2. Dati, kulang ako sa kakayahang makakilala. Sinunod ko ang mga pastor at elder sa pagtutol at pagkondena sa gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, at sumama ako sa kanilang pagsasalita ng mga kalapastanganan. Maliligtas pa rin ba ako ng Diyos?

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Pagka ang matuwid ay humihiwalay sa kaniyang katuwiran, at gumagawa ng kasamaan, at kinamamatayan ang mga ito; sa kasamaan na kaniyang nagawa ay mamamatay siya. Muli, pagka ang masama ay humihiwalay sa kaniyang kasamaan na kaniyang nagawa, at gumawa ng tapat at matuwid, kaniyang ililigtas na buhay ang kaniyang kaluluwa. Sapagka’t siya’y nagmuni-muni, at humiwalay sa lahat niyang pagsalansang na kaniyang nagawa, siya’y walang pagsalang mabubuhay, siya’y hindi mamamatay” (Ezekiel 18:26–28).

“At ang salita ni Jehova ay dumating kay Jonas na ikalawa, na nagsasabi, Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking bayang yaon, at ipangaral mo ang pangaral na Aking iniutos sa iyo. Sa gayo’y bumangon si Jonas, at naparoon sa Ninive, ayon sa salita ni Jehova. Ang Ninive nga ay totoong malaking bayan, na tatlong araw na lakarin. At pumasok si Jonas sa bayan na may isang araw na gumagala, at siya’y sumigaw, at nagsasabi, Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak. At ang bayan ng Ninive ay sumampalataya sa Diyos; at sila’y nangaghayag ng ayuno, at nangagsuot ng kayong magaspang, mula sa kadakidakilaan sa kanila hanggang sa kaliitliitan sa kanila. At ang mga balita ay dumating sa hari ng Ninive, at siya’y tumindig sa kaniyang luklukan, at hinubad niya ang kaniyang balabal, at nagbalot siya ng kayong magaspang, at naupo sa mga abo. At kaniyang inihayag at iniatas sa buong Ninive sa pasiya ng hari at ng kaniyang mga mahal na tao, na sinasabi, Huwag tumikim maging tao ni hayop man, bakahan ni kawan man, ng anumang bagay: huwag silang magsikain, ni magsiinom man ng tubig; Kundi mangagbalot sila ng kayong magaspang, ang tao at gayon din ang hayop, at manangis silang mainam sa Diyos: oo, talikdan ng bawa’t isa ang kaniyang masamang gawi, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay. Sino ang nakaaalam kung manumbalik ang Diyos at magsisi, at tumalikod sa Kanyang mabangis na galit, upang tayo’y huwag mangamatay. At nakita ng Diyos ang kanilang mga gawa, na sila’y tumalikod sa kanilang masamang gawi; at nagsisi ang Diyos sa kasamaan, na Kaniyang sinabing Kaniyang gagawin sa kanila; at hindi Niya ginawa” (Jonas 3:1–10).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang layunin ng gawain ng Diyos sa tao ay upang masunod nila ang kalooban ng Diyos, at ginagawa ito upang dalhan sila ng kaligtasan. Kung gayon, sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao, hindi Niya ginagawa ang gawain ng pagpaparusa sa kanila. Habang naghahatid ng kaligtasan sa tao, hindi pinarurusahan ng Diyos ang masama o ginagantimpalaan ang mabuti, ni hindi Niya ibinubunyag ang mga hantungan ng iba’t ibang klase ng mga tao. Sa halip, pagkatapos ng huling yugto ng Kanyang gawain, saka lamang Niya gagawin ang gawain ng pagpaparusa sa masama at paggantimpala sa mabuti, at saka pa lamang Niya ibubunyag ang mga katapusan ng lahat ng uri ng mga tao. Yaong mga pinarurusahan ay yaong hindi talaga nagagawang iligtas, samantalang yaong mga inililigtas ay yaong mga nagkamit ng pagliligtas ng Diyos sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao. Habang ginagawa ang gawain ng pagliligtas ng Diyos, bawat isang tao na maaaring iligtas ay ililigtas hangga’t maaari, at walang isa man sa kanila ang itatapon, dahil ang layunin ng gawain ng Diyos ay iligtas ang tao. Lahat sila, sa panahon ng pagliligtas ng Diyos sa tao, na hindi nagagawang magkamit ng pagbabago sa kanilang disposisyon—pati na lahat ng hindi nagagawang lubos na magpasakop sa Diyos—ay magiging mga pakay ng kaparusahan. Ang yugtong ito ng gawain—ang gawain ng mga salita—ay bubuksan sa mga tao ang lahat ng paraan at hiwaga na hindi nila nauunawaan, upang maunawaan nila ang kalooban at mga ipinagagawa ng Diyos sa kanila, at upang mapasakanila ang mga kinakailangan upang maisagawa ang mga salita ng Diyos at magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon. Ang Diyos ay gumagamit lamang ng mga salita upang gawin ang Kanyang gawain at hindi pinarurusahan ang mga tao dahil sa pagiging medyo mapanghimagsik; ito ay dahil ngayon na ang panahon ng gawain ng pagliligtas. Kung parurusahan ang sinumang kumilos nang mapanghimagsik, walang sinumang magkakaroon ng pagkakataon na maligtas; lahat ay parurusahan at babagsak sa Hades. Ang layunin ng mga salita na humahatol sa tao ay upang tulutan silang makilala ang kanilang sarili at magpasakop sa Diyos; hindi ito para parusahan sila sa gayong paghatol. Sa panahon ng gawain ng mga salita, malalantad ang pagkasuwail at paglaban ng maraming tao, gayundin ang kanilang pagsuway sa Diyos na nagkatawang-tao. Gayunpaman, hindi Niya parurusahan ang lahat ng taong ito dahil dito, kundi sa halip ay itatakwil lamang yaong mga tiwali sa kaloob-looban at hindi maaaring iligtas. Ibibigay Niya ang kanilang laman kay Satanas, at sa ilang sitwasyon, wawakasan ang kanilang laman. Yaong mga natira ay patuloy na susunod at mararanasang pakitunguhan at tabasan. Kung, habang sumusunod, hindi pa rin kayang tanggapin ng mga taong ito na pakitunguhan at tabasan, at lalong sumama nang sumama, mawawalan sila ng pagkakataong maligtas. Bawat taong nagpasakop na sa paglupig ng mga salita ay magkakaroon ng sapat na pagkakataon para maligtas; ang pagliligtas ng Diyos sa bawat isa sa mga taong ito ay magpapakita ng Kanyang lubhang kaluwagan. Sa madaling salita, pakikitaan sila ng lubos na pagpaparaya. Hangga’t tumatalikod ang mga tao mula sa maling landas, at hangga’t nakakapagsisi sila, bibigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataong makamtan ang Kanyang pagliligtas. Sa unang pagsuway ng mga tao sa Diyos, wala Siyang hangad na patayin sila; sa halip, ginagawa Niya ang lahat upang iligtas sila. Kung wala talagang paraang mailigtas ang isang tao, itatakwil sila ng Diyos. Kaya mabagal ang Diyos sa pagparusa sa ilang tao ay dahil nais Niyang iligtas ang lahat ng maaaring mailigtas. Hinahatulan, nililiwanagan, at ginagabayan Niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salita lamang, at hindi Siya gumagamit ng pamalo para patayin sila. Ang paggamit ng mga salita upang iligtas ang mga tao ay ang layunin at kabuluhan ng huling yugto ng gawain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Isantabi ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Kalooban ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

“Isang kasalanan na hindi patatawarin sa panahong ito o panahong darating ang paglapastangan at paninirang-puri sa Diyos, at ang mga nagkakasala nito ay hindi kailanman muling magkakatawang-tao.” Ibig sabihin, hindi kinukunsinti ng disposisyon ng Diyos na pasamain ang Kanyang loob ng tao. Kapag nasa isang sitwasyon na hindi nila nauunawaan, o kapag sila ay nalinlang, nakontrol, o nasupil ng iba, maaaring makapagsalita ang ilang tao ng di-mabuti o di-maganda. Subalit pagkaraan ng ilang panahon, sa sandaling natanggap na nila ang tunay na daan, napupuno sila ng panghihinayang. At kung magkagayon, naghahanda sila ng sapat na dami ng mabubuting gawain, at nagtatamo sila ng kaalaman at dumaraan sa pagbabago sa bagay na ito, kaya naman hindi na pinagtutuunan ng Diyos ang anumang nakaraang pagkakasala nila. Dapat ninyong makilala nang lubos ang Diyos, dapat ninyong malaman kung kanino ipinatutungkol ang mga salitang iyon ng Diyos, pati na ang konteksto ng mga ito, at hindi mo dapat sapalarang gamitin o bigyang-pakahulugan ayon sa iyong kapritso ang mga salita ng Diyos. Hindi sinusukat ng mga taong walang karanasan ang kanilang mga sarili sa panukatan ng mga salita ng Diyos sa anumang bagay, samantalang nagiging sobrang sensitibo naman ang mga may kaunting karanasan o may kaunting pananaw. Kapag nakakarinig sila ng mga pahayag ng Diyos na isinusumpa, o kinamumuhian at nililipol ang mga tao, tinatanggap lang nila ang lahat ng ito nang hindi pinag-iisipang mabuti. Ipinapakita nito na hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, at laging may di-nauunawaan sa Kanya. Hinahatulan ng ilang mga tao ang Diyos bago pa man sila magbasa ng alinman sa Kanyang mga bagong pahayag, magsagawa ng anumang imbestigasyon, makinig sa anumang pagbabahagi mula sa mga taong nakakaunawa ng bagong gawain ng Diyos, o kahit man lang, magtamo ng anumang kaliwanagan ng Espiritu Santo. Pagkatapos nito, may mangangaral sa kanila ng ebanghelyo, at tatanggapin nila ito. Pagkaraan nito ay nakakaramdam sila ng panghihinayang dahil hinatulan nila ang Diyos, at nais nilang magsisi. Pagkatapos niyon, nakadepende na lamang ito kung paano sila aasal sa hinaharap. Kung ang kanilang asal ay partikular na masama, matapos nilang magtaglay ng pananampalataya, at kanilang amining sila ay hindi karapat-dapat, na nagsasabing, “Nakapagsalita ako ng kalapastanganan at di-magagandang salita noon, at ipinahayag na ng Diyos na ang mga taong kagaya ko ay mapapahamak—kaya tapos na ang aking buhay,” kung gayon, katapusan na nga talaga para sa mga taong katulad nito.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Iniisip ng ilang taong nakagawa ng maliit na paglabag na: “Inilantad at itinaboy na ba ako ng Diyos? Pababagsakin ba Niya ako?” Sa pagkakataong ito, naparito ang Diyos para gumawa hindi upang hampasin ang mga tao, kundi upang iligtas sila sa pinakamalawak na paraang posible. Sino ang lubos na walang pagkakamali? Kung pinabagsak ang lahat ng tao, paano ito magiging “pagliligtas”? Ang ilang paglabag ay ginagawa nang sadya samantalang ang iba ay ginagawa nang hindi sinasadya. Kung kaya mong magbago pagkatapos mong malaman ang mga paglabag na ginagawa mo nang hindi sinasadya, pababagsakin ka ba ng Diyos bago ka nagbago? Maililigtas ba ng Diyos ang mga tao sa ganyang paraan? Hindi Siya ganyan kumilos! Lumalabag ka man nang hindi mo sinasadya o dahil sa suwail na kalikasan, kailangan mong tandaan na, sa sandaling ginawa ang paglabag, kailangan mong magmadaling gumising sa realidad, at sumulong; anumang sitwasyon ang dumating, kailangan mong sumulong. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay ang pagliligtas, at hindi Niya basta-basta pababagsakin ang mga taong nais Niyang iligtas. Kahit nasa anong antas mo kayang magbago, kahit pa pabagsakin ka ng Diyos sa huli, tiyak na matuwid para sa Kanya na gawin iyon; at pagdating ng panahon, ipauunawa Niya ito sa iyo. Sa ngayon, dapat mong atupagin ang paghahangad na matamo ang katotohanan, pagtutuon sa pagpasok sa buhay, at paghahangad na tuparin nang maayos ang iyong tungkulin. Walang pagkakamali rito! Sa huli, paano ka man pakitunguhan ng Diyos, palagi itong matuwid; hindi ka dapat magduda rito at hindi mo kailangang mag-alala. Kahit na hindi mo nauunawaan ang pagiging matuwid ng Diyos sa ngayon, darating ang araw na ikaw ay makukumbinsi. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang trabaho sa liwanag at nang makatarungan; bukas Niyang ipinaaalam ang lahat ng bagay. Kung pagbubulayan ninyong mabuti ang aspetong ito, sasabihin ninyo sa huli na ang gawain ng Diyos ay iligtas ang mga tao at baguhin ang kanilang disposisyon. Yamang ang Kanyang gawain ay ang gawaing baguhin ang mga disposisyon ng mga tao, kung hindi ibubunyag ng mga tao ang kanilang katiwalian, walang magagawa, at walang makakamtan. Matapos maibunyag ng mga tao ang kanilang katiwalian, kung hindi sila magsisisi nang kahit kaunti, at patuloy pa rin silang kumikilos na tulad ng dati, magkakasala sila sa disposisyon ng Diyos. Magsasagawa ng iba’t ibang antas ng paniningil ang Diyos sa mga tao, at pagbabayaran nila ang kanilang mga pagkakasala. …

Tulad ng unang nabanggit, maaaring linisin sa isang pasada ang mga kaganapan sa nakaraan; maaaring halinhan ng hinaharap ang nakaraan; ang pagpaparaya ng Diyos ay walang-hangganan na tulad ng dagat. Subalit mayroon ding mga prinsipyo sa mga salitang ito. Hindi naman talaga lilinisin ng Diyos ang anumang kasalanang nagawa mo, gaano man iyon kalaki. Lahat ng gawain ng Diyos ay may mga prinsipyo. Noong araw, nagtakda ng isang atas administratibo na lumulutas sa isyung ito—pinatatawad at pinagpapasensyahan ng Diyos ang lahat ng kasalanang nagagawa ng isang tao bago tanggapin ang Kanyang pangalan, at may isang sistema para harapin yaong mga patuloy na nagkakasala matapos makapasok sa iglesia: Ang taong nakakagawa ng maliit na pagkakasala ay binibigyan ng pagkakataong magsisi, samantalang ang mga paulit-ulit na lumalabag ay itinitiwalag. Laging nagpaparaya ang Diyos sa mga tao hangga’t maaari sa Kanyang gawain, at, dito, makikita na ang gawain ng Diyos ay talagang ang gawain ng pagliligtas sa mga tao. Gayunman, kung, sa huling bahaging ito ng gawain, nakakagawa ka pa rin ng mga pagkakasalang hindi maaaring mapatawad, hindi ka talaga matutubos, at hindi mo magagawang magbago.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Marami ang mga sumasalungat sa Diyos, subalit sa kanila, mayroon ding iba’t ibang paraan kung paano nila sinasalungat ang Diyos. Kung paanong may iba’t ibang uri ng mananampalataya, mayroon ding iba’t ibang uri ng mga sumasalungat sa Diyos, ang bawat isa ay hindi katulad ng iba. Wala ni isa man sa mga nabigong makita nang malinaw ang layunin ng gawain ng Diyos ang maliligtas. Paano man sinalungat ng tao ang Diyos sa nakaraan, kapag naunawaan na ng tao ang layunin ng gawain ng Diyos at inihandog niya ang kanyang mga pagsisikap upang mabigyang-kasiyahan ang Diyos, buburahin ng Diyos ang lahat ng kanyang mga kasalanan sa nakaraan. Hangga’t hinahanap ng tao ang katotohanan at isinasagawa ang katotohanan, hindi aalalahanin ng Diyos ang kanyang mga nagawa na. Higit pa rito, ang pagbibigay ng Diyos ng katuwiran sa tao ay batay sa pagsasagawa niya ng katotohanan. Ito ang pagkamakatuwiran ng Diyos. Bago pa nakita ng tao ang Diyos o naranasan ang Kanyang gawain, paano man kumilos ang tao tungo sa Diyos, hindi Niya ito isinasaisip. Gayunpaman, sa sandaling nakita na ng tao ang Diyos at naranasan ang Kanyang gawain, ang lahat ng gawa at kilos ng tao ay isusulat ng Diyos sa “mga talaan,” dahil nakita na ng tao ang Diyos at nabuhay sa gitna ng Kanyang gawain.

Kapag tunay na nakita na ng tao kung anong mayroon at kung ano ang Diyos, kapag nakita na niya ang Kanyang pagiging kataas-taasan, at kapag tunay na niyang nalalaman ang gawain ng Diyos, at bukod pa rito, kapag nagbago ang dating disposisyon ng tao, saka lamang ganap na maiwawaksi ng tao ang kanyang mapanghimagsik na disposisyon na sumasalungat sa Diyos. Maaaring sabihin na minsan nang sumalungat ang bawat tao sa Diyos at ang bawat tao ay minsan na ring naghimagsik laban sa Diyos. Gayunman, kung kusa kang susunod sa Diyos na nagkatawang-tao, at mula sa sandaling ito ay magbibigay-kasiyahan sa puso ng Diyos sa pamamagitan ng iyong katapatan, pagsasagawa ng katotohanan gaya nang nararapat, pagganap sa iyong tungkulin gaya nang nararapat, at pagsunod sa mga tuntunin gaya nang nararapat, ikaw nga ay handa nang iwaksi ang iyong pagiging-mapanghimagsik upang bigyang-kasiyahan ang Diyos at magagawang perpekto ng Diyos. Kung may pagmamatigas kang tatanggi na makita ang iyong mga pagkakamali at wala kang intensyon na magsisi, kung ipagpipilitan mo ang iyong mapanghimagsik na pag-uugali na wala ni katiting na intensyong makipagtulungan sa Diyos at mabigyan Siya ng kasiyahan, ang isang taong suwail at hindi na magbabago na tulad mo ay tiyak na parurusahan at siguradong hindi kailanman magiging isa sa mga gagawing perpekto ng Diyos. Kung ganoon, ikaw ay kaaway ng Diyos ngayon at bukas ay kaaway ka pa rin ng Diyos, at sa susunod na araw ay mananatili ka pa ring kaaway ng Diyos. Habambuhay kang magiging kalaban ng Diyos at kaaway ng Diyos. Kung magkagayon, paano ka pakakawalan ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos

Hangga't mayroon kayong katiting na pag-asa, ngayon, kung gayon naaalala man o hindi ng Diyos ang mga nakaraang pangyayari, anong klaseng pag-iisip ang dapat ninyong mapanatili? "Kailangan kong hangaring baguhin ang aking disposisyon, hangaring makilala ang Diyos, huwag nang magpaloko kay Satanas kailanman, at huwag nang gumawa muli ng anumang magdadala ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos kailanman." Anong mga pangunahing aspeto ang tumutukoy kung maaaring maligtas ang mga tao at kung mayroon ba silang anumang pag-asa? Pagkatapos makinig sa isang sermon, ang pinakamahalagang bagay ay kung kaya mong maunawaan ang katotohanan o hindi, kung kung kaya mong isagawa ang katotohanan o hindi, at kung kaya mong magbago o hindi. Ito ang mga pangunahing aspeto. Kung nakararamdam ka lang ng matinding panghihinayang, at kapag ang mga bagay ay ginagawa mo lang sa paraang nais mo, sa paraang gaya ng dati, hindi lamang hindi naghahanap ng katotohanan, nakakapit pa rin sa mga lumang pananaw at kasanayan, at hindi lamang lubos na walang pag-unawa, ngunit sa halip ay lumalala pa nang lumalala, kung gayon ay mawawalan ka ng pag-asa, at dapat nang tanggalin sa listahan. Habang mas nauunawaan mo ang Diyos, mas nauunawaan mo ang iyong sarili at mas masusi ang pang-unawa mo sa iyong sariling kalikasan, at mas makakaya mong lubos na makilala ang iyong sarili. Matapos mong malagom ang iyong karanasan, hindi ka na muling mabibigo sa bagay na ito. Ang totoo, may mga bahid ang bawat isa, hindi nga lang sila pinananagot. Bawat isa ay mayroon nito—ang ilan ay may maliliit, at ang ilan ay may malalaki; ang ilan ay malinaw na nagsasalita, at ang ilan ay malihim. Ang ilang mga tao ay gumagawa ng mga bagay na alam ng iba, habang ang ilang mga tao ay gumagawa ng mga bagay na hindi nalalaman ng iba. Mayroong mga bahid sa bawat isa, at lahat sila’y nagbubunyag ng ilang tiwaling disposisyon, tulad ng pagiging mapagmataas o mapagmagaling; o kung hindi man ay gumagawa sila ng ilang mga paglabag, o ilang mga pagkakasala o pagkakamali sa kanilang gawain, o sila ay medyo mapaghimagsik. Ang mga ito ay mga bagay na napapatawad dahil ang mga ito ay mga bagay na hindi maiiwasan ng tiwaling tao. Gayunpaman, sa sandaling maunawaan mo ang katotohanan, dapat mong iwasan ang mga ito, at hindi na kinakailangan pang mabagabag ng mga bagay na nangyari sa nakaraan. Sa halip, ang takot ay kung hindi ka pa rin magbabago kahit na ikaw ay makaunawa, na magpapatuloy ka pa ring gumawa ng mga bagay kahit na alam mong mali ang mga ito, at magpapatuloy ka pa ring kumilos sa partikular na paraan kahit na nasabihan ka nang mali iyon. Hindi maaabot ng pagtubos ang ganitong mga tao.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Dapat nating ipasiya na gaano man kaseryoso ang ating mga kalagayan, anumang uri ng paghihirap ang dumarating sa atin, gaano man tayo kahina, o gaano ka-negatibo, hindi dapat tayo mawalan ng pananampalataya sa pagbabago ng disposisyon, ni sa mga salitang binitiwan ng Diyos. Binigyan ng Diyos ang tao ng pangako, at dapat magkaroon ang tao ng pagpapasiya at pagtitiyaga upang matanggap ang pangakong ito. Ayaw ng Diyos ang mga duwag, gusto ng Diyos ang mga taong may pagpapasiya. Maaaring nagpahayag ka na ng maraming katiwalian, maaaring tumahak ka na ng maraming baluktot na landas, o gumawa ng maraming paglabag, o dating lumaban sa Diyos; o di kaya, maaaring mayroong kalapastanganan, o mga pagmamaktol, o paglaban sa Diyos sa puso ng ilang tao—nguni’t hindi tumitingin ang Diyos sa mga bagay na ito, tinitingnan lamang ng Diyos kung magbabago ba sila balang araw. Sa Biblia, may isang kuwento tungkol sa pagbabalik ng alibughang anak. Bakit nagkuwento ang Panginoong Jesus ng gayong parabula? Ang kalooban ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan ay taos-puso. Binibigyan Niya ang mga tao ng mga pagkakataon na magsisi at mga pagkakataon na magbago. Sa prosesong ito, nauunawaan Niya ang mga tao at alam Niya nang lubusan ang kanilang mga kahinaan at lawak ng kanilang katiwalian. Alam Niyang matitisod at mabibigo sila. Tulad ito nang ang mga bata ay natututong maglakad: Gaano man kalakas ang iyong katawan, may mga panahong madadapa ka, at mga panahong matatalisod ka. Nauunawaan Niya ang mga paghihirap ng bawat tao, nauunawaan Niya ang mga kahinaan ng bawat tao, at nauunawaan din Niya ang mga pangangailangan ng bawat tao; bukod pa rito, nauunawaan Niya kung anong mga problema ang haharapin ng mga tao sa proseso ng pagpasok sa pagbabago ng disposisyon, at kung anong mga kahinaan ang pagdurusahan nila, anu-anong uri ng kabiguan ang magaganap—lubos itong nauunawaan ng Diyos. Sa ganitong paraan sinisiyasat ng Diyos ang pinakakaibuturan ng puso ng tao. Gaano ka man kahina, hangga’t hindi mo tinatalikuran ang pangalan ng Diyos, hangga’t hindi mo iniiwan ang Diyos, at hindi ka lumilihis sa landas na ito, palagi kang magkakaroon ng pagkakataong makamit ang pagbabago ng disposisyon. Ang ibig sabihin ng pagkakaroon natin ng pagkakataon na makamit ang pagbabago ng ating disposisyon ay mayroon tayong pag-asang manatili, at ang ibig sabihin ng mayroon tayong pag-asang manatili ay mayroon tayong pag-asang maligtas ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Pagsasagawa Tungo sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

Sinundan: 1. Sinasabi mo na sa mga huling araw, ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos, ipinapangkat ang bawat isa ayon sa uri, at ginagantimpalaan ang mabuti at pinaparusahan ang masama. Anong uri ng mga tao lang ang inililigtas ng Diyos, at anong uri ang tatanggalin Niya?

Sumunod: 3. Maraming tao sa Judaismo at Kristiyanismo na naniniwala rin sa totoong Diyos ang sumasamba sa Diyos sa mga templo at simbahan, at na mukhang napakarelihiyosong lahat. Bagaman ang ilan ay hindi tumatanggap sa gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, wala silang nagawang anuman na malinaw na sumasalungat o tumutuligsa sa Diyos. Ililigtas ba ng Diyos ang mga taong tulad nila?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 13: Lahat kayo ay naniniwala sa Diyos; Ako naman ay kina Marx at Lenin. Dalubhasa ako sa pagsasaliksik ng iba’t ibang paniniwala sa relihiyon. Sa ilang taon ng pagsasaliksik ko, may nadiskubre akong isang problema. Ayon sa relihiyosong paniniwala ay mayroon talagang Diyos. Pero sa dami ng naniniwala sa Diyos, wala pa namang nakakakita sa Kanya. Ang paniniwala nila ay base sa sarili nilang nararamdaman. Kaya nga nakabuo ako ng konklusyon tungkol sa relihiyosong paniniwala: Purong imahinasyon lang ang relihiyosong paniniwala; yun ay isang pamahiin, at walang matibay na basehan sa syensya. Ang modernong lipunan, ay isang lipunan kung saan napakaunlad na ng syensya. Kailangang, nakabase ang lahat sa syensya, para hindi na magkaro’n ng kamalian. Kaming mga miyembro ng Partidong Komunista ay naniniwala sa Marxismo-Leninismo. Hindi kami naniniwalang may Diyos. Ano bang sabi sa The Internationale? “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo, o ng diyos at emperador na kailangang asahan. Upang magkaro’n ng kaligayahan ang tao, mga sarili lamang natin ang ating asahan!” Malinaw sa The Internationale na “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo.” Ang sangkatauhan ay naniwala noon sa Diyos at naging mapamahiin dahil ang sangkatauhan nung mga panahong iyon, ay humaharap sa kababalaghan ng natural na mundo na ang araw, buwan, mga bituin; hangin, ulan, kulog at kidlat, ay hindi makapagbibigay ng siyentipikong paliwanag. Samakatuwid, sumibol sa mga utak nila ang takot at pagtataka tungkol sa di-pangkaraniwang kapangyarihan. Kung kaya nabuo ang mga pinakaunang konsepto ng relihiyon. Bukod ditto, nung hindi malutas ng mga tao ang kahirapang dulot ng mga kalamidad at sakit, umasa silang makakuha ng ginhawang pangkaluluwa sa pamamagitan ng mataimtim na pagsunod sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nabuhay ang relihiyon. Kitang-kita naman, Hindi ito makatwiran at hindi siyentipiko! Sa panahong ito, moderno na ang tao, at namamayagpag na ang siyensya. Sa mga larangang gaya ng aerospace industry, biotechnology, genetic engineering at medisina, mabilis na naging maunlad ang lahat ng tao. Noon hindi ito naintindihan ng sangkatauhan, at hindi nila kayang lutasin ang mga problema. Pero ngayon kaya ng ipaliwanag ng siyensya ang mga problemang ito, at pwede ng umasa sa siyensya para magbigay ng mga solusyon. Ngayong maunlad na ang agham at teknolohiya, kung naniniwala pa rin ang tao sa Diyos, at naging mapamahiin, hindi ba’t ito ay kabaliwan at kamangmangan? Hindi ba’t napag-iwanan na ang mga tao sa panahong ito? Ang pinakapraktikal na gawin ay ang maniwala tayo sa siyensya.

Sagot: Sabi n’yo ang relihiyosong paniniwala ay dahil sa napag-iwanan na ang tao sa siyentipikong kaalaman, at nabuo mula sa takot at...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito