1. Ano ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos, ano ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Bagama’t maraming taong naniniwala sa Diyos, kakaunti ang nakakaunawa kung ano ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos, at kung ano ang kailangan nilang gawin upang maging naaayon sa mga layunin ng Diyos. Ito ay dahil, bagama’t pamilyar ang mga tao sa salitang “Diyos” at sa mga pariralang tulad ng “ang gawain ng Diyos,” hindi nila kilala ang Diyos, at lalong hindi nila alam ang Kanyang gawain. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na lahat ng hindi nakakakilala sa Diyos ay nalilito sa kanilang paniniwala sa Kanya. Hindi sineseryoso ng mga tao ang kanilang paniniwala sa Diyos, at ito ay dahil lamang sa masyado silang hindi pamilyar sa paniniwala sa Diyos, masyado itong kakaiba para sa kanila. Sa ganitong paraan, hindi sila makaabot sa mga hinihiling ng Diyos. Sa madaling salita, kung hindi kilala ng mga tao ang Diyos at hindi alam ang Kanyang gawain, hindi sila akmang kasangkapanin ng Diyos, at lalong hindi nila magagawang matugunan ang Kanyang mga layunin. Ang “pananampalataya sa Diyos” ay nangangahulugan ng paniniwala na mayroong Diyos; ito ang pinakasimpleng konsepto patungkol sa paniniwala sa Diyos. Bukod pa riyan, ang paniniwala na mayroong Diyos ay hindi kapareho ng tunay na paniniwala sa Diyos; sa halip, ito ay isang uri ng simpleng pananalig na may matitinding kahulugang pangrelihiyon. Ang ibig sabihin ng tunay na pananalig sa Diyos ay ang mga sumusunod: Batay sa pananampalataya na ang Diyos ang may kapangyarihan sa lahat ng bagay, dinaranas ng isang tao ang Kanyang mga salita at Kanyang gawain, inaalis ang tiwaling disposisyon ng isang tao, tinutugunan ang mga layunin ng Diyos, at nakikilala ang Diyos. Ganitong uri lamang ng paglalakbay sa buhay ang matatawag na “pananalig sa Diyos.” Subalit madalas ituring ng mga tao ang pananampalataya sa Diyos bilang isang simple at walang-kabuluhang bagay. Nawala na sa mga taong naniniwala sa Diyos sa ganitong paraan ang kahulugan ng maniwala sa Diyos, at bagama’t maaari silang patuloy na maniwala hanggang sa kahuli-hulihan, hindi nila kailanman matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos, dahil tumatahak sila sa maling landas. Mayroon pa ring mga naniniwala sa Diyos ngayon ayon sa mga salita at sa hungkag na doktrina. Hindi nila alam na wala silang diwa ng pananampalataya sa Diyos, at hindi nila matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Nagdarasal pa rin sila sa Diyos para mapagpala ng kapayapaan at sapat na biyaya. Huminto tayo, patahimikin natin ang ating puso, at itanong sa ating sarili: Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos talaga ang pinakamadaling bagay sa lupa? Maaari kaya na ang paniniwala sa Diyos ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap ng maraming biyaya mula sa Diyos? Talaga bang ang mga taong naniniwala sa Diyos nang hindi Siya nakikilala o naniniwala sa Diyos subalit kinakalaban Siya ay napapalugod ang mga layunin ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Ang pinakasimpleng paraan para mailarawan ang pananampalataya sa Diyos ay ang magtiwalang may Diyos, at, sa pundasyong ito, ang sundan Siya, magpasakop sa Kanya, tanggapin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mga pangangasiwa, at pagsasaayos, pagsunod sa Kanyang mga salita, pamumuhay ayon sa Kanyang mga salita, paggawa ng lahat ayon sa Kanyang mga salita, pagiging isang totoong nilikha, at natatakot sa Kanya at nilalayuan ang kasamaan; ito lamang ang totoong pananampalataya sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos. Kung sinasabi mong sinusunod mo ang Diyos, ngunit, sa iyong puso, hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos, at pinagdududahan mo pa rin ang mga ito, at hindi mo tinatanggap ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mga pangangasiwa, at pagsasaayos, at palagi kang may mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa mga ginagawa Niya, at nagrereklamo ka tungkol dito, palaging hindi nakokontento; at kung palagi mong sinusukat at inuunawa ang ginagawa Niya gamit ang sarili mong mga kuru-kuro at mga kuru-kuro; at kung palagi kang may mga sariling iniisip at pagkakaunawa—magdudulot ito ng problema. Hindi iyan pagdanas sa gawain ng Diyos, at hindi iyan ang paraan para tunay Siyang masunod. Hindi ito ang pananampalataya sa Diyos.
Ano ba mismo ang pananampalataya sa Diyos? Ang paniniwala ba sa relihiyon ay katumbas ng pananampalataya sa Diyos? Ang paniniwala sa relihiyon ay pagsunod kay Satanas; ang pananampalataya sa Diyos ay pagsunod sa Diyos—at ang mga sumusunod lamang kay Cristo ang tunay na nananampalataya sa Diyos. Ang isang taong hindi tinatanggap ang mga salita ng Diyos ni kaunti bilang kanyang buhay ay hindi isang tunay na mananampalataya sa Diyos. Siya ay hindi mananampalataya, at ilang taon man siyang manampalataya sa Diyos, wala itong saysay. Kung ang isang mananampalataya sa Diyos ay nakikibahagi lamang sa mga panrelihiyong ritwal, ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan, hindi siya isang mananampalataya sa Diyos, at hindi siya kinikilala ng Diyos. Ano ang kailangan mong taglayin upang kilalanin ka ng Diyos bilang Kanyang tagasunod? Alam mo ba ang mga pamantayan ng Diyos sa pagsukat sa isang tao? Sinusuri ng Diyos kung ginagawa mo ba ang lahat ayon sa Kanyang mga hinihingi, at kung nagsasagawa ka ba at nagpapasakop sa katotohanan batay sa Kanyang mga salita. Ito ang pamantayan ng Diyos sa pagsukat sa isang tao. Ang pagsukat ng Diyos ay hindi nakabatay sa kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Kanya, gaano kalayo na ang iyong nilakbay, gaano karaming mabubuting ugali ang mayroon ka, o ilang salita at doktrina ang nauunawaan mo. Sinusukat ka Niya batay sa kung hinahangad mo ba ang katotohanan at ano ang landas na pinipili mo. Maraming tao ang nananampalataya sa Diyos sa salita at pinupuri Siya, ngunit sa kanilang puso, hindi nila minamahal ang mga salitang ipinapahayag Niya. Hindi sila interesado sa katotohanan. Palagi silang naniniwala na ang pamumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas o iba’t ibang makamundong teorya ang siyang ginagawa ng mga normal na tao, na ganito mapapangalagaan ng isang tao ang kanyang sarili, at na ganito mamuhay nang may halaga sa mundo. Sila ba ang mga taong nananampalataya sa Diyos at sumusunod sa Kanya? Hindi.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsali sa Seremonyang Panrelihiyon
Ang tunay na paniniwala sa Diyos ay hindi tungkol sa paniniwala sa Kanya para lamang maligtas, at lalong hindi pananalig sa Kanya para lamang maging isang mabuting tao. Hindi rin ito pananalig sa Kanya para lamang magtamo ng wangis ng tao. Sa katunayan, ang pananalig ng mga tao sa Diyos ay hindi dapat tingnan bilang paniniwala lamang na may Diyos, at na Siya ang katotohanan, ang daan, ang buhay, at na iyon na iyon. Hindi rin ito tungkol lamang sa pagkilala sa Diyos, at paniniwalang Siya ang may Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, na Siya ay makapangyarihan sa lahat, na nilikha Niya ang mundo at lahat ng bagay, na Siya ay natatangi, at na Siya ang pinakamataas. Hindi ito nagtatapos sa mapaniwala ka sa katotohanang iyon. Ang layunin ng Diyos ay na ang iyong buong pagkatao at puso ay dapat ibigay sa Kanya at magpasakop sa Kanya. Ibig sabihin, dapat mong sundin ang Diyos, hayaan Siyang gamitin ka, at maging masaya ka na makapagserbisyo man lang sa Kanya—ang anumang ginagawa mo para sa Kanya ay ang dapat gawin. Hindi ito nangangahulugan na iyon lamang mga itinalaga at hinirang ng Diyos ang dapat maniwala sa Kanya. Ang totoo, ang buong sangkatauhan ay dapat sumamba sa Diyos, makinig sa Kanya at magpasakop sa Kanya, dahil ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos. Kung alam mo na ang layunin ng pananalig sa Diyos ay ang makamit ang kaligtasan at buhay na walang hanggan, ngunit hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti at hindi mo tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, niloloko mo ang iyong sarili, hindi ba? Kung nauunawaan mo lang ang doktrina ngunit hindi mo hinahangad ang katotohanan, makakamit mo ba ang katotohanan? Ang pinakamalaking bahagi ng pananalig sa Diyos ay ang paghahangad sa katotohanan. Sa bawat katotohanan, dapat hanapin, pagbulayan, at siyasatin ng mga tao kung ano ang nakatagong kahulugan nito, pati na rin kung paano isagawa at pasukin ang aspetong iyon ng katotohanan. Kailangang maunawaan at taglayin ng mga nananalig ang mga bagay na ito.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Dahil naniniwala ka sa Diyos, kailangan mong kainin at inumin ang Kanyang mga salita, danasin ang Kanyang mga salita, at isabuhay ang Kanyang mga salita. Ito lamang ang matatawag na paniniwala sa Diyos! Kung naniniwala ka sa Diyos sa salita subalit hindi mo naisasagawa ang anuman sa Kanyang mga salita o nakakagawa ng anumang realidad, hindi ito tinatawag na paniniwala sa Diyos. Sa halip, ito ay “paghahangad na magpakabusog sa tinapay.” Ang pagsasalita lamang ng mga walang-kuwentang patotoo, walang-silbing mga bagay, at mababaw na mga bagay, nang wala ni katiting na realidad: hindi bumubuo ang mga ito ng paniniwala sa Diyos, at talagang hindi mo naintindihan ang tamang paraan ng paniniwala sa Diyos. Bakit mo kailangang kainin at inumin ang mga salita ng Diyos hangga’t maaari? Kung hindi ka kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita kundi naghahangad ka lamang na makaakyat sa langit, paniniwala ba iyon sa Diyos? Ano ang unang hakbang na dapat gawin ng isang naniniwala sa Diyos? Sa anong landas ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Maaari ka bang magawang perpekto nang hindi ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos? Maituturing ka bang isang tao ng kaharian kung hindi nagsisilbing iyong realidad ang mga salita ng Diyos? Ano ba talaga ang ibig sabihin ng paniniwala sa Diyos? Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat man lamang kumilos nang maayos sa labas; ang pinakamahalaga sa lahat ay ang mag-angkin ng mga salita ng Diyos. Anuman ang mangyari, hindi ka maaaring tumalikod kailanman mula sa Kanyang mga salita. Ang pagkilala sa Diyos at pagtugon sa Kanyang mga layunin ay nakakamit na lahat sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Sa hinaharap, bawat bansa, denominasyon, relihiyon, at sektor ay malulupig sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Magsasalita nang tuwiran ang Diyos, at lahat ng tao ay hahawakan ang mga salita ng Diyos sa kanilang mga kamay, at sa pamamagitan nito, magagawang perpekto ang sangkatauhan. Sa loob at sa labas, ang mga salita ng Diyos ay lumalaganap saanman: Sasambitin ng bibig ng sangkatauhan ang mga salita ng Diyos, magsasagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos, at iingatan sa kalooban ang mga salita ng Diyos, na nananatiling babad sa mga salita ng Diyos kapwa sa kilos at kalooban. Sa ganito magagawang perpekto ang sangkatauhan. Yaong mga tumutugon sa mga layunin ng Diyos at nagagawang magpatotoo sa Kanya, ito ang mga taong nagtataglay ng mga salita ng Diyos bilang kanilang realidad.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita
Dapat ay mayroon kang tamang pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos at dapat mong hangaring matamo ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at magawang isabuhay ang katotohanan, at lalo nang kailangan mong makita ang Kanyang praktikal na mga gawa, Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa buong sansinukob, gayundin ang praktikal na gawaing Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Maaaring pahalagahan ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang aktuwal na mga karanasan, kung paano talaga ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila at kung ano ang mga layunin Niya sa kanila. Ang layunin ng lahat ng ito ay upang alisin ang tiwali at satanikong disposisyon ng mga tao. Dahil naiwaksi na ang lahat ng karumihan at kasamaan sa iyong kalooban, at naiwaksi na ang iyong mga maling layon, at nagkaroon ka na ng tunay na pananampalataya sa Diyos—sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya mo maaaring tunay na mahalin ang Diyos. Maaari mo lamang tunay na mahalin ang Diyos sa pundasyon ng iyong paniniwala sa Kanya. Magtatamo ka ba ng pagmamahal sa Diyos nang hindi ka naniniwala sa Kanya? Yamang naniniwala ka sa Diyos, hindi ka maaaring maguluhan tungkol dito. Napupuno ng lakas ang ilang tao sa sandaling makita nila na ang pananampalataya sa Diyos ay maghahatid sa kanila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang lahat ng sigla sa sandaling makita nila na kailangan nilang dumanas ng mga pagpipino. Iyan ba ang paniniwala sa Diyos? Sa huli, kailangan kang ganap at lubos na magpasakop sa harap ng Diyos sa iyong pananampalataya. Naniniwala ka sa Diyos ngunit mayroon ka pa ring mga hinihiling sa Kanya, marami ka pa ring mga relihiyosong kuru-kuro na hindi mo mabitawan, mga personal na interes na hindi mo mapakawalan, at naghahangad ka pa rin ng mga pagpapala ng laman at nais mong sagipin ng Diyos ang iyong laman, na iligtas ang iyong kaluluwa—lahat ng ito ay mga pag-uugali ng mga tao na may maling pananaw. Kahit may pananampalataya sa Diyos ang mga taong may mga relihiyosong paniniwala, hindi sila naghahangad na baguhin ang kanilang disposisyon at hindi sila naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, kundi ang tanging hinahangad nila ay ang mga interes ng kanilang laman. Marami sa inyo ang may pananampalatayang nabibilang sa kategorya ng mga relihiyosong pananalig; hindi iyan tunay na pananampalataya sa Diyos. Upang maniwala sa Diyos, kailangang magkaroon ang mga tao ng isang pusong handang magdusa para sa Kanya at kahandaang isuko ang kanilang sarili. Hangga’t hindi natutugunan ng mga tao ang dalawang kundisyong ito, walang bisa ang kanilang pananampalataya sa Diyos, at hindi nila mababago ang kanilang disposisyon. Ang mga tao lamang na tunay na naghahanap sa katotohanan, naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, at naghahangad ng buhay ang mga tunay na naniniwala sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
Kung naniniwala ka sa Diyos, kailangang kang magpasakop sa Diyos, isagawa ang katotohanan, at tuparin ang lahat ng iyong tungkulin. Bukod pa rito, kailangan mong maunawaan ang mga bagay na dapat mong maranasan. Kung ang nararanasan mo lamang ay mapungusan, madisiplina, at mahatulan, kung ang kaya mo lamang ay magpakasaya sa Diyos ngunit hindi mo nararamdaman kapag dinidisiplina o pinupungusan ka ng Diyos—hindi ito katanggap-tanggap. Marahil sa pagkakataong ito ng pagpipino, nagagawa mong manindigan, ngunit hindi pa rin ito sapat; kailangan mo pa ring patuloy na sumulong. Ang aral tungkol sa pagmamahal sa Diyos ay hindi tumitigil kailanman at walang katapusan. Ang tingin ng mga tao sa paniniwala sa Diyos ay isang bagay na napakasimple, ngunit sa sandaling makatamo sila ng ilang praktikal na karanasan, napagtatanto nila na ang paniniwala sa Diyos ay hindi kasingsimple ng iniisip ng mga tao. Kapag ang Diyos ay gumagawa upang pinuhin ang tao, nagdurusa ang tao. Kapag mas matindi ang pagpipino sa tao, mas lalong magtataglay sila ng mapagmahal-sa-Diyos na puso, at lalong mabubunyag ang higit pang kapangyarihan ng Diyos sa kanila. Sa kabaligtaran, kapag mas katiting ang tinatanggap na pagpipino ng tao, mas katiting ang tataglayin niyang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at mas katiting na kapangyarihan ng Diyos ang mabubunyag sa kanya. Kapag mas matindi ang pagpipino at pasakit sa taong iyon at dumaranas siya ng mas malaking pahirap, mas lalago ang kanyang pagmamahal sa Diyos, magiging mas tunay ang kanyang pananampalataya sa Diyos, at mas lalalim ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa iyong mga karanasan, makikita mo na yaong mga tao ay labis na nagdurusa kapag sila ay pinipino, na pinupungusan at dinidisiplina nang husto, ay may matinding pagmamahal sa Diyos at mas malalim at matalas na kaalaman tungkol sa Diyos, at ang mga hindi pa nakaranas na mapungusan ay may mababaw lamang na kaalaman. Ang masasabi lamang nila ay: “Napakabuti ng Diyos, ipinagkakaloob Niya ang biyaya sa mga tao upang magpakasaya sila sa Kanya.” Kung naranasan ng mga tao na mapungusan at madisiplina, nagagawa nilang magsalita tungkol sa tunay na kaalaman sa Diyos. Kaya kapag mas kamangha-mangha ang gawain ng Diyos sa tao, mas mahalaga at makabuluhan ito. Kapag mas hindi mo ito maarok at mas hindi ito kaayon ng iyong mga kuru-kuro, mas nagagawa kang lupigin, kamtin, at gawing perpekto ng gawain ng Diyos. Napakalaki ng kabuluhan ng gawain ng Diyos! Kung hindi pinino ng Diyos ang tao sa ganitong paraan, kung hindi Siya gumawa ayon sa pamamaraang ito, hindi magiging epektibo at mawawalan ng kabuluhan ang gawain ng Diyos. Sinabi noong araw na pipiliin at kakamtin ng Diyos ang grupong ito, at gagawin silang ganap sa mga huling araw; dito, mayroong pambihirang kabuluhan. Kapag mas matindi ang gawaing isinasagawa Niya sa inyong kalooban, mas malalim at mas dalisay ang inyong pagmamahal sa Diyos. Kapag mas matindi ang gawain ng Diyos, mas nagagawa ng tao na maunawaan nang bahagya ang Kanyang karunungan at mas malalim ang kaalaman ng tao tungkol sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino
Ano ang tunay na paniniwala sa Diyos ngayon? Ito ay ang pagtanggap sa salita ng Diyos bilang buhay realidad mo at ang pagkilala sa Diyos mula sa Kanyang salita upang makamit ang tunay na pagmamahal sa Kanya. Upang maging malinaw: Ang paniniwala sa Diyos ay upang magpasakop ka sa Diyos, mahalin ang Diyos, at tuparin ang tungkulin na dapat isakatuparan ng isang nilikha ng Diyos. Ito ang layunin ng paniniwala sa Diyos. Dapat mong kamtin ang isang pagkakilala sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos, sa kung gaano karapat-dapat ang Diyos sa paggalang, sa kung paano, sa Kanyang mga nilikha, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagliligtas at ginagawa silang perpekto—ito ang mga pinakamahalagang dapat taglayin ng iyong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos sa pangunahin ay ang paglipat mula sa isang pamumuhay ng laman tungo sa isang buhay ng pagmamahal sa Diyos; mula sa pamumuhay na nakapaloob sa katiwalian tungo sa pamumuhay na nakapaloob sa buhay ng mga salita ng Diyos; ito ay paglabas mula sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at pamumuhay sa ilalim ng pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, ito ay ang nakakayanang makamit ang pagpapasakop sa Diyos at hindi ang pagpapasakop sa laman, ito ay pagpapahintulot sa Diyos na makamit ang iyong buong puso, pagpapahintulot sa Diyos na gawin kang perpekto, at pagpapalaya sa iyong sarili mula sa tiwaling mala-satanas na disposisyon. Pangunahin ang paniniwala sa Diyos upang ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos ay mangyaring mahayag sa iyo, nang sa gayon maaari kang makasunod sa kalooban ng Diyos, at tuparin ang plano ng Diyos, at magawang patotohanan ang Diyos sa harap ni Satanas. Ang paniniwala sa Diyos ay hindi dapat umikot sa pagnanais na makita ang mga tanda at mga kababalaghan, o hindi ito dapat alang-alang sa iyong personal na laman. Tungkol ito dapat sa pagtataguyod sa pagkilala sa Diyos, at kakayahang magpasakop sa Diyos, at, tulad ni Pedro, na nagpasakop sa Kanya hanggang kamatayan. Ito ang mga pangunahing layunin ng paniniwala sa Diyos. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay upang makilala ang Diyos at upang ikalugod Niya. Ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos ay nagbibigay sa iyo ng higit na pagkakilala sa Diyos, at pagkaraan lamang nito makakapagpasakopka sa Diyos. Tanging kung may pagkakilala ka sa Diyos na magagawa mong ibigin Siya, at ito ang layuning dapat taglayin ng tao sa kanyang paniniwala sa Diyos. Kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, palagi mong sinusubukang makita ang mga tanda at mga kababalaghan, mali kung gayon ang pananaw ng ganitong paniniwala sa Diyos. Ang paniniwala sa Diyos ay pangunahing pagtanggap sa mga salita ng Diyos bilang buhay realidad. Makakamit lamang ang layunin ng Diyos sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos mula sa Kanyang bibig at pagsasakatuparan ng mga iyon sa iyong sariling kalooban. Sa paniniwala sa Diyos, dapat magpunyagi ang tao na magawang perpekto ng Diyos, ang makayanang magpasakop sa Diyos, at para sa ganap na pagpapasakop sa Diyos. Kung makakapagpasakop sa Diyos nang hindi dumaraing, isasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, kamtin ang tayog ni Pedro, at taglayin ang pamamaraan ni Pedro na sinabi ng Diyos, diyan mo matatamo ang tagumpay sa paniniwala sa Diyos, at ito ang magpapahiwatig na nakamtan ka na ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Lahat ay Nakakamit sa Pamamagitan ng Salita ng Diyos
Kaya ano ba talaga ang pananampalataya sa Diyos? Ang pananampalataya sa Diyos sa totoo lang ay ang proseso ng pagkakamit ng kaligtasan ng Diyos at ito ang proseso ng pagbabago mula sa isang taong ginawang tiwali ni Satanas tungo sa pagiging isang tunay na nilalang sa paningin ng Diyos. Kung nananatiling sumasandig ang isang tao sa kanyang satanikong disposisyon at kalikasan para mabuhay, siya ba ay isang kuwalipikadong nilalang sa paningin ng Diyos? (Hindi.) Sinasabi mong nananalig ka sa Diyos, kinikilala mo ang Diyos, kinikilala mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at kinikilala na ibinibigay ng Diyos ang lahat sa iyo, ngunit isinasabuhay mo ba ang mga salita ng Diyos? Namumuhay ka ba alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos? Sinusundan mo ba ang daan ng Diyos? Nagagawa ba ng isang nilalang na katulad mo na humarap sa Diyos? Nagagawa mo bang mabuhay sa piling ng Diyos? Mayroon ka bang may-takot-sa-Diyos na puso? Katugma ba sa Diyos ang isinasabuhay mo at ang landas na tinatahak mo? (Hindi.) Kaya ano ngayon ang kahulugan ng iyong pananampalataya sa Diyos? Nakapasok ka na ba sa tamang landas? Ang iyong pananampalataya sa Diyos ay sa anyo at salita lamang. Nananalig ka at kinikilala mo ang pangalan ng Diyos, at kinikilala mo na ang Diyos ang iyong Lumikha at ang Kataas-taasang Kapangyarihan, subalit hindi mo pa tinatanggap sa diwa mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos o ang mga pamamatnugot ng Diyos, at hindi mo kayang maging lubusang kaayon ng Diyos. Ibig sabihin, ang kahulugan ng iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi pa lubos na nagkakatotoo. Bagama’t nananalig ka sa Diyos, hindi mo pa naiwawaksi ang iyong katiwalian at hindi mo pa natatamo ang kaligtasan, at hindi ka pa nakakapasok sa katotohanang realidad na dapat mong pinasukan sa iyong pananampalataya sa Diyos. Ito ay isang pagkakamali. Sa pagtingin dito sa ganitong paraan, ang pananampalataya sa Diyos ay hindi isang simpleng bagay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Yamang naniwala ka na sa loob ng maraming taon, taglay mo ba ang mga salita ng Diyos bilang iyong buhay? Mayroon na bang pagbabago sa iyong dating tiwaling disposisyon? Nalalaman mo ba, alisunod sa mga salita ng Diyos ngayon, kung ano ang magkaroon ng buhay, at kung ano ang hindi magtaglay ng buhay? Ito ba ay malinaw sa inyo? Ang pinakamahalaga sa pagsunod sa Diyos ay na dapat alinsunod ang lahat sa mga salita ng Diyos ngayon: Maging ikaw man ay naghahangad ng buhay pagpasok o na tugunan ang mga layunin ng Diyos, ang lahat ay dapat nakasentro sa mga salita ng Diyos ngayon. Kung ang iyong ibinabahagi at hinahangad na pasukin ay hindi nakasentro sa mga salita ng Diyos ngayon, isa kang estranghero sa mga salita ng Diyos, at ganap na nawalan ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang gusto ng Diyos ay ang mga taong sumusunod sa Kanyang mga yapak. Gaano man kahanga-hanga at kadalisay ang naunawaan mo noon, hindi ito gusto ng Diyos, at kung hindi mo magagawang isantabi ang gayong mga bagay, ang mga ito ay magiging napakalaking hadlang sa iyong pagpasok sa hinaharap. Lahat niyaong nagagawang sumunod sa kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Sinundan din ng mga tao sa mga kapanahunang lumipas ang mga yapak ng Diyos, ngunit hindi sila nakasunod hanggang sa kasalukuyan; ito ang pagpapala ng mga tao sa mga huling araw. Yaong mga nagagawang sumunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, at nagagawang sumunod sa mga yapak ng Diyos, na sumusunod sa Diyos saanman Niya sila akayin—ito ang mga tao na pinagpala ng Diyos. Yaong mga hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi pa nakapasok sa gawain ng mga salita ng Diyos, at gaano man sila gumawa, o gaano man katindi ang kanilang pagdurusa, o gaano man sila magparoo’t parito, walang anuman dito ang may kabuluhan sa Diyos, at hindi Niya sila sasang-ayunan. Sa ngayon, lahat niyaong sumusunod sa kasalukuyang mga salita ng Diyos ay nasa daloy ng Banal na Espiritu; yaong mga estranghero sa mga salita ng Diyos ngayon ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang gayong mga tao ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak
Ang mga sumusunod sa Diyos ay dapat man lang kayang talikuran ang lahat ng mayroon sila. Minsang sinabi ng Diyos sa Bibliya, “Sinuman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko” (Lucas 14:33). Ano ang ibig sabihin ng pagtanggi o pagtalikod sa lahat ng tinatangkilik? Ang ibig sabihin nito ay na talikuran ang pamilya, talikuran ang trabaho, talikuran ang lahat ng makamundong kaugnayan. Madali ba itong gawin? Napakahirap nito. Kung walang kagustuhang gawin ito, hinding-hindi ito maisasakatuparan. Kapag ang isang tao ay may kagustuhang tumalikod, natural na taglay niya ang kagustuhang magtiis ng paghihirap. Kung hindi kayang magtiis ng paghihirap ang isang tao, hindi niya magagawang talikuran ang anuman, kahit na gustuhin pa niya. May ilan naman na, dahil tinalikuran nila ang kanilang mga pamilya at nilayuan ang kanilang mga mahal sa buhay, ay nangungulila matapos nilang gawin ang kanilang mga tungkulin pagtagal-tagal. Kung talagang hindi nila ito matitiis, maaaring palihim silang umuwi upang sumilip, at pagkatapos ay bumalik para gampanan ang kanilang mga tungkulin. Ang ilan na umalis sa kanilang mga tahanan upang gampanan ang kanilang mga tungkulin ay hindi maiwasang hanap-hanapin ang kanilang mga mahal sa buhay sa Bagong Taon at iba pang mga kapistahan, at kapag ang iba ay natutulog na sa gabi, sila ay palihim na umiiyak. Kapag tapos na sila, nananalangin sila sa Diyos at bumubuti ang kanilang pakiramdam, pagkatapos ay ipinagpapatuloy nilang gawin ang kanilang mga tungkulin. Bagama’t nagawa ng mga taong ito na talikuran ang kanilang mga pamilya, hindi nila kayang magtiis ng matinding sakit. Kung hindi man lang nila maiwawaksi ang kanilang mga damdamin para sa mga relasyong ito ng laman, paano nila magagawang tunay na gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos? Nagagawa ng ilang tao na talikuran ang lahat ng mayroon sila at sundin ang Diyos, tinatalikuran ang kanilang mga trabaho at pamilya—ngunit ano ang kanilang layunin sa paggawa nito? Ang ilang tao ay nagsisikap na makakuha ng biyaya at mga pagpapala, at ang ilan ay tulad ni Pablo, na naghahangad lamang ng korona at gantimpala. Iilan lamang ang mga taong tumatalikod sa lahat ng mayroon sila upang makamit ang katotohanan at buhay, at matamo ang kaligtasan. Alin sa mga paghahangad na ito ang naaayon sa mga layunin ng Diyos? Siyempre, ito ay ang paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng buhay. Ito ay ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos, at ito ang pinakamahalagang bahagi ng pananalig sa Diyos. … Ikaw ay makakapasok lamang sa kaharian ng Diyos kung magagawa mong talikuran ang lahat ng pinakamahalaga sa iyo upang sundin ang Diyos at gampanan ang iyong tungkulin, at hangarin ang katotohanan at makamit ang buhay. Ano ang ibig sabihin ng makapasok sa kaharian ng Diyos? Nangangahulugan ito na kaya mong talikuran ang lahat ng mayroon ka at sundin ang Diyos, pakinggan ang Kanyang mga salita, at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, magpasakop sa Kanya sa lahat ng bagay; nangangahulugan ito na Siya ay naging Panginoon at Diyos mo. Sa Diyos, nangangahulugan ito na nakapasok ka sa Kanyang kaharian, at anumang mga sakuna ang dumating sa iyo, tataglayin mo ang Kanyang proteksyon at mananatili kang buhay, at ikaw ay magiging isa sa mga tao ng Kanyang kaharian. Kikilalanin ka ng Diyos bilang Kanyang tagasunod, o kaya ay aalukin ng Kanyang pangako na gagawin ka Niyang perpekto—ngunit bilang unang hakbang mo, dapat kang sumunod kay Cristo. Sa ganitong paraan ka lamang magkakaroon ng gagampanang bahagi sa pagsasanay ng kaharian. Kung hindi ka susunod kay Cristo at nasa labas ka ng kaharian ng Diyos, hindi ka kikilalanin ng Diyos. At kung hindi ka kikilalanin ng Diyos, kahit na nais mong maligtas at makamit ang pangako ng Diyos at ang Kanyang pagpeperpekto, makakamit mo ba ang mga bagay na ito? Hindi. Kung nais mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, dapat ay maging kuwalipikado ka muna na makapasok sa Kanyang kaharian. Kung kaya mong talikuran ang lahat ng mayroon ka para mahangad mo ang katotohanan, kung kaya mong hanapin ang katotohanan sa pagganap mo ng iyong tungkulin, kung kaya mong kumilos ayon sa mga prinsipyo, at kung mayroon kang tunay na patotoong batay sa karanasan, nararapat kang makapasok sa kaharian ng Diyos at makatanggap ng Kanyang pangako. Kung hindi mo kayang talikuran ang lahat ng mayroon ka para sundan ang Diyos, hindi ka kuwalipikadong makapasok man lang sa Kanyang kaharian, at wala kang karapatan sa Kanyang pagpapala at sa Kanyang pangako. Maraming tao ngayon ang tumalikod sa lahat ng mayroon sila at gumaganap ng mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ngunit hindi nangangahulugang makakamit nila ang katotohanan. Kailangang mahalin ng isang tao ang katotohanan at magawa niya itong tanggapin bago niya ito makakamit. Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, hindi niya ito makakamit. Hindi pa kasama ang mga gumaganap ng kanilang tungkulin sa mga oras na libre sila—ang karanasan nila sa gawain ng Diyos ay napakalimitado kung kaya’t magiging mas mahirap para sa kanila na makamit ang katotohanan. Kung hindi ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin o kaya ay hindi niya hinahangad ang katotohanan, mawawalan siya ng kamangha-manghang pagkakataon na makamit ang kaligtasan at pagpeperpekto ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na nananalig sila sa Diyos, ngunit hindi nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at hinahangad nila ang mga makamundong bagay. Ito ba ay pagtalikod sa lahat ng mayroon sila? Kung ganito manalig sa Diyos ang isang tao, magagawa ba niyang sundan ang Diyos hanggang sa wakas? Tingnan ninyo ang mga disipulo ng Panginoong Jesus: kabilang sa kanila ay mga mangingisda, magsasaka, at maniningil ng buwis. Noong tinawag sila ng Panginoong Jesus at sinabihan na, “Sundan ninyo Ako,” iniwan nila ang kanilang mga trabaho at sumunod sila sa Panginoon. Hindi nila inisip ang isyu ng kanilang trabaho, o ang problema na kung magkakaroon ba sila ng paraan para patuloy na mabuhay sa mundo pagkatapos, at agad-agad silang sumunod sa Panginoong Jesus. Buong-pusong inalay ni Pedro ang kanyang sarili, tinupad ang atas ng Panginoong Jesus hanggang sa wakas at itinaguyod ang kanyang tungkulin. Sa buong buhay niya, hinangad niya ang pag-ibig ng Diyos, at sa huli, ginawa siyang perpekto ng Diyos. Mayroong ilang tao ngayon na hindi man lang kayang talikuran ang lahat ng mayroon sila, ngunit nais pa rin nilang makapasok sa kaharian. Hindi ba sila nananaginip?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Alam mo ba kung ano ang ibig sabihin ng sinusundan ang Diyos? Kung walang mga pangitain, anong landas ang iyong lalakaran? Sa gawain sa kasalukuyan, kung wala kang mga pangitain, hinding-hindi ka magagawang ganap. Kanino ka ba naniniwala? Bakit ka naniniwala sa Kanya? Bakit ka sumusunod sa Kanya? Tingin mo ba ang iyong pananampalataya ay isang uri ng laro? Hinaharap mo ba ang iyong buhay na parang isang uri ng laruan? Ang Diyos ng kasalukuyan ang pinakadakilang pangitain. Gaano karami ang alam mo tungkol sa Kanya? Gaano karami ang nakita mo na tungkol sa Kanya? Yamang nakita mo na ang Diyos ng kasalukuyan, matibay ba ang pundasyon ng iyong paniniwala sa Diyos? Sa palagay mo ba ay magtatamo ka ng kaligtasan basta’t sumusunod ka sa magulong paraang ito? Palagay mo ba ay makakahuli ka ng isda sa maputik na tubig? Ganoon ba iyon kasimple? Gaano na ba karaming kuru-kurong may kinalaman sa mga salitang ipinapahayag ngayon ng Diyos ang naiwaksi mo na? May pangitain ka ba ng Diyos ng kasalukuyan? Saan nakabatay ang iyong pagkaunawa sa Diyos ng kasalukuyan? Lagi kang naniniwala na matatanggap mo Siya[a] sa pamamagitan lang ng pagsunod sa Kanya, o makita mo lang Siya, at wala nang sinuman ang makapagpapaalis sa iyo. Huwag mong akalain na napakadali lang ng pagsunod sa Diyos. Ang susi ay kailangan mo Siyang makilala, kailangan mong malaman ang gawain Niya, at kailangan mong magkaroon ng kagustuhang magtiis ng paghihirap alang-alang sa Kanya, isakripisyo ang iyong buhay para sa Kanya, at magawa Niyang perpekto. Ito ang pangitain na dapat mong taglay. Hindi maaari na laging nakatuon lang ang isip mo sa pagtatamasa ng biyaya. Huwag mong ipagpalagay na narito ang Diyos para lang sa kasiyahan ng mga tao, o upang magkaloob lang ng biyaya sa kanila. Magiging mali ka! Kung hindi maitataya ng isa ang kanyang buhay upang sumunod sa Kanya, at kung hindi maiiwanan ng isa ang lahat ng kanyang pag-aari sa mundo upang sumunod, tiyak na hindi nila makakayang sumunod hanggang sa huli! Kailangang mga pangitain ang iyong pundasyon. Kung isang araw ay dumating sa iyo ang kasawian, ano ang dapat mong gawin? Magagawa mo pa rin bang sumunod sa Kanya? Huwag mong basta sabihin kung makakasunod ka hanggang sa huli. Mas mabuting imulat mo muna nang maigi ang iyong mga mata upang makita kung ano ang panahon ngayon. Bagaman sa kasalukuyan, maaaring kayo ay tulad ng mga haligi ng templo, darating ang isang sandali kung kailan lahat ng gayong haligi ay ngangatngatin ng mga uod, na magdudulot ng pagguho ng templo, dahil sa kasalukuyan, napakaraming pangitain ang kulang sa inyo. Pinag-uukulan lang ninyo ng pansin ang sarili ninyong maliliit na mundo, at hindi ninyo alam kung ano ang pinakamaaasahan at pinakaangkop na paraan ng paghahanap. Hindi ninyo pinapansin ang pangitain ng gawain sa kasalukuyan, hindi rin ninyo isinasapuso ang mga bagay na ito. Naisip na ba ninyo na isang araw ilalagay kayo ng inyong Diyos sa isang lubos na di-pamilyar na lugar? Maguguni-guni ba ninyo kung anong mangyayari sa inyo isang araw kung kailan maaari Kong agawin ang lahat sa inyo? Magiging pareho ba ang kalakasan ninyo sa araw na iyon sa ngayon? Muli bang lilitaw ang inyong pananampalataya? Sa pagsunod sa Diyos, kailangan ninyong malaman itong pinakadakilang pangitain na ang “Diyos”: Ito ang pinakamahalagang usapin. Isa pa, huwag ninyong ipagpalagay na kapag humiwalay kayo sa makamundong mga tao para maging banal, mapapabilang na agad kayo sa pamilya ng Diyos. Sa panahong ito, ang Diyos Mismo ang gumagawa sa gitna ng mga nilikha; Siya ang naparito sa gitna ng mga tao upang gawin ang Kanyang sariling gawain—hindi ang magsagawa ng mga kampanya. Sa inyo, wala ni isang dakot ang nagagawang malaman na ang gawain sa kasalukuyan ay ang gawain ng Diyos sa langit na nagkatawang-tao. Hindi ito tungkol sa paggawa sa inyo na maging mga pambihirang taong may talento; ito ay upang tulungan kayong malaman ang kabuluhan ng buhay ng tao, malaman ang hantungan ng mga tao, at makilala ang Diyos at ang Kanyang kabuuan. Dapat mong malaman na isa kang nilikha na nasa mga kamay ng Lumikha. Ang dapat mong maunawaan, ang dapat mong gawin, at kung paano ka dapat sumunod sa Diyos—hindi ba’t ang mga ito ang mga katotohanang kailangan mong maunawaan? Hindi ba’t ang mga ito ang mga pangitaing dapat mong makita?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangan Ninyong Maunawaan ang Gawain—Huwag Kayong Sumunod Nang May Pagkalito!
Talababa:
a. Wala sa orihinal na teksto ang salitang “Siya.”
Sa karamihan ng mga tao, kapag wala silang mga problema, kapag lahat ay maayos ang takbo sa kanila, nararamdaman nilang makapangyarihan ang Diyos, at matuwid, at kaibig-ibig. Kapag sinusubok sila ng Diyos, pinupungusan sila, itinutuwid sila, at dinidisiplina sila, kapag hinihingi Niya sa kanila na isantabi ang kanilang mga pansariling interes, na maghimagsik laban sa laman at isagawa ang katotohanan, kapag gumagawa ang Diyos sa kanila, at isinasaayos at pinamumunuan ang kanilang mga kapalaran at buhay, lumilitaw ang pagkasuwail nila, at pagkatapos ay nagkakaroon ng paghihiwalay sa pagitan nila at ng Diyos; na lumilikha ng sigalot at malaking distansya sa pagitan nila at ng Diyos. Sa ganoong mga panahon, sa kanilang mga puso, ang Diyos ay hindi kaibig-ibig nang kahit kaunti; Siya ay hindi talaga makapangyarihan, dahil ang ginagawa Niya ay hindi nakatutupad ng kanilang mga hiling. Pinalulungkot sila ng Diyos; inaaburido Niya sila; nagdadala Siya ng sakit at dusa sa kanila; ipinadarama Niya sa kanila ang kawalang-kapanatagan. Kung kaya hindi man lang sila nagpapasakop sa Diyos, sa halip ay naghihimagsik laban sa Kanya at nilalayuan Siya. Sa paggawa nito, isinasagawa ba nila ang katotohanan? Sinusunod ba nila ang daan ng Diyos? Sinusunod ba nila ang Diyos? Hindi. Gaano man karami ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at paano ka man kumilos dati ayon sa iyong sariling kalooban at naghimagsik laban sa Diyos, kung lubos mong sinisikap na makamit ang katotohanan, at tatanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at ang mapungusan ng mga ito; kung, sa lahat ng isinasaayos Niya ay nagagawa mong sundan ang daan ng Diyos, sundin ang Kanyang mga salita, matutunang arukin ang Kanyang mga layunin, magsagawa ayon sa Kanyang mga salita at pagnanais, at nagagawa mong magpasakop sa pamamagitan ng paghahanap, at kung mabibitiwan mo ang lahat ng iyong sariling kagustuhan, pagnanais, pagsasaalang-alang, layunin, at hindi mo kakalabanin ang Diyos, kung gayon ay sumusunod ka sa Diyos. Maaaring sinasabi mong sinusunod mo ang Diyos, ngunit kung lahat ng ginagawa mo ay ayon sa sarili mong kagustuhan, at may sarili kang mga layon at plano, at hindi mo ipinagpapasa-Diyos ang mga ito, ang Diyos pa rin ba ang iyong Diyos? Hindi, hindi Siya. Kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, kung gayon, kapag sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, hindi ba ito mga walang lamang salita? Ang mga ganitong salita ba ay hindi pagtatangkang lokohin ang mga tao? Maaaring sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, ngunit kung ang lahat ng iyong mga kilos at gawa, ang iyong pananaw sa buhay, at mga prinsipyo, at asal at mga prinsipyo na ginagamit mo sa pagharap at pagdadala sa mga bagay ay nanggaling lahat kay Satanas—kung pinangangasiwaan mo ang lahat ng ito nang ganap na nakaayon sa mga batas at lohika ni Satanas, isa ka bang tagasunod ng Diyos kung gayon? (Hindi.) … Kung ang isang tao ay sa panlabas lang tinalikdan ang lahat at ginampanan ang kanyang tungkulin, tila sinusunod ang Diyos, subalit lahat ng kanyang iniisip at kilos ay ayon sa lohika at pilosopiya ni Satanas, siya ba ay tunay na tagasunod ng Diyos? (Hindi.) Hindi, dahil palagi siyang naghihimagsik laban sa Diyos, hindi niya isinasagawa ang katotohanan, at hindi nagpapasakop Diyos. Bakit siya naniniwala sa Diyos kung gayon? Ano nga ba ang tunay na gusto niyang makamit? Napakahirap maunawaan nito. Siya ba ay tunay na mananampalataya ng Diyos? Hindi; sa mas magandang pananalita, siya ay naniniwala sa relihiyon. Maaaring sinasabi niya na may pananampalataya siya sa Diyos, ngunit hindi siya kinikilala ng Diyos. Ituturing siya ng Diyos na masamang tao, at hindi Niya ililigtas ang gayong tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsali sa Seremonyang Panrelihiyon
Ngayon, marami ang naniniwala na madali ang sumunod sa Diyos, ngunit kapag ang gawain ng Diyos ay malapit nang matapos, malalaman mo ang tunay na kahulugan ng “sumunod.” Hindi dahil kaya mo pang sumunod sa Diyos ngayon matapos lupigin, ito ay hindi nagpapatunay na isa ka sa mga gagawing perpekto. Yaong mga hindi kinakayang pagtiisan ang mga pagsubok, silang mga hindi kayang maging matagumpay sa gitna ng kapighatian ay hindi makakayang tumayo nang matatag sa kahuli-hulihan, kaya’t hindi makakayang sumunod sa Diyos hanggang sa katapus-katapusan. Ang mga tunay na sumusunod sa Diyos ay kayang matagalan ang pagsubok ng kanilang gawain, samantalang yaong mga hindi talaga sumusunod sa Diyos ay hindi kayang matagalan ang anumang mga pagsubok ng Diyos. Hindi magtatagal, sila ay mapatatalsik, habang ang mga mananagumpay ay mananatili sa kaharian. Kung ang tao ay tunay na naghahanap sa Diyos o hindi ay nalalaman sa pamamagitan ng pagsubok sa kanyang gawain, iyon ay, sa pamamagitan ng mga pagsubok ng Diyos, at walang kaugnayan sa pagpapasya ng tao mismo. Hindi tinatanggihan ng Diyos ang sinumang nang basta-basta; lahat ng ginagawa Niya ay lubusang makakahikayat sa tao. Hindi Siya gumagawa ng anumang bagay na hindi nakikita ng tao, o anumang gawain na hindi makahihikayat sa tao. Kung ang paniniwala ng tao ay tunay o hindi, ay napapatotohanan ng mga katunayan at hindi mapagpapasyahan ng tao. Walang duda na ang “trigo ay hindi magagawang mapanirang damo, at ang mapanirang damo ay hindi magagawang trigo.” Ang lahat ng tunay na nagmamahal sa Diyos ay mananatili sa kaharian sa kahuli-hulihan, at hindi tatratuhin nang hindi maganda ng Diyos ang sinumang tunay na nagmamahal sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Kaugnay na mga Extract ng Pelikula
Ano ba ang Ibig Sabihin ng Tunay na Pananalig sa Diyos?
Ang Pagsisikap ba ay Katulad ng Tunay na Pananalig sa Diyos?
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Ang Pagsubok ng Isang Mahirap na Sitwasyon
Kaugnay na mga Himno
Dapat Sambahin ng Buong Sangkatauhan ang Diyos
Dapat Mong Hangaring Magkaroon ng Tunay na Pagmamahal sa Diyos
Mga Pagpapahayag ng Pananampalataya sa Diyos