1. Sinasabi mo na sa mga huling araw, ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos, ipinapangkat ang bawat isa ayon sa uri, at ginagantimpalaan ang mabuti at pinaparusahan ang masama. Anong uri ng mga tao lang ang inililigtas ng Diyos, at anong uri ang tatanggalin Niya?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Hindi ang bawat nagsasabi sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon’, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:21–23).
“Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ‘Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit’” (Mateo 18:3).
“Ang magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at ako’y magiging Dios niya, at siya’y magiging anak ko. Nguni’t sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan” (Pahayag 21:7–8).
“Mapapalad ang mga gumagawa ng Kanyang mga utos, upang sila’y magkaroon ng karapatan sa punong kahoy ng buhay, at makapasok sa bayan sa pamamagitan ng mga pintuan. Nangasa labas ang mga aso, at ang mga manggagaway, at ang mga mapakiapid, at ang mga mamamatay-tao, at ang mga mapagsamba sa diyos-diyosan, at ang bawat nag-iibig at gumagawa ng kasinungalingan” (Pahayag 22:14–15).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sa panahong ito, yaong mga naghahangad at yaong mga hindi naghahangad ay dalawang uri ng mga tao, na may magkakaibang hantungan. Yaong mga naghahangad sa kaalaman ng katotohanan at nagsasagawa ng katotohanan ang mga pagdadalhan ng Diyos ng kaligtasan. Yaong mga hindi nababatid ang tunay na daan ay mga demonyo at kaaway; mga inapo sila ng arkanghel at magiging mga pakay ng pagwasak. Kahit yaong mga maka-Diyos na mananampalataya ng isang malabong Diyos—hindi ba’t mga demonyo rin sila? Ang mga taong nagtataglay ng mabubuting konsensiya ngunit hindi tinatanggap ang tunay na daan ay mga demonyo; paglaban sa Diyos ang kanilang diwa. Yaong mga hindi tinatanggap ang tunay na daan ay yaong mga lumalaban sa Diyos, at kahit nagtitiis ng maraming hirap ang gayong mga tao, wawasakin pa rin sila. Yaong lahat ng atubiling tumalikod sa mundo, na hindi matiis na mawalay sa kanilang mga magulang, at hindi makatiis na alisin sa kanilang mga sarili ang mga pagtatamasa sa laman ay mapaghimagsik sa Diyos, at magiging mga pakay ng pagkawasak. Sinumang hindi nananampalataya sa Diyos na nagkatawang-tao ay isang demonyo at, higit pa rito, sila ay wawasakin. Yaong mga may pananalig ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan, yaong mga hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao, at yaong mga hinding-hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos ay magiging mga pakay din ng pagwasak. Lahat yaong mga pahihintulutang manatili ay mga taong nagdaan na sa pagdurusa ng pagpipino at matatag na nanindigan; mga tao itong tunay na tiniis ang mga pagsubok. Sinumang hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; ibig sabihin, sinumang hindi kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao—nasa loob man sila o nasa labas ng daloy na ito—ay isang anticristo! Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga taong mapaghimagsik laban sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga umaangkin na may pananalig, subalit salat sa katotohanan? Hindi ba sila yaong mga naghahangad na matamo lamang ang mga pagpapala samantalang hindi magawang magpatotoo sa Diyos? Nakikihalubilo ka pa rin ngayon sa mga demonyong iyon at tinatrato sila nang may konsensiya at pagmamahal, ngunit sa pangyayaring ito, hindi ka ba nag-aabot ng mabubuting layon kay Satanas? Hindi ka ba kakampi ng mga demonyo? Kung umabot na ang mga tao sa puntong ito at hindi pa rin nila mapag-iba ang mabuti sa masama, at patuloy na bulag na maging mapagmahal at maawain nang walang anumang pagnanais na hangarin ang mga layunin ng Diyos o magawang ituring bilang kanila sa anumang paraan ang mga layunin ng Diyos, magiging higit na kahabag-habag ang kanilang mga kinalabasan. Kaaway ng Diyos ang sinumang hindi naniniwala sa Diyos sa katawang-tao. Kung nakapag-uukol ka ng konsensiya at pagmamahal sa isang kaaway, hindi ka ba salat sa pagpapahalaga sa katarungan? Kung kaayon ka ng mga yaong kinamumuhian Ko at hindi Ko sinasang-ayunan, at nag-uukol pa rin ng pagmamahal o pansariling damdamin sa kanila, hindi ka ba mapaghimagsik kung gayon? Hindi mo ba sinasadyang labanan ang Diyos? Aktuwal bang nagtataglay ng katotohanan ang gayong tao? Kung nag-uukol ng pagkakonsensiya ang mga tao patungkol sa mga kaaway, pagmamahal sa mga demonyo, at habag kay Satanas, hindi ba nila sinasadyang gambalain ang gawain ng Diyos sa gayon? Yaong mga tao na naniniwala lamang kay Jesus at hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, gayundin yaong mga pasalitang inaangkin na naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ngunit gumagawa ng masama, ay pawang anticristo, kahit hindi pa banggitin yaong mga hindi man lamang naniniwala sa Diyos. Magiging mga pakay ng pagwasak ang lahat ng taong ito. Nakabatay sa kanilang pag-uugali ang pamantayang ginagamit ng mga tao upang husgahan ang ibang mga tao; matuwid yaong ang pag-uugali ay mabuti, samantalang masama yaong ang pag-uugali ay karumal-dumal. Ang pamantayan ng Diyos sa paghatol sa mga tao ay batay sa kung nagpapasakop ba o hindi sa Kanya ang kanilang diwa; matuwid na tao ang nagpapasakop sa Diyos, samantalang ang hindi nagpapasakop ay kaaway at isang masamang tao, mabuti man o masama ang pag-uugali ng taong ito at kung tama man o mali ang kanyang pananalita. Nais ng ilang tao na gumamit ng mabubuting gawa upang magtamo ng magandang hantungan sa hinaharap, at nais ng ilang mga tao na gumamit ng maiinam na salita upang magkamit ng mabuting hantungan. Maling naniniwala ang lahat na natutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao pagkaraang mamasdan ang kanilang pag-uugali o pagkaraang makinig sa kanilang pananalita; kaya maraming tao ang nagnanais samantalahin ito upang linlangin ang Diyos na gawaran sila ng isang panandaliang biyaya. Sa hinaharap, ang lahat ng taong makaliligtas sa isang kalagayan ng pamamahinga ay napagtiisan na ang araw ng pagdurusa at nakapagpatotoo na rin sa Diyos; lahat sila ay magiging mga tao na tinupad na ang kanilang mga tungkulin at kusa nang nagpasakop sa Diyos. Yaong mga nais lamang gamitin ang pagkakataon na gawin ang paglilingkod na kasama ang balak na iwasan ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi pahihintulutang manatili. May mga naaangkop na pamantayan ang Diyos para sa pag-aayos ng mga kalalabasan ng bawat tao; hindi Siya basta gumagawa ng mga kapasiyahang ito ayon sa mga salita at asal ng isang tao, ni gumagawa Siya ng mga ito batay sa kung paano kumikilos ang isang tao sa isang tagal ng panahon. Tiyak na hindi Siya magiging maluwag hinggil sa masasamang gawa ng isang tao dahil sa nakaraang paglilingkod nito sa Kanya, o hindi rin Niya ililigtas ang isang tao mula sa kamatayan dahil sa ilang haba ng panahong ginamit na ginugugol para sa Kanya. Walang sinuman ang makaiiwas sa paghihiganti para sa kanilang kasamaan, at walang sinuman ang mapagtatakpan ang kanilang masamang pag-uugali at sa gayon ay makaiiwas sa mga paghihirap ng pagkawasak. Kung totoong matutupad ng mga tao ang sarili nilang tungkulin, nangangahulugan ito na walang hanggang tapat sila sa Diyos at hindi hinahangad ang mga pabuya, tumatanggap man sila ng mga biyaya o nagdurusa sa kasawian. Kung tapat sa Diyos ang mga tao kapag nakikita nila ang mga biyaya, ngunit nawawala ang kanilang katapatan kapag hindi nila nakikita ang anumang mga biyaya, at kung ang mga taong ito—na minsang nagtrabaho nang tapat—ay hindi pa rin magawang magpatotoo sa Diyos o tuparin ang mga tungkuling kailangan nila sa huli, magiging mga pakay pa rin ng pagkawasak ang gayong mga tao. Sa madaling salita, hindi maaaring makaligtas hanggang sa kawalang-hanggan ang masasamang tao, o makapapasok sa pamamahinga; tanging ang mga matuwid ang mga panginoon ng pamamahinga.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Ang mga buhay ay yaong mga nailigtas na ng Diyos; nahatulan at nakastigo na sila ng Diyos, handa silang ilaan ang kanilang sarili at masayang ibigay ang kanilang buhay para sa Diyos, at malugod nilang iaalay ang kanilang buong buhay sa Diyos. Tanging kapag nagpapatotoo sa Diyos ang mga buhay saka mapapahiya si Satanas; tanging ang mga buhay ang maaaring magpalaganap ng gawain ng ebanghelyo ng Diyos, tanging ang mga buhay ang naaayon sa mga layunin ng Diyos, at tanging ang mga buhay ang tunay na mga tao. Sa simula, ang taong nilikha ng Diyos ay buhay, ngunit dahil sa katiwalian ni Satanas, namumuhay ang tao sa gitna ng kamatayan, at namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, kaya nga, sa ganitong paraan, naging patay na walang espiritu ang mga tao, naging mga kaaway sila na sumasalungat sa Diyos, naging mga kasangkapan sila ni Satanas, at naging mga bihag sila ni Satanas. Naging patay na mga tao na ang lahat ng buhay na mga taong nilikha ng Diyos, kaya nawala sa Diyos ang Kanyang patotoo, at nawala sa Kanya ang sangkatauhang Kanyang nilikha na tanging nagtataglay ng Kanyang hininga. Kung babawiin ng Diyos ang Kanyang patotoo at babawiin yaong mga nilikha ng Kanyang sariling kamay subalit nabihag na ni Satanas, kailangan Niyang buhayin silang muli upang maging buhay na mga nilalang sila, at kailangan Niyang bawiin sila upang mamuhay sila sa Kanyang liwanag. Ang mga patay ay yaong mga walang espiritu, yaong mga sukdulang manhid at sumasalungat sa Diyos. Una sa lahat, sila yaong mga hindi nakakikilala sa Diyos. Wala ni katiting na intensyon ang mga taong ito na magpasakop sa Diyos; naghihimagsik lamang sila laban sa Kanya at sinasalungat Siya, at wala kahit na katiting na katapatan. Ang mga buhay ay yaong mga isinilang muli ang mga espiritu, na alam magpasakop sa Diyos, at mga tapat sa Diyos. Taglay nila ang katotohanan, at ang patotoo, at ang mga taong ito lamang ang nakalulugod sa Diyos sa Kanyang sambahayan. Inililigtas ng Diyos yaong mga kayang muling mabuhay, na kayang makita ang pagliligtas ng Diyos, na kayang maging tapat sa Diyos at handang hanapin ang Diyos. Inililigtas Niya yaong mga nananampalataya sa pagkakatawang-tao ng Diyos at sa Kanyang pagpapakita. Kayang muling mabuhay ng ilang tao, at ang ilan ay hindi; nakasalalay ito sa kung kayang maligtas o hindi ang kanilang kalikasan. Maraming tao ang nakarinig na nang marami sa mga salita ng Diyos ngunit hindi nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at wala pa ring kakayahang isagawa ang mga ito. Walang kakayahang isabuhay ng mga ganitong tao ang anumang katotohanan, at sinasadyang manggulo sa gawain ng Diyos. Hindi nila kayang gawin ang anumang gawain para sa Diyos, hindi nila maitalaga ang anumang bagay sa Kanya, at palihim din nilang ginugugol ang salapi ng iglesia at kumakain nang libre sa tahanan ng Diyos. Patay na ang mga taong ito, at hindi na sila maliligtas. Inililigtas ng Diyos ang lahat ng nasa gitna ng Kanyang gawain, subalit may mga taong hindi makatatanggap ng Kanyang pagliligtas; maliit na bilang lamang ang makatatanggap ng Kanyang pagliligtas. Ito ay dahil karamihan sa mga tao ay masyado nang nagawang tiwali at naging patay, at hindi na sila maaari pang iligtas; ganap na silang napagsamantalahan ni Satanas, at masyadong mapaminsala ang kanilang kalikasan. Hindi rin magawa ng iilang mga taong ito na ganap na magpasakop sa Diyos. Hindi sila yaong mga lubos na naging tapat sa Diyos mula sa simula, o yaong mga sukdulang nagmahal na sa Diyos mula sa simula; sa halip, naging mapagpasakop sila sa Diyos dahil sa Kanyang gawain ng panlulupig, nakikita nila ang Diyos dahil sa Kanyang sukdulang pagmamahal, may mga pagbabago sa kanilang disposisyon dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at nakikilala nila ang Diyos dahil sa Kanyang gawain, ang Kanyang gawain na parehong praktikal at normal.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ikaw Ba ay Isang Taong Nabuhay Na?
Ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay pagliligtas sa mga nagmamahal sa katotohanan, pagliligtas sa bahagi nila na may kalooban at kapasyahan, at sa bahagi nila na nananabik sa katotohanan at katarungan sa kanilang puso. Ang kapasyahan ng isang tao ay ang bahagi nila sa kanilang puso na nananabik sa katarungan, kabutihan, at katotohanan, at nagtataglay ng konsensiya. Inililigtas ng Diyos ang bahaging ito ng mga tao, at sa pamamagitan nito, binabago Niya ang kanilang tiwaling disposisyon, upang maunawaan at makamit nila ang katotohanan, upang malinis ang kanilang katiwalian, at mabago ang kanilang buhay disposisyon. Kung wala sa loob mo ang mga bagay na ito, hindi ka maliligtas. Kung sa loob mo ay walang pagmamahal sa katotohanan o pagnanais para sa katarungan at liwanag; kung sa tuwing makakatagpo ka ng masasamang bagay ay wala kang hangaring itakwil ang mga ito ni kapasyahang dumanas ng paghihirap; kung, bukod dito, manhid ang iyong konsensiya; kung ang iyong pakultad na tumanggap sa katotohanan ay namanhid din, at hindi ka sensitibo sa katotohanan o sa mga pangyayaring dumarating; at kung sa lahat ng bagay ay hindi ka nakakakilatis, at sa harap ng anumang dumarating sa iyo, hindi mo nagagawang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema at palagi kang negatibo, walang paraan upang maligtas ka. Ang ganitong tao ay walang anumang mabuting katangian, walang anuman na karapat-dapat sa paggawa ng Diyos. Ang kanilang konsensiya ay manhid, ang kanilang isip ay magulo, at hindi nila minamahal ang katotohanan, ni nananabik para sa katarungan sa kaibuturan ng kanilang puso, at gaano man kaliwanag o kalinaw sinasabi ng Diyos ng katotohanan, wala sila ni katiting na reaksiyon; na para bang patay na ang kanilang puso. Hindi ba’t katapusan na ng mga bagay para sa kanila? Ang isang taong may natitira pang hininga ay maaari pang mailigtas sa pamamagitan ng artipisyal na paghinga, ngunit, kung siya ay pumanaw na at lumisan na ang kanyang kaluluwa, walang magagawa ang artipisyal na paghinga. Kung, kapag naharap sa mga problema at paghihirap, umuurong ang isang tao at umiiwas sa mga ito, hindi niya talaga hinahanap ang katotohanan, at pinipili niyang maging negatibo at pabaya sa kanyang gawain, pagkatapos ay nabubunyag kung sino talaga siya. Ang gayong mga tao ay wala talagang patotoong batay sa karanasan. Mga palamunin lang sila, pabigat, walang silbi sa sambahayan ng Diyos, at tiyak na mapapahamak.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Inililigtas ng Diyos ang mga taong nagawang tiwali ni Satanas at may mga tiwaling disposisyon, hindi mga perpektong taong walang mga kapintasan o iyong mga namumuhay nang hiwalay sa realidad ng buhay. Ang ilang tao, sa oras ng pagbubunyag ng kaunting katiwalian, ay iniisip na, “Nilabanan ko na naman ang Diyos. Nananampalataya ako sa Diyos nang maraming taon at hindi pa rin ako nagbabago. Siguradong hindi na ako gusto ng Diyos!” Pagkatapos ay nasasadlak sila sa kawalan ng pag-asa at ayaw na nilang hangarin ang katotohanan. Ano ang tingin mo sa saloobing ito? Sila mismo ay sumuko na sa katotohanan, at naniniwala na hindi na sila gusto ng Diyos. Hindi ba’t ito ay maling pagkaunawa sa Diyos? Ang gayong pagkanegatibo ang pinakamadaling paraan para mapagsamantalahan ni Satanas. Tinutuya sila ni Satanas, sinasabing, “Hangal ka! Nais ng Diyos na iligtas ka, ngunit nagdurusa ka pa rin nang ganito! Kaya, sumuko ka na lang! Kung susuko ka, ititiwalag ka ng Diyos, na katulad lang ng pagbibigay Niya sa iyo sa akin. Pahihirapan kita hanggang kamatayan!” Sa sandaling magtagumpay si Satanas, magiging kahila-hilakbot ang mga kahihinatnan. Dahil dito, anuman ang mga paghihirap o pagkanegatibo ang kinakaharap ng isang tao, hindi siya dapat sumuko. Dapat niyang hanapin ang katotohanan para sa mga solusyon, at hindi siya dapat pasibong maghintay. Sa panahon ng proseso ng paglago sa buhay at sa panahon ng pagliligtas sa tao, maaaring tumatahak minsan ang mga tao sa maling landas, lumilihis, o nagkakaroon ng mga pagkakataon kung saan nagpapakita sila ng mga kalagayan at pag-uugali ng kakulangan sa gulang ng kaisipan sa buhay. Maaaring mayroon silang mga oras ng kahinaan at pagkanegatibo, mga oras na nagsasabi sila ng mga maling bagay, nadadapa, o nakararanas ng kabiguan. Ang lahat ng ito ay normal sa mga mata ng Diyos. Hindi Niya ito kinikimkim laban sa kanila. Iniisip ng ilang tao na masyadong malalim ang kanilang katiwalian, at na hindi nila kailanman mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, kaya’t nalulungkot sila at kinamumuhian nila ang kanilang sarili. Ang mga may pusong nagsisisi na tulad nito ay ang mismong mga taong inililigtas ng Diyos. Sa kabilang banda, ang mga naniniwalang hindi nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos, na nag-iisip na sila ay mabubuting tao at walang mali sa kanila, ay kadalasang hindi ang mga inililigtas ng Diyos. Ano ang ipinaparating Ko sa inyo rito? Magsalita ang sinumang nakauunawa. (Kailangan naming maayos na pangasiwaan ang mga pagbubunyag namin ng katiwalian at tumuon sa pagsasagawa sa katotohanan, at matatanggap namin ang pagliligtas ng Diyos. Kung palagi kaming magkakamali ng pagkaunawa sa Diyos, madali kaming masasadlak sa kawalan ng pag-asa.) Dapat kang magkaroon ng pananalig at sabihing, “Kahit na mahina ako ngayon, at nadapa at nabigo ako, lalago ako, at balang-araw ay mauunawaan ko ang katotohanan, mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, at makakamit ang kaligtasan.” Dapat kang magkaroon ng ganitong determinasyon. Anuman ang mga balakid, paghihirap, pagkabigo, o pagkadapa na iyong nararanasan, hindi ka dapat maging negatibo. Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang inililigtas ng Diyos. Higit pa rito, kung sa tingin mo ay hindi ka pa kalipikadong iligtas ng Diyos, o kung may mga pagkakataon kung saan nasa mga kalagayan ka na kinasusuklaman o hindi kinalulugdan ng Diyos, o kung may panahon na umasal ka nang labis na hindi maganda, at hindi ka tinanggap ng Diyos, o itinaboy ka ng Diyos, hindi na ito mahalaga. Ngayon ay alam mo na, at hindi pa huli ang lahat. Hangga’t nagsisisi ka, bibigyan ka ng pagkakataon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananampalataya sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita
Maraming tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang matapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi matapat. Siyempre pa, alam na alam Ko kung gaano kahirap sa inyo ang maging matatapat na tao. Sapagkat “napakamatalino” ninyong lahat, napakahusay sa pagsukat sa puso ng mga marangal na tao batay sa sarili ninyong masamang pag-iisip, ginagawa nitong mas payak ang gawain Ko. At yamang ang bawat isa sa inyo ay niyayakap sa dibdib ang mga lihim ninyo, isa-isa Ko kayong ilalagay sa kapahamakan upang “turuan” sa pamamagitan ng apoy, nang sa gayon pagkatapos nito ay maaaring wala na kayong magawa kundi maniwala sa mga salita Ko. Sa huli, hihilahin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay matapat na Diyos,” pagkatapos ay hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy na, “Masyadong mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Tiyak na hindi na magiging malaki ang ulo ninyo hindi tulad ngayon! At lalong hindi kayo magiging kasing “lalim at mahirap unawain” na tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang tao, at labis na “maayos ang asal,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong tinatratong basta-basta ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong ayaw isagawa ang katotohanan. Kung marami kang pribadong usapin na mahirap talakayin, kung ayaw na ayaw mong ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong labis na mahihirapan na matamo ang kaligtasan, at mahihirapan na makaahon mula sa kadiliman. Kung talagang kinalulugdan mo ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubha kang nagagalak na maging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos, gumagawa nang masigasig kahit hindi napapansin, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at isa ka lamang matapat na tao. Kung handa kang maging prangka, kung handa kang gugulin ang lahat-lahat mo, kung magagawa mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at manindigan sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa puntong ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, sinasabi Ko na ang gayong mga tao ay ang mga inaaruga sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian. Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananalig at totoong katapatan sa loob mo, kung may tala ka ng pagdurusa para sa Diyos, at kung mayroon kang ganap na pagpapasakop sa Diyos. Kung hindi mo taglay ang mga ito, nananatili sa loob mo ang paghihimagsik, panlilinlang, pagkasakim, at pagrereklamo. Dahil hindi matapat ang puso mo, hindi ka kailanman ikinalugod ng Diyos at hindi ka kailanman namuhay sa liwanag. Kung ano ang mangyayari sa kapalaran ng isang tao sa huli ay nakasalalay sa kung mayroon siyang pusong tapat at kasimpula ng dugo, at kung may dalisay siyang kaluluwa. Kung isa kang taong lubhang hindi matapat, isang taong may labis na mapaminsalang puso, isang taong marumi ang kaluluwa, tiyak na hahantong ka sa lugar kung saan pinarurusahan ang tao, tulad ng nakasulat sa talaan ng tadhana mo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala
Iyong mga kapatid na palaging nagbubulalas ng kanilang pagkanegatibo ay mga alipin ni Satanas, at ginugulo nila ang iglesia. Ang mga taong ito balang araw ay kailangang patalsikin at itiwalag. Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, kung ang mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso, kung wala silang pusong nagpapasakop sa Diyos, hindi lamang sila hindi makakagawa ng anumang gawain para sa Kanya, kundi bagkus ay magiging mga taong gumugulo sa Kanyang gawain at lumalaban sa Kanya. Ang pananampalataya sa Diyos ngunit hindi nagpapasakop o natatakot sa Kanya, at sa halip ay nilalabanan Siya, ang pinakamalaking kahihiyan para sa isang mananampalataya. Kung kaswal lang at walang pagpipigil ang pananalita at asal ng mga mananampalataya na tulad ng mga walang pananampalataya, mas buktot pa sila kaysa mga walang pananampalataya; sila ay tipikal na masasamang demonyo. Iyong mga nagbubulalas ng kanilang makamandag at mapaminsalang pananalita sa loob ng iglesia, na nagkakalat ng walang batayang mga tsismis, nagpupukaw ng kawalan ng pagkakaisa, at bumubuo ng mga pangkat-pangkat sa gitna ng mga kapatid—dapat ay patalsikin na sila sa iglesia. Subalit dahil ibang panahon na ngayon ng gawain ng Diyos, nililimitahan ang mga taong ito, sapagkat walang dudang ititiwalag sila. Lahat ng nagawang tiwali ni Satanas ay may mga tiwaling disposisyon. May ilang tao na nagtataglay ng tiwaling disposisyon lamang, samantalang ang iba ay hindi ganito: Hindi lamang sila mayroong mga tiwali at satanikong disposisyon, kundi lubos na mapaminsala rin ang kanilang kalikasan. Hindi lamang inihahayag ng kanilang mga salita at kilos ang kanilang mga tiwali at satanikong disposisyon; ang mga taong ito, bukod pa rito, ang totoong mga diyablo at mga Satanas. Ang pag-uugali nila ay nakakagambala at nakakagulo sa gawain ng Diyos, nakakagulo ito sa buhay pagpasok ng mga kapatid, at nakakasira sa normal na buhay ng iglesia. Sa malao’t madali, ang mga lobong ito na nakadamit-tupa ay kailangang alisin; isang walang-awang saloobin, saloobin ng pagtanggi, ang dapat gamitin sa mga alipin na ito ni Satanas. Ito lamang ang pumapanig sa Diyos, at iyong mga hindi nakakagawa nito ay nagtatampisaw sa putikan na kasama ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan
Bawat iglesia ay may mga taong nagsasanhi ng kaguluhan para sa iglesia o nakakagambala sa gawain ng Diyos. Lahat sila ay mga Satanas na nakapasok sa sambahayan ng Diyos nang nakabalatkayo. Ang gayong mga tao ay mahusay umakto: Humaharap sila sa Akin nang may malaking pagpipitagan, labis-labis na nagbibigay-galang, umaasal na parang mga asong galisin, at inilalaan ang kanilang “lahat-lahat” para makamtan ang sarili nilang mga intensyon—ngunit sa harap ng mga kapatid, ipinapakita nila ang kanilang pangit na panig. Kapag nakakakita sila ng mga taong nagsasagawa ng katotohanan, pinipintasan nila ang mga ito at itinutulak sa isang tabi; kapag nakakakita sila ng mga taong mas malakas kaysa sa kanila, pinupuri at binobola nila ang mga ito. Nagwawala sila sa loob ng iglesia. Masasabi na ang gayong “lokal na mga maton,” ang gayong “mga sipsip,” ay umiiral sa karamihan ng mga iglesia. Sama-sama silang kumikilos nang malademonyo, nagpapahatid ng mga kindat at lihim na senyas sa isa’t isa, at walang isa man sa kanila ang nagsasagawa ng katotohanan. Sino man ang may pinakamakamandag na lason ay siyang “punong demonyo,” at sino man ang may pinakamataas na prestihiyo ay namumuno sa kanila, at iwinawagayway ang kanilang bandila. Naghuhuramentado ang mga taong ito sa loob ng iglesia, nagkakalat ng kanilang pagkanegatibo, bumubulalas ng kamatayan, ginagawa ang gusto nila, sinasabi ang gusto nila, at walang sinumang nangangahas na pigilan sila. Puno sila ng disposisyon ni Satanas. Katatapos pa lamang nilang manggulo ay pumapasok na ang simoy ng kamatayan sa iglesia. Iyong mga nasa iglesia na nagsasagawa ng katotohanan ay tinatanggihan, hindi magawang maibigay ang kanilang lahat-lahat, samantalang iyong mga nanggugulo sa iglesia at nagkakalat ng kamatayan ay nagwawala sa loob—at, bukod pa riyan, karamihan sa mga tao ay sumusunod sa kanila. Ang gayong mga iglesia ay pinamumunuan ni Satanas, walang duda; ang diyablo ang kanilang hari. Kung ang mga tao sa gayong mga iglesia ay hindi tumatayo at tumatanggi sa mga punong demonyo, sila rin sa malao’t madali ay mawawasak. Mula ngayon, kailangang gumawa ng mga hakbang laban sa gayong mga iglesia. Kung hindi maghahangad ang mga may kakayahang magsagawa ng kaunting katotohanan, bubuwagin ang iglesiang iyon. Kung walang sinuman sa isang iglesia ang handang magsagawa ng katotohanan at walang sinumang makapanindigan sa kanilang patotoo sa Diyos, dapat ay ihiwalay nang lubusan ang iglesiang iyon, at kailangang putulin ang mga koneksyon nito sa ibang mga iglesia. Tinatawag itong “paglilibing sa kamatayan”; ito ang ibig sabihin ng pagtanggi kay Satanas. Kung may ilang lokal na maton sa isang iglesia, at sinusundan sila ng “maliliit na langaw” na lubos na hindi makakilatis, at kung ang mga tao sa gayong iglesia, kahit nakita na nila ang katotohanan, ay wala pa ring kakayahang tanggihan ang mga gapos at manipulasyon ng mga maton na ito, lahat ng hangal na iyon ay ititiwalag sa huli. Maaaring walang nagawang kakila-kilabot ang maliliit na langaw na ito, ngunit mas mapanlinlang pa sila, mas tuso, at lahat ng kagaya nito ay ititiwalag. Wala ni isang matitira! Iyong mga kay Satanas ay ibabalik kay Satanas, samantalang iyong mga hinirang ng Diyos ay tiyak na hahanapin ang katotohanan; natutukoy ito ng kanilang mga kalikasan. Hayaang mapahamak ang lahat ng sumusunod kay Satanas! Walang habag na ipapakita sa gayong mga tao. Hayaan iyong mga naghahanap sa katotohanan na matustusan, at nawa ay masiyahan sila sa salita ng Diyos hangga’t nais nila. Ang Diyos ay matuwid; hindi Siya magpapakita ng paboritismo kaninuman. Kung ikaw ay isang diyablo, wala kang kakayahang magsagawa ng katotohanan; kung ikaw ay isang tao na naghahanap sa katotohanan, tiyak na hindi ka mabibihag ni Satanas. Walang kaduda-duda iyan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan
Ang mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos ay iyong mga handang isagawa ang salita ng Diyos at handang isagawa ang katotohanan. Ang mga taong tunay na nagagawang manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos ay iyon ding mga handang isagawa ang Kanyang salita at talagang kayang pumanig sa katotohanan. Ang mga taong nakikibahagi sa mga baliko at di-makatarungang pagsasagawa ay pawang walang katotohanan, at nagdadala silang lahat ng kahihiyan sa Diyos. Iyong mga nagsasanhi ng mga alitan sa iglesia ay mga alipin ni Satanas, sila ang sagisag ni Satanas. Ang gayong mga tao ay napakamapaminsala. Lahat ng walang pagkakilala at walang kakayahang pumanig sa katotohanan ay pawang mga taong nagkikimkim ng masasamang intensyon at dinudungisan ang katotohanan. Sila ay mas tipikal na mga kinatawan ni Satanas. Hindi na sila matutubos, at natural lamang na itiwalag. Hindi tinutulutan ng pamilya ng Diyos na manatili ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, ni hindi nito tinutulutang manatili iyong mga sadyang gumigiba sa iglesia. Gayunman, hindi ito ang panahon para gawin ang gawain ng pagpapatalsik; ibubunyag at ititiwalag lamang ang gayong mga tao sa huli. Wala nang walang-silbing gawaing iuukol sa mga taong ito; iyong mga Satanas ay hindi kayang pumanig sa katotohanan, samantalang iyong mga naghahanap sa katotohanan ay kayang gawin ito. Ang mga tao na hindi nagsasagawa ng katotohanan ay hindi karapat-dapat na marinig ang Salita ng katotohanan at hindi karapat-dapat na magpatotoo tungkol sa katotohanan. Ang katotohanan ay hindi talaga para sa kanilang mga pandinig; sa halip, ito ay para sa mga nagsasagawa nito. Bago ibunyag ang kalalabasan ng bawat tao, iyong mga nanggugulo sa iglesia at nakakagambala sa gawain ng Diyos ay isasantabi muna sa ngayon, upang pakitunguhan kalaunan. Kapag natapos na ang gawain, ibubunyag ang bawat isa sa mga taong ito, at pagkatapos ay ititiwalag sila. Samantala, habang ipinagkakaloob ang katotohanan, hindi sila papansinin. Kapag ibinunyag sa sangkatauhan ang buong katotohanan, dapat itiwalag ang mga taong iyon; iyon ang panahon kung kailan pagbubukud-bukurin ang lahat ng tao ayon sa kanilang uri. Ang maliliit na panlalansi ng mga walang pagkilatis ay hahantong sa kanilang pagkawasak sa mga kamay ng masasamang tao, ililigaw sila ng mga ito, at hindi na makakabalik. At gayong pagtrato ang nararapat sa kanila, dahil hindi nila mahal ang katotohanan, dahil hindi nila kayang pumanig sa katotohanan, dahil sumusunod sila sa masasamang tao at pumapanig sa masasamang tao, at dahil nakikipagsabwatan sila sa masasamang tao at lumalaban sa Diyos. Alam na alam nila na ang ibinubunyag ng masasamang taong iyon ay kasamaan, subalit pinatitigas nila ang kanilang puso at tinatalikuran ang katotohanan upang sumunod sa mga ito. Hindi ba gumagawa ng kasamaan ang lahat ng taong ito na hindi nagsasagawa ng katotohanan kundi gumagawa ng nakakasira at karumal-dumal na mga bagay? Bagama’t mayroon sa kanila na naghahari-harian at sumusunod naman sa kanila ang iba, hindi ba’t pareho ang kalikasan nila ng paglaban sa Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi sila inililigtas ng Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi matuwid ang Diyos? Hindi ba ang sarili nilang kasamaan ang sumisira sa kanila? Hindi ba ang sarili nilang paghihimagsik ang humahatak sa kanila pababa sa impiyerno? Ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maliligtas at gagawing perpekto dahil sa katotohanan. Iyong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maghahatid ng pagkawasak sa kanilang sarili dahil sa katotohanan. Ang mga ito ang mga kalalabasan na naghihintay sa mga nagsasagawa at hindi nagsasagawa ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan
Kahit paano man sila sinusubukan, ang katapatan ng mga taong nasa mga puso nila ang Diyos ay nananatiling hindi nagbabago; ngunit para sa mga taong walang Diyos sa kanilang mga puso, sa sandaling ang gawain ng Diyos ay hindi kapaki-pakinabang sa kanilang laman, binabago nila ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos, at nililisan pa ang Diyos. Ganoon ang mga hindi maninindigan sa katapusan, na naghahanap lamang ng mga pagpapala ng Diyos at walang anumang pagnanais na gumugol ng kanilang mga sarili para sa Diyos at ialay ang kanilang mga sarili sa Kanya. Ang gayong mga mababang-uri na tao ay patatalsikin lahat kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi sila papakitaan ng awa kahit kaunti. Yaong mga walang pagkatao ay lubos na walang kakayahang mahalin ang Diyos nang tunay. Kapag ang paligid ay komportable, o may pakinabang na matatamo, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang mga pagnananais ay nakompromiso o nawasak sa huli, agad silang tumitindig para maghimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, mula sa isang nakangiti at “mabait” na tao, sila ay nagiging mamamatay-tao na malupit ang hitsura, di-inaasahan na itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagbigay ng tulong kahapon, nang walang katwiran o kadahilanan. Kung ang masasamang demonyong ito na pumapatay nang hindi kumukurap ay hindi pinapalayas, hindi ba’t sila ay magiging tagong panganib? Hindi ito ang kaso na sa sandaling ang gawain ng panlulupig ay matapos na, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay nagiging ganap na kompleto. Kahit natapos na ang gawain ng panlulupig, ang gawain ng pagdadalisay sa tao ay hindi pa natapos; tanging kapag ang tao ay lubusan nang dalisay, sa sandaling yaong mga tunay na nagpapasakop sa Diyos ay nagawa nang ganap, at sa sandaling yaong mga mapagpanggap na walang Diyos sa kanilang mga puso ay napaalis na, saka matatapos ang gawain. Yaong mga hindi nakalulugod sa Diyos sa huling yugto ng Kanyang gawain ay lubusang ititiwalag, at yaong mga itinitiwalag ay sa mga diyablo. Dahil hindi nila kayang paluguran ang Diyos, sila ay mapaghimagsik laban sa Diyos, at kahit na sumusunod ang mga taong ito sa Diyos ngayon, ito ay hindi nagpapatunay na sila ang mga mananatili sa wakas. Sa mga salitang “yaong mga sumusunod sa Diyos hanggang sa katapusan ay tatanggap ng kaligtasan,” ang kahulugan ng “sumunod” ay tumayo nang matatag sa kabila ng kapighatian. Ngayon, marami ang naniniwala na madali ang sumunod sa Diyos, ngunit kapag ang gawain ng Diyos ay malapit nang matapos, malalaman mo ang tunay na kahulugan ng “sumunod.” Hindi dahil kaya mo pang sumunod sa Diyos ngayon matapos lupigin, ito ay hindi nagpapatunay na isa ka sa mga gagawing perpekto. Yaong mga hindi kinakayang pagtiisan ang mga pagsubok, silang mga hindi kayang maging matagumpay sa gitna ng kapighatian ay hindi makakayang tumayo nang matatag sa kahuli-hulihan, kaya’t hindi makakayang sumunod sa Diyos hanggang sa katapus-katapusan. Ang mga tunay na sumusunod sa Diyos ay kayang matagalan na nasusubok ang kanilang gawain, samantalang yaong mga hindi talaga sumusunod sa Diyos ay hindi kayang matagalan ang anumang mga pagsubok ng Diyos. Sa malao’t madali, sila ay mapatatalsik, habang ang mga mananagumpay ay mananatili sa kaharian. Kung ang tao ay tunay na naghahanap sa Diyos o hindi ay maaari lang matukoy sa pamamagitan ng pagsubok sa kanyang gawain, ibig sabihin, sa pamamagitan ng mga pagsubok ng Diyos, at walang kaugnayan sa mismong tinutukoy ng tao. Hindi tinatanggihan ng Diyos ang sinumang tao nang basta-basta; lahat ng ginagawa Niya ay lubusang makakakumbinsi sa tao. Hindi Siya gumagawa ng anumang bagay na hindi nakikita ng tao, o anumang gawain na hindi makakakumbinsi sa tao. Kung ang pananampalataya ng tao ay tunay o hindi, ay napapatunayan ng mga katunayan at hindi matutukoy ng tao. Walang duda na ang “trigo ay hindi magagawang mapanirang damo, at ang mapanirang damo ay hindi magagawang trigo.” Ang lahat ng tunay na nagmamahal sa Diyos ay mananatili sa kaharian sa kahuli-hulihan, at hindi tatratuhin nang hindi maganda ng Diyos ang sinumang tunay na nagmamahal sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Ngayon, kung naging epektibo man o hindi ang inyong paghahangad ay nasusukat sa pamamagitan ng kung ano ang kasalukuyan ninyong taglay. Ito ang ginagamit para matukoy ang inyong kalalabasan; ibig sabihin, ang inyong kalalabasan ay nabubunyag sa mga sakripisyo at mga bagay na nagawa ninyo. Ang inyong kalalabasan ay malalaman sa pamamagitan ng inyong paghahangad, inyong pananalig, at inyong nagawa. Sa inyong lahat, marami ang wala nang pag-asang mailigtas, sapagkat ngayon ang araw ng pagbubunyag ng mga kalalabasan ng mga tao, at hindi magiging magulo ang isip Ko sa Aking gawain; hindi Ko aakayin yaong mga lubos na walang pag-asang mailigtas tungo sa susunod na kapanahunan. Magkakaroon ng panahon na tapos na ang Aking gawain. Hindi Ko gagawaan yaong mababaho at walang espiritung mga bangkay na hindi man lang maililigtas; ngayon ang mga huling araw ng pagliligtas sa tao, at hindi Ako gagawa ng gawaing walang silbi. Huwag magreklamo laban sa Langit at lupa—darating na ang katapusan ng mundo. Hindi ito maiiwasan. Umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, at wala ka nang magagawa bilang tao para pigilin ang mga ito; hindi mo mababago ang mga bagay-bagay ayon sa gusto mo. Kahapon, hindi ka nagbayad ng halaga para hangarin ang katotohanan at hindi ka naging tapat; ngayon, dumating na ang panahon, wala ka nang pag-asang mailigtas; at bukas, ititiwalag ka na, at wala nang magiging palugit para sa iyong kaligtasan. Kahit malambot ang Aking puso at ginagawa Ko ang lahat ng makakaya Ko para iligtas ka, kung hindi ka nagpupunyagi o nagsasaalang-alang sa sarili mo, ano ang kinalaman nito sa Akin? Yaong mga nag-iisip lamang tungkol sa kanilang laman at nagtatamasa ng kaginhawahan; yaong mga mukhang naniniwala ngunit hindi talaga naniniwala; yaong mga nakikilahok sa masasamang panggagamot at pangkukulam; yaong mahahalay, at bagsak ang pagkatao; yaong mga nagnanakaw ng mga alay kay Jehova at ng Kanyang mga pag-aari; yaong mga nagmamahal sa mga suhol; yaong mga nangangarap nang walang ginagawa na makaakyat sa langit; yaong mga mapagmataas at palalo, na nagpupunyagi lamang para sa personal na kasikatan at pakinabang; yaong mga nagkakalat ng mga salitang walang paggalang; yaong mga lumalapastangan sa Diyos Mismo; yaong mga walang ginagawa kundi husgahan at siraang-puri ang Diyos Mismo; yaong mga naggugrupo-grupo at naghahangad na magsarili; yaong mga itinataas ang kanilang sarili nang higit sa Diyos; yaong mga walang delikadesang kabataan, mga may-edad at matatandang kalalakihan at kababaihan na nasilo sa kahalayan; yaong kalalakihan at kababaihan na nagtatamasa ng personal na kasikatan at pakinabang at naghahabol ng personal na katayuan sa gitna ng iba; yaong mga taong hindi nagsisisi na nabitag sa kasalanan—hindi ba sila, lahat sila, ay walang pag-asang maligtas? Ang kahalayan, pagiging makasalanan, masamang panggagamot, pangkukulam, paglalapastangan, at walang-paggalang na mga salita ay lahat talamak sa inyo; at ang katotohanan at mga salita ng buhay ay tinatapakan sa gitna ninyo, at ang banal na pananalita ay dinudungisan sa gitna ninyo. Kayong mga Hentil, na sobra sa karumihan at paghihimagsik! Ano ang kalalabasan ninyo sa huli? Paano naaatim ng mga nagmamahal sa laman, gumagawa ng pangkukulam ng laman, at nabibitag sa mahalay na kasalanan na patuloy na mabuhay! Hindi mo ba alam na ang mga taong katulad ninyo ay mga uod na walang pag-asang maligtas? Ano ang nagbigay sa inyo ng karapatang humingi ng kung anu-ano? Sa ngayon, wala ni katiting na pagbabago sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan at nagmamahal lamang sa laman—maliligtas pa ba ang gayong mga tao? Yaong mga hindi minamahal ang daan ng buhay, mga hindi dumadakila sa Diyos at nagpapatotoo sa Kanya, mga nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan, na nagtataas sa kanilang mga sarili—hindi ba’t ganoon pa rin sila, kahit ngayon? Ano ang kabuluhan ng pagliligtas sa kanila? Kung maliligtas ka ay hindi depende sa kung gaano kataas ang senyoridad mo o ilang taon ka nang gumagawa, at lalo nang hindi ito depende sa kung gaano karami ang mga kredensyal mo. Bagkus, depende ito sa kung nagbunga na ang iyong paghahangad. Kailangan mong malaman na yaong mga naliligtas ay ang “mga puno” na nagbubunga, hindi ang mga puno na may malalagong dahon at saganang bulaklak subalit hindi nagbubunga. Kahit nakagugol ka na ng maraming taon sa pagpapagala-gala sa mga lansangan, ano ang halaga niyon? Nasaan ang iyong patotoo? Mas higit na kaunti ang iyong may-takot-sa-Diyos na puso kumpara sa iyong pusong nagmamahal sa iyong sarili at sa iyong mahahalay na pagnanais—hindi ba’t bulok ang ganitong klase ng tao? Paano sila magiging uliran at huwaran para sa pagliligtas? Ang iyong kalikasan ay hindi na mababago, napakamapaghimagsik mo, wala ka nang pag-asang maligtas! Hindi ba’t ang gayong mga tao ang ititiwalag? Hindi ba’t ang oras na matatapos ang Aking gawain ang siyang oras ng pagdating ng huling araw mo? Napakarami Kong nagawang gawain at napakarami Kong nasambit na salita sa gitna ninyo—gaano karami nito ang tunay na nakapasok sa inyong mga tainga? Nakapagpasakop na kayo sa gaano karami nito? Kapag natapos ang Aking gawain, iyon ang magiging oras na titigil kang kontrahin Ako, na titigil kang kalabanin Ako. Habang Ako ay gumagawa, patuloy kayong kumikilos laban sa Akin; hindi kayo sumusunod sa Aking mga salita kahit kailan. Ginagawa Ko ang Aking gawain, at ginagawa mo ang iyong sariling “gawain,” gumagawa ng sarili mong munting kaharian. Kayo ay walang iba kundi mga soro at mga aso, ginagawa ang lahat para kontrahin Ako! Palagi ninyong sinusubukang yakapin yaong mga naghahandog sa inyo ng kanilang buong pagmamahal—nasaan ang inyong pusong may takot? Lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang! Wala kayong pagpapasakop o pagkatakot, at lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang at lapastangan! Maliligtas ba ang ganyang klaseng tao? Ang mga lalaking seksuwal na imoral at mahalay ay palaging gustong akitin ang makikiring haliparot sa kanila para sa sarili nilang kasiyahan. Hindi Ko talaga ililigtas ang gayong sekswal na imoral na mga demonyo. Kinamumuhian Ko kayong maruruming demonyo, at ang inyong kahalayan at pagiging haliparot ay magsasadlak sa inyo sa impiyerno. Ano ang masasabi ninyo para sa inyong mga sarili? Nakakadiri kayong maruruming demonyo at masasamang espiritu! Nakasusuklam kayo! Paano maliligtas ang gayong klaseng basura? Maliligtas pa rin ba sila na nabibitag sa kasalanan? Ngayon, ang katotohanang ito, ang daang ito, at ang buhay na ito ay hindi umaakit sa inyo; bagkus, naaakit kayo sa pagkakasala; sa pera; sa katayuan, kasikatan at pakinabang; sa mga kasiyahan ng laman; sa kaguwapuhan ng mga lalaki at kariktan ng mga babae. Ano ang kalipikasyo mong makapasok sa Aking kaharian? Ang inyong larawan ay higit pa kaysa sa Diyos, ang inyong katayuan ay mas mataas pa kaysa sa Diyos, huwag nang banggitin pa ang inyong katanyagan sa mga tao—naging idolo na kayo na sinasamba ng mga tao. Hindi ba’t naging arkanghel ka? Kapag naibubunyag na ang mga kinalabasan ng mga tao, na kung kailan rin malapit nang matapos ang gawain ng pagliligtas, marami sa inyo ang magiging mga bangkay na wala nang pag-asang maligtas at kailangang itiwalag.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (7)