Ano ang tungkulin at paano dapat ito isaalang-alang ng tao
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Bilang mga miyembro ng sangkatauhan at tapat na mga Kristiyano, pananagutan at obligasyon nating lahat na ialay ang ating isipan at katawan para sa katuparan ng tagubilin ng Diyos, dahil ang ating buong pagkatao ay nagmula sa Diyos, at ito ay umiiral salamat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang mga isipan at katawan natin ay hindi para sa tagubilin ng Diyos at hindi para sa matuwid na kapakanan ng sangkatauhan, ang ating mga kaluluwa’y makakaramdam ng pagiging hindi karapat-dapat sa mga taong naging martir para sa tagubilin ng Diyos, at mas hindi karapat-dapat sa Diyos, na naglaan sa atin ng lahat ng bagay.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay pinagpala o isinumpa. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kundisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang mapagpala ay kapag ang isang tao ay nagawang perpekto at nagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos matapos magdanas ng paghatol. Ang maisumpa ay kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago matapos silang magdanas ng pagkastigo at paghatol, iyon ay kapag hindi pa sila nagawang perpekto kundi pinarusahan. Ngunit napagpala man sila o naisumpa, dapat tuparin ng mga nilalang ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya niyang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahanap sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang mapagpala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na maisumpa. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang pagkasuwail. Sa pamamagitan ng proseso ng paggawa ng kanyang tungkulin unti-unting nagbabago ang tao, at sa pamamagitan ng prosesong ito niya ipinamamalas ang kanyang katapatan. Sa gayon, kapag mas nagagawa mo ang iyong tungkulin, mas maraming katotohanan kang matatanggap, at magiging mas totoo ang iyong pagpapahayag. Yaong mga gumagawa para matapos na lamang ang kanilang tungkulin at hindi hinahanap ang katotohanan ay aalisin sa bandang huli, sapagkat ang gayong mga tao ay hindi ginagawa ang kanilang tungkulin sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi isinasagawa ang katotohanan sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Sila yaong mga nananatiling hindi nagbabago at isusumpa. Hindi lamang marumi ang kanilang mga pagpapahayag, kundi masama ang lahat ng kanilang ipinapahayag.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao
Ano ang tungkulin? Hindi mo pinamamahalaan ang tungkulin—hindi mo ito sariling karera o sarili mong trabaho; sa halip, gawain ito ng Diyos. Hinihingi ang iyong pakikipagtulungan sa gawain ng Diyos, na siyang humahantong sa iyong tungkulin. Ang bahagi ng gawain ng Diyos na dapat makipagtulungan ng tao ay ang kanyang tungkulin. Bahagi ng gawain ng Diyos ang tungkulin—hindi mo ito karera, hindi mo mga gawaing bahay at hindi mo rin pansariling alalahanin sa buhay. Ang iyong tungkulin ay paghawak man sa panlabas o panloob na gawain, gawain ito ng tahanan ng Diyos, bumubuo ito sa isang bahagi ng plano ng pamamahala ng Diyos, at ito’y tagubiling ibinigay sa iyo ng Diyos. Hindi mo ito pansariling gawain.
Hinango mula sa “Tanging sa Paghahanap ng mga Prinsipyo ng Katotohanan Nagagampanan nang Maigi ng Isa ang Kanyang Tungkulin” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Paano nabubuo ang tungkulin? Sa malawak na pananalita, nabubuo ito bilang bunga ng gawaing pamamahala ng Diyos na naghahatid ng kaligtasan sa sangkatauhan; sa tiyakang pananalita, habang nahahayag sa sangkatauhan ang gawaing pamamahala ng Diyos, umuusbong ang sari-saring gawain na dapat isagawa, at kinakailangan ng mga ito na magtulungan ang mga tao at tapusin ang mga ito. Dahil dito, umusbong ang mga responsibilidad at mga misyon na dapat tuparin ng mga tao, at ang mga responsibilidad at mga misyon na ito ang mga tungkuling iginagawad ng Diyos sa sangkatauhan. Samakatuwid, sa tahanan ng Diyos, ang iba’t ibang gawain na nangangailangan ng pagtutulungan ng mga tao ay ang mga tungkuling dapat nilang tuparin. Kaya’t may mga pagkakaiba ba sa pagitan ng mga tungkulin kung ang pag-uusapan ay kung alin ang higit na mabuti at higit na masama, mataas at mababa, malaki at maliit? Hindi umiiral ang ganoong mga pagkakaiba; hangga’t ang isang bagay ay may kinalaman sa gawaing pamamahala ng Diyos, isang pangangailangan sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain, o isang pangangailangan sa gawain sa Kanyang tahanan, ito ay tungkulin ng isang tao. Ito ang kabuluhan at pinagmulan ng tungkulin. Kung wala ang gawain ng pamamahala ng Diyos, magkakaroon kaya ang mga tao sa lupa—paano man sila namumuhay—ng mga tungkulin? (Hindi.) Ngayon ay malinaw mo nang nakikita na may tuwirang kaugnayan ang mga tungkulin ng mga nilalang at ang gawain ng pamamahala ng Diyos na pagliligtas sa sangkatauhan. Masasabi na kung wala ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at kung wala ang gawain ng pamamahalang napasimulan Niya sa lupa, sa tao, hindi magkakaroon ang mga tao ng anumang mga tungkuling mapag-uusapan. Kung titingnan ito mula sa pananaw na ito, mahalaga ang tungkulin para sa bawat taong sumusunod sa Diyos, hindi ba? Sa malawakang pananalita, lumalahok ka sa gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos; sa mas partikular, tumutulong ka sa iba’t ibang uri ng trabaho ng Diyos na kinakailangan sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang grupo ng mga tao. Anuman ang iyong tungkulin, iyon ay isang misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos. Kung minsan ay maaari kang utusang bantayan o ingatan ang isang mahalagang bagay. Maaaring medyo hindi mahalagang bagay itong ibinibigay na responsibilidad sa iyo, ngunit ito ay isang gawaing ibinigay sa iyo ng Diyos; tinanggap mo ito mula sa Kanya. Sa pangmalawakang pananalita, binibigyan ka ng Diyos ng isang atas, na maaaring ang ipalaganap ang ebanghelyo o mamuno sa isang iglesia, o maaaring isa itong gawaing mas mapanganib at mas mahalaga pa. Ano’t anuman, basta’t may kinalaman iyon sa gawain ng Diyos at sa gawain ng Kanyang sambahayan, dapat itong tanggapin ng mga tao bilang isang tungkuling mula sa Diyos. Ang tungkulin, sa mas malawakan pang pananalita, ay ang misyon ng isang tao, isang atas na ipinagkatiwala ng Diyos; sa mas partikular, ito ay responsibilidad mo, obligasyon mo. Dahil ito ay misyon mo, isang atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at responsibilidad at obligasyon mo, wala itong kinalaman sa iyong personal na mga gawain.
Hinango mula sa “Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Dapat na gampanan ng mga nilikha ng Diyos ang kanilang tungkulin; namumuhay ka sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, tinatanggap mo ang lahat ng ipinagkakaloob ng Diyos, lahat ng nagmumula sa Diyos, kaya dapat mong tuparin ang iyong mga responsibilidad at obligasyon—ito ang iyong tungkulin. Sa ganito makikita na ang pagganap ng sangkatauhan sa tungkulin ng isang nilikha ng Diyos ay mas matuwid, maganda, at marangal kaysa anupamang nagawa habang namumuhay sa daigdig ng tao; walang anuman sa sangkatauhan ang mas makahulugan o karapat-dapat, at walang nagbibigay ng mas dakilang kahulugan at kahalagahan sa buhay ng isang nilikha ng Diyos kaysa sa pagganap sa tungkulin ng isang nilikha ng Diyos. Ang magampanan ang tungkulin ng isang nilikha ng Diyos—ang mabigyang-kaluguran ang Lumikha—ang pinakakamangha-manghang bagay sa sangkatauhan, at isang bagay na dapat na ipagdiwang ng sangkatauhan. Dapat na walang pasubaling tanggapin ng mga nilikha ng Diyos ang anumang ipinagkatiwala ng Lumikha sa kanila; para sa sangkatauhan, ito ay isang pinagpala at dakilang bagay, at para sa lahat ng sangkatauhang gumaganap sa tungkulin ng isang nilikha ng Diyos, wala nang mas kamangha-mangha o karapat-dapat na ipagbunyi—ito ay isang positibong bagay. At tungkol naman sa kung paano pinakikitunguhan ng Lumikha ang mga gumaganap sa tungkulin ng isang nilikha ng Diyos, at kung ano ang ipinapangako Niya sa kanila, ito ay paksang para sa Lumikha, at hindi mapakikialaman ng nilikhang sangkatauhan. Kung sasabihin ito nang deretsahan, nakasalalay ito sa Diyos; makukuha mo kung anuman ang ibibigay sa iyo ng Diyos, at kung wala Siyang ibinibigay sa iyo, wala kang dapat sabihin tungkol dito. Hindi transaksyon o kalakalan kapag ang isang nilikha ng Diyos ay tumatanggap ng tagubilin ng Diyos at nakikipagtulungan sa Lumikha upang magampanan ang kanyang tungkulin at magawa ang makakaya nila; hindi dapat magtangkang gumamit ng anumang pag-uugali o bagay ang mga nilikha ng Diyos upang gawing pamalit sa mga pagpapala o mga pangako mula sa Diyos. Bilang mga nilikha ng Diyos, tama at nararapat na tanggapin ninyo ang tungkulin at tagubilin kapag ipinagkakatiwala ang gawaing ito sa inyo ng Lumikha; walang kasangkot na transaksyon dito. Sa panig ng Lumikha, handa Siyang ipagkatiwala ang tagubiling ito sa bawat isa sa inyo; at sa panig ng nilikhang sangkatauhan, dapat na malugod na tanggapin ng mga tao ang tungkuling ito, tratuhin ito bilang obligasyon ng kanilang buhay, at bilang halagang dapat nilang isabuhay sa buhay na ito. Walang transaksyon dito, hindi ito pakikipagtumbasan, at lalong hindi kinasasangkutan ng anumang gantimpala o anumang uri ng interpretasyon. Hindi ito kalakalan, hindi pakikipagpalitan para sa halagang ibinabayad ng tao o paggawang inaambag nila kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin. Hindi iyon kailanman sinabi ng Diyos, at hindi dapat ganito ang pagkaunawa ng tao rito.
Hinango mula sa “Ginagawa Lamang Nila ang Kanilang Tungkulin upang Maitangi ang Kanilang mga Sarili at Magatungan ang Kanilang Sariling Mga Kapakanan at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Kapakanan ng Bahay ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Kapakanang Iyon Kapalit ng Personal na Kaluwalhatian (VII)” sa Paglalantad sa mga Anticristo
Isang napakaseryosong bagay ang kung paano mo pinapahalagahan ang mga tagubilin ng Diyos! Kung hindi mo kayang kumpletuhin kung ano ang ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo, hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensya at dapat kang parusahan. Ito ay may basbas ng Langit at kinikilala ng lupa na dapat kumpletuhin ng mga tao ang anumang komisyon na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila; ito ang kanilang pinakamataas na responsibilidad, at kasinghalaga nito ang kanila mismong mga buhay. Kung hindi mo sineseryoso ang mga tagubilin ng Diyos, nagtataksil ka sa Kanya sa pinakamalalang paraan; sa ganito, mas kahabag-habag ka pa kaysa kay Judas, at dapat na sumpain. Dapat matamo ng mga tao ang lubos na pagkaunawa sa kung paano titingnan ang ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila at, kahit papaano, dapat maunawaan na ang mga tagubiling ipinagkakatiwala Niya sa sangkatauhan ay mga pagpupuri at natatanging pabor mula sa Diyos; ang mga ito ay mga pinakamaluwalhating bagay. Ang iba pang mga bagay ay maaari nang iwanan; kahit na kailangang isakripisyo ng isang tao ang kanyang sariling buhay, dapat pa rin niyang tuparin ang tagubilin ng Diyos.
Hinango mula sa “Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Ang bagay na pinakatuwiran at kapansin-pansing sumasalamin sa ugnayang nagdurugtong sa iyo sa Diyos ay kung paano mo ituring ang mga bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos at ang mga gawaing iniaatas sa iyo, at ang ugali na mayroon ka. Ang pinakatuwirang mapagmamatyagan ay ang usaping ito. Kapag naunawaan mo ang napakahalagang puntong ito at natupad ang gawaing ibinigay sa iyo ng Diyos, ang relasyon mo sa Diyos ay magiging normal. Kung, sa pagkakatiwala sa iyo ng Diyos ng isang gawain, o pagsasabi sa iyo na gampanan mo ang isang tiyak na tungkulin, ang iyong ugali ay pabaya at walang pakialam, at hindi mo ito nakikita bilang isang prayoridad, hindi ba ito mismo ang kabaligtaran ng pagbibigay ng buong puso at lakas? Kaya ang iyong pag-uugali kapag gumaganap ng iyong tungkulin ay napakahalaga, tulad din ng paraan at landas na iyong pinipili. Ano ang bunga ng pagganap ng iyong tungkulin sa paraang pabaya at walang interes, at itinuturing ito na tila walang halaga? Ito ang hindi magandang pagganap ng iyong tungkulin, bagama’t may kakayahan kang gampanan ito nang maayos—ang iyong pagganap ay hindi aabot sa pamantayan, at ang Diyos ay hindi masisiyahan sa iyong pag-uugali sa iyong tungkulin. Kung, sa una, nagsikap at nakipagtulungan ka nang normal; kung inilaan mo dito ang lahat ng iyong iniisip; kung iniukol mo ang iyong puso at kaluluwa sa paggawa nito, at iniukol ang lahat ng iyong pagsisikap dito, at naglaan ng panahon ng iyong paggawa, iyong pagsusumikap, at iyong mga saloobin dito, o naglaan ng ilang oras sa mga sanggunian, at itinuon ang buo mong pag-iisip at katawan dito; kung ikaw ay nagkaroon ng kakayahang makipagtulungan nang gayon, ang Diyos ay mauuna, gumagabay sa iyo. Hindi mo kailangan magpilit nang labis; kapag nakikipagtulungan ka nang mabuti, inaayos na ng Diyos ang lahat para sa iyo. Kung ikaw ay tuso at madaya, at, sa kalagitnaan ng gawain, nagbabago ang iyong isip at naliligaw, ang Diyos ay hindi magpapakita ng interes sa iyo; mawawala sa iyo ang pagkakataong ito, at sasabihin ng Diyos, “Ikaw ay hindi sapat, ikaw ay walang silbi. Tumayo ka sa tabi. Gusto mo ng pagiging tamad, ano? Gusto mo ang pagiging mapanlinlang at tuso, hindi ba? Gusto mong namamahinga? Kung gayon, magpahinga ka.” Ibibigay ng Diyos ang biyaya at pagkakataon sa kasunod na tao. Ano ang sasabihin ninyo: Ito ba ay isang pagkatalo o isang panalo? Ito ay isang napakalaking kalugihan!
Hinango mula sa “Paano Lulutasin ang Suliranin ng Pagiging Pabaya at Kawalan ng Sigla Habang Gumaganap sa Iyong Tungkulin” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Itinuturing ng ilang tao bilang puhunan ang pagtupad nila sa kanilang mga tungkulin, itinuturing naman ng ilan na pansariling gawain ang pagtupad sa kanilang mga tungkulin, at itinuturing ng ilan ang pagtupad sa kanilang mga tungkulin bilang sarili nilang gawain, mga negosyo, o pansariling mga bagay, o itinuturing ang isang tungkulin bilang isang uri ng pampalipas-oras, aliwan, o libangan upang mag-ubos ng oras. Sa madaling salita, anuman ang iyong saloobin tungkol sa iyong tungkulin, kung hindi mo ito tinanggap mula sa Diyos, at kung hindi mo nagagawang ituring ito bilang isang gawain na dapat gawin ng isang nilikhang nakapalooob sa gawaing pamamahala ng Diyos o isang bagay na dapat ay nakikipagtulungan ka, ang ginagawa mo ay hindi pagtupad sa iyong tungkulin. Bakit Ko inilalatag ang mga paksang ito? Anong mga suliranin ang sinusubukan Kong lutasin sa pagbabahagi tungkol sa mga ito? Tinatangka Kong ayusin ang mga di-wastong saloobin ng mga tao patungkol sa kanilang mga tungkulin. Kapag naunawaan na nila ang mga katotohanang ito, unti-unting aayon sa katotohanan at tatalima sa mga prinsipyo nito, gayundin sa mga hinihingi ng Diyos, ang mga saloobin nila patungkol sa kanilang mga tungkulin. Kahit papaano, dapat umaayon sa katotohanan at mga hinihingi ng Diyos ang inyong pananaw at saloobin hinggil sa iyong tungkulin. Ang mga tungkulin ay mga atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa mga tao; ang mga ito ay mga misyong dapat tapusin ng mga tao. Gayunman, ang tungkulin ay hindi gawaing personal mong pinamamahalaan, ni pambalanse sa iyong pamumukod-tangi sa maraming tao. Ginagamit ng ilang tao ang kanilang mga tungkulin bilang mga oportunidad ng sariling pamamahala at bumubuo ng mga pangkat; ang ilan upang tugunan ang kanilang mga pagnanais; ang ilan upang punan ang mga kahungkagang nadarama nila sa kanilang kaloob-looban; at ang ilan upang masapatan ang kanilang mentalidad na tamang magtiwala sa swerte, iniisip na hangga’t ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, magkakaroon sila ng bahagi sa tahanan ng Diyos at sa kamangha-manghang hantungang isinasaayos ng Diyos para sa tao. Ang ganoong mga pag-uugali tungkol sa tungkulin ay hindi tama; niyayamot nito ang Diyos at dapat kaagad iwasto.
Hinango mula sa “Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Ano ang tamang saloobin sa iyong tungkulin, na nagpapakita na taglay mo ang katotohanan? Una, hindi mo puwedeng suriing mabuti kung sino ang nagplano nito, kung ano ang antas ng pamumuno ng nagtalaga nito—dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos. Bukod pa riyan, anuman ang tungkulin mo, huwag kang mamili kung ano ang mataas at mababa. Ipagpalagay na sinasabi mo, “Bagama’t ang gawaing ito ay isang tagubilin mula sa Diyos at ang gawain ng bahay ng Diyos, kung gagawin ko ito, baka maging mababa ang tingin ng mga tao sa akin. Ang iba ay may gawain na tinutulutan silang mamukod-tangi. Paanong matatawag na isang tungkulin ang gawaing ito na ibinigay sa akin, na hindi ako hinahayaang mamukod-tangi ngunit pinapagugol ako ng sarili ko nang hindi nakikita? Isa itong tungkulin na hindi ko matatanggap; hindi ito ang tungkulin ko. Ang tungkulin ko ay dapat akong mamukod-tangi sa iba at tinutulutan akong magkapangalan—at kahit na hindi ako magkapangalan o mamukod-tangi, dapat pa rin akong makinabang dito at maging pisikal na maginhawa.” Ito ba ay katanggap-tanggap na pag-uugali? Ang pagiging maselan ay hindi pagtanggap sa kung ano ang nanggagaling sa Diyos; ito ay pagpili ayon sa iyong mga sariling kagustuhan. Hindi ito pagtanggap ng iyong tungkulin; ito ay pagtanggi sa iyong tungkulin. Sa sandaling subukan mong mamili, wala ka nang kakayahang tunay na tumanggap. Ang ganoong pagkamaselan ay nahahaluan ng mga pansarili mong kagustuhan at pagnanais; kapag isinasaalang-alang mo ang iyong sariling pakinabang, ang iyong reputasyon, at iba pa, ang pag-uugali mo sa iyong tungkulin ay hindi mapagpasakop. Ito ang pag-uugali sa tungkulin: Una, hindi mo ito maaaring suriin, o isipin kung sino ang nagtalaga nito sa iyo; sa halip, dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos, bilang ang tungkulin mo at kung ano ang dapat mong gawin. Ikalawa, huwag kang mamili kung ano ang mataas at mababa, at huwag mong abalahin ang sarili mo tungkol sa kalikasan nito—kung ito man ay ginagawa sa harap ng mga tao o nang hindi nila nakikita, kung ito man ay tinutulutan kang mamukod-tangi o hindi. Huwag mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Ang mga ito ang dalawang katangian ng pag-uugali na dapat taglayin ng mga tao pagdating sa paggawa ng kanilang tungkulin.
Hinango mula sa “Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Ano ang pinakapangunahing saloobin ukol sa tungkulin ang dapat taglayin ng isang tao? Kung sinabi mong, “Dahil iniatang na sa akin ng tahanan ng Diyos ang tungkuling ito, nabibilang ito sa akin, at matutupad ko ito sa paraang nais ko,” magiging katanggap-tanggap ba itong saloobin? Hinding-hindi. Kung may gayon kang mga kaisipan, magiging sanhi ng gulo ang mga ito, at nangangahulugan itong nagsimula ka nang tumahak sa isang masamang landas. Hindi ka dapat mag-isip nang ganito. Kaya naman, ano ang tamang paraan ng pag-iisip? Una, kailangang hanapin mo ang katotohanan at mga prinsipyo. Hanapin ang mga bagay na ito: kung paano dapat tuparin ang tungkuling ito, kung ano ang hinihingi ng Diyos, kung ano ang mga prinsipyo ng mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, kung ano ang dapat mong gawin, kung aling mga bahagi ng gawain ang dapat mong tapusin, at kung paano ka dapat kumilos upang lubusang maging tapat at may pananagutan habang tinutupad ang tungkuling ito. Kung gayon, kanino dapat ibigay ang katapatan? Sa Diyos—dapat kang maging tapat sa Kanya, magkaroon ng pananagutan sa ibang tao, at, hinggil sa iyong sarili, dapat kang sumunod sa prinsipyo at panindigan ang iyong tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng sumunod sa prinsipyo? Ang pagsunod sa prinsipyo ay pagkilos nang naaayon sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ano, kung gayon, ang ibig sabihin ng panindigan ang tungkulin? Sabihin natin, halimbawa, na may iniatang na tungkulin sa iyo sa loob ng isa o dalawang taon, ngunit, hanggang sa kasalukuyan, ay wala pang nagsusuri sa iyo. Ano ang dapat mong gawin? Kung walang nagsusuri sa iyo, nangangahulugan ba iyon na wala na ang tungkulin? Huwag isipin kung mayroon bang sinumang nagsusuri sa iyo o nangangamusta sa iyo; ipinagkatiwala sa iyo ang tungkuling ito, at, bagaman hindi mo ito pansariling gawain, iniatas ito sa iyo, at pananagutan mo ito. Dapat mong isaalang-alang kung paano dapat gawin ang gawaing ito at kung paano ito mahusay na magagawa, at iyon ay kung paano mo ito dapat gawin. Kung lagi kang naghihintay sa iba na suriin ka, para pangasiwaan ka nila at himukin kang magpatuloy, ito ba ang saloobing dapat mong taglayin sa iyong tungkulin? Anong uri ng saloobin ito? Ito ay isang pasibong saloobin; hindi ito ang saloobing dapat mong taglayin sa iyong tungkulin.
Hinango mula sa “Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Dapat ninyong gawin ang inyong sariling tungkulin sa abot ng inyong makakaya nang may bukas at tapat na mga puso, at maging handang magbayad ng anumang kinakailangang halaga. Gaya nga ng sinabi ninyo, pagdating ng araw na iyon, hindi pababayaan ng Diyos ang sinumang nagdusa o nagbayad para sa Kanya. Ang ganitong uri ng matibay na paniniwala ay karapat-dapat panghawakan, at nararapat lamang na hindi ninyo ito kailanman kalimutan. Sa ganitong paraan Ko lamang mapapalagay ang Aking isipan ukol sa inyo. Kung hindi, magpakailanman kayong magiging mga taong hindi Ko makakayang ipagpalagay ang Aking isipan, at magpakailanman kayong magiging mga layon ng Aking pag-ayaw. Kung masusunod ninyong lahat ang inyong konsensya, at ibibigay ang inyong lahat para sa Akin, nang walang hindi pagsusumikapan para sa Aking gawain, at mag-uukol ng buong buhay na pagsusumikap sa Aking gawain ng ebanghelyo, hindi ba’t laging lulukso sa tuwa ang Aking puso dahil sa inyo? Sa ganitong paraan, lubos Kong mapapalagay ang Aking isipan ukol sa inyo, hindi ba?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan
Ngayon, kung ano ang kinakailangan sa inyo na kamtin ay hindi mga karagdagang hinihingi, kundi ang tungkulin ng tao, at ang kailangang gawin ng lahat ng tao. Kung kayo ay walang kakayahan na gampanan man lamang ang inyong tungkulin, o magawa ito nang mainam, hindi ba’t pinahihirapan ninyo lamang ang inyong mga sarili? Hindi ba’t sinusuyo ninyo ang kamatayan? Paano pa kayo makakaasa na magkaroon ng hinaharap at mga posibilidad? Ang gawain ng Diyos ay ginagawa para sa kapakanan ng sangkatauhan, at ang pakikipagtulungan ng tao ay ibinibigay para sa kapakanan ng pamamahala ng Diyos. Pagkatapos na nagawa ng Diyos ang lahat ng nararapat Niyang gawin, ang tao ay kinakailangang maging pursigido sa kanyang pagsasagawa, at makipagtulungan sa Diyos. Sa gawain ng Diyos, ang tao ay hindi dapat magkulang sa pagsisikap, nararapat mag-alay ng kanyang katapatan, at hindi dapat magpasasa sa napakaraming kuru-kuro, o maupo nang walang-kibo at maghintay ng kamatayan. Kayang isakripisyo ng Diyos ang Kanyang Sarili para sa tao, kaya bakit hindi maibigay ng tao ang kanyang katapatan sa Diyos? May iisang puso at isip ang Diyos tungo sa tao, kaya bakit hindi makapag-alok ng kaunting pakikipagtulungan ang tao? Gumagawa ang Diyos para sa sangkatauhan, kaya bakit hindi magampanan ng tao ang ilan sa mga tungkulin niya para sa kapakanan ng pamamahala ng Diyos? Nakarating na ang gawain ng Diyos nang ganito kalayo, gayunman kayo ay nakakakita pa rin ngunit hindi kumikilos, kayo ay nakakarinig ngunit hindi gumagalaw. Hindi ba’t ang mga taong ganyan ay ang mga layon ng kapahamakan? Nailaan na ng Diyos ang Kanyang lahat para sa tao, kaya bakit, ngayon, hindi pa rin magampanan ng tao nang masigasig ang kanyang tungkulin? Para sa Diyos, ang Kanyang gawain ay ang Kanyang uunahin, at ang gawain ng Kanyang pamamahala ay ang pinakamahalaga. Para sa tao, ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagtupad sa mga kinakailangan Niya ay kanyang unang prayoridad. Ito ay dapat maunawaan ninyong lahat.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ay, sa totoo lang, ang pagsasakatuparan ng lahat ng likas sa kalooban ng tao, na ibig sabihin ay, yaong posible para sa tao. Noon lamang natutupad ang kanyang tungkulin. Ang mga depekto ng tao sa kanyang paglilingkod ay unti-unting nababawasan sa pamamagitan ng umuunlad na karanasan at ng proseso ng pagpapailalim niya sa paghatol; hindi ito nakapipigil o nakakaapekto sa tungkulin ng tao. Yaong mga tumitigil sa paglilingkod o sumusuko at umuurong dahil sa takot na maaaring may mga sagabal sa kanilang paglilingkod ang pinakamatinding karuwagan sa lahat. Kung hindi kayang ipahayag ng mga tao ang nararapat nilang ipahayag habang naglilingkod o makamit kung ano ang likas na posible para sa kanila, at sa halip ay nagbibiru-biruan at gumagawa lamang para matapos na, naiwala na nila ang tungkuling dapat taglayin ng isang nilalang. Ang gayong mga tao ay kilala bilang “mga walang-kabuluhan”; sila ay mga walang-silbing yagit. Paano matatawag nang wasto na mga nilalang ang gayong mga tao? Hindi ba mga tiwali silang nilalang na maningning sa labas ngunit bulok sa loob? Kung tinatawag ng isang tao ang kanyang sarili na Diyos subalit hindi niya magawang ipahayag ang katauhan ng pagka-Diyos, gawin ang gawain ng Diyos Mismo, o katawanin ang Diyos, walang-dudang hindi siya Diyos, sapagkat wala siyang diwa ng Diyos, at yaong likas na nakakamit ng Diyos ay hindi umiiral sa kanyang kalooban. Kung mawala sa tao ang likas na makakamit niya, hindi na siya maituturing na tao, at hindi siya karapat-dapat na tumayo bilang isang nilalang o humarap sa Diyos at paglingkuran Siya. Bukod pa riyan, hindi siya karapat-dapat na tumanggap ng biyaya ng Diyos o mabantayan, maprotektahan, at magawang perpekto ng Diyos. Maraming hindi na pinagtiwalaan ng Diyos ang tuluyan nang nawalan ng biyaya ng Diyos. Hindi lamang nila hindi kinasusuklaman ang kanilang mga pagkakamali, kundi tahasan nilang ipinalalaganap ang ideya na ang daan ng Diyos ay mali, at yaong mga suwail ay ikinakaila pa ang pag-iral ng Diyos. Paano magkakaroon ng karapatan ang gayong mga tao, na nagtataglay ng gayong pagkasuwail, na matamasa ang biyaya ng Diyos? Yaong mga hindi gumagawa ng kanilang tungkulin ay napakasuwail sa Diyos, at malaki ang pagkakautang sa Kanya, subalit tumatalikod sila at ipinangangalandakan na mali ang Diyos. Paano magiging karapat-dapat ang gayong uri ng tao na magawang perpekto? Hindi ba sa kanila magsisimula ang pag-aalis at pagpaparusa? Ang mga taong hindi gumagawa ng kanilang tungkulin sa harap ng Diyos ay nagkasala na ng pinaka-kahindik-hindik na krimen, kung saan kahit kamatayan ay hindi sapat na kaparusahan, subalit may gana pa silang makipagtalo sa Diyos at makipagtagisan sa Kanya. Ano ang halaga ng gawing perpekto ang gayong mga tao? Kung nabibigo ang mga tao na tuparin ang kanilang tungkulin, dapat silang surutin ng kanilang budhi at makadama ng pagkakautang; dapat nilang kasuklaman ang kanilang kahinaan at kawalang-silbi, ang kanilang pagkasuwail at pagkatiwali, at bukod pa riyan, dapat nilang ibigay ang kanilang buhay sa Diyos. Saka lamang sila magiging mga nilalang na tunay na nagmamahal sa Diyos, at ang gayong mga tao lamang ang karapat-dapat na magtamasa ng mga pagpapala at pangako ng Diyos, at magawa Niyang perpekto. At paano naman ang nakararami sa inyo? Paano ninyo tinatrato ang Diyos na namumuhay sa piling ninyo? Paano ninyo nagampanan ang inyong tungkulin sa Kanyang harapan? Nagawa ba ninyo ang lahat ng ipinagawa sa inyo, kahit na ang kapalit nito ay ang sarili ninyong buhay? Ano ang inyong naisakripisyo? Hindi ba marami kayong natanggap mula sa Akin? Nakakahiwatig ba kayo? Gaano kayo katapat sa Akin? Paano ninyo Ako napaglingkuran? At paano na ang lahat ng Aking naipagkaloob sa inyo at nagawa para sa inyo? Nasuri na ba ninyo ang lahat ng ito? Nahusgahan na ba ninyong lahat at naikumpara ito sa kakatiting na konsensya sa inyong kalooban? Sino ang magiging karapat-dapat sa inyong mga salita at pagkilos? Karapat-dapat kaya ang napakaliit na sakripisyo ninyo sa lahat ng Aking naipagkaloob sa inyo? Wala Akong ibang magagawa at buong-puso na Akong naging tapat sa inyo, subalit nagkikimkim kayo ng masasamang layon at wala kayong interes sa Akin. Iyan ang lawak ng inyong tungkulin, ng inyong tanging tungkulin. Hindi ba ganito? Hindi ba ninyo alam na lubos kayong bigong gampanan ang tungkulin ng isang nilalang? Paano kayo maituturing bilang isang nilalang?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.