1. Sinabi ng Panginoong Jesus: “Ang sinumang umiinom ng tubig na Aking ibibigay sa kanya ay hindi mauuhaw magpakailanman; bagkus ang tubig na Aking ibibigay sa kanya ay magiging isang balon ng tubig sa kanya na bubukal ng buhay na walang hanggan” (Juan 4:14). Sinasabi rin ng Biblia, “Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan: nguni’t ang hindi nananalig sa Anak ay hindi makakakita ng buhay” (Juan 3:36). Naniniwala kami na ang Panginoong Jesus ay si Cristo, ang Anak ng Tao, at ang daan ng Panginoong Jesus ay ang daan ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami na hangga’t naniniwala tayo sa Panginoon, makakamtan natin ang buhay na walang hanggan. Gayunpaman nagpapatotoo ka na ang Cristo lamang sa mga huling araw, ang Makapangyarihang Diyos, ang makakapagkaloob ng daan ng buhay na walang hanggang sa tao. Sinasabi mo ba na kung susundin natin ang Panginoong Jesus, hindi natin makakamtan ang daan ng buhay na walang hanggan? Bakit kailangan nating tanggapin ang mga salita at gawain ng Makapangyarihang Diyos, Cristo ng mga huling araw?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo kakayanin. Gayon man ay kapag Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anomang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Bagama’t dumating si Jesus sa gitna ng tao at gumawa ng maraming gawain, kinumpleto lamang Niya ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan at nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis sa tao ang lahat ng tiwaling disposisyon nito. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensiya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan na si Jesus ay maging handog para sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas dakila pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang disposisyon na ginawang tiwali ni Satanas. Kaya, pagkatapos mapatawad ang tao sa mga kasalanan nito, nagbalik ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan Niya ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na antas. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at makakamit nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Ang gawain ni Jesus ay para lamang sa kapakanan ng pagtubos sa tao at ang pagpapapako sa krus. Kaya, hindi Niya kailangang higit pang mangusap upang malupig ang sinumang tao. Ang karamihan sa Kanyang mga itinuro sa tao ay mula sa mga salita sa Banal na Kasulatan, at kahit na ang Kanyang gawain ay hindi higit sa Banal na Kasulatan, naisagawa pa rin Niya ang gawaing pagpapapako sa krus. Ang Kanyang gawain ay hindi gawain ng salita, ni para sa kapakanan ng paglupig sa sangkatauhan, sa halip ito ay upang matubos ang sangkatauhan. Gumanap lang Siya bilang handog para sa kasalanan ng sangkatauhan, at hindi gumanap bilang mapagkukunan ng salita para sa sangkatauhan. Hindi Niya isinagawa ang gawain ng mga Hentil, na gawain ng panlulupig sa tao, kundi ang gawain ng pagpapapako sa krus, ang gawain na isinagawa sa mga naniniwala na mayroong Diyos. Kahit na ang Kanyang gawain ay naisakatuparan sa saligan ng Banal na Kasulatan, at ginamit Niya ang mga hula ng matatandang propeta upang isumpa ang mga Pariseo, ito ay sapat na upang matapos ang gawain ng pagpapapako sa krus. Kung ang gawain sa ngayon ay isinasagawa pa rin sa saligan ng mga hula ng matatandang propeta sa Banal na Kasulatan, magiging imposible na kayo ay malupig, dahil ang Lumang Tipan ay hindi naglalaman ng mga ulat ng inyong paghihimagsik at ng mga kasalanan ninyong mga Tsino, at walang kasaysayan ng inyong mga kasalanan. At kaya, kung ang gawaing ito ay nananatili pa rin sa Bibliya, hindi kayo kailanman susuko. Ang Bibliya ay nagtatala lang ng limitadong kasaysayan tungkol sa mga Israelita, isang hindi kayang itakda kung kayo ay mabuti o masama, o hatulan kayo. Ipagpalagay na kayo ay hahatulan Ko ayon sa kasaysayan ng mga Israelita—susundan pa rin ba ninyo Ako katulad ng inyong pagsunod ngayon? Alam ba ninyo kung gaano kayo kasutil? Kung walang binitiwang mga salita sa yugtong ito, magiging imposible ang pagtapos sa gawain ng paglupig. Dahil hindi Ako pumarito upang maipako sa krus, nararapat Akong magbitiw ng mga salita na hiwalay mula sa Bibliya, upang kayo ay malupig.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (1)
Ang gawain sa mga huling araw ay ang bumigkas ng mga salita. May malalaking pagbabago na maibubunga sa tao sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga pagbabagong nangyayari ngayon sa mga taong ito sa pagtanggap nila ng mga salitang ito ay higit kaysa roon sa mga tao noong sila ay tumanggap ng mga tanda at mga kababalaghan sa Kapanahunan ng Biyaya. Sapagkat, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay pinalayas sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, ngunit ang mga tiwaling disposisyon sa kalooban ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay pinagaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit tungkol sa kung paano maiwawaksi ng tao ang tiwaling satanikong disposisyon sa loob niya, ang gawaing ito ay hindi pa nagagawa sa kanya. Ang tao ay nailigtas lamang at napatawad sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananalig, ngunit ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi lubusang naalis at nanatili pa rin sa kanyang kalooban. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ngunit hindi ito nangangahulugan na ang tao ay wala nang kasalanan sa kalooban niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ngunit walang paraan ang tao para lutasin ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala, at kung paano ganap na maiwawaksi at mababago ang kanyang makasalanang kalikasan. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, ngunit ang tao ay patuloy na namuhay sa dati niyang satanikong tiwaling disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa kanyang satanikong tiwaling disposisyon upang ang makasalanang kalikasan ng tao ay maaaring ganap na maiwaksi at hindi na kailanman muling mabubuo, at sa gayon ay tinutulutang mabago ang disposisyon ng tao. Kakailanganin nito na maunawaan ng tao ang landas ng paglago sa buhay, na maunawaan ang daan ng buhay, at maunawaan ang daan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Dagdag pa, kakailanganin din na ang tao ay magsagawa alinsunod sa landas na ito, nang sa gayon ang disposisyon niya ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng sikat ng liwanag, upang ang lahat ng ginagawa niya ay maging kaayon sa mga layunin ng Diyos, upang maiwaksi niya ang kanyang satanikong tiwaling disposisyon, at upang makalaya siya mula sa impluwensiya ng kadiliman ni Satanas, at sa gayon ay ganap na makalaya mula sa kasalanan. Saka lamang matatanggap ng tao ang ganap na kaligtasan. Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniwala na Siya ay anak ni David at ipinahayag na Siya ay isang dakilang propeta at ang mabuting Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, dahil sa lakas ng kanilang pananampalataya, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay nakakita at maging ang patay ay nabuhay muli. Gayunman, hindi nagawang matuklasan ng tao ang satanikong tiwaling disposisyon na malalim na nakatanim sa kalooban niya at hindi rin alam ng tao kung paano ito iwaksi. Ang tao ay nakatanggap ng labis na biyaya, tulad ng kapayapaan at kasiyahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at ang kanyang maka-Diyos na itsura; kung ang isang tao ay kayang mabuhay batay sa mga ito, siya ay itinuturing na isang mananampalatayang pasok sa pamantayan. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Ngunit, sa kanilang buong buhay, hindi nila naunawaan kahit kaunti ang daan ng buhay. Ang ginawa lamang nila ay gumawa ng mga kasalanan at pagkatapos ay ikumpisal ang kanilang mga kasalanan nang paulit-ulit nang walang anumang landas sa pagbabago ng kanilang disposisyon: Ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatwid, matapos na makumpleto ang yugtong iyon ng gawain, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para linisin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayon ay bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagkat ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagkat ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Ngunit ang tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob niya at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos, at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawain ay ginagamit ng Diyos ang salita upang isiwalat ang tiwaling disposisyon ng tao, na nagsasanhi sa kanyang magsagawa alinsunod sa wastong landas. Ang gawain ng yugtong ito ay mas makabuluhan kaysa sa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagtutustos sa buhay ng tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas masusi. Samakatwid, nakompleto ng pagkakatawang-tao sa mga huling araw ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na tumapos sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
Ipinangaral sa Kapanahunan ng Biyaya ang ebanghelyo ng pagsisisi, at basta’t maniwala ang tao, siya ay maliligtas. Sa kasalukuyan, sa halip na kaligtasan, mayroon lamang pag-uusap tungkol sa paglupig at pagperpekto. Hindi kailanman sinabi na kung nananampalataya ang isang tao, ang kanyang buong pamilya ay pagpapalain, o na kapag nailigtas na ay palagi nang ligtas. Sa kasalukuyan, walang sinuman ang nagsasabi ng mga salitang ito, at ang gayong mga bagay ay lipas na. Sa panahong iyon, ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng nanampalataya sa Kanya ay pinatawad; basta’t ikaw ay nananampalataya sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay nananampalataya sa Kanya, wala ka na sa pagkakasala, inalis sa iyo ang iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng maligtas, at mapawalang-sala ng pananalig. Ngunit sa mga nanampalataya, mayroon pa ring nanatiling paghihimagsik at pagkontra sa Diyos, at kailangan pa ring dahan-dahang alisin. Ang kaligtasan ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusan nang nakamit ni Jesus, kundi na ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan. Basta’t ikaw ay nananampalataya, hindi ka na kailanman nasa kasalanan pa. Sa panahong iyon, si Jesus ay gumawa ng maraming gawain na hindi maintindihan ng Kanyang mga disipulo, at nagsabi ng marami na hindi naunawaan ng mga tao. Ito ay dahil, sa panahong iyon, hindi Siya nagbigay ng anumang paliwanag. Kaya, maraming taon pagkatapos Niyang umalis, nilikha ni Mateo ang talaangkanan ni Jesus, at gumawa rin ang iba ng maraming gawain na naaayon sa kalooban ng tao. Hindi pumarito si Jesus upang gawing perpekto at kamitin ang tao, kundi upang magsagawa ng isang yugto ng gawain: ang dalhin ang ebanghelyo ng kaharian ng langit at tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus. At kaya, nang naipako na sa krus si Jesus, ang Kanyang gawain ay lubos nang natapos. Ngunit sa kasalukuyang yugto—ang gawain ng paglupig—mas maraming salita ang dapat ipahayag, mas maraming gawain ang dapat isagawa, at kailangang magkaroon ng maraming proseso. Kaya dapat ding mabunyag ang mga hiwaga ng gawain nina Jesus at Jehova, nang sa gayon ay maaaring magkaroon ang lahat ng tao ng pang-unawa at kalinawan sa kanilang paniniwala, dahil ito ang gawain sa mga huling araw, at ang mga huling araw ang katapusan ng gawain ng Diyos, ang panahon ng pagtatapos ng gawain. Liliwanagin para sa iyo ng yugtong ito ng gawain ang kautusan ni Jehova at ang pagtubos ni Jesus, at pangunahin na ito’y upang maunawaan mo ang buong gawain ng anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, at mapahalagahan ang lahat ng kabuluhan at diwa ng anim na libong taong plano ng pamamahala na ito, at maunawaan ang layunin ng lahat ng gawaing isinagawa ni Jesus at ang mga salitang Kanyang sinabi, at maging ang iyong bulag na paniniwala at pagsamba sa Bibliya. Tutulutan ka nito na lubos na maunawaan ang lahat ng ito. Magagawa mong maunawaan kapwa ang gawain na ginawa ni Jesus, at ang gawain ng Diyos ngayon; mauunawaan mo at iyong mapagmamasdan ang lahat ng katotohanan, ang buhay, at ang daan. Sa yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus, bakit umalis si Jesus nang hindi ginagawa ang pagtatapos na gawain? Dahil ang yugto ng gawain ni Jesus ay hindi ang gawain ng pagtatapos. Nang Siya ay ipinako sa krus, ang Kanyang mga salita ay natapos din; matapos ang pagpapapako Niya sa krus, ang Kanyang gawain ay ganap nang nagwakas. Ang kasalukuyang yugto ay iba: Tanging pagkatapos sabihin ang mga salita hanggang sa katapusan at magwakas ang buong gawain ng Diyos ay saka lang matatapos ang Kanyang gawain. Sa yugto ng gawain ni Jesus, maraming salita ang nanatiling hindi naipahayag, o hindi naipahayag nang buong linaw. Ngunit walang pakialam si Jesus sa Kanyang mga sinabi at hindi sinabi, dahil ang Kanyang ministeryo ay hindi ang ministeryo ng mga salita, kaya matapos Siyang ipako sa krus, Siya ay lumisan. Ang yugtong iyon ng gawain ay pangunahing para sa pagpapapako sa krus, at hindi katulad ng kasalukuyang yugto. Ang kasalukuyang yugtong ito ng gawain ay pangunahing para sa pagtatapos, paglilinaw, at paghahatid ng lahat ng gawain sa isang konklusyon. Kung hindi binibigkas ang mga salita hanggang sa kahuli-hulihan, magiging imposibleng matapos ang gawaing ito, dahil sa yugtong ito ng gawain, ang lahat ng gawain ay tinatapos at ginagawa sa pamamagitan ng mga salita. Noong panahong iyon, nagsagawa si Jesus ng maraming gawain na hindi maunawaan ng tao. Siya ay tahimik na lumisan, at ngayon marami pa rin na hindi nakauunawa sa Kanyang mga salita, na mali ang pagkaunawa ngunit naniniwala pa rin na ito ay tama, at hindi alam na mali sila. Ang huling yugto ang magdadala ng gawain ng Diyos sa isang ganap na wakas at magbibigay ng konklusyon nito. Magagawang maunawaan at malaman ng lahat ang plano ng pamamahala ng Diyos. Ang mga kuru-kuro sa loob ng tao, ang kanyang mga layunin, ang kanyang nakalilinlang na pagkaunawa, ang kanyang mga kuru-kuro sa gawain nina Jehova at Jesus, ang kanyang mga pananaw tungkol sa mga walang pananampalataya, at ang lahat ng kanyang iba pang mga kabaluktutan ay itatama. At mauunawaan ng tao ang lahat ng tamang landas ng buhay, at ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at ang buong katotohanan. Kapag nangyari iyon, ang yugtong ito ng gawain ay matatapos na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (2)
Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at himayin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat magpasakop ang tao sa Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at isang puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad at pinupungusan Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Sa Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao at nagsasalita mula sa iba’t ibang perspektiba, nagbibigay-kakayahan sa tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang ang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan upang mas mainam na makamit ang mga layon ng paglupig sa mga tao, paggawang perpekto sa mga tao, at pagtitiwalag sa mga tao, na siyang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang lahat ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay naisasakatuparan. Sa pamamagitan ng mga salita, ang mga tao ay ibinubunyag, itinitiwalag, at sinusubukan. Ang mga tao ay nakita na ang mga salitang ito, narinig na ang mga salitang ito, at kinilala na ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos, at sa puso ng Diyos ng pagmamahal at pagliligtas sa tao. Ang terminong “mga salita” ay maaaring ordinaryo at simple, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob, binabago ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at pumaparito upang iligtas ang tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng pagpapastol at pagtutustos ng Kanyang mga salita; namumuhay ang mga tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at ang karamihan ng tao ay namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salita at ang gawaing ito ay pawang para sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, inaakay Niya ang mga tao sa sansinukob gamit ang mga salita, nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita, sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita
Ang Diyos Mismo ang buhay, at ang katotohanan, at sabay na umiiral ang Kanyang buhay at katotohanan. Ang mga walang kakayahang magkamit ng katotohanan ay hindi kailanman magkakamit ng buhay. Kung wala ang patnubay, pagsuporta, at pagtustos ng katotohanan, ang makakamit mo lamang ay mga salita, mga doktrina, at, higit pa rito, kamatayan. Laging naririyan ang buhay ng Diyos, at umiiral nang sabay ang Kanyang katotohanan at buhay. Kung hindi mo matatagpuan ang pinagmulan ng katotohanan, hindi mo makakamit ang pampalusog ng buhay; kung hindi mo makakamit ang panustos ng buhay, tiyak na hindi ka magkakaroon ng katotohanan, at bukod sa mga imahinasyon at mga kuru-kuro, ang kabuuan ng katawan mo ay magiging walang iba kundi ang laman mo—ang umaalingasaw mong laman. Dapat mong malaman na hindi itinuturing na buhay ang mga salita ng mga aklat, hindi maaaring idambana bilang ang katotohanan ang mga talaan ng kasaysayan, at hindi maaaring magsilbing isang ulat ng mga kasalukuyang salita ng Diyos ang mga regulasyon ng nakalipas. Tanging ang mga salitang ipinahayag ng Diyos kapag pumaparito Siya sa lupa at namumuhay kasama ng tao ang siyang katotohanan, buhay, mga layunin ng Diyos, at Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa. Kung kukuhain mo ang mga talaan ng mga salitang sinabi ng Diyos noong mga nagdaang panahon at kakapit sa mga ito hanggang ngayon, ikaw ay nagiging isang arkeologo, sa gayong kaso, ang pinakamainam na paraan ng paglalarawan sa iyo ay isang dalubhasa sa mga relikya ng kasaysayan. Palagi kang naniniwala sa mga bakas ng gawaing ginawa ng Diyos noong mga nagdaang panahon, naniniwala ka lamang sa anino ng Diyos na naiwan mula noong dati Siyang gumawa sa gitna ng mga tao, at naniniwala lamang sa daang ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod noong nakalipas na mga panahon, pero hindi ka naniniwala sa oryentasyon ng gawain ng Diyos ngayon, hindi ka naniniwala sa maluwalhating mukha ng Diyos ngayon, at hindi ka naniniwala sa daan ng katotohanan na kasalukuyang inihahayag ng Diyos. Samakatwid, hindi maikakailang nangangarap ka nang gising na ganap nang wala sa realidad. Kung ngayon ay nananatili ka pa ring nakakapit sa mga salitang walang kakayahang magbigay ng buhay sa mga tao, kung gayon ay isa kang walang pag-asang piraso ng bulok na kahoy,[a] dahil masyado kang konserbatibo, masyadong mahirap pakitunguhan, masyadong hindi tinatablan ng katwiran!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
Talababa:
a. Isang piraso ng tuyong kahoy: isang kawikaang Tsino, na ang ibig sabihin ay “walang pag-asa.”
Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng pangmatagalan at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan nakakamit ng tao ang buhay, at ito ang tanging landas para makilala ng tao ang Diyos at masang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka magiging kalipikado na pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat pareho kang isang papet at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kinokontrol ng mga regulasyon, ng mga salita, at ng mga gapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakapagkamit ng buhay o ng walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay dahil ang tanging mayroon sila ay maruming tubig na kanilang kinapitan sa loob ng libo-libong taon sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Ang mga hindi natutustusan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno magpakailanman. Kung gayon, paano nila masisilayan ang Diyos? Naghahangad ka lang na kumapit sa nakaraan, na manatili sa iyong kinalalagyan at panatilihin ang mga bagay-bagay, at hindi naghahangad na baguhin ang kasalukuyang kalagayan at iwaksi ang kasaysayan, kung gayon, hindi ba’t palagi kang magiging kaaway ng Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit pasibo kang nakaupo na naghihintay ng pagkawasak, kumakapit sa iyong kahangalan at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga salitang makapagbibigay lang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay sa iyo. Ang mga salita ng mga kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo at hindi mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi ang mga landas na kayang maghatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba’t nagdudulot sa iyo ng pagninilay-nilay ang pagkakaibang ito? Hindi ba’t naipapaunawa nito sa iyo ang mga hiwagang nakapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagtagpo sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Iminumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan kung sino ang gumagawa ngayon ng gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan