Paano Dinadalisay at Inililigtas ang Sangkatauhan ng Gawain ng Paghatol ng Diyos sa mga Huling Araw?

Nobyembre 25, 2021

Paano Dinadalisay at Inililigtas ang Sangkatauhan ng Gawain ng Paghatol ng Diyos sa mga Huling Araw?

Natanto na ng mga tao na narito na sa atin ang malalaking sakuna at ang mga umaasang paparito ang Panginoon na sakay ng isang ulap ay buong pananabik na naghihintay. Matapos ang maraming taon ng paghihintay, hindi pa nila Siya nakikitang pumarito. Sa halip, nakikita nila ang Kidlat ng Silanganan na nagpapatotoo sa gawain ng paghatol sa mga huling araw ng Makapangyaring Diyos. Isang malaking kabiguan ito para sa kanila. Umaasa silang direktang madala kung saan sila magkikita ng Panginoon, at hindi nila kailanman inaasahang isasagawa Niya ang gawain ng paghatol sa Kanyang pagbabalik. Hindi nila ito gustong tanggapin. Maraming tao ang sumusunod sa mga puwersa ng mga anticristo ng mundo ng relihiyon, humahatol at kumokondena sa pagpapakita at gawain ng Diyos. Sa isip-isip nila, “Napatawad na ang mga kasalanan namin, at itinuring na kaming matuwid ng Diyos, kaya hindi na namin kailangan ng paghatol ng Diyos. Hinihintay namin na itaas kami ng Panginoon sa Kanyang kaharian kung saan ay matatamasa namin ang Kanyang mga pagpapala.” Kumakapit sila nang husto sa kanilang mga haka-haka at ayaw nilang hanapin at siyasatin ang tunay na daan, na dahilan kaya hindi pa rin nila nasasalubong ang Panginoon, sa halip ay nasadlak sila sa mga sakuna. Lubos nitong tinutupad ang mga salita ng Panginoon Jesus: “Sapagkat ang bawat mayroon ay bibigyan, at siya’y magkakaroon ng kasaganaan: nguni’t ang wala, pati pa ang nasa kanya ay aalisin sa kanya. At ang aliping walang kabuluhan ay inyong itapon sa kadiliman sa labas: doo’y may pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin(Mateo 25:29–30). Subalit marami ang nagmamahal sa katotohanan at nang mabasa nila ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, nakita nila ang kapangyarihan at awtoridad ng mga ito, nakita nila na ang lahat ng ito’y katotohanan. Nakilala nila ang tinig ng Diyos at hindi na sila napigilan ng kanilang mga haka-haka, kundi nagpatuloy sila sa pagsisiyasat sa tunay na daan. Ang mga unang tanong nila ay kung bakit kailangan pa rin ng Diyos na gumawa ng gawain ng paghatol kung napatawad na ang mga kasalanan nila at itinuring na silang matuwid ng Diyos, at kung paano dinadalisay at inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ng gawaing iyon sa mga huling araw. Ang dalawang ito ang pinakamahalaga at pinakanakalilitong tanong na dapat maunawaan ng lahat ng nagsisiyasat sa tunay na daan.

Magsimula tayo sa dahilan kung bakit kailangang gawin ng Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Nakakalito ito para sa maraming relihiyosong tao. Sa isip-isip nila, “Napatawad na ng Diyos ang mga kasalanan natin, at hindi tayo nakikita ng Diyos na nagkakasala, kaya tayo’y maaaring dalhin nang diretso sa Kanyang kaharian, at hindi natin kailangan ng paghatol ng Diyos.” Isang malaking pagkakamali ito. Totoo na napatawad na ng Panginoon ang mga kasalanan ng tao, pero nangangahulugan ba ang pagpapatawad na ito na nadalisay na tayo? Ibig sabihin ba nito’y naabot na natin ang tunay na pagpapasakop sa Diyos? Hindi. Nakita na nating lahat ang katotohanang ito: Kahit na napatawad na tayo sa ating mga kasalanan, maging ang mga mananampalataya ay namumuhay sa siklo ng pagkakasala at pagtatapat, nagkakasala sa araw, at pagkatapos ay nagtatapat sa gabi, nagsisikap at nabibigong sundin ang mga kautusan ng Panginoong Jesus, nagsisikap at nabibigong ibigin at magpasakop sa Panginoon, nagpapasyang gumawa ng mabuti, ngunit nagsisinungaling at nagkakasala pa rin kahit hindi nila ito gustong gawin, nabibigo sila gaano man sila nagsisikap na pigilan ang kanilang sarili. Nadarama ng marami na napakatiwali ng laman, at napakasakit na mamuhay sa kasalanan. Kaya bakit hindi maalis ng mga tao ang kanilang sarili mula sa pagkakagapos ng kasalanan? Bakit hindi natin mapigilang magkasala nang magkasala? Ito’y dahil sa makasalanang kalikasan at mga satanikong disposisyon ng tao. Ang mga ito ang ugat ng kasalanan. Kung hindi lulutasin ang ugat ng kasalanan, hindi tayo kailanman makakalaya mula rito, at sa halip ay patuloy tayong lalaban sa Diyos, kokondenahin Siya, at masama ang pakikitungo sa Kanya. Isipin ang mga Fariseo, na nanampalataya sa loob ng maraming henerasyon at palaging gumagawa ng mga handog para sa kasalanan. Bakit kaya nang naging tao ang Diyos na si Jehova bilang ang Panginoong Jesus at nagpahayag ng napakaraming katotohanan, hindi nila nakilala ang Panginoong Jesus bilang pagpapakita ng Diyos na si Jehova, at sa halip ay kinondena at hinatulan Siya, at ipinako pa nga Siya? Ano ang naging problema? Ngayon sa mga huling araw, ang Makapangyarihang Diyos ay naparito at nagpapahayag ng mga katotohanan, kaya bakit napakaraming relihiyosong tao ang tumatangging siyasatin man lang ito, at sa halip ay hibang nila Siyang kinokondena at nilalapastangan, at determinado silang ipako muli ang Diyos sa krus? Ang ang ibig sabihin ng lahat ng ito? Malinaw na ipinapakita nito na kahit na napatawad na ang mga kasalanan ng mga tao, pinaghaharian pa rin sila ng kanilang satanikong kalikasan at maaari nilang ikondena at labanan ang Diyos anumang oras. Ang pagiging makasalanan ng sangkatauhan ay hindi lang basta usapin ng paggawa ng kasalanan, kundi napakalala nito na gusto nilang ipako si Cristo na nagpapahayag ng katotohanan, at lumalaban sila sa Diyos at sa katotohanan, kumikilos at gumagawa laban sa Diyos at nagiging mga kaaway Niya. Paano magiging marapat sa Kanyang kaharian ang ganito karurumi at katiwaling mga tao na laban sa Diyos? Ang Diyos ay matuwid at banal, at ang Kanyang disposisyon ay hindi nalalabag. Kung ang mga napatawad sa kasalanan ay hindi nalinis sa pamamagitan ng gawain ng paghatol, kundi patuloy na nagkakasala at lumalaban sa Diyos, hindi sila kailanman magiging marapat sa kaharian ng Diyos—wala itong kaduda-duda. Tinutupad nito ang mga salita ng Panginoong Jesus: “Hindi ang bawat nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit(Mateo 7:21). “Katotohanan, katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan. At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailanman: ang anak ang nananahan magpakailanman(Juan 8:34–35). Nariyan din ang Mga Hebreo 12:14: “Kung walang kabanalan, walang taong makakakita sa Panginoon.” Ito ang dahilan kaya sinabi ng Panginoong Jesus nang maraming beses noong panahon ng Kanyang gawain ng pagtubos na muli Siyang paparito. Ano ang gagawin Niya rito? Ang magpahayag ng mga katotohanan at isagawa ang Kanyang gawain ng paghatol upang lubos na maligtas ang sangkatauhan sa kasalanan at sa mga puwersa ni Satanas, upang lubos tayong makabaling sa Diyos at maging mga tao na nagpapasakop at sumasamba sa Diyos. Pagkatapos ay dadalhin Niya tayo sa isang magandang hantungan. Tulad ng ipinropesiya ng Panginoong Jesus: “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:12–13). “At kung ang sinumang tao’y nakikinig sa Aking mga pananalita, at hindi ingatan, ay hindi Ko siya hinahatulan: sapagkat hindi Ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw(Juan 12:47–48). At, “Sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos(1 Pedro 4:17). Makikita natin dito na noon pa ma’y nagplano na ang Diyos na isagawa ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, at ito mismo ang kailangan ng tiwaling sangkatauhan para lubos na maligtas. Sa mga huling araw, ang Makapangyarihang Diyos ay nagpapahayag ng mga katotohanan at gumagawa ng gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos. Siya ang Espiritu ng katotohanan na pumarito sa gitna ng mga tao, inaakay ang hinirang na mga tao ng Diyos na pumasok sa lahat ng katotohanan. Lubos nitong tinutupad ang mga propesiya ng Panginoong Jesus. Ngayo’y basahin natin ang ilan sa salita ng Makapangyarihang Diyos para mas maging malinaw kung bakit kailangan ng Diyos na gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita).

Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon ng pagtiwali ni Satanas sa kanya, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. … Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pag-alala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag nito. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa katawang tao, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, inihahayag nang walang katapusan ang kanyang satanikong disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw upang magtapat ng kasalanan sa gabi. Dahil dito, kahit na ang handog para sa kasalanan ay walang hanggan ang bisa sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakumpleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. … Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4).

Sa Kapanahunan ng Biyaya, Mismong ang Panginoong Jesus ay ipinako, at naging handog para sa kasalanan ng sangkatauhan at tinutubos ang sangkatauhan sa kasalanan. Mula noon, napatawad na ang mga kasalanan ng tao at hindi na tayo itinuturing ng Diyos na makasalanan, kaya nakakapagdasal na tayo nang direkta sa Diyos at nakakalapit sa Kanyang harapan. Ngunit ang ibig sabihin lang ng hindi na tayo itinuturing ng Diyos na m akasalanan ay pinatawad na tayo sa ating mga kasalanan, at hindi ito nangangahulugan na malaya na tayo sa kasalanan, na tayo’y may ganap na kabanalan. Mayroon pa rin tayong makasalanang kalikasan at satanikong disposisyon. Kailangan nating sumailalim sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw para malinis ang ating katiwalian at lubusan tayong maligtas. Nagbigay-daan ang gawain ng pagtubos ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya para sa Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Ibig sabihin, ang Kanyang gawain ng paghatol ay isinagawa sa pundasyon ng gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus. Ang gawain ng pagtubos ng Diyos ay kalahati lamang ng kabuuan ng Kanyang gawain ng pagliligtas. Ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ang lubos na makapaglilinis at makapagliligtas sa sangkatauhan, at ito ang pinakamahalagang yugto ng gawain ng pagliligtas ng Diyos. Kailangan nating maranasan ang paghatol at paglilinis ng Diyos sa mga huling araw, lubos na mapalaya mula sa kasalanan at malinis, at tunay na magpasakop sa Diyos at gawin ang kalooban ng Diyos upang maging marapat sa Kanyang kaharian.

Sa puntong ito, sa tingin ko’y may mas malinaw na tayong pagkaunawa kung bakit ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw. May ilang taong maaaring napapaisip kung paano nadadalisay at naililigtas ng gawaing ito ang sangkatauhan. Tingnan natin kung ano ang sinabi ng Makapangyarihang Diyos tungkol dito. “Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan).

Hindi mababago ng mga tao ang sarili nilang disposisyon; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa pagdurusa at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pakikitungo, pagdidisiplina, at pagtatabas ng Kanyang mga salita. Pagkatapos noon, saka lamang sila magiging masunurin at matapat sa Diyos, at hindi na magpapadalus-dalos sa pakikitungo sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng paglalantad, paghatol, pagdidisiplina, at pakikitungo ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na nagagawa nilang magpasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain, kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, nagagawa nilang isantabi ang mga kuru-kurong ito at maluwag sa loob na magpasakop” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos).

Maraming paraan ang Diyos para maperpekto ang tao. Ginagamit Niya ang lahat ng uri ng sitwasyon para iwasto ang tiwaling disposisyon ng tao, at gumagamit ng iba’t ibang bagay upang ilantad ang tao; sa isang bagay, iwinawasto Niya ang tao, sa isa pa ay inilalantad Niya ang tao, at sa isa pa ay ibinubunyag Niya ang tao, hinuhukay at ibinubunyag ang ‘mga hiwaga’ sa kaibuturan ng puso ng tao, at ipinakikita sa tao ang kanyang kalikasan sa pamamagitan ng paghahayag sa marami sa kanyang mga kalagayan. Pineperpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng maraming pamamaraan—sa pamamagitan ng paghahayag, pagwawasto, pagpipino, at pagkastigo sa tao—para malaman ng tao na ang Diyos ay praktikal” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaon Lamang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto).

Tumutulong itong bigyang-liwanag kung paano ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghahatol, tama? Sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, ang pangunahin Niyang ginagawa ay ang pagpapahayag ng mga katotohanan para mahatulan at mailantad ang tiwaling diwa ng tao, at ang ating mga satanikong disposisyon upang makita natin ang katotohanan ng ating katiwalian, magkaroon ng taos-pusong pagsisisi, kamuhian at hamakin ang ating sarili, talikdan ang laman at isagawa ang mga salita ng Diyos, at makamit ang tunay na pagsisisi at pagbabago. Ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay lubos na naglalantad sa mga ipinapakitang mga tiwaling disposisyon ng tao tulad ng kayabangan, panlilinlang, at kasamaan, gayundin ang mga motibo at karumihan sa ating pananampalataya, at maging ang ating pinakamalalalim at pinakatatagong mga saloobin at damdamin. Ang lahat ng ito’y malinaw na nabubunyag. Habang binabasa ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, para bang nariyan lamang sa ating harapan ang Diyos na humahatol sa atin. Nakikita natin ang ating marumi, tiwali, at pangit na sarili na lubusang ibinunyag ng Diyos, na nagdudulot sa atin na makadama ng kahihiyan, na wala tayong mapagtaguan, at hindi tayo marapat na mamuhay sa harap ng Diyos. Habang hinahatulan ang tao gamit ang Kanyang mga salita, nagsasaayos din ang Diyos ng mga tunay na sitwasyon para ilantad tayo, pagkatapos tayo ay tinatabasan, iwinawasto, at sinusubok ng mga tunay na pangyayari, upang makapagnilay tayo at makilala ang ating sarili. Dahil nailantad ng realidad, at pagkatapos ay lalong nailantad at nahatulan sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, mas malinaw nating nakikita ang kapangitan ng pamumuhay natin ayon sa ating satanikong kalikasan. Napupuno tayo ng pighati at pagkamuhi sa ating sarili, at unti-unti tayong nagkakaroon ng tunay na pagsisisi. Pagkatapos ay nalilinis at nababago ang ating tiwaling disposisyon. Ang susunod ay pakikinggan natin ang ilang salita ng Diyos na naglalantad sa tiwaling disposisyon ng tao para magkaroon tayo ng mas malinaw na ideya kung paano ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol.

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Mas higit pa sa bilang ng mga butil ng buhangin sa tabing-dagat ang Aking mga gawa, at mas lalong dakila pa kaysa sa lahat ng anak ni Solomon ang Aking karunungan, ngunit ang palagay sa Akin ng mga tao ay isa lamang manggagamot na walang kabuluhan at isang hindi kilalang guro ng tao. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking mga kapangyarihan upang itaboy ang masasamang espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming naniniwala sa Akin para maiwasang magdusa sa impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad na magkamit ng anuman sa mundong darating. Nang ibuhos Ko ang Aking matinding galit sa tao at bawiin ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati niyang taglay, nagsimulang magduda ang tao. Noong ibinigay Ko sa tao ang pagdurusa ng impiyerno at binawi ang mga pagpapala ng langit, ang kahihiyan ng tao ay naging galit. Noong hilingin ng tao na pagalingin Ko siya, hindi Ko siya pinakinggan at namuhi Ako sa kanya; lumayo sa Akin ang tao upang hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Noong alisin Ko ang lahat ng hiningi ng tao sa Akin, naglaho ang lahat ng nasa tao nang walang bakas. Samakatuwid, sinasabi Ko na ang tao ay may pananampalataya sa Akin sapagkat Ako’y nagbibigay ng masyadong maraming biyaya, at masyadong maraming magiging pakinabang” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?).

Ang inaalala lamang ng maraming sumusunod sa Diyos ay kung paano magtamo ng mga pagpapala o umiwas sa sakuna. Sa sandaling nabanggit ang gawain at pamamahala ng Diyos, tumatahimik sila at nawawalan ng lahat ng interes. Iniisip nila na ang pag-unawa sa gayong mahihirap na isyu ay hindi magpapalago o magbibigay ng anumang pakinabang sa kanilang buhay. Sa gayon, bagama’t narinig na nila ang tungkol sa pamamahala ng Diyos, hindi nila iyon gaanong pinakikinggan. Hindi nila ito itinuturing na isang bagay na mahalagang tanggapin, lalong hindi nila tinatanggap ito bilang bahagi ng kanilang buhay. Iisa lamang ang payak na layunin ng gayong mga tao sa pagsunod sa Diyos, at ang layuning iyon ay ang tumanggap ng mga pagpapala. Hindi mag-aabala ang gayong mga tao na makinig sa anumang iba pa na walang direktang kinalaman sa layuning ito. Para sa kanila, walang mithiing mas lehitimo kaysa maniwala sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala—ito mismo ang halaga ng kanilang pananampalataya. Kung may isang bagay na hindi nakakatulong sa layuning ito, nananatili silang ganap na hindi naaantig nito. Ganyan ang karamihan sa mga taong naniniwala sa Diyos ngayon. Ang kanilang layunin at adhikain ay mukhang lehitimo, dahil habang naniniwala sila sa Diyos, gumugugol din sila para sa Diyos, inaalay nila ang kanilang sarili sa Diyos, at ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Isinusuko nila ang kanilang kabataan, tinatalikuran ang pamilya at propesyon, at gumugugol pa ng maraming taon na malayo sa tahanan na nag-aabala. Para sa kapakanan ng kanilang pangunahing mithiin, binabago nila ang kanilang sariling mga interes, ang kanilang pananaw sa buhay, at maging ang direksyong kanilang hinahanap; subalit hindi nila mabago ang layunin ng kanilang paniniwala sa Diyos. Paroo’t parito sila para sa pamamahala ng sarili nilang mga huwaran; gaano man kalayo ang daan, at gaano man karami ang mga hirap at balakid sa daan, nananatili silang matiyaga at walang takot sa kamatayan. Anong kapangyarihan ang nagtutulak sa kanila na patuloy na ialay ang kanilang sarili sa ganitong paraan? Ang kanila bang konsiyensya? Ang kanila bang dakila at marangal na katangian? Ang kanila bang determinasyong labanan ang mga puwersa ng kasamaan hanggang sa pinakahuli? Ang kanila bang pananampalatayang magpatotoo sa Diyos nang hindi naghahanap ng kapalit? Ang kanila bang katapatan sa pagiging handang isuko ang lahat upang makamit ang kalooban ng Diyos? O ang kanila bang diwa ng debosyon na laging isakripisyo ang personal na maluluhong kahilingan? Ang magbigay pa rin ng napakalaki ang isang taong hindi kailanman naunawaan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, sa payak na pananalita, ay isang himala! Sa sandaling ito, huwag nating talakayin kung gaano kalaki ang naibigay ng mga taong ito. Ang kanilang pag-uugali, gayunman, ay lubos na karapat-dapat nating suriin. Bukod pa sa mga pakinabang na lubos na nauugnay sa kanila, maaari kayang may iba pang mga dahilan kaya ang mga taong hindi kailanman nauunawaan ang Diyos ay nagbibigay ng napakalaki sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang dating di-matukoy na problema: Ang relasyon ng tao sa Diyos ay para lamang sa sarili niyang interes. Isa itong relasyon sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng pagpapala. Sa madaling salita, katulad ito ng relasyon sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho lamang ang empleyado para matanggap ang mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal sa gayong relasyon, transaksyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, pigil na galit at panlilinlang lamang. Walang pagiging matalik, isang pagitan lamang na hindi matatawid. Ngayong umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, sino ang makapagbabaligtad ng gayong takbo? At ilang tao ang may kakayahang tunay na maunawaan kung gaano na kagrabe ang relasyong ito? Naniniwala Ako na kapag ibinuhos ng mga tao ang kanilang sarili sa galak ng pagiging mapalad, walang sinumang makakaisip kung gaano kahiya-hiya at hindi magandang tingnan ang gayong relasyon sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos).

Ang pinakamabuting gawin ay maglaan kayo ng higit na pagsisikap sa katotohanan ng pagkilala sa sarili. Bakit hindi kayo nagugustuhan ng Diyos? Bakit kasuklam-suklam sa Kanya ang inyong disposisyon? Bakit pinupukaw ng inyong pananalita ang Kanyang galit? Sa sandaling magpamalas kayo ng katiting na katapatan, pinupuri ninyo ang inyong sarili, at humihingi kayo ng gantimpala para sa maliit na ambag; hinahamak ninyo ang iba kapag nakapagpakita kayo ng kaunting pagsunod, at nawawalan kayo ng galang sa Diyos kapag may simpleng gawain kayong naisasakatuparan. Sa pagtanggap sa Diyos, humihingi kayo ng pera, mga regalo, at mga papuri. Masakit sa inyo ang magbigay ng isa o dalawang barya; kapag nagbigay kayo ng sampu, umaasam kayo ng mga pagpapala at nais ninyong kilalanin kayo. Ang pagkataong katulad ng sa inyo ay positibong masakit sabihin o pakinggan. Mayroon bang anumang kapuri-puri sa inyong mga salita at kilos? Yaong mga gumaganap sa kanilang tungkulin at yaong mga hindi; yaong mga namumuno at yaong mga sumusunod; yaong mga tumatanggap sa Diyos at yaong mga hindi; yaong mga nag-aabuloy at yaong mga hindi; yaong mga nangangaral at yaong mga tumatanggap ng salita, at iba pa: lahat ng taong iyon ay pinupuri ang kanilang sarili. Hindi ba ito nakakatawa sa inyo? Lubos na nababatid na naniniwala kayo sa Diyos, magkagayunman ay hindi kayo nakaayon sa Diyos. Lubos na nababatid na hindi kayo karapat-dapat, patuloy pa rin kayong nagyayabang. Hindi ba ninyo nadarama na nabawasan na nang kaunti ang inyong katinuan kaya wala na kayong kontrol sa sarili? Sa ganitong katinuan, paano kayo angkop na makaugnay sa Diyos? Hindi ba kayo natatakot para sa inyong mga sarili sa puntong ito? Lumala na ang inyong disposisyon hanggang sa hindi na ninyo makayang umayon sa Diyos. Dahil dito, hindi ba nakakatawa ang inyong pananampalataya? Hindi ba kahibangan ang inyong pananampalataya? Paano mo haharapin ang iyong kinabukasan? Paano ka pipili kung anong landas ang iyong tatahakin?”(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Hindi Kaayon ni Cristo ay Tiyak na mga Kalaban ng Diyos).

Makalipas ang ilang libong taon ng katiwalian, ang tao’y manhid at mapurol ang isip; siya’y naging demonyong kumakalaban sa Diyos, hanggang naitala na sa mga aklat ng kasaysayan ang pagiging mapanghimagsik ng tao tungo sa Diyos, at kahit ang tao mismo ay hindi kayang magbigay ng buong ulat ng kanyang ugaling mapanghimagsik—sapagka’t ang tao ay nagawang tiwali na nang husto ni Satanas, at nailigaw na ni Satanas, na anupa’t hindi niya nalalaman kung saan tutungo. Kahit sa ngayon, pinagtataksilan pa rin ng tao ang Diyos: Kapag nakikita ng tao ang Diyos, nagtataksil siya sa Kanya, at kapag hindi niya nakikita ang Diyos, Siya’y pinagtataksilan pa rin niya. Mayroon pa ngang iba na, bagaman nasasaksihan na ang mga sumpa ng Diyos at poot ng Diyos, pinagtataksilan pa rin Siya. Kung kaya’t sinasabi Kong nawala na ng katinuan ng tao ang orihinal nitong gamit, at na ang konsensiya ng tao, gayundin, ay nawalan ng orihinal nitong gamit. Ang taong nasisilayan Ko ay isang hayop sa anyong tao, isa siyang makamandag na ahas, at gaano man niya subukang magmukhang kahabag-habag sa mga mata Ko, hinding-hindi Ko siya kaaawaan, sapagka’t ang tao ay walang pagkaunawa sa pagkakaiba ng itim at puti, sa pagkakaiba ng katotohanan at di-katotohanan. Masyadong namanhid ang katinuan ng tao, nguni’t patuloy siyang naghahangad na magkamit ng mga pagpapala; masyadong walang-dangal ang kanyang pagkatao nguni’t naghahangad pa rin siyang taglayin ang kataas-taasang kapangyarihan ng isang hari. Kanino kaya siya magiging hari sa gayong katinuan? Papaano siya mauupo sa isang trono sa gayong katauhan? Tunay na walang kahihiyan ang tao! Siya ay isang palalong kahabag-habag! Para sa inyong nagnanais magkamit ng mga pagpapala, ipinapayo Kong humanap muna kayo ng salamin at tingnan ang inyong sariling pangit na larawan—taglay mo ba ang mga kinakailangan upang maging hari? Taglay mo ba ang mukha ng isang magtatamo ng mga pagpapala? Wala pa rin kahit katiting na pagbabago sa iyong disposisyon at hindi mo pa naisagawa ang alinman sa katotohanan, nguni’t hinahangad mo pa rin ang isang magandang kinabukasan. Nililinlang mo ang iyong sarili!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos).

Ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay napakapraktikal, at ang bawat salita ay totoong-totoo, at nagbubunyag ng marurumi at masasamang motibo sa ating pananampalataya at maging ng ating kalikasang lumalaban sa Diyos. Palagi nating iniisip noon na tayo’y nakagagawa ng mga sakripisyo, nakapagdurusa, at nakapagbabayad ng halaga para sa Diyos, na nangangahulugang tayo’y may debosyon at masunurin, at maaaring magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Ngunit sa pamamagitan ng paghatol ng mga salita ng Diyos, napagninilayan at nakikilala natin ang ating sarili, at nakikita na ang lahat ng mga sakripisyo natin ay hindi dalisay, at para lang makakuha ng mga pagpapala. Kapag pinagpapala tayo ng Diyos ng isang mapayapang buhay, nagpapasakop tayo sa Kanya at gumagawa para sa Kanya, pero kapag humahagupit ang pasakit at sakuna, hindi natin nauunawaan ang Diyos at sinisisi Siya sa hindi pagprotekta sa atin, at maaari pa nga tayong tumigil sa paggawa para sa Kanya. Pagkatapos ay nakikita natin na ang ating pananampalataya at mga sakripisyo ay para lamang pala sa mga kapalit nito, para makapanghuthot ng biyaya at mga pagpapala mula sa Diyos. Ito’y pandaraya at paggamit sa Diyos. Napakamakasarili at tuso nito! Labis tayong walang konsiyensiya at katwiran, at hindi man lang marapat na matawag na tao. Kahit napakarumi at napakatiwali, iniisip pa rin natin na may karapatan tayong mapagpala at makapasok sa kaharian ng Diyos. Kawalan ito ng kahihiyan at katwiran. Ipinapakita sa atin ng mga salita ng paghatol at pagbubunyag ng Diyos ang Kanyang matuwid, at banal na disposisyon na hindi malalabag, at na ang hinihingi sa atin ng Diyos ay ang ating sinseridad at debosyon. Ang pagkakaroon ng pananampalataya at paggawa ng tungkulin nang may ganitong mga motibo at karumihan ay panloloko at paglaban sa Diyos, at ito’y kinasusuklaman at kinamumuhian ng Diyos. Hindi kinikilala ng Diyos ang ganitong uri ng pananampalataya. Sa pamamagitan ng paghatol ng mga salita ng Diyos at pagwawasto at pagsubok sa atin nang maraming beses, makikita natin sa wakas ang katotohanan ng ating katiwalian, tunay nating kamumuhian ang ating sarili at mararamdaman ang panghihinayang, at magpapatirapa tayo sa harapan ng Diyos na nagsisisi. Makikita rin natin ang pagiging matuwid ng Diyos at na tunay Niyang nakikita ang ating mga puso’t isipan, at nakikilala tayo nang lubos. Lubos tayong nakukumbinsi at nagkakaroon tayo ng pusong gumagalang sa Diyos. Nagbabago ang ating pananaw sa pananampalataya, hinaharap natin ang ating tungkulin nang mas dalisay, nang walang napakaraming magagarbong pagnanais, at masaya tayong nagpapasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos at ginagawa ang tungkulin ng isang nilalang nang hindi alintana kung pinagpapala man tayo ng Diyos, kung tumatanggap man tayo ng mga pagpapala ng kaharian o hindi. Sa sandaling makita na natin ang tunay nating sarili, hindi na tayo kasing yabang gaya ng dati. Nagiging makatwiran na tayo sa salita at gawa, hinahanap natin ang katotohanan at nagpapasakop tayo rito. Ito ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, na unti-unting lumilinis at bumabago sa ating katiwalian. Tayo na nakararanas ng gawain ng Diyos ang tunay na nakaaalam kung gaano kapraktikal ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw, kung paano nito tunay na nililinis at lubos na inililigtas ang tao. Kung wala ang paghatol at pagtabas na ito, hindi natin kailanman tunay na makikita ang ating sariling katiwalian, kundi malulugmok tayo sa ating buhay na paulit-ulit na nagkakasala at nagtatapat, iniisip na makapapasok tayo sa kaharian ng Diyos dahil napatawad na ang ating mga kasalanan, na sinang-ayunan na tayo ng Diyos. Malaking kahangalan at kalunus-lunos iyon! Salamat sa paghatol ng Diyos, tunay nating nakikilala ang ating sarili, natututunan natin ang maraming katotohanan at ang ating mga tiwaling disposisyon ay nalilinis at nababago. Labis na nakagagaan ito ng loob. Napakaraming ibinibigay sa atin ng paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ang mga ito ay ang tunay na pag-ibig ng Diyos para sa atin, ang Kanyang pinakadakilang pagliligtas. Tatlumpung taon na mula nang magsimulang magpahayag ang Makapangyarihang Diyos ng katotohanan at gumawa ng Kanyang gawain ng paghatol, at nakumpleto na Niya ang isang grupo ng mananagumpay bago ang mga sakuna—ang mga unang bunga. Lubos nitong tinutupad ang propesiya sa Biblia: “At ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Kordero saan man Siya pumaroon. Ang mga ito’y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero(Pahayag 14:4). Naranasan na ng hinirang na mga tao ng Diyos ang Kanyang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino, nalinis na ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at malaya na sila sa wakas mula sa mga puwersa ni Satanas. Nagpapasakop at sumasamba na sila sa Diyos, at tumatanggap ng dakilang pagliligtas ng Diyos. Ang mga karanasan at patotoo nila ay ginawa nang mga online na pelikula at video, nagpapatotoo sa buong sangkatauhan para sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, na hindi nag-iiwan ng pagdududa sa puso ng mga manonood. Ang ebanghelyo ng kaharian ng Makapangyarihang Diyos ay lumaganap na sa bawat sulok ng mundo, at ang hinirang na mga tao ng Diyos sa lahat ng lugar ay nagpapalaganap ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Ang kahanga-hanga at hindi mapantayang paglaganap ng ebanghelyo ng kaharian ay narito na sa atin. Malinaw na ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos ay isa nang malaking tagumpay. Natalo na ng Diyos si Satanas at natamo na ang lahat ng kaluwalhatian. Tulad nga ng sinabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng kaalaman tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng malaman ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nagpapalampas ng pagkakasala, at ni hindi niya mapapalitan ng bago ang dati niyang pagkakilala sa Diyos. Alang-alang sa Kanyang patotoo, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, ipinapakita Niya ang Kanyang kabuuan sa publiko, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakita sa publiko, na magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos, baguhin ang kanyang disposisyon, at magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at maging kaayon ng puso ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at halimbawa ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong kaayon ng puso ng Diyos. Ngayon, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at hinihiling Niya sa tao na magkamit ng kaalaman tungkol sa Kanya, pagsunod sa Kanya, patotoo sa Kanya, malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, sundin ang lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at magpatotoo sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na ang lahat ng gawang isinasakatuparan Niya upang lupigin ang tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at totoo, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos). “Ang mga nagagawang tumayo nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—sa panahon ng huling gawain ng paglilinis—ang siyang makakapasok sa pangwakas na pahinga sa tabi ng Diyos. Samakatuwid, nakatakas na sa impluwensya ni Satanas ang lahat ng mga pumasok sa pahinga at nakuha na sila ng Diyos pagkatapos sumailalim sa Kanyang huling gawain ng paglilinis. Ang mga taong ito, na sa wakas ay natamo na ng Diyos, ay papasok sa huling pahinga. Ang layunin ng gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ay sa diwa’y upang dalisayin ang sangkatauhan, alang-alang sa huling pahinga. Kung walang ganitong paglilinis, wala sa sangkatauhan ang maaaring maiuri sa magkakaibang mga kategorya ayon sa uri, o pumasok sa pahinga. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa pahinga” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama).

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Sino ang Nag-iisang Tunay na Diyos?

Mismo sino ang tunay na Diyos? Ito ay isang tanong na nakalilito sa maraming tao. Basahin ang artikulong ito para malaman kung sino ang nag-iisang tunay na Diyos.

Ano ang Pagkakatawang-Tao?

Alam nating lahat na dalawang libong taon na ang nakararaan, nagkatawang-tao ang Diyos sa mundo ng tao bilang ang Panginoong Jesus para...