Ano ang ugat ng paghihimagsik at paglaban sa Diyos ng tao
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang ugat ng pagsalungat at pagiging mapanghimagsik ng tao laban sa Diyos ay ang kanyang katiwalian sa pamamagitan ni Satanas. Dahil sa katiwalian ni Satanas, naging manhid ang konsensiya ng tao; imoral siya, masama ang kanyang mga saloobin, at paurong ang kanyang pangkaisipang pananaw. Bago siya ginawang tiwali ni Satanas, likas na tumatalima sa Diyos ang tao at sumusunod sa Kanyang mga salita pagkatapos marinig ang mga ito. Siya ay likas na may maayos na katinuan at konsensiya, at may normal na pagkatao. Matapos gawing tiwali ni Satanas, pumurol at pinahina ni Satanas ang orihinal na katinuan, konsensiya, at pagkatao ng tao. Sa gayon, nawala niya ang kanyang pagkamasunurin at pag-ibig sa Diyos. Nalihis ang katinuan ng tao, naging katulad na ng sa hayop ang kanyang disposisyon, at nagiging mas madalas at mas matindi ang kanyang pagiging mapanghimagsik sa Diyos. Nguni’t hindi pa rin ito batid ni kinikilala ng tao, at basta na lamang siyang sumasalungat at naghihimagsik. Ibinubunyag ng mga pagpapahayag ng kanyang katinuan, kaunawaan, at konsensiya ang disposisyon ng tao; dahil wala sa ayos ang kanyang katinuan at kaunawaan, at sukdulan nang pumurol ang kanyang konsensiya, kaya mapanghimagsik laban sa Diyos ang kanyang disposisyon. Kung hindi mababago ang katinuan at pananaw ng tao, hindi posible ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at ganoon din ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kung hindi maayos ang katinuan ng tao, hindi niya maaaring paglingkuran ang Diyos at hindi siya akmang gamitin ng Diyos. Tumutukoy “ang normal na katinuan” sa pagsunod at pagiging tapat sa Diyos, sa paghahangad sa Diyos, sa pagiging ganap tungo sa Diyos, at sa pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Tumutukoy ito sa pagiging isa sa puso at isip tungo sa Diyos, at hindi pasadyang lumalaban sa Diyos. Hindi ganito ang pagkakaroon ng lihis na katinuan. Mula noong ginawang tiwali ni Satanas ang tao, nakabuo na siya ng mga kuru-kuro ukol sa Diyos, at wala siyang katapatan sa Diyos o paghahangad sa Kanya, at lalo na ang pagkakaroon ng konsensiya tungo sa Diyos. Sadyang sinasalungat at hinahatulan ng tao ang Diyos, at, bukod pa riyan, pumupukol sa Kanya ng mga pagtuligsa sa Kanyang likuran. Hinahatulan ng tao ang Diyos nang patalikod, nang may malinaw na kaalamang Siya ang Diyos; walang intensiyon ang tao na sundin ang Diyos, at gumagawa lamang ng mga bulag na kahilingan at pakiusap sa Kanya. Ang gayong mga tao—mga taong may lihis na katinuan—ay walang kakayahang makilala ang sarili nilang pag-uugaling kasuklam-suklam o ang pagsisihan ang kanilang pagiging mapanghimagsik. Kung may kakayahan ang mga taong makilala ang mga sarili nila, bahagya nilang nabawi na ang kanilang katinuan; habang mas naghihimagsik sa Diyos ang mga taong hindi pa nakakikilala sa mga sarili nila, mas wala sa ayos ang kanilang katinuan.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos
Makalipas ang ilang libong taon ng katiwalian, manhid at mapurol ang pag-iisip ng tao; siya’y naging isang demonyong kumakalaban sa Diyos, hanggang naitala na sa mga aklat ng kasaysayan ang pagiging mapanghimagsik ng tao tungo sa Diyos, at kahit ang tao mismo ay hindi kayang ipaliwanag nang buo ang kanyang ugaling mapanghimagsik—sapagka’t ang tao ay nagawang tiwali na nang husto ni Satanas, at nailigaw na ni Satanas, na anupa’t hindi niya nalalaman kung saan tutungo. Kahit sa ngayon, pinagtataksilan pa rin ng tao ang Diyos: Kapag nakikita ng tao ang Diyos, nagtataksil siya sa Kanya, at kapag hindi niya nakikita ang Diyos, Siya’y pinagtataksilan pa rin niya. Mayroon pa ngang iba na, bagaman nasasaksihan na ang mga sumpa ng Diyos at poot ng Diyos, pinagtataksilan pa rin Siya. Kung kaya’t sinasabi Kong nawala na ng katinuan ng tao ang orihinal nitong gamit, at na ang konsensiya ng tao, gayundin, ay nawalan ng orihinal nitong gamit. Ang taong nasisilayan Ko ay isang hayop sa anyong tao, isa siyang makamandag na ahas, at gaano man niya subukang magmukhang kahabag-habag sa mga mata Ko, hinding-hindi Ko siya kaaawaan, sapagka’t ang tao ay walang pagkaunawa sa pagkakaiba ng itim at puti, sa pagkakaiba ng katotohanan at di-katotohanan. Masyadong namanhid ang katinuan ng tao, nguni’t patuloy siyang naghahangad na magkamit ng mga pagpapala; masyadong walang-dangal ang kanyang pagkatao nguni’t naghahangad pa rin siyang taglayin ang kataas-taasang kapangyarihan ng isang hari. Kanino kaya siya magiging hari sa gayong katinuan? Papaano siya mauupo sa isang trono sa gayong katauhan? Tunay na walang kahihiyan ang tao! Siya ay isang palalong kahabag-habag! Para sa inyong nagnanais magkamit ng mga pagpapala, ipinapayo Kong humanap muna kayo ng salamin at tingnan ang inyong sariling pangit na larawan—taglay mo ba ang mga kinakailangan upang maging hari? Taglay mo ba ang mukha ng isang magtatamo ng mga pagpapala? Wala pa rin kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo pa naisagawa ang alinman sa katotohanan, nguni’t hinahangad mo pa rin ang isang magandang kinabukasan. Nililinlang mo ang iyong sarili! Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpluwensiyahan ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang pyudal, at naturuan na siya sa “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa pamumuhay, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas mabangis ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang sumunod sa Diyos, ni, higit pa rito, isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng sakop ni Satanas, walang ginawa ang tao kundi maghangad ng kalayawan, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa lupain ng putik. Marinig man nila ang katotohanan, hindi nag-iisip ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, ni nakahandang hanapin ang Diyos kahit na nasaksihan na nila ang Kanyang pagpapakita. Paano magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan ang isang sangkatauhang napakasama? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang sangkatauhang labis nang namumulok?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos
Walang ibang pinagmumulan ang pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ng tao kundi ang mapurol niyang konsensiya, ang malisyoso niyang kalikasan, at ang katinuan niyang wala sa ayos; kung muling makababalik sa normal ang konsensiya at katinuan ng tao, magiging akma siyang magamit sa harap ng Diyos. Dahil lamang sa ang konsensiya ng tao ay manhid na noon pa man, at dahil ang katinuan ng tao, na hindi kailanman naging maayos, ay patuloy na mas pumupurol anupa’t lalo pang nagiging mapanghimagsik ang tao sa Diyos, kaya ipinako pa nga niya si Jesus sa krus at hindi pinapapasok sa kanyang tahanan ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw, at kinukondena ang katawang-tao ng Diyos, at mababa ang tingin sa katawang-tao ng Diyos. Kung mayroon kahit kaunting pagkatao ang tao, hindi siya magiging malupit sa kanyang pagtrato sa katawang-tao ng Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting katinuan, hindi siya magiging malupit sa kanyang pagtrato sa katawang-tao ng nagkatawang-taong Diyos; kung mayroon siyang kahit kaunting konsensiya, hindi siya “magpapasalamat” sa nagkatawang-taong Diyos sa ganitong paraan. Nabubuhay ang tao sa panahon na ang Diyos ay nagkakatawang-tao, nguni’t hindi niya magawang magpasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa kanya ng gayon kagandang pagkakataon, at sa halip ay isinusumpa ang pagdating ng Diyos, o lubusang hindi pinapansin ang katotohanan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at para bang tutol siya dito at nababagot dito. Anuman ang pagtrato ng tao sa pagdating ng Diyos, ang Diyos, sa madaling sabi, ay matiyaga nang nagpapatuloy sa Kanyang gawain noon pa man—kahit wala ni katiting na pagtanggap ang tao sa Kanya, at walang taros na humihiling sa Kanya. Naging sukdulang malupit na ang disposisyon ng tao, naging lubos na mapurol na ang kanyang katinuan, at lubusang niyurakan na ng masamang nilalang ang kanyang konsensiya at matagal nang tumigil na maging orihinal na konsensiya ng tao. Hindi lamang walang utang na loob ang tao sa nagkatawang-taong Diyos para sa pagkakaloob Niya ng kayraming buhay at biyaya sa sangkatauhan, bagkus ay naghihinakit pa nga sa Diyos dahil sa pagbibigay sa kanya ng katotohanan; dahil wala ni kaunting interes sa katotohanan ang tao kaya naghihinakit siya sa Diyos. Bukod sa hindi magawa ng taong ialay ang kanyang buhay para sa nagkatawang-taong Diyos, sinusubukan din niyang makakuha ng mga pabor mula sa Kanya, at humihingi ng interes na dose-dosenang beses na mas malaki kaysa sa naibigay na ng tao sa Diyos. Iniisip ng mga taong may gayong konsensiya at katinuan na hindi ito mahalagang bagay, at naniniwala pa rin na masyado na nilang iginugol ang sarili nila para sa Diyos, at na masyadong kakaunti ang naibigay na ng Diyos sa kanila. May mga tao na, matapos magbigay sa Akin ng isang mangkok ng tubig, inilalahad ang kanilang mga kamay at humihiling na bayaran Ko sila para sa dalawang mangkok ng gatas, o, matapos makapagbigay sa Akin ng isang kuwarto para sa isang gabi, humihiling na magbayad Ako ng renta para sa maraming gabi. Sa gayong pagkatao at sa gayong konsensiya, paano ninyo nagagawa pa ring naising magkamit ng buhay? Anong kasuklam-suklam na masasama kayo!
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos
Ang sinasabi ko na pagsalungat sa Diyos ay tumutukoy sa mga hindi nakakakilala sa Diyos, ang mga kumikilala sa Diyos sa kanilang mga pananalita ngunit hindi nakakakilala sa Kanya, mga sumusunod sa Diyos ngunit hindi tumatalima sa Kanya, at mga nagsasaya sa biyaya ng Diyos ngunit hindi kayang tumayo bilang saksi Niya. Kung walang pagkaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos o pagkaunawa sa gawain na ginagawa ng Diyos sa tao, hindi siya magiging kaayon ng kalooban ng Diyos, at hindi niya magagawang tumayong saksi ng Diyos. Ang dahilan kung bakit sumasalungat ang tao sa Diyos ay nagmumula, sa isang banda, sa kanyang tiwaling disposisyon, at sa kabilang banda, sa kamangmangan tungkol sa Diyos at sa kakulangan ng pagkaunawa sa mga prinsipyo kung paano gumagawa ang Diyos, at sa Kanyang kalooban para sa tao. Ang dalawang aspetong ito, kung pagsasamahin, ay bumubuo sa isang kasaysayan ng paglaban ng tao sa Diyos. Ang mga baguhan sa pananampalataya ay sumasalungat sa Diyos dahil ang ganoong pagsalungat ay nasa kanilang kalikasan, samantalang ang pagsalungat sa Diyos ng mga maraming taon nang nananampalataya ay mula sa kanilang kamangmangan tungkol sa Kanya, bukod pa sa kanilang tiwaling disposisyon. Noong panahon bago nagkatawang-tao ang Diyos, ang sukatan kung ang isang tao ay sumalungat sa Diyos ay batay sa kung tinupad niya ang mga kautusang itinakda ng Diyos sa langit. Halimbawa, sa Kapanahunan ng Kautusan, ang sinumang hindi tumupad sa mga kautusan ni Jehova ay itinuring na sumalungat sa Diyos. Ang sinumang nagnakaw ng mga handog kay Jehova, o ang sinumang nanindigan laban sa mga pinaboran ni Jehova, ay itinuring na sumalungat sa Diyos at pupukulin ng bato hanggang kamatayan. Ang sinumang hindi gumalang sa kanyang ama at ina, at ang sinumang nanakit o nanumpa ng kapwa, ay itinuring na hindi tumupad sa mga kautusan. At ang lahat ng hindi tumupad sa kautusan ni Jehova ay itinuring na mga nanindigan laban sa Kanya. Hindi na ganito sa Kapanahunan ng Biyaya, kung kailan ang sinumang nanindigan laban kay Jesus ay itinuring na nanindigan laban sa Diyos, at ang sinumang hindi sumunod sa mga salitang binigkas ni Jesus ay itinuring na nanindigan laban sa Diyos. Sa panahong ito, ang paraan ng pagtukoy sa pagsalungat sa Diyos ay naging mas tumpak at mas praktikal. Sa panahong hindi pa nagkatawang-tao ang Diyos, ang sukatan kung sumalungat ang tao sa Diyos ay batay sa kung ang tao ay sumamba at tumingala sa di-nakikitang Diyos na nasa langit. Ang paraan ng pagtukoy sa pagsalungat sa Diyos sa panahong iyon ay tunay ngang hindi praktikal, dahil hindi kayang makita ng tao ang Diyos, at hindi niya alam kung ano ang imahe ng Diyos, o kung paano Siya gumawa at nagsalita. Walang mga kuru-kuro ang tao sa Diyos, at ang paniniwala niya sa Diyos ay hindi malinaw, dahil hindi pa nagpakita ang Diyos sa tao. Samakatuwid, paano man naniwala sa Diyos ang tao sa kanyang imahinasyon, hindi hinatulan ng Diyos ang tao o kaya ay gumawa ng maraming kahilingan mula sa kanya, sapagkat hindi talaga kayang makita ng tao ang Diyos noon. Nang nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito upang gumawa kasama ng mga tao, ang lahat ay napagmasdan Siya at napakinggan ang Kanyang mga salita, at nakita ng lahat ang mga gawa na ginagawa ng Diyos mula sa Kanyang katawang-tao. Sa sandaling iyon, ang lahat ng kuru-kuro ng tao ay naging mga bula. At para sa mga nakakita na sa pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi sila hahatulan kung kusang-loob silang tatalima sa Kanya, samantalang ang mga sadyang naninindigan laban sa Kanya ay ituturing na kalaban ng Diyos. Ang mga taong ito ay mga anticristo, mga kaaway na sadyang naninindigan laban sa Diyos. Ang mga nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos ngunit nakahanda pa rin at nagnanais na sumunod sa Kanya ay hindi mahahatulan. Hinahatulan ng Diyos ang tao batay sa kanyang mga layunin at mga kilos, hindi kailanman sa kanyang mga kaisipan at ideya. Kung hahatulan ng Diyos ang tao batay sa kanyang mga kaisipan at mga ideya, wala ni isang tao ang makatatakas mula sa puno ng galit na mga kamay ng Diyos. Ang mga sadyang naninindigan laban sa Diyos na nagkatawang-tao ay parurusahan dahil sa kanilang pagsuway. Tungkol sa mga taong ito na sadyang naninindigan laban sa Diyos, ang kanilang pagsalungat ay nagmumula sa katunayan na nagkikimkim sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, na umaakay sa kanila sa mga pagkilos na nakagagambala sa gawain ng Diyos. Ang mga taong ito ay sadyang lumalaban at sumisira sa gawain ng Diyos. Hindi lamang sila nagtataglay ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, nakikibahagi rin sila sa mga aktibidad na gumagambala sa Kanyang gawain, at dahil dito ang ganitong klase ng mga tao ay mahahatulan. Ang mga hindi sadyang gumagambala sa gawain ng Diyos ay hindi huhusgahan bilang mga makasalanan, sapagkat nagagawa nilang sumunod nang maluwag sa kanilang kalooban at hindi sila nakikibahagi sa mga aktibidad na nagdudulot ng paggambala at kaguluhan. Ang mga taong gaya nito ay hindi parurusahan. Gayunpaman, kapag naranasan na ng mga tao ang gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon, kung patuloy silang nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at nananatili pa ring hindi nakaaalam sa mga gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, at kung, gaano man karaming taon na nilang nararanasan ang Kanyang gawain, patuloy pa rin silang puno ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at hindi pa rin nila Siya kayang makilala, kahit pa hindi sila nakikibahagi sa nakagagambalang mga akitibidad, ang kanilang mga puso ay puno pa rin ng maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos, at kapag ang mga kuru-kurong ito ay hindi napansin, ang mga taong ito ay walang maitutulong sa gawain ng Diyos. Hindi nila kayang ipalaganap ang ebanghelyo para sa Diyos o tumayong saksi Niya. Ang mga taong gaya nito ay mga walang silbi at mga hangal. Dahil hindi nila nakikilala ang Diyos at higit pa rito ay ganap na walang kakayahang iwaksi ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, sila ay hinuhusgahan. Maaari itong sabihin nang ganito: Normal sa mga baguhan sa pananampalataya ang magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos o ang kawalan ng kaalaman sa Kanya, ngunit para sa taong naniniwala na sa Diyos nang maraming taon at may sapat na karanasan sa gawain ng Diyos, hindi na normal para sa mga taong ito na ipagpatuloy ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro, at mas lalong hindi normal para sa taong gaya nito ang kawalan ng kaalaman sa Diyos. Ito ay sapagkat hindi isang normal na kalagayan ang sila ay mahusgahan. Ang lahat ng mga hindi normal na taong ito ay basura. Sila ang mga pinakasumasalungat sa Diyos at mga nagpakasaya sa biyaya ng Diyos nang para sa wala. Lahat ng ganitong mga tao ay aalisin sa huli!
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos
Dapat ninyong malaman na kinokontra ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil sa inyong padalus-dalos na pagtrato sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong pagkontra sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na masuwayin. Matapos masumpungan ang kanilang paniniwala sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko na sumusukat sa mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, na nagkokomento at nagsasalita nang wala sa lugar; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katinuan sa kanila. Hindi ba darating ang araw na itatakwil ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay pinipintasan ang Kanyang gawain, at sinusubukan ding turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paano makikilala ng gayong mga taong wala sa katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang naghahanap at nagdaranas; hindi nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pamimintas ayon sa gusto niya. Kapag mas tumpak ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila Siya kinokontra. Sa kabilang dako, kapag mas kakaunti ang alam ng tao tungkol sa Diyos, mas malamang na kontrahin nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong likas na pagkatao, at ang iyong pagkatao, ugali at moral na pananaw ang puhunan na ipinanlalaban mo sa Diyos, at habang mas tiwali ang iyong moralidad, kasuklam-suklam ang iyong mga katangian, at mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may mapagmagaling na disposisyon ay mas lalo pang kinapopootan ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ang mga anticristo. Kung hindi naitama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang malalayo sa Kanya.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos
Kung hindi mo nagagawang tanggapin ang bagong liwanag mula sa Diyos, at hindi nauunawaan ang lahat ng ginagawa ng Diyos ngayon at hindi mo ito hinahangad, o bagkus pinagdududahan mo ito, hinahatulan ito, o masusing sinisiyasat at sinusuri ito, wala kang isip na sumunod sa Diyos. Kung kapag nagpapakita ang liwanag ng dito at ngayon, ay pinahahalagahan mo pa rin ang liwanag ng kahapon at sumasalungat sa bagong gawain ng Diyos, ikaw ay walang iba kundi isang kakatuwa—isa ka sa yaong mga sinasadyang sumalungat sa Diyos. Ang susi sa pagsunod sa Diyos ay ang pagpapahalaga sa bagong liwanag, at ang magawang tanggapin ito at isagawa ito. Ito ang nag-iisang tunay na pagsunod. Yaong mga salat sa kaloobang maghangad sa Diyos ay walang kakayahang sadyang magpasakop sa Kanya, at maaari lamang sumalungat sa Diyos bilang kinalabasan ng kasiyahan nila sa nakasanayan na. Hindi kayang sumunod ng tao sa Diyos dahil sinapian siya ng dumating na dati. Ang mga bagay na dumating na dati ay nagbigay sa mga tao ng lahat ng uri ng mga kuru-kuro at mga guni-guni tungkol sa Diyos, at ang mga ito ang naging larawan ng Diyos sa mga isip nila. Sa gayon, ang pinaniniwalaan nila ay ang sarili nilang mga kuru-kuro, at ang mga pamantayan ng sarili nilang guni-guni. Kung ikukumpara mo ang Diyos na gumagawa ng aktwal na gawain ngayon sa Diyos ng sarili mong guni-guni, nagmumula kay Satanas ang pananampalataya mo, at nadungisan ng mga sarili mong kagustuhan—hindi nais ng Diyos ang ganitong uri ng pananampalataya. Gaano man katayog ang mga kredensyal nila, at gaano man sila kasigasig—kahit na naglaan na sila ng habambuhay na pagsisikap sa gawain Niya, at ginawang martir ang mga sarili nila—hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang sinumang may ganitong pananampalataya. Pinagkakaloob lamang Niya sa kanila ang maliit na biyaya at hinahayaan silang tamasahin ito nang maikling panahon. Ang ganitong mga tao ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan. Hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa loob nila, at isa-isang aalisin ng Diyos ang bawat isa sa kanila. Bata man o matanda, yaong mga hindi sumusunod sa Diyos sa pananampalataya nila at mayroong mga maling layon ay yaong mga sumasalungat at umaabala, at walang alinlangang aalisin ng Diyos ang ganitong mga tao.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya Mo sa Diyos, Dapat Kang Sumunod sa Diyos
Bagama’t hindi kilala ni Job ang Diyos noon, tinrato pa rin niya Siya bilang Diyos at itinuring Siya bilang Panginoon ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay. Hindi itinuring ni Job ang Diyos na isang kaaway; sa halip, sinamba niya Siya bilang Lumikha ng lahat ng bagay. Bakit matindi ang paglaban ng mga tao sa Diyos sa mga panahong ito? Bakit hindi nila nagagawang magpitagan sa Kanya? Ang isang dahilan ay lubha na silang nagawang tiwali ni Satanas, at sa gayong malalim na nakaugat at napakasamang likas na pagkatao, naging mga kaaway na sila ng Diyos. Sa gayon, kahit naniniwala sila sa Diyos at kinikilala nila ang Diyos, nagagawa pa rin nilang labanan Siya at kontrahin Siya. Ito ay ipinapasiya ng likas na pagkatao ng tao. Ang isa pang dahilan ay na sa kabila ng kanilang paniniwala sa Diyos, hindi talaga Siya itinuturing ng mga tao bilang Diyos. Sa halip, itinuturing nila Siyang laban sa sangkatauhan, itinuturing Siyang kanilang kaaway, at pakiramdam nila ay hindi sila magkakasundo ng Diyos. Ganoon lang iyon kasimple. … Maaaring mayroon kang kaunting kaalaman tungkol sa Diyos, ngunit ano ba ang kasama sa kaalamang ito? Hindi ba ito ang pinag-uusapan ng lahat? Hindi ba ito ang sinabi ng Diyos sa iyo? Pamilyar ka lamang sa teoretikal at doktrinal na mga aspeto nito—ngunit nalugod ka na ba sa tunay na mukha ng Diyos? Mayroon ka bang pansariling kaalaman? Mayroon ka bang praktikal na kaalaman at karanasan? Kung hindi pa nasabi sa iyo ng Diyos, malalaman mo ba iyon? Ang iyong teoretikal na kaalaman ay hindi kumakatawan sa tunay na kaalaman. Sa madaling salita, gaano man karami ang alam mo at paano mo man nalaman iyon, hangga’t hindi ka nagtatamo ng tunay na pagkaunawa sa Diyos, magiging kaaway mo Siya, at hangga’t hindi mo talaga sinisimulang tratuhing Diyos ang Diyos, kokontrahin ka Niya, sapagkat ikaw ay isang sagisag ni Satanas.
Kapag kasama mo si Cristo, marahil ay maaari mo Siyang silbihan ng pagkain tatlong beses sa isang araw, o marahil ay silbihan Siya ng tsaa at asikasuhin ang Kanyang mga pangangailangan sa buhay; magmumukhang natrato mo na si Cristo bilang Diyos. Tuwing may nangyayari, palaging sumasalungat ang mga pananaw ng mga tao sa Diyos; laging hindi maunawaan at matanggap ng mga tao ang pananaw ng Diyos. Bagama’t sa tingin ay maaaring kasundo ng mga tao ang Diyos, hindi ito nangangahulugan na kasundo nila Siya. Sa sandaling may mangyari, lumilitaw ang tunay na mukha ng pagsuway ng sangkatauhan, sa gayon ay napapatibay ang alitang umiiral sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Ang alitang ito ay hindi ang pagkontra ng Diyos sa mga tao o ang pagnanais ng Diyos na awayin sila, ni hindi Niya sila kinokontra at pagkatapos ay tinatrato silang ganoon. Sa halip, ito ay isang kaso ng salungat na diwa tungo sa Diyos na nakatago sa pansariling kalooban ng mga tao at sa likod ng kanilang isipan. Dahil itinuturing ng mga tao ang lahat ng nagmumula sa Diyos bilang mga pakay ng kanilang pagsasaliksik, ang kanilang tugon sa anumang nagmumula sa Diyos at sa lahat ng nauugnay sa Diyos, higit sa lahat, ay manghula, magduda, at pagkatapos ay agad magkaroon ng isang saloobin na salungat at kontra sa Diyos. Maya-maya pa, nagkakaroon sila ng negatibong pakiramdam sa mga pagtatalo o nakikipagtunggali sila sa Diyos, hanggang sa punto kung saan pinagdududahan pa nila kung nararapat nga bang sundin ang isang Diyos na ganoon. Sa kabila ng katotohanan na sinasabi sa kanila ng kanilang pagkamakatuwiran na hindi sila dapat magpatuloy sa ganitong paraan, pipiliin pa rin nilang gawin iyon kahit ayaw nila, kaya magpapatuloy sila nang walang pag-aatubili hanggang sa pinakahuli. Halimbawa, ano ang unang reaksyon ng ilang tao kapag naririnig nila ang ilang tsismis o paninirang-puri tungkol sa Diyos? Ang una nilang reaksyon ay ang mag-isip kung totoo ang tsismis na ito o hindi at kung umiiral ang mga tsismis na ito o hindi, at pagkatapos ay hinihintay nila kung ano ang mangyayari. Pagkatapos ay nagsisimula silang mag-isip, “Walang paraan para mapatunayan ito. Talaga bang nangyari iyon? Totoo ba ang tsismis na ito o hindi?” Bagama’t hindi ito ipinapakita ng mga taong ganito, nagsimula na silang magduda sa kanilang puso, at nagsimula nang ikaila ang Diyos. Ano ang diwa ng ganitong klaseng saloobin at ng gayong pananaw? Hindi ba ito pagkakanulo? Hangga’t hindi sila nahaharap sa bagay na ito, hindi mo makikita ang mga pananaw ng mga taong ito; tila hindi sila sumasalungat sa Diyos, at parang hindi nila Siya itinuturing na kaaway. Gayunman, sa sandaling maharap sila sa isang problema, agad silang kumakampi kay Satanas at lumalaban sa Diyos. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ipinahihiwatig nito na magkakontra ang mga tao at ang Diyos! Hindi naman sa itinuturing ng Diyos ang sangkatauhan bilang kaaway, kundi ang mismong diwa ng sangkatauhan ang salungat sa Diyos. Gaano man katagal nang nakasunod ang isang tao sa Kanya o gaano man kalaki ang isinakripisyo nila, at paano man nila pinupuri ang Diyos, paano man nila pigilan ang kanilang sarili sa pagsuway sa Kanya, at gaano pa man nila hinihimok ang kanilang sarili na mahalin ang Diyos, hindi nila kailanman magagawang tratuhin ang Diyos bilang Diyos. Hindi ba ito ipinapasiya ng diwa ng mga tao?
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain
Lagi ninyong inaasam na makita si Cristo, ngunit hinihimok Ko kayo na huwag ninyong masyadong pahalagahan nang husto ang inyong sarili; maaaring makita ng sinuman si Cristo, ngunit sinasabi Ko na walang sinuman ang karapat-dapat na makita si Cristo. Dahil ang likas na pagkatao ng tao ay punung-puno ng kasamaan, kayabangan, at pagkasuwail, sa sandaling makita mo si Cristo, ang iyong likas na pagkatao ay wawasakin at susumpain ka hanggang kamatayan. Ang iyong pakikisama sa isang kapatid na lalaki (o babae) ay maaaring walang gaanong maipakita tungkol sa iyo, ngunit hindi gayon kasimple kapag nakisama ka kay Cristo. Anumang oras, maaaring yumabong ang iyong mga kuru-kuro, magsimulang umusbong ang iyong kayabangan, at magbunga ng mga igos ang iyong pagkasuwail. Paano ka magiging marapat na makisama kay Cristo kung ganoon ang pagkatao mo? Talaga bang nagagawa mo Siyang tratuhin bilang Diyos sa bawat sandali ng bawat araw? Talaga bang magkakaroon ka ng realidad ng pagpapasakop sa Diyos? Sinasamba ninyo ang matayog na Diyos sa kaibuturan ng inyong puso bilang si Jehova samantalang itinuturing ninyong tao ang Cristong nakikita. Napakaliit ng inyong katinuan at napakababa ng inyong pagkatao! Hindi ninyo kayang ituring palagi si Cristo bilang Diyos; paminsan-minsan lamang kayo nangungunyapit sa Kanya, kapag gusto ninyo, at sumasamba sa Kanya bilang Diyos. Ito ang dahilan kaya Ko sinasabi na hindi kayo mga mananampalataya ng Diyos, kundi isang barkada ng magkakasabwat na lumalaban kay Cristo. Kahit ang mga taong nagpapakita ng kabaitan sa iba ay sinusuklian, subalit si Cristo, na nakagawa ng gayong gawain sa inyo, ay hindi natanggap ang pagmamahal ng tao ni ang kanyang gantimpala at pagpapasakop. Hindi ba ito nakakadurog ng puso?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Kaayon ni Cristo ay Tiyak na mga Kalaban ng Diyos
Ang grupo ng mga taong nais maangkin ng Diyos na nagkatawang-tao ngayon ay yaong mga umaayon sa Kanyang kalooban. Kailangan lamang nilang magpasakop sa Kanyang gawain, at tumigil sa patuloy na pag-aalala sa mga ideya tungkol sa Diyos sa langit, pamumuhay sa kalabuan, o pagpapahirap ng mga bagay-bagay para sa Diyos na nasa katawang-tao. Yaong mga nagagawang sumunod sa Kanya ay yaong mga talagang nakikinig sa Kanyang mga salita at nagpapasakop sa Kanyang mga plano. Ni hindi man lamang pinapansin ng gayong mga tao kung ano talaga ang maaaring hitsura ng Diyos sa langit o kung anong klaseng gawain ang maaaring kasalukuyang ginagawa ng Diyos sa langit sa sangkatauhan; ibinibigay nila nang lubusan ang kanilang puso sa Diyos sa lupa at inilalagak ang kanilang buong pagkatao sa Kanyang harapan. Hindi nila isinasaalang-alang kailanman ang kanilang sariling kaligtasan, ni hindi sila nag-aalala kailanman sa pagiging normal at praktikal ng Diyos na nasa katawang-tao. Yaong mga nagpapasakop sa Diyos na nasa katawang-tao ay maaari Niyang gawing perpekto. Yaong mga naniniwala sa Diyos sa langit ay walang mapapala. Ito ay dahil hindi ang Diyos sa langit, kundi ang Diyos sa lupa, ang nagkakaloob ng mga pangako at pagpapala sa mga tao. Hindi dapat palaging palakihin ng mga tao ang Diyos sa langit samantalang itinuturing na karaniwang tao lamang ang Diyos sa lupa; hindi ito makatarungan. Ang Diyos sa langit ay dakila at kamangha-mangha na may kagila-gilalas na karunungan, subalit ni hindi man lamang ito umiiral; ang Diyos sa lupa ay masyadong karaniwan at hamak, at napaka-normal din. Wala Siyang di-pangkaraniwang isipan o hindi Siya nagsasagawa ng mga kilos na nakakagulat; gumagawa lamang Siya at nagsasalita sa isang napaka-normal at praktikal na paraan. Kahit hindi Siya nagsasalita sa pamamagitan ng kulog o nagpapatawag ng hangin at ulan, Siya talaga ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa langit, at Siya talaga ang Diyos na namumuhay sa piling ng mga tao. Hindi dapat palakihin ng mga tao ang isang taong nagagawa nilang unawain at tumutugma sa kanilang sariling mga imahinasyon bilang Diyos, samantalang nakikita ang isang taong hindi nila matanggap at tiyak na hindi nila maisip na aba. Lahat ng ito ay nagmumula sa pagkasuwail ng mga tao; ito ang lahat ng pinagmumulan ng paglaban ng sangkatauhan sa Diyos.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.