Paano natin mauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos sa lahat ng ating nakahaharap?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sa kalakhan ng sansinukob at ng kalangitan, di-mabilang na mga nilikha ang naninirahan at nagpaparami, sumusunod sa batas ng siklo ng buhay, at sumusunod sa isang tuntuning hindi nagbabago. Yaong mga namamatay ay tinatangay ang mga kuwento ng mga buhay, at yaong mga buhay ay inuulit ang parehong kalunus-lunos na kasaysayan ng mga pumanaw na. Kaya nga, hindi maiwasan ng sangkatauhan na tanungin ang sarili: Bakit tayo nabubuhay? At bakit kailangan nating mamatay? Sino ang nag-uutos sa mundong ito? At sino ang lumikha sa sangkatauhang ito? Tunay bang nilikha ng Inang Kalikasan ang sangkatauhan? Tunay bang nasa kontrol ng sangkatauhan ang kanyang sariling kapalaran? … Ito ang mga bagay na walang tigil na itinatanong ng sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon. Sa kasamaang-palad, habang mas nasasaisip ng tao ang mga katanungang ito, mas nagkakaroon siya ng pagkauhaw sa siyensya. Handog ng siyensya ang panandaliang kaluguran at pansamantalang kasiyahan ng laman, ngunit hindi sapat upang palayain ang tao mula sa pag-iisa, kalungkutan, at halos di-maitagong takot at kawalan ng magagawa sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa. Ginagamit lamang ng sangkatauhan ang kaalaman sa siyensya na nakikita ng kanyang mata at nauunawaan ng kanyang utak upang gawing manhid ang kanyang puso. Gayunma’y hindi sapat ang gayong kaalaman sa siyensya upang pigilan ang sangkatauhan sa pagsisiyasat sa mga hiwaga. Hindi lamang alam ng sangkatauhan kung sino ang Pinakamakapangyarihan sa sansinukob at sa lahat ng bagay, lalo na ang simula at hinaharap ng sangkatauhan. Ang tao ay nabubuhay lamang, nang sapilitan, sa gitna ng batas na ito. Walang makakatakas dito at walang makakapagpabago rito, sapagkat sa lahat ng bagay at sa kalangitan ay Iisa lamang ang nagmumula sa walang hanggan hanggang walang hanggan na nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Siya Yaong hindi pa nakikita ng tao kailanman, Yaong hindi pa nakikilala ng sangkatauhan kailanman, na kung kaninong pag-iral ay hindi pa napaniwalaan ng sangkatauhan kailanman—gayunma’y Siya ang nagbuga ng hininga sa mga ninuno ng sangkatauhan at nagbigay ng buhay sa sangkatauhan. Siya Yaong nagtutustos at nangangalaga sa sangkatauhan, na nagpapahintulot na siya ay umiral; at Siya Yaong nakagabay sa sangkatauhan hanggang ngayon. Bukod pa rito, Siya at Siya lamang ang inaasahan ng sangkatauhan para sa kaligtasan. Siya ang nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at namumuno sa lahat ng nabubuhay sa sansinukob. Siya ang nag-uutos sa apat na panahon, at Siya ang tumatawag sa hangin, nagyelong hamog, niyebe, at ulan. Siya ang nagdadala ng sikat ng araw sa sangkatauhan at nagpapasimula sa gabi. Siya ang naglatag ng kalangitan at lupa, na nagbibigay sa tao ng mga kabundukan, lawa, at ilog at lahat ng nabubuhay roon. Ang Kanyang mga gawa ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang kapangyarihan ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang karunungan ay nasa lahat ng dako, at ang Kanyang awtoridad ay nasa lahat ng dako. Bawat isa sa mga batas at tuntunin na ito ay sagisag ng Kanyang mga gawa, at bawat isa ay naghahayag ng Kanyang karunungan at awtoridad. Sino ang hindi magpapasaklaw ng kanilang sarili sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? At sino ang hindi magpapasakop ng kanilang sarili sa Kanyang mga plano? Lahat ng bagay ay umiiral sa ilalim ng Kanyang titig, at bukod pa rito, lahat ng bagay ay nabubuhay sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang Kanyang mga gawa at Kanyang kapangyarihan ay nag-iiwan sa sangkatauhan na walang pagpipilian kundi kilalanin ang katunayan na Siya ay totoong umiiral at nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Wala maliban sa Kanya ang makapag-uutos sa sansinukob, lalong walang makapaglalaan nang walang katapusan para sa sangkatauhang ito. Nagagawa mo mang kilalanin ang mga gawa ng Diyos, at naniniwala ka man sa pag-iral ng Diyos, walang duda na ang Diyos ang nagpapasiya sa iyong kapalaran, at walang duda na palaging tataglayin ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang Kanyang pag-iral at awtoridad ay hindi nakasalalay sa kung sila ay kinikilala at naiintindihan ng tao o hindi. Siya lamang ang nakakaalam ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng tao, at Siya lamang ang maaaring magpasiya sa kapalaran ng sangkatauhan. Kaya mo mang tanggapin ang katunayan na ito, hindi na magtatagal bago masaksihan ng sangkatauhan ang lahat ng ito sa kanyang sariling mga mata, at ito ang katunayan na malapit nang isagawa ng Diyos. Ang sangkatauhan ay nabubuhay at namamatay sa ilalim ng mga mata ng Diyos. Ang tao ay nabubuhay para sa pamamahala ng Diyos, at kapag pumikit ang kanyang mga mata sa huling pagkakataon, para din sa pamamahalang ito kaya pumipikit ang mga ito. Ang tao ay dumarating at umaalis nang paulit-ulit, paroo’t parito. Walang eksepsyon, lahat ng ito ay bahagi ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ng Kanyang plano.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos
Ang Diyos ang Siyang namumuno sa lahat ng bagay at nangangasiwa sa lahat ng bagay. Nilikha Niya ang lahat ng narito, pinangangasiwaan Niya ang lahat ng narito, pinamumunuan Niya ang lahat ng narito, at tinutustusan Niya ang lahat ng narito. Ito ang katayuan ng Diyos, at ang Kanyang pagkakakilanlan. Para sa lahat ng bagay at sa lahat ng narito, ang tunay na pagkakakilanlan ng Diyos ay ang Lumikha at ang Pinuno ng lahat ng nilikha. Iyan ang pagkakakilanlan na taglay ng Diyos, at Siya ay natatangi sa lahat ng bagay. Wala ni isa sa mga nilikha ng Diyos—sa sangkatauhan man o sa espirituwal na mundo—ang maaaring gumamit ng anumang kaparaanan o katwiran para magkunwaring Diyos o pumalit sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos, sapagkat Siya lamang, sa lahat ng bagay, ang nagtataglay ng pagkakakilanlan, kapangyarihan, awtoridad, at kakayahang ito na mamuno sa lahat ng nilikha: ang ating natatanging Diyos Mismo. Siya ay nabubuhay at gumagalaw sa lahat ng bagay; maaari Siyang umangat sa pinakamataas na lugar, sa ibabaw ng lahat ng bagay. Maaaring magpakumbaba Siya Mismo sa pamamagitan ng pagiging tao, pagiging isa sa mga may laman at dugo, at makaharap sa mga tao at makibahagi sa kanilang kaligayahan at kalungkutan, samantalang kasabay nito, inuutusan Niya ang lahat ng narito, at pinagpapasiyahan ang kapalaran ng lahat ng narito at kung saang direksyon patungo ang lahat ng ito. Bukod pa riyan, ginagabayan Niya ang kapalaran ng buong sangkatauhan, at pinapatnubayan ang direksyon ng sangkatauhan. Ang isang Diyos na tulad nito ay dapat sambahin, sundin, at kilalanin ng lahat ng nilalang na may buhay. Sa gayon, saanmang grupo o uri ng sangkatauhan ka nabibilang, ang paniniwala sa Diyos, pagsunod sa Diyos, pagpipitagan sa Diyos, pagtanggap sa Kanyang panuntunan, at pagtanggap sa Kanyang mga plano para sa iyong kapalaran ang tanging pagpipilian—ang kinakailangang pagpili—para sa sinumang tao at para sa anumang nilalang na may buhay. Sa pagiging natatangi ng Diyos, nakikita ng mga tao na ang Kanyang awtoridad, Kanyang matuwid na disposisyon, Kanyang diwa, at mga kaparaanan kung paano Niya tinutustusan ang lahat ng bagay ay ganap na natatanging lahat; ang pagiging natatanging ito ang tumutukoy sa tunay na pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, at ito ang tumutukoy sa Kanyang katayuan. Samakatuwid, sa lahat ng nilikha, kung nais pumalit ng anumang nilalang na may buhay sa espirituwal na mundo o sa sangkatauhan ang magnais sa lugar ng Diyos, imposibleng magtagumpay ito, tulad ng anumang pagtatangkang magkunwaring Diyos. Totoo ito.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X
Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, kaya nga ginagawa Niyang sumailalim ang lahat ng nilikha sa Kanyang kapamahalaan at magpasakop sa Kanyang kapamahalaan; uutusan Niya ang lahat ng bagay, para lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay. Lahat ng nilikha ng Diyos, pati na ang mga hayop, halaman, sangkatauhan, kabundukan at mga ilog, at mga lawa—lahat ay kailangang sumailalim sa Kanyang kapamahalaan. Lahat ng bagay sa kalangitan at sa lupa ay kailangang sumailalim sa Kanyang kapamahalaan. Hindi sila maaaring magkaroon ng anumang pagpipilian at kailangang magpasakop ang lahat sa Kanyang mga pagsasaayos. Ito ay iniutos ng Diyos, at ito ang awtoridad ng Diyos. Inuutusan ng Diyos ang lahat, at inaayos at inihahanay ang lahat ng bagay, na bawat isa ay nakabukod ayon sa uri, at pinaglaanan ng sarili nilang posisyon, ayon sa kalooban ng Diyos. Gaano man iyon kalaki, walang anumang bagay ang makakahigit sa Diyos, lahat ng bagay ay nagsisilbi sa sangkatauhang nilikha ng Diyos, at walang anumang bagay ang nangangahas na sumuway sa Diyos o humingi ng anuman sa Diyos.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao
May isang pangunahing prinsipyo sa pagtrato ng Panginoon ng paglalang sa mga nilikha, na siya ring pinakamataas na prinsipyo. Kung paano Niya tratuhin ang mga nilikha ay lubos na nababatay sa Kanyang plano ng pamamahala at sa Kanyang mga kahilingan; hindi Niya kailangang sumangguni kaninuman, ni hindi Niya kailangang pasang-ayunin sa Kanya ang sinuman. Anuman ang dapat Niyang gawin at paano man Niya dapat tratuhin ang mga tao, ginagawa Niya, at, anuman ang Kanyang ginagawa o paano man Niya tinatrato ang mga tao, lahat ng mga ito ay naaayon sa mga prinsipyo ng paggawa ng Panginoon ng paglikha. Bilang isang nilikha, ang tanging gagawin ay magpasakop; wala nang iba pang dapat pagpipilian. Ano ang ipinapakita nito? Ipinapakita nito na ang Panginoon ng paglikha ay laging magiging Panginoon ng paglikha; nasa Kanya ang kapangyarihan at mga katangian upang isaayos at pamahalaan ang sinumang nilikha ayon sa gusto Niya, at hindi kailangang magkaroon ng dahilan para gawin iyon. Ito ang Kanyang awtoridad. Wala ni isa man sa mga nilikha, dahil sila ay mga nilikha, ang may kapangyarihan o karapat-dapat humatol kung paano dapat kumilos ang Lumikha o kung tama o mali ang Kanyang ginagawa, ni hindi karapat-dapat na pumili ang sinumang nilikha kung dapat silang pamahalaan, isaayos, o itapon ng Panginoon ng paglikha. Gayundin, wala ni isang nilikha ang karapat-dapat na pumili kung paano sila pinamamahalaan at itinatapon ng Panginoon ng paglikha. Ito ang pinakamataas na katotohanan. Anuman ang nagawa na ng Panginoon ng paglikha sa Kanyang mga nilikha, at paano man Niya nagawa na iyon, isa lamang ang dapat gawin ng mga taong Kanyang nilikha: Hanapin, magpasakop, alamin, at tanggapin ang katunayang ito na inilagay ng Panginoon ng paglikha. Ang magiging resulta sa huli ay na maisasakatuparan na ng Panginoon ng paglikha ang Kanyang plano ng pamamahala at matatapos na ang Kanyang gawain, na naging sanhi upang sumulong ang Kanyang plano ng pamamahala nang walang anumang mga sagabal; samantala, dahil natanggap na ng mga nilikha ang pamamahala at mga plano ng Lumikha, at nagpasakop na sa Kanyang pamamahala at mga plano, matatamo na nila ang katotohanan, mauunawaan na ang kalooban ng Lumikha, at malalaman na ang Kanyang disposisyon. May isa pang prinsipyo na kailangan Kong sabihin sa inyo: Anuman ang ginagawa ng Lumikha, paano man Siya nagpapakita, at malaki man o maliit ang Kanyang ginagawa, Siya pa rin ang Lumikha; samantalang ang buong sangkatauhan, na Kanyang nilikha, anuman ang kanilang nagawa, at gaano man sila katalino o kapalad, ay nananatiling mga nilikha. Tungkol naman sa mga taong nilikha, gaano man karaming biyaya at gaano man karaming pagpapala ang natanggap nila mula sa Lumikha, o gaano man kalaking awa, kabutihang-loob, o kabaitan, hindi sila dapat maniwala na naiiba sila sa madla, o mag-isip na maaari silang makapantay sa Diyos at na mataas na ang kanilang katungkulan sa lahat ng nilalang. Ilang kaloob man ang naigawad sa iyo ng Diyos, o gaano kalaking biyaya ang naibigay Niya sa iyo, o gaano kabait ka man Niya natrato, o nabigyan ka man Niya ng ilang espesyal na talento, wala sa mga ito ang mga yaman mo. Ikaw ay isang nilikha, at sa gayon ay magiging isa kang nilikha magpakailanman. Huwag mong isipin kailanman na, “Isa akong munting sinta sa mga kamay ng Diyos. Hindi Niya ako pagbubuhatan ng kamay. Ang saloobin ng Diyos sa akin ay lagi nang magiging isang pagmamahal, pagmamalasakit, at magigiliw na paghaplos, na may kasamang mga bulong ng aliw at pagpapalakas ng loob.” Bagkus, sa mga mata ng Lumikha, katulad ka ng lahat ng iba pang nilikha; maaari kang kasangkapanin ng Diyos kung gusto Niya, at maiaayon ka rin Niya kung gusto Niya, at maaari Niyang isaayos kung gusto Niya na gampanan mo ang bawat tungkulin sa lahat ng uri ng tao, kaganapan, at bagay. Ito ang kaalamang dapat magkaroon ang mga tao, at ang magandang diwang dapat nilang taglayin.
mula sa “Sa Paghahanap Lamang ng Katotohanan Malalaman ng Isang Tao ang mga Gawa ng Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo
Kung saan ka pupunta araw-araw, ano ang gagawin mo, sino o ano ang iyong makakatagpo, ano ang sasabihin mo, ano ang mangyayari sa iyo—maaari bang mahulaan ang alinman sa mga ito? Hindi maaaring mahulaan ng mga tao ang lahat ng pangyayaring ito, at lalong hindi nila makokontrol kung paano magaganap ang mga ito. Sa buhay, ang mga di-mahuhulaang pangyayaring ito ay nagaganap sa lahat ng oras; ang mga ito’y nangyayari araw-araw. Ang mga pang-araw-araw na pagbabago na ito at ang mga paraan kung paano nangyayari ang mga ito o ang mga disenyong sinusundan ng mga ito, ay palagiang pagpapaalala sa sangkatauhan na walang nangyayari nang sapalaran, na ang proseso ng bawat pangyayari, ang pagiging di-maiiwasan ng bawat pangyayari, ay hindi mababago ayon sa kagustuhan ng tao. Bawat pangyayari ay naghahatid ng isang paalala ng Lumikha sa sangkatauhan, at nagdadala rin ito ng mensahe na hindi maaaring makontrol ng mga tao ang kanilang sariling kapalaran. Ang bawat pangyayari ay isang pagsalungat sa padalus-dalos at walang-saysay na ambisyon at pagnanasa ng sangkatauhan na ilagay sa sarili nilang mga kamay ang kanilang kapalaran. Ang mga ito’y parang malalakas at sunud-sunod na sampal sa mukha ng sangkatauhan na pumipilit sa mga tao na isaalang-alang kung sino ang namamahala at kumokontrol sa kanilang kapalaran sa bandang huli. At habang ang kanilang mga ambisyon at mga pagnanais ay paulit-ulit na nahahadlangan at nadudurog, likas na humahantong ang mga tao sa walang-malay na pagtanggap sa kung ano ang inilaan ng kapalaran—isang pagtanggap sa realidad, sa kalooban ng Langit at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Mula sa mga pang-araw-araw na pagbabagong ito hanggang sa mga kapalaran ng buong buhay ng mga tao, walang bagay na hindi nagbubunyag sa mga plano ng Lumikha at ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan; walang anumang hindi nagpapaabot ng mensahe na “ang awtoridad ng Lumikha ay hindi malalampasan,” na hindi nagpapahayag ng walang hanggang katotohanan na “ang awtoridad ng Lumikha ang pinakamataas.”
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Kapag nahaharap sa mga problema sa tunay na buhay, paano mo dapat alamin at unawain ang awtoridad ng Diyos at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? Kapag naharap ka sa ganitong mga problema at hindi mo alam kung paano unawain, hawakan, at danasin ang mga ito, anong saloobin ang dapat mong angkinin upang ipakita ang iyong intensyong magpasakop, ang iyong pagnanais na magpasakop, at ang realidad ng iyong pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Una, dapat mong matutuhan ang maghintay; pagkatapos, dapat mong matutuhang maghanap; pagkatapos, dapat mong matutuhang magpasakop. Ang “paghihintay” ay nangangahulugan na paghihintay sa panahon ng Diyos, hinihintay ang mga tao, pangyayari, at bagay na Kanyang isinaayos para sa iyo, naghihintay na unti-unting ibunyag ng Kanyang kalooban ang kanyang sarili sa iyo. Ang ibig sabihin ng “paghahanap” ay pagmamasid at pag-unawa sa maalalahaning mga intensyon ng Diyos para sa iyo sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, at bagay na inilatag Niya, pag-unawa sa katotohanan sa pamamagitan nila, pag-unawa sa dapat maisagawa ng tao at mga daang dapat nilang sundan, pag-unawa sa mga resulta na nais na makamtan ng Diyos sa mga tao at ano ang mga gusto Niyang magawa sa kanila. Ang “pagpapasakop,” mangyari pa, ay tumutukoy sa pagtanggap sa mga tao, pangyayari, at bagay na isinaayos ng Diyos, pagtanggap sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at, sa pamamagitan nito, ay malaman kung paano idinidikta ng Lumikha ang kapalaran ng tao, kung paano Niya tinutustusan ang tao ng Kanyang buhay, kung paano Niya pinapagana ang katotohanan sa tao. Lahat ng bagay sa ilalim ng mga pagsasaayos at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay sumusunod sa natural na mga batas, at kung pagpasyahan mo na hayaan ang Diyos na isaayos at diktahan ang lahat para sa iyo, dapat mong matutuhan ang maghintay, dapat mong matutuhan ang maghanap, at dapat mong matutuhan ang magpasakop. Ito ang saloobin na dapat magkaroon ang bawat tao na nagnanais magpasakop sa awtoridad ng Diyos, ang pangunahing katangian na dapat taglayin ng bawat tao na nagnanais tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Upang magkaroon ng ganoong saloobin at para magkaroon ng ganoong katangian, dapat ay lalo kang magpunyagi. Ito ang tanging paraan para makapasok sa tunay na realidad.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa gitna ng mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panghihimasok ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubukan, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng tao, at panghihimasok ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan. … Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo. Bagama’t maaaring hindi mukhang mahalaga ang mga ito sa panlabas, kapag nangyayari ang mga bagay na ito, ipinakikita ng mga ito kung mahal mo ba o hindi ang Diyos. Kung mahal mo, makakapanindigan ka sa iyong patotoo sa Kanya, at kung hindi mo naisagawa ang pag-ibig sa Kanya, ipinapakita nito na ikaw ay hindi isang taong nagsasagawa ng katotohanan, na ikaw ay walang katotohanan, at walang buhay, na ikaw ay ipa! Ang lahat ng bagay na nangyayari sa mga tao ay nangyayari kapag kailangan sila ng Diyos na manindigan sa kanilang pagpapatotoo sa Kanya. Bagama’t walang malaking nangyayari sa iyo sa sandaling ito at hindi ka lubos na nagpapatotoo, ang bawat detalye ng iyong pang-araw-araw na buhay ay isang patotoo sa Diyos. Kung makakamit mo ang paghanga ng iyong mga kapatid, mga miyembro ng iyong pamilya, at lahat ng tao sa iyong paligid; kung, isang araw, dumating ang mga hindi mananampalataya, at humanga sa lahat ng iyong ginagawa, at makitang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kahanga-hanga, nakapagpatotoo ka na. Kahit wala kang kabatiran at mababa ang iyong kakayahan, sa pamamagitan ng pagperpekto sa iyo ng Diyos, nagagawa mong bigyan Siya ng kasiyahan at isaisip ang Kanyang kalooban, na ipinapakita sa iba ang dakilang gawaing nagawa Niya sa mga tao na may pinakamababang kakayahan. Kapag nakikilala ng mga tao ang Diyos at nagiging mga mananagumpay sila sa harap ni Satanas, na lubhang matapat sa Diyos, wala nang iba pang mas may lakas kaysa sa grupong ito ng mga tao, at ito ang pinakadakilang patotoo.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos
Kahit na hindi pa kailanman nakikita ni Job ang Diyos o naririnig ang mga salita ng Diyos sa kanyang sariling mga tainga, ang Diyos ay may lugar sa puso ni Job. Ano ang saloobin ni Job sa Diyos? Ito ay, tulad ng tinukoy natin dati, “purihin ang pangalan ni Jehova.” Ang kanyang pagpapala sa pangalan ng Diyos ay walang kondisyon, walang kinalaman sa konteksto, at hindi nakatali sa anumang dahilan. Nakikita natin na ibinigay ni Job ang kanyang puso sa Diyos, pinahintulutan niya na pamahalaan ito ng Diyos; lahat ng inisip niya, lahat ng pagpapasya niya, at lahat ng binalak niya sa kanyang puso ay inilatag sa Diyos at hindi itinago mula sa Diyos. Ang kanyang puso ay hindi sumalungat sa Diyos, at hindi niya kailanman hiningi sa Diyos na gawin ang kahit na ano para sa kanya o ibigay ang anumang bagay, at hindi siya nagtanim ng mga marangyang hangarin na may makukuha siyang anumang bagay mula sa kanyang pagsamba sa Diyos. Si Job ay hindi nakipagpalitan sa Diyos, at hindi humiling o humingi sa Diyos. Ang kanyang pagpupuri sa pangalan ng Diyos ay dahil sa dakilang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos sa pamumuno sa lahat ng bagay, at hindi nakasalalay sa kung siya ay nagkamit ng pagpapala o nakaranas ng kalamidad. Naniwala siya na kung magbibigay man ng pagpapala ang Diyos sa mga tao o kaya ay magdudulot ng kapahamakan sa kanila, ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay hindi magbabago, at dahil dito, anuman ang kalagayan ng isang tao, ang pangalan ng Diyos ay dapat na purihin. Dahil sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, pinagpala ang tao, at kapag dumating ang sakuna sa tao, ito ay dahil din sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay namamahala at nagsasaayos ng lahat tungkol sa tao; ang pabago-bagong kapalaran ng tao ay pagpapahayag ng kapangyarihan at awtoridad ng Diyos, at kung anuman ang pananaw ng tao, ang pangalan ng Diyos ay dapat na papurihan. Ito ang naranasan at nalaman ni Job sa mga taon ng kanyang buhay. Ang lahat ng mga inisip at ikinilos ni Job ay umabot sa mga tainga ng Diyos, at dumating sa harap ng Diyos, at itinuring na mahalaga ng Diyos. Itinangi ng Diyos ang kaalamang ito ni Job, at pinahalagahan Niya si Job sa pagkakaroon ng ganitong puso. Ang pusong ito ay palaging naghihintay sa utos ng Diyos, at sa lahat ng lugar, at kahit ano pa ang oras o lugar, tinanggap nito ang anumang dumating sa kanya. Walang hiniling si Job sa Diyos. Ang hiningi niya sa sarili niya ay ang maghintay, tumanggap, humarap at sumunod sa lahat ng pagsasaayos na nanggaling sa Diyos; naniwala si Job na ito ang kanyang tungkulin, at ito mismo ang nais ng Diyos.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
Sa kanyang paniniwala sa Diyos, hinangad ni Pedro na bigyang-kasiyahan ang Diyos sa lahat ng bagay, at hinangad na sundin ang lahat ng nagmula sa Diyos. Wala ni katiting na reklamo, nagawa niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol, gayundin ang pagpipino, kapighatian at kakulangan sa kanyang buhay, at walang isa man dito na maaaring magpabago sa kanyang pagmamahal sa Diyos. Hindi ba ito ang sukdulang pagmamahal sa Diyos? Hindi ba ito ang katuparan ng tungkulin ng isang nilalang ng Diyos? Sa pagkastigo man, paghatol, o kapighatian, lagi kang may kakayahang maging masunurin hanggang kamatayan, at ito ang dapat makamit ng isang nilalang ng Diyos, ito ang kadalisayan ng pagmamahal sa Diyos. Kung makakamtan ng tao ang ganito, siya ay isang angkop na nilalang ng Diyos, at wala nang ibang mas nagbibigay-kasiyahan sa naisin ng Lumikha. Ipagpalagay nang nakakagawa ka para sa Diyos, subalit hindi ka sumusunod sa Diyos, at hindi mo kayang tunay na mahalin ang Diyos. Sa ganitong paraan, hindi mo lamang hindi natupad ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos, kundi ikukondena ka rin ng Diyos, dahil ikaw ay isang taong hindi nagtataglay ng katotohanan, na walang kakayahang sumunod sa Diyos, at suwail sa Diyos. Pinahahalagahan mo lamang ang paggawa para sa Diyos, at hindi mo pinahahalagahan ang pagsasagawa ng katotohanan o pagkilala sa iyong sarili. Hindi mo nauunawaan o nakikilala ang Lumikha, at hindi mo sinusunod o minamahal ang Lumikha. Ikaw ay isang taong likas na suwail sa Diyos, kaya nga ang gayong mga tao ay hindi minamahal ng Lumikha.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao
Tanging ang mga Nagpapasakop sa Dakilang Kapangyarihan ng Lumikha ang Maaaring Makatamo ng Tunay na Kalayaan
Dahil hindi nakikilala ng mga tao ang pagsasaayos ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, palagi nilang hinaharap ang kapalaran nang may pagtanggi at mapanghimagsik na saloobin, at palaging nais isantabi ang awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang mga bagay na inilaan ng kapalaran, umaasa nang walang-saysay na mababago ang kanilang kasalukuyang mga kalagayan at mapapalitan ang kanilang kapalaran. Subalit hindi sila kailanman magtatagumpay at nahahadlangan sila sa bawat liko. Ang pakikibakang ito na nagaganap sa kaibuturan ng sariling kaluluwa ay nagdudulot ng matinding sakit na tila tagos hanggang buto habang unti-unti niyang inaaksaya ang kanyang buhay. Ano ang sanhi ng sakit na ito? Dahil ba sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, o dahil sa ang tao ay ipinanganak na hindi maswerte? Malinaw na alinman dito ay hindi totoo. Pangunahin na ito ay dahil sa mga landas na tinatahak ng mga tao, sa mga paraan na pinili ng mga tao na isabuhay ang kanilang mga buhay. May ilang tao na maaaring hindi nakatanto ng mga bagay na ito. Subalit kapag tunay mong nalalaman, kapag tunay mong nakikilala na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, kapag tunay mong nauunawaan na ang lahat ng pinlano at pinagpasyahan ng Diyos para sa iyo ay isang malaking benepisyo at proteksyon, kung gayon unti-unting mapapawi ang iyong sakit, at ang buo mong pagkatao ay walang tensyon, malaya, may kasarinlan. Batay sa mga kalagayan ng karamihan sa mga tao, hindi nila kayang tanggapin sa katunayan ang praktikal na halaga at kahulugan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng tao, bagaman sa personal na lebel, ayaw na nilang patuloy na mamuhay gaya ng dati at nais nila ng ginhawa mula sa kanilang sakit; talagang hindi nila kayang tunay na makilala at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at lalong hindi alam kung paano hahanapin at tatanggapin ang mga pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha. Kung kaya, kapag hindi talaga makilala ng mga tao ang katotohanan na ang Lumikha ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao at sa lahat ng bagay na pantao, kung hindi sila tunay na makapagpapasakop sa pangingibabaw ng Lumikha, kung gayon ay magiging mahirap para sa kanila na hindi madala at hindi mapigilan ng ideya na “ang kapalaran ng isang tao ay nasa kanyang sariling mga kamay.” Magiging mahirap para sa kanila na pagpagin ang sakit ng kanilang matinding pakikibaka laban sa kapalaran at sa awtoridad ng Lumikha, at hindi man kailangang sabihin, magiging mahirap din para sa kanila na maging tunay na napalaya at nakalagan, na maging mga taong sumasamba sa Diyos. Ngunit may napakasimpleng paraan upang mapalaya ang sarili mula sa ganitong kalagayan: ang magpaalam sa dating sariling paraan ng pamumuhay; ang magpaalam sa sariling dating mga layunin sa buhay, at ibuod at suriin ang dating istilo ng pamumuhay, pananaw sa buhay, mga pagsusumikap, mga pagnanais, at mga minimithi; at pagkatapos ay ihambing ang mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos sa tao, at tingnan kung tugma ang alinman sa mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos, kung may alinman sa mga ito ang naghahatid ng mga tamang prinsipyo sa buhay, nagdadala sa isang tao sa isang mas malaking pagkaunawa sa katotohanan, at nagtutulot sa kanya na mabuhay nang may pagkatao at kawangis ng tao. Kapag paulit-ulit mong sinisiyasat at maingat na sinusuri ang iba’t ibang layunin sa buhay na pinagsisikapan ng mga tao at ang kanilang di-mabilang na paraan ng pamumuhay, matutuklasan mo na ni isa sa kanila ay hindi akma sa orihinal na layon ng Lumikha nang Kanyang likhain ang sangkatauhan. Lahat ng ito ay naglalayo sa mga tao mula sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangalaga ng Lumikha; lahat ng ito ay mga bitag na nagsasanhi na maging napakasama ng mga tao, at naghahatid sa kanila sa impiyerno. Matapos mong makilala ito, ang tungkulin mo ay isantabi ang iyong lumang pananaw sa buhay, manatiling malayo sa sari-saring mga patibong, hayaan ang Diyos na mamahala sa iyong buhay at gumawa ng mga pagsasaayos para sa iyo; ito ay para subukan lamang na magpasakop sa mga pagsasaayos at paggabay ng Diyos, na mamuhay na hindi gumawa ng pagpili bilang isang indibiduwal, at maging isang tao na sumasamba sa Diyos. Mukhang madali ito, ngunit isang bagay ito na mahirap gawin. Kayang tiisin ng ilang tao ang sakit nito, ang iba’y hindi. May ilan na handang sumunod, ang iba ay hindi. Ang mga hindi handa ay kulang sa pagnanais at sa kapasiyahan na gawin ito; malinaw na batid nila ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, alam na alam nila na ang Diyos ang Siyang nagpaplano at nagsasaayos ng kapalaran ng tao, gayunman ay patuloy silang sumisipa at nakikibaka at nanatiling hindi umaayon na ilagay ang kanilang mga kapalaran sa palad ng Diyos at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, dagdag pa rito, naghihinanakit sila sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Diyos. Kung kaya palaging magkakaroon ng ilang tao na nagnanais makita para sa kanilang mga sarili kung ano ang kaya nilang gawin; nais nilang baguhin ang kanilang mga kapalaran sa sarili nilang mga kamay, o makamit ang kaligayahan sa ilalim ng kanilang sariling kapangyarihan, upang makita kung malalampasan nila ang hangganan ng awtoridad ng Diyos at pangibabawan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang trahedya sa tao ay hindi ang paghahanap niya ng maligayang buhay, hindi sa hinahangad niya ang katanyagan at tagumpay o mga pakikibaka laban sa kanyang sariling kapalaran sa kalituhan, kundi pagkatapos niyang makita ang pag-iral ng Lumikha, matapos niyang matutuhan ang katotohanan na ang Lumikha ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, hindi pa rin niya maiwasto ang kanyang mga nakagawian, hindi niya maalis ang kanyang mga paa sa pusali, ngunit pinatitigas ang kanyang puso at nagpupumilit sa kanyang mga pagkakamali. Mas nanaisin pa niyang magpatuloy na maglupasay sa putikan, matigas ang ulong nakikipagpaligsahan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, nilalabanan ito hanggang sa mapait na katapusan, nang wala ni katiting na pagsisisi. Magpapasya lamang siyang sumuko at bumalik kapag siya’y nakahiga nang wasak at nagdurugo. Ito ang tunay na pighati ng tao. Kaya sinasabi Ko, ang mga pumipili na magpasakop ay matatalino, at ang mga pumipili na makipagbuno at tumakas ay hangal.
— Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.