1. Ngayon, maraming tao sa relihiyosong mundo ang nakadarama na walang liwanag sa pangangaral ng mga pastor. Nakikita nila na lumiliit ang pananalig ng mga mananampalataya, at tinatalakay lamang ng mga tao ang mga pampisikal na kasiyahan at hinahabol ang mga kalakaran sa mundo, at ang ilan ay nangangalakal pa nga sa mga simbahan. Nag-aalala sila na ang kanilang simbahan ay isang huwad na simbahan, at na sila ay tatalikuran ng Panginoon sa Kanyang pagbabalik. Ngunit mayroon ding mga naniniwala na ang kanilang mga simbahan ay hindi maaaring maging huwad na simbahan dahil nagdaraos sila ng masisiglang pagdiriwang tulad ng mga paligsahan sa Biblia, Banal na Komunyon, at pagdiriwang ng iba’t ibang mga pista. Paano natin makikilala ang mga huwad na simbahan?

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“At pumasok si Jesus sa templo ng Diyos, at itinaboy Niya ang lahat na nangagbebenta at nangamimili sa templo, at itinumba Niya ang mga lamesa ng mga mamamalit ng salapi, at ang mga upuan ng mga nagbebenta ng mga kalapati; At sinabi Niya sa kanila, ‘Nasusulat, Ang Aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan, datapuwa’t ginagawa ninyong yungib ng mga tulisan’” (Mateo 21:12–13).

“At sa anghel ng iglesia sa Laodicea ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Siya Nawa, ng saksing tapat at totoo, ng pasimula ng paglalang ng Diyos: Nalalaman Ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay hindi malamig o mainit man: ibig Ko sanang ikaw ay malamig o mainit. Kaya sapagka’t ikaw ay malahininga, at hindi mainit o malamig man, ay isusuka kita sa Aking bibig. Sapagka’t sinasabi mo, ‘Ako’y mayaman, at nagkamit ng kayamanan, at hindi ako nangangailangan ng anuman;’ at hindi mo nalalamang ikaw ang aba at maralita at dukha at bulag at hubad” (Pahayag 3:14–17).

“At siya’y sumigaw ng malakas na tinig, na nagsasabi, ‘Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, at naging tahanan ng mga demonyo, at kulungan ng bawa’t espiritung karumaldumal, at kulungan ng bawa’t karumaldumal at kasuklam-suklam na mga ibon.’ Sapagka’t dahil sa alak ng galit ng kaniyang pakikiapid ay nangaguho ang lahat ng mga bansa; at ang mga hari sa lupa ay nangakiapid sa kaniya, at ang mga mangangalakal sa lupa ay nagsiyaman dahil sa kapangyarihan ng kaniyang kalayawan” (Pahayag 18:2–3).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang isang normal na espirituwal na buhay ay hindi limitado sa mga pagsasagawang tulad ng pagdarasal, pagkanta ng mga himno, paglahok sa buhay-iglesia, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Sa halip, kinapapalooban ito ng pamumuhay ng bago at masiglang espirituwal na buhay. Ang mahalaga ay hindi kung paano kayo nagsasagawa, kundi kung ano ang ibinubunga ng inyong pagsasagawa. Naniniwala ang karamihan sa mga tao na ang isang normal na espirituwal na buhay ay kailangang kapalooban ng pagdarasal, pagkanta ng mga himno, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos o pagninilay sa Kanyang mga salita, mayroon mang tunay na epekto ang gayong mga pagsasagawa o kaya’y humahantong man ang mga ito sa tunay na pagkaunawa. Nakatuon ang mga taong ito sa pagsunod sa mababaw na mga pamamaraan nang hindi iniisip ang magiging resulta ng mga ito; sila ay mga taong nabubuhay sa mga ritwal ng relihiyon, hindi mga taong nabubuhay sa loob ng iglesia, at lalong hindi sila mga tao ng kaharian. Lahat ng kanilang panalangin, pagkanta ng mga himno, at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay puro pagsunod sa panuntunan, na ginagawa dahil napipilitan sila at para makaagapay sa mga kalakaran, hindi dahil sa kahandaan at ni hindi mula sa puso. Gaano man manalangin o kumanta ang mga taong ito, hindi magkakaroon ng bunga ang kanilang mga pagsisikap, sapagkat ang isinasagawa nila ay mga panuntunan at ritwal lamang ng relihiyon; hindi talaga sila nagsasagawa ng mga salita ng Diyos. Nagtutuon lamang sila sa pagkabahala kung paano sila nagsasagawa, at itinuturing nilang mga panuntunang susundin ang mga salita ng Diyos. Hindi isinasagawa ng gayong mga tao ang mga salita ng Diyos; pinagbibigyan lamang nila ang laman, at gumagawa sila para makita ng ibang mga tao. Lahat ng panuntunan at ritwal na ito ng relihiyon ay tao ang pinagmulan; hindi nagmumula ang mga ito sa Diyos. Ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga panuntunan, ni hindi Siya sakop ng anumang batas. Sa halip, gumagawa Siya ng mga bagong bagay araw-araw, nagsasakatuparan ng praktikal na gawain. Gaya ng mga tao sa Three-Self Church, na nililimitahan ang kanilang sarili sa mga pagsasagawa tulad ng pagdalo sa pagsamba sa umaga araw-araw, pag-aalay ng mga panalangin sa gabi at panalangin ng pasasalamat bago kumain, at pasasalamat sa lahat ng bagay—gaano man karami ang kanilang ginagawa at gaano man katagal nila iyon ginagawa, hindi mapapasakanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag nabubuhay ang mga tao sa gitna ng mga panuntunan at nakatutok ang kanilang puso sa mga pamamaraan ng pagsasagawa, hindi makakagawa ang Banal na Espiritu, dahil ang kanilang puso ay puno ng mga panuntunan at kuru-kuro ng tao. Sa gayon, hindi nagagawang mamagitan at gumawa ang Diyos sa kanila, at maaari lamang silang patuloy na mabuhay sa ilalim ng kontrol ng mga batas. Ang gayong mga tao ay walang kakayahang tumanggap ng papuri ng Diyos kailanman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Hinggil sa Isang Normal na Espirituwal na Buhay

Sa bawat yugto ng gawain ng Diyos mayroon ding katumbas na mga kinakailangan sa tao. Lahat niyaong nasa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nagtataglay ng presensiya at disiplina ng Banal na Espiritu, at yaong mga wala sa loob ng agos ng Banal na Espiritu ay nasa ilalim ng pamumuno ni Satanas, at walang anumang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga tao na nasa agos ng Banal na Espiritu ay yaong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos, at nakikipagtulungan sa bagong gawain ng Diyos. Kung yaong mga nasa loob ng agos na ito ay walang kakayahang makipagtulungan, at walang kakayahang isagawa ang katotohanan na kinakailangan ng Diyos sa panahong ito, kung gayon sila ay didisiplinahin, at ang pinakamalala ay tatalikuran ng Banal na Espiritu. Yaong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, ay mamumuhay sa loob ng agos ng Banal na Espiritu, at tatanggapin nila ang pangangalaga at pag-iingat ng Banal na Espiritu. Yaong mga handang isagawa ang katotohanan ay nililiwanagan ng Banal na Espiritu, at yaong mga hindi handa na isagawa ang katotohanan ay dinidisiplina ng Banal na Espiritu, at maaari pang maparusahan. Hindi alintana kung anong uri ng tao sila, basta’t sila ay nasa loob ng agos ng Banal na Espiritu, pananagutan ng Diyos ang lahat ng tumatanggap sa bagong gawain Niya para sa kapakanan ng Kanyang pangalan. Ang mga lumuluwalhati sa Kanyang pangalan at handang isagawa ang mga salita Niya ay makakatanggap ng Kanyang mga pagpapala; ang mga hindi sumusunod sa Kanya at hindi nagsasagawa ng Kanyang mga salita ay makakatanggap ng Kanyang kaparusahan. Ang mga tao na nasa agos ng Banal na Espiritu ay ang mga tumatanggap sa bagong gawain, at yamang natanggap na nila ang bagong gawain, sila ay nararapat na angkop na makipagtulungan sa Diyos, at hindi dapat kumilos na parang mga suwail na hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin. Ito ang tanging kinakailangan ng Diyos sa tao. Hindi ganoon para sa mga taong hindi tumatanggap sa bagong gawain: Sila ay nasa labas ng agos ng Banal na Espiritu, at ang disiplina at paninisi ng Banal na Espiritu ay hindi para sa kanila. Buong araw, ang mga taong ito ay namumuhay sa loob ng laman, sila ay namumuhay sa loob ng kanilang mga isipan, at ang lahat ng ginagawa nila ay ayon sa doktrinang bunga ng paghihimay at pananaliksik ng kanilang sariling mga utak. Hindi ito ang hinihingi ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, at lalong hindi ito pakikipagtulungan sa Diyos. Yaong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay walang presensiya ng Diyos, at, higit sa lahat, salat sa mga pagpapala at pag-iingat ng Diyos. Ang karamihan sa kanilang mga salita at mga pagkilos ay nakaayon sa mga nakalipas na mga kinakailangan ng gawain ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay doktrina, hindi katotohanan. Ang gayong doktrina at alituntunin ay sapat na upang patunayan na ang pagtitipon ng mga taong ito ay walang iba kundi relihiyon; hindi sila ang mga hinirang, o ang mga pinag-uukulan ng gawain ng Diyos. Ang pagtitipon nilang lahat na magkakasama ay matatawag lamang na maringal na kongreso ng relihiyon, at hindi matatawag na iglesia. Ito ay isang katunayan na hindi mababago. Wala sa kanila ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; ang kanilang ginagawa ay tila samyo-ng-relihiyon, ang kanilang isinasabuhay ay tila sagana sa relihiyon; hindi sila nagtataglay ng presensiya at gawain ng Banal na Espiritu, lalo nang hindi sila karapat-dapat na tumanggap ng disiplina o kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Lahat ng taong ito ay mga walang-buhay na bangkay, at mga uod na walang pagka-espirituwal. Wala silang kaalaman sa pagka-mapanghimagsik at paglaban ng tao, walang kaalaman sa lahat ng masasamang gawa ng tao, lalong wala silang kaalaman sa lahat ng gawain ng Diyos at kasalukuyang kalooban ng Diyos. Lahat sila ay walang alam, mabababang tao, at sila ay mga hamak na hindi nararapat tawaging mananampalataya! Wala sa kanilang mga ginagawa ang may kinalaman sa pamamahala ng Diyos, lalong hindi nito masisira ang mga plano ng Diyos. Ang mga salita at pagkilos nila ay nakasusuklam, nakakaawa, at talagang hindi karapat-dapat banggitin. Wala sa anumang ginawa niyaong mga wala sa agos ng Banal na Espiritu ang may anumang kinalaman sa bagong gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, kahit na ano ang kanilang gawin, sila ay walang disiplina ng Banal na Espiritu, at, higit sa lahat, walang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Dahil lahat sila ay mga taong walang pag-ibig para sa katotohanan, at sila ay kinamuhian at natanggihan na ng Banal na Espiritu. Sila ay tinatawag na makasalanan dahil sila ay lumalakad sa laman at ginagawa kung ano ang kanilang nais sa ilalim ng karatula ng Diyos. Habang gumagawa ang Diyos, sila ay sadyang palaban sa Kanya, at tumatakbo sa kasalungat na patutunguhan sa Kanya. Ang hindi pakikipagtulungan ng tao sa Diyos ay sukdulang mapanghimagsik sa ganang sarili, kaya’t hindi ba ang mga taong sadyang sumasalungat sa Diyos ay partikular na tinatanggap nila ang nararapat na kaparusahan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Ang paglilingkod na hiwalay sa kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay paglilingkod na mula sa laman, at mula sa mga kuru-kuro, at imposible itong maging alinsunod sa kalooban ng Diyos. Kung ang mga tao ay nabubuhay sa gitna ng mga relihiyosong kuru-kuro, wala silang magagawang anuman na akma sa kalooban ng Diyos, at bagama’t naglilingkod sila sa Diyos, naglilingkod sila sa kalagitnaan ng kanilang mga guni-guni at mga kuru-kuro, at ganap na walang kakayahan na maglingkod alinsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi nauunawaan niyaong mga hindi nagagawang sundin ang gawain ng Banal na Espiritu ang kalooban ng Diyos, at yaong mga hindi nakauunawa sa kalooban ng Diyos ay hindi maaaring maglingkod sa Diyos. Nais ng Diyos ang paglilingkod na kaayon ng Kanyang sariling puso; ayaw Niya sa paglilingkod na mula sa mga kuru-kuro at sa laman. Kung walang kakayahan ang mga tao na sundin ang mga hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu, sila ay nabubuhay sa gitna ng mga kuru-kuro. Ang paglilingkod ng gayong mga tao ay nakakaantala at nakakagambala, at ang gayong paglilingkod ay sumasalungat sa Diyos. Kaya yaong mga hindi nagagawang sundin ang mga yapak ng Diyos ay walang kakayahan na maglingkod sa Diyos; yaong hindi magawang sundin ang mga yapak ng Diyos ay tiyak na tiyak na kinakalaban ang Diyos, at mga walang kakayahan na maging kaayon ng Diyos. Ang “pagsunod sa gawain ng Banal na Espiritu” ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa kalooban ng Diyos sa kasalukuyan, ang magawang kumilos alinsunod sa kasalukuyang mga hinihingi ng Diyos, ang magawang sumunod at sundan ang Diyos sa kasalukuyan, at pagpasok alinsunod sa pinakabagong mga pagpapahayag ng Diyos. Tanging ito ang isang tao na sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu at nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang gayong mga tao ay hindi lamang may kakayahan na matanggap ang papuri ng Diyos at makita ang Diyos, kundi malalaman din nila ang disposisyon ng Diyos mula sa pinakabagong gawain ng Diyos, at malalaman din ang mga kuru-kuro at pagsuway ng tao, at kalikasan at diwa ng tao, mula sa Kanyang pinakabagong gawain; bukod dito, nagagawa nilang unti-unting matamo ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa panahon ng kanilang paglilingkod. Ang mga tao lamang na kagaya nito ang nagagawang kamtin ang Diyos, at tunay na nakasumpong na sa tunay na daan. Ang mga taong inaalis ng gawain ng Banal na Espiritu ay mga tao na walang kakayahan na sundin ang pinakabagong gawain ng Diyos, at mga naghihimagsik laban sa pinakabagong gawain ng Diyos. Ang gayong mga tao ay hayagang kinakalaban ang Diyos sapagkat ang Diyos ay gumawa ng bagong gawain, at sapagkat ang imahe ng Diyos ay hindi kagaya ng sa kanilang mga kuru-kuro—bilang resulta nito, hayagan nilang kinakalaban ang Diyos at hinahatulan ang Diyos, na humahantong na sila ay kasuklaman at tanggihan ng Diyos. Ang pagtataglay ng kaalaman tungkol sa pinakabagong gawain ng Diyos ay hindi madaling bagay, ngunit kung gusto ng mga tao na sumunod sa gawain ng Diyos at hangarin ang gawain ng Diyos, magkakaroon sila ng pagkakataon na makita ang Diyos, at magkakaroon ng pagkakataon na kamtin ang pinakabagong paggabay ng Banal na Espiritu. Yaong mga sinasadyang kalabanin ang gawain ng Diyos ay hindi makakatanggap ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu o ng paggabay ng Diyos. Kaya, kung matatanggap man o hindi ng mga tao ang pinakabagong gawain ng Diyos ay nakasalalay sa biyaya ng Diyos, nakasalalay ito sa kanilang paghahangad, at nakasalalay ito sa kanilang mga layunin.

Lahat ng kayang sumunod sa kasalukuyang mga pagpapahayag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Hindi mahalaga kung paano man sila dati, o kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa kalooban nila dati—yaong mga nagkamit na ng pinakabagong gawain ng Diyos ang mga pinakapinagpala, at yaong hindi nakasusunod sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan ay inaalis. Nais ng Diyos yaong kayang tanggapin ang bagong liwanag, at nais Niya yaong tumatanggap at nakakaalam sa Kanyang pinakabagong gawain. Bakit sinasabi na dapat kang maging isang malinis na birhen? Nagagawa ng isang malinis na birhen na hangarin ang gawain ng Banal na Espiritu at maunawaan ang mga bagong bagay, at higit pa rito, nagagawang isantabi ang mga dating kuru-kuro, at sumunod sa gawain ng Diyos sa kasalukuyan. Ang grupong ito ng mga tao, na tumatanggap sa pinakabagong gawain sa kasalukuyan, ay mga itinadhana ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at ang mga pinakapinagpala sa lahat ng tao. Naririnig ninyo nang tuwiran ang tinig ng Diyos, at nakikita ang pagpapakita ng Diyos, at kaya, sa kabuuan ng langit at lupa, at sa kabuuan ng mga kapanahunan, walang sinuman ang naging mas pinagpala kaysa sa inyo, ang grupong ito ng mga tao. Ang lahat ng ito ay dahil sa gawain ng Diyos, dahil sa pagtatadhana at pagpili ng Diyos, at dahil sa biyaya ng Diyos; kung hindi sinabi at binigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita, maaari kayang ang inyong mga kalagayan ay magiging kagaya ng sa kasalukuyan? Kaya, lahat nawa ng kaluwalhatian at papuri ay mapasa-Diyos, sapagka’t ang lahat ng ito ay dahil itinataas kayo ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak

Sa panahon ng pagpasok ng tao, ang buhay ay palaging nakakabagot, puno ng mga walang-pagbabagong elemento ng espirituwal na buhay, katulad ng pananalangin, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, o pagbuo ng mga pagtitipon, kaya’t palaging nadarama ng mga tao na ang paniniwala sa Diyos ay hindi nagdudulot ng malaking kasiyahan. Ang gayong mga espirituwal na gawain ay laging isinasagawa batay sa orihinal na disposisyon ng sangkatauhan, na ginawa nang tiwali ni Satanas. Bagaman paminsan-minsan ay nakakatanggap ang mga tao ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, ang kanilang orihinal na pag-iisip, disposisyon, paraan ng pamumuhay at mga kaugalian ay nag-uugat pa rin sa kaloob-looban, kaya’t ang kanilang kalikasan ay nananatiling di-nagbabago. Ang kinasusuklaman ng Diyos nang higit sa lahat ay ang mga mapamahiing gawain ng mga tao, ngunit marami pa ring mga tao ang hindi kayang bumitiw sa mga iyon, iniisip na ang mga mapamahiing gawaing ito ay iniatas ng Diyos, at kahit ngayon ay hindi pa lubusang nabibitawan ang mga iyon. Ang mga bagay na kagaya ng isinasaayos ng mga kabataan para sa mga handaan sa kasal at panggayak sa mga babaeng ikakasal; mga regalong pera, mga salu-salo, at katulad na mga pamamaraan ng pagdiriwang ng masasayang okasyon; mga sinaunang pormula na ipinamana; ang lahat ng walang-kabuluhang mapamahiing gawain na isinasagawa para sa mga patay at seremonya ng paglilibing sa kanila: higit pang kinamumuhian ng Diyos ang lahat ng ito. Kahit ang araw ng pagsamba (pati na ang Sabbath, na ipinapangilin ng mundo ng relihiyon) ay kinamumuhian Niya; at lalo pang higit na kinamumuhian at tinatanggihan ng Diyos ang kaugnayang panlipunan at makamundong pag-uugnayan ng lalaki sa lalaki. Hindi iniatas ng Diyos kahit na ang Pista ng Tagsibol at Araw ng Pasko na alam ng lahat ng tao, lalo na ang mga laruan at dekorasyon para sa magarbong mga kapistahang ito tulad ng mga pulang pabiting may tula, mga paputok, mga parol, Banal na Komunyon, mga regalo sa Pasko, at mga pagdiriwang sa Pasko—hindi ba mga idolo sa isipan ng mga tao ang mga ito? Ang pagpipira-piraso ng tinapay sa araw ng Sabbath, alak, at pinong lino ay mas mariin na mga idolo. Ang lahat ng iba’t ibang tradisyonal na araw ng kapistahan na kilala sa China, tulad ng Araw ng Pagtataas ng mga Ulo ng Dragon, Pista ng mga Bangkang Dragon, Pista sa Kalagitnaan ng Taglagas, Pista ng Laba, at Araw ng Bagong Taon, at ang mga pista sa mundo ng relihiyon tulad ng Pasko ng Pagkabuhay, Araw ng Pagbibinyag, at Araw ng Pasko, ang lahat ng di-makatwirang pistang ito ay isinaayos at ipinamana mula noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan ng maraming tao. Ang mayamang imahinasyon at malikhaing ideya ng sangkatauhan ang nagtulot na maipasa ang mga ito hanggang sa ngayon. Ang mga iyon ay tila walang kapintasan, ngunit sa katunayan ay mga panlilinlang ni Satanas sa sangkatauhan. Kapag mas higit na pinagtitipunan ng mga Satanas ang isang lokasyon, at kapag mas lipas at paurong ang lugar na iyon, mas isinasagawa ang mga pyudal na kaugalian nito. Ang mga bagay na ito ay nagbibigkis sa mga tao nang mahigpit, na hindi na sila makakilos. Tila nagpapakita ng lubhang pagiging orihinal ang marami sa mga pista sa mundo ng relihiyon at tila lumilikha ng isang tulay sa gawain ng Diyos, ngunit ang mga iyon sa katunayan ay hindi-nakikitang mga tali ni Satanas na gumagapos sa mga tao upang hindi makilala ang Diyos—ang lahat ng mga ito ay tusong panlalansi ni Satanas. Sa katunayan, kapag ang isang yugto ng gawain ng Diyos ay tapos na, nawasak na Niya ang mga kasangkapan at estilo ng panahong iyon na walang iniiwang anumang bakas. Gayunman, ang “matatapat na mananampalataya” ay patuloy na sinasamba ang mga nahihipong materyal na mga bagay na iyon; samantala, isinasantabi nila sa kanilang mga isipan ang kung anong mayroon ang Diyos, hindi na ito pinag-aaralan pa, tila ba puno ng pag-ibig sa Diyos ngunit ang totoo ay matagal na nila Siyang itinulak palabas ng bahay at inilagay si Satanas sa hapag upang sambahin. Ang mga larawan ni Jesus, ang Krus, si Maria, ang Bautismo ni Jesus at ang Huling Hapunan—ang lahat ng ito ay sinasamba ng mga tao bilang Panginoon ng Langit, habang paulit-ulit na sumisigaw ng “Panginoon, Ama sa langit.” Hindi ba biro ang lahat ng ito? Hanggang ngayon, kinapopootan ng Diyos ang maraming katulad na mga pananalita at pagsasagawa na ipinamamana ng sangkatauhan, seryosong hinahadlangan ng mga iyon ang daan tungo sa Diyos at, higit pa rito ay nagiging malalaking sagabal sa pagpasok ng sangkatauhan. …

Ang pinakamahusay na paraan upang baguhin ang disposisyon ng tao ay ang pagalingin ang mga bahagi sa kaibuturan ng mga puso ng mga tao na pinakamatinding nalason, na nagpapahintulot sa mga tao na magsimulang baguhin ang kanilang pag-iisip at moralidad. Una sa lahat, kailangang malinaw na makita ng mga tao na ang lahat ng seremonyang ito ng relihiyon, mga relihiyosong gawain, mga taon at mga buwan, at mga pista ay kinasusuklaman ng Diyos. Dapat silang lumaya mula sa mga gapos na ito ng pyudal na pag-iisip at wasakin ang bawat bakas ng kanilang malalim na pagkahilig sa pamahiin. Ang lahat ng ito ay kasama sa pagpasok ng sangkatauhan. Dapat ninyong maunawaan kung bakit pinangungunahan ng Diyos ang sangkatauhan palabas sa sekular na mundo, at muli kung bakit Niya inaakay ang sangkatauhan palayo sa mga patakaran at mga alituntunin. Ito ang pintuan kung saan kayo papasok, at kahit walang kinalaman ang mga bagay na ito sa inyong espirituwal na karanasan, ang mga ito ang pinakamatinding mga bagay na humaharang sa inyong pagpasok, at humahadlang sa inyong pagkilala sa Diyos. Bumubuo ang mga iyon ng isang lambat na humuhuli sa mga tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 3

Sinundan: 3. Ang aming paniniwala na ang gawain ng Panginoong Jesus ay ang tunay na daan ay dahil maaari kaming matubos at mapatawad ng Panginoong Jesus sa aming mga kasalanan. Anong patunay ang mayroon ka upang suportahan ang iyong patotoo na ang “Kidlat ng Silanganan” ay ang tunay na daan?

Sumunod: 2. Ang iba’t ibang mga relihiyosong denominasyon ngayon ay lumilitaw na masigasig na sumusunod sa seremonyang panrelihiyon, ngunit ang mga pastor ay nakatuon lamang sa pangangaral ng mga salita at parirala mula sa Biblia at mga teolohikal na teorya, at ang pagbibigay-liwanag at pagtanglaw ng Banal na Espiritu ay ganap na wala. Ang buhay ng mga mananampalataya ay ganap na hindi natutustusan. Naniwala sila sa Panginoon sa loob ng maraming taon ngunit mangmang sa katotohanan at walang kakayahang isagawa ang mga salita ng Panginoon. Ang kanilang pananampalataya sa Panginoon ay naging walang iba kundi isang paniniwala sa relihiyon. Hindi ko maintindihan kung bakit ang mga simbahan ngayon ay bumaba sa pagiging relihiyon.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 11: Pinatototohanan mo na si Jesus at ang Makapangyarihang Diyos ang parehong si Cristo, ang una at ang huling Cristo. Hindi ’yan tinatanggap ng ating CCP. Sa The Internationale, malinaw na sinabi “Walang sinumang naging tagapagligtas ng mundo kailanman.” Pilit n’yong pinatototohanan na dumating na si Cristong Tagapagligtas. Paanong hindi kayo tutuligsain ng CCP? Sa palagay namin, ang Jesus na pinananaligan ng mga Kristiyano ay isang karaniwang tao. Ipinako pa nga siya sa krus. Kahit ang Judaismo ay hindi kinilala na Siya si Cristo. Ang Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw na pinatototohanan n’yo ay isa lamang palang karaniwang tao. Malinaw na inilalarawan sa mga dokumento ng CCP na may apelyido at pangalan Siya. Totoo rin ’yan. Bakit n’yo pinatototohanan na ang gayong karaniwang tao ay si Cristo, ang pagpapakita ng Diyos? Mahirap paniwalaan ’yan! Gaano man n’yo patotohanan ang katotohanang naipahayag at kung paano nagawa ng Makapangyarihang Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, hindi kikilalanin ng ating CCP na ang taong ito ay ang Diyos. Palagay ko katulad lang kayo ng mga tao ng Kristiyanismo, Katolisismo, at Eastern Orthodoxy na nananalig kay Jesus, na nananalig na Diyos ang isang tao. Hindi ba kamangmangan ’yan? Ano ba talaga ang Diyos at ang pagpapakita at gawain ng Diyos? Ibig sabihin ba nito ay ang pagpapahayag lang ng katotohanan at paggawa ng gawain ng Diyos ay pagpapakita ng tunay na Diyos? Yan ang hinding-hindi namin tatanggapin. Kung makakagawa ang Diyos ng mga himala at hiwaga, mapupuksa ang CCP at lahat ng kumakalaban sa Kanya, kikilalanin namin na Siya ang tunay na Diyos. Kung magpapakita ang Diyos sa kalangitan, gagawa ng madagundong na kulog na tatakot sa buong sanglibutan, yan ang pagpapakita ng Diyos. Sa gayo’y kikilalanin Siya ng ating CCP. Kung hindi, hinding-hindi tatanggapin ng CCP na may Diyos.

Sagot: Hindi ko lang maunawaan, bakit palaging galit ang CCP sa Diyos? Bakit nito palaging tinatanggihan ang Diyos? Bakit ito galit lalo na...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito