Bakit hindi nagtatamo ng kaligtasan ang mga taong mapanlinlang

Enero 26, 2022

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Sa diwa, matapat ang Diyos, at kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos yaong mga lubos na tapat sa Kanya. Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso mo sa Diyos, pagiging wagas sa Diyos sa lahat ng mga bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng mga bagay, hindi pagtatago kailanman ng katotohanan, hindi pagsusubok na malinlang yaong mga nasa itaas at nasa ibaba mo, at hindi paggawa ng mga bagay upang manuyo lamang sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa mga kilos at mga salita mo, at hindi paglilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit dobleng hirap ito para sa inyo. Maraming mga tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa sa magsalita at kumilos nang tapat. Hindi kataka-takang may iba pa Akong lunas na nakalaan para sa mga hindi tapat. Mangyari pa, ganap Kong alam kung gaano kahirap sa inyo ang maging tapat. Sapagkat matatalino kayong lahat, napakahusay sa pagtimbang sa mga tao gamit ang sarili ninyong makitid na panukat, ginagawa nitong mas payak ang gawain Ko. At yamang niyayakap sa dibdib ng bawat isa sa inyo ang mga lihim ninyo, kung sa gayon, isa-isa Ko kayong ilalagay sa kapahamakan upang “turuan” sa pamamagitan ng apoy, at nang matapos nito ay maaaring maging pirmi kayo sa paniniwala sa mga salita Ko. Sa huli, aagawin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay matapat na Diyos,” kung saan hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy, “Mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Ipinagpapalagay Kong hindi kayo magiging kasing tagumpay nang tulad ninyo ngayon. At lalong hindi kayo magiging kasing “lalim at mahirap unawain” nang tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang mga tao, pinaghihirapan nilang magkaroon ng “maayos na pag-uugali,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong isa kang tiyak na sumusubok biru-biruin ang Diyos. Kung tadtad ng mga palusot at walang halagang mga pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong kinasusuklamang isagawa ang katotohanan. Kung marami kang mga nakatagong kaalamang atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isang kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman. Kung nakalulugod sa iyong mabuti ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubhang nagagalak kang maging isang tagapaglingkod sa tahanan ng Diyos, na gumagawa nang masigasig at matapat sa di-katanyagan, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at nagsisikap lamang na maging tapat na tao. Kung handa kang maging matapat, kung handa kang gugulin ang lahat ng nasa iyo, kung kaya mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at tumayong matatag sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa punto na ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, kung gayon ay sinasabi Ko na ang mga taong ito ay yaong pinalulusog sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian. Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananampalataya at totoong katapatan sa loob mo, kung may tala ka ng pagdurusa para sa Diyos, at kung ganap kang nagpasakop sa Diyos. Kung kulang ka sa mga ito, nananatili sa loob mo ang pagsuway, panlilinlang, kasakiman, at pagdaing. Dahil malayo ang puso mo sa pagiging tapat, hindi ka kailanman nakatanggap ng positibong pagkilala mula sa Diyos at hindi kailanman namuhay sa liwanag. Kung paano masasaayos ang kapalaran ng isang tao sa huli ay nakasalalay sa kung mayroon siyang pusong tapat at kasimpula ng dugo, at kung may dalisay siyang kaluluwa. Kung isa kang taong lubhang hindi tapat, isang taong may pusong masama ang hangarin, isang taong marumi ang kaluluwa, tiyak na hahantong ka sa lugar kung saan pinarurusahan ang tao, tulad ng nakasulat sa talaan ng tadhana mo. Kung inaangkin mong lubha kang tapat, gayunpaman hindi kailanman nagawang kumilos alinsunod sa katotohanan o magpahayag ni isang totoong salita, naghihintay ka pa rin bang gantimpalaan ka ng Diyos? Umaasa ka pa rin bang ituturing ka ng Diyos na lubos Niyang minamahal? Hindi ba kakatwa ang ganitong pag-iisip? Nililinlang mo ang Diyos sa lahat ng mga bagay; paanong tatanggapin sa tahanan ng Diyos ang isang tulad mo, na marumi ang mga kamay?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

Mahal Ko ang lahat na taos-pusong gumugugol ng kanilang mga sarili para sa Akin at inilalaan ang kanilang mga sarili sa Akin. Galit Ako sa mga isinilang mula sa Akin pero hindi Ako kilala, at lumalaban pa sa Akin. Hindi Ko tatalikuran ang sinuman na taos-pusong para sa Akin; sa halip, dodoblehin Ko ang mga pagpapala ng taong iyon. Parurusahan Ko nang doble yaong mga walang utang na loob at lumalabag sa Aking kabaitan, at hindi Ko sila basta hahayaan nang ganoon na lamang. Sa Aking kaharian, walang kabuktutan o panlilinlang, at walang kamunduhan; iyon ay, walang amoy ng bangkay. Sa halip, ang lahat ay pagkamatuwid at katuwiran; ang lahat ay pagkabusilak at katapatan, na walang nakatago o lingid. Ang lahat ay sariwa, ang lahat ay kasiyahan, at ang lahat ay pagpapahusay. Ang sinumang nangangamoy-patay pa rin ay hindi maaaring manatili sa Aking kaharian, at sa halip ay pamumunuan ng Aking bakal na pamalo.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 70

Kakastiguhin Ko ang lahat ng isinilang sa Akin na hindi pa Ako kilala para ipakita ang lahat ng Aking poot, ang Aking dakilang kapangyarihan, at ang Aking buong karunungan. Sa Akin, lahat ay matuwid, at wala talagang kawalang-katarungan, walang panlilinlang, at walang kabuktutan; sinumang baluktot at mapanlinlang ay tiyak na anak ng impiyerno, isinilang sa Hades. Sa Akin lahat ay lantad; anumang sabihin Ko ay matutupad, talagang matutupad; anumang sabihin Ko ay maitatatag, maitatatag, at walang sinumang makakapagpabago o makakagaya sa mga bagay na ito dahil Ako ang nag-iisa at tanging Diyos Mismo.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 96

Lahat niyaong naniniwala sa Diyos, subalit hindi naghahangad na matamo ang katotohanan, ay walang paraan upang makatakas mula sa impluwensya ni Satanas. Lahat niyaong hindi nabubuhay nang may katapatan, na maganda ang asal sa harap ng iba ngunit iba ang asal pagtalikod nila, na nagpapakita ng pagpapakumbaba, pasensya, at pagmamahal bagama’t ang diwa nila ay mapanira, tuso, at hindi tapat sa Diyos—ang gayong mga tao ay tipikal na mga kinatawan niyaong mga nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman; sila ang mga kauri ng ahas. Yaong mga naniniwala lamang sa Diyos para sa sarili nilang pakinabang, mapagmagaling at mayabang, mapagpasikat, at pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan ay mga taong nagmamahal kay Satanas at kumokontra sa katotohanan. Ang mga taong ito ay lumalaban sa Diyos at lubos na nabibilang kay Satanas. Yaong mga hindi pumapansin sa mga pasanin ng Diyos, na hindi naglilingkod sa Diyos nang buong-puso, na laging inaalala ang sarili nilang mga interes at ang interes ng kanilang pamilya, na hindi magawang iwanan ang lahat upang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at na hindi kailanman namumuhay ayon sa Kanyang mga salita ay mga taong hindi sakop ng Kanyang mga salita. Ang ganitong mga tao ay hindi maaaring tumanggap ng papuri ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tumakas Mula sa Impluwensya ng Kadiliman, at Kakamtin Ka ng Diyos

Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ang nagpapatunay na tunay na kinamumuhian Niya ang mga mandaraya, na hindi Niya gusto ang mga taong mandaraya. Ang katunayan na hindi gusto ng Diyos ang mga mandaraya ay nangangahulugan na hindi Niya gusto ang kanilang mga kilos, disposisyon, at ang kanilang mga motibo; iyon ay, hindi nais ng Diyos ang paggawa nila ng mga bagay-bagay. Kaya kung bibigyan natin ng kasiyahan ang Diyos, dapat muna nating baguhin ang ating mga kilos at paraan ng pag-iral. Dati-rati, umasa tayo sa mga kasinungalingan at pagkukunwari para mamuhay sa piling ng mga tao. Ito ang ating puhunan, at ang batayan ng pag-iral, buhay, at pundasyon ng ating pagkilos, at lahat ng ito ay kinamuhian ng Diyos. Sa mga walang-pananalig sa mundo, kung hindi mo alam kung paano magmanipula o manloko, baka mahirapan kang manindigan. Makakaya mo lang magsinungaling, manloko, at makipagsabwatan at lihim na manira para protektahan ang iyong sarili at magbalatkayo para magkaroon ng mas mainam na buhay. Sa bahay ng Diyos, iyon mismo ang kabaligtaran: Habang mas nanloloko ka, mas gumagamit ka ng sopistikadong pagmamanipula para magkunwari at manloko ng mga tao, sa gayo’y mas hindi mo kakayaning manindigan, at mas kinamumuhian at inaalis ng Diyos ang gayong mga tao. Naitadhana na ng Diyos na ang matatapat na tao lamang ang magkakaroon ng bahaging gagampanan sa kaharian ng langit. Kung hindi ka matapat, at kung, sa buhay mo, hindi nakatuon ang iyong pagsasagawa sa pagiging matapat at hindi mo ipinapakita ang totoong pagkatao mo, hindi ka magkakaroon ng anumang pagkakataon kailanman na matamo ang gawain ng Diyos o ang Kanyang papuri.

Hinango mula sa “Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Ang mga tuso ang pinakahangal sa lahat. Huwag kang maging mapanlinlang. Kung ikaw ay tuso sa mundo ng mga hindi mananampalataya, pinangangalagaan mo ang iyong sarili; walang makakakita sa tunay mong pagkatao, at walang mangangahas na pag-initan ka. Ngunit kung ganoon ka rin sa bahay ng Diyos, sinasabi ng Diyos na hindi ka matalino; isa kang tusong hangal, at hindi ka bibigyang-pansin ng Diyos. Kahit kailan ba ay nabanggit sa mga salita ng Diyos na gusto Niya ang mga tuso, na palaging nagpapakana, na mga matamis mangusap at matalas ang isip? (Hindi.) Ang gusto ng Diyos ay mga taong matapat; hindi mahalaga kung medyo hangal ka, pero kailangan mong maging matapat. Ang mga matapat ay kayang umako ng responsibilidad, hindi nila iniisip ang kanilang mga sarili, dalisay ang kanilang mga saloobin, at sila ay matapat at mabuti sa kanilang puso. Sila ay tulad ng isang mangkok ng tubig—malinaw na nakikita ang ilalim. Kung palagi kang nagtatago ng mga bagay, pinagtatakpan ang mga iyon, sinasarili ang mga iyon, hindi malalaman ng mga tao kung ano ang nasa kaibuturan ng iyong puso, pero nakikita ng Diyos ang kaibuturan ng iyong puso. Nakikita ng Diyos kung ano ka at hindi ka Niya kailangan, hindi ka Niya gusto. Sa mundo ng mga hindi mananampalataya, gusto ng mga demonyo at mga demonyong hari ang mga taong matalas ang isip at magaling magsalita; ang mga gwardya at mga tagasunod nila ay may matatalas na mata at malalakas na pandinig, at ang mga bibig nila ay parang pulot. Sinasabi nila kung ano man ang gustong marinig ng lider at ginagawa nila kung ano man ang gustong ipagawa ng lider sa kanila. Isang tingin lang ng lider, inaayos nila ang mga bagay ayon sa gusto nito. Ngunit kailanman ay hindi itinatanong o ginugustong malaman ng lider kung ano ang iniisip nila sa kanilang puso, kung gusto nila ang lider o hindi, o kung anong mga plano ang mayroon sila. Hindi nila kailanman sinasabi ang mga bagay na ito o inihahayag ang mga ito. Gusto ng mga lider ang ganoong klase ng tao. Pero gusto ba iyon ng Diyos? (Hindi.) Gusto ng mga demonyo ang ganoong klase ng tao, pero sila ang pinakakinasusuklaman ng Diyos. Ano man ang gawin ninyo, huwag kayong maging ganoong klase ng tao. Ang mga matamis mangusap, magaling kumilala, matalas ang mata at malakas ang pandinig, marunong sa sanlibutan, ang mga umaalam muna sa opinyon ng mga tao bago gumawa ng hakbang, at ipinakikitang mabuti ang ginagawa nila—sinasabi Ko sa iyo, sa harap ng Diyos, ang gayong mga tao ay kinasusuklaman; hindi gusto ng Diyos ang gayong mga tao, at nasusuklam Siya sa kanila. Kung gayon ay mabibiyayaan at maliliwanagan ba sila ng Diyos? Mapagpapala ba Niya ang gayong mga tao? Hindi. Sila ay tuso, at inihahanay sila ng Diyos na kauri ng mga hayop. Hindi Niya itinuturing na tao ang mga iyon, kundi mga hayop. Sa mga mata ng Diyos, ang mga taong ito ay nagsusuot lang ng balat ng tao, ngunit ang panloob nilang diwa ay ang diwa ng demonyong si Satanas. Sila ay katumbas ng isang hayop o ng naglalakad na patay, at hindi sila ililigtas ng Diyos kahit kailan. Kung gayon ay ano ang gagawin ng Diyos? Kapag may nangyari sa mga taong ito, hindi sila kailanman binibigyan ng kaliwanagan o pagtanglaw; kulang sila sa tunay na pananampalataya, at hindi nila kayang tunay na manalig sa Diyos. Ito ang dahilan kung bakit hindi nila kayang magkaroon ng isang tunay na pasanin sa kanilang mga sarili. At sa kakulangan ng lahat ng ito, nagagawa ba ng mga taong ito na maunawaan at matamo ang katotohanan? (Hindi.) Kaya’t ano sa palagay ninyo—ang mga tao bang ito ay matalino o hangal? Ang tingin nila sa mga sarili nila ay matalino, pero ang totoo ay hindi sila matalino, mga tuso sila, at ipinahamak na sila ng katusuhan nilang ito. Hindi sila gusto ng Diyos, at sila ay kinokondena. At kung hindi ka gusto ng Diyos, kung gayon ay anong pag-asa ang mayroon ka sa iyong pananampalataya sa Diyos? Nawalan na ng kabuluhan ang iyong pananampalataya sa Diyos, kaya’t bakit ka pa maniniwala? Sa huli, ikaw ay nakatadhanang hindi magtamo ng kahit ano.

Hinango mula sa “Pagkilala sa mga Huwad na Lider (8)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Maaaring alam ng isang taong mapanlinlang na sila ay tuso, na mahilig silang magsinungaling at ayaw nilang sabihin ang katotohanan, at na lagi nilang sinisikap na ilihim sa ibang mga tao ang ginagawa nila, ngunit magkagayunman ay natutuwa sila rito, na iniisip sa kanilang sarili, “Masarap mabuhay nang ganito. Palagi kong nalilinlang ang ibang mga tao, ngunit hindi nila magagawa iyon sa akin. Halos palagi akong nasisiyahan pagdating sa sarili kong mga interes, kapalaluan, katayuan, at pagkabanidoso. Umaayon ang mga bagay-bagay sa mga plano ko, nang walang hirap, tuluy-tuloy, at walang sinumang nakakahalata.” Handa ba ang ganoong uri ng tao na maging matapat? Hindi. Itinuturing nilang positibo ang kanilang katusuhan at kabuktutan. Itinatangi nila ang mga ito at atubili silang iwaksi ang mga ito. Naniniwala silang, “Ito lamang ang komportableng paraan ng pamumuhay, ito ang tamang landas sa buhay. Sa ganitong pamumuhay lamang ako nagiging tunay na tao, nagiging perpekto, nagkakaroon ng halaga, nagiging tanyag, kinaiinggitan ng iba, at tinitingala nila. Kung ako ay isang matapat na tao, kakailanganin kong sabihin sa mga tao ang lahat, tulad ng sabi ng Panginoong Jesus: ‘Datapuwa’t ang magiging pananalita ninyo’y, Oo, oo; Hindi, hindi’ (Mateo 5:37). Halatang-halata ang mga taong katulad niyon; hinahayaan nilang mahalata sila ng iba, hinahayaan nilang manipulahin sila ng iba sa lahat ng bagay samantalang hindi nila kayang manipulahin ang iba. Hinding-hindi ako magiging katulad nila!” Magagawa bang iwaksi ng isang taong tulad nito ang kanilang sariling panlilinlang? Gaano katagal man silang naniniwala sa Diyos, ilang katotohanan man ang kanilang narinig, at gaano man nila naunawaan ang paraan ng katotohanan, hinding-hindi tunay na susundin ng gayong mga tao ang Diyos. Hinding-hindi nila masayang susundin ang Diyos, sapagkat napakarami nilang kakailanganing isuko para magawa iyon. Iniisip nila na ang ibig sabihin ng pagsampalataya sa Diyos ay paniniwala lamang sa relihiyon, na matawag lamang na mananampalataya, na gumagawa ng ilang mabubuting gawa, at may isang bagay na magbibigay sa kanila ng espirituwal na panustos, iyon lamang. Hindi nila iniisip na kailangan nilang magsakripisyo na kahit paano ay makakaapekto sa sarili nilang mga interes, o na kailangan nilang isuko ang anuman. Sapat na ito para sa kanila, nasisiyahan na sila rito, at ang ganitong klaseng pananampalataya ay talagang magaling. Matatamo kaya ng ganitong mga tao ang katotohanan sa huli? (Hindi.) Bakit ganoon? Wala silang pagmamahal sa mga positibong bagay, hindi sila nasasabik sa liwanag, at hindi nila mahal ang daan ng Diyos o ang katotohanan. Minamahal, sinasamba, at itinatangi nila ang kasamaan—itinatangi nila ang mga negatibong bagay. Ang kanilang sinasamba, hinahangaan, hinahangad at pinananabikan sa kanilang puso ay hindi ang maging isang taong nagtataglay ng katotohanan, ni hindi ang maging isang taong minamahal ng Diyos, kundi ang maging isang taong sa tingin ay gumagawa ng mabubuting gawa. Nais nila kung ano ang inimbento nila sa kanilang isipan, at ang anumang hangarin o pakana nila, para makapanlinlang sila nang lihim, makapaglihim sa lahat ng nakakakilala nila, para hindi sila mahalata ninuman. Nais nilang iposisyon kaagad ang kanilang sarili kahit kanino, na hindi tumigil sa lahat ng klaseng panloloko, pandaraya, at taktika nang may lubos na kasanayan, at mabati nang may pagsamba at pagtanggap saanman sila magtungo. Iyan ang klase ng taong nais nilang kahinatnan. Anong uri ng paraan ito? Ito ang paraan ng mga demonyo. Hindi ito ang daang tinatahak ng isang tunay na tao. Para malinlang ang mga tao sa kanilang personal na pagtitiwala, bigyan sila ng magandang pakiramdam at maling ilusyon, ginagamit nila ang mga makamundong pilosopiya ni Satanas, ang lohika nito, ang direksyong layon ng mga kilos nito at ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng mga kilos nito; ginagamit nila ang lahat ng pakana, panlalansi, sa lahat ng sitwasyon. Hindi ito ang landas na nararapat tahakin ng mga taong naniniwala sa Diyos; ang huling kahahantungan nito ay hindi lamang na hindi sila maliligtas, kundi mapaparusahan sila. Ganito ang magiging klase ng patutunguhan nila—hindi ito maaaring pagdudahan ni katiting.

Hinango mula sa “Ang Paniniwala sa Relihiyon ay Hindi Kailanman Hahantong sa Kaligtasan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.