi ang dating pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos, na nakulayan ng sarili nilang mga kuru-kuro, at makapagtatamo sila ng tunay na kaalaman at pagpapasakop sa Diyos—ito lamang ang tunay na pagpapahayag ng isang pagbabago sa disposisyon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos

Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at halimbawa ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ngayon, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at hinihiling Niya sa tao na magkamit ng kaalaman tungkol sa Kanya, magpasakop sa Kanya, at patotoo sa Kanya—kailangan nilang malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, magpasakop sa lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at kailangan nilang magpatotoo sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na ang lahat ng gawang isinasakatuparan Niya upang lupigin ang tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at praktikal, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagdaan sa Kanyang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya, at ginagamit din Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita lamang, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya nailigtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung naunawaan mo na, ipinapayo Ko na masunuring magpasakop sa pagpapahatol, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na sang-ayunan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Yaong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring mapadalisay, ibig sabihin, yaong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay itataboy ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas marami, at mas mabigat, kaysa roon sa mga Pariseo, sapagkat pinagtaksilan nila ang Diyos at naghimagsik sila laban sa Diyos. Ang gayong mga tao na ni hindi karapat-dapat na magsagawa ng pagtatrabaho ay tatanggap ng mas mabigat na parusa, isang parusang bukod diyan ay pangwalang-hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang ganitong mga tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba ito mismo ang paghahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba ito ang layunin ng Diyos sa paghatol sa tao, at pagbubunyag sa kanya? Ipapadala ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hahayaan ang masasamang espiritung ito na wasakin ang kanilang katawang laman ayon sa gusto ng mga ito, at ang kanilang katawan ay mangangamoy bangkay. Iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos sa kanilang mga talaang aklat ang bawat isa sa mga kasalanan niyaong mga nananalig na hindi tapat at huwad, mga huwad na apostol, at mga huwad na manggagawa; pagkatapos, sa tamang panahon, itatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hahayaan ang maruruming espiritung ito na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto ng mga ito, upang hindi na sila makapagkatawang-taong muli kailanman at hindi na makitang muli ang liwanag kailanman. Yaong mga ipokrito na minsang naglingkod ngunit hindi nanatiling tapat hanggang sa huli ay ibinibilang ng Diyos sa masasama, kaya bumabagsak sila sa pakikipagsosyo sa mga masasama at nagiging bahagi ng kanilang magulong grupo; sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos yaong mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o hindi kailanman naglaan ng anumang pagsisikap nila, at pupuksain Niya silang lahat sa pagbabago ng mga kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Yaong hindi kailanman naging tapat sa Diyos, ngunit napilitan dahil sa kanilang kalagayan na humarap sa Kanya nang madalian, ay ibinibilang sa mga yaong naglilingkod para sa Kanyang bayan. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang ang karamihan ay mamamatay na kasama na yaong ang mga trabaho ay hindi umabot sa pamantayan. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na ang isipan ay kaayon ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos, at pati na yaong mga itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Sila ang magiging bunga ng paglilinis na mula sa gawain ng Diyos. Patungkol sa mga yaong hindi kabilang sa anumang kategoryang inilatag ng Diyos, ibibilang sila sa mga walang pananampalataya—at tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kahihinatnan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; kayo ang magpapasya kung aling landas ang inyong pipiliin. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinumang hindi nakakasabay sa Kanya, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Bakit Kailangang Sumailalim ang mga Mananampalataya sa Paghatol at Pagkastigo ng Diyos?

Paano Maging Tunay na Masunurin sa Diyos at Maligtas Niya

Kaugnay na mga Sermon

Bakit Ginagawa ng Diyos ang Gawain ng Paghatol sa mga Huling Araw?

Kaugnay na mga Himno

Ang Pagkastigo at Paghatol ng Diyos ay ang Liwanag ng Kaligtasan ng Tao

Ang Kahulugan ng Gawain ng Paghatol ng Diyos sa mga Huling Araw

Protektado Ka Dahil Ikaw ay Nakastigo at Nahatulan

Sinundan: 1. Ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos, ano ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos

Sumunod: 3. Paano danasin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito