3. Sinabi ng Panginoong Jesus, “Hindi ang bawat nagsasabi sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon’, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:21–23). Ang mga nagsasabing “Panginoon, Panginoon” ay naniniwala lahat at naglilingkod sa Panginoon. Palagi silang nagsasakripisyo, ginugugol ang kanilang sarili, at nagsusumikap para sa Panginoon, at ipinalaganap nila ang ebanghelyo at nagtayo ng mga iglesia. Hindi ba nila sinunod ang kalooban ng Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng ito? Sa pagbabalik ng Panginoong Jesus, bakit hindi sila pupurihin ng Panginoon, at sa halip ay hahatulan Niya bilang mga gumagawa ng kasamaan?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Nakabatay sa kanilang pag-uugali ang pamantayang ginagamit ng mga tao upang husgahan ang ibang mga tao; matuwid yaong ang pag-uugali ay mabuti, samantalang masama yaong ang pag-uugali ay karumal-dumal. Ang pamantayan ng Diyos sa paghatol sa mga tao ay batay sa kung nagpapasakop ba o hindi sa Kanya ang kanilang diwa; matuwid na tao ang nagpapasakop sa Diyos, samantalang ang hindi nagpapasakop ay kaaway at isang masamang tao, mabuti man o masama ang pag-uugali ng taong ito at kung tama man o mali ang kanyang pananalita. Nais ng ilang tao na gumamit ng mabubuting gawa upang magtamo ng magandang hantungan sa hinaharap, at nais ng ilang mga tao na gumamit ng maiinam na salita upang magkamit ng mabuting hantungan. Maling naniniwala ang lahat na natutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao pagkaraang mamasdan ang kanilang pag-uugali o pagkaraang makinig sa kanilang pananalita; kaya maraming tao ang nagnanais samantalahin ito upang linlangin ang Diyos na gawaran sila ng isang panandaliang biyaya. Sa hinaharap, ang lahat ng taong makaliligtas sa isang kalagayan ng pamamahinga ay napagtiisan na ang araw ng pagdurusa at nakapagpatotoo na rin sa Diyos; lahat sila ay magiging mga tao na tinupad na ang kanilang mga tungkulin at kusa nang nagpasakop sa Diyos. Yaong mga nais lamang gamitin ang pagkakataon na gawin ang paglilingkod na kasama ang balak na iwasan ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi pahihintulutang manatili. May mga naaangkop na pamantayan ang Diyos para sa pag-aayos ng mga kalalabasan ng bawat tao; hindi Siya basta gumagawa ng mga kapasiyahang ito ayon sa mga salita at asal ng isang tao, ni gumagawa Siya ng mga ito batay sa kung paano kumikilos ang isang tao sa isang tagal ng panahon. Tiyak na hindi Siya magiging maluwag hinggil sa masasamang gawa ng isang tao dahil sa nakaraang paglilingkod nito sa Kanya, o hindi rin Niya ililigtas ang isang tao mula sa kamatayan dahil sa ilang haba ng panahong ginamit na ginugugol para sa Kanya. Walang sinuman ang makaiiwas sa paghihiganti para sa kanilang kasamaan, at walang sinuman ang mapagtatakpan ang kanilang masamang pag-uugali at sa gayon ay makaiiwas sa mga paghihirap ng pagkawasak. Kung totoong matutupad ng mga tao ang sarili nilang tungkulin, nangangahulugan ito na walang hanggang tapat sila sa Diyos at hindi hinahangad ang mga pabuya, tumatanggap man sila ng mga biyaya o nagdurusa sa kasawian. Kung tapat sa Diyos ang mga tao kapag nakikita nila ang mga biyaya, ngunit nawawala ang kanilang katapatan kapag hindi nila nakikita ang anumang mga biyaya, at kung ang mga taong ito—na minsang nagtrabaho nang tapat—ay hindi pa rin magawang magpatotoo sa Diyos o tuparin ang mga tungkuling kailangan nila sa huli, magiging mga pakay pa rin ng pagkawasak ang gayong mga tao. Sa madaling salita, hindi maaaring makaligtas hanggang sa kawalang-hanggan ang masasamang tao, o makapapasok sa pamamahinga; tanging ang mga matuwid ang mga panginoon ng pamamahinga.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang simpleng gawain. Ang mga taong hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ay hindi kailanman maaaring maglingkod sa Diyos. Kung ang disposisyon mo ay hindi pa nahatulan at nakastigo ng mga salita ng Diyos, ang disposisyon mo ay kumakatawan pa rin kay Satanas, na nagpapatunay na pinaglilingkuran mo ang Diyos ayon sa iyong mabubuting layunin, na ang paglilingkod mo ay batay sa iyong satanikong kalikasan. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong karakter, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong iniisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos; lubos kang gumagawa nang naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Matatawag ba itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang buhay disposisyon mo ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, magiging mas mapagmatigas ka dahil sa paglilingkod mo, at sa gayon ay lubos na mapapalalim ang iyong tiwaling disposisyon, at sa gayon, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong katangian, at mga karanasang mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ito ang mga karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo ng tao. Ang mga taong tulad nito ay maikaklasipika bilang mga Pariseo at mga opisyal ng relihiyon. Kung hindi sila kailanman magigising at magsisisi, tiyak na magiging mga huwad na cristo at mga anticristo sila na inililigaw ang mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang nabanggit na mga huwad na cristo at mga anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang karakter at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, nanganganib silang maitiwalag anumang oras. Sa mga naglilingkod sa Diyos na gumagamit ng karanasan nila sa loob ng maraming taon upang kunin ang loob ng ibang tao, mapangaralan at malimitahan sila, at magkaroon ng mataas na katayuan—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nagtatapat ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tinatalikuran ang mga pakinabang ng katayuan—ang mga taong ito ay babagsak sa harap ng Diyos. Sila ay mga kauri ni Pablo, nagpapalagay na nakatataas sila at ipinangangalandakan ang kanilang mga kalipikasyon. Hindi gagawing perpekto ng Diyos ang mga taong tulad nito. Ang ganitong uri ng paglilingkod ay nakakagambala sa gawain ng Diyos. Ang mga tao ay palaging kumakapit sa nakalipas. Kumakapit sila sa mga kuru-kuro ng nakalipas, sa lahat ng bagay mula sa nakaraan. Malaking sagabal ito sa kanilang paglilingkod. Kung hindi mo kayang iwaksi ang mga ito, sasakalin ng mga ito ang buong buhay mo. Hindi ka sasang-ayunan ng Diyos ni katiting, kahit pa mabali ang mga binti mo sa pagtakbo o ang likod mo sa pagtatrabaho, kahit pa mapatay ka sa paglilingkod mo sa Diyos. Sa kabaligtaran: sasabihin Niya na ikaw ay isang taong gumagawa ng masama.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon
Sa kanyang pananampalataya sa Diyos, hinangad ni Pedro na bigyang-kasiyahan ang Diyos sa lahat ng bagay, at hinangad na magpasakop sa lahat ng nagmula sa Diyos. Nagawa niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol, gayundin ang pagpipino, kapighatian, at pagkasalat sa kanyang buhay, habang hindi bumibigkas ng kahit isang reklamo. Wala sa mga ito ang maaaring magpabago sa kanyang mapagmahal-sa-Diyos na puso. Hindi ba ito ang sukdulang pagmamahal sa Diyos? Hindi ba ito ang katuparan ng tungkulin ng isang nilikha? Ito man ay sa pagkastigo, paghatol, o kapighatian, may kakayahan kang maging mapagpasakop hanggang kamatayan, at ito ang dapat makamit ng isang nilikha, ito ang kadalisayan ng pagmamahal sa Diyos. Kung makakamtan ng tao ang ganito, siya ay isang nilikhang pasok sa pamantayan, at wala nang ibang mas nagbibigay-kasiyahan sa mga layunin ng Lumikha. Ipagpalagay nang nakakagawa ka para sa Diyos, subalit hindi ka nagpapasakop sa Diyos, at hindi mo kayang tunay na mahalin ang Diyos. Sa ganitong paraan, hindi mo lamang hindi natupad ang tungkulin ng isang nilikha, kundi ikokondena ka rin ng Diyos, dahil ikaw ay isang taong hindi nagtataglay ng katotohanan, na walang kakayahang magpasakop sa Diyos, at naghihimagsik sa Diyos. Pinahahalagahan mo lamang ang tungkol sa paggawa para sa Diyos, at hindi ang pagsasagawa ng katotohanan o pagkilala sa iyong sarili; hindi mo nauunawaan o nakikilala ang Lumikha, hindi ka nagpapasakop o nagmamahal sa Lumikha, at ikaw ay isang taong likas na mapaghimagsik laban sa Diyos. Dahil sa mga dahilan na ito kaya ang gayong mga tao ay hindi nagugustuhan ng Lumikha.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao
Sa huli ay sasabihin ng ilang tao, “Napakarami kong nagawang gawain para sa Iyo, at bagama’t maaaring wala akong nagawang naging tanyag, naging masigasig pa rin ako sa aking mga pagsisikap. Hindi Mo ba ako maaaring papasukin na lamang sa langit para kainin ang bunga ng buhay?” Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; iyong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, iyong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunos-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga sumisipsip sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makasusuway rito! Kailangan mong hangarin ang buhay. Ngayon, iyong mga gagawing perpekto ay kauri ni Pedro: Sila iyong mga naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang sariling disposisyon, at handang magpatotoo sa Diyos at tuparin ang kanilang tungkulin bilang isang nilikha. Ang ganitong mga tao lamang ang gagawing perpekto. Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi ka naghahangad ng pagbabago sa iyong sariling buhay disposisyon, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—at ito ay isang katotohanang hindi mababago!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao
Sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, at hangga’t sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, tiyak na magiging patas Siya tungo sa tao, sapagkat Siya ang pinakamatuwid. Kung sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, kaya ba Niyang isantabi ang tao? Ako ay patas sa lahat ng tao, at hinahatulan ang lahat ng tao ayon sa Aking matuwid na disposisyon, gayunman mayroong akmang mga kondisyon sa mga hinihingi Ko sa tao, at iyong Aking hinihingi ay dapat na matupad ng lahat ng tao, maging sinuman sila. Wala Akong pakialam kung ano ang mga kalipikasyon mo, o kung gaano katagal mo nang taglay ang mga ito; ang pinahahalagahan Ko lamang ay kung sinusunod mo ang Aking daan, at kung umiibig ka at nauuhaw para sa katotohanan o hindi. Kung ikaw ay kulang sa katotohanan, at sa halip nagdadala ng kahihiyan sa Aking pangalan, at hindi kumikilos ayon sa Aking daan, sumusunod lamang nang walang pakialam o malasakit, kung gayon sa sandaling iyon ay hahampasin kita at parurusahan dahil sa iyong kasamaan, at ano nga ang masasabi mo sa panahong iyon? Masasabi mo bang ang Diyos ay hindi matuwid? Kung nakasunod ka sa mga salita na Aking sinabi ngayon, kung gayon ikaw ang uri ng taong Aking sinasang-ayunan. Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa kabila ng mga bagyo, at naibahagi sa Kanya ang mga pagkakataong mabubuti at ang masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip na isabuhay ang isang buhay na makabuluhan. Sinasabi mo rin, “Ano’t anuman, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid. Nagdurusa ako para sa Kanya, nagparoo’t parito para sa Kanya, at inilalaan ko ang aking sarili sa Kanya, at kahit na wala akong anumang nakakamit, nagsusumikap ako; tiyak na tatandaan Niya ako.” Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang pagiging matuwid na ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o ng pantaong transaksyon. Ang lahat ng mapanghimagsik at lumalaban, ang lahat ng hindi nakaayon sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang ititira! May ilang tao na nagsasabi, “Ngayon ay nagpaparoo’t parito ako para sa Iyo; kapag dumating ang katapusan, maaari Mo ba akong bigyan ng munting pagpapala?” Kaya tinatanong kita, “Nakatupad ka ba sa Aking mga salita?” Ang pagiging matuwid na iyong sinasalita ay nakasalig sa isang transaksyon. Iniisip mo lamang na Ako ay matuwid at patas sa lahat ng tao, at ang lahat ng sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay siguradong maliligtas at makakamtan ang Aking mga pagpapala. Mayroong panloob na kahulugan ang Aking mga salita na “lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay tiyak na maliligtas”: Lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay silang mga lubos Kong makakamtan, sila iyong, pagkatapos Kong malupig, ay hinahanap ang katotohanan at ginagawang perpekto. Anong mga kondisyon ang iyong natamo? Ang nakamit mo lamang ay pagsunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan, ngunit bukod doon ay ano pa? Ikaw ba ay nakasunod sa Aking mga salita? Natupad mo ang isa sa Aking limang hinihingi, gayunman ay wala kang intensyon na tuparin ang natitirang apat. Natagpuan mo ang pinakasimple, pinakamadaling landas, at hinangad ito nang may saloobin na umaasa lamang na maging mapalad. Sa gayong tao na katulad mo ang Aking matuwid na disposisyon ay isang disposisyon ng pagkastigo at paghatol, ito ay isa ng matuwid na pagganti, at ito ay ang matuwid na kaparusahan sa lahat ng taong gumagawa ng masama; ang lahat ng hindi sumusunod sa Aking daan ay tiyak na parurusahan, kahit na sila ay sumunod hanggang sa katapus-tapusan. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Maaaring iniisip ninyo na, bilang tagasunod sa loob ng maraming taon, na nakapagsikap na kayong gumawa anuman ang mangyari, at na anuman ang kaso ay puwede kayong maging isang trabahador at makakakain sa sambahayan ng Diyos. Sinasabi Ko na ang karamihan sa inyo ay nag-iisip sa ganitong paraan, dahil palagi ninyong sinusunod ang prinsipyo ng kung paano sasamantalahin ang mga bagay at hindi mapagsasamantalahan. Kaya’t sinasabi Ko sa inyo ngayon nang may buong kaseryosohan: Wala Akong pakialam kung gaano man kapuri-puri ang iyong pagsisikap, kung gaano man kahanga-hanga ang iyong mga kalipikasyon, kung gaano mo man kahigpit Akong sinusunod, kung gaano ka man kabantog, o kung gaano mo man pinabuti ang iyong asal; hangga’t hindi mo natutugunan ang Aking mga hinihingi, hindi mo kailanman makakamit ang Aking pagsang-ayon. Iwaksi mo na sa lalong madaling panahon ang lahat ng iyong ideya at kalkulasyon, at simulang seryosohin ang Aking mga hinihingi; kung hindi, gagawin Kong abo ang lahat ng tao nang sa gayon ay tuluyang wakasan ang Aking gawain at, sa pinakamalala ay mauuwi sa wala ang Aking mga taon ng paggawa at pagdurusa, sapagkat hindi Ko maaaring dalhin sa Aking kaharian o isama sa susunod na kapanahunan ang Aking mga kaaway at yaong mga tao na umaalingasaw sa kasamaan at nagtataglay pa rin ng dating wangis ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Pagsalangsang ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno