6. Nabasa natin ang marami sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Nagtataglay ang mga ito ng awtoridad at kapangyarihan, at tunay na tinig ng Diyos ang mga ito. Gayunpaman sinasabi ng mga pastor at elder na sa Biblia ay nasusulat ito, “Nagtataka ako kung bakit kaydali ninyong tumalikod sa Kanya na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo at kayo ay bumaling agad sa ibang ebanghelyo: Na hindi naman iba; kaya nga lamang, may mga nanggugulo sa inyo at nagsisikap na baguhin ang ebanghelyo ni Cristo. Subalit kahit kami o isang anghel mula sa langit, ang mangaral sa inyo ng ebanghelyo na iba sa ipinangaral namin sa inyo, parusahan nawa siya” (Galacia 1:6–8). Sumusunod sa mga salitang ito na sinalita ni Paul, sinasabi ng mga pastor at nakatatanda na ang aming paniniwala sa Makapangyarihang Diyos ay naglalayo sa pangalan ng Panginoong Jesus, at sa daan ng Panginoong Jesus. Sinasabi nila na naniniwala kami sa ibang ebanghelyo, at ito ay pagtalikod, isang pagtataksil sa Panginoon. Bagaman nararamdaman namin na mali ang sinasabi nila, hindi namin masasabi nang sigurado kung sa anong paraan sila mali. Mangyaring magbahagi sa amin tungkol dito.
Sagot:
Batay sa mga salitang ito ni Pablo, sinasabi ng mga pastor at elder na ang paniniwala sa Makapangyarihang Diyos ay pagtalikod mula sa pangalan ng Panginoong Jesus, paniniwala sa ibang ebanghelyo, at pagtataksil sa Panginoon. Ngunit tama ba ang kanilang pakahulugan sa mga salita ni Pablo? Matapos basahin ang Biblia, maraming tao ang hindi naghahanap sa katotohanan, at hindi inaalintana ang konteksto sa oras na iyon, ipinipilit nila ang mga panuntunan nang may ganap na kabulagan, nang basta-basta at biglaan, na madaling nakalilinlang at nakapagliligaw ng mga tao. Kung sinisipi ng mga pastor at elder ang Biblia nang wala sa konteksto, madali para sa kanila na magtanim ng pagkalito sa mga nagsisiyasat sa tunay na daan. Sa katunayan, mayroong konteksto sa mga salita ni Pablo: Sa Kapanahunan ng Biyaya, mayroon lamang isang ebanghelyo, ang ebanghelyo ng gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus. Kapag nagpapakalat ang mga tao ng ibang mga paraan—mga ebanghelyo na hindi katulad ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus—ang mga ito ay “ibang ebanghelyo,” mga ebanghelyo na nanlilinlang ng mga tao. At pinagtaksilan ang Panginoon ng mga taong nalinlang na sumunod sa ibang ebanghelyo matapos tanggapin ang pangalan ng Panginoong Jesus. Nang sabihin ni Pablo ang mga salitang ito, hindi pa ginagawa ng Diyos ang gawain ng mga huling araw, ni wala pang sinumang nangangaral ng ebanghelyo ng mga huling araw. Malinaw kung gayon, na ang “ibang ebanghelyo” na sinabi ni Pablo ay tiyak na hindi ang ebanghelyo ng pagbabalik ng Panginoon sa mga huling araw, kundi ang mga ebanghelyo na ipinangaral ng mga huwad na Cristo na lumabas noong nagpakita ang Panginoong Jesus at isinasagawa ang Kanyang gawain. Anumang pangkasaysayang pag-aaral ng panahong iyon ay siguradong magbubunyag ng gayong sitwasyon. Sa katunayan, hindi kailanman sinabi ni Pablo na mali ang pangangaral ng ebanghelyo ng kaharian kapag nagbalik ang Panginoon, lalong hindi siya nangahas na sabihin na kung tatanggapin ng mga tao ang ebanghelyo ng mga huling araw ng nagbalik na Panginoong Jesus—Makapangyarihang Diyos—ay pinagtataksilan nila ang Panginoon. Gayunpaman, ginagamit ng mga pastor at elder ng relihiyosong mundo ang mga salita ni Pablo sa mga iglesia ng Kapanahunan ng Biyaya para kondenahin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Sa bagay na ito, namamali lamang sila ng pakahulugan ng Biblia at sinisipi ito nang wala sa konteksto, na talagang katawa-tawa at wala sa katwiran! Maliwanag na sinusubukang linlangin ng mga pastor at elder ang mga tao, para pigilan silang hanapin at siyasatin ang tunay na daan. Kung totoo nga ang sinasabi nila, kung gayon nang pumarito sa lupa ang Panginoong Jesus para gumawa, at nang ang marami na naniniwala kay Jehova ang nagsimulang sumunod sa Panginoong Jesus matapos mamasdan ang Kanyang pagpapakita at gawain, at tumanggap ng pagliligtas ng Panginoon, ang mga tao bang ito na sumunod sa Panginoong Jesus ay nagtaksil kay Jehova at lubusang tumatalikod sa pananampalataya? Malinaw na hindi nila pinagtaksilan si Jehova kundi sinundan nila ang mga yapak ng Diyos—sila ay naging matapat sa Diyos. Samantala, ang mga matigas ang ulong kumapit sa kautusan at hindi tinanggap ang pagliligtas ng Panginoong Jesus ay maaaring mukhang nag-ingat sa pangalan ni Jehova, ngunit sa mga mata ng Diyos ay naghimagsik sila laban sa Kanya at nilabanan ang Kanyang bagong gawain; iningatan lamang nila ang gawain na nagawa ng Diyos sa nakaraan, hindi nila sinundan ang mga yapak ng Diyos, at hindi nila tinanggap o sinunod ang mga salita at gawain ng Diyos sa kasalukuyan—sila ang mga totoong tumalikod sa pananampalataya, na kinamuhian at tinanggihan ng Diyos.
Tayo na naniniwala sa Panginoon ay mayroong malalim na pagpapahalaga na kahit na ang ibig sabihin ng ating pananampalataya sa Panginoon ay napatawad na ang ating mga kasalanan, nabubuhay pa rin tayo sa kalagayan na nagkakasala tayo sa araw at ipinagtatapat ang ating mga kasalanan sa gabi. Kontrolado ng ating mga satanikong kalikasan, madalas nating ibinubunyag ang ating mga satanikong disposisyon, tulad ng kayabangan at kapalaluan, kabuktutan at pagiging mapanlinlang, pagiging makasarili at walang-dangal; hindi natin maiwasang magsinungaling at magkasala, maghimagsik at lumaban sa Diyos, at hindi natin matakasan ang mga gapos at kadena ng kasalanan. Ang mga hindi banal ay hindi maaaring makipagtagpo sa Panginoon. Ang Diyos ay banal, kaya paano mapahihintulutan ng Diyos na makapasok sa Kanyang kaharian ang mga mayroong nag-uumapaw na mga disposisyon ni Satanas at malamang na maghimagsik at lumaban sa Kanya? Kaya sa pagdating ng Kapanahunan ng Kaharian ng mga huling araw, isinasagawa ng Makapangyarihang Diyos ang yugto ng mas bago at mas mataas na gawain na nakasalig sa gawain ng Panginoong Jesus: ang gawain ng paghahatol at paglilinis sa tao sa mga huling araw. Sa yugtong ito ng gawain, ipinahahayag ng Diyos ang katotohanan para malutas ang makasalanang kalikasan at ang mga tiwaling disposisyon ng tao, na nagtutulot sa tao na minsanan at ganap na malinis at maligtas ng Diyos, at nagdadala sa kanya sa kaharian ng Diyos. Tinutupad nito ang mga propesiya sa Biblia: “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo kakayanin. Gayon man ay kapag Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anomang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13). “Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:48). “Sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghatol sa bahay ng Diyos” (1 Pedro 4:17). Samakatuwid, ang mga tumatanggap sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ay hindi nagtataksil sa Panginoong Jesus o tumatalikod sa pananampalataya. Sa halip, naririnig nila ang tinig ng Diyos at sinusundan nila ang mga yapak ng Cordero; ang gayong mga tao lamang ang matatalinong dalaga, at sila ang mga itinataas sa harap ng Diyos para dumalo sa Kanyang piging.
Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Yamang nananampalataya ang tao sa Diyos, dapat niyang sundang mabuti ang bawat mga yapak ng Diyos; dapat siyang ‘sumunod sa Kordero saan man pumaroon ang Kordero.’ Ang mga ito lamang ang mga taong totoong naghahanap ng tunay na daan, sila lamang yaong mga nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong matigas na sumusunod sa mga salita at mga doktrina ay yaong mga itiniwalag na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na ‘si Jehova ang Diyos’ at ‘si Jesus ang Cristo,’ na mga katotohanan na bawat isa ay aplikable lamang sa iisang kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at siya ay sumusunod nang mahigpit. Sa paraang ito, paano maititiwalag ng Banal na Espiritu ang tao? Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga’t ang tao ay nakatitiyak na ito ay gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan? Hindi nahinto kailanman ang gawain ng Diyos, hindi kailanman natigil ang Kanyang mga yapak, at bago pa man matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala, Siya ay palaging abala, at hindi kailanman tumitigil. Ngunit iba ang tao: Dahil nagkamit lamang ng maliit na gawain ng Banal na Espiritu, itinuturing niya ito na parang hindi kailanman magbabago; dahil nagkamit lamang ng maliit na kaalaman, hindi na siya nagpapatuloy sa pagsunod sa mga yapak ng mas bagong gawain ng Diyos; dahil nakakita lamang ng maliit na bahagi ng gawain ng Diyos, agad na niyang ikinaklasipika ang Diyos bilang isang partikular na kahoy na imahen, at naniniwala na palaging mananatili ang Diyos sa ganoong anyo na nakikita sa harap niya, na ganito rin sa nakalipas at laging magiging ganoon sa hinaharap; dahil nagkamit lamang ng mababaw na kaalaman, napakayabang ng tao kaya’t nakakalimutan niya ang kanyang sarili at nagsisimulang walang pakundangang ipahayag ang isang disposisyon at ang pagiging Diyos ng Diyos na hindi talaga umiiral; at kung natitiyak ang tungkol sa isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, kahit anong uri ng tao ang nagpapahayag ng bagong gawain ng Diyos, hindi ito tinatanggap ng tao. Ang mga ito ay mga taong hindi matatanggap ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; masyado silang makaluma, at hindi kayang tumanggap ng mga bagong bagay. Ang gayong mga tao ay nananampalataya sa Diyos ngunit tinatanggihan din ang Diyos. Naniniwala ang tao na mali ang mga Israelita na ‘maniwala lamang kay Jehova at hindi kay Jesus,’ ngunit karamihan ng mga tao ay gumaganap ng papel kung saan sila ay ‘naniniwala lamang kay Jehova at tinatanggihan si Jesus’ at ‘nananabik para sa pagbabalik ng Mesiyas, ngunit tinututulan ang Mesiyas na tinatawag na Jesus.’ Hindi na nakapagtataka, kung gayon, na ang mga tao ay nabubuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas matapos tanggapin ang isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi pa rin tinatanggap ang mga pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t ito ang bunga ng pagiging mapaghimagsik ng tao?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao).
Ipinapakita sa atin ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos na ang Diyos ay laging bago at hindi kailanman naluluma, at na ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi kailanman tumitigil sa pagsulong. Kung nakakapit pa rin tayo sa nakaraang gawain ng Diyos at tumatangging tanggapin ang bagong gawain ng Diyos sa bagong kapanahunan, napakadali nating magiging mga tao na naniniwala sa Diyos ngunit lumalaban naman sa Kanya, at mga inaalis ng gawain ng Banal na Espiritu. Ilang siglo ang nakalilipas, dahil kumapit ang mga Fariseo sa gawain ng Diyos sa kapanahunan ng Lumang Tipan, dahil nilabanan at kinondena nila ang gawain ng Panginoong Jesus, at ipinako Siya sa krus—isa karumal-dumal na kasalanan—sinalubong sila ng mga sumpa at parusa ng Diyos. Kaya paano natin ngayon dapat harapin ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw? Dapat na pag-isipan nating lahat ito nang mabuti!