39. Ikinulong Nang 75 na Araw

Ni Zhao Liang, Tsina

Isang araw noong Setyembre 2009, ipinangaral ko at ng dalawa pang sister ang ebanghelyo sa isang lider na pangrelihiyon. Gayumpaman, tinanggihan ito ng lider at ipinatawag ang mahigit sampung miyembro ng kanyang simbahan, na gumulpi sa amin at nagdala sa amin sa lokal na istasyon ng pulisya. Takot na takot ako nang panahong iyon at nag-alala na pahihirapan kami ng mga pulis. Alam kong kinamumuhian at nilalaban ng CCP ang Diyos nang higit sa lahat at maaari silang pumatay ng mga mananampalataya nang walang pananagutan. Maraming kapatid ang pinahirapan pagkatapos maaresto, at ang ilan ay binugbog pa hanggang mamatay o mapilay. Nag-aalala ako dahil sa maliit kong tayog, hindi ko matatagalan ang pagpapahirap ng mga pulis, kaya nagkunwari akong pipi. Nang tanungin nila ako kung saan ako galing, kung sino ang lider ng iglesia ko at kung sino ang nagpapunta sa akin doon para mangaral ng ebanghelyo, wala akong sinabing kahit ano. Pagkatapos ay pinag-squat nila ako, pero pagkatapos kong mag-squat nang matagal, hindi na ito nakayanan ng mga binti ko at bumagsak ako sa sahig. Pabastang pinagsisipa at pinagtatapakan ako ng dalawang pulis at inutusan akong tumayo at ituloy ang pag-squat. Pagkatapos mag-squat nang kaunti pa, nanakit at kumirot ang mga binti ko at pinagpawisan ang buong katawan ko. Nangungutyang sinabi ng isang pulis, “Ano ang pakiramdam mo? Ayos ba? Kung hindi ka magsisimulang magsalita, pipilitin ka naming mag-squat nang tuluy-tuloy.” Isa pang pulis ang walang pakundangang sumigaw, “Sutil ka, ah. Kailangan natin sigurong gawin ito sa mahirap na paraan. Alam kong kayang-kayang kong buksan ang bibig mo!” Pagkatapos sabihin iyon, inipit niya sa alak-alakan ko ang mga bote ng beer at sinabing, “Kapag nahulog ang mga boteng ito, gugulpihin ka namin.” Makalipas ang ilang sandali, hindi ko na matagalan mag-squat at nagkaingay ang nahulog na mga bote ng beer sa sahig. Sinipa nila ako sa sahig at nagsimula akong pagtatadyakan at pagtatapakan nang marahas. Napakatindi ng sakit ng mga binti, balikat, at baywang ko, at namaluktot ako, gumulong sa sakit sa dahil sa paghihirap ng puso ko. Dahil malinaw na tinitiyak ng saligang-batas ng China ang kalayaan sa relihiyon, legal na karapatan namin na manampalataya sa Diyos at mangaral ng ebanghelyo, pero patuloy kaming inuusig at pinahihirapan ng CCP. Talagang masasama sila! Sa sandaling iyon, naalala ko kung paano inusig ang mga disipulo ng Panginoong Jesus: Si Esteban ay pinagbabato hanggang sa mamatay dahil sa pagtataguyod sa daan ng Panginoon, at ikinulong si Pedro dahil sa pangangaral ng ebanghelyo at pagpapatotoo tungkol sa Diyos at sa huli ay ipinako sa krus nang pabaligtad. Naisip ko kung paanong sinabi ng Diyos: “Mapapalad ang mga inuusig dahil sa pagsunod sa matuwid: sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit(Mateo 5:10). Labis na nakapagpapasigla sa akin ang mga kuwentong ito—nakaranas ng matinding pang-uusig dahil sa pangangaral ng ebanghelyo ng Panginoon ang mga banal sa bawat kapanahunan at naging martir pa sila para sa Diyos. Nagdala sila ng dakila at matunog na patotoo, pero naging mahina ako at naghihirap pagkatapos magdusa ng kaunti lamang na pang-uusig at pagpapahirap. Malayo sa naranasan ng mga banal sa dating mga kapanahunan ang pinagdaanan ko. May halaga at kabuluhan sa pang-uusig at pagpapahirap sa akin dahil sa pangangaral ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Pagkatapos ko itong matanto, hindi na ako nakadama ng pasakit at nagkamit na ako ng panibagong pananalig. Tahimik akong nanalangin sa Diyos, hinihingi sa Kanyang bigyan ako ng kaloobang pasanin ang pagdurusa, na huwag sumuko kay Satanas at manindigan sa aking patotoo para maluwalhati ang Diyos.

Nang makita ng mga pulis na ayaw ko pa ring magsalita, pinagbawalan nila akong matulog. Dalawang pulis ang nagsalitan sa pagbabantay sa akin at kapag nakita nilang ipinikit ko ang aking mga mata, sisipain nila ako. Mga bandang ala-una ng umaga, dalawang iba pang pulis na kasisimula pa lang sa kanilang trabaho ang nagdala sa akin sa bulwagan ng istasyon ng pulisya at pinaupo ako sa sahig. Isa sa mga pulis ang malupit na sumigaw, “Nabalitaan kong talagang sutil ka at ayaw magsabi ng kahit ano sa amin tungkol sa iyong pananampalataya sa Diyos. Sa tingin ko ay kailangan kitang turuan ng kaunting leksyon para mapagsalita ka!” Pagkatapos noon, malupit niya akong pinagsisipa sa sahig at tinapakan nang madiin ang ulo ko. Napakasakit nang idiin niya sa ulo ko ang paa niya at pakiramdam ko ay gigilingin niya ang ulo ko hanggang sa magkapira-piraso. Tinapakan ng isa pang pulis ang dibdib ko at kinapos kaagad ako ng hininga at hindi ko matiis ang sakit. Pagkatapos niyon, malakas niya akong tinapakan sa mga hita at binti. Lubhang akong nagdurusa sa kaibuturan at naisip ko na, “Kahit na hindi ako isang napakaimportanteng tao o may mataas na katayuan sa mundong ito, hindi ko pa kailanman nadama noon ang kahihiyan nang matapakan.” Patuloy akong nanalangin sa Diyos, hinihingi sa Kanyang bigyan ako ng lakas para matiis ang pagdurusang ito at makapanindigan sa aking patotoo. Pagkatapos manalangin, naalala ko kung paano ipinako sa krus ang Panginoong Jesus: Sinuotan Siya ng isang koronang tinik, ipinahiya at hinamak ng mga Romanong sundalo, hinagupit hanggang sa mapuno ng mga sala-salabatna sugat ang katawan Niya at sa huli ay brutal na ipinako sa krus. Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Habang nasa daan patungong Jerusalem, si Jesus ay nagdurusa, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa Kanyang puso, subalit wala Siya ni bahagya mang intensyon na hindi tuparin ang Kanyang salita; palaging mayroong isang makapangyarihang puwersang humihimok sa Kanya pasulong sa kung saan Siya ipapako sa krus. Sa huli, Siya ay ipinako sa krus at naging wangis ng makasalanang laman, tinatapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Nakawala Siya sa mga gapos ng kamatayan at ng Hades. Sa harap Niya, ang mortalidad, impiyerno, at Hades ay nawalan ng kapangyarihan, at nalupig Niya. Siya ay nabuhay sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon, sa kabuuan nito ay palagi Niyang ginawa ang Kanyang makakaya upang matugunan ang mga layunin ng Diyos ayon sa gawain ng Diyos sa panahong iyon, hindi kailanman isinaalang-alang ang Kanyang pansariling pakinabang o kawalan, at palaging inisip ang mga layunin ng Diyos Ama(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos). Naisip ko kung paanong ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon ng nilikha at ang Hari ng sansinukob, pero sa kabila ng pagkakaroon ng gayong napakadakila at marangal na katayuan, handa Siyang dumaan sa gayong pagdurusa at pagkapahiya para tubusin ang sangkatauhan. Kaya, ano ang kaunting pagdurusa at pagkapahiya para sa isang marumi at tiwaling taong gaya ko na ang halaga ay katulad lang sa isang langgam? Isang pagpapala na magkaroon ng pagkakataong pasanin ang pagdurusang ito at patotohanan ang Diyos, kaya dapat akong maging masaya. Nang mapagtanto ko ito, nakaramdam ako ng panibagong motibasyon ko at ngkalooban para pasanin ang pagdurusa. Pagkatapos niyon, lumipat sila sa isa pang klase ng pagpapahirap. Nagsindi ng isang sigarilyo ang pulis at isinuksok ito sa ilong ko at pagkatapos ay nagbalanse ng baso sa ulo ko, sinasabing, “Kung mahulog ang sigarilyo o ang baso sa sahig, lagot ka.” Noong halos mauubos na ang sigarilyo sa ilong ko, suminga ako para matanggal ang sigarilyo. Nang makita ng pulis na nahulog ang sigarilyo sa sahig, sinipa at tinapakan niya ako, at pagkatapos ay kumuha siya ng apat o limang dakot ng palay, at inilagay sa leeg ko, at pagkatapos ay inangat ang kuwelyo ko para mahulog ang mga palay sa loob. Nakaramdam kaagad ako ng matinding pangangati sa buong katawan ko na mahirap tiisin. Nang mga alas-singko ng umaga, dumating ang dalawang pulis. Noong sinabihan sila na wala pa akong sinabing anumang impormasyon, kumuha ng sinturon sa bag ang isa sa kanila at nagsimulang walang awa akong paghahagupitin sa likod ng mga kamay ko, sa mga binti at tuhod gamit ang dulo ng sinturon na may bakal. Nag-iwan ng nakapapasong sakit ang paghahagupit. Pagkatapos niyon, hindi pa rin ako nagsasalita pagkatapos mahagupit nang mahigit dalawampung beses, sumuko sila at umalis.

Nang hapon ng ikalawang araw, ipinadala ako sa bahay detensyon ng probinsya. Sinabi ng opisyal ng bahay detensyon sa mga bilanggo, “Ang isang ito ay isang mananampalataya na nahuling nanghihimok at ayaw magsabi sa amin ng anuman. Alagaan ninyo siyang mabuti!” Pinalibutan ako ng mga bilanggo at tiningnan ako nang masama. Wala silang pang-itaas na damit at may mga tato pa ang ilan, kaya medyo natakot ako. Pinahirapan na ako ng mga pulis sa istasyon at balot na ng mga pinsala ang katawan ko. Ngayon ay kaharap ko ang isang buong pangkat ng masasama at malulupit na bilanggo—kung magpatuloy silang pahirapan ako, makakayanan ba ng katawan ko ang pang-aabuso? Kung hindi ko kayaning tanggapin ang pagpapahirap at ipagkanulo ko ang Diyos gaya ni Hudas, pagkatapos ay isumpa at parusahan ako, hindi ba’t ganap na magiging kabiguan ang aking pananalig sa Diyos? Mas mabuti pang basagin ang ulo ko sa pader at tapusin ang buhay ko kaysa ipagkanulo ang Diyos. Sa sandaling iyon, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang pagdurusa ng ilang tao ay umaabot sa isang sukdulan, at ang kanilang mga iniisip ay nagiging tungkol sa kamatayan. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang lakas! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok ng tao. … Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na matanto na ang mga humihiling na mamatay kapag naharap sa ilang matinding pagdurusa at paghihirap ay mga duwag, katatawanan kay Satanas, at hindi makatutugon sa layunin ng Diyos. Bago ako maaresto, mas nagsasalita ako kaysa kaninuman tungkol sa pagmamahal sa Diyos, pagpapalugod sa Diyos at pagpapatotoo tungkol sa Kanya. Pero noong pinahirapan ako at nagsimulang magdusa, naging negatibo at mahina ako at ginusto kong gamitin ang kamatayan para takasan ang lahat ng ito—nasaan ang tayog ko? Nang mapagtanto ko ito, lubha akong nahiya at nakonsensiya. Tahimik akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos, gaano man nila ako pahirapan, palagi akong magtitiwala sa Iyo at maninindigan sa aking patotoo.”

Sa utos ng mga pulis, inalam ng mayor ng mga bilanggo ang pangalan at tirahan ko. Malupit siyang umungol, “Isa kang mananampalataya at bilanggong politikal, kaya mas malala ang mga krimen mo kaysa sa isang mamamatay-tao. Kung hindi ka magsasalita, maghintay ka lang at makikita mo kung ano ang gagawin ko sa iyo!” Pero hindi pa rin ako nagsalita. Dahil nakikita nilang wala akong layuning magsalita, tumayo siya at pinilipit ang mga braso ko habang diniinan ng dalawang ibang bilanggo ang mga bukung-bukong ko. Pagkatapos, iba pang apat o limang bilanggo ang nagsalitan para suntukin ako sa mga binti at hita. Napakasakit ng bawat suntok at nadama ko na hindi ko na kakayanin pang tanggapin ito. Naisip ko, “Pahihirapan ba ako ng mga bilanggong ito hanggang mamatay?” Patuloy akong tumawag sa Diyos para sa proteksyon at para bigyan ako ng lakas na tiisin ang pangwawasak ng mga demonyong ito. Pagkatapos manalangin, naisip ko kung paanong sinabi ng Panginoong Jesus: “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siyang makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno(Mateo 10:28). Totoo, malulupit ang mga demonyong ito, pero kaya lamang nilang wasakin at pahirapan ang katawan ko, hindi nila mapapatay ang kaluluwa ko. Bukod doon, hindi isang tunay na kamatayan ang kamatayan ng katawan. Ang mausig at mapatay ng CCP dahil sa pagpapatotoo tungkol sa Diyos ay nangangahulugang inuusig ako dahil sa katuwiran, at pinupuri ng Diyos ang gayong mga gawa. Naalala ko ang isang himno: “Taglay ang mga payo ng Diyos sa puso ko, hinding-hindi ako luluhod kay Satanas. Bagamat maaari kaming mapugutan ng ulo at dumanak ang aming dugo, hindi matitiklop ang gulugod ng mga tao ng Diyos. Magbibigay ako ng matunog na patotoo para sa Diyos, at ipapahiya ko ang mga diyablo at si Satanas. Pauna nang itinakda ng Diyos ang mga pasakit at paghihirap, at magiging tapat at magpapasakop ako sa Kanya hanggang kamatayan. Hinding-hindi ko na muling paiiyakin o bibigyan ng alalahanin ang Diyos. Iaalay ko ang pagmamahal at katapatan ko sa Diyos at tatapusin ko ang aking misyon para Siya ay luwalhatiin(Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin, Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos). Habang pinagninilayan ko ang mga liriko ng himno, lumago sa kaibuturan ko ang kalooban kong tiisin ang lahat ng pagdurusa at manindigan sa aking patotoo tungkol sa Diyos. Pagkatapos ng kanilang pambubugbog, napuno ng pasa ang mga binti ko at sobrang namaga. Pinatitindi ng kahit magaan na paghipo ang kirot. Dahil sa malalalang pinsala na tinanggap ng laman sa aking mga binti, hindi ko magawang mag-squat, kaya kailangan kong maupo sa gilid ng inidoro kapag nagpupunta ako sa palikuran. Naging regular na pangyayari ang mga brutal nilang pambubugbog. Ang isa sa mga bilanggo na isang sanay na boksingero ay ginamit ako bilang punching bag para magsanay ng mga suntok at patama ng palad at madalas akong sampalin ng kanyang mga kamay sa leeg ko. Tuwing umiikot siya at hinahampas ako sa leeg, nahihilo ako. Mayroon ding isang partikular na mukhang malupit na bilanggo na pinatumba ako sa kama, sinakal ako nang mahigpit gamit ang dalawang kamay niya at halos patayin ako sa sakal noong makita niyang hindi ako nagbibigay ng anumang impormasyon tungkol sa aking pananalig sa Diyos gaano man ako pinahirapan. Sa ilang pagkakataon, ang mayor at ang mga kampon niya ay ibinabalot sa bulak ang ulo ng posporo at pagkatapos ay isinisingit ang mga bulak sa pagitan ng mga daliri ng kamay at paa ko at saka sinisindihan. Nasusunog nito ang mga daliri ng kamay at paa ko at nagdulot ng matinding sakit sa mga ito. Pagkatapos, ang mayor ng mga bilanggo ay sadyang tinatapakan ang mga sunog na daliri ng paa ko hanggang sa lumabas ang dugo mula sa mga sugat. Sa bawat pagkakataon na pinahihirapan at winawasak ako ng mga bilanggo, tumatawag at nananalangin ako sa Diyos, humihingi ng lakas mula sa Kanya. Sa pamamagitan lamang ng gabay ng Diyos na nagagawa kong matiis ang paulit-ulit na pagpapahirap ng mga demonyo.

Isang araw sa huling bahagi ng Nobyembre, sumailalim ako sa pang-apat na pagdinig ng tanggapan ng piskal, pero tumanggi pa rin akong magsalita. Sinabi ng isang pulis sa mayor ng bilanggo, “Ayaw niyang magsabi sa amin ng kahit ano at nayayamot na ang tanggapan ng piskal. Kailangang may makuha kayo sa kanya, kahit ano ang mangyari.” Pagkatapos niyon, inutusan ng mayor ng mga bilanggo ang apat o limang iba pa para hubaran ako, pagkatapos ay pinagliyab niya ang isang plastik na mangkok at pinatulo sa balat ko ang mainit na tunaw na plastik. Bawat patak ay nagpapapilipit sa akin sa sakit—napakasakit nito na hindi ko ito makayanan. Bayolente akong nanlaban sa kanila, pero pinigilan nila ako, kaya hindi ako makakilos. Sa puso ko ay paulit-ulit akong tumawag sa Diyos, na nagsasabing, “O Diyos, hindi ko na ito kaya pa. Pakiusap, protektahan Mo ako. Bigyan Mo ako ng lakas, at ng kaloobang pasanin ang pagdurusang ito, para hindi ako sumuko kay Satanas at makapanindigan ako sa aking patotoo tungkol sa Iyo hanggang kamatayan.” Muli, inisip ko kung paano ipinako sa krus ang Panginoong Jesus ng mga sundalong Romano, kung paanong dahan-dahang natuyo ang dugo Niya. Sa kabila ng kadakilaan at karangalan Niya, ang Diyos na nasa itaas ay nagkatawang-tao at nagtiis ng napakasakit na pagdurusa sa lupa upang iligtas ang sangkatauhan. Inosente ang Diyos at hindi nararapat sa gayong pagdurusa, pero tahimik Niyang tiniis ang lahat ng ito para iligtas ang tao. Dahil tiwaling tao lamang ako, hindi talaga malaking usapin ang pagtitiis sa katiting na pagdurusang ito. Sa Tsina, kung saan tinitingnan ang Diyos bilang kalaban, mahirap iwasan ang pagdurusa mula sa pang-uusig kung gusto ng isang tao na sumunod sa Diyos at kamtin ang katotohanan at buhay. Pero sulit at makabuluhan ang magdusa, dahil ginawa ito para makamit ang katotohanan at maligtas. Pinahintulutan ako ng brutal na pagpapahirap na ito na makita nang malinaw ang namumuhi-sa-katotohanan, napopoot-sa-Diyos, at buktot na diwa ng CCP. Nilalabanan nila ang Diyos, malupit na pinahihirapan ang mga tao at wala silang pinagkaiba sa masasamang espiritu at demonyo. Sa pagkatanto sa lahat ng ito, lalo kong kinamuhian ang malaking pulang dragon—habang lalo nila akong inuusig, lalo akong magtitiwala sa Diyos upang makapanindigan sa aking patotoo at maipahiya sila! Nakipaglaban ako sa pasakit, at kahit papaano ay nakalampas ako sa pagdurusang ito. Nang gabing iyon, habang natutulog ang mga bilanggo, Sinuri ko ang mga pinsala ko: Lubhang bugbog ang mga hita at binti ko. Sunog ang dibdib ko, at duguan at gula-gulanit ang balat nito. Puno ng paso ang buong katawan ko. Naisip ko, “Naging ganito ang kalagayan ko dahil sa kanila. Kakayanin ko pa kaya kung pahirapan nila ako bukas nang gaya nito?” Nanginginig akong isipin kung anong napakasakit na paghihirap ang naghihintay sa akin at para bang sasabog ang ulo ko. Pakiramdam ko ay lumampas na ang sitwasyon sa hangganan ng makakaya ng katawan ko at nasa bingit na ako ng tuluyang pagbagsak. Nanalangin ako kaagad sa Diyos, “O Diyos, puno ng takot ang puso ko at sa tingin ko ay hindi ko na kaya pang tanggapin ito. Pakiusap, bigyan Mo ako ng lakas para makapanindigan.” Pagkatapos manalangin, naalala ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting saloobin, iyon ay dahil naloko siya ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Nagpakita sa akin ng isang landas pasulong ang mga salita ng Diyos—sa pamamagitan lamang ng pagtitiwala sa pananalig at pagsasapalaran ng aking buhay na malalampasan ko ito nang may kumpiyansa at walang pag-aalala. Hindi ba’t nahuhulog ako sa pakana ni Satanas sa pamamagitan ng pamumuhay sa kaduwagan at takot? Nanalangin ako sa Diyos, ayaw nang mamuhay sa takot at maloko ni Satanas. Handa akong ganap na ibigay ang sarili ko sa Kanyang mga kamay, at maninindigan sa aking patotoo at ipapahiya si Satanas kahit mangahulugan pa ito na bubugbugin ako hanggang kamatayan. Nakadama ako ng ginhawa, at may pananalig akong harapin anuman ang susunod na darating sa aking daraanan. Sa sandaling iyon, naalala ko ang isang himnong tinatawag na “Nagawa kong makilatis ang mukha ni Satanas dahil sa malupit na pag-uusig ng malaking pulang dragon. Sa pamamagitan ng maraming pagsubok at paghihirap, nakita ko ang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Dahil naunawaan ko na ang katotohanan at nagkamit na ako ng pananalig, paano ako makukuntento na hindi sumunod sa Diyos? Labis kong kinamumuhian si Satanas, at lalo pa akong namumuhi sa malaking pulang dragon. Ang mamuhay kung saan naghahari ang demonyong hari ay ang mamuhay sa isang kulungan. Sinusubukan akong sakmalin ni Satanas; walang ligtas na lugar upang tirhan. Ang pagsampalataya at pagsamba sa Diyos ang talagang tamang gawin. Sa aking pagpiling ibigin ang Diyos, magiging tapat ako hanggang sa wakas. Si Satanas, ang haring demonyo, ay lubusang malupit, tunay na walang kahihiyan at kasuklam-suklam. Malinaw kong nakikita ang malademonyong mukha ni Satanas, at mas lalong minamahal ng puso ko si Cristo. Hinding-hindi ako mamumuhay nang walang dangal sa pamamagitan ng pagluhod kay Satanas at pagkakanulo sa Diyos. Pagdurusahan ko ang lahat ng paghihirap, at pasakit, at titiisin ang mga pinakamadilim na gabi. Upang bigyang-panatag ang puso ng Diyos, magbibigay ako ng matagumpay na patotoo” (Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin) Nangusap nang malalim ang himnong ito sa akin, at habang lalo ko itong inaawit, lalong lumalakas ang loob ko. Pagkatapos lamang akong brutal na usigin ng CCP saka ko nakita nang malinaw ang kanilang lumalaban-sa-Diyos, malupit, maladiyablong diwa. Bilang mga mananampalataya ng Diyos, tinatahak natin ang tamang landas ng buhay, ipinangangaral ang ebanghelyo, pinatototohanan ang Diyos at hinahayaan ang iba na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos. Makatarungang kilos ito, pero walang habas na inaaresto at inuusig ng CCP ang mga mananampalataya, pinahihirapan hanggang sa bingit ng kamatayan ang mga nahuhuli nila para ipagkanulo ng mga ito ang Diyos, at para maisakatuparan ang layon ng CCP na magkaroon ng kapangyarihan at kontrol sa mga tao habambuhay. Ang CCP ay walang iba kundi isang pangkat ng mga demonyo na namumuhi sa Diyos at sa katotohanan! Nang makita ko kung gaano talaga kakasuklam-suklam at gaano kasama ang CCP, nagalit ako rito nang buong puso ko, inabandona ito at nagpasyang hindi kailanman sumuko rito!

Nang mismong sumunod na araw, nang makita ng mayor ng mga bilanggo kung gaano kagula-gulanit ang laman ng dibdib ko mula sa mga paso, medyo nag-alala siya at sinabi niya sa ibang bilanggo, “Hindi na natin siya puwedeng pahirapan pa. Kung mapatay natin siya, sisisihin tayo at hahaba ang hatol sa atin.” Nang marinig ko ito, nadama kong nagbukas ang Diyos ng daan palabas para sa akin at tahimik akong nagpasalamat sa Kanya. Sa huli, hindi makakita ng anumang ebidensiya ang mga pulis para kasuhan ako, pero iginiit na kasuhan ako ng “panggugulo sa kaayusan ng lipunan,” dahil doon ay nahatulan ako ng 75 na araw na pagkakakulong.

Nagtiis ako ng teribleng pagdurusa at pang-uusig sa mga kamay ng CCP, pero binigyang-liwanag ako ng mga salita ng Diyos at ginabayan ako sa bawat hakbang sa daan, pinupuno ako ng pananalig at lakas at tinitiyak na makakapanindigan ako sa lahat ng kapighatiang ito. Kung wala ang proteksyon ng Diyos at ang gabay ng Kanyang mga salita, anumang oras ay maaaring pahirapan nila ako hanggang mamatay. Kasabay nito, nakita ko rin kung paano namamahala at naghahari ang Diyos nang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Gaano man kabrutal at kalaya si Satanas, siya ay natalong kaaway lamang ng Diyos. Gaya ng sinasabi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos: “Kahit gaano pa ‘kalakas’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot ng tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman naghari o kumontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang sumailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi, higit pa rito ay kailangang magpasakop sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, at para pagsilbihan ang sangkatauhan, at para pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala. Kahit gaano pa kamalisyoso ang kalikasan nito, at gaano man kasama ang diwa nito, ang tanging bagay na magagawa nito ay ang tapat na gawin ang tungkulin nito: ang magsilbi sa Diyos, at maging panghambing ng Diyos. Ito ang diwa at kinatatayuan ni Satanas. Ang diwa nito ay hindi kaugnay sa buhay, hindi kaugnay sa kapangyarihan, hindi kaugnay sa awtoridad; laruan lamang ito sa mga kamay ng Diyos, isa lang makina na nagsisilbi sa Diyos!(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I).

Sinundan: 38. Pag-uulat sa Masasamang Tao

Sumunod: 40. Isang Pagninilay sa Paghihiganti

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito