28. Ano ang tinutukoy ng kaligtasan
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Ano ang ganap na kahalagahan ng pananampalataya ng mga tao? Sa madaling salita, ito ay upang maligtas. … Sa madaling salita, ang pagiging naligtas ay nangangahulugan na magagawa mong magpatuloy na mabuhay, na ikaw ay pinanumbalik sa buhay. Namumuhay ka dati sa kasalanan, at nakatakda para sa kamatayan—gaya ng nakikita ng Diyos, ikaw ay patay. Ano ang batayan sa pagsasabi nito? Sa ilalim ng kaninong kapangyarihan namumuhay ang mga tao bago sila nagtamo ng kaligtasan? (Sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas.) At saan umaasa ang mga tao para mabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Umaasa sila sa kanilang satanikong kalikasan at mga tiwaling disposisyon para mabuhay. Kung gayon, ang buong katauhan ba nila—ang kanilang laman, at lahat ng iba pang aspekto katulad ng kanilang mga espiritu at mga kaisipan—ay buhay o patay? Mula sa pananaw ng Diyos, sila ay patay, sila ay mga naglalakad na bangkay. Sa panlabas, mukhang humihinga ka at nag-iisip, ngunit ang lahat ng palagi mong iniisip ay masama, pagsuway sa Diyos at paghihimagsik laban sa Diyos, ang lahat ng iyong iniisip ay mga bagay na kinamumuhian, kinapopootan, at kinokondena ng Diyos. Sa mata ng Diyos, hindi lamang kabilang sa laman ang lahat ng bagay na ito, kundi lubusang pag-aari ni Satanas at ng mga diyablo ang mga ito. Kaya, sa mata ng Diyos, tao pa nga ba ang tiwaling sangkatauhan? Hindi, sila ay mga hayop, diyablo, at Satanas; sila ay mga Satanas na buhay! Ang lahat ng tao ay namumuhay sa kalikasan at disposisyon ni Satanas, at ayon sa nakikita ng Diyos, sila ay mga Satanas na buhay at nakadamit sa laman ng tao, mga diyablo na nasa balat ng tao. Inilalarawan ng Diyos ang gayong mga tao bilang mga naglalakad na bangkay, bilang ang mga patay. Ginagawa na ngayon ng Diyos ang gawain ng kaligtasan, na nangangahulugan na kukunin Niya ang mga naglalakad na bangkay na namumuhay sa tiwaling disposisyon ni Satanas at sa tiwaling diwa nito—ang mga patay—at gagawin Niya silang mga taong buhay. Iyan ang kahalagahan ng pagiging naligtas. Naniniwala sa Diyos ang isang tao upang maligtas—ano ang ibig sabihin ng maligtas? Kapag natamo ng isang tao ang kaligtasan ng Diyos, sila ang mga patay na nagiging buhay. Kung minsan silang napabilang kay Satanas, nakatakdang mamatay, ngayon sila ay nabuhay bilang mga taong nabibilang sa Diyos. Kung kaya ng mga taong sumunod sa Diyos, makilala Siya, at yumukod sa Kanya sa pagsamba kapag nanalig at sumunod sila sa Diyos, kung wala na silang paglaban at paghihimagsik sa Diyos sa kanilang puso, at Siya ay hindi na nila lalabanan o tutuligsain, at kaya na nilang tunay na magpasakop sa Diyos, kung gayon, sa paningin ng Diyos, sila ay tunay na mga taong buhay. … Para ganap na maligtas at maging isang taong buhay ang isang tao, dapat na kahit paano ay magagawa niyang pakinggan ang mga salita ng Diyos, at magsabi ng mga salita ng konsensiya at katwiran, at dapat nag-iisip siya at kumikilatis, may kakayahang maunawaan ang katotohanan at isagawa ito, may kakayahang magpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya. Ganyan ang isang tunay na taong buhay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Totoong Pagpapasakop Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pagtitiwala ang Isang Tao
Ang lahat ng namumuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman ay yaong mga namumuhay sa gitna ng kamatayan, yaong mga pagmamay-ari na ni Satanas. Kung hindi iniligtas, hinatulan, at kinastigo ng Diyos, hindi makakatakas ang mga tao sa impluwensya ng kamatayan; hindi sila maaaring maging ang mga buhay. Hindi maaaring magpatotoo sa Diyos ang “mga taong patay” na ito, at ni hindi rin sila maaaring gamitin ng Diyos, lalo nang hindi makakapasok sa kaharian. Nais ng Diyos ang patotoo ng mga buhay, hindi ng mga patay, at hinihiling Niya na ang mga buhay, hindi ang mga patay, ang gumawa para sa Kanya. “Ang mga patay” ay yaong mga sumasalungat at naghihimagsik laban sa Diyos; sila yaong mga manhid ang espiritu at hindi nauunawaan ang mga salita ng Diyos; sila yaong mga hindi isinasagawa ang katotohanan at wala ni katiting na katapatan sa Diyos, at sila yaong mga namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at pinagsasamantalahan ni Satanas. Ipinapakita ng mga patay ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paninindigan laban sa katotohanan, paghihimagsik sa Diyos, at pagiging mababa, kasuklam-suklam, mapaghangad ng masama, malupit, mapanlinlang, at lihim na mapanira. Kahit na kinakain at iniinom ng ganitong mga tao ang mga salita ng Diyos, hindi nila kayang isabuhay ang mga salita ng Diyos; kahit na buhay sila, lumalakad at humihingang mga bangkay lamang sila. Lubos na walang kakayahang pasayahin ng mga patay ang Diyos, lalo na ang maging ganap na nagpapasakop sa Kanya. Kaya lamang nilang linlangin Siya, lapastanganin Siya, at ipagkanulo Siya, at ang lahat ng inilalabas nila sa pamamaraan ng kanilang pamumuhay ay naghahayag ng kalikasan ni Satanas. Kung nais ng mga tao na maging buhay na mga nilalang at magpatotoo sa Diyos, at maging sinasang-ayunan ng Diyos, dapat nilang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos; dapat silang malugod na magpasakop sa Kanyang paghatol at pagkastigo, at dapat nilang malugod na tanggapin ang pagpupungos ng Diyos. Saka lamang nila maisasagawa ang lahat ng katotohanang hinihingi ng Diyos, at saka lamang nila makakamit ang pagliligtas ng Diyos at magiging tunay na buhay na mga nilalang. Inililigtas ng Diyos ang mga buhay; nahatulan at nakastigo na sila ng Diyos, handa silang italaga ang kanilang mga sarili at masayang ibigay ang kanilang mga buhay para sa Diyos, at malugod nilang ilalaan ang kanilang buong buhay sa Diyos. Tanging kapag nagpapatotoo lamang sa Diyos ang mga buhay saka mapapahiya si Satanas; tanging ang mga buhay lamang ang maaaring magpalaganap ng gawaing ebanghelyo ng Diyos, tanging ang mga buhay lamang ang naaayon sa mga layunin ng ng Diyos, at tanging ang mga buhay lamang ang tunay na mga tao. Sa simula, ang taong nilikha ng Diyos ay buhay, ngunit dahil sa katiwalian ni Satanas, namumuhay ang tao sa gitna ng kamatayan, at namumuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, kaya nga, sa ganitong paraan, naging patay na walang espiritu ang mga tao, naging mga kaaway sila na sumasalungat sa Diyos, naging mga kasangkapan sila ni Satanas, at naging mga bihag sila ni Satanas. Naging patay na mga tao na ang lahat ng buhay na mga taong nilikha ng Diyos, kaya nawala sa Diyos ang Kanyang patotoo, at nawala sa Kanya ang sangkatauhang Kanyang nilikha na tanging nagtataglay ng Kanyang hininga. Kung babawiin ng Diyos ang Kanyang patotoo at babawiin yaong mga nilikha ng Kanyang sariling kamay subalit nabihag na ni Satanas, kailangan Niyang buhayin silang muli upang maging buhay na mga nilalang sila, at kailangan Niyang bawiin sila upang mamuhay sila sa Kanyang liwanag. Ang mga patay ay yaong mga walang espiritu, yaong mga sukdulang manhid at sumasalungat sa Diyos. Una sa lahat, sila yaong mga hindi nakakikilala sa Diyos. Wala ni katiting na intensyon ang mga taong ito na magpasakop sa Diyos; naghihimagsik lamang sila laban sa Kanya at sinasalungat Siya, at wala kahit na katiting na katapatan. Ang mga buhay ay yaong mga isinilang muli ang mga espiritu, na alam magpasakop sa Diyos, at mga tapat sa Diyos. Taglay nila ang katotohanan, at ang patotoo, at ang mga taong ito lamang ang nakalulugod sa Diyos sa Kanyang tahanan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ikaw Ba ay Isang Taong Nabuhay Na?
Sa anong bagay ba pangunahing tumutukoy ang kaligtasan? Pangunahin itong tumutukoy sa pagbabago sa disposisyon. Tanging kapag nabago na ang disposisyon ng isang tao ay saka lamang niya maiwawaksi ang impluwensya ni Satanas at saka siya maililigtas. Samakatuwid, sa panig ng mga sumasampalataya sa Diyos, isang malaking isyu ang pagbabago sa disposisyon. Kapag nagbago na ang disposisyon ng isang tao, isasabuhay niya ang wangis ng tao at ganap niyang matatamo ang kaligtasan. Posible na ang isang tao ay maaaring hindi gaanong kaakit-akit tingnan, may-kaloob, o talentado, maaaring pautal-utal siya at hindi siya mahusay magsalita, o magandang manamit, at maaaring napakaordinaryo niyang tingnan sa panlabas, pero may kakayahan naman siyang hanapin ang katotohanan kapag may nangyayari sa kanya, sa halip na kumilos ayon sa sarili niyang kalooban o magpakana para sa sarili niyang kapakanan, at kapag inuutusan siya ng Diyos na gumanap ng tungkulin, nagagawa niyang magpasakop sa Kanya at tapusin kung ano ang ipinagkatiwala Niya sa kanya. Sa palagay ninyo, anong uri ng tao ito? Bagamat sa panlabas ay hindi siya kaakit-akit o kaaya-ayang tingnan, may puso siyang may takot at nagpapasakop sa Diyos, at sa bagay na ito nabubunyag ang kanyang mga kalakasan. Kapag nakita ito ng mga tao, sasabihin nila, “May matatag na disposisyon ang taong ito, at kapag may mga nangyayari, kaya niyang maghanap nang tahimik sa harapan ng Diyos nang hindi nagiging padalus-dalos o gumagawa ng kahangalan o katangahan. Mayroon siyang seryoso at responsableng saloobin; masunurin siya at kaya niyang ialay nang husto ang kanyang sarili para tapat na tuparin ang kanyang tungkulin.” May pagpipigil ang taong ito sa kung paano siya magsalita at kumilos, mayroon siyang normal na katinuan, at batay sa isinasabuhay niya at sa disposiyong ipinapakita niya, mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso. Kung mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, may mga prinsipyo ba sa kanyang mga kilos? Siguradong hinahanap niya ang mga prinsipyo at hindi siya walang-ingat na gumagawa ng mga maling gawain. Ito ang resultang makakamit sa huli ng pagsasagawa sa katotohanan at ng paghahangad ng pagbabago sa disposisyon. Sukat at tumpak ang kanyang pananalita, hindi siya walang-ingat kung magsalita, kumikilos siya sa paraang nakakapanatag ng kalooban at katiwa-tiwala, at taglay niya ang mga realidad ng pagpapasakop sa Diyos at ng paglayo sa kasamaan. Makikita ang lahat ng pagpapamalas na ito sa taong ito. Isa itong taong nakapasok na sa katotohanang realidad, at nagbago na ang disposisyon.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang laman ng tao ay kay Satanas, ito ay puno ng mga masuwaying disposisyon, nakakahiya ang karumihan nito, at ito ay isang bagay na hindi malinis. Masyadong nag-iimbot ang mga tao sa kasiyahan ng laman at napakaraming pagpapamalas ng laman; ito ang dahilan kaya kinasusuklaman ng Diyos ang laman ng tao sa isang partikular na antas. Kapag itinakwil ng mga tao ang marumi, at tiwaling mga bagay ni Satanas, nakakamit nila ang pagliligtas ng Diyos. Ngunit kung hindi pa rin nila inaalis sa kanilang sarili ang karumihan at katiwalian, nabubuhay pa rin sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ang pakikipagsabwatan, panlilinlang, at kabuktutan ng mga tao ay pawang mga bagay ni Satanas. Ang pagliligtas sa iyo ng Diyos ay upang palayain ka mula sa mga bagay na ito ni Satanas. Ang gawain ng Diyos ay hindi maaaring magkamali; lahat ng ito ay ginagawa upang iligtas ang mga tao mula sa kadiliman. Kung naniwala ka na hanggang sa isang partikular na antas at magagawa mong alisin sa iyong sarili ang katiwalian ng laman, at hindi na napipigilan ng katiwaliang ito, hindi ba naligtas ka na? Kung nabubuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas wala kang kakayahang maipamalas ang Diyos, ikaw ay marumi, at hindi mo matatanggap ang pamana ng Diyos. Kapag nalinis at nagawa ka nang perpekto, ikaw ay magiging banal, magiging isa kang normal na tao, at pagpapalain ka ng Diyos at magiging kalugud-lugod ka sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 2
Hindi maliwanag sa maraming tao ang ibig sabihin ng maligtas. Naniniwala ang ilang tao na kung maraming taon na silang nan sa Diyos, mas malamang na maligtas sila. Iniisip ng ilang tao na kung nauunawaan nila ang maraming espirituwal na doktrina, mas malamang na maligtas sila, o iniisip ng ilan na tiyak na maliligtas ang mga lider at manggagawa. Ang lahat ng ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang susi ay dapat maunawaan ng mga tao ang ibig sabihin ng kaligtasan. Ang maligtas ay nangangahulugang, unang-una, na makalaya mula sa kasalanan, makalaya mula sa impluwensiya ni Satanas, at tunay na bumaling sa Diyos at magpasakop sa Diyos. Ano ang dapat ninyong taglayin para makalaya mula sa kasalanan at mula sa impluwensiya ni Satanas? Ang katotohanan. Kung hangad ng mga taong matamo ang katotohanan, dapat silang masangkapan ng marami sa mga salita ng Diyos, dapat magawa nilang maranasan at maisagawa ang mga ito, nang sa gayon ay maunawaan nila ang katotohanan at makapasok sa realidad. Saka lamang sila maaaring maligtas. Kung maliligtas man o hindi ang isang tao ay walang kinalaman sa kung gaano katagal na siyang naniniwala sa Diyos, kung gaano karaming kaalaman ang mayroon siya, kung nagtataglay siya ng mga kaloob o kalakasan, o kung gaano siya nagdurusa. Ang tanging bagay na may direktang kaugnayan sa kaligtasan ay kung kaya bang matamo ng isang tao ang katotohanan o hindi. Kaya sa kasalukuyan, gaano karaming katotohanan ang tunay na naunawaan mo? At gaano karami sa mga salita ng Diyos ang isinabuhay mo? Sa lahat ng hinihingi ng Diyos, alin ang nakamit mo ang pagpasok? Sa mga taon ng pananampalataya mo sa Diyos, gaano ka na nakapasok sa realidad ng salita ng Diyos? Kung hindi mo alam, o kung hindi mo nakamit ang pagpasok sa realidad ng anumang salita ng Diyos, kung gayon ay sa totoo lang, wala kang pag-asa sa kaligtasan. Imposibleng maligtas ka. Hindi mahalaga kung nagtataglay ka ng mataas na uring kaalaman, o kung matagal ka nang nananampalataya sa Diyos, may maayos na kaanyuan, kayang magsalita nang mahusay, at naging isang lider o manggagawa sa loob ng ilang taon. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at hindi mo maayos na isinasagawa at dinaranas ang mga salita ng Diyos, at wala kang tunay na patotoong batay sa karanasan, kung gayon ay wala ka ngang pag-asang maligtas. Wala Akong pakialam kung ano ang hitsura mo, kung gaano karaming siyentipikong kaalaman ang mayroon ka, kung gaano ka na nagdusa, o kung gaano kalaking halaga na ang ibinayad mo. Sinasabi Ko ito sa iyo: Kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan at hindi kailanman pinapasok ang realidad ng mga salita ng Diyos, hindi ka maliligtas. Sigurado ito. Kung sasabihin mo sa Akin kung gaano mo napasok ang realidad ng mga salita ng Diyos, sasabihin Ko sa iyo kung gaano kalaki ang pag-asa mo na mailigtas. Ngayong nasabi Ko na sa inyo ang pamantayan sa pagsusukat nito, masusukat na dapat ninyo ito nang mag-isa. Anong katunayan ang sinasabi ng mga salitang ito sa inyo? Gumamit ang Diyos ng mga salita para likhain ang mundo, gumamit Siya ng mga salita para magawa ang bawat uri ng katunayan, para maisakatuparan ang lahat ng katunayan na ninais ng Diyos na matupad, at gumamit ang Diyos ng mga salita para isagawa ang dalawang yugto ng Kanyang gawain. Sa kasalukuyan, ginagawa ng Diyos ang ikatlong yugto ng Kanyang gawain, at mas marami ang sinalita ng Diyos sa yugtong ito kaysa sa iba pang yugto ng gawain. Ito ang panahon kung kailan pinakamaraming sinalita ang Diyos sa Kanyang gawain sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Na nakagamit ang Diyos ng mga salita para likhain ang mundo, para magawa ang lahat ng katunayan, para mula sa wala ay umiral ang lahat ng katunayan, at mula sa pag-iral tungo sa wala—ito ang awtoridad ng mga salita ng Diyos, at sa huli, gagamit din ang Diyos ng mga salita para magawa ang katunayan ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ngayon, nakikita na ninyong lahat ang katunayang ito, walang ginawang gawain ang Diyos sa panahon ng mga huling araw na walang kaugnayan sa Kanyang mga salita, nagsalita Siya sa buong panahon, gumamit ng mga salita sa buong panahon para gabayan ang tao hanggang sa kasalukuyan. Siyempre, habang nagsasalita, gumamit din ng mga salita ang Diyos para panatilihin ang Kanyang kaugnayan sa mga sumusunod sa Kanya, gumamit Siya ng mga salita para gabayan sila, at napakahalaga ng mga salitang ito para sa mga nagnanais na maligtas, o sa mga ninanais ng Diyos na maligtas, gagamitin ng Diyos ang mga salitang ito para magawa ang katunayan ng kaligtasan ng sangkatauhan. Maliwanag naman na kahit tingnan pa sa aspekto ng kanilang nilalaman o sa dami ng mga ito, kahit anong uri pa ito ng mga salita, at kahit anong bahagi pa ng mga salita ng Diyos ang mga ito, napakahalaga ng mga ito sa bawat taong nagnanais na maligtas. Ginagamit ng Diyos ang mga salitang ito para makamit ang pinakamahalagang epekto ng Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala. Para sa sangkatauhan—sa sangkatauhan man ng kasalukuyan o ng hinaharap—ay napakahalaga ng mga ito. Gayon ang saloobin ng Diyos, gayon ang layon at kahalagahan ng Kanyang mga salita. Kaya ano ang dapat gawin ng sangkatauhan? Dapat makipagtulungan ang sangkatauhan sa mga salita at sa gawain ng Diyos, at huwag balewalain ang mga ito. Pero hindi ganoon ang paraan ng pananalig ng ilang tao sa Diyos: Kahit ano pa ang sabihin ng Diyos, para bang walang kinalaman sa kanila ang mga salita ng Diyos. Hinahangad pa rin nila kung ano ang gusto nila, ginagawa kung ano ang gusto nila, at hindi hinahanap ang katotohanan batay sa mga salita ng Diyos. Hindi ganito ang pagdanas sa gawain ng Diyos. May iba na hindi nakikinig kahit ano pa ang sabihin ng Diyos, na may iisang paninindigan lamang sa kanilang puso: “Gagawin ko ang anumang hinihingi ng Diyos, kung sinasabi ng Diyos na pumunta ako sa kanluran, pupunta ako sa kanluran, kung sinasabi Niyang pumunta ako sa silangan, pupunta ako sa silangan, kung sinasabi Niya na mamatay ako, ipapakita ko sa Kanya ang pagkamatay ko.” May isa nga lang problema: Hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos. Iniisip nila, “Napakarami ng mga salita ng Diyos, dapat mas madaling unawain ang mga ito, at dapat sabihin ng mga ito sa akin kung ano ang eksaktong dapat gawin. Magagawa kong magpasakop sa Diyos sa puso ko.” Kahit gaano pa karaming salita ang sabihin ng Diyos, sadyang nananatiling walang kakayahan ang gayong mga tao na maunawaan ang katotohanan, ni hindi sila makapagsalita tungkol sa kanilang mga karanasan at kaalaman. Para silang mga karaniwang tao na walang espirituwal na pang-unawa. Sa tingin ba ninyo ay mahal ng Diyos ang gayong mga tao? Nais ba ng Diyos na maging maawain sa gayong mga tao? (Hindi.) Siguradong ayaw Niya. Ayaw ng Diyos sa gayong mga tao. Sinasabi ng Diyos, “Nagsalita na Ako ng libu-libong salita na hindi pa nasasabi. Paanong, gaya ng isang bulag at bingi, hindi mo pa nakita ni narinig ang mga ito? Ano ba talaga ang iniisip mo sa iyong puso? Nakikita kita bilang isang taong labis lamang na naghahangad sa mga pagpapala at sa magandang hantungan—hinahangad mo ang mga layon na katulad ng kay Pablo. Kung ayaw mong makinig sa Aking mga salita, kung hindi mo nais sumunod sa Aking daan, bakit ka sumasampalataya sa Diyos? Hindi kaligtasan ang habol mo, ang habol mo ay ang magandang hantungan at ang paghahangad para sa mga pagpapala. At dahil ito ang binabalak mo, ang pinakaangkop para sa iyo ay ang maging trabahador.” Sa katunayan, ang pagiging tapat na trabahador ay pagpapamalas din ng pagpapasakop sa Diyos, pero ito ang pinakamababang pamantayan. Ang pamamalagi bilang tapat na trabahador ay mas mainam kaysa sa malugmok sa kapahamakan at pagkawasak gaya ng isang walang pananampalataya. Lalo na’t kailangan ng sambahayan ng Diyos ng mga trabahador, at ang makapagtrabaho para sa Diyos ay itinuturing din bilang isang pagpapala. Mas mabuti ito—hindi hamak na mas mabuti—kaysa maging alipores ng mga haring diyablo. Subalit hindi ganap na nakalulugod sa Diyos ang pagtatrabaho sa Diyos, dahil ang gawain ng paghatol ng Diyos ay para iligtas, linisin, at gawing perpekto ang mga tao. Kung kontento na ang tao sa pagtatrabaho lamang para sa Diyos, hindi ito ang layuning nais makamit ng Diyos sa paggawa sa mga tao, ni hindi ito ang epektong nais makita ng Diyos. Pero matindi ang pagnanais ng mga tao, mga hangal at bulag sila: Nagayuma, nilamon sila ng ilang maliit na pakinabang, at binabalewala nila ang mahahalagang salita ng buhay na sinambit ng Diyos. Ni hindi nila sineseryoso ang mga ito, lalong hindi pinapahalagahan ang mga ito. Ang hindi pagbabasa ng mga salita ng Diyos o ang hindi pagpapahalaga sa katotohanan: matalino ba ito o hangal? Makakamit ba ng mga tao ang kaligtasan sa ganitong paraan? Dapat maunawaan ng mga tao ang lahat ng ito. May pag-asa lang sila sa kaligtasan kung isasantabi nila ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon at tututok sa paghahangad sa katotohanan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos
Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kinakailangan, at may pambihirang kabuluhan, dahil ang lahat ng ginagawa Niya sa tao ay may kinalaman sa Kanyang pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Natural lamang na ang gawaing ginawa ng Diyos kay Job ay hindi naiiba, kahit na si Job ay perpekto at matuwid sa paningin ng Diyos. Sa madaling salita, kahit ano pa ang ginagawa ng Diyos o ang paraan na ginagamit Niya para gawin ito, kahit ano pa ang halaga, o ang Kanyang nilalayon, ang pakay ng Kanyang mga kilos ay hindi nagbabago. Ang Kanyang pakay ay upang ipasok sa tao ang mga salita ng Diyos, pati na rin ang mga kinakailangan at ang mga layunin ng Diyos para sa tao; sa madaling salita, ito ay upang ipasok sa tao ang lahat ng pinaniniwalaan ng Diyos na positibo alinsunod sa Kanyang mga hakbang, na nagbibigay sa tao ng pagkaunawa sa puso ng Diyos at pagkaintindi sa diwa ng Diyos, at nagpapahintulot sa kanya na magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at nang sa gayon ay magkaroon ng daan upang matamo ng tao ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan—ang lahat ng ito ay isang aspeto ng pakay ng Diyos sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ang isa pang aspeto ay, dahil si Satanas ang mapaghahambinganan at nagsisilbing gamit-pangserbisyo sa gawain ng Diyos, ang tao ay madalas na ibinibigay kay Satanas; paraan ito na ginagamit ng Diyos upang makita ng mga tao ang kasamaan, kapangitan, at pagiging kasuklam-suklam ni Satanas sa gitna ng mga pagtukso at pag-atake nito, na nagiging dahilan upang kamuhian ng mga tao si Satanas at magawang malaman at makilala ang mga bagay na negatibo. Ang prosesong ito ay nagbibigay-daan sa kanila upang unti-unti nilang mapalaya ang kanilang mga sarili mula sa pamamahala ni Satanas, at mula sa mga paratang, panggugulo, at pag-atake nito—hanggang, salamat sa mga salita ng Diyos, ang kanilang kaalaman sa Diyos, pagpapasakop sa Diyos, ang kanilang pananampalataya sa Diyos at takot sa Diyos, ay magdala sa kanila ng tagumpay laban sa mga pag-atake at paratang ni Satanas; doon lamang sila ganap na maiaadya mula sa kapangyarihan ni Satanas. Ang paglaya ng mga tao ay nangangahulugan na si Satanas ay natalo, ito ay nangangahulugan na hindi na sila pagkain sa bibig ni Satanas—na sa halip na lunukin sila, pinakawalan sila ni Satanas. Ito ay sa kadahilanang ang mga gayong tao ay matuwid, may pananampalataya, may pagpapasakop, at may takot sa Diyos, at dahil tuluyan silang kumakawala kay Satanas. Nagdadala sila ng kahihiyan kay Satanas, ginagawa nilang duwag si Satanas, at tuluyan nilang tinatalo si Satanas. Ang kanilang matibay na paniniwala sa pagsunod sa Diyos, at ang pagpapasakop at takot nila sa Diyos ang tumatalo kay Satanas, at nagiging dahilan kung bakit ganap silang isinusuko ni Satanas. Ang mga taong tulad nito lamang ang tunay na nakamtan ng Diyos, at ito ang tunay na obhektibo ng Diyos sa pagliligtas sa tao. Kung nais nilang mailigtas, at nais nilang ganap na makamit ng Diyos, ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay dapat humarap sa mga maliliit at malalaking tukso at pag-atake na galing kay Satanas. Ang mga taong nangingibabaw sa mga tukso at pag-atake na ito at nagagawang ganap na talunin si Satanas ay ang mga nailigtas ng Diyos. Ibig sabihin, ang mga tao na iniligtas ng Diyos ay iyong mga sumailalim sa mga pagsubok ng Diyos, at ang mga tinukso at inatake ni Satanas nang hindi mabilang na pagkakataon. Nauunawaan ng mga taong iniligtas ng Diyos ang mga layunin at mga hinihingi ng Diyos, at nagagawa nilang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi nila tinatalikdan ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan sa gitna ng mga panunukso ni Satanas. Ang mga iniligtas ng Diyos ay nagtataglay ng katapatan, sila ay may mabubuting puso, napaghihiwalay nila ang pag-ibig at poot, may pagkaunawa sila sa hustisya at sila ay makatwiran, at nagagawa nilang magmalasakit sa Diyos at pahalagahan ang lahat ng sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay hindi naigagapos, namamanmanan, napararatangan, o naaabuso ni Satanas; sila ay ganap na malaya, sila ay ganap na napalaya at napakawalan na. Si Job ay isang tao ng kalayaan, at ito ang tiyak na kahulugan kung bakit ipinasa siya ng Diyos kay Satanas.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Kapag hindi pa nailigtas ang mga tao, ang mga buhay nila ay madalas na ginugulo, at kinokontrol pa nga, ni Satanas. Sa madaling salita, ang mga tao na hindi pa naililigtas ay mga bilanggo ni Satanas, sila ay walang kalayaan, hindi pa sila binibitawan ni Satanas, sila ay hindi naaangkop at walang karapatan na sumamba sa Diyos, at sila ay labis na tinutugis at nilulusob nang matindi ni Satanas. Ang ganitong mga tao ay walang kaligayahan na masasabi, wala silang karapatan sa isang normal na pag-iral na masasabi, at higit pa rito, wala silang dangal na masasabi. Tanging kung ikaw ay maninindigan at makikipaglaban kay Satanas, gamit ang iyong pananampalataya at pagpapasakop sa Diyos, at takot sa Diyos, bilang iyong mga sandata na gagamitin para sa isang buhay-at-kamatayan na pakikipaglaban kay Satanas, kung saan sukdulan mong matatalo si Satanas na magiging dahilan ng pag-urong ng buntot nito at pagiging duwag sa tuwing makikita ka, upang tuluyan na nitong itigil ang mga paglusob at paratang laban sa iyo—saka ka lang maililigtas at magiging malaya. Kung ikaw ay determinadong lumaya nang lubusan mula kay Satanas, ngunit wala kang mga epektibong sandata para talunin si Satanas, ikaw ay manganganib pa rin. Sa paglipas ng panahon, kapag ikaw ay lubhang napahirapan na ni Satanas na wala nang natitirang lakas sa iyo, ngunit hindi mo pa rin magawang magpatotoo, hindi pa rin tuluyang napapalaya ang iyong sarili sa mga paratang at paglusob ni Satanas laban sa iyo, magiging maliit lamang ang pag-asa na maililigtas ka. Sa huli, kapag ipinapahayag na ang konklusyon ng gawain ng Diyos, nasa mahigpit na pagkakahawak ka pa rin ni Satanas, kung saan hindi mo magawang palayain ang iyong sarili, at dahil dito hindi ka na kailanman magkakaroon ng pagkakataon o pag-asa. Kung gayon, ang ipinapahiwatig nito ay magiging ganap na mga bihag ni Satanas ang ganitong mga tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Ano ang dapat taglayin ng mga tao para mapagkalooban ng kaligtasan? Una, dapat maunawaan nila ang maraming katotohanan, at magawang makilatis ang diwa, disposisyon, at landas ng isang anticristo. Ito ang tanging paraan para matiyak na hindi mga tao ang sasambahin o susundan habang nananalig sa Diyos, at ang tanging paraan para makasunod sa Diyos hanggang sa huli. Ang mga tao lamang na kayang kumilatis ng isang anticristo ang maaaring tunay na manalig, sumunod, at magpatotoo sa Diyos. Pagkatapos ay sasabihin ng ilan, “Ano ang gagawin ko kung sa kasalukuyan ay hindi ko taglay ang katotohanan para riyan?” Dapat mong sangkapan agad ng katotohanan ang sarili mo; dapat mong matutunang kilatisin ang mga tao at bagay-bagay. Ang pagkilatis sa isang anticristo ay hindi simpleng bagay, at nangangailangan ng kakayahang makita nang malinaw ang kanyang diwa, at mahalata ang mga pakana, panlalansi, layunin, at mithiin sa likod ng lahat ng kanyang ginagawa. Sa gayong paraan ay hindi ka niya maililihis o makokontrol, at makakaya mong manindigan, ligtas at siguradong hangarin ang katotohanan, at maging matatag sa landas ng paghahangad ng katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan. Kung hindi mo mapagtagumpayan ang paghadlang ng isang anticristo, maaaring sabihin na nasa malaking panganib ka, at malamang na mailihis at mabihag ka ng isang anticristo at madala ka na mamuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Posible na may ilan sa inyo na humahadlang at tumitisod sa mga taong naghahangad sa katotohanan, at sila ay mga kaaway ng mga taong iyon. Tinatanggap ba ninyo ito? May ilang hindi nangangahas na harapin ang katunayang ito, ni nangangahas na tanggapin ito bilang katunayan. Pero ang panlilihis ng mga anticristo sa mga tao ay talagang nangyayari sa mga iglesia, at madalas itong nangyayari; hindi lamang ito makilatis ng mga tao. Kung hindi mo malalagpasan ang pagsubok na ito—ang pagsubok ng mga anticristo, ikaw ay inililihis at kinokontrol ng mga anticristo o pinagdurusa, pinahihirapan, tinutulak palabas, pinipigilan, at inaabuso nila. Sa huli, hindi makatatagal ang sobrang liit mong buhay, at malalanta; hindi ka na magkakaroon ng pananampalataya sa Diyos, at sasabihin mo, “Ni hindi nga matuwid ang diyos! Nasaan ba ang diyos? Walang katarungan o liwanag sa mundong ito, at walang pagliligtas ng diyos sa sangkatauhan. Mas mabuti pang gugulin natin ang ating mga araw na nagtatrabaho at kumikita ng pera!” Itinatatwa mo ang Diyos, lumalayo ka sa Diyos, at hindi na naniniwalang Siya ay nabubuhay; lubos nang nawala ang anumang pag-asa na makakamit mo ang kaligtasan. Kaya, kung nais mong makarating kung saan maaari kang mabigyan ng kaligtasan, ang unang pagsubok na kailangan mong maipasa ay ang magawang maramdaman at mahalata si Satanas, at dapat ay mayroon ka ring tapang na manindigan at ilantad at itakwil si Satanas. Nasaan, kung gayon, si Satanas? Si Satanas ay nasa iyong tabi at nasa palibot mo; maaari pa ngang namumuhay sa loob ng iyong puso. Kung nabubuhay ka na mayroong disposisyon ni Satanas, maaaring masabi na ikaw ay kay Satanas. Hindi mo makikita o mahahawakan ang Satanas at ang masasamang espiritu ng espirituwal na mundo, ngunit ang mga Satanas at ang mga nabubuhay na diyablo na umiiral sa totoong buhay ay nasa lahat ng dako. Ang sinumang tao na tutol sa katotohanan ay masama, at ang sinumang pinuno o manggagawa na hindi tumatanggap sa katotohanan ay isang anticristo o huwad na lider. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay mga Satanas at nabubuhay na diyablo? Maaaring ang mga gayong tao mismo ang sinasamba at hinahangaan mo; maaaring sila ang mga taong namumuno sa iyo o mga taong matagal mo nang hinahangaan, pinagkakatiwalaan, inaasahan, at inaasam sa iyong puso. Sa totoo lang, gayumpaman, sila ay mga hadlang sa iyong landas at pumipigil sa iyong hangarin ang katotohanan at tamuhin ang kaligtasan; sila ay mga huwad na lider at anticristo. Maaari nilang kontrolin ang iyong buhay at ang landas na iyong nilalakaran, at maaari nilang sirain ang pagkakataon mong mabigyan ng kaligtasan. Kung mabibigo kang makilatis at mahalata sila, anumang sandali ay maaari kang mailihis at mabihag. Kaya, ikaw ay nasa malaking panganib. Kung hindi mo mailayo ang iyong sarili sa panganib na ito, ikaw ay biktimang isasakripisyo ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahanap ng Katotohanan
Kung ninanais ng mga tao na maligtas kapag naniniwala sila sa Diyos, ang pinakamahalaga ay kung mayroon ba silang pusong may takot sa Diyos o wala, kung may puwang ba ang Diyos sa puso nila o wala, kung nagagawa ba nila o hindi na mamuhay sa harapan ng Diyos at mapanatili ang normal na ugnayan sa Diyos. Ang mahalaga ay kung ang mga tao ba ay nakapagsasagawa ng katotohanan at nagiging mapagpasakop sa Diyos o hindi. Ganyan ang landas at mga kondisyon para maligtas. Kung hindi nagagawa ng puso mong mamuhay sa harapan ng Diyos, kung hindi ka madalas na nananalangin sa Diyos at nakikipagbahaginan sa Diyos, at nawawalan ka ng normal na ugnayan sa Diyos, hindi ka maliligtas kailanman, dahil naharangan mo ang landas tungo sa kaligtasan. Kung wala kang anumang ugnayan sa Diyos, naabot mo na ang hangganan. Kung ang Diyos ay wala sa puso mo, walang saysay na sabihin na nananampalataya ka, na manalig sa Diyos sa turing lamang. Hindi mahalaga kung gaano karaming salita at doktrina ang nagagawa mong bigkasin, kung gaano na karami ang naging pagdurusa mo para sa pananalig mo sa Diyos, o kung gaano man karami ang mga kaloob mo; kung wala sa puso mo ang Diyos, at wala kang takot sa Diyos, walang halaga kung paano ka nananalig sa Diyos. Sasabihin ng Diyos, “Layuan mo Ako, ikaw na masamang tao.” Ikaw ay ituturing na masamang tao. Mawawalan ka ng ugnayan sa Diyos; hindi mo na Siya magiging Panginoon o ang iyong Diyos. Kahit na kinikilala mo na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at kinikilala mo na Siya ang Lumikha, hindi mo Siya sinasamba, at hindi ka nagpapasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Sinusunod mo si Satanas at mga diyablo; tanging si Satanas at mga diyablo ang mga panginoon mo. Kung nagtitiwala ka sa iyong sarili sa lahat ng bagay, at sinusunod ang sarili mong kalooban, kung nagtitiwala ka na ang kapalaran mo ay nasa sarili mong mga kamay, ang pinaniniwalaan mo kung gayon ay ang sarili mo. Kahit na sinasabi mong pinaniniwalaan at kinikilala mo ang Diyos, hindi ka kinikilala ng Diyos. Wala kang ugnayan sa Diyos, kaya sa huli ay nakatakda kang itaboy Niya, parusahan Niya, at itiwalag Niya; hindi inililigtas ng Diyos ang mga taong tulad mo. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay iyong mga tumatanggap sa Kanya bilang ang Tagapagligtas, na tumatanggap na Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Nagagawa nilang taos-pusong gugulin ang sarili nila para sa Kanya at gampanan ang tungkulin ng isang nilikha; nararanasan nila ang gawain ng Diyos, isinasagawa nila ang Kanyang mga salita at ang katotohanan, at tinatahak nila ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Sila ay mga taong nagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at sumusunod sa Kanyang kalooban. Maliligtas lamang ang mga tao kapag mayroon silang ganoong pananampalataya sa Diyos; kung wala, sila ay kokondenahin. Katanggap-tanggap ba ang pangangarap nang gising ng mga tao kapag nananalig sila sa Diyos? Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, maaari bang matamo ng mga tao ang katotohanan kapag palagi silang kumakapit sa kanilang sariling mga kuru-kuro at malabo at mahirap maunawaang mga imahinasyon? Hinding-hindi. Kapag ang mga tao ay nananalig sa Diyos, dapat nilang tanggapin ang katotohanan, maniwala sa Kanya gaya ng hinihingi Niya, at magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos; noon lamang nila matatamo ang kaligtasan. Wala nang iba pang paraan bukod dito—anuman ang ginagawa mo, hindi ka dapat mangarap nang gising. Ang pagbabahaginan tungkol sa paksang ito ay napakahalaga para sa mga tao, hindi ba? Isa itong panggising sa inyo.
Ngayong narinig na ninyo ang mga mensaheng ito, dapat nauunawaan na ninyo ang katotohanan at malinaw na sa inyo kung ano ang napapaloob sa kaligtasan. Kung ano ang gusto ng mga tao, ano ang pinagsisikapan nila, at ang pinakagusto nilang gawin—wala rito ang mahalaga. Ang pinakamahalaga ay ang pagtanggap sa katotohanan. Sa huling pagsusuri, ang matamo ang katotohanan ang pinakamahalaga, at na ang nagpapahintulot sa iyo na magkaroon ng takot sa Diyos at ang pag-iwas sa kasamaan ay ang tamang landas. Kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos at palagi mong pinagtutuunan ang paghahangad ng mga bagay-bagay na walang kaugnayan sa katotohanan, kung gayon, ang pananampalataya mo ay walang kinalaman sa katotohanan, at walang kinalaman sa Diyos. Maaaring sinasabi mong pinaniniwalaan at kinikilala mo ang Diyos, subalit ang Diyos ay hindi mo Panginoon, Siya ay hindi mo Diyos, hindi mo tinatanggap na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran mo, hindi ka nagpapasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos para sa iyo, hindi mo kinikilala ang totoo na ang Diyos ang katotohanan—sa gayon ang mga pag-asam mo ng kaligtasan ay nawasak; kung hindi mo kayang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, tinatahak mo ang landas ng pagkawasak. Kung ang lahat ng bagay na iyong hinahangad, pinagtutuunan, ipinagdarasal, at isinasamo ay batay sa mga salita ng Diyos, at sa kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kung may lumalagong pagkaunawa ka na ikaw ay nagpapasakop sa Lumikha, at sumasamba sa Lumikha, at nadaramang ang Diyos ang iyong Panginoon, ang iyong Diyos, kung mas nagagalak kang magpasakop sa lahat ng pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos para sa iyo, at ang ugnayan mo sa Diyos ay patuloy na nagiging mas malapit, at nagiging mas normal higit kailanman, at kung ang pagmamahal mo sa Diyos ay nagiging mas dalisay at totoo higit kailanman, kung gayon, ang iyong mga reklamo at maling pagkaunawa sa Diyos, at ang iyong magagarbong ninanasa sa Diyos, ay patuloy na magiging mas kaunti, at lubos mo nang matatamo ang takot sa Diyos at ang pag-iwas sa masama, na ang ibig sabihin ay nakapasok ka na sa landas ng kaligtasan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan
Kaugnay na mga Himno
Yaon Lamang mga Tumatalo kay Satanas ang Maliligtas
Kakamtin Lang ng Diyos Iyong mga Lubos na Nagtatagumpay kay Satanas
Ang Tao ay Naliligtas Kapag Iwinawaksi Nila ang Impluwensiya ni Satanas