e. Ano ang pagsunod sa Diyos at ano ang pagsunod sa tao

Mga Salita ng Diyos Mula sa Bibliya

“Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin” (Juan 10:27).

“At ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Kordero saan man Siya pumaroon” (Pahayag 14:4).

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Ang pinakamahalaga sa pagsunod sa Diyos ay na dapat alinsunod ang lahat sa mga salita ng Diyos ngayon: Maging ikaw man ay naghahangad ng buhay pagpasok o ng katuparan ng kalooban ng Diyos, ang lahat ay dapat nakasentro sa mga salita ng Diyos ngayon. Kung ang iyong pakikipagniig at hinahangad ay hindi nakasentro sa mga salita ng Diyos ngayon, isa kang estranghero sa mga salita ng Diyos, at ganap na nawalan ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang gusto ng Diyos ay ang mga taong sumusunod sa Kanyang mga yapak. Gaano man kahanga-hanga at kadalisay ang naunawaan mo noon, hindi ito gusto ng Diyos, at kung hindi mo magagawang isantabi ang gayong mga bagay, ang mga ito ay magiging napakalaking hadlang sa iyong pagpasok sa hinaharap. Lahat niyaong nagagawang sumunod sa kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu ay mga pinagpala. Sinundan din ng mga tao sa mga kapanahunang lumipas ang mga yapak ng Diyos, ngunit hindi sila nakasunod hanggang sa kasalukuyan; ito ang pagpapala ng mga tao sa mga huling araw. Yaong mga nagagawang sumunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu, at nagagawang sumunod sa mga yapak ng Diyos, na sumusunod sa Diyos saanman Niya sila akayin—ito ang mga tao na pinagpala ng Diyos. Yaong mga hindi sumusunod sa kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi pa nakapasok sa gawain ng mga salita ng Diyos, at gaano man sila gumawa, o gaano man katindi ang kanilang pagdurusa, o gaano man sila magparoo’t parito, walang anuman dito ang may kabuluhan sa Diyos, at hindi Niya sila pupurihin. Sa ngayon, lahat niyaong sumusunod sa kasalukuyang mga salita ng Diyos ay nasa daloy ng Banal na Espiritu; yaong mga estranghero sa mga salita ng Diyos ngayon ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang gayong mga tao ay hindi pupurihin ng Diyos. … Ang “pagsunod sa gawain ng Banal na Espiritu” ay nangangahulugan ng pagkaunawa sa kalooban ng Diyos sa kasalukuyan, ang magawang kumilos alinsunod sa kasalukuyang mga hinihingi ng Diyos, ang magawang sumunod at sundan ang Diyos sa kasalukuyan, at pagpasok alinsunod sa pinakabagong mga pagpapahayag ng Diyos. Tanging ito ang isang tao na sumusunod sa gawain ng Banal na Espiritu at nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang gayong mga tao ay hindi lamang may kakayahan na matanggap ang papuri ng Diyos at makita ang Diyos, kundi malalaman din nila ang disposisyon ng Diyos mula sa pinakabagong gawain ng Diyos, at malalaman din ang mga kuru-kuro at pagsuway ng tao, at kalikasan at diwa ng tao, mula sa Kanyang pinakabagong gawain; bukod dito, nagagawa nilang unti-unting matamo ang mga pagbabago sa kanilang disposisyon sa panahon ng kanilang paglilingkod. Ang mga tao lamang na kagaya nito ang nagagawang kamtin ang Diyos, at tunay na nakasumpong na sa tunay na daan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak

Gaano man karami ang iyong mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, at paano ka man kumilos dati ayon sa iyong sariling kalooban at naghimagsik laban sa Diyos, kung lubos mong sinisikap na makamit ang katotohanan, at tatanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at ang matabasan at maiwasto ng mga ito; kung, sa lahat ng isinasaayos Niya ay nagagawa mong sundan ang daan ng Diyos, sundin ang Kanyang mga salita, matutunang alamin ang Kanyang kalooban, magsagawa ayon sa Kanyang mga salita at layunin, at nagagawa mong magpasakop sa pamamagitan ng paghahanap, at kung mabibitiwan mo ang lahat ng iyong sariling kagustuhan, pagnanais, pagsasaalang-alang, layunin, at hindi mo kakalabanin ang Diyos, kung gayon ay sumusunod ka sa Diyos. Maaaring sinasabi mong sinusunod mo ang Diyos, ngunit kung lahat ng ginagawa mo ay ayon sa sarili mong kagustuhan, at may sarili kang mga layon at plano, at hindi mo ipinagpapasa-Diyos ang mga ito, ang Diyos pa rin ba ang iyong Diyos? Hindi, hindi Siya. Kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, kung gayon, kapag sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, hindi ba ito mga walang lamang salita? Ang mga ganitong salita ba ay hindi pagtatangkang lokohin ang mga tao? Maaaring sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, ngunit kung ang lahat ng iyong mga kilos at gawa, ang iyong pananaw sa buhay, at mga prinsipyo, at asal at mga prinsipyo na ginagamit mo sa pagharap at pagdadala sa mga bagay ay nanggaling lahat kay Satanas—kung pinangangasiwaan mo ang lahat ng ito nang ganap na nakaayon sa mga batas at lohika ni Satanas, isa ka bang tagasunod ng Diyos kung gayon? …

… Ang pinakasimpleng paraan para mailarawan ang pananampalataya sa Diyos ay ang magtiwalang mayroong Diyos, at, sa pundasyong ito, ang sundan Siya, sundin Siya, tanggapin ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mga pangangasiwa, at pagsasaayos, pagsunod sa Kanyang mga salita, pamumuhay ayon sa Kanyang mga salita, paggawa ng lahat ayon sa Kanyang mga salita, pagiging isang totoong nilikha, at natatakot sa Kanya at nilalayuan ang kasamaan; ito lamang ang totoong pananampalataya sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos. Kung sinasabi mong sinusunod mo ang Diyos, ngunit, sa iyong puso, hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos, at pinagdududahan mo pa rin ang mga ito, at hindi mo tinatanggap ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mga pangangasiwa, at pagsasaayos, at palagi kang may mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa mga ginagawa Niya, at nagrereklamo ka tungkol dito, palaging hindi nakokontento; at kung palagi mong sinusukat at inuunawa ang ginagawa Niya gamit ang sarili mong mga kuru-kuro at mga haka-haka; at kung palagi kang may mga sariling iniisip at pagkakaunawa—magdudulot ito ng problema. Hindi iyan pagdanas sa gawain ng Diyos, at hindi iyan ang paraan para tunay Siyang masunod. Hindi ito ang pananampalataya sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsali sa Seremonyang Panrelihiyon

Hindi nagagalak sa katotohanan ang ilang tao, lalo na sa paghatol. Sa halip, nagagalak sila sa kapangyarihan at mga kayamanan; ang mga taong ganoon ay tinatawag na mga mapaghanap ng kapangyarihan. Hinahanap lamang nila ang mga denominasyon sa mundo na may impluwensya, at hinahanap lamang nila ang mga pastor at mga gurong galing sa mga seminaryo. Bagaman tinanggap na nila ang daan ng katotohanan, hindi sila lubos na naniniwala; wala silang kakayahang ibigay ang lahat ng puso at isip nila, ang mga bibig nila ay bumibigkas ng mga salita ng paggugol ng mga sarili nila para sa Diyos, ngunit ang kanilang mga mata ay nakatuon sa mga dakilang pastor at guro, at hindi nila binibigyan si Cristo ng karagdagang pansin. Nakatuon ang kanilang mga puso sa katanyagan, kayamanan, at karangalan. Hindi sila naniniwalang ang isang ganoon kaliit na tao ay may kakayahang lupigin ang napakarami, na ang isang hindi kapansin-pansin ay mapeperpekto ang tao. Iniisip nilang imposibleng ang mga hamak na kasama ng alikabok at mga tambak ng dumi ay ang mga taong hinirang ng Diyos. Naniniwala silang kung ang gayong mga tao ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos, ang langit at lupa ay mababaliktad, at ang lahat ng tao ay tatawa nang tatawa. Naniniwala silang kung pinili ng Diyos ang gayong mga hamak upang perpektuhin, kung gayon ang mga dakilang taong iyon ay magiging Diyos Mismo. Ang mga pananaw nila ay may bahid ng kawalan ng paniniwala; higit pa sa hindi paniniwala, sila ay mga hibang na hayop lamang. Sapagkat pinahahalagahan lamang nila ang katayuan, katanyagan, at kapangyarihan, at pinahahalagahan lamang nila ang malalaking grupo at denominasyon. Wala silang ni katiting na pagmamalasakit para sa mga inakay ni Cristo; sila ay mga taksil lamang na tumalikod kay Cristo, sa katotohanan, at sa buhay.

Hindi ang pagpapakumbaba ni Cristo ang hinahangaan mo, kundi ang mga huwad na pastol na may bantog na katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, kundi iyong mahahalay na nakalublob sa karumihan ng mundo. Tinatawanan mo ang pasakit ni Cristo na walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na naghahanap ng mga alay at namumuhay sa kabuktutan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masayang inihahagis ang sarili sa mga bisig ng mga walang habas na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang impluwensya. Gayunpaman patuloy kang nagtataglay ng saloobin na nahihirapan kang paniwalaan ang gawain ni Cristo at mabigat sa kalooban mong tanggapin ito. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong kulang ka sa pananampalataya upang kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nangingibabaw sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at mga kamay. Sa mga puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Wala Siyang halaga sa puso mo magpakailanman, at hindi karapat-dapat sa katakutan magpakailanman. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensya, at malayo sa pagiging napakatayog.

Magkagayunman, sinasabi Kong ang lahat ng hindi nagpapahalaga sa katotohanan ay mga walang pananampalataya at mga taksil sa katotohanan. Ang mga ganoong tao ay hindi kailanman makatatanggap ng pagsang-ayon ni Cristo. Natukoy mo na ba ngayon kung gaano kalaki ang kawalan ng paniniwalang nasa kalooban mo, at kung gaano kalaki ang pagtataksil kay Cristo na mayroon ka? Ikaw ay Aking pinapayuhan nang ganito: Dahil pinili mo na ang daan ng katotohanan, dapat mong ilaan ang sarili mo nang buong puso; huwag maging salawahan o mahina ang loob. Dapat mong maunawaan na ang Diyos ay hindi nabibilang sa mundo o sa sinumang tao, kundi sa lahat ng totoong nananampalataya sa Kanya, sa lahat ng sumasamba sa Kanya, at sa lahat ng nagmamahal at tapat sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?

Anuman ang antas ng isang lider o manggagawa, kung sinasamba ninyo siya dahil sa pagkaunawa sa katiting na katotohanan at sa pagkakaroon ng kaunting kaloob, at naniniwala kang taglay niya ang realidad ng katotohanan at matutulungan ka niya, at kung pinagpipitagan mo siya at umaasa sa kanya sa lahat ng bagay, at sa pamamagitan nito, sinusubukan mong matamo ang kaligtasan, kahangalan at kamangmangan ito. Sa huli, ang lahat ng ito ay mauuwi lang sa wala, dahil ang pinagsimulan mo ay likas na mali. Kahit gaano pa karaming katotohanan ang nauunawaan ng isang tao, walang sinumang makahahalili kay Cristo, at kahit gaano pa kahusay ang isang tao, hindi ibig sabihin nito na taglay niya ang katotohanan—kaya ang mga sumasamba, nagpipitagan, at sumusunod sa mga tao ay palalayasin at kokondenahin lahat sa huli. Ang mga nananalig sa Diyos ay maaari lamang ipagpitagan at sundan ang Diyos. Ang mga lider at manggagawa, anuman ang kanilang ranggo, ay mga karaniwang tao pa rin. Kung itinuturing mo sila bilang mga direktang nakatataas sa iyo, kung sa pakiramdam mo ay nakalalamang sila kaysa sa iyo, na mas magaling sila kaysa sa iyo, at na dapat ka nilang pamunuan, na lagi silang nakatataas sa lahat ng iba pa, mali ka—isa iyong kahibangan. At anong mga kahihinatnan ang idudulot sa iyo ng kahibangang ito? Magiging dahilan ito para sukatin mo ang iyong mga lider laban sa mga hinihingi na hindi naaayon sa realidad, at hindi mo magagawang tratuhin nang tama ang mga problema at pagkukulang na mayroon sila; kasabay nito, nang hindi namamalayan, maaakit ka rin nang lubusan sa kanilang pambihirang katangian, mga kaloob, at mga talento, kaya bago mo pa malaman, sinasamba mo na sila, at sila na ang iyong Diyos. Ang landas na iyon, mula pa nang nagsisimula na silang maging huwaran mo, pakay ng pagsamba mo, hanggang sa maging isa ka sa kanilang mga tagasunod, ang aakay sa iyo palayo sa Diyos nang hindi mo namamalayan. At kahit habang unti-unti kang lumalayo sa Diyos, maniniwala ka pa rin na sumusunod ka sa Diyos, na ikaw ay nasa Kanyang sambahayan, na ikaw ay nasa Kanyang presensya, samantalang ang totoo, natangay ka na pala palayo ng mga kampon ni Satanas, ng mga anticristo. Ni hindi mo ito mararamdaman. Isa itong lubhang mapanganib na kalagayan. Para malutas ang problemang ito, sa isang bahagi, nangangailangan ito ng kakayahang matukoy ang kalikasan at diwa ng mga anticristo, at ng kakayahang mahalata ang pangit na hitsura ng pagkapoot ng mga anticristo sa katotohanan at ng paglaban nila sa Diyos; gayundin, kinakailangang maging pamilyar sa mga madadalas gamiting diskarte ng mga anticristo sa panloloko at panlilinlang ng mga tao, pati na ang paraan kung paano nila ginagawa ang mga bagay-bagay. Ang isa pang bahagi ay na dapat ninyong hangaring malaman ang disposisyon at diwa ng Diyos. Dapat maging malinaw sa inyo na si Cristo lamang ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, na ang pagsamba sa kaninumang tao ay magdudulot sa inyo ng kapahamakan at kasawian. Dapat magtiwala kayo na si Cristo lamang ang makapagliligtas sa mga tao, at dapat ninyong sundan at sundin si Cristo nang may lubos na pananampalataya. Ito lamang ang tamang landas ng pag-iral ng tao. Maaaring sabihin ng ilan: “May mga dahilan ako sa pagsamba sa mga lider—sa puso ko, natural kong sinasamba ang sinumang may talento. Sinasamba ko ang sinumang lider na naaayon sa aking mga kuru-kuro.” Bakit mo ipinipilit na sambahin ang tao bagaman naniniwala ka sa Diyos? Matapos ang lahat, sino ba ang magliligtas sa iyo? Sino ang tunay na nagmamahal sa iyo at nagpoprotekta sa iyo—hindi mo ba talaga nakikita? Kung nananalig ka sa Diyos at sinusundan mo ang Diyos, dapat kang makinig sa Kanyang salita, at kung may nagsasalita at gumagawa nang wasto, at umaayon ito sa mga prinsipyo ng katotohanan, hindi ba’t tama lamang na magpasakop ka sa katotohanan? Bakit napakasama mo? Bakit ka nagpupumilit na humanap ng isang taong sinasamba mo para sundin? Bakit mo ba gustong maging alipin ni Satanas? Bakit hindi ka na lang maging isang lingkod ng katotohanan? Dito, nakikita kung may katinuan at dignidad ang isang tao. Dapat magsimula ka sa sarili mo: Sangkapan mo ang iyong sarili ng lahat ng uri ng katotohanan, magawa mong tukuyin ang sari-saring paraan kung paano naipapamalas ang iba’t ibang bagay at tao, alamin kung ano ang kalikasan ng iba’t ibang pag-uugali ng mga tao at kung anong disposisyon ang ipinapakita nila, matutuhang kilalanin ang pagkakaiba ng mga diwa ng iba’t ibang tao, maging malinaw tungkol sa kung anong uri ng mga tao ang nasa paligid mo, kung anong uri kang tao, at kung anong uri ng tao ang iyong lider. Sa sandaling makita mo ang lahat ng ito nang malinaw, magagawa mo nang pakitunguhan ang mga tao sa tamang paraan, ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan: Kung mga kapatid sila, mahaharap mo sila nang may pagmamahal, at kung hindi naman, didistansya ka at tatalikdan sila. At kung sila ay mga taong nagtataglay ng realidad ng katotohanan, bagama’t maaaring ipinagpipitagan mo sila, hindi mo sila sasambahin. Walang sinumang makahahali kay Cristo; si Cristo lamang ang tunay na Diyos. Kung nakikita mo ang mga bagay na ito nang malinaw, nagtataglay ka ng tayog at malamang na hindi ka maloloko ng mga anticristo, ni hindi mo kailangang matakot na maloko ng mga anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem

Kapag ang isang tao ay nananalig sa Diyos at sumusunod sa Kanya, ang pinakahigit na dapat katakutan ay ang lumayo siya sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan para makilahok sa mga operasyon at proyekto ng tao. Ang gawin iyon ay paglihis papunta sa sariling landas. Halimbawa, sabihin nating naghahalal ang iglesia ng isang lider. Ang alam lang ng lider na ito ay mangaral ng mga salita at doktrina, at tumutuon lamang siya sa sarili niyang katanyagan at katayuan. Wala siyang ginagawang praktikal na gawain. Pero naririnig ninyo na mahusay niyang ipinangangaral ang mga salita at doktrina, at alinsunod sa katotohanan, at tama ang lahat ng sinasabi niya, kaya lubos ninyo siyang hinahangaan at sa tingin ninyo ay mabuti siyang lider. Pinapakinggan ninyo siya sa lahat ng bagay, at sa huli, sinusundan ninyo siya, ganap na nagpapasakop sa kanya. Hindi ba’t nalinlang at nakontrol kayo ng isang huwad na lider kung gayon? At hindi ba’t naging isang grupong panrelihiyon na may huwad na lider sa pamunuan ang iglesiang iyon? Ang mga miyembro ng relihiyosong grupo na may namumunong huwad na lider ay maaaring magpakitang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, pero talaga bang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin? Talaga bang pinaglilingkuran nila ang Diyos? (Hindi.) Kung hindi pinaglilingkuran ng mga taong iyon ang Diyos o ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, mayroon ba silang relasyon sa Diyos? Ang isa bang pangkat na walang relasyon sa Diyos ay nananalig sa Kanya? Sabihin ninyo sa Akin, ang mga tagasunod ba ng isang huwad na lider o ang mga taong nasa ilalim ng kontrol ng isang anticristo ay mayroong gawain ng Banal na Espiritu? Siguradong wala. At bakit wala silang gawain ng Banal na Espiritu? Dahil lumihis sila sa mga salita ng Diyos, at hindi nila sinusunod ang Diyos o sinasamba Siya, kundi pinakikinggan nila ang mga huwad na pastol at anticristo—kinasusuklaman at tinatanggihan sila ng Diyos at hindi na Siya gumagawa ng gawain sa kanila. Lumihis sila sa mga salita ng Diyos at kinasuklaman at tinanggihan na sila ng Diyos, at nawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung ganoon, maliligtas ba sila ng Diyos? (Hindi.) Hindi sila maliligtas, at problema ang ibig sabihin noon. Kaya, gaano man karami ang mga tao sa iglesia na gumaganap sa kanilang mga tungkulin, kung maliligtas ba sila ay lubusang nakadepende kung talaga bang sinusundan nila si Cristo o ang tao, kung tunay ba nilang nararanasan ang gawain ng Diyos at hinahangad ang katotohanan o nakikilahok ba sila sa mga aktibidad na panrelihiyon, sa mga operasyon at proyekto ng tao. Lubha itong nakadepende sa kung kaya ba nilang tanggapin at hangarin ang katotohanan at kung kaya ba nilang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema kapag natutuklasan nila ang mga ito. Ito ang mga bagay na pinakamahalaga. Kung ano ang hinahangad talaga ng mga tao at ang daan na tinatahak nila, tinatanggap man nila talaga ang katotohanan o tinatalikuran ito, nagpapasakop man sila sa Diyos o lumalaban sa Kanya—palaging sinusuri ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Bawat iglesia at bawat indibiduwal ay minamasdan ng Diyos. Gaano man karaming tao ang gumaganap ng isang tungkulin o sumusunod sa Diyos sa isang iglesia, sa sandaling lumayo sila sa mga salita ng Diyos, sa sandaling mawala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu, hindi na nila mararanasan ang gawain ng Diyos, at sa gayon sila—at ang tungkuling ginagampanan nila—ay wala nang koneksyon at wala nang bahagi sa gawain ng Diyos, sa kasong ito ay naging isang relihiyosong grupo na ang iglesiang ito. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang mga kahihinatnan kapag naging relihiyosong grupo ang isang iglesia? Hindi ba ninyo masasabi na nasa malaking panganib ang mga taong ito? Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan kapag nahaharap sa mga problema at hindi sila kumikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, bagkus ay nasa ilalim ng mga pagsasaayos at mga manipulasyon ng mga tao. Marami pa nga ang hindi kailanman nananalangin o naghahanap ng mga katotohanang prinsipyo habang ginagampanan ang kanilang tungkulin; nagtatanong lang sila sa iba at ginagawa ang sinasabi ng iba, kumikilos ayon sa mga hudyat ng iba. Anuman ang ipagawa sa kanila ng ibang tao, iyon ang ginagawa nila. Pakiramdam nila, ang pagdarasal sa Diyos tungkol sa kanilang mga problema at paghahanap ng katotohanan ay malabo at mahirap, kaya naghahanap sila ng isang simple at madaling solusyon. Iniisip nila na ang pag-asa sa iba at paggawa sa sinasabi ng iba ay madali at napakapraktikal, kaya nga ginagawa na lamang nila ang sinasabi ng ibang mga tao, nagtatanong sila sa iba at ginagawa ang sinasabi ng mga ito sa lahat ng bagay. Bunga nito, kahit matapos ang maraming taon ng pananampalataya, kapag sila ay naharap sa isang problema, ni minsan ay hindi sila humaharap sa Diyos, nananalangin at hinahanap ang Kanyang kalooban at ang katotohanan, at pagkatapos ay nagtatamo ng pag-unawa sa katotohanan, at gumagawa at kumikilos alinsunod sa kalooban ng Diyos—hindi pa sila kailanman nagkaroon ng ganoong uri ng karanasan. Ang gayong mga tao ba ay talagang nagsasagawa ng pananampalataya sa Diyos? Nagtataka Ako: Bakit kaya may ilang tao, na kapag nakapasok na sila sa isang grupong panrelihiyon, ay malamang na malamang na sasampalataya sa isang tao pagkatapos manampalataya sa Diyos, mula sa pagsunod sa Diyos tungo sa pagsunod sa tao? Bakit ang bilis nilang nagbago? Bakit, pagkatapos manalig sa Diyos nang napakaraming taon, ay nakikinig at sumusunod pa rin sila sa isang tao sa lahat ng bagay? Napakaraming taon na nilang nananampalataya, pero ni minsan ay hindi nagkaroon ng puwang para sa Diyos ang puso nila. Sa lahat ng ginagawa nila, wala sa mga ito ang may kinalaman sa Diyos kahit minsan, at walang may kinalaman sa Kanyang mga salita. Ang pananalita nila, mga kilos, buhay, mga pakikitungo nila sa iba, pag-asikaso sa mga bagay-bagay, maging ang pagganap nila sa kanilang tungkulin at paglilingkod sa Diyos, at lahat ng kilos at gawa nila, at lahat ng pag-uugali nila, at maging ang bawat saloobin at ideya na ipinapamalas nila–wala sa mga iyon ang may kinalaman sa pananampalataya sa Diyos, o sa Kanyang mga salita. Ang gayong tao ba ay isang taos-pusong mananampalataya sa Diyos? Matutukoy ba ang tayog ng taong iyon sa haba ng panahon ng pananampalataya ng isang tao sa Diyos? Mapapatunayan ba nito na normal ang relasyon niya sa Diyos? Talagang hindi. Ang mahalagang makita kung ang isang tao ay tapat bang nananalig sa Diyos ay ang tingnan kung matatanggap ba niya ang mga salita ng Diyos sa puso niya, at kung kaya ba niyang mamuhay kasama ang Kanyang mga salita at danasin ang Kanyang gawain.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan

Ang pinakamabuting gawin ng mga taong nagsasabi na sumusunod sila sa Diyos ay imulat ang kanilang mga mata at tumingin nang husto upang makita kung sino talaga ang pinaniniwalaan nila: Ang Diyos ba talaga ang pinaniniwalaan mo, o si Satanas? Kung alam mo na hindi ang Diyos ang pinaniniwalaan mo, kundi ang sarili mong mga idolo, ang pinakamabuting gawin ay huwag mong sabihin na isa kang mananampalataya. Kung talagang hindi mo alam kung sino ang iyong pinaniniwalaan, muli, ang pinakamabuting gawin ay huwag mong sabihin na isa kang mananampalataya. Ang pagsasabi niyon ay kalapastanganan! Walang sinumang pumipilit sa iyo na maniwala sa Diyos. Huwag ninyong sabihing naniniwala kayo sa Akin; sawa na Ako sa ganyang pananalita, at ayaw Ko nang marinig iyong muli, dahil ang pinaniniwalaan ninyo ay ang mga idolo sa inyong puso at ang lokal na mga maton sa inyo. Lahat ng umiiling kapag naririnig nila ang katotohanan, na ngumingisi kapag nakakarinig sila ng tungkol sa kamatayan, ay mga supling ni Satanas, at sila yaong aalisin. Marami sa iglesia ang hindi makakilala. Kapag may nangyaring isang bagay na mapanlinlang, bigla silang pumapanig kay Satanas; nasasaktan pa sila kapag tinawag silang mga utusan ni Satanas. Bagama’t maaaring sabihin ng mga tao na hindi sila makakilala, lagi silang nasa panig na walang katotohanan, hindi sila pumapanig sa katotohanan kailanman sa kritikal na panahon, hindi sila tumatayo at nakikipagtalo kailanman para sa katotohanan. Wala ba talaga silang pagkakilala? Bakit bigla silang pumapanig kay Satanas? Bakit hindi sila nagsasabi kailanman ng isang salitang makatarungan o makatwiran para suportahan ang katotohanan? Talaga bang nangyari ang sitwasyong ito dahil sa panandalian nilang kalituhan? Kapag mas kaunting pagkakilala ang meron ang mga tao, mas hindi nila nagagawang pumanig sa katotohanan. Ano ang ipinapakita nito? Hindi ba nito ipinapakita na gustung-gusto ng mga taong walang pagkakilala ang kasamaan? Hindi ba nito ipinapakita na sila ay matatapat na supling ni Satanas? Bakit ba palagi nilang nagagawang pumanig kay Satanas at magsalitang kagaya nito? Bawat salita at gawa nila, ang mga ekspresyon sa kanilang mga mukha, ay sapat na lahat upang patunayan na hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan; sa halip, sila ay mga taong namumuhi sa katotohanan. Sapat nang kaya nilang pumanig kay Satanas upang patunayan na talagang mahal ni Satanas ang walang-kuwentang mga diyablong ito na ginugugol ang kanilang buhay sa pakikipaglaban para sa kapakanan ni Satanas. Hindi ba napakalinaw ng lahat ng katotohanang ito? Kung talagang isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, bakit wala kang malasakit sa mga nagsasagawa ng katotohanan, at bakit ka sumusunod kaagad sa mga hindi nagsasagawa ng katotohanan kapag tiningnan ka nila nang bahagya? Anong klaseng problema ito? Wala Akong pakialam kung may pagkakilala ka o wala. Wala Akong pakialam kung malaki ang naisakripisyo mo. Wala Akong pakialam kung malakas ang mga puwersa mo, at wala Akong pakialam kung isa kang lokal na maton o isang lider na tagadala ng bandila. Kung malakas ang mga puwersa mo, dahil lamang iyon sa tulong ng lakas ni Satanas. Kung mataas ang pagkakilala sa iyo, dahil lamang iyon sa napakarami sa paligid mo ang hindi nagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi ka pa natitiwalag, dahil iyon sa hindi pa panahon para sa gawain ng pagtitiwalag; sa halip, ito ang panahon para sa gawain ng pag-aalis. Hindi kailangang magmadaling itiwalag ka ngayon. Naghihintay lamang Ako sa pagdating ng araw na iyon na maparusahan kita kapag naalis ka na. Sinumang hindi nagsasagawa ng katotohanan ay maaalis!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Isang Mapait na Leksyon Mula sa Pagsunod sa Tao sa Halip na sa Diyos

Kaugnay na mga Himno

Walang Tunay na Pananampalataya kay Cristo ang Tao

Yaong Nananampalataya sa Diyos ngunit Hindi Tinatanggap ang Katotohanan ay Walang Pananampalataya

Sinundan: c. Bakit sinasabi na tinatahak ng lahat ng pastor at nakatatanda sa mga relihiyon ang landas ng mga Pariseo, at ano ang diwa nila

Sumunod: g. Ano ang diwa ng pakikipagkaisa ng mundo ng relihiyon sa CCP para labanan at kondenahin ang Makapangyarihang Diyos, ano ang magiging mga kahihinatnan nito

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito