Paano ba maisasagawa nang husto ng isang tao ang kanyang tungkulin
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sa pariralang “ang sapat na pagtupad ng tungkulin,” ang diin ay nasa salitang “sapat.” Kaya, paano dapat bigyang-kahulugan ang “sapat?” Dito, gayundin, ay may katotohanang dapat hanapin. Sapat na ba ang makagawa lang ng kapasa-pasang trabaho? Para sa partikular na mga detalye kung paano unawain at ituring ang salitang “sapat,” dapat mong maunawaan ang maraming katotohanan at higit pang magbahagi sa katotohanan. Sa pagtupad ng iyong tungkulin, dapat mong maunawaan ang katotohanan at ang mga prinsipyo nito; saka mo lang mararating ang sapat na pagtupad ng tungkulin. Bakit dapat tuparin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin? Sa sandaling nanampalataya sila sa Diyos at tinanggap na ang Kanyang tagubilin, ang mga tao ay may kani-kanilang pananagutan at obligasyon sa gawain ng tahanan ng Diyos at sa lugar ng gawain ng Diyos, at, kaya naman, dahil sa pananagutan at obligasyong ito, naging bahagi na sila sa gawain ng Diyos—isang bahagi ng mga layon ng Kanyang gawain at isang bahagi ng mga layon ng Kanyang pagliligtas. Sa gayon, may talagang malaking ugnayan sa pagitan ng pagliligtas sa mga tao at kung paano nila tinutupad ang kanilang mga tungkulin, kung mahusay ba nilang nagagawa ang mga ito, at kung nagagawa ba nila nang sapat ang mga ito. Yamang naging bahagi ka na ng tahanan ng Diyos at tinanggap ang Kanyang tagubilin, mayroon ka na ngayong tungkulin. Hindi ikaw ang magsasabi kung paano mo dapat tuparin ang tungkuling ito; ang Diyos ang magsasabi, at ito ay itinatakda ng mga pamantayan ng katotohanan. Samakatuwid, dapat maunawaan ng mga tao at maging malinaw sa kanila kung paano sinusukat ng Diyos ang mga bagay—kapaki-pakinabang na hangarin ang bagay na ito. Sa gawain ng Diyos, tumatanggap ng magkakaibang tungkulin ang magkakaibang tao. Ibig sabihin, tumatanggap ang mga tao ng mga tungkulin na naiiba batay sa kanilang mga kaloob, kakayahan, edad, kalagayan, at kapanahunan. Anumang tungkulin ang ibinigay sa iyo, at sa anumang kapanahunan o pangyayari mo tinanggap ito, ang tungkulin ay tungkulin lang; hindi ito isang bagay na pinamamahalaan ng isang tao. Sa huli, ang hinihinging pamantayan ng Diyos sa iyo ay ang tuparin mo nang sapat ang iyong tungkulin. Paano dapat ipaliwanag ang salitang “sapat?” Ang ibig sabihin nito ay dapat mong matugunan ang mga hinihingi ng Diyos at mapalugod Siya, at ang iyong gawain ay dapat matawag ng Diyos na sapat at mabigyan ng pagsang-ayon Niya; saka mo lang matutupad nang sapat ang iyong tungkulin. Kapag sinabi ng Diyos na hindi sapat ang iyong gawain, ibig sabihin ay hindi mo natupad nang mabuti ang iyong tungkulin. Bagaman ginagawa mo ang iyong tungkulin at kinikilala Niya na nagawa mo ito, kung hindi mo ito ginagawa nang sapat, ano kaya ang magiging mga kahihinatnan? Sa malulubhang kaso, maaaring maglaho o mawasak ang mga pag-asa ng kaligtasan ng mga tao; sa hindi gaanong malulubhang kaso, maaaring pagkaitan sila ng kanilang karapatang tuparin ang kanilang mga tungkulin. Matapos mapagkaitan ng gayong mga karapatan, isinasantabi ang ilang tao, pagkatapos ay magkakahiwalay silang inaasikaso at isinasaayos. Ibig bang sabihin ng magkakahiwalay na inaasikaso at isinasaayos ay inalis na sila? Hindi naman; hihintayin at titingnan ng Diyos kung paano kumilos ang mga taong ito. Kaya, napakahalaga kung paano tinutupad ng isang tao ang kanyang tungkulin. Dapat itong ituring ng mga tao nang may ingat at seryosohin ito, at ituring ito bilang isang napakahalagang bagay sa kanilang pagpasok sa buhay at sa kanilang pagtatamo ng kaligtasan; hindi nila ito dapat ituring nang basta-basta.
Hinango mula sa “Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Dapat maunawaan ng lahat ng nananalig sa Diyos ang Kanyang kalooban. Yaon lamang mga tumutupad nang wasto sa kanilang mga tungkulin ang makalulugod sa Diyos, at sa pagkumpleto lamang ng mga atas na ipinagkakatiwala Niya sa kanila magiging kasiya-siya ang pagganap ng isang tao sa kanilang tungkulin. May mga pamantayan para sa pagsasakatuparan ng atas ng Diyos. Sinabi ng Panginoong Jesus: “At iibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pag-iisip mo, at ng buong lakas mo.” Ang pagmamahal sa Diyos ay isang aspeto ng hinihiling ng Diyos sa mga tao. Ang totoo, basta’t binigyan na ng Diyos ng isang atas ang mga tao, at basta’t naniniwala sila sa Kanya at ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, ito ang mga pamantayang hinihiling Niya sa kanila: na kumilos sila nang buong puso, at nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip, at nang buong lakas nila. Kung naroroon ka ngunit malayo ang puso mo—kung naroon ang alaala at mga iniisip mo, ngunit hindi ang puso mo—at kung isinasakatuparan mo ang mga bagay sa pamamagitan ng sarili mong mga kakayahan, isinasagawa mo ba ang atas ng Diyos? Kaya, ano ang pamantayang kailangang tugunan para maisagawa ang atas ng Diyos, at magampanan ang iyong tungkulin nang tapat at maayos? Iyon ay ang gawin ang iyong tungkulin nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong lakas mo. Kung tatangkain mong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin nang walang pusong nagmamahal sa Diyos, hindi iyon uubra. Kung tumitindi at lalo pang nagiging mas tunay ang pagmamahal mo sa Diyos, likas mong magagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong pag-iisip mo, at buong lakas mo.
Hinango mula sa “Kung Ano Talaga ang Inaasahan ng mga Tao para Mabuhay” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Anumang tungkulin ang iyong tinutupad, dapat mong palaging hangaring arukin ang kalooban ng Diyos at unawain kung ano ang Kanyang mga ipinagagawa sa iyong tungkulin; saka mo lamang maisasagawa ang mga bagay-bagay sa isang maprinsipyong paraan. Sa pagganap sa iyong tungkulin, hindi ka talaga maaaring sumunod sa iyong personal na mga kagustuhan, sa paggawa lamang ng anumang gusto mong gawin, anumang magpapasaya sa iyo at komportable kang gawin, o anumang makakaganda sa iyo. Kapag puwersahan mong iginiit ang iyong mga kagustuhan sa Diyos o isinasagawa ang iyong mga kagustuhan na parang ang mga ito ang katotohanan, sinusunod ang mga ito na parang mga katotohanang prinsipyo, kung gayon hindi iyan pagtupad sa iyong tungkulin at ang pagganap sa iyong tungkulin sa ganitong paraan ay hindi maaalala ng Diyos. Hindi nauunawaan ng ibang tao ang katotohanan, at hindi nila alam kung ano ang ibig sabihin ng tuparin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Sa tingin nila dahil ibinigay na nila ang kanilang buong puso at buong pagsisikap para rito, tinalikdan ang kanilang laman at nagdusa, dapat ay abot na sa pamantayan ang pagtupad nila ng kanilang mga tungkulin—ngunit bakit, kung gayon, palaging hindi nasisiyahan ang Diyos? Saan nagkamali ang mga taong ito? Ang pagkakamali nila ay na hindi nila hinahanap ang mga hinihingi ng Diyos, at sa halip ay kumikilos sila ayon sa mga sarili nilang ideya; itinuring nilang katotohanan ang mga sarili nilang hangarin, kagustuhan, at mga makasariling motibo, at itinuring nila ang mga ito na para bang ang mga ito ang gustung-gusto ng Diyos, na para bang ang mga ito ang Kanyang mga pamantayan at hinihingi. Itinuring nilang katotohanan ang pinaniwalaan nilang tama, mabuti, at maganda; mali ito. Ang totoo, kahit maaaring iniisip minsan ng mga tao na tama ang isang bagay at na umaayon ito sa katotohanan, hindi ito agad nangangahulugan na umaayon ito sa kalooban ng Diyos. Habang mas iniisip ng mga tao na tama ang isang bagay, lalo dapat silang maging maingat at lalo nilang dapat hanapin ang katotohanan upang makita kung natutugunan ng iniisip nila ang mga hinihingi ng Diyos. Kung sumasalungat ito sa Kanyang mga hinihingi at sa Kanyang mga salita, mali ka na isiping tama ito, isa lamang itong kaisipan ng tao, at maaaring hindi umaayon sa katotohanan gaano mo man naiisip na tama ito. Ang pagtukoy mo ng tama at mali ay kailangang nakabatay sa mga salita ng Diyos lamang, at gaano mo man naiisip na tama ang isang bagay, kung hindi ito nakabatay sa mga salita ng Diyos, kailangan mo itong iwaksi. Ano ang tungkulin? Ito ay isang tagubiling ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao. Kaya paano mo dapat tuparin ang iyong tungkulin? Sa pagkilos alinsunod sa mga hinihiling at pamantayan ng Diyos, at sa pagbatay ng iyong pag-uugali sa mga katotohanang prinsipyo sa halip na sa mga pansariling hangarin ng tao. Sa ganitong paraan, aayon sa pamantayan ang pagtupad mo sa iyong mga tungkulin.
Hinango mula sa “Tanging sa Paghahanap ng mga Prinsipyo ng Katotohanan Nagagampanan nang Maigi ng Isa ang Kanyang Tungkulin” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Kapag tinutupad ang iyong tungkulin, dapat mong suriin palagi ang iyong sarili upang makita kung ginagawa mo ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo, kung ang pagganap mo sa iyong tungkulin ay abot sa pamantayan, kung ginagawa mo lamang ang mga iyon nang paimbabaw o hindi, kung nasubukan mo nang iwasan ang iyong mga responsibilidad, at kung may anumang mga problema sa iyong pag-uugali at sa paraan ng iyong pag-iisip. Sa sandaling nakapagmuni-muni ka na at naging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, magiging mas madali ang pagtupad mo sa iyong tungkulin. Anuman ang maranasan mo habang ginagawa mo ang iyong tungkulin—pagiging negatibo at mahina, o pagkakaroon ng masamang pakiramdam matapos kang mapakitunguhan—dapat mo itong tratuhin nang maayos, at kailangan mo ring hanapin ang katotohanan at unawain ang kalooban ng Diyos. Sa paggawa ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng isang landas sa pagsasagawa. Kung nais mong maging maganda ang iyong trabaho sa pagtupad sa iyong tungkulin, kailangan ay huwag kang paapekto sa iyong pakiramdam. Gaano man ka-negatibo o kahina ang iyong nararamdaman, dapat mong isagawa ang katotohanan sa lahat ng iyong ginagawa, nang may ganap na kahigpitan, at pagsunod sa mga prinsipyo. Kung gagawin mo ito, hindi ka lamang sasang-ayunan ng ibang tao, kundi magugustuhan ka rin ng Diyos. Sa gayon, ikaw ay magiging isang taong responsable at bumabalikat ng pasanin; magiging isa kang tunay na mabuting tao na talagang tumutupad sa iyong mga tungkulin nang abot sa pamantayan at lubos na isinasabuhay ang wangis ng isang tunay na tao. Ang gayong mga tao ay pinadadalisay at nagkakamit ng tunay na pagbabago kapag tumutupad sa kanilang mga tungkulin, at masasabing matapat sa mga mata ng Diyos. Matatapat na tao lamang ang kayang magtiyaga sa pagsasagawa ng katotohanan at nagtatagumpay sa pagkilos nang may prinsipyo, at maaaring makatupad ng kanilang mga tungkulin na abot sa pamantayan. Ang mga taong kumikilos nang may prinsipyo ay tumutupad na maigi sa kanilang mga tungkulin kapag maganda ang pakiramdam nila; hindi sila nagtatrabaho lamang nang paimbabaw, hindi sila arogante at hindi nagpapasikat nang may kayabangan para gumanda ang reputasyon nila sa iba. Gayunpaman, kapag masama ang pakiramdam nila, tinatapos nila ang kanilang pang-araw-araw na mga gawain nang gayon din kasigasig at karesponsable, at kahit nagdaranas sila ng isang bagay na nakakasama sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, o na medyo gumigipit sa kanila o gumagambala sa kanila habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, nagagawa pa rin nilang manahimik sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing, “Gaano man kalaki ang problema ko—kahit bumagsak pa ang kalangitan—basta’t tinutulutan ako ng Diyos na patuloy na mabuhay, determinado akong gawin ang lahat para tuparin ko ang aking tungkulin. Bawa’t araw na tinutulutan akong mabuhay ay isang araw na magtatrabaho ako nang husto sa pagganap sa aking tungkulin nang sa gayon ako ay karapat-dapat sa tungkuling ito na ipinagkaloob sa akin ng Diyos, gayundin sa hiningang ito na ipinasok niya sa aking katawan. Gaano man ako nahihirapan, isasantabi ko ang lahat ng iyon, sapagka’t ang pagtupad sa aking tungkulin ang pinakamahalaga!” Yaong mga hindi apektado ng sinumang tao, anumang kaganapan, bagay, o kapaligiran, na hindi kontrolado ng anumang pakiramdam o sitwasyon sa labas, at inuuna sa lahat ang kanilang mga tungkulin at atas na naipagkatiwala sa kanila ng Diyos—sila ang mga taong matapat sa Diyos at tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang ganitong mga tao ay nakamtan na ang pagpasok sa buhay at nakapasok na sa katotohanang realidad. Ito ay isa sa pinakapraktikal at tunay na mga pagpapahayag ng pagsasabuhay ng katotohanan.
Hinango mula sa “Ang Pagpasok sa Buhay ay Dapat Magsimula sa Karanasan ng Pagganap sa Tungkulin ng Isa” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Ang walang ingat at walang interes na pagganap sa tungkulin ay isang malinaw at karaniwang problema, ngunit mahirap itong alisin at mahirap lutasin. Matuto ka munang maging seryoso, mahigpit, responsable, masigasig, at tapat sa iyong mga kilos, dahan-dahan at patuloy na pinagtatagumpayan iyon. Mamili kang huwag gawin ang isang bagay o gawin mo iyon nang maayos, sa puntong masisiyahan ka roon at maaabot noon ang uliran. Ang mas mainam pa, magawa mong hanapin ang mga prinsipyo ng bagay na iyon at gawin iyon ayon sa mga prinsipyong iyon. Bagama’t maaaring mangailangan ito ng higit na pagsisikap, at maaaring mapalipas mo ang pagkain o kaunting paglilibang, gawin mo pa rin nang maayos ang bagay na iyon, nang hindi nagiging walang ingat o walang interes—at kung hindi mo nauunawaan ang bagay na iyon, huwag kang magkunwari, kundi gawin iyon ayon sa pagkaunawa mo. Madali bang lutasin ang kawalang-ingat at kawalan ng interes? Araw-araw, bago mo gawin ang iyong tungkulin, manalangin ka sa Diyos. Sabihin mong: “Diyos ko, sisimulan ko na ang aking tungkulin. Kung ako ay walang ingat at walang interes, hinihiling ko na disiplinahin at pagsabihan Mo ako sa puso ko. Hinihiling ko rin na akayin Mo ako nang matupad ko nang maayos ang aking tungkulin at hindi ako mawalan ng ingat at interes.” Magsagawa ka sa ganitong paraan bawat araw at tingnan mo kung gaano katagal bago malutas ang problema na pagganap sa iyong tungkulin nang walang ingat at walang interes, kung gaano katagal bago unti-unting mabawasan ang iyong kawalan ng ingat at interes sa pagganap sa iyong tungkulin, na isinasagawa ito nang may mas kakaunting kahalo, at nang may pabuti nang pabuting praktikal na mga resulta, at nang may pagaling nang pagaling na kahusayan kaysa dati. Ang magampanan ang iyong tungkulin nang hindi nawawalan ng ingat o interes—kaya mo bang gawin ito nang mag-isa? Isang bagay ba ito na kaya mong kontroling mag-isa? (Hindi ito madaling kontrolin.) Nakakaabala iyon. Kung talagang mahirap itong kontrolin, malaki nga talaga ang mga problema ninyo! Ano, kung gayon, ang magagawa ninyo nang hindi kayo nawawalan ng ingat o interes? Kumain? Maglaro? Magbihis at maglagay ng kolorete? Kapag naglalagay ng kolorete ang ilang babae, hindi nila pinalalampas ni isang buhok sa kanilang mga kilay o ulo. Kung kikilos kayo nang may ganito kaingat na ugali, hindi rin ninyo magagawang mawalan ng ingat o interes. Lutasin muna ang problema na kawalang-ingat at kawalan ng interes, at pagkatapos ay lutasin ang problema na pagkilos ayon sa sarili mong kagustuhan. Karaniwan din ang pagkilos ayon sa sariling kagustuhan ng isang tao, at madali rin itong mapansin sa sarili. Kung minsan, sa isang mabilis na pagsusuri ng iyong isipan at mga iniisip, mapapansin mo iyon at sasabihin mong: “Ang ginagawa ko ay naaayon sa sarili kong kagustuhan. Alam ko ang dapat kong gawin, ayon sa mga prinsipyo, ngunit hindi ko iyon ginagawa.” Hindi ba madaling mapansin ang bagay na ito? (Oo.) Kung gayon ay kaya dapat itong lutasin. Italaga muna ninyo ang inyong sarili sa dalawang isyung ito, ang isa ay ang paglutas sa problema ng kawalang-ingat at kawalan ng interes at ang isa pa ay ang pagkilos ayon sa sarili ninyong kagustuhan. Magsikap, pagkaraan ng isa o dalawang taon, na huwag maging walang ingat o walang interes, ni kumilos ayon sa sarili ninyong kagustuhan—nang hindi hinahaluan ng personal ninyong kagustuhan—sa anumang ginagawa ninyo. Sa sandaling malutas ang dalawang problemang ito, malapit nang maging kasiya-siya ang pagsasagawa ninyo ng inyong tungkulin. At kung hindi ninyo malutas ang mga ito, malayo pa ring sundin ninyo ang Diyos o isaalang-alang ang Kanyang kalooban. Ni hindi pa ninyo nasisimulang gawin ito.
Hinango mula sa “Pagkilala sa mga Huwad na Lider (5)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Anupamang uri ng tungkulin ang iyong ginagampanan o anong kasanayang propesyunal ang iyong pinag-aaralan, magiging higit kang mahusay dito sa paglipas ng panahon. Kung patuloy mong pinagsisikapang umunlad, huhusay ka nang huhusay. Kung hindi mo seseryosohin ang anumang bagay, maging ang mga bagay na natutuhan mo ay mawawalan ng silbi. Kung hindi mo sineseryoso maging ang mga bagay na maaari mong magamit at wala kang ideya kung ano ang kalalabasan ng mga ito, at walang sinuman na nakakaunawa ang gagabay sa iyo, hindi ka kailanman makagagawa ng anumang pagsulong, at ang mga kasanayang natutuhan mo ay masasayang. Sa pag-aaral ng kahit ano, madaling matutuhan ang teorya nito, ngunit hindi ito ganoon kadaling isagawa. Kung nais mong maitaas ang teorya sa pagsasagawa, at pagkaraan ay lalo pang itaas ito sa pamamagitan ng pagkakamit ng anumang bagay mula sa isang pundasyon ng pagsasagawa, gamit nang lubos ang iyong mga kalakasan, o ipinatutupad ang iyong natutuhan sa pagsasanay at nagkakamit ng mga resulta, ano ang dapat mong gawin? Dapat kang gumugol ng higit na maraming panahon sa pag-aaral ng mga kasanayang propesyunal at paghahanap ng lahat ng uri ng materyales tungkol sa mga ito; sa lahat ng kanilang mga aspekto, dapat kang tuloy-tuloy na mag-aral, tuloy-tuloy na maghanap, tuloy-tuloy na magpalakas sa iyong mga kahinaan gamit ang kalakasan ng iba, inaalam kung anong dapat at kailangan mong malaman mula sa iba. Sa ganitong paraan, ang iyong mga propesyunal na kasanayan ay patuloy na uunlad. Kapag sinabi sa iyo ng iba kung paano gawin ang isang bagay, dapat mong subukang unawain at pag-isipan itong mabuti. Kung may magsabi sa iyo ng isang bagay, alam mo kung ano ang sinasabi nila at kinikilalang ito ay isang mabuting paraan ng paggawa ng mga bagay, ngunit pag-iisipan mo ito pagkaraan at sasabihin sa iyong sarili, “Pwede na,” anong uring ugali ang mayroon ka? Maging patungkol sa mga propesyunal na kasanayan at mga pinagdalubhasaan, o patungkol sa iyong pagsusumikap para sa katotohanan sa iyong pananampalataya, ang iyong pag-uugali ay masama—ito ay kawalan ng interes. Anong uri ng disposisyon ito? Ito ay kayabangan, hindi ito pagmamahal sa mga positibong bagay, ito ay pagmamatigas. Makikita ba sa inyo ang ganoong mga bagay? (Oo.) Madalas ba silang makikita, paminsan-minsan, o sa ilang mga pagkakataon lamang? (Madalas.) Sadyang taos-puso at tapat ang inyong ugali patungkol sa pagkilala sa ganitong uri ng disposisyon, ngunit hindi sapat ang pagkilala lang; kung wala kang ibang ginagawa maliban sa kilalanin ito, imposible ang pagbabago. Kaya, paano ka magbabago? Kapag nahayag sa mga tao ang isang mapagmataas na disposisyon, at ang pag-uugali ng mga tao ay ang kawalan ng interes, pagpapabaya, at pagiging burara, dapat nilang tiyakin na lumapit sa Diyos at kaagad manalangin, hayaan ang kanilang sariling iwasto at disiplinahin ng Diyos, tanggapin ang paglilitis ng Diyos gayundin ang pagdidisiplina ng Diyos; higit dito, dapat nilang kilalanin kung paano lumilitaw ang aspektong ito ng kanilang disposisyon at kung paano ito mababago. Ang layunin ng pag-alam ay pagbabago. Kaya’t paano makakamit ang ganitong pagbabago? Ano ang dapat maging unang hakbang? Dapat munang manalangin ang mga tao, unahing lumapit sa Diyos, tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, at tanggapin ang Kanyang pagdidisiplina, pagkaraan ay dapat silang aktibong makipagtulungan. Paano sila dapat makipagtulungan? Kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin, sa sandaling makita nila ang kanilang sariling nag-iisip ng “pwede na,” dapat nilang iwasto ang kanilang sarili at huwag mag-isip sa ganoong paraan. Kapag lumilitaw ang isang mapagmataas na disposisyon, sa iyong puso, dapat mong madama ang pagsumbat—ang pagsumbat at pagkastigo ng Diyos; dapat kang bumalik agad: “nagkamali ako ngayon lang. Muli na naman, malapit na akong maghayag ng isang tiwali, mala-satanas na disposisyon; na mapangunahan ng isang mala-satanas na disposisyon; na hahayaang humawak ng kapangyarihan si Satanas; na maging walang interes. Dapat akong disiplinahin!” Kung may maramdaman kang panunumbat, dapat mong ikumpisal ang iyong mga kasalanan sa harap ng Diyos at ibalik ang iyong sarili. Paano mo dapat ikumpisal ang iyong mga kasalanan? Hindi na kailangang gumamit ng isang seryosong pag-uugali at lumuhod, magpatirapa, at manalangin sa Diyos. Hindi ito kinakailangang gawin. Nakikipagtalastasan ka sa Diyos sa iyong puso, sinasabing, “Diyos, nagkamali ako, muntik na naman akong maging pabaya at walang interes. Nagsusumamo ako sa Iyo na matyagan ako; hindi ko nais na mapangibabawan ako ng aking tiwaling disposisyon o mapamahalaan ang kabuuan ko. Nais kong utusan ako ng Diyos, at hiling kong magsanay alinsunod sa katotohanan. Nagsusumamo ako sa Iyo na matyagan ako.” Kapag nanalangin ka ng tulad nito, magbabago ang kalagayan sa loob mo. Ano ang layunin ng pagbabago ng iyong kalagayan? Ito ay upang tulutan kang maibalik ang iyong sarili nang matagumpay, upang tulutan kang maging matapat, masunurin, at mapagtanggap ng sumbat at disiplina ng Diyos nang walang kompromiso. Ito ang paraan kung paano mo ibabalik ang iyong sarili. Kung ikaw ay muli na namang magiging walang interes, kung muli mong pababayaan ang iyong tungkulin, magagawa mong bumalik kaagad dahil sa disiplina at sumbat ng Diyos—at hindi ka ba sa gayon maliligtas mula sa iyong kapabayaan? Hindi ba matutubos ang iyong paglabag? Ito ba ay isang bagay na mabuti o masama? Ito ay isang mabuting bagay.
Minsan, matapos ang isang gawain, nakararamdam ka ng kaunting pagkabalisa sa iyong puso. Sa masusing pagsisiyasat, nalalaman mong mayroon talagang problema. Dapat itong iwasto, pagkaraan ay makararamdam ka ng kaginhawaan. Ang iyong pagkabalisa ay nagpapatunay na may isang suliranin na kailangan mong paglaanan ng dagdag na oras at dapat mong bigyang pansin nang mabuti. Ito ay isang seryoso, responsableng pag-uugali sa pagganap ng tungkulin. Kapag ang isang tao ay makakayang maging seryoso, responsable, nakalaan, at masipag, magagawa nang maayos ang gawain. Minsan, wala kang gayong puso, at hindi ka makahanap o makatuklas ng isang pagkakamali na mas malinaw pa sa araw. Kung magtataglay ng ganoong puso ang isang tao, kasama ng paghihikayat at patnubay ng Banal na Espiritu, magagawa nilang tukuyin ang usapin. Ngunit kung ginabayan ka ng Banal na Espiritu at binigyan ka ng gayong kamalayan, tinutulutan kang maramdaman na may bagay na mali, ngunit wala ka naman ng gayong puso, hindi mo pa rin kakayaning tukuyin ang suliranin. Kaya, ano ang ipinakikita nito? Ipinakikita nito na napakahalaga na nakikipagtulungan ang mga tao; napakahalaga ng kanilang mga puso, at napakahalaga kung saan sila nagtutuon ng kanilang mga kaisipan at layunin. Nagsisiyasat ang Diyos at nakakayang makita kung ano ang kinikimkim ng mga tao sa kanilang puso kapag tumutupad sila sa kanilang tungkulin, at kung gaanong lakas ang iniuukol nila. Napakahalaga na iniuukol ng mga tao ang kanilang buong puso at lakas sa kanilang ginagawa. Napakahalagang sangkap din ng pakikipagtulungan. Tanging sa pagsisikap ng mga tao na walang pagsisihan tungkol sa mga tungkuling kanilang naisagawa at mga bagay na kanilang nagawa, at hindi magkaroon ng pagkakautang sa Diyos, makakikilos sila nang buong at lakas. Kung hindi mo ibinibigay ngayon ang iyong buong puso at lakas, sa gayon, kapag may nangyaring mali kalaunan, at may mga kinahinatnan, hindi ba magiging huli na para sa mga pagsisisi? Habambuhay ka nang may pagkakautang, at iyan ay magiging batik sa iyo! Ang batik sa pagsasagawa ng tungkulin ay isang paglabag. Dapat mong sikaping gawin nang nararapat ang bahagi ng mga bagay na dapat at kailangan mong gawin nang buong puso at lakas. Hindi dapat ginagawa ang mga bagay na iyon nang walang ingat at walang interes; hindi ka dapat magkaroon ng mga pagsisisi. Sa ganitong paraan, ang mga tungkuling ginagawa mo ngayon ay matatandaan ng Diyos. Yaong mga bagay na natatandaan ng Diyos ay magagandang gawa. Ano, kung gayon, ang mga bagay na hindi natatandaan? Ang mga paglabag. Maaaring hindi tanggapin ng mga tao na masasamang gawa ang mga ito kung inilalarawan ang mga ito nang gayon sa ngayon, ngunit kapag dumating ang araw na may malubha nang kahihinatnan sa mga bagay na ito, at naging negatibong impluwensiya ang mga ito, kung gayon ay madarama mo na ang mga bagay na ito ay hindi lamang mga paglabag sa pag-uugali bagkus ay masasamang gawa. Kapag napagtanto mo ito, magsisisi ka, at iisipin sa sarili: dapat ay pinili ko nang umiwas! Kung bahagya ko man lamang napag-isipan at napagsikapan, hindi ko sana kinakaharap ang suliraning ito. Walang makabubura ng walang-hanggang batik na ito sa iyong puso, at magiging dahilan ito ng gulo kung ilalagay ka nito sa palagiang pagkakautang. Kaya, ngayon, sa tuwing ginagampanan mo ang iyong tungkulin, o tumatanggap ng isang gawain, dapat ninyong sikaping gampanan ito nang buong lakas at buong puso ninyo. Dapat ninyong gampanan ito nang malaya kayo sa pagkakasala at panghihinayang, upang ito ay matandaan ng Diyos, at isa itong mabuting gawa. Huwag kumilos nang pabaya at walang interes, na bukas ang isang mata at nakapikit ang isa; pagsisisihan ninyo ito, at hindi makagagawa ng mga pagtitika. Ito ang bubuo sa paglabag, at sa huli, sa inyong puso, lalaging may pagkakasala, pagkakautang, at pagpaparatang. Alin sa dalawang landas na ito ang pinakamahusay? Aling landas ang tamang daan? Ginagampanan ang iyong tungkulin nang buong puso at lakas, at naghahanda at nagtitipon ng mabubuting gawa, nang walang anumang pagsisisi. Huwag hayaang maipon ang inyong mga paglabag, pagsisihan ang mga ito, at mahulog sa pagkakautang. Anong mangyayari kapag ang isang tao ay nakagawa ng napakaraming paglabag? Dinadagdagan nila ang galit ng Diyos sa kanila sa Kanyang presensya! Kung lumabag ka nang lumabag, at higit na tumindi ang poot ng Diyos sa iyo, sa huli, ikaw ay parurusahan.
Hinango mula sa “Paano Lulutasin ang Suliranin ng Pagiging Pabaya at Kawalan ng Sigla Habang Gumaganap sa Iyong Tungkulin” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Kapag ginagampanan ng mga tao ang kanilang tungkulin, ginagawa nila sa katunayan ang dapat nilang gawin. Ngunit kung ginagawa mo ito sa harap ng Diyos, kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin nang may pag-uugali ng katapatan at may puso, hindi ba’t mas magiging tama ang ugaling ito? Kaya paano mo dapat gamitin ang ugaling ito sa iyong pang-araw-araw na buhay? Dapat mong gawing realidad mo ang “pagsamba sa Diyos nang may puso at katapatan.” Tuwing gusto mong magpakakupad at tapusin lamang ang gawain, tuwing gusto mong kumilos sa tusong paraan at maging tamad, at tuwing tinutulutan mo ang iyong sarili na magambala, dapat mong pag-isipan iyan: “Sa pagkilos nang ganito, hindi ba ako mapagkakatiwalaan? Ganito ba ang pagsisikap kong gawin ang aking tungkulin? Hindi ba ako tapat sa paggawa nito? Sa paggawa nito, nabibigo ba akong tuparin ang inaasahan sa akin sa atas na naipagkatiwala ng Diyos sa akin?” Ganito ka dapat magmuni-muni sa sarili mo. Yamang hindi matapat ang gayong pagkilos, at masakit iyon sa Diyos, ano ang dapat mong gawin? Dapat mong sabihin, “Hindi ko sineryoso ito. Noong araw, pakiramdam ko may problema, pero hindi ko itinuring na mabigat iyon; basta binalewala ko lamang iyon. Sa tuwing nadama ko na may problema, binalewala ko iyon. Ngayon ay hindi pa rin nalulutas ang problemang ito. Talagang masama ako!” Natukoy mo na ang problema at nakilala nang kaunti ang iyong sarili. Sapat ba ang kaunting kaalaman? Sapat mo na bang naipagtapat ang iyong mga kasalanan? Kailangan mong magsisi at magbagumbuhay! At paano ka makakapagbagumbuhay? Noon, mali ang pag-uugali at pag-iisip mo sa pagganap mo ng iyong tungkulin, wala rito ang loob mo, at hindi mo kailanman inasikaso ang mga tamang bagay. Ngayon, dapat mong itakda ang saloobin mo sa wastong pagganap sa iyong tungkulin, dapat kang manalangin sa harap ng Diyos, at kapag nariyan uli ang mga dati mong saloobin at ugali, dapat mong hilingin sa Diyos na disiplinahin ka at ituwid. Bilisan mong tukuyin ang mga larangan kung saan ka naging walang ingat at walang pakialam noon. Isipin mo kung paano mo maitatama ang mga ito, at pagkatapos maitama ang mga ito, muli kang maghanap, at manalangin, at pagkatapos ay tanungin mo ang iyong mga kapatid kung mayroon silang anumang mas mahusay na mga mungkahi at rekomendasyon, hanggang sa sumang-ayon ang lahat na nagawa mo ang tama. Saka ka lamang mapagtitibay. Madarama mong sa oras na ito, nagawa mo na ang iyong tungkulin nang abot sa pamantayan, at nagawa mo na ang iyong pinakamakakaya, at ibinigay rito ang iyong puso, at ibinigay rito ang buo mong makakaya; madarama mong nagawa mo na ang lahat ng iyong magagawa, nang walang pagsisisi. Kapag nagbibigay ng salaysay sa harap ng Diyos, magiging malinis ang iyong budhi, at sasabihin mong, “Kahit na bigyan lamang ng Diyos ng grado na 60% ang aking tungkulin, ibinigay ko rito ang bawat onsa ng lakas sa aking katawan, ibinigay ko rito ang buong puso ko, hindi ako naging tamad, hindi ko sinubukang kumilos sa tusong paraan, at wala akong pinigil.” Hindi ba ito pagkuha ng mga realidad ng pagbibigay ng iyong buong puso, buong isip, at buong lakas sa iyong tungkulin at paggamit ng mga ito sa iyong pang-araw-araw na buhay? Hindi ba ito pagsasabuhay ng mga realidad ng katotohanan na ito? At anong nararamdaman mo, sa iyong puso, kapag isinasabuhay mo ang mga realidad na ito? Hindi mo ba nararamdaman na para kang nabubuhay nang may kaunting pagkakahawig sa tao, at hindi na tulad ng mga naglalakad na patay?
Hinango mula sa “Nagmumula ang Landas sa Madalas na Pagninilay-Nilay sa Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Yaong mga may kakayahang magsagawa ng katotohanan ay makakayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa paggawa ng mga bagay. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, naitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba at hindi tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, kung gayon, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang mga taong tulad nito ay walang paggalang sa Diyos. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag isipin ang iyong sariling katayuan, katanyagan, o reputasyon. Huwag mo ring isaalang-alang ang mga interes ng tao. Kailangan mo munang isipin ang mga interes ng bahay ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at magsimula sa pamamagitan ng pagmumuni-muni kung ikaw ay naging dalisay o hindi sa pagtupad mo sa iyong tungkulin, kung nagawa mo ang lahat ng iyong makakaya upang maging matapat, nagawa ang lahat ng iyong makakaya upang matupad ang iyong mga pananagutan, at naibigay ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo nang naisaisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng bahay ng Diyos. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Isipin mong madalas ang mga ito, at magiging higit na madali sa iyong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kung mahina ang iyong kakayahan, mababaw ang iyong karanasan, o hindi ka bihasa sa iyong mga propesyunal na gawain, kung gayon ay maaaring may ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at maaaring hindi maging napakaganda ng mga resulta—ngunit naibuhos mo na ang iyong buong pagsisikap. Kapag hindi mo iniisip ang iyong mga makasariling paghahangad o isinasaalang-alang ang iyong mga pansariling interes sa mga bagay na ginagawa mo, at sa halip ay nagbibigay ng palagiang pagsasaalang-alang sa gawain ng tahanan ng Diyos, taglay sa isip ang mga kapakanan nito, at ginagampanan nang mahusay ang iyong tungkulin, makakaipon ka, kung gayon, ng mabubuting gawa sa harap ng Diyos. Ang mga taong gumaganap sa mabubuting gawang ito ay yaong mga may angking katotohanang realidad; sa gayon, mayroon silang patotoo.
Hinango mula sa “Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Upang matamo ang kasapatan sa pagtupad ng tungkulin, mahalaga munang makamit ang nagkakasundong pagtutulungan sa pagtupad nito. May ilang kasalukuyang nagsasagawa sa direksyong ito, na nangangahulugang matapos makapakinig sa katotohanan, sinimulan na nilang gumawa nang naaayon sa prinsipyong ito, bagaman hindi nila magawang magtagumpay sa lubusang pagsasagawa sa katotohanan nang isandaang porsiyento. Sa proseso, maaari silang mabigo o manghina, at lumihis, at madalas na magkamali, subalit ang landas na kanilang tinatahak ay lipos ng pagsisikap na magawang kumilos ayon sa prinsipyong ito. Halimbawa, bagaman maaaring nararamdaman mo kung minsan na tama ang iyong paraan ng pagsasagawa ng isang bagay, kung nasa sitwasyon ka na hindi nito maaantala ang kasalukuyang gawain, maaari mo ring hanapin ang mga kasama sa gawain o kasama sa pangkat upang talakayin ito. Magbahagi hanggang maging malinaw sa bagay na ito, hanggang maabot ang pagkakasundo sa isipan na ang paggawa nito sa isang partikular na paraan ang makapagtatamo ng pinakamainam na mga resulta, hindi lumalampas sa saklaw ng prinsipyo, para sa kapakinabangan ng tahanan ng Diyos, at magagawang pangalagaan nang sukdulan ang mga kapakanan ng tahanan ng Diyos. Bagaman ang pangwakas na resulta kung minsan ay maaaring hindi gaanong kasiya-siya, ang paraan, ang direksyon, at ang mithiin ng iyong gawain ay tama. Paano, kung gayon, ito titingnan ng Diyos? Paano Niya bibigyang-kahulugan ang bagay na ito? Sasabihin Niya na tinutupad mo nang sapat ang tungkuling ito.
Hinango mula sa “Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Upang matupad nang sapat ang tungkulin, hindi mahalaga kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos, kung gaano na ang nagawa mo sa iyong tungkulin, o kung gaano man karaming ambag na ang naibigay mo sa tahanan ng Diyos, lalo nang hindi mahalaga kung gaano na ang karanasan mo sa iyong tungkulin. Ang landas na tinatahak ng isang tao ang pangunahing bagay na tinitingnan ng Diyos. Sa madaling salita, tinitingnan Niya ang saloobin ng isang tao tungo sa katotohanan at sa mga prinsipyo, direksyon, pinagmulan at lakas na nasa likod ng mga pagkilos ng isang tao. Nakatuon sa mga bagay na ito ang Diyos; ang mga ito ang tumutukoy sa landas na iyong tinatahak. Kung, sa proseso ng pagtupad ng iyong tungkulin, hindi talaga makita sa iyo ang mga bagay na ito, at ang sarili mong mga kaisipan ang pinagmumulan ng iyong gawain, ang iyong lakas ay upang pangalagaan ang iyong pansariling mga kapakanan at ipagsanggalang ang iyong reputasyon at katayuan, ang iyong pamamaraan ng paggawa ay ang gumawa ng mga pagpapasya at kumilos nang mag-isa at ang gumawa ng pangwakas na desisyon, na hindi kailanman nakikipagtalakayan sa mga bagay-bagay kasama ng iba o nakikipagtulungan nang nagkakasundo, lalo nang hindi naghahanap ng katotohanan, kung gayon ay paano ka makikita ng Diyos? Hindi ka pa umaabot sa pamantayan kung ganyan mo ginagawa ang iyong tungkulin; hindi ka pa nakatapak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, dahil, habang ginagawa mo ang iyong gawain, hindi mo hinahanap ang katotohanang prinsipyo at laging kumikilos batay sa iyong nais. Ito ang dahilan kung bakit hindi kasiya-siyang natutupad ng karamihan sa mga tao ang kanilang mga tungkulin. Habang tinitingnan ito ngayon, mahirap bang tuparin nang sapat ang tungkulin ng isang tao? Sa katunayan, hindi ito mahirap; dapat lang magkaroon ang mga tao ng paninindigan ng pagpapakumbaba, magtaglay ng kaunting katinuan, at taglayin ang naaangkop na katayuan. Gaano man kataas sa inaakala mo ang iyong pinag-aralan, ano mang mga gantimpala ang napanalunan mo na, o gaano man ang natamo mo na, at gaano man kataas sa paniniwala mo ang iyong kakayahan at ranggo, dapat kang magsimula sa pamamagitan ng pagpapakawala sa mga bagay na ito—walang halaga ang mga ito. Sa tahanan ng Diyos, gaano man kalaki o kabuti ang mga bagay na iyon, hindi magiging higit na mataas kaysa sa katotohanan ang mga ito; hindi ang mga ito ang katotohanan, at hindi ito maaaring halinhan. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na dapat kayong magkaroon nitong bagay na tinatawag na katinuan. Kung sabihin mong, “Likas akong matalino, may isip akong napakatalas, listo ako, mabilis akong matuto, at labis na matalas ang aking memorya,” at lagi mong ginagamit ang mga ito bilang puhunan, sa gayon ay magiging sanhi ito ng gulo. Kung nakikita mo ang mga bagay na ito bilang siyang katotohanan, o bilang higit na mataas kaysa katotohanan, sa gayon ay magiging mahirap para sa iyong tanggapin ang katotohanan at isagawa ito. Pinakamahirap para sa mayayabang at mapagmataas na mga taong laging kumikilos na tila nakahihigit ang tanggapin ang katotohanan at pinakamalimit na mabigo. Kung malulutas ng isang tao ang usapin ng kanyang pagiging-mapagmataas, magiging madali na isagawa ang katotohanan. Kaya, dapat mo munang isuko at itatwa ang mga bagay na yaon na tila ay mabuti at matayog sa panlabas at nakapupukaw sa pagkainggit ng iba. Hindi katotohanan ang mga bagay na iyon; sa halip, mahahadlangan ka ng mga ito sa pagpasok sa katotohanan. Ang pinakamahalagang bagay na dapat gawin ngayon ay hanapin ang katotohanan, magsagawa nang naaayon sa katotohanan, at tuparin nang sapat ang iyong tungkulin, sapagkat ang sapat na pagtupad ng iyong tungkulin ang tanging unang hakbang tungo sa landas ng pagpasok sa buhay, na ang ibig sabihin ay isa itong pasimula. Sa bawat bagay, may isang pinakasaligan, pangunahing bagay, isang bagay na nagdadala sa iyo sa pinto, at ang pagtupad nang sapat sa iyong tungkulin ay isang landas na magdadala sa iyo sa pinto ng pagpasok sa buhay. Kung sadyang hindi nasasangkot ang “kasapatang” ito sa iyong pagtupad ng tungkulin, dapat kang magsikap. Paano dapat magsumikap? Hindi ibig sabihin na kailangan mong baguhin ang iyong karakter o talikuran ang iyong mga kaloob at propesyonal na mga kalakasan; maaari mong taglayin ang mga kalakasang ito at mga bagay na natutuhan mo na habang tinutupad ang iyong tungkulin, lahat ng ito ay habang hinahanap ang katotohanan at kumikilos nang naaayon sa katotohanang prinsipyo. Kung matamo mo ang pagpasok sa buhay habang tinutupad ang iyong tungkulin, magagawa mong tuparin nang sapat ang iyong tungkulin.
Hinango mula sa “Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Habang tinutupad ang iyong tungkulin, sa positibong panig ng mga bagay-bagay, maaari mong tratuhin nang tama ang iyong tungkulin, nang hindi sumusuko rito anumang sitwasyon ang makaharap mo. Kahit tumigil ang lahat ng iba pa sa paniniwala at pagganap sa kanilang mga tungkulin, kaya mo pa ring magpatuloy at hindi sumuko. Ibig sabihin, naiiwasan mong pabayaan ang iyong tungkulin, mula simula hanggang wakas, at nagtitiyaga at nananatili kang tapat hanggang wakas; sa ganitong paraan, tunay mo nang tinanggap ang iyong tungkulin bilang isang tungkulin. Kung nagagawa mo ito, sapat mo nang nagampanan ang iyong tungkulin. Ito ang positibong panig ng mga bagay-bagay. Gayunman, bago mo magawa ito, sa negatibong panig ng mga bagay-bagay, kailangang tiisin ng mga tao ang lahat ng uri ng tukso. Kung, habang tinutupad ang kanyang tungkulin, hindi natiis ng isang tao ang mga tukso at pinabayaan at tinalikuran na niya ang kanyang tungkulin, maaari pa ba siyang magkaroon ng kinalaman sa pagliligtas? Wala nang pag-asa ang taong iyon, at hindi na mahalaga pa kung siya ay sapat o hindi sapat; wala nang kinalaman sa kanya ang pagliligtas. Samakatuwid, kailangang mahigpit na panghawakan ng isang tao ang kanyang tungkulin. Para magawa iyon, una sa lahat, ang pinakamalaking hirap na kinakaharap ng lahat ay kung makakaya bang manindigan ng isang tao o hindi kapag naharap siya sa mga tukso. Anu-anong uri ng tukso ang mayroon? Pera, katayuan, mga relasyon sa kasalungat na kasarian, mga emosyon. Ano pa? Kung ang ilang tungkulin ay kinasasangkutan ng pagharap sa kaunting peligro, o magdudulot pa ng panganib sa buhay, at kung sa pagganap sa mga ito ay maaari kang mabilanggo o mamatay, gagawin mo pa ba ang mga ito? Paano mo gagampanan ang mga ito? Mga tukso ang lahat ng ganitong bagay. Madali bang daigin ang mga tuksong ito o hindi? Kinakailangan sa lahat ng ito na hanapin mo ang katotohanan. Sa paghahanap sa katotohanan, sa lahat ng tuksong ito na nakakaharap mo, kailangan mong unti-unting makahiwatig at magtamo ng kaalaman. Kilalanin mo ang diwa ng mga ito, unawain ang kanilang tunay na kulay, at alamin ang sarili mong diwa at mga tiwaling disposisyon; alamin mo ang sarili mong mga kahinaan, at madalas na magsumamo sa Diyos na protektahan ka at bigyan ng kakayahang tiisin ang mga tuksong ito. Kung matitiis mo ang mga ito, at makakahawak ka nang mahigpit sa iyong tungkulin anuman ang sitwasyong kalagyan mo, nang hindi tinatalikuran o tinatakbuhan ito, nangangalahati ka na patungo sa kaligtasan. Madali bang makarating sa kalahating markang ito? Sa bawat hakbang mo, may isang potensyal na peligro; puno ng panganib ang landas. Hindi ito madali! Kaya, mayroon bang mga tao na makita lang kung gaano kahirap ito ay nadarama na agad na lubhang nakakapagod ang buhay, at na mas mabuti pang mamatay na lang? Gusto nila ng mga pagpapala, ngunit ayaw nilang magdusa. Anong uri sila ng mga tao? Mahihina sila at mga walang silbi. Pagdating naman sa kung paano sapat na tuparin ang kanilang mga tungkulin, ano ang kahulugan ng pagiging sapat, ano ang mga pamantayan ng pagiging sapat, ang mga dahilang ibinigay ng Diyos para sa pamantayang ito ng pagiging sapat, at ang relasyon sa pagitan ng sapat na pagtupad sa tungkulin ng isang tao at ng pagpasok sa buhay, naunawaan na ng mga tao ang mga bagay na ito. Kung makararating ka kung saan mapanghahawakan mo nang mahigpit ang iyong tungkulin kahit kailan o kahit saan, nang hindi ka sumusuko rito, at matitiis mo ang lahat ng uri ng tukso, at pagkatapos ay mauunawaan at malalaman ang lahat ng iba’t ibang katotohanang hinihingi ng Diyos sa lahat ng iba’t ibang sitwasyong itinatakda Niya para sa iyo, sa pananaw ng Diyos, sapat ka na. May tatlong pangunahing sangkap sa pagiging sapat sa pagganap sa iyong tungkulin: Ang isa ay ang saloobin mo sa pagtrato sa iyong tungkulin, ang isa pa ay ang kakayahang tiisin ang lahat ng uri ng tukso sa proseso ng pagtupad dito, at ang isa pa ay ang kakayahang unawain ang bawat katotohanan habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin.
Hinango mula sa “Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.