Ano ang tunay na pagkilala sa sarili at ano ang maaaring matamo mula rito

Enero 26, 2022

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Makalipas ang ilang libong taon ng katiwalian, manhid at mapurol ang pag-iisip ng tao; siya’y naging isang demonyong kumakalaban sa Diyos, hanggang naitala na sa mga aklat ng kasaysayan ang pagiging mapanghimagsik ng tao tungo sa Diyos, at kahit ang tao mismo ay hindi kayang ipaliwanag nang buo ang kanyang ugaling mapanghimagsik—sapagka’t ang tao ay nagawang tiwali na nang husto ni Satanas, at nailigaw na ni Satanas, na anupa’t hindi niya nalalaman kung saan tutungo. Kahit sa ngayon, pinagtataksilan pa rin ng tao ang Diyos: Kapag nakikita ng tao ang Diyos, nagtataksil siya sa Kanya, at kapag hindi niya nakikita ang Diyos, Siya’y pinagtataksilan pa rin niya. Mayroon pa ngang iba na, bagaman nasasaksihan na ang mga sumpa ng Diyos at poot ng Diyos, pinagtataksilan pa rin Siya. Kung kaya’t sinasabi Kong nawala na ng katinuan ng tao ang orihinal nitong gamit, at na ang konsensiya ng tao, gayundin, ay nawalan ng orihinal nitong gamit. Ang taong nasisilayan Ko ay isang hayop sa anyong tao, isa siyang makamandag na ahas, at gaano man niya subukang magmukhang kahabag-habag sa mga mata Ko, hinding-hindi Ko siya kaaawaan, sapagka’t ang tao ay walang pagkaunawa sa pagkakaiba ng itim at puti, sa pagkakaiba ng katotohanan at di-katotohanan. Masyadong namanhid ang katinuan ng tao, nguni’t patuloy siyang naghahangad na magkamit ng mga pagpapala; masyadong walang-dangal ang kanyang pagkatao nguni’t naghahangad pa rin siyang taglayin ang kataas-taasang kapangyarihan ng isang hari. Kanino kaya siya magiging hari sa gayong katinuan? Papaano siya mauupo sa isang trono sa gayong katauhan? Tunay na walang kahihiyan ang tao! Siya ay isang palalong kahabag-habag! Para sa inyong nagnanais magkamit ng mga pagpapala, ipinapayo Kong humanap muna kayo ng salamin at tingnan ang inyong sariling pangit na larawan—taglay mo ba ang mga kinakailangan upang maging hari? Taglay mo ba ang mukha ng isang magtatamo ng mga pagpapala? Wala pa rin kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo pa naisagawa ang alinman sa katotohanan, nguni’t hinahangad mo pa rin ang isang magandang kinabukasan. Nililinlang mo ang iyong sarili! Isinilang sa gayong napakaruming lupain, labis nang naimpluwensiyahan ng lipunan ang tao, naimpluwensiyahan na siya ng mga etikang pyudal, at naturuan na siya sa “mga institusyon ng mas mataas na pag-aaral.” Ang kaisipang paurong, tiwaling moralidad, masamang pananaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa pamumuhay, lubos na hungkag na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lubhang nanghimasok na sa puso ng tao ang lahat ng mga bagay na ito, at lubhang nagpahina at sumalakay sa kanyang konsensiya. Bilang resulta, mas lalong lumayo ang tao mula sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Lalong nagiging mas mabangis ang disposisyon ng tao sa bawat araw, at wala ni isang tao ang magkukusang isuko ang anumang bagay para sa Diyos, wala ni isang tao ang magkukusang sumunod sa Diyos, ni, higit pa rito, isang taong magkukusang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng sakop ni Satanas, walang ginawa ang tao kundi maghangad ng kalayawan, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa lupain ng putik. Marinig man nila ang katotohanan, hindi nag-iisip ang mga nananahan sa kadiliman na isagawa ito, ni nakahandang hanapin ang Diyos kahit na nasaksihan na nila ang Kanyang pagpapakita. Paano magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan ang isang sangkatauhang napakasama? Paano mabubuhay sa liwanag ang isang sangkatauhang labis nang namumulok?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

Ang pagkilala sa iyong sarili ay pagkilala sa bawat salita at gawa, sa iyong bawat kilos at gawain; ito ay pagkilala sa iyong kuru-kuro at mga iniisip, sa iyong mga motibo, at sa iyong mga palagay at mga inaakala; maging ang pagkilala sa iyong mga pilosopiya para sa pamumuhay na mula sa sanlibutan, at ang sari-saring lason ni Satanas na nasa kalooban mo, pati na ang katotohan at karunungan na nakamit mo sa paaralan. Lahat ng mga bagay na ito ay dapat na suriin. Kahit na ang isang tao ay marami nang nagawang mabubuting bagay simula nang siya ay maniwala sa Diyos, maraming bagay pa rin ang maaaring hindi malinaw sa kanila, at lalong maliit ang pagkakataong magkaroon sila ng pagkaunawa sa katotohanan—subalit, dahil sa kanilang madaming mabubuting ginagawa, nararamdaman nilang namumuhay na sila sa salita ng Diyos, at nagpapasakop na sa Kanya, at tunay nang nabigyang-lugod ang Kanyang kalooban. Ito ay sa kadahilanang kung wala kang nakitang mahirap na pangyayari, gagawin mo kung ano ang sinabi sa iyo; wala kang pag-aalinlangang gawin ang kahit na anong tungkulin, at hindi ka manlalaban. Kapag sinabihan kang ipangalat ang ebanghelyo, ito ay isang paghihirap na kaya mong tiisin, at hindi ka aangal, at kapag sinabihan kang tumakbo dito at doon, o gumawa ng mabigat na trabaho, gagawin mo ito. Dahil sa mga ipinapakita mong ito, nararamdaman mo na ikaw ay isang taong nagpapasakop sa Diyos at isang taong tunay na naghahangad ng katotohanan. Subalit kung may isang magsusuri sa iyo nang mas malalim at magtanong, “Ikaw ba ay isang matapat na tao? Ikaw ba ay tunay na nagpapasakop sa Diyos? Isang taong may binagong disposisyon?” pagkatapos matanong nang ganito, pagkatapos kang maikumpara sa katotohanan upang masuri, ikaw—at masasabihing kahit na sino—ay mapapatunayang may kakulangan, at walang kahit na sinong tao ang lubhang nakakagawa ayon sa katotohan. Samakatuwid, kapag ang ugat ng lahat ng mga kilos at gawa ng tao, gayundin ang diwa at likas ng kanyang mga kilos, ay ikinumpara sa katotohanan, lahat ay isusumpa. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil hindi kilala ng tao ang kanyang sarili; lagi siyang naniniwala sa Diyos sa sarili niyang pamamaraan, ginagampananan ang kanyang tungkulin sa sarili niyang pamamaraan, at naglilingkod sa Diyos sa sarili niyang pamamaraan. Higit pa rito, nararamdaman niyang puno siya ng pananampalataya at katuwiran, at, sa bandang huli, nararamdaman niyang marami na siyang nakamit. Lingid sa kanyang kaalaman, nararamdaman niya na kumikilos siya nang alinsunod sa kalooban ng Diyos at ganap na niya itong natugunan, at nagawa na niya ang lahat ng hinihingi ng Diyos at sumusunod na siya sa kalooban Niya. Kung ganito ang nararamdaman mo, o kung, sa ilang taon ng paniniwala mo sa Diyos, nararamdaman mong may inani ka nang kaunting pakinabang, mas lalong dapat kang bumalik sa harap ng Diyos at magmuni-muni tungkol sa iyong sarili. Dapat mong tingnan ang landas na tinahak mo sa mga panahong nananampalataya ka at tingnan kung ang lahat ng iyong mga kilos at pag-uugali sa harap ng Diyos ay ganap na sumusunod sa nilalaman ng Kanyang puso, ang mga ginagawa mo na laban sa Diyos, ang mga ginagawa mo na kayang magbigay-kasiyahan sa Diyos, at kung ang ginagawa mo ay tumutugon sa mga hinihingi ng Diyos at ganap na alinsunod sa Kanyang kalooban—dapat na malinaw ang mga bagay na ito sa iyo.

Hinango mula sa “Makikilala Mo ang Iyong Sarili sa Pamamagitan Lamang ng Pagkilala sa Iyong mga Maling Pananaw” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Ang pagkilala sa ating sarili ay ang pagkilala sa mga bagay na nasa isipan natin at mga pananaw na taliwas sa Diyos, na hindi tugma sa katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan. Ang pagmamataas ng tao, pagmamagaling, mga kasinungalingan, at panlilinlang, halimbawa, ay mga aspeto ng isang tiwaling disposisyon na madali para sa mga tao na alamin. Makakakuha ka ng kaunting kaalaman tungkol sa mga ito sa pamamagitan lamang ng pagbabahagi ng katotohanan nang ilang beses, o pagbabahagi nang madalas, o sa pamamagitan ng pagpuna ng iyong mga kapatid sa iyong kalagayan. Bilang karagdagan, lahat ay mayroong pagmamataas at panlilinlang, bagama’t sa magkakaibang antas. Subalit, ang mga iniisip ng tao at mga pananaw ay hindi madaling alamin; hindi sila kasing dali ng pag-alam sa disposisyon ng tao. Ito ay mga bagay na malalalim ang pinagmumulan. Samakatuwid, kapag natamo mo ang kaunting pagbabago sa iyong pag-uugali at panlabas na asal, marami pa ring mga aspeto ng iyong pag-iisip, mga kuru-kuro, mga pananaw, at ang edukasyon ng mga kulturang tradisyonal na natanggap mo na taliwas sa Diyos at hindi mo pa natutuklasan. Ito ang mga malalalim na bagay na nagbubunga sa ating pagkapoot sa Diyos. Samakatuwid, kapag may ginawa ang Diyos na salungat sa iyong mga kuru-kuro, o isang bagay na iba sa iniisip mong gagawin ng Diyos, lalaban ka at tututol dito. Hindi mo maiintindihan kung bakit ganito ang ginawa ng Diyos, at, kahit alam mong may katotohanan sa lahat ng ginagawa ng Diyos at naisin mo mang magpasakop, mapapansin mong hindi mo ito kayang gawin. Bakit hindi mo kayang magpasakop? Ano’ng dahilan ng paglaban at pagtutol na ito? Ang dahilan ay may mga bagay na iniisip ang tao at mga pananaw na lumalaban sa Diyos, at lumalaban sa mga prinsipyo sa likod ng Kanyang mga kilos at sa Kanyang pinakadiwa. Ang mga kaisipan at pananaw na ito ay mahirap para sa tao na malaman.

Hinango mula sa “Makikilala Mo ang Iyong Sarili sa Pamamagitan Lamang ng Pagkilala sa Iyong mga Maling Pananaw” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Ano ang mayroon sa pagkilala sa sarili mo? Una, kailangan mong malaman kung anong disposisyon ang ipinapakita mo sa iyong mga salita at gawa. Kung minsan ito ay kayabangan, kung minsan ito ay katusuhan, at kung minsan ito ay kasamaan. Gayundin, kapag nagkakaroon ka ng mga problema, kailangan mong malaman kung hindi nakaayon ang mga motibo mo sa kalooban ng Diyos o sa katotohanan. Kailangan mo ring malaman kung ang saloobin mo sa iyong tungkulin ay pagbabalikat ng isang pasanin o pagiging deboto, at kung ikaw ay tapat sa paggugol ng iyong sarili para sa Diyos o kung ang paggawa mo nito ay pakikipagtransaksyon. Kailangan mong malaman kung labis-labis ang mga hinihiling mo sa Diyos, kung mayroon kang isang pusong nagpapasakop, at kung nagagawa mong hanapin ang katotohanan sa harap ng mga sitwasyon, tao, kaganapan, at bagay na isinasaayos ng Diyos. Dapat mo ring malaman kung isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, kung anong uri ang iyong pagkatao, at kung mayroon kang konsiyensya at katwiran, kung nabubuhay ka sa isang kalagayan ng pangangatwiran at pakikipagtawaran kapag nagkakaroon ka ng mga isyu, o mahahanap mo ang katotohanan at kalilimutan ang sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon, iyong mga ambisyon, hangarin, at plano, at kung isa kang taong naghahanap sa katotohanan. Subalit ang isa pang aspeto ng pagkilala sa iyong sarili ay pag-unawa sa iyong pagkatao, pag-alam kung isa kang matwid na tao at kung mayroon kang konsiyensya at mabuting puso. Sa pagharap mo sa bawat uri ng sitwasyon, tao, kaganapan, at bagay, makikita mo ang sarili mong pagkatao, at malalaman mo kung isa kang taong nagmamahal sa katotohanan at may tunay na pananampalataya sa Diyos. Tingnan mo rin kung anong uri ang saloobin mo sa mga isyung tuwirang nauugnay sa Diyos: paano Siya tinutukoy, ang Kanyang mga pangalan, ang Kanyang pagkakatawang-tao—ikaw ba ay mapitagan at nagpapasakop? Ano pa ang masasabi mong mayroon? (Pag-alam sa husay ng ating kakayahan.) (Pag-unawa sa ating pananaw sa buhay, ating mga pinahahalagahan, at kung ano ang ipinamumuhay natin. Pag-alam kung ano ang ating hinahangad na matamo, kung anong landas ang ating tinatahak.) Ito ang lahat ng bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Sa kabuuan, ang pagkilala sa iyong sarili sa bawat aspeto ay parang ganito: pag-alam sa iyong kakayahan, pag-alam sa iyong personalidad, pag-alam kung mahal mo ang katotohanan o hindi, pag-alam sa landas na iyong tinatahak, pag-alam sa iyong pananaw sa buhay at sa iyong mga pinahahalagahan, at pag-alam sa bawat uri ng saloobin mo sa Diyos. Kasama ang lahat ng bagay na ito.

Hinango mula sa “Pagkilala sa mga Huwad na Lider (2)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Kung ang iyong kaalaman tungkol sa iyong sarili ay kinapapalooban lamang ng madaliang pagkilala sa mga bagay na mababaw—kung sinasabi mo lamang na ikaw ay mayabang at mapagmagaling, na naghihimagsik at lumalaban ka sa Diyos—hindi ito tunay na kaalaman, kundi doktrina. Kailangan mong isama rito ang mga katotohanan: Kailangan mong liwanagin ang mga motibasyon sa iyong kalooban sa pagbabahagi at pagsisiyasat ng alinmang aspetong itinuturing mong maling mga pananaw o walang-batayang mga opinyon. Ito lamang ang tunay na pagkakaroon ng kaalaman. Kailangan mong magtuon sa pag-alam sa iyong mga motibasyon at sa pinagmulan ng iyong kakanyahan. Hindi ka dapat magtamo ng pag-unawa mula lamang sa iyong mga kilos; kailangan mong intindihin ang pinakabuod nito at lutasin ang ugat ng problema. Kapag nakalipas na ang kaunting panahon, kailangan mong magmuni-muni sa iyong sarili, at ibuod kung aling mga problema ang nalutas mo, ang nananatili pa rin, at kung paano dapat lutasin ang mga ito. Kaya, kailangan mo ring hanapin ang katotohanan. Hindi mo dapat hayaan na palagi kang inaakay ng iba; kailangan kang magkaroon ng sarili mong landas para sa pagpasok sa buhay. Kailangan mong suriin nang madalas ang iyong sarili: kung anong mga bagay ang ginagawa mo sa maling paraan at salungat sa katotohanan, alin sa iyong mga salita at motibasyon ang mali, anong mga disposisyon ang ipinapakita mo. Kung ganito palagi ang pagpasok mo, at mahigpit ang mga hinihiling mo sa iyong sarili, unti-unti ngunit tiyak, magtatamo ka ng higit na pag-unawa tungkol dito; sa huli, mapag-uugnay mo ang lahat at makikita na hindi ka talaga mabuti. Pagdating ng araw na tunay ka nang nagtataglay ng gayong kaalaman, mawawalan ka na ng kakayahang magmayabang. Ano ang mahalaga ngayon? Matapos magbahagi at magsiyasat, nababatid at nalalaman ng mga tao ang tungkol sa mga bagay na ito, ngunit hindi pa rin nila kilala ang kanilang sarili. Sabi ng ilan: “Paano ko hindi makikilala ang sarili ko? Nababatid ko ang mga bagay na nagpapalabas ng kayabangan ko.” Kung nababatid mo, paano mo hindi nababatid na mayabang ang disposisyon mo? Bakit may mga pagkakataon na naghahangad ka ng personal na pag-unlad, na nananabik ka sa katayuan at pagkilala? Ibig sabihin nito, hindi pa naaalis ang likas na kayabangan mo! Kung gayon, kailangang magsimula ang pagbabago sa mga motibasyon, pananaw, at opinyon sa likod ng mga kilos mo. Inaamin ba ninyo na karamihan sa sinasabi ng mga tao ay may tinik at kamandag, na may elemento ng kayabangan sa tono nila? May dalang mga motibasyon at personal na opinyon ang kanilang mga salita; maaari itong makita sa kanilang sinasabi. May mga tao na may partikular na paraan ng pagsasalita at pagpapahayag kapag hindi sila nagpapakita ng kayabangan, ngunit nagbabago ang kanilang paglalahad kapag lumalabas ang kanilang kayabangan—nagpakita na mismo ang pangit na mukha ni Satanas. Lahat ay nagkikimkim ng mga motibasyon. Gawin nating halimbawa ang mga taong tuso: Lagi silang bumubulong at pinaliliit ang mga mata habang nagsasalita; may mga motibasyong nakapaloob dito. Mababa ang boses ng ilang tao kapag nagsasalita, nang palihim; ang kanilang mga salita ay naglalaman ng mga pakana, ngunit hindi nila ipinapakita sa kanilang tono at mukha. Mas traidor pa ang gayong mga tao, at masyadong mahirap silang iligtas.

Hinango mula sa “Paano Tumawid Patungo sa Bagong Kapanahunan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Halos kaya na ninyo ngayong makilala ang tiwaling disposisyon na inyong ibinubunyag—kung aling mga tiwaling bagay ang nanganganib pa rin ninyong ibunyag, kung aling mga bagay ang nanganganib pa rin ninyong gawin. Lahat ng ito ay alam ninyo. Ngunit ang pinakamahirap na bagay ay ang magawang kontrolin ang inyong sarili. Hindi ninyo alam kung kailan ninyo gagawin ang isang bagay o kung anong malalalang bagay ang kaya ninyong gawin. Marahil ay may mga bagay na akala ninyo ay hindi ninyo kailanman gagawin o mga salitang akala ninyo ay hindi ninyo kailanman sasabihin, subalit sa isang takdang panahon o kapaligiran, talagang ginawa at sinabi ninyo ang mga ito. Hindi kayang kontrolin ng mga tao ang mga hindi inaasahang bagay na ito. Paano ito nangyari? Ito ay dahil hindi lubos na nauunawaan ng mga tao ang kanilang kalikasan at diwa; kulang sa lalim ang kanilang kaalaman tungkol dito, kaya napakahirap para sa kanila ang pagsasagawa ng katotohanan. Halimbawa, ang ilang tao ay lubos na mapanlinlang, hindi matapat sa salita at gawa, ngunit kung tatanungin mo sila kung sa anong aspeto pinakamatindi ang kanilang katiwalian, sasabihin nila, “Bahagya akong mapanlinlang.” Sasabihin lamang nila na sila ay bahagyang mapanlinlang, subalit hindi nila sinasabi na ang mismong kalikasan nila ay panlilinlang, at hindi nila sinasabi na sila ay isang mapanlinlang na tao. Hindi nila ganoon kalalim na nakikita ang kanilang sariling kalikasan, at hindi nila ito tinitingnan bilang isang bagay na seryoso, ni hindi kasing lubusan, tulad ng iba. Nakikita ng iba na ang taong ito ay napakamapanlinlang at napakabuktot, na may pandaraya sa bawat salita niya, na ang kanyang mga salita at kilos ay hindi kailanman matapat—subalit hindi nila makita nang napakalalim ang kanilang sarili. Mababaw lamang ang anumang kaalaman na mayroon sila. Sa tuwing nagsasalita at kumikilos sila, nagbubunyag sila ng isang bagay sa kanilang kalikasan, ngunit hindi nila ito namamalayan. Akala nila ay nagiging tapat sila sa kanilang ginagawa at na ginagawa nila ang mga bagay alinsunod sa katotohanan. Na ibig sabihin, ang mga tao ay may lubhang napakababaw na pagkaunawa sa kanilang sariling kalikasan, at may napakalaking pagkakaiba sa pagitan nito at ng mga salita ng paghatol at pahayag ng Diyos. Hindi ito isang pagkakamali sa kung ano ang ibinubunyag ng Diyos, kundi ito ay ang kakulangan sa malalim na pagkaunawa ng mga tao tungkol sa sarili nilang likas na pagkatao. Ang mga tao ay walang pangunahin o malaking pagkaunawa sa kanilang mga sarili; sa halip, sila ay nakatuon at naglalaan ng kanilang lakas sa kanilang mga pagkilos at panlabas na mga pagpapahayag. Kahit may nagsabi ng isang bagay paminsan-minsan tungkol sa pagkaunawa sa kanyang sarili, hindi ito magiging napakalalim. Walang sinuman ang kailanma’y nag-isip na siya ay ganitong uri ng tao o may ganitong uri ng kalikasan sanhi ng pagkakagawa ng ganitong uri ng bagay o pagkakabunyag ng isang bagay. Naibunyag ng Diyos ang likas na pagkatao at diwa ng sangkatauhan, subali’t nauunawaan ng mga tao na ang kanilang paraan nang paggawa ng mga bagay-bagay at kanilang paraan ng pananalita ay may kapintasan at depektibo; samakatuwid, isang nakapapagod na gawain para sa mga tao na isagawa ang katotohanan. Iniisip ng mga tao na ang kanilang mga pagkakamali ay pansamantalang mga pagpapakita lamang na nabubunyag nang walang ingat sa halip na pagiging mga kapahayagan ng kanilang kalikasan. Ang mga taong ganito kung mag-isip ay hindi maaaring isagawa ang katotohanan, dahil hindi nila matanggap ang katotohanan bilang katotohanan at hindi sila nauuhaw sa katotohanan; samakatuwid, kapag isinasagawa ang katotohanan, sila ay basta sumusunod lamang sa mga tuntunin. Hindi itinuturing ng mga tao na lubhang tiwali ang kanilang sariling likas na pagkatao, at naniniwala na hindi naman sila ganoon kasama para puksain o parusahan. Iniisip nila na maliit na bagay lamang ang magsinungaling paminsan-minsan, at itinuturing nila ang kanilang sarili na mas mabuti kaysa rati; subali’t, sa katunayan, napakalayo nila sa pag-abot sa pamantayan, sapagka’t ang mga tao ay mayroon lamang ilang mga pagkilos na sa panlabas ay hindi lumalabag sa katotohanan, kapag hindi nila aktwal na isinasagawa ang katotohanan.

Hinango mula sa “Pag-unawa sa Likas na Pagkatao ng Isang Tao at Pagsasagawa ng Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Sa mga panahong ito, halos lahat ng tao ay may napakababaw na pagkaunawa sa kanilang sarili. Ni hindi man lang nila nalalaman nang malinaw ang mga bagay na bahagi ng kanilang likas na pagkatao. Alam lamang nila ang ilan sa kanilang tiwaling kalagayan, ang mga bagay na malamang na gagawin nila, o ang ilan sa kanilang mga pagkukulang, at pinaniniwala sila ng mga ito na kilala nila ang kanilang sarili. Bukod pa riyan, kung sumusunod sila sa ilang panuntunan, tinitiyak nila na hindi sila nagkakamali sa ilang aspeto, at nagagawa nilang umiwas na makagawa ng ilang paglabag, pagkatapos ay itinuturing nila ang kanilang sarili na nagtataglay ng realidad sa kanilang pananalig sa Diyos at ipinapalagay na sila ay maliligtas. Ganap na imahinasyon ito ng tao. Kung sumusunod ka sa mga bagay na iyon, talaga bang mapipigilan mong gumawa ng anumang mga paglabag? Tunay na bang nagbago ang iyong disposisyon? Talaga bang namumuhay ka nang tulad ng isang tao? Tunay mo bang mapapalugod ang Diyos sa gayong paraan? Siguradong hindi, tiyak iyan. Gumagana lamang ang pananalig sa Diyos kapag mataas ang mga pamantayan ng isang tao at natamo na ang katotohanan at kaunting pagbabago sa disposisyon sa buhay. Kaya, kung napakababaw ng kaalaman ng mga tao tungkol sa kanilang sarili, makikita nila na imposibleng lutasin ang mga problema, at talagang hindi magbabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kailangang makilala nang malalim ng isang tao ang kanyang sarili, na ibig sabihi’y malaman ng isang tao ang kanyang sariling likas na pagkatao: anong mga elemento ang kasama sa pagkataong iyon, paano nagsimula ang mga bagay na ito, at saan nanggaling ang mga ito. Bukod pa riyan, talaga bang nagagawa mong kamuhian ang mga bagay na ito? Nakita mo na ba ang sarili mong pangit na kaluluwa at likas na kasamaan? Kung talagang nagagawa mong makita ang katotohanan tungkol sa iyong sarili, magsisimula kang kasuklaman ang iyong sarili. Kapag kinasuklaman mo ang iyong sarili at pagkatapos ay isinagawa mo ang salita ng Diyos, magagawa mong talikuran ang laman at magkakaroon ka ng lakas na isagawa ang katotohanan nang walang hirap. Bakit maraming taong sumusunod sa kagustuhan ng kanilang laman? Dahil itinuturing nila ang kanilang sarili na mahusay, na nadarama na tama at makatwiran ang kanilang ikinikilos, na wala silang kamalian, at na talaga ngang tama sila, samakatuwid ay maaari silang kumilos na ipinapalagay na nasa panig nila ang katarungan. Kapag kinikilala ng isa kung ano ang tunay niyang kalikasan—gaano kapangit, gaano kasuklam-suklam, at gaano kaawa-awa—hindi na niya ipinagmamalaki nang labis ang kaniyang sarili, hindi na masyadong mapagmataas, at hindi na gaanong nasisiyahan sa kaniyang sarili tulad ng dati. Nararamdaman ng gayong tao, “Kailangan kong maging masigasig at makatotohanan, at isagawa ang ilan sa mga salita ng Diyos. Kung hindi, ako ay hindi aabot sa pamantayan ng pagiging tao, at mahihiyang mamuhay sa harapan ng Diyos.” Nakikita niyang tunay ang sarili bilang napakahamak, bilang totoong walang halaga. Sa pagkakataong ito ay nagiging madali para sa isa na isakatuparan ang katotohanan, at ang isa ay mas magmumukhang katulad ng kung ano dapat ang isang tao. Kapag tunay na kinasuklaman ng mga tao ang kanilang sarili, saka lang nila nagagawang talikuran ang laman. Kung hindi nila kinasusuklaman ang kanilang sarili, hindi nila magagawang talikuran ang laman. Ang tunay na pagkamuhi sa sarili ay binubuo ng ilang bagay: Una, pagkaalam sa sariling likas na pagkatao; at pangalawa, pagkakita sa sarili na nangangailangan at kaawa-awa, pagkakita sa sarili na napakahamak at walang kabuluhan, at pagkakita sa sariling kaawa-awa at maruming kaluluwa. Kapag lubos na nakikita ng isang tao kung ano siya talaga, at ito ang kinahinatnan, talagang nagtatamo siya ng kaalaman tungkol sa sarili, at masasabi na lubos na niyang nakilala ang kanyang sarili. Saka lamang niya talaga maaaring kamuhian ang kanyang sarili, hanggang sa isumpa niya ang kanyang sarili, at talagang madama niya na labis siyang nagawang tiwali ni Satanas kaya ni hindi siya mukhang tao. Sa gayon, balang araw, kapag lumitaw ang panganib ng kamatayan, iisipin ng taong iyon, “Ito ang matuwid na parusa ng Diyos. Tunay ngang matuwid ang Diyos; dapat talaga akong mamatay!” Sa puntong ito, hindi siya magrereklamo, lalo nang hindi niya sisisihin ang Diyos, nadarama lamang na siya ay talagang nangangailangan at kaawa-awa, napakarumi at napakatiwali kaya dapat siyang puksain ng Diyos, at ang isang kaluluwang katulad ng sa kanya ay hindi nababagay na mabuhay sa lupa. Sa puntong ito, hindi lalabanan ng taong ito ang Diyos, lalo nang hindi siya magtataksil sa Diyos. Kung hindi nakikilala ng isang tao ang kanyang sarili, at itinuturing pa rin ang sarili niya na mahusay, iisipin ng taong ito kapag malapit na siyang mamatay, “Napakabuti ng nagawa ko sa aking pananampalataya. Talagang nagsumikap ako sa paghahanap! Napakarami kong naibigay, nagdusa ako nang todo, subalit sa huli, hinihingi sa akin ngayon ng Diyos na mamatay ako. Hindi ko alam kung nasaan ang katuwiran ng Diyos. Bakit Niya hinihingi sa aking mamatay ako? Kung kailangang mamatay pati ang isang taong katulad ko, sino na lang ang maliligtas? Hindi ba magwawakas ang lahi ng tao?” Una sa lahat, ang taong ito ay may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Pangalawa, ang taong ito ay nagrereklamo, at hindi nagpapakita ng anumang pagpapasakop. Katulad lang siya ni Pablo: Noong malapit na siyang mamatay, hindi niya kilala ang kanyang sarili, at noong malapit na ang parusa ng Diyos, huli na para magsisi.

Hinango mula sa “Ang Kilalanin ang Sarili ay Pangunahing Tungkol sa Pagkilala sa Pantaong Kalikasan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Ang hinangad ni Pedro ay makilala ang kanyang sarili at makita kung ano ang naihayag sa kanya sa pamamagitan ng pagpipino ng mga salita ng Diyos at sa loob ng iba’t ibang pagsubok na ibinigay sa kanya ng Diyos. Nang totoong mangyari na makilala niya ang sarili, natanto ni Pedro kung gaano kalalim ang pagkatiwali ng mga tao, kung gaanong walang halaga at hindi karapat-dapat sila sa paglilingkod sa Diyos, at hindi sila nararapat na mabuhay sa Kanyang harap. Nang magkagayon ay nagpatirapa si Pedro sa harap ng Diyos. Sa huli, naisip niya, “Ang makilala ang Diyos ang pinakamahalagang bagay! Kung mamamatay ako bago ko Siya makilala, magiging kalunos-lunos ito; nararamdaman ko na ang makilala ang Diyos ang pinakamahalaga, pinakamakahulugang bagay na mayroon. Kung hindi kilala ng tao ang Diyos, wala siyang karapatang mabuhay at walang buhay.” Nang umabot na sa ganitong punto ang karanasan ni Pedro, nalaman na niya ang kanyang sariling kalikasan at nakapagtamo na ng mabuti-buting pag-unawa nito. Bagama’t marahil ay hindi niya magagawang ipaliwanag ito nang kasinglinaw na magagawa ng mga tao ngayon, sadyang naabot na ni Pedro ang kalagayang ito. Samakatwid, ang pagsisikap na matamo ang buhay at ang pagtatamo ng pagpeperpekto ng Diyos ay nangangailangan ng pagkakilala sa sariling kalikasan ng isang tao mula sa loob ng mga pahayag ng Diyos, gayundin ng pag-unawa sa mga aspekto ng likas na katangian ng isang tao at wastong paglalarawan nito sa mga salita, nang malinaw at payak na nagsasalita. Ito lamang ang tunay na pagkakilala sa iyong sarili, at natamo mo na ang resultang hinihingi ng Diyos. Kung ang iyong kaalaman ay hindi pa umabot sa puntong ito, subalit sinasabi mo na naunawaan mo ang iyong sarili at sinasabing nagtamo ka ng buhay, hindi ba’t nagyayabang ka lamang? Hindi mo kilala ang iyong sarili, o hindi mo alam kung ano ka sa harap ng Diyos, kung totoo mang naabot mo ang mga pamantayan ng pagiging tao, o gaano karami ang mga malasatanas na elementong taglay pa rin ng iyong loob. Hindi pa rin malinaw sa iyo ang tungkol sa kung kanino ka nabibilang, at wala ka man lamang ng anumang pagkakilala sa sarili—kaya’t paano ka magtataglay ng katwiran sa harap ng Diyos? Nang naghahanap si Pedro ng buhay, nakatutok siya sa pag-unawa sa kanyang sarili at pagbabagong-anyo ng kanyang disposisyon sa gitna ng mga pagsubok sa kanya, at nagsikap siya na makilala ang Diyos, at sa huli, naisip niya, “Dapat maghanap ang mga tao ng pagkaunawa sa Diyos sa buhay; ang makilala Siya ang pinakakritikal na bagay. Kung hindi ko kilala ang Diyos, kung gayon ay hindi ako makapagpapahinga nang payapa kapag namatay ako. Sa sandaling makilala ko Siya, at nilayon ng Diyos na mamatay na ako, makadarama pa rin ako ng labis na pasasalamat na gawin iyon; hindi ako magrereklamo nang bahagya man, at mapupuspos ang buong buhay ko.” Hindi nagawa ni Pedro na matamo ang antas na ito ng pag-unawa o kagyat na marating ang dakong ito pagkaraang masimulan niya na maniwala sa Diyos; kinailangan muna niyang sumailalim sa napakaraming pagsubok. Kinailangan munang umabot ang kanyang karanasan sa isang tiyak na mohon, at kinailangan niyang ganap na maunawaan ang sarili, bago niya madama ang halaga na makilala ang Diyos. Samakatwid, ang landas na tinahak ni Pedro ay yaong makapagtatamo ng buhay at makagagawang perpekto; ito ang aspekto na pangunahing pinagtuunan ng kanyang tiyak na gawain.

Hinango mula sa “Paano Lakaran Ang Landas ni Pedro” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Habang hinahatulan Ko kayo nang ganito ngayon, anong antas ng pagkaunawa ang tataglayin ninyo sa huli? Sasabihin ninyo na bagama’t hindi mataas ang inyong katayuan, nasiyahan pa rin kayo sa pagtataas ng Diyos. Dahil hamak ang inyong pagsilang ay wala kayong magandang katayuan, ngunit nagtatamo kayo ng magandang katayuan dahil itinataas kayo ng Diyos—ito ay isang bagay na ipinagkaloob Niya sa inyo. Ngayon ay personal ninyong nagagawang tumanggap ng pagsasanay ng Diyos, ng Kanyang pagkastigo, at ng Kanyang paghatol. Ito, higit pa, ay Kanyang pagtataas. Nagagawa ninyong personal na tumanggap ng Kanyang pagdadalisay at pagsunog. Ito ay dakilang pagmamahal ng Diyos. Sa nagdaang mga kapanahunan wala ni isang tao ang nakatanggap ng Kanyang pagdadalisay at pagsunog, at wala ni isang tao ang nagawang perpekto ng Kanyang mga salita. Ang Diyos ay nakikipag-usap sa inyo ngayon nang harapan, dinadalisay kayo, ibinubunyag ang pagkasuwail ng inyong kalooban—tunay na ito ay Kanyang pagtataas. Anong mga kakayahan ang taglay ng mga tao? Mga anak man sila ni David o mga inapo ni Moab, sa kabuuan, ang mga tao ay mga nilalang na walang nararapat na ipagmayabang. Dahil kayo ay mga nilalang ng Diyos, kailangan ninyong gampanan ang tungkulin ng isang nilalang. Wala nang iba pang mga hinihiling sa inyo. Ganito kayo dapat manalangin: “Diyos ko! May katayuan man ako o wala, nauunawaan ko na ngayon ang aking sarili. Kung mataas ang katayuan ko iyon ay dahil sa Iyong pagtataas, at kung ito ay mababa iyon ay dahil sa Iyong pagtatalaga. Lahat ay nasa Iyong mga kamay. Wala akong anumang mga pagpipilian, ni anumang mga reklamo. Itinalaga Mo na maisilang ako sa bansang ito at sa piling ng mga taong ito, at ang dapat ko lamang gawin ay maging ganap na masunurin sa ilalim ng Iyong kapamahalaan dahil lahat ay nakapaloob sa Iyong naitalaga. Hindi ko iniisip ang katayuan; matapos ang lahat, isa lamang akong nilalang. Kung ilalagay Mo ako sa walang-hanggang kalaliman, sa lawa ng apoy at asupre, isa lamang akong nilalang. Kung kakasangkapanin Mo ako, isa lamang akong nilalang. Kung gagawin Mo akong perpekto, isa pa rin akong nilalang. Kung hindi Mo ako gagawing perpekto, mamahalin pa rin Kita dahil isa lamang akong nilalang. Isa lamang akong napakaliit na nilalang na nilikha ng Panginoon ng paglikha, isa lamang sa lahat ng taong nilikha. Ikaw ang lumikha sa akin, at muli Mo ako ngayong inilagay sa Iyong mga kamay upang gawin sa akin ang gusto Mo. Handa akong maging Iyong kasangkapan at Iyong hambingan dahil lahat ay kung ano ang Iyong naitalaga. Walang sinuman na maaaring baguhin ito. Lahat ng bagay at lahat ng pangyayari ay nasa Iyong mga kamay.” Kapag dumating ang panahon na hindi mo na iniisip ang katayuan, makakalaya ka na roon. Saka mo lamang magagawang maghanap nang may tiwala at tapang, at saka lamang magiging malaya ang puso mo sa anumang mga paghihigpit. Kapag napalaya na ang mga tao mula sa mga bagay na ito, mawawalan na sila ng mga alalahanin.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply