Ano ang isang bulaang pinuno o bulaang pastol at paano sila makikilala
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang gawain ng isang karapat-dapat na manggagawa ay maaaring dalhin ang mga tao sa tamang daan at pagkalooban sila ng mas malaking pagpasok sa katotohanan. Ang kanyang gawain ay maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos. Dagdag pa rito, ang gawaing kanyang ginagawa ay maaaring mag-iba-iba sa bawat indibiduwal at hindi nakatali sa mga tuntunin, na nagtutulot sa mga tao na magkaroon ng laya at kalayaan, at binibigyan sila ng kakayahan na unti-unting lumago sa buhay at magkaroon ng mas malalim na pagpasok sa katotohanan. Ang gawain ng isang manggagawang hindi karapat-dapat ay malayung-malayo. Ang kanyang gawain ay kalokohan. Maaari lamang niyang dalhin ang mga tao sa mga tuntunin, at ang hinihingi niya sa mga tao ay hindi nag-iiba-iba sa bawat indibiduwal; hindi siya gumagawa ayon sa aktuwal na mga pangangailangan ng mga tao. Sa ganitong uri ng gawain, napakaraming tuntunin at napakaraming doktrina, at hindi nito madadala ang mga tao sa realidad, ni sa normal na pagsasagawa ng paglago sa buhay. Maaari lamang nitong bigyang-kakayahan ang mga tao na sumunod sa ilang tuntunin na walang halaga. Ang gayong uri ng paggabay ay maaari lamang iligaw ng landas ang mga tao. Inaakay ka niya na maging katulad niya; madadala ka niya tungo sa kung ano ang mayroon siya at ano siya. Upang matalos ng mga alagad kung karapat-dapat ang mga pinuno, ang mahalaga ay tumingin sa landas na kanilang tinatahak at sa mga resulta ng kanilang gawain, at tingnan kung ang mga alagad ay tumatanggap ng mga prinsipyo alinsunod sa katotohanan, at kung tumatanggap sila ng mga paraan ng pagsasagawa na angkop sa kanilang pagbabago. Dapat mong makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng naiibang gawain ng iba’t ibang uri ng mga tao; hindi ka dapat maging hangal na alagad. May epekto ito sa pagpasok ng mga tao. Kung hindi mo magawang kilalanin kung aling pamunuan ng tao ang may landas at alin ang wala, madali kang malilinlang. Lahat ng ito ay may tuwirang epekto sa iyong sariling buhay.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao
Ang gawain sa isip ng tao ay napakadaling makamit ng tao. Ang mga pastor at pinuno sa relihiyosong mundo, halimbawa, ay umaasa sa kanilang mga kaloob at katungkulan upang gawin ang kanilang gawain. Ang mga taong sumusunod sa kanila sa loob ng mahabang panahon ay mahahawa sa kanilang mga kaloob at maiimpluwensyahan ng ilan sa kanilang katauhan. Nakatuon sila sa mga kaloob, kakayahan, at kaalaman ng mga tao, at nagbibigay-pansin sa higit-sa-karaniwang mga bagay at sa maraming malalim at di-makatotohanang doktrina (mangyari pa, ang malalalim na doktrinang ito ay hindi matatamo). Hindi sila nagtutuon sa mga pagbabago sa disposisyon ng mga tao, kundi sa halip ay sa pagsasanay sa mga tao na mangaral at gumawa, na nakakaragdag sa kaalaman ng mga tao at sa kanilang saganang mga relihiyosong doktrina. Hindi sila nagtutuon sa kung gaano nagbago ang disposisyon ng mga tao ni kung gaano nauunawaan ng mga tao ang katotohanan. Hindi sila nagmamalasakit sa diwa ng mga tao, at lalo nang hindi nila sinusubukang alamin ang normal at abnormal na mga kalagayan ng mga tao. Hindi nila sinasalungat ang mga kuru-kuro ng mga tao, ni hindi nila ibinubunyag ang kanilang mga kuru-kuro, lalong hindi nila tinatabasan ang mga tao sa kanilang mga kakulangan o mga katiwalian. Karamihan sa mga sumusunod sa kanila ay naglilingkod gamit ang kanilang mga kaloob, at ang tanging inilalabas nila ay mga relihiyosong kuru-kuro at mga teoryang teolohikal, na hindi makatotohanan at ganap na hindi nagbibigay-buhay sa mga tao. Sa katunayan, ang diwa ng kanilang gawain ay pangangalaga sa talento, pangangalaga sa isang tao na walang kahit ano tungo sa pagtatapos sa seminaryo na taglay ang maraming talento na paglaon ay humahayo upang gumawa at mamuno.
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao
Bilang mga lider at manggagawa sa iglesia, kung gusto mong akayin ang mga piniling tao ng Diyos sa katotohanang realidad at maglingkod bilang mga saksi ng Diyos, pinakamahalaga, dapat na mas malalim ang pang-unawa mo sa pakay ng Diyos sa pagliligtas ng mga tao at sa layunin ng Kanyang gawain. Dapat mong unawain ang kalooban ng Diyos at ang Kanyang iba’t ibang hinihingi sa mga tao. Dapat kang maging praktikal sa mga pagsusumikap mo; isagawa lamang yaong naiintindihan mo at ipahayag lamang yaong nalalaman mo. Huwag magyabang, huwag magsalita nang labis, at huwag gumawa ng mga iresponsableng pahayag. Kung magsasalita ka nang labis, kamumuhian ka ng mga tao at makakaramdam ka ng paninisi pagkatapos; sadyang hindi ito kaangkop-angkop. Kapag ipinagkaloob mo ang katotohanan sa iba, hindi mo kailangang pagsabihan o kagalitan sila para matamo nila ang katotohanan. Kung ikaw mismo ay walang taglay na katotohanan at pinagsasabihan lang at pinanagalitan ang iba matatakot sila sa iyo, ngunit hindi ibig sabihin niyan ay nauunawaan nila ang katotohanan. Sa ilang gawaing administratibo, tama lang na pagsabihan at pungusan at disiplinahin ang iba kahit papaano. Ngunit kung hindi mo maipagkakaloob ang katotohanan at ang alam mo lamang ay magdomina at manermon sa iba, ang iyong katiwalian at kapangitan ay ibubunyag. Sa paglipas ng panahon, habang hindi natatamo ng mga tao ang panustos ng buhay o mga praktikal na bagay mula sa iyo, kamumuhian ka nila at kayayamutan. Yaong mga walang pagkaunawa ay matututo ng mga negatibong bagay mula sa iyo; matututuhan nilang pagsabihan at pungusan ang iba, magalit, at hindi makapagtimpi. Hindi ba’t katumbas iyan ng pag-akay sa iba tungo sa landas ni Pablo, sa landas patungo sa kapahamakan? Hindi ba’t masamang gawain iyan? Ang gawain mo ay dapat nakatuon sa pagpapahatid ng katotohanan at sa pagtustos ng buhay sa iba. Kung ang gagawin mo lamang ay pikit-matang pagsabihan at sermunan ang iba nang hindi mo pinag-iisipan, paano pa nila mauunawaan ang katotohanan. Sa paglipas ng panahon, makikita ng mga tao kung sino kang talaga at tatalikuran ka nila. Paano ka makakaasang madala ang iba sa harapan ng Diyos sa ganitong paraan? Paano ito nagiging paggawa ng gawain? Maiwawala mo ang lahat kung patuloy kang gagawa sa ganitong paraan. Ano ba talagang gawain ang inaasam mong maisakatuparan sa ganitong paraan? May ilang lider na walang kakayahang maghatid ng katotohanan para lumutas ng mga probema. Sa halip basta na lamang nilang pikit-matang pinagsasabihan ang iba at ipinangangalandakan ang kanilang kapangyarihan upang katakutan sila at sundin sila—ang ganitong mga tao ay mga huwad na lider at mga anticristo. Yaong mga hindi nagbago ng disposisyon ay walang kakayahang gumanap ng gawain ng simbahan at hindi kayang maglingkod sa Diyos.
Hinango mula sa “Yaon Lamang mga May Katotohanang Realidad ang May Kakayahang Mamuno” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Maraming tao sa Aking likuran ang nag-iimbot sa pagpapala ng katayuan, nagpapakasasa sila sa pagkain, mahilig silang matulog at masusing pinangangalagaan ang laman, palaging natatakot na wala nang pag-asa para sa laman. Hindi nila ginagampanan ang kanilang nararapat na tungkulin sa iglesia, bagkus ay sinasamantala ang iglesia, o kaya ay pinagsasabihan ang kanilang mga kapatiran gamit ang Aking mga salita, pinaghaharian ang iba mula sa mga posisyon ng awtoridad. Palaging sinasabi ng mga taong ito na ginagawa nila ang kalooban ng Diyos at palaging sinasabi na sila ay mga kaniig ng Diyos—hindi ba ito katawa-tawa? Kung ikaw ay may tamang mga intensyon, nguni’t hindi kayang maglingkod ayon sa kalooban ng Diyos, ikaw ay nagpapakahangal; nguni’t kung ang iyong mga intensyon ay hindi tama, at sinasabi mo pa rin na ikaw ay naglilingkod sa Diyos, ikaw ay isang taong sumasalungat sa Diyos, at nararapat kang parusahan ng Diyos! Wala Akong simpatya sa mga ganoong tao! Sa bahay ng Diyos, nagsasamantala sila, palaging nag-iimbot sa mga kaginhawahan ng laman, at walang pagsasaalang-alang sa mga interes ng Diyos. Palagi nilang hinahanap kung ano ang mabuti para sa kanila, at hindi nila iniintindi ang kalooban ng Diyos. Hindi nila tinatanggap ang pagsusuri ng Espiritu ng Diyos sa anumang ginagawa nila. Palagi nilang minamaniobra at nililinlang ang kanilang mga kapatiran, at dalawa ang kanilang mukha, tulad ng isang soro sa ubasan, palaging nagnanakaw ng mga ubas at tinatapak-tapakan ang ubasan. Maaari bang maging mga kaniig ng Diyos ang gayong mga tao? Ikaw ba ay angkop na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Hindi ka nagdadala ng pasanin para sa iyong buhay at sa iglesia, ikaw ba ay angkop na tumanggap ng tagubilin ng Diyos? Sino ang mangangahas na magtiwala sa isang katulad mo? Kapag ikaw ay naglilingkod nang ganito, maaari bang mangahas ang Diyos na ipagkatiwala sa iyo ang mas malaking gawain? Hindi ba ito magdudulot ng mga pagkaantala sa gawain?
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos
Kung ang isang taong naglilingkod bilang isang lider ay may kakayahang unawain ang mga salita ng Diyos at may kakayahang unawain ang katotohanan, hindi lamang nila mauunawaan mismo ang mga salita ng Diyos at mapapasok ang realidad ng Kanyang mga salita, kundi magagawa rin nilang magpayo, gumabay, at tumulong sa mga pinamumunuan nila sa pag-unawa sa mga salita ng Diyos at pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ang gayong kakayahan, gayunman, ang mismong bagay na kulang sa mga huwad na lider. Hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, at hindi nila alam kung aling mga kalagayan ang tinutukoy ng mga salita ng Diyos, aling mga kalagayan ang inilalantad ng mga ito kung saan inihahayag ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon, o mga bagay kung saan may lumilitaw na oposisyon sa Diyos at mga hinaing laban sa Diyos, o mga naggaganyak sa tao, at iba pa. Hindi nila kayang sukatin ang mga bagay-bagay laban sa mga salita ng Diyos, at naiintindihan lamang ang ilang salita, panuntunan, at mga kilalang kataga sa mababaw na antas ng Kanyang mga salita. Kapag nakikibahagi sa iba, isinasaulo nila ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at pagkatapos ay ipinaliliwanag ang mababaw na kahulugan ng mga ito. Ang pang-unawa, kaalaman, at pagtanggap ng mga huwad na lider sa mga salita ng Diyos ay limitado lamang dito. Wala silang kakayahang unawain ang mga salita ng Diyos. Nauunawaan lamang nila ang mga pananalita at lalim ng kahulugan na malinaw sa lahat sa literal na antas ng mga salitang ito—at iniisip na naunawaan at naintindihan nila ang Kanyang mga salita dahil dito. Kaya ginagamit din nila ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos para payuhan at “tulungan” ang iba sa pang-araw-araw na buhay, sa paniniwala na sa paraang ito, ginagawa nila ang kanilang gawain, na ginagabayan nila ang mga tao sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ang mga huwad na lider ay madalas magbahagi ng mga salita ng Diyos sa iba at ibinabahagi nila ang mga salita ng Diyos sa kanila sa iba’t ibang paraan, na sinasabi sa kanila na kainin at inumin ang siping ito ng mga salita ng Diyos kapag nahaharap sila sa isang isyu, at ang siping iyon ng mga salita ng Diyos kapag nahaharap sila sa iba pang isyu. Kapag nagkakaroon ng di-pagkakaunawaan ang mga tao tungkol sa Diyos, sinasabi nila, “Tingnan mo, napakalinaw at nauunawaan ang mga salita ng Diyos tungkol dito. Bakit nagkakamali ka pa rin sa pag-unawa sa Diyos? Hindi ba hinihiling sa mga salita ng Diyos na sundin natin ang ganito at ganoon, at hindi ba hinihiling ng mga ito na sundin natin ito at iyon?” Sa ganitong paraan nila tinuturuan ang mga tao kung paano unawain at pasukin ang mga salita ng Diyos. Sa ilalim ng kanilang patnubay, maraming tao ang nagkakaroon ng kakayahang bigkasin ang mga salita ng Diyos at naaalala ang ilan sa mga salita ng Diyos kapag nahaharap sila sa isang isyu. Ngunit gaano man karami ang kanilang basahin at bigkasin, nananatili silang mangmang kung ano ang tinutukoy ng mga salita ng Diyos. Kapag tunay silang naliligalig ng paghihirap, o nagkakaroon ng ilang pagdududa, hindi malutas ang kanilang mga suliranin ng mga salita ng Diyos na kanilang nalalaman at naaalala. Naglalarawan ito ng isang problema: Ang mga salita ng Diyos na nauunawaan nila ay doktrina lamang, walang iba kundi isang uri ng mga panuntunan; hindi realidad ang mga iyon, at hindi katotohanan ang mga iyon. Kaya ang patnubay ng mga huwad na lider sa mga tao sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos ay limitado sa pagtuturo sa kanila ng literal na kahulugan ng Kanyang mga salita; wala itong kakayahang tulutan sila na magkamit ng kaliwanagan mula sa Kanyang mga salita at hindi nito maipaalam sa kanila kung aling mga tiwaling disposisyon ang nasa kanilang kalooban. Ang disposisyon at kakanyahan ay inihahayag sa mga tao tuwing may nangyayari sa kanila, at kung paano malulutas ang mga ito gamit ang mga salita ng Diyos, at kung ano ang kalagayan ng mga tao tuwing nangyayari ang gayong mga bagay sa kanila, at kung paano malulutas ang gayong mga kalagayan, at kung ano ang masasabi ng mga salita ng Diyos tungkol dito, kung ano ang hinihingi ng Kanyang mga salita, kung ano ang mga prinsipyo, at kung ano ang katotohanang naroon—wala silang nauunawaan dito. Ang tanging ginagawa nila ay payuhan ang mga tao: “Kumain at uminom pa ng mga salita ng Diyos. Nasa mga salita ng Diyos ang katotohanan, at kung mas makikinig ka sa Kanyang mga salita, sa paglipas ng panahon ay mauunawaan mo ang katotohanan. Ang mahahalagang bahagi ng mga salita ng Diyos ay mismong ang mga hindi mo nauunawaan, kaya dapat kang higit na magdasal, magsaliksik, makinig, at magbulay-bulay.” Patuloy iyong ipinapayo ng mga huwad na lider. Tuwing nagkakaroon ng anumang problema, iyon din ang sinasabi nila, at pagkatapos, hindi pa rin makilala ng mga tao ang diwa ng problema at hindi pa rin nila alam kung paano isagawa ang mga salita ng Diyos; sumusunod lamang sila sa literal na mga panuntunan at kahulugan ng Kanyang mga salita, ngunit pagdating sa mga katotohanang prinsipyo ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at sa realidad na hinihiling ng katotohanan, hindi nila iyon nauunawaan.
Hinango mula sa “Pagkilala sa mga Huwad na Lider (1)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Ang mga huwad na lider ay hindi kailanman naiintindihan ang diwa ng iba-ibang kalagayan at pagpapamalas na nakikita sa iba’t ibang klase ng mga tao sa iba’t ibang sitwasyon, ni hindi nila malutas kailanman ang mga problemang nagmumula rito. Dahil hindi nila maunawaan ang katotohanan, nagkakamali sila sa pagtukoy sa mga tao at nagiging tampalasan, nakikita ang mga panandaliang nanghihina o negatibo paminsan-minsan bilang mga taksil, bilang mga gumaganap nang hindi tapat sa kanilang tungkulin, at bilang mga walang pananampalataya; samantala, ang mga walang pananampalataya na walang masyadong talento, na kakaunti at simpleng trabaho ang kayang gawin at hindi masyadong nagsisikap ang binibigyan nila ng malaking suporta at sinisikap na panatilihin sa iglesia. Hindi ba katampalasanan ito? At paano nangyayari na nagiging tampalasan ang mga huwad na lider? Wala silang kakayahang maintindihan ang mga salita ng Diyos at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, kaya kapag sumasapit sa kanila ang iba-ibang bagay, ginagamit nila ang kaunti at napakababaw na katotohanang nauunawaan nila, at habang patuloy nilang sinisikap na gamitin iyon, nauuwi lamang sila sa panggagambala at panggugulo. Maraming beses, hindi lamang nila hindi nalulutas ang mga paghihirap ng mga tao sa pagpasok sa buhay, kundi bigo rin silang iangat ang mga tao mula sa kahinaan tungo sa kalakasan, sa halip ay nagiging dahilan sila para ang ilan na may tunay na pananampalataya at paniniwala ay gumugol para sa Diyos para manghina at magkamali tungkol sa Kanya, samantalang ang mga walang pananampalatayang walang hangaring gampanan ang kanilang tungkulin sa bahay ng Diyos ay nagkakamali sa pag-unawa na sinasamantala sila ng bahay ng Diyos, at pinipilit silang maglingkod, na para bang walang sinumang may talento sa bahay ng Diyos at imposibleng makatagpo ng sinumang naaangkop. Gayon ang epekto ng gawain ng mga huwad na lider. Paano nangyayari ang lahat ng ito? Nangyayari ito dahil hindi nila maintindihan ang katotohanan at kaya lamang nilang alalahanin ang pormal na mga salita at parirala. Sila mismo ay walang tunay na karanasan, kaalaman, o pagpapahalaga sa katotohanan, at sa huli, kapag naharap sila sa isang problema, nagagawa lamang nilang gayahin ang ilang salita: “Mahalin ang Diyos, maging tapat, sumunod at magpasakop kapag may nangyari sa iyo, gampanang mabuti ang iyong tungkulin; kailangan kang maging matapat, kailangan mong talikuran ang laman, kailangan mong gugulin ang iyong sarili para sa Diyos!” Ginagamit nila ang mga hungkag na kilalang mga kataga para pagyamanin ang sarili nilang buhay—umaasa ring impluwensyahan ang iba. Ngunit ano ang epekto nito? Walang nagbago. Kaya hindi magtatagumpay ang mga huwad na lider pagdating sa paglutas sa mga paghihirap ng mga tao sa pagpasok sa buhay. Hindi nila malutas ang napakaraming problemang nakakaharap ng mga tao.
Hinango mula sa “Pagkilala sa mga Huwad na Lider (1)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Madalas magsabi ang mga huwad na lider ng mga bagay na tila tama sa tingin, upang lituhin at iligaw ng landas ang mga tao, na may negatibong epekto sa pagpasok ng mga taong iyon sa buhay. Humahantong din ito sa ilang kalalabasan na hindi dapat mangyari kailanman. Ang tinatawag ng mga huwad na lider na mga espirituwal na kasabihan at paraan ng pagpapahayag ay maaaring tawaging mga erehiya at kamalian. Hindi nito pinagmumukhang may anumang mali sa kanila, ngunit talagang nagsisilbing mga balakid, gambala, at kalituhan ang mga ito sa pagpasok ng mga tao sa buhay at sa landas na kanilang tinatahak. Nagiging dahilan pa ang mga ito na magkaroon ng maling pagkaunawa sa Diyos at ng mga pagdududa at paglaban sa mga salita ng Diyos ang ilang tao. Ito ang mga epekto ng mga salita ng mga huwad na lider sa mga tao. Ginagamit ng mga huwad na lider ang gayong mga erehiya at kamalian para gabayan ang iba, kaya sa mismong oras na sumusunod ang mga taong ito sa Diyos, palagi silang nagsasanhi ng mga kuru-kuro, depensa, at pagdududa tungkol sa Kanya. Kaya, sa ilalim ng kalituhan at impluwensya ng mga huwad na lider, natatatag ang isang bagong relihiyon. Ang ganitong uri ng bagong relihiyon ay kagaya lamang ng Kristiyanismo 2,000 taon na ang nakararaan, na naninindigan lamang sa mga salita at turo ng tao, tulad ng mga turo ni Pablo o ng iba pang disipulo, nang hindi sumusunod sa sariling paraan ng Diyos. Nakakaligaw ang ginagawa ng mga huwad na lider, at nakakahadlang sila sa mga taong tumatahak sa normal at wastong landas ng paghahanap sa katotohanan. Pinipilit nilang iligaw ng landas ang mga tao sa paghahanap sa katotohanan patungo sa isang landas na mukhang espirituwal kahit hindi; tinuturuan nila silang manampalataya sa paraan ng relihiyon. Kapag ang mga tao ay nililito, pinamumunuan, at ginagabayan ng mga huwad na lider, palagi silang nakakaisip ng mga teorya, kasabihan, kilos, o pananaw na walang kinalaman sa katotohanan, bagama’t mukhang ganap na tama sila. Ang mga bagay na ito ay lubos na salungat at lubos na walang kaugnayan sa katotohanan. Ngunit sa ilalim ng patnubay ng mga huwad na lider, itinuturing ng lahat ang mga bagay na ito bilang katotohanan at lahat sila ay nagkakamaling paniwalaan na katotohanan talaga ang mga ito. Iniisip nila na basta’t mahusay magsalita ang isang tao at may paniniwala sa kanilang puso at nagsasabing may pananampalataya sila, natamo na ng taong iyon ang katotohanan. Iniligaw ng mga ideya at pananaw na ito, hindi lamang nagiging bigo ang mga tao na pumasok sa katotohanang realidad, o pumasok sa mga salita ng Diyos, o isagawa ang mga ito, o mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, kundi sa halip ay lalo pang napapalayo sa mga salita ng Diyos sa huli. Tila ginagawa nila ang lahat alinsunod sa mga salita ng Diyos, ngunit ang tinatawag na mga salitang ito ng Diyos ay walang anumang kaugnayan sa mga ipinagagawa ng Diyos at sa Kanyang kalooban. Walang kinalaman ang mga ito sa mga katotohanang prinsipyo. Kung gayon, saan sila may kinalaman? Sa mga turo ng mga huwad na lider, mga layon ng mga huwad na lider, at sariling personal na mga hangarin at pang-unawa ng mga huwad na lider na iyon. Inihahatid ng paraan ng kanilang pamumuno ang mas maraming tao sa mga relihiyosong ritwal at mahihigpit na panuntunan, sa titik lamang ng doktrina, tungo sa kaalaman at pilosopiya. Bagama’t, taliwas sa mga anticristo, hindi inihahatid ng mga huwad na lider ang iba sa harap nila o sa harap ni Satanas, natatangay pa rin ng mga erehiya at kamaliang ito ang puso ng mga tao. Kapag ang mga tao, na naging kontrolado ng mga erehiya at kamaliang ito, ay nagkamaling maniwala na natamo na nila ang buhay, nagiging lubos at ganap na mga kaaway sila ng katotohanan, ng mga salita ng Diyos, at ng mga hinihingi ng Diyos.
Hinango mula sa “Pagkilala sa mga Huwad na Lider (2)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Ang mga huwad na lider ay hindi kailanman ibinabahagi ang mga katotohanang prinsipyo, ni hindi nila hinahanap kailanman ang mga katotohanang prinsipyo; hindi sila nakakaunawa subalit nagkukunwari silang nakakaunawa, hindi sila nakakaintindi subalit nagkukunwari silang nakakaintindi. Kitang-kitang wala silang kakayahang isagawa ang gawain ng pamumuno, hindi nila naiintindihan ang mga espirituwal na bagay, mababaw ang pagkaunawa nila sa katotohanan, at wala silang kakayahang matamo ang tayog na kailangan para maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo—subalit nagkukunwari pa rin silang nakakaunawa, nagkukunwari silang nakakaintindi. Kadalasan kapag gumagawa sila, namumuno sila nang pikit-mata o sumusunod na lamang sa mga panuntunan; sa tingin ay mukha silang abala, subalit walang epekto ang kanilang gawain na nararapat banggitin. Dahil hindi nauunawaan ng mga huwad na lider na ito ang mga katotohanang prinsipyo, at kadalasan ay sumusunod lamang sa mga panuntunan at umaasa sa mga kuru-kuro at imahinasyon, humahantong ito sa di-kasiya-siyang progreso at walang makabuluhang mga resulta sa iba-ibang proyektong pananagutan nila; karamihan sa mga tao sa ilalim ng kanilang pamumuno ay hindi nauunawaan ang kalooban ng Diyos o ang mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin sa gawain. Ang tanging bagay na nauunawaan ng karamihan ng nasa ilalim ng kanilang pamumuno ay, “Kailangan nating isaisip ang kalooban ng Diyos,” “Kailangang maging tapat tayo sa pagsasagawa ng ating tungkulin,” “Kailangan nating malaman kung paano manalangin kapag may nangyari sa atin,” “Kailangan nating hanapin ang mga katotohanang prinsipyo kapag may nangyari sa atin.” Madalas isigaw ng mga tao ang mga mantra at doktrinang ito, subalit wala sila ni katiting na pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo. Maraming tao ang nagdarasal kapag naharap sa ilang insidente, at nagsisikap na maging tapat sa pagsasagawa ng kanilang tungkulin—ngunit ano ang kailangan nilang gawin para talagang maging tapat? Paano sila dapat manalangin para talagang maunawaan ang kalooban ng Diyos? Kapag naharap sila sa isang isyu, paano sila nararapat magsaliksik para maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo? Kapag naharap sa gayong mga tanong, wala silang maisagot. Tinatanong nila ang lider, at sinasabi ng lider, “Kapag may nangyari sa iyo, gumugol ng mas maraming panahon sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, dagdagan pa ang pananalangin, mas makibahagi, at gumamit ng internet para magsaliksik.” Sinasabi nila, “Kaya, ano ang prinsipyo rito?” “Hanapin ito online at malalaman ninyo. Walang sinasabi sa mga salita ng Diyos tungkol sa mga bagay na nauukol sa propesyonal na trabaho, at hindi ko rin nauunawaan ang mga ito. Kung nais ninyong makaunawa, hanapin ito online—huwag ako ang tanungin ninyo. Inaakay ko kayo sa pag-unawa sa katotohanan, hindi sa mga bagay na nauukol sa propesyonal na trabaho.” Gayon ang mga mga salitang ginagamit ng mga huwad na lider para makaiwas. At ano ang resulta? Bagama’t karamihan sa mga tao ay may marubdob na pagnanasang gampanan ang kanilang tungkulin, hindi nila alam kung paano kumilos ayon sa prinsipyo, at hindi nila alam kung paano gampanan ang kanilang tungkulin nang maayos ayon sa prinsipyo. Kaya para mahusgahan ang mga resulta ng iba-ibang proyekto ng gawain na isinasagawa ng mga huwad na lider, karamihan sa mga tao ay umaasa sa kahusayan, pinag-aralan, at dati nang natutuhang mga kasanayan sa pagsasagawa ng kanilang gawain; hindi alam ng mga taong ito kung ano ang partikular na mga hinihingi ng Diyos, ano ang kailangan nilang gawin para magkamit ng patotoo sa Diyos, ano ang kailangan nilang gawin para mapadali ang gawain ng pagpapatotoo sa Diyos, paano akitin ang pansin ng mas maraming tao, paano mang-akit ng higit na interes, ano ang kailangan nilang gawin para ang bawat aytem ng propesyonal na gawain ay maging mas katangi-tangi, mas uliran, mas maingat, upang makahikayat ito ng paghanga at hindi magdulot ng kahihiyan sa Diyos. Bakit ganito ito? Ang sagot ay tuwirang nauugnay sa gawain ng mga huwad na lider; ang tuwirang dahilan ay hindi alam ng mga huwad na lider kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, hindi nila alam kung anong mga prinsipyo ang nauunawaan at sinusunod ng mga tao. Sila mismo ay walang alam tungkol sa gayong mga bagay, ni hindi nila kailanman inakay ang mga tao sa pagsasaliksik ng mga salita ng Diyos o tuwirang naghanap mula sa Itaas. Madalas itong humahantong sa mga sitwasyon kung saan kailangang uliting gawin ang iba-ibang aytem ng gawain. Hindi lamang nito sinasayang ang pinansyal at materyal na pinagkukunan, kundi sinasayang din nito ang maraming lakas at panahon ng mga tao. Ang ganitong klase ng sitwasyon at ang epektong dulot ng gayong gawain ay tuwirang nauugnay sa gawain ng mga huwad na lider; may tuwirang kaugnayan ito sa paraan ng paggawa ng mga huwad na lider at sa kanilang pamumuno. Bagama’t hindi masasabi na naghuhuramentado ang mga huwad na lider, tama lamang sabihin na sa maraming sitwasyon, ang gawaing kanilang ginagawa ay salungat sa mga prinsipyo at pamantayang hinihingi ng Diyos. Ang sitwasyon pa nga ay dahil hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo at wala silang kakayahan na malinaw na ibahagi ang mga katotohanang prinsipyo sa iba, kundi sa halip ay ginagamit nila ang pamamaraang laissez-faire, binibigyan ng kalayaan ang mga tao na gawin ang gusto nila, hindi halatang humahantong ito sa kawalang-kakayahan ng maraming tao na tapusin ang gawain ayon sa itinatag na mga pamantayan kapag ginagampanan nila ang isang tungkuling nauugnay sa propesyonal na gawain. Humantong na rin ito sa paggawa ng iba-ibang mga tao ng anumang gusto nila, ginagawa ang anuman na mahusay nilang nagagawa, at iniisip na maaari nilang gawin ang mga bagay ayon sa iniisip nilang akma. Gayon ang sitwasyon at kalagayang nangyayari sa gawain, subalit walang magagawa ang mga huwad na lider tungkol dito. Sa isang banda wala silang kapangyarihan, at sa kabilang banda, bilang resulta ng kamangmangan, pagkainutil, kawalan ng espirituwal na pang-unawa, at maling espirituwalidad, naililigaw nila ang mga tao sa pag-iisip na tamang kumilos sa ganitong paraan, na kailangan lamang nila ng pagnanasa, na sa bahay ng Diyos, magagamit ng sinuman ang kanilang mga kalakasan sa anumang paraang nais nila basta’t ang pakay ay para magpatotoo sa Diyos at gampanan ang kanilang tungkulin. Gayon ang saloobin at pamamaraan ng mga huwad na lider hinggil sa mga katotohanang prinsipyo na kailangang maunawaan para sa iba-ibang tungkulin, at gayon ang paraan ng kanilang paggawa.
Hinango mula sa “Pagkilala sa mga Huwad na Lider (3)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Ang mga huwad na lider ay hindi kailanman inaalam sa sarili nila o sinusubaybayan ang talagang sitwasyon ng mga superbisor ng grupo, ni hindi nila inaalam sa kanilang sarili, sinusubaybayan, o tinatangkang maintindihan ang sitwasyon hinggil sa pagpasok sa buhay, gayundin ang saloobin sa gawain at tungkulin at ang iba-ibang saloobin sa Diyos at paniniwala sa Diyos, ng mga superbisor ng grupo at mga kawaning responsable sa mahalagang gawain; hindi inaalam ng mga huwad na lider sa kanilang sarili ang tungkol sa kanilang mga pagbabago, ang kanilang progreso, o ang iba-ibang isyung lumilitaw habang nasa kanilang gawain, lalo na ang iba-ibang sitwasyong lumalabas at nag-iimpluwensya, gumagambala, at nakakasira sa kanilang gawain sa bawat panahon at yugto ng gawain. Kung hindi nila maunawaan ang gayong mga bagay, hindi nila malulutas kaagad ang mga ito—at kung hindi nila malulutas kaagad ang mga ito, hindi nila malulunasan kaagad ang negatibong impluwensya at kasiraang nagawa ng mga superbisor sa gawain. Kaya sa bagay na ito, hindi natupad ng mga huwad na lider ang kanilang responsibilidad. Ang hindi pagtupad sa kanilang mga responsibilidad ay kapabayaan sa tungkulin; hindi nila isinasagawa ang kanilang tungkuling pangasiwaan ang iba, alamin ang iba pa tungkol sa kanila, lubos na unawain ang kanilang sitwasyon at subaybayan sila. May kapangyarihan ang Diyos na siyasatin ang puso ng tao; ang tao ay wala. Dahil dito, kailangang magsikap pang lalo ang tao, hindi siya dapat maging tamad, at kailangan niyang tapusin kaagad ang gawain. Maliwanag na ang kabiguan ng huwad na lider na tuparin ang kanilang responsibilidad kapag isinasagawa ang gawaing ito ay isang malaking kapabayaan sa tungkulin, na humantong na sa pagpapakita ng ilang superbisor ng iba-ibang problema at pananatili sa kanilang posisyon sa kabila ng kawalan ng kakayahan, na humahantong sa huli sa paulit-ulit na pagkaantala sa gawain, gayundin sa lahat ng uri ng isyung nananaig at nananatiling hindi nalulutas. Ito ang mga problemang resulta ng hindi pag-alam ng tungkol sa mga superbisor at pagsubaybay sa kanila ng mga huwad na lider. May mga isyu kung maaaring nakagagawa ng kapabayaan ang mga superbisor, at kung gumagawa sila ng praktikal na gawain o hindi. Patungkol sa mga isyung ito, dahil ang mga huwad na lider ay hindi nagsisiyasat, hindi inaalam kadalasan kung ano ang nangyayari sa kanilang mga tauhan, at hindi naiintindihan ang kasalukuyang sitwasyon, wala silang alam kung gaano kahusay gumawa ang mga superbisor, ano ang nagagawa nilang progreso, at kung gumagawa sila ng praktikal na gawain o basta sumisigaw ng mga mantra at gumagamit ng ilang mababaw na kababalaghan para pamahalaan ang Itaas nang hindi nag-iisip. Kapag natanong tungkol sa gawain ng ilang superbisor at kung anong partikular na gawain ang ginagawa nila, ang sagot nila, “Hindi ko alam—ano’t anuman, wala na silang ibang binabanggit kapag kinakausap ko sila tungkol sa gawain.” Ito ang lawak ng kaalaman ng mga huwad na lider; mali ang paniniwala nila na kung hindi nagpabaya ang superbisor sa kanilang mga responsibilidad at palagi silang matatawagan, ito ay isang praktikal na pagpapamalas ng katotohanan na walang anumang problema sa kanila. Ganito gumawa ang mga huwad na lider; tanda ba ito ng pagiging huwad? Nabibigo ba sila o hindi sa pagtupad sa kanilang responsibilidad? Ito ay isang malaking kapabayaan sa tungkulin.
Hinango mula sa “Pagkilala sa mga Huwad na Lider (3)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Matapos isigaw ang kanilang mga slogan, matapos ilabas ang kanilang mga utos, ang pangunahing katangian ng gawain ng mga huwad na lider ay naghuhugas na lang sila ng mga kamay tungkol sa bagay na iyon. Wala silang itinatanong tungkol sa sumunod na pag-unlad ng proyekto; hindi nila itinatanong kung nagkaroon ng anumang mga problema, abnormalidad, o paghihirap. Itinuturing nila iyong tapos na matapos nilang ipasa iyon. Sa katunayan, ang pagsubaybay sa pagsulong ng isang proyekto ay isang bagay na magagawa ng mga lider. Kahit lubos na baguhan ka sa mga bagay na ito—kahit wala kang anumang kaalaman tungkol dito—maisasagawa mo ang gayong gawain; humanap ng isang taong may kaalaman, na nauunawaan ang gawaing pinag-uusapan, na suriin ang sitwasyon at magbigay ng mga mungkahi. Mula sa kanilang mga mungkahi matutukoy mo ang angkop na mga prinsipyo, kaya magagawa mong subaybayan ang gawain. Pamilyar ka man o hindi, o nauunawaan mo man o hindi, ang uri ng gawaing pinag-uusapan, kailangan mong panguluhan man lang ito, subaybayan ito, mag-usisa at magtanung-tanong para malaman mo ang pagsulong nito. Kailangan mong magkaroon ng pagkaintindi tungkol sa gayong mga bagay; ito ang responsibilidad mo, ang bahaging kailangan mong gampanan. Ang hindi pagsubaybay sa gawain—ang paghuhugas mo ng mga kamay rito—ay mga kilos ng mga huwad na lider. Ang hindi paggawa ng partikular na hakbang para subaybayan ang partikular na mga aspeto ng gawain—ang kawalan ng pagkaunawa at pagkaintindi tungkol sa partikular na pagsulong ng mga partikular na aspeto ng gawain—ay nagpapakita rin ng pagiging isang huwad na lider.
Dahil hindi nauunawaan ng mga huwad na lider ang kalagayan ng pagsulong ng gawain, madalas itong humantong sa paulit-ulit na mga pagkaantala. Sa ilang gawain, dahil hindi naiintindihan ng mga tao ang mga prinsipyo at, bukod pa riyan, walang sinumang angkop na mangulo rito, ang mga nagsasagawa ng gawain ay kadalasang negatibo, walang ginagawa, at naghihintay, na lubhang nakakaapekto sa pagsulong ng gawain. Kung, una sa lahat, natupad ng lider ang kanyang mga responsibilidad—kung siya ang namahala, nagsulong sa gawain, kung minadali niya ang mga ito, at nakahanap sila ng isang taong nakakaunawa sa ganitong uri ng gawain para magbigay ng patnubay, sumulong sana nang mas mabilis ang gawain kaysa magdanas ng paulit-ulit na mga pagkaantala. Kung gayon, para sa mga lider, mahalagang maunawaan at maintindihan ang totoong sitwasyon ng gawain. Siyempre, lubhang kinakailangan na maunawaan at maintindihan ng mga lider kung paano sumusulong ang gawain—sapagkat ang pagsulong ay nauugnay sa kahusayan ng gawain at mga resulta na nilalayong makamtan ng gawaing ito. Kung ang isang lider ay walang pagkaintindi kung paano sumusulong ang gawain, masasabi na, kadalasan, magiging mabagal at walang nagagawang pag-unlad ang gawain. Karamihan sa mga taong abala sa pagganap sa kanilang tungkulin ay gagawa nang mabagal at sa pasibong paraan kapag walang presensya ng isang taong may nadaramang bigat ng pasanin at may kaunting kakayahan sa ganoong uri ng gawain, isang taong mag-uudyok sa kanila na magpatuloy, mamamahala at magbibigay ng patnubay. Ganito rin ang nangyayari kapag walang kritisismo, disiplina, pagtatabas o pakikiharap. Napakahalaga na magpanatili ang mga lider at manggagawa ng napapanahong pagkaintindi at pag-unawa sa pagsulong ng kanilang gawain, sapagkat ang mga tao ay tamad, at kapag hindi pumapatnubay, nag-uudyok, at sumusubaybay ang mga lider, kung walang mga lider na may napapanahong pag-unawa sa pagsulong ng gawain, malamang na manghina ang mga tao, tamarin, hindi mag-isip—kung ganito ang paraan ng kanilang paggawa, ang pagsulong at pagiging epektibo ay lubhang maaapektuhan. Dahil sa mga sitwasyong ito, ang mga lider at manggagawa ay dapat subaybayan kaagad ang bawat aspeto ng gawain at manatiling may alam tungkol sa sitwasyon hinggil sa mga kawani at sa gawain. Siyempre, walang ingat at walang malasakit ang mga huwad na lider sa gawaing ito; wala silang kakayahang akuhin ang responsibilidad. Kaya nga, pagdating sa kasalukuyang kalagayan o pagsulong ng gawain, ang mga huwad na lider ay palaging “hinahangaan ang mga bulaklak mula sa likod ng isang tumatakbong kabayo”; wala silang ingat at walang malasakit, at gumagawa rin nang hindi nag-isip; sumasambit sila ng malalalim at hungkag na mga salita, nangangaral ng doktrina, at nagpapatangay lamang sa agos ng mga pangyayari. Sa pangkalahatan, ito ang paraan ng paggawa ng mga huwad na lider. Para maikumpara sila sa mga anticristo, bagama’t wala silang ginagawang napakasama at hindi sila sadyang masasama, hindi ba masahol pa sa masama ang kanilang saloobin sa gawain? Bagama’t hindi mailalarawan na likas na masama ang kanilang gawain, patas lang na sabihin na mula sa pananaw ng pagiging epektibo, likas itong walang ingat at walang interes, walang anumang nadaramang anumang bigat ng pasanin; wala silang katapatan sa kanilang gawain.
Hinango mula sa “Pagkilala sa mga Huwad na Lider (4)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Pagdating sa kasalukuyang sitwasyon at pagsulong ng kanilang gawain, hindi kailanman nagpupunta ang mga huwad na lider sa lugar ng gawain para malaman nila mismo at masubaybayan ang totoong sitwasyon sa mismong lugar ng gawain o subukang maintindihan nang maayos ang partikular na mga detalye, upang maaari nilang matukoy at malutas kaagad ang mga isyu at maitama ang mga nakaligtaan at abnormalidad na maaaring nangyari sa gawain. Ang tanging ginagawa nila hinggil sa totoong nilalaman ng gawain ay sumigaw ng mga slogan at magpadala sa agos ng mga sitwasyon. Sa lahat ng proyekto, ang pagbabahagi nila tungkol sa gawain ay hindi makikita sa lugar ng gawain. Hindi sila kailanman nakikita na nagsisikap na lumutas ng partikular na mga problema o nagpapakita ng kakayahang matukoy ang mga partikular na isyu o abnormalidad sa gawain, lalo nang hindi kaagad tinutugunan, itinatama, o nilulunasan ang mga isyu, abnormalidad, at mga nakaligtaan na maaaring nangyari sa gawain. Gayon ang iba-ibang uri ng isyu na nangyayari sa gawain ng mga huwad na lider. Bagama’t ang mga huwad na lider ay hindi sadyang nakikialam o nanggagambala, bagama’t hindi nila sinusubukang lumikha ng sarili nilang kaharian, bagama’t hindi sila lubhang kumikilos na parang mga diktador o nagpapakita ng ilang kilos o pag-uugali na nauugnay sa mga anticristo, at bagama’t hindi sila itinuturing na mga anticristo, magkagayunman, ang pagkatao at iba-ibang kilos ng mga huwad na lider ay nagdudulot ng malaking gulo at hadlang sa kanilang gawain, na nakakaapekto sa pagsulong, kahusayan, at pagiging epektibo. Ang walang-katapusang mga problema ay palaging tampok sa gawain ng mga huwad na lider, mga problemang hindi kailanman nalulutas. Anumang uri ng gawain ang kanilang ginagawa, ang tungkulin ng mga huwad na lider ay walang iba kundi magsagawa ng isang palabas, sumigaw ng mga slogan at mangaral ng doktrina; para silang mga loudspeaker ng pampublikong balita sa mga nayon ng China, na nag-aanunsyo lamang sa mga masa, at wala nang iba pa. Ito lamang ang klase ng gawaing kaya nilang gawin. Ang mga huwad na lider na ito ay ganap na walang alam tungkol sa ginagawa ng mga nasasakupan nila, kung gaano sila kahusay sa paggawa nito at marami pang ibang gayong mga tanong na nauugnay sa partikular na mga detalye. Wala silang hangaring alamin ito, makibahagi sa mga bagay na ito, lubos na makihalubilo sa mga karaniwang tao, alamin nang husto kung ano ang totoong nangyayari sa mismong lugar ng gawain, upang malaman ang iba pa at maintindihan ang partikular na pagsulong at partikular na mga pag-unlad ng bawat aspeto ng gawain. Kaya nga, bagama’t ang mga taong nasa kategorya ng mga huwad na lider ay hindi nagsisikap na magtatag ng sarili nilang kaharian o sadyang makialam at manggambala sa panahon na sila ay lider, magkagayunman mula sa isang walang kinikilingang pananaw, nagsasanhi sila ng mga pagkaantala sa gawain at sa pagsulong nito; hindi nila magampanan ang tungkuling dapat gampanan ng isang lider, hindi nila kayang maging tapat o responsable, ni hindi nila kayang maghatid ng patnubay at pag-uudyok sa gawaing dapat nilang panagutan upang magpatuloy nang maayos ang gawain sa bawat yugto. Patas bang sabihin na ang mga nasa kategorya ng mga huwad na lider ay walang katapatan o hindi makadama ng bigat ng pasanin? Sadya man silang umiiwas sa kanilang gawain o talagang wala silang kakayahang gawin ito, kapag nasabi at nagawa na ang lahat, negatibo ang kanilang epekto sa bahay ng Diyos; nagsasanhi sila ng mga pagkaantala at hinahadlangan nila ang pagsulong nito, hinahadlangan nila ang mga solusyon sa mga problemang nangyayari sa oras ng gawain at nagiging isang balakid sila sa maayos na pag-unlad ng gawain. Kaya, hindi rin nauunawaan ng mga taong kasali sa gawain ang mga katotohanang prinsipyo; isa rin itong problemang hindi nalulutas sa panahon ng gawain na pananagutan ng huwad na lider.
Hinango mula sa “Pagkilala sa mga Huwad na Lider (4)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Samantalang isinasagawa ang iba-ibang aspeto ng gawain, totoong maraming isyu, abnormalidad, at nakaligtaan na kailangang lutasin, itama, at lunasan ng mga huwad na lider—ngunit, dahil wala silang madamang bigat ng pasanin, dahil magagampanan lamang nila ang bahagi ng isang opisyal ng pamahalaan at hindi nila ginagawa ang tunay na gawain, dahil dito ay nagsasanhi sila ng nakapipinsalang gulo, kaya nawawalan ng pagkakaisa ang ilang grupo, at minamaliit ng mga miyembro ng grupo ang isa’t isa, naghihinala at nag-iingat sila sa isa’t isa, at nagiging maingat pa nga sila sa bahay ng Diyos. Kapag nahaharap ang mga huwad na lider sa ganitong sitwasyon, hindi sila nagsasagawa ng anumang partikular na gawain. Ang kanilang gawain ay nananatiling paralisado, at kahit bahagya ay hindi nasasaktan ang mga huwad na lider na ang kanilang gawain ay nalubog sa isang kalagayang halos nakakasira; hindi nila maantig ang kanilang sarili na gawin ang anumang totoong gawain, at sa halip ay naghihintay na magpababa ng mga utos ang Itaas na nagsasabi kung ano ang kanilang gagawin at hindi gagawin, na para bang ang kanilang gawain ay ginagawa lamang para sa Itaas—at kung ang Itaas ay walang ipinararating na partikular na mga kinakailangan, walang ibinibigay na partikular na mga utos o tagubilin, wala silang ginagawa, kahit nakakakita sila ng isang bagay na kailangang gawin. O, kung ang Itaas ay nagbibigay lamang ng mga prinsipyo, mayroon silang mas maganda pang dahilan para hindi kumilos. Ano ang mga huwad na lider? Bilang pagbubuod, wala silang ginagawang partikular na gawain, hindi sila nakikibahagi sa partikular na gawain, wala silang kakayahang tukuyin o lutasin ang partikular na mga problema, hindi nila kayang magbigay ng tamang patnubay, tulong, at probisyon para sa partikular na gawain upang magtatag ng mga pamantayan para sa direksyon at mga prinsipyo ng gawain, at lalo nang hindi nila kayang maging aktibo sa paggawa ng partikular na mga kahilingan at magmungkahi ng partikular na mga plano para sa pagpapatupad ng partikular na gawain; Ang ginagawa lamang nila ay dumalo sa mga pagtitipon, sumigaw ng mga slogan, at gumala nang walang direksyon; hindi nila isinasagawa, ni hindi nila kayang isagawa, ang gawaing ipinagbilin sa kanila ng bahay ng Diyos at ang mga responsibilidad na dapat nilang tuparin. Ito ang isang huwad na lider.
Hinango mula sa “Pagkilala sa mga Huwad na Lider (4)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Sa loob ng saklaw ng gawain kung saan mga huwad na lider ang responsable, madalas na napipigilan ang ilang taong tunay na naghahanap sa katotohanan at angkop na itaas ang ranggo at linangin. Ang ilan sa mga taong ito ay nagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang ilan sa kanila ay ginagawang tagaluto. Ang totoo, kaya nilang gumawa ng gawain, bagama’t maaaring hindi nila ito ipinakikita—subalit hindi ito nakikita ng isang huwad na lider, at hindi niya kinakausap o tinatanong ang mga taong iyon. Samantala, ang mga taong may kaunting espesyal na talento, ang mga mambobola, yaong mga gustong magpakita sa publiko, mahuhusay magsalita, at yaong mga nagnanais ng katungkulan at katayuan ay tumataas ang ranggo, hanggang sa puntong ang mga naglingkod sa lipunan bilang mga pinuno ng nayon at kalihim, at yaong mga tagapamahala sa kumpanya, at yaong mga nag-aral ng pamamahala sa negosyo ay binibigyang lahat ng mahahalagang posisyon. Hindi mahalaga kung tunay na mananampalataya ang mga taong ito o kung hinahanap nila ang katotohanan—saanman responsable sa gawain ang mga huwad na lider, itinataas sila ng ranggo at binibigyan ng mataas na posisyon. Hindi ba kapareho lang ito ng sa lipunan? Sa ilalim ng panunungkulan ng mga huwad na lider, ang masisikap na manggagawang tunay na kayang magtiis ng pagdurusa, na may diwa ng pagiging matuwid, na nagmamahal sa mga positibong bagay, at nararapat, sa totoo lang, na itaas ang ranggo at linangin, subalit hindi naman—halos wala silang pagkakataong magsanay, samantalang yaong mahihina ang kakayahan at masama ang pagkatao, na sabik na kumilos, mahilig magpasikat at walang anumang tunay na talento, ay nag-ookupa ng mahahalagang trabaho at posisyon ng pamamahala sa sambahayan ng Diyos. Dahil dito, marami sa gawain ng sambahayan ng Diyos ang naaantala at hindi sumusulong nang maayos at nang may kahusayan na kinakailangan ng sambahayan ng Diyos, at hindi ito nagagawa ayon sa mga prinsipyo, at nabibigo sa pagpapatupad ng mga kinakailangan ng sambahayan ng Diyos. Ito ang bunga at epektong dulot ng maling pagpili ng mga huwad na lider sa mga taong pagagawain.
Ang mga huwad na lider ay mahihina ang kakayahan, bulag ang mata at puso, at hindi nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, na siya mismo ay napakalaking problema. May isa pa silang mas malubhang problema, na yaong kapag naunawaan at naging bihasa na sila sa ilang titik at salita ng doktrina at kayang sumigaw ng ilang sawikain, inaakala nila na nauunawaan nila ang katotohanang realidad. Anumang gawain ang kanilang ginagawa at sinuman ang pinipili nilang pagawain, hindi sila naghahanap at hindi nila pinag-iisipang mabuti, at hindi sila nakikipagbahagian sa iba, at lalong hindi nila masusing sinusuri ang mga plano sa paggawa at ang mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Tiwalang-tiwala sila, naniniwala na anuman ang iniisip nila ang siyang dapat gawin at anuman ang pinaniniwalaan nila ay tumpak, na lahat iyon ay alinsunod sa mga prinsipyo. Mali rin ang kanilang paniniwala na dahil maraming taon na silang gumagawa, sapat na ang kanilang karanasan sa paglilingkod bilang isang lider sa sambahayan ng Diyos, na alam nila kung paano gumagana at umuunlad ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at na lahat ng ito ay nasa loob ng kanilang puso. Sinusukat nila ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ginagawa ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang karanasan at sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, na nagiging sanhi na maging magulo, maligalig, at walang kaayusan ang gawain ng sambahayan ng Diyos habang sila ay nanunungkulan. Kung, sa loob ng isang grupo, may ilang taong may kakayahan, mga taong kayang magtiis at magsakripisyo at matapat na magsagawa ng kanilang mga tungkulin, maaaring patuloy na maisagawa nang maayos ang gawaing kanilang ginagawa, ngunit wala itong anumang kinalaman sa huwad na lider. At kung saan walang gayong mga tao, walang anumang silbi ang isang huwad na lider sa gawaing ginagawa. Ang isang dahilan ay, hindi pipiliin ng isang huwad na lider ang tamang mga tao para sa gawain, yaong mga sisiguruhin na magpapatuloy ang gawain at uunlad at huhusay; ang isa pang dahilan ay, kung saan may kahinaan sa gawain, hindi sila positibo at maagap na lumalahok o sinasanay ang iba sa mga detalye nito. Sabihin na, halimbawa, para sa ilang grupo ng gawain, ang ilang taong gumagawa ng gawaing iyon ay mga bagong mananampalataya na wala gaanong pundasyon, hindi nauunawaang mabuti ang katotohanan, hindi gaanong pamilyar sa gawain, at hindi gaanong naiintindihan ang mga prinsipyo ng gawain. Dahil bulag, hindi nakikita ng isang huwad na lider ang mga problemang ito. Naniniwala siya na basta’t may gumagawa ng gawain, hindi na mahalaga kung maayos o hindi ang pagkagawa niyon. Hindi niya alam na lahat ng kahinaan sa gawain ay dapat ipagtanong, obserbahan nang madalas, suportahan nang madalas, at maaari pang mangailangan ng kanyang personal na pangangasiwa at paglahok, kanyang personal na payo tungkol sa gawain, at kanyang patuloy na suporta, hanggang sa maunawaan ng mga taong iyon ang katotohanan at magsimula sa tamang landas. Sa tulong lamang ng mga angkop na tagapangasiwa sila maaaring tumigil sa pag-aalala. Subalit hindi ganito gumawa ang mga huwad na lider. Hindi nila nakikita na tungkulin nilang gawin ito, kaya, sa sakop ng kanilang gawain, tinatrato nila ang lahat ng gawain at lahat ng tao na pare-pareho. Hindi sila mas madalas pumunta sa mga lugar kung saan may mga kahinaan sa gawain o kung saan walang sinumang angkop ang namamahala, ni nagbibigay ng payo o nakikilahok nang personal sa mga partikular na gawaing gagawin; at, kung saan may nangangasiwang isang taong angkop at may kakayahang isagawa ang gawain, hindi sila pumupunta at nagsisiyasat o nagbibigay ng patnubay sa gawain, ni personal na lumalahok sa mga detalye ng gawain, at talagang hindi nila sinusubukang tularan ang mga kalakasan ng mga tagapangasiwa roon. Sa madaling sabi, hindi ginagawa ng mga huwad na lider ang mga detalye ng gawain. Naniniwala sila na anuman ang gawain, basta’t nakalugar ang mga tauhan at napili na ang tagapangasiwa, maayos ang lahat. Naniniwala sila na wala silang iba pang gagawin doon at na wala na silang kinalaman doon, na ang kailangan lang nilang gawin ay magtipon ng isang kongregasyon paminsan-minsan at tumawag kung magkaroon ng isyu. Kahit ganito gumawa ang mga huwad na lider, iniisip nila na maganda ang ginagawa nila at labis silang nasisiyahan sa kanilang sarili, iniisip na, “Walang problema sa alinmang programa ng gawain. Nakaayos ang mga tauhan, at nasa lugar ang mga tagapangasiwa. Paano ako naging napakagaling at napakatalino sa gawaing ito?” Hindi ba ito kawalan ng kahihiyan? Napakabulag ng kanilang mata at puso kaya hindi nila makita ang anumang mga dapat gawin at hindi nila mahanap ang anumang mga problema. Sa ilang lugar, tumigil na ang gawain, subalit naroon sila, kuntento, iniisip na ang mga kapatid sa lugar na iyon ay puro bata at mga baguhan, na gagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang may maalab na sigla at na tiyak na magagawa nila nang maayos ang gawain, samantalang, ang totoo, walang anumang nauunawaan at walang magagawang anuman ang mga kabataang iyon. Mayroong mga may kaunting alam tungkol sa ilang gawain, ngunit wala silang nagagawang tama. Wala silang ginagawang may prinsipyo, at kinakailangang itama at ulitin nang walang katapusan ang lahat ng iyon. May malalaking kapintasan sa gawain; at napakaraming bagay na hindi nauunawaan ang mga tauhang ito; at napakaraming prinsipyong kailangang ibahagi sa kanila, napakaraming bagay kung saan kailangan nila ng patnubay, napakaraming problemang kailangang lutasin … at walang anumang makita o mahanap na anumang problema ang isang huwad na lider, subalit iniisip niyang ayos lang siya. Kung gayon, saan nakatuon ang kanyang isipan sa maghapon? Iniisip niya kung paano niya maaaring matamasa, bilang isang may katungkulan, ang mga kaluguran ng katayuan. Ang isang huwad na lider ay walang puso.
Hinango mula sa “Pagkilala sa mga Huwad na Lider (5)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Kapag namumuno ang mga lider at manggagawa sa gawain, kailangan nilang agad na tukuyin at lutasin ang mga problemang lumilitaw sa oras ng gawaing ito, kailangan nilang ibahagi, talakayin, at pagtalunan ang mga problemang nangyayari sa oras ng gawain. Kapag hindi nagkaroon ng anumang mga resulta ang paulit-ulit na pagbabahagi, talakayan, at pagtatalo tungkol sa mga problemang ito, o kapag walang malinaw na makapagsabi kung ano ang tamang gawin, sa halip na palabuin ang mga bagay-bagay, sa gayong mga pagkakataon ay dapat gampanan ng mga lider at manggagawa ang kanilang mga responsibilidad at magmungkahi kaagad ng isang solusyon at paraan ng paglutas sa problema, at dapat din nilang agad na matyagan, ipaalam sa kanilang sarili, at pag-aralan kung paano sumusulong ang mga bagay-bagay. Pagkatapos matukoy ang isang isyung hindi mapagtalunan nang maayos at hindi mapagpasyahan, hindi sila dapat magsayang ng oras na iulat ito at isangguni sa Itaas; hindi sila dapat maghintay o magtangka nang walang prinsipyo na ayusin ang isyu, lalong hindi nila ito dapat ipagpaliban o ipagwalang-bahala. Ganito ba gumawa ang kasalukuyan ninyong mga lider at manggagawa? Dapat silang mag-follow up kaagad, sumubaybay, at manghimok na ipagpatuloy ang gawain, habang tinutukoy ang lahat ng uri ng kontradiksyon at maliliit na problema. Kapag may natuklasan silang malalaking problema, dapat ay naroon mismo ang mga lider at manggagawa, na may tumpak na pagkaunawa at detalyadong pagkaintindi sa buong pangyayari, kung paano iyon nangyari, ang iba’t ibang uri ng mga taong sangkot, at ang mga pananaw ng iba’t ibang uri ng mga tao tungkol sa problema; kailangan din silang lumahok sa pagbabahagi at pagtalakay, at maging sa pagtatalo, tungkol sa mga problemang ito—kailangan nilang lumahok; napakahalaga ng paglahok. Tinutulungan ka ng paglahok na suriin at lutasin ang mga problemang lumilitaw sa gawain. Kung nakikinig ka lamang at hindi lumalahok, kung palagi kang nanonood lamang sa isang tabi, kung palagi kang tagalabas na nagmamasid lamang, at pakiramdam mo ay walang kinalaman sa iyo ang anumang mga problemang lumilitaw sa oras ng gawain, at wala kang pananaw o saloobin sa mga ito, malinaw na isa kang huwad na lider.
Hinango mula sa “Pagkilala sa mga Huwad na Lider (7)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Ang klase ng mga huwad na lider na di-tunay na espirituwal ay naniniwala na ang ibig sabihin ng paggawa ay pangangaral ng mga salita at doktrina, pag-uulit ng mga mantra, paggawa nang wala sa loob, pangangaral ng mga parirala mula sa mga salita ng Diyos; hindi nila alam kung paano talaga gumawa, o kung ano talaga ang mga tungkulin ng mga lider at mga manggagawa, o kung bakit pinipili ng bahay ng Diyos ang isang indibiduwal para maging isang lider o manggagawa, kung anong problema ang nilalayon nitong lutasin. Kaya naman, paano ka man magbahagi tungkol sa kung paano nila dapat harapin ang kanilang gawain, pamahalaan ito, tukuyin ang mga problema rito, at iba pa, hindi nila iniintindi ang alinman dito, at hindi rin nila nauunawaan ang alinman sa naririnig nila. Wala silang kakayahang isagawa ang hinihiling ng bahay ng Diyos sa mga lider at mga manggagawa, at kailanman ay hindi nila magagawa iyon. Hindi nila natutukoy ang lahat ng uri ng problemang may kinalaman sa gawain—mga problema sa tauhan, mga katanungan tungkol sa prinsipyo, mga problemang teknolohikal o propesyonal. Kung kaya, sa ilalim ng pamumuno ng gayong mga di-tunay na espirituwal na tao, tuluy-tuloy ang pagdating ng mga problema sa mga tauhan at iba pang mga problema sa gawain; pati ang mga problemang teknolohikal o propesyonal ay patuloy rin sa pagdating, patuloy na nagpapatung-patong, at habang lalong nagpapatung-patong ang mga iyon, lalong nagkakaroon ng mga problema. Sa saklaw ng mga responsibilidad ng mga huwad na lider na ito, lalong nagiging magulo ang mga usapin tungkol sa mga tauhan at gawain, at pababa nang pababa ang pagsasagawa at bilis ng pagtupad ng gawain. Tungkol naman sa pamamahala sa mga tao, ang mga may ilang kasanayan at magagaling magsalita ay pinahihintulutang mangasiwa—nasusunod ang gusto nila, at nagagawa nilang kontrolin ang gawain, at kontrolin ang mga tao. Ang masasama ay hindi napipigilan, nakokontrol, o nalilinis, at ang ilan na matapat na tumutupad sa kanilang tungkulin ay labis na nababagabag hanggang sa sila ay maging negatibo at mahina, hindi na handang gampanan ang kanilang tungkulin o kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Sila ay nawawalan ng pananampalataya sa kanilang tungkulin, nawawalan ng pananampalataya sa Diyos, at nawawalan ng pananampalataya sa paghahangad sa katotohanan. Ang mga nagtataglay ng mga partikular na kasanayan, mahuhusay sa teknolohiya, ay hindi napakikinabangan nang tama. Nagiging malabo kung sino ang mabuting tao at kung sino ang masamang tao, kung sino ang nagtataglay ng kakayahan at kung sino ang hindi, kung sino ang dapat malinang at kung sino ang hindi—mayroon talagang ganap na kaguluhan. Gayunman, ang mga di-tunay na espirituwal na huwad na lider ay lubos na bulag dito; hindi nila ito makita. Pagdating sa mga problema sa tauhan, anuman ang ibahagi at bigyang-diin ng bahay ng Diyos ukol sa mga prinsipyong dapat sundin tungkol sa kung sino ang dapat linisin, sino ang dapat alisin, sino ang dapat rendahan, at sino ang dapat itaas ang posisyon, hindi nauunawaan, hindi naiintindihan ng mga di-tunay na espirituwal na lider ang kanilang naririnig. Walang dudang pinangangatawanan nila ang sarili nilang di-tunay na espirituwal na mga pananaw. Iniisip ng mga huwad na lider na ito na sa sarili nilang mga paliwanag at pagtuturo, bawat tao ay may papel na dapat gampanan; walang kaguluhan, ang lahat ay maayos, lahat sila ay may pananampalataya, at lahat ay handang tumupad sa kanilang tungkulin. Naniniwala sila na walang sinuman ang natatakot sa bilangguan o sa panganib, dahil ang lahat ay may katatagan na magdusa, at walang gustong maging isang Judas. Iniisip ng mga lider na ito na ang lahat ay tumatakbo nang maayos. Anumang mabigat na problema ang dumating o sinumang masasamang tao ang lumitaw, gaano man kahalata ang problema, hindi nila ito nakikita. Kahit na nakikita nila ito, hindi nila alam na isa itong problema, at kahit na alam pa nila na isa itong problema, hindi nila alam kung paano ito lutasin. Gayundin, lalo pang bulag ang mga di-tunay na espirituwal na lider sa mga katakut-takot na problemang dumarating sa gitna ng gawain na salungat sa mga prinsipyo. Sinasabi nila, “Naipahatid ko na ang mga prinisipyo ng gawain na kailangan kong ipahatid, paulit-ulit ko nang ipinayo ang mga iyon, at ipinasulat pa nga ang mga iyon sa mga tao.” Subalit kung ipinahatid nila ang lahat ng ito sa tamang tao, kung tama ang mga puntong ipinahatid nila, alinsunod sa mga prinsipyo, alinsunod sa mga salita ng Diyos, at praktikal—ito ay hindi nila alam. Tungkol naman doon sa butil ng disiplinang ipinangaral nila, anong klaseng mga tao ang masisiyahang unawain ito? Ang mga hangal at mangmang, ang mga walang pinag-aralan, ang mga mahina ang ulo, ang mga hibang, ang mga walang alam. Ang mga taong ito ay naiiwang naguguluhan, naniniwala sila na lahat ng ito ay mga salita ng Diyos, at na walang kahit isa rito ang maaaring maging mali. Ang gayong mga tao lang ang makukuntento sa doktrinang ito. Ang mga di-tunay na espirituwal na lider ay walang kakayahang tukuyin ang mga problemang dumarating sa gitna ng gawain; bulag sila sa mga ito. At syempre, lalo pa silang bulag sa mga bagay na may kinalaman sa teknolohiya o kadalubhasaan—lalong hindi nila kayang maunawaan ang mga bagay na ito.
Hinango mula sa “Pagkilala sa mga Huwad na Lider (8)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Ano ang pangunahing katangian ng mga di-tunay na espirituwal na huwad na lider? Mahusay silang mangaral. Ngunit ang ipinangangaral nila ay hindi ang tunay na daan, at hindi ito ang daan na ipinangaral ng Diyos. Hindi ito ang daan ng katotohanan, ngunit sa halip ay literal na doktrina lang ito. Magaling sila sa pangangaral ng literal na doktrina, magaling lamang sa paggamit sa mga salita at mga teksto ng mga salita ng Diyos, sa pagbigkas man sa mga iyon o pag-iisip sa mga iyon. Sa kabuuan, sila ay masyadong masipag at masikap pagdating sa pangangaral ng doktrina. Sa panlabas, anumang gawin nila ay mukhang may kaugnayan sa katotohanan; tila hindi sila nanggugulo o nakikialam, kumikilos nang hindi tama, o nagsasabi ng maling bagay. Subalit wala silang kakayahang magsagawa ng anumang praktikal na gawain o gampanan ang pinakamaliit na responsibilidad, na sa huli ay nagdudulot sa kanila na mabigong tukuyin ang anumang problema sa gawain. Gumagawa sila na parang mga bulag na tao; sila ay bulag, hindi nila nakikita ang problema, hindi ito natutukoy, kung gayon ay kaya ba nilang agad na iulat ang problema at isagawa ang paghahanap? Talagang hindi. Seryoso ba ang problema ng mga di-tunay na espirituwal na huwad na lider? Ang gayong mga tao ba ay kamuhi-muhi, sila ba ay kasuklam-suklam? (Kasuklam-suklam sila.) Tingin nila sa kanilang sarili ay may espesyal silang kakayahan, na kaya nilang mangaral ng ilang doktrina at magbigkas ng maraming salita ng Diyos, na kaya nilang ibuod nang mabuti at tumpak ang lahat ng aspeto ng mga hinihingi ng Diyos sa mga tao—ngunit hindi nila kayang gumawa ng praktikal na gawain. Ang mga salita at mga doktrinang sinasangkap nila sa kanilang sarili, nauunawaan, at nalalaman ay hindi makatutulong sa kanila na gampanan ang mga tungkulin ng isang lider o manggagawa, lalong hindi makatutulong sa kanila ang mga ito na tuklasin at lutasin ang mga problemang nakakaharap nila sa gawain. Ang ganito bang klase ng lider o manggagawa ay kuwalipikado sa posisyong ito? Malinaw na hindi. Dapat ba ninyong ihalal ang isang di-tunay na espirituwal na huwad na lider na hindi kuwalipikado? (Hindi.) Kung gayon ay nakapaghalal na ba kayo ng gayong mga lider? (Oo.) Inaasahan Kong marami-rami na kayong naihalal. Sinuman ang sumampalataya na sa Diyos sa loob ng maraming taon, nakapagbasa na ng maraming salita ng Diyos, nakinig sa maraming sermon, may marami nang karanasan sa gawain at pangangaral, kayang mangaral nang ilang oras—iniisip ninyong magiging magaling ang ganoong klase ng tao sa gawain. At ang resulta? Matapos silang ihalal, natuklasan ninyo ang isang seryosong problema: Hindi sila mahagilap kahit kailan, palaging nakasara ang kanilang pinto, lumayo na sila sa mga kapatid. Subalit iniisip ng iba, “Ilang taon na siyang mananampalataya, nauunawaan niya ang katotohanan at mayroon siyang pundasyon. Dapat ay mayroon siyang tayog at kakayahang lumutas ng mga problema—kung gayon ay bakit palagi siyang sarado? Ipinakikita nito na malaki ang pinapasan niya! Simula nang mahalal bilang lider, naging tahimik na siya, iba na siyang magsalita, at hindi na siya katulad natin. Ito ang dahilan kung bakit hindi siya masyadong nakikita.” Iyan ba ang palagay ninyo? Ihahalal niyo pa ba ulit ang ganitong klase ng huwad na lider? (Hindi.) Bakit hindi? Ano sa palagay ninyo ang mga bunga ng pagpili ng isang bulag na tao bilang inyong gabay? Magagabayan ka ba ng isang bulag na tao papunta sa isang mabuting landas? Bulag siya, kaya paano ka niya magagabayan? Saan man siya magpunta at ano mang gawain ang gawin niya, kailangan niya ng ibang taong gagabay sa kanya; siya mismo ay walang direksyon o mga layunin, at ang doktrinang nauunawaan niya ay ipinangangaral lang niya para marinig ng iba—wala itong tunay na epekto o halaga. Kung iginagalang mo siya dahil kaya niyang mangaral ng mga salita at doktrina, anong klaseng tao ka? Isa kang bulag, hangal, at mahina ang ulo. Nasisiyahan kang makatagpo ng isang bulag na tao at hinihiling mo sa kanya na ituro ang daan. Kung gayon ay hindi ba’t bulag ka rin? Para saan pa ang mga mata mo? May kasabihan sa mga hindi mananampalataya: ang bulag na umaakay sa bulag. Ang paghahalal sa mga di-tunay na espirituwal bilang mga lider ay ang bulag na umaakay sa bulag.
Hinango mula sa “Pagkilala sa mga Huwad na Lider (8)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Kung tinutulutang maghuramentado sa isang iglesia ang mga anticristo, at binibigyan sila ng kalayaang isigaw ang anumang mga slogan at argumentong nais nila para kontrolin, takutin, linlangin, o ilihis ang mga kapatid, at walang ginagawa ang mga lider, dahil wala silang kakayahang makakilala at maglantad kaagad ng mga anticristong ito at kontrolin sila, kaya namamanipula at nagagambala ng mga anticristo ang mga kapatid kung gusto nila, walang silbi ang mga lider ng iglesiang ito. Kung sinasaway at kinasusuklaman ng mga kapatid ang mga anticristo at masasamang tao sa isang iglesia, kung nakagapos sila sa loob ng iglesia, at nakikilala sila ng lahat kaya hindi umuubra sa iglesia ang kanilang pananalita at hungkag na mga slogan na naglilihis at nanlilinlang sa mga kapatid at sila ay nababantayan, nakakulong, naaabot ng mga lider na ito ng iglesia ang pamantayan; sila ay mga lider na taglay ang katotohanang realidad. Kung ginagambala ng isang anticristo ang isang iglesia, at, matapos matukoy at matanggihan ng mga kapatid, naghihiganti ang anticristo sa pamamagitan ng pang-aapi at pang-aabuso sa mga kapatid, at walang ginagawa ang mga lider ng iglesia, walang silbi ang mga lider ng iglesiang ito, at dapat silang alisin. Bilang mga lider ng isang iglesia, kung wala silang kakayahang lutasin ang mga problema gamit ang katotohanan, kung hindi nila matukoy, makontrol, at malimitahan ang pagkasuwail ng mga anticristo sa iglesia, hindi napoprotektahan ang mga kapatid sa paraan na normal nilang magagampanan ang kanilang mga tungkulin, at hindi nila nagagawang panatilihin ang normal na paggawa ng gawain ng bahay ng Diyos, walang silbi ang mga lider ng iglesiang ito, at dapat silang alisin. Kung takot ang mga lider ng isang iglesia na lapitan o hamunin ang isang anticristo dahil mapaghangad ng masama sa kapwa at malupit ang anticristo, at dahil dito ay natutulutan ang anticristong iyon na maghuramentado sa iglesia, pinagmamalupitan ang iba, ginagawa ang anumang gusto nila, at pinaparalisa at pinatitigil ang karamihan sa gawain ng bahay ng Diyos, walang silbi ang mga lider ng iglesiang ito, at dapat silang alisin. Kung, dahil takot na paghigantihan, hindi kailanman nagkaroon ng lakas ng loob ang mga lider ng isang iglesia na ilantad ang isang anticristo, at hindi sinubukan kailanman na limitahan ang masasamang gawain ng anticristong iyon, at dahil dito ay nagagambala nila ang buhay iglesia, at lubos na nahahadlangan at nasisira ang pagpasok sa buhay ng mga kapatid, walang silbi ang mga lider ng iglesiang ito, at dapat silang alisin.
Hinango mula sa “Ginagawa Lamang Nila ang Kanilang Tungkulin upang Maitangi ang Kanilang mga Sarili at Magatungan ang Kanilang Sariling Mga Kapakanan at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Kapakanan ng Bahay ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Kapakanang Iyon Kapalit ng Personal na Kaluwalhatian (VIII)” sa Paglalantad sa mga Anticristo
Paano mapagpapasyahan kung ginagampanan ng isang lider ang kanilang mga responsibilidad, kung sila ay isang huwad na lider? Ang pinakamahalagang tingnan ay kung kaya nilang gumawa ng praktikal na gawain, at kung taglay nila ang kakayahang ito o hindi. Pangalawa, tingnan kung talagang ginagawa nila ang praktikal na gawaing ito. Huwag pansinin ang mga salitang namumutawi sa kanilang mga bibig, kung gaano nila kabuting nauunawaan ang katotohanan, kung nagtataglay sila ng isang partikular na antas ng kakayahan, katalinuhan, talento, o abilidad kapag isinasakatuparan nila ang mga panlabas na gawain o iba pa—isantabi ang lahat ng iyon, at tingnan lamang kung gumagawa sila ng praktikal na gawain; kung hindi, gaano man sila kagaling, sila ay isang huwad na lider. Sinasabi ng ibang tao, “Ano naman kung gumagawa sila o hindi? Mayroon silang mahusay na kakayahan, at may kasanayan sila; kapag nagtrabaho sila, mas magaling sila sa karamihan ng mga tao. Isa pa, kahit na hindi sila gumagawa ng tunay na gawain, at gumugugol sila ng maraming oras sa pagtambay, hindi sila gumawa ng mali, o gumawa ng kasamaan, o nagdulot ng mga pagkaantala o mga kaguluhan. Hindi sila nagdulot ng anumang kawalan o masamang epekto sa mga kapatid o sa iglesia. Kaya paano mo masasabing sila ay huwad na lider?” Paano ito maipapaliwanag? Sa ngayon, kalimutan mo kung gaano karami ang mga talento mo, kung gaano kahusay ang kakayahan mo, o kung gaano kataas ang pinag-aralan mo; ang mahalaga ay kung gumagawa ka ng praktikal na gawain o hindi, at kung ginagampanan mo ang mga responsibilidad ng isang lider. Sa iyong panahon bilang lider, nakibahagi ka ba sa bawat partikular na bahagi ng gawain na saklaw ng iyong responsibilidad, ilang problema na lumitaw habang nasa trabaho ang mabisa mong nalutas, ilang tao ang nakaunawa sa mga katotohanang prinsipyo dahil sa iyong paggawa, iyong pamumuno, iyong pamamatnubay, gaano karami sa gawain ng bahay ng Diyos ang umusad at sumulong? Ang mga ito ang mahalaga. Kalimutan mo kung ilang mantra ang kaya mong ulitin, ilang mga salita at doktrina ang napaghusayan mo, kalimutan mo kung ilang oras ang ginugugol mo sa mabibigat na gawain araw-araw, kung gaano ka kapagod, at kalimutan mo kung gaano karaming oras ang ginugol mo sa daan, kung ilang iglesia na ang nabisita mo, kung ilang pakikipagsapalaran ang sinuong mo, kung ilang beses kang hindi nakakain—kalimutan mo ang lahat ng ito, at tingnan lang ang mga pagsasakatuparan ng lahat ng gawaing pinananagutan mo. Gaano karaming gawain na saklaw ng hinihiling ng bahay ng Diyos, na pinananagutan mo, ang naipatupad, kayamanang pantao man, administratibo, o may kaugnayan sa propesyonal na gawain; gaano iyon kabuting naipatupad, gaano iyon kabuting nasubaybayan, gaano karaming mga kapabayaan, mga paglihis, mga problema at mga pagkakamaling may kaugnayan sa prinsipyo ang tinulungan mong ituwid at lunasan, gaano karaming problema ang tinulungan mong lutasin, kung nilutas mo ang mga iyon alinsunod sa mga prinsipyo at mga hinihingi ng bahay ng Diyos, at iba pa—ang lahat ng ito ay mga batayan sa pagsusuri kung ginagampanan ng isang lider ang kanilang mga responsibilidad o hindi.
Hinango mula sa “Pagkilala sa mga Huwad na Lider (9)” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.