Ano ang pagsunod sa Diyos at ano ang mga partikular na pagpapamalas ng pagsunod sa Diyos
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan at inilagay sila sa lupa, at inakay Niya sila magmula noon. Sila ay iniligtas Niya pagkaraan at nagsilbi bilang isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan. Sa katapusan, dapat pa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, ganap na iligtas ang mga tao, at ibalik sila sa kanilang unang wangis. Ito ang gawaing sinangkutan Niya sa simula pa lamang—ang pagpapanumbalik sa sangkatauhan sa una nitong larawan at wangis. Itatatag ng Diyos ang kaharian Niya at ipanunumbalik ang unang wangis ng mga tao, na nangangahulugang ipapanumbalik ng Diyos ang awtoridad Niya sa lupa at sa gitna ng lahat ng sangnilikha. Naiwala ng sangkatauhan ang puso nilang may takot sa Diyos gayundin ang tungkuling nasa pananagutan ng mga nilalang ng Diyos matapos gawing tiwali ni Satanas, kaya’t naging isang kaaway na masuwayin sa Diyos. Namuhay pagkaraan ang sangkatauhan sa ilalim ng nasasakupan ni Satanas at sinunod ang mga utos ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi nagawang pagwagian ang kanilang natatakot na pagpipitagan. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit totoong tinalikuran nila Siya at sa halip ay sumamba kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanilang mga puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng katayuan sa kanilang mga puso, na ang ibig sabihin ay nawalan Siya ng kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Samakatuwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan, dapat Niyang maipanumbalik ang una nilang wangis at tanggalan ang sangkatauhan ng kanilang tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang mga tao mula kay Satanas, dapat Niyang iligtas sila mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan Niya unti-unting maipanunumbalik ang una nilang wangis at tungkulin, at sa wakas, ay mapanunumbalik ang kaharian Niya. Ang pangwakas na pagwasak ng yaong mga anak ng pagsuway ay isasakatuparan din upang tulutan ang mga tao na higit na mahusay na sambahin ang Diyos at mamuhay sa lupa nang higit na maayos. Sapagkat nilikha ng Diyos ang mga tao, gagawin Niyang sambahin Siya nila; sapagkat ninanais Niyang maipanumbalik ang unang tungkulin ng sangkatauhan, ganap Niya itong ipapanumbalik, at nang walang pagbabawas ng bisa. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagpapasamba at pagpapasakop sa Kanya ng mga tao; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang dahil sa Kanya at magdulot na mapahamak ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na sasanhiin ng Diyos na maipamalagi sa mga tao ang lahat-lahat ng tungkol sa Kanya nang walang pagtutol mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sasamba sa Kanya, yaong ganap na magpapasakop sa Kanya at magpapakita ng luwalhati Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ng kaharian Niya. Kung hindi wawasakin ng Diyos yaong mga kaaway na masuwayin sa Kanya, hindi Niya magagawang matamo ang ganap Niyang luwalhati, o hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang mga ito ang magiging mga pananda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng mga dakilang katuparan Niya: upang lubos na wasakin yaong mga kabilang sa sangkatauhan na masuwayin sa Kanya, at upang dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap. Kapag naipanumbalik na ang mga tao sa una nilang wangis, at kapag natutupad na nila ang kani-kanilang mga tungkulin, nananatili sa sarili nilang wastong kinalalagyan at nagpapasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, natamo na ng Diyos ang isang pangkat ng mga tao na nasa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama
Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay nag-iiba sa bawat panahon. Kung may malaki kang pagsunod sa isang yugto ng gawain ng Diyos, ngunit sa susunod na yugto ang pagsunod mo sa gawain Niya ay salat, o wala kang kakayan na sumunod, kung gayon ay lilisanin ka ng Diyos. Kung nakikisabay ka sa Diyos habang ginagawa Niya ang hakbang na ito, kung gayon ay dapat kang magpatuloy na sumabay kapag umakyat Siya sa susunod; doon ka lamang magiging isang taong masunurin sa Banal na Espiritu. Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat na manatili kang hindi nagbabago sa pagsunod mo. Hindi maaaring susunod ka lamang kapag gusto mo at susuway kapag ayaw mo. Ang ganitong uri ng pagkamasunurin ay hindi pinupuri ng Diyos. Kung hindi ka makasasabay sa bagong gawaing ibinabahagi Ko, at patuloy na nakahawak sa mga dating kasabihan, paano magkakaroon ng pag-unlad sa buhay mo? Ang gawain ng Diyos ay ang tustusan ka sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Kapag sinusunod at tinatanggap mo ang mga salita Niya, tiyak na gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Gumagawa ang Banal na Espiritu nang eksakto sa sinasabi Ko; gawin ang sinabi Ko, at ang Banal na Espiritu ay kaagad na gagawa sa iyo. Naglalabas Ako ng bagong ilaw upang mapagmasdan ninyo, na dadalhin kayo sa liwanag ng kasalukuyan, at kapag lumakad ka sa loob ng ilaw na ito, ang Banal na Espiritu ay kaagad na gagawa sa iyo. Mayroong ilang maaaring matigas ang ulo, sinasabing, “Basta hindi ko isasakatuparan ang sinasabi Mo.” Kung gayon, sinasabi Ko sa iyo na nakarating ka na ngayon sa katapusan; ikaw ay natuyo at wala nang buhay. Samakatuwid, sa pagdanas ng pagbabago ng disposisyon mo, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa ang pagsabay sa kasalukuyang ilaw. Ang Banal na Espiritu ay hindi lamang gumagawa sa ilang taong ginagamit ng Diyos, kundi, higit pa rito, sa iglesia. Maaaring gumagawa Siya sa sinuman. Maaaring gumawa Siya sa iyo sa kasalukuyang oras, at mararanasan mo ang gawaing ito. Sa susunod na yugto, maaari Siyang gumawa sa ibang tao, kung gayon dapat kang magmadaling makasunod; kapag mas malapit mong sinusundan ang kasalukuyang ilaw, higit na lalago ang buhay mo. Kahit na ano pang uri ang isang tao, kung gumagawa sa kanya ang Banal na Espiritu, dapat kang sumunod. Gamitin mo ang mga karanasan niya sa sarili mo, at tatanggap ka ng mas higit pang mga bagay. Sa paggawa nito mas mabilis kang uunlad. Ito ang landas ng pagkaperpekto para sa tao at ang paraan kung saan lalago ang buhay.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos
Kung kayang bitawan ng mga tao ang mga relihiyosong kuru-kuro, hindi nila gagamitin ang mga isip nila para sukatin ang mga salita at gawain ng Diyos ngayon, at sa halip ay tuwirang susunod. Bagamat ang gawain ng Diyos ngayon ay maliwanag na hindi katulad ng sa nakaraan, hindi mo pa rin magawang bitawan ang mga pananaw ng nakalipas at tuwirang sumunod sa gawain ng Diyos ngayon. Kung may kakayahan kang maunawaan na dapat mong bigyan ng kataas-taasang posisyon ang gawain ng Diyos ngayon, paano man Siya gumawa noong nakaraan, isa kang tao na nabitawan na ang mga kuru-kuro niya, na sumusunod sa Diyos, at na kayang sumunod sa gawain at mga salita ng Diyos at sundan ang mga yapak Niya. Sa ganito, magiging isa kang taong tunay na sumusunod sa Diyos. Hindi mo sinusuri o masusing sinisiyasat ang gawain ng Diyos; ito ay para bang nakalimutan na ng Diyos ang dati Niyang gawain, at nakalimutan mo na rin ito. Ang kasalukuyan ay ang kasalukuyan, at ang nakaraan ay ang nakaraan, at yamang ngayon, isinantabi na ng Diyos ang ginawa Niya noong nakalipas, hindi ka dapat manahan dito. Tanging ang ganitong tao lamang ang taong lubos na sumusunod sa Diyos at tuluyang bumitiw na sa mga relihiyosong kuru-kuro niya.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging Yaong mga Nakababatid Lamang ng Gawain ng Diyos Ngayon ang Maaaring Paglingkuran ang Diyos
Dapat na tunay at aktwal ang pagpapasakop sa gawain ng Diyos, at dapat itong isabuhay. Ang paimbabaw na pagpapasakop lamang ay hindi makatatanggap ng papuri ng Diyos, at ang pagsunod lamang sa paimbabaw na mga aspeto ng salita ng Diyos, nang hindi hinahangad ang pagbabago ng disposisyon ng isang tao, ay hindi umaayon sa puso ng Diyos. Iisa at pareho ang pagsunod sa Diyos at pagpapasakop sa gawain ng Diyos. Ang mga nagpapasakop lamang sa Diyos ngunit hindi sa gawain Niya ay hindi maituturing na masunurin, lalong hindi ang mga hindi tunay na nagpapasakop kundi ay mga mambobola sa panlabas. Ang lahat ng mga tunay na nagpapasakop sa Diyos ay nagkakamit mula sa gawain at nagtatamo ng pagkaunawa sa disposisyon at gawain ng Diyos. Ang ganitong mga tao lamang ang tunay na nagpapasakop sa Diyos. Nagkakamit ng bagong kaalaman ang ganitong mga tao, at sumasailalim sa mga bagong pagbabago mula sa bagong gawain. Tanging ang mga taong ito lamang ang pinupuri ng Diyos; tanging ang mga taong ito lamang ang naging perpekto, at tanging ang mga ito lamang ang nagbago ang disposisyon. Ang mga pinupuri ng Diyos ay ang mga nagagalak na magpasakop sa Diyos, at sa salita at gawain Niya. Ang ganitong mga tao lamang ang nasa tama, ang ganitong mga tao lamang ang taos-pusong nagnanais sa Diyos, at taos-pusong naghahangad sa Diyos.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos
Noong panahon na nasa katawang-tao ang Diyos, hindi kasama sa pagpapasakop na hinihiling Niya sa mga tao ang pagpipigil na manghusga o lumaban, na tulad ng iniisip nila; sa halip, hinihiling Niya sa mga tao na gamitin ang Kanyang mga salita bilang kanilang prinsipyong susundin sa buhay at bilang pundasyon ng kanilang pananatiling buhay, na talagang walang pasubaling isagawa nila ang diwa ng Kanyang mga salita, at lubos nilang palugurin ang Kanyang kalooban. Ang isang aspeto ng paghiling sa mga tao na magpasakop sa Diyos na nagkatawang-tao ay tumutukoy sa pagsasagawa ng Kanyang mga salita, samantalang ang isa pang aspeto ay tumutukoy sa kakayahang magpasakop sa Kanyang pagiging normal at praktikal. Ang mga ito ay kailangang kapwa tiyak. Yaong mga makakatamo ng dalawang aspetong ito ay lahat ng yaong nagkikimkim ng tunay na pagmamahal sa kanilang puso para sa Diyos. Silang lahat ay mga taong naangkin na ng Diyos, at mahal nilang lahat ang Diyos tulad ng pagmamahal nila sa kanilang sariling buhay.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal
Kaya ano dapat ang saloobin ng mga tao sa tatlong bagay na ito: sa Diyos, sa Kanyang laman na nagkatawang-tao, at sa katotohanan? Ang magawang makinig at sumunod. Wala nang ibang mas diretsahan pa. Matapos makinig, kailangan mong tanggapin nang buong puso mo. Kung hindi mo kayang tanggapin ang isang bagay, kailangan mong patuloy na maghanap hanggang sa makayanan mong tumanggap nang lubusan—pagkatapos, sa sandaling tanggapin mo iyon, kailangan mong sumunod. Ano ang ibig sabihin ng sumunod? Ang ibig sabihin niyon ay ang magsagawa. Huwag mong balewalain ang mga bagay-bagay matapos marinig ang mga iyon; sa panlabas, nangangako kang gagawin mo ang mga iyon at itinatala mo ang mga iyon, isinusulat mo ang mga iyon, naririnig mo ang mga iyon sa iyong mga tainga—ngunit wala ang mga iyon sa puso mo, at kapag dumating ang oras para kumilos, ginagawa mo ang anumang gusto mo, kinalilimutan mo ang isinulat mo at tinatrato iyon na hindi mahalaga. Hindi ito pagsunod. Ang tunay na pagsunod ay nangangahulugan ng pakikinig at pag-unawa nang buong puso mo, nangangahulugan iyon ng tunay na pagtanggap, pagtanggap bilang isang gawain, bilang isang utos, bilang isang responsibilidad na kailangang gawin. Hindi lamang iyon pagtanggap ng isang bagay nang buong puso mo; kailangan mong gawin iyong kongkretong pagkilos. Ang landas na iyong tinatahak, at ang layunin at direksyon na iyong pinupuntahan, ang mga kinakailangan na narinig mo mula sa Diyos; at ang ginagawa ng iyong kamay, hinahangad ng iyong puso, at nasa iyong isipan, at ang sakripisyong iyong ginagawa, ay alang-alang sa ipinagagawa sa iyo ng Diyos. Ito ay “pagsasagawa.” Ano ang ipinahihiwatig na kahulugan ng pagsunod? Pagpapatupad, pagsasagawa, paggawang realidad ng isang bagay. Itinatala mo sa papel ang sinasabi at hinihiling ng Diyos, itinatala mo iyon nang pasulat, ngunit wala iyon sa puso mo, at kapag dumating ang oras para kumilos, ginagawa mo ang anumang gusto mo. Sa panlabas, mukhang nagawa mo na iyon, ngunit ginawa mo iyon ayon sa sarili mong mga prinsipyo. Hindi ito pakikinig at pagsunod, ito ay paghamak sa katotohanan, lantarang paglabag sa prinsipyo, at pagbabalewala sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Ito ay paghihimagsik.
Hinango mula sa “Pangatlong Suplemento: Kung Paano Nakinig sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Diyos (II)” sa Paglalantad sa mga Anticristo
Noong gumawa si Noe ayon sa tagubilin ng Diyos, hindi niya alam kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi niya alam kung ano ang gustong maisakatuparan ng Diyos. Binigyan lang siya ng Diyos ng kautusan at binilinan siyang gumawa ng isang bagay, at nang walang gaanong paliwanag, tumuloy si Noe at ginawa ito. Hindi niya sinubukang alamin ang mga layunin ng Diyos nang palihim, ni hindi siya lumaban sa Diyos o nagpakita nang kawalang-katapatan. Humayo lamang siya at ginawa ito nang may malinis at simpleng puso. Anuman ang ipinagawa ng Diyos ay ginawa niya, at ang pagsunod at pakikinig sa salita ng Diyos ang nagpalakas ng kanyang paniniwala sa kanyang ginawa. Ganito katapat at kasimple ang pagharap niya sa ipinagkatiwala ng Diyos. Ang kanyang diwa—ang diwa ng kanyang mga paggawa ay pagsunod, hindi pagdadalawang-isip, hindi paglaban, at higit pa rito, hindi pag-iisip ng mga pansarili niyang kapakanan o pakinabang at kawalan. At noon pang sinabi ng Diyos na gugunawin Niya ang mundo sa pamamagitan ng isang baha, hindi tinanong ni Noe kung kailan o kung anong mangyayari sa mga bagay-bagay, at tiyak na hindi niya tinanong ang Diyos kung paano Niya gugunawin ang mundo. Gumawa lang siya ayon sa tagubilin ng Diyos. Sa paano mang paraan nais ng Diyos na gawin ito at kung sa ano gawa ito, ginawa niya mismo ang hiningi ng Diyos at kaagad na sinimulan ang paggawa. Kumilos siya alinsunod sa mga tagubilin ng Diyos nang may saloobing nagnanais na magbigay-kasiyahan sa Diyos. Ginagawa ba niya ito upang matulungan ang sarili niya na makaiwas sa sakuna? Hindi. Tinanong ba niya ang Diyos kung gaano pa katagal bago gunawin ang mundo? Hindi. Tinanong ba niya ang Diyos o alam ba niya kung gaano katagal gawin ang arka? Hindi rin niya alam iyon. Sumunod lamang siya, nakinig, at ginawa ang ipinag-uutos.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I
Noong Kapanahunan ng Kautusan, sinabi ng Diyos na bibigyan Niya si Abraham ng anak na lalaki. Ano ang sinabi ni Abraham dito? Wala siyang sinabi—naniwala siya na mangyayari ang sinabi ng Diyos. Ito ang saloobin ni Abraham. Gumawa ba siya ng anumang paghatol? Nangutya ba siya? Gumawa ba siya ng anumang bagay nang patago? (Hindi.) Ang tawag dito ay pagsunod; ang tawag dito ay pananatili sa lugar, pagsasagawa ng tungkulin. Tungkol naman sa kanyang asawang si Sarah, hindi ba siya naiiba kay Abraham? Ano ang saloobin niya tungo sa Diyos? Nagduda siya, nangutya, hindi naniwala—at humatol siya, gumawa ng maliit na pagmamaniobra, ibinigay niya kay Abraham ang kanyang utusan upang maging kerida, na sa huli ay nagdulot ng napakaraming kahangalan. Nagmula ito sa kagustuhan ng tao. Hindi nanatili si Sarah sa kanyang lugar, at doon umusbong ang kanyang mga katanungan tungkol sa Diyos at kawalan ng paniniwala sa Kanya. Ano ang dahilan ng kanyang kawalan ng paniniwala? Mayroon itong ilang kadahilanan at konteksto, isa na ang katandaan ni Abraham noong mga panahong ito, ang isa naman ay ang mismong katandaan ni Sarah at ang kawalan niya ng kakayahang magdalang-tao. Ang mga ito, pinagsama, ang nagpaniwala sa kanya na ang sinabi ng Diyos ay isang imposibleng bagay—isang ilusyong ginagawa sa mga bata. Hindi niya tinanggap o pinaniwalaan ang sinabi ng Diyos bilang katotohanan kundi itinuring itong isang kasinungalingan o biro. Ito ba ang tamang saloobin? Ang ituring ang mga salita ng Diyos na kasinungalingan ng isang mandaraya—ito ba ang saloobing dapat ipakita ng isang tao sa Panginoon ng sangnilikha? (Hindi.) At dahil dito, dahil itinuring niya ang mga salita ng Diyos bilang isang biro, bilang kasinungalingan ng isang mandaraya, at hindi bilang katotohanan, at dahil hindi siya naniwala sa sinabi ng Diyos o sa gagawin Niya, nagkaroon ng sunod-sunod na bunga, at lahat ng ito ay mula sa kagustuhan ng tao at sa kawalan ng paniniwala ni Sarah. Ang diwa ng sinabi niya ay, “Kaya ba itong gawin ng Diyos? Kung hindi, dapat akong kumilos upang makatulong na matupad ang mga salitang ito ng Diyos.” Sa kanyang kalooban, may mga maling pagkaunawa, paghatol, haka-haka, at katanungan, na nagsama-samang lahat upang gumawa ng isang kilos ng paghihimagsik laban sa Diyos mula sa isang taong may tiwaling disposisyon. Hindi ginawa ni Abraham ang mga bagay na ito, kung kaya’t iginawad sa kanya ang pagpapalang ito. Nakita ng Diyos ang puso ni Abraham na may paggalang sa Kanya, ang kanyang katapatan, ang kanyang saloobin, at bibigyan siya ng Diyos ng anak na lalaki upang maging ama siya ng maraming bayan. Ito ang ipinangako kay Abraham at ang Kanyang natatanging pagtrato kay Sarah. Samakatuwid, napakahalaga ng pagsunod. Mayroon bang pagtatanong na nakapaloob sa pagsunod? Kung mayroon, maibibilang pa rin ba ito bilang tunay na pagsunod? Maibibilang ba ito kung may napapasaloob ditong pagsusuri at paghatol? (Hindi.) Mas lalong hindi ito maibibilang kung sinusubukan ng isang taong maghanap ng mga kamalian. Sa gayon, ano ang naipapamalas at nailalantad—at ano ang pag-uugali—na napapaloob sa pagsunod na ganap na nagpapatunay na totoong pagsunod ito? (Paniniwala.) Ang tunay na paniniwala ay isang bagay. Kailangang maunawaan nang wasto ng isang tao kung ano ang sinasabi at ginagawa ng Diyos, at kumpirmahin na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama at ang katotohanan; hindi kailangang pagdudahan ito, o kaya ay magtanong sa iba tungkol dito, at hindi ito kailangang timbangin at pag-isipan o suriin sa sariling puso. Isa itong aspeto ng pagsunod. Paniwalaan na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama. Kapag may ginagawa ang isang tao, maaari nating tingnan kung sino ang gumawa nito, kung ano ang kanyang kinalakhan at karakter. Nangangailangan ang mga bagay na ito ng pagsusuri. Kung, sa kabilang banda, ang isang bagay ay nagmula sa Diyos at ginawa Niya, dapat nating takpan kaagad ang mga bibig natin—huwag itong pagdudahan at huwag magtanong, kundi tanggapin ito nang ganap. At ano ang susunod na gagawin? Mayroong ilang katotohanan dito na hindi masyadong nauunawaan ng mga tao, at nalalayo sila sa Diyos. Bagama’t naniniwala sila at may kakayahang magpasakop at kilalanin na ginawa ng Diyos ang bagay na ito, ang kanilang pagkilala sa katunayang ito ay tila may katangian ng doktrina, at hindi sila mapakali sa loob. Sa mga pagkakataong ito, dapat na maghanap ang isang tao, magtanong na, “Anong katotohanan ang mayroon dito? Nasaan ang kamalian sa aking pag-iisip? Paano ako napalayo sa Diyos? Alin sa mga sarili kong pananaw ang taliwas sa mga sinasabi ng Diyos?” Ang kakayahang hanapin ang mga kasagutang ito ay isang saloobin at pagsasagawa ng pagsunod. Mayroong mga nagsasabing masunurin sila, at pagkatapos, kapag may nangyari sa kanila kalaunan, sasabihin nila, “Sinong nakababatid sa ginagawa ng Diyos? Tayong mga nilikha ay hindi maaaring makialam. Hayaan nating gawin ng Diyos kung ano ang nais Niya!” Pagsunod ba ito? Anong uri ng saloobin ito? Pag-iwas ito sa pag-ako ng responsibilidad; kawalan ito ng malasakit sa ginagawa ng Diyos; malamig itong pagsasawalang-bahala. Nagawang sumunod ni Abraham dahil may sinunod siyang ilang prinsipyo, at determinado siya sa kanyang paniniwala na ang mga sinasabi ng Diyos ay mangyayari at matutupad, nang walang duda. Samakatuwid, wala siyang mga katanungan, hindi siya gumawa ng mga pagtataya, o kaya ay nagsagawa ng anumang maliit na pagmamaniobra. Ganoon ang inasal niya.
Hinango mula sa “Ang Dapat na Saloobin ng Tao Patungkol sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Sa tao, marami ang ginagawa ng Diyos na hindi kayang unawain at ni hindi kapani-paniwala. Kapag nais ng Diyos na pangasiwaan ang isang tao, ang pangangasiwang ito ay madalas na salungat sa mga kuru-kuro ng tao, at hindi niya kayang unawain, gayon pa man ito mismong di-pagkakatugma at kawalan ng kakayahang maunawaan ay mga pagsubok at hamon ng Diyos sa tao. Samantala, si Abraham ay nagpakita ng pagsunod sa Diyos sa sarili niya mismo, na pinaka-pangunahing kondisyon ng kanyang kakayahang tugunan ang hinihingi ng Diyos. Nang nagawang sundin ni Abraham ang hinihingi ng Diyos, nang kanyang ialay si Isaac, saka lamang tunay na naramdaman ng Diyos ang pagkakaroon ng katiyakan at pagsang-ayon sa sangkatauhan—tungo kay Abraham, na Kanyang hinirang. Saka lamang nakasiguro ang Diyos na ang taong ito na Kanyang hinirang ay isang hindi mababalewalang pinuno na maaaring magsagawa ng Kanyang pangako at ng Kanyang susunod na plano ng pamamahala. Kahit na ito ay isang pagsubok lamang, nasiyahan ang Diyos, naramdaman Niya ang pagmamahal ng tao sa Kanya, at nadama Niya ang kalinga ng tao na hindi Niya dating nadama. Noong sandaling itinaas ni Abraham ang kanyang sundang upang patayin si Isaac, pinigilan ba siya ng Diyos? Hindi hinayaan ng Diyos na ialay ni Abraham si Isaac, dahil walang intensyon ang Diyos na bawiin ang buhay ni Isaac. Kaya pinigilan ng Diyos si Abraham sa tamang oras. Para sa Diyos, nakapasa na sa pagsubok ang pagkamasunurin ni Abraham, sapat na ang kanyang ginawa, at nakita na ng Diyos ang kalalabasan ng Kanyang binalak gawin. Kasiya-siya ba ang kinalabasang ito para sa Diyos? Maaaring sabihin na ang kinalabasan na ito ay kasiya-siya sa Diyos, na ito ang nais ng Diyos, at ito ang nais Niyang makita. Ito ba ay totoo? Kahit na, sa iba’t ibang konteksto, ginagamit ng Diyos ang iba’t ibang paraan ng pagsubok sa bawat tao, nakita ng Diyos kay Abraham ang nais Niya, nakita Niyang totoo ang puso ni Abraham at walang kondisyon ang kanyang pagsunod. Ito mismong “kawalan ng kondisyon” na ito ang ninais ng Diyos.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Sa kanyang paniniwala sa Diyos, hinangad ni Pedro na bigyang-kasiyahan ang Diyos sa lahat ng bagay, at hinangad na sundin ang lahat ng nagmula sa Diyos. Wala ni katiting na reklamo, nagawa niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol, gayundin ang pagpipino, kapighatian at kakulangan sa kanyang buhay, at walang isa man dito na maaaring magpabago sa kanyang pagmamahal sa Diyos. Hindi ba ito ang sukdulang pagmamahal sa Diyos? Hindi ba ito ang katuparan ng tungkulin ng isang nilalang ng Diyos? Sa pagkastigo man, paghatol, o kapighatian, lagi kang may kakayahang maging masunurin hanggang kamatayan, at ito ang dapat makamit ng isang nilalang ng Diyos, ito ang kadalisayan ng pagmamahal sa Diyos. Kung makakamtan ng tao ang ganito, siya ay isang angkop na nilalang ng Diyos, at wala nang ibang mas nagbibigay-kasiyahan sa naisin ng Lumikha. Ipagpalagay nang nakakagawa ka para sa Diyos, subalit hindi ka sumusunod sa Diyos, at hindi mo kayang tunay na mahalin ang Diyos. Sa ganitong paraan, hindi mo lamang hindi natupad ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos, kundi ikukondena ka rin ng Diyos, dahil ikaw ay isang taong hindi nagtataglay ng katotohanan, na walang kakayahang sumunod sa Diyos, at suwail sa Diyos. Pinahahalagahan mo lamang ang paggawa para sa Diyos, at hindi mo pinahahalagahan ang pagsasagawa ng katotohanan o pagkilala sa iyong sarili. Hindi mo nauunawaan o nakikilala ang Lumikha, at hindi mo sinusunod o minamahal ang Lumikha. Ikaw ay isang taong likas na suwail sa Diyos, kaya nga ang gayong mga tao ay hindi minamahal ng Lumikha.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao
Ang pagbabahagi ng isang matunog na patotoo para sa Diyos una sa lahat ay may kaugnayan sa kung mayroon o wala kang pagkaunawa sa praktikal na Diyos, at kung nagagawa mong magpasakop o hindi sa harap ng taong ito na hindi lamang karaniwan, kundi normal, at magpasakop kahit hanggang kamatayan. Kung ikaw, sa pamamagitan ng pagpapasakop na ito, ay tunay na nagpapatotoo para sa Diyos, ibig sabihin niyan ay naangkin ka ng Diyos. Kung makakapagpasakop ka hanggang kamatayan, at sa Kanyang harapan, wala ka nang mga reklamo, hindi ka nanghuhusga, hindi ka naninirang-puri, wala kang anumang mga kuru-kuro, at wala kang anumang mga lihim na motibo, sa ganitong paraan ay magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos. Ang pagpapasakop sa harap ng isang karaniwang tao na hinahamak ng tao, at nagagawang magpasakop hanggang kamatayan nang walang anumang mga kuru-kuro—ito ay tunay na patotoo. Ang realidad na kinakailangan ng Diyos na pasukin ng mga tao ay na nagagawa mong sundin ang Kanyang mga salita, isagawa ang mga ito, yumuko sa harap ng praktikal na Diyos at alamin ang sarili mong katiwalian, buksan ang iyong puso sa Kanyang harapan, at, sa bandang huli, maangkin Niya sa pamamagitan ng mga salita Niyang ito. Nagtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos kapag nilulupig ka ng mga pahayag na ito at nahihikayat kang lubos na sumunod sa Kanya; sa pamamagitan nito, hinihiya Niya si Satanas at kinukumpleto ang Kanyang gawain. Kapag wala kang anumang mga kuru-kuro tungkol sa pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao—ibig sabihin, kapag nakapanindigan ka sa pagsubok na ito—mahusay mong naibahagi ang patotoong ito. Kung dumating ang araw na magkaroon ka ng lubos na pagkaunawa sa praktikal na Diyos at kaya mong magpasakop hanggang kamatayan kagaya ni Pedro, maaangkin ka ng Diyos at magagawa ka Niyang perpekto. Aumang ginagawa ng Diyos na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro ay isang pagsubok para sa iyo. Kung ang gawain ng Diyos ay nakaayon sa iyong mga kuru-kuro, hindi ka na kailangang magdusa o mapino. Ito ay dahil sa ang Kanyang gawain ay napaka-praktikal at hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro kaya kailangan mong pakawalan ang mga kuru-kurong iyon. Kaya nga ito ay isang pagsubok para sa iyo. Dahil sa pagiging praktikal ng Diyos kaya lahat ng tao ay nasa gitna ng mga pagsubok; ang Kanyang gawain ay praktikal, hindi higit sa karaniwan. Sa pamamagitan ng lubos na pag-unawa sa Kanyang praktikal na mga salita at Kanyang praktikal na mga pahayag nang walang anumang mga kuru-kuro, at sa tunay na pagmamahal sa Kanya lalo pang lumalago ang Kanyang gawain, maaangkin ka Niya. Ang grupo ng mga tao na maaangkin ng Diyos ay yaong mga nakakikilala sa Diyos; ibig sabihin, yaong mga nakakaalam sa Kanyang pagiging praktikal. Bukod pa riyan, sila yaong mga nagagawang magpasakop sa praktikal na gawain ng Diyos.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.