Kung ang pag-unawa ba sa kaalaman sa biblia at teolohikal na teorya ay nangangahulugan na pagkaunawa sa katotohanan at pagkilala sa Diyos

Abril 20, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Maraming tao ang sumusuporta sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos araw-araw, hanggang sa puntong maingat nilang isinasaulo ang lahat ng klasikong sipi roon bilang kanilang pinakaiingatang pag-aari, at bukod pa riyan ay ipinangangaral nila ang mga salita ng Diyos kahit saan, tinutustusan at tinutulungan ang iba sa mga salita ng Diyos. Iniisip nila na ang paggawa nito ay pagpapatotoo sa Diyos, pagpapatotoo sa Kanyang mga salita, na ang paggawa nito ay pagsunod sa daan ng Diyos; iniisip nila na ang paggawa nito ay pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, na ang paggawa nito ay pagdadala ng Kanyang mga salita sa kanilang tunay na pamumuhay, na ang paggawa nito ay magbibigay-daan para purihin sila ng Diyos, at maligtas at magawang perpekto. Ngunit, kahit ipinangangaral nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila kailanman sinusunod ang mga salita ng Diyos sa kanilang pagsasagawa, o sinusubukang ihambing ang kanilang sarili sa inihahayag sa mga salita ng Diyos. Sa halip, ginagamit nila ang mga salita ng Diyos para matamo ang paghanga at tiwala ng iba sa pamamagitan ng pandaraya, para pasuking mag-isa ang pamamahala, at lustayin at nakawin ang kaluwalhatian ng Diyos. Umaasa sila, nang walang saysay, na samantalahin ang pagkakataong ibinibigay sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng mga salita ng Diyos para magantimpalaan ng paggawa ng Diyos at ng Kanyang papuri. Ilang taon na ang lumipas, ngunit hindi lamang walang kakayahang maani ng mga taong ito ang papuri ng Diyos sa proseso ng pangangaral ng mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila walang kakayahang tuklasin ang daan na dapat nilang sundan sa proseso ng pagpapatotoo sa mga salita ng Diyos, at hindi lamang nila hindi tinulungan o tinustusan ang kanilang sarili sa proseso ng pagtulong at pagtustos sa iba sa mga salita ng Diyos, at hindi lamang sila walang kakayahang kilalanin ang Diyos, o pukawin ang kanilang sarili sa tunay na pagpipitagan sa Diyos, sa proseso ng paggawa ng lahat ng bagay na ito; kundi, bagkus, lalong lumalalim ang kanilang mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, lalo pang lumalala ang kawalan nila ng tiwala sa Kanya, at lalong lumalabis ang kanilang mga imahinasyon tungkol sa Kanya. Dahil tinutustusan at ginagabayan ng kanilang mga teorya tungkol sa mga salita ng Diyos, mukha silang masiglang-masigla, na para bang ginagamit nila ang kanilang angking mga galing nang walang kahirap-hirap, na para bang natagpuan na nila ang kanilang layunin sa buhay, kanilang misyon, at para bang nagkaroon na sila ng bagong buhay at naligtas, na para bang, sa mga salita ng Diyos na malutong na binibigkas ng kanilang dila, natamo na nila ang katotohanan, naintindihan ang mga layon ng Diyos, at natuklasan ang landas tungo sa pagkilala sa Diyos, na para bang, sa proseso ng pangangaral ng mga salita ng Diyos, madalas nilang makaharap ang Diyos. Gayundin, madalas silang “nauudyukan” na manaka-nakang umiyak, at, madalas na inaakay ng “Diyos” sa mga salita ng Diyos, mukha silang walang-tigil sa pag-intindi sa Kanyang maalab na pagmamalasakit at mabuting layon, at kasabay noon ay naintindihan nila ang pagliligtas ng Diyos sa tao at ang Kanyang pamamahala, nalaman ang Kanyang diwa, at naunawaan ang Kanyang matuwid na disposisyon. Batay sa pundasyong ito, tila lalo pang tumibay ang kanilang paniniwala na mayroong Diyos, mas napapansin nila ang Kanyang dakilang kalagayan, at nadarama nang mas matindi ang Kanyang karingalan at kadakilaan. Babad sa mababaw na kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos, magmumukhang lumago na ang kanilang pananampalataya, lumakas ang determinasyon nilang magtiis ng pagdurusa, at lumalim ang kaalaman nila tungkol sa Diyos. Hindi nila alam na, hangga’t hindi nila nararanasan talaga ang mga salita ng Diyos, lahat ng kaalaman nila tungkol sa Diyos at ang kanilang mga ideya tungkol sa Kanya ay nanggagaling sa sarili nilang mga minimithing imahinasyon at haka-haka. Hindi tatagal ang kanilang pananampalataya sa ilalim ng anumang klaseng pagsubok ng Diyos, ang kanilang tinatawag na espirituwalidad at tayog ay hindi talaga tatagal sa ilalim ng pagsubok o pagsusuri ng Diyos, ang kanilang matibay na pasiya ay isang kastilyong buhangin lamang, at ang tinatawag nilang kaalaman tungkol sa Diyos ay kathang-isip lamang nila. Sa katunayan, ang mga taong ito na nagsisikap nang husto, kahit paano, sa mga salita ng Diyos, ay hindi pa natanto kailanman kung ano ang tunay na pananampalataya, ano ang tunay na pagsunod, ano ang tunay na pagmamalasakit, o ano ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Kinukuha nila ang teorya, imahinasyon, kaalaman, kaloob, tradisyon, pamahiin, at maging ang mga kagandahang-asal ng sangkatauhan, at ginagawang “puhunan” at “mga sandata” ang mga ito sa paniniwala sa Diyos at pagsunod sa Kanya, ginagawa pa ngang pundasyon ang mga ito ng kanilang paniniwala sa Diyos at pagsunod sa Kanya. Kasabay nito, kinukuha rin nila ang puhunan at mga sandatang ito at ginagawang mga anting-anting para kilalanin ang Diyos, harapin at pakitunguhan ang mga pagsusuri, pagsubok, pagkastigo, at paghatol ng Diyos. Sa huli, ang natamo pa rin nila ay walang iba kundi mga palagay tungkol sa Diyos na puno ng relihiyosong pakahulugan, makalumang pamahiin, at lahat ng romantiko, katawa-tawa, at misteryoso. Ang kanilang paraan ng pagkilala at paglalarawan sa Diyos ay katulad ng sa mga taong naniniwala lamang sa Langit sa Itaas o sa Matandang Tao sa Langit, samantalang ang pagiging totoo ng Diyos, ang Kanyang diwa, Kanyang disposisyon, Kanyang mga pag-aari at katauhan, at iba pa—lahat ng may kaugnayan sa totoong Diyos Mismo—ay mga bagay na hindi naintindihan ng kanilang kaalaman, na lubhang hiwalay sa kanilang kaalaman, at magkasinglayo pa na tulad ng hilaga at timog.

— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paunang Salita

Ano ang pangunahing pagpapakita ng pagpapaimbabaw ng mga Fariseo? Masusing binasa lamang nila ang Banal na Kasulatan at hindi hinanap ang katotohanan. Nang mabasa nila ang mga salita ng Diyos, hindi sila nagdasal o naghanap; sa halip, pinag-aralan nila ang mga salita ng Diyos, pinag-aralan nila ang mga sinabi at ginawa ng Diyos, kaya’t ginawa nilang isang uri ng teorya ang Kanyang mga salita, isang doktrina na itinuturo nila sa iba. Ganito ang masusing pagbasa sa mga salita ng Diyos. Kaya’t bakit nila ginawa iyan? Ano ang kanilang masusingbinasa? Sa tingin nila, hindi salita ng Diyos ang mga ito, hindi sila mga pagpapahayag ng Diyos, at lalong hindi katotohanan ang mga ito, bagkus ay isang anyo ng karunungan. Sa tingin nila, ang ganoong karunungan ay dapat maipasa, dapat maipalaganap, at ito lamang ang pagpapalaganap sa gawi ng Diyos at ng ebanghelyo. Ito ang tinatawag nilang “pangangaral,” at ang sermon na kanilang ipinangaral ay teolohiya.

… Itinuring ng mga Fariseo ang teolohiya at ang teoryang kanilang dinalubhasa bilang isang uri ng karunungan, bilang isang kasangkapan sa pagkondena sa mga tao at pagsukat kung sila ay tama o mali. Ginamit pa nga nila ito sa Panginoong Jesus—ganyan kung paano nakondena ang Panginoong Jesus. Ang kanilang pagtatasa sa mga tao, at ang kanilang paraan sa pagtrato sa mga ito, ay hindi nakabatay sa kanilang diwa, o kung ang kanilang sinabi ay tama o mali, lalong hindi sa pinagkunan o pinagmulan ng kanilang mga salita. Kinundina at sinukat lamang nila ang mga tao batay sa mga matitigas na salita at doktrinang kanilang nadalubhasa. Kaya’t bagama’t batid ng mga Fariseong ito na ang ginawa ng Panginoong Jesus ay hindi kasalanan, at hindi paglabag sa batas, Siya ay kanila pa ring kinundina, sapagkat ang sinabi ng Panginoong Jesus ay lumalabas na salungat sa kaalaman at karunungan na kanilang nadalubhasa at sa teorya ng teolohiya na kanilang naipaliwanag. At hindi basta niluluwagan ng mga Pariseo ang kanilang kapit sa mga salita at pariralang ito, nangunyapit sila sa karunungang ito at hindi ito pawawalan. Ano lamang ang tanging posibleng kalalabasan sa huli? Hindi nila kikilalanin na ang Panginoong Jesus ay ang Mesiyas na darating, o na may katotohanan sa sinabi ng Panginoong Jesus, lalo pang hindi na ang sinabi ng Panginoong Jesus ay pagsang-ayon sa katotohanan. Nakakita sila ng ilang di-mapatunayang paratang upang kondenahin ang Panginoong Jesus—ngunit ang totoo, sa kanilang mga kalooban, alam ba nila kung makatwiran ang mga tinukoy nilang kasalanan sa pagsumpa sa Kanya? Alam nila. Kung gayon, bakit pa rin nila Siya kinundina? (Ayaw nilang paniwalaan na ang mataas at makapangyarihang Diyos na nasa kanilang isipan ay maaaring ang Panginoong Jesus, ang imaheng ito ng isang pangkaraniwang Anak ng tao.) Ayaw nilang tanggapin ang katunayang ito. At ano ang katuturan ng kanilang pagtangging tanggapin ito? Hindi ba’t mayroon ditong pagsisikap na makapangatwiran sa Diyos? Ang ibig nilang sabihin ay “Magagawa ba iyan ng Diyos? Kung ang Diyos ay nagkatawang-tao, tiyak na Siya ay dapat sumilang mula sa marangal na lahi. Higit pa, dapat Niyang tanggapin ang pagtuturo ng mga eskriba at Fariseo, matutuhan ang karunungang ito, at magbasa nang magbasa ng Banal na Kasulatan. Pagkaraan maangkin Niya ang karunungang ito, saka lamang Niya makukuha ang titulo ng ‘pagkakatawang-tao’.” Naniwala sila na, una, Ikaw ay hindi kuwalipikado, kaya’t Ikaw ay hindi Diyos; pangalawa, kung wala ang karunungang ito, hindi Mo magagawa ang gawain ng Diyos, at lalong hindi Ka magiging Diyos; pangatlo, hindi Ka makagagawa sa labas ng templo—wala Ka sa templo ngayon, palagi Kang kasama ng mga makasalanan, kaya’t ang mga gawain Mo ay lampas sa saklaw ng gawain ng Diyos. Saan nagmula ang batayan ng kanilang sumpa? Mula sa Banal na Kasulatan, mula sa isip ng tao, at mula sa natanggap nilang edukasyon sa teolohiya. Sapagkat punung-puno sila sa mga kuru-kuro, guniguni, at karunungan, naniwala sila na tama ang karunungang ito, na ito ang katotohanan, na ito ang batayan, at hindi kailanman masasalungat ng Diyos ang mga bagay na ito. Hinanap ba nila ang katotohanan? Hindi. Ang kanilang hinanap ay ang kanilang mga palagay at haka, at ang kanilang mga sariling karanasan, at sinubok nilang gamitin ang mga ito upang bigyang katuturan ang Diyos at matukoy kung Siya ba ay tama o mali. Ano ang panghuling kinahantungan nito? Kinundina nila ang gawain ng Diyos at ipinako Siya sa krus.

Hinango mula sa “Sila ay Masasama, Mapanganib, at Mapanlinlang (III)” sa Paglalantad sa mga Anticristo

Paanong bumaba sa “Kristiyanismo” na lamang ang mga relihiyosong tao na naniniwala sa Panginoon? Bakit ngayon, itinuturing silang isang relihiyosong grupo, sa halip na ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia ng Diyos, ang pakay ng gawain ng Diyos? Mayroon silang doktrina, tinitipon nila ang gawaing ginawa ng Diyos, at ang mga salitang Kanyang sinambit, sa isang aklat, sa mga materyal sa pagtuturo, at pagkatapos ay nagbubukas ng mga paaralan upang papasukin at sanayin ang lahat ng uri ng mga teologo. Pinag-aaralan ba ng mga teologong ito ang katotohanan? (Hindi.) Kung gayon ay ano ang pinag-aaralan nila? Pinag-aaralan nila ang kaalamang teolohiko, na walang kinalaman sa gawain ng Diyos o sa mga katotohanang sinasambit ng Diyos. At sa paggawa nito, ibinababa nila ang kanilang mga sarili sa Kristiyanismo na lamang. Ano ang tinatangkilik ng Kristiyanismo? Kung pupunta ka sa isang iglesia, tatanungin ka ng mga tao kung gaano katagal ka nang naniniwala sa Diyos, at kapag sinabi mong kasisimula mo pa lamang, hindi ka nila papansinin. Ngunit kung papasok kang may hawak na Biblia, at sasabihin mong “Katatapos ko pa lamang sa ganito-at-ganoong Seminaryong Teolohiko,” hihingin nila sa iyong maupo sa luklok ng karangalan. Ito ang Kristiyanismo. Lahat ng nakatayo sa pulpito ay nakapag-aral ng teolohiya, sinanay sa seminaryo, may angking teolohikong kaalaman at teorya—sila talaga ang sandigan ng Kristiyanismo. Sinasanay ng Kristiyanismo ang gayong mga tao na mangaral sa pulpito, lumibot para magturo ng ebanghelyo at magtrabaho. Iniisip nila na ang halaga ng Kristiyanismo ay nakasalalay sa gayong mga taong may kakayahan tulad ng mga estudyante ng teolohiya, ng mga pastor at teologong ito na nangangaral ng mga sermon; sila ang kanilang puhunan. Kung ang pastor ng isang iglesia ay nagtapos sa isang seminaryo, mahusay magpaliwanag ng Banal na Kasulatan, nakabasa na ng ilang espirituwal na aklat, at may kaunting kaalaman at mahusay magsalita, umuunlad ang iglesia, at mas maganda ang reputasyon nito kaysa ibang mga iglesia. Ano ang tinatangkilik ng mga taong ito sa Kristiyanismo? Kaalaman. At saan nagmumula ang kaalamang ito? Ipinasa ito mula sa sinaunang panahon. Sa sinaunang panahon may Banal na Kasulatan, na ipinasa-pasa sa sunud-sunod na henerasyon, bawat henerasyon ay binabasa at inaaral iyon, hanggang sa ngayon. Hinati-hati ng tao ang Biblia sa iba’t ibang bahagi at lumikha ng sari-saring edisyon para basahin at pag-aralan ng mga tao. Ngunit ang natututuhan nila ay hindi kung paano unawain ang katotohanan at kilalanin ang Diyos, o kung paano unawain ang kalooban ng Diyos at magkaroon ng takot sa Diyos at iwasan ang kasamaan; sa halip, pinag-aaralan nilang mabuti ang kaalamang nakapaloob sa mga ito. Ang sukdulan na ay sinisiyasat nila ang mga hiwagang nakapaloob doon, tinitingnan nila kung aling mga propesiya sa Aklat ng Pahayag ang natupad sa isang partikular na panahon, kung kailan darating ang malalaking kalamidad, kung kailan darating ang milenyo—ito ang mga bagay na pinag-aaralan nila. At may kaugnayan ba sa katotohanan ang pinag-aaralan nila? Wala. Bakit nila pinag-aaralan ang mga bagay na walang kaugnayan sa katotohanan? Habang mas pinag-aaralan nila ang mga ito, mas iniisip nila na nauunawaan nila, at mas sinasangkapan nila ang kanilang sarili ng mga titik at doktrina. Lumalago rin ang kanilang puhunan. Kapag mas mataas ang kanilang mga kwalipikasyon, iniisip nila na mas may kakayahan sila, naniniwala sila na mas malakas ang kanilang pananampalataya sa Diyos, at iniisip nila na mas malamang na maligtas sila at makapasok sa kaharian ng langit.

… Lahat ng nasa Kristiyanismo na nag-aral ng teolohiya, Banal na Kasulatan, at maging ng kasaysayan ng gawain ng Diyos—mga tunay ba silang mananampalataya? Naiiba ba sila sa mga mananampalataya at tagasunod ng Diyos na binabanggit ng Diyos? Sa mata ng Diyos, naniniwala ba sila sa Diyos? (Hindi.) Nag-aaral sila ng teolohiya, pinag-aaralan nila ang Diyos. May pagkakaiba ba sa pagitan nilang pinag-aaralan ang Diyos at sa kanilang nag-aaral ng mga ibang bagay? Walang pagkakaiba. Kagaya rin lang sila ng mga taong nag-aaral ng kasaysayan, nag-aaral ng pilosopiya, nag-aaral ng batas, nag-aaral ng biolohiya, nag-aaral ng astronomiya—sadyang hindi nila gusto ang agham, o biolohiya, o anumang mga asignatura; gusto lamang nila ng teolohiya. Pinag-aaralan ng mga taong ito ang Diyos sa pamamagitan ng paghahanap ng mga palatandaan at pahiwatig sa gawain ng Diyos—at ano ang lumalabas sa kanilang pananaliksik? Natutukoy ba nila kung umiiral ang Diyos? Hindi kailanman. Natutukoy ba nila ang kalooban ng Diyos? (Hindi.) Bakit? Sapagkat nabubuhay sila sa gitna ng mga salita at parirala, nabubuhay sila sa gitna ng karunungan, nabubuhay sila sa gitna ng pilosopiya, nabubuhay sila sa gitna ng mga kaisipan at saloobin ng tao. Hindi nila kailanman makikita ang Diyos, hindi nila kailanman makakamit ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Paano sila tinutukoy ng Diyos? Bilang mga walang pananampalataya, bilang mga hindi sumasampalataya. Nakikihalubilo itong mga hindi sumasampalataya at walang pananampalataya sa tinatawag na komunidad na Kristiyano, na kumikilos tulad sa mga taong naniniwala sa Diyos, na kumikilos tulad sa mga Kristiyano—ngunit, sa katunayan, tunay bang sumasamba sila sa Diyos? Tunay bang sumusunod sila sa Kanya? Hindi. Bakit? Isang bagay ang tiyak: ito ay dahil, sa kanilang kalooban, hindi sila naniniwala na nilikha ng Diyos ang daigdig, na Siya ang namamahala sa lahat ng bagay, na magagawa Niyang magkatawang-tao, lalong hindi sila naniniwalang umiiral ang Diyos. Ano ang ipinahihiwatig ng kawalan ng pananampalatayang ito? Pagdududa, pagtatatwa, at maging ang saloobing umaasa na ang mga propesiyang sinalita ng Diyos—lalo yaong tungkol sa mga sakuna—ay hindi nagkakatotoo at hindi natutupad. Ito ang saloobin kung paano nila ituring ang paniniwala sa Diyos, at ito rin ang diwa at totoong mukha ng tinatawag nilang pananampalataya. Pinag-aaralan ng mga taong ito ang Diyos sapagkat may tangi silang interes sa karunungan at kaalaman sa teolohiya, at interesado sila sa mga pangkasaysayang katunayan ng gawain ng Diyos. Dili nga ba’t isang pangkat lamang sila ng mga intelektuwal na nag-aaral ng teolohiya. Hindi naniniwala ang mga “intelektuwal” na ito sa pag-iral ng Diyos, kaya’t ano ang kanilang ginagawa kapag gumawa na ang Diyos at natutupad ang Kanyang mga salita? Ano ang kanilang unang reaksiyon kapag narinig nila na ang Diyos ay nagkatawang-tao, at gumaganap sa bagong gawain? “Imposible!” Isinusumpa nila ang sinumang nangangaral sa bagong gawain ng Diyos, at ibig pa ngang patayin ang mga ito. Ano ang ipinapakita nito? Hindi ba’t ito ang pagpapakita ng kanilang pagiging ganap na antikristo? Kinapopootan nila ang gawain ng Diyos at ang katuparan ng Kanyang mga salita, huwag nang banggitin pa ang Kanyang pagkakatawang-tao: “Kung Ikaw ay hindi nagkatawang-tao at ang mga salita Mo ay hindi natupad, Ikaw nga ay Diyos. Kung ang mga salita Mo ay natupad at Ikaw ay nagkatawang-tao, Ikaw ay hindi Diyos.” Ano ang lingid na kahulugan nito? Ito ay ang hindi nila pagpapahintulot sa pagkakatawang-tao ng Diyos hangga’t sila ay umiiral. Hindi ba’t ito’y ganap na antikristo? Ito ay tunay na antikristo. Umiiral ba sa mga pangrelihiyong komunidad ang mga ganitong pagpapahayag? Ginagawang napakalakas ang mga ganyang pagpapahayag, at napakapuwersa rin: “Mali na ang Diyos ay nagkatawang-tao, ito’y imposible! Anumang pagkakatawang-tao ay isangkasinungalingan!” May ilang nagtatanong, “Nailigaw ba ang mga taong ito?” Hinding-hindi. Wala lamang silang tunay na pananampalataya sa Diyos. Hindi sila naniniwala sa pag-iral ng Diyos, hindi sila naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi sila naniniwala sa ginawang paglikha ng Diyos sa daigdig, at lalong hindi sila naniniwala sa ginawa ng Diyos na pagpapapako sa krus at pagtubos sa buong sangkatauhan. Para sa kanila, ang pinag-aaralan nilang teolohiya ay isang serye ng mga pangyayari sa kasaysayan, isang uri ng doktrina o teorya.

Hinango mula sa “Sila ay Masasama, Mapanganib, at Mapanlinlang (III)” sa Paglalantad sa mga Anticristo

Hindi ba maraming taong kumokontra sa Diyos at humahadlang sa gawain ng Banal na Espiritu dahil hindi nila alam ang iba’t iba at malawak na gawain ng Diyos, at, bukod pa riyan, dahil napakaliit ng taglay nilang kaalaman at doktrina para sukatin ang gawain ng Banal na Espiritu? Bagama’t mababaw ang mga karanasan ng gayong mga tao, mayabang at likas silang mapagpalayaw at hinahamak nila ang gawain ng Banal na Espiritu, binabalewala ang mga pagdidisiplina ng Banal na Espiritu at, bukod pa riyan, ginagamit nila ang kanilang mga walang-kuwentang lumang argumento upang “pagtibayin” ang gawain ng Banal na Espiritu. Nagkukunwari din sila, at lubos na kumbinsido sa sarili nilang natutuhan at kaalaman, at kumbinsido na nakakapaglakbay sila sa buong mundo. Hindi ba kinasusuklaman at inaayawan ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at hindi ba sila aalisin pagsapit ng bagong kapanahunan? Hindi ba mga kasuklam-suklam na taong mangmang at kulang sa kaalaman yaong mga humaharap sa Diyos at lantaran Siyang kinokontra, na nagpapakita lamang kung gaano sila katalino? Sa taglay nilang kaunting kaalaman tungkol sa Biblia, sinisikap nilang magwala sa “akademya” ng mundo; taglay ang isang mababaw na doktrina para turuan ang mga tao, sinusubukan nilang baligtarin ang gawain ng Banal na Espiritu at tinatangkang paikutin ito sa sarili nilang proseso ng pag-iisip. Dahil hindi nila alam ang mangyayari, sinusubukan nilang masdan sa isang sulyap ang 6,000 taon ng gawain ng Diyos. Walang anumang katinuan ang mga taong ito na dapat banggitin! Sa katunayan, kapag mas maraming kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, mas mabagal silang manghusga sa Kanyang gawain. Bukod pa riyan, katiting lamang ang binabanggit nilang kaalaman nila tungkol sa gawain ng Diyos ngayon, ngunit hindi sila padalus-dalos sa kanilang mga paghusga. Kapag mas kakaunti ang alam ng mga tao tungkol sa Diyos, mas mayabang sila at labis ang tiwala nila sa sarili at mas walang-pakundangan nilang ipinapahayag ang katauhan ng Diyos—subalit ang binabanggit nila ay teorya lamang, at wala silang ibinibigay na tunay na katibayan. Walang anumang halaga ang gayong mga tao. Yaong mga itinuturing na laro ang gawain ng Banal na Espiritu ay mga bobo! Yaong mga hindi maingat kapag nakakatagpo sila ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, na walang-tigil magsalita, mabilis humusga, malayang hinahayaan ang kanilang pag-uugali na tanggihan ang pagiging tama ng gawain ng Banal na Espiritu, at iniinsulto at nilalapastangan din ito—hindi ba mangmang ang gayon kawalang-galang ng mga tao ba tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu? Bukod pa riyan, hindi ba sila mga taong mayayabang, likas na mapagmataas at pasaway? Kahit dumating ang araw na tanggapin ng gayong mga tao ang bagong gawain ng Banal na Espiritu, hindi pa rin sila palalampasin ng Diyos. Hindi lamang nila hinahamak yaong mga gumagawa para sa Diyos, kundi nilalapastangan din nila ang Diyos Mismo. Ang gayong desperadong mga tao ay hindi patatawarin, sa kapanahunang ito man o sa darating na kapanahunan, at mapapahamak sila sa impiyerno magpakailanman! Ang gayong walang-galang at maluhong mga tao ay nagkukunwaring naniniwala sa Diyos, at kapag mas maraming taong ganito, mas malamang na suwayin nila ang mga atas administratibo ng Diyos. Hindi ba tumatahak sa landas na ito ang lahat ng mayabang na talagang hindi mapigil, at hindi pa sumunod kahit kanino kailanman? Hindi ba nila kinokontra ang Diyos bawat araw, ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas tungo sa Pagkilala sa Diyos

Naging tiwali ang tao at namumuhay sa bitag ni Satanas. Nabubuhay sa laman ang lahat ng mga tao, nabubuhay sa mga makasariling pagnanasa, at walang ni isa man sa kanila ang kaayon sa Akin. Mayroong yaong mga nagsasabing kaayon sila sa Akin, ngunit ang ganitong mga tao ay sumasamba lahat sa mga malalabong diyos-diyosan. Bagamat kinikilala nilang banal ang pangalan Ko, tumatahak sila sa landas na taliwas sa Akin, at puno ang mga salita nila ng pagmamataas at kumpiyansa sa sarili. Ito ay dahil, sa ugat, laban silang lahat sa Akin at hindi kaayon sa Akin. Araw-araw, naghahanap sila ng mga bakas Ko sa Biblia at nakahahanap nang walang pili ng “angkop” na mga siping kanilang walang katapusang binabasa at binibigkas bilang mga banal na kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon sa Akin ni ang kahulugan ng maging laban sa Akin. Nagbabasa lamang sila ng mga banal na kasulatan nang walang taros. Sa loob ng Biblia, ipinipilit nila ang isang malabong Diyos na hindi pa nila kailanman nakikita, at walang kakayahang makita, at inilalabas upang tingnan sa kanilang pagliliwaliw. Naniniwala sila sa pag-iral Ko sa loob lamang ng saklaw ng Biblia, at ipinapantay nila Ako sa Biblia; kung wala Ako wala ang Biblia, at kung wala ang Biblia wala Ako. Hindi sila nagbibigay ng pansin sa pag-iral o mga kilos Ko, ngunit sa halip ay nag-uukol ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Banal na Kasulatan. Marami pa ang naniniwala na hindi Ko dapat gawin ang anumang bagay na nais Kong gawin maliban kung ito ay hinulaan ng Banal na Kasulatan. Nagbibigay sila ng sobrang pagpapahalaga sa Banal na Kasulatan. Masasabing nakikita nilang napakahalaga ang mga salita at mga pagpapahayag, hanggang sa ginagamit nila ang mga bersikulo mula sa Biblia upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahangad nila ay hindi ang daan ng pagiging-magkaayon sa Akin o ang daan ng pagiging-magkaayon sa katotohanan, ngunit ang daan ng pagiging-magkaayon sa mga salita ng Biblia, at naniniwala silang anumang hindi umaayon sa Biblia ay, walang pagbubukod, hindi Ko gawain. Hindi ba ang ganitong mga tao ay ang masusunuring mga inapo ng mga Fariseo? Ginamit ng mga Fariseong Hudyo ang batas ni Moises upang parusahan si Jesus. Hindi nila hinangad ang pagiging-magkaayon sa Jesus ng panahong iyon, ngunit masusing sinunod ang eksaktong sinabi ng batas, hanggang—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa batas ng Lumang Tipan at pagiging hindi ang Mesiyas—sa huli ipinako nila sa krus ang walang-salang Jesus. Ano ang pinakadiwa nila? Hindi ba’t hindi nila hinangad ang daan sa pagiging-magkaayon sa katotohanan? Nahumaling sila sa bawat salita ng Banal na Kasulatan habang hindi nagbibigay pansin sa kalooban Ko o sa mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, ngunit mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong naniwala sa Diyos, ngunit mga taong naniwala sa Biblia. Sa pinakadiwa, mga tagapagbantay sila ng Biblia. Upang mapangalagaan ang mga interes ng Biblia, upang mapanatili ang dangal ng Biblia, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Biblia, humantong sila sa pagpako nila sa krus sa mahabaging Jesus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Biblia, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Biblia sa puso ng mga tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang kinabukasan nila at ang handog para sa kasalanan upang kondenahin si Jesus, na hindi umayon sa doktrina ng Banal na Kasulatan, sa kamatayan. Hindi ba sila mga manghihibo sa bawat salita ng Banal na Kasulatan?

At ano naman ang mga tao ngayon? Dumating si Cristo upang ilabas ang katotohanan, subalit mas gugustuhin nilang paalisin Siya mula sa mundong ito upang makamit nila ang pagpasok sa langit at makatanggap ng biyaya. Mas gugustuhin pa nilang lubos na ikaila ang pagdating ng katotohanan upang mapangalagaan ang mga interes ng Biblia, at mas gugustuhin pa nilang muling ipako sa krus ang Cristong nagbalik sa katawang-tao upang matiyak ang walang hanggang pag-iral ng Biblia. Paanong matatanggap ng tao ang pagliligtas Ko kung mapaghangad ng masama ang puso niya at laban sa Akin ang kalikasan niya? Namumuhay Ako kasama ng tao, ngunit hindi alam ng tao ang pag-iral Ko. Kapag pinagniningning Ko ang liwanag Ko sa tao, nananatili pa rin siyang mangmang sa pag-iral Ko. Kapag pinakakawalan Ko ang galit Ko sa tao, ikinakaila niya ang pag-iral Ko nang may mas higit pang kalakasan. Naghahanap ang tao ng pagiging-magkaayon sa mga salita at pagiging-magkaayon sa Biblia, subalit wala ni isang tao ang pumupunta sa harap Ko upang hangarin ang daan sa pagiging-magkaayon sa katotohanan. Tinitingala Ako ng tao sa langit at nagtutuon ng natatanging malasakit sa pag-iral Ko sa langit, subalit walang nagmamalasakit sa Akin sa katawang-tao, dahil Ako na namumuhay kasama ng tao ay sobrang walang halaga. Yaong mga tanging naghahangad lamang ng pagiging-magkaayon sa mga salita sa Biblia at tanging naghahangad lamang ng pagiging-magkaayon sa malabong Diyos ay mga kahabag-habag sa paningin Ko. Iyon ay dahil ang sinasamba nila ay patay na mga salita, at isang Diyos na may kakayahang bigyan sila ng hindi mabilang na kayamanan; ang sinasamba nila ay isang Diyos na inilalagay ang sarili Niya sa awa ng tao—isang Diyos na hindi umiiral. Ano, kung gayon, ang makakamit ng ganitong mga tao mula sa Akin? Masyadong mababa ang tao para sa mga salita. Yaong mga laban sa Akin, na gumagawa ng walang katapusang mga paghingi sa Akin, na mga walang pagmamahal sa katotohanan, na mga mapanghimagsik tungo sa Akin—paano sila magiging kaayon sa Akin?

Yaong mga laban sa Akin ay yaong mga hindi kaayon sa Akin. Ganito rin ang kaso ng yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan. Yaong mga naghihimagsik laban sa Akin ay lalo pang laban sa Akin at hindi kaayon sa Akin. Iniaabot Ko sa mga kamay ng masama lahat yaong mga hindi kaayon sa Akin, at ipinauubaya Ko sila sa katiwalian ng masama, bibigyang kalayaan silang ibunyag ang kasamaan nila, at sa huli ay ibibigay sila sa masama upang lamunin. Hindi Ko iniintindi kung gaano karami ang sumasamba sa Akin, na ang ibig sabihin, hindi Ko iniintindi kung gaano karami ang naniniwala sa Akin. Ang iniintindi Ko lamang ay kung gaano karami ang kaayon sa Akin. Iyon ay dahil ang lahat yaong mga hindi kaayon sa Akin ay mga masasamang ipinagkakanulo Ako; mga kaaway Ko sila, at hindi ko “isasadambana” ang mga kaaway Ko sa tahanan Ko. Yaong mga kaayon sa Akin ay magpakailanmang maglilingkod sa Akin sa tahanan Ko, at yaong mga lumalaban sa Akin ay magpakailanmang magdurusa sa kaparusahan Ko. Yaong mga may pakialam lamang sa mga salita ng Biblia at hindi nababahala sa katotohanan o sa paghahangad sa mga yapak Ko—laban sila sa Akin, dahil nililimitahan nila Ako ayon sa Biblia, at ipinipilit nila Ako sa loob ng Biblia, at sukdulang napakalapastangan tungo sa Akin. Paanong nangangahas pumunta sa harap Ko ang ganitong mga tao? Hindi sila nagbibigay pansin sa mga gawa Ko, o sa kalooban Ko, o sa katotohanan, ngunit sa halip ay nahuhumaling sila sa mga salita—mga salitang pumapatay. Paanong magiging kaayon sa Akin ang ganitong mga tao?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman