3. Paano makilatis ang mga huwad na lider

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang gawain ng isang karapat-dapat na manggagawa ay maaaring dalhin ang mga tao sa tamang daan at pagkalooban sila ng mas malaking pagpasok sa katotohanan. Ang kanyang gawain ay maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos. Dagdag pa rito, ang gawaing kanyang ginagawa ay maaaring mag-iba-iba sa bawat indibiduwal at hindi nakatali sa mga tuntunin, na nagtutulot sa mga tao na magkaroon ng laya at kalayaan, at binibigyan sila ng kakayahan na unti-unting lumago sa buhay at magkaroon ng mas malalim na pagpasok sa katotohanan. Ang gawain ng isang manggagawang hindi karapat-dapat ay malayung-malayo. Ang kanyang gawain ay kalokohan. Maaari lamang niyang dalhin ang mga tao sa mga tuntunin, at ang hinihingi niya sa mga tao ay hindi nag-iiba-iba sa bawat indibiduwal; hindi siya gumagawa ayon sa aktuwal na mga pangangailangan ng mga tao. Sa ganitong uri ng gawain, napakaraming tuntunin at napakaraming doktrina, at hindi nito madadala ang mga tao sa realidad, ni sa normal na pagsasagawa ng paglago sa buhay. Maaari lamang nitong bigyang-kakayahan ang mga tao na sumunod sa ilang tuntunin na walang halaga. Ang gayong uri ng paggabay ay maaari lamang iligaw ng landas ang mga tao. Inaakay ka niya na maging katulad niya; madadala ka niya tungo sa kung ano ang mayroon siya at ano siya. Upang matalos ng mga tagasunod kung karapat-dapat ang mga pinuno, ang mahalaga ay tumingin sa landas na kanilang tinatahak at sa mga resulta ng kanilang gawain, at tingnan kung ang mga tagasunod ay tumatanggap ng mga prinsipyo alinsunod sa katotohanan, at kung tumatanggap sila ng mga paraan ng pagsasagawa na angkop sa kanilang pagbabago. Dapat mong makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng naiibang gawain ng iba’t ibang uri ng mga tao; hindi ka dapat maging hangal na tagasunod. May epekto ito sa pagpasok ng mga tao. Kung hindi mo magawang kilalanin kung aling pamunuan ng tao ang may landas at alin ang wala, madali kang malilihis. Lahat ng ito ay may tuwirang epekto sa iyong sariling buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Ano ba ang isang huwad na lider? Tiyak na isa itong tao na hindi kayang gumawa ng aktuwal na gawain, isang tao na hindi nag-aasikaso sa kanyang mga tungkulin bilang isang lider. Hindi siya gumagawa ng anumang tunay o kritikal na gawain; nag-aasikaso lang siya ng ilang pangkalahatang gawain at ng ilang paimbabaw na gampanin, mga bagay na walang kinalaman sa buhay pagpasok o sa katotohanan. Gaano man karami ang ginagawa niya sa gawaing ito, walang halaga ang paggampan nito. Iyon ang dahilan kung bakit ang gayong mga lider ay itinuturing na huwad. Kaya paano ba talaga makikilatis ng isang tao ang isang huwad na lider? Simulan na natin ngayon ang ating paghihimay. Kailangan munang maging malinaw na ang unang responsabilidad ng isang lider o mangagawa ay ang akayin ang iba sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at makipagbahaginan sa katotohanan sa paraan na mauunawaan ito ng iba at makapapasok sila sa katotohanang realidad. Ito ang pinakamahalagang batayan para suriin kung ang isang lider ay tunay o huwad. Tingnan ninyo kung kaya niyang akayin ang iba sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pag-unawa sa katotohanan, at kung kaya niyang gamitin ang katotohanan para lumutas ng mga problema. Iyon ang tanging batayan para masuri kung ano ang kakayahan at abilidad na mayroon ang isang lider o manggagawa sa pag-arok sa mga salita ng Diyos, at kung kaya niyang akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos na pumasok sa katotohanang realidad. Kung ang isang lider o manggagawa ay may kakayahan na maarok ang mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, dapat niyang lutasin ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao tungkol sa pananalig sa Diyos alinsunod sa mga salita ng Diyos, at tulungan ang mga taong maunawaan ang pagiging praktikal ng gawain ng Diyos. Dapat din niyang lutasin ang mga aktuwal na paghihirap na hinaharap ng hinirang na mga tao ng Diyos alinsunod sa Kanyang mga salita, lalo na pagdating sa mga maling pananaw nila sa kanilang pananalig o mga maling pagkaunawa nila tungkol sa paggawa sa isang tungkulin. Kailangan din niyang gamitin ang mga salita ng Diyos para lutasin ang mga problemang nagpapamalas kapag humaharap ang mga tao sa iba’t ibang pagsubok at kapighatian, at maakay ang hinirang na mga tao ng Diyos na maunawaan at maisagawa ang katotohanan, at makapasok sa realidad ng Kanyang salita. Kasabay nito, dapat niyang himayin ang iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao batay sa mga tiwaling kalagayang nabubunyag sa mga salita ng Diyos, upang makita ng hinirang na mga tao ng Diyos kung alin sa mga ito ang naaangkop sa kanila, magtamo ng pagkakilala sa kanilang sarili at kamuhian si Satanas at maghimagsik laban dito, para matulutan ang hinirang na mga tao ng Diyos na manindigan sa kanilang patotoo, talunin si Satanas, at luwalhatiin ang Diyos sa gitna ng lahat ng uri ng pagsubok. Ito ang gawain na dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Ito ang pinakapangunahin, pinakakritikal, at pinakamahalagang gawain ng iglesia. Kung ang mga taong nagsisilbi bilang mga lider ay may abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos at may kakayahang unawain ang katotohanan, hindi lang nila magagawang unawain ang mga salita ng Diyos at pumasok sa realidad ng mga iyon, magagawa rin nilang magpayo, gumabay, at tumulong sa mga inaakay nila tungo sa isang pagkaunawa sa mga salita ng Diyos at pagpasok sa realidad ng mga ito. Pero ang kakayahang maarok ang mga salita ng Diyos at maunawaan ang katotohanan ang mismong wala sa mga huwad na lider. Hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, hindi nila alam ang mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga tao sa iba’t ibang sitwasyon na nalalantad sa Kanyang mga salita, o kung aling mga kalagayan ang nagbubunga ng paglaban, pagrereklamo, at pagkakanulo sa Diyos, at iba pa. Ang mga huwad na lider ay hindi nakakapagnilay-nilay sa kanilang sarili o hindi naiuugnay ang mga salita ng Diyos sa kanilang sarili, nauunawaan lang nila ang kaunting doktrina at kaunting regulasyon mula sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos. Kapag nakikipagbahaginan sila sa iba, bumibigkas lang sila ng ilang salita Niya, tapos ay ipinaliliwanag ang literal na kahulugan ng mga ito. At sa paggawa niyon, akala nila ay nakikipagbahaginan na sila sa katotohanan at gumagawa ng aktuwal na gawain. Kung kaya ng isang taong magbasa at magbigkas ng mga salita ng Diyos katulad ng ginagawa nila, iisipin nila na iyon ay isang taong nagmamahal at nakauunawa sa katotohanan. Nauunawaan lang ng isang huwad na lider and literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos; sa esensya ay hindi niya nauunawaan ang katotohanan sa mga salita ng Diyos, kaya hindi niya kayang talakayin ang kanyang mga karanasan at kaalaman sa mga ito. Ang mga huwad na lider ay walang abilidad na maarok ang mga salita ng Diyos; kaya lang nilang maunawaan ang paimbabaw na kahulugan ng mga ito, pero naniniwala sila na iyon ang pag-arok sa Kanyang mga salita at pag-unawa sa katotohanan. Sa pang-araw-araw na buhay, palagi nilang binibigyan ng interpretasyon ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos para payuhan at tulungan ang iba, naniniwala sila na sa paggawa niyon ay gumagawa sila ng gawain, at na inaakay nila ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at pumasok sa realidad ng mga ito. Ang katunayan, kahit na madalas makipagbahaginan nang ganito ang mga huwad na lider sa iba tungkol sa mga salita ng Diyos, hindi nila kayang lutasin ang pinakamaliit na totoong problema, at naiiwan ang hinirang na mga tao ng Diyos na hindi maisagawa o maranasan ang Kanyang mga salita. Gaano man sila kadalas na dumalo sa mga pagtitipon o kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, hindi pa rin nila nauunawaan ang katotohanan, wala pa rin silang buhay pagpasok, at wala sa kanila ang kayang magtalakay tungkol sa kanilang mga karanasan at kaalaman. Kahit na may masasamang tao at mga hindi mananampalataya na nagdudulot ng mga pagkagambala sa iglesia, walang sinumang kayang makakilatis sa kanila. Kapag nakakikita ang isang huwad na lider ng isang hindi mananampalataya o ng isang masamang tao na nagdudulot ng pagkagambala, hindi siya gumagamit ng pagkilatis, bagkus ay nagbibigay siya ng kanyang pagmamahal at payo sa taong iyon, hinihiling sa iba na maging mapagpaubaya at mapagpasensya sa taong iyon, pinagbibigyan ito habang patuloy itong nagdudulot ng mga pagkagambala sa iglesia. Dahil dito, labis na walang ibinubunga ang bawat aytem ng gawain ng iglesia. Ito ang kahihinatnan ng pagkabigo ng isang huwad na lider na gumawa ng aktuwal na gawain. Hindi kayang gamitin ng mga huwad na lider ang katotohanan para lumutas ng mga problema, na sapat na nagpapakita na hindi nila taglay ang katotohanang realidad. Kapag nagsasalita sila, naglilitanya lang sila ng mga salita at doktrina, at ang tanging sinasabi nila sa iba na dapat isagawa ay mga doktrina at regulasyon. Halimbawa, kapag nagkakaroon ang isang tao ng maling pagkaunawa sa Diyos, sasabihin sa kanya ng isang huwad na lider, “Naipaliwanag na ito lahat ng mga salita ng Diyos: Anuman ang ginagawa ng Diyos, pagliligtas ito sa tao, pagmamahal ito. Tingnan mo kung gaano kalinaw, kung gaano kahayag ang Kanyang mga salita. Paanong mali pa rin ang pagkaunawa mo sa Kanya?” Ito ang uri ng tagubilin na ibinibigay ng mga huwad na lider sa mga tao. Naglilitanya sila ng mga salita at doktrina para pangaralan ang mga tao, pigilan sila, at pasunurin sila sa mga regulasyon. Kahit kaunti ay hindi ito epektibo, at hindi ito makalulutas ng anumang problema. Ang mga huwad na lider ay makakapagsalita lang ng mga salita at doktrina para gabayan ang mga tao, na nagiging dahilan para isipin ng mga tao na ang kakayahang magsalita ng mga doktrina ay nangangahulugang nakapasok na sila sa mga katotohanang realidad. Gayumpaman, kapag sumapit ang isang paghihirap sa kanila, hindi nila alam kung paano isasagawa, wala silang landas, at ang lahat ng salita at doktrinang naunawaan nila ay nawawalan ng saysay. Ano ang ipinakikita nito? Ipinakikita nito na hindi talaga kapaki-pakinabang o mahalaga ang pag-unawa sa mga doktrina. Ang nauunawaan lang ng mga huwad na lider ay doktrina. Hindi nila kayang makipagbahaginan sa katotohanan para lumutas ng mga problema; walang mga prinsipyo sa kanilang mga kilos, at sa kanilang buhay ay sumusunod lang sila sa ilang regulasyon na sa tingin nila ay mabuti. Ang gayong mga tao ay hindi nagtataglay ng mga katotohanang realidad. Iyon ang dahilan kung bakit, kapag inaakay ng mga huwad na lider ang mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, walang nagiging tunay na epekto. Nagagawa lang nilang ipaunawa sa mga tao ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, at hindi nila natutulungan ang mga tao na magkamit ng kaliwanagan mula sa mga salita ng Diyos o maunawaan kung anong uri ng mga tiwaling disposisyon ang mayroon sila. Hindi nauunawaan ng mga huwad na lider kung ano ang kalagayan ng mga tao o kung anong disposisyong diwa ang ibinubunyag ng mga tao sa harap ng anumang partikular na sitwasyon, kung alin sa mga salita ng Diyos ang dapat na gamitin para lutasin ang mga maling kalagayan at tiwaling disposisyong ito, kung ano ang sinasabi tungkol sa mga ito sa mga salita ng Diyos, ang mga hinihingi at mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos, o ang mga katotohanan na nakapaloob dito. Walang nauunawaan ang mga huwad na lider sa mga katotohanang realidad na ito. Pinapayuhan lang nila ang mga tao sa pamamagitan ng pagsasabing, “Kumain at uminom pa kayo ng mga salita ng Diyos. May katotohanan sa mga ito. Mauunawaan mo ito kapag mas binasa mo pa ang Kanyang mga salita. Kung hindi mo nauunawaan ang ilan sa mga ito, dapat ka lang mas magdasal, maghanap, at magnilay sa mga ito.” Ganito nila pinapayuhan ang mga tao, at hindi nila malutas ang mga problema sa pagbibigay ng ganitong klase ng payo. Sino man ang nahaharap sa problema at lumalapit para maghanap mula sa kanila, ganoon din ang sinasabi nila. Pagkatapos, hindi pa rin kilala ng taong iyon ang sarili niya at hindi pa rin niya nauunawaan ang katotohanan. Hindi niya malulutas ang sarili niyang totoong problema, o mauunawaan kung paano niya dapat isagawa ang mga salita ng Diyos, at susunod lang siya sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos at sa mga regulasyon. Pagdating sa mga katotohanang prinsipyo ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos o kung aling mga realidad ang dapat niyang pasukin, hindi pa rin niya nauunawaan. Ito ang nagiging bunga ng gawain ng mga huwad na lider: wala ni isang totoong resulta.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 1

Paano dapat husgahan ng isang tao kung tinutupad ba ng isang lider ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, o kung huwad na lider ba ito? Sa pinakapayak na antas, kailangang tingnan kung may kakayahan ba siyang gumawa ng totoong gawain, kung may ganito ba siyang kakayahan o wala. Pagkatapos, dapat tingnan kung may pasanin ba siya na gawin nang maayos ang gawaing ito. Huwag pansinin kung gaano kaganda pakinggan ang kanyang mga sinasabi o kung gaano niya tila nauunawaan ang mga doktrina, at huwag pansinin kung gaano siya kahusay at kagaling sa pangangasiwa ng mga panlabas na usapin—hindi mahalaga ang mga bagay na ito. Ang pinakamahalaga ay kung nagagawa ba niyang isagawa nang wasto ang mga pinakapangunahing aytem ng gawain ng iglesia, kung kaya ba niyang lutasin ang mga problema gamit ang katotohanan, at kung naaakay ba niya ang mga tao tungo sa katotohanang realidad. Ito ang pinakapangunahin at mahalagang gawain. Kung hindi niyo kayang gawin ang mga aytem na ito ng tunay na gawain, gaano man siya kahusay, gaano man kalaki ang talento niya, o gaano man katinding paghihirap ang kailangan niyang tiisin o gaano man kalaking halaga ang kailangan niyang bayaran, huwad na lider pa rin siya. Sabi ng ilang tao, “Kalimutan ninyo na wala siyang ginagawang anumang tunay na gawain ngayon. Mahusay siya at may kakayahan. Kung magsasanay siya sandali, tiyak na makagagawa siya ng tunay na gawain. Bukod pa riyan, wala siyang nagawang anumang masama at wala siyang nagawang kasamaan o hindi siya nagsanhi ng mga pagkagambala o panggugulo—paano Mo nasasabing siya ay huwad na lider?” Paano natin ito maipaliliwanag? Hindi mahalaga kung gaano ka kahusay, kung anong antas ng kakayahan at edukasyon ang taglay mo, kung gaano karaming sawikain ang kaya mong isigaw, o kung gaano karaming salita at doktrina ang naaarok mo; kung gaano ka man kaabala o kapagod sa isang araw, o kung gaano kalayo na ang iyong nalakbay, kung ilang iglesia na ang iyong binisita, o kung gaano kalaking panganib ang iyong hinarap at pagdurusang tiniis—wala sa mga ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay kung ginagampanan mo ba ang iyong gawain nang ayon sa mga pagsasaayos ng gawain, kung tumpak mo bang naipatutupad ang mga pagsasaayos na iyon; kung sa ilalim ng iyong pamumuno ay nakikilahok ka ba sa bawat partikular na gawain na iyong responsabilidad, at kung ilang tunay na isyu ang talagang nalutas mo; kung ilang indibidwal ang nakaunawa sa mga katotohanang prinsipyo dahil sa iyong pamumuno at paggabay, at kung gaano umusad at umunlad ang gawain ng iglesia—ang mahalaga ay kung nakamit mo ba o hindi ang mga resultang ito. Anuman ang partikular na gawaing kinabibilangan mo, ang mahalaga ay kung palagi ka bang sumusubaybay at nagdidirekta ng gawain sa halip na umaastang mataas at makapangyarihan at nag-uutos lamang. Bukod dito, ang mahalaga rin ay kung may buhay pagpasok ka ba o wala habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, kung kaya mo bang harapin ang mga usapin nang ayon sa mga prinsipyo, kung may patotoo ka ba ng pagsasagawa sa katotohanan, at kung kaya mo bang harapin at lutasin ang mga tunay na isyung kinakaharap ng mga hinirang na tao ng Diyos. Ang mga ganitong bagay at iba pang katulad nito ay pawang mga pamantayan sa pagsusuri kung tinutupad ba o hindi ng isang lider o manggagawa ang kanyang mga responsabilidad.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 9

Lahat ng huwad na lider ay kayang mangaral ng mga salita at doktrina, lahat sila ay mga pekeng espirituwal, hindi nila kayang gumawa ng anumang totoong gawain, at hindi nila nauunawaan ang katotohanan kahit na matagal na silang nananampalataya sa Diyos—masasabing wala silang espirituwal na pang-unawa. Iniisip nila na ang pagiging lider sa iglesia ay nangangahulugan lang ng pangangaral ng ilang salita at doktrina at pagsigaw ng ilang islogan, at na kailangan lang nilang ipaliwanag nang kaunti ang mga salita ng Diyos, at mauunawaan na ng mga tao ang katotohanan; hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng paggawa ng gawain, hindi nila alam kung ano ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa, at hindi nila alam kung bakit pinipili ng sambahayan ng Diyos ang isang tao na maging lider o manggagawa, o kung anong mga problema ang dapat lutasin ng mga lider at manggagawa. Kaya, gaano man makipagbahaginan ang sambahayan ng Diyos na ang mga lider at manggagawa ay dapat sumubaybay sa gawain, magsiyasat sa gawain, at mangasiwa sa gawain, na dapat nilang agad na tuklasin at lutasin ang mga problema sa gawain, at iba pa, hindi nila iniintindi ang anuman sa mga ito at hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Hindi nila kayang abutin o kamtin ang mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga lider at manggagawa, at hindi nila maunawaan ang mga teknikal at propesyonal na problemang kaugnay sa pagganap ng mga tungkulin, pati na ang isyu ng prinsipyo sa pagpili ng mga superbisor, at iba pa, at kahit na alam nila ang mga problemang ito, hindi pa rin nila kayang pangasiwaan ang mga ito. Samakatwid, sa ilalim ng pamumuno ng mga gayong huwad na lider, hindi nalulutas ang lahat ng uri ng problemang lumilitaw sa gawain ng iglesia. Hindi lang ang mga propesyonal at teknikal na problemang nararanasan ng hinirang na mga tao ng Diyos kapag ginagawa ang mga tungkulin nila, kundi pati na rin ang mga suliranin sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, ay tumatagal at hindi nalulutas, at kapag hindi makagawa ng totoong gawain ang ilang lider at manggagawa o mga superbisor ng iba’t ibang bahagi ng gawain, hindi sila agad na napapalitan o naililipat sa ibang lugar, at iba pa. Wala sa mga problemang ito ang agad na nalulutas, kaya patuloy na bumababa ang kahusayan ng iba’t ibang aytem ng gawain sa iglesia, at patuloy na nababawasan ang pagiging epektibo ng gawain. Sa usapin ng mga tauhan, ang mga may kaunting kaloob at magaling magsalita ang nagiging mga lider at manggagawa, samantalang ang mga nagmamahal sa katotohanan, ang mga kayang magsikap sa mabigat na gawain, at walang kapagurang gumawa nang walang reklamo, ay hindi naitataas ang ranggo at hindi nalilinang, at itinuturing na parang mga tagapagserbisyo. Ang iba’t ibang teknikal na tauhan na may mga espesyal na kasanayan ay hindi nagagamit nang makatwiran, at ang ilang taong tapat na gumagawa ng mga tungkulin nila ay hindi nakakatanggap ng panustos sa buhay, kaya nalulugmok sila sa pagkanegatibo at kahinaan. Bukod pa rito, gaano man karaming kasamaan ang ginagawa ng mga anticristo at masasamang tao, parang hindi ito nakikita ng mga huwad na lider. Kung may maglalantad sa isang masamang tao o anticristo, sasabihin ng mga huwad na lider na dapat nilang tratuhin ang taong iyon nang may pagmamahal at bigyan ang mga ito ng pagkakataong magsisi. Hinahayaan nila ang masasamang tao at mga anticristo na gumawa ng kasamaan at magdulot ng mga kaguluhan sa iglesia, at nagdudulot ito ng pagkaantala sa pagpapaalis at pagpapatalsik sa mga masamang tao, hindi mananampalataya, at anticristo, at patuloy nilang nagagawa ang kasamaan sa iglesia at patuloy nilang ginugulo ang gawain ng iglesia. Hindi kaya ng mga huwad na lider na pangasiwaan at lutasin ang alinman sa mga problemang ito; hindi nila kayang tratuhin nang patas ang mga tao o isaayos ang gawain sa makatwirang paraan, sa halip ay kumikilos sila nang pabasta-basta, gumagawa lang sila ng ilang walang saysay na gawain, na nagreresulta sa pagkakagulo-gulo at pagkasira ng kaayusan sa gawain ng iglesia. Gaano man makipagbahaginan ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan o gaano man nito binibigyang-diin ang mga prinsipyong dapat sundin kapag ginagawa ang gawain ng iglesia—pinipigilan at inaalis ang iba’t ibang uri ng taong gumagawa ng masama at hindi mananampalataya na dapat pigilan at paalisin, at itinataas ang ranggo at nililinang ang mga taong may mahuhusay na kakayahan at kakayahang makaarok, at mga taong kayang hangarin ang katotohanan, na dapat itaas ang ranggo at linangin—kahit maraming beses nang pinagbahaginan ang mga bagay na ito, hindi nauunawaan o naaarok ng mga huwad na lider ang mga ito at patuloy lang nilang pinanghahawakan ang kanilang mga pekeng espirituwal na pananaw at mga “mapagmahal” na pamamaraan. Naniniwala ang mga huwad na lider na sa ilalim ng masigasig nilang paggabay, lahat ng uri ng tao ay gumagampan sa mga papel nila, nang maayos, nang walang kaguluhan, na lahat ay may napakalakas na pananalig, handang gawin ang mga tungkulin nila, hindi natatakot na makulong at humarap sa panganib, na lahat ay may determinasyong magtiis ng pagdurusa at ayaw maging isang Judas; naniniwala sila na ang pagkakaroon ng magandang atmospera sa buhay iglesia ay nangangahulugang maganda ang ginagawa nila. Lumilitaw man ang masasamang tao sa iglesia at nagdudulot ng mga kaguluhan, o nagpapakalat man ang mga hindi mananampalataya ng mga maling paniniwala nila at ng mga panlilinlang, hindi nila itinuturing ang mga bagay na ito bilang mga problema, at hindi nila nararamdaman na kailangang lutasin ang mga ito. Pagdating sa masasamang tao na kumikilos nang walang ingat ayon sa mga sarili nilang kagustuhan at nanggugulo sa gawain ng ebanghelyo, lalo pang bulag sa mga ito ang mga huwad na lider. Sinasabi nila, “Ipinaliwanag ko na ang mga prinsipyo ng gawain na dapat kong ipaliwanag, at paulit-ulit ko nang sinabi sa mga tao kung ano ang dapat gawin. Kung may lumabas pang mga problema, wala nang kinalaman sa akin ang mga isyung iyon.” Gayumpaman, hindi nila alam kung naaangkop ang taong pinagkatiwalaan nila ng gawain, at hindi nila alam kung naaayon ba sa mga katotohanang prinsipyo ang sinabi nila nang ipinaliwanag at sinabi nila sa taong iyon ang dapat gawin, o kung mayroon ba itong batayan sa mga salita ng Diyos. Sa tuwing nagdaraos ng pagtitipon ang mga huwad na lider, walang tigil silang naglilitanya ng napakaraming salita at doktrina, at ang resulta nito ay walang problemang pwedeng malutas, at gayumpaman naniniwala pa rin sila na gumagawa sila ng mahalagang gawain, natutuwa pa rin sila sa sarili nila at iniisip nilang kamangha-mangha sila. Sa katunayan, ang mga salita at doktrinang sinasabi nila ay epektibo lang sa mga taong magulo ang isip, tunggak, at hangal, na ignorante, at mahina ang kakayahan. Litong-lito ang mga taong ito pagkatapos nilang marinig ang mga salitang ito, naniniwala sila na lubhang tama ang sinabi ng mga huwad na lider, na walang mali sa sinabi ng mga ito. Napapasaya lang ng mga huwad na lider ang mga nalilitong tao na ito at wala talaga silang kakayahan na lutasin ang mga totoong problema. Siyempre, lalong hindi kayang lutasin ng mga huwad na lider ang mga problemang may kinalaman sa mga teknikal na kasanayan, mga propesyon, at kaalaman—ganap na wala silang kakayahan pagdating sa mga bagay na ito. Gamitin nating halimbawa ang gawaing panteksto ng sambahayan ng Diyos. Ito ang gawaing pinakanagpapasakit sa ulo ng mga huwad na lider. Hindi sila makahanap ng mga taong may espirituwal na pang-unawa at mahusay na kakayahan na angkop para sa paggawa ng gawaing panteksto, at itinuturing nilang may mahusay na kakayahan at espirituwal na pang-unawa ang sinumang nakasalamin at may mataas na antas ng edukasyon, kaya isinasaayos nila na ang mga taong iyon ang gumawa ng gawaing ito, sinasabi nila sa mga tao na iyon, “Lahat kayo ay may talento sa paggawa ng gawaing panteksto. Hindi ko nauunawaan ang gawaing ito, kaya umaasa ako sa inyo. Wala nang iba pang hinihingi ang sambahayan ng Diyos sa inyo, kundi ang gamitin ninyo ang mga espesyal ninyong kasanayan, huwag mag-atubili, at ibahagi ang lahat ng inyong natutuhan. Dapat kayong maging mapagpasalamat at pasalamatan ninyo ang Diyos sa pagtataas sa inyo.” Pagkatapos magsalita ng mga huwad na lider ng ilang pabasta-basta, paimbabaw na salita, nararamdaman nila na yamang naisaayos na ang gawain, iyon na ang lahat ng kailangan nilang gawin. Hindi nila alam kung angkop o hindi ang mga tao na isinaayos nila na gumawa ng gawaing ito, at hindi nila alam kung ano ang mga kahinaan ng mga taong ito sa usapin ng propesyonal na kaalaman, o kung paano nila dapat punan ang mga kahinaang iyon. Hindi nila alam kung paano tingnan at kilatisin ang mga tao, hindi nila nauunawaan ang mga propesyonal na problema, ni nauunawaan ang kaalamang may kaugnayan sa pagsusulat—lubos silang ignorante sa mga bagay na ito. Sinasabi nilang hindi nila nauunawaan o naaarok ang mga bagay na ito, pero sa puso nila, iniisip nila, “Hindi ba’t mas edukado at mas nakakaalam lang kayo nang kaunti kaysa sa akin? Kahit na hindi ko kayo magabayan sa gawaing ito, mas espirituwal ako kaysa sa inyo, mas mahusay ako sa pagbibigay ng mga sermon kaysa sa inyo, at mas nauunawaan ko ang mga salita ng Diyos kaysa sa inyo. Ako ang namumuno sa inyo, ako ang nakakataas sa inyo. Kailangan ko kayong pamahalaan, at kailangan ninyong gawin ang sinasabi ko.” Itinuturing ng mga huwad na lider ang sarili nila bilang napakahalaga, pero wala silang maisip na anumang kapaki-pakinabang na mungkahi kaugnay ng anumang uri ng teknikal o propesyonal na gawain, at hindi nila kayang magbigay ng anumang paggabay tungkol dito. Kung mahusay silang makapagsasaayos ng mga tao, iyon na ang pinakamaaasahan natin. Hindi nila kayang gawin ang anuman sa mga kasunod na gawain, hindi nila sinusubukang matuto ng propesyonal na kaalaman, at hindi nila sinusubaybayan ang gawain. Lahat ng huwad na lider ay pekeng-espirituwal; ang kaya lang nilang gawin ay mangaral ng ilang salita at doktrina at pagkatapos ay iniisip nila na nauunawaan na nila ang katotohanan at palagi silang nagpapakitang-gilas sa hinirang na mga tao ng Diyos. Sa bawat pagtitipon, mangangaral sila sa loob ng ilang oras, at pagkatapos ay wala naman silang malutas na anumang problema. Lubos silang ignorante pagdating sa mga problemang may kaugnayan sa propesyonal na kaalaman sa mga tungkulin ng mga tao; malinaw na mga baguhan sila, pero nagpapanggap silang espirituwal, gusto nilang sabihin sa mga eksperto kung ano ang dapat gawin—paano sila makakagawa ng maayos na gawain sa ganitong paraan? Nakakasuklam na sa mga tao ang hindi pagsisikap ng mga huwad na lider na magtamo ng propesyonal na kaalaman at ang kawalan nila ng kakayahang gumawa ng anumang totoong gawain, kaya labis na walang katwiran ang pagpapanggap nila bilang mga espirituwal na tao at ang pagmamalaki nila ng kanilang mga espirituwal na salita! Wala itong ipinagkaiba sa mga Pariseo. Ang pinakamalaking pagkukulang ng mga Pariseo sa katwiran ay kinasusuklaman sila ng Diyos, pero wala silang kamalay-malay rito at itinuturing pa rin nila ang sarili nila na napakahusay at napaka-espirituwal. Ganito kawalang kamalayan sa sarili nila ang mga huwad na lider; malinaw na hindi nila kayang gumawa ng anumang tunay na gawain at gayumpaman ay nagpapanggap silang espirituwal, sila ay nagiging mapagpaimbabaw na mga Pariseo. Sila ang mismong mga itinataboy at itinitiwalag ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 8

Ang isang katangian ng mga huwad na lider ay ang kanilang kawalan ng kakayahan na ipaliwanag o linawin nang lubusan ang anumang isyu na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag may naghahanap mula sa kanila, ilang walang kabuluhang salita at doktrina lang ang kaya nilang sabihin sa mga ito. Kapag nahaharap sa mga problemang nangangailangan ng solusyon, madalas silang sumasagot ng pahayag na tulad nito, “Eksperto kayong lahat sa paggawa ng tungkuling ito. Kung may mga problema kayo, dapat kayo mismo ang lumutas sa mga ito. Huwag ninyo akong tanungin; hindi ako eksperto, at hindi ko nauunawaan ito. Kayo mismo ang umayos nito.” Maaring sumagot ang ilang tao, “Tinatanong ka namin dahil hindi namin malutas ang problema; hindi ka namin tatanungin kung kaya naman namin. Hindi namin nauunawaan ang problemang ito na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo.” Tumutugon ang mga huwad na lider, “Hindi ba’t nasabi ko na sa inyo ang mga prinsipyo? Gawin ninyong mabuti ang inyong mga tungkulin, at huwag kayong lumikha ng mga kaguluhan o pagkagambala. Ano pa ang tinatanong ninyo? Pangasiwaan ninyo ito ayon sa paraang sa tingin ninyo ay angkop! Nasabi na ang mga salita ng Diyos: Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.” Litong-lito ang mga taong iyon, iniisip nila, “Hindi ito solusyon sa problema!” Ganito tinatrato ng mga huwad na lider ang gawain; tinitingnan lang nila ito, iniraraos lang ang mga gawain, at hindi nila kailanman hinaharap ang mga problema. Anuman ang mga isyung inuulat ng mga tao, sinasabi ng mga huwad na lider na sila na ang maghanap sa katotohanan. Madalas nilang tanungin ang mga tao, “Mayroon ba kayong anumang problema? Kumusta ang inyong buhay pagpasok? Ginagawa ba ninyo ang inyong mga tungkulin nang pabasta-basta?” Sumasagot ang mga tao ng ganito, “Paminsan-minsan, napapansin kong nagiging pabasta-basta ako, at sa pamamagitan ng panalangin, nalulutas ko ito at nagbabago ako, ngunit hindi ko pa rin nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo sa paggawa ng aking tungkulin.” Sinasabi ng mga huwad na lider, “Hindi ba’t ibinahagi ko na sa iyo ang mga partikular na prinsipyo noong huling pagtitipon? Binigyan pa nga kita ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos. Hindi ba’t dapat ay nauunawaan mo na ngayon?” Sa katunayan, nauunawaan nila ang lahat ng doktrina, ngunit hindi pa rin nila nalulutas ang kanilang mga problema. Patuloy na naglilitanya ang mga huwad na lider ng mga salitang matayog kung pakinggan, “Bakit hindi mo ito malutas? Hindi mo lang nabasa nang mabuti ang mga salita ng Diyos. Kung mas mananalangin at mas magbabasa ka pa ng mga salita ng Diyos, malulutas ang lahat ng problema mo. Kailangan ninyong matutong mag-usap at maghanap ng paraan nang magkakasama, saka malulutas ang inyong mga problema. Tungkol naman sa mga propesyonal na isyu, huwag ninyo akong tanungin; ang responsabilidad ko ay ang suriin ang gawain. Natapos ko na ang tungkulin ko, at ang natitira ay mga propesyonal na usapin na hindi ko nauunawaan.” Madalas gumagamit ang mga huwad na lider ng mga dahilan at palusot tulad ng “Hindi ko nauunawaan, hindi ko ito kailanman natutunan, hindi ako eksperto” upang iwasan ang mga tao at takasan ang mga tanong. Maaaring mukha silang napakamapagkumbaba; gayumpaman, nilalantad nito ang isang malubhang isyu sa mga huwad na lider—wala silang anumang pag-unawa sa mga problemang may kinalaman sa propesyonal na kaalaman sa ilang gampanin, pakiramdam nila ay wala silang kapangyarihan at mukha silang asiwang-asiwa at nahihiya. Ano ang ginagawa nila kung gayon? Maaari lamang nilang tipunin ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos upang ibahagi sa lahat sa mga pagtitipon, tinatalakay ang ilang doktrina upang himukin ang mga tao. Ang mga lider na may kaunting kabutihan ay maaaring magpakita ng malasakit sa mga tao at tanungin sila paminsan-minsan, “May mga kinaharap ba kayong suliranin sa inyong buhay kamakailan? May sapat ba kayong damit na masusuot? Mayroon bang sinuman sa inyo ang hindi umaasal nang maayos?” Kung sasabihin ng lahat na wala silang mga ganoong isyu, sasabihin nila, “Kung gayon ay walang problema. Ipagpatuloy ninyo ang inyong gawain; may iba pa akong kailangang asikasuhin,” at agad na silang umaalis, natatakot sila na may magtanong at hilingin sa kanila na ayusin ito, inilalagay sila sa nakakahiyang sitwasyon. Ganito gumagawa ang mga huwad na lider—hindi nila kayang lutasin ang anumang tunay na problema. Paano nila epektibong maisasagawa ang gawain ng iglesia? Dahil dito, humahadlang kalaunan sa gawain ng iglesia ang mga naipong isyu na hindi nalutas. Pangunahin itong katangian at pagpapamalas ng kung paano gumawa ang mga huwad na lider.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 2

Ang mga huwad na lider ay talagang walang kakayahang gawin ang mahalaga, kritikal na gawain sa iglesia. Pinapangasiwaan lang nila ang ilang simple, pangkalahatang usapin; walang kritikal o mapagpasyang papel ang gawain nila sa kabuuang gawain ng iglesia, at hindi ito nagbubunga ng mga tunay na resulta. Ang pakikipagbahaginan nila ay pangunahing tumatalakay lang sa mga gasgas at pangkaraniwang paksa, pawang paulit-ulit na salita ito at doktrina at lubha itong walang kabuluhan, malawak, at kulang sa detalye. Ang pakikipagbahaginan nila ay naglalaman lang ng mga bagay na kayang maunawaan ng mga tao kapag literal nilang binabasa ang isang bagay. Hindi man lang kayang lutasin ng mga huwad na lider na ito ang mga tunay na problema ng hinirang na mga tao ng Diyos sa kanilang buhay pagpasok; sa partikular, mas lalong hindi nila kayang lutasin ang mga kuru-kuro, imahinasyon, at pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Ang pangunahing bagay ay hindi talaga kayang pasanin ng mga huwad na lider ang mahalagang gawaing isinasaayos ng sambahayan ng Diyos, tulad ng gawain sa ebanghelyo, paggawa ng mga pelikula, o gawaing batay sa teksto. Sa partikular, pagdating sa gawaing nangangailangan ng propesyonal na kaalaman, kahit na alam ng mga huwad na lider na baguhan sila sa mga larangang ito, hindi nila inaaral ang mga ito, hindi rin sila nagsasaliksik, at lalong hindi nila kayang magbigay ng partikular na gabay o lutasin ang mga problemang nauugnay sa mga ito. Gayumpaman, walang-kahihiyan pa rin silang nagdaraos ng mga pagtitipon, nagsasalita nang walang katapusan tungkol sa mga walang kabuluhang teorya, at nagsasabi ng mga salita at doktrina. Alam na alam ng mga huwad na lider na hindi nila kayang gawin ang ganitong uri ng gawain, pero nagpapanggap silang mga eksperto, kumikilos nang palalo, at laging gumagamit ng mga engrandeng doktrina para sitahin ang iba. Hindi nila kayang sagutin ang mga tanong ng sinuman, pero naghahanap sila ng mga dahilan at palusot para sitahin ang iba, tinatanong nila kung bakit hindi nila pinag-aaralan ang propesyon, kung bakit hindi nila hinahanap ang katotohanan, at kung bakit hindi nila kayang lutasin ang sarili nilang mga problema. Ang mga huwad na lider na ito, na mga baguhan sa mga larangang ito at hindi kayang lumutas ng anumang problema, ay patuloy pa ring nangangaral sa iba na parang mataas ang posisyon nila. Sa panlabas, mukhang napakaabala nila sa mata ng iba, na parang marami silang kayang gawin at napakagaling nila, pero sa realidad, wala silang kuwenta. Ang mga huwad na lider ay malinaw na walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain, pero masigasig silang nagpapakaabala, at palagi nilang sinasabi ang mga gasgas na pahayag sa mga pagtitipon, paulit-ulit ang sinasabi nila, nang walang nalulutas ni isang tunay na problema. Sawang-sawa na ang mga tao rito, at wala talaga silang nakukuhang anumang pagpapatibay mula rito. Ang ganitong uri ng gawain ay labis na hindi epektibo, at wala itong ibinubungang resulta. Ganito gumagawa ang mga huwad na lider, at naaantala ang gawain ng iglesia dahil dito. Gayumpaman, nararamdaman pa rin ng mga huwad na lider na gumagawa sila ng mahusay na gawain at na napakagaling nila, gayong ang totoo ay hindi nila nagawa nang maayos ang alinmang aspekto ng gawain ng iglesia. Hindi nila alam kung ang mga lider at manggagawang nasa saklaw ng responsabilidad nila ay pasok sa pamantayan, at hindi rin nila alam kung ang mga lider at superbisor ng iba’t ibang grupo ay kayang pasanin ang kanilang gawain, at hindi rin nila pinapahalagahan o itinatanong kung may mga problema bang lumitaw sa paggampan ng mga kapatid sa mga tungkulin nila. Sa madaling salita, hindi kayang lutasin ng mga huwad na lider ang anumang problema sa gawain nila, pero nananatili silang masigla habang abala. Sa perspektiba ng ibang tao, ang mga huwad na lider ay kayang sumailalim sa paghihirap, handang magbayad ng halaga, at araw-araw silang abala. Kapag oras na ng pagkain, kailangan pa silang tawagin sa hapag, at natutulog sila nang dis-oras ng gabi. Pero sadyang hindi maganda ang mga resulta ng gawain nila. Kung hindi mo susuriin nang mabuti, sa panlabas ay tila nagagawa ang lahat ng bahagi ng gawain, at abala ang lahat sa paggawa ng mga tungkulin nila, pero kung pagmamasdan mo nang mabuti at magiging mabusisi ka, at susuriin mong maigi ang gawain, mabubunyag ang tunay na sitwasyon. Ang bawat bahagi ng gawain na saklaw ng responsabilidad nila ay magulo, wala man lang itong estruktura o kaayusan. May mga problema—o maging mga butas—sa bawat aspekto ng gawain. Ang paglitaw ng mga problemang ito ay nauugnay sa hindi pagkaunawa ng mga huwad na lider sa mga katotohanang prinsipyo, at sa pagkilos nila batay sa kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, at sigasig. Ang mga huwad na lider ay hindi kailanman nakikipagbahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, at hindi rin nila kailanman hinahanap ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Malinaw na wala silang espirituwal na pang-unawa at hindi nila kayang gawin ang gawain ng isang lider, at kaya lang nilang maglitanya ng mga salita at doktrina pero hindi man lang nila nauunawaan ang katotohanan, pero nagpapanggap silang alam nila ang mga bagay na hindi nila alam at umaasta silang mga eksperto. Ang gawaing ginagawa nila ay pagraos lang sa bagay-bagay. Kapag may lumilitaw na problema, naglalapat sila rito ng mga regulasyon nang walang malinaw na direksiyon. Nagpapakaabala lang sila nang walang malinaw na direksiyon at nang walang anumang ibinubungang mga tunay na resulta. Dahil hindi nauunawaan ng mga huwad na lider na ito ang mga katotohanang prinsipyo, at naglilitanya lang sila ng mga salita at doktrina at nagpapayo lang sila sa iba na sumunod sa mga regulasyon, ang pag-usad ng bawat bahagi ng gawain ng iglesia ay bumabagal at walang nakakamit na malinaw na mga resulta. Ang pinakahalatang kinahihinatnan ng pagkakaroon ng huwad na lider sa gawain nang matagal-tagal na ay na hindi nauunawaan ng karamihan ng tao ang katotohanan, hindi nila alam kung paano kumilatis kapag ang isang tao ay nagbubunyag ng katiwalian o bumubuo ng mga kuru-kuro, at tiyak na hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyong dapat itaguyod sa paggawa ng mga tungkulin nila. Ang mga gumaganap ng mga tungkulin nila at ang mga hindi ay pawang mga tamad, walang pagpipigil at walang disiplina, at magulo tulad ng nakasabog na buhangin. Karamihan sa kanila ay nakakapagsalita ng ilang salita at doktrina, pero habang ginagawa ang mga tungkulin nila, sinusunod lang nila ang mga regulasyon; hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Dahil ang mga huwad na lider mismo ay hindi alam kung paano hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, paano nila aakayin ang iba na gawin ito? Anuman ang mangyari sa ibang tao, puwede lang silang payuhan ng mga huwad na lider sa pamamagitan ng pagsasabing, “Dapat maging mapagsaalang-alang tayo sa mga layunin ng Diyos!” “Dapat maging matapat tayo sa paggampan ng mga tungkulin natin!” “Kapag may nangyayari sa atin, dapat matuto tayong magdasal, at dapat nating hanapin ang mga katotohanang prinsipyo!” Madalas na sumisigaw ng mga ganitong islogan at doktrina ang mga huwad na lider, pero wala itong ibinubungang anumang resulta. Matapos marinig ng mga tao ang mga ito, hindi pa rin nila nauunawaan kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, at wala silang landas ng pagsasagawa. Sa panlabas, nagdarasal ang mga tao kapag may mga nangyayari sa kanila, at gusto nilang maging tapat sa paggawa ng mga tungkulin nila—pero lahat sila ay walang pagkaunawa sa mga isyung tulad ng kung ano ang dapat nilang gawin para maging tapat sila, kung paano sila dapat magdasal para maunawaan nila ang mga layunin ng Diyos, at paano sila dapat maghanap kapag nahaharap sila sa isang isyu para maunawaan nila ang mga katotohanang prinsipyo. Kapag tinatanong ng mga tao ang mga huwad na lider, sinasabi ng mga huwad na lider, “Kapag may nangyayari sa inyo, magbasa pa kayo ng mga salita ng Diyos, mas magdasal kayo, at mas magbahaginan tungkol sa katotohanan.” Tinatanong sila ng mga tao, “Ano ang mga prinsipyong sumasaklaw sa gawaing ito?” at sinasabi nila, “Walang sinasabi ang mga salita ng Diyos tungkol sa mga usapin ng propesyonal na gawain, at hindi ko rin nauunawaan ang larangang iyon ng gawain. Magsaliksik kayo kung gusto ninyong maunawaan—huwag ninyo akong tanungin. Inaakay ko kayo sa pag-unawa sa katotohanan, hindi sa mga usapin ng propesyonal na gawain.” Ginagamit ng mga huwad na lider ang ganitong uri ng mga salita para umiwas sa mga tanong. At bilang resulta, kahit na ang karamihan ng tao ay may masidhing damdamin para gawin ang mga tungkulin nila, hindi nila alam kung paano kumilos batay sa mga katotohanang prinsipyo, ni hindi nila alam kung paano sumunod sa mga prinsipyo habang ginagampanan ang mga tungkulin nila. Kung titingnan ang mga resulta ng bawat aytem ng gawain sa loob ng saklaw ng responsabilidad ng mga huwad na lider, umaasa lamang ang karamihan ng tao sa kanilang kaalaman, natutuhan, at mga kaloob para gawin ang gawain nila, at ignorante sila pagdating sa mga isyu tulad ng kung ano ang mga partikular na hinihingi ng Diyos, kung ano ang mga prinsipyo ng paggawa ng tungkulin, at kung paano kumilos para makamtan ang resulta ng pagpapatotoo para sa Diyos at kung paano mas epektibong maipapalaganap ang ebanghelyo para lahat ng nasasabik sa pagpapakita ng Diyos ay marinig ang Kanyang tinig, masiyasat ang totoong daan, at magbalik sa Diyos sa lalong madaling panahon. Bakit ba ignorante sila sa mga bagay na ito? Ito ay direktang nauugnay sa pagkabigo ng mga huwad na lider na gumawa ng tunay na gawain. Ang pangunahing dahilan nito ay hindi alam ng mga huwad na lider mismo kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, o kung ano ang mga prinsipyong dapat unawain at sundin ng mga tao. Kumikilos sila nang walang mga prinsipyo, at hindi nila kailanman inaakay ang mga tao na hanapin ang mga prinsipyo ng pagsasagawa at ang mga landas sa mga tungkulin nila. Kapag nakakakita ng problema ang isang huwad na lider, hindi niya ito kayang lutasin, at hindi siya nakikipagbahaginan at naghahanap kasama ang iba, kaya madalas na kailangang ulitin ang bawat aytem ng gawain. Bukod sa pag-aaksaya ito sa mga pondo at materyales, pag-aaksaya rin ito ng lakas at oras ng mga tao. Ang mga gayong kinahihinatnan ay direktang nauugnay sa napakahinang kakayahan at pagiging iresponsbale ng mga huwad na lider. Bagama’t hindi pwedeng sabihing sadyang gumagawa ng kasamaan at nagdudulot ng kaguluhan ang mga huwad na lider, pwedeng sabihing hindi talaga nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo sa gawain nila, at palagi silang kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban. Tiyak ito. Hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi rin nila kayang makipagbahaginan nang malinaw sa iba tungkol sa mga ito; sa halip, pinapabayaan lang ng mga huwad na lider ang mga tao na gawin ang gusto ng mga ito. Hindi sinasadya na humahantong ito sa pagkilos nang pabasta-basta at sutil ng ilang taong namamahala sa ilang gawain, kumikilos sa anumang paraang gusto nila at ginagawa ang anumang gusto nila. Bilang resulta, bukod sa kakaunti ang mga aktuwal na resulta, nagugulo rin ang gawain ng iglesia. Kapag tinatanggal ang isang huwad na lider, bukod sa hindi niya pinagninilay-nilayan at kinikilala ang sarili niya, nanlilinlang pa siya at ipinagtatanggol ang sarili niya, at hindi niya tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti, at wala talaga siyang balak na magsisi. Baka hilingin pa niya na bigyan siya ng isa pang pagkakataon ng sambahayan ng Diyos, baka sabihin niya na tiyak na kaya niyang gawin nang maayos ang gawain. Naniniwala ka ba sa kanya? Hindi talaga niya kilala ang sarili niya, hindi rin niya tinatanggap ang katotohanan. Kung gayon, kaya ba niyang mabago ang mga gawi niya? Wala siyang katotohanang realidad, kung gayon, kaya ba niyang gawin nang mahusay ang gawain? Posible ba iyon? Hindi niya ginawa nang maayos ang gawain sa pagkakataong ito—kaya ba niyang gawin ito nang maayos kung bibigyan siya ng isa pang pagkakataon? Hindi iyon posible. Pwedeng sabihin nang may katiyakan na walang kakayahan sa gawain ang mga huwad na lider; kung minsan, pwede silang magpakapagod at maging sobrang abala, pero pag-aabala ito nang walang direksiyon, at wala itong ibinubunga. Sapat na ito para ipakita na ang mga huwad na lider ay may napakahinang kakayahan, na hindi talaga nila nauunawaan ang katotohanan, at na hindi nila kayang gumawa ng tunay na gawain. Nagdudulot ito ng paglitaw ng maraming problema sa gawain, pero hindi nila kayang lutasin ang mga ito sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa katotohanan, at gumagamit lang sila ng ilang walang kabuluhang doktrina para himukin ang mga tao na sumunod sa mga regulasyon, at dahil dito, nagugulo nila ang gawain at iniiwan itong magulo. Ganito gumawa ang mga huwad na lider at ang mga kinahihinatnan nito. Dapat itong maging babala sa lahat ng lider at manggagawa.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 3

Ang pangunahing katangian ng gawain ng mga huwad na lider ay pagdadaldal tungkol sa doktrina at pag-uulit ng mga salawikain. Matapos ilabas ang kanilang mga utos, naghuhugas na lang sila ng mga kamay tungkol sa bagay na iyon. Hindi sila nagtatanong tungkol sa sumunod na pag-unlad ng gawain; hindi nila itinatanong kung nagkaroon ng anumang mga problema, paglihis, o paghihirap. Itinuturing nilang tapos na ang kanilang trabaho sa sandaling italaga nila ang trabaho. Sa katunayan, bilang isang lider, matapos isaayos ang gawain, dapat mong subaybayan ang pag-usad ng gawain. Kahit hindi ka pamilyar sa larangang iyon ng gawain—kahit wala kang anumang kaalaman tungkol dito—makakahanap ka ng paraan para magawa ang gawain mo. Makakahanap ka ng isang taong tunay na naaarok ito, na nauunawaan ang naturang propesyon, na magsuri at magbigay ng mga mungkahi. Mula sa kanilang mga mungkahi matutukoy mo ang angkop na mga prinsipyo, kaya magagawa mong subaybayan ang gawain. Pamilyar ka man o hindi o nauunawaan mo man o hindi ang propesyong pinag-uusapan, sa pinakamababa ay kailangan mo pangunahan ang gawain, subaybayan ito, at patuloy na mag-usisa at magtanong tungkol sa pag-usad nito. Kailangan mong magkaroon ng pagkaintindi tungkol sa gayong mga bagay; ito ang responsabilidad mo, bahagi ito ng iyong trabaho. Ang hindi pagsubaybay sa gawain, hindi paggawa ng higit pa sa sandaling naitalaga na ito, ang paghuhugas mo ng mga kamay rito—ito ang paraan ng mga huwad na lider sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ang hindi pagsusubaybay o pagbibigay ng direksiyon sa gawain, hindi pag-uusisa o paglulutas sa mga isyung lumilitaw, at hindi pag-aarok sa pag-usad o kahusayan ng gawain—mga pagpapamalas din ang mga ito ng mga huwad na lider.

Dahil hindi nalalaman ng mga huwad na lider ang kalagayan ng pag-usad ng gawain, at dahil hindi nila kayang matukoy kaagad—lalo nang hindi nila kayang malutas—ang mga problemang lumilitaw rito, madalas humahantong na ito sa paulit-ulit na mga pagkaantala. Sa ilang gawain, dahil hindi naiintindihan ng mga tao ang mga prinsipyo at walang sinumang angkop na maging responsable para dito o mamahala rito, ang mga nagsasagawa ng gawain ay kadalasang negatibo, walang ginagawa, at naghihintay, na lubhang nakakaapekto sa pagsulong ng gawain. Kung natupad ng lider ang kanyang mga responsabilidad—kung pinamahalaan niya ang gawain, isinulong ito, pinangasiwaan ito, at nakahanap ng isang taong nakakaunawa sa larangang iyon para patnubayan ang proyekto, sumulong sana nang mas mabilis ang gawain kaysa dumanas ng paulit-ulit na mga pagkaantala. Kung gayon, para sa mga lider, mahalagang malaman at maintindihan ang totoong sitwasyon ng gawain. Siyempre pa, talagang kinakailangan din na malaman at maintindihan ng mga lider kung paano sumusulong ang gawain, sapagkat ang pagsulong ay nauugnay sa kahusayan ng gawain at mga resulta na dapat nitong makamtan. Kung ang mga lider at manggagawa ay walang pagkaunawa sa kung paano umuusad ang gawain ng iglesia, at hindi nila sinusubaybayan o pinangangasiwaan ang mga bagay, kung gayon, tiyak na magiging mabagal ang pag-usad ng gawain ng iglesia. Ito ay dahil sa katunayan na ang karamihan sa mga taong gumagawa ng mga tungkulin ay lubhang kasuklam-suklam, walang pagpapahalaga sa pasanin, madalas na negatibo, pasibo, at pabasta-basta. Kung walang sinuman ang may pagpapahalaga sa pasanin at walang kakayahan sa gawain na partikular na umaako sa responsabilidad ng gawain, napapanahon na inaalam ang tungkol sa pag-usad ng gawain, at pinapamahalaan, pinangangasiwaan, dinidisiplina, at pinupungusan ang mga tauhang gumagawa ng mga tungkulin, kung gayon ay likas na magiging napakababa ng antas ng kahusayan sa gawain at magiging napakapangit ng mga resulta sa gawain. Kung hindi man lang ito malinaw na makikita ng mga lider at manggagawa, sila ay mga hangal at bulag. Kaya naman, ang mga lider at manggagawa ay dapat na agad na magsiyasat, magsubaybay, at maging pamilyar sa pag-usad ng gawain, magsiyasat kung anong mga problema ng mga taong gumagawa ng mga tungkulin ang kailangang malutas, at unawain kung aling mga problema ang dapat lutasin para magkamit ng mas magagandang resulta. Napakahalaga ng lahat ng bagay na ito, dapat maging malinaw ang mga bagay na ito sa isang taong kumikilos bilang lider. Upang magawa nang maayos ang iyong tungkulin, hindi ka dapat tumulad sa isang huwad na lider, na gumagawa ng mababaw na gawain, at pagkatapos ay iisipin niyang nagawa niya nang maayos ang kanyang tungkulin. Walang ingat at pabaya ang mga huwad na lider sa gawain nila, wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad, hindi nila nilulutas ang mga problema kapag lumilitaw ang mga ito, at kahit ano pang gawain ang ginagawa nila, mababaw lang nila iyong naiintindihan. Pabasta-basta sila; nagsasabi sila ng mag salitang matayog pakinggan, naglilitanya sila ng mga doktrina at pananalitang walang kabuluhan, at iniraraos lang nila ang kanilang gawain. Sa pangkalahatan, ito ang paraan ng paggawa ng mga huwad na lider. Bagama’t kung ikukumpara sa mga anticristo, walang ginagawang napakasama ang mga huwad na lider at hindi sadyang gumagawa ng masama, kung titingnan mo ang pagiging epektibo ng kanilang gawain, patas na tukuyin sila bilang pabasta-basta, hindi nagdadala ng pasanin, bilang iresponsable at walang pagkamatapat sa kanilang gawain.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 4

Ang mga huwad na lider ay hindi kailanman nagtatanong o sumusubaybay sa mga sitwasyon sa gawain ng iba’t ibang superbisor ng grupo. Hindi rin sila nagtatanong, sumusubaybay, o nakakaarok sa buhay pagpasok ng mga superbisor ng iba’t ibang grupo at ng mga tauhang responsable sa iba’t ibang mahalagang gawain, pati na rin sa mga saloobin ng mga ito sa gawain ng iglesia at sa mga tungkulin ng mga ito, at sa pananalig sa Diyos, sa katotohanan, at sa Diyos mismo. Hindi nila alam kung ang mga indibidwal na ito ay sumailalim na sa anumang pagbabago o paglago, at hindi rin nila alam ang tungkol sa iba’t ibang isyung maaaring umiiral sa gawain nila; sa partikular, hindi nila alam ang epekto ng mga pagkakamali at paglihis na nagaganap sa iba’t ibang yugto ng gawain sa gawain ng iglesia at sa buhay pagpasok ng hinirang na mga tao ng Diyos, pati na rin kung ang mga pagkakamali at paglihis na ito ay naitama na. Ganap silang ignorante tungkol sa lahat ng bagay na ito. Kung wala silang nalalaman tungkol sa mga detalyadong kondisyong ito, nagiging pasibo sila tuwing may lumilitaw na mga problema. Gayumpaman, hindi nag-aabala ang mga huwad na lider na harapin ang mga detalyadong isyung ito habang ginagawa ang gawain nila. Naniniwala sila na matapos maisaayos ang iba’t ibang superbisor ng grupo at maitalaga ang mga gawain, tapos na ang gawain nila—itinuturing na nagawa na nila nang maayos ang gawain nila, at kung may iba pang problemang lilitaw, hindi na nila problema iyon. Dahil hindi napapangasiwaan, nagagabayan, at nasusubaybayan ng mga huwad na lider ang iba’t ibang superbisor ng grupo, at hindi nila natutupad ang mga responsabilidad nila sa mga aspektong ito, nagreresulta ito sa pagkakagulo-gulo sa gawain ng iglesia. Pagpapabaya ito ng mga pinuno at manggagawa sa mga tungkulin nila. Kayang siyasatin ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao; isa itong abilidad na wala sa mga tao. Samakatwid, kapag gumagawa, kailangang maging mas masikap at maingat ang mga tao, regular na pumunta sa lugar ng gawain para subaybayan, pangasiwaan, at gabayan ang gawain para matiyak ang normal na pag-usad ng gawain ng iglesia. Malinaw na lubos na iresponsable ang mga huwad na lider sa gawain nila, at hindi nila kailanman pinapangasiwaan, sinusubaybayan, o ginagabayan ang iba’t ibang gampanin. Bilang resulta, hindi alam ng ilang superbisor kung paano lutasin ang iba’t ibang isyung lumilitaw sa gawain, at nananatili sila sa papel nila bilang mga superbisor kahit na kulang na kulang ang kakayahan nila para gawin ang gawain. Sa huli, paulit-ulit na naaantala ang gawain at nagugulo nila ito nang husto. Ito ang kinahihinatnan ng hindi pagtatanong, pangangasiwa, o pagsubaybay ng mga huwad na lider sa mga sitwasyon ng mga superbisor, isang kinalabasang ganap na dulot ng pagpapabaya ng mga huwad na lider sa tungkulin nila. Dahil hindi nagsisiyasat, sumusubaybay, o nagtatanong ang mga huwad na lider tungkol sa gawain, at hindi nila agad na maarok ang sitwasyon, nananatili silang walang alam tungkol sa mga bagay tulad ng kung gumagawa ba ng tunay na gawain ang mga superbisor, kung kumusta ang pag-usad ng gawain, at kung nagbunga ba ito ng tunay na resulta. Kapag tinatanong kung ano ang pinagkakaabalahan ng mga superbisor o kung anong mga partikular na gampanin ang pinapangasiwaan nila, sumasagot ang mga huwad na lider, “Hindi ko alam, pero dumadalo sila sa bawat pagtitipon, at sa tuwing nakikipag-usap ako sa kanila tungkol sa gawain, hindi sila nagbabanggit ng anumang isyu o suliranin.” Naniniwala ang mga huwad na lider na hangga’t hindi tinatalikuran ng mga superbisor ang gawain ng mga ito at palagi silang nariyan kapag hinahanap sila ng mga huwad na lider, walang anumang problema sa kanila. Ganito gumagawa ang mga huwad na lider. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng “pagiging huwad”? Hindi ba’t isa itong kabiguang matupad ang mga responsabilidad nila? Malubha itong pagpapabaya sa tungkulin!

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 3

Sa saklaw ng gawaing nasa responsabilidad ng mga huwad na lider, madalas na napipigilan ang ilang tao na tunay na naghahangad sa katotohanan at pasok sa pamantayan para maitaas ang ranggo at malinang. Ang ilan sa mga taong ito ay nagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang ilan naman ay naitalagang gumawa ng mga tungkuling pagpapatuloy sa bahay. Ang katunayan ay may kakayahan silang lahat, at nauunawaan nila ang ilang katotohanan, at karapat-dapat silang malinang bilang mga lider at manggagawa, sadyang ayaw nilang magpakitang-gilas o maging sentro ng atensiyon. Subalit, hindi man lang pinapansin ng mga huwad na lider ang mga taong ito. Hindi sila nakikisalamuha o nag-uusisa tungkol sa mga ito, at hindi sila kailanman naglilinang ng mga taong may talento para sa sambahayan ng Diyos. Nakatuon lang sila palagi sa panghihikayat ng mga taong nambobola sa kanila, para matugunan ang sarili nilang mga makasariling pagnanais. Bilang resulta, ang mga taong totoong naghahangad sa katotohanan ay hindi naitataas ang ranggo at nalilinang, samantalang ang mga mahilig na maging sentro ng atensiyon, magaling magsalita, marunong sumipsip, at mahilig sa kasikatan, pakinabang, at katayuan—tumataas ang ranggo nilang lahat, at maging iyong mga naging opisyal, CEO ng kompanya, o nakapag-aral ng corporate management sa lipunan sa labas ay naitatalaga sa mahahalagang posisyon. Mga totoong mananampalataya man o hindi ang mga taong iyon, o mga tao man silang naghahangad sa katotohanan o hindi, ano’t anuman, sila ang mga taong naitataas ang ranggo at nagagamit sa saklaw ng gawaing responsabilidad ng mga huwad na lider. Paggamit ba ito sa mga tao nang alinsunod sa mga prinsipyo? Hindi ba’t ang pagtataas lang ng mga huwad na lider sa ranggo ng mga gayong tao ay eksaktong katulad ng lipunan ng mga walang pananampalataya? Sa panahong gumagawa ang mga huwad na lider, ang mga tao na talagang nakakagawa ng mga bagay-bagay kapag gumagawa ng tungkulin nila, na may pagpapahalaga sa katarungan, at nagmamahal sa katotohanan at mga positibong bagay—hindi naitataas ang ranggo nila at hindi sila nalilinang, at mahirap para sa kanila na magkaroon ng mga pagkakataon para makapagsanay. Sa halip, iyong mga magaling magsalita, mahilig magpakitang-gilas, at marunong sumipsip, pati na rin ang mga mahilig sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, ang naitatalaga sa mahahalagang posisyon. Tila matatalino naman ang mga taong iyon, pero sa katunayan ay wala silang kakayahang makaarok, napakahina ng kakayahan nila at napakasama ng pagkatao nila, wala silang dinadalang tunay na pasanin sa mga tungkulin nila, at hindi talaga sila karapat-dapat na malinang. Gayumpaman, sila ang umookupa ng mga posisyon ng mga lider at manggagawa sa iglesia. Ang resulta nito ay hindi nagagawa nang maayos at mabilis ang karamihan ng gawain ng iglesia, o mabagal ang pag-usad nito, at masyadong matagal bago maipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Ang mga ito ang epekto at kinahihinatnang dulot ng maling paggamit sa mga tao ng mga huwad na lider sa gawain ng iglesia.

Karamihan sa mga huwad na lider ay may mahinang kakayahan. Bagaman tila magaling silang magsalita, wala talaga silang kakayahang maarok ang katotohanan, hanggang sa puntong wala silang espirituwal na pang-unawa. Bulag ang kanilang mga mata at isipan, hindi nila makilatis ang anumang usapin at hindi talaga nila nauunawaan ang katotohanan, na isa nang napakalaking problema. May isa pa silang mas malubhang problema, iyon ay na kapag nakaunawa at naging bihasa na sila sa ilang salita at doktrina at kaya na nilang isigaw ang ilang islogan, iniisip nilang mayroon na silang katotohanang realidad. Kaya, anumang gawain ang ginagawa nila at sinumang pinipili nilang gamitin, hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, at hindi sila nakikipagbahaginan sa iba, at lalong hindi nila sinusunod ang mga pagsasaayos sa gawain at ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Nakapalaki ng tiwala nila sa sarili nila, palagi nilang iniisip na tama ang mga ideya nila at ginagawa nila ang anumang gusto nila. Bilang resulta, kapag nahaharap sila sa isang suliranin o pambihirang pangyayari, hindi nila alam ang gagawin. Bukod pa rito, madalas silang nagkakamali sa paniniwala na, dahil maraming taon na silang gumagawa sa sambahayan ng Diyos at may sapat na karanasan na sila sa paglilingkod bilang lider doon, alam na nila kung paano patakbuhin at paunlarin ang gawain ng iglesia. Tila nauunawaan na nila ang mga bagay na ito, pero ang totoo, hindi talaga nila alam kung paano gumawa ng anumang gawain. Ginagawa nila ang gawain ng iglesia sa anumang paraang gusto nila, sinusunod nila ang sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, karanasan at mga nakagawian nila, at ang mga regulasyon nila. Ito ang nagdudulot ng kaguluhan at kalituhan sa iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia, at pumipigil sa kanila na magbunga ng anumang tunay na resulta. Kung may ilang tao sa isang grupo na nakakaunawa sa katotohanan at kayang gumawa ng kaunting tunay na gawain, kaya nilang mapanatili ang pagiging normal ng gawain sa grupong iyon. Pero, wala talaga itong kinalaman sa huwad na lider. Ang dahilan kung bakit pwedeng magawa nang maayos ang gawain ay dahil may ilang mabuting tao sa grupo na kayang gumawa ng kaunting tunay na gawain at panatilihin ang gawain sa tamang direksyon; hindi ibig sabihin nito na gumawa ng totoong gawain ang huwad na lider nila. Walang magagawang bahagi ng gawain kung walang ilang mabuting tao na gaya nito ang namamahala. Sadyang hindi kayang gawin ng mga huwad na lider ang gawain nila, at wala talaga silang silbi. Bakit guguluhin ng mga huwad na lider ang gawain ng iglesia? Una, dahil hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan, hindi nila kayang makipagbahaginan tungkol sa katotohanan para lutasin ang mga problema, at hindi sila naghahanap ng paraan kung paano lutasin ang mga problema, kaya nagkakapatong-patong ang mga problema at humihinto ang gawain ng iglesia. Ikalawa, mga bulag ang mga huwad na lider, at hindi nila natutukoy ang mga indibidwal na may talento. Hindi nila naitatalaga nang wasto ang mga superbisor ng mga grupo, na nagreresulta sa kawalan ng naaangkop na tagapamahala sa ilang gawain, na humahantong sa paghinto ng gawain. Ikatlo, ang mga huwad na lider ay kumikilos nang masyadong katulad ng mga opisyal. Hindi nila pinapangasiwaan o ginagabayan ang gawain, at kung nasaan naroon ang kahinaan sa gawain, hindi sila maagap na nakikibahagi o nagbibigay ng gabay sa mga detalye ng gawain. Halimbawa, ipagpalagay nang sa ilang aytem ng gawain, ang ilang tao na gumaganap ng gawain ay mga bagong mananampalataya na walang masyadong pundasyon, hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi sila masyadong pamilyar sa larangan ng gawain, at hindi pa nila masyadong naaarok ang mga prinsipyo ng gawain. Ang isang huwad na lider, dahil bulag siya, ay hindi nakikita ang mga problemang ito. Naniniwala siya na basta’t may gumagawa ng gawain, ayos na iyon; hindi mahalaga kung maganda o hindi ang pagkakagawa rito. Hindi niya alam na saanman may kahinaan sa gawain ng iglesia, dapat niya itong subaybayan, siyasatin, at gabayan; na dapat siyang personal na makibahagi sa paglutas ng mga problema, at suportahan ang mga gumagawa ng tungkulin hanggang sa maunawaan ng mga ito ang katotohanan, makakilos ang mga ito ayon sa mga prinsipyo, at makapasok sa tamang landas. Kapag naabot na ang puntong ito, saka lang hindi na nila kailangang mag-alala nang labis. Hindi ganito gumawa ang mga huwad na lider. Kapag nakikita nilang may taong naroroon para gumawa ng gawain, hindi na nila ito pinapansin. Hindi sila nagtatanong, anuman ang kalagayan ng gawain. Kung saan may kahinaan sa gawain, o kung may isang superbisor na may mahinang kakayahan, hindi sila personal na nagbibigay ng gabay sa gawain, at hindi sila mismo nakikilahok sa gawain. At kapag ang isang superbisor ay may kakayahang akuin ang gawain, mas lalong hindi gumagawa ng anumang pagsusuri sa mga bagay-bagay o paggabay ang mga huwad na lider; nagpapasarap lang sila, at kahit na may mag-ulat ng isang isyu, hindi sila nagtatanong tungkol dito—iniisip nilang hindi na ito kailangan pa. Hindi ginagawa ng mga huwad na lider ang mga partikular na gampaning ito. Sa pagbubuod, ang mga huwad na lider ay mga imoral na hindi gumagawa ng kahit katiting na tunay na gawain. Naniniwala sila na sa anumang gawain, basta’t may namamahala at nakahanda ang lahat na akuin ang gawain, tapos na ang mga bagay-bagay. Iniisip nila na ang kailangan lang nilang gawin ay magpatawag ng pagtitipon paminsan-minsan, at magtanong-tanong kung may lumitaw na isyu. Habang gumagawa sa ganitong paraan, naniniwala pa rin ang mga huwad na lider na mahusay ang kanilang ginagawa at nasisiyahan sila nang husto sa sarili nila. Iniisip nila, “Walang problema sa anumang aytem ng gawain. Ang mga tauhan ay ganap nang naisaayos, at ang mga superbisor ay nakatalaga na. Napakagaling ko sa gawaing ito, talagang may talento ako!” Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Sobrang bulag ng mga mata at isipan nila na hindi nila nakikita ang anumang gampanin na dapat gawin at hindi nila natutuklasan ang anumang mga problema. Sa ilang lugar, tumigil na ang mga gawain, pero ayon sila, kontento, iniisip nila, “Bata pa ang lahat ng kapatid, mga baguhan silang lahat. Ganadong-ganado sila sa pagharap sa mga tungkulin nila; siguradong magagawa nila nang maayos ang gawain.” Ang totoo, mga baguhan ang mga kabataang ito, wala silang kaalaman sa anumang mga propesyonal na kasanayan. Kailangan nilang matuto habang gumagawa sila. Naaangkop na sabihing hindi pa nila alam kung paano gawin ang anumang gawain: Ang ilan ay pwedeng may kaunting maunawaan, pero hindi sila mga eksperto, at hindi nila naaarok ang mga prinsipyo, at kapag nakatapos sila ng isang gampanin, kailangan itong paulit-ulit na itama o madalas na ulitin pa nga. Mayroon ding ilang kabataang hindi pa nasanay at hindi pa nakaranas ng pagpupungos. Labis silang balasubas at tamad, at sakim sa kaginhawahan; hindi nila tinatanggap kahit katiting na katotohanan, at kapag nagdurusa sila nang kaunti, walang tigil ang kanilang paghihimutok. Karamihan sa kanila ay mga pabaya at mga imoral na naghahangad ng kaginhawahan. Sa ganitong uri ng mga kabataan, dapat talagang makipagbahaginan ka nang madalas sa kanila tungkol sa katotohanan, at lalong dapat mo silang pungusan. Dapat na may tumitingin at nagbabantay sa mga kabataang ito. Dapat mayroong lider o manggagawa roon na personal na umako ng responsabilidad sa gawain nila at nagbibigay ng personal na pagsubaybay at paggabay. Sa ganoong paraan lang pwedeng magbunga nang kaunti ang gawain nila. Kung ang lider o manggagawa ay aalis sa lugar ng gawain at hindi niya aasikasuhin ang gawain o hindi siya magtatanong tungkol dito, magkakagulo-gulo ang mga taong ito, at walang magiging bunga ang pagganap nila sa kanilang tungkulin. Gayumpaman, walang kabatiran ang mga huwad na lider tungkol dito. Nakikita nila ang lahat bilang mga kapatid, bilang mga taong masunurin at mapagpasakop, kaya malaki ang tiwala nila sa mga ito, at binibigyan ang mga ito ng mga gawain at pagkatapos ay hindi na iniintindi ang mga ito—ito ang pinakamainam na ebidensiya ng pagiging bulag ng mata at isipan ng isang huwad na lider. Hindi talaga nauunawaan ng mga huwad na lider ang katotohanan, hindi nila malinaw na nakikita ang mga bagay, at hindi nila kayang matuklasan ang anumang problema, pero iniisip nilang maayos ang ginagawa nila. Ano ang iniisip nila sa araw-araw? Iniisip nila kung paano kumilos na parang isang opisyal at tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan. Ang mga huwad na lider, tulad ng mga taong walang puso, ay hindi isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos kahit kaunti. Wala silang ginagawang tunay na gawain, pero naghihintay pa rin sila na purihin sila ng sambahayan ng Diyos at itaas nito ang ranggo nila. Talagang wala silang kahihiyan!

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 5

Nakikilatis at naaarok ba ng mga huwad na lider ang mga prinsipyo at pamantayang hinihingi sa mga pagsasaayos ng gawain? (Hindi.) Bakit hindi? Hindi nila makilatis kung ano ang mga prinsipyo ng gawaing ito, at hindi nila maisagawa ang mga pagsisiyasat dito. Kapag may mga espesyal na sitwasyon na lumitaw sa panahon ng partikular na pagpapatupad ng gawain, hindi nila alam kung paano lutasin ang mga ito. Kapag tinatanong sila ng mga kapatid kung ano ang gagawin sa isa sa mga sitwasyong ito, nalilito sila: “Hindi ito nabanggit sa mga pagsasaayos ng gawain, paano ko malalaman kung paano ito pangangasiwaan?” Kung hindi mo alam, paano mo ipapatupad ang gawaing ito? Hindi mo nga alam pero hinihiling mo pa sa iba na ipatupad ito—makatotohanan ba iyon? Makatwiran ba iyon? Kapag nagpapatupad ang mga huwad na lider at huwad na manggagawa ng mga pagsasaayos ng gawain, sa isang banda, wala silang ideya tungkol sa mga hakbang at plano para sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain. Sa kabilang banda, kapag naharap sa mga problema, hindi nila kayang magsagawa ng mga pagsisiyasat ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain. Samakatuwid, kapag lumitaw ang maraming iba’t ibang uri ng isyu sa panahon ng pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain, ganap na hindi nila kayang lutasin ang mga ito. Dahil sa mga unang yugto, hindi matukoy o mahulaan ng mga huwad na lider ang mga problema at hindi sila makapagbahagi nang maaga, at sa mga huling yugto, kapag lumilitaw ang mga problema, hindi nila malutas ang mga ito kundi nangangaral lang sila ng mga doktrina nang walang kabuluhan at mahigpit nilang ipinapatupad ang mga regulasyon, patuloy na pabalik-balik at nananatili ang mga problema, naaantala ang pagpapatupad ng ilang gawain, at hindi napapatupad nang sapat ang iba pang gawain. Halimbawa, tungkol sa pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos para sa pag-aalis at pagpapatalsik ng mga tao, kapag isinasagawa ng mga huwad na lider ang gawaing ito, inaalis lang nila ang mga halatang masamang tao, anticristo, at masamang espiritu na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, pati na rin ang mga hindi mananampalataya na kinasusuklaman at kinamumuhian ng mga kapatid. Gayumpaman, mayroon pa ring ilan na dapat alisin, iyon ang mga nakatago, mapanlinlang, tusong masamang tao at anticristo, na hindi nakikilatis ng mga kapatid o ng mga huwad na lider. Sa katunayan, ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, umabot na ang mga taong ito sa antas ng pag-aalis. Gayumpaman, dahil hindi nakikilatis ng mga huwad na lider ang mga ito, itinuturing pa rin ng mga huwad na lider ang mga taong ito bilang mabuti at itinataas pa nga ang ranggo, nililinang, at ginagamit ang mga ito para sa mahahalagang gawain, na nagpapahintulot sa mga ito na humawak ng kapangyarihan at sumakop ng mahahalagang posisyon sa iglesia. Kung gayon, maipapatupad ba ang pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos na alisin at patalsikin ang mga tao? Lubusan bang malulutas ang iba’t ibang problema? Makapagpapatuloy ba nang normal ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? Malinaw na hindi pwedeng lubusang maisakatuparan ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, kaya maraming mahalagang gawain ang hindi magagawa nang maayos. Dahil walang anumang katotohanang realidad ang mga taong ginagamit ng mga huwad na lider at pwede pang gumawa ng masasamang gawa, pinipigilan nito ang iba’t ibang uri ng gawain sa iglesia na maisagawa nang maayos. Ginagamit ng mga huwad na lider ang masasamang taong ito, hinahayaan ang mga itong gumawa ng mahahalagang tungkulin at umako ng mahahalagang gawain, pinapayagan pa nga ang masasamang tao na pamahalaan ang mga handog. Makakagambala at makakagulo ba ito sa gawain ng iglesia? Magdudulot ba ito ng mga kawalan sa mga handog sa Diyos? (Oo.) Isa itong napakalubhang kahihinatnan. Dahil hindi makilatis ng mga huwad na lider ang mga taong ito, dahil hindi sila makapagsagawa ng mga pagsisiyasat sa mga ito, at hinahayaan nilang umako ng mahahalagang gawain ang masasamang taong ito, ganap na pumapalpak ang gawain. Sa paggawa ng mga tungkulin nila, ang masasamang taong ito ay palaging gumagawa nang pabasta-basta, nililinlang ang mga nasa itaas at ibaba nila, at walang ginagawang totoong gawain; kumikilos sila nang padalus-dalos, nililigaw ang mga tao, at gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawain. Gayumpaman, hindi ito makilatis ng mga huwad na lider, at sa oras na mapansin nila ang mga problema, nangyari na ang isang malaking sakuna. Halimbawa, sa pastoral na lugar ng Henan, gumamit ng iba’t ibang kasuklam-suklam na paraan ang ilang masamang tao na naging lider para nakawin ang mga handog sa Diyos; nagnakaw sila ng malalaking halaga, at hindi na nabawi ang mga halagang ito. May kaugnayan ba ito sa pagpili at paggamit ng mga lider at manggagawa ng mga maling tao? (Oo.) Ayon sa mga pagsasaayos ng gawain, kung hindi makilatis ang mga piniling tao, pwede silang italaga muna sa paggawa ng ilang simpleng gawain, at dapat na subaybayan at obserbahan ang gawain nila sa loob ng ilang panahon. Hindi dapat italaga sa anumang mahalagang gawain ang mga taong hindi makilatis, lalo na kung may kasama itong panganib. Pagkatapos ng matagalang obserbasyon at pagkilatis sa diwa nila, saka lang dapat gumawa ng desisyon kung paano sila tatratuhin at pangangasiwaan. Hindi gumagawa ang mga huwad na lider ayon sa mga pagsasaayos ng gawain at hindi nila kayang arukin ang mga prinsipyo; higit pa rito, hindi nila kayang makilatis ang mga tao at ginagamit nila ang mga maling tao. Humahantong ito sa mga kawalan sa gawain ng iglesia at sa mga handog sa Diyos. Ito ang kalamidad na dulot ng mga huwad na lider.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 10

Madalas magkunwari ang mga huwad na lider na espirituwal sila, bumibigkas sila ng ilang panlilinlang para iligaw at ilihis ang mga tao. Bagamat maaaring tila hindi problematiko ang mga panlilinlang na ito sa panlabas, may masamang impluwensiya ang mga ito sa buhay pagpasok ng mga tao, ginugulo, inililigaw, at hinahadlangan ang mga tao mula sa pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Dahil sa mga huwad na espirituwal na salitang ito, nagkakaroon ng pagdududa at pagtutol sa mga salita ng Diyos ang ilang tao, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro, at maging ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at nagiging mapagbantay sila laban sa Diyos, at pagkatapos ay lumalayo sila sa Kanya. Ito ang epekto sa mga tao ng mga huwad na espirituwal na kasabihan ng mga huwad na lider. Habang inililigaw at iniimpluwensiyahan ng isang huwad na lider ang mga miyembro ng isang iglesia, nagiging isang relihiyon ang iglesiang iyon, gaya ng Kristiyanismo o Katolisismo, kung saan sumusunod lang ang mga tao sa mga kasabihan at turo ng tao. Lahat sila ay sumasamba sa mga turo ni Pablo, umaabot pa sa puntong ginagamit nila ang kanyang mga salita bilang kapalit ng mga salita ng Panginoong Jesus, sa halip na sundin ang daan ng Diyos. Bilang resulta, lahat sila ay nagiging mapagpaimbabaw na mga Pariseo at anticristo. Dahil dito, isinusumpa at hinahatulan sila ng Diyos. Gaya ni Pablo, itinataas at pinatototohanan ng mga huwad na lider ang sarili nila, inililigaw at ginugulo nila ang mga tao. Inililihis nila ang mga tao at inaakay sa mga ritwal na panrelihiyon, at nagiging katulad na rin ng sa mga relihiyosong tao ang paraan ng pananampalataya nila sa Diyos, na humahadlang sa pagpasok nila sa tamang landas sa kanilang pananalig sa Diyos. Patuloy na inililigaw at ginugulo ng mga huwad na lider ang mga tao, at dahil dito, nagsasabi ang mga taong iyon ng samot-saring huwad na espirituwal na teorya at kasabihan. Ang mga teorya, kasabihan, at pagsasagawang ito ay lubos na salungat sa katotohanan, at walang anumang kinalaman dito. Pero habang inililigaw at inililihis ng mga huwad na lider ang mga tao, ang mga bagay na ito ay itinuturing nilang positibo, bilang ang katotohanan. Mali ang paniniwala nila na ang mga ito ang katotohanan, at iniisip nila na hangga’t naniniwala sila sa mga bagay na ito sa kanilang puso at mahusay nilang nasasabi ang mga ito, at hangga’t sinasang-ayunan ng lahat ang mga bagay na iyon, ay nakamit na nila ang katotohanan. Dahil inililigaw ng mga saloobin at pananaw na ito, hindi lamang hindi maunawaan ng mga tao ang katotohanan, kundi hindi rin nila maisagawa o maranasan ang mga salita ng Diyos, lalo na ang magawang pumasok sa katotohanang realidad. Sa kabaligtaran, lalo pa silang napapalayo sa mga salita ng Diyos at lalo pang napapalayo sa pagpasok sa katotohanang realidad. Sa teorya, walang mali sa mga salitang sinasabi ng mga huwad na lider at sa mga salawikaing isinisigaw nila, tama ang lahat ng iyon. Kung gayon ay bakit wala silang anumang nakakamit? Ito ay dahil napakababaw lang ng nauunawaan at naaarok ng mga huwad na lider. Lahat ng ito ay batay sa doktrina, na walang kinalaman sa katotohanang realidad sa mga salita ng Diyos, sa mga hinihingi ng Diyos o sa Kanyang mga layunin. Ang katunayan ay lahat ng doktrinang ipinangangaral ng mga huwad na lider ay kulang na kulang sa katotohanang realidad—para maging tumpak, walang kinalaman ang mga iyon sa katotohanan ni sa mga salita ng Diyos. Kaya, kapag madalas na binibigkas ng mga huwad na lider ang mga salita at doktrinang ito, saan ito nakaugnay? Bakit ba palagi silang hindi makapasok sa katotohanang realidad? Ito ay direktang nakaugnay sa kakayahan ng mga huwad na lider. Tiyak na tiyak na ang mga huwad na lider ay may mahinang kakayahan at walang abilidad na maarok ang katotohanan. Kahit ilang taon na silang sumasampalataya sa Diyos, hindi nila mauunawaan ang katotohan o hindi sila magkakaroon ng buhay pagpasok, at masasabi rin na kahit ilang taon na silang sumasampalataya sa Diyos, hindi magiging madali para sa kanila na pumasok sa katotohanang realidad. Kung hindi matatanggal ang isang huwad na lider, at pahihintulutang manatili sa kanyang posisyon, anong uri ng mga kahihinatnan ang mangyayari? Parami pa nang paraming tao ang mahahatak ng pamumuno niya sa mga relihiyosong ritwal at regulasyon, sa mga salita at doktrina, at sa malalabong kuru-kuro at imahinasyon. Taliwas sa mga anticristo, hindi inaakay ng mga huwad na lider ang mga tao na humarap sa kanila o kay Satanas, pero kung hindi nila maaakay ang hinirang na mga tao ng Diyos sa katotohanang realidad ng Kanyang mga salita, matatamo ba ng hinirang na mga tao ng Diyos ang Kanyang pagliligtas? Magagawa ba silang perpekto ng Diyos? Talagang hindi. Kung ang hinirang na mga tao ng Diyos ay hindi makapapasok sa katotohanang realidad, hindi ba’t namumuhay pa rin sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Hindi ba’t mga imoral pa rin sila na nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Hindi ba’t ibig sabihin nito ay mapapahamak sila sa mga kamay ng isang huwad na lider? Iyon ang dahilan kung bakit halos pareho ang mga kahihinatnan ng gawain ng mga huwad na lider at ng mga anticristo. Pareho nilang hindi matutulungan ang hinirang na mga tao ng Diyos na maunawaan ang katotohanan, makapasok sa realidad, at matamo ang kaligtasan. Pareho nilang pinipinsala ang hinirang na mga tao ng Diyos at dinadala ang mga ito sa kapahamakan. Parehong-pareho ang mga kinahihinatnan.

—Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 2

Sinundan: 2. Paano makilatis ang masasamang tao

Sumunod: 4. Paano harapin ang mga huwad na lider

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito