Sinabi ng Panginoong Jesus, “Datapuwa’t ang magiging pananalita ninyo’y, Oo, oo; Hindi, hindi: sapagka’t ang humigit pa rito ay buhat sa masama” (Mateo 5:37). Ang Panginoon ay banal at tapat. Hinihingi Niya sa atin na maging tapat na mga tao, at ang pagiging matapat na tao ay naaayon sa mga layunin ng Diyos. Napagtanto ko na ngayon ang kahalagahan ng pagiging matapat. Pero sa totoong buhay, nagsisinungaling pa rin ako nang hindi sinasadya. Mangyaring magbahagi kung paano isabuhay ang katapatan sa totoong buhay.
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos yaong mga tapat. Sa diwa, matapat ang Diyos, at kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos yaong mga lubos na tapat sa Kanya. Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso mo sa Diyos, pagiging wagas sa Diyos sa lahat ng mga bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng mga bagay, hindi pagtatago kailanman ng katotohanan, hindi pagsusubok na malinlang yaong mga nasa itaas at nasa ibaba mo, at hindi paggawa ng mga bagay upang manuyo lamang sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa mga kilos at mga salita mo, at hindi paglilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit dobleng hirap ito para sa inyo. Maraming mga tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa sa magsalita at kumilos nang tapat. Hindi kataka-takang may iba pa Akong lunas na nakalaan para sa mga hindi tapat. Mangyari pa, ganap Kong alam kung gaano kahirap sa inyo ang maging tapat. Sapagkat matatalino kayong lahat, napakahusay sa pagtimbang sa mga tao gamit ang sarili ninyong makitid na panukat, ginagawa nitong mas payak ang gawain Ko. At yamang niyayakap sa dibdib ng bawat isa sa inyo ang mga lihim ninyo, kung sa gayon, isa-isa Ko kayong ilalagay sa kapahamakan upang “turuan” sa pamamagitan ng apoy, at nang matapos nito ay maaaring maging pirmi kayo sa paniniwala sa mga salita Ko. Sa huli, aagawin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay matapat na Diyos,” kung saan hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy, “Mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Ipinagpapalagay Kong hindi kayo magiging kasing tagumpay nang tulad ninyo ngayon. At lalong hindi kayo magiging kasing “lalim at mahirap unawain” nang tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maaayos at wastong kumilos ang ilang mga tao, pinaghihirapan nilang magkaroon ng “maayos na pag-uugali,” subalit inilalantad nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang ganitong mga tao sa hanay ng mga tapat? Kung isa kang ipokrito, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong isa kang tiyak na sumusubok biru-biruin ang Diyos. Kung tadtad ng mga palusot at walang halagang mga pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong kinasusuklamang isagawa ang katotohanan. Kung marami kang mga nakatagong kaalamang atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isang kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman. Kung nakalulugod sa iyong mabuti ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubhang nagagalak kang maging isang tagapaglingkod sa tahanan ng Diyos, na gumagawa nang masigasig at matapat sa di-katanyagan, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng gantimpala at nagsisikap lamang na maging tapat na tao. Kung handa kang maging matapat, kung handa kang gugulin ang lahat ng nasa iyo, kung kaya mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at tumayong matatag sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa punto na ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, kung gayon ay sinasabi Ko na ang mga taong ito ay yaong pinalulusog sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala
Sa panahong ito, karamihan sa mga tao ay masyadong takot na dalhin ang kanilang mga kilos sa harap ng Diyos; bagama’t maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Anumang bagay na hindi makayanan ang masusing pagsusuri ng Diyos ay hindi nakaayon sa katotohanan, at nararapat na isantabi; kung hindi ay nagkakasala ka sa Diyos. Kaya, kailangan mong ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, kapag nagdarasal ka, kapag nagsasalita at nagbabahagi ka sa iyong mga kapatid, at kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin at ginagawa ang iyong gawain. Kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, sumasaiyo ang Diyos, at hangga’t tama ang iyong hangarin at iyon ay para sa gawain ng bahay ng Diyos, tatanggapin Niya ang lahat ng ginagawa mo; dapat mong buong taimtim na ialay ang iyong sarili sa pagganap sa iyong tungkulin. Kapag nagdarasal ka, kung may pagmamahal ka sa Diyos sa iyong puso at hangad mo ang malasakit, pangangalaga at masusing pagsusuri ng Diyos, kung ang mga bagay na ito ang iyong hangarin, magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Halimbawa, kapag nagdarasal ka sa mga pulong, kung bubuksan mo ang iyong puso at magdarasal ka sa Diyos at sasabihin mo sa Kanya kung ano ang nasa puso mo nang hindi ka nagsisinungaling, siguradong magiging epektibo ang iyong mga dalangin.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso
Ngayon, lahat ng hindi matanggap ang masusing pagsusuri ng Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi maaaring maperpekto. Tingnan mo ang lahat ng ginagawa mo, at tingnan mo kung maaari ba itong dalhin sa harap ng Diyos. Kung hindi mo madadala ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos, ipinapakita nito na masamang tao ka. Mapeperpekto ba ang masasamang tao? Lahat ng iyong ginagawa, bawat kilos, bawat layunin, at bawat tugon ay dapat dalhin sa harap ng Diyos. Kahit ang iyong pang-araw-araw na espirituwal na buhay—ang iyong mga dalangin, ang iyong pagiging malapit sa Diyos, kung paano ka kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ang pakikibahagi mo sa iyong mga kapatid, at ang buhay mo sa loob ng iglesia—at ang iyong paglilingkod na bilang magkatuwang ay maaaring dalhin sa harap ng Diyos para sa Kanyang masusing pagsusuri. Ang gayong pagsasagawa ang tutulong sa iyo na lumago sa buhay. Ang proseso ng pagtanggap sa masusing pagsusuri ng Diyos ang proseso ng pagdadalisay. Kapag mas matatanggap mo ang masusing pagsusuri ng Diyos, mas napapadalisay at mas umaayon ka sa kalooban ng Diyos, kaya hindi ka maaakit sa kahalayan, at mabubuhay ang puso mo sa Kanyang presensya. Kapag mas tinatanggap mo ang Kanyang masusing pagsusuri, mas napapahiya si Satanas at mas tumataas ang kakayahan mong talikdan ang laman. Kaya, ang pagtanggap sa masusing pagsusuri ng Diyos ay isang landas ng pagsasagawa na dapat sundan ng mga tao. Anuman ang ginagawa mo, kahit kapag nakikipagniig ka sa iyong mga kapatid, maaari mong dalhin ang iyong mga kilos sa harap ng Diyos at hangarin ang Kanyang masusing pagsusuri at hangaring sundin ang Diyos Mismo; gagawin nitong mas tama ang iyong pagsasagawa. Kung dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos, saka ka lamang magiging isang tao na nabubuhay sa presensya ng Diyos.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso
Kapag nagsasanay na maging isang matapat na tao, kailangan munang matutuhan ng isang tao na buksan ang kanyang puso sa Diyos at manalangin araw-araw, sinasabi sa Diyos kung ano ang nasa kanyang puso. Ipagpalagay nang nagsinungaling ka ngayong araw; wala pang nakatutuklas nito, at hindi ka pa nakaiipon ng tapang para maging bukas sa lahat. Dapat man lang ay idulog mo kaagad sa Diyos ang mga pagkakamali at kabulaanan at kasinungalingan na iyong siniyasat at natagpuan sa iyong pag-uugali ngayong araw, at ipagtapat ang iyong mga kasalanan, at sabihin: “O Diyos, nagsinungaling akong muli. Ginawa ko ito dahil sa ganito at ganyan. Nagsusumamo ako sa Iyo na disiplinahin ako.” Kung ganito ang iyong saloobin, tatanggapin ka ng Diyos, at tatandaan Niya ito. Marahil magiging napakahirap at matrabaho para sa iyo na malutas ang depekto o tiwaling disposisyon na pagsisinungaling, ngunit huwag kang mag-alala—kasama mo ang Diyos, at gagabayan at tutulungan ka Niya na malampasan ang paulit-ulit na paghihirap na ito, na magbibigay sa iyo ng tapang na hindi magsinungaling o ng tapang na kilalanin na nagsinungaling ka; na kilalanin kung ano ang mga kasinungalingang sinabi mo, bakit ka nagsinungaling, at ano ang mga layunin at hangarin mo; na kilalanin na hindi ka matapat na tao; na kilalanin na ikaw ay mapanlinlang na tao; at bibigyan ka Niya ng tapang na malampasan ang balakid na ito, at makawala sa kulungan ni Satanas at lumayo sa kontrol nito. Sa ganitong paraan, unti-unti kang makapamumuhay sa liwanag, sa ilalim ng patnubay at pagpapala ng Diyos. Kapag nalampasan mo na ang balakid na ito ng mga pagpipigil ng laman at nagawang magpasakop sa katotohanan, naging malaya at napakawalan ka na. Kapag namumuhay ka sa ganitong paraan, hindi ka lamang magugustuhan ng mga tao, kundi magugustuhan ka rin ng Diyos. Bagama’t paminsan-minsan ay makagagawa ka pa rin ng mga maling pagkilos, at bagama’t paminsan-minsan ay makapagsisinungaling ka pa rin, at bagama’t paminsan-minsan ay magkakaroon ka pa rin ng mga sarili mong layunin, gayundin ng mga makasariling pakay, at makasarili at kasuklam-suklam na mga pagkilos at ideya, kaya mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at ibunyag ang iyong puso, ang iyong aktwal na kalagayan, at ang iyong tiwaling disposisyon sa harap ng Diyos—at kaya magkakaroon ka ng tamang paraan ng pagsasagawa. Kung tama ang iyong paraan ng pagsasagawa at tama ang direksyon mo sa pagsulong, magiging maganda at maliwanag ang iyong mga inaasahan. Sa ganitong paraan, mamumuhay ka nang may payapang puso; lulusog ang iyong espiritu, at madarama mong ikaw ay pinagyaman at masaya. Kung hindi mo nagawang malampasan ang balakid na ito ng mga pagpipigil ng laman at palagi kang nagagapos ng mga damdamin at mga pilosopiya ni Satanas, at palaging patago at palihim ang iyong mga sinasabi at ikinikilos, hindi kailanman hayagan, kung gayon ay isa ka na namumuhay sa ilalim ng nasasakupan ni Satanas. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan at nagagawang malampasan ang balakid ng mga pagpipigil ng laman, unti-unti kang nagkakaroon ng wangis ng tao. Nagsasalita at kumikilos ka nang deretsahan at walang paliguy-ligoy at ipinakikita mo sa iba ang anumang pananaw o mga kaisipan na maaaring mayroon ka o ang anumang nagawa mong mali, upang malinaw itong makita ng iba—at, sa huli, sasabihin nila na isa kang taong walang itinatago. Ano ang isang taong walang itinatago? Ito ay isang tao na hindi nagsisinungaling, na labis na matapat sa pananalita, at pinaniniwalaan ng lahat ang kanyang mga sinasabi. Kahit na nakapagsisinungaling siya nang hindi niya namamalayan o nakapagsasabi ng maling bagay, napapatawad siya ng lahat, dahil alam nilang ginagawa niya iyon nang hindi niya namamalayan. Sa sandaling matanto niya ito, babalik siya para humingi ng tawad at itama ito. Ito ang taong walang itinatago. Gusto at mapagkakatiwalaan ng lahat ang ganitong uri ng tao. Kung naabot mo na ang antas na ito at nakamit ang pagtitiwala ng Diyos at ng iba, nagawa mo na ang isang bagay na hindi madaling gawin—ito ang pinakamataas na dignidad na maaaring taglayin ng isang tao, at ang ganitong mga tao lamang ang mayroong paggalang sa sarili.
mula sa “Sa Pamamagitan Lamang ng Pagiging Matapat Maaaring Makapamuhay na Tulad ng Isang Tunay na Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo
Bilang isang tapat na tao, dapat mo munang ilantad ang iyong puso upang matingnan ito ng lahat, makita ang lahat ng iniisip mo, at masilayan ang iyong totoong mukha; hindi mo dapat subukang magpanggap o ipakete ang iyong sarili para magmukhang maganda. Saka lamang magtitiwala ang mga tao sa iyo at ipapalagay na matapat ka. Ito ay ang pinakasaligang pagsasagawa, at ang pang-unang kailangan, ng pagiging isang tapat na tao. Palagi kang nagpapanggap, palaging nagkukunwaring may kabanalan, pagkamarangal, kadakilaan, at mataas na moralidad. Hindi mo hinahayaang makita ng mga tao ang iyong katiwalian at iyong mga kakulangan. Inihaharap mo ang isang huwad na larawan sa mga tao kaya naniniwala sila na ikaw ay magaling, dakila, mapagsakripisyo, walang-pinapanigan, at di-makasarili. Ito ay panlilinlang. Huwag magpanggap, at huwag itanghal ang sarili; sa halip, ilantad ang sarili mo at ang puso mo para makita ng iba. Kung mailalantad mo ang puso mo para makita ng iba, at mailalantad mo ang lahat ng iniisip mo at mga balak—kapwa positibo at negatibo—sa gayon hindi ka ba nagiging tapat? Kung nailalantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, kung gayon makikita ka rin ng Diyos, at magsasabing: “Nailantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, at kaya tiyak na tapat ka rin sa harap Ko.” Kung inilalantad mo lamang ang sarili mo sa Diyos kapag hindi nakikita ng ibang tao, at palaging nagpapanggap na dakila at marangal o makatarungan at di-makasarili kapag kasama nila, kung gayon ano ang iisipin at sasabihin ng Diyos? Sasabihin Niya: “Ikaw ay talagang mapanlinlang, ikaw ay totoong mapagpaimbabaw at hamak; at hindi ka isang tapat na tao.” Kokondenahin ka ng Diyos nang gayon. Kung nais mo na maging isang matapat na tao, kung gayon nasa harapan ka man ng Diyos o ng ibang tao, dapat magawa mong magbigay ng isang dalisay at tapat na salaysay ng kung ano ang ipinapamalas mo, at tungkol sa mga salitang nasa puso mo. Madali ba itong makamtan? Nangangailangan ito ng panahon; nangangailangan ito ng isang pagtutunggali sa kalooban at dapat tayong magpatuloy sa pagsasagawa. Paunti-unti, mabubuksan ang ating mga puso, at mailalantad natin ang ating mga sarili.
mula sa “Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.