27. Ang pagkakaiba sa pagitan ng mabuting pag-uugali at pagbabago sa disposisyon

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumutukoy sa pagbabago sa kalikasan ng isang tao. Ang mga bagay tungkol sa kalikasan ng isang tao ay hindi makikita mula sa panlabas na mga pag-uugali. Ang mga ito ay tuwirang may kinalaman sa halaga at kabuluhan ng kanyang pag-iral, sa kanyang pananaw sa buhay at sa kanyang mga pinahahalagahan, kabilang dito ang mga bagay na nasa kaibuturan ng kanyang kaluluwa, at ng kanyang diwa. Kung ang isang tao ay hindi kayang tumanggap ng katotohanan, hindi siya sasailalim sa pagbabago sa mga aspektong ito. Sa pamamagitan lamang ng pagdanas sa gawain ng Diyos, pagpasok nang lubusan sa katotohanan, pagbabago sa mga pinahahalagahan ng isang tao at mga pananaw ng isang tao tungkol sa pag-iral at buhay, pag-aayon ng mga pananaw ng isang tao sa mga bagay-bagay sa salita ng Diyos, at pagiging may-kakayahang ganap na magpasakop at pagiging tapat sa Diyos, saka masasabing nagbago na ang disposisyon ng isang tao. Sa kasalukuyan, maaaring mukha kang nagsisikap nang kaunti at matatag sa harap ng paghihirap habang gumaganap sa iyong tungkulin, maaaring nagagawa mong magsakatuparan ng mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas, o maaaring nagagawa mong pumunta saanmang dako ka pinapupunta. Sa panlabas, maaaring mukha kang masunurin, ngunit kapag may nangyayaring hindi naaayon sa mga kuru-kuro mo, lumalabas ang pagiging suwail mo. Halimbawa, hindi ka nagpapasakop sa pagpupungos, at lalong hindi ka masunurin kapag may dumarating na sakuna; nagagawa mo pa ngang magreklamo tungkol sa Diyos. Samakatuwid, ang kaunting pagpapasakop at pagbabagong iyon sa panlabas ay isang maliit na pagbabago lamang sa pag-uugali. May kaunting pagbabago, pero hindi ito sapat para ituring na pagbabago ng iyong disposisyon. Maaaring nakakaya mong tumahak sa maraming landasin, magdusa ng maraming paghihirap at magtiis ng matinding kahihiyan; maaaring nadarama mo na napakalapit mo sa Diyos, at ang Banal na Espiritu ay maaaring gumagawa sa iyo nang kaunti. Gayunpaman, kapag hinihingi ng Diyos sa iyo na gumawa ng isang bagay na hindi kaayon sa iyong mga kuru-kuro, maaaring hindi ka pa rin nagpapasakop, sa halip, maaaring maghanap ka ng mga palusot, maghimagsik at lumaban sa Diyos, at maging sa gipit na mga sitwasyon ay kuwestyunin at labanan mo Siya. Nakakaseryosong problema nito! Makikita rito na mayroon ka pa ring kalikasan na lumalaban sa Diyos, na hindi mo tunay na nauunawaan ang katotohanan, at na wala ka man lang pagbabago sa buhay disposisyon mo. Matapos silang matanggal o mapaalis, nagagawa pa rin ng ilang tao na husgahan ang Diyos at sabihing hindi matuwid ang Diyos. Nakikipagtalo pa nga sila sa Diyos at lumalaban, saanman sila magpunta ay ipinagkakalat nila ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at kawalang-kasiyahan sa Diyos. Ang ganitong mga tao ay mga diyablong lumalaban sa Diyos. Ang mga taong may mala-diyablong kalikasan ay hinding-hindi magbabago at dapat silang abandonahin. Tanging ang mga kayang hanapin at tanggapin ang katotohanan sa lahat ng sitwasyon, at magpasakop sa gawain ng Diyos, ang may pag-asang makamit ang katotohanan at matamo ang pagbabago sa disposisyon. Sa mga karanasan mo, dapat kang matutong makakilatis sa mga kalagayan na sa panlabas ay mukhang normal. Maaari kang mapahikbi at mapaiyak habang nagdarasal, o pakiramdam mo ay mahal na mahal ng puso mo ang Diyos, at napakalapit nito sa Diyos, subalit gawain lamang ng Banal na Espiritu ang mga kalagayang ito at hindi nangangahulugan na isa kang taong nagmamahal sa Diyos. Kung nagagawa mo pa ring mahalin ang Diyos at magpasakop sa Kanya kahit hindi gumagawa ang Banal na Espiritu, at kapag gumagawa ang Diyos ng mga bagay na hindi umaayon sa sarili mong mga kuru-kuro, saka ka lamang isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos. Saka ka lamang isang tao na nagbago na ang buhay disposisyon. Tanging ito ang isang taong may mga katotohanang realidad.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

Ano ba ang kahulugan ng isang pagbabago sa disposisyon? Nangyayari ito kapag ang isang taong nagmamahal sa katotohanan, habang dinaranas ang gawain ng Diyos, ay tumatanggap ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita at sumasailalim sa lahat ng uri ng pagdurusa at pagpipino. Ang gayong tao ay nililinis mula sa mala-satanas na mga lason sa loob niya, at lubusang iwinawaksi kanyang tiwaling disposisyon, upang makapagpasakop siya sa mga salita ng Diyos at sa lahat ng Kanyang mga plano at pagsasaayos, upang hindi na kailanman muling maghimagsik laban sa Kanya o labanan Siya. Ito ay isang pagbabago sa disposisyon. … Ang isang pagbabago sa disposisyon ay nangangahulugan na ang isang tao, sapagkat minamahal at kaya niyang tanggapin ang katotohanan, ay nauunawaan ang kanyang kalikasan sa wakas, na mapaghimagsik sa Diyos at salungat sa Diyos. Nauunawaan niya na napakalalim ng pagkakatiwali sa tao, nauunawaan niya ang kahangalan at pagiging mapanlinlang ng sangkatauhan, ang salat at kahabag-habag na kalagayan ng sangkatauhan, at sa wakas ay nauunawaan na niya ang kalikasang diwa ng sangkatauhan. Sa pagkaalam sa lahat ng ito, nagagawa niyang ganap na tanggihan at maghimagsik laban sa kanyang sarili, makapamuhay ayon sa salita ng Diyos, at maisagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay. Ito ay isa na nakakakilala sa Diyos, ito ay isang tao na nabago na ang disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

Ang mga pagbabago sa disposisyon ay iba, sa diwa, sa mga pagbabago sa pag-uugali, at iba rin ang mga ito sa mga pagbabago sa pagsasagawa—ang lahat ng ito ay magkakaiba sa diwa. Naglalagay ang karamihan ng mga tao ng natatanging diin sa paggawi sa kanilang paniniwala sa Diyos, na ang nagiging resulta ay ang pagkakaroon ng ilang pagbabago sa kanilang pag-uugali. Pagkatapos nilang magsimulang manalig sa Diyos, tumigil sila sa paninigarilyo at pag-inom, at hindi na sila nakikipaglaban sa iba, mas pinipiling maging mapagpasensya kapag dumaranas sila ng kawalan. Sumasailalim sila sa ilang pagbabago sa pag-uugali. Ang ilang tao ay nadarama na sa sandaling manalig sila sa Diyos, nauunawaan na nila ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabasa ng salita ng Diyos; na naranasan na nila ang gawain ng Banal na Espiritu, at nagkaroon na sila ng tunay na kasiyahan sa kanilang mga puso, na ginagawa silang partikular na masigasig, at wala silang hindi kayang talikdan o pagdusahan. Gayunman, matapos manalig sa loob ng walo, sampu, o kahit dalawampu o tatlumpung taon, dahil walang naging pagbabago sa kanilang mga disposisyon sa buhay, nauwi sila sa pagbabalik sa dating mga gawi; lalong lumilitaw ang kanilang kayabangan at kapalaluan, nagsisimula silang makipagpaligsahan para sa kapangyarihan at pakinabang, pinag-iimbutan nila ang salapi ng iglesia, kinaiinggitan nila ang mga nagsamantala sa sambahayan ng Diyos. Sila ay nagiging mga parasito at salot sa loob ng sambahayan ng Diyos, at ang ilan ay ibinubunyag pa nga at itinitiwalag bilang mga huwad na lider at anticristo. At ano ang pinatutunayan ng mga katotohanang ito? Ang mga pagbabago lang sa ugali ay hindi napapanatili; kung walang pagbabago sa mga disposisyon sa buhay ng mga tao, sa malaon at madali ay ipapakita nila ang mga tunay nilang kulay. Ito ay dahil ang pinagmumulan ng mga pagbabago sa ugali ay ang kasigasigan, at sinamahan ng ilang gawain ng Banal na Espiritu sa panahong iyon, nagiging napakadali para sa kanila na maging masigasig o magkaroon ng mabubuting intensyon sa loob ng maiksing panahon. Katulad ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Madali ang paggawa ng isang mabuting gawa; ang mahirap ay ang habambuhay na paggawa ng mabubuting gawa.” Bakit walang kakayahan ang mga tao na gumawa ng mabubuting gawa nang buong buhay nila? Dahil ang mga tao ay likas na masama, makasarili, at tiwali. Ang pag-uugali ng isang tao ay dinidikta ng kanyang kalikasan; anuman ang kalikasan ng isang tao, gayundin ang ugali na kanyang ibinubunyag, at iyon lamang likas na naihahayag ang kumakatawan sa kalikasan ng isang tao. Hindi magtatagal ang mga bagay na huwad. Kapag gumagawa ang Diyos upang iligtas ang tao, hindi ito upang palamutian ang tao ng mabuting gawi—ang layunin ng gawain ng Diyos ay ang baguhin ang mga disposisyon ng mga tao, upang sila ay muling isilang na bagong mga tao. Ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos sa tao ay pawang nagsisilbi upang baguhin ang kanyang disposisyon, upang matamo niya ang ganap na pagpapasakop at pagkamatapat sa Diyos, at magawang normal na sambahin Siya. Ito ang layunin ng gawain ng Diyos. Ang pagpapakabait ay hindi katulad ng pagpapasakop sa Diyos, lalong hindi ito katumbas ng pagiging kaayon kay Cristo. Ang mga pagbabago sa ugali ay batay sa doktrina at bunga ng sigasig; hindi batay ang mga ito sa tunay na kaalaman sa Diyos o sa katotohanan, lalong hindi batay sa paggabay ng Banal na Espiritu. Bagama’t may mga pagkakataon na ang ilan sa ginagawa ng mga tao ay binibigyang-liwanag o pinapatnubayan ng Banal na Espiritu, hindi ito isang pagbubunyag ng buhay nila. Hindi pa sila nakapasok sa mga katotohanang realidad, at ang kanilang disposisyon sa buhay ay hindi talaga nagbago. Gaano man kabuti ang pag-uugali ng isang tao, hindi ito nagpapatunay na nagpapasakop siya sa Diyos o na isinasagawa niya ang katotohanan. Ang mga pagbabago sa pag-uugali ay hindi kumakatawan sa mga pagbabago sa disposisyon sa buhay at hindi ito maaaring ituring bilang mga pagbubunyag ng buhay.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang iniisip ng tao na disposisyonal na pagbabago ay isang pagbabago lamang sa pag-uugali, at iyon ay isang naiibang bagay at landas mula sa disposisyonal na pagbabago na sinasabi ng Diyos. Masisiguro ba ng inaakala ng tao na disposisyonal na pagbabago na hindi maghihimagsik, lalaban, o magkakanulo ang mga tao sa Diyos? Mahihikayat ba sila nitong panindigan ang kanilang pagpapatotoo at tugunan ang mga layunin ng Diyos sa huli? Ang disposisyonal na pagbabago na sinasabi ng Diyos ay nangangahulugang sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan, sa pamamagitan ng pagdanas sa Kanyang paghatol at pagkastigo, at sa pamamagitan ng Kanyang pagpupungos, pagsubok, at pagpipino sa pamamagitan Niya, ang mga tao ay nagtatamo ng pagkaunawa tungkol sa mga layunin ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, at pagkatapos ay nabubuhay sila alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, nagtataglay ng pagpapasakop at ng isang may-takot-sa-Diyos na puso, nang walang anumang maling pagkaunawa sa Diyos, at nagtataglay ng tunay na kaalaman at tunay na pagsamba sa Diyos. Ang sinasabi ng Diyos ay isang pagbabago sa disposisyon ng isang tao, ngunit ano nga ba ang tinutukoy ng disposisyonal na pagbabago na sinasabi ng tao? Tinutukoy nito ang pagbuti ng pag-uugali, ang pagpapakita na may magandang asal at kalmado, at hindi pagiging mapagmataas; nangangahulugan ito ng pagsasalita sa isang pino at disiplinadong paraan, hindi pagiging sutil at pilyo, at pagtataglay ng konsensiya, katwiran, at ng mga moral na pamantayan sa pananalita at pag-uugali ng isang tao. Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago ng disposisyong sinasabi ng tao at sa pagbabago ng disposisyong hinihingi ng Diyos? Ano ang pagkakaiba? Ang pagbabago ng disposisyong sinasabi ng tao ay isang pagbabago sa panlabas na pag-uugali, isang pagbabagong sumusunod sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang pagbabago ng disposisyong hinihingi ng Diyos ay ang pagwawaksi sa tiwaling disposisyon ng isang tao, ito ay isang pagbabago sa buhay disposisyon na dulot ng pagkaunawa sa katotohanan, isang pagbabago sa pananaw ng isang tao sa mga bagay-bagay, isang pagbabago sa pananaw at mga asal ng isang tao. Mayroong pagkakaiba. Kahit pa mga tao o bagay ang hinaharap mo, ang iyong mga motibo, ang mga prinsipyo ng iyong mga kilos, at ang iyong pamantayan ng pagsukat ay kailangang alinsunod lahat sa katotohanan, at kailangan mong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo; ito ang tanging paraan upang magtamo ng pagbabago ng disposisyon. Kung lagi mong sinusukat ang iyong sarili batay sa mga pamantayan ng pag-uugali, kung lagi kang tumutuon sa mga pagbabago sa iyong panlabas na pag-uugali, at iniisip mong nagsasabuhay ka ng wangis ng tao at mayroong pagsang-ayon ng Diyos dahil lamang nagtataglay ka ng kaunting mabuting pag-uugali, maling-mali iyon. Dahil mayroon kang mga tiwaling disposisyon, at kaya mong labanan ang Diyos, at nanganganib kang magtaksil sa Diyos, kung hindi mo hahanapin ang katotohanan upang malutas ang sarili mong tiwaling disposisyon, gaano pa man kabuti ang iyong panlabas na pag-uugali, hindi ka makapagtatamo ng tunay na pagpapasakop sa Diyos, at hindi mo magagawang matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan. Makapagbubunga ba ang panlabas lamang na mabuting pag-uugali ng may-takot-sa-Diyos na puso? Mahihikayat ba nito ang isang taong matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan? Kung hindi kaya ng mga taong matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, walang dami ng mabuting pag-uugali ang magpapahiwatig na mayroon silang tunay na pagpapasakop sa Diyos. Samakatwid, walang dami ng mabuting pag-uugali ang nagpapahiwatig ng pagbabago sa disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Mabuting Pag-uugali ay Hindi Nangangahulugan na Nagbago Na ang Disposisyon ng Isang Tao

Kung maraming mabubuting pag-uugali ang isang tao, hindi iyon nangangahulugan na taglay niya ang mga katotohanang realidad. Sa pagsasagawa lang ng katotohanan at pagkilos ayon sa mga prinsipyo mo maaaring taglayin ang mga katotohanang realidad. Sa pagkakaroon lang ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan mo maaaring taglayin ang mga katotohanang realidad. Ang ilang tao ay may kasigasigan, kayang magsalita ng doktrina, sumunod sa mga regulasyon, at gumawa ng maraming mabubuting gawa, pero ang masasabi lang tungkol sa kanila ay na may taglay silang kaunting pagkatao. Ang mga kayang magsalita ng doktrina at palaging sumusunod sa mga regulasyon ay hindi agad na masasabing kayang magsagawa ng katotohanan. Kahit tama ang sinasabi nila at parang walang mga problema ang mga iyon, wala silang masabi sa mga bagay na may kinalaman sa diwa ng katotohanan. Samakatuwid, gaano man karaming doktrina ang kayang sabihin ng isang tao, hindi iyon nangangahulugan na nauunawaan niya ang katotohanan, at gaano man karaming doktrina ang nauunawaan niya, hindi niya malulutas ang anumang mga problema. Maipaliliwanag ng lahat ng teorista tungkol sa relihiyon ang Bibliya, pero sa huli, babagsak silang lahat, dahil hindi nila tinatanggap ang buong katotohanang naipahayag ng Diyos. Ang mga taong nakaranas ng pagbabago sa kanilang disposisyon ay naiiba; naunawaan na nila ang katotohanan, naiintindihan nila ang lahat ng usapin, alam nila kung paano kumilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos, kung paano kumilos alinsunod sa katotohanang prinsipyo, at kung paano kumilos upang mapalugod ang Diyos, at nauunawaan nila ang kalikasan ng katiwalian na kanilang ibinubunyag. Kapag ang kanilang sariling mga ideya at mga kuru-kuro ay naibubunyag, nagagawa nilang makakilala at maghimagsik laban sa laman. Ganito naipapamalas ang isang pagbabago sa disposisyon. Ang pangunahing pagpapamalas ng mga taong dumaan sa pagbabago ng disposisyon ay nagagawa nilang maunawaan nang malinaw ang katotohanan, at kapag ipinatutupad ang mga bagay, isinasagawa nila ang katotohanan nang may kaugnay na kawastuhan at hindi sila nagbubunyag ng katiwalian nang madalas. Karaniwan, ang mga nagbago na ang disposisyon ay nagiging makatwiran at nakakakilatis, at dahil sa kanilang pagkaunawa sa katotohanan, hindi sila gaanong nagbubunyag ng pagmamataas o kayabangan. Nauunawaan at nahihiwatigan nila ang marami sa katiwaliang naibunyag sa kanila, kaya hindi sila nagyayabang. Nagagawa nilang magkaroon ng isang nasusukat na pagkaunawa sa kung ano ang dapat nilang kalugaran at kung ano ang mga bagay na dapat nilang gawin na makatwiran, kung paano gumawi nang may katwiran, kung paano maging masunurin, kung ano ang sasabihin at kung ano ang hindi sasabihin, at kung ano ang sasabihin at kung ano ang gagawin sa alin mang mga tao. Kaya, ang mga taong nagbago ang mga disposisyon ay medyo makatwiran, at ang ganoong mga tao lamang ang tunay na nagsasabuhay ng wangis ng tao. Dahil nauunawaan nila ang katotohanan, nasasabi at nakikita nila ang mga bagay alinsunod sa katotohanan, at may prinsipyo sila sa lahat ng ginagawa nila; hindi sila sumasailalim sa impluwensiya ng sinumang tao, pangyayari o bagay, at lahat sila ay may sariling pananaw at kayang itaguyod ang mga katotohanang prinsipyo. Ang kanilang disposisyon ay medyo matatag, hindi sila sala sa init at sala sa lamig, at anuman ang kanilang sitwasyon, nauunawaan nila kung paano isagawa nang wasto ang kanilang tungkulin at kung paano umasal na ikalulugod ng Diyos. Iyong mga nagbago ang mga disposisyon ay hindi nagtutuon ng pansin sa kung ano ang gagawin sa panlabas upang maging maganda ang tingin sa kanila ng iba; natamo nila ang panloob na kaliwanagan sa kung ano ang gagawin upang mapalugod ang Diyos. Kung gayon, sa panlabas maaaring tila hindi sila ganoon kasigasig o nakagawa ng anumang mahalaga, ngunit ang lahat ng kanilang ginagawa ay makahulugan, mahalaga, at nagbubunga ng praktikal na mga resulta. Iyong mga nagbago ang mga disposisyon ay tiyak na nagtataglay ng napakaraming katotohanang realidad, at ito ay mapapatunayan sa pamamagitan ng kanilang mga pananaw sa mga bagay at sa kanilang mga prinsipyo ng pagkilos. Ang mga hindi pa nagtamo ng katotohanan ay talagang hindi nagkamit ng anumang pagbabago sa disposisyon sa buhay. Paano ba talaga nakakamit ang pagbabago sa disposisyon? Lubhang nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, lahat sila ay lumalaban sa Diyos, at lahat sila ay may kalikasang lumalaban sa Diyos. Inililigtas ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng paghihikayat sa mga may kalikasang lumalaban sa Diyos at maaaring lumaban sa Diyos na magpasakop at magkaroon ng takot sa Diyos. Ito ang kahulugan ng maging isang tao na nagbago na ang disposisyon. Gaano man katiwali ang isang tao o ilang tiwaling disposisyon ang mayroon siya, basta’t kaya niyang tanggapin ang katotohanan, tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at tanggapin ang iba’t ibang pagsubok at pagpipino, magkakaroon siya ng tunay na pagkaunawa sa Diyos, at kasabay nito ay malinaw niyang makikita ang sarili niyang kalikasang diwa. Kapag tunay niyang nakikilala ang kanyang sarili, magagawa niyang kamuhian ang kanyang sarili at si Satanas, at magiging handa siyang maghimagsik laban kay Satanas, at ganap na magpasakop sa Diyos. Kapag may ganitong determinasyon na ang isang tao, kaya na niyang hangarin ang katotohanan. Kung may tunay na kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, kung nadalisay ang kanilang satanikong disposisyon, at nag-ugat ang mga salita ng Diyos sa kanilang kalooban, at naging buhay na nila at batayan ng kanilang pag-iral, kung namumuhay sila ayon sa mga salita ng Diyos, at lubusan nang nagbago at naging mga bagong tao—maituturing ito bilang pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi nangangahulugang pagkakaroon ng hustong isipan at bihasang pagkatao, ni hindi ito nangangahulugan na mas maamo ang panlabas na mga disposisyon ng mga tao kaysa dati, na dati silang mayabang ngunit ngayon ay makatwiran nang magsalita, o na dati ay wala silang pinakikinggan ngunit ngayon ay kaya na nilang makinig sa iba nang kaunti; hindi masasabi na ang nakikitang mga pagbabagong ito ay mga pagbabago sa disposisyon. Siyempre pa, ang mga pagbabago sa disposisyon ay kinabibilangan ng mga ganoong pagpapamalas, ngunit ang pinakamahalagang bagay ay na sa loob, nagbago na ang buhay nila. Lahat ng ito ay dahil nag-ugat na ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan sa kanilang kalooban, namumuno sa kanilang kalooban, at naging buhay na nila. Nagbago na rin ang kanilang mga pananaw tungkol sa mga bagay-bagay. Kitang-kita nila ang nangyayari sa mundo at sa sangkatauhan, kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, kung paano nilalabanan ng malaking pulang dragon ang Diyos, at ang diwa ng malaking pulang dragon. Kaya nilang kamuhian ang malaking pulang dragon at si Satanas sa puso nila, at kaya nilang lubos na bumaling at sumunod sa Diyos. Nangangahulugan ito na nagbago na ang kanilang disposisyon sa buhay, at nakamit na sila ng Diyos. Ang mga pagbabago sa disposisyon sa buhay ay mga pangunahing pagbabago, samantalang ang mga pagbabago sa pag-uugali ay paimbabaw. Ang mga nagkamit lang ng mga pagbabago sa disposisyon sa buhay ang mga nagtamo ng katotohanan, at sila lang ang nakamit ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Tinatanggap mo lang ngayon na mabuti at tama ang mga salita ng Diyos, at, kung titingnan ang panlabas mong pag-uugali, hindi mo ginagawa ang mga bagay na halata namang sumasalungat sa katotohanan, lalo nang hindi mo ginagawa ang mga bagay na humuhusga sa gawain ng Diyos. Nagagawa mo ring magpasakop sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Mula sa pagiging isang walang pananampalataya ay nagiging isa kang tagasunod ng Diyos na may asal ng isang banal. Mula sa pagiging isang taong malinaw na namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, at ayon sa mga konsepto, kautusan at kaalaman ni Satanas, ay nagiging isa kang taong matapos marinig ang mga salita ng Diyos, ay nadarama na katotohanan ang mga iyon, tinatanggap ang mga iyon, at hinahangad ang katotohanan, at nagiging isa kang tao na kayang yakapin ang mga salita ng Diyos bilang kanyang buhay. Ganoong uri iyon ng proseso—wala nang iba. Sa panahong ito, ang pag-uugali at mga paraan mo ng paggawa sa mga bagay-bagay ay siguradong daraan sa ilang pagbabago. Para sa Diyos, kahit gaano ka pa magbago, ang naipapamalas mo ay mga pagbabago lang sa iyong pag-uugali at mga pamamaraan, mga pagbabago sa iyong mga pinakatatagong pagnanais at adhikain. Ito ay walang iba kundi mga pagbabago sa iyong mga kaisipan at pananaw. Maaaring sa ngayon ay kaya mong ihandog sa Diyos ang buhay mo kapag nag-ipon ka ng lakas at may bugso ka ng damdamin, pero hindi ka ganap na makapagpasakop sa Diyos sa isang bagay na talagang hindi mo nagugustuhan. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon. Siguro, dahil sa mabuting puso mo ay nagagawa mong ialay sa Diyos ang iyong buhay at lahat-lahat, at sabihing, “Handa ako at gusto kong ibigay ang buhay ko para sa Diyos. Sa buhay na ito ay wala akong mga pinanghihinayangan at mga inirereklamo! Tinalikuran ko na ang pag-aasawa, ang mga makamundong inaasam, ang lahat ng kaluwalhatian at kayamanan, at tinatanggap ko ang mga sitwasyong ito na inilatag ng Diyos. Kaya kong tiisin ang lahat ng panunuya at paninirang-puri ng mundo.” Pero sa sandaling ilatag ng Diyos ang isang sitwasyon na hindi tugma sa mga kuru-kuro mo, kaya mong sumalungat at tumutol sa Kanya at lumaban sa Kanya. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon. Posible ring kaya mong ialay ang iyong buhay para sa Diyos at talikuran ang mga taong pinakamamahal mo, o ang bagay na pinakamamahal mo, na pinakahindi kayang mawala ng puso mo—pero kapag tinawag ka para magsalita sa Diyos mula sa puso, at maging isang matapat na tao, nahihirapan ka at hindi mo ito magawa. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon. Gayunman, siguro ay hindi ka nagnanasa ng kaginhawahan ng laman sa buhay na ito, ni kumakain ng masasarap na pagkain o nagsusuot ng magagarang kasuotan, araw-araw ay nagpapakapagod ka sa gawain at inuubos mo ang lakas mo sa iyong tungkulin. Matitiis mo ang lahat ng klase ng pasakit na idinudulot sa iyo ng laman, pero, kung hindi umaayon sa iyong mga kuru-kuro ang mga pagsasaayos ng Diyos, hindi ka makaunawa, at nagkakaroon ka ng mga hinaing laban sa Diyos at maling pagkaunawa sa Kanya. Unti-unting nagiging abnormal ang relasyon mo sa Diyos. Palagi kang lumalaban at naghihimagsik, hindi mo magawang lubos na makapagpasakop sa Diyos. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon. Handa kang ialay ang buhay mo para sa Diyos, kung gayon bakit hindi ka makapagsabi ng isang tapat na salita sa Kanya? Handa kang isantabi ang lahat ng bagay na walang kinalaman sa iyo, kung gayon bakit hindi mo magawang maging tapat na lang sa atas na ibinigay sa iyo ng Diyos? Handa kang ialay ang buhay mo para sa Diyos, kung gayon bakit hindi mo mapagnilayan ang sarili mo kapag umaasa ka sa mga damdamin mo upang gawin ang mga bagay-bagay at itaguyod ang relasyon mo sa iba? Bakit hindi ka makapagpasyang itaguyod ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Ganito ba ang isang taong namumuhay sa harap ng Diyos? Gumawa ka na ng panata sa Diyos na gugugulin mo ang sarili mo para sa Kanya nang buong buhay mo at tatanggapin mo ang anumang pagdurusang makaharap mo, kung gayon bakit sa minsanang pagkatanggal mo sa tungkulin mo ay nalulugmok ka na nang labis sa pagiging negatibo na hindi ka na makabangon sa loob ng napakaraming araw? Bakit puno ng paglaban, hinaing, maling pagkaunawa, at pagiging negatibo ang puso mo? Ano ang nangyayari? Ipinapakita nito na ang pinakamamahal ng puso mo ay ang katayuan, at may kinalaman ito sa “nakapagpapabagsak na kahinaan” mo. Kaya, kapag tinanggal ka, bumabagsak ka at hindi ka na makabangon. Sapat na ito para patunayan na bagaman nagbago na ang pag-uugali mo, ang buhay disposisyon mo ay hindi pa nagbabago. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa pag-uugali at ng pagbabago sa disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos 3

Ang pinakamahirap na bahagi ng paniniwala sa Diyos ay ang pagkamit ng isang pagbabago sa disposisyon. Maaaring kaya mong habambuhay na manatiling walang-asawa, o kaya ay hindi kailanman kumain ng masusustansyang pagkain o magsuot ng magagandang damit; sinasabi pa nga ng ilang tao, “Hindi mahalaga kung magdusa ako buong buhay ko, o kung malungkot ako buong buhay ko, kaya kong tiisin ito—nang nasa tabi ko ang Diyos, walang-wala ang mga bagay na ito.” Madali para sa kanila na mapagtagumpayan at lutasin ang ganitong pisikal na pasakit at paghihirap. Ano ang hindi madali para sa kanila na mapagtagumpayan? Ang mga tiwaling disposisyon ng tao. Hindi malulutas ang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan lamang ng pagpigil sa sarili. Kayang magtiis ng tao ng pisikal na paghihirap para magampanan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin, para matugunan ang mga layunin ng Diyos, at makapasok sa kaharian sa hinaharap—pero ang kakayahan bang magdusa at magbayad ng halaga ay nangangahulugang nagbago na ang kanilang mga disposisyon? Hindi. Para sukatin kung may pagbabago ba sa disposisyon ng isang tao, huwag tingnan kung gaano karaming pagdurusa ang kaya niyang tiisin o kung gaano kaganda ang kanilang pag-uugali sa panlabas. Ang tanging paraan para masukat nang tama kung ang disposisyon ng isang tao ay nagbago ay ang tingnan ang mga mithiin, mga motibo, at mga intensyon sa likod ng kanyang mga ikinikilos, ang mga prinsipyong sinusunod niya sa pagkilos at pangangasiwa sa gawain, at ang kanyang saloobin sa katotohanan.

Pagkatapos sumampalataya sa Diyos, ang ilan ay hindi na naghahangad ng mga makamundong uso o nagbibigay-pansin sa kanilang mga kasuotan at hitsura. Nagagawa nilang magdusa at magsikap, at supilin at maghimagsik laban sa laman. Ngunit kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin at nakikisalamuha sila sa iba at humaharap sa mga bagay-bagay, bihira silang maging matapat. Ayaw nilang maging matapat, lagi nilang ninanais mamukod-tangi at makilala, at may hangarin sa likod ng lahat ng kanilang sinasabi at ginagawa. Gumagawa sila ng masusi, metikulosong pagkakalkula upang maipakita sa mga tao kung gaano sila kabuti, makuha ang loob ng mga tao, at mahikayat ang mga taong paboran at sambahin sila, hanggang sa puntong sa kanila na lalapit at maghahanap ang mga tao sa tuwing may mangyayari sa mga ito. Sa paggawa nito, nagpapasikat sila. Ano ang disposisyong kanilang ibinubunyag? Isa itong satanikong disposisyon. Marami bang taong tulad nito? Ganito ang lahat ng tao. Sa panlabas, pinanghahawakan nila ang lahat ng regulasyon, nagagawa nilang magdusa nang kaunti, at medyo handa silang maggugol ng kanilang sarili. Nagagawa nilang bitiwan ang ilang makamundong bagay, mayroon silang kaunting determinasyon at kagustuhang hangarin ang katotohanan, at nakapaglatag na sila ng pundasyon sa landas ng pananampalataya sa Diyos. Kaya lamang ay nananatiling di-nagbabago ang kanilang tiwaling disposisyon. Hindi talaga sila nagbago. Kahit na nauunawaan nila ang katotohanan, hindi nila ito maisagawa. Iyon ang kahulugan ng hindi talaga pagbabago. Ang pagkilos nang matigas ang ulo sa lahat ng bagay ay ang paraan ng pag-uugali ng mga nabubuhay sa loob ng mga satanikong disposisyon. Kapag mali ang hangarin sa likod ng kanilang mga kilos, hindi sila nagdarasal sa Diyos, o itinatanggi ang sarili nilang kalooban, hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, hindi rin sila naghahanap mula sa iba o nakikipagbahaginan sa mga ito. Ginagawa nila ang anumang naisin nila, ang anumang magustuhan nila; kumikilos sila nang walang-ingat at walang pagpipigil. Maaaring mukhang hindi sila gumagawa ng kasamaan, ngunit hindi rin nila isinasagawa ang katotohanan. Sinusunod nila ang sarili nilang kalooban sa kanilang mga kilos at namumuhay sila sa loob ng isang satanikong disposisyon. Nangangahulugan itong wala silang pagmamahal sa katotohanan o wala silang may-takot-sa-Diyos na puso, at hindi sila nabubuhay sa harap ng Diyos. Maaaring nauunawaan nga ng iba sa kanila ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, ngunit hindi nila ito maisagawa. Ito ay dahil hindi nila madaig ang sarili nilang mga pagnanasa at ambisyon. Malinaw na nalalaman nilang mali ang kanilang ginagawa, na isa itong paggambala at panggugulo, na kamuhi-muhi ito sa Diyos, subalit paulit-ulit nila itong ginagawa, iniisip na, “Hindi ba’t ang pananampalataya sa Diyos ay tungkol sa pagtatamo ng mga pagpapala? Ano ang mali sa paghahangad ko sa mga pagpapala? Medyo marami na rin akong dinanas sa mga taon ng pananampalataya ko sa Diyos; isinuko ko ang aking trabaho at tinalikuran ang aking mga kinabukasan sa mundo upang matamo ang pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos. Batay lamang sa lahat ng pagdurusang tiniis ko, dapat akong alalahanin ng Diyos. Dapat Niya akong pagpalain at pagkalooban ng magandang kapalaran.” Ang mga salitang ito ay naaangkop sa kagustuhan ng mga tao. Ganito mag-isip ang lahat ng taong sumasampalataya sa Diyos—pakiramdam nila ay hindi ganoon kalaking problema ang pagiging bahagyang kontaminado ng hangaring magtamo ng mga pagpapala. Ngunit kung pag-iisipan mong mabuti ang mga salitang ito, nakaayon ba ang alinman sa mga iyon sa katotohanan o sa bahagi ng katotohanang realidad? Ang lahat ng pagtalikod at pagdurusang ito ay mga uri lamang ng mabubuting pag-uugali ng tao. Ang mga kilos na ito ay kontrolado ng hangaring magtamo ng mga pagpapala, at hindi pagsasagawa ng katotohanan. Kung gagamitin ng isang tao ang mga moral na pamantayan ng tao upang sukatin ang pag-uugali ng mga taong ito, maituturing silang masipag at matipid, masikap at matatag. Kung minsan, sa labis na pagkaabala nila sa kanilang trabaho ay nakalilimutan na nilang kumain at matulog, at handa pa nga ang ilan sa kanila na magsauli ng mga nawawalang gamit sa mga may-ari nito, na maging matulungin at mapagkawanggawa, na tratuhin ang iba nang may pang-unawa at pagkabukas-palad, na hindi maging kuripot o maselan, at na ipamigay pa nga ang mga pinakagusto nilang gamit sa iba. Ang lahat ng pag-uugaling ito ay pinupuri ng tao, at kinikilala sila bilang mabubuting tao. Ang gayong mga tao ay mukhang maluwalhati, kahanga-hanga, at karapat-dapat sa pagsang-ayon; sa kanilang mga kilos, may moral silang integridad, patas at makatwiran. Sinusuklian nila ang mga kabutihan ng iba at pinahahalagahan ang kapatiran, hanggang sa puntong isasakripisyo nila ang kanilang sarili para sa sinuman sa kanilang mga kaibigan, at magtitiis ng pagdurusa at gagawin ang lahat para sa pinakamalalapit sa kanila. Bagaman maraming tao ang maaaring pumuri sa ganitong uri ng mabuting tao, kaya ba talaga ng mga taong ito na tanggapin ang katotohanan at isagawa ito? Talaga bang ibubuwis nila ang kanilang buhay upang dakilain at patotohanan ang Diyos? Hindi naman talaga. Kung gayon, matatawag ba silang mabuting tao? Kung sinusubukan mong tukuyin kung ang isang tao ay natatakot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan, o kung nagtataglay siya ng katotohanang realidad, magiging tumpak ba na lagi siyang suriin batay sa mga kuru-kuro, imahinasyon, etika at moralidad ng tao? Aayon ba ito sa katotohanan? Kung ang mga kuru-kuro, imahinasyon, etika, at moralidad ng tao ang katotohanan, hindi na kakailanganin ng Diyos na ipahayag ang katotohanan kung gayon, hindi na rin Niya kakailanganing isagawa ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Kailangan mong makita nang malinaw na ang mundo at ang sangkatauhan ay malupit at masama, na ganap na walang katotohanan ang mga iyon, at na kailangan ng tiwaling sangkatauhan ang pagliligtas ng Diyos. Kailangan mong makita nang malinaw na ang Diyos lamang ang katotohanan, na tanging ang Kanyang mga salita ang makapaglilinis sa tao, na tanging Siya ang makapagliligtas sa tao, at na kahit gaano pa kabuti ang pag-uugali ng isang tao, hindi ito ang katotohanang realidad, at lalo pang kinukulang ng mismong katotohanan. Bagaman lumaganap at nakilala na sa mga tao ang mabubuting pag-uugaling ito, ang mga ito ay hindi ang katotohanan, at kailanman ay hindi magiging gayon, at walang anumang mababago ang mga ito. Ang isang tao ba na magsasakripisyo sa kanyang sarili para sa kanyang mga kaibigan at gagawin ang lahat para sa mga ito ay mahihikayat mong tanggapin ang Diyos at ang katotohanan? Talagang hindi, dahil ang taong iyon ay isang ateista. Mahihikayat mo ba ang isang taong puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos na magtamo ng tunay na pagpapasakop sa Kanya? Talagang hindi, dahil kapag puno ng mga kuru-kuro ang isang tao, napakahirap para sa kanyang tanggapin at magpasakop sa katotohanan. Mahihikayat ba ng gaano man karaming mabuting pag-uugali ang isang tao na tunay na magpasakop sa Diyos? Kaya ba niyang tunay Siyang mahalin? Makapagpupuri at makapagpapatotoo ba siya sa Kanya? Talagang hindi niya magagawa iyon. Matitiyak mo bang ang lahat ng mangangaral at gagawa para sa Panginoon ay tunay na magmamahal sa Diyos? Imposible talaga iyon. Kaya, kahit gaano pa karaming mabuting pag-uugali ang gawin ng isang tao, hindi ito nangangahulugang tunay na siyang nagsisi at nagbago, at lalong hindi ito nangangahulugang nagbago na ang kanyang disposisyon sa buhay.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Mabuting Pag-uugali ay Hindi Nangangahulugan na Nagbago Na ang Disposisyon ng Isang Tao

Ang lahat ng tiwaling tao ay nabubuhay para sa kanilang mga sarili. Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba—ito ang buod ng kalikasan ng tao. Ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos para sa kanilang sariling kapakanan; kapag tinatalikdan nila ang mga bagay-bagay at ginugugol ang kanilang mga sarili para sa Diyos, ito ay para pagpalain, at kapag tapat sila sa Kanya, ito ay para pa rin magantimpalaan. Sa kabuuan, lahat ito ay ginagawa para sa hangaring pagpalain, gantimpalaan, at makapasok sa kaharian ng langit. Sa lipunan, nagtatrabaho ang mga tao para sa kanilang pansariling pakinabang, at sa sambahayan ng Diyos, gumagawa sila ng tungkulin para pagpalain. Alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala kaya tinatalikdan ng mga tao ang lahat at nakatitiis sila ng matinding pagdurusa. Wala nang mas maganda pang katibayan ng satanikong kalikasan ng tao. Ang mga taong nagbago ang mga disposisyon ay naiiba, nararamdam nila na ang kahulugan ay nagmumula sa pamumuhay sa katotohanan, na ang batayan ng pagiging tao ay ang pagpapasakop sa Diyos, pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, na ang pagtanggap sa ibinigay na gawain ng Diyos ay isang responsabilidad na ganap na likas at may katwiran, na tanging ang mga taong tumutupad sa mga tungkulin ng isang nilikha ang naaangkop na tawaging tao—at kung hindi nila magagawang mahalin ang Diyos at suklian ang Kanyang pagmamahal, hindi sila angkop na tawaging tao. Nararamdaman nilang ang pamumuhay para sa sarili ay hungkag at walang kabuluhan, na dapat mabuhay ang mga tao upang palugurin ang Diyos, gampanan ang kanilang tungkulin nang maayos, at mamuhay nang makabuluhan, upang kapag oras na para mamatay sila, makukuntento sila at hindi magkakaroon ng kahit katiting na panghihinayang, at na hindi sila nabuhay nang walang saysay. Sa pagkukumpara sa dalawang magkaibang sitwasyong ito, nakikita ng isang tao na ang huli ay sa mga tao na nagbago na ang mga disposisyon. Kapag nagbago na ang buhay disposisyon ng isang tao, tiyak na nagbago na rin ang kanyang pananaw sa buhay. Ngayong mayroon nang ibang mga pinahahalagahan, hindi na siya muling mamumuhay para sa sarili niya, at hindi na muling maniniwala sa Diyos para sa layuning magkamit ng mga pagpapala. Masasabi ng taong iyon na, “Sulit ang makilala ang Diyos. Kung mamatay ako pagkatapos kong makilala ang Diyos, napakaganda niyon! Kung makikilala ko ang Diyos at makakapagpasakop sa Diyos, at magagawa kong mamuhay nang makabuluhan, hindi ako mamumuhay nang walang saysay, ni hindi ako mamamatay nang may anumang panghihinayang; hindi ako magrereklamo.” Nagbago na ang pananaw sa buhay ng taong ito. Ang pangunahing dahilan ng pagbabago sa buhay disposisyon ng isang tao ay dahil taglay niya ang katotohanang realidad, nakamit na niya ang katotohanan, at may kaalaman na siya sa Diyos; samakatuwid ay nagbago ang pananaw ng isang tao sa buhay, at iba na ang kanyang mga pinahahalagahan kaysa dati. Ang pagbabago ay nagsisimula sa loob ng puso ng isang tao, at mula sa loob ng buhay ng isang tao; tiyak na hindi ito isang panlabas na pagbabago. Ang ilan sa mga bagong mananampalataya, kapag nagsimula na silang maniwala sa Diyos, ay tinatalikuran ang sekular na mundo. Kapag nakakatagpo sila kalaunan ng mga walang pananampalataya, walang gaanong masabi ang mga mananampalatayang ito, at bihira silang makipag-ugnayan sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan na walang pananampalataya. Sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Nagbago na ang taong ito.” Pagkatapos ay iniisip ng mga mananampalataya, “Nagbago na ang buhay disposisyon ko; sinasabi ng mga walang pananampalatayang ito na nagbago na ako.” Totoo bang nagbago na ang disposisyon ng taong iyon? Hindi pa. Ang ipinamamalas niya ay panlabas na mga pagbabago lamang. Wala pang tunay na pagbabago sa buhay niya, at ang kanyang satanikong kalikasan ay patuloy na nakaugat sa kanyang puso, ganap na hindi nagagalaw. Kung minsan, masiglang-masigla ang mga tao dahil sa gawain ng Banal na Espiritu; maaaring magkaroon ng ilang panlabas na pagbabago, at maaari silang gumawa ng ilang mabubuting gawa. Gayunman, hindi ito kapareho ng pagkakamit ng pagbabago ng disposisyon. Kung hindi mo taglay ang katotohanan at hindi pa nagbabago ang iyong pananaw sa mga bagay-bagay, hanggang sa punto na hindi ka kaiba sa mga walang pananampalataya, at hindi rin nagbago ang iyong pananaw sa buhay at ang iyong mga pinahahalagahan, at kung wala ka man lamang may-takot-sa-Diyos na puso—na siyang nararapat mo man lang taglayin—napakalayo mo pa sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon. Upang magkaroon ng pagbabago sa disposisyon, ang pinakasusi ay dapat mong hangaring maunawaan ang Diyos at magkaroon ka ng tunay na pagkaunawa sa Kanya. Gawin nating halimbawa si Pedro. Nang nais ng Diyos na ibigay siya kay Satanas, sinabi niya, “Kahit ibigay Mo ako kay Satanas, Ikaw pa rin ang Diyos. Ikaw ang makapangyarihan sa lahat, at ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay Mo. Paanong hindi Kita pupurihin para sa mga bagay na ginagawa Mo? Ngunit kung makikilala Kita bago ako mamatay, hindi ba’t mas maganda iyon?” Naramdaman niya na sa buhay ng mga tao, ang pinakaimportante ay ang makilala ang Diyos; pagkatapos na makilala ang Diyos, anumang uri ng kamatayan ay mabuti, at anumang paraan ng pangangasiwa ng Diyos dito ay mabuti. Naramdaman niya na ang pinakakritikal na bagay ay ang makilala ang Diyos; kung hindi niya nakamtan ang katotohanan, hinding-hindi siya masisiyahan, ngunit hindi rin siya magrereklamo laban sa Diyos. Kapopootan lang niya ang katunayan na hindi niya hinangad ang katotohanan. Dahil sa espiritu ni Pedro, ang marubdob niyang paghahangad upang makilala ang Diyos ay nagpapakita na ang kanyang pananaw ukol sa buhay at mga pinahahalagahan ay nagbago. Ang malalim niyang pag-aasam na makilala ang Diyos ay nagpapatunay na tunay na nakilala niya ang Diyos. Kaya, mula sa pahayag na ito, makikita na nagbago ang kanyang disposisyon; siya ay isang taong nagbago ang disposisyon. Sa pinakadulo ng kanyang karanasan, sinabi ng Diyos na siya ang pinakanakakakilala sa Diyos; siya ang tunay na nagmamahal sa Diyos. Kung wala ang katotohanan, ang buhay disposisyon ng isang tao ay hindi kailanman tunay na magbabago. Kung kaya mong tunay na hangarin ang katotohanan at pumasok sa katotohanang realidad, saka mo lamang maisasakatuparan ang pagbabago sa iyong buhay disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Sinundan: 26. Ano ang pagbabago ng disposisyon

Sumunod: 28. Ano ang tinutukoy ng kaligtasan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito