2. Ang Panginoong Jesus at ang Makapangyarihang Diyos ay iisang Diyos. Nagsasagawa sila ng iba’t ibang gawain sa iba’t ibang panahon. Ginawa ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos at ipinangaral ang daan ng pagsisisi, at ang Makapangyarihang Diyos ay ginagawa ang gawain ng paghatol at paglilinis sa mga huling araw, at nagdadala ng daan ng buhay na walang hanggan. Ano nga ba lamang ang pagkakaiba sa pagitan ng daan ng pagsisisi at ng daan ng buhay na walang hanggan?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Mangagsisi kayo: sapagkat malapit na ang kaharian ng langit” (Mateo 4:17).
“Sapagka’t ito ang Aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan” (Mateo 26:28).
“Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo kakayanin. Gayon man ay kapag Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anomang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).
“At kung ang sinumang tao’y nakikinig sa Aking mga pananalita, at hindi sumasampalataya, ay hindi Ko siya hinahatulan: sapagkat hindi Ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:47–48).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang gawaing ginawa ni Jesus ay naaayon sa mga pangangailangan ng tao sa kapanahunang iyon. Ang Kanyang gampanin ay tubusin ang sangkatauhan, patawarin ang kanilang mga kasalanan, kaya’t ang Kanyang disposisyon ay ganap na isang kapakumbabaan, pagpapasensiya, pag-ibig, kabanalan, pagtitiis, awa, at kagandahang-loob. Nagdala Siya ng saganang biyaya at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat ng bagay na maaaring tamasahin ng mga tao, Kanyang ibinigay sa kanila para sa kanilang kasiyahan: kapayapaan at kaligayahan, ang Kanyang pagpaparaya at pagmamahal, Kanyang awa at kagandahang-loob. Noon, ang saganang mga bagay na nakasisiya na naranasan ng mga tao—ang damdamin ng kapayapaan at seguridad sa kanilang kalooban, ang damdamin ng kapanatagan sa kanilang espiritu, at ang kanilang pag-asa kay Jesus na Tagapagligtas—ang lahat ng ito ay bunga ng kapanahunan kung saan sila nabuhay. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagawa nang tiwali ni Satanas ang tao, kaya para magawa ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan, kinailangan ang saganang biyaya, walang-katapusang pagtitiis at pagpapasensya, at higit pa rito, isang handog na sapat para magbayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan, upang magkaroon ito ng epekto. Ang nakita ng sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya ay iyon lamang handog Kong pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan: si Jesus. Ang alam lamang nila ay na maaaring maging maawain at matiisin ang Diyos, at ang nakita lamang nila ay ang awa at mapagmahal na kabaitan ni Jesus. Ito ay dahil lamang sa ipinanganak sila sa Kapanahunan ng Biyaya. Kaya nga, bago sila maaaring tubusin, kinailangan nilang matamasa ang maraming uri ng biyaya na ipinagkaloob ni Jesus sa kanila upang makinabang sila rito. Sa ganitong paraan, maaari silang mapatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagtatamasa nila ng biyaya, at maaari din silang magkaroon ng pagkakataong matubos sa pamamagitan ng pagtatamasa ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus. Sa pamamagitan lamang ng pagtitiis at pagpapasensya ni Jesus sila nagkaroon ng karapatang tumanggap ng kapatawaran at magtamasa ng saganang biyaya na ipinagkaloob ni Jesus. Gaya ng sabi ni Jesus: Ako ay pumarito hindi upang tubusin ang matuwid kundi ang mga makasalanan, upang tulutan ang mga makasalanan na mapatawad sa kanilang mga kasalanan. Kung si Jesus, noong Siya ay naging tao, ay nagdala ng disposisyon ng paghatol, sumpa, at kawalan ng pagpaparaya sa mga pagkakasala ng tao, hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon ang tao na matubos, at mananatili silang makasalanan magpakailanman. Kung nagkagayon, tumigil na sana ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala noong Kapanahunan ng Kautusan, at tumagal sana nang anim na libong taon ang Kapanahunan ng Kautusan. Lalo pa sanang dumami at bumigat ang mga kasalanan ng tao, at nauwi sana sa wala ang paglikha sa sangkatauhan. Si Jehova lamang sana ang napaglingkuran ng mga tao sa ilalim ng kautusan, ngunit mas marami sana ang kanilang mga kasalanan kaysa roon sa mga tao na unang nilikha. Habang lalong minahal ni Jesus ang sangkatauhan, pinatatawad ang kanilang mga kasalanan at pinagkakalooban sila ng sapat na awa at mapagmahal na kabaitan, lalong nagkaroon ng karapatan ang sangkatauhan na mailigtas ni Jesus, na matawag na mga nawawalang tupa na binili ni Jesus sa napakalaking halaga. Hindi maaaring makialam si Satanas sa gawaing ito, dahil pinakitunguhan ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod na parang pakikitungo ng isang mapagmahal na ina sa sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Hindi Siya nagalit o nasuklam sa kanila, kundi Siya ay puno ng kaginhawahan; hindi kailanman sumiklab ang Kanyang galit sa kanila, kundi tiniis Niya ang kanilang mga kasalanan at nagbulag-bulagan sa kanilang mga kahangalan at kamangmangan, at sinabi pang, “Patawarin ninyo ang iba nang pitumpung beses na pitong ulit.” Binago ng puso Niya nang ganoon ang puso ng iba, at sa ganoong paraan lamang natanggap ng mga tao ang kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagtitiis.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tunay na Kuwento ng Gawain sa Kapanahunan ng Pagtubos
Ipinangaral sa Kapanahunan ng Biyaya ang ebanghelyo ng pagsisisi, at basta’t maniwala ang tao, siya ay maliligtas. Sa kasalukuyan, sa halip na kaligtasan, mayroon lamang pag-uusap tungkol sa paglupig at pagperpekto. Hindi kailanman sinabi na kung nananampalataya ang isang tao, ang kanyang buong pamilya ay pagpapalain, o na kapag nailigtas na ay palagi nang ligtas. Sa kasalukuyan, walang sinuman ang nagsasabi ng mga salitang ito, at ang gayong mga bagay ay lipas na. Sa panahong iyon, ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng nanampalataya sa Kanya ay pinatawad; basta’t ikaw ay nananampalataya sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay nananampalataya sa Kanya, wala ka na sa pagkakasala, inalis sa iyo ang iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng maligtas, at mapawalang-sala ng pananalig. Ngunit sa mga nanampalataya, mayroon pa ring nanatiling paghihimagsik at pagkontra sa Diyos, at kailangan pa ring dahan-dahang alisin. Ang kaligtasan ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusan nang nakamit ni Jesus, kundi na ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan. Basta’t ikaw ay nananampalataya, hindi ka na kailanman nasa kasalanan pa. Sa panahong iyon, si Jesus ay gumawa ng maraming gawain na hindi maintindihan ng Kanyang mga disipulo, at nagsabi ng marami na hindi naunawaan ng mga tao. Ito ay dahil, sa panahong iyon, hindi Siya nagbigay ng anumang paliwanag. Kaya, maraming taon pagkatapos Niyang umalis, nilikha ni Mateo ang talaangkanan ni Jesus, at gumawa rin ang iba ng maraming gawain na naaayon sa kalooban ng tao. Hindi pumarito si Jesus upang gawing perpekto at kamitin ang tao, kundi upang magsagawa ng isang yugto ng gawain: ang dalhin ang ebanghelyo ng kaharian ng langit at tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus. At kaya, nang naipako na sa krus si Jesus, ang Kanyang gawain ay lubos nang natapos. Ngunit sa kasalukuyang yugto—ang gawain ng paglupig—mas maraming salita ang dapat ipahayag, mas maraming gawain ang dapat isagawa, at kailangang magkaroon ng maraming proseso. Kaya dapat ding mabunyag ang mga hiwaga ng gawain nina Jesus at Jehova, nang sa gayon ay maaaring magkaroon ang lahat ng tao ng pang-unawa at kalinawan sa kanilang paniniwala, dahil ito ang gawain sa mga huling araw, at ang mga huling araw ang katapusan ng gawain ng Diyos, ang panahon ng pagtatapos ng gawain.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (2)
Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at himayin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat magpasakop ang tao sa Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at isang puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad at pinupungusan Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Sa Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao at nagsasalita mula sa iba’t ibang perspektiba, nagbibigay-kakayahan sa tao na tunay na makita ang Diyos, na Siyang ang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan upang mas mainam na makamit ang mga layon ng paglupig sa mga tao, paggawang perpekto sa mga tao, at pagtitiwalag sa mga tao, na siyang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salita, nalalaman ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang lahat ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay naisasakatuparan. Sa pamamagitan ng mga salita, ang mga tao ay ibinubunyag, itinitiwalag, at sinusubukan. Ang mga tao ay nakita na ang mga salitang ito, narinig na ang mga salitang ito, at kinilala na ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos, at sa puso ng Diyos ng pagmamahal at pagliligtas sa tao. Ang terminong “mga salita” ay maaaring ordinaryo at simple, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob, binabago ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at pumaparito upang iligtas ang tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng pagpapastol at pagtutustos ng Kanyang mga salita; namumuhay ang mga tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at ang karamihan ng tao ay namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salita at ang gawaing ito ay pawang para sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, inaakay Niya ang mga tao sa sansinukob gamit ang mga salita, nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita, sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita
Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng pangmatagalan at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan nakakamit ng tao ang buhay, at ito ang tanging landas para makilala ng tao ang Diyos at masang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka magiging kalipikado na pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat pareho kang isang papet at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kinokontrol ng mga regulasyon, ng mga salita, at ng mga gapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakapagkamit ng buhay o ng walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay dahil ang tanging mayroon sila ay maruming tubig na kanilang kinapitan sa loob ng libo-libong taon sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Ang mga hindi natutustusan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno magpakailanman. Kung gayon, paano nila masisilayan ang Diyos? Naghahangad ka lang na kumapit sa nakaraan, na manatili sa iyong kinalalagyan at panatilihin ang mga bagay-bagay, at hindi naghahangad na baguhin ang kasalukuyang kalagayan at iwaksi ang kasaysayan, kung gayon, hindi ba’t palagi kang magiging kaaway ng Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit pasibo kang nakaupo na naghihintay ng pagkawasak, kumakapit sa iyong kahangalan at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga salitang makapagbibigay lang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay sa iyo. Ang mga salita ng mga kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo at hindi mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi ang mga landas na kayang maghatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba’t nagdudulot sa iyo ng pagninilay-nilay ang pagkakaibang ito? Hindi ba’t naipapaunawa nito sa iyo ang mga hiwagang nakapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagtagpo sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Iminumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan kung sino ang gumagawa ngayon ng gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan