Ano ang pagkukunwari
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Dahil ang mga Fariseo ay mga ipokrito, lahat ng nakikita at nalalantad sa kanila ay huwad; lahat ito’y pagkukunwari—hindi ito ang kanilang tunay na mukha. Ang kanilang tunay na mukha ay natatago sa loob ng kanilang mga puso; ito’y di-nakikita. Kung hindi hinahabol ng mga tao ang katotohanan, at kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan, ano na ang kinahinatnan ng mga teoryang natamo nila? Hindi ba nagiging mga titik at doktrina ang mga iyon na madalas tukuyin ng mga tao? Ginagamit ng mga tao ang tinatawag na mga tamang doktrinang ito para magbalatkayo at ipakita ang kanilang sarili na napakabuti. Saanman sila magtungo, ang mga bagay na pinag-uusapan nila, ang mga bagay na sinasabi nila, at ang kanilang panlabas na pag-uugali ay pawang mukhang tama at mabuti sa iba; lahat sila ay naaayon sa mga kuru-kuro at panlasa ng tao. Sa paningin ng iba, sila ay kapwa tapat at mapagpakumbaba, may kakayahang magtiyaga at magparaya, at mapagmahal sa iba at sa Diyos. Kaya lamang, ang totoo ay huwad ang lahat ng ito; lahat ay pagkukunwari lamang at isang paraan ng pagpapakita na sila ay mabubuti. Sa tingin, mukha silang matapat sa Diyos, ngunit ang totoo ay gumagawa lamang sila para makita ng iba. Kapag walang nakatingin, hindi sila matapat ni katiting, at lahat ng ginagawa nila ay hindi pinag-isipan. Sa panlabas, tinalikuran na nila ang kanilang pamilya at propesyon, na nagpapakitang nagsusumikap at ginugugol ang kanilang sarili; gayunman, ang totoo ay lihim silang kumikita mula sa iglesia at nagnanakaw ng mga handog! Lahat ng ipinapakita nila—lahat ng kilos nila—ay huwad. Ito ang ibig sabihin ng mapagpaimbabaw na Fariseo. Saan ang mga “Fariseo”—ang mga taong ito nagmumula? Lumilitaw ba sila sa mga hindi mananampalataya? Lahat sila ay lumilitaw sa mga mananampalataya. Bakit nagbabago nang ganyan ang mga mananampalatayang ito? Maaari kayang ang mga salita ng Diyos ang dahilan kaya sila nagkaganyan? (Hindi.) Ano ang dahilan? Ito ay dahil sa landas na kanilang tinahak. Kinasangkapan nila ang mga salita ng Diyos para gamitin nilang sandata; sinasandatahan nila ang kanilang sarili gamit ang mga salitang ito, at tinatratong puhunan ang mga ito para magkaroon sila ng ikabubuhay at makakuha ng isang bagay nang walang kapalit. Nangangaral lamang sila ng mga doktrina, subalit hindi kailanman naisagawa ang mga salitang iyon. Anong uri ng mga tao ang mga patuloy na nangangaral ng mga salita at doktrina kahit hindi nila nasundan ang daan ng Diyos kailanman? Sila ay mga ipokritong Fariseo. Ang kaunting dapat ay mabuting pag-uugali at mabubuting gawi ng pagpapahayag ng kanilang sarili, at ang kaunting naisuko at nagugol nila, ay ganap na sapilitan; puro pagkukunwari ang lahat ng iyon. Ganap na huwad ang mga iyon; lahat ng kilos na iyon ay pagkukunwari. Sa puso ng mga taong ito, wala ni katiting na pagpipitagan sa Diyos, ni wala pa nga silang anumang tunay na pananampalataya sa Diyos. Higit pa riyan, kabilang sila sa mga walang pananampalataya. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, lalakaran nila ang ganitong uri ng landas, at magiging Fariseo sila. Di ba nakakatakot ito?
Hinango mula sa “Anim na Pahiwatig ng Pag-unlad sa Buhay” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Sa Israel, ang “Fariseo” ay parang titulo noon. Bakit ngayon ay isa na itong bansag? Ito ay dahil ang mga Fariseo ay naging kinatawan ng isang klase ng tao. Ano ang mga katangian ng ganitong klase ng tao? Umaawit sila ng mga sawikain, sanay sila sa pagpapanggap, sa paggayak, sa pagtatago ng kanilang tunay na mga sarili, at nagkukunwa sila ng dakilang kamaharlikahan, dakilang kabanalan at katuwiran, dakilang pagkapatas at karangalan. Bunga nito, hindi nila isinasagawa ang katotohanan nang kahit kaunti. Paano sila kumikilos? Nagbabasa sila ng mga kasulatan, nangangaral sila, nagtuturo sila sa kapwa na gumawa ng mabuti, hindi gumawa ng masama, hindi labanan ang Diyos, at kumikilos nang mabuti sa harap ng iba, subalit, kapag nakatalikod ang iba, nagnanakaw sila ng mga alay. Sinabi ng Panginoong Jesus na sila ay “nagsasala ng lamok, at lumulunok ng kamelyo.” Nangangahulugan itong ang lahat ng ikinikilos nila ay tila mabuti sa panlabas—mapagpanggap silang umaawit ng mga sawikain, nagsasalita sila ng tungkol sa mga palalong teorya, at ang kanilang mga salita ay masarap pakinggan, subalit ang mga gawa nila ay magulong karumihan at ganap na laban sa Diyos. Ang mga ikinikilos at panlabas na kaanyuan nila ay pagkukunwaring lahat, panlolokong lahat; sa kanilang mga puso, wala sila kahit kaunting pagmamahal sa katotohanan o sa mga positibong bagay. Kinamumuhian nila ang katotohanan, kinamumuhian nila ang lahat ng nagmumula sa Diyos, at kinamumuhian nila ang mga positibong bagay. Ano ang iniibig nila? Iniibig ba nila ang pagkamakatarungan at pagkamakatuwiran? (Hindi.) Paano mo masasabing hindi nila iniibig ang mga bagay na ito? (Ipinakalat ng Panginoong Jesus ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, na hindi lamang nila tinanggihang tanggapin, kundi kinondena rin.) Kung wala ang kanilang pagkondena, masasabi mo ba? Bago dumating ang Panginoong Jesus upang gumawa ng gawain, ano kaya ang makapagsasabi sa iyong hindi nila inibig ang pagkamakatarungan at pagkamakatuwiran? Hindi mo malalaman, hindi ba? Ang lahat ng asal nila ay pagkukunwari, at ginagamit nila ang pagkukunwaring ito ng mabuting asal upang dayain ang kapwa sa kanilang pagtitiwala. Hindi ba ito pagpapaimbabaw at panlilinlang? Kaya ba ng mga ganitong manlilinlang na mahalin ang katotohanan? Ano ang natatagong layunin ng mabuting asal nilang ito? Isang bahagi ng kanilang layunin ay ang dayain ang kapwa; ang isa pang bahagi ay ang linlangin ang kapwa, upang mahalina ang mga ito sa kanila at sambahin sila, at sa huli, upang makatanggap ng mga gantimpala. Gaano katuso dapat ang mga pamamaraan nila upang magtagumpay sa ganoong kalaking panggagantso? Ang mga ganoong tao ba ay umiibig sa pagkamakatarungan at pagkamakatuwiran, kung gayon? Siyempre hindi. Gustung-gusto nila ang katayuan, gustung-gusto nila ang katanyagan at mabuting kapalaran, at hiling nilang makatanggap ng mga gantimpala. Hindi nila talaga isinasagawa ang mga salita ng pangaral ng Diyos para sa mga tao. Hindi nila isinasabuhay ni ang katiting ng mga ito; gumagamit lang sila ng paggayak at pagbabalatkayo upang lansihin ang mga tao at mahalina ang mga ito, upang mapanatili ang kanilang sariling katayuan at reputasyon. Sa sandaling masiguro na nila ang mga bagay na ito, ginagamit nila ang mga ito upang makakuha ng puhunan at mapagkakakitaan. Hindi ba ito kasuklam-suklam? Makikita sa lahat ng kanilang mga asal na ito na diwa nila ang hindi mahalin ang katotohanan, sapagkat hindi nila kailanman isinagawa ang katotohanan. Ano ang tanda na hindi nila isinasagawa ang katotohanan? Ito ang pinakamalaking tanda: Dumating ang Panginoong Jesus upang gumawa ng gawain at lahat ng sinabi Niya ay tama, lahat ng sinabi Niya ay katotohanan. Paano nila iyon itinuring? (Hindi nila iyon tinanggap.) Hindi ba nila tinanggap ang mga salita ng Panginoong Jesus dahil naniwala silang mali ang mga iyon, o hindi ba nila tinanggap ang mga iyon bagamat batid nilang tama ang mga iyon? (Hindi nila tinanggap ang mga iyon bagamat alam nilang tama iyon.) At ano ang nakapagdulot nito? Hindi nila iniibig ang katotohanan at kinapopootan nila ang mga positibong bagay. Ang lahat ng sinabi ng Panginoong Jesus ay tama, walang anumang mali, at kahit na wala silang mahanap na anumang kamalian sa mga salita ng Panginoong Jesus na magagamit laban sa Kanya, kinondena nila Siya, at pagkatapos ay nagsabwatan sila: “Ipapako Siya sa krus. Siya ang ipapako o kami.” Sa ganitong pamamaraan, kinalaban nila ang Panginoong Jesus. Bagamat hindi sila naniwalang ang Panginoong Jesus ang Panginoon, mabuting tao Siya na hindi sumuway sa legal na batas man o sa mga batas ni Jehova;[a] bakit nila kinokondena ang Panginoong Jesus? Bakit nila pinakitunguhan nang ganoon ang Panginoong Jesus? Makikita kung gaano kasama at kamalisyoso ang mga taong ito—abot sa kasukdulan ang kasamaan nila! Ang masamang mukha na inilantad ng mga Fariseo ay walang pinagkaiba sa kanilang pagbabalatkayo ng kabaitan. Maraming hindi makakakilala kung ano ang kanilang tunay na mukha at alin ang huwad, subalit ang anyo at gawain ng Panginoong Jesus ang nagbunyag ng lahat ng ito. Kung gaano kahusay ang pagkukubli ng mga sarili ng mga Fariseo, kung gaano sila kabait tingnan sa panlabas—kung hindi nabunyag ang mga katotohanan, walang makakakita sa kanila sa kung ano sila.
Hinango mula sa “Ang Pinakamahalagang Bahagi ng Paniniwala sa Diyos ay ang Pagsasagawa ng Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Sa salitang “nagpapanggap,” ang gumagawang bahagi ay ang persona. Kaya’t sa anong persona namumuhunan ang mga anticristo? Sino ang ipinagpapanggap nila? Ang kanilang pagpapanggap, siyempre, ay para sa kapakanan ng katayuan at reputasyon. Hindi ito maihihiwalay sa mga bagay na iyon, o kung hindi ay hindi nila magagawa ang gayong pagpapanggap—walang paraan para magawa nila ang ganoong kahangal na bagay. Sabihin na nga nating ang gayong asal ay itinuturing na kasisi-sisi, kamuhi-muhi at kasuklam-suklam, bakit ginagawa pa rin nila ito? Walang pagdududang may sarili silang mga pakay at motibasyon—may mga sangkot na layunin at motibasyon. Upang makakuha ng katayuan ang mga anticristo sa isipan ng mga tao, dapat maging mataas ang pagtingin ng mga taong ito sa kanila. At paano mapapaisip ng ganoon ang mga tao? Bukod pa sa panggagaya ng ilang pag-uugali at pagpapahayag na, sa mga kuru-kuro ng mga tao, ay pinaniniwalaang mabuti, ginagaya rin ng mga anticristo ang ilang pag-uugali at imahe na pinaniniwalaan ng mga tao na mataas, upang tingalain sila ng iba. Ang madalas na nakakaharap ng mga tao sa mga iglesia ay ilang tao na nagpapanggap na espirituwal, upang isipin ng iba na maraming taon na silang sumasampalataya sa Diyos, at labis na espirituwal. At hindi ba’t naniniwala ang mga tao na kahanga-hanga at dakila ang mga espirituwal na tao? (Oo.) Anumang klase ng tao o anumang klase ng taong ginagaya ng mga anticristo, tiyak na iyon ang klase na sa palagay ng mga tao ay mabuti, at dakila, at marangal, kung hindi ay hindi nila gagayahin ang mga iyon. Magiging mataas ba ang tingin sa kanila ng mga tao kapag nagpanggap silang si Satanas? Kapag nagpanggap sila na isang maton, isang sanggano, isang basagulero, o isang patutot, magiging mataas ba ang tingin sa kanila ng mga tao? (Hindi.) Kapag sinabi nilang isa silang Fariseo o isang Judas, hindi ba’t tatanggihan sila ng mga tao? (Oo.) Ang ganoong mga indibiduwal ay malinaw na itinuturing na negatibo, na masama. Hindi kailanman gagayahin ng mga anticristo ang mga iyon. Kaya sino ang ginagaya nila? Ginagaya nila ang mga taong iniisip ng mga tao na dakila, mabuti, at kahanga-hanga. Una ay ang mga tao sa mga iglesia na maraming taon nang sumasampalataya sa Diyos, na nagtataglay ng espirituwal na karanasan at patotoo, na nakatanggap ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos, nakaranas ng mga tanda at mga kababalaghan, nakakita ng mga dakilang pangitain, at nagkaroon ng ilang pambihirang karanasan; mayroon ding mga taong nagsasabi ng mga walang saysay na bagay kapag kasama ang iba, na kayang magsalita nang dalawa o tatlong oras, o higit pa; mayroong mga taong ang mga paraan, pamamaraan, at prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay ay alinsunod sa mga tuntunin ng iglesia; at pagkatapos ay mayroong mga tao na mukhang malaki ang pananampalataya sa Diyos. Ang mga taong ito ay kilala bilang mga espirituwal na tao. Kung ganoon ay paano nagpapanggap na mga espirituwal na tao ang mga anticristo? Ginagawa lang nila ang parehong mga bagay, upang ituring sila ng mga tao na espirituwal. At kapag ginagawa nila ang mga bagay na ito, nangyayari ba ang mga iyon nang kusa, nang mula sa puso? Hindi. Ang mga anticristo ay nanggagaya lang, sumusunod sa mga tuntunin. At ang ilan sa mga ginagawa nila ay mukhang tamang pag-uugali para sa iba. Halimbawa, mabilis silang manalangin kapag nahaharap sila sa isang problema, pero wala iyon sa loob nila kapag ginagawa nila. Sa katunayan, hindi sila tunay na naghahanap at nananalangin; sinusubukan lang nilang itulak ang mga tao na sabihing mahal nila ang Diyos, at mayroon silang mataas na paggalang sa Diyos, at na bumabaling sila sa panalangin kapag nakahaharap sila ng kung anong problema. Bukod pa roon, gaano man katindi ang karamdaman nila, hindi sila nagpapagamot gayong kailangan o umiinom ng gamot gayong kailangan. Sinasabi ng mga tao, “Kung hindi ka iinom ng gamot ay puwedeng lumala ang karamdaman mo. May panahon para manalangin at may panahon para magpagamot. Kailangan mo lang sundin ang iyong pananampalataya at hindi talikuran ang iyong tungkulin.” Sumasagot sila, “Ayos lang iyon—kasama ko ang Diyos, hindi ako natatakot.” Sa panlabas, nagkukunwari silang kalmado at hindi takot, at puno ng pananampalataya, pero sa loob, takot na takot sila; kapag hindi sila nakikita ng iba, inom sila nang inom ng gamot, at palihim silang sumusugod sa doktor sa sandaling makaramdam sila ng anumang sakit. Kapag nahuli sila ng mga tao na umiinom ng gamot, at tinanong sila kung ano iyon, sinasabi nilang, “Umiinom lang ako ng kaunting bitamina. Binibigyan ako ng lakas ng mga ito, upang hindi ko maantala ang mga bagay-bagay habang ginagampanan ko ang aking tungkulin.” Sinasabi rin nilang, “Ang karamdaman ay isang pagsubok mula sa Diyos. Kapag nabubuhay tayo sa piling ng karamdaman, nagkakasakit tayo; kapag nabubuhay tayo sa piling ng mga salita ng Diyos, nawawala ang karamdaman. Hindi tayo dapat mamuhay sa piling ng karamdaman—kung mamumuhay tayo sa piling ng mga salita ng Diyos, maglalaho ang karamdamang ito.” Ito ang madalas nilang ituro sa mga tao sa panlabas, ginagamit ang mga salita ng Diyos para tulungan ang iba. Ngunit kapag may nangyari sa kanila, palihim nila iyong sinusubukang lutasin sa pamamagitan ng sarili nilang pamamaraan. Sa panlabas, sinasabi pa rin nila: Manalig sa Diyos sa lahat ng bagay, at ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Pero hindi iyon ang totoo nilang ginagawa kapag walang nakakakita. Wala silang tunay na pananampalataya. Kapag nahaharap sila sa isang problema, sa harap ng ibang tao ay nananalangin sila at sinasabi nilang nagpapasakop sila sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, na ang problemang ito ay nagmula sa Diyos, at hindi dapat magreklamo ang mga tao. Samantala, sa kanilang mga puso, iniisip nila: “Dedikadong-dedikado ako at nagsisikap ako sa pagtupad sa aking tungkulin, bakit ako dinapuan ng karamdamang ito? At bakit walang ibang nagkaroon nito?” Hindi sila nangangahas na magsabi ng anumang pagrereklamo, ngunit umuusbong sa kanilang mga puso ang mga pag-aalinlangan sa Diyos; sa palagay nila ay hindi lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama. Ngunit sa panlabas ay ipinakikita nila na walang problema, na sa kabila ng pagkakasakit, tila hindi pa rin sila nahahadlangan ng karamdaman, kaya pa rin nilang gampanan ang kanilang tungkulin, may pananampalataya pa rin sila, at kaya pa rin nilang igugol ang kanilang mga sarili sa Diyos. Kapag sinasabing nagpapanggap sila, naihahayag na kontaminado ang kanilang pag-uugali. Ang pananampalataya at pagsunod ng ganoong tao ay huwad, gayon din ang kanilang katapatan. Walang tunay na pagsunod dito, at walang tunay na pananampalataya, lalong hindi sila tunay na nananalig sa Diyos at ipinagkakatiwala ang mga bagay-bagay sa Kanyang mga kamay. Wala silang pakialam kung ano ang isinaayos ng Diyos, o kung ano ang kalooban ng Diyos; hindi nila sinusuri ang sarili nilang katiwalian, hindi nila sinusuri kung ano ang problema sa kanila, at hindi nila sinusubukang lutasin ang kanilang mga problema, bagkus ay nagpapanggap sa panlabas na walang pumipigil sa kanila, na nagagawa nilang magpasakop, at mayroon silang pananampalataya, at kaya nilang manindigan. Subalit sa kanilang mga puso, iniisip nila, “Dumapo ba sa akin ang karamdamang ito dahil napopoot sa akin ang Diyos? At ngayong napopoot na Siya sa akin, isa ba akong taga-serbisyo? Ginagamit ba ako ng Diyos upang magbigay ng serbisyo? Mayroon pa rin ba akong katapusan? Ginagamit ba ito ng Diyos upang ilantad ako, upang pigilan akong tumupad sa tungkuling ito?” Iyon ang iniisip nila sa kanilang mga puso, habang sa panlabas ay ginagamit nila ang balatkayo ng isang taong espirituwal, sinasabing “Ang mabubuting intensyon ng Diyos ang nasa likod nito,” at hindi nagrereklamo, sa tuwing may nangyayari sa kanila. Hindi sila lantarang nagrereklamo, ngunit nayayanig ang kanilang mga isipan na parang isang maunos na dagat; sabay-sabay na dumarating ang mga reklamo tungkol sa Diyos, at ang mga agam-agam at mga katanungan tungkol sa Diyos. Sa panlabas, palagi nilang binabasa ang mga salita ng Diyos at mabilis sila sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, ngunit sa kanilang mga puso, tinalikuran na nila ang kanilang tungkulin. Hindi ba’t ito ang kahulugan ng pagpapanggap?
Hinango mula sa “Ginagawa Lamang Nila ang Kanilang Tungkulin upang Maitangi ang Kanilang mga Sarili at Magatungan ang Kanilang Sariling Mga Kapakanan at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Kapakanan ng Bahay ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Kapakanang Iyon Kapalit ng Personal na Kaluwalhatian (X)” sa Paglalantad sa mga Anticristo
Anuman ang kinalalagyan, o saanman nila tinutupad ang kanilang tungkulin, nagpapakita ang mga anticristo ng kaanyuan na hindi mahina, na may marubdob na pagmamahal sa Diyos, puno ng pananampalataya sa Diyos, na hindi kailanman naging negatibo, ikinukubli sa iba ang totoong saloobin at ang totoong pananaw na pinanghahawakan nila sa kaibuturan ng kanilang puso patungkol sa katotohanan at sa Diyos. Sa katunayan, sa kaibuturan ng kanilang puso, talaga nga bang pinaniniwalaan nilang makapangyarihan sila sa lahat? Pinaniniwalaan ba talaga nilang wala silang anumang kahinaan? Hindi. Kaya, yamang alam nilang nagtataglay sila ng kahinaan, paghihimagsik, at mga tiwaling disposisyon, bakit sila nagsasalita at umaasal sa harapan ng iba sa ganoong paraan? Malinaw ang kanilang pakay: Ito ay upang protektahan lamang ang kanilang katayuan sa kalipunan at sa harapan ng iba. Naniniwala sila na kung, sa harapan ng iba, sila ay hayagang negatibo, hayagang nagsasalita ng mga bagay na mahihina, nagbubunyag ng paghihimagsik, at nagsasalita tungkol sa pagkakilala nila sa kanilang sarili, kung gayon, isa itong bagay na nakakasira sa kanilang katayuan at reputasyon, isa itong pagkatalo. Mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa sabihin na sila’y mahihina at mga negatibo, at na sila’y hindi perpekto, kundi isang ordinaryong tao lamang. Iniisip nila na kung aaminin nilang mayroon silang tiwaling disposisyon, na sila’y ordinaryong tao, isang maliit at walang-kabuluhang nilalang, kung gayon mawawala ang kanilang katayuan sa isip ng mga tao. Kaya’t anuman ang mangyari, hindi nila kayang bitiwan ang kanilang katayuan, kundi gagawin ang kanilang buong makakaya upang ilagay ito sa kasiguraduhan. Sa tuwing may nakakaharap silang suliranin, humahakbang sila nang pasulong—subalit kapag nakikita nilang maaari silang malantad, na mapaghahalata sila ng mga tao, daglian silang nagtatago. Kung may anumang oportunidad na magbago ng plano, kung may pagkakataon pa silang iparada ang kanilang sarili, nagpapanggap na sila’y eksperto, na alam nila ang tungkol sa bagay na ito, at nauunawaan ito, at kayang lutasin ang suliraning ito, nagmamadali silang sunggaban ang oportunidad na makuha ang pagpapahalaga ng iba, upang ipaalam sa kanila na bihasa sila sa larangang ito. Kapag, sa isang sitwasyon, may nagtanong sa kanila kung ano ang pagkaunawa nila sa isang usapin, at kung ano ang kanilang pananaw, nag-aatubili silang magsalita, at hinahayaan muna nilang magsalita ang lahat. Mayroong dahilan sa kanilang pag-aatubili: Iyon ay hindi dahil wala silang pananaw, kundi dahil natatakot sila na mapahiya dahil sa tuwiran nilang pananalita, o dahil baka may masabi silang isang bagay na walang katwiran o mababaw na hindi sasang-ayunan ng sinuman. Isang dahilan ito. Ang isa pa ay na wala silang pananaw, at hindi nangangahas na magsalita nang basta-basta. Dahil sa dalawang dahilang ito, o marami pang ibang dahilan, umiiwas sila sa pagsasalita at pagpapahayag ng sarili nilang perspektibo, natatakot silang ilantad ang tunay nilang mukha, natatakot silang ihayag ang tunay nilang tayog at tunay na perspektibo, at maapektuhan ang imahe nila sa puso ng mga tao. Kung kaya, kapag ibinabahagi ng mga tao ang kanilang mga perspektibo, saloobin, at pagkaunawa, sinusunggaban nila ang mga pahayag ng isang tao o partikular na mga tao, mga pahayag na mas matalino at mas makatwiran, at inaangkin ang mga iyon, pinagaganda nila iyon at ibinabahagi sa lahat, at sa paggawa nito ay nagtatamo ng mataas na posisyon sa isip ng mga tao. Kapag dumating ang oras para tunay na magpahayag ng isang perspektibo, hindi sila kailanman nagtatapat sa mga tao tungkol sa tunay nilang kalagayan, o pinaaalam sa mga tao kung ano ang tunay nilang iniisip, kung ano ang kakayahan nila, kung ano ang pagkatao nila, kung ano ang kanilang mga kakayahang umunawa, at kung mayroon silang tunay na kaalaman sa katotohanan. Kung kaya, kasabay ng pagyayabang at pagkukunwaring espirituwal, at perpektong tao, ginagawa nila ang kanilang makakaya upang pagtakpan ang tunay nilang mukha at tunay na tayog. Hindi nila kailanman inilalantad sa mga kapatid ang mga kahinaan nila, at hindi nila kailanman kinikilala ang sarili nilang mga kakulangan at mahihinang aspeto; sa halip, ginagawa nila ang makakaya nila para pagtakpan ang mga iyon. Tinatanong sa kanila ng mga tao, “Napakaraming taon ka nang sumasampalataya sa Diyos, kahit kailan ba ay nagkaroon ka ng anumang pag-aalinlangan sa Diyos?” Sumasagot sila, “Hindi.” Tinatanong sila, “Umiyak ka ba nang mamatay ang mga miyembro ng pamilya mo?” Sumasagot sila, “Hindi, hindi ako umiyak kahit kaunti.” Tinatanong sila, “Sumampalataya ka na sa Diyos sa loob ng maraming taon, napakarami mo nang isinuko at labis mo nang iginugol ang iyong sarili, kahit kailan ba ay nagkaroon ka ng mga pagsisisi?” Sumasagot sila, “Hindi.” Tinatanong sila, “Nang walang mag-aalaga sa iyo noong may sakit ka, sumama ba ang loob mo, nangulila ka ba sa tahanan mo?” At sumasagot sila, “Hindi kahit kailan.” Pinalalabas nila na sila ay labis na dedikado, matatag ang loob, kayang magsakripisyo, kayang igugol ang kanilang mga sarili—isang tao na talagang walang kapintasan, na walang kamalian. At ano ang reaksyon nila kapag sinabi mo sa kanila kung ano ang mga kamalian nila, kapag nagtatapat at nagbabahagi ka sa kanila bilang isang normal na kapatid? Ginagawa nila ang makakaya nila para linisin ang kanilang pangalan at pangatwiranan ang kanilang mga sarili, para iligtas ang sitwasyon, para siraan ang sinabi mo, para itulak ka na bawiin iyon at sa huli ay tanggapin mo na wala sa kanila ang problemang ito, at na sila pa rin ang perpekto at espirituwal na taong inaakala ng mga tao. Hindi ba’t pagkukunwari lang ang lahat ng iyon? Ang sinumang nag-iisip na sila ay perpekto at lubos na makapangyarihan ay nagkukunwari lang. Bakit Ko sinasabing nagkukunwari lang sila? Bakit Ko sila nilalahat? Mayroon bang kahit sinong perpekto? Mayroon bang kahit sinong lubos na makapangyarihan? Ano bang ibig sabihin ng “lubos na makapangyarihan?” Ang ibig ba noong sabihin ay makapangyarihan sa lahat? Walang sinuman sa sansinukob na ito ang lubos na makapangyarihan; tanging ang Diyos lang, at tanging ang Diyos lang ang makapangyarihan sa lahat. Kung ganoon ay ano ang mga tao kung sinasabi nilang lubos silang makapangyarihan, at makapangyarihan sa lahat? Sila ang arkanghel, sila ay mga demonyo, at sila ang mga anticristo sa piling ng mga tao. Nagkukunwari ang mga anticristo na sila ay lubos na makapangyarihan, na sila ay perpekto. Kilala ba ng mga anticristo ang kanilang mga sarili? (Hindi.) Hindi nila kilala ang kanilang mga sarili, kaya maaari ba silang magbahagi tungkol sa pagkilala sa kanilang mga sarili? (Ginagawa iyon ng ilang mapagpaimbabaw.) Tama; ang mga taong ito ay nagkukunwaring nagbabahagi tungkol sa pagkilala sa kanilang mga sarili. Kung ganoon ay ano ang pagkakaiba ng pagbabahagi tungkol sa pagkilala sa kanilang mga sarili, at tunay na pagkilala sa sarili? (Nagbabahagi ang mga mapagpaimbabaw tungkol sa pagkilala sa kanilang sarili para tumaas ang tingin sa kanila ng iba, para ipakita ang mabuti nilang aspeto. Ang mga tunay na nakakakilala sa kanilang mga sarili ay ibinabahagi at sinusuri ang kanilang mga tiwaling disposisyon, nagtatamo ng tunay na kaalaman sa kanilang mga sarili at nagagawang magpakita ng ilang partikular na pagsisisi sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos.) Mayroong pagkakaiba. Kapag nagsasalita ang mga anticristo tungkol sa kanilang mga sarili, ipinaliliwanag nila ang kanilang mga sarili at nililinis nila ang kanilang pangalan sa pamamagitan ng mga bagay tungkol sa kanila na alam at nakikita ng lahat, upang isipin ng mga tao na tama sila, at tumaas ang tingin sa kanila, at isipin na kilala nila ang kanilang sarili kahit na walang masyadong mali sa kanila, at na kaya pa rin nilang humarap sa Diyos upang aminin ang kanilang mga pagkakamali at magsisi. Ano ang layunin nila? Ang manlinlang ng mga tao. Hindi nila tunay na sinusuri ang kanilang mga tiwaling disposisyon upang kahit kaunti ay matuto sa kanila ang mga tao. Ano ang epekto kapag ginagamit nila ang pagkilala sa kanilang mga sarili para lalo pang pataasin ang tingin sa kanila ng mga tao? Nanlilinlang sila ng mga tao. Paano ito naging pagkilala sa sarili? Ito ay panlilinlang sa mga tao, paggamit ng kasabihan at pagsasagawa ng pagkilala sa sarili para manlinlang ng mga tao at lalo pang pataasin ang tingin sa kanila ng iba.
Hinango mula sa “Ginagawa Lamang Nila ang Kanilang Tungkulin upang Maitangi ang Kanilang mga Sarili at Magatungan ang Kanilang Sariling Mga Kapakanan at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Kapakanan ng Bahay ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Kapakanang Iyon Kapalit ng Personal na Kaluwalhatian (X)” sa Paglalantad sa mga Anticristo
Pinakamagaling ang mga anticristo sa paglinang ng ilang magagandang pag-uugali at kasabihan, at sa pagsunod sa ilang tuntunin; ito ang kanilang kagalingan. At ang kagalingang ito ay isang bagay na nasa mga buto na nila, ibig sabihin, ito ang diwa nila. Kung saan sila pinakamagaling ay hindi sa positibong paghahangad at adhikain na nasa kaibuturan ng puso ng mga tao, kundi sa mga bagay na mukha lang mabuti at tama sa panlabas; ang kanilang diwa at disposisyon, o kung ano ang nasa kaibuturan ng mga ito, ay ang mismong kabaliktaran ng kanilang panlabas na pag-uugali. Halimbawa, mayroong ilang anticristo na mukhang mabait at mapagpakumbaba sa pakikipag-usap at pakikipag-ugnayan sa iba, na hindi kailanman nagsasabi ng masasakit na bagay, na palaging sinusubukang pag-ingatan ang dignidad ng iba, na hindi naglalantad ng mga pagkukulang ng iba at hindi basta-basta humahatol o kumokondena sa kanila, na mabilis na nag-aabot ng tulong kapag pinanghihinaan ng loob o nanghihina ang mga tao. Tila ba sila ay mabait at may magandang kalooban, isang mabuting tao. Kapag nahihirapan ang mga tao, minsan ay tumutulong sila sa pamamagitan ng mga salita, at minsan ay nagbibigay rin sila ng kaunting lakas; mayroon pa ngang mga pagkakataong tumutulong sila sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaunting pera o mga materyal na bagay. Kung titingnan mula sa labas, mabuti ba ang ganoong pag-uugali? Sa isip ng karamihan ng mga tao, ito ang klase ng taong gusto nilang makasalamuha at makaugnayan; ang ganoong mga tao ay hindi magdudulot ng anumang uri ng banta o abala sa iba, at maaari pa ngang magbigay sa kanila ng tulong—materyal o mental na tulong, o kahit ng uri ng tulong na may kaugnayan sa doktrina sa pagpasok sa buhay, at iba pa. Sa panlabas, ang ganoong mga tao ay walang ginagawang masama, at hindi sila nanggagambala ng iba. Tila nagdadala sila ng pambihirang pagkakasundo sa anumang grupong kinabibilangan nila; sa ilalim ng kanilang pamamahala at pamamagitan, tila masaya ang lahat, nagkakasundo nang mabuti ang mga tao, wala silang mga pag-aaway o mga pagtatalo, at nagtatamasa sila ng magandang relasyon sa isa’t isa. Kapag nandoon sila, iniisip ng lahat kung gaano kabuti ang pagkakasundo nila sa isa’t isa, kung gaano sila kalapit sa isa’t isa. Kapag wala sila, nagsisimulang hindi magkasundo ang ilang tao kapag nagkasama-sama sila, itinatakwil nila ang isa’t isa, at nagiging mainggitin at palaaway sila; ngunit sa sandaling dumating ang anticristo upang mamagitan, tumitigil ang lahat sa pag-aaway. Tila dalubhasa ang mga anticristo sa kanilang gawain, ngunit mayroong isang bagay na malinaw na nagpapakita kung ano ba talaga ang diumano’y kanilang “gawain.” Sa ilalim ng kanilang patnubay at pamumuno, natuto ang mga tao kung paano makisalamuha, kung paano mang-uto at mambola ng iba, kung paano magsabi ng magagandang bagay sa harap nila, kung paano hindi sabihin ang totoo at hindi makasakit ng damdamin ng mga tao. Ano ang ginawa nila sa iglesia? Ginawa nila itong isang grupong panlipunan. Kapag naakay na ng mga anticristo ang mga kapatid sa landas na ito, iniisip nila na karapat-dapat sila sa malaking pagkilala, na nakagawa sila ng isang bagay na tunay na kapuri-puri para sa mga kapatid, isang gawa na napakahalaga, at naging napakalaking tulong sa mga kapatid. Madalas nilang itinuturo sa mga kapatid na maging mapagpakumbaba, na maging pino at elegante sa kanilang pananalita, kung ano ang dapat na postura nila kapag nakaupo o nakatayo, kung saan sila dapat tumingin kapag nagsasalita, at kung paano nila dapat suotin ang kanilang kasuotan. Ang madalas nilang ituro sa mga kapatid ay hindi kung paano unawain ang katotohanan, o kung paano pumasok sa katotohanang realidad. Sa halip, tinuturuan nila sila na kung paano sumunod sa mga tuntunin at kumilos nang maayos. Sa ilalim ng kanilang pagtuturo, ang mga ugnayan sa pagitan ng mga tao ay hindi nakabatay sa katotohanan, o sa mga katotohanang prinsipyo, kundi nakadepende sa isang interpersonal na pilosopiya ng pagiging mabait na tao. Sa panlabas, walang sinuman ang nananakit ng damdamin ng kahit sino, walang sinuman ang nagbabanggit ng mga pagkukulang ng kahit sino. Subalit walang sinuman ang kailanma’y nagsasabi ng tunay nilang iniisip sa kahit kanino, hindi nila binubuksan ang kanilang mga puso upang ibahagi ang sarili nilang katiwalian at pagsuway, at hindi nila ibinabahagi ang sarili nilang mga pagkukulang at paglabag; sa halip, sa isang mababaw na antas, nagdadadaldal sila tungkol sa kung sino ang nagdusa at nagpakasakit, kung sino ang naging tapat sa pagtupad ng kanilang tungkulin, kung sino ang nakapagdulot ng pakinabang sa mga kapatid, kung sino ang nagbibigay ng malalaking kontribusyon sa sambahayan ng Diyos, kung sino ang nakulong at nasentensyahan na—ang mga ito ang mga bagay na sinasabi nila. Hindi lang gumagamit ang mga anticristo ng mabuting pag-uugali—panlabas na pagpapakumbaba, pasensya, pagpaparaya, pagtulong sa mga tao sa lahat ng paraan—upang gumawa ng balatkayo para sa kanilang mga sarili at ikubli ang kanilang mga sarili, kundi kasabay noon ay susubukan din nilang magpakita ng personal na halimbawa na nanghahawa sa iba ng mabuting pag-uugaling ito at nagdudulot sa kanilang tularan ito. Ang layunin sa likod ng mabuting pag-uugaling ito ay walang iba kundi ang itulak ang mga tao na bigyang-pansin sila—kung paano, kapag tinatalakay ng karamihan sa mga tao sa iglesia ang mga sarili nilang tiwaling disposisyon, at kapag may isang tao mula sa mga kapatid ang nakakita ng isa pang tao na mayroong tiwaling disposiyon at nagawang pakitunguhan iyon, ang mga anticristo lang ang may kababaang-loob at mahaba ang pasensya, sila lang ang mapagparaya sa lahat, at hindi nila pinakikitunguhan o tinatabas ang kahit sino, o inilalantad ang mga pagkukulang ng kahit sino, at labis na kasundo nila ang lahat—sila lang ang mabubuting tao sa loob ng iglesia. Ito ang uri ng huwad na pag-uugali na ginagamit ng mga anticristo.
Hinango mula sa “Ginagawa Lamang Nila ang Kanilang Tungkulin upang Maitangi ang Kanilang mga Sarili at Magatungan ang Kanilang Sariling Mga Kapakanan at Ambisyon; Hindi Nila Kailanman Isinasaalang-alang ang mga Kapakanan ng Bahay ng Diyos, at Ipinagkakanulo Pa ang mga Kapakanang Iyon Kapalit ng Personal na Kaluwalhatian (X)” sa Paglalantad sa mga Anticristo
May ilang tao na sinasangkapan lamang ang kanilang mga sarili ng ilang katotohanan para sa panahon ng kagipitan o upang talikuran ang kanilang mga sarili at tulungan ang iba, at hindi upang lutasin ang sarili nilang mga problema; ang tawag natin sa kanila ay “walang pag-iimbot na mga tao.” Itinuturing nila ang iba bilang mga papet ng katotohanan at ang kanilang mga sarili bilang mga dalubhasa ng katotohanan, tinuturuan ang iba na panghawakan ang katotohanan at huwag maging pasibo, habang sila sa kanilang mga sarili ay nanonood sa tabi. Anong uri ng mga tao sila? Sinasangkapan ang kanilang mga sarili ng ilang salita ng katotohanan upang turuan lamang ang iba, habang sila ay walang ginagawa upang hadlangan na makatagpo ang kanilang sariling pagkawasak. Labis na kalunus-lunos ito! Kung ang kanilang mga salita ay makakatulong sa iba, bakit hindi nila matulungan ang kanilang mga sarili? Dapat natin silang tawaging mga ipokrito na walang realidad. Nagtutustos sila ng mga salita ng katotohanan sa iba at hinihiling sa iba na isagawa ang mga iyon, habang sila mismo ay hindi nagsisikap na isagawa ang mga iyon. Hindi ba’t kasuklam-suklam sila? Sila mismo ay malinaw na hindi kayang gawin ito, subalit pinipilit nila ang iba na isagawa ang mga salita ng katotohanan—napakalupit naman ng pamamaraang ito! Hindi sila gumagamit ng realidad para tumulong sa iba; hindi sila gumagamit ng pag-ibig para magtustos sa iba. Nanlilinlang at namiminsala lang sila ng mga tao. Kung magpapatuloy ito, sa pagpapasa ng bawat tao ng mga salita ng katotohanan sa susunod na tao, hindi ba’t hahantong ito sa pagpapahayag lang ng lahat ng salita ng katotohanan habang sila mismo ay hindi kayang isagawa ito? Paano magbabago ang ganoong mga tao? Kahit kaunti ay hindi nila nakikita ang sarili nilang mga problema; paano magkakaroon ng landas pasulong para sa kanila?
Hinango mula sa “Yaong mga Nagmamahal sa Katotohanan ay May Landas Pasulong” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
May pagkahilig ang ilang tao sa pag-akit ng pansin sa kanilang mga sarili. Sa piling ng kanilang mga kapatid, maaari nilang sabihin na may utang na loob sila sa Diyos, ngunit kapag nakatalikod sila, hindi nila isinasagawa ang katotohanan at ganap na iba ang kanilang ikinikilos. Hindi ba sila mga relihiyosong Fariseo? Ang isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos at nagtataglay ng katotohanan ay taong matapat sa Diyos ngunit hindi ito ipinagpapasikat. Ang ganitong tao ay nakahandang isagawa ang katotohanan kapag kinakailangan ng sitwasyon at hindi nagsasalita o kumikilos sa paraang labag sa kanyang konsensya. Nagpapakita siya ng karunungan kapag kinakailangan ng mga bagay-bagay at may prinsipyo siya sa kanyang mga gawa anuman ang kalagayan. Ang taong tulad nito ay kayang tunay na maglingkod. May ilan namang madalas na hanggang salita lamang pagdating sa pagkakautang nila sa Diyos; ginugugol nila ang kanilang mga araw na nakakunot ang noo sa pag-aalala, na nagbabalatkayo, at nagkukunwaring kahabag-habag. Talagang kasuklam-suklam! Kung tatanungin mo sila, “Maaari bang sabihin mo sa akin kung paano ka may utang na loob sa Diyos?” wala silang maisasagot. Kung ikaw ay matapat sa Diyos, huwag mong ipagsabi iyon; bagkus, gamitin mo ang aktwal na pagsasagawa upang ipakita ang iyong pagmamahal sa Diyos, at manalangin ka sa Kanya nang may tapat na puso. Mga mapagpaimbabaw ang lahat ng gumagamit lamang ng salita upang pakitunguhan ang Diyos at gumagawa para lang masabing may nagawa! Ang ilan ay nagsasalita tungkol sa pagkakautang sa Diyos sa bawat panalangin, at nagsisimulang umiyak kapag nananalangin sila, kahit na walang pag-antig ng Banal na Espiritu. Namamayani sa mga taong tulad nito ang mga pangrelihiyong ritwal at kuru-kuro; namumuhay sila ayon sa mga naturang ritwal at kuru-kuro, laging naniniwala na ang mga naturang kilos ay kalugud-lugod sa Diyos, at ang paimbabaw na kabanalan o malulungkot na pagluha ay sinasang-ayunan ng Diyos. Anong kabutihan ang maidudulot ng mga kakatwang taong ito? Upang ipakita ang kanilang pagpapakumbaba, pakunwaring nagpapakita ng kagandahang-loob ang ilan kapag nagsasalita sila sa presensya ng iba. Ang ilan ay sinasadyang maging mapaglingkod sa presensya ng iba, kumikilos na gaya ng isang tupa na walang kahit anong lakas. Naaangkop ba ang ganitong asal sa mga tao ng kaharian? Ang mga tao ng kaharian ay dapat na buhay na buhay at malaya, walang-sala at bukas ang kalooban, tapat at kaibig-ibig, at namumuhay sa kalagayan ng kalayaan. Dapat ay mayroon silang integridad at dignidad, at kaya nilang tumayong saksi saan man sila magpunta; kinalulugdan kapwa ng Diyos at ng tao ang mga ganitong tao. Ang mga baguhan sa pananampalataya ay may napakaraming panlabas na gawi; kailangan muna nilang sumailalim sa isang panahon ng pakikitungo at pagbasag. Ang mga may pananalig sa Diyos sa kanilang mga puso ay hindi kakaiba sa iba sa panlabas, ngunit ang kanilang mga kilos at gawa ay kapuri-puri. Ang mga ganitong tao lamang ang maituturing na nagsasabuhay sa salita ng Diyos. Kung araw-araw kang nangangaral ng ebanghelyo sa iba’t ibang tao sa pagsisikap na madala sila sa kaligtasan, ngunit sa katapusan ay namumuhay ka pa rin sa mga patakaran at doktrina, hindi mo mabibigyan ng luwalhati ang Diyos kung gayon. Ang mga naturang tao ay mga relihiyosong tao, at mga mapagpaimbabaw rin.
Sa tuwing nagtitipun-tipon ang mga naturang relihiyosong tao, maaaring itanong nila, “Kapatid, kumusta ka na sa mga araw na ito?” Maaaring sumagot siya, “Pakiramdam ko ay may utang na loob ako sa Diyos at hindi ko nabibigyang-lugod ang Kanyang kalooban.” Maaaring sabihin ng isa pa, “Pakiramdam ko rin ay may utang na loob ako sa Diyos at hindi ko Siya nabibigyang-kasiyahan.” Sa ilang pangungusap at salitang ito pa lang ay nahahayag na ang kasuklam-suklam na mga bagay na nasa loob nila; ang mga naturang salita ay lubhang nakapandidiri at lubos na kasuklam-suklam. Ang kalikasan ng mga ganitong tao ay sumasalungat sa Diyos. Ang mga nakatuon sa realidad ay ipinapahayag kung anuman ang nasa kanilang mga isip at binubuksan ang kanilang mga puso sa pagbabahagi. Hindi sila nakikibahagi sa isa mang bulaang gawa, walang pinapakitang pagkamagalang o mga hungkag na pakikitungo. Lagi silang prangka at walang mga sinusunod na sekular na patakaran. May mga taong may pagkahilig sa pagkukunwari, maging hanggang sa kawalan ng anumang katuturan. Kapag kumakanta ang isa, nagsisimula silang sumayaw, ni hindi man lang napapansin na sunog na ang kaning nasa kanilang palayok. Ang mga naturang uri ng tao ay hindi maka-Diyos o kagalang-galang, at masyadong mababaw. Ang lahat ng ito ay pagpapakita ng kakulangan ng realidad. Kapag ang ilang tao ay nagbabahagi tungkol sa mga bagay sa espiritwal na buhay, bagaman hindi nila binabanggit ang pagkakautang sa Diyos, pinananatili naman nila ang tunay na pagmamahal sa Kanya sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Ang iyong pagkaramdam ng pagkakautang sa Diyos ay walang kinalaman sa ibang tao; may utang na loob ka sa Diyos, hindi sa sangkatauhan. Kaya anong silbi na parati mo itong binabanggit sa iba? Kailangang bigyan mo ng halaga ang pagpasok sa realidad, hindi ang panlabas na sigasig o pakitang-tao.
Ano ang kinakatawan ng panlabas na mabubuting gawa ng mga tao? Kinakatawan ng mga ito ang laman, at kahit na ang pinakamagagandang panlabas na gawi ay hindi kumakatawan sa buhay; tanging ang iyong sariling indibidwal na pag-uugali ang maipapakita ng mga ito. Hindi kayang tuparin ng mga panlabas na gawi ng tao ang nais ng Diyos. Lagi mong binabanggit ang iyong pagkakautang sa Diyos, ngunit hindi mo kayang tustusan ang buhay ng iba o pukawin sila na mahalin ang Diyos. Naniniwala ka bang ikalulugod ng Diyos ang mga naturang kilos mo? Naniniwala kang nakaayon sa kalooban ng Diyos ang iyong mga kilos, na ang mga ito ay sa espiritu, ngunit ang totoo ay pawang kabaliwan ang mga ito! Naniniwala ka na kung ano ang kasiya-siya sa iyo at kung ano ang nais mong gawin ay iyon ngang mga bagay na nakalulugod sa Diyos. Kaya bang katawanin ng mga kagustuhan mo ang Diyos? Kaya bang katawanin ng karakter ng isang tao ang Diyos? Ang kasiya-siya sa iyo ay iyon ngang kinasusuklaman ng Diyos, at ang iyong mga gawi ay siyang pinandidirihan at inaayawan ng Diyos. Kung pakiramdam mo ay may utang na loob ka, kung gayon ay manalangin ka sa Diyos. Hindi mo kailangang banggitin ito sa iba. Kung hindi ka nananalangin sa Diyos at sa halip ay laging umaakit ng pansin sa iyong sarili sa presensya ng iba, kaya ba nitong bigyang-kaluguran ang kalooban ng Diyos? Kung laging panlabas lamang ang iyong mga kilos, nangangahulugan ito na ikaw ay sukdulan sa pagkahambog. Anong uri ng mga tao silang pakitang-tao lamang ang paggawa ng mabuti at salat sa realidad? Ang mga naturang tao ay mga mapagpaimbabaw na Fariseo at mga relihiyosong tao! Kung hindi ninyo iwawaksi ang inyong mga panlabas na gawi at hindi ninyo kayang gumawa ng mga pagbabago, lalong lalago sa inyo ang mga elemento ng pagpapaimbabaw. Habang mas higit ang mga elemento ng pagpapaimbabaw sa inyo, mas higit ang pagsalungat sa Diyos. Sa katapusan, ang mga naturang tao ay siguradong aalisin!
— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya, Kailangang Magtuon ang Isang Tao sa RealidadAng Pagsali sa mga Pangrelihiyong Ritwal ay Hindi Pananampalataya
Talababa:
a. Wala sa orihinal na teksto ang salitang “ni Jehova.”
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.