Bakit Natin Masasalubong Lang ang Panginoon sa Pamamagitan ng Pakikinig sa Tinig ng Diyos?

Nobyembre 17, 2021

Bakit Natin Masasalubong Lang ang Panginoon sa Pamamagitan ng Pakikinig sa Tinig ng Diyos?

Sa ngayon, ang lahat ng nananalig ay nananabik para sa pagparito ng Panginoong Jesus sakay ng isang ulap, dahil nagiging mas malala ang mga sakuna at dumarami ang lahat ng uri ng salot, at nagbabadya ang taggutom at digmaan. Nararamdaman ng mga nananalig na maaaring bumalik ang Panginoon anumang oras, at na hindi nila alam kung kailan Siya biglang bababa sakay ng isang ulap, kaya nagbabantay at nagdarasal sila araw at gabi, naghihintay sa Kanyang pagdating. Gayunman, nagsimula nang bumuhos ang mga sakuna, pero hanggang ngayon ay hindi pa nila nakikitang nagpakita ang Panginoon sakay ng isang ulap. Maraming tao ang nalilito, nagtataka, “Bakit hindi pa pumaparito ang Panginoon? Nagsasalita ba Siya nang walang integridad?” Hinding-hindi. Matapat ang Panginoon, at ang mga salita ng Panginoon ay hindi kailanman mauuwi sa wala. Nang hindi inaasahan ng sinuman, nagkatawang-tao na ang Panginoon bilang ang Anak ng tao at palihim na bumaba, at maraming tao ang matagal nang sumalubong sa Kanya. Matapos ang paghahanap sa mga yapak ng gawain ng Banal na Espiritu maraming taon bago ‘yon, natuklasan nila na nagsasalita at nagpapahayag ang Anak ng tao ng maraming katotohanan. Habang lalo nilang binabasa ang mga salitang ito, lalo nilang nadarama na ito ang tinig ng Banal na Espiritu, ang tinig ng Diyos, at natuklasan nila sa wakas na ang Anak ng tao na ito na nagpapahayag ng mga katotohanan ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, Siya ang Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao! Lahat sila’y masayang nagbunyi: “Nagbalik na ang Panginoong Jesus, nasalubong na natin sa wakas ang Panginoon!” Ang hinirang na mga tao ng Diyos ay nagmadaling ipalaganap ang balita, nagpapatotoo sa Makapangyarihang Diyos na nagpapahayag ng katotohanan, nagpapakita at gumagawa. Maraming tao mula sa lahat ng denominasyon na nagmamahal sa katotohanan at inaasam ang pagpapakita ng Panginoon ang nagbasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos at nakilala na ito ang tinig ng Diyos, sunud-sunod na lumapit sa harap ng trono ng Diyos, at nakiisa sa piging ng kasal ng Cordero. Tinutupad nito ang mga propesiya ng Panginoong Jesus: “Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin(Juan 10:27). “Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig sa Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko(Pahayag 3:20). Ang pagpapakita at gawain ng Makapangyarihang Diyos ay ganap ding tumupad sa mga propesiya ng Panginoong Jesus na: “Ako’y madaling pumaparito,” “ang pagparito ng Anak ng tao,” “ang Anak ng tao ay darating,” at “ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan.” Pinatunayan nito na matapat ang Diyos, at lahat ng Kanyang mga salita at propesiya ay matutupad. Gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus, “Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwat ang Aking mga salita ay hindi lilipas(Mateo 24:35). At gaya ng sinabi ng Makapangyarihang Diyos, “Maaaring lumipas ang langit at lupa pero walang kahit isang titik o kudlit ng sinasabi Ko ang lilipas kailanman” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 53). Nagbalik na ang ating Tagapagligtas na si Jesus, at Siya ang Makapangyarihang Diyos. Nagpahayag Siya ng maraming katotohanan at ginagawa ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, matagal nang nakumpleto ang isang grupo ng mananagumpay. Natalo na ng Makapangyarihang Diyos si Satanas at nakamit ang lahat ng kaluwalhatian, at pagkatapos ay nagsimula na ang malalaking sakuna. Makikita natin na ang lahat ng gawain ng Diyos ay malapit na magkakaugnay. Nagpapahayag ang Makapangyarihang Diyos ng napakaraming katotohanan, niyayanig ang buong mundo ng relihiyon, at ang mismong buong mundo. Gayunman, maraming relihiyosong tao ang nakatunghay pa rin sa himpapawid, naghihintay na pumarito ang Tagapagligtas na si Jesus sakay ng mga ulap. Nasadlak silang lahat sa sakuna at hindi pa rin alam kung ano ang nangyayari, at sila’y masasabi lang na mga hangal na dalaga. Maraming hangal at mangmang na tao ang nalilinlang at nakokontrol ng mga puwersang anticristo sa mundo ng relihiyon, hinuhusgahan at kinokondena pa rin ang pagpapakita at gawain ng Makapangyarihang Diyos. Alam na alam nilang ang Kanyang mga salita ang katotohanan, pero hindi nila tinatanggap ang mga ito. Kumakapit pa rin sila sa mga salita ng Biblia na paparito ang Panginoon sakay ng mga ulap, nang hindi tinitingnan ang tunay na daan kahit kaunti, lalong hindi naghahangad na marinig ang tinig ng Diyos. Bilang resulta, nasadlak sila sa mga sakuna, nagrereklamo, tumatangis at nagngangalit ang mga ngipin. Nakakalungkot talaga ito. Maaaring itanong ng ilan, “Bakit kailangan nating makinig sa tinig ng Diyos para salubungin ang Panginoon?” Ibabahagi ko ngayon ang kaunti sa aking pagkakaunawa sa isyu na ito.

Una, kailangan nating linawin, na kung talagang babalik ang Panginoon mula sa langit sakay ng isang ulap at makikita ito ng lahat, hindi na natin kakailanganing makinig sa Kanyang tinig, kundi umasa lang sa ating paningin. Pero dahil nagbalik ang Panginoon sa katawang-tao, bilang ang Anak ng tao, sa panlabas ay isa lang Siyang ordinaryong tao na walang wangis ng Diyos, at hindi talaga higit sa karaniwan. Mga mortal na nilalang ang mga tao, walang kakayahang makita ang Espiritu ng Diyos. Makikita lang natin ang pisikal na anyo ng Anak ng tao, kaya walang paraan para makilala ang Anak ng tao sa katawang-tao maliban sa pakikinig sa Kanyang tinig. Makikilala lang Siya sa pamamagitan ng Kanyang mga pagbigkas. Kaya nga sinabi ng Panginoong Jesus, “Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin(Juan 10:27). Tulad ng alam nating lahat, dalawang libong taon na ang nakararaan, naging tao ang Diyos bilang ang Panginoong Jesus para tubusin ang sangkatauhan. Namuhay Siya sa normal na katauhan, at kumain, nagbihis, natulog at naglakbay na gaya ng mga ordinaryong tao. Walang may alam na ang Panginoong Jesus ang nagkatawang-taong Diyos, kahit ang pamilya Niya, at kahit ang Panginoong Jesus Mismo ay hindi alam na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao. Ipinangaral Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit sa lahat ng dako at nagpahayag ng maraming katotohanan. Itinuro Niya sa mga tao ang tungkol sa pagtatapat ng kanilang mga kasalanan at pagsisisi, pagpapaubaya at pasensiya, pagpapatawad sa iba nang pitumpung pitong beses, pagpasan ng krus at pagsunod sa Kanya. Sinabi Niya sa mga tao na ibigin ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, at isip, at mahalin ang iba na gaya ng kanilang sarili. Ibinunyag din ng Panginoong Jesus ang mga misteryo ng kaharian ng langit, sinasabi sa mga tao kung sino ang makapapasok sa kaharian, at iba pa. Ang mga katotohanang ito ang daan ng pagsisisi na ipinahayag ng Diyos para sa pagtubos sa tao, at hindi pa narinig o nakita ng mga tao kailanman. Maraming tao na sumunod sa Panginoong Jesus ay ginawa ‘yon dahil narinig nila kung gaano kamaawtoridad at kamakapangyarihan ang mga salita ng Panginoong Jesus, mga bagay na walang nilikha ang makapagpapahayag. Nakilala nila ang tinig ng Diyos at sumunod sa Panginoon. Ito ang mga tupa ng Diyos na naririnig ang Kanyang tinig at sinasalubong ang Panginoon. Samantala, iyong mga punong saserdote, eskriba at Fariseo ng Judaismo, bagama’t kinilala rin nila ang awtoridad at kapangyarihan ng mga salita ng Panginoon, dahil lang kahawig ng Panginoong Jesus ang isang ordinaryo at normal na Anak ng tao, na walang tanyag na pamilya, ni mataas na katayuan at kapangyarihan, dahil wala sa Kasulatan ang Kanyang mga salita, at ang pangalan Niya ay hindi Mesiyas, na hindi tumugma sa mga propesiya ng Kasulatan, itinatwa at tinanggihan nila ang Panginoong Jesus, at kinondena pa Siya, na sinasabing nagsasalita Siya ng kalapastanganan. Sa huli, ipinapako nila Siya sa krus, at sa gayon ay pinarusahan at isinumpa ng Diyos. Kaya makikita natin kung gaano kahalaga ang makinig sa tinig ng Diyos para salubungin ang Panginoon! Kung hindi natin pakikinggan ang tinig ng Diyos, bagkus ay titingnan lang ang panlabas na hitsura ng Anak ng tao, hindi natin makikita kailanman na Siya ang Diyos. Kokondenahin at tatanggihan lang natin ang Panginoon batay sa ating mga kuru-kuro at imahinasyon. Sa mga huling araw, muling naging tao ang Diyos bilang ang Anak ng tao para magpakita at gumawa. Kung gusto nating salubungin ang Panginoon, kailangan nating umasa sa pakikinig sa tinig ng Diyos, pakinggan kung ang mga ito ba ay mga salita ng Diyos, kung ito ang katotohanan, kung ito ay mula sa Banal na Espiritu. Dapat nating ibatay ang ating pagpapasya rito. Saka lang natin makikilala si Cristo, ang pagpapamalas ng Diyos, at sa pakikinig lang sa tinig ng Diyos natin maaaring salubungin ang Panginoon.

Gaya ng sinasabi ng Makapangyarihang Diyos, “Yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang kalooban ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagpapahayag ng Diyos—sapagka’t kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos. Kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nabalewala na ninyo ang mga salitang ‘Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.’ At kaya, maraming tao, kahit pa tumatanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na nakita na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan). “Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, ilalahad Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang sagot ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspeto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita).

Sa pagkakataong ito, pumaparito ang Diyos upang gumawa ng gawain hindi sa espirituwal na katawan, kundi sa isang napakakaraniwang katawan. Bukod dito, hindi lamang ito ang katawan ng ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, ito rin ang katawan kung saan bumabalik ang Diyos sa katawang-tao. Isa itong napakapangkaraniwang katawang-tao. Wala kang makikitang anumang nagpapabukod-tangi sa Kanya sa iba, ngunit maaari kang magkamit mula sa Kanya ng mga katotohanang hindi pa narinig dati. Itong hamak na katawang-taong ito ang kumakatawan sa lahat ng mga salita ng katotohanan mula sa Diyos, nangangasiwa sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, at nagpapahayag ng kabuuan ng disposisyon ng Diyos upang maintindihan ng tao. Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na maunawaan ang Diyos na nasa langit? Hindi mo ba lubhang ninanais na makita ang hantungan ng sangkatauhan? Sasabihin Niya sa iyo ang lahat ng mga lihim na ito—mga lihim na wala pang taong nakapagsabi sa iyo, at sasabihin din Niya sa iyo ang mga katotohanang hindi mo nauunawaan. Siya ang pintuan mo patungo sa kaharian, at gabay mo patungo sa bagong kapanahunan. Nagtataglay ng maraming hiwagang di-maarok ang gayong karaniwang katawang-tao. Maaaring hindi maintindihan para sa iyo ang Kanyang mga gawa, ngunit ang buong layunin ng gawaing ginagawa Niya ay sapat na upang hayaan kang makitang hindi Siya isang simpleng katawang-tao na gaya ng inaakala ng mga tao. Sapagkat kinakatawan Niya ang kalooban ng Diyos at ang pangangalagang ipinakita ng Diyos para sa sangkatauhan sa mga huling araw. Bagaman hindi mo naririnig ang mga salita Niya na tila yumayanig sa kalangitan at lupa, bagaman hindi mo nakikita ang mga mata Niya na tulad ng lumalagablab na apoy, at bagaman hindi mo natatanggap ang disiplina ng Kanyang pamalong bakal, gayunman, maririnig mo mula sa Kanyang mga salita na mapagpoot ang Diyos, at mababatid na nagpapakita ang Diyos ng habag para sa sangkatauhan; makikita mo ang matuwid na disposisyon ng Diyos at ang karunungan Niya, at bukod dito, matatanto ang malasakit ng Diyos sa buong sangkatauhan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alam Mo Ba? Gumawa ang Diyos ng Dakilang Bagay sa Gitna ng mga Tao).

Ipinapakita ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos kung paano hanapin ang pagpapakita ng Diyos at ang paraan para makilala ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Malinaw na malinaw ito: Si Cristo ang daan, ang katotohanan, at ang buhay; ang pagka-Diyos ni Cristo ay pangunahing ibinunyag sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan at ng tinig ng Diyos. Kaya gaano man kaordinaryo at kanormal ang hitsura ni Cristo, hangga’t kaya Niyang ipahayag ang katotohanan, ipahayag ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, Siya ang pagpapamalas ng Diyos. Gaano man kaordinaryo at kanormal ang katauhan ni Cristo, hangga’t kaya Niyang ipahayag ang katotohanan, at ipahayag ang tinig ng Diyos, Siya ay isang taong may banal na diwa—Siya ang Diyos na nagkatawang-tao. Walang pagdududa tungkol dito. Mula nang magpakita ang Makapangyarihang Diyos at magsimulang gumawa, maraming tao mula sa lahat ng denominasyon na nagmamahal sa katotohanan ang nakabasa na ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, at natuklasan na ang lahat ng Kanyang salita ay ang katotohanan, ganap na nagmula sa Banal na Espiritu at ang tinig ng Diyos. Sa gayon ay nakumpirma nila na ang Makapangyarihang Diyos ang pagpapakita ng Diyos, Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, ang nagbalik na Panginoong Jesus. Isa itong katotohanan na makukumpirma ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos. Ang nagkatawang-taong Makapangyarihang Diyos ay namumuhay sa piling ng mga tao, kumakain, nabubuhay at nakikisalamuha sa iba, ipinapahayag ang katotohanan, dinidiligan, inaalagaan at pinamumunuan ang hinirang na mga tao ng Diyos sa anumang oras o lugar. Nasaksihan natin na sunud-sunod na ipinahayag ang mga kabanata ng mga salita ng Diyos, at ngayon ay napagsama-sama na ang mga ito sa mga libro ng mga salita ng Diyos tulad ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, na may kabuuang milyun-milyong salita. Ibinunyag ng Makapangyarihang Diyos ang lahat ng misteryo ng anim na libong taong gawain ng pamamahala ng Diyos, tulad ng mga layunin ng Diyos sa pamamahala sa sangkatauhan, kung paano ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, kung paano gumawa ang Diyos nang paisa-isang hakbang para iligtas sila, ang mga misteryo ng mga pagkakatawang-tao, ang kuwentong nakaloob sa Biblia, kung paano dinadalisay at inililigtas ng gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ang sangkatauhan, kung paano pinagbubukud-bukod ng Diyos ang mga tao ayon sa kanilang uri, ginagantimpalaan ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama para wakasan ang kapanahunan, kung paano naisakatuparan ang kaharian ni Cristo sa lupa, at iba pa. Hinahatulan at ibinubunyag din ng Makapangyarihang Diyos ang laban sa Diyos na diwa ng sangkatauhan at ang katotohanan ng kanilang katiwalian. Nagbibigay Siya ng landas para maalis ng mga tao sa kanilang sarili ang tiwaling disposisyon nila at makamit ang kaligtasan. Sinasabi rin Niya sa mga tao kung paano magsimula ng isang wastong relasyon sa Diyos, kung paano isagawa ang pagiging isang tapat na tao, kung paano maging tapat sa Diyos, kung paano sundin ang daan ng Diyos para matakot sa Diyos at lumayo sa kasamaan, kung paano maisagawa ang pagsunod at pagmamahal sa Diyos, at iba pa. Ang lahat ng katotohanang ito ay mga katotohanang kailangan para makamit ng mga tao ang kalayaan mula sa kasalanan at ganap na pagliligtas ng Diyos sa kanilang pananampalataya. Ang lahat ng katotohanang ito na ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ay ganap na tumutupad sa propesiya ng Panginoong Jesus na: “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anomang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating(Juan 16:12–13). Habang mas binabasa natin ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, mas nagliliwanag ang ating mga puso, at ganap tayong nalulupig ng mga ito. Matapos makita ang pagiging matuwid, banal, at maharlika at ang poot ng Diyos na nabunyag sa pamamagitan ng Kanyang mga salita ng paghatol, at maranasan ang hindi nalalabag na disposisyon ng Diyos, pinagtitibay natin na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan at ang tinig ng Diyos, ang mga ito ang mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia. Isipin mo—bukod sa Diyos, sino ang makapagbubunyag sa mga misteryo ng gawain ng Diyos? Sino ang makapagpapahayag ng disposisyon ng Diyos at ang lahat ng mayroon at ano Siya? Bukod sa Diyos, sino ang makapaghahatol at makapaglalantad sa tiwaling diwa ng sangkatauhan? Sino ang makapagliligtas sa sangkatauhan mula sa kasalanan? Walang duda na Diyos lang ang makapagpapahayag ng katotohanan, Diyos lang ang makapaglilinis sa katiwalian ng sangkatauhan, at makapagliligtas sa kanila mula sa kasalanan at sa kapangyarihan ni Satanas. Maaaring ang Makapangyarihang Diyos ay mukha lang ordinaryo at normal na Anak ng tao, pero sa mga salita at gawain Niya, makikita natin na hindi lang Niya tinataglay ang normal na katauhan, kundi maging isang banal na diwa. Nananahan sa Kanya ang Espiritu ng Diyos, at ang Kanyang mga salita ay direktang pagpapahayag mula sa Espiritu ng Diyos. Ang Makapangyarihang Diyos ang daan, ang katotohanan, at ang buhay, Siya ang nagkatawang-taong Diyos, at ang nagbalik na Panginoong Jesus. Gaya ng sinasabi ng Makapangyarihang Diyos, “Patuloy ang Diyos sa Kanyang mga pagbigkas, na gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan at pananaw upang pagsabihan tayo kung ano ang dapat nating gawin habang, kasabay nito, isinasatinig ang nilalaman ng Kanyang puso. Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, na ipinapakita sa atin ang daan na dapat nating tahakin, at binibigyang-kakayahan tayo na maunawaan kung ano ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, nagsisimula tayong magtuon sa tono at paraan ng Kanyang pagsasalita, at hindi sinasadyang nagsisimula tayong magkainteres sa kaloob-loobang damdamin ng ordinaryong taong ito. … Walang sinuman maliban sa Kanya ang nakakaalam sa lahat ng ating iniisip, o may napakalinaw at ganap na pagkaintindi sa ating likas na pagkatao at diwa, o makakahatol sa pagkasuwail at katiwalian ng sangkatauhan, o nakapagsasalita sa atin at nakagagawa sa atin na kagaya nito sa ngalan ng Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang pinagkakalooban ng awtoridad, karunungan, at dangal ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos ay lumalabas, nang buung-buo, sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagpapakita sa atin ng daan at makapaghahatid sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapaghahayag ng mga hiwagang hindi pa naipaalam ng Diyos mula noong paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagliligtas sa atin mula sa pagkaalipin kay Satanas at sa ating sariling tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos. Ipinapahayag Niya ang nasa kaibuturan ng puso ng Diyos, ang mga pangaral ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Nagsimula na Siya ng isang bagong kapanahunan, isang bagong panahon, at nagpasimula ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, at naghatid Siya sa atin ng pag-asa, na nagwawakas sa ating naging pamumuhay sa kalabuan at hinahayaang lubos na mamasdan ng ating buong pagkatao, nang buong kalinawan, ang landas tungo sa kaligtasan. Nalupig na Niya ang ating buong pagkatao at naangkin ang ating puso. Mula noong sandaling iyon, nagkamalay na ang ating isipan, at tila muling nabuhay ang ating espiritu: Ang ordinaryo at hamak na taong ito, na namumuhay kasama natin at matagal na nating tinanggihan—hindi ba Siya ang Panginoong Jesus, na lagi nang nasa ating isipan, sa paggising man o sa panaginip, at ating kinasasabikan gabi’t araw? Siya nga! Siya talaga! Siya ang ating Diyos! Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 4: Mamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo).

Sa puntong ito, dapat ay mas nalinawan ka na kung bakit kailangan nating pakinggan ang tinig ng Diyos para salubungin ang Panginoon. Sa totoo lang, hindi mahirap ang pakikinig sa tinig ng Diyos. Naririnig ng mga tupa ng Diyos ang tinig ng Diyos—inorden ito ng Diyos. Hindi mahalaga ang antas ng edukasyon ng mga tao, hindi rin mahalaga ang kaalaman nila sa Biblia at lalim ng kanilang karanasan. Sinumang may puso at espiritu na nagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay nadarama na ang lahat ng salita ng Diyos ay ang katotohanan, maawtoridad at makapangyarihan ang mga ito, at ang mga ito ang tinig ng Diyos. Nadarama nila ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan, at ang matuwid at maharlikang disposisyon ng Diyos na walang pinalalampas na pagkakasala ng tao. Ito ang ginagawa ng espirituwal na pakiramdam at intuwisyon. Katulad ito ng pakiramdam kapag binabasa natin ang mga salita ng Panginoong Jesus, dahil ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at ang mga salita ng Panginoong Jesus ay parehong pagpapahayag ng iisang Espiritu. Galing ang mga ito sa iisang pinagmulan. Ang Makapangyarihang Diyos at ang Panginoong Jesus ay iisang Diyos. Magbasa pa tayo ng ilang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa buong sansinukob ginagawa Ko ang Aking gawain, at sa Silangan, walang humpay ang mga dagundong ng kulog, niyayanig ang lahat ng bansa at denominasyon. Ang Aking tinig ang umakay sa lahat ng tao sa kasalukuyan. Idinudulot Ko na malupig ng Aking tinig ang lahat ng tao, upang madala sila sa daloy na ito, at magpasakop sa Aking harapan, sapagkat matagal Ko nang binawi ang Aking kaluwalhatian mula sa buong mundo at muli itong inilabas sa Silangan. Sino ang hindi nasasabik na makita ang Aking kaluwalhatian? Sino ang hindi sabik na naghihintay sa Aking pagbabalik? Sino ang hindi nauuhaw sa Aking muling pagpapakita? Sino ang hindi nananabik sa Aking kariktan? Sino ang hindi lalapit sa liwanag? Sino ang hindi hahanga sa kasaganaan ng Canaan? Sino ang hindi nananabik sa pagbabalik ng Manunubos? Sino ang hindi sumasamba sa Kanya na dakila ang kapangyarihan? Ang Aking tinig ay lalaganap sa buong mundo; haharapin Ko ang mga taong Aking hinirang at sasambit Ako ng iba pang mga salita sa kanila. Gaya ng malalakas na kulog na yumayanig sa mga bundok at ilog, sinasambit Ko ang Aking mga salita sa buong sansinukob at sa sangkatauhan. Kaya naman ang mga salita sa Aking bibig ay naging yaman na ng tao, at itinatangi ng lahat ng tao ang Aking mga salita. Kumikidlat mula sa Silangan patungo sa Kanluran. Ang Aking mga salita ay ayaw isuko ng tao at kasabay nito ay hindi rin niya ito maarok, kundi mas nagagalak dito. Natutuwa at nagagalak ang lahat ng tao, ipinagdiriwang ang Aking pagparito, na tila ba kasisilang lamang ng isang sanggol. Sa pamamagitan ng Aking tinig, dadalhin Ko ang lahat ng tao sa Aking harapan. Mula roon, pormal Akong papasok sa lahi ng mga tao para lumapit sila upang sambahin Ako. Taglay ang kaluwalhatiang nababanaag sa Akin at ang mga salita sa Aking bibig, pahaharapin Ko ang lahat ng tao sa Akin at makikita nila na kumikidlat mula sa Silangan at na bumaba na rin Ako sa ‘Bundok ng mga Olibo’ sa Silangan. Makikita nila na matagal na Akong nasa lupa, hindi na bilang Anak ng mga Hudyo kundi bilang Kidlat ng Silanganan. Sapagkat matagal na Akong nabuhay na muli, at lumisan mula sa sangkatauhan, at pagkatapos ay muli Akong nagpakita nang may kaluwalhatian sa mga tao. Ako Siya na sinamba napakahabang panahon na ang nakalipas bago ngayon, at Ako rin ang sanggol na tinalikuran ng mga Israelita napakahabang panahon na ang nakalipas bago ngayon. Bukod dito, Ako ang napakamaluwalhating Makapangyarihang Diyos ng kasalukuyang panahon! Palapitin ang lahat sa Aking luklukan at ipakita ang Aking maluwalhating mukha, iparinig ang Aking tinig, at patingnan ang Aking mga gawa. Ito ang kabuuan ng Aking kalooban; ito ang wakas at kasukdulan ng Aking plano, gayon din ang layunin ng Aking pamamahala: ang pasambahin sa Akin ang bawat bansa, ang kilalanin Ako ng bawat wika, ang isandig sa Akin ng bawat tao ang kanyang pananampalataya, at magpailalim sa Akin ang bawat tao!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob).

Minsan na Akong nakilala bilang Jehova. Tinawag din Akong ang Mesiyas, at tinawag Akong minsan ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas nang may pagmamahal at paggalang. Gayunman, ngayon ay hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao noong araw; Ako ang Diyos na bumalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magbibigay-wakas sa kapanahunan. Ako ang Diyos Mismo na nagbabangon mula sa dulo ng daigdig, puno ng Aking buong disposisyon, at puspos ng awtoridad, karangalan, at kaluwalhatian. Hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang mga tao kailanman, hindi Ako nakilala kailanman, at palagi nang walang-alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isa mang tao na nakakita sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa tao sa mga huling araw ngunit nakatago sa tao. Nananahan Siya sa piling ng tao, tunay at totoo, tulad ng nagniningas na araw at naglalagablab na apoy, puspos ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Wala ni isa mang tao o bagay na hindi hahatulan ng Aking mga salita, at wala ni isa mang tao o bagay na hindi padadalisayin sa pamamagitan ng pagliliyab ng apoy. Sa huli, lahat ng bansa ay pagpapalain dahil sa Aking mga salita, at dudurugin din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na nagbalik, at na Ako ang Makapangyarihang Diyos na lumulupig sa buong sangkatauhan. At makikita ng lahat na minsan na Akong naging handog dahil sa kasalanan para sa tao, ngunit na sa mga huling araw ay nagiging mga ningas din Ako ng araw na tumutupok sa lahat ng bagay, gayundin ang Araw ng katuwiran na nagbubunyag sa lahat ng bagay. Ito ang Aking gawain sa mga huling araw. Ginamit Ko ang pangalang ito at taglay Ko ang disposisyong ito upang makita ng lahat ng tao na Ako ay isang matuwid na Diyos, ang nagliliyab na araw, ang nagniningas na apoy, at upang lahat ay sambahin Ako, ang iisang tunay na Diyos, at upang makita nila ang Aking tunay na mukha: Hindi lamang Ako ang Diyos ng mga Israelita, at hindi lamang Ako ang Manunubos; Ako ang Diyos ng lahat ng nilalang sa buong kalangitan at sa lupa at sa karagatan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”).

Kapag ibinabaling Ko ang Aking mukha sa sansinukob upang magsalita, naririnig ng buong sangkatauhan ang Aking tinig, at pagkatapos ay nakikita ang lahat ng Aking nagawa sa buong sansinukob. Yaong mga lumalaban sa Aking kalooban, ibig sabihin, yaong mga kumokontra sa Akin sa mga gawa ng tao, ay sasailalim sa Aking pagkastigo. Kukunin Ko ang napakaraming bituin sa kalangitan at paninibaguhin ang mga ito, at dahil sa Akin, ang araw at ang buwan ay mapapanibago—ang kalangitan ay hindi na magiging gaya ng dati at ang napakaraming bagay sa lupa ay mapapanibago. Lahat ay magiging ganap sa pamamagitan ng Aking mga salita. Ang maraming bansa sa loob ng sansinukob ay muling hahati-hatiin at papalitan ng Aking kaharian, kaya ang mga bansa sa ibabaw ng lupa ay maglalaho magpakailanman at lahat ay magiging isang kaharian na sumasamba sa Akin; lahat ng bansa sa lupa ay mawawasak at titigil sa pag-iral. Sa mga tao sa loob ng sansinukob, lahat ng nabibilang sa diyablo ay lilipulin, at lahat ng sumasamba kay Satanas ay isasadlak sa Aking naglalagablab na apoy—ibig sabihin, maliban doon sa mga sumusunod sa agos, lahat ay magiging abo. Kapag kinakastigo Ko ang maraming tao, yaong mga nasa relihiyosong mundo, sa iba’t ibang lawak, ay babalik sa Aking kaharian, na nalupig ng Aking mga gawa, dahil nakita na nila ang pagdating ng Banal na nakasakay sa isang puting ulap. Lahat ng tao ay paghihiwa-hiwalayin ayon sa sarili nilang uri, at tatanggap ng mga pagkastigo na nararapat sa kanilang mga kilos. Lahat ng kumalaban sa Akin ay masasawi; yaon namang mga hindi Ako kasali sa kanilang mga gawa sa lupa, sila, dahil sa paraan ng pagpapawalang-sala nila sa kanilang sarili, ay patuloy na iiral sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Aking mga anak at Aking mga tao. Ihahayag Ko ang Aking sarili sa napakaraming tao at sa napakaraming bansa, at sa sarili Kong tinig, maririnig Ako sa ibabaw ng lupa, na ipinapahayag ang pagkumpleto ng Aking dakilang gawain para makita ng buong sangkatauhan sa sarili nilang mga mata” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 26).

Bawat salita mula sa Makapangyarihang Diyos ay makapangyarihan at maawtoridad, niyayanig ang puso ng mga tao. Nagsasalita ang Makapangyarihang Diyos sa buong sangkatauhan bilang ang Lumikha. Malinaw na naipamalas ang awtoridad at pagkakakilanlan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at ang tono ng mga ito, ang posisyong hawak Niya, ang ipinahayag na disposisyon at kung ano ang mayroon at ano Siya, ay ang mga natatanging katangian ng Diyos. Walang anghel, walang nilikha, walang satanikong masamang espiritu ang maaaring magkaroon o magkamit ng lahat ng ito kailanman. Ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay ganap na ibinubunyag ang natatanging awtoridad ng Diyos, at ipinapakita ng mga ito ang matuwid at hindi nalalabag na disposisyon ng Diyos. Nakita na nating lahat na ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay mga pagpapahayag at tinig ng Diyos.

Ngayon, ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao at maraming video ng pagbasa ng mga salita ng Diyos ay matatagpuan lahat online, at parami nang paraming tao mula sa lahat ng bansa at lahat ng denominasyon ang nagsisiyasat at tumatanggap sa Makapangyarihang Diyos. Gayunman, marami pa ring tao sa loob ng relihiyon ang kumakapit sa mga salita ng Biblia, na kumakapit sa kanilang kuru-kuro na ang Panginoon ay bababa sakay ng isang ulap. Nakikita nila na nagpapahayag ang Makapangyarihang Diyos ng napakaraming katotohanan, pero hindi sila naghahanap, nagsisiyasat, o nakikinig sa tinig ng Diyos. Maaari pa nga silang makiayon sa mga anticristong puwersa ng mundo ng relihiyon, hinahatulan, sinisiraan at kinokondena ang Makapangyarihang Diyos. Para bang nabulag na ang kanilang mga puso—nakaririnig sila pero hindi nakakaalam, at nakakakita pero hindi nakakaunawa. Walang kakayahan ang gayong mga tao na marinig ang tinig ng Diyos, na nagpapakita na hindi sila mga tupa ng Diyos. Sila ang mga mapanirang damo na ibinunyag ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, ang mga hangal na dalaga, na ngayon ay inabandona at inalis na ng Diyos, at nasadlak na sa mga sakuna. Mahirap masabi kung mabubuhay sila o mamamatay. Kung makakaligtas sila, maaari lang nilang hintayin na pumarito ang Panginoong Jesus sakay ng isang ulap at lantarang magpakita sa lahat pagkatapos ng mga sakuna. Pero pagdating ng oras na iyon, kapag nakita nila na ang Makapangyarihang Diyos na kinondena at nilabanan nila ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, matutulala sila, pero magiging huli na para sa mga pagsisisi. Maiiwan silang tumatangis at nagngangalit ang mga ngipin. Ganap nitong tinutupad ang propesiya ng Pahayag: “Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawat mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya(Pahayag 1:7).

Bilang pagwawakas, basahin natin ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon ipinapahayag ang katotohanan, at magiging naroon ang tinig ng Diyos. Tanging iyong mga makakatanggap sa katotohanan ang makaririnig sa tinig ng Diyos, at tanging ang mga ganitong tao ang karapat-dapat na makasaksi sa pagpapakita ng Diyos. Pakawalan mo ang iyong mga kuru-kuro! Tumahimik ka at basahing mabuti ang mga salitang ito. Kung naghahangad ka sa katotohanan, liliwanagan ka ng Diyos at mauunawaan mo ang Kanyang kalooban at Kanyang mga salita. Pakawalan ninyo ang inyong mga pananaw tungkol sa ‘imposible’! Habang lalong naniniwala ang mga tao na imposible ang isang bagay, mas lalong maaari itong mangyari, sapagka’t ang karunungan ng Diyos ay mas mataas pa sa mga kalangitan, ang mga iniisip ng Diyos ay higit pa sa mga iniisip ng tao, at ang gawain ng Diyos ay lampas sa mga hangganan ng pag-iisip at mga kuru-kuro ng tao. Habang mas imposible ang isang bagay, lalong higit na mayroon itong katotohanang mahahanap; habang mas lampas sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ang isang bagay, lalong higit na ito ay naglalaman ng kalooban ng Diyos. Ito ay dahil, kahit saan pa Niya ipinakikita ang Sarili Niya, ang Diyos ay nananatiling Diyos, at ang Kanyang diwa ay hindi kailanman magbabago dahil lamang sa lugar o paraan ng Kanyang pagpapakita. … Kaya hanapin natin ang kalooban ng Diyos at tuklasin ang Kanyang pagpapakita mula sa Kanyang mga pagpapahayag, at sabayan ang Kanyang mga yapak! Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ang Kanyang mga salita at ang Kanyang pagpapakita ay sabay na umiiral, at ang Kanyang disposisyon at mga yapak ay bukas sa sangkatauhan sa lahat ng sandali” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan).

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ano Talaga ang Marapture?

Dalawang libong taon na ang nakalilipas, matapos ipako sa krus ang Panginoong Jesus at makumpleto ang Kanyang gawain ng pagtubos, nangako...