29. Ano ang isang matapat na tao at bakit iniuutos ng Diyos na maging matapat ang mga tao

Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya

“Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’: sapagkat ang humigit pa rito ay buhat sa masama” (Mateo 5:37).

“At ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Kordero saan man Siya pumaroon. Ang mga ito’y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero. At sa kani-kanyang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis” (Pahayag 14:4–5).

“At hindi papasok doon sa anomang paraan ang anomang bagay na karumal-dumal, o anumang gumagawa ng kasuklam-suklam at ng kasinungalingan” (Pahayag 21:27).

“Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ‘Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit’” (Mateo 18:3).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga tapat. Sa diwa, matapat ang Diyos, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos ang mga lubos na tapat sa Kanya. Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, pagiging totoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay para lamang sumipsip sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit doble ang hirap nito para sa inyo. Maraming tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang tapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi tapat. Siyempre pa, alam na alam Ko kung gaano kahirap sa inyo ang maging tapat. Sapagkat matatalino kayong lahat, napakahusay sa pagtimbang sa mga tao gamit ang sarili ninyong makitid na panukat, ginagawa nitong mas payak ang gawain Ko. At yamang ang bawat isa sa inyo ay niyayakap sa dibdib ang mga lihim ninyo, isa-isa Ko kayong ilalagay sa kapahamakan upang “turuan” sa pamamagitan ng apoy, nang sa gayon pagkatapos nito ay maaari kayong maging desidido sa paniniwala ninyo sa mga salita Ko. Sa huli, hihilahin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay matapat na Diyos,” pagkatapos ay hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy na, “Mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Ipinagpapalagay Kong hindi kayo magiging kasing matagumpay na tulad ninyo ngayon. At lalong hindi kayo magiging kasing “lalim at mahirap unawain” na tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang tao, pinaghihirapan nilang maging “maayos ang asal,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong tinatratong basta-basta ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong ayaw isagawa ang katotohanan. Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman. Kung nakalulugod sa iyo ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubha kang nagagalak na maging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos, gumagawa nang masigasig nang walang nakakakita, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at nagsisikap ka lamang na maging tapat na tao. Kung handa kang maging matapat, kung handa kang gugulin ang lahat-lahat mo, kung magagawa mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at manindigan sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa puntong ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, sinasabi Ko na ang gayong mga tao ay ang mga tinutustusan sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian. Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananampalataya at totoong katapatan sa loob mo, kung may tala ka ng pagdurusa para sa Diyos, at kung ganap ka nang nagpasakop sa Diyos. Kung wala ka ng mga ito, nananatili sa loob mo ang paghihimagsik, panlilinlang, pagkasakim, at pagrereklamo. Dahil malayo sa pagiging tapat ang puso mo, hindi ka kailanman nakatanggap ng pagkilala mula sa Diyos at hindi kailanman namuhay sa liwanag. Kung ano ang mangyayari sa kapalaran ng isang tao sa huli ay nakasalalay sa kung mayroon siyang pusong tapat at kasimpula ng dugo, at kung may dalisay siyang kaluluwa. Kung isa kang taong lubhang hindi tapat, isang taong may pusong masama ang hangarin, isang taong marumi ang kaluluwa, tiyak na hahantong ka sa lugar kung saan pinarurusahan ang tao, tulad ng nakasulat sa talaan ng tadhana mo. Kung inihahayag mong lubha kang tapat, ngunit hindi mo kailanman nagawang kumilos alinsunod sa katotohanan o magsabi ni isang totoong salita, naghihintay ka pa rin bang gantimpalaan ka ng Diyos? Umaasa ka pa rin bang ituturing ka ng Diyos na lubos Niyang minamahal? Hindi ba kahibangan ang ganitong pag-iisip? Nililinlang mo ang Diyos sa lahat ng bagay; paanong tatanggapin sa sambahayan ng Diyos ang isang tulad mo, na marumi ang mga kamay?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

Kinalulugdan Ko ang mga hindi mapaghinala sa iba, at gusto Ko ang mga tumatanggap kaagad ng katotohanan; nagpapakita Ako ng labis na pagkalinga sa dalawang uri ng mga taong ito, dahil matatapat silang mga tao sa Aking paningin. Kung mapanlinlang ka, magiging malihim at mapaghinala ka sa lahat ng tao at bagay, kaya ang pananampalataya mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananampalataya. Sa kakulangan ng tunay na pananampalataya, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal. At kung malamang na pagdudahan mo ang Diyos at sinasadya mong gumawa ng haka-haka tungkol sa Kanya, kung gayon walang kaduda-dudang ikaw ang pinakamapanlinlang sa lahat ng tao. Nag-iisip-isip ka kung maaaring maging katulad ng tao ang Diyos: makasalanang di-mapapatawad, mababaw ang pagkatao, salat sa pagiging makatarungan at katwiran, walang pagkaunawa sa katarungan, mahilig sa mapanirang mga kaparaanan, taksil at tuso, nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba’t ang dahilan kaya may ganitong kaisipan ang mga tao ay sapagkat wala sila ni bahagyang kaalaman sa Diyos? Kasalanan talaga ang ganitong uri ng pananampalataya! Mayroon pa ngang ibang naniniwala na ang mga nagbibigay-lugod sa Akin ay ang mga nambobola at sumisipsip, at hindi tatanggapin sa tahanan ng Diyos at mawawalan ng lugar doon ang mga walang kasanayan sa ganoong mga bagay. Ito lamang ba ang tanging kaalamang nakuha ninyo pagkatapos ng maraming taon? Ito ba ang nakamit ninyo? At hindi tumitigil sa mga maling pagkaunawang ito ang kaalaman ninyo sa Akin; mas malala pa ay ang kalapastanganan ninyo sa Espiritu ng Diyos at pinagmumukha ninyong masama sa Langit. Ito ang dahilan kaya sinasabi Kong magdudulot lamang ng lalong paglayo ninyo sa Akin at higit pang pagsalungat sa Akin ang pananampalatayang tulad ng sa inyo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa

Maraming tao ang hindi gaanong nauunawaan kung ano ba mismo ang isang tapat na tao. Sinasabi ng ilan na ang matatapat na tao ay ang mga taong taos-puso at prangka, ang mga inaapi at ibinubukod saanman sila magpunta, o ang mababagal at palaging medyo nahuhuling magsalita at kumilos kaysa sa ibang mga tao. Ang ilang hangal at mangmang na tao, na gumagawa ng matinding kahangalan kung kaya’t hinahamak sila ng iba, ay inilalarawan din ang kanilang sarili bilang matapat na tao. At lahat ng walang pinag-aralang tao mula sa mabababang antas ng lipunan, na nakararamdam na mas mababa sila, ay sinasabi rin na sila ay matapat na tao. Saan sila nagkakamali? Hindi nila alam kung ano ba ang isang tapat na tao. Ano ang pinagmumulan ng kanilang maling paniniwala? Ang pangunahing dahilan ay na hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Naniniwala sila na ang “matatapat na taong” sinasabi ng Diyos ay mga hangal at mga tunggak, na walang pinag-aralan ang mga ito, mabagal magsalita at mangusap, inaapi at sinusupil, at madaling nadadaya at naloloko. Ang implikasyon ay na ang mga layon ng pagliligtas ng Diyos ay ang mga walang utak na taong nasa ibaba ng lipunan na madalas alipustahin ng iba. Sino ba ang ililigtas ng Diyos kundi ang mga hamak at mahihirap na taong ito? Hindi ba’t ito ang kanilang pinaniniwalaan? Ang mga iyon ba talaga ang mga taong inililigtas ng Diyos? Isa itong maling interpretasyon sa mga layunin ng Diyos. Ang mga taong inililigtas ng Diyos ay ang mga taong nagmamahal sa katotohanan, ang mga may kakayahan at kakayahang makaarok, silang lahat ay mga taong may konsensiya at katwiran, na kayang tuparin ang mga atas ng Diyos at gawin nang maayos ang kanilang tungkulin. Sila ay mga taong kayang tanggapin ang katotohanan at iwaksi ang mga tiwali nilang disposisyon, at sila ay mga taong tunay na nagmamahal sa Diyos, nagpapasakop sa Diyos, at sumasamba sa Diyos. Bagamat ang karamihan sa mga taong ito ay mula sa ibaba ng lipunan, mula sa mga pamilya ng mga manggagawa at magsasaka, tiyak na hindi sila mga taong magulo ang isip, hangal, o walang silbi. Sa kabaligtaran, matatalino silang tao na kayang tanggapin, isagawa ang katotohanan at magpasakop dito. Lahat sila ay mga taong makatarungan, na tatalikdan ang makamundong karangalan at mga kayamanan para masunod ang Diyos at matamo ang katotohanan at ang buhay—sila ang pinakamatatalinong tao sa lahat. Lahat sila ay matapat na taong tunay na nananalig sa Diyos at tunay na iginugugol ang kanilang sarili para sa Kanya. Matatamo nila ang pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos, at magagawa silang perpekto upang maging mga tao Niya at mga haligi ng Kanyang templo. Sila ay mga taong gawa sa ginto, pilak, at mamahaling hiyas. Ang mga taong magulo ang isip, hangal, katawa-tawa, at walang silbi ang mga ititiwalag. Ano ang tingin ng mga hindi mananampalataya at ng mga katawa-tawang tao sa gawain at plano ng pamamahala ng Diyos? Basura ang tingin nila rito, hindi ba? Hindi lamang mahina ang kakayahan ng mga taong ito, katawa-tawa rin sila. Gaano man karaming salita ng Diyos ang mabasa nila, hindi nila kayang maunawaan ang katotohanan, at gaano karaming sermon man ang marinig nila, hindi nila kayang makapasok sa realidad—kung ganito sila kahangal, maliligtas pa ba sila? Gugustuhin ba ng Diyos ang ganitong uri ng tao? Gaano karaming taon man na silang mananampalataya, hindi pa rin nila nauunawaan ang anumang katotohanan, walang katuturan pa rin ang kanilang sinasabi, pero itinuturing pa rin nila ang kanilang sarili na matapat—wala ba silang kahihiyan? Hindi nauunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan. Palaging mali ang interpretasyon nila sa mga layunin ng Diyos, pero saanman sila pumunta, iginigiit nila ang kanilang mga maling interpretasyon, ipinangangaral ang mga ito bilang katotohanan, sinasabi sa mga tao, “Mabuti ang medyo maapi, dapat mawalan nang kaunti ang mga tao, dapat medyo maging hangal sila—ang mga ito ang mga layon ng pagliligtas ng Diyos at sila ang mga taong ililigtas ng Diyos.” Kasuklam-suklam ang mga taong nagsasabi ng mga gayong bagay; nagdadala ito ng malaking kahihiyan sa Diyos! Napakakasuklam-suklam nito! Ang mga haligi ng kaharian ng Diyos at ang mga mananagumpay na inililigtas ng Diyos ay pawang mga taong nauunawaan ang katotohanan, at marurunong. Sila ang mga taong magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng langit. Ang lahat ng hangal at mangmang, walang kahihiyan at walang katinuan, na wala ni katiting na pagkaunawa sa katotohanan, na mga walang utak at hangal—hindi ba’t lahat sila ay walang silbi? Paano magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng langit ang gayong mga tao? Ang matatapat na taong tinutukoy ng Diyos ay ang mga taong kayang isagawa ang katotohanan sa sandaling maunawaan nila ito, ang marurunong at matatalino, na basta nagtatapat sa Diyos, at na kumikilos ayon sa prinsipyo at ganap na nagpapasakop sa Diyos. Ang lahat ng taong ito ay may-takot-sa-Diyos na puso, nakatuon sila sa paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at lahat sila ay hinahangad na ganap na magpasakop sa Diyos at minamahal nila ang Diyos sa puso nila. Sila lamang ang tunay na matatapat na tao. Kung ni hindi alam ng isang tao kung ano ang ibig sabihin ng maging tapat, kung hindi niya makita na ang diwa ng matatapat na tao ay ang ganap na pagpapasakop sa Diyos, ang matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, o na ang matatapat na tao ay matapat dahil minamahal nila ang katotohanan, dahil minamahal nila ang Diyos, at dahil isinasagawa nila ang katotohanan—kung gayon, ang ganoong uri ng tao ay napakahangal, at tunay na walang pagkakilatis. Ang matatapat na tao ay ganap na hindi ang mga taos-puso, magulo ang isip, mangmang, at hangal na indibidwal na inaakala ng mga tao; sila ay mga taong may normal na pagkatao, na may konsensiya at katwiran. Ang katalinuhan ng matatapat na tao ay na kaya nilang makinig sa mga salita ng Diyos at maging tapat, at ito ang dahilan kung kaya’t pinagpapala sila ng Diyos.

Wala nang mas makabuluhan pa kaysa sa kahilingan ng Diyos na maging tapat ang mga tao—hinihiling Niya na mamuhay sa harapan Niya ang mga tao, na tanggapin nila ang Kanyang pagsisiyasat, at na mamuhay sila sa liwanag. Ang matatapat na tao lamang ang mga tunay na miyembro ng sangkatauhan. Ang mga taong hindi tapat ay mga halimaw, sila ay mga hayop na naglalakad nang nakasuot ng damit ng tao, hindi sila mga tao. Para mahangad ang pagiging tapat na tao, kailangan mong umasal nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos; kailangan mong sumailalim sa paghatol, pagkastigo, at pagpupungos. Kapag nalinis na ang iyong tiwaling disposisyon at nagagawa mong isagawa ang katotohanan at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, saka ka lamang magiging isang tapat na tao. Ang mga taong mangmang, hangal, at taos-puso ay ganap na hindi matatapat na tao. Sa paghingi na maging tapat ang mga tao, hinihiling sa kanila ng Diyos na magkaroon sila ng normal na pagkatao, na iwaksi nila ang kanilang pagiging mapanlinlang at ang kanilang mga pagbabalatkayo, na hindi pagsinungalingan at lansihin ang iba, na gampanan nang may katapatan ang kanilang tungkulin, at magawang mahalin Siya at magpasakop sa Kanya nang tunay. Ang mga indibidwal na ito lamang ang mga tao ng kaharian ng Diyos. Hinihingi ng Diyos na maging mabubuting sundalo ni Cristo ang mga tao. Ano ang mabubuting sundalo ni Cristo? Kailangan ay taglay nila ang katotohanang realidad at kaisa sila ni Cristo sa puso at isip. Sa anumang oras at lugar, kailangan ay kaya nilang dakilain at patotohanan ang Diyos, at kaya nilang gamitin ang katotohanan upang makipagdigma laban kay Satanas. Sa lahat ng bagay, kailangan sila ay nasa panig ng Diyos, nagpapatotoo, at ipinamumuhay ang katotohanang realidad. Kailangan ay kaya nilang ipahiya si Satanas at magwagi ng mga kahanga-hangang tagumpay para sa Diyos. Iyon ang ibig sabihin ng maging mabuting sundalo ni Cristo. Ang mabubuting sundalo ni Cristo ay mga mananagumpay, sila ang mga taong napagtatagumpayan si Satanas. Sa paghingi na maging tapat at hindi maging mapanlinlang ang mga tao, hindi hinihingi sa kanila ng Diyos na maging hangal sila, bagkus ay iwaksi ang kanilang mapanlinlang na mga disposisyon, magtamo ng pagpapasakop sa Kanya at magdala sila ng kaluwalhatian sa Kanya. Ito ang makakamit sa pagsasagawa sa katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili

Ang isang matapat na tao ay isang taong kayang tanggapin ang katotohanan—hindi isang taong kaawa-awang walang hiya, isang taong walang kuwenta, isang hangal, o isang taong taos-puso. Dapat ay makilatis na ninyo ang mga bagay na ito, hindi ba? Madalas Kong marinig na sabihin ng ilang tao: “Hindi ako nagsisinungaling kahit kailan—ako ang palaging pinagsisinungalingan. Palagi akong kinakayan-kayanan ng mga tao sa mundo. Sinabi ng Diyos na itinataas Niya ang mga nangangailangan mula sa dumi, at isa ako sa mga taong iyon. Biyaya ito ng Diyos. Kinaaawaan ng Diyos ang mga taong tulad namin, mga taong taos-puso na hindi tanggap sa lipunan. Ito talaga ang habag ng Diyos!” Mayroon ngang praktikal na aspekto ang pagsasabi ng Diyos na itinataas Niya ang mga nangangailangan mula sa dumi. Bagama’t kinikilala mo iyon, hindi nito pinatutunayan na matapat kang tao. Sa katunayan, sadyang gunggong, mangmang lang ang ilang tao; mga hangal sila na wala talagang mga kasanayan, mahina ang kakayahan, at walang pagkaunawa sa katotohanan. Ang gayong uri ng tao ay talagang walang kaugnayan sa matatapat na taong sinasabi ng Diyos. Totoo ngang itinataas ng Diyos ang mga nangangailangan mula sa dumi, ngunit hindi ang mga mangmang at hangal ang itinataas. Likas na napakababa ng kakayahan mo, at isa kang hangal, isang walang kuwentang tao, at kahit na ipinanganak ka sa isang mahirap na pamilya at kabilang sa mas mababang antas ng lipunan, hindi ka pa rin isa sa mga pakay ng pagliligtas ng Diyos. Dahil lang nagdusa ka nang husto at nagtiis sa diskriminasyon sa lipunan, dahil lang nakayan-kayanan at nadaya ka ng lahat, huwag mong isipin na matapat na tao ka na dahil doon. Kung iniisip mo iyon, maling-mali ka. Kayo ba ay mayroong anumang maling pagkaunawa o baluktot na pagkaarok sa kung ano ang isang matapat na tao? Nagtamo na ba kayo ng kaunting kaliwanagan sa pagbabahaging ito? Ang pagiging matapat na tao ay hindi tulad ng iniisip ng mga tao; hindi ito pagiging isang taong diretsahan magsalita na umiiwas sa panlilito. Maaaring likas na tuwiran ang isang tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na hindi na siya nanlalansi o nanlilinlang. Ang lahat ng tiwaling tao ay mayroong mga tiwaling disposisyon na madaya at mapanlinlang. Kapag nabubuhay ang mga tao sa mundong ito, sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, pinamamahalaan at kinokontrol ng puwersa nito, imposible para sa kanilang maging matapat. Maaari lang silang maging lalo pang mapanlinlang.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Ano ang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao? Una, ang hindi pagkakaroon ng pagdududa sa mga salita ng Diyos. Isa iyon sa mga pagpapamalas ng isang matapat na tao. Bukod dito, ang pinakamahalagang pagpapamalas ay ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay—ito ang pinakamahalaga. Sinasabi mong ikaw ay matapat, pero palagi mong iniiwasang isipin ang mga salita ng Diyos at ginagawa lang ang anumang gusto mo. Pagpapamalas ba iyon ng isang matapat na tao? Sinasabi mo, “Bagama’t mahina ang kakayahan ko, mayroon akong matapat na puso.” Gayunpaman, kapag may tungkulin na itinalaga sa iyo, natatakot kang magdusa at magpasan ng responsabilidad kung hindi mo ito magagawa nang maayos, kaya nagpapalusot ka para iwasan ang tungkulin mo o nagmumungkahi ka na iba na lang ang gumawa nito. Pagpapamalas ba ito ng isang matapat na tao? Malinaw na hindi. Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging tapat sa tungkulin na dapat nilang gampanan, at magsikap na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Naipapamalas ito sa iba’t ibang paraan: Ang isa ay ang pagtanggap sa iyong tungkulin nang may matapat na puso, hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng iyong laman, hindi nagiging walang sigla sa iyong tungkulin, at hindi nagpapakana para sa sarili mong pakinabang. Iyon ang mga pagpapamalas ng katapatan. Ang isa pa ay ang pagganap nang maayos sa iyong tungkulin nang buong puso at buong lakas mo, paggawa sa mga bagay-bagay nang tama, at pagsasapuso at pagmamahal sa iyong tungkulin para palugurin ang Diyos. Ito ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang matapat na tao habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Kung hindi mo isasakatuparan ang iyong nalalaman at nauunawaan, at kung 50 o 60 porsyento lang ng iyong pagsisikap ang iyong ibinibigay, kung gayon ay hindi mo ibinibigay rito ang buong puso at lakas mo. Sa halip, ikaw ay tuso at nagpapakatamad. Matatapat ba ang mga taong gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Walang silbi sa Diyos ang gayong mga tuso at mapanlinlang na tao; dapat silang itiwalag. Matatapat na tao lamang ang ginagamit ng Diyos para gumanap ng mga tungkulin. Kahit ang mga tapat na trabahador ay kailangang maging matapat. Ang mga taong palaging pabasta-basta at tuso at naghahanap ng paraan para magpakatamad ay pawang mapanlinlang, at mga demonyo silang lahat. Wala sa kanila ang tunay na nananalig sa Diyos, at ititiwalag silang lahat. Iniisip ng ibang tao, “Ang pagiging matapat na tao ay tungkol lamang sa pagsasabi ng totoo at hindi pagsisinungaling. Sa totoo lang, madali lang maging matapat na tao.” Ano ang palagay mo sa sentimyentong ito? Napakalimitado nga ba ng saklaw ng pagiging matapat na tao? Hinding-hindi. Dapat mong ilantad ang iyong puso at ibigay ito sa Diyos; ito ang saloobin na dapat mayroon ang isang matapat na tao. Iyon ang dahilan kung bakit napakahalaga ng isang matapat na puso. Ano ang implikasyon nito? Ito ay na kaya ng isang pusong tapat na kontrolin ang iyong asal at baguhin ang kalagayan mo. Magagabayan ka nitong gumawa ng mga tamang desisyon, at magpasakop sa Diyos at makamit ang Kanyang pagsang-ayon. Ang ganitong puso ay tunay na mahalaga. Kung mayroon kang matapat na pusong gaya nito, dapat kang mamuhay sa ganoong kalagayan, ganoon ka dapat umasal, at ganoon mo dapat igugol ang iyong sarili.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Bakit ba hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat? Para ba mas padaliin ang pangangasiwa sa mga tao? Siguradong hindi. Hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao dahil minamahal at pinagpapala ng Diyos ang matatapat na tao. Ang ibig sabihin ng pagiging matapat na tao ay pagiging isang taong may konsiyensiya at katwiran. Ang ibig sabihin nito ay pagiging isang taong mapagkakatiwalaan, isang taong mahal ng Diyos, at isang taong kayang magsagawa ng katotohanan at mahalin ang Diyos. Ang pagiging matapat na tao ang pinakapangunahing pagpapamalas ng pagtataglay ng normal na pagkatao at pagsasabuhay ng isang tunay na wangis ng tao. Kung ang isang tao ay hindi naging matapat kailanman, o hindi inisip na maging matapat, hindi niya mauunawaan ang katotohanan, lalong hindi niya makakamit ang katotohanan. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, humayo ka at tingnan mo mismo, o kaya ay humayo ka at ikaw mismo ang makaranas nito. Sa pamamagitan lamang ng pagiging isang matapat na tao maaaring maging bukas ang puso mo sa Diyos, maaari mong matanggap ang katotohanan, maaaring maging iyong buhay sa puso mo ang katotohanan, at maaari mong maunawaan at makamit ang katotohanan. Kung palaging sarado ang puso mo, kung hindi ka nagtatapat o nagsasabi ng kung ano ang nasa puso mo sa sinuman, sa puntong walang nakakaunawa sa iyo, kung gayon ay masyadong matibay ang depensa mo, at ikaw ang pinakamapanlinlang sa mga tao. Kung nananalig ka sa Diyos ngunit hindi mo kayang tunay na buksan ang sarili mo sa Diyos, kung kaya mong magsinungaling sa Diyos o magpalabis upang linlangin ang Diyos, kung hindi mo kayang buksan ang puso mo sa Diyos, at kaya pa ring magpaliguy-ligoy sa pagsasalita at itago ang iyong mga layunin, mapipinsala mo lamang ang iyong sarili, at hindi ka papansinin ng Diyos at hindi gagawa sa iyo. Hindi mo mauunawaan ang alinman sa katotohanan, at hindi mo makakamit ang alinman sa katotohanan. Ngayon, nakikita na ba ninyo ang kahalagahan ng paghahangad at pagtatamo ng katotohanan? Ano ang unang bagay na dapat mong gawin para hangarin ang katotohanan? Dapat kang maging isang matapat na tao. Kung hahangarin ng mga tao na maging matapat, saka lang nila malalaman kung gaano sila katiwali, kung mayroon ba talaga silang anumang wangis ng tao o wala, at malinaw na makakagawa ng sarili nilang hakbang o makakakita ng kanilang mga kakulangan. Kapag nagsasagawa sila ng katapatan, saka lang sila magkakaroon ng kamalayan kung gaano karaming kasinungalingan ang sinasabi nila at kung gaano kalalim nakatago ang panlilinlang at pandaraya nila. Tanging sa pagkakaroon ng karanasan sa pagsasagawa ng pagiging matapat unti-unting malalaman ng mga tao ang katotohanan ng kanilang sariling katiwalian at makikilala ang kanilang sariling kalikasang diwa, at saka lamang tuloy-tuloy na madadalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Tanging sa takbo ng palagiang pagdadalisay ng kanilang mga tiwaling disposisyon magagawang makamit ng mga tao ang katotohanan. Huwag kayong magmadali sa paglasap ng mga salitang ito. Hindi pineperpekto ng Diyos yaong mga mapanlinlang. Kung ang puso mo ay hindi tapat—kung hindi ka isang tapat na tao—kung gayon hindi ka makakamit ng Diyos. Gayundin, hindi mo makakamit ang katotohanan, at hindi rin makakayang makamit ang Diyos. Ano ang ibig sabihin kung hindi mo makakamit ang Diyos? Kung hindi mo makakamit ang Diyos at hindi mo naunawaan ang katotohanan, hindi mo makikilala ang Diyos, kaya’t mawawalan ng paraan na maaari kang maging kaayon ng Diyos, kung magkagayon ay ikaw ang kaaway ng Diyos. Kung hindi ka kaayon ng Diyos, hindi mo Diyos ang Diyos; at kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, hindi ka maaaring maligtas. Kung hindi mo hinahangad na matamo ang kaligtasan, bakit ka naniniwala sa Diyos? Kung hindi mo matatamo ang kaligtasan, magiging matinding kaaway ka ng Diyos magpakailanman, at itatakda na ang iyong kahihinatnan. Kaya, kung nais ng mga tao na maligtas, dapat silang magsimula sa pagiging matapat. Sa huli, ang mga nakakamit ng Diyos ay minamarkahan ng isang tanda. Alam ba ninyo kung ano ito? Nasusulat ito sa Pahayag, sa Bibliya: “At sa kanilang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis” (Pahayag 14:5). Sino yaong “sila”? Sila yaong mga naligtas, nagawang perpekto at nakamit ng Diyos. Paano inilalarawan ng Diyos ang mga taong ito? Ano ang mga katangian at mga pagpapahayag ng kanilang pag-asal? Wala silang dungis. Hindi sila nagsasabi ng mga kasinungalingan. Marahil ay nauunawaan at naiintindihan ninyong lahat ang kahulugan ng hindi pagsasabi ng mga kasinungalingan: Nangangahulugan ito ng pagiging matapat. Ano ang tinutukoy ng “walang dungis”? Ang ibig sabihin nito ay hindi paggawa ng kasamaan. At anong pundasyon ang pinagbabatayan ng hindi paggawa ng kasamaan? Walang duda, nakabatay ito sa pundasyon ng pagkatakot sa Diyos. Samakatuwid, ang ibig sabihin ng pagiging walang dungis ay ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Paano inilalarawan ng Diyos ang taong walang dungis? Sa mga mata ng Diyos, tanging ang mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan ang perpekto; sa gayon, ang mga taong walang dungis ay yaong mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at tanging ang mga perpekto ang walang dungis. Tama talaga ito. Kung araw-araw na nagsisinungaling ang isang tao, hindi ba iyon isang dungis? Kung nagsasalita at kumikilos siya nang ayon sa sarili niyang kalooban, hindi ba iyon isang dungis? Kung lagi siyang naghahanap ng papuri kapag kumikilos siya, laging humihingi sa Diyos ng gantimpala, hindi ba iyon isang dungis? Kung hindi siya kailanman nagbigay-papuri sa Diyos, laging nagpapatotoo sa kanyang sarili, hindi ba iyon isang dungis? Kung pabasta-basta niyang ginagawa ang kanyang tungkulin, nagiging oportunista, nagkikimkim ng masasamang layunin, at nagpapakatamad, hindi ba iyon isang dungis? Lahat ng pagbubunyag na ito ng mga tiwaling disposisyon ay mga dungis. Hindi lang ito alam ng mga tao bago pa nila maunawaan ang katotohanan. Sa kasalukuyan, alam ninyong lahat na ang mga pagbubunyag ng katiwalian na ito ay mga dungis at karumihan; sa sandaling maunawaan ninyo nang kaunti ang katotohanan, saka lamang kayo magkakaroon ng ganitong uri ng pagkakilala. Lahat ng mga tumutukoy sa mga pagbubunyag ng katiwalian ay may kaugnayan sa mga kasinungalingan; ang mga salita ng Bibliya, na “walang nasumpungang kasinungalingan,” ang mahalagang elemento sa pagninilay-nilay kung may mga dungis ka ba o wala. Kaya, kung susukatin kung nakaranas ba ang isang tao ng paglago sa kanyang buhay o wala, may isa pang pahiwatig, ito ay: kung nakapasok ka ba o hindi sa pagiging isang matapat na tao, kung gaano ba karaming kasinungalingan ang masusumpungan sa mga bagay na sinasabi mo, at kung unti-unti bang nababawasan ang iyong mga kasinungalingan o kung katulad pa rin ba ito ng dati. Kung ang mga kasinungalingan mo, kabilang na ang mapagbalatkayo at mapanlinlang mong mga salita, ay unti-unting nababawasan, pinatutunayan niyon na nagsimula ka nang pumasok sa realidad, at lumalago na ang iyong buhay. Hindi ba’t isa itong praktikal na paraan para tingnan ang mga bagay-bagay? (Oo.) Kung pakiramdam mo ay nakaranas ka na ng paglago, pero hindi man lang nabawasan ang mga kasinungalingan mo, at katulad ka lang din ng isang taong walang pananampalataya, kung gayon, isa ba itong normal na pagpapamalas ng pagpasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Kapag nakapasok ang isang tao sa katotohanang realidad, kahit papaano ay magsasalita siya ng mas kaunting kasinungalingan; magiging isang matapat na tao siya. Kung masyado kang nagsisinungaling at masyadong nadungisan ang mga salita mo, pinatutunayan nito na wala kang anumang ipinagbago, at hindi ka pa isang matapat na tao. Kung hindi ka isang matapat na tao, wala kang pagpasok sa buhay, kaya naman, anong paglago ang maaari mong maranasan? Buong-buo pa rin ang tiwali mong disposisyon, at isa kang walang pananampalataya at isang diyablo. Ang pagiging isang matapat na tao ay isang pahiwatig kung saan masusukat kung nakaranas ba ang isang tao ng paglago sa kanyang buhay o hindi; dapat malaman ng mga tao kung paano ikumpara ang mga bagay na ito sa kanilang sarili at malaman kung paano nila susukatin ang kanilang sarili.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay

Ang mga tapat na tao lamang ang mapagkakatiwalaan, may konsensiya at katwiran, at karapat-dapat na tawaging tao. Kung kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan habang ginagampanan ang kanyang mga tungkulin at kayang kumilos ayon sa mga prinsipyo, ginagampanan nang sapat ang kanyang mga tungkulin, ang taong ito ay tunay na tapat at talagang mapagkakatiwalaan. At yaong mga makakakamit ng kaligtasan ng Diyos ay mga tapat na tao. Ang pagiging isang matapat na tao na mapagkakatiwalaan ay hindi tungkol sa iyong mga abilidad o hitsura, at lalong hindi tungkol sa iyong kakayahan, kahusayan, o mga talento. Basta’t tinatanggap mo ang katotohanan, kumikilos ka nang may pananagutan, at mayroon kang konsensiya at katwiran at magagawang magpasakop sa Diyos, sapat na iyon. Anuman ang mga kakayahan na taglay ng isang tao, ang tunay na alalahanin ay kung siya ay walang kabutihan o mayroon. Kapag ang isang tao ay walang kabutihan, hindi na siya maituturing na tao, bagkus ay isang halimaw. Ang mga tiniwalag ng sambahayan ng Diyos ay tiniwalag dahil sila ay walang pagkatao at kabutihan. Samakatuwid, ang mga taong naniniwala sa Diyos ay dapat magawang tanggapin ang katotohanan, maging isang matapat na tao, magtaglay man lang ng konsensiya at katwiran, magampanan nang mabuti ang kanilang mga tungkulin, at matupad ang atas ng Diyos. Tanging ang mga taong ito ang makakakamit ng kaligtasan ng Diyos; sila ang mga taos-pusong naniniwala sa Kanya at ang mga taos-pusong ginugugol ang kanilang sarili para sa Kanya. Ito ang mga taong inililigtas ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Matatapat na tao lamang ang kayang magtiyaga sa pagsasagawa ng katotohanan at nagtatagumpay sa pagkilos nang may prinsipyo, at maaaring gampanan ang kanilang mga tungkulin na abot sa pamantayan. Ang mga taong kumikilos nang may prinsipyo ay ginagampanan nang maigi sa kanilang mga tungkulin kapag maganda ang lagay ng loob nila; hindi sila nagtatrabaho lamang nang pabasta-basta, hindi sila mayabang at hindi nagpapasikat para tumaas ang tingin sa kanila ng iba. Kapag masama ang lagay ng loob nila, nagagawa nilang tapusin ang kanilang pang-araw-araw na mga gawain nang gayon din kasigasig at karesponsable, at kahit nagdaranas sila ng isang bagay na nakakasama sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, o na medyo gumigipit sa kanila o gumugulo sa kanila habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, nagagawa pa rin nilang manahimik sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing, “Gaano man kalaki ang problema ko—kahit bumagsak pa ang kalangitan—basta’t ako ay buhay, determinado akong gawin ang lahat para tuparin ko ang aking tungkulin. Bawat araw na nabubuhay ako ay isang araw na dapat kong gampanan nang maayos ang aking tungkulin, nang sa gayon ako ay karapat-dapat sa tungkuling ito na ipinagkaloob sa akin ng Diyos, gayundin sa hiningang ito na ipinasok Niya sa aking katawan. Gaano man ako nahihirapan, isasantabi ko ang lahat ng iyon, sapagkat ang pagtupad sa aking tungkulin ang pinakamahalaga!” Yaong mga hindi apektado ng sinumang tao, anumang kaganapan, bagay, o kapaligiran, na hindi napipigilan ng anumang pakiramdam o sitwasyon sa labas, at inuuna sa lahat ang kanilang mga tungkulin at atas na naipagkatiwala sa kanila ng Diyos—sila ang mga taong matapat sa Diyos at tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang ganitong mga tao ay nakamtan na ang pagpasok sa buhay at nakapasok na sa katotohanang realidad. Ito ay isa sa pinakatotoo at pinakapraktikal na mga pagpapahayag ng pagsasabuhay ng katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpasok sa Buhay ay Nagsisimula sa Pagganap ng Tungkulin

Kapag nagliligtas ang Diyos ng mga tao, tinutulutan Niya silang kumawala mula sa impluwensiya ni Satanas at iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, maging matatapat na tao, at mabuhay ayon sa Kanyang mga salita. Ang mabuhay bilang isang matapat na tao ay nakapagpapalaya at nakagiginhawa, at higit na hindi mahirap. Ito ang pinakamaligayang buhay. Mas simple ang matatapat na tao. Sinasabi nila kung ano ang nasa kanilang mga puso, at sinasabi nila kung ano ang kanilang iniisip. Sa kanilang mga salita at kilos, sinusunod nila ang kanilang konsensiya at katwiran. Handa silang magsikap para sa katotohanan, at kapag naunawaan na nila ito, isinasagawa nila ito. Kapag hindi nila maunawaan ang isang bagay, handa silang hanapin ang katotohanan, at pagkatapos ay ginagawa nila kung ano man ang naaayon dito. Hinahanap nila ang mga pagnanais ng Diyos sa lahat ng dako at sa lahat ng bagay, at pagkatapos ay sinusunod ang mga ito sa kanilang mga kilos. Maaaring mayroong ilang aspekto kung saan sila ay hangal at kailangan nilang sangkapan ang kanilang sarili ng mga katotohanang prinsipyo, at hinihingi nito sa kanilang patuloy na umusad. Ang pagdanas nang ganito ay nangangahulugang kaya nilang maging matatapat, matatalinong tao at lubos na umayon sa mga layunin ng Diyos. Ngunit hindi ganito ang mga mapanlinlang na tao. Nabubuhay sila ayon sa mga satanikong disposisyon, ipinakikita ang kanilang katiwalian, subalit natatakot na makakita ang iba ng magagamit laban sa kanila sa paggawa nila niyon. Kaya, gumagamit sila ng mga buktot at mapanlinlang na pandaraya bilang tugon. Natatakot sila sa panahon kung kailan ang lahat ay mahahayag, kaya gumagamit sila ng lahat ng diskarte upang gumawa ng mga kasinungalingan at pagtakpan ang mga iyon, at kapag nagkaroon ng butas, lalo pa silang nagsisinungaling upang matakpan ito. Ang palaging pagsisinungaling at pagtatakip sa kanilang mga kasalanan—hindi ba’t nakapapagod na paraan iyon ng pamumuhay? Pinipiga nila ang utak nila palagi upang makapag-imbento ng mga kasinungalingan at mapagtakpan ang mga iyon. Napakahirap talaga niyon. Iyon ang dahilan kung bakit labis na nakapapagod at mahirap ang buhay ng mga mapanlinlang na tao na iginugugol ang kanilang mga araw sa pagbuo ng mga kasinungalingan at pagtatakip sa mga iyon! Subalit naiiba naman ang sa matatapat na tao. Bilang matapat na tao, walang masyadong kailangang isaalang-alang ang isang tao kapag nagsasalita at kumikilos. Kalimitan, nakapagsasalita lang nang matapat ang isang matapat na tao. Kapag tumutukoy ang isang partikular na bagay sa kanyang mga interes ay saka lamang siya bahagyang nag-iisip—maaari siyang magsinungaling nang kaunti upang protektahan ang kanyang mga interes, upang mapanatili ang kanyang banidad at dangal. Limitado ang ganitong mga uri ng kasinungalingan, kaya hindi gaanong nakapapagod ang pagsasalita at pagkilos para sa matatapat na tao. Ang mga hangarin ng mga mapanlinlang na tao ay higit na mas komplikado kaysa sa matatapat na tao. Masyadong masalimuot ang kanilang mga isinaaalang-alang: Kailangan nilang isaalang-alang ang kanilang katanyagan, reputasyon, pakinabang, at katayuan; at kailangan nilang protektahan ang kanilang mga interes—kailangang isaalang-alang ang lahat ng ito, nang hindi ipinakikita ang anumang kapintasan o ibinubunyag ang mga lihim sa iba, kaya kailangan nilang pigain ang kanilang utak upang makapagsinungaling. Bukod pa rito, ang mga mapanlinlang na tao ay malalaki, labis-labis ang mga kagustuhan at marami silang kahilingan. Kailangan nilang makabuo ng mga paraan upang makamit ang kanilang mga mithiin, kaya kailangan nilang ipagpatuloy ang pagsisinungaling at pandaraya, at habang mas nagsisinungaling sila, kailangan nilang pagtakpan ang mas maraming kasinungalingan. Iyon ang dahilan kung bakit higit na mas nakapapagod at mahirap ang buhay ng isang mapanlinlang na tao kaysa sa isang matapat na tao. Ang ilang tao ay medyo matapat. Kung kaya nilang hangarin ang katotohanan, pagnilayan ang kanilang sarili sa kabila ng kanilang mga kasinungalingan, kilalanin ang panlalansing nagawa nila, kung anuman ito, tingnan ito batay sa mga salita ng Diyos upang suriin at unawain ito, at pagkatapos ay baguhin ito, maiaalis nila sa kanilang sarili ang maraming pagsisinungaling at pandaraya sa loob lamang ng ilang taon. Pagkatapos, sila ay magiging tao na talagang matatapat. Sa pamumuhay nang ganito, bukod sa nakalalaya sila sa malaking hirap at pagod, nagdadala rin ito ng kapayapaan at kaligayahan sa kanila. Sa maraming bagay, magiging malaya sila sa mga gapos ng kasikatan, pakinabang, katayuan, banidad at pagpapahalaga sa sarili, at natural na mamumuhay nang magaan at malaya.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ang nagpapatunay na tunay Niyang kinamumuhian at hindi gusto ang mga taong mapanlinlang. Ang pag-ayaw ng Diyos sa mga taong mapanlinlang ay pag-ayaw sa kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, kanilang mga disposisyon, kanilang mga layon, at kanilang mga pamamaraan ng panlilinlang; ayaw ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Kung ang mga taong mapanlinlang ay nagagawang tanggapin ang katotohanan, aminin ang kanilang mga mapanlinlang na disposisyon, at handa silang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, sila man ay may pag-asang maligtas—sapagkat pantay-pantay ang pagtrato ng Diyos sa lahat ng tao, at gayundin ang katotohanan. Kaya nga, kung nais nating maging mga taong nagbibigay-lugod sa Diyos, ang unang bagay na kailangan nating gawin ay baguhin ang ating mga prinsipyo ng pag-asal. Hindi na tayo maaaring mamuhay pa ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi na tayo magraraos sa pamamagitan ng mga pagsisinungaling at pandaraya. Kailangan nating iwaksi ang lahat ng ating kasinungalingan at maging matapat na tao. Sa gayon ay magbabago ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dati-rati, laging umaasa ang mga tao sa mga pagsisinungaling, pagkukunwari, at panloloko habang namumuhay kasama ang iba, at gumagamit ng mga satanikong pilosopiya bilang batayan ng kanilang pag-iral, ng kanilang buhay, at saligan para sa kanilang pag-asal. Isang bagay ito na kinasusuklaman ng Diyos. Sa mga walang pananampalataya, kung prangka kang magsalita, sinasabi mo ang katotohanan, at isa kang matapat na tao, sisiraan ka, huhusgahan, at tatalikdan. Kaya sumusunod ka sa mga makamundong kalakaran at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; lalo ka pang humuhusay sa pagsisinungaling, at mas lalong nagiging mapanlinlang. Natututo ka ring gumamit ng mga tusong kaparaanan para makamtan ang iyong mga mithiin at protektahan ang iyong sarili. Mas lalo kang nagiging maunlad sa mundo ni Satanas, at dahil dito, palalim nang palalim ang pagkahulog mo sa kasalanan hanggang sa hindi mo na mapalaya ang iyong sarili. Sa sambahayan ng Diyos, eksaktong kabaligtaran niyon ang mga bagay-bagay. Kapag mas nagsisinungaling at nanlilinlang ka, mas mayayamot sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at tatalikdan ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at kung nakikipagsabwatan ka at gumagamit ng mga detalyadong pakana para magbalatkayo at magpanggap, malamang na mabubunyag at matitiwalag ka. Ito ay dahil kinapopootan ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at ang mga taong mapanlinlang ay tatalikdan at ititiwalag sa huli. Lahat ng ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit. Kung hindi ka magsisikap na maging matapat na tao, at kung hindi ka dumaranas at nagsasagawa sa direksyon ng paghahanap sa katotohanan, kung hindi mo ilalantad ang sarili mong kapangitan, at kung hindi mo ilalantad ang iyong sarili, hinding-hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Bakit ba laging binibigyang-diin ng Diyos na dapat maging matapat ang mga tao? Dahil napakahalaga ng pagiging matapat—may direktang kaugnayan ito sa kung makapagpapasakop ang isang tao sa Diyos o hindi at kung makapagtatamo siya ng kaligtasan o hindi. Sinasabi ng ilang tao: “Mapagmataas ako at mapagmagaling, at madalas akong magalit at magbunyag ng katiwalian.” Sinasabi ng iba: “Labis akong mababaw, at hambog, at gustong-gusto ko kapag binobola ako ng mga tao.” Ang lahat ng ito ay nakikita ng mga tao mula sa panlabas, at hindi malalaking problema ang mga ito. Hindi mo dapat patuloy na banggitin ang mga iyon. Anuman ang iyong disposisyon o karakter, basta’t nagagawa mong maging matapat na tao gaya ng hinihingi ng Diyos, maaari kang maligtas. Kaya, ano sa palagay ninyo? Mahalaga bang maging matapat? Ito ang pinakamahalagang bagay, iyon ang dahilan kung bakit tinatalakay ng Diyos ang tungkol sa pagiging matapat sa kabanata ng Kanyang mga salitang, Tatlong Paalaala. Sa ibang mga kabanata, madalas Niyang banggitin na dapat magkaroon ang mga mananampalataya ng normal na espirituwal na buhay at ng wastong buhay-iglesia, at inilalarawan Niya kung paano nila dapat isabuhay ang isang normal na pagkatao. Ang Kanyang mga salita tungkol sa mga usaping ito ay pangkalahatan; hindi masyadong partikular o detalyadong tinatalakay ang mga iyon. Gayunpaman, kapag nangungusap ang Diyos tungkol sa pagiging matapat, itinuturo Niya ang landas na dapat sundin ng mga tao. Sinasabi Niya sa mga tao kung paano dapat magsagawa, at nagsasalita Siya nang detalyado at malinaw. Sabi ng Diyos, “Kung marami kang sekretong atubili kang ibahagi, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan.” Ang pagiging matapat ay may kaugnayan sa pagtatamo ng kaligtasan. Kaya, ano sa palagay ninyo, bakit hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao? Binabanggit nito ang tungkol sa katotohanan ng pag-asal ng tao. Inililigtas ng Diyos ang matatapat na tao, at ang mga gusto Niya para sa Kanyang kaharian ay matatapat na tao. Kung may kakayahan kang magsinungaling at mandaya, isa kang mapanlinlang, buktot, at mapaminsalang tao; hindi ka matapat na tao. Kung hindi ka matapat na tao, imposibleng iligtas ka ng Diyos, imposible ka ring maligtas. Sinasabi mong napakabanal mo na ngayon, na hindi ka mapagmataas o mapagmagaling, na nagagawa mong magbayad ng halaga kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, o na kaya mong magpalaganap ng ebanghelyo at makapagpabalik-loob ng maraming tao. Ngunit hindi ka matapat, mapanlinlang ka pa rin, at hindi ka talaga nagbago, kaya maliligtas ka ba? Talagang hindi. Kung kaya’t ipinaaalala ng mga salitang ito ng Diyos sa lahat na, upang maligtas, kailangan muna nilang maging matapat alinsunod sa mga salita at hinihingi ng Diyos. Kailangan nilang magtapat, ilantad ang kanilang mga tiwaling disposisyon, ang kanilang mga hangarin at lihim, at hanapin ang daan ng liwanag.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat

Kaugnay na mga Himno

Pinagpapala ng Diyos Yaong mga Matapat

Sinundan: 28. Ano ang tinutukoy ng kaligtasan

Sumunod: 30. Bakit kailangang maging matapat na tao upang matamo ang kaligtasan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 16: Sabi n’yo ang Makapangyarihang Diyos ang pagpapakita ng Diyos sa mga huling araw, at ang tunay na daan. Sinasabi n’yo rin na ang Diyos ang lumikha sa mundong ito, at naghahari sa kung anong nangyayari sa daigdig, na ang gawain ng Diyos ang gumabay at nagligtas sa sangkatauhan. Ano ang basehan n’yo para patotohanan ang mga sinasabi n’yo? Kaming mga taga-Partido Komunista ay pawang mga ateista, at hindi kumikilala sa pag-iral ng Diyos o sa paghahari Niya sa lahat. Lalong hindi namin kinikilala ang sinasabi n’yong pagpapakita at gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang Jesus na pinaniniwalaan ng Kristiyanismo ay malinaw na isang tao. May mga magulang Siya, at may mga kapatid. Ganunpaman, ang Kristiyanismo ay malinaw na nag-uutos na kilalanin Siyang Cristo, at sambahin bilang Diyos. Talagang hindi ito kapani-paniwala. Kagaya lang ni Jesus ang Makapangyarihang Diyos na pinaniniwalaan N’yo, malinaw na isa lang s’yang ordinaryong tao. Kaya bakit kailangan ninyong ipilit na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao? Bakit kailangan n’yong patotohanan na Siya ang Cristong Tagapagligtas ng mga huling araw na naging tao? Talagang kalokohan at kabaliwan ito hindi ba? Hindi totoo na mayroong Diyos sa mundong ito. Lalong hindi totoo na may umiiral na Diyos bilang Diyos na nagkatawang-tao. Buong tapang ninyong sinasabing ang isang ordinaryong tao ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Ano ang basehan ng sinasabi n’yong ito? Maipahahayag n’yo ba ang mga saligan, at basehan ng inyong paniniwala?

Sagot: Espiritu ang Diyos. Hindi Siya nakikita o nahahawakan ng tao. Pero maraming ginagawa ang Espiritu ng Diyos, at nagsasabi ng mga...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito