3. Ang aming paniniwala na ang gawain ng Panginoong Jesus ay ang tunay na daan ay dahil maaari kaming matubos at mapatawad ng Panginoong Jesus sa aming mga kasalanan. Anong patunay ang mayroon ka upang suportahan ang iyong patotoo na ang “Kidlat ng Silanganan” ay ang tunay na daan?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ano ang pinakapundamental na prinsipyo sa paghahanap sa tunay na daan? Kailangan mong tingnan kung mayroon ba o wala ang gawain ng Banal na Espiritu sa daang ito, kung ang mga salitang ito ay pagpapahayag ba o hindi ng katotohanan, kung sino ang pinatototohanan, at kung ano ang maidudulot nito sa iyo. Ang pag-alam ng pagkakaiba sa pagitan ng tunay na daan at ng mga huwad na daan ay nangangailangan ng ilang aspekto ng pundamental na kaalaman, at ang pinakapundamental dito ay ang pag-alam kung mayroon ba o wala ang gawain ng Banal na Espiritu. Sapagkat ang diwa ng pananampalataya ng mga tao sa Diyos ay ang pananampalataya sa Espiritu ng Diyos, at kahit ang pananampalataya nila sa Diyos na nagkatawang-tao ay dahil sa ang katawang-tao na ito ay ang pagsasakatawan ng Espiritu ng Diyos, na nangangahulugang ang gayong pananampalataya ay pananampalataya pa rin sa Espiritu. May mga pagkakaiba sa pagitan ng Espiritu at ng katawang-tao, ngunit dahil ang katawang-tao na ito ay nagmumula sa Espiritu, at ito ay ang Salita na naging tao, ang sinasampalatayaan ng tao ay ang likas na diwa pa rin ng Diyos. Kaya’t sa pagkilala kung ito ba ay ang tunay na daan o hindi, higit sa lahat ay dapat mong tingnan kung taglay ba nito o hindi ang gawain ng Banal na Espiritu, at pagkatapos ay dapat mong tingnan kung mayroon ba o walang katotohanan sa daang ito. Ang katotohanan, gaya ng tawag dito, ay ang buhay disposisyon ng normal na pagkatao. Sa madaling salita, ito ang hinihingi sa tao noong lalangin siya ng Diyos sa pasimula, at ito ay ang normal na pagkatao sa kabuuan nito (kabilang na ang katwiran ng pagkatao, gayundin ang kabatiran, karunungan, at ang pundamental na kaalaman ng kung paano umasal). Ibig sabihin, kailangan mong tingnan kung madadala ba o hindi ng daang ito ang mga tao sa normal na buhay ng tao, kung ang katotohanan na ipinapahayag ay humihingi ba o hindi batay sa realidad ng normal na pagkatao, kung ang katotohanang ito ay makatotohanan at praktikal ba o hindi, at kung ito ay pinakanapapanahon ba o hindi. Kung may katotohanan, magagawa nitong akayin ang mga tao patungo sa normal at praktikal na mga karanasan; higit pa rito, lalong nagiging mas normal ang mga tao, lalong nagiging mas kompleto ang katwiran ng pagkatao na taglay nila, nagiging paayos nang paayos ang kanilang buhay sa laman at ang espirituwal na buhay, at lalong nagiging mas normal ang kanilang mga emosyon. Ito ang ikalawang prinsipyo. May isa pang prinsipyo, at iyon ay kung nadaragdagan ba o hindi ang pagkakilala ng tao sa Diyos, at kung ang pagdanas ng ganoong gawain at katotohanan ay may kakayahan ba o wala na pumukaw ng mapagmahal-sa-Diyos na puso sa loob nila at magpalapit sa kanila nang magpalapit sa Diyos. Sa ganito masusukat kung ito ba ang tunay na daan o hindi. Ang pinakapundamental ay kung ang daang ito ay makatotohanan ba imbes na higit sa natural, at kung ito ay nakapagtutustos ba sa buhay ng tao o hindi. Kung ito ay umaayon sa mga prinsipyong nabanggit, maaaring mabuo ang kongklusyon na ang daang ito ang tunay na daan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakakaunawa sa Kanyang Gawain ang mga Nagpapalugod sa Diyos
Hindi mahirap na suriin ang gayong bagay, ngunit kinakailangan nito na malaman muna ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito: Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, dinadala Niya ang gawaing nilalayon Niyang gawin, at dahil Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, ipinapahayag Niya kung ano Siya, at nagagawa Niyang ihatid sa tao ang katotohanan, pagkalooban ito ng buhay, at ituro dito ang daan. Ang laman na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung nilalayon ng tao na suriin kung ito ba ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, kailangan itong tukuyin ng tao mula sa disposisyon na ipinapahayag ng Diyos at sa mga salitang sinasambit ng Diyos. Ibig sabihin, para matukoy kung ito nga ba ang nagkatawang-taong laman ng Diyos o hindi, at kung ito nga ba ang tunay na daan o hindi, kailangang makilala ang kaibhan batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, ang susi sa kung ito ba o hindi ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay nakasalalay sa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga salita, Kanyang disposisyon, at marami pang ibang aspekto), sa halip na sa panlabas na anyo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Bagama’t dumating si Jesus sa gitna ng mga tao at gumawa ng maraming gawain, kinumpleto lamang Niya ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan at nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis sa tao ang lahat ng tiwaling disposisyon nito. Ang ganap na pagliligtas sa tao mula sa impluwensiya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan na si Jesus ay maging handog para sa kasalanan at magpasan ng mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din nito na gumawa ang Diyos ng mas dakila pang gawain upang ganap na iwaksi sa tao ang mga disposisyon nito na ginawang tiwali ni Satanas. Kaya, pagkatapos mapatawad ang tao sa mga kasalanan nito, nagbalik ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan Niya ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay nagdala sa sangkatauhan sa isang mas mataas na antas. Lahat ng nagpapasakop sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mamumuhay sa liwanag, at makakamit nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Si Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at para himayin ang mga salita at gawa ng tao. Ang mga salitang ito ay naglalaman ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, kung paano dapat magpasakop sa Diyos ang tao, kung paano dapat maging tapat sa Diyos ang tao, kung paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa partikular, iyong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay lalong mas nakatuon sa kung paanong ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at isang mapanlabang puwersa laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi ganap na ipinapaliwanag ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita; naglalantad at nagpupungos Siya sa mahabang panahon. Ang lahat ng iba’t ibang pamamaraan na ito ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita; sa halip, ang katotohanang hinding-hindi taglay ng tao ay ginagamit para isakatuparan ang gawaing ito ng paglalantad at pagpupungos. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay magkakamit ng tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa sarili niyang paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbigay-kakayahan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya kayang arukin. Binigyang-kakayahan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang ugat ng kanyang katiwalian, pati na ang matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bungang lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging dalisay. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng trono ng Diyos. Lahat ng kasalukuyang gawaing ginagawa ay para madalisay at mabago ang tao; ito ay upang magawa ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at madalisay sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng salita, at sa pamamagitan ng pagpipino. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang gawain ng pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay ang gawain din ng paglupig, at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, at sa pamamagitan ng pagpipino, paghatol, at pagsisiwalat ng salita ganap na nabubunyag ang lahat ng karungisan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga personal na inaasam sa puso ng tao.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng pangmatagalan at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan nakakamit ng tao ang buhay, at ito ang tanging landas para makilala ng tao ang Diyos at masang-ayunan siya ng Diyos. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka magiging kalipikado kailanman na pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka isang papet at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kinokontrol ng mga regulasyon, ng mga salita, at ng mga gapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakapagkamit ng buhay o ng walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay dahil ang tanging nakakamit nila ay maruming tubig na kanilang kinapitan sa loob ng libo-libong taon sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Ang mga hindi natutustusan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno magpakailanman. Kung gayon, paano nila masisilayan ang Diyos? Naghahangad ka lang na kumapit sa nakaraan, na manatili sa iyong kinalalagyan at panatilihin ang kalagayan ng mga bagay-bagay, at hindi ka naghahangad na baguhin ang kasalukuyang kalagayan at iwaksi ang kasaysayan, kaya hindi ba’t palagi kang magiging kaaway ng Diyos? Hindi mapipigilan at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit pasibo kang nakaupo na naghihintay ng pagkawasak, kumakapit sa luma at naghihintay na dumating na lang sa iyo ang mga bagay-bagay. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano nito maipapakita na ang Diyos na kinakapitan mo ay ang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mo nang libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito na hanapin ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay mga salita lamang na makapagbibigay ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay sa iyo. Ang mga salita ng mga Kasulatang binabasa mo ay nakapagpapayaman lamang ng dila mo; ang mga ito ay hindi mga salita ng karunungan na makatutulong sa iyo na maunawaan ang buhay ng tao, ang mga ito ay lalong hindi ang landas na kayang maghatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba’t binibigyan ka ng pagkakaibang ito ng dahilan para magnilay? Hindi ba’t binibigyan ka nito ng kabatiran sa mga misteryong nakapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagtagpo sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagparito ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa mo ang kaligayahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Hinihikayat kita, kung gayon, na tumigil na sa pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan kung sino ang gumagawa ngayon ng gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo ito gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan